Ang Diyos ang Naghahari sa Lahat at Nagtutustos sa Lahat, Siya ang Diyos ng Lahat ng Bagay

Hulyo 26, 2020

Pagkatapos pag-usapan ang ilan sa mga bagay na ito, sa tingin ba ninyo ay mayroon na kayo ngayong natutunan tungkol sa pangunahing paksa na katatalakay pa lang natin? Sa palagay ba ninyo ay nagsisimula na kayong maunawaan ito? Naniniwala Akong mayroon na dapat kayong pahapyaw na ideya kung bakit Ko pinili na pag-usapan ang tungkol sa mga aspetong ito na napapaloob sa mas malawak na paksa. Ito ba ang kaso? Marahil ay maaari kayong magsalita nang kaunti kung gaano na kalaki ang bahagi nito na naintindihan ninyo. (Ang buong sangkatauhan ay inalagaan ng mga batas na ipinasiya ng Diyos para sa lahat ng bagay. Nang ipinapasiya ng Diyos ang mga batas na ito, inilaan Niya sa iba’t ibang lahi ang iba’t ibang kapaligiran, iba’t ibang uri ng pamumuhay, iba’t ibang pagkain, at iba’t ibang klima at temperatura. Ito ay upang ang buong sangkatauhan ay makakapanahan sa lupa at patuloy na mabuhay. Mula rito ay nakikita ko na ang mga plano ng Diyos para sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan ay napakatumpak at nakikita ko ang Kanyang karunungan at pagkaperpekto, at ang Kanyang pag-ibig para sa ating mga tao.) (Ang mga batas at mga saklaw na napagpasyahan ng Diyos ay hindi maaaring baguhin ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Lahat ito ay nasa ilalim ng Kanyang pamamahala.) Sa pagtingin mula sa pananaw ng mga batas na pinagpasyahan ng Diyos para sa paglago ng lahat ng bagay, hindi ba ang buong sangkatauhan, anuman ang maging uri nito, ay tinutustusan at pinangangalagaan ng Diyos? Kung ang mga batas na ito ay pinawalang-bisa o kung hindi itinatag ng Diyos ang ganitong mga batas para sa sangkatauhan, ano kaya ang kahihinatnan ng sangkatauhan? Pagkatapos mawala ng mga tao ang kanilang mga pangunahing kapaligiran para patuloy na mabuhay, magkakaroon ba sila ng anumang pagkukunan ng pagkain? Posible na ang mga pinagkukunan ng pagkain ay magiging isang suliranin. Kung mawala ng mga tao ang mga pinagkukunan ng kanilang pagkain, iyon ay, kung hindi sila makakakuha ng anumang makakain, ilang araw kaya sila makakatagal? Posibleng hindi sila makatatagal nang kahit isang buwan lamang, at ang kakayahan nila na patuloy na mabuhay ay magiging problema. Kaya ang bawat isang bagay na ginagawa ng Diyos para patuloy na mabuhay ang mga tao, para sa pagpapatuloy ng kanilang pag-iral, pagpaparami, at ang ikinabubuhay ay napakahalaga. Ang bawat isang bagay na ginagawa ng Diyos sa mga bagay na Kanyang nilikha ay malapit na nauugnay at hindi maihihiwalay sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan. Kung maging suliranin ang patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan, makakapagpatuloy pa ba ang pamamahala ng Diyos? Iiral pa rin ba ang pamamahala ng Diyos? Magkasamang umiiral ang pamamahala ng Diyos at ang patuloy na pamumuhay ng buong sangkatauhan na Kanyang inaalagaan, kaya anuman ang mga paghahanda ng Diyos para sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha at mga ginagawa para sa mga tao, lahat ng ito ay kinakailangan Niya, at ito ay napakahalaga sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan. Kapag ang mga batas na ito na napagpasyahan ng Diyos para sa lahat ng bagay ay nilayuan, kapag ang mga batas na ito ay nilabag o ginambala, ang lahat ng bagay ay hindi na iiral pa, ang kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan ay hindi na makapagpapatuloy na umiral, at maging ang kanilang pang-araw-araw na ikinabubuhay, at maging ang sangkatauhan mismo. Sa kadahilanang ito, ang pamamahala ng Diyos sa kaligtasan ng sangkatauhan ay hindi na rin iiral pa.

Ang lahat ng ating tinalakay, ang bawat isang bagay, ang bawat piraso ay matalik na nakaugnay sa kakayahang mabuhay ng bawat isang tao. Maaari ninyong sabihing, “Ang Iyong sinasabi ay masyadong malaki, ito ay isang bagay na hindi namin makita,” at marahil ay may mga tao na makapagsasabi, “Ang Iyong sinasabi ay walang kinalaman sa akin.” Gayunman, huwag kalilimutan na ikaw ay nabubuhay bilang bahagi lamang ng lahat ng bagay; ikaw ay kabilang sa lahat ng bagay na nilikha na nasa ilalim ng pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay hindi maaaring maihiwalay sa pamamahala ng Diyos, at wala ni isang katao ang maaaring maghiwalay ng kanilang mga sarili mula sa Kanyang pamamahala. Ang pagkawala ng Kanyang pamamahala at pagkawala ng Kanyang pagtustos ay mangangahulugan na ang buhay ng mga tao, ang buhay ng mga tao sa laman, ay maglalaho. Ito ang kahalagahan ng pagtatatag ng Diyos ng mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan. Hindi mahalaga kung anong lahi ka o kung saang piraso ng lupa ka nakatira, maging ito ay sa Kanluran o sa Silangan—hindi mo maihihiwalay ang iyong sarili mula sa kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na itinatag ng Diyos para sa sangkatauhan, at hindi mo maihihiwalay ang iyong sarili mula sa pangangalaga at mga pagtutustos ng kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na Kanyang itinatag para sa mga tao. Maging anuman ang iyong kabuhayan, anuman ang iyong inaasahan para mabuhay, at anuman ang iyong inaasahan upang tustusan ang iyong buhay sa laman, hindi mo maaaring ihiwalay ang iyong sarili mula sa pamumuno ng Diyos at ng Kanyang pamamahala. Sinasabi ng ilan: “Hindi ako magsasaka; hindi ako nagtatanim ng mga halaman para mabuhay. Hindi ako umaasa sa kalangitan para sa aking pagkain, kaya ang patuloy na pamumuhay ko ay hindi nagaganap sa kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na itinatag ng Diyos. Ang gayong uri ng kapaligiran ay hindi nakapagbigay sa akin ng anuman.” Tama ba ito? Sinasabi mo na hindi ka nagtatanim ng mga halaman para sa iyong ikinabubuhay, ngunit hindi ka ba kumakain ng mga butil? Hindi ka ba kumakain ng karne at mga itlog? Hindi ka ba kumakain ng mga gulay at prutas? Ang lahat ng iyong kinakain, lahat ng bagay na iyong kailangan, ay hindi maihihiwalay mula sa kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na itinatag ng Diyos para sa sangkatauhan. At ang pinanggagalingan ng lahat ng kinakailangan ng sangkatauhan ay hindi maaaring maihiwalay mula sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, na kung susumahin ay ang iyong mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay. Ang tubig na iyong iniinom, ang pananamit na iyong isinusuot, at ang lahat ng bagay na iyong ginagamit—alin sa mga ito ang hindi nakukuha mula sa mga bagay na nilikha ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao: “May ilang bagay na hindi nakukuha mula sa mga bagay na nilikha ng Diyos. Tingnan mo, ang plastik ay isa sa mga bagay na iyon. Ito ay mula sa kemikal, isang bagay na gawa ng tao.” Tama ba ito? Totoong ang plastik ay gawa ng tao, at ito ay mula sa kemikal, ngunit saan nanggaling ang likas na sangkap ng plastik? Ang likas na mga sangkap ay nakuha sa mga materyales na nilikha ng Diyos. Ang mga bagay na iyong nakikita at tinatamasa, ang bawat isang bagay na iyong ginagamit, ang lahat ng ito ay mula sa mga bagay na nilikha ng Diyos. Ibig sabihin, anuman ang lahi ng isang tao, anuman ang kanyang ikinabubuhay, o anumang uri ng kapaligiran siya nakatira para sa patuloy na pamumuhay, hindi niya maihihiwalay ang kanyang sarili mula sa kung ano ang inilaan ng Diyos. Kaya ang lahat ba ng bagay na ating tinalakay sa araw na ito ay may kaugnayan sa ating paksa na “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay”? Kaya ang mga bagay ba na ating tinalakay sa araw na ito ay maibibilang sa mas malaking paksa na ito? (Oo.) Marahil ang ilan sa Aking natalakay sa araw na ito ay medyo mahirap unawain at medyo mahirap pag-usapan. Gayunman, sa tingin Ko ay malamang na mas naiintindihan na ninyo ito ngayon.

