Upang pag-aralan ang tunay na daan, makinig lamang sa tinig ng Diyos; lubusang huwag maniwala sa mga alingawngaw ni Satanas

Marso 7, 2022

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin” (Juan 10:27).

“Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sangpung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalake. At ang lima sa kanila’y mga mangmang, at ang lima’y matatalino. Sapagka’t nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis: Datapuwa’t ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan. Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangagantok silang lahat at nangakatulog. Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya. Nang magkagayo’y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan. At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka’t nangamamatay ang aming mga ilawan. Datapuwa’t nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo. At samantalang sila’y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan. Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami. Datapuwa’t sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala” (Mateo 25:1–12).

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag 2:7).

“Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Pahayag 3:20).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa rito, kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam. Hindi matutukoy ang diwa sa panlabas na anyo; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba ang Kanyang mukha at pananamit ay hindi nakapagbigay ng anumang mga palatandaan tungkol sa Kanyang tunay na identidad? Hindi ba kinontra ng mga sinaunang Fariseo si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila isinapuso ang mga salitang nagmula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na hindi na uulitin ng bawat isang kapatid na naghahangad sa pagpapakita ng Diyos ang trahedya ng kasaysayan. Huwag kayong maging mga Fariseo ng makabagong panahon na muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong isiping mabuti kung paano malugod na sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsibilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus sakay ng ulap.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.” Narinig na ba ninyo ngayon ang mga salita ng Banal na Espiritu? Ang mga salita ng Diyos ay dumating na sa inyo. Naririnig ba ninyo ang mga ito? Ginagawa ng Diyos ang gawain ng mga salita sa mga huling araw, at ang gayong mga salita ay yaong sa Banal na Espiritu, sapagkat ang Diyos ang Banal na Espiritu at maaari ding maging tao; samakatuwid, ang mga salita ng Banal na Espiritu, na pinag-uusapan noong araw, ay ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon. Maraming mga katawa-tawang taong naniniwala na dahil ang Banal na Espiritu ang nagsasalita, dapat manggaling ang Kanyang tinig sa kalangitan para marinig ng mga tao. Sinumang nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi alam ang gawain ng Diyos. Ang totoo, ang mga pagbigkas na sinasambit ng Banal na Espiritu ay yaong mga sinambit ng Diyos na naging tao. Hindi kaya ng Banal na Espiritu na magsalita nang tuwiran sa tao; kahit sa Kapanahunan ng Kautusan, hindi nagsalita si Jehova nang tuwiran sa mga tao. Hindi ba mas malamang na hindi Niya gawin iyon sa kapanahunang ito ngayon? Para sumambit ng mga pagbigkas ang Diyos para magsagawa ng gawain, kailangan Siyang maging tao; kung hindi, hindi maisasakatuparan ng Kanyang gawain ang mga layunin nito. Yaong mga nagkakaila sa Diyos na nagkatawang-tao ay yaong mga hindi nakakakilala sa Espiritu o sa mga prinsipyong sinusunod ng Diyos sa paggawa. Yaong mga naniniwala na ngayon ang kapanahunan ng Banal na Espiritu, subalit hindi tinatanggap ang Kanyang bagong gawain, ay yaong mga namumuhay sa gitna ng malabo at mahirap-unawaing pananampalataya. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman tatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu. Yaong mga humihiling lamang na sambitin at isagawa nang tuwiran ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at ayaw tanggapin ang mga salita o gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi kailanman makakatapak sa bagong kapanahunan o tatanggap ng ganap na pagliligtas ng Diyos!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?

Ang pagkilala sa Diyos ay kailangang maisagawa sa pamamagitan ng pagbasa at pag-unawa sa mga salita ng Diyos. Sinasabi ng ilan: “Hindi ko pa nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya paano ko makikilala ang Diyos?” Sa katunayan, ang mga salita ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon. Mula sa mga salita ng Diyos, makikita mo ang Kanyang pagmamahal at pagliligtas para sa mga tao, gayundin ang Kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa kanila…. Ito ay dahil ang Kanyang mga salita ay ipinahayag ng Diyos Mismo, hindi isinulat ng mga tao. Personal na ipinahayag ng Diyos ang mga ito; ipinapahayag ng Diyos Mismo ang sarili Niyang mga salita at tinig na nasa Kanyang kalooban. Bakit tinatawag ang mga ito na mga salitang nagmumula sa puso? Dahil ang mga ito ay nagmumula sa kaibuturan, at nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, Kanyang kalooban, Kanyang mga iniisip, Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at Kanyang mga inaasahan sa sangkatauhan…. Kasama sa mga pahayag ng Diyos ang masasakit na salita, at banayad at may konsiderasyong mga salita, gayundin ang ilang salitang nagbubunyag na hindi naaayon sa mga naisin ng tao. Kung titingnan mo lamang ang mga salitang nagbubunyag, maaari mong madama na medyo mabagsik ang Diyos. Kung titingnan mo lamang ang mga banayad na salita, maaari mong madama na hindi gaanong makapangyarihan ang Diyos. Samakatuwid ay hindi mo dapat unawain ang mga ito nang wala sa konteksto; sa halip, tingnan mo ang mga ito mula sa bawat anggulo. Kung minsan ay nagsasalita ang Diyos mula sa isang banayad at mahabaging pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao ang Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan; kung minsan ay nagsasalita Siya mula sa napaka-istriktong pananaw, at pagkatapos ay nakikita ng mga tao ang Kanyang disposisyon na hindi magkukunsinti sa kasalanan. Ang tao ay nakalulungkot ang karumihan, at hindi siya karapat-dapat na tumingin sa mukha ng Diyos o humarap sa Kanya. Tinutulutan na ngayon ang mga tao na humarap sa Kanya dahil lamang sa Kanyang biyaya. Makikita ang karunungan ng Diyos sa paraan ng Kanyang paggawa at sa kabuluhan ng Kanyang gawain. Nakikita pa rin ng mga tao ang mga bagay na ito sa mga salita ng Diyos, kahit walang anumang tuwirang pakikipag-ugnayan mula sa Kanya.

mula sa “Paano Kikilalanin ang Diyos na Nagkatawang-tao” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw

Yaong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay laging sumusunod sa iba: Kung sinasabi ng mga tao na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ikaw man ay magsasabi rin na ito ay gawain ng Banal na Espiritu; kung sinasabi ng mga tao na ito ay gawain ng masamang espiritu, mag-aalinlangan ka na rin o sasabihin rin na ito ay gawain ng masamang espiritu. Lagi mong ginagaya ang mga sinasabi ng iba, at hindi mo kayang kumilala mag-isa ng kaibhan ng kahit ano, ni hindi mo kayang mag-isip para sa iyong sarili. Ito ay isang tao na walang paninindigan, na hindi kayang kumilala ng pagkakaiba—ang gayong tao ay walang-halaga at napakasamang tao! Lagi mong inuulit ang mga sinasabi ng iba: Sinasabi ngayon na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit malamang na balang araw ay may magsasabi na hindi ito gawain ng Banal na Espiritu, na ito sa katunayan ay walang iba kundi mga gawa ng tao—ngunit hindi mo ito mahiwatigan, at kapag nasaksihan mong sinasabi ito ng iba, sinasabi mo rin ang gayong bagay. Ito ay talagang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit sinasabi mo na gawain ito ng tao; hindi kaya naging isa ka na sa mga lumalapastangan sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa bagay na ito, hindi ba’t sumasalungat ka na sa Diyos dahil hindi mo kayang tukuyin ang pagkakaiba? Marahil, may isang hangal na susulpot isang araw at magsasabing “ito ay gawain ng masamang espiritu,” at kapag narinig mo ang mga salitang ito, hindi mo na alam ang gagawin, at muli kang magagapos sa mga sinasabi ng iba. Tuwing may nagpapasimuno ng ligalig, hindi mo magawang manindigan, at ito ay dahil hindi mo taglay ang katotohanan. Ang paniniwala sa Diyos at paghahangad na makilala ang Diyos ay hindi isang madaling bagay. Hindi ito matatamo sa pagtitipon-tipon lamang at pakikinig sa pangangaral, at hindi ka mapeperpekto sa pamamagitan ng bugso ng damdamin lamang. Dapat mong maranasan, at malaman, at magtaglay ng prinsipyo sa iyong mga pagkilos, at makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag sumailalim ka na sa mga karanasan, makakaya mong kilalanin ang maraming bagay—makakaya mong kilalanin ang pagkakaiba ng mabuti at masama, ng katuwiran at kasamaan, ng kung ano ang sa laman at dugo at kung ano ang sa katotohanan. Dapat mong makilala ang pagkakaiba ng mga bagay na ito, at sa pagsasagawa nito, anuman ang mangyari, hindi ka kailanman maliligaw. Ito lamang ang iyong totoong katayuan.

Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ay hindi isang simpleng bagay. Dapat na mayroon kang mga pamantayan at layunin sa iyong paghahangad, dapat mong malaman kung paano hanapin ang tunay na daan, at kung paano sukatin kung ito ba ang tunay na daan o hindi, at kung ito ba ay gawain ng Diyos o hindi. Ano ang pinakasaligang prinsipyo sa paghahanap sa tunay na daan? Kailangan mong tingnan kung naroon o wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa daang ito, kung ang mga salitang ito ay pagpapahayag o hindi ng katotohanan, sino ang pinatototohanan, at ano ang maidudulot nito sa iyo. Ang pag-alam ng pagkakaiba sa pagitan ng tunay na daan at huwad na daan ay nangangailangan ng ilang aspeto ng batayang kaalaman, na ang pinakasaligan dito ay ang pag-alam kung naroon o wala ang gawain ng Banal na Espiritu. Sapagkat ang diwa ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ay ang paniniwala sa Espiritu ng Diyos, at kahit ang paniniwala nila sa Diyos na nagkatawang-tao ay dahil sa ang katawang-tao na ito ay ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos, na nangangahulugang ang gayong paniniwala ay paniniwala pa rin sa Espiritu. May mga pagkakaiba sa pagitan ng Espiritu at ng katawang-tao, ngunit dahil ang katawang-tao na ito ay nagmumula sa Espiritu, at siyang Salita na naging tao, sa gayon ang pinaniniwalaan ng tao ay ang likas na diwa pa rin ng Diyos. Kaya’t sa pagkilala kung ito ay ang tunay na daan o hindi, higit sa lahat dapat mong tingnan kung naroon o wala ang gawain ng Banal na Espiritu, at pagkaraan ay dapat mong tingnan kung mayroon o walang katotohanan sa daang ito. Ang katotohanan ang disposisyon sa buhay ng karaniwang pagkatao, na ang ibig sabihin ay yaong hiniling sa tao noong lalangin siya ng Diyos sa pasimula, at ito ay ang sumusunod, ang karaniwang pagkatao sa kabuuan nito (kabilang ang katinuan ng tao, panloob na pananaw, karunungan, at ang batayang kaalaman ng pagiging tao). Ibig sabihin, kailangan mong tingnan kung madadala ba o hindi ng landas na ito ang tao sa buhay ng karaniwang pagkatao, kung ang katotohanan na sinasalita ay kailangan o hindi ayon sa realidad ng karaniwang pagkatao, kung ang katotohanang ito ay praktikal at tunay o hindi, at kung ito ay sadyang napapanahon o hindi. Kung may katotohanan, makakaya nitong pangunahan ang mga tao sa karaniwan at tunay na mga karanasan; higit pa rito, nagiging lalong higit na karaniwan ang mga tao, lubos na nagiging ganap ang kanilang diwa, nagiging lalong higit na maayos ang kanilang buhay sa laman at ang espirituwal na buhay, at nagiging lalong higit na normal ang kanilang mga emosyon. Ito ang ikalawang prinsipyo. May isa pang prinsipyo, at iyan ay kung nadaragdagan ba o hindi ang pagkakilala ng tao sa Diyos, at kung ang pagdanas ng ganoong gawain at katotohanan ay may kakayahan o wala na pumukaw ng pag-ibig sa kanilang loob para sa Diyos, at higit silang mapalapit sa Diyos. Sa ganito masusukat kung ito ang tunay na daan o hindi. Ang pinakasaligan ay kung ang daang ito ay makatotohanan imbes na supernatural, at kung ito ay nakapagkakaloob sa buhay ng tao o hindi. Kung ito ay umaayon sa mga prinsipyong nabanggit, maaaring mabuo ang pagpapasya na ang daang ito ang tunay na daan. Sinasabi Ko ang mga ito hindi upang tanggapin ninyo ang ibang daan sa inyong mga daranasin sa hinaharap, o bilang hula na magkakaroon ng gawain ng isa pang bagong kapanahunan sa hinaharap. Sinasabi Ko ang mga ito upang matiyak ninyo na ang daan ng kasalukuyan ang tunay na daan, upang hindi kayo maging bahagya lamang na nakakatiyak sa inyong paniniwala sa gawain ng kasalukuyan at hindi makayang makamit ang kabatiran tungo rito. Maraming iba pa, na sa kabila ng pagiging tiyak, ay sumusunod pa rin nang may pagkalito; ang gayong katiyakan ay walang kaakibat na prinsipyo, at ang mga ganoong tao ay dapat maalis sa malaon o madali. Kahit yaong mga talagang masigasig sa kanilang pagsunod ay tatlong bahaging nakatitiyak at limang bahaging di-nakatitiyak, na nagpapakitang wala silang saligan. Dahil napakahina ng inyong kakayahan at napakababaw ng inyong saligan, wala kayong pagkaunawa sa pag-iiba-iba. Hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi Siya gumagawa ng gawaing hindi makatotohanan, hindi Siya nag-aatas ng labis-labis sa tao, at hindi Siya gumagawa ng higit sa pang-unawa ng tao. Ang lahat ng Kanyang ginagawa ay napapaloob sa saklaw ng karaniwang pang-unawa ng tao, at hindi lumalampas sa pang-unawa ng karaniwang pagkatao, at ang Kanyang gawain ay naaayon sa mga karaniwang hinihingi sa tao. Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ang mga tao ay nagiging lalong higit na karaniwan, at ang kanilang pagkatao ay nagiging lalong higit na karaniwan. Nagkakaroon ng ibayong kaalaman ang mga tao tungkol sa kanilang tiwaling disposisyong malasatanas, at ng diwa ng tao, at nagkakaroon din sila ng higit na pag-asam sa katotohanan. Ang ibig lang sabihin, lumalago nang lumalago ang buhay ng tao, at nakakayanan ng tiwaling disposisyon ng tao ang padagdag nang padagdag na pagbabago—na lahat ay siyang kahulugan ng pagiging buhay ng tao ng Diyos. Kung ang isang daan ay walang kakayahang ihayag ang gayong mga bagay na siyang diwa ng tao, walang kakayahang baguhin ang disposisyon ng tao, at higit pa rito, walang kakayahang dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos o bigyan sila ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at nagiging sanhi pa upang ang kanilang pagkatao ay higit pang maging mababa at ang kanilang katinuan ay higit pang maging hindi karaniwan, ang daang ito, kung gayon, ay hindi ang tunay na daan, at maaaring ito ay gawain ng masamang espiritu, o ang lumang daan. Sa madaling salita, hindi ito ang gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan. Naniwala na kayo sa Diyos sa loob ng mga taong ito, ngunit wala kayong nahihiwatigan sa mga prinsipyo para sa pagkilala sa pagkakaiba ng tunay na daan at huwad na daan o sa paghahanap sa tunay na daan. Karamihan ng mga tao ay hindi man lamang interesado sa ganitong mga bagay; sumusunod lamang sila kung saan pumupunta ang karamihan, at inuulit ang sinasabi ng nakararami. Paanong magiging ito ang tao na naghahanap sa tunay na daan? At paano masusumpungan ng ganoong mga tao ang tunay na daan? Kung inyong mauunawaan ang ilang mga pangunahing prinsipyong ito, hindi kayo malilinlang anuman ang mangyari.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply