Binabalanse ng Diyos ang mga Kaugnayan sa Pagitan ng Lahat ng Bagay Upang Ipagkaloob sa Sangkatauhan ang Isang Matatag na Kapaligiran Para sa Patuloy na Pamumuhay
Ipinamamalas ng Diyos ang Kanyang mga ginagawa sa lahat ng bagay, at sa lahat ng bagay na pinamamahalaan Niya at kinokontrol ang mga batas ng lahat ng bagay. Kakatapos lamang nating pag-usapan kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang mga batas ng lahat ng bagay gayundin kung paano Niya tinutustusan at pinangangalagaan ang buong sangkatauhan alinsunod sa mga batas na iyon. Ito ay isang aspeto. Susunod, pag-uusapan natin ang tungkol sa isa pang aspeto, na isang paraan na ginagamit ng Diyos upang magkaroon ng kontrol sa lahat ng bagay. Nagsasalita Ako tungkol sa paraan na binalanse ng Diyos ang mga ugnayan sa pagitan ng mga ito matapos likhain ang lahat ng bagay. Ito ay masasabing isang napakalawak ding paksa para sa inyo. Pagbabalanse sa mga kaugnayan sa pagitan ng lahat ng bagay—ito ba ay isang bagay na maisasakatuparan ng mga tao? Hindi ito magagawa ng mga tao. Ang magagawa lamang ng mga tao ay ang mangwasak. Hindi nila mababalanse ang mga ugnayan sa pagitan ng lahat ng bagay; hindi nila kayang pamahalaan ang mga ito, at ang gayong kadakilang awtoridad o kapangyarihan ay lampas sa mauunawaan ng sangkatauhan. Ang Diyos Mismo lamang ang mayroong kapangyarihang gawin ang ganitong uri ng bagay. Ano ang layunin ng Diyos sa paggawa ng ganitong uri ng bagay—para saan ito? Ito rin ay malapit na nauugnay sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan. Ang bawat isang bagay na nais gawin ng Diyos ay kinakailangan—walang bagay na magagawa Niya o hindi magagawa. Nang upang maingatan Niya ang patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan at maibigay sa mga tao ang isang mainam na kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay, may ilang bagay na talagang kailangan at mahalaga na dapat Niyang gawin.
Mula sa literal na kahulugan ng pariralang ito “Binabalanse ng Diyos ang lahat ng bagay,” ito ay tila isang napakalawak na paksa. Una, nagbibigay ito sa mga tao ng konsepto na ang “pagbabalanse sa lahat ng bagay” ay tumutukoy rin sa pamumuno ng Diyos sa lahat ng bagay. Ano ang kahulugan ng salitang “balanse”? Una, ang “balanse” ay tumutukoy sa hindi pagpapahintulot sa isang bagay na mawalan ng panimbang. Kagaya ito ng paggamit ng timbangan para timbangin ang mga bagay. Upang mabalanse ang timbangan, ang timbang ng dalawang panig ay dapat magkapareho. Nilikha ng Diyos ang maraming iba’t ibang uri ng mga bagay: mga bagay na nakapirmi sa kanilang lugar, mga bagay na gumagalaw, mga bagay na buhay, at mga bagay na humihinga, gayundin ng mga bagay na hindi humihinga. Madali ba para sa lahat ng bagay na ito na matamo ang isang ugnayan ng pagtutulungan, ng pagkakaugnay-ugnay sa isa’t isa, kung saan ay nagtutulungan sa isa’t isa at binabantayan ang isa’t isa? Tiyak na mayroong mga prinsipyo sa lahat ng ito, ngunit ang mga ito ay napakakumplikado, hindi ba? Hindi ito mahirap para sa Diyos, ngunit para sa mga tao, ito ay napakakumplikado na bagay para pag-aralan. Ito ay isang napakasimpleng salita—balanse. Gayunman, kung pag-aaralan ito ng mga tao, at kung kakailanganin ng mga tao mismo sa kanilang sarili na lumikha ng balanse, kung gayon kahit na ang lahat ng uri ng mga dalubhasa ang mag-aaral nito—mga pantaong biologist, mga astronomo, mga pisiko, mga chemist at maging ang mga nagsusulat ng kasaysayan—ano ang magiging panghuling kalalabasan ng pananaliksik na ito? Ang kalalabasan nito ay wala. Ito ay dahil sa ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay ay sobrang kamangha-mangha at hindi kailanman matutuklasan ng sangkatauhan ang mga lihim nito. Nang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, nagtatag Siya ng mga prinsipyo sa pagitan ng mga ito, nagtatag ng iba’t ibang kaparaanan para mabuhay para sa pagpigil sa isa’t isa, hindi pagsasalungatan, at panustos. Ang iba’t ibang pamamaraan na ito ay sobrang masalimuot, at talagang hindi payak ang mga ito o sa isang direksyon lamang. Kapag ginagamit ng mga tao ang kanilang mga isip, ang kanilang natamong kaalaman, at