Paano itinatrato ng Diyos ang mga naniniwala sa mga alingawngaw ni Satanas at tumatalikod sa Kanya?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“At sinabi ng ahas sa babae, Tunay na hindi kayo mamamatay: Sapagka’t talastas ng Dios na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama. At nang makita ng babae, na ang bunga ng punong kahoy ay mabuting kanin, at nakalulugod sa mga mata, at kahoy na mananasa upang magpapantas sa tao, ay pumitas siya ng bunga niyaon at kinain; at binigyan din niya ang kaniyang asawang kasama niya, at ito’y kumain. … Kaya pinalayas siya ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden, upang kaniyang bukirin ang lupaing pinagkunan sa kaniya. Ano pa’t itinaboy ang lalake; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga Querubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang ingatan ang daang patungo sa kahoy ng buhay” (Genesis 3:4–6, 23–24).
“Ang aking bayan ay nasira dahil sa kakulangan ng kaalaman” (Hosea 4:6).
“Nguni’t ang mangmang ay namamatay sa kakulangan ng pagunawa” (Kawikaan 10:21).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Yaong mga nabibilang kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang yaong nabibilang sa Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; ipinapasya ito ng kanilang mga likas na pagkatao. Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan yaong mga naghahanap sa katotohanan na masustentuhan, at nawa’y masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t gusto nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng paboritismo kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang taong naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Lahat ng umiiling kapag naririnig nila ang katotohanan, na ngumingisi kapag nakakarinig sila ng tungkol sa kamatayan, ay mga supling ni Satanas, at sila yaong aalisin. Marami sa iglesia ang hindi makakilala. Kapag may nangyaring isang bagay na mapanlinlang, bigla silang pumapanig kay Satanas; nasasaktan pa sila kapag tinawag silang mga utusan ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilala, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila tumatayo at nakikipagtalo kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkakilala? Bakit bigla silang pumapanig kay Satanas? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan o makatwiran para suportahan ang katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkakilala ang meron ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustung-gusto ng mga taong walang pagkakilala ang kasamaan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay matatapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at magsalitang kagaya nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Sapat nang kaya nilang pumanig kay Satanas upang patunayan na talagang mahal ni Satanas ang walang-kuwentang mga diyablong ito na ginugugol ang kanilang buhay sa pakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas. Hindi ba napakalinaw ng lahat ng katotohanang ito?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Ang walang-kuwentang mga panloloko ng mga walang pagkakilala ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao, ililigaw sila ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, dahil sumusunod sila sa masasamang tao at pumapanig sa masasamang tao, at dahil nakikipagsabwatan sila sa masasamang tao at lumalaban sa Diyos. Alam na alam nila na ang mababanaag sa masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinatitigas nila ang kanilang puso at tinatalikuran ang katotohanan upang sundan ang mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at kasuklam-suklam na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na naghahari-harian at sumusunod naman sa kanila ang iba, hindi ba pare-pareho silang likas na masuwayin sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang sumisira sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang pagkasuwail ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ito ang wakas na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Ano ang unang reaksyon ng ilang tao kapag naririnig nila ang ilang tsismis o paninirang-puri tungkol sa Diyos? Ang una nilang reaksyon ay ang mag-isip kung totoo ang tsismis na ito o hindi at kung umiiral ang mga tsismis na ito o hindi, at pagkatapos ay hinihintay nila kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay nagsisimula silang mag-isip, “Walang paraan para mapatunayan ito. Talaga bang nangyari iyon? Totoo ba ang tsismis na ito o hindi?” Bagama’t hindi ito ipinapakita ng mga taong ganito, nagsimula na silang magduda sa kanilang puso, at nagsimula nang ikaila ang Diyos. Ano ang diwa ng ganitong klaseng saloobin at ng gayong pananaw? Hindi ba ito pagkakanulo? Hangga’t hindi sila nahaharap sa bagay na ito, hindi mo makikita ang mga pananaw ng mga taong ito; tila hindi sila sumasalungat sa Diyos, at parang hindi nila Siya itinuturing na kaaway. Gayunman, sa sandaling maharap sila sa isang problema, agad silang kumakampi kay Satanas at lumalaban sa Diyos. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na magkakontra ang mga tao at ang Diyos! Hindi naman sa itinuturing ng Diyos ang sangkatauhan bilang kaaway, kundi ang mismong diwa ng sangkatauhan ang salungat sa Diyos. Gaano man katagal nang nakasunod ang isang tao sa Kanya o gaano man kalaki ang isinakripisyo nila, at paano man nila pinupuri ang Diyos, paano man nila pigilan ang kanilang sarili sa pagsuway sa Kanya, at gaano pa man nila hinihimok ang kanilang sarili na mahalin ang Diyos, hindi nila kailanman magagawang tratuhin ang Diyos bilang Diyos. Hindi ba ito ipinapasiya ng diwa ng mga tao? Kung tinatrato mo Siya bilang Diyos at tunay kang naniniwala na Siya ay Diyos, maaari ka pa rin bang magkaroon ng anumang mga pagdududa sa Kanya? Maaari ka pa rin bang magkimkim ng anumang mga pagdududa tungkol sa Kanya sa puso mo? Hindi na maaari, hindi ba? Ang mga kalakaran ng mundong ito ay napakasama, at ang sangkatauhan ding ito; kaya, paano ka hindi magkakaroon ng anumang mga kuru-kuro tungkol sa mga ito? Ikaw mismo ay napakasama, kaya paano nangyari na wala kang mga kuru-kuro tungkol diyan? Gayunman, sa ilang tsismis lamang at ilang paninirang-puri ay maaaring magpasimula ng gayon kalalaking kuru-kuro tungkol sa Diyos, at humahantong sa iyong pagkakaroon ng napakaraming imahinasyon, na nagpapakita kung gaano kamusmos ang iyong tayog! Ang “paghugong” lamang ng ilang lamok at ilang nakakainis na mga langaw—sapat na ba iyan para malinlang ka? Anong klaseng tao ito? Alam mo ba kung ano ang iniisip ng Diyos tungkol sa gayong mga tao? Ang saloobin ng Diyos ay talagang napakalinaw hinggil sa kung paano Niya sila tinatrato. Iyon ay na binabalewala lamang ng Diyos ang mga taong ito—ang Kanyang saloobin ay huwag silang pansinin, at huwag seryosohin ang mangmang na mga taong ito. Bakit ganoon? Ito ay dahil sa puso ng Diyos, hindi Niya kailanman binalak na tamuhin ang mga taong iyon na nangakong maging kagalit Niya hanggang sa pinakahuli at hindi kailanman nagbalak na hanapin ang daan ng pagiging kasundo Niya.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Ang pag-aalala Ko ay patuloy na ang paraan kung paanong ang bawat isa sa inyo ay kumikilos at nagpapahayag ng sarili niya, na siyang batayan kung saan tutukuyin Ko ang wakas ninyo. Gayunman, dapat Ko itong gawing malinaw: Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.