Ang mga pagkakaiba sa pagitan ng buhay-iglesia sa Kapanahunan ng Biyaya at sa Kapanahunan ng Kaharian

Abril 16, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Nang, sa Kapanahunan ng Biyaya, bumalik ang Diyos sa ikatlong langit, sa katunaya’y nakasulong na sa huling bahagi nito ang gawain ng pagtubos ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang tanging natira na lamang sa lupa ay ang krus na pinasan ni Jesus sa Kanyang likuran, ang pinong lino na ibinalot kay Jesus, at ang koronang tinik at matingkad na pulang balabal na isinuot ni Jesus (ito ang mga bagay na ginamit nang tuyain Siya ng mga Judio). Ibig sabihin, matapos magdulot ng matinding damdamin ang gawain ng pagpapapako sa krus ni Jesus, muling huminahon ang mga bagay-bagay. Mula noon, nagsimulang ipagpatuloy ng mga disipulo ni Jesus ang gawain Niya, nagpapastol at nagdidilig sa mga simbahan sa lahat ng dako. Ang mga sumusunod ang nilalaman ng kanilang gawain: Hiniling nila sa lahat ng tao na magsisi, ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo; at humayo ang lahat ng apostol upang ipalaganap ang totoong kuwento, ang di-barnisadong salaysay, ng pagpapapako sa krus ni Jesus, at kaya hindi napigilan ng lahat na magpatirapa sa harap ni Jesus upang ikumpisal ang kanilang mga kasalanan; at bukod diyan, humayo ang mga apostol sa lahat ng dako na hatid ang mga salitang binigkas ni Jesus. Nagsimula sa puntong iyon ang pagtatayo ng mga simbahan sa Kapanahunan ng Biyaya.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 6

Sa nakalipas, sa panahon ng mga natatanging pagtitipon o maringal na mga pagtitipon na ginanap sa iba’t ibang lugar, iisang aspeto lamang ng landas ng pagsasagawa ang pinag-usapan. Ang pagsasagawang iyon ay yaong isasagawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at walang masyadong kaugnayan sa pagkakilala sa Diyos, dahil ang pangitain ng Kapanahunan ng Biyaya ay ang pangitain lamang ng pagkakapako sa krus ni Jesus, at walang mga pangitain na higit pa rito. Wala nang dapat malaman ang tao maliban sa gawain ng Kanyang pagtubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus, kaya’t sa Kapanahunan ng Biyaya ay wala nang iba pang pangitain na kailangang malaman ng tao. Sa ganitong paraan, mayroon lamang katiting na pagkakilala ang tao sa Diyos, at bukod sa kaalaman tungkol sa pag-ibig at awa ni Jesus, mayroon lamang iilang payak at kahabag-habag na mga bagay para isagawa niya, mga bagay na napakalayo sa ngayon. Noong nakalipas, anumang paraan ang ginamit sa kanyang pagtitipon, walang kakayahan ang tao na mangusap tungkol sa praktikal na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, at lalong hindi malinaw na nasabi ninuman kung aling landas ng pagsasagawa ang pinakaangkop na pasukin ng tao. Nagdagdag lamang ang tao ng ilang payak na detalye sa saligan ng pagtitimpi at pagtitiis; sadyang walang pagbabago sa diwa ng kanyang pagsasagawa, dahil sa parehong kapanahunan ay hindi gumawa ang Diyos ng anumang mas bagong gawain, at ang tanging hiningi Niya sa tao ay ang pagtitimpi at pagtitiis, o pagpasan ng krus. Maliban sa gayong mga pagsasagawa, walang mas mataas na mga pangitain kaysa sa pagkakapako sa krus ni Jesus.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Ang isang normal na espirituwal na buhay ay hindi limitado sa mga pagsasagawang tulad ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, paglahok sa buhay-iglesia, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa halip, kinapapalooban ito ng pamumuhay ng bago at masiglang espirituwal na buhay. Ang mahalaga ay hindi kung paano kayo nagsasagawa, kundi kung ano ang ibinubunga ng inyong pagsasagawa. Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang isang normal na espirituwal na buhay ay kailangang kapalooban ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o pagninilay sa Kanyang mga salita, mayroon mang tunay na epekto ang gayong mga pagsasagawa o kaya’y humahantong man ang mga ito sa tunay na pagkaunawa. Nakatuon ang mga taong ito sa pagsunod sa mababaw na mga pamamaraan nang hindi iniisip ang magiging resulta ng mga ito; sila ay mga taong nabubuhay sa mga ritwal ng relihiyon, hindi mga taong nabubuhay sa loob ng iglesia, at lalong hindi sila mga tao ng kaharian. Lahat ng kanilang panalangin, pagkanta ng mga himno, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay puro pagsunod sa panuntunan, na ginagawa dahil napipilitan sila at para makaagapay sa mga kalakaran, hindi dahil sa kahandaan at ni hindi mula sa puso. Gaano man manalangin o kumanta ang mga taong ito, hindi magkakaroon ng bunga ang kanilang mga pagsisikap, sapagkat ang isinasagawa nila ay mga panuntunan at ritwal lamang ng relihiyon; hindi talaga sila nagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Nagtutuon lamang sila sa pagkabahala kung paano sila nagsasagawa, at itinuturing nilang mga panuntunang susundin ang mga salita ng Diyos. Hindi isinasagawa ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos; pinagbibigyan lamang nila ang laman, at gumagawa sila para makita ng ibang mga tao. Lahat ng panuntunan at ritwal na ito ng relihiyon ay tao ang pinagmulan; hindi nagmumula ang mga ito sa Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga panuntunan, ni hindi Siya sakop ng anumang batas. Sa halip, gumagawa Siya ng mga bagong bagay araw-araw, nagsasakatuparan ng praktikal na gawain. Gaya ng mga tao sa Three-Self Church, na nililimitahan ang kanilang sarili sa mga pagsasagawa tulad ng pagdalo sa pagsamba sa umaga araw-araw, pag-aalay ng mga panalangin sa gabi at panalangin ng pasasalamat bago kumain, at pasasalamat sa lahat ng bagay—gaano man karami ang kanilang ginagawa at gaano man katagal nila iyon ginagawa, hindi mapapasakanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nabubuhay ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan at nakatutok ang kanilang puso sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, hindi makakagawa ang Banal na Espiritu, dahil ang kanilang puso ay puno ng mga panuntunan at kuru-kuro ng tao. Sa gayon, hindi nagagawang mamagitan at gumawa ang Diyos sa kanila, at maaari lamang silang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kontrol ng mga batas. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang tumanggap ng papuri ng Diyos kailanman.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay

Sa panahon ng pagpasok ng tao, ang buhay ay palaging nakakabagot, puno ng mga walang-pagbabagong elemento ng espirituwal na buhay, katulad ng pananalangin, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, o pagbuo ng mga pagtitipon, kaya’t palaging nadarama ng mga tao na ang paniniwala sa Diyos ay hindi nagdudulot ng malaking kasiyahan. Ang gayong mga espirituwal na gawain ay laging isinasagawa batay sa orihinal na disposisyon ng sangkatauhan, na ginawa nang tiwali ni Satanas. Bagaman paminsan-minsan ay nakakatanggap ang mga tao ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ang kanilang orihinal na pag-iisip, disposisyon, paraan ng pamumuhay at mga kaugalian ay nag-uugat pa rin sa kaloob-looban, kaya’t ang kanilang kalikasan ay nananatiling di-nagbabago. … Sa katunayan, kapag ang isang yugto ng gawain ng Diyos ay tapos na, nawasak na Niya ang mga kasangkapan at estilo ng panahong iyon na walang iniiwang anumang bakas. Gayunman, ang “matatapat na mananampalataya” ay patuloy na sinasamba ang mga nahihipong materyal na mga bagay na iyon; samantala, isinasantabi nila sa kanilang mga isipan ang kung anong mayroon ang Diyos, hindi na ito pinag-aaralan pa, tila ba puno ng pag-ibig sa Diyos ngunit ang totoo ay matagal na nila Siyang itinulak palabas ng bahay at inilagay si Satanas sa hapag upang sambahin. Ang mga larawan ni Jesus, ang Krus, si Maria, ang Bautismo ni Jesus at ang Huling Hapunan—ang lahat ng ito ay sinasamba ng mga tao bilang Panginoon ng Langit, habang paulit-ulit na sumisigaw ng “Panginoon, Ama sa langit.” Hindi ba biro ang lahat ng ito? Hanggang ngayon, kinapopootan ng Diyos ang maraming katulad na mga pananalita at pagsasagawa na ipinamamana ng sangkatauhan, seryosong hinahadlangan ng mga iyon ang daan tungo sa Diyos at, higit pa rito ay nagiging malalaking sagabal sa pagpasok ng sangkatauhan. Bukod pa sa lawak ng ginawang pagkatiwali ni Satanas sa sangkatauhan, ang mga kalooban ng mga tao ay lubusang napuno ng mga bagay na gaya ng batas ni Witness Lee, ng mga karanasan ni Lawrence, ng mga sarbey ni Watchman Nee, at ng gawain ni Pablo. Wala talagang paraan upang gumawa ang Diyos sa mga tao dahil sa kalooban nila ay may sobrang pagkamakasarili, mga batas, mga patakaran, mga alituntunin, mga sistema, at mga tulad nito; ang mga bagay na ito, bukod pa sa hilig ng mga tao sa pyudal na mga pamahiin, ay bumihag at lumamon na sa sangkatauhan. Ang iniisip ng mga tao ay mistulang isang kapana-panabik na pelikula na nagsasalaysay ng isang makulay na “fairy tale,” na may pambihirang mga nilalang na nakasakay sa mga ulap, napakamalikhain kaya namamangha ang mga tao, iniiwan silang tulala at hindi makapagsalita. Sa totoo lang, ang pangunahing gawain na ginagawa ng Diyos ngayon ay upang harapin at iwaksi ang mga mapamahiing katangian ng mga tao at ganap na baguhin ang kanilang pananaw sa kaisipan. Ang gawain ng Diyos ay hindi nagtagal hanggang sa ngayon dahil sa pamanang ipinasa ng sangkatauhan sa mga henerasyon; ito’y gawain na personal Niyang pinasisimulan at kinukumpleto nang hindi kinakailangan na may humalili para sa pamana ng isang partikular na dakilang espirituwal na tao, o manahin ang anumang gawain ng isang kumakatawang kalikasang ginawa ng Diyos sa ibang kapanahunan. Hindi kailangang pagkaabalahan ng mga tao ang alinman sa mga bagay na ito. Ang Diyos ngayon ay may ibang istilo ng pananalita at ng paggawa, kaya bakit ginugulo ng mga tao ang kanilang mga sarili? Kung lalakad ang mga tao sa landas ngayon na nakapaloob sa kasalukuyang agos habang ipinagpapatuloy ang pamana ng kanilang “mga ninuno,” hindi sila makakarating sa kanilang hantungan. Nakakaramdam ang Diyos ng matinding pagkasuklam para sa partikular na klase ng pag-uugali ng taong tulad nito, gaya ng pagkapoot Niya sa mga taon, mga buwan at mga araw ng mundo ng tao.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 3

Nakarating na ang papuri sa Sion at lumitaw na ang tirahan ng Diyos. Ang maluwalhating banal na pangalan, na pinupuri ng lahat ng bayan, ay lumalaganap. Ah, Makapangyarihang Diyos! Ang Pinuno ng sansinukob, ang Cristo ng mga huling araw—Siya ang sumisikat na Araw na sumikat sa Bundok ng Sion, na nangingibabaw sa kamahalan at karangyaan sa buong sansinukob …

Makapangyarihang Diyos! Tumatawag kami sa Iyo sa kagalakan; sumasayaw at umaawit kami. Tunay na Ikaw ang aming Manunubos, ang dakilang Hari ng sansinukob! Nakagawa Ka na ng isang pangkat ng mga mananagumpay at natupad Mo na ang plano ng pamamahala ng Diyos. Magsisiparoon sa bundok na ito ang lahat ng bayan. Luluhod ang lahat ng bayan sa harapan ng luklukan! Ikaw ang kaisa-isang tunay na Diyos at karapat-dapat Ka sa kaluwalhatian at karangalan. Buong kaluwalhatian, papuri, at awtoridad ang mapasa-luklukan! Dumadaloy mula sa luklukan ang bukal ng buhay, dinidiligan at pinakakain ang maraming tao ng Diyos. Nagbabago ang buhay araw-araw; sinusundan tayo ng bagong liwanag at mga paghahayag, patuloy na nagdudulot ng mga bagong kabatiran tungkol sa Diyos. Sa gitna ng mga karanasan, nagiging lubos na tiyak tayo tungkol sa Diyos. Ang Kanyang mga salita ay patuloy na naipapakita, naipapakita sa mga taong tama. Tunay ngang labis tayong pinagpala! Nakikipagkita sa Diyos nang harapan araw-araw, nakikipag-ugnayan sa Diyos sa lahat ng bagay, at ibinibigay sa Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Pinagbubulay-bulayan nating mabuti ang salita ng Diyos, payapang nakahimlay ang ating mga puso sa Diyos, at sa paraang ito ay lumalapit tayo sa harapan ng Diyos, kung saan tinatanggap natin ang Kanyang liwanag. Sa bawat araw, sa ating buhay, mga kilos, salita, kaisipan, at ideya, nabubuhay tayo ayon sa salita ng Diyos, kayang kumilala sa lahat ng oras. Ginagabayan ng salita ng Diyos ang sinulid papasok sa karayom; nang di-inaasahan, nalalantad sa liwanag ang mga bagay na nakatago sa ating kalooban, nang sunud-sunod. Ang pakikisalamuha sa Diyos ay hindi nagpapaantala; inilalantad ng Diyos ang ating mga kaisipan at ideya. Sa bawat sandali nabubuhay tayo sa harap ng luklukan ni Cristo kung saan sumasailalim tayo sa paghatol. Nananatiling sakop ni Satanas ang bawat bahagi sa loob ng ating katawan. Ngayon, upang mabawi ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kailangang linisin ang Kanyang templo. Upang ganap na maangkin ng Diyos, kailangan nating makibaka sa pagitan ng buhay at kamatayan. Kapag naipako na sa krus ang dati nating sarili, saka lamang maghahari nang kataas-taasan ang nabuhay na mag-uling Cristo.

Naghahanda ngayon ng isang pagsalakay ang Banal na Espiritu sa bawat sulok natin upang makidigma para mabawi tayo! Basta’t handa tayong itakwil ang ating sarili at makipagtulungan sa Diyos, tiyak na paliliwanagin at dadalisayin ng Diyos ang ating kalooban sa lahat ng oras, at babawiing muli yaong nasakop na ni Satanas, upang magawa tayong ganap ng Diyos sa lalong madaling panahon. Huwag mag-aksaya ng panahon—mabuhay sa bawat sandali ayon sa salita ng Diyos. Mapatatag na kasama ng mga banal, madala sa kaharian, at pumasok sa kaluwalhatian kasama ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 1

Ngayon ay nagawa Mo nang ganap ang lahat ng iglesia—ang iglesia ng Philadelphia—at sa gayon ay natupad ang Iyong 6,000-taong plano ng pamamahala. Maaaring mapagpakumbabang magpasakop ang mga banal sa Iyong harapan, na nakaugnay sa espiritu at sumusunod nang may pagmamahal, nakaugnay sa pinagmumulan ng bukal. Dumadaloy nang walang-tigil ang buhay na tubig ng buhay, at hinuhugasan at nililinis ang lahat ng putik at maruming tubig sa iglesia, muling dinadalisay ang Iyong templo. Nakilala na namin ang praktikal na tunay na Diyos, naipamuhay ang Kanyang mga salita, nakilala ang aming sariling mga gawain at tungkulin, at nagawa ang lahat ng makakaya namin upang gugulin ang aming sarili para sa iglesia. Laging tahimik sa Iyong harapan, kailangan naming sundin ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi ay mahahadlangan namin ang kalooban Mo. Nagmamahalan ang mga banal, at mapupunan ng mga kalakasan ng ilan ang mga pagkukulang ng iba. Kaya nilang lumakad sa espiritu sa lahat ng oras, na naliliwanagan at pinagliliwanag ng Banal na Espiritu. Isinasagawa nila kaagad ang katotohanan pagkatapos na maunawaan ito. Sumasabay sila sa bagong liwanag at sumusunod sa mga yapak ng Diyos.

Aktibong makipagtulungan sa Diyos; ang pagpapaubaya na Siya ang kumontrol ay paglakad na kasama Niya. Lahat ng ating sariling ideya, kuru-kuro, opinyon, at sekular na gawain ay nawawalang parang bula gaya ng usok. Hinahayaan nating maghari nang kataas-taasan ang Diyos sa ating espiritu, lumalakad na kasama Niya at sa gayon ay nangingibabaw, nadaraig ang mundo, at malayang lumilipad at lumalaya ang ating espiritu: Ito ang kinalalabasan kapag naging Hari ang Makapangyarihang Diyos. Paano tayong hindi sasayaw at aawit ng mga papuri, mag-aalay ng ating mga papuri, mag-aalay ng mga bagong himno?

Talagang maraming paraan para purihin ang Diyos: pagtawag sa Kanyang pangalan, paglapit sa Kanya, pag-iisip sa Kanya, pagbabasa nang padalangin, pagbabahaginan, pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay, pagdarasal, at pag-awit ng mga papuri. Sa ganitong mga uri ng papuri ay mayroong kagalakan, at mayroong pagpapahid ng langis; mayroong kapangyarihan sa papuri, at mayroon ding pasanin. Mayroong pananampalataya sa papuri, at mayroong bagong kabatiran.

Aktibong makipagtulungan sa Diyos, makipag-ugnayan sa paglilingkod at maging isa, tuparin ang mga layon ng Makapangyarihang Diyos, magmadaling maging isang banal na espirituwal na katawan, tapakan si Satanas, at wakasan ang kapalaran nito. Ang iglesia ng Philadelphia ay nadala na sa presensya ng Diyos at naipakita sa Kanyang kaluwalhatian.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 2

Nagbubunyi ang lahat ng bansa, nag-aawitan ang lahat ng tao, masayang tumatawa ang Bundok ng Sion, at lumitaw na ang kaluwalhatian ng Diyos! Ni hindi ko kailanman pinangarap na makikita ko ang mukha ng Diyos, subalit ngayon nakita ko na ito. Kaharap Siya araw-araw, binubuksan ko sa Kanya ang aking puso. Sagana ang ibinibigay Niyang pagkain at inumin. Buhay, mga salita, mga pagkilos, mga kaisipan, mga ideya—pinagliliwanag ng Kanyang maluwalhating liwanag ang lahat ng ito. Nangunguna Siya sa bawat hakbang ng daan, at sumasapit kaagad ang Kanyang paghatol sa anumang pusong naghihimagsik.

Kumakain, naninirahan, at nabubuhay na kasama ng Diyos, ang makasama Siya, magkasamang naglalakad, magkasamang nasisiyahan, magkasamang nagkakamit ng kaluwalhatian at mga pagpapala, kabahagi sa Kanyang paghahari, at magkasamang nabubuhay sa kaharian—ah, napakasaya! Ah, napakatamis! Kaharap natin Siya araw-araw, kausap Siya araw-araw at palaging nag-uusap, at pinagkakalooban ng bagong kaliwanagan at mga bagong kabatiran araw-araw. Nabuksan ang ating espirituwal na mga mata at nakikita natin ang lahat; ibinubunyag sa atin ang lahat ng hiwaga ng espiritu. Talagang masayang mabuhay nang banal; tumakbo nang mabilis at huwag tumigil, patuloy na sumulong—mayroon pang mas kamangha-manghang buhay sa hinaharap. Huwag masiyahan sa tamis lamang; patuloy na hangaring makapasok sa Diyos. Siya ay sumasaklaw sa lahat at masagana, at mayroon Siya ng lahat ng klaseng bagay na wala tayo. Aktibong makipagtulungan at pumasok sa Kanya, at wala nang magiging katulad ng dati kailanman. Magiging dakila ang ating buhay, at walang tao, pangyayari, o bagay ang makagagambala sa atin.

Kadakilaan! Kadakilaan! Tunay na kadakilaan! Nasa kalooban ang dakilang buhay ng Diyos, at talagang nakapahinga na ang lahat ng bagay! Nalalagpasan natin ang mundo at ang mga makamundong bagay, na walang nadaramang pagkatali sa mga asawa o mga anak. Nalalagpasan natin ang pagkontrol ng sakit at mga kapaligiran. Hindi nangangahas si Satanas na gambalain tayo. Ganap na nalalagpasan natin ang lahat ng kalamidad. Tinutulutan nito ang Diyos na maghari! Tinatapakan natin si Satanas, sumasaksi tayo para sa iglesia, at lubos nating inilalantad ang pangit na mukha ni Satanas. Ang pagtatayo ng iglesia ay na kay Cristo, at lumitaw na ang maluwalhating katawan—ganito ang mabuhay sa pagdadala!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 15

Ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ay nangangahulugan ng pagsisimula ng buhay ng bayan ng Diyos—nakahanda ka bang tanggapin ang gayong pagsasanay? Nakahanda ka bang makadama ng pagmamadali? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagdidisiplina ng Diyos? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagkastigo ng Diyos? Kapag ang mga salita ng Diyos ay dumating sa iyo at ikaw ay sinubok, paano ka kikilos? At ano ang iyong gagawin kapag naharap ka sa lahat ng klase ng katunayan? Noong nakaraan, ang iyong pokus ay hindi sa buhay; sa kasalukuyan, dapat kang magtuon sa pagpasok sa buhay realidad, at hangarin ang mga pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay. Ito ang dapat matamo ng mga tao ng kaharian. Lahat ng tao ng Diyos ay dapat magtaglay ng buhay, dapat nilang tanggapin ang pagsasanay ng kaharian, at hangarin ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian.

Ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian ay ang mga sumusunod:

1. Dapat nilang tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos, na ang ibig sabihin, dapat nilang tanggapin ang lahat ng salitang binigkas sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.

2. Dapat silang pumasok sa pagsasanay ng kaharian.

3. Dapat nilang hangarin na antigin ng Diyos ang kanilang mga puso. Kapag ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at mayroon kang isang normal na espirituwal na buhay, mabubuhay ka sa dako ng kalayaan, na nangangahulugang mabubuhay ka sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng pag-ibig ng Diyos. Kapag ikaw ay nabubuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, saka ka lamang mapapabilang sa Diyos.

4. Dapat silang makamit ng Diyos.

5. Dapat silang maging isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.

Ang limang puntong ito ay ang Aking mga tagubilin para sa inyo. Ang Aking mga salita ay binibigkas sa bayan ng Diyos, at kung ikaw ay hindi nakahanda na tanggapin ang mga tagubilin na ito, hindi Kita pipilitin—ngunit kung tunay mong tinatanggap ang mga iyon, magagawa mo ang kalooban ng Diyos. Sa kasalukuyan, sinisimulan ninyong tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos, at hinahangad na maging mga tao ng kaharian at maabot ang mga pamantayang kinakailangan upang maging mga tao ng kaharian. Ito ang unang hakbang ng pagpasok. Kung nais mong ganap na gawin ang kalooban ng Diyos, dapat mong tanggapin ang limang tagubilin na ito, at kung magagawa mong matamo ang mga ito, magiging kaayon ka ng puso ng Diyos at tiyak na mahusay na mapapakinabangan ng Diyos. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian. Kasama sa pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ang espirituwal na buhay. Dati, walang pag-uusap ukol sa espirituwal na buhay, ngunit sa kasalukuyan, habang sinisimulan mo ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian, opisyal kang pumapasok sa espirituwal na buhay.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian. Nakapasok ka man sa bagong kapanahunang ito ay depende sa kung nakapasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos, kung naging buhay realidad mo ang Kanyang mga salita. Ang mga salita ng Diyos ay ipinapaalam sa bawat tao upang, sa huli, lahat ng tao ay mabuhay sa mundo ng mga salita ng Diyos, at liliwanagan at pagliliwanagin ng Kanyang mga salita ang kalooban ng bawat tao. Kung, sa panahong ito, hindi ka maingat sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, at wala kang interes sa Kanyang mga salita, nagpapakita ito na mali ang iyong kalagayan. Kung hindi ka makapasok sa Kapanahunan ng Salita, hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu; kung nakapasok ka sa kapanahunang ito, gagawin Niya ang Kanyang gawain. Ano ang magagawa mo sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Salita upang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu? Sa kapanahunang ito, at sa inyo, isasakatuparan ng Diyos ang sumusunod na realidad: na bawat tao ay isasabuhay ang mga salita ng Diyos, maisasagawa ang katotohanan, at taimtim na mamahalin ang Diyos; na gagamitin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at bilang kanilang realidad, at magkakaroon ng pusong nagpipitagan sa Diyos; at na, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, gagamitin ng tao ang kapangyarihang maghari kasama ang Diyos. Ito ang gawaing gagawin ng Diyos. Makakaya mo bang magpatuloy nang hindi binabasa ang mga salita ng Diyos? Ngayon, pakiramdam ng marami ay hindi nila kayang magpatuloy nang kahit isa o dalawang araw lamang nang hindi binabasa ang Kanyang mga salita. Kailangan nilang basahin ang Kanyang mga salita araw-araw, at kung hindi tutulutan ng panahon, sasapat nang makinig sila sa mga ito. Ito ang pakiramdam na ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao, at ito ang paraan na sinisimulan Niya silang antigin. Ibig sabihin, pinamamahalaan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita, nang sa gayon ay makapasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung, pagkaraan ng kahit isang araw lamang na hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, makadarama ka ng kadiliman at pagkauhaw, at hindi mo ito matatagalan, ipinakikita nito na naantig ka na ng Banal na Espiritu, at na hindi ka pa Niya tinatalikuran. Ikaw, kung gayon, ay isang tao na nasa daloy na ito. Gayunman, kung pagkaraan ng isa o dalawang araw nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, wala kang anumang nadarama, kung hindi ka nauuhaw, at ni hindi ka man lamang naaantig, nagpapakita ito na tinalikuran ka na ng Banal na Espiritu. Nangangahulugan ito, kung gayon, na may hindi tama sa kalagayang nasa iyong kalooban; hindi ka pa nakapasok sa Kapanahunan ng Salita, at isa ka sa mga yaong naiwan. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pamahalaan ang mga tao; maganda ang iyong pakiramdam kung kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at kung hindi, wala kang landas na susundan. Ang mga salita ng Diyos ay nagiging pagkain ng mga tao, at ang puwersang nagtutulak sa kanila. Sinasabi sa Biblia na “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” Ngayon, tatapusin ng Diyos ang gawaing ito, at isasakatuparan Niya ang katotohanang ito sa inyo. Paano nakakatagal ang mga tao nang maraming araw, noong araw, nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos subalit nakakakain at nakakagawa pa rin tulad ng dati, ngunit hindi ganito ang nangyayari ngayon? Sa kapanahunang ito, mga salita lamang ang ginagamit ng Diyos upang pamahalaan ang lahat. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hinahatulan at ginagawang perpekto ang tao, pagkatapos ay dinadala sa kaharian sa huli. Mga salita lamang ng Diyos ang makatutustos sa buhay ng tao, at mga salita lamang ng Diyos ang makakapagbigay sa tao ng liwanag at isang landas para magsagawa, lalo na sa Kapanahunan ng Kaharian. Basta’t hindi ka napapalayo mula sa realidad ng mga salita ng Diyos, araw-araw kang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita, magagawa kang perpekto ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Ngayon, ang paniniwala sa Diyos ay nakapasok na sa Kapanahunan ng Salita ng Diyos. Sa pangkalahatan, ang mga tao ay hindi na kasing-dalas manalangin tulad ng dati; ang mga salita ng Diyos ay maliwanag nang ipinagbigay-alam ang lahat ng aspeto ng katotohanan at mga paraan ng pagsasagawa, kaya’t hindi na kinakailangan ng mga tao na maghanap at mangapa. Sa buhay ng Kapanahunan ng Kaharian, ang mga salita ng Diyos ang pumapatnubay sa mga tao pasulong, at ito ang isang buhay kung saan ang lahat ay ginawang malinaw para makita nila—dahil inilatag ng Diyos ang lahat nang malinaw, at ang tao ay hindi na naiwang nangangapa sa buhay. Tungkol sa pag-aasawa, mga makamundong usapin, buhay, pagkain, pananamit at tirahan, mga relasyong interpersonal, kung paano makapaglilingkod ang isang tao sa paraang tumutugon sa kalooban ng Diyos, kung paano tatalikdan ng isang tao ang laman, at iba pa, alin sa mga ito ang hindi pa naipaliwanag sa inyo? Kailangan pa ba ninyong manalangin at maghanap? Hindi na talaga kinakailangan! Kung ginagawa mo pa rin ang mga bagay na ito, kumikilos ka lamang nang labis. Ito ay kamangmangan at kahangalan, at lubos na di-kinakailangan! … Ang mga salita ng Diyos ay malinaw na malinaw, lalo na yaong ipinahayag patungkol sa Kanyang kalooban, Kanyang disposisyon, at kung paano Niya itinuturing ang iba’t ibang uri ng mga tao. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang higit na magbasa ng mga salita ng Diyos—higit na mas mabuti ang mga resulta ng paggawa nito kaysa sa bulag na pananalangin at paghahanap. Maraming pagkakataon kung saan ang paghahanap at pananalangin ay dapat mapalitan ng higit na pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahagi sa katotohanan. Sa iyong regular na mga panalangin, dapat na magnilay at subukang mas kilalanin ang sarili mula sa nilalaman ng mga salita ng Diyos. Ito ay mas kapaki-pakinabang para sa iyong pag-unlad sa buhay. Kung, ngayon, ay naghahanap ka pa rin sa pamamagitan ng pagtingin sa langit, hindi ba iyon nagpapakita na ikaw ay naniniwala pa rin sa isang malabong Diyos? Dati, nakita mo ang mga resulta mula sa iyong paghahanap at pananalangin, at kahit papaano ay naantig ng Banal na Espiritu ang iyong espiritu sapagka’t iyon ang panahon ng Kapanahunan ng Biyaya. Hindi mo nakikita ang Diyos, kaya wala kang magawa kundi mangapa at maghanap sa gayong paraan. Ngayon ang Diyos ay naparito na sa mga tao, ang Salita ay nagpakita na sa katawang-tao, at nakita mo na ang Diyos; kaya ang Banal na Espiritu ay hindi na gumagawa kagaya ng Kanyang ginawa noong una. Ang kapanahunan ay nagbago na at gayundin ang paraan kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Bagaman ang mga tao ay maaaring hindi na kasing-dalas manalangin tulad ng dati, dahil ang Diyos ay nasa lupa, mayroon nang pagkakataon ang tao ngayon para ibigin ang Diyos. Nakapasok na ang sangkatauhan sa kapanahunan ng pag-ibig sa Diyos at maaari nang normal na maging mas malapit sa Diyos sa kalooban nila: “Oh Diyos! Ikaw ay talagang napakabuti, at nais kong ibigin Ka!” Ilang malinaw at simpleng salita lamang ang nagpapahayag sa pag-ibig para sa Diyos na nasa loob ng puso ng mga tao; ang panalanging ito ay sinambit lamang alang-alang sa pagpapalalim ng pag-ibig sa pagitan ng tao at ng Diyos. Minsan maaaring nakikita mo ang iyong sarili na nagpapamalas ng ilang pagkasuwail, at nagsasabi: “Oh Diyos! Bakit masyado akong tiwali?” Nararamdaman mo ang isang matinding pagnanais na sampalin ang iyong sarili nang ilang beses, at naiiyak ka. Sa ganoong mga pagkakataon, nadarama mo ang pagsisisi at pagkabalisa sa iyong puso, nguni’t wala kang paraan upang ipahayag ang mga damdaming ito. Ito ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, nguni’t yaong naghahangad lamang ng buhay ang makatatamo nito. Nadarama mo na ang Diyos ay mayroong dakilang pag-ibig para sa iyo at mayroon kang isang natatanging uri ng damdamin. Bagama’t wala kang mga salita para makapanalangin nang malinaw, lagi mong nadarama na ang pag-ibig ng Diyos ay kasing-lalim ng karagatan. Walang angkop na mga salita para ipahayag ang kalagayang ito, at ito ay isang kalagayan na madalas nanggagaling sa loob ng espiritu. Ang ganitong uri ng panalangin at pagbabahagi, na naglalayon na mas mapalapit ang isang tao sa Diyos sa kanyang puso, ay normal.

Bagama’t lipas na ang panahon na ang mga tao ay kailangang mangapa at maghanap, hindi iyon nangangahulugan na hindi na nila kailangang manalangin at maghanap, ni nangangahulugan na hindi na kailangang hintayin ng mga tao na ihayag ng kalooban ng Diyos ang sarili nito bago magpatuloy sa gawain; ang mga ito ay maling mga palagay lamang ng tao. Ang Diyos ay naparito na sa mga tao upang mamuhay kasama nila, maging kanilang liwanag, kanilang buhay, at kanilang daan: Ito ay isang katunayan. Siyempre, sa pagdating ng Diyos sa mundo, tiyak na dinadala Niya sa sangkatauhan ang isang praktikal na daan at buhay na nababagay sa kanilang tayog para kanilang tamasahin—hindi Siya naparito upang sirain ang lahat ng paraan ng pagsasagawa ng tao. Ang tao ay hindi na nabubuhay sa pangangapa at paghahanap sapagka’t ito ay pinalitan na ng pagparito ng Diyos sa lupa upang gumawa at sabihin ang Kanyang salita. Siya ay naparito upang palayain ang tao mula sa buhay ng kadiliman at kalabuan na kanilang pinangungunahan at tulungan silang magkaroon ng isang buhay na puno ng liwanag. Ang kasalukuyang gawain ay upang ituro nang malinaw ang mga bagay, magsalita nang malinaw, magpabatid nang tuwiran, at ipaliwanag ang mga bagay nang tahasan, upang maisagawa ng mga tao ang mga bagay na ito, kagaya ng pangunguna ng Diyos na si Jehova sa mga tao ng Israel, sinasabi sa kanila kung paano mag-alay ng mga sakripisyo at kung paano itayo ang templo. Samakatuwid, hindi na ninyo kailangang mamuhay nang may marubdob na paghahanap gaya ng inyong ginawa pagkatapos lumisan ang Panginoong Jesus. Dapat ba kayong mangapa sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa hinaharap? Dapat ba kayong mangapa sa paghahanap ng wastong paraan upang mabuhay? Dapat ba kayong mangapa upang mabatid kung paano ninyo dapat gampanan ang inyong sariling mga tungkulin? Kailangan pa ba ninyong magpatirapa sa lupa, naghahanap, upang malaman kung paano kayo dapat magpatotoo? Kailangan pa ba ninyong mag-ayuno at manalangin upang malaman kung paano kayo dapat manamit o mabuhay? Kailangan pa ba ninyong manalangin nang walang patid sa Diyos sa langit upang malaman kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagiging nalupig ng Diyos? Kailangan pa ba ninyong manalangin nang palagi, araw at gabi, upang malaman kung paano kayo dapat sumunod sa Diyos? Marami sa inyo ang nagsasabi na hindi kayo makapagsagawa dahil hindi ninyo nauunawaan. Hindi lang talaga nagbibigay-pansin ang mga tao sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan! Maraming salita ang matagal na panahon Ko nang nasabi, nguni’t ni katiting ay hindi ninyo kailanman binigyang-pansin ang pagbabasa sa mga ito, kaya hindi nakapagtataka na hindi ninyo alam kung paano magsagawa. Siyempre, sa kapanahunan ngayon inaantig pa rin ng Banal na Espiritu ang mga tao upang tulutan silang makadama ng kasiyahan, at Siya ay namumuhay kasama ng tao. Ito ang pinagmumulan ng espesyal, nakasisiyang mga damdaming iyon[a] na madalas mangyari sa iyong buhay. Paminsan-minsan, dumarating ang araw na nadarama mo na ang Diyos ay talagang kaibig-ibig at hindi mo mapigilang manalangin sa Kanya: “Oh Diyos! Napakaganda ng Iyong pag-ibig at ang Iyong imahe ay napakadakila. Nais kong ibigin Ka nang mas malalim. Nais kong ilaan ang lahat ng aking sarili upang gugulin ang kabuuan ng aking buhay. Ihahandog ko ang lahat sa Iyo, basta ito ay para sa Iyo, basta sa paggawa nito ay magagawa kong mahalin Ka….” Ito ay isang damdamin ng kasiyahan na ibinigay sa iyo ng Banal na Espiritu. Hindi ito kaliwanagan, ni ito man ay pagpapalinaw; ito ang karanasan ng pagiging inaantig. Ang mga karanasang kapareho nito ay mangyayari paminsan-minsan: Minsan kapag papunta ka na sa iyong gawain, mananalangin ka at mapapalapit sa Diyos, at maaantig ka hanggang sa mababasa na ng luha ang iyong mukha at mawawala ang lahat ng iyong pagpipigil sa sarili, at mababalisa ka na maghanap ng isang angkop na lugar kung saan maipahahayag mo ang lahat ng alab sa loob ng iyong puso…. May mga pagkakataon na kapag ikaw ay nasa isang pampublikong lugar, at madarama mo na masyado kang nasisiyahan sa pag-ibig ng Diyos, na ang iyong kapalaran ay hindi karaniwan, at na bukod pa rito ay isinasabuhay mo ang iyong buhay nang mas makabuluhan kaysa kaninuman. Lubos mong malalaman na itinaas ka na ng Diyos at na ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos para sa iyo. Sa kaibuturan ng iyong puso madarama mo na mayroong isang uri ng pag-ibig sa Diyos na di-maipahahayag at di-maarok ng tao, na parang alam mo ito nguni’t walang paraan para ilarawan ito, palagi kang pinag-iisip nang mabuti nguni’t iiwan kang hindi ito maipahayag nang lubos. Sa mga panahong kagaya nito, makakalimutan mo pa nga kung nasaan ka, at mananawagan ka: “Oh Diyos! Napakahirap Mong arukin, at talagang minamahal!” Dahil dito ay magugulumihanan ang mga tao, nguni’t lahat ng gayong mga bagay ay medyo madalas mangyari. Napakaraming beses na ninyong naranasan ang ganitong klaseng bagay. Ito ang buhay na naibigay sa iyo ng Banal na Espiritu ngayon at ang buhay na dapat mong ipinamumuhay ngayon. Ito ay hindi upang pigilan ka mula sa pagsasabuhay ng buhay, nguni’t sa halip ay upang baguhin ang paraan ng pagsasabuhay ng iyong buhay. Ito ay isang damdamin na hindi maaaring mailarawan o maipahayag. Ito rin ang totoong damdamin ng tao at, higit pa rito, ito ang gawain ng Banal na Espiritu. Maaaring maunawaan mo ito sa iyong puso, nguni’t wala ka talagang paraan na maipahayag ito nang malinaw sa sinuman. Hindi ito dahil sa ikaw ay mabagal magsalita o na ikaw ay nauutal, kundi dahil ito ay isang uri ng damdamin na hindi kayang mailarawan sa mga salita. Pinapayagan kang tamasahin ang mga bagay na ito ngayon, at ito ang buhay na dapat mong isinasabuhay. Siyempre, ang ibang aspeto ng iyong buhay ay hindi hungkag; subali’t ang karanasang ito ng pagiging inaantig ay nagiging isang uri ng kagalakan sa iyong buhay na ginagawa kang palaging handang tamasahin ang gayong mga karanasan mula sa Banal na Espiritu. Nguni’t dapat mong malaman na ang maantig sa ganitong paraan ay hindi upang maaari mong mahigitan ang laman at pumunta sa ikatlong langit o maglakbay sa buong mundo. Sa halip, ito ay upang maaari mong madama at matikman ang pag-ibig ng Diyos na iyong tinatamasa ngayon, maranasan ang kahalagahan ng gawain ng Diyos ngayon, at sariwain ang iyong sarili sa pagmamalasakit at pangangalaga ng Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay upang magkaroon ka ng higit na kaalaman sa gawain na ginagawa ng Diyos ngayon—ito ang layunin ng Diyos sa paggawa ng gawaing ito.

Ang paghahanap at pangangapa ay ang paraan ng pamumuhay bago ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Sa panahong iyon hindi nakikita ng mga tao ang Diyos at kaya wala silang magawa kundi maghanap at mangapa. Sa kasalukuyan nakita mo na ang Diyos at sinasabi Niya sa iyo nang tuwiran kung paano ka dapat magsagawa; ito ang dahilan kung bakit hindi mo na kailangang mangapa o maghanap. Ang landas kung saan inaakay Niya ang tao ay ang daan ng katotohanan, at ang mga bagay na Kanyang sinasabi sa tao at na tinatanggap ng tao ay ang buhay at ang katotohanan. Nasa iyo ang daan at ang buhay katotohanan, kaya bakit pa kailangang maghanap kahit saan? Ang dalawang yugto ng gawain ay hindi gagawin ng Banal na Espiritu nang sabay. Kung, kapag matapos Ko nang sabihin ang Aking salita, ang mga tao ay hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang mabuti at naghahangad sa katotohanan nang wasto, kumikilos pa rin tulad ng kanilang ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya, nangangapa silang parang bulag, palaging nananalangin at naghahanap, hindi ba iyon mangangahulugan na ang yugtong ito ng Aking gawain—ang gawain ng mga salita—ay ginagawa nang walang kabuluhan? Bagaman maaaring natapos Ko nang sabihin ang Aking salita, hindi pa rin lubos na nauunawaan ng mga tao, at ito ay dahil sila ay kulang sa kakayahan. Ang suliraning ito ay maaaring malutas sa pamamagitan ng pamumuhay ng buhay-iglesia at sa pamamagitan ng pagbabahagi sa isa’t isa. Noon, sa Kapanahunan ng Biyaya, bagaman ang Diyos ay nagkatawang-tao, hindi Niya ginawa ang gawain ng mga salita, na siyang dahilan kung bakit gumawa sa gayong paraan ang Banal na Espiritu sa panahong iyon upang mapanatili ang gawain. Sa panahong iyon ang Banal na Espiritu ang pangunahing gumawa ng gawain, nguni’t ngayon ang nagkatawang-taong Diyos Mismo ang gumagawa nito, na pumalit sa lugar ng gawain ng Banal na Espiritu. Noon, hangga’t madalas na nanalangin ang mga tao, nakaranas sila ng kapayapaan at kagalakan; mayroong pagsisisi at disiplina. Ito ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu. Ngayon ang mga kalagayang ito ay kakaunti at bibihira. Ang Banal na Espiritu ay kaya lamang gumawa ng isang uri ng gawain sa anumang kapanahunan. Kung ginawa Niya ang dalawang uri ng gawain nang magkasabay, na ginagawa ng katawang-tao ang isang uri at ginagawa ng Banal na Espiritu ang isa pang uri sa loob ng mga tao, at kung ang sinabi ng katawang-tao ay hindi ibinilang at tanging ang ginawa ng Espiritu ang ibinilang, si Cristo ay hindi magkakaroon ng anumang katotohanan, daan, o buhay na sasabihin. Magiging pagsalungat ito sa sarili. Maaari bang gumawa ang Banal na Espiritu nang tulad nito? Ang Diyos ay makapangyarihan at marunong sa lahat, banal at matuwid, at talagang hindi Siya gumagawa ng anumang mga pagkakamali.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 1

Sa panahon ng paniniwala kay Jesus, maraming ginawa ang mga tao na hindi kaibig-ibig sa Diyos dahil hindi nila naunawaan ang katotohanan, ngunit ang Diyos ay may pag-ibig at awa, at dinala na Niya ang tao nang ganito kalayo, at bagama’t walang nauunawaang anuman ang tao, hinahayaan pa rin ng Diyos ang tao na sumunod sa Kanya, at, bukod pa roon, inakay na Niya ang tao hanggang sa ngayon. Hindi ba ito ang pag-ibig ng Diyos? Yaong namamalas sa disposisyon ng Diyos ay ang pag-ibig ng Diyos—tama talaga ito! Nang nasa kasukdulan na ang pagtatayo ng iglesia, ginawa ng Diyos ang hakbang ng gawain ng mga tagapagsilbi at itinapon ang tao sa walang-hanggang kalaliman. Ang mga salita sa panahon ng mga tagapagsilbi ay pawang mga sumpa: mga sumpa ng iyong laman, mga sumpa ng iyong tiwali at satanikong disposisyon, at mga sumpa ng mga bagay tungkol sa iyo na hindi nakalulugod sa kalooban ng Diyos. Ang gawaing ginawa ng Diyos sa hakbang na iyon ay ipinamalas bilang kamahalan, pagkatapos ay isinagawa kaagad ng Diyos ang hakbang ng gawain ng pagkastigo, at sumapit ang pagsubok na kamatayan. Sa gayong gawain, nakita ng tao ang poot, kamahalan, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, ngunit nakita rin niya ang biyaya ng Diyos, ang Kanyang pag-ibig at Kanyang awa; lahat ng ginawa ng Diyos, at lahat ng ipinamalas bilang Kanyang disposisyon, ay pag-ibig sa tao, at lahat ng ginawa ng Diyos ay nagawang tuparin ang mga pangangailangan ng tao. Ginawa Niya ito upang gawing perpekto ang tao, at naglaan Siya para sa tao ayon sa tayog nito. Kung hindi ito nagawa ng Diyos, hindi sana makakaharap ang tao sa Diyos at walang paraan para malaman niya ang tunay na mukha ng Diyos. Mula nang unang simulan ng tao na maniwala sa Diyos hanggang sa ngayon, unti-unti nang naglaan ang Diyos para sa tao alinsunod sa tayog ng tao, kaya nga, sa kalooban, unti-unti na Siyang nakilala ng tao. Ngayon lamang napagtatanto ng tao kung gaano kahanga-hanga ang paghatol ng Diyos. Ang hakbang ng gawain ng mga tagapagsilbi ay ang unang pangyayari ng gawain ng pagsumpa mula sa panahon ng paglikha hanggang sa ngayon. Ang tao ay isinumpa sa walang-hanggang kalaliman. Kung hindi iyon nagawa ng Diyos, wala sanang tunay na kaalaman ang tao tungkol sa Diyos ngayon; sa pamamagitan lamang ng pagsumpa ng Diyos tunay na naranasan ng tao ang Kanyang disposisyon. Inilantad ang tao sa pamamagitan ng pagsubok sa mga tagapagsilbi. Nakita Niya na ang katapatan nito ay hindi katanggap-tanggap, na ang tayog nito ay napakaliit, na wala itong kakayahang mapalugod ang kalooban ng Diyos, at na ang sinasabi nitong pagpapalugod sa Diyos sa lahat ng oras ay puro mga salita lamang. Bagama’t sa hakbang ng gawain ng mga tagapagsilbi ay isinumpa ng Diyos ang tao, kung gugunitain ngayon, ang hakbang ng gawaing yaon ng Diyos ay kahanga-hanga: Nagdulot ito ng isang malaking pagbabago para sa tao, at nagsanhi ng isang malaking pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay. Bago ang panahon ng mga tagapagsilbi, walang naunawaang anuman ang tao tungkol sa paghahangad sa buhay, kung ano ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, o ang karunungan ng gawain ng Diyos, at ni hindi niya naunawaan na maaaring subukin ng gawain ng Diyos ang tao. Mula sa panahon ng mga tagapagsilbi hanggang sa ngayon, nakikita ng tao kung gaano kamangha-mangha ang gawain ng Diyos—hindi ito maaarok ng tao—at hindi niya maisip kung paano gumagawa ang Diyos sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang utak, at nakikita rin niya kung gaano kaliit ang kanyang tayog at na napakatindi ng kanyang pagkasuwail. Nang isumpa ng Diyos ang tao, ito ay upang matamo ang isang epekto, at hindi Niya pinatay ang tao. Bagama’t isinumpa Niya ang tao, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng mga salita, at ang Kanyang mga sumpa ay hindi totoong sumapit sa tao, sapagkat ang isinumpa ng Diyos ay ang pagkasuwail ng tao, kaya nga ang mga salita ng Kanyang mga sumpa ay sinambit din upang gawing perpekto ang tao. Hinahatulan man ng Diyos ang tao o isinusumpa siya, parehong ginagawa nitong perpekto ang tao: Parehong ginagawa ito upang gawing perpekto yaong hindi dalisay sa kalooban ng tao. Sa pamamagitan ng kaparaanang ito ang tao ay pinipino, at yaong kulang sa kalooban ng tao ay ginagawang perpekto sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawain. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos—masasakit na salita man ito, o paghatol, o pagkastigo—ay ginagawang perpekto ang tao, at talagang angkop. Hindi kailanman nakagawa ng gawain ang Diyos sa lumipas na mga kapanahunan na kagaya nito; sa ngayon, gumagawa Siya sa inyong kalooban kaya napahalagahan ninyo ang Kanyang karunungan. Bagama’t nagtiis na kayo ng kaunting pagdurusa sa inyong kalooban, matatag at payapa ang inyong puso; inyong biyaya ang matamasa ang yugtong ito ng gawain ng Diyos. Anuman ang magagawa ninyong makamit sa hinaharap, lahat ng inyong nakikita sa gawain ng Diyos sa inyo sa ngayon ay pag-ibig. Kung hindi nararanasan ng tao ang paghatol at pagpipino ng Diyos, ang kanyang mga kilos at sigla ay laging mananatiling paimbabaw, at ang kanyang disposisyon ay laging mananatiling hindi nagbabago. Maibibilang ba ito na nakamit ka na ng Diyos? Sa ngayon, bagama’t matindi pa rin ang kayabangan at kapalaluan sa kalooban ng tao, mas matatag na ang disposisyon ng tao kaysa rati. Pinakikitunguhan ka ng Diyos upang iligtas ka, at bagama’t maaari kang makadama ng kaunting pasakit sa panahong iyon, darating ang araw na magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Sa oras na iyon, aalalahanin mo ang nakalipas at makikita mo kung gaano karunong ang gawain ng Diyos, at sa oras na iyon ay magagawa mong tunay na maunawaan ang kalooban ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa isa pang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; higit pa rito, dahil din ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na naisagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi pa kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na minamahal ang Diyos. Habang mas lumalaki ang gawain ng Diyos sa tao, at habang mas tumitindi ang pagdurusa ng tao, mas maliwanag kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at na mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano mo natututuhan kung paano mahalin ang Diyos? Kung walang paghihirap at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ibinigay ng Diyos sa tao ay biyaya, pag-ibig, at awa—magagawa mo ba talagang tunay na mahalin ang Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay walang kabuluhan, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman, at walang halaga; sa kabilang dako, sa panahon ng Kanyang mga pagsubok gumagawa ang Diyos ng iba’t ibang sitwasyon para sa tao kaya mas nararanasan ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi makayanan—hanggang sa antas ng nakapanlulumong pagdadalamhati—sa pagdanas nito, nakikita ng tao kung gaano kaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang nagkakaroon ang tao ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, pag-ibig, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang malaman ang diwa ng tao. Sa pamamagitan lamang kapwa ng pagpipino at paghatol ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinayo sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos. Kung tinatamasa mo lamang ang biyaya ng Diyos, ang pagkakaroon ng isang mapayapang buhay-pamilya o mga materyal na pagpapala, hindi mo pa natatamo ang Diyos, at ang iyong paniniwala sa Diyos ay hindi maituturing na matagumpay. Isinagawa na ng Diyos ang isang yugto ng gawain ng biyaya sa katawang-tao, at ipinagkaloob na ang mga materyal na pagpapala sa tao, ngunit ang tao ay hindi magagawang perpekto gamit lamang ang biyaya, pag-ibig, at awa. Sa mga karanasan ng tao nararanasan niya ang kaunting pag-ibig ng Diyos at nakikita ang pag-ibig at awa ng Diyos, ngunit sa pagdanas sa loob ng kaunting panahon, nakikita niya na ang biyaya ng Diyos at ang Kanyang pag-ibig at awa ay walang kakayahang gawing perpekto ang tao, walang kakayahang ihayag yaong tiwali sa kalooban ng tao, ni hindi nito nagagawang alisin sa tao ang kanyang tiwaling disposisyon, o gawing perpekto ang kanyang pagmamahal at pananampalataya. Ang gawain ng biyaya ng Diyos ay ang gawain ng isang panahon, at hindi makakaasa ang tao sa pagtatamasa sa biyaya ng Diyos upang makilala ang Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “May ilan.”

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Kontakin Kami Gamit ang Messenger