Sa mga huling pagkakataon sa pagbabahagian, ang saklaw ng mga paksa na ating pinagbahagian ay masasabing malawak, at ang kanilang saklaw ay maituturing na napakarami, kaya kinakailangan ng ilang pagsisikap para maunawaan ninyo itong lahat. Ito ay dahil ang mga paksang ito ay mga bagay na hindi pa kailanman naiwasto noon sa paniniwala ng mga tao sa Diyos. Naririnig ito ng ilang tao bilang misteryo at ang ilang tao naman ay naririnig ito bilang kuwento—aling pananaw ang tama? Mula sa anong pananaw ninyo naririnig ang lahat ng ito? (Nakita natin kung gaano kasistematikong isinaayos ng Diyos ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha at na ang lahat ng bagay ay mayroong mga batas, at sa pamamagitan ng mga salitang ito ay mas maiintindihan natin ang mga gawa ng Diyos at ang Kanyang metikulosong pagsasaayos para sa pagliligtas sa sangkatauhan.) Sa pamamagitan ng mga sandaling ito ng pagbabahagian, nakita ba ninyo kung gaano kalawak ang saklaw ng pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay? (Sa buong sangkatauhan, sa lahat ng bagay.) Ang Diyos ba ay Diyos ng iisang lahi lamang? Siya ba ang Diyos ng isang uri ng mga tao? Siya ba ang Diyos ng isang maliit na bahagi lamang ng sangkatauhan? (Hindi Siya ganoon.) Yamang hindi iyon ang kaso, kung ayon sa inyong kaalaman tungkol sa Diyos, Siya ay Diyos lamang ng maliit na bahagi ng sangkatauhan, o Siya ay Diyos na para lamang sa inyo, tama ba ang pananaw na ito? Yamang pinamamahalaan at pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, dapat makita ng mga tao ang Kanyang mga gawa, ang Kanyang karunungan, at ang Kanyang pagka-makapangyarihan sa lahat na nabubunyag sa Kanyang pamumuno sa lahat ng bagay. Ito ay isang bagay na dapat malaman ng tao. Kung sinasabi mong namamahala ang Diyos sa lahat ng bagay, namumuno sa lahat ng bagay, at namumuno sa buong sangkatauhan, ngunit kung wala kang anumang pagkaunawa o kabatiran sa Kanyang pamumuno sa sangkatauhan, magagawa mo ba talagang kilalanin na pinamumunuan Niya ang lahat ng bagay? Maaaring maisip mo sa iyong puso, “Magagawa ko, dahil nakikita ko na ang buhay ko ay lubos na pinamumunuan ng Diyos.” Ngunit ganoon ba talaga kaliit ang Diyos? Hindi Siya ganoon! Nakikita mo lamang ang pagliligtas ng Diyos para sa iyo at ang Kanyang gawain sa iyo, at mula sa mga bagay na ito mo lamang nakikita ang Kanyang pamumuno. Ito ay napakaliit na saklaw lamang, at ito ay may masamang epekto sa iyong pagtatamo ng tunay na kaalaman ukol sa Diyos. Nililimitahan din nito ang iyong tunay na kaalaman ukol sa pamumuno ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag nilimitahan mo ang iyong kaalaman sa Diyos sa saklaw ng kung ano ang naipagkakaloob para sa iyo ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng kaligtasan sa iyo, hindi mo na kailanman kikilalanin na pinamumunuan Niya ang lahat, na pinamumunuan Niya ang lahat ng bagay, at pinamumunuan Niya ang buong sangkatauhan. Kapag nabigo ka na makilala ang lahat ng ito, magagawa mo bang tunay na makilala ang katotohanan na pinamumunuan ng Diyos ang iyong tadhana? Hindi mo ito magagawa. Sa iyong puso ay hindi mo kailanman magagawang kilalanin ang gayong aspeto—hindi mo kailanman maaabot ang gayong kataas na antas ng pagkaunawa. Naiintindihan mo ang sinasabi Ko, tama ba? Ang totoo, nalalaman Ko kung hanggang saang antas ninyo nauunawaan ang mga paksang ito, ang nilalamang ito na Aking sinasabi, kaya bakit patuloy Ko itong sinasabi? Ito ay dahil ang mga paksang ito ay mga bagay na dapat na pahalagahan ng bawat isang tagasunod ng Diyos, ng bawat isang tao na nagnanais na mailigtas ng Diyos—kailangang maunawaan ang mga paksang ito. Kahit na sa sandaling ito ay hindi mo pa maunawaan ang mga ito, balang araw, kapag ang iyong buhay at ang iyong karanasan sa katotohanan ay makarating sa isang partikular na antas, kapag ang pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay ay makarating sa isang partikular na antas at ikaw ay nagtamo ng isang partikular na antas ng tayog, sa gayon lamang ang mga paksang ito na Aking ipinababatid sa iyo sa pagbabahagian ay tunay na makapagtutustos at makapagbibigay-kasiyahan sa iyong paghahangad ng kaalaman ukol sa Diyos. Kaya ang mga salitang ito ay maglalatag ng saligan, upang ihanda kayo para sa inyong pagkaunawa sa hinaharap na ang Diyos ang namumuno sa lahat ng bagay at para sa inyong pagkaunawa sa Diyos Mismo.

Kung gaano karaming pagkaunawa ukol sa Diyos ang mayroon sa puso ng mga tao, iyon rin ang lawak na Kanyang hinahawakan sa kanilang mga puso. Kung gaano kalaki ang antas ng kaalaman ukol sa Diyos na nasa kanilang mga puso ay ganoon kadakila ang Diyos sa kanilang mga puso. Kung ang Diyos na kilala mo ay walang laman at malabo, kung gayon ang Diyos na pinaniniwalaan mo ay wala ring laman at malabo. Ang Diyos na kilala mo ay limitado lang sa saklaw ng iyong sariling personal na buhay, at walang kinalaman sa tunay na Diyos Mismo. Kaya, ang pagkilala sa praktikal na mga pagkilos ng Diyos, ang pagkilala sa realidad ng Diyos at Kanyang kapangyarihang walang hanggan, ang pagkilala sa tunay na pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, ang pagkilala sa kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, ang pagkilala sa mga pagkilos na ipinamalas Niya sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha—ang mga bagay na ito ay napakahalaga sa bawat isang tao na naghahangad ng kaalaman ukol sa Diyos. Ang mga ito ay may direktang kaugnayan kung makapapasok o hindi ang mga tao sa katotohanang realidad. Kung iyong lilimitahan ang iyong pagkaunawa sa Diyos sa mga salita lamang, kung lilimitahan mo ito sa kakaunti mong karanasan, sa pagkaunawa mo sa biyaya ng Diyos, o sa kakaunti mong patotoo sa Diyos, kung gayon sasabihin Ko na ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay tiyak na hindi ang tunay na Diyos Mismo. Hindi lamang iyon, ngunit maaari ring sabihin na ang Diyos na pinaniniwalaan mo ay isang likhang-isip na Diyos, hindi ang tunay na Diyos. Ito ay dahil sa ang tunay na Diyos ay ang Siyang namumuno sa lahat, na lumalakad sa gitna ng lahat, na namamahala sa lahat. Siya ang humahawak sa kapalaran ng buong sangkatauhan at ng lahat ng bagay na nasa Kanyang mga kamay. Ang mga gawain at mga pagkilos ng Diyos na Aking sinasabi ay hindi limitado lamang sa maliit na bahagi ng mga tao. Ibig sabihin, hindi ito limitado lamang sa mga tao na sumusunod sa Kanya sa kasalukuyan. Ang Kanyang mga gawa ay ipinamamalas sa lahat ng bagay, sa pagiging buhay ng lahat ng bagay, at sa mga batas ng pagbabago sa lahat ng bagay. Kung hindi mo makikita o makikilala ang alinman sa mga gawa ng Diyos sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha, kung gayon ay hindi ka maaaring sumaksi sa alinman sa Kanyang mga gawa. Kung hindi ka maaaring sumaksi para sa Diyos, kung patuloy kang nagsasalita tungkol sa maliit na kung tawagin ay “Diyos” na kilala mo, ang Diyos na iyon na limitado sa iyong sariling mga palagay at umiiral lamang sa loob ng iyong makitid na pag-iisip, kung nagpapatuloy kang magsalita tungkol sa gayong uri ng Diyos, kung gayon hindi kailanman pupurihin ng Diyos ang iyong pananampalataya. Kapag sumaksi ka para sa Diyos, kung ginagawa mo lamang ito ayon sa kung paano mo tinatamasa ang biyaya ng Diyos, kung paano mo tinatanggap ang disiplina ng Diyos at ang Kanyang pagkastigo, at kung paano mo tinatamasa ang Kanyang mga biyaya sa iyong pagsaksi para sa Kanya, kung gayon ay lubhang hindi sapat iyon at malayo pa nga sa pagbibigay ng kasiyahan sa Kanya. Kung gusto mong sumaksi sa Diyos sa paraan na nakaayon sa Kanyang kalooban, na sumaksi para sa tunay na Diyos Mismo, kung gayon kailangan mong makita kung ano ang mayroon Siya at kung ano ang Diyos sa Kanyang mga pagkilos. Kailangan mong makita ang awtoridad ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa lahat, at makita ang katotohanan kung paano Siya naglalaan para sa buong sangkatauhan. Kung kinikilala mo lamang na ang iyong pang-araw-araw na ikinabubuhay at ang iyong mga pangangailangan sa buhay ay nagmumula sa Diyos, ngunit hindi mo nakikita ang katotohanang kinukuha ng Diyos ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha para tustusan ang buong sangkatauhan, at na sa pamumuno sa lahat ng bagay ay pinangungunahan Niya ang buong sangkatauhan, kung gayon hindi mo kailanman magagawang sumaksi para sa Diyos. Ano ang Aking layunin sa pagsasabi ng lahat ng ito? Ito ay upang huwag ninyo itong balewalain, upang hindi kayo magkamali na maniwala na ang mga paksang ito na Aking tinalakay ay walang kinalaman sa inyong personal na buhay pagpasok, at upang huwag ninyong ituring ang mga paksang ito bilang isang uri lamang ng kaalaman o doktrina. Kung pinakikinggan ninyo ang sinasabi Ko nang may ganyang uri ng saloobin, kung gayon ay hindi kayo magtatamo ng anumang bagay. Mawawala ninyo ang malaking oportunidad na ito na makilala ang Diyos.

Ano ang Aking layunin sa pagsasalita sa lahat ng bagay na ito? Ang Aking layunin ay para maipakilala sa mga tao ang Diyos, upang maipaunawa sa mga tao ang praktikal na mga pagkilos ng Diyos. Sa sandaling maunawaan mo ang Diyos at malaman mo ang Kanyang mga pagkilos, sa gayon ka pa lang magkakaroon ng pagkakataon o posibilidad na makilala Siya. Kung, halimbawa, gusto mong maunawaan ang isang tao, paano mo sila uunawain? Ito ba ay sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang panlabas na kaanyuan? Ito ba ay sa pamamagitan ng pagtingin sa kung ano ang kanilang suot at kung paano sila manamit? Ito ba ay sa pamamagitan ng pagtingin kung paano sila maglakad? Ito ba ay sa pamamagitan ng pagtingin sa saklaw ng kanilang kaalaman? (Hindi.) Kaya paano mo inuunawa ang isang tao? Gumagawa ka ng paghatol ayon sa pananalita at pag-uugali ng isang tao, sa kanilang iniisip at mga bagay na kanilang ipinahahayag at ibinubunyag tungkol sa kanilang sarili. Ito ang paraan ng pagkilala sa isang tao, kung paano unawain ang isang tao. Gayundin, kung gusto ninyong makilala ang Diyos, kung gusto ninyong maintindihan ang praktikal Niyang panig, ang Kanyang totoong panig, kailangang makilala ninyo Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa at sa pamamagitan ng bawat isang praktikal na bagay na Kanyang isinasakatuparan. Ito ang pinakamahusay na paraan, at ito ang tanging paraan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman