A. Mga Salita tungkol sa Paghahayag Kung Paano Ginagawang Tiwali ni Satanas ang Sangkatauhan
65. Sina Adan at Eba na nilikha ng Diyos sa pasimula ay mga dalisay na tao, ibig sabihin, habang nasa Hardin ng Eden ay dalisay sila, walang bahid ng karumihan. Sila rin ay tapat kay Jehova, at wala silang alam tungkol sa pagkakanulo kay Jehova. Ito ay dahil hindi sila ginulo ng impluwensiya ni Satanas at wala silang lason ni Satanas. Sila ang pinakadalisay sa buong sangkatauhan. Sila ay namuhay sa Hardin ng Eden, hindi nabahiran ng anumang dumi, hindi naangkin ng laman, at may takot sila kay Jehova. Kalaunan, nang sila ay tinukso ni Satanas, nagkaroon sila ng lason ng ahas, at ng pagnanais na ipagkanulo si Jehova, at namuhay sila sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Sa pasimula, sila ay dalisay at may takot kay Jehova; sa ganitong kalagayan lamang sila tao. Kalaunan, pagkatapos silang tuksuhin ni Satanas, kinain nila ang bunga ng punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, at namuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Unti-unti silang nagawang tiwali ni Satanas, at nawalan sila ng orihinal na wangis ng tao. Sa pasimula, ang tao ay mayroong hininga ni Jehova, walang kahit katiting na pagiging mapaghimagsik, at walang kasamaan sa kanyang puso. Noong panahong iyon, ang tao ay tunay na tao. Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas, ang tao ay naging isang hayop. Ang kanyang mga kaisipan ay napuno ng kasamaan at karumihan, walang kabutihan at kabanalan. Hindi ba’t ito si Satanas?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
66. Mula nang magsimula ang mga agham panlipunan, ang puso ng tao ay sinakop na ng agham at kaalaman. Pagkatapos nito, ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa paghahari sa sangkatauhan, na iniwan ang tao na walang sapat na puwang para sambahin ang Diyos, at na may mas kakaunting mga kondisyon na kapaki-pakinabang para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay bumaba nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung walang puwang para sa Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. Pagkatapos nito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at politiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, ng teorya ng ebolusyon ng tao, at ng iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao, upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga mito at alamat. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwawalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, at nagwawalang-bahala sa pag-iral ng Diyos at sa doktrina na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang pananatiling buhay ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bansa at mga bayan ay hindi na mahalaga sa kanila, at namumuhay ang tao sa isang hungkag na mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang nagkukusang hanapin kung saan ginagawa ngayon ng Diyos ang Kanyang gawain, o hanapin kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay nababawasan nang nababawasan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakasibilisadong bansa ay nagpapahayag ng mga ganitong hinaing. Sapagkat kung wala ang gabay ng Diyos, kahit pa pigain ng mga pinuno at sosyolohista ang mga utak nila para maingatan ang sibilisasyon ng tao, wala itong silbi. Walang tao ang makapupuno sa kahungkagan sa puso ng tao, dahil walang tao ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit pa mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pag-aasam at pagnanais ng tao na tumuklas. Ito ay dahil ang tao ay nilalang ng Diyos at ang mga walang katuturang sakripisyo at pagtuklas ng tao ay magdudulot lamang ng patindi nang patinding pagkabagabag sa tao, at magdulot na ang tao ay palagiang malagay sa pagkabalisa, nang hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang tao ay matakot na sa agham at kaalaman, at lalo nang matakot sa pakiramdam ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansa na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na tuklasin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalo nang wala kang kakayahang takasan ang di-maipaliwanag na pakiramdam ng kahungkagan. Ang gayong mga penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang tao ang maaaring lumitaw upang lutasin ang mga gayong problema.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
67. Ang lupaing ito na marumi na sa loob ng libo-libong taon ay labis na marungis, laganap ang pagdurusa, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan,[1] walang-awang gumagamit ng malulupit na pamamaraan, ang bayang ito ng mga multo ay niyuyurakan at iniiwang nagkalat ang mga patay na katawan dito; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng diyablo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Naghasik na ng gulo ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay hindi mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa kaya nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Mauunawaan kaya nila kahit kailan ang mga usapin ng mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na mga layunin ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga alipores na ito! Sinusuklian nila ng pagkamuhi ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, sumasalakay at nandarambong sila, ganap na silang nawalan ng budhi, sinasalungat nila ang kanilang konsensiya, at dinadaya nila ang walang-muwang na sangkatauhan tungo sa kalutangan ng isip. Anong mga kahalili ng mga sinaunang pantas? Anong minamahal na mga lider? Lahat sila ay mga tampalasan na tumututol sa Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat ng nasa ilalim ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Anong kalayaang panrelihiyon? Anong lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasamaan! Sino ang sumuporta sa gawain ng Diyos? Sino ang nagbuwis na ng kanilang buhay o nag-alay ng dugo para sa gawain ng Diyos? Ang mga tao, na inalipin sa loob ng maraming henerasyon, nang walang patid mula sa mga magulang hanggang sa mga anak, ay walang galang na inalipin ang Diyos—paanong hindi ito magbubunsod ng walang humpay galit? Ang sanlibong taon ng pagkamuhi ay naiipon sa puso, sampung libong panahon ng kasamaan ay nakaukit sa puso—paanong hindi ito pupukaw ng pagkamuhi? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway—tingnan natin ito na magwala at mamuno bilang isang maniniil pagkatapos! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, at ilalaan niya ang lahat ng dugo ng kanyang puso at babayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng diyablong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at maghimagsik laban sa masama at matandang diyablong ito. Bakit hinaharangan ang gawain ng Diyos nang napakahigpit na kahit ang isang patak ay hindi makakalusot? Bakit gumagamit ng mga pakana para lansihin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilan ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Nasaan ang init sa gitna ng mga tao? Nasaan ang pagsalubong sa Kanya sa gitna ng mga tao? Bakit nagdudulot ng gayong katinding pananabik sa Diyos? Bakit pinatatawag ang Diyos nang paulit-ulit? Bakit itinutulak ang Diyos hanggang sa puntong kailangan Niyang mag-alala sa Kanyang minamahal na Anak? Ang madilim na lipunang ito at ang mga kaawa-awang asong-bantay—bakit hindi nila hinahayaan ang Diyos na malayang pumarito at umalis sa mundong nilikha Niya? Bakit ang tao, na namumuhay sa gitna ng pagdurusa, ay hindi nakakaunawa? Alang-alang sa inyo, nagtiis na ang Diyos ng matinding pasakit, sa nakasasakit na dalamhati ay ibinigay Niya ang Kanyang minamahal na Anak, ang Kanyang laman at dugo, para ipagkaloob Siya sa inyo—kaya bakit nagbubulag-bulagan pa rin kayo? Kitang-kita ng lahat, tinatanggihan ninyo ang pagdating ng Diyos, at tinatanggihan ang pakikipagkaibigan ng Diyos. Bakit napakawalang-konsensiya ninyo? Handa ba kayong magtiis ng kawalang-katarungan sa madilim na lipunang tulad nito? Bakit, sa halip na pinupuno ninyo ang inyong tiyan ng sanlibong taon ng pagkamuhi, pinapalamnan ninyo ang inyong mga sarili ng “dumi” ng hari ng mga diyablo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)
Mga Talababa:
1. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.
2. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga pamamaraan kung saan lubhang pinipinsala ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at kontrolado nang labis ang mga tao na wala na silang makilusan.
68. Mula itaas hanggang ibaba at mula simula hanggang wakas, ginugulo na ni Satanas ang gawain ng Diyos at kumikilos laban sa Kanya. Lahat ng ito tungkol sa “sinaunang pamanang kultura,” mahalagang “kaalaman tungkol sa sinaunang kultura,” “mga turo ng Taoism at Confucianism,” at “Confucian classics at mga seremonyang pyudal” ay dinala na ang tao sa impiyerno. Ang maunlad na makabagong-panahong siyensya at teknolohiya, pati na ang lubhang maunlad na industriya, agrikultura, at pagnenegosyo ay hindi makita kahit saan. Sa halip, binibigyang-diin lamang nito ang mga ritwal na pyudal na dinala ng sinaunang “mga unggoy” upang sadyang gambalain, labanan, at lansagin ang gawain ng Diyos. Hindi lamang nito patuloy na pinagdurusa ang tao hanggang sa araw na ito, kundi nais pa nitong lunukin[1] nang buo ang tao. Ang paghahatid ng mga turo ng pyudal na etika at ang pagpapasa ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay matagal nang nakahawa sa sangkatauhan, at ginawa silang mga diyablong malalaki at maliliit. Iilan lamang ang masayang tatanggap sa Diyos, at iilan lamang ang buong kagalakang sasalubong sa Kanyang pagdating. Ang mukha ng buong sangkatauhan ay puno ng intensyong pumatay, at sa lahat ng lugar, bumabalot sa paligid ang mapamatay na awra. Hangad nilang palayasin ang Diyos mula sa lupaing ito; hawak ang mga kutsilyo at espada, inaayos nila ang kanilang sarili sa pakikipaglaban upang “puksain” ang Diyos. Sa buong lupaing ito ng mga diyablo, kung saan palaging itinuturo sa tao na walang Diyos, nagkalat ang mga diyos-diyosan, at ang hangin sa itaas ay puno ng nakasusukang amoy ng sunog na papel at insenso, na masyadong makapal kaya mahirap huminga. Para iyong amoy ng burak na sumisingaw pataas sa pagpilipit ng makamandag na ahas, kaya hindi mapigilan na masuka. Bukod dito, bahagyang maririnig ang tunog ng masasamang demonyo na nagsasambit ng mga kasulatan, isang ingay na tila nanggagaling sa malayong impiyerno, kaya hindi mapigilan na manginig. Sa lahat ng dako ng lupaing ito ay may nakalagay na mga diyos-diyosan na may maraming iba’t ibang kulay, na ginagawang isang matingkad at malabis na mundo ang lupain, samantalang patuloy na humahalakhak nang buong kasamaan ang hari ng mga diyablo, na para bang nagtagumpay na ang balak nito. Samantala, nananatiling lubos na walang alam ang tao, at ni wala rin siyang kamalay-malay na nagawa na siyang tiwali ng diyablo hanggang sa punto kung saan nawalan na siya ng kamalayan at nasiraan ng loob. Nais nitong puksain, sa isang iglap, ang lahat ng tungkol sa Diyos, at muli Siyang lapastanganin at palihim na paslangin; hangad nitong buwagin at guluhin ang Kanyang gawain. Paano nito matutulutan ang Diyos na makapantay sa katayuan? Paano nito matitiis na “manghimasok” ang Diyos sa gawain nito sa mundo ng tao? Paano nito matutulutan ang Diyos na ilantad ang kasuklam-suklam nitong mukha? Paano nito matutulutan ang Diyos na gambalain ang gawain nito? Paano mapapayagan ng diyablong ito, na nagpupuyos ang galit, na makontrol ng Diyos ang naghaharing korte nito sa lupa? Paano nito magagawang kusang-loob na yumuko sa nakahihigit Niyang kapangyarihan? Nabunyag na ang kasuklam-suklam nitong mukha kung ano talaga ito, kaya hindi alam ng tao kung tatawa o iiyak, at talagang mahirap itong masabi. Hindi ba’t ito ang diwa nito? Nang may mga pangit na kaluluwa, naniniwala pa rin sila na di-kapani-paniwala ang kagandahan nila—ang grupong ito ng magkakasabuwat sa krimen![2] Bumababa sila sa mundo ng mga mortal upang magpakasaya at magsanhi ng kaguluhan, na ginugulo nang husto ang mga bagay-bagay kaya nagiging salawahan at pabagu-bago ang mundo at natataranta at hindi mapakali ang puso ng tao, at napaglaruan nila nang husto ang tao kaya nagmukha siyang isang malahalimaw na hayop sa parang, napakapangit, at nawala na ang pinakahuling bakas ng orihinal na taong dalisay. Bukod pa rito, nais pa nilang kunin ang pinakamataas na kapangyarihan sa lupa. Hinahadlangan nila nang husto ang gawain ng Diyos kaya hindi ito halos makasulong, at sinasarhan nila ang tao nang kasinghigpit ng mga pader na tanso at bakal. Dahil napakaraming nagawang malubhang kasalanan at nagsanhi ng napakaraming kalamidad, may inaasahan pa ba silang iba maliban sa pagkastigo? May ilang panahon nang naghuhuramentado ang mga diyablo at demonyo sa lupa, at sinarhan na ng mga ito kapwa ang mga layunin at ang dugo ng puso ng Diyos kaya walang makalabas. Totoo, mortal na kasalanan ito! Paanong hindi mababalisa ang Diyos? Paanong hindi magagalit ang Diyos? Matindi na nilang hinadlangan at kinalaban ang gawain ng Diyos: Napakamapaghimagsik!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (7)
Mga Talababa:
1. Ang “lunukin” ay tumutukoy sa marahas na pag-uugali ng hari ng mga diyablo, na sinasaklot nang buo ang mga tao.
2. Ang “magkakasabuwat sa krimen” ay kapareho ng uri ng “isang grupo ng mga butangero.”
69. Naisara nang mahigpit ng kaalaman tungkol sa sinaunang kultura at kasaysayan na sumasaklaw sa ilang libong taon ang mga kaisipan at kuru-kuro ng tao at ang pananaw ng kanyang isipan kaya hindi tinatablan at hindi nalulusaw[1] ang mga ito. Naninirahan ang mga tao sa ikalabing-walong bilog ng impiyerno, para lamang silang naitaboy ng Diyos sa mga bartolina, kung saan hindi kailanman nakikita ang liwanag. Naapi na nang husto ng pyudal na pag-iisip ang mga tao kaya halos hindi sila makahinga at nasasakal sila. Wala sila ni katiting na lakas upang lumaban; ang ginagawa lamang nila ay magtiis at magtiis nang tahimik…. Walang sinumang nangahas kailanman na ipaglaban o ipagtanggol ang katarungan at pagiging patas; namumuhay lamang ang mga tao ng isang buhay na mas masahol pa sa hayop, sa ilalim ng mga paghampas at pang-aabuso ng pyudal na etika, araw-araw, at taon-taon. Hindi nila naisip kailanman na hanapin ang Diyos upang matamasa ang kaligayahan sa mundo ng tao. Para bagang napabagsak na ang mga tao hanggang sa maging para silang mga dahong nalaglag sa taglagas, lanta, sira ang kulay, at manipis. Matagal nang nawala ang alaala ng mga tao; walang magawang naninirahan sila sa impiyerno na tinatawag na mundo ng tao, naghihintay sa pagdating ng huling araw upang mawasak sila kasama ang impiyernong ito, na para bang ang huling araw na pinakahihintay nila ay ang araw na tatamasahin ng tao ang payapang kapahingahan. Nadala na ng pyudal na etika ang buhay ng tao sa “Hades,” na lalong nagpahina sa kakayahan ng tao na lumaban. Lahat ng uri ng pang-aapi ay tumutulak sa tao, nang paunti-unti, hanggang sa mahulog ito sa Hades, at tumutulak sa tao nang palayo nang palayo sa Diyos na ngayon ay nadarama nito na isang ganap na estranghero ang Diyos sa kanya, at nagmamadali itong iwasan Siya kapag sila ay nagkatagpo. Hindi Siya pinapansin ng tao at iniiwan Siyang nakatayong mag-isa sa isang tabi, na para bang hindi pa Siya nakilala ng tao kailanman, na hindi pa Siya nakita dati. Subalit matagal nang naghihintay ang Diyos sa tao sa mahabang paglalakbay sa buhay, na hindi kailanman ipinupukol ang Kanyang di-mapigilang galit sa kanya, tahimik lamang na naghihintay, nang walang imik, na magsisi ang tao at magsimulang muli. Matagal nang pumarito ang Diyos sa mundo ng tao upang makibahagi sa mga pagdurusa ng tao sa mundo. Sa lahat ng taon na namuhay Siya sa piling ng tao, wala pang nakatuklas sa Kanyang pag-iral. Tahimik lamang na tinitiis ng Diyos ang paghihirap ng pagiging hamak sa mundo ng tao habang isinasakatuparan ang gawaing personal Niyang dinala. Patuloy Siyang nagtitiis para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama at ng mga pangangailangan ng sangkatauhan, na nagdaranas ng mga pagdurusang hindi kailanman naranasan ng tao. Sa presensiya ng tao tahimik Siyang naglingkod sa kanya, at sa presensiya ng tao Siya ay nagpakumbaba, para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama at maging sa kapakanan ng mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang kaalaman tungkol sa sinaunang kultura ay patagong ninakaw ang tao mula sa presensiya ng Diyos at ipinasa siya sa hari ng mga diyablo at sa mga inapo nito. Nadala na ng Apat na Aklat at Limang Klasiko[a] ang mga kaisipan at mga kuru-kuro ng tao sa isa pang kapanahunan ng paghihimagsik, na naging sanhi upang higit pa siyang sumamba kaysa dati sa mga nagtipon ng Apat na Aklat at Limang Klasiko na ito, at bilang resulta upang lalo pang palalain ang kanyang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Walang kaalam-alam ang tao, walang-awang pinalayas ng hari ng mga diyablo ang Diyos mula sa kanyang puso at pagkatapos ay tuwang-tuwang matagumpay nito mismong inokupa ang kanyang puso. Mula noon, nag-angkin na ang tao ng pangit na kaluluwa at ng mukha ng hari ng mga diyablo. Napuno ng pagkamuhi sa Diyos ang kanyang dibdib, at kumalat ang pagiging mapaminsala ng hari ng mga diyablo sa kalooban ng tao araw-araw hanggang sa lubos na siyang nalamon nito. Wala na ni katiting na kalayaan ang tao at walang paraang makalaya mula sa mga gusot ng hari ng mga diyablo. Wala siyang nagawa kundi ang mabihag sa mismong lugar na iyon, sumuko at magpasakop sa presensiya nito. Noong araw, nang bata pa ang puso ng tao, itinanim doon ng hari ng mga diyablo ang binhi ng tumor ng ateismo, na nagtuturo sa kanya ng mga maling kaisipan gaya ng “mag-aral ng siyensya at teknolohiya; isakatuparan ang Apat na Modernisasyon; at walang Diyos sa mundo.” Hindi lamang iyan, ipinapahayag nito sa bawat pagkakataon, “Umasa tayo sa ating kasipagan para makabuo tayo ng magandang bayan,” na hinihiling sa bawat tao na maging handa mula pagkabata na makapagserbisyo para sa kanilang bansa. Dinala ang tao, nang walang kamalay-malay, sa presensiya nito, at walang pag-aatubiling kinakamkam nito ang buong kredito (ibig sabihin ay ang kreditong nauukol sa Diyos sa paghawak sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga kamay) para sa sarili nito. Wala itong anumang pakiramdam ng kahihiyan kailanman. Bukod pa rito, walang kahihiyan nitong sinusunggaban ang mga tao ng Diyos at hinihila sila pabalik sa bahay nito, kung saan tumatalon ito na parang daga papunta sa ibabaw ng mesa at pinasasamba ang tao rito bilang “Diyos.” Napakasalbahe nito! Iskandaloso itong sumisigaw ng mga bagay na nakakagulat, tulad ng: “Walang Diyos sa mundo. Ang hangin ay nililikha ng mga pagbabago na pinamamahalaan ng mga batas ng kalikasan; ang ulan ay dumarating kapag ang singaw ng tubig, na sumasalubong sa malalamig na temperatura, ay sumasailalim sa kondensasyon at bumabagsak bilang mga patak sa lupa; ang lindol ay pagyanig ng ibabaw ng lupa dahil sa mga heolohikal na pagbabago; ang tagtuyot ay sanhi ng pagkatuyo sa hangin na dulot ng pagkakahati ng mga nucleon particle sa ibabaw ng araw. Ang mga ito ay mga natural na penomenon. Nasaan, sa lahat ng ito, ang gawa ng Diyos?” Mayroon pa nga iyong mga sumisigaw ng mga kahiya-hiyang pahayag na gaya ng sumusunod: “Ang tao ay nagmula sa unggoy noong unang panahon, at ang mundo ngayon ay nagmumula sa sinaunang lipunan na nagsimula humigit-kumulang isang bilyong taon na ang nakakaraan. Ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa ay nakasalalay sa mga kamay ng mga mamamayan nito.” Palihim nitong ipinagagawa sa tao na isabit ito sa dingding o ipatong ito sa mesa upang sambahin ito at magbigay-handog dito. Kasabay ng pagsigaw nito ng, “Walang Diyos,” itinataas nito ang sarili bilang diyos, walang habas na itinutulak ang Diyos palabas ng mga hangganan ng lupa, samantalang nakatayo sa lugar ng Diyos at kumikilos bilang ang hari ng mga diyablo. Hindi talaga makatwiran! Sagad sa buto itong kamumuhian ng sinuman. Tila mortal na magkaaway sila ng Diyos, at na hindi maaaring magkasama silang dalawa. Nagbabalak itong itaboy ang Diyos palayo samantalang ito ay malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas.[2] Hari nga ito ng mga diyablo! Paano matitiis ang pag-iral nito? Hindi ito magpapahinga hangga’t hindi nito nagugulo ang gawain ng Diyos at iniiwan itong ganap na magulo,[3] na para bang nais nitong labanan ang Diyos hanggang sa huli, hanggang sa parehas mawasak ang dalawang panig, na sadyang nilalabanan ang Diyos at higit na gumigiit. Matagal nang lubusang nalantad ang kasuklam-suklam nitong mukha, at ngayon ay labis na itong nagulumihanan at natadtad ng mga problema,[4] subalit hindi pa rin nababawasan ang pagkamuhi nito sa Diyos, na para bang huhupa lamang ang pagkamuhing tinimpi sa puso nito kapag nilamon na nito nang buo ang Diyos sa isang subuan. Paano natin matitiis ito, ang kaaway na ito ng Diyos! Tanging ang pagpuksa at ganap na paglipol lamang dito matutupad ang inaasam natin sa buhay. Paanong hahayaan itong patuloy na kumilos nang walang pagpipigil? Nagawa nitong tiwali ang tao hanggang sa ang tao ay hindi na alam ang langit-araw, at naging manhid at mapurol ang isip. Nawalan na ng normal na katwiran ang tao. Bakit hindi natin ialay ang buo nating pagkatao para sirain at sunugin ito upang maalis ang lahat ng alalahanin sa hinaharap at tulutan ang gawain ng Diyos na umabot sa walang-katumbas na kaningningan sa lalong madaling panahon? Naparito sa mundo ng tao ang grupong ito ng mga tampalasan at ginulo ito nang husto. Nadala na nila ang buong sangkatauhan sa bingit ng isang bangin, lihim na nagpaplanong itulak ang sangkatauhan pababa para magkaluray-luray upang malamon nila ang bangkay ng mga ito pagkatapos. Walang saysay silang umaasang wasakin ang plano ng Diyos at makipagkompetensiya sa Kanya, na sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan.[5] Hindi madaling gawin iyon! Kunsabagay ay nakahanda na ang krus para sa hari ng mga diyablo, na may kagagawan ng pinakamasasamang krimen. Hindi nabibilang ang Diyos sa krus. Ibinato na Niya ito sa diyablo. Matagal nang nanalo ang Diyos at hindi na nakakaramdam ng kalungkutan sa mga kasalanan ng sangkatauhan, ngunit maghahatid Siya ng kaligtasan sa buong sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (7)
Mga Talababa:
1. Ang “hindi nalulusaw” ay nilayon bilang panunudyo dito, na ibig sabihin ay maigting ang mga tao sa kanilang kaalaman, kultura, at espirituwal na pananaw.
2. Ang “malayang gumagala, nang hindi nasasakop ng batas” ay nagpapahiwatig na nagagalit at naghuhuramentado ang diyablo.
3. Ang “ganap na magulo” ay tumutukoy sa kung paanong hindi makayanang tingnan ang marahas na pag-uugali ng diyablo.
4. Ang “lamog at bugbog” ay tumutukoy sa pangit na mukha ng hari ng mga diyablo.
5. Ang ibig sabihin ng “sapalarang isinusugal ang lahat nang minsanan” ay itaya ang lahat ng pera ng isang tao sa pag-asang manalo sa huli. Ito ay isang metapora para sa masama at karumal-dumal na mga pakana ng diyablo. Ginagamit ang pahayag na ito nang patuya.
a. Ang Apat na Aklat at Limang Klasiko ay mapagkakatiwalaang tumpak na mga aklat ng Confucianism sa China.
70. Sa tinaguriang kaalaman ng tao, nagpakalat si Satanas ng marami-raming pilosopiya nito para sa mga makamundong pakikitungo at sa pag-iisip. At habang ginagawa ito ni Satanas, pinahihintulutan nito ang tao na tanggapin ang pag-iisip, pilosopiya, at pananaw nito upang maaaring itanggi ng tao na mayroong Diyos, itanggi ang kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng tao. Kaya’t habang sumusulong ang pag-aaral ng tao at nagtatamo siya ng mas maraming kaalaman, nararamdaman niyang malabong mayroong Diyos at maaari pang hindi na niya maramdaman na mayroong Diyos. Dahil naikintal ni Satanas ang ilang kaisipan, pananaw, at haka-haka sa tao, kapag naikintal ni Satanas ang lason na ito sa kalooban ng tao, hindi ba nailigaw at ginawang tiwali ni Satanas ang tao? Kung gayo’y saan sa palagay mo naaayon ang pamumuhay ng tao? Hindi ba sila namumuhay ayon sa kaalaman at mga kaisipang ikinintal ni Satanas? At ang mga bagay na nakatago sa loob ng kaalaman at mga kaisipang ito—hindi ba mga pilosopiya at lason ni Satanas ang mga ito? Ang tao ay namumuhay ayon sa mga pilosopiya at lason ni Satanas. At ano ang nasa kaibuturan ng pagtitiwali ni Satanas sa tao? Nais ni Satanas na hikayatin ang tao na itatwa, salungatin, at labanan ang Diyos na tulad ng ginagawa nito; ito ang layunin ni Satanas sa pagtitiwali sa tao, at ito rin ang paraan ng pagtiwali ni Satanas sa tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
71. Sa proseso ng pagkuha ng mga tao ng kaalaman, sa pamamagitan ng paggamit ng lahat ng uri ng pamamaraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na tugunan ang kanilang mga pagnanais o adhikain, patungo sa anong daan ba talaga nais akayin ni Satanas ang mga tao? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na likas at may katwiran. Upang ipahayag ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtatag ng matatayog na adhikain o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng motibasyon, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Kung maisasakatuparan ng isang tao ang sarili niyang mga adhikain, o makapagtatatag ng isang matagumpay na propesyon sa kanyang buhay, hindi ba’t mas maluwalhati iyon na pamumuhay? Sa ganitong paraan, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno kundi magkakaroon din siya ng pagkakataon na mag-iwan ng bakas para sa darating na mga henerasyon—hindi ba’t mabuting bagay ito? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Gayumpaman, si Satanas, nang may masasamang motibo nito, ay umaakay ba sa mga tao patungo sa gayong daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man kaengrande ang mga adhikain ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng gustong matamo ng tao, ang lahat ng hinahangad ng tao, ay hindi mapaghihiwalay na nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa bawat tao sa buong buhay nila, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “kasikatan” at “pakinabang.” Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para tanggapin ng mga tao nang hindi nila namamalayan ang mga paraan at batas nito ng pananatiling buhay, magkaroon ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila katayog pakinggan ang mga paglalarawan ng mga tao sa kanilang mga adhikain sa buhay, ang mga adhikain na ito ay palaging umiikot lamang sa kasikatan at pakinabang. Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: “kasikatan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na sila para maghangad ng kasiyahan at tamasahin nang walang-pakundangan ang laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay kusang-loob at di-namamalayang ibinibigay kay Satanas ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran. Ginagawa nila ito nang walang reserbasyon, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at kailanman ay hindi naiisip na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa putikang ito, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa kasikatan at pakinabang, hindi na niya hinahanap kung ano ang maliwanag, ang makatarungan, o ang mga bagay na iyon na maganda at mabuti. Ito ay dahil masyadong malakas ang pang-aakit sa mga tao ng kasikatan at pakinabang, at ang mga ito ay mga bagay na puwedeng hangarin ng mga tao nang walang katapusan sa buong buhay nila at maging magpasawalang hanggan. Hindi ba’t ito ang aktuwal na sitwasyon? Ang ilang tao ay magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay walang iba kundi pagbabasa lamang ng mga aklat at pagkatuto ng ilang bagay na hindi mo pa alam upang hindi mahuli sa panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay ng pagkain sa iyong hapag, para sa iyong sariling kinabukasan, o para matustusan ang pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao na magtitiis nang isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagtitiis sa mga paghihirap na ito ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa kasikatan at pakinabang. Ang kasikatan at pakinabang ay naghihintay sa kanya sa di-kalayuan, tumatawag sa kanya, at naniniwala siya na sa pamamagitan lang ng kanyang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang siya makakatahak sa daan na magdadala sa kanya sa kasikatan at pakinabang, sa gayon ay magkakamit ng mga bagay na ito. Ang gayong tao ay dapat magdusa ng mga paghihirap na ito para sa kanyang sariling landas sa hinaharap, para sa kanyang pagtamasa sa hinaharap at upang magkamit ng mas magandang buhay. Ano ba talaga ang kaalamang ito—maaari ba ninyong sabihin sa Akin? Hindi ba’t ito ang mga panuntunan at pilosopiya sa pamumuhay na ikinikintal ni Satanas sa tao, tulad ng “Mahalin ang Partido, mahalin ang bayan, at mahalin ang iyong relihiyon” at “Ang matalinong tao ay nagpapasakop sa mga sitwasyon”? Hindi ba ito ang “matatayog na adhikain” ng buhay na ikinintal sa tao ni Satanas, gaya ng mga kaisipan ng mga dakilang tao, ang integridad ng mga sikat o ang matapang na espiritu ng mga bayani, o ang pagkamaginoo at kabaitan ng mga kabalyero at mga eskrimador sa mga nobela ng sining ng pakikipaglaban? Ang mga ideya at pahayag na ito ay nakakaimpluwensiya sa sali’t salinlahi; maraming tao ang tumatanggap sa mga ideyang ito, at sila ay naghahangad, patuloy na nakikibaka, at handa pa ngang isakripisyo ang kanilang buhay para tuparin ang “matatayog na adhikain” na ito. Ito ang kaparaanan at metodo kung saan ginagamit ni Satanas ang kaalaman para gawing tiwali ang mga tao. Kaya matapos akayin ni Satanas ang mga tao sa landas na ito, nagagawa ba nilang magpasakop at sumamba sa Diyos? At nagagawa ba nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at hangarin ang katotohanan? Talagang hindi—dahil nailigaw na sila ni Satanas. Isaalang-alang natin ito ngayon: Sa loob ng kaalaman, mga ideya, at pananaw na ikinintal ni Satanas sa mga tao, mayroon bang mga katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos at pagsamba sa Diyos? Mayroon bang mga katotohanan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Mayroon bang anuman sa mga salita ng Diyos? Mayroon bang anuman sa mga iyon na nabibilang sa katotohanan? Wala talaga—walang-wala ang mga bagay na ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
72. Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanya kundi ang dalawang bagay na ito, at idinudulot sa kanya na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon siya para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang tanikala sa tao, at, sa mga tanikalang ito, wala siyang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala niya ang mga tanikalang ito habang mabigat ang kanyang bawat hakbang, nang may labis na paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunod-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba’t lubos na kamuhi-muhi ang mga lihim na mapanirang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo nakikilatis ngayon ang mga lihim na mapanirang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na kung walang kasikatan at pakinabang, mawawalan ng kabuluhan ang buhay, at hindi na makikita ng mga tao ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Kapag ninais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas, at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
73. Pinahihintulutan lamang ng siyensiya ang mga tao na makita ang mga bagay sa pisikal na mundo, tinutugunan lamang ang pagkamausisa ng tao, ngunit hindi nito mabibigyang-kakayahan ang tao na makita ang mga batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Tila nakahanap ang tao ng mga kasagutan sa siyensiya, at ang mga kasagutang iyon ay mapanlihis at nagdadala ng panandaliang kasiyahan, isang kasiyahan na nagkukulong sa puso ng tao sa materyal na mundo. Iniisip ng tao na nakatanggap siya ng mga kasagutan mula sa siyensiya, kaya anumang isyu ang lumitaw, gumagamit siya ng mga siyentipikong pananaw bilang batayan para iberipika at tanggapin ang isyung iyon. Naaakit ng siyensiya ang puso ng tao at inookupa nito, at bilang resulta, wala na sa isip ng tao na kilalanin ang Diyos, sambahin ang Diyos, at paniwalaan na ang lahat ng bagay ay nagmumula sa Diyos, at na dapat makuha ng tao ang lahat ng kasagutan mula sa Diyos. Hindi ba ito totoo? Habang lalong naniniwala ang isang tao sa siyensiya, mas lalo siyang baligho, naniniwalang ang lahat ay may siyentipikong solusyon, na lahat ay kayang lutasin ng pananaliksik. Hindi niya hinahanap ang Diyos at hindi siya naniniwala sa pag-iral ng Diyos. Maraming matagal nang mananampalataya sa Diyos na gumagamit ng computer kapag naharap sa anumang problema, para maghanap at magsaliksik para sa mga sagot; naniniwala lamang sila sa siyentipikong kaalaman. Hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, hindi sila naniniwala na malulutas ng mga salita ng Diyos ang lahat ng problema ng sangkatauhan, at hindi nila tinitingnan ang bawat problema ng sangkatauhan mula sa perspektiba ng katotohanan. Anumang problema ang kanilang nakakaharap, hindi sila nagdarasal sa Diyos kailanman o sumusubok na lutasin ito sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Sa maraming usapin, naniniwala pa rin sila na kaalaman ang makakalutas sa problema, at na ang siyensiya ang huling sagot. Ganap na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Sila ay mga hindi mananampalataya, at ang kanilang mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay hindi naiiba sa pananaw ng maraming intelektuwal at siyentipiko na mataas ang antas, na laging sumusubok na aralin ang Diyos gamit ang mga pamamaraan ng siyensiya. Halimbawa, maraming eksperto sa relihiyon ang pumunta at ininspeksyon ang arko sa bundok kung saan ito napadpad, at sa gayon ay napatunayan nila ang pag-iral ng arko. Ngunit hindi nila nakikita ang pag-iral ng Diyos sa panlabas na anyo ng arko. Naniniwala lamang sila sa mga kuwento at sa kasaysayan; ito ang resulta ng kanilang siyentipikong pananaliksik at pag-aaral ng materyal na mundo. Kung nagsasaliksik ka sa mga materyal na bagay, maging ito man ay mikrobiyolohiya, astronomiya, o heograpiya, hindi mo kailanman mahahanap ang isang resulta na nagpapatunay na umiiral ang Diyos o na mayroon Siyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kung gayon, ano ang ginagawa ng siyensiya para sa tao? Hindi ba nito inilalayo ang tao mula sa Diyos? Hindi ba ito nagsasanhi sa mga tao na isailalim sa pag-aaral ang Diyos? Hindi ba nito mas pinagdududa ang mga tao sa pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sa gayon ay itinatatwa at ipinagkakanulo nila ang Diyos? Ito ang kinahihinatnan. Kaya kapag ginagamit ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang tao, anong pakay ang sinisikap na makamit ni Satanas? Gusto nitong gamitin ang mga kongklusyong siyentipiko upang iligaw at gawing manhid ang mga tao, at gamitin ang malalabong kasagutan upang okupahin ang puso ng mga tao para hindi na sila maghanap pa sa pag-iral ng Diyos o maniwala rito. Ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na ang siyensiya ay isa rin sa mga paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
74. Nakapagtahi-tahi at nakapag-imbento si Satanas ng maraming kuwentong bayan o mga kuwentong lumilitaw sa mga aklat ng kasaysayan, na nag-iiwan ng malalalim na impresyon sa mga tao tungkol sa tradisyunal na kultura o mga pamahiin. Halimbawa, sa China ay may “Ang Walong Imortal na Tumatawid ng Dagat,” “Paglalakbay Patungong Kanluran,” ang Jade na Emperador, “Ang Paglupig ni Nezha sa Haring Dragon,” at “Ang Pagtatalaga ng mga Diyos.” Hindi ba nakaugat nang malalim ang mga ito sa isipan ng tao? Kahit hindi alam ng ilan sa inyo ang lahat ng detalye, alam pa rin ninyo ang mga pangkalahatang kuwento, at ang pangkalahatang nilalamang ito ang nakakintal sa iyong puso’t isipan, kaya hindi mo makalimutan ang mga iyon. Ito ang sari-saring mga ideya o alamat na inihanda ni Satanas para sa tao noong unang panahon, at naikalat na sa iba’t ibang panahon. Ang mga bagay na ito ay tuwirang pumipinsala at nagpapahina sa kaluluwa ng mga tao at gumagayuma nang sunud-sunod sa mga tao. Ibig sabihin ay kapag tinanggap mo na ang gayong tradisyunal na kultura, mga kuwento, o pamahiin, kapag nakatatag ang mga ito sa iyong isipan, at kapag nakakintal ang mga ito sa iyong puso, para kang nagayuma—nasasadlak at naiimpluwensyahan ka ng kultural na mga patibong na ito, ng mga ideya at tradisyonal na mga kuwentong ito. Iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong buhay, ang pananaw mo sa buhay, at ang iyong paghusga sa mga bagay-bagay. Mas lalong iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong paghahangad sa tunay na daan ng buhay: Isang masamang gayuma nga ito. Gaano mo man subukan, hindi mo maiwawaksi ang mga ito; tinataga mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang ibuwal ang mga ito; hinahataw mo ang mga ito ngunit hindi mo kayang talunin ang mga ito. Bukod pa rito, pagkatapos sumailalim ang mga tao sa ganitong uri ng gayuma nang hindi nila alam, nagsisimula silang sumamba kay Satanas nang hindi nila alam, na itinataguyod ang imahe ni Satanas sa kanilang puso. Sa madaling salita, itinatatag nila si Satanas bilang kanilang diyus-diyusan, isang bagay na sasambahin at titingalain nila, na humahantong pa sa pagturing dito bilang Diyos. Hindi nila alam na ang mga bagay na ito ay nasa puso ng mga tao, kumokontrol sa kanilang mga salita at gawa. Bukod dito, itinuturing mong mali ang mga kuwento at alamat na iyon noong una, kaya lamang ay kinikilala mo ang pag-iral ng mga iyon nang hindi mo alam, kaya nagiging totoong mga tao ang mga iyon at nagiging totoo at umiiral na mga bagay ang mga iyon. Wala kang kamalay-malay, tinatanggap mo nang hindi namamalayan ang mga ideyang ito at ang pag-iral ng mga bagay na ito. Tinatanggap mo rin nang hindi namamalayan ang mga diyablo, si Satanas, at mga diyus-diyusan sa sarili mong tahanan at sa sarili mong puso—isang gayuma nga ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
75. Ang kinasusuklaman ng Diyos nang higit sa lahat ay ang mga mapamahiing aktibidad na ginagawa ng mga tao, ngunit marami pa ring tao ang hindi kayang bumitiw sa mga iyon, iniisip na ang mga mapamahiing aktibidad na ito ay inorden ng Diyos, at kahit ngayon ay hindi pa lubusang naiwawaksi ang mga iyon. Ang mga bagay na kagaya ng mga isinasaayos ng mga kabataan para sa mga handaan sa kasal at panggayak sa mga babaeng ikakasal; mga regalong pera, mga salu-salo, at katulad na mga pamamaraan ng pagdiriwang ng masasayang okasyon; mga sinaunang pormula na ipinamana; ang lahat ng walang-kabuluhang mapamahiing aktibidad na isinasagawa para sa mga patay at sa mga seremonya ng paglilibing sa kanila: lalo nang kasuklam-suklam sa Diyos ang mga ito. Kahit ang araw ng pagsamba (pati na ang Sabbath, na ipinapangilin ng mundo ng relihiyon) ay kasuklam-suklam sa Kanya; at lalo pang higit na itinataboy ng Diyos ang mga kaugnayang panlipunan at makamundong pag-uugnayan ng mga tao. Maging ang Pista ng Tagsibol at Araw ng Pasko, na alam ng lahat ng tao, ay hindi inorden ng Diyos, lalo na ang mga laruan at dekorasyon para sa masasayang kapistahang ito tulad ng mga pulang pabiting may tula, mga paputok, mga parol, Banal na Komunyon, mga regalo sa Pasko, at mga pagdiriwang sa Pasko—hindi ba’t mga diyos-diyosan sa isipan ng mga tao ang mga ito? Ang pagbabahagi ng tinapay at alak sa Sabbath, at ang pinong lino ay lalo nang mga diyos-diyosan. Ang lahat ng iba’t ibang tradisyonal na araw ng kapistahan na kilala sa Tsina, tulad ng Araw ng Pagtataas ng mga Ulo ng Dragon, Pista ng mga Bangkang Dragon, Pista sa Kalagitnaan ng Taglagas, Pista ng Laba, at Araw ng Bagong Taon, at ang mga pista sa mundo ng relihiyon tulad ng Pasko ng Pagkabuhay, Araw ng Pagbibinyag, at Araw ng Pasko, ang lahat ng walang katuturang pistang ito ay inimbento at ipinamana ng maraming tao mula noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang mayamang imahinasyon at malikhaing ideya ng sangkatauhan ang nagtulot na maipasa ang mga ito hanggang sa ngayon. Ang mga iyon ay tila walang kapintasan, ngunit sa katunayan ay mga panlilinlang ni Satanas sa sangkatauhan. Habang mas pinamumugaran ng mga Satanas ang isang lokasyon, at habang mas lipas at paurong ang lugar na iyon, mas malalim na nakabaon ang mga pyudal na kaugalian nito. Ang mga bagay na ito ay nagbibigkis sa mga tao nang mahigpit, na hindi na sila makakilos. Tila nagpapakita ng lubhang pagiging orihinal ang marami sa mga pista sa mundo ng relihiyon at tila lumilikha ang mga ito ng isang tulay sa gawain ng Diyos, ngunit ang mga iyon sa katunayan ay di-nakikitang mga tali na ginagamit ni Satanas para igapos ang mga tao upang hindi nila makilala ang Diyos—ang lahat ng ito ay mga pagpapakana ni Satanas. Sa katunayan, kapag ang isang yugto ng gawain ng Diyos ay natapos na, nawasak na Niya ang mga kasangkapan at ang estilo ng panahong iyon, nang walang iniiwang anumang bakas. Gayunman, ang “mga debotong mananampalataya” ay patuloy na sinasamba ang mga nahihipong materyal na bagay na iyon; samantala, isinasantabi nila sa kanilang isipan kung ano ang mayroon ang Diyos, hindi ito pinag-aaralan, tila ba puno ng pag-ibig sa Diyos ngunit ang totoo ay matagal na nila Siyang itinulak palabas ng bahay at inilagay si Satanas sa hapag upang sambahin. Ang mga larawan ni Jesus, ng Krus, ni Maria, ng Bautismo ni Jesus, at ng Huling Hapunan—sinasamba ng mga tao ang mga ito bilang ang “Panginoon ng Langit,” habang paulit-ulit na sumisigaw ng “Panginoon, Ama sa langit.” Hindi ba’t biro ang lahat ng ito? Hanggang ngayon, kasuklam-suklam sa Diyos ang maraming katulad na mga kasabihan at kaugalian na ipinamana sa sangkatauhan; seryosong hinahadlangan ng mga iyon ang daan pasulong ng Diyos at, higit pa rito ay nagsasanhi ng malalaking kawalan sa pagpasok ng sangkatauhan. Isantabi muna natin ang lawak ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan, ang mga tao ay punong-puno ng mga bagay gaya ng batas ni Witness Lee, ng mga karanasan ni Lawrence, ng mga pag-aaral ni Watchman Nee, at ng gawain ni Pablo. Sadyang walang paraan upang gumawa ang Diyos sa mga tao, dahil sa kalooban nila ay may sobrang indibidwalismo, mga batas, mga panuntunan, mga patakaran, mga sistema, at iba pang tulad nito; ang mga bagay na ito, bukod pa sa bahid ng mga pyudal na pamahiin ng mga tao, ay bumihag at lumamon na sa sangkatauhan. Na para bang ang pag-iisip ng mga tao ay isang kapana-panabik na pelikula na nagsasalaysay ng isang makulay na “fairy tale,” na may pambihirang mga nilalang na nakasakay sa mga ulap, napakamalikhain kaya napamamangha ng mga ito ang mga tao, iniiwan silang tulala at hindi makapagsalita. Sa totoo lang, ang gawain na pumarito ang Diyos para gawin ngayon ay pangunahing para harapin at iwaksi ang bahid ng mga pamahiin ng tao at ganap na baguhin ang kanilang pananaw ng pag-iisip. Ang gawain ng Diyos ay nagtagal hanggang sa ngayon hindi dahil sa pamanang ipinasa ng sangkatauhan sa mga henerasyon; ito ay gawain na personal Niyang pinasimulan at tatapusin, nang hindi nangangailangan ng anumang pamana ng isang partikular na dakilang espirituwal na tao, o manahin ang anumang gawain ng isang kumakatawang kalikasang ginawa ng Diyos sa ibang kapanahunan. Hindi kailangang pagkaabalahan ng mga tao ang alinman sa mga bagay na ito. Ang Diyos ngayon ay may naiibang estilo ng pananalita at ng paggawa, kaya bakit kailangang magkaroon ng anumang pangangailangan na mag-alala ang mga tao tungkol sa mga bagay na ito? Kung lalakad ang mga tao sa landas ngayon na nakapaloob sa kasalukuyang daloy habang ipinagpapatuloy ang pamana ng kanilang “mga ninuno,” hindi sila makakarating sa kanilang hantungan. Nakakaramdam ang Diyos ng matinding pagkasuklam para sa partikular na klaseng ito ng pag-uugali ng tao, gaya ng pagkapoot Niya sa mga taon, mga buwan, at mga araw ng mundo ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (3)
76. Ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas ang tao ay sa pamamagitan ng mga kalakaran sa lipunan. Ang mga kalakaran sa lipunan ay sumasaklaw sa maraming aspekto, kabilang na ang mga larangang tulad ng pagsamba sa mga tanyag at dakilang tao, gayundin sa mga idolo sa pelikula at musika, pagsamba sa artista, at mga online na laro. Ang lahat ng ito ay bahagi ng mga kalakaran sa lipunan, at hindi na kailangang idetalye pa iyon dito. Pag-uusapan lamang natin ang mga ideyang idinudulot ng mga kalakaran sa lipunan sa mga tao, kung paano idinudulot ng mga ito na makitungo ang mga tao sa mundo, at ang mga layon at pananaw sa buhay na idinudulot ng mga ito sa mga tao. Napakahalaga ng mga ito; makokontrol at maiimpluwensiyahan ng mga ito ang isipan at mga opinyon ng mga tao. Ang bawat isa sa mga kalakarang ito ay may dalang masamang impluwensiya. Ang masamang impluwensiyang ito ay patuloy na nagpapasama sa sangkatauhan at nagiging sanhi upang patuloy na mawalan ang mga tao ng konsensiya, pagkatao, at katwiran, patuloy na nagpapahina sa kanilang moralidad, at lalong nagpapababa sa kanilang integridad, hanggang sa puntong masasabi pa nga natin na ang karamihan sa mga tao ngayon ay walang integridad, walang pagkatao, at walang konsensiya, lalong walang anumang katwiran. Kaya ano ang mga kalakarang ito sa lipunan? Ang mga ito ay mga kalakaran na hindi mo makikita gamit ang karaniwang mata. Kapag dumating ang isang bagong kalakaran, marahil ay maliit na bilang lamang ng mga tao ang unang tumatanggap—nangunguna sila sa paggawa ng ganitong uri ng bagay, pagtanggap sa ganitong uri ng ideya, at pagtanggap sa ganitong uri ng perspektiba. Ang karamihan sa mga tao, gayunman, ay patuloy na mahahawa, maaakit, at malalamon sa kalakarang ito nang hindi nila namamalayan, hanggang sa tanggapin nilang lahat ito nang hindi nila alam at hindi sinasadya at malubog sila rito at makontrol nito. Sunod-sunod, ang mga kalakarang iyon ay nagiging sanhi upang ang mga tao, na hindi malusog ang katawan at isipan, na hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, at hindi talaga napag-iiba ang positibo sa negatibong mga bagay, ay masayang tanggapin ang mga ito gayundin ang mga pananaw at pagpapahalaga sa buhay na nagmumula kay Satanas. Masaya nilang tinatanggap kung ano ang sabihin sa kanila ni Satanas tungkol sa kung paano harapin ang buhay, at ang paraan ng pamumuhay na “ipinagkakaloob” sa kanila ni Satanas. Wala silang lakas ni abilidad, lalo pa ng kamalayan, na lumaban. …
… Ginagamit ni Satanas ang mga kalakarang panlipunang ito upang hakbang-hakbang na akitin ang mga tao sa yungib ng mga diyablo, nang sa gayon ay hindi namamalayan ng mga tao na sumasamba sila sa salapi, mga materyal na pagnanais, kasamaan, at karahasan sa gitna ng mga kalakarang panlipunan. Sa sandaling pumasok sa puso ng mga tao ang mga negatibong bagay na ito, nagiging ano ang mga tao? Sila ay nagiging mga diyablo at mga Satanas! Ito ay dahil ang puso ng mga tao ay sinasakop ng anumang kanilang sinasamba; kapag sinasamba ng mga tao ang mga negatibong bagay, nagsisimula silang mahalin ang kasamaan at karahasan, at hindi nila gusto ang kagandahan at kabutihan, lalo na ang kapayapaan. Ayaw na nilang mamuhay nang simple sa normal na pagkatao, kundi sa halip ay nais na tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, magpakasaya sa laman, ginagawa ang lahat para bigyang-kasiyahan ang sarili nilang laman, nang walang mga paghihigpit o gapos—sa madaling salita, ginagawa ang anumang naisin nila. Kaya kapag nadala ka na sa ganitong uri ng mga kalakaran, matutulungan ka ba ng kaalamang natutuhan mo para palayain ang iyong sarili? Matutulungan ka ba ng mga aspekto ng tradisyonal na kultura at mga pamahiin na alam mo para makatakas mula sa kagipitang ito? Matutulungan ka ba ng mga tradisyonal na moralidad at etiketang alam mo para magpakita ng pagpipigil? Gawin nating halimbawa ang Analects at ang Tao Te Ching. Matutulungan ba ng mga ito ang mga tao na iahon ang kanilang mga paa mula sa putikan ng masasamang kalakarang ito? Talagang hindi. Samakatwid, ang mga tao ay nagiging mas lalong buktot, mayabang, labis na mapagmataas, makasarili, at mapaminsala. Wala nang anumang pagkagiliw at katapatan sa gitna ng mga tao, wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, wala nang anumang pagkakaunawaan sa mga magkakamag-anak at magkakaibigan; ang mga ugnayan ng tao ay puno ng karahasan. Nais mamuhay ng bawat tao kasama ng iba gamit ang mararahas na pamamaraan, para makakuha ng kabuhayan para sa kanilang sarili gamit ang karahasan, makasunggab ng kanilang mga posisyon at makatamo ng kanilang mga pakinabang gamit ang karahasan, at gamitin ang mararahas at mga buktot na paraan para gawin ang anumang gusto nila. Hindi ba’t nakakatakot ang ganitong sangkatauhan? Totoo, lubhang nakakatakot: Hindi lamang nila ipinako ang Diyos sa krus, kundi lilipulin din nila ang lahat ng sumusunod sa Kanya—dahil napakasama ng sangkatauhang ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
77. Pilosopiya ni Satanas ang “Pera ang nagpapaikot sa mundo.” Napakalaganap nito sa gitna ng mga tao, sa bawat lipunan; maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran. Ito ay dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao, na sa una ay hindi tinanggap ang kasabihang ito, ngunit pagkatapos ay binigyan ito ng tahimik na pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula silang makaramdam na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba’t isa itong proseso ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao? Marahil, ang mga tao ay may magkakaibang antas ng kaalamang batay sa karanasan sa kasabihang ito, ngunit ang lahat ay mayroong magkakaibang mga antas ng interpretasyon at pagkilala sa kasabihang ito batay sa mga bagay na nangyari sa kanilang paligid at sa kanilang mga sariling karanasan. Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Gaano man kalalim ang karanasan ng isang tao sa kasabihang ito, anong negatibong epekto ang naidulot nito sa puso niya? Ito ay na ang mga tao sa mundong ito—at masasabing kasama rito ang bawat isa sa inyo—ay nagbubunyag ng isang bagay mula sa kanilang disposisyon. Ano ito? Ito ay ang pagsamba sa pera. Madali bang alisin ito sa puso ng mga tao? Hindi, hindi ito madali! Nagpapakita ito na malalim talaga ang paggawang tiwali ni Satanas sa tao! Ginagamit ni Satanas ang pera para akitin ang mga tao, at ginagawa nitong tiwali silang lahat para sumamba sila sa pera at mga materyal na bagay. At paano naipapamalas ng mga tao ang pagsambang ito sa pera? Hindi ba’t iniisip ninyo na sa mundong ito ay hindi kayo mabubuhay kung walang pera, at na hindi ninyo kakayanin kahit isang araw kung walang pera? Kung gaano karaming pera mayroon ang mga tao ang nagtatakda kung gaano kataas ang kanilang katayuan, at kung gaano sila kagalang-galang. Nararamdaman ng mahihirap na hindi nila kayang magtaas-noo, samantalang ang mayayaman ay may mataas na katayuan, taas-noo, at kayang magsalita nang malakas at mamuhay sa paraang mapagmataas at walang pagpipigil. Ano ba ang idinudulot ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na handa ang maraming tao na gumawa ng anumang sakripisyo para kumita ng pera? Hindi ba’t ang maraming tao ay nawawalan ng kanilang dignidad at integridad sa paghahangad ng mas maraming pera? Hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gawin ang kanilang tungkulin at sumunod sa Diyos para lamang sa pera? Hindi ba ang pagkawala ng pagkakataong matamo ang katotohanan at maligtas ang pinakamalaki sa lahat ng kawalan ng mga tao? Gamit lang ang pamamaraang ito at ang kasabihang ito, ginagawang tiwali ni Satanas ang tao hanggang sa gayong antas. Hindi ba’t mapanira ang intensyon ni Satanas? Hindi ba’t isa itong mapaminsalang panlalansi? Habang nagiging popular ang kasabihang ito, mula sa hindi mo pagsang-ayon dito ay hahantong ka sa wakas sa paniniwalang ito ang katotohanan, at sa puntong iyon, ang puso mo ay ganap nang nahulog sa mga kamay ni Satanas, at samakatwid, hindi mo namamalayang namumuhay ka na ayon sa kasabihan. Gaano ka naapektuhan ng kasabihang ito? Maaaring alam mo ang tunay na daan, at maaari ring alam mo ang katotohanan, subalit wala kang lakas na hangarin ito. Maaaring malinaw na alam mo na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, ngunit hindi ka handang magbayad ng halaga o magdusa upang makamtan ang katotohanan. Sa halip, mas gugustuhin mong isakripisyo ang iyong sariling kinabukasan upang labanan ang Diyos hanggang sa pinakahuli. Anuman ang sinasabi ng Diyos, anuman ang ginagawa ng Diyos, gaano man kalalim at kadakila ang pagmamahal ng Diyos sa iyo, sa abot ng makakaya mong maunawaan ito, mapagmatigas mo pa ring ipipilit na igugol ang iyong sarili dahil sa kasabihang ito. Ibig sabihin, naligaw at nakontrol na ng kasabihang ito ang iyong mga iniisip, napamahalaan na nito ang iyong pag-uugali, at mas gusto mo pang hayaan itong pagharian ang iyong kapalaran kaysa bitiwan mo ang iyong paghahangad sa kayamanan. Na kaya mong kumilos nang ganoon, na kaya kang kontrolin at manipulahin ng mga salita ni Satanas—hindi ba’t ibig sabihin nito ay nailigaw at nagawa ka nang tiwali ni Satanas? Hindi ba’t nangangahulugan ito na ang pilosopiya at mga kaisipan ni Satanas, at ang disposisyon ni Satanas, ay nag-ugat na sa puso mo? Kapag ang buong atensyon mo ay nasa paghahangad na yumaman, at tinalikdan mo ang paghahangad ng katotohanan, hindi ba’t nagtagumpay na si Satanas sa pakay nitong iligaw ka? Ito mismo ang nangyayari. Nadarama mo ba kapag inililigaw at ginagawa kang tiwali ni Satanas? Hindi. Kung hindi mo nakikita si Satanas na nakatayo sa harap mo mismo, o nadarama na si Satanas iyon na kumikilos nang patago, makikita mo ba ang kabuktutan ni Satanas? Malalaman mo ba kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ginagawang imposible ni Satanas para sa kanila na magdepensa laban sa katiwaliang ito at ginagawa silang walang magawa laban dito. Ipinatatanggap ni Satanas sa mga tao ang mga kaisipan nito, ang mga pananaw nito, at ang mga buktot na bagay na nagmumula rito sa mga sitwasyon kung saan hindi nila alam at kapag hindi nila namamalayan kung ano ang nangyayari sa kanila, at pagkatapos tanggapin ang mga bagay na ito, hindi tumututol ang mga tao sa mga ito. Minamahal nila at pinanghahawakan ang mga bagay na ito na parang isang kayamanan, hinahayaan nila ang mga bagay na ito na manipulahin sila at paglaruan sila; ganito ang pamumuhay ng mga tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala silang malay na sinusunod nila si Satanas, at lalo pang lumalalim ang pagtitiwali ni Satanas sa tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
78. May anim na pangunahing mga pandaraya na ginagamit ni Satanas Upang gawing tiwali ang tao
Ang una ay pagkokontrol at pamumuwersa. Iyon ay, gagawin ni Satanas ang lahat ng maaaring gawin upang kontrolin ang iyong puso. Ano ang ibig sabihin ng “pamumuwersa”? Nangangahulugan ito ng paggamit ng pagbabanta at sapilitang taktika upang pilitin kang sumunod dito, na pinag-iisip ka sa mga kahihinatnan kung hindi ka susunod. Natatakot ka at hindi nangangahas na salungatin ito, kaya sumusuko ka.
Ang ikalawa ay ang pandaraya at panlalansi. Ano ang kaakibat ng “pandaraya at panlalansi”? Bumubuo si Satanas ng ilang kuwento at mga kasinungalingan, na nilalansi ka na paniwalaan ang mga ito. Kailanman hindi nito sinasabi sa iyo na ang tao ay nilikha ng Diyos, ngunit hindi rin nito direktang sinasabi na ikaw ay hindi ginawa ng Diyos. Hindi nito ginagamit ang salitang “Diyos” sa anumang paraan, ngunit sa halip ay gumagamit ng iba pang bagay bilang kahalili, na ginagamit ang bagay na ito upang ilihis ka nang sa gayon ay wala kang ideya sa pag-iral ng Diyos. Siyempre, kasama ng panlalansi ang maraming aspeto, hindi lamang ang isang ito.
Ang ikatlo ay ang sapilitang pagdoktrina. Ano ang sapilitang itinuturo sa mga tao? Ang sapilitang pagdoktrina ay ginagawa ba sa sariling kagustuhan ng tao? Ginagawa ba ito nang may pahintulot ng tao? Talagang hindi. Kahit hindi ka pumayag, wala ka nang magagawa. Nadodoktrinahan ka ni Satanas nang hindi mo namamalayan, na ikinikintal sa iyo ang pag-iisip nito, mga patakaran sa buhay nito at ang diwa nito.
Ang ikaapat ay ang mga pagbabanta at mga pang-aakit. Iyon ay, ginagamit ni Satanas ang iba’t ibang mga pandaya upang iyong tanggapin ito, sundin ito, gumawa sa paglilingkod dito. Gagawin nito ang lahat upang makamit ang mga layunin nito. Minsan nagbibigay ito ng maliliit na pabor sa iyo, samantalang inaakit ka nito na magkasala. Kung hindi mo susundin ito, pahihirapan ka nito at parurusahan ka, at gagamit ito ng iba’t ibang paraan upang salakayin ka at magpakana laban sa iyo.
Ang ikalima ay panlilihis at pagkaparalisa. Ang “panlilihis at pagkaparalisa” ay kapag nagkikintal si Satanas sa mga tao ng ilang salitang masarap pakinggan at mga ideya na naaangkop sa kanilang mga haka-haka at tila makatwiran, upang palabasin na parang isinasaalang-alang nito ang pisikal na kalagayan ng kanilang mga buhay at mga kinabukasan, gayong ang totoo ito ay tanging layunin nito na linlangin ka. Pagkatapos ay pinaparalisa ka nito upang hindi mo malaman kung ano ang tama at ano ang mali, sa gayon ikaw ay nalinlang nang hindi mo nalalaman at sasailalim sa kontrol nito.
Ang ikaanim ay ang pagkawasak ng katawan at isip. Aling bahagi ng tao ang winawasak ni Satanas? Winawasak ni Satanas ang iyong isip, inaalisan ka ng kakayahang tumutol, na nangangahulugan na ang iyong puso ay dahan-dahang bumabaling kay Satanas nang hindi mo sinasadya. Ikinikintal nito ang mga bagay na ito sa iyo araw-araw, at ginagamit ang mga ideya at mga kulturang ito upang impluwensiyahan at linangin ka araw-araw, unti-unting sinisira ang kalooban mo, upang huwag mo nang gustuhing maging isang mabuting tao, upang huwag mo nang naising manindigan para sa tinatawag mong “katarungan.” Hindi mo namamalayan, wala ka nang taglay na pagpupursiging lumangoy laban sa agos, sa halip ay magpapatianod na lang dito. Ang “pagkawasak” ay nangangahulugan na labis na pinapahirapan ni Satanas ang mga tao kaya nagiging mga anino na lamang sila ng kanilang sarili, hindi na tao. Dito sinasamantala ni Satanas ang pagkakataon para lamunin sila.
Bawat isa sa mga pandaraya na ito na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao ay nagdudulot sa tao na mawalan ng kapangyarihan na lumaban; alinman sa mga ito ay nakamamatay sa mga tao. Sa madaling salita, anuman ang ginagawa ni Satanas at anuman ang panlalansi na ginagamit nito ay makakapag sanhing maging imoral ka, makakapagdala sa iyo sa ilalim ng kontrol ni Satanas at makakapagpapalubog sa iyo sa isang kumunoy ng kasamaan at kasalanan. Ito ang mga pandaraya na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI
79. Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghihimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang nagkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang nagkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong wala ni isang taong nagkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Marinig man nila ang katotohanan, walang pagnanais ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, at wala silang hilig na maghanap kahit na nakikita nilang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng anumang puwang sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
80. Bagaman si Satanas ay Mukhang Makatao, Makatarungan at Mabuti, ang Diwa ni Satanas ay Malupit at Buktot
Bumubuo si Satanas ng reputasyon sa pamamagitan ng panlilinlang sa mundo, at madalas na itinatatag ang sarili nito bilang isang tagapanguna at huwaran ng katarungan. Sa ilalim ng mga huwad na pagpapanggap ng pagtataguyod ng katarungan, pinipinsala nito ang mga tao at nilalamon ang kanilang mga kaluluwa, at gumagamit ito ng lahat ng uri ng pamamaraan upang gawing manhid, ilihis at sulsulan ang mga tao, na ang intensiyon ay idulot na sang-ayunan at sundin ng mga tao ang masama nitong gawa, at samahan ito sa paglaban sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Gayumpaman, kapag natalos ng isang tao ang mga pakana at lihim na balak nito at natalos ang kasuklam-suklam nitong mukha, at kapag ayaw na niyang patuloy na matapak-tapakan o maloko nito o patuloy na magpakaalipin para dito, o maparusahan at malipol kasama nito, binabago ni Satanas ang dati nitong mukha na parang banal, pinupunit ang huwad nitong maskara, at ibinubunyag ang mabangis na tunay na sarili nito, na buktot, malupit, at pangit. Wala na itong ibang mas nanaisin pa kundi ang puksain ang lahat ng tumatangging sumunod dito at lumalaban sa mga buktot nitong puwersa. Sa puntong ito, hindi na kaya ni Satanas na mag-anyong mapagkakatiwalaan at matuwid; ang pumapalit dito ay ang pangit na tunay na sarili nito—ang diyablo—na dati ay nakatago sa ilalim ng damit ng tupa. Sa sandaling mabunyag ang mga pakana ni Satanas at malantad ang tunay na sarili nito, sasabog ito sa galit at pakakawalan ang kabangisan nito, at titindi ang pagnanais nitong pinsalain at lamunin ang tao. Labis itong nagagalit sa pagkamulat ng tao sa katotohanan, at nagkakaroon ito ng matinding pagkamuhi at pagiging mapaghiganti sa tao dahil sa pag-aasam niya sa kalayaan at liwanag at sa adhikain niyang makawala mula sa bilangguan nito. Ang matinding galit nito ay naglalayong ipagtanggol ang kabuktutan nito, at isa rin itong tunay na pagbubunyag ng mabangis nitong kalikasan.
Sa lahat ng ginagawa ni Satanas, ibinubunyag nito ang buktot na kalikasan nito. Sa lahat ng masamang gawa na ginawa ni Satanas sa tao—mula sa naunang mga pagsisikap nito na ilihis ang tao upang sundin ito, hanggang sa pagsasamantala nito sa tao kung saan idinudulot nito na lumahok ang tao sa masasamang gawa nito, hanggang sa paghihiganti nito sa tao matapos malantad ang tunay nitong sarili at nakilatis at tinalikuran ito ng tao, at iba pa—wala kahit isa sa mga gawang ito ang nabigong ilantad ang buktot na diwa ni Satanas, ni patunayan ang katunayan na si Satanas ay walang kaugnayan sa mga positibong bagay at na si Satanas ang pinagmumulan ng lahat ng masasamang bagay. Ang lahat ng kilos nito ay nagsisilbi upang pangalagaan ang kasamaan nito, tiyakin ang pagpapatuloy ng masasamang gawa nito, salungatin ang mga makatarungan at positibong bagay, at sirain ang mga batas at tuntunin ng normal na pag-iral ng sangkatauhan. Ang lahat ng kilos na ito ay mapanlaban sa Diyos, at ang mga ito ay wawasakin ng poot ng Diyos. Bagaman si Satanas ay may sariling matinding galit, ang matinding galit nito ay isang pamamaraan lamang upang mailabas ang buktot na kalikasan nito. Ang dahilan kung bakit si Satanas ay nagngangalit at galit na galit ay ito: Nalantad ang napakasamang mga pakana nito; ang mga lihim na balak nito ay hindi madaling makalusot; ang mapangahas na ambisyon at pagnanais nito na palitan ang Diyos at kumilos bilang ang Diyos ay napabagsak at nahadlangan; at ang layon nitong kontrolin ang buong sangkatauhan ay nauwi sa wala at hindi na kailanman makakamit. Ang paulit-ulit na pagtawag ng Diyos sa Kanyang poot, muli’t muli, ang nagpatigil sa pagbubunga ng mga balak at pumigil sa pagdami at paglaganap ng kabuktutan ni Satanas. Sa kadahilanang ito, kapwa kinamumuhian at kinatatakutan ni Satanas ang poot ng Diyos. Sa tuwing bumababa ang poot ng Diyos, hindi lamang nito inilalantad ang tunay na ubod ng samang anyo ni Satanas, inilalantad din nito sa liwanag ang mga buktot na pagnanasa ni Satanas. Kasabay nito, ang mga dahilan ng matinding galit ni Satanas laban sa sangkatauhan ay ganap nang nailalantad. Ang pagsabog ng matinding galit ni Satanas ay isang tunay na pagbubunyag ng buktot na kalikasan nito at isang paglalantad ng mga pakana nito. Siyempre, ipinararating ng bawat pagsiklab ng galit ni Satanas ang pagkawasak ng mga buktot na bagay at proteksyon at pagpapatuloy ng mga positibong bagay; ipinararating nito ang katunayan na hindi maaaring labagin ang poot ng Diyos!
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II