Paano tatatag ang isang tao sa tunay na daan upang hindi madala ng mga kasinungalingan ni Satanas? (1)

Marso 7, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sa ngayon, ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu ay ang kasalukuyang mga salita ng Diyos. Sa gayon, kung tatahak ang mga tao sa landas ng Banal na Espiritu, kailangan niyang sundin, at kainin at inumin, ang kasalukuyang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng mga salita; lahat ay nagsisimula sa Kanyang salita, at lahat ay nakasalig sa Kanyang mga salita, sa Kanyang kasalukuyang mga salita. Pagiging tiyak man tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, o pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao, bawat isa ay nangangailangan ng higit na pagsisikap sa Kanyang mga salita. Kung hindi, walang maisasagawa ang mga tao at walang matitirang anuman sa kanila. Tanging sa pagsalig lamang sa pundasyon ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at sa gayon ay makilala Siya at mapalugod Siya, maaaring unti-unting makabuo ng normal na kaugnayan sa Diyos ang mga tao. Para sa tao, wala nang mas mabuting pakikipagtulungan sa Diyos kaysa sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at pagsasagawa ng mga ito. Sa pamamagitan ng gayong pagsasagawa higit nilang nagagawang manindigan sa kanilang patotoo tungkol sa mga tao ng Diyos. Kapag nauunawaan at nagagawang sundin ng mga tao ang diwa ng kasalukuyang mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa landas ng pagiging nagabayan ng Banal na Espiritu, at nakatahak na sa tamang landas ng pagpeperpekto ng Diyos sa tao. Dati-rati, maaaring matamo ng mga tao ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad lamang sa biyaya ng Diyos, o sa paghahangad ng kapayapaan at kagalakan, ngunit iba na ngayon ang mga bagay-bagay. Kung wala ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao, kung wala ang realidad ng Kanyang mga salita, hindi makakamit ng mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos at aalisin silang lahat ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Kailangan ninyong malaman ang mga pangitain ng gawain ng Diyos at maintindihan ang pangkalahatang direksyon ng Kanyang gawain. Ito ay positibong pagpasok. Kapag naisaulo na ninyo nang tumpak ang katotohanan ng mga pangitain, magiging sigurado ang iyong pagpasok; paano man magbago ang gawain ng Diyos, mananatiling matatag ang iyong puso, magiging malinaw sa iyo ang mga pangitain, at magkakaroon ng layunin ang iyong pagpasok at iyong pinagsisikapan. Sa ganitong paraan, lahat ng karanasan at kaalaman sa iyong kalooban ay mas lalalim at magiging mas detalyado. Kapag naintindihan mo na ang mas malaking larawan sa kabuuan nito, hindi ka daranas ng anumang mga kawalan sa buhay, ni hindi ka maliligaw ng landas. Kung hindi mo malalaman ang mga hakbang na ito ng gawain, daranas ka ng kawalan sa bawat hakbang, at aabutin ka ng ilang araw para makabawi, ni hindi mo magagawang tumahak sa tamang landas kahit sa loob ng dalawang linggo. Hindi ba ito magsasanhi ng mga pagkaantala? Napakaraming hadlang sa positibong pagpasok at pagsasagawang kailangan mong maisaulo. Patungkol sa mga pangitain ng gawain ng Diyos, kailangan mong maintindihan ang sumusunod na mga punto: ang kahalagahan ng Kanyang gawain ng panlulupig, ang landas tungo sa pagiging perpekto sa hinaharap, ano ang kailangang makamtan sa pamamagitan ng pagdanas ng mga pagsubok at pagdurusa, ang kabuluhan ng paghatol at pagkastigo, ang mga prinsipyo sa likod ng gawain ng Banal na Espiritu, at ang mga prinsipyo sa likod ng pagiging perpekto at paglupig. Lahat ng ito ay nabibilang sa katotohanan ng mga pangitain. Ang iba pa ay ang tatlong yugto ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa Kapanahunan ng Kaharian, gayundin sa patotoo sa hinaharap. Ang mga ito ay katotohanan din tungkol sa mga pangitain, at ang mga ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalaga rin.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Alam ba ninyo kung ano ang dapat ninyong taglayin ngayon? Ang isang aspeto noon ay may kinalaman sa mga pangitain tungkol sa gawain, at ang isa pang aspeto ay ang iyong pagsasagawa. Dapat mong maunawaan ang parehong aspetong ito. Kung wala kang mga pangitain sa iyong pakikipagsapalaran para umunlad sa buhay, hindi ka magkakaroon ng pundasyon. Kung mga daan lang ng pagsasagawa ang taglay mo, nang wala ni katiting na pangitain, at walang anumang pagkaunawa tungkol sa gawain ng buong plano ng pamamahala, wala kang kwenta. Kailangan mong maunawaan ang mga katotohanan na may kinalaman sa mga pangitain, at tungkol naman sa mga katotohanang may kaugnayan sa pagsasagawa, kailangan mong makakita ng mga angkop na landas ng pagsasagawa pagkatapos mong maunawaan ang mga iyon; kailangan mong magsagawa nang naaayon sa mga salita, at pumasok ayon sa iyong mga kondisyon. Ang mga pangitain ang pundasyon, at kapag hindi mo binigyang-pansin ang katotohanang ito, hindi ka makakasunod hanggang sa huli; ang makaranas sa ganoong paraan ay magliligaw sa iyo o magsasanhi sa iyong madapa at mabigo. Hinding-hindi ka magtatagumpay! Ang mga taong hindi mga dakilang pangitain ang mga pundasyon ay maaari lamang mabigo; hindi sila makapagtatagumpay. Hindi mo kayang manindigan! Alam mo ba kung ano ang kalakip ng paniniwala sa Diyos? Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos? Kung walang mga pangitain, anong landas ang iyong lalakaran? Sa gawain sa kasalukuyan, kung wala kang mga pangitain, hinding-hindi ka magagawang ganap. Kanino ka ba naniniwala? Bakit ka naniniwala sa Kanya? Bakit ka sumusunod sa Kanya? Tingin mo ba ang iyong pananampalataya ay isang uri ng laro? Hinaharap mo ba ang iyong buhay na parang isang uri ng laruan? Ang Diyos ng kasalukuyan ang pinakadakilang pangitain. Gaano karami ang alam mo tungkol sa Kanya? Gaano karami ang nakita mo na tungkol sa Kanya? Yamang nakita mo na ang Diyos ng kasalukuyan, matibay ba ang pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos? Sa palagay mo ba ay magtatamo ka ng kaligtasan basta’t sumusunod ka sa magulong paraang ito? Palagay mo ba ay makakahuli ka ng isda sa maputik na tubig? Ganoon ba iyon kasimple? Gaano na ba karaming kuru-kurong may kinalaman sa mga salitang ipinapahayag ngayon ng Diyos ang naiwaksi mo na? May pangitain ka ba ng Diyos ng kasalukuyan? Saan nakabatay ang iyong pagkaunawa sa Diyos ng kasalukuyan? Lagi kang naniniwala na matatanggap mo Siya[a] sa pamamagitan lang ng pagsunod sa Kanya, o makita mo lang Siya, at wala nang sinuman ang makapagpapaalis sa iyo. Huwag mong akalain na napakadali lang ng pagsunod sa Diyos. Ang susi ay kailangan mo Siyang makilala, kailangan mong malaman ang gawain Niya, at kailangan mong magkaroon ng kagustuhang magtiis ng paghihirap alang-alang sa Kanya, isakripisyo ang iyong buhay para sa Kanya, at magawa Niyang perpekto. Ito ang pangitain na dapat mong taglay. …

Kapag nagkaroon na ng mga pangitain ang mga tao, may pundasyon na sila. Kapag nagsasagawa ka batay sa pundasyong ito, mas magiging madali ang pagpasok. Dahil dito, hindi ka magkakaroon ng mga alinlangan sa sandaling magkaroon ka ng pundasyon sa pagpasok, at magiging napakadali para sa iyo ang pumasok. Ang aspetong ito ng pag-unawa sa mga pangitain at ng pag-unawa sa gawain ng Diyos ay napakahalaga; kailangan mayroon kayo nito sa inyong imbakan. Kung wala sa iyo ang aspetong ito ng katotohanan, at kaya mo lang makipag-usap tungkol sa mga daan ng pagsasagawa, ikaw ay magiging labis na depektibo. Aking natuklasan na marami sa inyo ang hindi binibigyang-diin ang aspetong ito ng katotohanan, at kapag pinakikinggan ninyo ito, tila mga salita at doktrina lang ang pinakikinggan ninyo. Isang araw, ikaw ay mawawalan. May mga pahayag ngayon na hindi mo lubos na nauunawaan at hindi mo tinatanggap; sa gayong mga kaso, dapat kang matiyagang maghanap, at darating ang araw kung kailan iyong mauunawaan. Unti-unti mong sangkapan ang iyong sarili ng parami nang paraming pangitain. Kahit kaunting espirituwal na doktrina lang ang nauunawaan mo, mas mabuti pa rin iyon kaysa sa hindi pagbibigay-pansin sa mga pangitain, at mas mabuti pa rin iyon kaysa sa walang kahit anong nauunawaan. Lahat ng ito ay makatutulong sa iyong pagpasok, at aalisin ang iyong mga pag-aalinlangan. Mas mabuti iyon kaysa sa mapuno ka ng mga kuru-kuro. Mas mapapabuti ka kung ang mga pangitaing ito ang iyong pundasyon. Hindi ka magkakaroon ng anumang pag-aalinlangan, at magagawa mong pumasok nang matapang at malakas ang loob. Bakit ka mag-aabalang palaging sumunod sa Diyos sa gayong lito at nag-aalinlangang paraan?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!

Kapag nagbabasa ka ng salita ng Diyos, alam mo kung anong uri ng tao ang tinutukoy ng Diyos, alam mo kung anong uri ng mga kundisyon ng espiritu ang Kanyang sinasabi, at nagagawa mong maunawaan ang mahalagang punto at isagawa ito; ipinakikita nito na nagagawa mong makaranas. Bakit nagkukulang ang ilang tao sa bagay na ito? Dahil hindi sila gaanong nagsisikap sa aspeto ng pagsasagawa. Bagama’t handa silang isagawa ang katotohanan, wala silang tunay na kabatiran sa mga detalye ng paglilingkod, sa mga detalye ng katotohanan sa kanilang buhay. Nalilito sila kapag may nangyayari. Sa ganitong paraan, maaari kang mailigaw kapag dumating ang isang bulaang propeta o isang bulaang apostol. Kailangan mong dalasan ang pagbabahagi tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos—sa ganitong paraan mo lamang magagawang unawain ang katotohanan at makahiwatig. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi ka makakahiwatig. Halimbawa, kung ano ang sinasabi ng Diyos, kung paano gumagawa ang Diyos, kung ano ang Kanyang mga hinihiling sa mga tao, kung anong uri ng mga tao ang dapat mong makasalamuha, at kung anong uri ng mga tao ang dapat mong layuan—kailangan mong dalasan ang pagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito. Kung lagi mong nararanasan ang salita ng Diyos sa ganitong paraan, mauunawaan mo ang katotohanan at lubos mong mauunawaan ang maraming bagay, at magkakaroon ka rin ng pagkahiwatig. Ano ang pagdidisiplina ng Banal na Espiritu, ano ang paninising nagmumula sa kalooban ng tao, ano ang patnubay mula sa Banal na Espiritu, ano ang pagsasaayos ng isang kapaligiran, ano ang nililiwanagan ng mga salita ng Diyos sa kalooban? Kung hindi malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, hindi ka makakahiwatig. Dapat mong malaman kung ano ang nagmumula sa Banal na Espiritu, ano ang mapanghimagsik na disposisyon, paano sundin ang salita ng Diyos, at paano iwaksi ang sarili mong pagkasuwail; kung may pag-unawa kang bunga ng pagdanas ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng pundasyon; kapag may nangyari, magkakaroon ka ng angkop na katotohanan na maikukumpara dito at ng angkop na mga pananaw bilang pundasyon. Magkakaroon ka ng mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa mo, at magagawa mong kumilos ayon sa katotohanan. Sa gayon ay mapupuspos ng kaliwanagan ng Diyos, ng mga pagpapala ng Diyos, ang iyong buhay. Magiging makatarungan ang pagtrato ng Diyos sa sinumang tao na tapat na naghahanap sa Kanya, o isinasabuhay Siya at nagpapatotoo para sa Kanya, at hindi Niya isusumpa ang sinumang tao na tapat na nauuhaw sa katotohanan. Kung, habang ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nakakatuon ka sa pag-alam sa iyong sariling tunay na kalagayan, sa iyong sariling pagsasagawa, at sa iyong sariling pagkaunawa, kapag nagkaroon ka ng problema, tatanggap ka ng kaliwanagan at magtatamo ng praktikal na pagkaunawa. Sa gayon ay magkakaroon ka ng isang landas ng pagsasagawa at pagkahiwatig sa lahat ng bagay. Ang isang taong nagtataglay ng katotohanan ay malamang na hindi malinlang, malamang na hindi manggulo o magmalabis. Dahil sa katotohanan, siya ay protektado, at dahil din sa katotohanan, nagtatamo siya ng mas maraming pagkaunawa. Dahil sa katotohanan, mas marami siyang landas ng pagsasagawa, mas maraming pagkakataong gawaan ng Banal na Espiritu, at mas maraming pagkakataong maperpekto.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “Siya.”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman