Kuwento 2: Isang Mataas na Bundok, Isang Munting Sapa, Isang Malakas na Hangin, at Isang Napakalaking Alon

Abril 20, 2018

May isang munting sapa na paliku-liko ang daloy, hanggang sa bandang huli ay makarating sa paanan ng isang mataas na bundok. Nakaharang ang bundok sa daanan ng munting sapa, kaya sinabi ng munting sapa sa bundok sa mahina at maliit na boses nito, “Paraan naman. Sagabal ka sa daanan ko at nakaharang ka sa daanan ko.” “Saan ka pupunta?” tanong ng bundok. “Hinahanap ko ang bahay ko,” sagot ng sapa. “Sige, humayo ka at dumaloy sa ibabaw ko!” Ngunit napakahina at napakaliit pa ng sapa, kaya walang paraan para makadaloy ito sa ibabaw ng gayon kataas na bundok. Maaari lamang patuloy na dumaloy iyon doon sa may paanan ng bundok …

Umihip ang isang malakas na hangin, na may dalang buhangin at basura kung saan nakatayo ang bundok. Umugong ang hangin sa bundok, “Paraanin mo ako!” “Saan ka pupunta?” tanong ng bundok. “Gusto kong magpunta sa kabila ng bundok,” umuugong na sagot ng hangin. “Sige, kung kaya mong lumusot sa gitna ko, sumige ka!” Umugong nang umugong ang malakas na hangin, ngunit gaano man kalakas itong umihip, hindi ito makalusot sa gitna ng bundok. Napagod ang hangin at tumigil para magpahinga—at sa kabila ng bundok, nagsimulang umihip ang banayad na hangin, na ikinagalak ng mga tao roon. Ito ang naging pagbati ng bundok sa mga tao …

Sa dalampasigan, ang wisik ng karagatan ay marahang gumulong sa mabatong baybayin. Biglang dumating ang isang napakalaking alon at rumagasa patungo sa bundok. “Tabi!” sigaw ng napakalaking alon. “Saan ka pupunta?” tanong ng bundok. Hindi mapigil ang pagsulong nito, dumagundong ang alon, “Pinapalawak ko ang aking teritoryo! Gusto kong iunat ang mga braso ko!” “Sige, kung makakalagpas ka sa tuktok ko, pararaanin kita.” Umatras nang kaunti ang napakalaking alon, at muling dumaluyong patungo sa bundok. Ngunit gaano man ito nagsikap, hindi ito makalagpas sa tuktok ng bundok. Gumulong lamang nang dahan-dahan ang alon pabalik sa dagat …

Sa loob ng libu-libong taon, marahang umagos ang munting sapa sa paligid ng paanan ng bundok. Sa pagsunod sa mga bilin ng bundok, nakabalik ang munting sapa sa pinagmulan nito, kung saan sumanib ito sa isang ilog, na sumanib naman sa dagat. Sa ilalim ng pangangalaga ng bundok, hindi kailanman naligaw ang munting sapa. Pinatibay ng sapa at ng bundok ang isa’t isa at umasa sila sa isa’t isa; pinalakas nila ang isa’t isa, kinontra ang isa’t isa, at umiral sila nang magkasama.

Sa loob ng libu-libong taon, umihip ang malakas na hangin, tulad ng nakagawian nito. “Dinalaw” pa rin nito nang madalas ang bundok, na may kasamang mga pag-alimpuyo ng buhangin na umiikot sa mga pagbugso nito. Nagbanta ito sa bundok, ngunit hindi ito nakalusot kailanman sa gitna nito. Pinatibay ng hangin at ng bundok ang isa’t isa at umasa sila sa isa’t isa; pinalakas nila ang isa’t isa, kinontra ang isa’t isa, at umiral sila nang magkasama.

Sa loob ng libu-libong taon, hindi tumigil ang napakalaking alon kailanman para magpahinga, at walang-tigil itong rumagasa pasulong, na patuloy na pinalalawak ang teritoryo nito. Dumadagundong ito at dumaluyong nang paulit-ulit patungo sa bundok, subalit hindi kailanman gumalaw ang bundok kahit isang pulgada. Binantayan ng bundok ang dagat, at sa ganitong paraan, dumami at lumago ang mga nilalang sa dagat. Pinatibay ng alon at ng bundok ang isa’t isa at umasa sila sa isa’t isa; pinalakas nila ang isa’t isa, kinontra ang isa’t isa, at umiral sila nang magkasama.

Diyan nagtatapos ang ating kuwento. Una, sabihin ninyo sa Akin, tungkol saan ang kuwentong ito? Sa simula, may isang mataas na bundok, isang munting sapa, isang malakas na hangin, at isang napakalaking alon. Ano ang nangyari sa unang bahagi, sa munting sapa at sa mataas na bundok? Bakit Ko napiling magkuwento tungkol sa isang sapa at isang bundok? (Sa pangangalaga ng bundok, hindi naligaw ng landas ang sapa kailanman. Umasa sila sa isa’t isa.) Sasabihin ba ninyo na pinrotektahan o hinarangan ng bundok ang munting sapa? (Pinrotektahan ito.) Ngunit hindi ba nito hinarangan iyon? Iningatan nito at ng sapa ang isa’t isa; pinrotektahan ng bundok ang sapa at hinarangan din iyon. Pinrotektahan ng bundok ang sapa nang sumanib ito sa ilog, ngunit hinarangan ito para hindi ito dumaloy kung saan-saan, at magsanhi ng mga pagbaha at kapahamakan sa mga tao. Hindi ba tungkol dito ang bahaging ito? Sa pagprotekta sa sapa at pagharang dito, naingatan ng bundok ang mga bahay ng mga tao. Pagkatapos ay sumanib ang sapa sa ilog sa paanan ng bundok at dumaloy papunta sa dagat. Hindi ba ito ang panuntunang namamahala sa pag-iral ng sapa? Ano ang nagbigay-kakayahan sa sapa na sumanib sa ilog at sa dagat? Hindi ba ang bundok? Umasa ang sapa sa proteksyon ng bundok at sa pagharang nito. Kaya, hindi ba ito ang pangunahing punto? Nakikita mo ba rito ang kahalagahan ng mga bundok sa tubig? May layunin ba ang Diyos sa paggawa Niya sa bawat bundok, mataas at mababa? (Oo.) Ipinapakita sa atin ng maikling bahaging ito ng kuwento, na walang anuman maliban sa isang munting sapa at isang mataas na bundok, ang halaga at kabuluhan ng paglikha ng Diyos sa dalawang ito; ipinapakita rin nito sa atin ang Kanyang karunungan at layunin sa Kanyang pamamahala sa mga ito. Hindi ba ganoon?

Tungkol saan ang ikalawang bahagi ng kuwento? (Isang malakas na hangin at ang mataas na bundok.) Mabuting bagay ba ang hangin? (Oo.) Hindi sa lahat ng oras—kung minsan ay napakalakas ng hangin at nagsasanhi ng kapinsalaan. Ano ang madarama mo kung patayuin ka sa gitna ng malakas na hangin? Depende iyan sa lakas nito. Kung ikatlo o ikaapat na lebel lamang ang hangin, matatagalan pa. Kadalasan, maaaring mahirapan ang isang tao na manatiling nakamulat ang mga mata. Ngunit kung lumakas ang hangin at naging bagyo, matatagalan mo ba iyon? Hindi. Kaya, maling sabihin ng mga tao na palaging mabuti ang hangin, o na palagi itong masama, dahil depende ito sa lakas nito. Ngayon, ano ang tungkulin ng bundok dito? Hindi ba para salain ang hangin? Ano ang ginagawa ng bundok sa malakas na hangin? (Ginagawa itong banayad.) Ngayon, sa kapaligirang tinitirhan ng mga tao, nakakaranas ba ang karamihan sa mga tao ng malalakas na hangin o ng mga banayad na hangin? (Mga banayad na hangin.) Hindi ba isa ito sa mga layunin ng Diyos, isa sa Kanyang mga layon sa paglikha ng mga bundok? Ano kaya ang mangyayari kung nakatira ang mga tao sa isang kapaligiran kung saan mabangis na umiikot sa malakas na hangin ang buhangin, nang walang sumasangga o humaharang dito? Maaari kayang hindi maaaring tirhan ang isang lupain na palaging may nagliliparang buhangin at bato? Maaaring tumama ang nagliliparang mga bato sa mga tao, at maaari silang bulagin ng buhangin. Maaaring tangayin ng malakas na hangin ang mga tao o ilipad sila nito sa hangin. Maaaring masira ang mga bahay, at mangyari ang lahat ng uri ng kapinsalaan. Subalit may halaga ba ang pag-iral ng malakas na hangin? Sinabi Kong masama iyon, kaya maaaring madama ng isang tao na wala itong halaga, ngunit ganoon nga ba? Wala ba iyong halaga kapag naging banayad na hangin iyon? Ano ang pinaka-kailangan ng mga tao kapag mahalumigmig o napakainit? Kailangan nila ng banayad na hangin, upang marahang umihip sa kanila, upang mapreskuhan sila at tumigil na sa kaiisip, upang tumalas ang kanilang isipan, upang ayusin at pagandahin ang estado ng kanilang pag-iisip. Ngayon, halimbawa, nakaupo kayong lahat sa isang silid na maraming tao at walang hangin—ano ang pinaka-kailangan ninyo? (Isang banayad na hangin.) Ang pagpunta sa isang lugar kung saan malagkit at marumi ang hangin ay mapapabagal ang pag-iisip ng isang tao, mapapababa ang daloy ng kanilang dugo, at makakabawas sa kalinawan ng isipan. Gayunman, ang kaunting paggalaw at paglibot ay magpapasariwa sa hangin, at iba ang pakiramdam ng mga tao sa sariwang hangin. Bagama’t maaaring magsanhi ng kapinsalaan ang munting sapa, bagama’t maaaring magsanhi ng kapinsalaan ang malakas na hangin, hangga’t naroon ang bundok, ang panganib ay gagawin nitong isang puwersang kapaki-pakinabang sa mga tao. Hindi ba tama iyon?

Tungkol saan ang ikatlong sipi ng kuwento? (Ang malaking bundok at ang dambuhalang alon.) Ang malaking bundok at ang dambuhalang alon. Ang tagpo ng siping ito ay sa dalampasigan sa paanan ng bundok. Makikita natin ang bundok, ang tilamsik ng karagatan, at isang napakalaking alon. Ano ang silbi ng bundok sa alon sa pagkakataong ito? (Isang tagapagsanggalang at isang harang.) Ito ay kapwa tagapagsanggalang at harang. Bilang isang tagapagsanggalang, pinipigilan nito ang paglaho ng dagat, upang makapagparami at umunlad ang mga nilalang na naninirahan dito. Bilang isang harang, pinipigilan nito ang tubig-dagat na umapaw at maging sanhi ng sakuna, na makapinsala at makasira sa mga tahanan ng mga tao. Kaya masasabi natin na ang bundok ay kapwa tagapagsanggalang at harang.

