Ano ang isang taong mapanlinlang at ano ang kanilang mga pagpapakita

Abril 20, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Kapag namumuhay ang mga tao sa kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon, anuman ang kanilang ginagawa, sila ay magkukunwari, magbabalatkayo, at gagamit ng mga pailalim na pandaraya; gagamit sila ng panlilinlang sa lahat ng bagay, naniniwala na puwedeng gamitin ang panlilinlang at pagpapakana kahit saan. Mayroong mga taong nagkikimkim ng panlilinlang kahit sa paggawa ng bagay na kasingpangkaraniwan ng pagbili. Halimbawa, bumibili ang taong ito ng isang pares ng usung-usong sapatos. Iniisip niya: “Kapag nakita ako ng mga kapatid na suot ang mga sapatos na ito, walang dudang sasabihin nila na hindi ko ginagastos ang pera ko sa mga makabuluhang bagay, kaya hindi ko isusuot ang mga sapatos na ito sa harap nila. Hihintayin ko na wala kaming pagtitipon bago ko suotin ang mga ito, at hihintayin kong mawala sa uso ang mga ito at hindi na mukhang mamahalin bago ko suotin.” Paano ka man kumilos tungkol dito—paano mo man ito tingnan—hindi ba’t nagsasagawa ka ng panlilinlang sa mapagpakanang pag-iisip mong ito? Namumuhay ka na sa panlilinlang, nakahanda ka nang kumilos sa ganitong paraan. Kaya bakit ka nagsasagawa ng panlilinlang? Kinokontrol ka ba ng sarili mong mga motibasyon at hangarin? At makatwiran ba ang mga hangarin mong ito? Ano ang diwa ng mga ito? Ang iyong satanikong disposisyon ang kumokontrol sa iyo, hindi ba? Gumagamit ka ng ilang taktika at nagsasagawa ka ng panlilinlang para makamit mo ang iyong hangarin, hindi ba? Kumikilos ka sa isang paraan sa harap ng mga tao at sa iba pang paraan sa kanilang likuran. Ikaw ay tuso, balimbing—ang ganitong uri ng pag-uugali ay pagsasagawa ng panlilinlang. Ano ang masasabi ninyo rito: Ang mga mapanlinlang na tao ay mga hangal, hindi ba? Bakit, sa sandaling masabihan ang ilang tao na siyasatin ang kanilang mga sarili, sila ay nagiging problemado? Ito ay dahil nagmumukhang walang kwenta, hindi pulido, at hamak ang mga munti nilang tusong panlilinlang—masyadong kahiya-hiya ang mga iyon para ipakita sa iba, ang mga iyon ang mga kahina-hinalang gawain ng mga hamak na tao. Ang mga gawain ng mga mapanlinlang na tao ay hindi kailanman maisasapubliko para makita ng lahat. Bakit ganoon? Dahil, sa sandaling ilalantad na nila ang kanilang sarili, bigla nilang mapagtatanto: “Paano ako naging ganoon kahangal para gawin iyon? Paano ako naging ganoon kasuklam-suklam?” Maging sila ay nasusuklam sa kanilang mga sarili. Pero noong ginagawa nila iyon, hindi nila mapigilan ang kanilang mga sarili—palagi nilang gustong umasta nang ganoon; sapagkat sila ay likas na mapanlinlang, at anuman ang gawin nila, natural lang na inilalantad nila ang kanilang mapanlinlang na kalikasan—kahit sa napakaliit na bagay, ilalantad nila ang kanilang mapanlinlang na kalikasan. Hindi nila mapigilan ang kanilang mga sarili sa kahit anong bagay; iyon ang kanilang nakapagpapabagsak na kahinaan. … Hindi mapipigilan ng mga mapanlinlang na tao na ilantad ang kanilang pagiging mapanlinlang, at bukod pa riyan, ginagawa nila iyon sa anumang oras at sa anumang lugar. Hindi ito isang bagay na kailangan nilang matutuhan, o na kailangang ituro ng iba; sa isang lubos na simpleng bagay, sa isang bagay na hindi nangangailangan ng mga kasinungalingan o pagiging mapanlinlang, tatahakin pa rin nila ang mapanlinlang na daan, at mag-iimbento ng mga kasinungalingan para mandaya ng mga tao.

Hinango mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang pangunahing katangian ng mga taong mapanlinlang ay hindi sila kailanman nagtatapat kapag nakikibahagi sila kaninuman; labis nilang inililihim ang tungkol sa mga sarili nila. Dagdag pa rito, walang sinumang makatuklas kung ang sinasabi nila ay totoo o hindi. Bukod pa riyan, partikular na sanay silang magkunwari at manlinlang; nagkukunwari silang mabuti, mabait, tapat, minamahal at pinagpipitaganan ng iba. Sa pakikipag-ugnayan sa kanila, hindi mo malalaman kailanman kung ano ang kanilang iniisip; hindi nila sinasabi ang tunay nilang pananaw o saloobin tungkol sa mga bagay-bagay, at maging ang mga pinakamalalapit sa kanila ay hindi alam ang mga iyon. Hindi nila binubuksan ang kanilang puso; wala silang ipinapakita. Hindi lamang iyon, kundi nagkukunwari rin silang makatao, na lubhang espirituwal, na hinahanap nila ang katotohanan. Walang mag-iisip na hindi sila ganoon.

Hinango mula sa “Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (I)” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng mga tao at mga bagay, at sa gayon, ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung may gawi kang pagdudahan ang Diyos at maghaka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng mga tao. Ipinagpapalagay mo kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, makitid ang isip, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang muwang sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Halos kasalanan ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroong pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay yaong mga palapuri at nanghihibo, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon yaong mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng lahat ng mga taong ito? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at panlalait sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at mas higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

Ang isang tao ay maaaring hindi kailanman magtapat at sabihin ang kanilang iniisip sa iba. At sa lahat ng kanilang ginagawa, hindi sila kailanman kumokonsulta sa iba, kundi sa halip ay naglilihim sila, na tila nag-iingat sa iba sa lahat ng pagkakataon. Binabalot nila nang husto ang kanilang sarili hangga’t maaari. Hindi ba tuso ang taong ito? Halimbawa, may ideya sila na sa pakiramdam nila ay matalino, at iniisip nila, “Ililihim ko muna ito ngayon. Kung ibabahagi ko ito, maaaring gamitin ninyo ito at nakawin ang papuri sa akin. Ililihim ko ito.” O kung may isang bagay na hindi nila lubos na nauunawaan, iisipin nila: “Hindi ako magsasalita ngayon. Paano kung magsalita ako, at may sabihin ang isang tao na mas maganda, hindi ba magmumukha akong hangal? Makikita ng lahat ang niloloob ko, makikita ang kahinaan ko rito. Hindi ako dapat magsalita.” Kaya anuman ang pananaw o katwiran, anuman ang motibo sa likod nito, natatakot sila na makita ng lahat ang niloloob nila. Lagi nilang hinaharap ang sarili nilang tungkulin at mga tao, bagay at kaganapan nang may ganitong klaseng pananaw at pag-uugali. Anong klaseng disposisyon ito? Isang baluktot, mapanlinlang at masamang disposisyon. Sa panlabas ay tila nasabi na nila sa iba ang lahat ng pinaniniwalaan nilang maaari nilang sabihin, ngunit sa likod nito, may ilang bagay silang kinikimkim. Hindi nila kailanman sinasabi ang mga bagay na may kinalaman sa kanilang reputasyon at mga interes—hindi sa kanino man, hindi kahit sa kanilang mga magulang. Hindi nila kailanman sinasabi ang mga bagay na ito. Isa itong problema!

Hinango mula sa “Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maaaring Magtaglay ang Tao ng Normal na Pagkatao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Hindi nagsasabi ng totoo kahit kanino ang ilang tao. Minsan ni hindi nila alam sa kanilang sarili kung ang sinasabi ba nila ay totoo o mali—nililito nila ang kanilang sarili. Kapag nakikipag-usap sila sa iba, palagi silang nag-iisip at palaging umiikot ang kanilang isipan sa kung ano ang mga kahihinatnan ng pagsasabi ng isang bagay. Bago nila sabihin ang isang bagay, kinikilatis at hinuhulaan nila kung ano ang maaaring makamit ng pagsasabi nito sa isang paraan, at kung ano ang maaaring makamit ng pagpapahayag nito sa ibang paraan, at kung ano ang makalilinlang sa iba at makapipigil sa kanilang maunawaan ang katotohanan ng bagay na ito. Anong disposisyon ito? Ito ay pagiging mapanlinlang. Madali ba para sa isang tao na baguhin ang isang mapanlinlang na disposisyon? Walang disposisyon na madaling baguhin. Ang ilang tao, na nakapagbunyag ng isang bagay sa kanilang sarili, ay iniisip: “Hinayaan kong malaman nila ang mga totoong iniisip ko. Masama ito. Kailangan kong makahanap ng paraan upang baligtarin ito—na sabihin ito sa ibang paraan upang hindi nila malaman ang katotohanan.” Ganito sila mag-isip at magplano, at kapag kikilos na sila, ibinubunyag nila ang isang uri ng disposisyon: panlilinlang. May gagawin silang napakasamang bagay. Bago pa man gumawa ng anumang bagay, naibunyag na nila ang kanilang pagiging mapanlinlang. Isa itong uri ng disposisyon. Hindi mahalaga kung may nasabi ka man o wala, o kung may nagawa ka man o wala—palaging nasa loob mo ang disposisyong ito, kinokontrol ka, inuudyukan kang maglaro at makisali sa pandaraya, paglaruan ang mga tao, pagtakpan ang katotohanan, at ipresenta nang mabuti ang iyong sarili. Ito ay pagiging mapanlinlang. Anong mga partikular na bagay ang ginagawa ng mga mapanlinlang na tao? Halimbawa ay nag-uusap ang dalawang tao, at sinabi ng isa, “May pinagdaanan akong mga pangyayari kamakailan, at pakiramdam ko na ang mga taon na ito ng paniniwala sa Diyos ay talagang naging walang kabuluhan. Isa akong kabiguan bilang isang tao! Naghihikahos, nakakaawa! Matagal na akong hindi nakagaganap nang mabuti. Magsisikap akong makabawi sa hinaharap.” Ano ang magiging epekto ng pagsasabi niya nito? Maririnig ito ng isa at iisiping: “Nagsisi na ang taong ito—lubusang nagsisi. Totoo ito. Hindi ko ito maaaring pagdudahan. Nagbago na siya para sa mas makabubuti. Sinabi pa niyang isa siyang kabiguan bilang isang tao at na ang mga suliraning kinaharap niya kamakailan ay pinangasiwaan lahat ng Diyos. Nagawa niyang magpasakop.” Sa pagtatamo ng gayong epekto sa tagapakinig, nakamit ba ang layunin ng tagapagsalita? (Oo.) Ang tunay ba niyang kalagayan ay ang mismong sinabi niya? Hindi tiyak na ganoon nga. Nagdulot ng gayong epekto ang sinabi niya, ngunit ang ginawa niya ay hindi tulad ng sinabi niya. Ang punto niya sa pagsasabi nito ay ang paraan na sinasabi niya ito, ang kalalabasan na nais niyang makamit. Sa pagsasalita, palagi nilang sinusubukang makamit ang isang bagay, palagi silang may ilang motibo, palagi silang gumagamit ng isang partikular na pamamaraan o partikular na mga salita upang makamit ang sarili nilang mga layunin. Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging mapanlinlang, at talagang mapanira ito! At ang totoo, hindi nila namamalayan ni kaunti na sila ay masama, naghihikahos at nakakaawa. Gumagamit lamang sila ng ilang wika at mga salitang espirituwal upang makuha ang iyong pabor, upang magkaroon ka ng magandang opinyon tungkol sa kanila, para madama mong naunawaan nila ang kanilang sarili at sila’y nagsisi na. Ang pagkamit ba ng gayong epekto ay hindi pagiging mapanlinlang?

Hinango mula sa “Dapat Maunawaan ang Anim na Aspeto ng isang Tiwaling Disposisyon para Mabago ang Disposisyon” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kapag isinasagawa ng mga mapanlinlang na tao ang katotohanan, gumagawa ba sila ng panlilinlang? Kailangan sa pagsasagawa ng katotohanan na sila ay magpakasakit, na isuko nila ang sarili nilang mga interes, na ilantad nila ang kanilang mga sarili sa iba. Ngunit may itinatago sila; kapag nagsasalita sila, kalahati lang ang ibinibigay nila, at itinatago ang natitira. Laging kailangang hulaan ng iba kung ano ang ibig nilang sabihin, laging kailangang pagtagni-tagniin ang mga bagay-bagay para hulaan kung ano ang ibig nilang sabihin. Palagi nilang binibigyan ang kanilang mga sarili ng pagkakataong magmaniobra, binibigyan nila ang kanilang mga sarili ng kaunting palugit. Sa sandaling makita ng iba na sila ay mapanlinlang, ayaw na nilang makihalubilo sa kanila, palagi silang nag-iingat kapag nakikitungo sa kanila, at hindi naniniwala sa kahit anong sabihin nila, iniisip kung totoo o hindi ang sinabi nila, at kung gaano karami roon ang binago. Kung kaya, sa kanilang mga puso, madalas na nawawalan ng tiwala ang mga tao sa kanila, bahagyang-bahagya lang silang matimbang sa puso ng mga tao, o walang kahit kaunting timbang. Ganoon ang iyong katayuan at ang timbang mo sa puso ng mga tao. Kung kaya’t paano ka isasaalang-alang ng Diyos sa Kanyang presensya? Kumpara sa tao, nakikita ng Diyos ang mga tao nang mas tumpak, mas tuwiran, at mas makatotohanan.

Hinango mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Palagi mong iniisip ang iyong laman at ang iyong sariling mga inaasahan, palagi mong gustong bawasan ang paghihirap ng laman, bawasan ang pagsisikap, bawasan ang debosyon, bawasan ang pagpapakasakit, at palagi mong binibigyan ang sarili mo ng pagkakataong magmaniobra—at ito ang iyong ugaling mapanlinlang. Kapag gumugugol ka para sa Diyos, nagdadalawang-isip ka rin, sinasabing: “Ay! Ilaan ang aking sarili sa Diyos? Kailangan ko pa ring kumita nang malaki; anong gagawin ko kapag hindi natapos ang gawain ng Diyos? Kaya hindi ko ibibigay ang buong makakaya ko. Hindi natin alam kung kailan matutupad ang mga salita ng Diyos, kaya kailangan kong maging maingat, kailangan kong magdalawang-isip. Kapag naisaayos ko na ang buhay-pamilya ko, at kapag naisaayos ko na ang mga inaasahan ko sa hinaharap at naasikaso ko na iyon, iaalay ko ang sarili ko sa Diyos.” Ang ganoong pag-aatubili ay panlilinlang din, at pagkilos sa panlilinlang, at hindi ito isang tapat na pag-uugali. Kapag nakikipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid na lalaki at babae, ang ilang mga tao ay takot na takot na malalaman nila ang mga paghihirap na nasa kanilang mga puso, at na ang mga kapatid na lalaki at babae ay may masasabi tungkol sa kanila o hahamakin sila. Habang nagsasalita sila, lagi nilang ipinararamdam ang kanilang simbuyo ng damdamin, na talagang gusto nila ang Diyos, at masigasig sa pagsasagawa ng katotohanan, nguni’t sa katunayan, sa loob ng kanilang mga puso, sila ay masyadong mahina at walang-kibo. Nagkukunwari silang malakas, kaya’t walang nakakakita ng totoo. Ito rin ay panlilinlang. Sa kabuuan, anuman ang ginagawa mo—kung iyan man ay sa buhay, paglilingkod sa Diyos, o pagganap ng tungkulin mo—kung nagpapakita ka ng huwad na pagmumukha at ginagamit mo ito para linlangin ang mga tao, para tumaas ang tingin nila sa iyo o hindi ka nila hamakin, nagiging mapanlinlang ka!

Hinango mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ano ang masasabi ninyo rito: Nakakapagod mabuhay kasama ng mga mapanlinlang na tao, hindi ba? (Oo nga.) Nakakapagod ba iyon para sa kanila? Nakakapagod din iyon para sa kanila, dahil iba ang pagiging mapanlinlang sa pagiging tapat. Ang isang tapat na tao ay simple—ang pag-iisip niya ay hindi ganoon kakomplikado. Ngunit sa kaso ng isang mapanlinlang na tao, palagi niyang kailangang magsalita nang paliguy-ligoy, hindi kailanman nagiging tuwiran sa kahit anong sinasabi niya. Nakakapagod din iyon para sa kanya; ang palaging pandaraya at pagtatakip sa mga kasinungalingan niya ay nakakapagod. Palagi niyang pinipiga ang kanyang utak at nag-iisip nang mabuti, sa takot na may mailantad siya nang hindi sinasadya sa isang sandali ng kapabayaan. Alam ba ninyo kung hanggang saan aabot ang ilang tao sa kanilang pandaraya? Nakikipagpaligsahan sila sa lahat ng tao. Naghihirap sila hanggang sa puntong masira na ang isip nila at ni hindi na sila makatulog sa gabi. Mula rito ay makikita ng isang tao ang antas ng pagiging mapanlinlang nila. Ang pamumuhay bilang isang tapat na tao ay hindi nakakapagod: Sinasabi ng isang tapat na tao kung anuman ang nasa isip niya, nilalantad niya kung anuman ang iniisip niya, at ginagawa niya kung anuman ang iniisip niya, hinahanap ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay at kumikilos alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya lang ay maaaring may mga aspeto kung saan siya ay walang muwang, kaya’t sa hinaharap ay dapat siyang maging mas marunong, at dapat ay hindi siya kailanman tumigil sa paglago. Ngunit hindi ganito ang mga taong mapanlinlang. Nabubuhay sila batay sa pilosopiya ni Satanas at sa sarili nilang mapanlinlang na kalikasan at diwa. Kailangan nilang mag-ingat sa lahat ng ginagawa nila dahil kung hindi ay masama ang iisipin ng iba sa kanila; sa lahat ng ginagawa nila, kailangan nilang gamitin ang sarili nilang mga pamamaraan, at ang sarili nilang mapanlinlang at buktot na mga pakana, para pagtakpan ang tunay na layunin nila, sa takot na sa malao’t madali ay mailantad nila ang sarili nila—at kapag nailantad na nga nila ang tunay nilang sarili, kailangan nilang baligtarin ang mga bagay-bagay. May mga pagkakataon na, habang sinusubukan nilang maituloy pa rin ang kanilang pagpapanggap, hindi iyon ganoon kadali, at kapag hindi maganda ang nangyayari, nag-aalala sila, natatakot na mahalata ng iba ang tunay nilang pagkatao. At kapag nangyari nga iyon, pakiramdam nila ay napahiya sila sa iba, at pagkatapos ay kailangan nilang mag-isip ng masasabi para mabaligtad ang sitwasyon. Ang lahat ng pag-uurong-sulong na ito—hindi ba ito nakakapagod para sa kanila? Tuluy-tuloy na tumatakbo ang isip nila; kung hindi, saan manggagaling ang lahat ng mga salita nila? Kung ikaw ay tapat at walang mga lihim na motibo sa salita at sa gawa, ang anumang gawin mo ay nagagawa sa mismong oras na iyon, nang hindi kinakailangang mag-alala na makita ang iyong tunay na kulay. Paano ka mapapagod? Ngunit palaging may lihim na motibo sa likod ng mga bagay na sinasabi at ginagawa ng mga taong mapanlinlang, at sa sandaling mahayag iyon, nagkakandarapa silang mag-isip ng mga paraan para ayusin ang kanilang balatkayo, at pagkatapos ay gagawa sila ng ibang palabas para linlangin kang isipin na ganap na ibang bagay na iyon. Ito ay lalo nang nakakapagod para sa kanila. Sa iyong mga pakikipag-ugnayan sa kanila, nararamdaman mo kung gaano kawalang saysay na kumilos sila sa ganitong paraan, at kung gaano hindi kinakailangan na sabihin nila ang lahat ng bagay na ito. Mayroong mga bagay na talagang hindi nila kailangang ipaliwanag, wala ka namang maiisip tungkol sa mga iyon, ngunit ibubuhos nila ang kanilang mga sarili sa pagpapaliwanag, at sa pagsasalba sa sitwasyon, hanggang sa magsawa ka na sa pakikinig sa kanila. Sila mismo ay nakakaramdam na hindi magiging masyadong nakakapagod kung hindi nila kailangang ipaliwanag ang lahat ng bagay. Walang tigil sa pagtakbo ang utak nila sa pag-iisip kung paano ka hahadlangang magkamali sa pag-unawa sa kanila, paano ka makukumbinsi na walang masamang hangarin sa mga salita at kilos nila, upang tanggapin at paniwalaan mo sila. Kaya nga paulit-ulit nila iyong pinag-iisipan. Kapag hindi sila makatulog sa gabi, pinag-iisipan nila iyon; sa araw, kung hindi sila makakain, pinag-iisipan nila iyon; o kung kumokonsulta sila sa iba tungkol sa iba pang isyu, patuloy pa rin nilang sinusuri ito. Palagi silang magkukunwari para maramdaman mo na hindi sila ganoong klaseng tao, na mabuting tao sila, o para maramdaman mong hindi iyon ang ibig nilang sabihin. Ganito ang mga mapanlinlang na tao.

Hinango mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang mga bagay na may kinalaman sa likas na pagkatao ay hindi lamang ginagawa sa sandali ng kahinaan ngunit paulit-ulit ito sa buong buhay. Lahat ng ginagawa ng isang tao ay nagdadala ng kanyang amoy, nagdadala ng mga elemento ng kanyang kalikasan. Kahit na hindi malinaw ang mga elementong iyon kung minsan, nasa loob niya ang mga ito. Halimbawa, kapag ang isang mapanlinlang na tao ay nagsasalita nang matapat sa isang pagkakataon, mayroon pa rin talagang pananalita sa loob ng kanyang pagsasalita at nakahalo rito ang pagiging mapanlinlang. Gagamitin ng taong mapanlinlang ang kanyang mga taktika sa pandaraya kaninuman, kabilang na ang kanyang mga kamag-anak—maging mga anak niya. Gaano ka man kamatuwid sa kanya, dadayain ka pa rin niya. Ito ang tunay na mukha ng kanyang kalikasan—ganito ang kanyang kalikasan. Mahirap magbago at ganyan siya sa lahat ng oras. Paminsan-minsan, ang mga taong matapat ay maaaring magsabi ng isang bagay na tuso at mapanlinlang, nguni’t ang ganyang tao kadalasa’y medyo tapat; tinatanganan niya ang mga pangyayari nang hayagan at hindi nanlalamang nang di-makatarungan sa iba sa kanyang mga pakikitungo sa kanila. Kapag nakikipag-usap siya sa iba, hindi siya nagsasalita ng mga bagay-bagay para sadyaing subukan sila; nabubuksan niya ang kanyang puso at nakikipag-usap sa iba, at ang bawa’t isa ay nagsasabi na siya ay talagang matapat. May mga pagkakataon na nagsasalita siya nang may kaunting panlilinlang; iyon ay pagpapamalas lamang ng isang tiwaling disposisyon at hindi kumakatawan sa kanyang kalikasan, dahil hindi siya isang mapanlinlang na tao.

Hinango mula sa “Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Sa uri ng mga tao na mga anticristo, ang nakagawiang panlilinlang ay isa sa mga pangunahing katangiang inihahayag ng kanilang pagkatao. Sa pamamagitan ng kanilang wika, sa pamamagitan ng mga salitang sinasabi nila, at sa paraan ng pagsasabi nila sa mga iyon, sa paraan ng kanilang pagpapahayag, sa kahulugan ng kanilang mga salita, at sa motibasyon sa likod ng mga iyon, makikita ng isang tao na walang normal na pagkatao ang mga taong ito, na hindi sila nagtataglay ng katapatang hinihingi ng Diyos sa normal na pagkatao. Dagdag pa rito, ang nakagawiang panlilinlang sa pagkatao ng mga taong ito ay labis na mas seryoso kaysa sa mga kasinungalingan at panlilinlang ng mga pangkaraniwang tao. Hindi ito isang pangkaraniwang uri ng tiwaling disposisyon, o ang pagpapakita ng isang pangkaraniwang uri ng hindi normal na pagkatao; mas mabilis lumalabas ang kanilang mga kasinungalingan kaysa yaong sa karamihan ng mga tao, at mas bihasa sila. Kapag nagsisinungaling ang karamihan sa mga tao, kailangan nilang imbentuhin ang kasinungalingan, kailangan nila iyong pag-isipang mabuti; ngunit ang ganitong klase ng tao ay hindi na kailangang mag-imbento ng kahit na ano, o pag-isipan itong mabuti: Ibinubuka nila ang kanilang bibig at lumalabas na ito—at bago mo pa mamalayan, nalinlang ka na. Ganoon na lang ang kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang na inaabot ang mga taong mabagal ang reaksyon ng dalawa o tatlong araw bago mapagtanto ang mga bagay-bagay; saka lang nila napagtatanto kung ano ang ibig sabihin ng taong ito. Maaaring hindi pa rin napagtatanto ng mga may mapupurol na pag-iisip, o ng mga may mabababang IQ, ang mga bagay-bagay makalipas ang ilang taon; maaaring hindi na nila malaman kung ano ang ibig niyang sabihin sa mga salitang iyon sa kanilang buong buhay. Nakagawian na ng mga anticristo ang pagsisinungaling: ano ang katangian ng kanilang pagkatao? Malinaw na hindi ito isang bagay na bahagi ng normal na pagkatao. Upang maging mas tiyak, ito ang kalikasan ng isang demonyo. Ang kanilang nakagawiang panlilinlang, mga kasinungalingan, at pandaraya: Ang mga ito ba ay mga paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay na natututuhan sa paaralan? Ang mga ito ba ay resulta ng labis na kaalaman? Ang mga ito ba ay dulot ng pagtuturo at impluwensya ng mga magulang? (Hindi.) Ang mga bagay na ito ang kanilang likas na kalikasan. Ipinanganak silang taglay na ang mga bagay na ito; walang namilit sa kanilang gawin ang mga bagay na ito, at wala ring kahit sino ang nagturo sa kanila ng mga bagay na ito. Ganito lang talaga sila—may kagawiang mapanlinlang. At, bukod pa rito, hindi sila kailanman nahihiya o nababagabag ng kanilang mga kasinungalingan, hindi sila kailanman nagdurusa o nababalisa. Hindi lang sila hindi nababagabag ng kanilang mga kasinungalingan, bagkus ay madalas ang tingin nila sa kanilang sarili ay napakamautak, labis na matalino; pakiramdam nila ay masuwerte sila, mapagmalaki, at lihim na masaya na nagagawa nilang magmanipula at manlinlang ng iba gamit ang kanilang mga kasinungalingan at iba pang mga taktika. Ang mga anticristo ay isang uri ng mga tao na laging gumagamit ng mga kasinungalingan para magmanipula at manlinlang ng iba. Kapag natapos na nilang pakinggan ang sermon at ang pagbabahagi ng iba tungkol sa kung paano maging isang tapat na tao, nababagabag ba sila? Sinasaway ba nila ang sarili nila? (Hindi.) At paano malalaman ng isang tao na hindi sila nakararamdam ng paninisi sa sarili, na hindi sila nababagabag? Sa pamamagitan ng katotohanang hindi nila kailanman hinihimay ang kanilang mga sarili. Hindi sila kailanman nagtatapat at inilalantad ang sarili nilang mga kasinungalingan, ni kailanman ay tinatanggap na sila ay hindi tapat. Maliban dito, patuloy silang nagsisinungaling at nanlilinlang ng mga tao kung sa palagay nila ay kailangan. Ganoon ang kanilang kalikasan, at walang paraan para baguhin iyon. Ang kalikasang ito ay hindi ang pagpapahayag ng normal na pagkatao; ang totoo, ito ang kalikasan ng isang demonyo.

Hinango mula sa “Pagbubuod sa Katangian ng Pagkatao ng mga Anticristo at ang Diwa ng Kanilang Disposisyon (I)” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.