ang mga kakaibang pangyayari na kanilang namasid upang pagtibayin o saliksikin ang mga prinsipyo sa likod ng pagkontrol ng Diyos sa lahat ng bagay, ang mga bagay na ito ay sobrang napakahirap matuklasan, at masyado ring mahirap matamo ang anumang kalalabasan. Masyado talagang mahirap para sa mga tao na makakuha ng anumang mga resulta; napakahirap para sa mga tao na mapanatili ang balanse nila kapag umaasa sila sa mga kaisipan at kaalaman ng tao para mapamahalaan ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Dahil kung hindi alam ng mga tao ang mga prinsipyo ng patuloy na pamumuhay ng lahat ng bagay, hindi nila malalaman kung paano iingatan ang ganitong uri ng balanse. Kaya, kung pamahalaan at pamunuan ng mga tao ang lahat ng bagay, tiyak na masisira lamang nila ang balanseng ito. Sa sandaling masira ang balanse, ang mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng mga tao ay masisira, at kapag nangyari ang gayon, ito ay susundan ng isang krisis para sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan. Ito ay magdudulot ng sakuna. Kung ang sangkatauhan ay nabubuhay sa gitna ng sakuna, ano ang magiging hinaharap nila? Ang kalalabasan ay magiging napakahirap na masuri, at imposibleng mahulaan nang may katiyakan.
Kaya paano nababalanse ng Diyos ang mga kaugnayan sa pagitan ng lahat ng bagay? Una, may ilang lugar sa mundo na natatakpan ng yelo at ng niyebe sa buong taon, samantalang sa ibang mga lugar, lahat sa apat na panahon ay parang tagsibol at hindi kailanman dumarating ang taglamig, at sa mga lugar na tulad nito, hindi ka kailanman makakakita ng isang tapal ng yelo o ni isang snowflake. Dito, pinag-uusapan natin ang mas malaking klima, at ang halimbawang ito ay isa sa mga paraan kung paano binabalanse ng Diyos ang ugnayan sa pagitan ng lahat ng bagay. Ang ikalawang paraan ay ito: Ang mga bulubundukin ay natatakpan ng malalagong halaman, na may lahat ng uri ng halaman na tumatakip sa lupa at mga hilera ng kagubatan na napakakapal na kapag naglalakad ka sa gitna ng mga ito ay hindi mo makikita ang araw. Subalit kapag titingnan ang isa pang bulubundukin, wala ni isang hibla ng damo na tumutubo, tanging mga patung-patong na tigang at hindi maayos na mga bundok. Sa panlabas na anyo, ang dalawang uri na ito ay parehong tumpok ng lupa na nagpatung-patong para maging mga bundok, ngunit ang isa ay puno ng luntiang mga halaman, habang ang isa naman ay walang-walang paglago, ni isang hibla ng damo. Ito ang ikalawang paraan na binabalanse ng Diyos ang mga ugnayan sa pagitan ng lahat ng bagay. Ang ikatlong paraan ay ito: Sa isang banda ay maaari kang makakita ng walang hangganang damuhan, isang bukid ng kumakaway na luntian. Sa kabilang banda, maaari kang makakita ng isang disyerto hanggang sa abot ng makikita ng iyong mata, tuyo, na wala ni isang buhay na bagay sa gitna ng sumisitsit na buhanging hinihipan ng hangin, lalo na ng pinagkukunan ng tubig. Ang ikaapat na paraan ay ito: Kung titingin sa isang banda: ang lahat ay nakalubog sa ilalim ng dagat, ang malawak na katubigang iyon, samantalang sa isa namang banda, hirap na hirap kang makakita ng kahit isang patak ng sariwang tubig mula sa bukal. Ang ikalimang paraan ay ito: Sa isang lupain sa banda rito, madalas ang pagpatak ng ulan at ang klima ay mahamog at mahalumigmig, samantalang sa lupain sa banda roon, ang matinding araw ay karaniwang nakatirik sa himpapawid, at bihira na magkaroon ng kahit isang patak ng ulan. Ang ikaanim na paraan ay ito: Sa isang lugar ay may isang talampas kung saan ang hangin ay manipis at mahirap para sa tao na makahinga, samantalang sa isa pang lugar ay may mga latian at mga libis, na nagsisilbing mga tahanan para sa iba’t ibang uri ng galang ibon. Mayroong iba’t ibang uri ng klima, o ang mga klima o mga kapaligiran na ito ay tumutugma sa iba’t ibang heograpikal na kapaligiran. Ibig sabihin, binabalanse ng Diyos ang pangunahing mga kapaligiran ng sangkatauhan para sa patuloy na pamumuhay pagdating sa malalawak na kapaligiran, mula sa klima hanggang sa heograpikal na kapaligiran, at mula sa iba’t ibang sangkap ng lupa hanggang sa dami ng mga pinagkukunan ng tubig, ang lahat ay upang matamo ang balanse sa hangin, temperatura at ang kahalumigmigan ng mga kapaligiran kung saan ay patuloy na nakapamumuhay ang mga tao. Dahil sa magkakasalungat na heograpikal na kapaligirang ito, ang mga tao ay mayroong tuluy-tuloy na hangin, at ang temperatura at kahalumigmigan sa iba’t ibang panahon ay hindi nagbabago. Pinahihintulutan nito ang tao na patuloy na mabuhay sa gayong uri ng kapaligiran para patuloy na makapamuhay gaya ng palagi nilang ginagawa. Una, ang malawak na kapaligiran ay dapat na balanse. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang heograpikal na lokasyon at kayarian gayundin ng mga pagbabago sa pagitan ng iba’t ibang klima na nagpapahintulot sa kanila na malimitahan at mabantayan ang isa’t isa upang makamtan ang balanse na gusto ng Diyos at kinakailangan ng sangkatauhan. Ito ay mula sa pananaw na may kinalaman sa malawak nakapaligiran.
Pag-uusapan natin ngayon ang tungkol sa mas maliliit na detalye, tulad ng mga halaman. Paano natatamo ang balanse ng mga ito? Ibig sabihin, paano nabibigyang-kakayahan ang mga halaman na patuloy na makapamuhay sa loob ng isang balanseng kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay? Ang sagot ay, sa pamamagitan ng pamamahala sa haba ng buhay, bilis ng paglago, at bilis ng pagpaparami ng iba’t ibang uri ng halaman upang maingatan ang kanilang kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay. Tingnan natin ang maliliit na damo bilang halimbawa—may mga usbong sa tagsibol, mga bulaklak sa tag-araw, at prutas sa taglagas. Nalalaglag ang prutas sa lupa. Sa sunod na taon, ang buto mula sa prutas ay umuusbong at nagpapatuloy alinsunod sa parehong mga batas. Ang haba ng buhay ng damo ay napakaigsi; ang bawat buto ay nalalaglag sa lupa, nagkakaugat at umuusbong, namumukadkad at namumunga, at ang prosesong ito ay nangyayari lamang sa tatlong panahon—tagsibol, tag-araw, at taglagas. Ang lahat ng uri ng puno ay mayroon ding sari-sariling haba ng buhay at iba’t ibang kapanahunan para sa pag-usbong at pamumunga. Ang ilang puno ay namamatay pagkatapos lamang ng 30 hanggang 50 taon—ito ang haba ng buhay ng mga ito. Ngunit ang bunga ng mga ito ay nahuhulog sa lupa, na pagkatapos ay tumutubo ang mga ugat at umuusbong, mamumulaklak at mamumunga, at mabubuhay ng mga 30 hanggang 50 taon. Ito ang bilis ng muling pagtubo. Ang isang matandang puno ay namamatay at ang isang batang puno ay tumutubo; ito ang dahilan kung bakit palagi kang nakakakita ng mga puno na tumutubo sa mga kagubatan. Ngunit mayroon din ang mga ito ng normal na pag-inog at mga proseso ng pagsilang at kamatayan. Ang ilang puno ay maaaring mabuhay nang mahigit sa isanlibong taon, at ang iba ay maaari pa ngang mabuhay ng tatlong libong taon. Anumang uri ng halaman ito o gaano man kahaba ang buhay nito, sa pangkalahatang pananalita, pinamamahalaan ng Diyos ang balanse nito batay sa kung gaano kahaba itong mabubuhay, sa kakayahan nitong magparami, at bilis at dalas ng pagpaparami nito gayundin ang dami ng mga nagiging punla mula rito. Ito ay nagtutulot sa mga halaman, mula sa mga damo hanggang sa mga puno, na makapagpatuloy na umunlad at lumago sa loob ng isang balanseng ekolohikal na kapaligiran. Kaya kapag tumingin ka sa isang kagubatan sa mundo, ang lahat ng lumalago rito, mga damo o puno, ay kapwa patuloy na nagpaparami at lumalago alinsunod sa sariling mga batas ng mga ito. Hindi nangangailangan ang mga ito ng dagdag na paggawa o tulong ng sangkatauhan. Ito ay dahil lamang sa pagkakaroon ng mga ito ng ganitong uri ng balanse kaya ang mga ito nakapagpapanatili ng sariling kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay. Dahil lamang sa pagkakaroon ng mga ito ng angkop na kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay kaya ang mga kagubatan at ang mga damuhang ito sa mundo ay nakapagpapatuloy na mabuhay sa lupa. Ang pag-iral ng mga ito ay nangangalaga sa maraming salinlahi ng mga tao gayundin ng maraming salinlahi ng lahat ng uri ng nabubuhay na mga bagay na may mga tahanan sa mga kagubatan at sa mga damuhan—mga ibon at mga hayop, mga insekto, at ang lahat ng uri ng maliliit na bagay na may buhay.
Kinokontrol din ng Diyos ang balanse sa pagitan ng lahat ng uri ng hayop. Paano Niya kinokontrol ang balanseng ito? Ito ay kagaya sa mga halaman—pinamamahalaan Niya ang balanse ng mga ito at nagpapasiya ng mga bilang ng mga ito batay sa kakayahan nilang magparami, ang dami at bilis ng pagpaparami ng mga ito at ang mga papel na ginagampanan ng mga ito sa mundo ng mga hayop. Halimbawa, kinakain ng mga leon ang mga sebra, kaya kung ang bilang ng mga leon ay lumampas sa bilang ng mga sebra, ano ang magiging kapalaran ng mga sebra? Ang mga ito ay malilipol. At kung ang pagpaparami ng mga sebra ay higit na mababa kaysa roon sa mga leon, ano ang magiging kapalaran ng mga ito? Ang mga ito ay malilipol din. Kaya, ang bilang ng mga sebra ay kailangang higit na marami kaysa sa bilang ng mga leon. Ito ay sa dahilang ang mga sebra ay hindi umiiral lamang para sa mga sarili nito, ngunit umiiral din ang mga ito para sa mga leon. Maaari mo ring sabihin ito sa ganitong paraan: Ang bawat sebra ay isang bahagi ng kabuuan ng mga sebra, ngunit ito ay pagkain din naman sa bibig ng mga leon. Ang bilis ng pagpaparami ng mga leon ay hindi kailanman madadaig ang sa mga sebra, kaya ang bilang ng mga ito ay hindi kailanman hihigit sa bilang ng mga sebra. Sa ganitong paraan lamang magagarantiya ang pinagkukunan ng pagkain ng leon. Kaya kahit na ang mga leon ay likas na mga kaaway ng mga sebra, madalas na nakikita ang mga ito ng mga taong panatag na nagpapahinga sa parehong lugar. Ang mga sebra ay hindi kailanman mababawasan sa bilang o maglalaho nang dahil ang mga ito ay sinisila at kinakain ng mga leon, at ang mga leon ay hindi kailanman madadagdagan ang bilang dahil sa katayuan nito bilang “hari.” Ang balanseng ito ay isang bagay na matagal na panahon nang itinatag ng Diyos. Ibig sabihin, itinatag ng Diyos ang mga batas ng balanse sa pagitan ng lahat ng hayop upang maaaring matamo nila ang ganitong uri ng balanse, at ito ay isang bagay na madalas na nakikita ng mga tao. Ang mga leon lang ba ang likas na mga kaaway ng mga sebra? Hindi, kinakain din ng mga buwaya ang mga sebra. Ang mga sebra ay tila napakahihinang uri ng hayop. Wala ang mga ito ng bangis ng mga leon, at kapag nakakasagupa ang isang leon, ang nakakatakot na kalabang ito, ang magagawa lamang ng mga ito ay ang tumakbo. Hindi man lamang kayang lumaban ng mga ito. Kapag hindi nito matatalo sa takbuhan ang leon, mahahayaan na lamang ang mga sariling makain ng leon. Ito ay makikita nang madalas sa mundo ng mga hayop. Ano ang inyong pakiramdam at naiisip kapag nakikita ninyo ang ganitong uri ng bagay? Naaawa ka ba sa sebra? Kinamumuhian mo ba ang leon? Ang mga sebra ay napakaganda sa paningin! Ngunit ang mga leon, palagi nitong tinitingnan ang mga sebra nang buong kasakiman. At sa kahangalan ay hindi tumatakbo nang malayo ang mga sebra. Nakikita ng mga ito ang leong naghihintay sa kanila roon sa lilim ng isang puno. Maaaring lumapit ito at kainin sila anumang sandali. Alam nila ito sa kanilang mga puso, ngunit hindi pa rin aalis ang mga ito sa kapirasong lupang iyon. Ito ay isang kagila-gilalas na bagay, isang kagila-gilalas na bagay na nagpapamalas ng pagtatalaga ng Diyos at ng Kanyang pamamahala. Nakakaramdam ka ng awa sa sebra ngunit hindi mo maililigtas ito, at kinamumuhian mo ang leon ngunit hindi mo ito mapatay. Ang sebra ay pagkain na inihanda ng Diyos para sa leon, ngunit gaano man karami ang kainin ng mga leon, ang mga sebra ay hindi mauubos. Ang bilang ng supling na naipapanganak ng mga leon ay napakaliit, at mabagal ang mga itong magparami, kaya gaano man karaming sebra ang kinakain ng mga ito, ang bilang ng mga ito ay hindi hihigit doon sa mga sebra. Sa bagay na ito ay mayroong balanse.
Ano ang layunin ng Diyos sa pagpapanatili ng ganitong uri ng balanse? Ito ay may kinalaman sa mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng mga tao gayundin ang patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan. Kung ang mga sebra, o ang anumang kaparehong sinisila ng leon—usa o iba pang mga hayop—ay mabagal sa pagpaparami at ang bilang ng mga leon ay mabilis na dumarami, anong uri ng panganib ang haharapin ng mga tao? Normal na pangyayari ang pagkain ng mga leon sa kanilang sinila, ngunit ang pagkain ng isang leon sa isang tao ay isang trahedya. Ang trahedyang ito ay hindi isang bagay na itinalaga ng Diyos, hindi ito isang bagay na nagaganap sa ilalim ng Kanyang pamamahala, lalong hindi Niya itinulot ito sa sangkatauhan. Sa halip, ito ay itinulot ng mga tao sa kanilang mga sarili. Kaya kagaya ng nakikita ng Diyos, ang balanse sa pagitan ng lahat ng bagay ay napakahalaga para sa kakayahang mabuhay ng sangkatauhan. Ang mga ito man ay mga halaman o mga hayop, walang anumang makapag-aalis ng angkop na balanse nito. Ang mga halaman, mga hayop, mga kabundukan, at mga lawa—inihanda ng Diyos ang isang normal na ekolohikal na kapaligiran para sa sangkatauhan. Kapag nagkaroon ang mga tao ng ganitong uri ng ekolohikal na kapaligiran—isang balanseng kapaligiran—ay saka pa lang matitiyak ang patuloy na pamumuhay nila. Kung ang kakayahang magparami ng isang puno o damo ay hindi ganoon kaganda o ang bilis ng pagpaparami ay masyadong mabagal, hindi ba mawawala ang kahalumigmigan ng lupa? Kung mawala ng lupa ang kahalumigmigan nito, magiging malusog pa ba ito? Kung mawala ng nasabing lupa ang mga halaman at kahalumigmigan nito, ito ay kaagad na guguho, at buhangin ang papalit sa lugar nito. Kapag ang lupa ay lumubha, ang kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng mga tao ay masisira na rin. Kasabay ng pagkawasak na ito ay darating ang maraming sakuna. Kung wala ang ganitong uri ng balanseng pang-ekolohiya, kung wala ang ganitong tipo ng balanseng pang-ekolohiya, ang mga tao ay madalas na magdurusa mula sa mga sakuna dahil sa mga kawalan ng balanseng ito sa pagitan ng lahat ng bagay. Halimbawa, ang kawalang balanse sa kapaligiran ay humahantong sa pagkawasak ng kapaligirang pang-ekolohiya ng mga palaka, ang mga ito ay nagsama-sama, ang mga bilang ng mga ito ay mabilis na dumami at nakakakita pa ang mga tao ng malaking bilang ng mga palakang tumatawid sa mga kalsada ng mga siyudad. Kung ookupahan ng malaking bilang ng mga palaka ang kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng mga tao, ano ang maitatawag dito? Isang sakuna. Bakit ito matatawag na isang sakuna? Ang mga maliliit na hayop na ito na kapaki-pakinabang para sa sangkatauhan ay mapapakinabangan ng mga tao kapag nanatili ang mga ito sa isang lugar na angkop para sa mga ito; napananatili ng mga ito ang balanse ng kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng mga tao. Ngunit sa sandaling ang mga ito ay maging isang sakuna, maaapektuhan nito ang kaayusan ng mga buhay ng mga tao. Ang lahat ng bagay at lahat ng elementong dala-dala ng mga palaka sa loob ng kanilang mga katawan ay maaaring makaimpluwensya sa kalidad ng buhay ng mga tao. Maging ang mga organo sa katawan ng mga tao ay maaaring salakayin—ito ay isa sa mga uri ng sakuna. Ang isa pang uri ng sakuna, na madalas na nararanasan ng mga tao, ay ang paglitaw ng napakaraming bilang ng mga balang. Hindi ba ito isang sakuna? Oo, ito ay isang nakatatakot na sakuna. Hindi mahalaga kung may kakayahan ang mga tao—ang mga tao ay maaaring gumawa ng mga eroplano, mga kanyon, at mga bombang atomika—kapag ang mga balang ay sumalakay, ano ang solusyon na mayroon ang sangkatauhan? Maaari ba nilang gamitin ang mga kanyon sa mga ito? Maaari ba nilang barilin ang mga ito ng kanilang mga baril na de-makina? Hindi nila ito maaaring gawin. Kung gayon ay maaari ba silang magbomba ng pestisidyo upang maitaboy ang mga ito? Hindi rin iyon madali. Ano ba ang gagawin ng maliliit na balang na iyon sa pagdating nito? Partikular nitong kinakain ang mga pananim at mga butil. Saanman makarating ang mga balang, ang mga pananim ay ganap na nauubos. Sa mga panahon ng pagsalakay ng mga balang, ang katumbas ng isang taon na pagkain na inaasahan ng mga magsasaka ay maaaring maubos lahat ng mga balang sa isang kisapmata. Para sa mga tao, ang pagdating ng mga balang ay hindi lamang nakakairita—ito ay isang sakuna. Kaya alam nating ang paglitaw ng malaking bilang ng balang ay isang uri ng sakuna, ngunit paano naman ang mga daga? Kung walang mga maninilang ibon na kumakain ng mga daga, kung gayon ay dadami nang napakabilis ang mga ito, mas mabilis pa kaysa sa maiisip mo. At kapag ang paglaganap ng mga daga ay hindi nabantayan, magkakaroon ba ang mga tao nang mainam na buhay? Anong uri ng sitwasyon ang kakaharapin ng mga tao? (Isang epidemya.) Ngunit sa tingin mo ba ay epidemya lamang ang magiging bunga nito? Kakainin ng mga daga ang anumang bagay, at ngangatngatin nila maging ang kahoy. Kung mayroong kahit na dadalawang daga sa isang bahay, makakaperwisyo ang mga ito sa lahat ng nakatira roon. Kung minsan ay nang-uumit ang mga ito ng mantika at kinakain ito, may mga pagkakataon na kinakain ng mga ito ang tinapay o mga butil. At ang mga bagay na hindi nito makakain ay nginangatngat na lamang nito at ikinakalat. Nginangatngat ng mga ito ang mga damit, mga sapatos, muwebles—nginangatngat nila ang lahat ng bagay. May mga pagkakataong umaakyat sila sa pamingganan—maaari pa bang gamitin ang mga platong iyon matapos tapakan ang mga ito ng mga daga? Kahit na linisin mo pang mabuti ang mga iyon, hindi ka na mapapanatag, kaya itatapon mo na lang ang mga iyon. Ito ang mga pagkayamot na dulot ng mga daga sa mga tao. Bagama’t ang mga daga aymaliliit na nilikha, ang mga tao ay walang paraan ng pagharap sa mga ito, at sa halip ay pinagtitiisan na lang ang mga pa-atake ng mga ito. Ang isang pares ng daga ay sapat na para magdulot ng kaguluhan, at lalo na ang isang malaking grupo ng mga ito. Kung lolobo ang bilang ng mga ito at ito ay naging isang sakuna, ang mga kahihinatnan ay hindi mailalarawan sa isipan. Kahit na ang mga nilikha na kasing liliit ng mga langgam ay maaaring maging isang sakuna. Kung mangyayari iyan, ang pinsalang maidudulot nito sa sangkatauhan ay hindi maaaring balewalain. Kayang magdulot ng mga langgam ng labis na pinsala sa mga bahay hanggang sa gumuho ang mga ito. Ang lakas ng mga langgam ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Hindi ba nakakatakot kung ang iba’t ibang uri ng ibon ay lilikha ng isang sakuna? (Oo.) Kung ipapahayag ito sa isa pang paraan, sa tuwing mawalan ng balanse ang mga hayop o mga bagay na may buhay, anumang uri ang mga ito, sila ay lalago, magpaparami, at maninirahan sa loob ng isang abnormal na saklaw, isang hindi karaniwang saklaw. Magdudulot ito ng hindi mailalarawan sa isip na mga kahihinatnan sa sangkatauhan. Hindi lamang nito maaapektuhan ang pagpapanatili ng mga tao at mga buhay, ngunit ito ay magdudulot din ng kapahamakan sa sangkatauhan, maging hanggang sa punto na ang mga tao ay magdurusa ng kapalaran ng lubos na pagkawasak at pagkalipol.
Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, ginamit Niya ang lahat ng uri ng sistema at pamamaraan para mabalanse ang mga ito, upang mabalanse ang mga kalagayan sa pamumuhay ng mga kabundukan at mga lawa, ng mga halaman at ng lahat ng uri ng mga hayop, ibon, at insekto. Ang Kanyang layunin ay upang tulutan ang lahat ng uri ng mga nilalang na mabuhay at magparami sa ilalim ng mga batas na Kanyang itinatag. Walang isa mang bagay na nilikha ang makakalabag sa mga batas na ito, at hindi maaaring labagin ang mga batas. Sa loob lamang ng ganitong uri ng pangunahing kapaligiran na maaaring ligtas na makapanatiling buhay at makapagparami ang mga tao, sa maraming salinlahi. Kung ang isang nabubuhay na nilikha ay lumampas sa dami o saklaw na itinatag ng Diyos, o kapag nilampasan nito ang bilis ng paglago, dalas ng pagpaparami, o bilang na Kanyang idinikta, ang kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan ay magdaranas ng magkakaibang mga antas ng pagkawasak. At sa kaparehong panahon, ang kakayahang mabuhay ng sangkatauhan ay manganganib. Kapag ang isang uri ng nabubuhay na nilalang ay masyadong marami sa bilang, nanakawin nito sa tao ang kanilang pagkain, sisirain ang mga pinagkukunan ng tubig ng mga tao, at sisirain ang kanilang mga bayan. Sa gayong paraan, ang pagpaparami ng sangkatauhan o ang kalagayan ng kanilang kakayahan para mabuhay ay dali-daling maaapektuhan. Halimbawa, ang tubig ay napakahalaga para sa lahat ng bagay. Kung masyadong marami ang mga daga, langgam, balang, at palaka, o ang anumang uri ng iba pang mga hayop, iinom ang mga ito ng mas maraming tubig. Habang ang dami ng tubig na iniinom ng mga ito ay tumataas, ang tubig na inumin ng mga tao at ang tubig sa loob ng nakapirming saklaw ng mga pinagkukunan ng tubig na maiinom at ang mga lugar na may tubig ay mababawasan at daranas sila ng kakulangan ng tubig. Kapag ang tubig na iniinom ng mga tao ay nasira, nakontamina, o nawala dahil ang lahat ng uri ng hayop ay dumami sa bilang, sa ilalim ng gayong uri ng malupit na kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay, ang patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan ay lubhang manganganib. Kung mayroon lamang isang uri o iba’t ibang uri ng nilalang na may buhay ang lumampas sa angkop na bilang nito, kung gayon ang hangin, temperatura, kahalumigmigan, at maging ang nilalaman ng hangin sa loob ng espasyo ng sangkatauhan para sa patuloy na pamumuhay ay malalason at masisira sa magkakaibang antas. Sa ilalim ng ganitong mga kalagayan, ang patuloy na pamumuhay at kapalaran ng mga tao ay mapapasailalim din sa mga bantang dulot ng gayong uri ng mga salik sa ekolohiya. Kaya, kapag nawala ang mga balanseng iyon, ang hangin na hinihinga ng mga tao ay masisira, ang tubig na kanilang iniinom ay magiging kontaminado, at ang mga temperatura na kanilang kinakailangan ay magbabago rin at maaapektuhan sa iba’t ibang mga antas. Kung mangyayari iyon, ang mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay na likas na pag-aari ng sangkatauhan ay mapapasailalim sa mga katakut-takot na mga dagok at mga hamon. Sa ganitong uri ng kalagayan kung saan ang pangunahing mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan ay nasira, ano ang magiging kapalaran at mga inaasahan ng sangkatauhan? Ito ay isang napakaseryosong suliranin! Sapagkat nalalaman ng Diyos kung bakit umiiral ang bawat isa sa mga bagay na nilikha alang-alang sa sangkatauhan, ano ang papel ng bawat uri ng bagay na Kanyang nilikha, anong uri ng epekto ang mayroon ito sa sangkatauhan, at gaano kalaki ang pakinabang ng sangkatauhan dito, dahil sa puso ng Diyos ay may plano para sa lahat ng ito at pinamamahalaan Niya ang bawat isang aspeto sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha, kaya ang bawat isang bagay na Kanyang ginagawa ay napakahalaga at kinakailangan ng sangkatauhan. Kaya mula ngayon, sa tuwing makamamasid ka ng ilang kakaibang pangyayaring ekolohikal sa mga bagay na nilikha ng Diyos, o ilang likas na mga batas na ipinatutupad sa mga bagay na nilikha ng Diyos, hindi ka na magdududa pa sa pangangailangan ng bawat isang bagay na nilikha ng Diyos. Hindi ka na uli gagamit pa ng mga ignoranteng pananalita upang gumawa ng mga hindi makatwirang paghatol sa pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay at sa Kanyang iba’t ibang pamamaraan ng pagkakaloob sa sangkatauhan. Ni hindi ka rin gagawa ng mga hindi makatwirang konklusyon tungkol sa mga batas ng Diyos para sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Hindi ba ito ang kaso?
Ano ang lahat ng ito na katatalakay pa lamang natin? Isipin ito nang ilang sandali. Ang Diyos ay may sariling layunin sa bawat bagay na Kanyang ginagawa. Kahit na hindi masumpungan ng mga tao ang Kanyang layunin, ito ay palaging hindi maihihiwalay at may malakas na kaugnayan sa patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan. Ito ay hindi maaaring mawala. Ito ay dahil hindi pa kailanman gumawa ang Diyos ng anumang bagay na walang saysay. Ang mga prinsipyong nasa likod ng bawat isang bagay na Kanyang ginagawa ay nagtataglay ng Kanyang plano at ng Kanyang karunungan. Ang layunin at intensyon sa likod ng planong iyon ay para sa proteksyon ng sangkatauhan, upang tulungan ang sangkatauhan na maiwasan ang sakuna, ang pananalakay ng ibang nabubuhay na nilalang, at anumang uri ng pinsala sa mga tao ng anumang bagay na nilikha ng Diyos. Kaya masasabi ba na ang mga gawa ng Diyos na ating nakita mula sa paksang ito ay bumubuo ng isa pang paraan na naglalaan ang Diyos para sa sangkatauhan? Maaari ba nating sabihin na sa pamamagitan ng mga gawang ito, pinakakain at pinapastol ng Diyos ang sangkatauhan? (Oo.) Mayroon bang matibay na kaugnayan ang paksang ito at ang tema ng ating pagbabahagian: “Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay para sa Lahat ng Bagay”? (Oo.) Mayroong napakatibay na ugnayan, at ang paksang ito ay isang aspeto niyon. Bago talakayin ang mga paksang ito, ang mga tao ay mayroon lamang ilang malabong guniguni ukol sa Diyos, sa Diyos Mismo at sa Kanyang mga gawa—wala silang tunay na pagkaunawa. Gayunman, kapag sinasabihan ang mga tao tungkol sa Kanyang mga gawa at sa mga bagay na Kanyang isinakatuparan, naiintindihan at nauunawaan nila ang mga prinsipyo ng ginagawa ng Diyos at nauunawaan nila ang mga ito at nagiging abot-kamay nila ito. Kahit na sa puso ng Diyos ay mayroon ng lahat ng uri ng napakakumplikadong mga teorya, prinsipyo, at patakaran kapag gumagawa Siya ng anumang bagay, tulad ng paglikha at pamamahala Niya sa lahat ng bagay, hindi ba posible para sa inyo na magtamo ng pag-unawa sa inyong mga puso na ang mga ito ay mga gawain ng Diyos at ang mga ito ay talagang totoo, sa pamamagitan lamang ng pagtulot sa inyo na matutunan ang tungkol sa isang bahagi nito sa pagbabahagian? (Oo.) Kung gayon paanong naiiba sa nakaraan ang inyong kasalukuyang pagkaunawa sa Diyos? Ito ay naiiba sa diwa nito. Ang inyong naintindihan noon ay masyadong hungkag, masyadong malabo, ngunit ang inyong naiintindihan ngayon ay nagtataglay ng napakaraming kongkretong katunayan na tugma sa mga gawa ng Diyos, na tugma sa kung anong mayroon at kung ano ang Diyos. Kaya, ang lahat ng Aking sinabi ay napakagandang materyal sa pag-aaral para sa inyong pagkaunawa sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.