Ito ang kabuluhan ng pagkakaugnay ng malaking bundok at ng munting sapa, ng malaking bundok at ng malakas na hangin, at ng malaking bundok at ng dambuhalang alon; ito ang kabuluhan ng kanilang pagpapalakas at paglilimita sa isa’t isa, at ng pag-iral nila nang magkakasama. Ang mga bagay na ito, na nilikha ng Diyos, ay pinamumunuan sa kanilang pag-iral ng isang patakaran at isang batas. Kaya, anong mga gawa ng Diyos ang nakita ninyo sa kuwentong ito? Hindi na ba pinapansin ng Diyos ang lahat ng bagay mula nang likhain Niya ang mga ito? Gumawa ba Siya ng mga patakaran at dinisenyo ang mga paraan ng pagtakbo ng lahat ng bagay, para lamang pabayaan ang mga ito pagkatapos? Iyon ba ang nangyari? (Hindi.) Ano ang nangyari kung gayon? Kontrolado pa rin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Kontrolado Niya ang tubig, ang hangin, at ang mga alon. Hindi Niya hinahayaang magwala ang mga ito, ni hinahayaan ang mga ito na pinsalain o sirain ang mga tahanang tinitirhan ng mga tao. Dahil dito, maaaring mabuhay, magparami at umunlad sa lupa ang mga tao. Nangangahulugan ito na noong likhain Niya ang lahat ng bagay, naplano na ng Diyos ang mga patakaran sa pag-iral ng mga ito. Nang likhain ng Diyos ang bawa’t bagay, tiniyak Niya na makikinabang dito ang sangkatauhan, at kinontrol Niya ito, upang hindi ito makagulo o magdulot ng sakuna sa sangkatauhan. Kung hindi dahil sa pamamahala ng Diyos, hindi ba’t dadaloy ang mga tubig nang walang pagpipigil? Hindi ba’t iihip ang hangin nang walang pagpipigil? Sumusunod ba ang tubig at ang hangin sa mga patakaran? Kung hindi pinamahalaan ng Diyos ang mga ito, walang patakaran na mamumuno sa kanila, at ang hangin ay uugong at ang mga tubig ay hindi mapipigilan at magdudulot ng mga pagbaha. Kung ang alon ay naging mas mataas kaysa sa bundok, makaiiral ba ang dagat? Hindi. Kung ang bundok ay hindi kasintaas ng alon, ang dagat ay hindi iiral, at mawawala ang halaga at kabuluhan ng bundok.

Nakikita ba ninyo ang karunungan ng Diyos sa dalawang kuwentong ito? Nilikha ng Diyos ang lahat ng umiiral, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng umiiral; Siya ang namamahala sa lahat ng ito at Siya ang tumutustos sa lahat ng ito, at sa lahat ng bagay, nakikita at sinisiyasat Niya ang bawa’t salita at kilos ng lahat ng umiiral. Gayon din, nakikita at sinisiyasat ng Diyos ang bawa’t sulok ng buhay ng tao. Kaya, alam na alam ng Diyos ang bawa’t detalye ng lahat ng umiiral sa Kanyang nilikha, mula sa tungkulin ng bawa’t bagay, kalikasan nito, at mga patakaran nito para mabuhay hanggang sa kabuluhan ng buhay nito at kahalagahan ng pag-iral nito, lahat ng ito ay lubos na nalalaman ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay—iniisip ba ninyo na kailangan Niyang pag-aralan ang mga patakaran na namumuno sa mga ito? Kailangan bang pag-aralan ng Diyos ang kaalaman ng tao o ang agham upang matutuhan at maintindihan sila? (Hindi.) Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na mayroong kaalaman at dunong upang maintindihan ang lahat ng bagay na tulad ng Diyos? Wala, hindi ba? Mayroon bang mga astronomo o mga biyologo na talagang nauunawaan ang mga patakaran ng pamumuhay at paglago ng lahat ng bagay? Kaya ba nilang tunay na maunawaan ang halaga ng pag-iral ng bawa’t bagay? (Hindi, hindi nila kaya.) Ito ay dahil ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, at gaano man karami o kalalim ang pag-aaral ng tao sa kaalamang ito, o gaano man katagal nilang pagsikapan na matutunan ito, hindi nila kailanman maaarok ang misteryo o ang layunin ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ba’t ganoon? Ngayon, mula sa ating talakayan hanggang sa puntong ito, nararamdaman ba ninyo na kayo ay nagkamit na ng bahagyang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng pariralang: “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay”? (Oo.) Alam Ko na kapag tinalakay Ko ang paksang ito—Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay—maraming tao ang kaagad na maiisip ang isa pang parirala: “Ang Diyos ay katotohanan, at ginagamit ng Diyos ang Kanyang salita upang tustusan tayo,” at walang anumang higit pa sa gayong antas ng kahulugan ng paksa. Mararamdaman pa nga ng iba na ang pagbibigay ng Diyos ng buhay ng tao, ng pang-araw-araw na pagkain at inumin at bawa’t pang-araw-araw na mga pangangailangan ay hindi maituturing na Kanyang pagtutustos para sa tao. Hindi ba’t may ilan na ganito ang nararamdaman? Gayunman, hindi ba’t malinaw ang layunin ng Diyos sa Kanyang paglikha—ang tulutan ang sangkatauhan na umiral at mamuhay nang normal? Pinananatili ng Diyos ang kapaligiran kung saan naninirahan ang mga tao at ibinibigay Niya ang lahat ng bagay na kinakailangan ng sangkatauhan para sila ay mabuhay. Bukod dito, Siya ang namamahala at may kataaas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ng ito ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na mabuhay at umunlad at magparami nang normal; sa ganitong paraan nagtutustos ang Diyos sa lahat ng nilikha at sa sangkatauhan. Hindi ba’t totoo na kailangang makilala at maintindihan ng mga tao ang mga bagay na ito? Marahil maaaring sabihin ng ilan, “Ang paksang ito ay masyadong malayo sa aming pagkakilala sa tunay na Diyos Mismo, at ayaw naming malaman ito sapagka’t hindi kami nabubuhay sa tinapay lamang, kundi sa halip ay nabubuhay sa salita ng Diyos.” Tama ba ang pagkaunawang ito? (Hindi.) Bakit ito hindi tama? Magkakaroon ba kayo ng lubos na pagkaunawa sa Diyos kung ang alam lang ninyo ay ang mga bagay na sinabi ng Diyos? Kung ang tinatanggap lamang ninyo ay ang gawain ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, magkakaroon ba kayo ng ganap na pagkaunawa sa Diyos? Kung ang alam lang ninyo ay maliit na bahagi ng disposisyon ng Diyos, maliit na bahagi ng awtoridad ng Diyos, maituturing ba ninyo iyong sapat na upang matamo ang pagkaunawa sa Diyos? (Hindi.) Ang mga pagkilos ng Diyos ay nagsimula sa Kanyang paglikha sa lahat ng bagay, at nagpapatuloy ang mga ito ngayon—ang Kanyang mga pagkilos ay malinaw sa lahat ng oras, sa bawa’t saglit. Kung ang isang tao ay naniniwala na ang Diyos ay umiiral lamang dahil sa pumili Siya ng isang grupo ng mga tao upang gawaan Niya at upang iligtas, at na wala nang iba pa ang may kinalaman sa Diyos, ni Kanyang awtoridad, Kanyang pagkakakilanlan, ni Kanyang mga pagkilos, maituturing ba siya na may tunay na pagkakilala sa Diyos? Ang mga tao na may ganitong tinatawag na “pagkakilala sa Diyos” ay may di-balanseng pagkaunawa lamang, kung saan ay kanilang nililimitahan ang mga gawa ng Diyos sa isang grupo ng mga tao lamang. Ito ba ay tunay na pagkakilala sa Diyos? Hindi ba’t itinatatwa ng mga taong may ganitong pagkakilala ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito? Hindi ito nais pagtuunan ng pansin ng ilang tao, sa halip ay iniisip nila sa kanilang sarili: “Hindi ko pa nakikita ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang ideyang ito ay masyadong kakaiba, at wala akong pakialam na unawain ito. Ginagawa ng Diyos ang maibigan Niya, at wala itong kinalaman sa akin. Tinatanggap ko lamang ang pamumuno ng Diyos at ang Kanyang salita upang ako ay maligtas at magawang perpekto ng Diyos. Wala nang iba pang mahalaga sa akin. Ang mga patakaran na ginawa ng Diyos nang Kanyang likhain ang lahat ng bagay at ang Kanyang ginagawa upang tustusan ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan ay walang kinalaman sa akin.” Anong klaseng pananalita ito? Hindi ba ito isang paghihimagsik? Mayroon bang sinuman sa inyo na mayroong ganitong pagkaunawa? Alam Ko, kahit na hindi ninyo sabihin, na napakarami sa inyo ang may ganitong pagkaunawa. Ang mga ganitong tao na mahigpit na sumusunod sa mga patakaran ay tinitingnan ang lahat ng bagay mula sa sarili nilang “espirituwal” na pananaw. Gusto nilang limitahan lamang ang Diyos sa Bibliya, limitahan ang Diyos sa mga salitang Kanyang nasabi na, sa katuturang mula sa literal na nakasulat na salita. Ayaw nilang mas makilala ang Diyos at ayaw nilang hatiin ng Diyos ang Kanyang atensyon sa paggawa ng ibang bagay. Ang ganitong uri ng pag-iisip ay parang sa bata, at masyado rin itong relihiyoso. Makikilala ba ng mga taong may ganitong mga pananaw ang Diyos? Magiging napakahirap para sa kanila na makilala ang Diyos. Sa araw na ito ay naglahad Ako ng dalawang kuwento, ang bawa’t isa ay tumatalakay sa magkaibang aspeto. Maaaring madama ninyo, na ngayon lamang nakatagpo ang mga ito, na ang mga ito ay malalim o medyo malabo, mahirap maintindihan at maunawaan. Maaaring mahirap iugnay ang mga ito sa mga pagkilos ng Diyos at sa Diyos Mismo. Gayunpaman, ang lahat ng pagkilos ng Diyos at lahat ng Kanyang nagawa na sa loob ng paglikha at sa sangkatauhan ay dapat na malaman, nang malinaw at tumpak, ng bawa’t tao, ng bawa’t isa na naghahangad na makilala ang Diyos. Ang kaalamang ito ay magbibigay sa iyo ng katiyakan sa iyong paniniwala sa tunay na pag-iral ng Diyos. Bibigyan ka rin nito ng tumpak na kaalaman sa karunungan ng Diyos, sa Kanyang kapangyarihan, at sa kung paano Siya nagtutustos sa lahat ng bagay. Magbibigay-daan ito sa iyo upang malinaw na maintindihan ang tunay na pag-iral ng Diyos at makita na ang Kanyang pag-iral ay hindi kathang-isip, hindi isang alamat, hindi malabo, hindi isang teorya, at tiyak na hindi isang uri ng espirituwal na pampalubag-loob, kundi isang tunay na pag-iral. Bukod dito, tutulutan nito ang mga tao na malaman na palagi nang nagtutustos ang Diyos sa lahat ng nilikha at sa sangkatauhan; ginagawa ito ng Diyos sa sarili Niyang pamamaraan at alinsunod sa sarili Niyang kumpas. Kaya, dahil sa nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at binigyan ang mga ito ng mga patakaran, kung kaya’t nagagawa ng bawa’t isa sa mga ito, sa ilalim ng Kanyang pagtatalaga, na magampanan ang mga gawaing itinakda sa kanila, matupad ang kanilang mga responsibilidad, at magampanan ang kanilang mga papel; sa ilalim ng Kanyang pagtatalaga, bawa’t isang bagay ay may sariling pakinabang sa sangkatauhan at sa lugar at kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan. Kung hindi iyon ginawa ng Diyos at ang sangkatauhan ay walang ganoong kapaligiran upang panirahan, ang paniniwala sa Diyos o ang pagsunod sa Kanya ay magiging imposible para sa sangkatauhan; ito ay magiging pananalitang walang saysay lamang. Hindi ba?

Balikan nating muli ang kuwento ng malaking bundok at ng munting sapa. Ano ang silbi ng bundok? Ang mga bagay na may buhay ay yumayabong sa bundok, kaya mayroong likas na halaga ang pag-iral nito, at hinaharangan din nito ang munting sapa, pinipigilan ang pagdaloy nito saan man nito naisin at pagdudulot ng kapahamakan sa mga tao. Hindi ba’t ganoon? Ang bundok ay umiiral sa sarili nitong paraan, binibigyang-daan na yumabong ang napakaraming buhay na bagay dito—ang mga puno at mga damo at lahat ng iba pang mga halaman at mga hayop sa bundok. Pinapatnubayan din nito kung saan dadaloy ang munting sapa—tinitipon ng bundok ang mga tubig ng sapa at natural na inaalalayan sa palibot ng paanan nito kung saan makadadaloy ang mga ito patungo sa ilog at sa huli’y sa dagat. Ang mga patakarang ito ay hindi lumitaw nang natural, kundi ay sadyang isinaayos ng Diyos sa panahon ng paglikha. Tungkol naman sa malaking bundok at malakas na hangin, ang bundok ay nangangailangan din ng hangin. Kinakailangan ng bundok ang hangin upang haplusin ang mga buhay na bagay na naninirahan dito, habang kasabay nito ay nililimitahan ang puwersa ng malakas na hangin upang hindi ito umihip nang walang habas. Kinakatawan ng patakarang ito, sa isang aspeto, ang tungkulin ng malaking bundok; kaya ang patakaran bang ito na may kinalaman sa tungkulin ng bundok ay nabuo sa ganang sarili nito? (Hindi.) Ito ay ginawa ng Diyos. Ang malaking bundok ay may sariling tungkulin at ang malakas na hangin ay mayroon ding sariling tungkulin. Ngayon, bumaling naman tayo sa malaking bundok at sa napakalaking alon. Kung wala ang bundok, makahahanap ba ang tubig ng direksyong dadaluyan sa ganang sarili nito? (Hindi.) Ang tubig ay magbabaha. Ang bundok ay may sariling halaga sa pag-iral bilang isang bundok, at ang dagat ay may sariling halaga sa pag-iral bilang dagat; gayunpaman, sa mga pagkakataon na maaaring normal na umiral ang mga ito nang magkasama at hindi ginagambala ang isa’t isa, nililimitahan din ng mga ito ang isa’t isa—nililimitahan ng malaking bundok ang dagat upang hindi ito magbaha, sa gayon ay pinangangalagaan ang mga tahanan ng mga tao, at nagbibigay-daan din na pagyamanin nito ang buhay na mga bagay na naninirahan sa loob nito. Ang anyong lupa bang ito ay nabuo na lang nang kusa? (Hindi.) Ito ay nilikha rin ng Diyos. Nakikita natin mula sa larawang ito na noong likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, itinakda na Niya kung saan titindig ang bundok, kung saan aagos ang sapa, kung saang direksyon magsisimulang umihip ang malakas na hangin at kung saan ito pupunta, at kung gaano dapat kataas ang malalaking alon. Ang mga intensyon at ang layunin ng Diyos ay nakapaloob sa lahat ng bagay na ito—ang mga ito ay Kanyang mga gawa. Ngayon, nakikita na ba ninyo na ang mga gawa ng Diyos ay nasa lahat ng bagay? (Oo.)

Ano ang layunin natin sa pagtalakay sa mga bagay na ito? Ito ba ay upang ang mga tao ay pag-aralan ang mga patakaran sa likod ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay? Ito ba ay upang hikayatin ang interes sa astronomiya at heograpiya? (Hindi.) Kung gayon ay ano ito? Ito ay upang maunawaan ng mga tao ang mga gawa ng Diyos. Sa mga pagkilos ng Diyos, maaaring pagtibayin at patunayan ng tao na ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Kung nauunawaan mo ang mga ito, kung gayon ay tunay mong matitiyak ang lugar ng Diyos sa iyong puso, at matitiyak mo na ang Diyos ay ang Diyos Mismo, ang natatangi, ang Lumikha ng mga langit at lupa at lahat ng bagay. Kaya, makatutulong ba tungo sa iyong pagkaunawa sa Diyos ang malaman ang mga patakaran sa lahat ng bagay at malaman ang mga gawa ng Diyos? (Oo.) Gaano ito nakatutulong? Una, kapag naunawaan mo na ang mga gawa ng Diyos, magiging interesado ka pa rin ba sa astronomiya at heograpiya? Magkakaroon ka pa rin ba ng pusong may pag-aalinlangan at pagdududa na ang Diyos ang Lumikha ng lahat ng bagay? Magkakaroon ka pa rin ba ng puso ng isang mananaliksik at pagdududahan na ang Diyos ang Lumikha ng lahat ng bagay? (Hindi.) Kapag iyong natiyak na ang Diyos ang Lumikha ng lahat ng bagay at naunawaan ang ilan sa mga patakaran ng paglikha ng Diyos, tunay mo bang paniniwalaan sa iyong puso na ang Diyos ang naglalaan para sa lahat ng bagay? (Oo.) May partikular na kabuluhan ba ang “paglalaan” dito, o tumutukoy ba ang paggamit nito sa isang partikular na pangyayari? Ang kasabihang “Ang Diyos ay naglalaan para sa lahat ng bagay” ay may napakalawak na kabuluhan at saklaw. Hindi lamang pinaglalaanan ng Diyos ang mga tao ng kanilang pang-araw-araw na pagkain at inumin; pinaglalaanan Niya ang sangkatauhan ng lahat ng bagay na kanilang kailangan, kabilang ang lahat ng bagay na nakikita ng tao, at pati na rin ang mga bagay na hindi nakikita. Itinataguyod, pinamamahalaan, at pinaghaharian ng Diyos ang buhay na kapaligirang ito, na mahalaga sa sangkatauhan. Ibig sabihin, anumang kapaligiran ang kinakailangan ng sangkatauhan sa bawa’t panahon, inihanda na ito ng Diyos. Pinamamahalaan din ng Diyos ang uri ng hangin o temperatura upang maging angkop para sa ikabubuhay ng tao. Ang mga patakarang namamahala sa mga bagay na ito ay hindi nangyayari sa ganang mga sarili nito lamang o basta na lang nagaganap; ang mga ito ay bunga ng kaitaas-taasang kapangyarihan ng Diyos at Kanyang mga gawa. Ang Diyos Mismo ang pinagmumulan ng lahat ng patakarang ito at ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Naniniwala ka man dito o hindi, nakikita mo man ito o hindi, o naiintindihan mo man ito o hindi, ito ay nananatiling isang matatag at hindi-matututulang katunayan.

Alam Ko na lubhang nakararami sa mga tao ang nananampalataya lamang sa mga salita at gawain ng Diyos na kasama sa Bibliya. Para sa kakaunting tao, naihayag na ng Diyos ang Kanyang mga gawa at natulutan na ang mga tao na makita ang kahalagahan ng Kanyang pag-iral. Tinulutan na rin Niya silang magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa Kanyang pagkakakilanlan at kinumpirma na ang katunayan ng Kanyang pag-iral. Gayunpaman, para sa mas maraming tao, ang katunayan na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at na Kanyang pinamamahalaan at tinutustusan ang lahat ng bagay ay tila malabo o hindi tiyak; ang gayong mga tao ay maaari pa ngang magpanatili ng saloobin ng pagdududa. Ang ganitong saloobin ang nagiging sanhi upang tuluy-tuloy silang maniwala na ang mga batas ng likas na mundo ay nabuo sa ganang sarili lamang, na ang mga pagbabago, mga pagpapalit, at mga kababalaghan ng kalikasan, at ang mismong mga batas na namumuno rito ay lumitaw mula sa kalikasan mismo. Hindi maintindihan ng mga tao sa kanilang mga puso kung paano nilikha at pinaghaharian ng Diyos ang lahat ng bagay; hindi nila maintindihan kung paano pinamamahalaan at tinutustusan ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa ilalim ng mga limitasyon ng saligang ito, hindi makapaniwala ang mga tao na ang Diyos ang lumikha, naghahari, at nagtutustos sa lahat ng bagay; maging yaong naniniwala ay limitado sa kanilang paniniwala sa Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya at Kapanahunan ng Kaharian: Naniniwala sila na ang mga gawa ng Diyos at ang Kanyang pagtustos sa sangkatauhan ay para lamang sa Kanyang hinirang na mga tao. Ito ay isang bagay na pinakakinamumuhian Kong makita, at isang bagay na nagdudulot ng matinding sakit, sapagka’t tinatamasa man ng mga tao ang lahat ng idinudulot ng Diyos, ikinakaila nila ang lahat ng Kanyang ginagawa at lahat ng Kanyang ibinibigay sa kanila. Pinaniniwalaan lang ng mga tao na ang kalangitan at ang lupa at ang lahat ng bagay ay pinamumunuan ng sarili nilang likas na mga patakaran at sarili nilang likas na mga batas upang mabuhay, at na walang namumuno upang pamahalaan ang mga ito o may kataas-taasang kapangyarihan na nagtutustos sa mga ito at nagpapanatili sa mga ito. Kahit na naniniwala ka sa Diyos, maaaring hindi ka naniniwala na mga gawa Niya ang lahat ng ito; tunay nga, ito ay isa sa mga bagay na pinakamadalas mapabayaan ng bawa’t mananampalataya ng Diyos, lahat ng tumatanggap sa salita ng Diyos, at lahat ng sumusunod sa Diyos. Kaya, sa oras na magsimula Akong talakayin ang isang bagay na walang kaugnayan sa Bibliya o sa tinatawag na terminolohiyang espirituwal, ang ilang tao ay nababagot o nanlulupaypay o nababalisa pa nga. Nararamdaman nila na parang ang mga salita Ko ay walang kaugnayan sa mga espirituwal na tao at mga espirituwal na bagay. Iyon ay isang kakila-kilabot na bagay. Pagdating sa pag-alam sa mga gawa ng Diyos, kahit na hindi natin binabanggit ang astronomiya, ni sinasaliksik ang heograpiya o biyolohiya, dapat pa rin nating maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, dapat nating malaman ang Kanyang pagtustos sa lahat ng bagay, at na Siya ang pinagmumulan ng lahat ng bagay. Ito ay isang kinakailangang aral at isa na dapat pag-aralan. Naniniwala Ako na naunawaan na ninyo ang Aking mga salita, hindi ba?

Ang dalawang kuwento na katatalakay Ko lamang, kahit na medyo kakaiba sa nilalaman at paraan ng pagpapahayag, na tinalakay, bilang sila, sa paraang medyo espesyal, ay pagtatangka Ko na gumamit ng tuwirang pananalita at payak na paraan upang tulungan kayo na makamit at matanggap ang isang bagay na mas malalim. Ito ang tangi Kong layunin. Sa maiiksing kuwentong ito at sa mga larawang ipinipinta ng mga ito, gusto Kong makita ninyo at paniwalaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Ang layunin ng paglalahad ng mga kuwentong ito ay ang tulutan kayong makita at malaman ang walang hanggang mga gawa ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng isang kuwento. Tungkol naman sa kung kailan ninyo ganap na matatanto at makakamit ang resultang ito sa inyong mga sarili—depende iyon sa sarili ninyong mga karanasan at sarili ninyong paghahangad. Kung ikaw ay isang tao na naghahanap ng katotohanan at naghahangad na makilala ang Diyos, ang mga bagay na ito ay magsisilbing isang patindi nang patinding paalala; pagkakalooban ka ng mga ito ng isang malalim na kamalayan, isang kalinawan sa iyong pagkaunawa, na unti-unting lalapit sa aktuwal na mga gawa ng Diyos, nang may isang pagkakalapit na walang pagitan at walang pagkakamali. Gayunpaman, kung ikaw ay hindi isang tao na naghahangad na makilala ang Diyos, ang mga kuwentong ito ay hindi makasasama sa inyo. Ituring na lamang ninyo ang mga ito na mga totoong kuwento.

Nagkamit na ba kayo ng anumang pagkaunawa mula sa dalawang kuwentong ito? Una sa lahat, ang dalawa bang kuwentong ito ay nakabukod sa nakaraan nating talakayan tungkol sa malasakit ng Diyos para sa sangkatauhan? Mayroon bang likas na kaugnayan? Totoo ba na sa loob ng dalawang kuwentong ito ay nakikita natin ang mga gawa ng Diyos at ang masinsinang pagsasaalang-alang na ibinibigay Niya sa lahat ng pinaplano Niya para sa sangkatauhan? Totoo ba na ang lahat ng ginagawa ng Diyos at lahat ng Kanyang iniisip ay alang-alang sa pag-iral ng sangkatauhan? (Oo.) Hindi ba kitang-kita ang maingat na pag-iisip at pagsasaalang-alang ng Diyos para sa sangkatauhan? Walang kailangang gawin ang sangkatauhan. Inihanda na ng Diyos para sa mga tao ang hangin—ang kailangan lang nilang gawin ay langhapin ito. Ang mga gulay at mga prutas na kinakain nila ay madali nilang makukuha. Mula sa hilaga hanggang sa timog, mula sa silangan hanggang sa kanluran, ang bawa’t rehiyon ay may sarili nitong mga likas-yaman. Ang iba’t ibang panrehiyon na mga pananim at mga prutas at mga gulay ay inihanda nang lahat ng Diyos. Sa mas malaking kapaligiran, ginawa ng Diyos ang lahat ng bagay na nagpapatibay sa isa’t isa, umaasa sa isa’t isa, nagpapalakas sa isa’t isa, naglilimita sa isa’t isa, at umiiral nang magkakasama. Ito ang Kanyang pamamaraan at Kanyang patakaran upang mapanatili ang kaligtasan ng buhay at pag-iral ng lahat ng bagay; sa ganitong paraan, nagawa ng sangkatauhan na umunlad nang ligtas at payapa sa loob ng kapaligirang ito para sa pamumuhay, na makapagparami mula isang salinlahi hanggang sa susunod, maging hanggang sa kasalukuyan. Ibig sabihin nito, nagdadala ang Diyos ng balanse sa likas na kapaligiran. Kung ang Diyos ay walang kataas-taasang kapangyarihan at walang kontrol sa mga bagay-bagay, walang sinuman ang makapagpapanatili at makapagbabalanse sa kapaligiran, maging ito man ay nilikha pa rin ng Diyos. Sa ilang lugar ay walang hangin, at hindi mabubuhay ang sangkatauhan sa gayong mga lugar. Hindi ka tutulutan ng Diyos na pumunta sa mga ito. Kaya, huwag kang lumampas sa mga wastong hangganan. Ito ay para sa pag-iingat ng sangkatauhan—mayroong mga hiwagang nakapaloob dito. Ang bawa’t aspeto ng kapaligiran, ang haba at luwang ng lupa, ang bawa’t nilalang sa lupa—kapwa nabubuhay at patay—ay naisip at inihanda ng Diyos nang patiuna. Bakit kinakailangan ang bagay na ito? Bakit hindi kinakailangan ang bagay na iyon? Ano ang layunin sa pagkakaroon ng bagay na ito rito at bakit dapat naroon ang bagay na iyon? Napag-isipan na ng Diyos nang maigi ang lahat ng katanungang ito, at hindi na kailangan ng mga tao na isipin ang mga ito. May ilang hangal na tao na palaging nag-iisip tungkol sa paglilipat sa mga bundok, nguni’t sa halip na gawin iyon, bakit hindi lumipat sa mga kapatagan? Kung hindi mo gusto ang mga bundok, bakit ka naninirahan malapit sa mga ito? Hindi ba iyon kahangalan? Ano ang mangyayari kapag inilipat mo ang bundok na iyon? Darating ang mga bagyo at napakalalaking alon at mawawasak ang mga tahanan ng mga tao. Hindi ba magiging kahangalan ito? Kaya lamang manira ng mga tao. Ni hindi nga nila kayang panatilihin ang nag-iisang lugar na matitirhan nila, pero gusto pa nilang tustusan ang lahat ng bagay. Imposible ito.

Tinutulutan ng Diyos ang sangkatauhan na pamahalaan ang lahat ng bagay at magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng mga ito, nguni’t nagagawa ba ito nang maayos ng tao? Sinisira ng tao ang anumang makakaya niya. Hindi lamang niya talaga kayang mapanatili ang lahat ng ginawa para sa kanya ng Diyos sa orihinal nitong kalagayan—kabaligtaran ang kanyang nagawa at sinira ang nilikha ng Diyos. Inilipat ng sangkatauhan ang mga bundok, nagtambak ng lupa sa mga dagat, at ginawang mga disyerto ang mga kapatagan kung saan walang tao ang maaaring mabuhay. Subali’t sa disyerto gumawa ang tao ng industriya at nagtayo ng mga baseng nukleyar, naghahasik ng pagkawasak sa lahat ng dako. Ngayon ang mga ilog ay hindi na mga ilog, ang dagat ay hindi na ang dagat…. Sa sandaling sinira ng sangkatauhan ang balanse ng likas na kapaligiran at ang mga patakaran nito, ang araw ng kanyang kapahamakan at kamatayan ay hindi nalalayo; hindi ito maiiwasan. Kapag dumating ang sakuna, malalaman ng sangkatauhan ang kahalagahan ng lahat ng nilikha ng Diyos para sa kanya at kung gaano ito kahalaga sa sangkatauhan. Para sa tao, ang paninirahan sa isang kapaligiran kung saan ang mga hangin at mga ulan ay dumarating sa panahon nila ay katulad ng paninirahan sa paraiso. Hindi napagtatanto ng mga tao na ito ay isang pagpapala, nguni’t sa sandaling mawala sa kanila ang lahat ng ito, makikita nila kung gaano kabihira at kahalaga ito. At kapag wala na ito, paano ito muling makukuha ng isang tao? Ano ang magagawa ng mga tao kung ayaw na ng Diyos na likhain itong muli? Mayroon ba kayong anumang magagawa? Ang totoo, mayroon kayong magagawa. Ito ay napakasimple—kapag sinabi Ko sa inyo kung ano ito, kaagad ninyong malalaman na ito ay maaaring gawin. Paano natagpuan ng tao ang sarili niya sa kanyang kasalukuyang katayuan ng pag-iral? Ito ba ay dahil sa kanyang kasakiman at paninira? Kung titigilan ng tao ang paninirang ito, hindi ba unti-unting maisasaayos ng kanyang buhay na kapaligiran ang sarili nito? Kung walang ginagawa ang Diyos, kung ayaw na ng Diyos na gumawa ng kahit anuman para sa sangkatauhan—ibig sabihin, kung hindi Siya nakikialam sa usaping ito—ang pinakamahusay na solusyon para sa sangkatauhan ay ang tigilan ang lahat ng paninira at pahintulutan ang kanilang buhay na kapaligiran na makabalik sa likas nitong katayuan. Ang pagtigil sa lahat ng paninirang ito ay nangangahulugan ng pagtigil sa pandarambong at pamiminsala sa mga bagay na nilikha ng Diyos. Magbibigay-daan ito sa kapaligiran na tinitirhan ng tao na makabawi nang paunti-unti, habang ang hindi paggawa nito ay magdudulot sa lalo pang mas kasuklam-suklam na kapaligiran para sa buhay na ang pagkawasak ay mapapabilis kasabay ng oras. Simple ba ang Aking solusyon? Ito ay simple at maaaring gawin, hindi ba? Talagang simple, at maaaring gawin para sa ilang tao—nguni’t ito ba ay maaaring gawin ng higit na nakararaming tao sa mundo? (Hindi.) Para sa inyo, kahit sa inyo na lang, maaari ba itong gawin? (Oo.) Ano ang dahilan ng inyong “oo”? Maaari bang sabihin na ito ay mula sa isang saligan ng pagkaunawa sa mga gawa ng Diyos? Maaari bang sabihin na ang kondisyon nito ay pagtalima sa kataas-taasang kapangyarihan at plano ng Diyos? (Oo.) Mayroong paraan upang baguhin ang mga bagay, nguni’t hindi iyon ang paksa na ating tinatalakay ngayon. Ang Diyos ay nananagot sa bawat isang buhay ng tao at Siya ay nananagot hanggang sa katapus-tapusan. Naglalaan ang Diyos para sa iyo, at kahit na, sa kapaligirang ito na winasak ni Satanas, ikaw ay nagkasakit o narungisan o nilapastangan, hindi ito mahalaga—ang Diyos ay maglalaan para sa iyo, at hahayaan kang mabuhay ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng pananampalataya rito. Hindi basta-basta tutulutan ng Diyos na mamatay ang isang tao.

Naramdaman na ba ninyo ngayon ang kahalagahan ng pagkilala na “ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay”? (Oo, naramdaman na namin.) Anong mga damdamin ang mayroon kayo? Sabihin ninyo sa Akin. (Noon, hindi namin kailanman naisip na iugnay ang mga bundok, mga dagat, at mga lawa sa mga pagkilos ng Diyos. Hanggang sa marinig ang pagbabahagi ng Diyos ngayon, nauunawaan na namin na nakapaloob sa mga bagay na ito ang mga gawa at karunungan ng Diyos; nakikita namin na kahit noong nagsimula ang Diyos na likhain ang lahat ng bagay, pinuspos na Niya ang bawa’t bagay ng isang tadhana at ng Kanyang mabuting kalooban. Ang lahat ng bagay ay nagpapatibay at umaasa sa isa’t isa at ang sangkatauhan ang siyang tunay na nakikinabang. Ang aming narinig sa araw na ito ay napakabago at naiiba sa pakiramdam—nadama na namin kung gaano katotoo ang mga pagkilos ng Diyos. Sa totoong mundo, sa aming pang-araw-araw na buhay, at sa aming mga pagharap sa lahat ng bagay, nakikita namin na ganito nga iyon.) Nakita na talaga ninyo, hindi ba? Ang Diyos ay hindi naglalaan para sa sangkatauhan nang walang mahusay na saligan; ang Kanyang paglalaan ay hindi lamang kakaunting salita na maiikli. Marami nang nagawa ang Diyos, at maging ang mga bagay na hindi mo nakikita ay lahat para sa iyong kapakinabangan. Nabubuhay ang tao sa kapaligirang ito, sa loob ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos para sa kanya, kung saan ang mga tao at lahat ng bagay ay umaasa sa isa’t isa. Halimbawa, ang mga halaman ay nagbubuga ng mga gas na dumadalisay sa hangin, at nilalanghap ng mga tao ang dinalisay na hangin at nakikinabang dito; subali’t ang ilang halaman ay nakalalason sa mga tao, habang ang ibang halaman ay pangontra sa mga nakalalasong halaman. Ito ay isang hiwaga ng paglikha ng Diyos! Nguni’t iwanan muna natin sa ngayon ang paksang ito; ngayon, ang ating talakayan ay pangunahing patungkol sa magkakasamang pag-iral ng tao at ng iba pang nilikha, na kung wala ay hindi mabubuhay ang tao. Ano ang kahalagahan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay? Hindi maaaring mabuhay ang tao na wala ang ibang bagay, gaya ng pangangailangan ng tao sa hangin upang mabuhay—kung ikaw ay inilagay sa isang bakyum, ikaw ay kaagad na mamamatay. Ito ay isang napakasimpleng prinsipyo na nagpapakita na hindi maaaring umiral ang tao nang nakahiwalay sa iba pang nilikha. Kaya, anong saloobin ang dapat taglayin ng tao patungkol sa lahat ng bagay? Isang saloobin na nagpapahalaga sa mga ito, iniingatan ang mga ito, ginagamit ang mga ito nang mahusay, hindi sinisira ang mga ito, hindi sinasayang ang mga ito, at hindi binabago ang mga ito sa kapritso, sapagka’t ang lahat ng bagay ay mula sa Diyos, ang lahat ng bagay ay Kanyang paglalaan sa sangkatauhan, at dapat tratuhin ang mga ito ng sangkatauhan nang buong ingat.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply