Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga salita ng mga taong ginamit ng Diyos na umaayon sa katotohanan, at ng mga salita ng Diyos Mismo

Abril 17, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman. Ako ang tagapagbigay ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan. Ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda ng pagkilala o pagtanggap ng sangkatauhan, kundi ng mismong diwa ng mga salita. Kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang makatatanggap ng Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatuwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik, nagpapabulaan, o lubos na nanglalait sa Aking mga salita, ang Aking paninindigan ay ito lamang: Hayaan ang panahon at katunayan na maging saksi Ko at magpakita na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang ipakita ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at iyon ang dapat na maipagkaloob sa tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Hahayaan Ko ang lahat ng sumusunod sa Akin na malaman ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layunin sa Aking mga salita, at ang mga hindi tumanggap ng kaligtasan dahil sa Aking mga salita, ay ang mga taong nakondena ng Aking mga salita at, bukod dito, nawalan ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman malilihis ang Aking tungkod sa kanila.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa

Simple man o malalim sa tingin ang mga salitang sinasambit ng Diyos, lahat ng iyon ay mga katotohanang kailangang-kailangan ng tao habang pumapasok siya sa buhay; ang mga iyon ang pinagmumulan ng tubig na buhay na nagbibigay sa tao ng kakayahang mabuhay kapwa sa espiritu at laman. Ipinagkakaloob ng mga ito ang kailangan ng tao para manatiling buhay; ang mga prinsipyo at doktrina para pangasiwaan ang kanyang pang-araw-araw na buhay; ang landas na kailangan niyang tahakin para maligtas, pati na rin ang layunin at direksyon nito; bawat katotohanan na dapat niyang taglayin bilang isang nilikha sa harapan ng Diyos; at bawat katotohanan tungkol sa kung paano sumusunod ang tao at sumasamba sa Diyos. Ang mga iyon ang garantiya na tumitiyak ng pananatiling buhay ng tao, ang mga iyon ang pang-araw-araw na tinapay ng tao, at ang mga iyon din ang matibay na suportang nagbibigay-kakayahan sa tao na maging malakas at manindigan. Sagana ang mga iyon sa katotohanang realidad na ginagamit ng nilikhang sangkatauhan para isabuhay ang normal na pagkatao, sagana sa katotohanang nagpapalaya sa sangkatauhan mula sa katiwalian at iniiwas sila sa mga patibong ni Satanas, sagana sa walang-pagod na pagtuturo, pangaral, paghihikayat, at pag-aliw na ibinibigay ng Lumikha sa nilikhang sangkatauhan. Ang mga iyon ang mga parolang gumagabay at nagbibigay liwanag sa mga tao para maunawaan ang lahat ng positibo, ang garantiya na tumitiyak na isasabuhay at tataglayin ng mga tao ang lahat ng matuwid at mabuti, ang pamantayan kung saan lahat ng tao, kaganapan, at bagay ay sinusukat, at pananda rin sa paglalakbay na nag-aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan at sa landas ng liwanag.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Ang Aking pananalita ay kumakatawan sa Aking pagkatao, ngunit ang Aking sinasabi ay hindi kayang abutin ng tao. Ang Aking sinasabi ay hindi yaong nararanasan ng tao, at hindi iyon isang bagay na makikita ng tao; hindi rin iyon isang bagay na mahahawakan ng tao, kundi kung ano Ako. Kinikilala lamang ng ilang tao na ang Aking ibinabahagi ay ang Aking naranasan, ngunit hindi nila kinikilala na iyon ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu. Mangyari pa, ang Aking sinasabi ay ang Aking naranasan. Ako ang siyang nakagawa ng gawaing pamamahala sa loob ng anim na libong taon. Naranasan Ko ang lahat mula sa simula ng paglikha sa sangkatauhan hanggang ngayon; paanong hindi Ko iyon magagawang talakayin? Pagdating sa likas na pagkatao ng tao, nakita Ko na nang malinaw; matagal Ko na itong napagmasdan. Paanong hindi Ko iyon magagawang banggitin nang malinaw? Dahil nakita Ko na nang malinaw ang pinakadiwa ng tao, may awtoridad Akong kastiguhin ang tao at hatulan siya, dahil lahat ng tao ay nagmula sa Akin ngunit nagawang tiwali ni Satanas. Mangyari pa, may awtoridad din Akong suriin ang gawaing Aking nagawa. Bagama’t ang gawaing ito ay hindi ginagawa ng Aking laman, ito ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu, at ito ang kung ano ang mayroon Ako at ano Ako. Samakatuwid, may awtoridad Akong ipahayag ito at gawin ang gawaing kailangan kong gawin. Ang sinasabi ng mga tao ay ang naranasan nila. Iyon ang nakita nila, ang naaabot ng kanilang isipan, at ang nadarama ng kanilang mga pandama. Iyon ang maaari nilang ibahagi. Ang mga salitang sinambit ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu at nagpapahayag ng gawaing nagawa ng Espiritu, na hindi pa naranasan o nakita ng katawang-tao, subalit ipinapahayag pa rin Niya ang Kanyang pagkatao, sapagkat ang diwa ng katawang-tao ay ang Espiritu, at ipinapahayag Niya ang gawain ng Espiritu. Gawain iyon na nagawa na ng Espiritu, bagama’t hindi iyon maabot ng katawang-tao. Matapos ang pagkakatawang-tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng laman, binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na malaman ang pagkatao ng Diyos at tinutulutan ang mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos at ang gawaing Kanyang nagawa. Ang gawain ng tao ay nagbibigay sa mga tao ng higit na kalinawan kung ano ang dapat nilang pasukin at kung ano ang dapat nilang maunawaan; kinapapalooban ito ng pag-akay sa mga tao tungo sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan. Ang gawain ng tao ay alalayan ang mga tao; ang gawain ng Diyos ay magbukas ng mga bagong landas at mga bagong kapanahunan para sa sangkatauhan, at ibunyag sa mga tao yaong hindi alam ng mga mortal, na nagbibigay-kakayahan sa kanila na malaman ang Kanyang disposisyon. Ang gawain ng Diyos ay pamunuan ang buong sangkatauhan.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang direktang ipinapahayag ng Diyos ay katotohanan. Ang anumang umuusbong mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay umaayon lang sa katotohanan, dahil nagbibigay-liwanag ang Banal na Espiritu sa mga tao batay sa kanilang tayog at hindi nito maaaring direktang ipahayag ang katotohanan sa tao. Ito ay isang bagay na dapat mong maunawaan. At kapag, batay sa mga salita ng katotohanan, nagtatamo ang mga tao ng mga kabatiran, at kaalaman mula sa pagdanas, itinuturing ba ang ganitong mga kabatiran at kaalaman bilang ang katotohanan? Sa sukdulan, ito ay kaunting kaalaman tungkol sa katotohanan. Ang mga salitang binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu ay hindi kumakatawan sa mga salita ng Diyos, hindi kumakatawan ang mga ito sa katotohanan, hindi nabibilang ang mga ito sa katotohanan; ang mga ito ay kaunting kaalaman lamang tungkol sa katotohanan, kaunting kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Kapag nagtamo ang mga tao ng kaunting kaalaman tungkol sa katotohanan at pagkatapos ay itinustos iyon sa iba, ito rin ay pagtustos ng pansariling kaalaman at mga karanasan. Hindi nila tinutustusan ang mga tao ng katotohanan. Masasabi na ito ay pagbabahagi ng katotohanan—isa itong angkop na paraan para ilarawan iyon. Dahil hindi ito isang simpleng bagay at karamihan sa mga tao ay hindi ito kayang lubusang maarok, dapat ninyo itong maunawaan nang malinaw; hindi lang ito tungkol sa tumpak na pananalita, o na kailangan lang ninyong umunawa ng ilang interpretasyon, at wala nang iba. Maaaring nagtamo ka na ng ilang bagay mula sa katotohanan, mga bagay na dapat taglayin ng tao, pero hindi ito nangangahulugang natamo mo na ang katotohanan. At maaaring nagtamo ka na ng iba pang mga bagay mula sa katotohanan, pero hindi ito nangangahulugang taglay mo na ngayon ang buhay ng katotohanan, lalong hindi masasabi na ikaw ay sa katotohanan—hinding-hindi iyon ang kaso. Nakakuha ka lang ng isang masustansyang bagay mula sa katotohanan upang tustusan ang iyong buhay, kaya mayroon kang laman, isang bagay na dapat mong taglayin, na naniniwala sa Diyos at nagbibigay-lugod sa Diyos. Ginagamit ng Diyos ang katotohanan para tustusan ang mga tao, pinahihintulutan sila, sa pamamagitan ng katotohanan, na bigyang-lugod Siya at umayon sa puso Niya. Sa huli, kahit na lubos nang nabigyang-lugod ng mga tao ang kalooban ng Diyos, hindi pa rin masasabi na sila ay sa katotohanan, lalong hindi masasabi na mayroong buhay ng katotohanan sa loob nila. … Nararanasan ng lahat ng tao ang katotohanan, nguni’t nararanasan ito ng bawat isa sa magkakaibang kondisyon, at bawat isa ay nagtatamo ng magkakaibang bagay. Nguni’t kahit na pagsama-samahin pa ang kaalaman nila, hindi pa rin nila magagawang ganap na maipaliwanag ang isang katotohanan. Ganoon kalalim ang katotohanan! Bakit sinasabi na ang mga bagay na natamo mo at ang iyong kaalaman ay hindi makahahalili para sa katotohanan? Ibinabahagi mo sa iba ang iyong kaalaman, at dalawa o tatlong araw lang ng pagninilay-nilay ang kailangan para ganap nilang maranasan ito. Nguni’t maaaring igugol ng mga tao ang buong buhay nila ngunit hindi pa rin lubusang maranasan ang katotohanan; kahit pa pagsama-samahin ang naranasan ng bawat tao, hindi pa rin lubusang mararanasan ang katotohanan. Kaya makikita na lubhang malalim ang katotohanan! Hindi lubusang maipaliliwanag ang katotohanan gamit ang mga salita. Sa wika ng tao, ang katotohanan ang tunay na diwa ng sangkatauhan. Hindi kailanman magagawang ganap na maranasan ng tao ang katotohanan. Dapat mabuhay sa katotohanan ang tao. Mapapanatiling buhay ng isang katotohanan ang sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon.

Hinango mula sa “Alam Mo ba Kung Ano Talaga ang Katotohanan?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang katotohanan ay ang buhay ng Diyos Mismo, kumakatawan ito sa Kanyang disposisyon, Kanyang diwa, at lahat-lahat na nasa Kanya. Kung sinasabi mo na ang pagkakaroon ng kaunting karanasan ay nangangahulugan na taglay mo ang katotohanan, kaya mo bang katawanin ang disposisyon ng Diyos? Maaaring may ilang karanasan o liwanag ka tungkol sa isang aspeto o panig ng isang katotohanan, ngunit hindi mo ito maibibigay sa iba magpakailanman, kaya itong liwanag na natamo mo ay hindi katotohanan; isang punto lamang ito na maaaring maabot ng mga tao. Ito lamang ang tamang karanasan at tamang pagkaunawa na dapat taglay ng isang tao: ilang aktuwal na karanasan at kaalaman sa katotohanan. Ang liwanag, kaliwanagan at pagkaunawang ito na batay sa karanasan ay hindi kailanman makakahalili sa katotohanan; kahit pa ganap nang naranasan ng lahat ng tao ang katotohanang ito, at pinagsama-sama ang lahat ng kanilang mga pagkaunawang batay sa karanasan, hindi pa rin nito mapapalitan ang nag-iisang katotohanang iyon. Gaya nang nasabi na sa nakalipas, “Binubuod Ko ito sa isang kasabihan para sa mundo ng tao: Sa gitna ng mga tao, walang sinumang nagmamahal sa Akin.” Ito ay pangungusap ng katotohanan: ito ang totoong diwa ng buhay. Ito ang pinakamalalim sa mga bagay; ito ay sariling pagpapahayag ng Diyos Mismo. Maaaring patuloy mong mararanasan ito at kung mararanasan mo ito sa loob ng tatlong taon magkakaroon ka ng mababaw na pagkaunawa nito; kung mararanasan mo ito sa loob ng pito o walong taon magtatamo ka ng higit pang pagkaunawa nito—nguni’t anumang pagkaunawa na matamo mo ay hindi kailanman makakahalili sa nag-iisang pangungusap ng katotohanang iyan. Ang isa pang tao, matapos maranasan ito sa loob ng dalawang taon ay maaaring magtamo ng kaunting pagkaunawa at pagkatapos ay bahagyang mas malalim na pagkaunawa matapos maranasan ito sa loob ng sampung taon at pagkatapos ay ilang higit pang pagkaunawa matapos maranasan ito sa buong buhay—nguni’t kung pagsasamahin ninyo kapwa ang pagkaunawa na natamo na ninyo, magkagayunman—gaano man kalaking pagkaunawa, gaano karaming karanasan, gaano karaming kaunawaan, gaano kalaking liwanag, o gaano karaming halimbawang kapwa mayroon kayo—lahat ng iyan ay hindi pa rin makakahalili sa nag-iisang pangungusap ng katotohanan na iyan. Sa madaling salita, ang buhay ng tao ay palaging magiging buhay ng tao, at gaano man kaayon sa katotohanan, sa mga intensyon ng Diyos at Kanyang mga kahilingan ang iyong pagkaunawa, hindi nito kailanman makakayang humalili sa katotohanan. Ang sabihing ang katotohanan ay natamo na ng mga tao ay nangangahulugan na mayroon silang kaunting realidad, na may natamo na silang kaunting pagkaunawa sa katotohanan, na naabot na nila ang kaunting tunay na pagpasok sa mga salita ng Diyos, na nagkaroon na sila ng kaunting tunay na karanasan sa mga ito, at na sila ay nasa tamang landasin sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ang isa lamang na pahayag ng Diyos ay sapat na para maranasan ng isang tao habambuhay; kahit maranasan pa ito ng mga tao nang ilang habambuhay o kahit na ilang milenyo, hindi pa rin nila ganap at lubusang mararanasan ang isang katotohanan. …

… Kung mayroon kang kaunting karanasan sa mga salita ng Diyos, at nabubuhay kang naaayon sa iyong pag-unawa sa katotohanan, nagiging buhay mo ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, hindi mo pa rin masasabi na ang katotohanan ang buhay mo o na ang ipinahahayag mo ay ang katotohanan; kung gayon ang iyong opinyon, mali ka. Kung mayroon kang ilang karanasan sa isang aspeto ng katotohanan, makakatawan ba nito sa ganang sarili nito ang katotohanan? Talagang hindi. Lubusan mo bang maipapaliwanag ang katotohanan? Matutuklasan mo ba ang disposisyon ng Diyos, at ang Kanyang diwa, mula sa katotohanan? Hindi mo magagawa. Ang lahat ay mayroon lamang karanasan sa isang aspeto at saklaw ng katotohanan; sa pagdanas nito sa loob ng iyong limitadong saklaw, hindi mo mararanasan ang katotohanan ng lahat ng aspeto. Maisasabuhay ba ng mga tao ang orihinal na kahulugan ng katotohanan? Gaano ang halaga ng iyong bahagyang karanasan? Isang butil ng buhangin sa dalampasigan; isang patak ng tubig sa karagatan. Samakatuwid, gaano man kahalaga ang kaalamang iyon at iyang mga pakiramdam na natamo mo na mula sa iyong mga karanasan, hindi pa rin maibibilang na katotohanan ang mga iyan. Ang pinagmulan ng katotohanan at ang kahulugan ng katotohanan ay may napakalawak na saklaw. Walang makasasalungat dito. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba masasalungat kailanman ang aking pagkaalam sa karanasan?” Hindi mangyayari. Ang tunay na pag-unawa na nagmumula sa iyong karanasan sa mga salita ng Diyos ay umaayon sa katotohanan—paano ito masasalungat? Maaaring maging buhay mo ang katotohanan sa anumang kapaligiran. Mabibigyan ka nito ng landas, at matutulutan ka nitong manatiling buhay. Gayunman, ang mga bagay na mayroon ang mga tao at ang liwanag na kanilang natamo ay angkop lamang para sa kanilang mga sarili o sa ilang nakapaloob sa isang tiyak na saklaw, ngunit hindi magiging angkop sa loob ng isang naiibang saklaw. Gaano man kalalim ang karanasan ng isang tao, ganoon pa rin ito kalimitado, at ang kanilang karanasan ay hindi kailanman makaaabot sa saklaw ng katotohanan. Ang liwanag ng isang tao at ang pagkaunawa ng isang tao ay hindi kailanman maihahambing sa katotohanan.

Hinango mula sa “Alam Mo ba Kung Ano Talaga ang Katotohanan?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta lahat ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. Sa gayon, ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga tuwirang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagampanan ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng maraming mga ginawa ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat na kapatid sa Panginoon, upang sundin ng mga kapatid sa iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginampanan niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayon ay kailangan niyang tanggapin ang responsabilidad para sa mga iglesia, at kailangan niyang gampanan ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi nito maaaring katawanin ang Diyos. Napakasamang pagkaunawa, at napakalaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang naglilingkod na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay iyong kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga kaisipan ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga kaisipan ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sarili niyang kaalaman. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng kaiba, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao—hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katumbas ng mga talambuhay ng kamakailang espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng kamakailang espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring tuwirang katawanin ang Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Ang mga paraan ng pagsasagawa ng tao at ang kanyang kaalaman tungkol sa katotohanan ay angkop lahat sa isang partikular na saklaw. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ganap na kalooban ng Banal na Espiritu, dahil maaari lamang liwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, at hindi maaaring ganap na mapuspos ng Banal na Espiritu. Lahat ng bagay na maaaring maranasan ng tao ay nasa saklaw ng normal na pagkatao at hindi maaaring lumampas sa saklaw ng mga saloobin ng normal na tao. Lahat ng makapagsasabuhay ng katotohanang realidad ay dumaranas sa loob ng saklaw na ito. Kapag nararanasan nila ang katotohanan, palagi itong isang karanasan sa normal na buhay ng tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu; hindi ito isang paraan ng pagdanas na lihis sa normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanang niliwanagan ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kanilang pamumuhay bilang tao. Bukod pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng isang tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang normal na buhay ng isang taong naghahanap sa katotohanan, at maaari itong tawaging landas na tinahak ng isang normal na tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi niya masasabi na ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa normal na karanasan ng tao, dahil hindi pare-pareho ang mga taong naghahanap, hindi rin pare-pareho ang gawain ng Banal na Espiritu. Dagdag pa rito, dahil hindi pare-pareho ang mga sitwasyong nararanasan ng mga tao at ang mga saklaw ng kanilang karanasan, at dahil magkakahalo ang kanilang isipan at mga saloobin, halu-halo ang kanilang karanasan sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat tao ang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang indibiduwal na kundisyon. Ang pagkaunawa nila sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi ganap at iisa o ilang aspeto lamang nito. Ang saklaw ng katotohanang nararanasan ng tao ay nagkakaiba sa bawat tao ayon sa mga kundisyon ng bawat tao. Sa ganitong paraan, ang kaalaman tungkol sa iisang katotohanan, ayon sa ipinahayag ng iba’t ibang tao, ay hindi pare-pareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay laging may mga limitasyon at hindi maaaring lubos na kumatawan sa kalooban ng Banal na Espiritu, ni hindi mahihiwatigan ang gawain ng tao bilang gawain ng Diyos, kahit lubhang nakaayon ang ipinahayag ng tao sa kalooban ng Diyos, at kahit napakalapit ng karanasan ng tao sa pagpeperpektong isinasagawa ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maging lingkod ng Diyos ang tao, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalamang niliwanagan ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanang natamo mula sa kanyang mga personal na karanasan. Ang tao ay hindi karapat-dapat at hindi tumutugon sa mga kundisyon upang maging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatang magsabi na ang kanyang gawain ay gawain ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Ipinararating ng ibinabahagi ng tao ang kanilang indibiduwal na mga kabatiran at karanasan, ipinapahayag ang kanilang mga kabatiran at karanasan batay sa gawain ng Diyos. Ang kanilang responsibilidad ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ang Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa o pasukin, at pagkatapos ay ihatid ito sa mga alagad. Samakatuwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aral at karanasan ng tao o ilang saloobin ng tao. Paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, sa tao man o sa Diyos na nagkatawang-tao, laging ipinapahayag ng mga manggagawa kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang likas sa tao, dahil hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang walang pundasyon. Sa madaling salita, ang gawain ay hindi nagmumula sa wala, kundi ginagawa nang naaayon sa aktwal na mga pangyayari at tunay na mga kundisyon. Sa ganitong paraan lamang mababago ang disposisyon ng tao at ang kanyang dating mga kuru-kuro at dating saloobin. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang nakikita, nararanasan, at naiisip, at kaya itong abutin ng pag-iisip ng tao, kahit ito ay doktrina o mga kuru-kuro. Hindi malalampasan ng gawain ng tao ang saklaw ng karanasan ng tao, ni ng nakikita ng tao, ni ng kayang isipin o akalain ng tao, gaano man kalaki ang gawaing iyon. Lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay kung ano Siya Mismo, at hindi ito kayang abutin ng tao—ibig sabihin, hindi ito kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Ipinapahayag Niya ang Kanyang gawaing pamunuan ang buong sangkatauhan, at wala itong kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, kundi sa halip ay may kinalaman ito sa Kanyang sariling pamamahala. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang karanasan, samantalang ang ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang pagkatao, na Kanyang likas na disposisyon, na hindi kayang abutin ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang kabatiran at kaalamang nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang katauhan. Ang ganitong kabatiran at kaalaman ay tinatawag na pagkatao ng tao, at ang batayan ng pagpapahayag ng mga iyon ay ang likas na disposisyon at kakayahan ng tao—kaya nga tinatawag din ang mga iyon na pagkatao ng tao. Nagagawang ibahagi ng tao ang kanyang nararanasan at nakikita. Walang sinumang maaaring magbahagi ng anumang hindi pa nila naranasan, hindi pa nila nakita, o hindi kayang abutin ng kanilang pag-iisip, dahil ang mga bagay na iyon ay wala sa kanilang kalooban. Kung ang ipinapahayag ng tao ay hindi nagmumula sa kanyang karanasan, imahinasyon niya iyon o doktrina. Sa madaling salita, walang realidad sa kanyang mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo magagawang ibahagi nang malinaw ang kumplikadong mga ugnayan ng lipunan. Kung wala kang pamilya, kapag nag-usap-usap ang ibang mga tao tungkol sa mga problema sa pamilya, hindi mo mauunawaan ang karamihan sa sinabi nila. Kaya, ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kanyang kalooban.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang salita ng Diyos ay hindi maaaring ituring na salita ng tao, at lalong hindi maaaring ituring ang salita ng tao na salita ng Diyos. Ang isang taong kinakasangkapan ng Diyos ay hindi ang Diyos na nagkatawang-tao, at ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi ang taong kinakasangkapan ng Diyos. Dito, mayroong malaking pagkakaiba. Marahil, matapos basahin ang mga salitang ito, hindi mo tinatanggap ang mga iyon bilang mga salita ng Diyos, kundi bilang kaliwanagan lamang na natamo ng tao. Kung gayon, binubulag ka ng kamangmangan. Paano magiging kapareho ng kaliwanagang natamo ng tao ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagpapasimula ng isang bagong kapanahunan, ginagabayan ang buong sangkatauhan, naghahayag ng mga hiwaga, at ipinapakita sa tao ang direksyong dapat niyang sundan sa bagong kapanahunan. Ang kaliwanagang natamo ng tao ay simpleng tagubilin lamang na isasagawa o para sa kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maihahayag ang mga hiwaga ng Diyos Mismo. Pagkatapos ng lahat, ang Diyos ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao. Kung ituturing ng tao ang mga salitang sinambit ng Diyos bilang simpleng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at ituturing ang mga salita ng mga apostol at propeta bilang mga salitang personal na sinambit ng Diyos, pagkakamali iyan ng tao. Ano’t anuman, kailanma’y hindi mo dapat pagkamalang tama ang mali, o ibaba ang mataas, o pagkamalang mababaw ang malalim; ano’t anuman, kailanma’y hindi mo dapat sadyang pabulaanan ang alam mong katotohanan. Lahat ng naniniwala na mayroong Diyos ay dapat siyasatin ang mga problema mula sa tamang pananaw, at tanggapin ang bagong gawain ng Diyos at Kanyang bagong mga salita mula sa pananaw ng Kanyang nilalang; kung hindi, aalisin sila ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman