7. Pinatototohanan mo na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay naglalaman ng mga bagong salita ng Diyos, ngunit malinaw na isinasaad ng Aklat ng Pahayag, “Aking pinapatotohanan sa bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito, kung ang sinuman ay magdagdag sa mga bagay na ito, Idadagdag sa kanya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito(Pahayag 22:18). Hindi ba ito pagdaragdag sa Biblia?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia; Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago” (Pahayag 2:17).

“At nakita ko sa kanang kamay Niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakan ng pitong tatak. At nakakita ako ng isang malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, ‘Sinong karapatdapat magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito?’ At sinuman sa langit, o sa ibabaw ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ay hindi makapagbukas ng aklat, o makatingin man. At ako’y umiyak nang umiyak, sapagkat walang nahanap na sinumang marapat magbukas ng aklat, o makatingin man lang dito: At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito” (Pahayag 5:1–5).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang mga naitala sa Bibliya ay limitado; hindi nito kayang kumatawan sa kabuuan ng gawain ng Diyos. Ang Apat na Ebanghelyo sa kabuuan ay wala pang isang daang kabanata, kung saan nakasulat ang takdang bilang ng mga pangyayari, tulad ng pagsumpa ni Jesus sa puno ng igos, tatlong pagtatwa ni Pedro sa Panginoon, pagpapakita ni Jesus sa mga alagad kasunod ng Kanyang pagkapako sa krus at muling pagkabuhay, pagtuturo tungkol sa pag-aayuno, pagtuturo tungkol sa panalangin, pagtuturo tungkol sa diborsiyo, ang kapanganakan at talaangkanan ni Jesus, ang paghirang ni Jesus sa mga alagad, at iba pa. Subalit, pinahahalagahan ang mga ito ng tao bilang mga kayamanan, at ikinukumpara pa sa mga ito ang gawain sa ngayon. Naniniwala pa nga sila na gumawa lamang nang gayon karami si Jesus sa Kanyang buhay, na para bang gayon lamang karami ang kayang gawin ng Diyos at wala nang iba pa. Hindi ba ito katawa-tawa?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)

Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sinundan ng mga Israelita ang daan ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ngayon, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito dati sa Bibliya. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang hinirang na mga tao sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, at nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit at mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi maarok o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Bibliya ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon bago ito maganap, nang walang makakaligtaan? Sino ang maaaring makapagtala nitong mas dakila at mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro na iyon? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Bibliya, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Bibliya. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa bagong mundo at sa bagong gawain. Dapat mong maunawaan kung bakit hinihingi ngayon na huwag mong basahin ang Bibliya, kung bakit mayroong ibang gawain na hiwalay sa Bibliya, kung bakit ang Diyos ay hindi na naghahanap ng mas bago at mas detalyadong pagsasagawa sa Bibliya, at kung bakit sa halip ay mayroong mas makapangyarihang gawain sa labas ng Bibliya. Ito ang lahat ng dapat mong maunawaan. Kailangan mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong gawain, at kahit na hindi mo binabasa ang Bibliya, dapat ay magawa mo itong himayin; kung hindi, sasambahin mo pa rin ang Bibliya, at magiging mahirap para sa iyo na makapasok sa bagong gawain at sumailalim sa mga bagong pagbabago. Yamang mayroong mas mataas na daan, bakit pag-aaralan ang mas mababa at makalumang daan? Yamang mayroong mga mas bagong pagbigkas, at mas bagong gawain, bakit ka mamumuhay batay sa lumang mga talaan ng kasaysayan? Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapagtustos sa iyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi ka mabibigyang-kasiyahan, o hindi makatutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan na ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito ay kasaysayan lamang na ginugunita ng mga tao, at kahit ano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito ay lumang daan pa rin. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na walang nakatala tungkol dito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay para sa naririto at sa ngayon. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (1)

Ang gawain ni Jesus ay para lamang sa kapakanan ng pagtubos sa tao at ang pagpapapako sa krus. Kaya, hindi Niya kailangang higit pang mangusap upang malupig ang sinumang tao. Ang karamihan sa Kanyang mga itinuro sa tao ay mula sa mga salita sa Banal na Kasulatan, at kahit na ang Kanyang gawain ay hindi higit sa Banal na Kasulatan, naisagawa pa rin Niya ang gawaing pagpapapako sa krus. Ang Kanyang gawain ay hindi gawain ng salita, ni para sa kapakanan ng paglupig sa sangkatauhan, sa halip ito ay upang matubos ang sangkatauhan. Gumanap lang Siya bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, at hindi gumanap bilang mapagkukunan ng salita para sa sangkatauhan. Hindi Niya isinagawa ang gawain ng mga Hentil, na gawain ng panlulupig sa tao, kundi ang gawain ng pagpapapako sa krus, ang gawain na isinagawa sa mga naniniwala na mayroong Diyos. Kahit na ang Kanyang gawain ay naisakatuparan sa saligan ng Banal na Kasulatan, at ginamit Niya ang mga hula ng matatandang propeta upang isumpa ang mga Pariseo, ito ay sapat na upang matapos ang gawain ng pagpapapako sa krus. Kung ang gawain sa ngayon ay isinasagawa pa rin sa saligan ng mga hula ng matatandang propeta sa Banal na Kasulatan, magiging imposible na kayo ay malupig, dahil ang Lumang Tipan ay hindi naglalaman ng mga ulat ng inyong paghihimagsik at ng mga kasalanan ninyong mga Tsino, at walang kasaysayan ng inyong mga kasalanan. At kaya, kung ang gawaing ito ay nananatili pa rin sa Bibliya, hindi kayo kailanman susuko. Ang Bibliya ay nagtatala lang ng limitadong kasaysayan tungkol sa mga Israelita, isang hindi kayang itakda kung kayo ay mabuti o masama, o hatulan kayo. Ipagpalagay na kayo ay hahatulan Ko ayon sa kasaysayan ng mga Israelita—susundan pa rin ba ninyo Ako katulad ng inyong pagsunod ngayon? Alam ba ninyo kung gaano kayo kasutil? Kung walang binitiwang mga salita sa yugtong ito, magiging imposible ang pagtapos sa gawain ng paglupig. Dahil hindi Ako pumarito upang maipako sa krus, nararapat Akong magbitiw ng mga salita na hiwalay mula sa Bibliya, upang kayo ay malupig.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (1)

Iba ang mga salita na winika ng Diyos sa kapanahunang ito sa mga winika noong Kapanahunan ng Kautusan, at kaya, gayon din, naiiba ang mga iyon mula sa mga salita na winika noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng salita, kundi isinalarawan lamang ang pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Isinasalarawan lamang ng Bibliya kung bakit kailangang ipako sa krus si Jesus, at ang mga pagdurusang dinanas Niya sa krus, at kung paanong dapat maipako sa krus ang tao para sa Diyos. Sa kapanahunang iyon, nakatuon sa pagpapapako sa krus ang lahat ng gawain na ginawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kaharian, nagwiwika ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita upang lupigin ang lahat ng nananampalataya sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; dumating ang Diyos sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang gawaing ito, na ang ibig sabihin, naparito Siya upang tuparin ang aktuwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang may pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinakadiwa ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag nagwiwika ng Kanyang mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na nagiging katawang-tao. “Nang pasimula Siya ang Salita, at ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos, at nagkatawang-tao ang Salita.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at kailangan ngang pumarito ng Diyos sa lupa at maghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong isasakatuparan ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—maliwanag nang nakasaad ang lahat ng gawaing ito na dapat makamit sa katapusan, at ang lahat ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang mga atas administratibo at saligang-batas na dati nang nailabas, yaong mga mawawasak, yaong mga mamamahinga—dapat na matupad ang lahat ng salitang ito. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Pinangyayari Niya ang mga tao na maunawaan kung saan nabibilang yaong mga itinadhana ng Diyos at kung saan nabibilang yaong mga hindi itinadhana ng Diyos, kung paano mapapagbukud-bukod ang Kanyang mga tao at mga anak, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Ehipto—sa hinaharap, matutupad ang bawat isa sa mga salitang ito. Bumibilis ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang paraan upang ihayag sa tao kung ano ang gagawin sa bawat kapanahunan, kung ano ang gagawin sa mga huling araw ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang ministeryo na Kanyang gagampanan, at lahat ng salitang ito ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos

Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag, itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos ng pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang mga tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Kung mananatiling nakatali ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit hindi taglay ang daan ng buhay na magtutulot sa kanila na makilala ang Diyos o mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na makakamit kailanman sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng pananampalataya. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga pagnanais na taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya kapraktikal at kamakapangyarihan-sa-lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang manampalataya sa Diyos, at kung ano ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos. Yaong mga nakapagpapasakop sa katotohanan at nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagkakamit ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at pati na rin ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: “At ako ay lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako ay lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto; At sa gitna ng pitong kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Sa mga pagdagsa ng mga pagkastigo at paghatol, ipinapahayag ng Anak ng tao ang Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng mga pagbigkas, na nagtutulot sa lahat ng tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, na isang matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre pa, lahat ng ito ay hindi makikita ng mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na maipahayag nang malinaw gamit ang pananalita ng tao, kaya nga ginagamit ng Diyos ang paraan ng pagpapahayag sa Kanyang likas na disposisyon upang ipakita sa tao ang Kanyang tunay na mukha. Na ibig sabihin ay lahat ng nagpahalaga sa likas na disposisyon ng Anak ng tao ay nakita na ang tunay na mukha ng Anak ng tao, sapagkat napakadakila ng Diyos at hindi maaaring lubos na mabigkas nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao. Kapag naranasan na ng tao ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, malalaman niya ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Juan nang banggitin niya ang Anak ng tao sa gitna ng mga ilawan: “Ang Kanyang ulo at ang Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niyebe; at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang Kanyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Sinundan: 6. Pinatototohanan mo na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay ang maliit na balumbon na binuksan ng Cordero na ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag. Hindi kami naniniwala. Naniniwala kami na ang “maliit na balumbon” ay tumutukoy sa Biblia, ang Biblia ay ang maliit na balumbon, at sapat na na ang Biblia lamang ang ating binabasa.

Sumunod: 8. Sa loob ng dalawang libong taon, ang pananampalataya ng tao sa Panginoon ay nakabatay sa Biblia. Matapos simulan ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol ng mga huling araw, ang lahat ng mga tumanggap sa Makapangyarihang Diyos ay nagtuon sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at bihirang magbasa ng Biblia. Ang nais kong malaman ay, pagkatapos nilang tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, paano dapat tratuhin at gamitin ng mga tao nang tama ang Biblia?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito