Ang Ikatlong Bahagi: Tinutustusan ng Diyos ang Kapaligiran at Ekolohiya Para Pangalagaan ang Sangkatauhan

Abril 20, 2018

Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at nagtatag ng mga hangganan para sa mga ito; sa gitna ng mga ito ay inalagaan Niya ang lahat ng buhay na bagay. Samantala, Siya ay naghanda rin ng iba’t ibang pamamaraan para sa patuloy na pamumuhay ng mga tao, kaya makikita mo na hindi lamang iisa ang paraan ng mga tao para mabuhay, ni hindi lamang iisang uri ng kapaligiran ang mayroon sila para sa patuloy na pamumuhay. Napag-usapan natin noong una ang tungkol sa paghahanda ng Diyos ng iba’t ibang uri ng pinagkukunan ng pagkain at tubig para sa mga tao, na napakahalaga para tulutan na makapagpatuloy ang buhay sa laman ng sangkatauhan. Gayunman, sa gitna ng sangkatauhang ito, hindi lahat ng tao ay nabubuhay sa mga butil. Ang mga tao ay may iba’t ibang pamamaraan para patuloy na mabuhay dala ng mga pagkakaiba sa mga heograpikal na kapaligiran at mga kalupaan. Ang mga pamamaraang ito para sa patuloy na pamumuhay ay inihandang lahat ng Diyos. Kaya hindi lahat ng tao ay pangunahing nakatuon sa pagsasaka. Iyon ay, hindi lahat ng mga tao ay nakukuha ang kanilang pagkain sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga halamang nakakain. Ito ang ikatlong bahagi na ating pag-uusapan: Nagkaroon ng mga hangganan dahil sa iba’t ibang paraan ng pamumuhay ng sangkatauhan. Kaya ano ang iba pang mga uri ng paraan ng pamumuhay mayroon ang mga tao? Pagdating sa iba’t ibang pinagkukunan ng pagkain, ano ang iba pang uri ng mga tao? May ilang pangunahing uri.

Ang una ay ang paraan ng pamumuhay sa pamamagitan ng pangangaso. Alam ng lahat kung ano ito. Ano ang kinakain ng mga taong nabubuhay sa pangangaso? (Hinuhuling hayop.) Kinakain nila ang mga ibon at mga hayop mula sa kagubatan. Ang “Hinuhuling Hayop” ay isang makabagong salita. Hindi ito itinuturing na hinuhuling hayop ng mga mangangaso; itinuturing nila itong pagkain, bilang kanilang pang-araw-araw na panustos. Halimbawa, nakahuli sila ng usa. Nang mahuli nila ang usang ito, para lamang itong isang magsasaka na kumukuha ng mga pagkain mula sa lupa. Ang isang magsasaka ay kumukuha ng pagkain mula sa lupa, at kapag nakikita niya ang pagkaing ito, siya ay masaya at panatag ang loob. Ang pamilya ay hindi magugutom dahil may mga pananim na makakain. Ang puso ng magsasaka ay panatag at siya ay nakakaramdam ng kasiyahan. Ang isang mangangaso ay nakararamdam din ng kapayapaan at nasisiyahan kapag tumitingin siya sa kanyang nahuli sapagkat hindi na niya kailangan pang mangamba tungkol sa pagkain. Mayroong makakain para sa susunod na kainan at hindi na kailangang magutom. Ito ay yaong nangangaso para mabuhay. Ang karamihan sa mga nangangaso para mabuhay ay naninirahan sa mga kagubatan sa bundok. Hindi sila nagsasaka. Hindi madaling makahanap ng masasakang lupa roon, kaya sila ay nabubuhay sa pamamagitan ng iba’t ibang buhay na mga bagay, ng iba’t ibang uri ng masisila. Ito ang unang uri ng pamumuhay na naiiba sa mga karaniwang tao.

Ang ikalawang uri ay ang paraan ng pamumuhay ng isang tagapastol. Ang mga tao ba na nagpapastol ng mga hayop para mabuhay ay nagsasaka rin ng lupa? (Hindi.) Kaya ano ang kanilang ginagawa? Paano sila nabubuhay? (Kadalasan, nagpapastol sila ng mga baka at tupa para mabuhay, at sa taglamig kinakatay nila at kinakain ang kanilang mga hayop. Ang kanilang pangunahing pagkain ay karne ng baka at karne ng tupa, at umiinom sila ng gatas na may tsaa. Bagamat ang mga tagapastol ay abala sa lahat ng apat na panahon, kumakain sila nang maayos. Marami silang gatas, mga produktong gawa sa gatas, at karne.) Ang mga taong nabubuhay sa pagpapastol ay pangunahing kumakain ng karne ng baka at karne ng tupa, umiinom ng gatas ng tupa at gatas ng baka, at sumasakay sa mga baka at mga kabayo sa pagpapastol ng kanilang mga hayop sa bukid nang nililipad ng hangin ang buhok at naaarawan ang mukha. Wala silang problema ng mga makabagong pamumuhay. Buong araw silang nakatitig sa kalawakan ng bughaw na kalangitan at madamong mga kapatagan. Ang karamihan sa mga taong nagpapastol para mabuhay ay tumitira sa mga damuhan, at nakapagpapatuloy sila sa kanilang paraan ng pamumuhay bilang mga lagalag sa loob ng maraming salinlahi. Bagamat ang buhay sa mga damuhan ay bahagyang malungkot, ito ay isang napakasaya ring buhay. Ito ay hindi masamang uri ng pamumuhay!

Ang ikatlong uri ay ang pamumuhay sa pamamagitan ng pangingisda. Ang maliit na bahagi ng sangkatauhan ay naninirahan malapit sa karagatan o sa maliliit na mga isla. Sila ay pinaliligiran ng tubig, nakaharap sa karagatan. Ang ganitong uri ng mga tao ay nangingisda para mabuhay. Ano ang pinanggagalingan ng pagkain ng mga nangingisda para mabuhay? Kasama sa mga pinanggagalingan ng kanilang pagkain ang lahat ng uri ng isda, pagkaing-dagat at iba pang bagay mula sa dagat. Ang mga taong nangingisda para mabuhay ay hindi nagsasaka ng lupa, sa halip ay nangingisda araw-araw. Ang kanilang pangunahing pagkain ay binubuo ng iba’t ibang uri ng isda at mga bagay na galing sa dagat. Ipinagpapalit nila paminsan-minsan ang mga bagay na ito para sa bigas, harina, at pang-araw-araw na pangangailangan. Ito ay naiibang pamumuhay ng mga tao na naninirahan malapit sa tubig. Dahil nakatira sila malapit sa tubig, umaasa sila rito para sa kanilang pagkain at ang pangingisda ang kanilang hanapbuhay. Hindi lamang mapagkukunan ng pagkain ang naibibigay sa kanila ng pangingisda, ngunit ito ay isang paraan ng paghahanap ng ikakabuhay.

Maliban sa pagsasaka ng lupa, ang karamihan sa sangkatauhan ay nabubuhay ayon sa tatlong paraan ng pamumuhay na binanggit sa itaas. Gayunman, karamihan sa mga tao ay nagsasaka para mabuhay at iilang grupo lamang ng mga tao ang nabubuhay sa pamamagitan ng pagpapastol, pangingisda, at pangangaso. At ano ang kailangan ng mga taong nagsasaka para mabuhay? Ang kailangan nila ay lupa. Sa paglipas ng mga salinlahi, sila ay nabubuhay sa pagtatanim sa lupa ng mga halamang kinakain, nagtatanim man sila ng mga gulay, prutas o mga butil, nakakakuha sila ng kanilang pagkain at ng kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan mula sa lupa.

Ano ang mga pangunahing kondisyon kung saan nakasalig ang iba’t ibang paraan ng pamumuhay ng tao na ito? Hindi ba lubos na kailangan na maging pangunahin na mapangalagaan ang mga kapaligiran kung saan sila patuloy na nakakapamuhay? Ibig sabihin, kung mawala sa mga nabubuhay sa pangangaso ang mga kagubatan sa bundok o mga ibon at hayop, mawawala ang pinagkukunan nila ng kanilang ikabubuhay. Ang direksyong dapat puntahan ng lahi at uri ng mga taong ito ay mawawalan ng katiyakan, at maaari pa silang maglaho. At ano ang mangyayari sa mga nagpapastol ng mga hayop para sa kanilang ikakabuhay? Saan sila aasa? Ang tunay na sinasandigan nila ay hindi ang kanilang mga alagang hayop, kundi ang kapaligiran kung saan nabubuhay ang kanilang mga alagang hayop—ang mga damuhan. Kung wala ang mga damuhan, saan sila magpapastol ng kanilang mga alagang hayop? Ano ang kakainin ng mga baka at tupa? Kung wala ang mga hayop, ang mga lagalag na taong ito ay hindi magkakaroon ng kabuhayan. Kung walang mapagkukunan ng ikabubuhay, saan patutungo ang mga taong ito? Ang patuloy na mabuhay ay magiging napakahirap para sa kanila; wala silang magiging kinabukasan. Kung walang mga pinagmumulan ng tubig, at ang mga ilog at mga lawa ay matutuyo, magkakaroon pa rin ba ng lahat ng isda na umaasa sa tubig para mabuhay? Mawawala na ang mga ito. Ang mga tao ba na umaasa sa tubig at isda para sa kanilang ikabubuhay ay patuloy pang mabubuhay? Kung wala na silang pagkain, kung wala na silang pinagkukunan ng kanilang mga ikabubuhay, ang mga taong ito ay hindi na makapagpapatuloy na mabuhay. Ibig sabihin, sa sandaling magkaroon ng suliranin sa kanilang mga kabuhayan o kakayahan para mabuhay ang anumang lahi, ang lahing iyon ay hindi na makapagpapatuloy pa, at maaari silang maglaho sa balat ng lupa at tuluyang mawala. At kung ang mga nagsasaka para sa kanilang ikabubuhay ay mawawalan ng kanilang lupa, kung hindi na sila makapagtatanim ng lahat ng uri ng halaman at makakakuha ng kanilang pagkain mula sa mga halamang iyon, ano ang kahihinatnan nito kung gayon? Kung walang pagkain, hindi ba mamamatay sa gutom ang mga tao? Kapag ang mga tao ay namamatay sa gutom, hindi ba malilipol ang lahi ng mga taong iyon? Kaya ito ang layunin ng Diyos sa pagpapanatili ng iba’t ibang uri ng kapaligiran. May isang layunin lamang ang Diyos sa pagpapanatili ng iba’t ibang kapaligiran at ekosistema at ng lahat ng iba’t ibang nabubuhay na nilalang sa mga ito—at ito ay upang pangalagaan ang lahat ng uri ng mga tao, upang pangalagaan ang mga tao na nabubuhay sa iba’t ibang heograpikal na kapaligiran.

Kung lahat ng bagay na nilikha ay nawalan ng sarili nitong mga batas, hindi na iiral pa ang mga ito; kung nawalan ng mga batas ang lahat ng bagay, ang mga nabubuhay na nilalang sa lahat ng bagay ay hindi magagawang magpatuloy. Mawawala rin sa sangkatauhan ang kanilang mga kapaligiran kung saan sila umaasa para patuloy na mabuhay. Kung mawala sa mga tao ang lahat ng iyon, hindi na sila makapagpapatuloy na mabuhay at magparami sa bawat henerasyon gaya ng ginagawa nila. Kaya nabubuhay ang mga tao hanggang ngayon ay dahil natutustusan sila ng Diyos ng lahat ng bagay na nilikha upang pangalagaan sila, upang pangalagaan ang sangkatauhan sa iba’t ibang kaparaanan. Dahil lamang sa pangangalaga ng Diyos sa sangkatauhan sa iba’t ibang paraan kaya sila ay patuloy na nabubuhay hanggang sa ngayon sa kasalukuyang panahon. Sa pamamagitan ng nakapirming kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na kanais-nais at may kaayusan, lahat ng iba’t ibang uri ng tao sa lupa, lahat ng iba’t ibang uri ng lahi, ay patuloy na mabubuhay sa loob ng kanilang sariling iminungkahing mga saklaw. Walang sinuman ang maaaring lumampas sa mga saklaw o mga hangganang ito sapagkat ang Diyos ang nagtakda ng mga ito. Bakit itinakda ng Diyos ang mga hangganan sa ganitong paraan? Ito ay isang bagay na tunay na napakahalaga para sa buong sangkatauhan—napakahalagang tunay! Nagtakda ang Diyos ng saklaw para sa bawat uri ng nabubuhay na nilalang at nagsaayos ng mga paraan para sa patuloy na pamumuhay ng bawat uri ng tao. Hinati din Niya ang iba’t ibang uri ng tao at iba’t ibang lahi sa lupa at nagtatag para sa kanila ng mga saklaw. Ito ang susunod nating tatalakayin.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman