Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha, natatangi ang Kanyang awtoridad
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Gumamit ang Diyos ng mga Salita para Likhain ang Lahat ng Bagay
Genesis 1:3–5 At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng liwanag; at nagkaroon ng liwanag. At nakita ng Diyos ang liwanag na mabuti, at inihiwalay ng Diyos ang liwanag sa kadiliman. At tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at tinawag Niya ang kadiliman na Gabi. At nagkahapon at nagkaumaga ang unang araw.
Genesis 1:6–7 At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig. At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon.
Genesis 1:9–11 At sinabi ng Diyos, Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan, at nagkagayon. At tinawag ng Diyos ang katuyuan na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag Niyang mga Dagat: at nakita ng Diyos na mabuti. At sinabi ng Diyos, Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kaniyang binhi sa ibabaw ng lupa, at nagkagayon.
Genesis 1:14–15 At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw at ng mga taon: At maging pinakatanglaw sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa: at nagkagayon.
Genesis 1:20–21 At sinabi ng Diyos, Bukalan ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid. At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawa’t may buhay na kinapal na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kani-kaniyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kani-kaniyang uri: at nakita ng Diyos na mabuti.
Genesis 1:24–25 At sinabi ng Diyos, Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kani-kaniyang uri ng hayop at ng mga kinapal na umuusad, at ng mga hayop sa lupa, ayon sa kani-kaniyang uri: at nagkagayon. At nilikha ng Diyos ang hayop sa lupa ayon sa kaniyang uri, at ang hayop ayon sa kaniyang uri, at ang bawa’t umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kani-kaniyang uri: at nakita ng Diyos na mabuti.
Sa Unang Araw, ang Araw at Gabi ng Sangkatauhan ay Isinilang at Itinatag, Salamat sa Awtoridad ng Diyos
Tingnan natin ang unang talata: “At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng liwanag; at nagkaroon ng liwanag. At nakita ng Diyos ang liwanag na mabuti, at inihiwalay ng Diyos ang liwanag sa kadiliman. At tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at tinawag Niya ang kadiliman na Gabi. At nagkahapon at nagkaumaga ang unang araw” (Genesis 1:3–5). Inilalarawan ng talatang ito ang unang kilos ng Diyos sa simula ng paglikha, at ang unang araw na pinalipas ng Diyos kung saan ay mayroong gabi at umaga. Ngunit ito’y isang hindi pangkaraniwang araw: Nagsimula ang Diyos na ihanda ang liwanag para sa lahat ng bagay, at, dagdag pa rito, hinati Niya ang liwanag mula sa kadiliman. Sa araw na ito, nagsimulang magsalita ang Diyos, at magkasamang umiral ang Kanyang mga salita at awtoridad. Nagsimulang makita ang Kanyang awtoridad sa lahat ng bagay, at ang kapangyarihan Niya ay kumalat sa lahat ng bagay bilang resulta ng Kanyang mga salita. Simula sa araw na ito, ang lahat ng bagay ay nabuo at naitatag dahil sa mga salita ng Diyos, sa awtoridad ng Diyos, at sa kapangyarihan ng Diyos, at nagsimula silang gumana, salamat sa mga salita ng Diyos, sa awtoridad ng Diyos, at sa kapangyarihan ng Diyos. Nang sinabi ng Diyos ang mga salitang “Magkaroon ng liwanag,” nagkaroon nga ng liwanag. Hindi sumabak ang Diyos sa anumang sapalaran; lumitaw ang liwanag bilang resulta ng Kanyang mga salita. Ito ang liwanag na tinawag ng Diyos na araw, at kung saan nakadepende pa rin ngayon ang tao para sa kanyang pag-iral. Sa pamamagitan ng utos ng Diyos, ang diwa at halaga nito ay hindi kailanman nagbago, at hindi ito kailanman naglaho. Ipinapakita ng pag-iral nito ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, at ipinoproklama ang pag-iral ng Lumikha. Pinagtitibay nito, nang paulit-ulit, ang pagkakakilanlan at katayuan ng Lumikha. Hindi ito bagay na di-nahahawakan, o ilusyon, kundi isang tunay na liwanag na makikita ng tao. Simula sa mga oras na iyon, dito sa mundong walang-laman na kung saan “ang lupa ay walang anyo at walang laman; at ang kadiliman ay sumasa ibabaw ng kalaliman,” nagawa ang unang materyal na bagay. Ang bagay na ito ay nanggaling mula sa mga salita ng bibig ng Diyos, at lumitaw sa unang gawain ng paglikha ng lahat ng bagay dahil sa awtoridad at mga pagbigkas ng Diyos. Hindi nagtagal, inutusan ng Diyos na maghiwalay ang liwanag at kadiliman…. Nagbago at nakumpleto ang lahat dahil sa mga salita ng Diyos…. Tinawag ng Diyos itong liwanag na “Araw,” at tinawag Niya ang kadiliman na “Gabi.” Noong oras na iyon, ginawa ang unang gabi at ang unang umaga sa mundong nilayong likhain ng Diyos, at sinabi ng Diyos na ito ang unang araw. Ang araw na ito ang unang araw ng paglikha sa lahat ng bagay ng Lumikha, at ang simula ng paglikha ng lahat ng bagay, at ang unang pagkakataon na ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay naipakita sa mundong ito na Kanyang nilikha.
Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nagagawa ng tao na mamasdan ang awtoridad ng Diyos at ng mga salita ng Diyos, at gayundin ng kapangyarihan ng Diyos. Dahil Diyos lamang ang may angkin ng naturang kapangyarihan, kaya Diyos lamang ang mayroong naturang awtoridad; dahil angkin ng Diyos ang naturang awtoridad, kaya Diyos lamang ang mayroon ng naturang kapangyarihan. Maaari bang magtaglay ang sinumang tao o bagay ng awtoridad at kapangyarihang tulad nito? Mayroon bang sagot sa inyong mga puso? Bukod sa Diyos, mayroon bang nilikha o di-nilikha na may angkin ng gayong awtoridad? Nakakita na ba kayo ng halimbawa ng gayong bagay sa anumang libro o lathalain? Mayroon bang anumang tala na may isang lumikha ng kalangitan at lupa at ng lahat ng bagay? Wala ito sa anumang ibang libro o talaan; siyempre, ang mga ito ang tanging mga salita tungkol sa kagila-gilalas na paglikha ng Diyos sa mundo na may awtoridad at makapangyarihan, na nakatala sa Biblia; at ang mga salitang ito ay nangungusap para sa natatanging awtoridad at pagkakakilanlan ng Diyos. Maaari bang sabihing ang naturang awtoridad at kapangyarihan ay sumasagisag sa natatanging pagkakakilanlan ng Diyos? Maaari bang sabihin na ang mga iyon ay taglay ng Diyos, at ng Diyos lamang? Walang alinlangang ang Diyos Mismo lamang ang may angkin ng naturang awtoridad at kapangyarihan! Ang awtoridad at kapangyarihang ito ay hindi maaaring angkinin o palitan ng anumang nilikha o di-nilikha! Isa ba ito sa mga katangian ng natatanging Diyos Mismo? Nasaksihan na ba ninyo ito? Ang mga salitang ito ay mabilis at malinaw na nagpapaunawa sa mga tao sa katotohanan na ang Diyos ay nagtataglay ng natatanging awtoridad, at natatanging kapangyarihan, at ng pinakamataas na pagkakakilanlan at katayuan. Mula sa pagbabahagian sa itaas, masasabi ba ninyo na ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ay ang natatanging Diyos Mismo?
Sa Ikalawang Araw, Isinaayos ng Awtoridad ng Diyos ang mga Katubigan, at Ginawa ang Kalawakan, at Lumitaw ang Isang Puwang para sa Pinakapayak na Pagpapatuloy ng Pamumuhay ng Tao
Basahin natin ang ikalawang talata ng Biblia: “At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig. At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon” (Genesis 1:6–7). Anong mga pagbabago ang nangyari matapos sabihin ng Diyos ang “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig”? Sa mga Kasulatan sinasabi na: “At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan.” Ano ang resulta matapos itong sabihin at gawin ng Diyos? Ang kasagutan ay nakalagay sa huling bahagi ng talata: “at nagkagayon.”
Ang dalawang maiikling pangungusap na ito ay nagtatala ng isang kagila-gilalas na pangyayari, at naglalarawan ng isang kamangha-manghang tagpo—ang napakalaking gawain kung saan ay pinamahalaan ng Diyos ang mga katubigan, at nilikha ang espasyo kung saan ang tao ay maaaring umiral …
Sa larawang ito, ang mga katubigan at ang kalawakan ay lumilitaw sa harap ng Diyos sa isang iglap, at ang mga ito ay pinaghiwalay ng awtoridad ng mga salita ng Diyos, at pinaghiwalay sa “itaas” at sa “ibaba” sa paraang itinakda ng Diyos. Ibig sabihin, hindi lamang saklaw ng kalawakan na nilikha ng Diyos ang mga katubigan sa ibaba, ngunit hinahawakan din nito ang mga katubigan sa itaas…. Dito, walang magagawa ang tao kundi ang tumitig, matulala, at mamangha sa lakas ng Kanyang awtoridad at sa kaningningan ng tagpo kung saan inilipat at inutusan ng Lumikha ang mga katubigan, at nilikha ang kalawakan. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at ng kapangyarihan ng Diyos, at ng awtoridad ng Diyos, naisakatuparan ng Diyos ang isa pang dakilang gawain. Hindi ba ito ang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha? Gamitin natin ang mga kasulatan upang ipaliwanag ang mga gawa ng Diyos: Sinambit ng Diyos ang Kanyang mga salita, at dahil sa mga salitang ito ng Diyos ay nagkaroon ng kalawakan sa gitna ng mga katubigan. At kasabay nito, isang napakalaking pagbabago ang nangyari sa kalawakang ito dahil sa mga salitang ito ng Diyos, at hindi ito isang ordinaryong pagbabago, kundi isa itong uri ng paghalili kung saan mula sa wala ay nagkaroon ng isang bagay. Ito ay isinilang mula sa mga iniisip ng Lumikha, at naging isang bagay mula sa wala dahil sa mga salita na sinambit ng Lumikha, at, higit pa roon, mula sa puntong ito, ito ay iiral at di-matitinag para sa kapakanan ng Lumikha, at lilipat, magbabago, at mapapanibago alinsunod sa mga iniisip ng Lumikha. Inilalarawan ng talatang ito ang pangalawang kilos ng Lumikha sa Kanyang paglikha ng buong mundo. Ito ay isa pang pagpapahayag ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha, at isa pang kauna-unahang gawain ng Lumikha. Ang araw na ito ay ang ikalawang araw na pinalipas ng Lumikha simula sa pagtatatag ng mundo, at ito ay isa pang kahanga-hangang araw para sa Kanya: Siya ay naglakad sa gitna ng liwanag, dinala Niya ang kalawakan, inayos at pinamahalaan Niya ang mga katubigan, at ang Kanyang mga gawa, ang Kanyang awtoridad, at ang Kanyang kapangyarihan ay pinagana sa bagong araw …
May kalawakan na ba sa gitna ng mga katubigan bago binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita? Siyempre wala! At paano naman noong matapos sabihin ng Diyos na “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig”? Lumitaw ang mga bagay na nilayon ng Diyos; nagkaroon ng kalawakan sa gitna ng mga katubigan, at naghiwalay ang mga katubigan dahil sinabi ng Diyos na “Mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig.” Sa paraang ito, kasunod ng mga salita ng Diyos, dalawang bagong bagay, dalawang bagong silang na bagay ang lumitaw sa kalagitnaan ng lahat ng bagay bilang resulta ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ano ang pakiramdam ninyo sa paglitaw ng dalawang bagong bagay na ito? Dama ba ninyo ang kadakilaan ng kapangyarihan ng Lumikha? Ramdam ba ninyo ang natatangi at pambihirang puwersa ng Lumikha? Ang kadakilaan ng naturang puwersa at kapangyarihan ay dahil sa awtoridad ng Diyos, at ang awtoridad na ito ay isang pagkatawan sa Diyos Mismo, at isang natatanging katangian ng Diyos Mismo.
Binigyan ba kayo ng talatang ito ng isa pang malalim na pakiramdam ng pagiging natatangi ng Diyos? Sa totoo lang, hinding-hindi pa ito sapat; ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay lampas na lampas pa rito. Ang Kanyang pagiging natatangi ay hindi lamang dahil mayroon Siyang diwa na hindi katulad ng anumang nilikha, kundi ito rin ay dahil ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan ay pambihira, walang limitasyon, kataas-taasan sa lahat, at tumatayo sa ibabaw ng lahat, at bukod dito, dahil ang Kanyang awtoridad at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay makakalikha ng buhay, makakagawa ng mga himala, at makakalikha ng lahat ng kagila-gilalas at pambihirang minuto at segundo. Kasabay nito, kaya Niyang pamahalaan ang buhay na Kanyang nililikha, at hinahawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa mga himala at sa bawat minuto at segundo na Kanyang nililikha.
Sa Pangatlong Araw, Nagbigay ng Buhay sa Lupa at sa mga Karagatan ang mga Salita ng Diyos, at Nagdulot ang Awtoridad ng Diyos sa Mundo ng Nag-uumapaw sa Sigla
Susunod, basahin natin ang unang pangungusap sa Genesis 1:9–11: “At sinabi ng Diyos, Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan.” Ano ang mga pagbabagong naganap matapos lamang sabihin ng Diyos ang, “Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang katuyuan”? At ano ang nasa espasyong ito bukod sa liwanag at sa kalawakan? Sa mga Kasulatan, nasusulat ito: “At tinawag ng Diyos ang katuyuan na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag niyang mga Dagat: at nakita ng Diyos na mabuti.” Ibig sabihin, nagkaroon na ngayon ng lupa at mga karagatan sa espasyong ito, at napaghiwalay na ang lupa at karagatan. Ang paglitaw ng mga bagong bagay na ito ay sumunod sa utos mula sa bibig ng Diyos, “at nagkagayon.” Inilalarawan ba sa Kasulatan na naging abala ang Diyos habang ginagawa Niya ito? Inilalarawan ba nito na Siya’y pisikal na gumagawa? Kaya, paano ba ito ginawa ng Diyos? Paano ba nagawa ng Diyos na mabuo ang mga bagong bagay na ito? Malinaw na gumamit ang Diyos ng mga salita para makamit ang lahat ng ito, para likhain ang kabuuan nito.
Sa tatlong mga talata sa itaas, natutuhan natin ang mga pangyayari ng tatlong malalaking kaganapan. Nangyari at naisakatuparan ang tatlong malalaking kaganapang ito sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at dahil sa Kanyang mga salita kaya isa-isa at magkakasunod na lumitaw ang mga ito sa harapan ng Diyos. Kaya makikita na ang mga salitang “Nagsasalita ang Diyos, at matutupad ito; Iniuutos Niya, at maitatatag ito” ay hindi hungkag na mga salita. Ang diwang ito ng Diyos ay kumpirmado agad sa sandali na ang Kanyang mga iniisip ay nabubuo, at kapag ibinubuka ng Diyos ang Kanyang bibig para magsalita, lubos na nasasalamin ang Kanyang diwa.
Magpatuloy tayo sa huling pangungusap ng talatang ito: “At sinabi ng Diyos, Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kaniyang binhi sa ibabaw ng lupa, at nagkagayon.” Habang nagsasalita ang Diyos, ang lahat ng bagay na ito ay nagkaroon ng buhay alinsunod sa mga iniisip ng Diyos, at sa isang iglap, ang iba’t ibang uri ng mga napakakomplikadong maliliit na anyo ng buhay ay walang tigil sa pag-usli ng kanilang mga ulo palabas ng lupa, at bago pa man nila maipagpag ang maliliit na dumi mula sa kanilang mga katawan, sabik na silang kumakaway sa bawat isa para bumati, tumatango at ngumingiti sa mundo. Pinasalamatan nila ang Lumikha sa buhay na Kanyang ibinigay sa kanila, at inihayag sa mundo na bahagi sila ng lahat ng bagay, at ang bawat isa sa kanila’y maglalaan ng kanilang mga buhay sa pagpapakita ng awtoridad ng Lumikha. Habang binibigkas ang mga salita ng Diyos, naging malago at berde ang lupa, tumubo at umusbong mula sa lupa ang lahat ng uri ng mga halaman na maaaring tamasahin ng tao, at ang mga bundok at kapatagan ay nagkaroon ng napakaraming puno at kagubatan…. Itong tigang na mundo, na walang anumang bakas ng buhay, ay mabilis na natakpan ng mga masaganang damo, mga halaman at mga puno at umaapaw sa kaberdehan…. Ang samyo ng damo at ang halimuyak ng lupa ay kumalat sa hangin, at nagsimula ang mga uri ng halaman na huminga kasabay ng sirkulasyon ng hangin, at nagsimula sa proseso ng paglaki. Kasabay nito, salamat sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa mga iniisip ng Diyos, ang lahat ng halaman ay nagsimula ng tuluy-tuloy na siklo ng buhay kung saan sila ay lumalago, namumulaklak, namumunga, at dumarami. Nagsimula silang sumunod nang mahigpit sa kani-kanilang mga landas ng buhay at nagsimulang gampanan ang kani-kanilang mga tungkulin sa gitna ng lahat ng bagay…. Isinilang silang lahat, at nabuhay, dahil sa mga salita ng Lumikha. Tatanggap sila ng walang-humpay na panustos at pagpapakain mula sa Lumikha, at laging makapagpapatuloy na mabuhay nang may katatagan sa bawat sulok ng lupain para maipakita ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha, at lagi nilang ipapakita ang pwersa ng buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha …
Katangi-tangi ang buhay ng Lumikha, katangi-tangi ang Kanyang mga iniisip, at katangi-tangi ang Kanyang awtoridad, at kaya kapag binigkas ang Kanyang mga salita, ang huling resulta ay “at nagkagayon.” Malinaw na, hindi kailangan ng Diyos na gumawa gamit ang Kanyang mga kamay kapag Siya ay kumikilos; ginagamit Niya lamang ang Kanyang mga iniisip para mag-utos at ang Kanyang mga salita para mag-atas, at sa ganitong paraan, nakakamit ang mga bagay-bagay. Sa araw na ito, tinipon ng Diyos ang mga katubigan sa iisang lugar, at pinalitaw ang tuyong lupa, pagkatapos ay pinausbong ng Diyos ang damo mula sa lupa, at tumubo roon ang mga halaman na nagbibigay ng mga buto, at ang mga puno na namumunga, at pinagsama-sama ng Diyos ang bawat isa sa mga iyon ayon sa uri, at nagsanhi sa bawat isa na magkaroon ng sarili nitong buto. Nangyari ang lahat ng ito ayon sa mga iniisip ng Diyos at sa mga utos ng mga salita ng Diyos, at lumitaw ang bawat isa nang magkakasunod, dito sa bagong mundo.
Nang hindi pa Niya nasisimulan ang Kanyang gawain, mayroon nang larawan ang Diyos sa Kanyang isipan kung ano ang nilalayon Niyang makamit, at nang simulan ng Diyos ang pagsasakatuparan ng mga bagay na ito, na kung kailan din ay ibinuka ng Diyos ang Kanyang bibig para bigkasin ang nilalaman ng larawang ito, nagsimulang mangyari ang mga pagbabago sa lahat ng bagay, salamat sa awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Kung paano man ito ginawa ng Diyos, o ginamit ang Kanyang awtoridad, ang lahat ay isa-isang nakamit nang bai-baitang ayon sa plano ng Diyos at dahil sa mga salita ng Diyos, at nang paisa-isang hakbang, nangyari ang mga pagbabago sa pagitan ng langit at lupa, salamat sa mga salita at awtoridad ng Diyos. Ipinakita ng lahat ng pagbabago at pangyayaring ito ang awtoridad ng Lumikha, at ang pagiging di-karaniwan at kadakilaan ng kapangyarihan ng buhay ng Lumikha. Ang Kanyang mga iniisip ay hindi mga simpleng ideya, o isang blankong larawan, kundi isang awtoridad na nagtaglay ng kasiglahan at pambihirang lakas, at ang mga iyon ang kapangyarihang nagsasanhi para ang lahat ng bagay ay mabago, sumigla, mapanibago, at mawala. Dahil dito, gumagana ang lahat ng bagay dahil sa Kanyang mga iniisip, at, kasabay nito ay nakakamit dahil sa mga salita mula sa Kanyang bibig …
Bago lumitaw ang lahat ng bagay, matagal nang nabuo sa isipan ng Diyos ang isang kumpletong plano, at matagal nang nagawa ang isang bagong mundo. Bagama’t sa pangatlong araw noon lumitaw ang lahat ng uri ng mga halaman sa lupa, walang dahilan ang Diyos para pigilan ang mga hakbang ng Kanyang paglikha sa mundong ito; sinadya Niyang magpatuloy sa pagbigkas sa Kanyang mga salita, para magpatuloy na maisagawa ang paglikha ng bawat bagong bagay. Magsasalita Siya, ibibigay ang Kanyang mga utos, at gagamitin ang Kanyang awtoridad at ipapakita ang Kanyang kapangyarihan, at inihanda Niya ang lahat ng bagay na Kanyang naiplano na para ihanda ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan na nilalayon Niyang likhain …
Sa Pang-apat na Araw, ang mga Panahon, mga Araw, at mga Taon ng Sangkatauhan ay Sumapit Nang Muling Gamitin ng Diyos ang Kanyang Awtoridad
Ginamit ng Lumikha ang Kanyang mga salita para tuparin ang Kanyang plano, at sa paraang ito, pinalipas Niya ang unang tatlong araw ng Kanyang plano. Sa loob ng tatlong araw na ito, ang Diyos ay hindi nakitang naging abala o pinapagod ang Kanyang sarili; bagkus, pinalipas Niya ang kamangha-manghang unang tatlong araw ng Kanyang plano, at naisakatuparan ang dakilang gawain ng radikal na pagbabagong-anyo sa mundo. Isang bagung-bagong mundo ang lumitaw sa Kanyang harapan, at, nang paisa-isang piraso, ang magandang larawan na nakatago sa loob ng Kanyang mga iniisip ay nabunyag sa wakas sa mga salita ng Diyos. Ang paglitaw ng bawat bagong bagay ay parang kapanganakan ng isang bagong silang na sanggol, at nalugod ang Lumikha sa larawang minsa’y nasa Kanyang mga iniisip, ngunit ngayon ay nabigyan na ng buhay. Sa sandaling ito, nagkaroon ng munting kasiyahan ang Kanyang puso, ngunit kasisimula pa lamang ng Kanyang plano. Sa isang kisap-mata, isang bagong araw ang dumating—at ano ang susunod na pahina sa plano ng Lumikha? Ano ang sinabi Niya? At paano Niya ginamit ang Kanyang awtoridad? Samantala, anong mga bagong bagay ang dumating dito sa bagong mundo? Sa pagsunod sa paggabay ng Lumikha, natutuon ang ating pagtingin sa pang-apat na araw ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay, isang araw na isa na namang bagong pasimula. Siyempre, para sa Lumikha, walang duda na ito’y isa na namang kamangha-manghang panibagong araw, at panibagong araw na naman ito na sukdulan ang kahalagahan para sa sangkatauhan sa kasalukuyan. Tunay na ito ay isang araw na hindi masusukat ang halaga. Gaano ito kaganda, gaano ito kahalaga, at paanong hindi masukat ang halaga nito? Makinig muna tayo sa mga salitang binigkas ng Lumikha …
“At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw at ng mga taon: At maging pinakatanglaw sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa” (Genesis 1:14–15). Isa na naman itong paggamit ng awtoridad ng Diyos na ipinakita ng mga nilalang pagkatapos ng Kanyang paglikha ng tuyong lupa at ng mga halamang nasa loob nito. Para sa Diyos, ang naturang pagkilos ay kasing dali ng nagawa na Niya, dahil may ganoong kapangyarihan ang Diyos; kasinggaling ng Diyos ang Kanyang salita, at matutupad ang Kanyang salita. Iniutos ng Diyos na lumitaw ang mga tanglaw sa langit, at ang mga tanglaw na ito ay hindi lamang sumikat sa kalangitan at sa lupa, kundi nagsilbi ring mga tanda para sa araw at gabi, para sa mga panahon, mga araw, at mga taon. Sa paraang ito, habang binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, ang bawat pagkilos na gustong maisakatuparan ng Diyos ay natupad ayon sa kahulugan ng Diyos at sa paraang itinalaga ng Diyos.
Ang mga tanglaw sa kalangitan ay pisikal na bagay sa himpapawid na magsisinag ng liwanag; paliliwanagin ng mga iyon ang papawirin, ang lupa at mga karagatan. Umiikot ang mga ito ayon sa ritmo at dalas na iniutos ng Diyos, at tinatanglawan ang iba’t ibang sakop ng mga panahon sa ibabaw ng lupa, at sa ganitong paraan, ang mga siklo ng pag-ikot ng mga tanglaw ay ang nagsasanhi na mapalabas ang araw at gabi sa silangan at kanluran ng lupa, at hindi lamang mga tanda para sa gabi at araw ang mga iyon, ngunit sa pamamagitan ng iba’t ibang siklo na ito ay natatandaan din ang mga pista at iba’t ibang espesyal na mga araw ng sangkatauhan. Ang mga iyon ay perpektong pambuo at kasama sa apat na panahon—tagsibol, tag-araw, taglagas, at taglamig—na ipinalabas ng Diyos, na kasama ng mga tanglaw na magkakaayong nagsisilbi bilang regular at tumpak na mga tanda para sa haba ng mga buwan, araw, at taon ng sangkatauhan. Bagama’t pagkatapos lamang na dumating ang pagsasaka na nagsimulang maintindihan at makita ng sangkatauhan ang paghahati-hati ng haba ng mga buwan, araw at taon na sanhi ng mga tanglaw na nilikha ng Diyos, sa katunayan ang haba ng mga buwan, araw, at taon na naiintindihan ng tao ngayon ay nagawa na noon pa man simula noong pang-apat na araw ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay, at gayundin ang nagpapalit-palit na mga siklo ng tagsibol, tag-araw, taglagas, at taglamig na naranasan ng tao ay nagsimula na noon pang ikaapat na araw ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay. Ang mga tanglaw na nilikha ng Diyos ay nagbigay-kakayahan sa tao na palagian, tumpak, at malinaw na malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng gabi at araw, at bilangin ang mga araw, at malinaw na subaybayan ang mga haba ng mga buwan at taon. (Ang araw ng kabilugan ng buwan ay ang pagkumpleto ng isang buwan, at mula rito, alam ng tao na ang pag-ilaw ng mga tanglaw ay nagsisimula ng isang bagong siklo; ang araw ng kalahating buwan ay ang pagkumpleto sa kalahati ng buwan, na nagsabi sa tao na nagsisimula na ang isang bagong buwan, at mahihinuha mula rito kung ilang araw at gabi ang mayroon sa isang buwan, kung ilang buwan ang mayroon sa isang panahon, at kung ilang panahon mayroon sa isang taon, at ang lahat ng ito ay ibinunyag nang may napakataas na regularidad.) Kaya madaling masubaybayan ng tao ang mga buwan, araw, at taon na may mga pananda ng mga kumpletong pag-ikot ng mga tanglaw. Mula sa puntong ito, hindi namalayan ng sangkatauhan at ng lahat ng bagay na namuhay sila na may maayos na pagpapalitan ng gabi at araw at mga pagpapalitan ng mga panahon na napalabas ng mga kumpletong pag-ikot ng mga tanglaw. Ito ang kabuluhan ng paglikha sa mga tanglaw sa pang-apat na araw ng Lumikha. Katulad nito, ang mga minimithi at kabuluhan ng pagkilos na ito ng Lumikha ay hindi pa rin naihiwalay mula sa Kanyang awtoridad at kapangyarihan. At kaya ang mga tanglaw na ginawa ng Diyos at ang halaga na nalalapit nang dalhin ng mga iyon sa tao ay isa pang kumpas ng kahusayan sa paggamit ng awtoridad ng Lumikha.
Sa bagong mundong ito, kung saan ay hindi pa lumilitaw ang sangkatauhan, naihanda na ng Lumikha ang gabi at umaga, ang kalawakan, lupain at mga karagatan, damo, halaman at iba’t ibang uri ng mga puno, at ang mga tanglaw, mga panahon, mga araw, at mga taon para sa bagong buhay na nalalapit na Niyang likhain. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay naipahayag sa bawat bagong bagay na Kanyang nilikha, at ang Kanyang mga salita at mga nagawa ay nangyari nang sabay, nang wala ni katiting na kaibahan, at nang wala ni katiting na pagitan. Ang paglitaw at pagsilang ng lahat ng mga bagong bagay na ito ay patunay ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha: kasing galing Niya ang Kanyang salita, at ang Kanyang salita ay matutupad, at ang natutupad Niya na ay mananatili magpakailanman. Hindi kailanman nagbago ang katotohanang ito: ganoon sa nakaraan, ganoon din ngayon, at magiging ganoon sa buong kawalang-hanggan. Kapag muli ninyong titingnan ang mga salitang iyon sa kasulatan, nararamdaman ba ninyong bago ang mga iyon? May nakita na ba kayong mga bagong nilalaman, at nakagawa ng mga bagong pagtuklas? Iyon ay dahil naantig na ng mga ginawa ng Lumikha ang inyong mga puso, at ginabayan ang direksiyon ng inyong kaalaman sa Kanyang awtoridad at kapangyarihan, at binuksan ang pintuan ng inyong pagkaunawa sa Lumikha, at ang Kanyang mga ginawa at awtoridad ay nagbigay na ng buhay sa mga salitang ito. Kaya, sa mga salitang ito ay nakita na ng tao ang isang totoo at malinaw na pagpapahayag ng awtoridad ng Lumikha, tunay na nasaksihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at namasdan ang pagiging di-pangkaraniwan ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha.
Ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay nagbubunga ng sunud-sunod na himala; inaakit Niya ang pansin ng tao, at walang magagawa ang tao kundi tumitig nang di-kumukurap sa mga kahanga-hangang gawa na nanggaling sa paggamit ng Kanyang awtoridad. Ang Kanyang di-pangkaraniwang kapangyarihan ay nagdudulot ng sunud-sunod na kasiyahan, at naiiwan ang tao na puno ng pagkamangha at labis na tuwa, at napapabuntong-hininga sa paghanga, tulala, at masaya; at higit pa rito, ang tao ay halatang naaantig, at nabubuo sa kanya ang paggalang, pagpipitagan, at pagkagiliw. May matindi at nakakalinis na epekto ang awtoridad at mga gawain ng Lumikha sa espiritu ng tao, at, bukod dito, labis na binibigyang-kasiyahan nito ang espiritu ng tao. Ang bawat iniisip Niya, bawat pagbigkas Niya, at ang bawat pagbubunyag ng Kanyang awtoridad ay isang obra maestra sa gitna ng lahat ng bagay, at isang malaking gawain na pinakakarapat-dapat sa malalim na pagkaunawa at pagkakilala ng nilikhang sangkatauhan. Kapag binibilang natin ang bawat nilikha na isinilang mula sa mga salita ng Lumikha, ang mga espiritu natin ay napapalapit sa pagiging kamangha-mangha ng kapangyarihan ng Diyos, at nakikita natin ang ating mga sarili na sumusunod sa mga yapak ng Lumikha hanggang sa susunod na araw: ang panlimang araw ng paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay.
Patuloy nating basahin nang isa-isa ang talata sa Kasulatan, habang tinitingnan natin ang mas marami pa sa mga ginawa ng Lumikha.
Sa Panglimang Araw, Itinanghal ng Iba-iba at Sari-saring Anyo ng Buhay ang Awtoridad ng Lumikha sa Magkakaibang Paraan
Sinasabi ng Kasulatan, “At sinabi ng Diyos, Bukalan ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid. At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawa’t may buhay na kinapal na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kani-kaniyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kani-kaniyang uri: at nakita ng Diyos na mabuti” (Genesis 1:20–21). Malinaw na sinasabi sa atin ng Kasulatan na, sa araw na ito, ginawa ng Diyos ang mga nilalang sa mga katubigan, at ang mga ibon ng himpapawid, na ang ibig sabihin ay Kanyang ginawa ang iba’t ibang isda at ibon, at pinagsama-sama ang mga iyon ayon sa uri. Sa ganitong paraan, pinasagana ng paglikha ng Diyos ang lupa, ang mga papawirin, at mga katubigan …
Habang binibigkas ang mga salita ng Diyos, isang sariwang bagong buhay, na may kanya-kanyang anyo, ang nabuhay sa isang iglap sa kalagitnaan ng mga salita ng Lumikha. Dumating sila sa mundo na nakikipaggitgitan para sa tatayuan, nagtatalunan, nagkakatuwaan sa galak…. Naglanguyan sa mga katubigan ang mga isda na may iba’t ibang hugis at sukat, naglabasan sa mga buhanginan ang lahat ng klase ng kabibe; ang may kaliskis, may talukab, at walang-gulugod na mga nilalang ay agarang naglakihan na may mga iba’t ibang anyo, kahit pa malaki o maliit, mahaba o maikli. Gayundin ay nagsimulang lumaki nang mabilis ang iba’t ibang klase ng halamang-dagat, sumasabay sa galaw ng iba’t ibang mga nabubuhay sa tubig, umaalun-alon, hinihimok ang matining na mga katubigan, na para bang sinasabi sa kanila: “Igalaw mo ang paa mo! Isama mo ang iyong mga kaibigan! Dahil hindi ka na muling mag-iisa kailanman!” Simula sa sandali na ang mga iba’t ibang buhay na nilalang na ginawa ng Diyos ay nagsilitaw sa katubigan, ang bawat sariwang bagong buhay ay nagpasigla sa mga katubigan na naging tahimik nang napakatagal, at naghatid ng isang bagong panahon…. Simula sa puntong iyon, humimlay sila sa piling ng bawat isa, at sinamahan ang bawat isa, at hindi lumayo sa isa’t isa. Umiral ang katubigan para sa mga nilalang na nasa loob nito, pinalulusog ang bawat buhay na nanirahan sa loob ng yakap nito, at ang bawat buhay ay umiral alang-alang sa katubigan dahil sa pagpapakain nito. Bawat isa’y nagsalalay ng buhay sa isa’t isa, at kasabay niyon, ang bawat isa, sa parehong paraan, ay naging patotoo sa pagiging mahimala at dakila ng paglikha ng Lumikha, at sa di-mapapantayang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha …
Nang hindi na tahimik ang karagatan ay nagsimula na ring punuin ng buhay ang mga papawirin. Ang mga ibon, malaki at maliit, ay isa-isang nagliparan sa himpapawid mula sa lupa. Hindi tulad ng mga nilalang sa karagatan, may mga pakpak sila at balahibo na tumatakip sa kanilang mga payat at masiglang mga anyo. Ikinampay nila ang kanilang mga pakpak, mapagmalaki at mayabang na ipinakikita ang kanilang napakagandang balabal na balahibo at ang kanilang natatanging mga nagagawa at kakayahang ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha. Malaya silang pumailanglang, at bihasang nagpabalik-balik sa pagitan ng langit at lupa, patawid sa mga damuhan at mga kagubatan…. Sila ang mga ginigiliw ng hangin, sila ang mga ginigiliw ng lahat ng bagay. Di-maglalaon ay magiging bigkis sila sa pagitan ng langit at lupa, at magdadala ng mga mensahe sa lahat ng bagay…. Kumanta sila, masaya silang nandaragit, nagdulot sila ng aliw, halakhak, at kasiglahan dito sa minsan nang walang-buhay na mundo…. Gamit nila ang kanilang malinaw at malambing na pagkanta, gamit ang mga salita sa kanilang mga puso upang purihin ang Lumikha para sa buhay na ipinagkaloob sa kanila. Masaya silang sumayaw para ipakita ang pagkaperpekto at pagiging mahimala ng paglikha ng Lumikha, at ilalaan ang kanilang buong buhay sa pagpapatotoo sa awtoridad ng Lumikha sa pamamagitan ng natatanging buhay na Kanyang ipinagkaloob sa kanila …
Kung sila man ay nasa tubig, o sa mga papawirin, sa pamamagitan ng utos ng Lumikha, ang napakaraming bagay na ito na may buhay ay umiral sa iba’t ibang kayarian ng buhay, at sa utos ng Lumikha, nagsama-sama sila ayon sa kani-kanyang uri—at ang batas na ito, ang patakarang ito, ay di-kayang baguhin ng anumang mga nilalang. Hindi sila kailanman nangahas na lumampas sa mga hangganang itinalaga para sa kanila ng Lumikha, ni hindi nila ito magawa. Ayon sa pagtatalaga ng Lumikha, namuhay sila at nagpakarami, at mahigpit na sumunod sa takbo ng buhay at mga batas na itinalaga para sa kanila ng Lumikha, at sadya silang sumunod sa Kanyang mga di-binibigkas na mga utos at sa mga kautusan at tuntunin ng kalangitan na Kanyang ibinigay sa kanila, magpahanggang sa ngayon. Nakipag-usap sila sa Lumikha sa kanilang sariling natatanging paraan, at natutuhang pahalagahan ang kahulugan ng Lumikha, at sumunod sa Kanyang mga utos. Walang sinuman ang lumabag sa awtoridad ng Lumikha kailanman, at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at utos sa kanila ay naipapaabot mula sa loob ng Kanyang mga iniisip; walang mga salitang inilabas, ngunit ang awtoridad na natatangi sa Lumikha ang kumontrol nang tahimik sa lahat ng bagay na hindi nakapagsasalita at naiiba mula sa sangkatauhan. Ang paggamit ng Kanyang awtoridad sa natatanging paraang ito ay pumilit sa tao na magtamo ng bagong kaalaman, at makagawa ng bagong pakahulugan, sa natatanging awtoridad ng Lumikha. Dito, kailangan Kong sabihin sa inyo na sa bagong araw na ito, ipinakitang muli ng paggamit ng awtoridad ng Lumikha ang pagiging bukod-tangi ng Lumikha.
Susunod, tingnan natin ang huling pangungusap sa talatang ito ng kasulatan: “nakita ng Diyos na mabuti” ito. Ano sa tingin ninyo ang ibig nitong sabihin? Ang mga damdamin ng Diyos ay nakapaloob sa mga salitang ito. Pinanood ng Diyos na mabuo at di-matinag ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha dahil sa Kanyang mga salita, at unti-unting nagsimulang magbago. Sa sandaling ito, nasiyahan ba ang Diyos sa iba’t ibang mga bagay na Kanyang nagawa sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at sa iba’t ibang gawain na Kanyang naisakatuparan? Ang sagot ay “nakita ng Diyos na mabuti” ito. Ano ang nakikita ninyo rito? Ano ang tinutukoy ng “nakita ng Diyos na mabuti” ito? Ano ang sinisimbolo nito? Ibig sabihin nito ay may kapangyarihan at karunungan ang Diyos na tuparin ang Kanyang binalak at iniatas, para maisakatuparan ang mga mithiing Kanyang inilatag na makamit. Nang nakumpleto na ng Diyos ang bawat gawain, nakaramdam ba Siya ng pagsisisi? Ang sagot pa rin ay “nakita ng Diyos na mabuti” ito. Sa madaling salita, hindi lamang sa hindi Siya nagsisi, ngunit sa halip ay nasiyahan Siya. Ano ba ang ibig sabihin ng wala Siyang pagsisisi? Ang ibig sabihin nito ay perpekto ang plano ng Diyos, na perpekto ang Kanyang kapangyarihan at karunungan, at sa pamamagitan lamang ng Kanyang awtoridad na ang naturang pagkaperpekto ay matutupad. Kapag ang tao ay gumaganap ng isang gawain, makikita ba niya, tulad ng Diyos, na ito ay maganda? Ang lahat ng bagay ba na magagawa ng tao ay naaabot ang pagkaperpekto? Makukumpleto ba ng tao ang isang bagay nang minsanan at hanggang kawalang-hanggan? Tulad ng sinasabi ng tao, “walang perpekto, ang mayroon lamang ay pagpapabuti,” walang bagay na ginagawa ng tao na makakaabot sa pagkaperpekto. Nang nakita ng Diyos na ang lahat na Kanyang nagawa na at nakamtan ay mabuti, lahat ng ginawa ng Diyos ay itinalaga ng Kanyang mga salita, ibig sabihin, noong “nakita ng Diyos na mabuti” ito, ang lahat ng Kanyang nagawa ay naging permanente na ang anyo, pinagsama-sama ayon sa uri, at binigyan ng permanenteng posisyon, layunin, at tungkulin, nang minsanan hanggang sa kawalang-hanggan. Bukod dito, ang kanilang papel sa gitna ng lahat ng bagay, at ang paglalakbay na dapat nilang suungin sa panahon ng pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay, ay naitalaga na ng Diyos, at hindi na mababago. Ito ang batas ng kalangitan na ibinigay ng Lumikha sa lahat ng bagay.
“Nakita ng Diyos na mabuti” ito, ang simple at di-gaanong pinahahalagahang mga salitang ito, na kadalasang binabalewala, ay ang mga salita ng batas ng kalangitan at alituntunin ng kalangitang ibinigay sa lahat ng nilalang ng Diyos. Ang mga iyon ay isa pang pagsasakatawan ng awtoridad ng Lumikha, isang bagay na mas praktikal, at mas malalim. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, hindi lamang natamo ng Lumikha kung ano ang itinakda Niya na matamo, at nakamtan ang lahat ng itinakda Niyang makamtan, kundi mapipigilan din ng Kanyang mga kamay ang lahat ng Kanyang nilikha, at mapapagharian ang lahat ng bagay na Kanyang nagawa sa ilalim ng Kanyang awtoridad, at, dagdag pa rito, ang lahat ay sistematiko at regular. Ang lahat ng bagay rin ay lumaganap, umiral, at namatay sa pamamagitan ng Kanyang salita at, bukod diyan, umiral ang mga ito sa batas na Kanyang itinalaga sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad, at walang hindi saklaw nito! Agad na nagsimula ang batas na ito sa mismong sandali na “nakita ng Diyos na mabuti” ito, at ito’y iiral, magpapatuloy, at gagana para sa kapakanan ng plano ng pamamahala ng Diyos hanggang sa araw na ipawawalang-bisa ito ng Lumikha! Ang natatanging awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang naipapakita sa Kanyang kakayahang likhain ang lahat ng bagay at utusan ang lahat ng bagay na mabuo, kundi sa kakayahan din Niya na pamahalaan at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ipagkaloob ang lakas at kasiglahan sa lahat ng bagay, at, bukod pa rito, sa Kanyang kakayahang magsanhi, nang minsanan at magpasawalang-hanggan, sa lahat ng bagay na gagawin Niya sa Kanyang plano na lumitaw at umiral sa mundong ginawa Niya na may perpektong hugis, at perpektong kayarian ng buhay, at isang perpektong gagampanan. Gayundin, naipakita ito sa paraan na ang mga iniisip ng Lumikha ay hindi sumailalim sa anumang mga limitasyon, at di-limitado ng oras, espasyo, o heograpiya. Tulad ng Kanyang awtoridad, ang natatanging pagkakakilanlan ng Lumikha ay mananatiling di-nagbabago mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Ang Kanyang awtoridad ay laging magiging pagpapakita at sagisag ng Kanyang natatanging pagkakakilanlan, at ang Kanyang awtoridad ay iiral magpakailanman kaagapay ng Kanyang pagkakakilanlan!
Sa Pang-anim na Araw, Nagsalita ang Lumikha, at ang Bawat Uri ng Buhay na Nilalang sa Kanyang Isipan ay Lumitaw nang Isa-isa
Hindi mamamalayan na nagpatuloy ang paggawa ng Lumikha sa lahat ng bagay nang limang araw, kasunod agad na sinalubong ng Lumikha ang pang-anim na araw ng Kanyang paglikha ng lahat ng bagay. Isa na namang bagong pasimula ang araw na ito, at isa muling pambihirang araw. Ano kaya ang plano ng Lumikha sa bisperas ng bagong araw na ito? Anong mga bagong nilalang ang Kanyang ilalabas, ang lilikhain Niya? Makinig, iyan ang boses ng Lumikha …
“At sinabi ng Diyos, Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kanikaniyang uri ng hayop at ng mga kinapal na umuusad, at ng mga ganid sa lupa, ayon sa kanikaniyang uri: at nagkagayon. At nilikha ng Diyos ang ganid sa lupa ayon sa kaniyang uri, at ang hayop ayon sa kaniyang uri, at ang bawa’t umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikaniyang uri: at nakita ng Diyos na mabuti” (Genesis 1:24–25). Anong mga buhay na nilalang ang kasama rito? Sinasabi ng Kasulatan: mga baka, at mga gumagapang na nilalang, at mga ganid ng lupa ayon sa kanyang uri. Ibig sabihin, sa araw na ito, hindi lamang mayroong iba’t ibang uri ng mga buhay na nilalang sa lupa, kundi napagsama-sama silang lahat ayon sa uri, at gayon din naman, “nakita ng Diyos na mabuti” ito.
Tulad ng nakaraang limang araw, sa parehong tono, sa pang-anim na araw ay iniutos ng Lumikha ang pagsilang ng mga gusto Niyang mga buhay na nilalang, at lumitaw ang mga ito sa lupa, ang bawat isa ayon sa kanilang uri. Kapag ginagamit ng Lumikha ang Kanyang awtoridad, wala sa Kanyang mga salita ang nabibigkas nang walang saysay, at kaya, sa pang-anim na araw, ang bawat buhay na nilalang na nilayon Niyang likhain ay lumitaw sa itinakdang sandali. Tulad ng sinabi ng Lumikha, “Bukalan ang lupa ng mga may buhay na kinapal, ayon sa kanikaniyang uri,” agad na napuno ng sigla ang mundo, at sa ibabaw ng lupain ay biglang naglitawan ang hininga ng lahat ng uri ng mga buhay na nilalang…. Sa madamong berdeng kaparangan, ang matatabang baka, na ikinakawag ang kanilang mga buntot nang paroon at parito, ay isa-isang lumitaw, ang mga umuungang tupa ay nagtipun-tipon tungo sa mga kawan, at ang humahalinghing na mga kabayo ay nagsimulang magsikabig…. Sa isang iglap, napuno ng buhay ang malaking kalawakan ng tahimik na damuhan…. Ang paglitaw ng sari-saring uri ng mga hayop na ito ay isang magandang tanawin sa payapang damuhan, at nagdulot ito ng walang hangganang kasiglahan…. Sila ang magiging mga kasama ng mga damuhan, at ang mga panginoon ng mga damuhan, bawat isa’y nakadepende sa isa’t isa; gayon din sila ang magiging tagabantay at tagapangalaga ng mga lupaing ito, na siyang magiging permanenteng tirahan nila, at siyang magbibigay sa kanila ng lahat ng kailangan nila at pagmumulan ng walang-hanggang pagkain para sa kanilang pag-iral …
Sa parehong araw na nabuhay ang iba’t ibang mga hayop na ito, sa pamamagitan ng salita ng Lumikha ay isa-isa ring lumitaw ang maraming insekto. Kahit na sila ang pinakamaliliit sa mga bagay na may buhay sa gitna ng lahat ng nilalang, ang puwersa ng kanilang buhay ay mahimalang paglikha pa rin ng Lumikha, at hindi sila dumating nang napakahuli…. Ikinampay ng iba ang kanilang maliliit na pakpak, habang ang mga iba ay dahan-dahang gumapang; ang iba ay tumalon at tumalbog, ang ilan ay sumuray-suray; ang ilan ay gumulong pasulong, habang ang iba ay mabilis na umurong; ang iba ay gumalaw nang patagilid, ang iba naman ay tumalon nang pataas at paibaba…. Abala ang lahat sa paghahanap ng mga tahanan para sa kanilang mga sarili: Ang ilan ay sumuot sa damuhan, ang ilan ay nagsimulang maghukay ng mga butas sa lupa, ang ilan ay lumipad pataas tungo sa mga puno at nakatago sa mga kagubatan…. Kahit na maliit, hindi nila gustong tiisin ang hirap kapag walang laman ang tiyan, at matapos makakita ng kanilang sariling mga matitirahan, nagmadali silang maghanap ng pagkain para pakainin ang kanilang mga sarili. Ang iba ay umakyat sa damo para kainin ang mga malalambot nitong dahon, ang iba ay umukab sa lupa at nilunok ito patungo sa kanilang mga tiyan, sarap na sarap at siyang-siya habang kumakain (para sa kanila, kahit ang lupa ay masarap na pagkain); ang ilan ay nakatago sa mga kagubatan, ngunit hindi huminto ang mga ito para magpahinga, dahil ang dagta sa loob ng makikintab at matitingkad na berdeng dahon ay nagkaloob ng napakasarap na pagkain…. Matapos magsawa ang mga ito, hindi pa rin huminto sa kanilang mga gawain ang mga insekto; bagama’t mababa ang katayuan, may taglay na napakatinding kalakasan at walang-limitasyong kasiglahan ang mga ito, at kaya sa lahat ng nilalang, ang mga ito ang pinakamaliliksi at pinakamasisipag. Hindi sila kailanman naging tamad, at kailanman ay hindi nagpasasa sa pamamahinga. Sa sandaling magsawa sa kakakain, nagtatrabaho pa rin ang mga ito alang-alang sa kanilang hinaharap, abala sila at nagmamadali para sa kanilang kinabukasan, para sa pagpapatuloy ng kanilang buhay…. Marahan silang humuni ng mga awitin na may sari-saring himig at ritmo para palakasin at himukin ang kanilang mga sarili na magpatuloy. Nagdulot din sila ng kasiyahan sa damuhan, mga puno, at sa bawat pulgada ng lupa, ginagawa ang bawat araw, at ang bawat taon, na natatangi…. Sa kanilang sariling mga wika at sa kanilang sariling mga paraan, nagdala ng kabatiran ang mga ito sa lahat ng bagay na may buhay sa kalupaan. Gamit ang kanilang sariling espesyal na pamumuhay, minarkahan nila ang lahat ng bagay, kung saan nag-iwan sila ng mga bakas…. Malapit ang relasyon nila sa lupa, sa damuhan, at sa mga kagubatan, at nagdulot sila ng kalakasan at kasiglahan sa lupa, sa damuhan, at sa mga kagubatan. Dinala ng mga ito ang mga pangaral at pagbati ng Lumikha sa lahat ng bagay na nabubuhay …
Tinitigan ng Lumikha ang lahat ng bagay na Kanyang nalikha, at sa sandaling ito ang Kanyang mata ay sandaling napako sa mga kagubatan at kabundukan habang umiikot ang isipan Niya. Habang ang Kanyang mga salita ay binigkas, sa makakapal na kagubatan, at sa ibabaw ng mga kabundukan, may lumitaw na isang uri ng nilalang na di-tulad ng ibang dati nang dumating: Ang mga iyon ay ang mababangis na hayop na binigkas ng bibig ng Diyos. Dapat sana’y noon pa, iniling-iling nila ang kanilang mga ulo at iwinasi-wasiwas ang kanilang mga buntot, bawat isa ay may kani-kanilang natatanging itsura. May mabalahibo, mayroong may kalasag, may naglabas ng mga pangil, may nakangisi, may mahaba ang leeg, may maikli ang buntot, mayroong mabangis ang tingin, may mahiyaing tingin, may nakayukong kumakain ng damo, mayroong may dugo sa kanilang mga bibig, may lumuluksu-lukso sa dalawang paa, may naglalakad gamit ang apat na malalaking paa, may nakatanaw sa malayo sa itaas ng mga puno, may naghihintay sa mga kagubatan, may mga naghahanap ng mga kweba para mamahinga, may masasayang nagtatakbuhan sa mga kapatagan, may mga umaali-aligid sa mga kagubatan…; may mga umuungol, may mga umaalulong, may mga tumatahol, may mga umiiyak…; may mga soprano, may mga baritono, may mga malagong, may mga malinaw at malambing…; may mga mabagsik, may mga maganda, may mga nakakadiri, may mga nakatutuwa, may mga nakakatakot, may mga walang-muwang na kaakit-akit…. Isa-isa silang naglabasan. Tingnan kung gaano sila kataas at kalakas, malaya, medyo mailap sa isa’t isa, hindi man lamang sumusulyap sa isa’t isa…. Bawat isa’y taglay ang partikular na buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha, at ang kanilang sariling kabangisan, at kalupitan, lumitaw sila sa mga kagubatan at sa mga kabundukan. Hinahamak ang lahat, ganap na nangingibabaw—sino ang gumawa sa kanila para maging mga tunay na amo ng mga kabundukan at kagubatan? Mula sa sandaling itinalaga ng Lumikha ang kanilang mga hitsura, “inangkin” na nila ang mga kagubatan at ang mga kabundukan, dahil isinara na ng Lumikha ang kanilang mga hangganan at tinukoy na ang sakop ng kanilang pag-iral. Sila lamang ang totoong mga panginoon ng mga kabundukan at kagubatan, at kaya napakabangis nila, napakasuwail. Tinawag silang “mababangis na hayop” sa tanging kadahilanan na, sa lahat ng nilalang, sila ang siyang tunay na mabangis, malupit, at hindi mapaamo. Hindi sila mapapaamo, kaya hindi sila maaalagaan, at hindi makakapamuhay nang kaayon ng sangkatauhan o magtrabaho para sa sangkatauhan. Ito’y dahil hindi sila maaalagaan, hindi makakagawa ang mga ito para sa sangkatauhan, na kailangan mamuhay ang mga ito nang malayo sa sangkatauhan, at hindi malalapitan ang mga ito ng tao. Bunga nito, dahil namuhay sila nang malayo sa sangkatauhan, at hindi malapitan ng tao, kaya nagawang tuparin ng mga ito ang responsibilidad na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha: ang pagbabantay sa mga kabundukan at sa mga kagubatan. Pinangalagaan ng kabangisan ng mga ito ang mga kabundukan at binantayan ang mga kagubatan, at ang pinakamahusay na pag-iingat at kasiguruhan ng kanilang pag-iral at pagpaparami. Kasabay nito, pinanatili at siniguro ng kabangisan ng mga ito ang pagiging balanse ng lahat ng bagay. Ang kanilang pagdating ay nagbigay ng suporta at kanlungan sa mga kabundukan at mga kagubatan; ang pagdating ng mga ito ay nagdala ng walang-hangganang kalakasan at kasiglahan sa tahimik at walang-buhay na mga kabundukan at mga kagubatan. Mula sa puntong ito, naging permanenteng tirahan na nila ang mga kabundukan at mga kagubatan, at kailanman ay hindi mawawala sa kanila ang kanilang tirahan, dahil lumitaw at umiral ang mga kabundukan at mga kagubatan para sa kanila; tutuparin ng mababangis na hayop ang kanilang mga tungkulin at gagawin ang lahat ng kanilang makakaya para bantayan ang mga iyon. Kaya, gayundin, ang mababangis na hayop ay mahigpit na susunod sa mga tagubilin ng Lumikha na panghawakan ang kanilang mga teritoryo, at patuloy na gamitin ang kanilang mababangis na kalikasan para panatilihin ang pagiging balanse ng lahat ng bagay na itinatag ng Lumikha, at ipakita ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha!
Sa Ilalim ng Awtoridad ng Lumikha, Perpekto ang Lahat ng Bagay
Ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, kasama ang mga nakagagalaw at ang mga di-nakagagalaw, tulad ng mga ibon at isda, tulad ng mga puno at mga bulaklak, at kasama ang mga hayop sa bukid, mga insekto, at mababangis na hayop na ginawa noong pang-anim na araw—mabuti ang lahat ng ito sa mata ng Diyos, at, dagdag pa rito, sa mata ng Diyos, ang mga bagay na ito, alinsunod sa Kanyang plano, ay nakaabot lahat sa rurok ng pagkaperpekto at naabot na ang mga pamantayan na nais makamit ng Diyos. Sa paisa-isang hakbang, ginawa ng Lumikha ang gawaing Kanyang nilayong gawin ayon sa Kanyang plano. Sunud-sunod na lumitaw ang mga bagay na Kanyang hinangad na likhain, at ang paglitaw ng bawat isa ay isang salamin ng awtoridad ng Lumikha, isang pagbubuu-buo ng Kanyang awtoridad; dahil sa mga pagbubuu-buong ito, walang magagawa ang lahat ng nilalang kundi maging mapagpasalamat para sa biyaya at sa pagtustos ng Lumikha. Habang ipinamamalas ng mapaghimalang mga gawa ng Diyos ang kanilang mga sarili, lumobo ang mundong ito, nang paisa-isang piraso, dahil sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at nabago ito mula sa kaguluhan at kadiliman patungo sa kalinawan at kaliwanagan, mula sa patay na katahimikan patungo sa pagiging buhay na buhay at walang-hangganang kasiglahan. Sa lahat ng bagay ng sangnilikha, mula sa malaki hanggang sa maliit, mula sa maliit hanggang sa mikroskopiko, walang hindi nilikha sa pamamagitan ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha, at nagkaroon ng natatangi at likas na pangangailangan at halaga sa pag-iral ng bawat nilalang. Anuman ang mga pagkakaiba sa kanilang mga hugis at kayarian, kailangan silang magawa ng Lumikha para umiral sa ilalim ng awtoridad ng Lumikha. Kung minsan ang mga tao ay makakakita ng insekto, isa na napakapangit, at sasabihin nila, “Ang insektong iyan ay nakakatakot, hindi mangyayari na ang gayong kapangit na bagay ay magagawa ng Diyos—hindi mangyayari na makakalikha Siya ng isang bagay na napakapangit.” Napakahangal na pananaw! Ang dapat nilang sabihin ay, “Kahit napakapangit ng insektong ito, ginawa ito ng Diyos, kaya tiyak na mayroon itong natatanging layunin.” Sa isipan ng Diyos, sinadya Niya na bigyan ng kani-kanilang itsura, at lahat ng uri ng mga tungkulin at mga paggagamitan, ang iba’t ibang mga bagay na may buhay na Kanyang nilikha, at kaya wala sa mga bagay na ginawa ng Diyos ang kinuha mula sa parehong hulmahan. Mula sa kanilang panlabas hanggang sa kanilang panloob na komposisyon, mula sa kanilang nakasanayang pamumuhay hanggang sa lugar na kanilang nasasakupan—magkakaiba ang bawat isa. Ang mga baka ay may itsura ng mga baka, ang mga buriko ay may itsura ng mga buriko, ang mga usa ay may itsura ng mga usa, at ang mga elepante ay may itsura ng mga elepante. Masasabi mo ba kung alin ang pinakamaganda, at alin ang pinakapangit? Masasabi mo ba kung alin ang pinakamahalaga, at aling pag-iral ang pinakahindi kailangan? May mga taong gusto ang itsura ng mga elepante, ngunit walang tao ang gumagamit ng mga elepante para magtanim sa mga bukid; may mga taong gusto ang itsura ng mga leon at tigre, dahil ang kanilang itsura ang pinakakahanga-hanga sa lahat ng bagay, ngunit kaya mo ba silang gawing alagang hayop? Sa madaling salita, pagdating sa di-mabibilang ng mga bagay sa sangnilikha, kailangang umayon ang tao sa awtoridad ng Lumikha, na ang ibig sabihin ay umaayon sa kaayusan na itinakda ng Lumikha sa lahat ng bagay; ito ang pinakamatalinong saloobin. Tanging ang saloobin ng paghahanap, at pagsunod, sa orihinal na mga intensyon ng Lumikha ang tunay na pagtanggap at katiyakan ng awtoridad ng Lumikha. Mabuti ito sa mata ng Diyos, kaya anong dahilan ang mayroon ang tao para maghanap ng kamalian?
Kaya, ang lahat ng bagay sa ilalim ng awtoridad ng Lumikha ay tutugtog ng isang bagong simponya para sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, magsisimula ng isang maningning na pambungad para sa Kanyang gawain sa panibagong araw, at sa sandaling ito, ang Lumikha ay bubuklat din ng bagong pahina sa gawain ng Kanyang pamamahala! Ayon sa batas na itinakda ng Lumikha sa mga sariwang usbong sa tagsibol, sa pagpapahinog sa tag-init, sa pag-aani sa taglagas, at pag-iimbak sa taglamig, ang lahat ng bagay ay aayon sa plano sa pamamahala ng Lumikha, at kanilang sasalubungin ang kanilang sariling bagong araw, bagong simula, at bagong takbuhin ng buhay. Sila’y patuloy na mabubuhay at magpaparami nang sunud-sunod at walang katapusan para salubungin ang bawat araw sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha …
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Mula nang sinimulan Niya ang paglikha sa lahat ng bagay, nagsimulang mahayag at mabunyag ang kapangyarihan ng Diyos, dahil gumamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang lahat ng bagay. Kahit sa ano pa mang paraan Niya nilikha ang mga iyon, ano man ang dahilan kung bakit Niya nilikha ang mga iyon, ang lahat ng bagay ay nalikha at nanindigan at umiral dahil sa mga salita ng Diyos; ito ang natatanging awtoridad ng Lumikha. Noong panahon bago lumitaw ang sangkatauhan sa mundo, ginamit ng Lumikha ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad para likhain ang lahat ng bagay para sa sangkatauhan, at ginamit ang Kanyang mga natatanging pamamaraan para ihanda ang angkop na kapaligiran para sa pamumuhay ng sangkatauhan. Lahat ng Kanyang ginawa ay paghahanda para sa sangkatauhan, na hindi maglalaon ay tatanggap ng Kanyang hininga. Ibig sabihin, noong panahon bago nilikha ang sangkatauhan, naipakita ang awtoridad ng Diyos sa lahat ng nilalang na iba sa sangkatauhan, sa mga bagay na kasing laki ng kalangitan, ng mga tanglaw, ng mga karagatan, at ng kalupaan, at doon sa maliliit na hayop at mga ibon, gayon din sa lahat ng uri ng mga insekto at mikroorganismo, kasama na ang mga iba’t ibang mikrobyo na hindi nakikita ng mata. Binigyan ng buhay ang bawat isa sa pamamagitan ng mga salita ng Lumikha, lumaganap ang bawat isa dahil sa mga salita ng Lumikha, at namuhay ang bawat isa sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha dahil sa Kanyang mga salita. Kahit na hindi nila natanggap ang hininga ng Lumikha, ipinakita pa rin nila ang buhay at kasiglahan na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha sa pamamagitan ng kanilang mga iba’t ibang anyo at mga kayarian; kahit na hindi sila nakatanggap ng abilidad na makapagsalita na ibinigay sa sangkatauhan ng Lumikha, nakatanggap ang bawat isa ng paraan ng paghahayag ng kanilang buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha, at naiiba sa wika ng tao. Ang awtoridad ng Lumikha ay hindi lamang nagbibigay ng kasiglahan ng buhay sa mga animo’y di-gumagalaw na mga materyal na bagay, para hindi sila kailanman maglaho, kundi nagbibigay rin ng likas na kaisipan sa bawat nabubuhay na manganak at magparami, para hindi sila maglalaho kailanman, at para, sa mga susunod na henerasyon, ipapasa nila ang ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha na mga batas at mga prinsipyo ng pananatiling buhay. Ang paraan kung paano ginagamit ng Lumikha ang Kanyang awtoridad ay hindi mahigpit na nakakapit sa malawak o malalim na pananaw, at hindi limitado sa anumang anyo; kaya Niyang pamahalaan ang pagtakbo ng sansinukob at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihang sa pagkabuhay at pagkamatay ng lahat ng bagay, at, higit pa rito, kaya Niyang patakbuhin ang lahat ng bagay para sila’y magsilbi sa Kanya; kaya Niyang pamahalaan ang lahat ng ginagawa ng mga kabundukan, ilog, at lawa, at pagharian ang lahat ng bagay na nakapaloob sa kanila, at, higit pa rito, ay kaya Niyang ibigay kung ano ang kailangan ng lahat ng bagay. Ito ang pagpapamalas ng natatanging awtoridad ng Lumikha sa lahat ng bagay bukod sa sangkatauhan. Ang naturang pagpapamalas ay hindi lamang panghabambuhay; ito ay hindi kailanman hihinto, o magpapahinga, at hindi ito mababago o masisira ng sinumang tao o bagay, ni madaragdagan o mababawasan ng sinumang tao o bagay—dahil walang makakapalit sa pagkakakilanlan ng Lumikha, at, samakatuwid, hindi mapapalitan ng anumang nilikha ang awtoridad ng Lumikha; hindi ito naaabot ng anumang di-nilikha. Halimbawa, ang mga mensahero at mga anghel ng Diyos. Hindi nila taglay ang kapangyarihan ng Diyos, mas lalong hindi nila taglay ang awtoridad ng Lumikha, at ang dahilan kung bakit hindi nila taglay ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay dahil hindi nila taglay ang diwa ng Lumikha. Ang mga di-nilikha, tulad ng mga mensahero at mga anghel ng Diyos, kahit na magagawa nila ang ilang bagay sa ngalan ng Diyos, hindi nila maaaring katawanin ang Diyos. Kahit na may ilang kapangyarihan sila na wala ang tao, hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos, hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos na likhain ang lahat ng bagay, na utusan ang lahat ng bagay, at hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya hindi mapapalitan ng anumang di-nilikha ang pagiging natatangi ng Diyos, at, tulad nito, hindi mapapalitan ng anumang di-nilikha ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Sa Biblia, may nabasa ka bang sinumang mensahero ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay? Bakit hindi inutusan ng Diyos ang sinuman sa Kanyang mga mensahero o mga anghel na likhain ang lahat ng bagay? Ito ay dahil hindi nila taglay ang awtoridad ng Diyos, at kaya wala silang abilidad na gamitin ang awtoridad ng Diyos. Tulad ng lahat ng nilalang, nasa ilalim silang lahat ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nasa ilalim ng awtoridad ng Lumikha, at kaya sa parehong paraan, ang Lumikha rin ang kanilang Diyos at Pinakamataas na Pinuno. Sa bawat isa sa kanila—kung sila man ay marangal o hamak, may malaki o maliit na kapangyarihan—wala ni isa ang makakahigit sa awtoridad ng Lumikha, at kaya sa kanilang lahat, wala ni isa ang makakapalit sa pagkakakilanlan ng Lumikha. Kailanman ay hindi sila matatawag na Diyos, at kailanman ay hindi nila makakayang maging ang Lumikha. Ang mga ito ay di-nababagong mga katotohanan at realidad!
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Sa pag-unlad ngayon ng sangkatauhan, masasabing yumayabong ang siyensiya ng sangkatauhan at kung ilalarawan ang mga nagawa ng mga siyentipikong pananaliksik ng tao ay kahanga-hanga ang mga ito. Masasabi rin na ang abilidad ng tao ay humuhusay nang humuhusay, ngunit may isang pambihirang siyentipikong pagtuklas na hindi pa kayang gawin ng sangkatauhan: Nakagawa na ang sangkatauhan ng mga eroplano, mga kargahan ng eroplano, at ng bombang atomika, nakarating na sa kalawakan ang sangkatauhan, nakalakad sa buwan, nakaimbento ng Internet, at namuhay nang may “hi-tech” na estilo ng pamumuhay, ngunit walang kakayahan ang sangkatauhan na lumikha ng isang buhay at humihingang bagay. Ang mga likas na pag-uugali ng bawat buhay na nilalang at ang mga batas na ipinamumuhay ng mga ito, at ang siklo ng buhay at kamatayan ng bawat uri ng buhay na bagay—ang lahat ng ito ay lampas sa kayang gawin ng siyensiya ng sangkatauhan at hindi kayang kontrolin nito. Sa puntong ito, masasabi na kahit gaano kataas ang naaabot ng siyensiya ng tao, hindi ito naihahambing sa alinman sa mga iniisip ng Lumikha, at walang kakayahang makilala ang mahimalang paglikha ng Lumikha at ang kapangyarihan ng Kanyang awtoridad. Napakarami ng mga karagatan sa ibabaw ng lupa, ngunit hindi kailanman nilabag ng mga ito ang kanilang mga hangganan at basta-basta na lamang umagos sa lupa, at ito’y dahil itinakda ng Diyos ang hangganan ng bawat isa sa kanila; nanatili sila kung saan man sila inutusang manatili, at hindi malayang makagagalaw ang mga ito nang walang pahintulot ng Diyos. Kapag walang pahintulot ang Diyos, hindi sila maaaring manghimasok sa bawat isa, at makagagalaw lamang kapag sinabi ito ng Diyos, at tinutukoy ng awtoridad ng Diyos kung saan sila pumupunta at nananatili.
Para gawin itong malinaw, “ang awtoridad ng Diyos” ay nangangahulugang bahala ang Diyos. May karapatan ang Diyos na magpasya kung paano gawin ang isang bagay, at ginagawa ito sa kung papaanong paraan Niya naisin. Nakasalalay sa Diyos ang batas ng lahat ng bagay, at hindi nakabatay sa tao; ni hindi ito mababago ng tao. Hindi ito matitinag ng kalooban ng tao, bagkus ay binabago ito ng mga iniisip ng Diyos, ng karunungan ng Diyos, at ng mga utos ng Diyos; ito ay isang katotohanan na hindi kayang itanggi ng sinumang tao. Ang mga kalangitan at lupa at lahat ng bagay, ang sansinukob, ang mabituing kalawakan, ang apat na panahon ng taon, ang nakikita at di-nakikita ng tao—ang lahat ng ito ay umiiral, gumagana, at nagbabago nang wala ni katiting na pagkakamali, sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, ayon sa mga atas ng Diyos, ayon sa mga kautusan ng Diyos, at ayon sa mga batas ng simula ng paglikha. Wala kahit isang tao o bagay ang makakapagbago ng kanilang mga batas, o makakapagbago ng likas na landas ng kanilang paggana; sila ay naging kung ano sila dahil sa awtoridad ng Diyos, at nawawala dahil sa awtoridad ng Diyos. Ito ang mismong awtoridad ng Diyos. Ngayon na ganito na karami ang nasabi na, nararamdaman mo ba na ang awtoridad ng Diyos ay sagisag ng pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos? Matataglay ba ng anumang nilikha o di-nilikha ang awtoridad ng Diyos? Maaari ba itong magaya, matularan, o mapalitan ng anumang tao, bagay, o layon?
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Kayang lumikha ng kapangyarihan ng Diyos ng mga bagay sa anumang anyo na may buhay at kasiglahan, at pinagpapasyahan ito ng buhay ng Diyos. Ang Diyos ay buhay, kaya Siya ang pinagmumulan ng lahat ng nabubuhay. Dagdag pa rito, mapapasunod ng awtoridad ng Diyos ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa bawat salita ng Diyos, ang ibig sabihin nito ay mabuo nang naaayon sa mga salita mula sa bibig ng Diyos, at mamuhay at magparami sa pamamagitan ng utos ng Diyos, matapos nito ay napaghaharian at nauutusan ng Diyos ang lahat ng bagay na nabubuhay, at hindi kailanman magkakaroon ng paglihis, magpasawalang-hanggan. Walang tao o bagay ang mayroon ng ganitong mga bagay; tanging ang Lumikha lamang ang nagtataglay at mayroon ng gayong kapangyarihan, at kaya ito ay tinatawag na awtoridad. Ito ang pagiging natatangi ng Lumikha. Dahil dito, kung ito man ay ang salitang “awtoridad” mismo o ang diwa ng awtoridad na ito, ang bawat isa ay maiuugnay lamang sa Lumikha, dahil ito ay sagisag ng natatanging pagkakakilanlan at diwa ng Lumikha, at kumakatawan ito sa pagkakakilanlan at katayuan ng Lumikha; bukod sa Lumikha, walang tao o bagay ang maiuugnay sa salitang “awtoridad.” Ito ay isang pagpapakahulugan sa natatanging awtoridad ng Lumikha.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
“Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.” Ito ang orihinal na mga salita na binigkas ng Lumikha sa sangkatauhan. Nang sinabi Niya ang mga salitang ito, lumitaw ang isang bahaghari sa harapan ng tao, kung saan ito ay nanatili na hanggang ngayon. Lahat ay nakakita na ng naturang bahaghari, at kapag nakikita mo ito, alam mo ba kung paano ito nagpapakita? Walang kakayahan ang siyensya na patunayan ito, o hanapin ang pinagmulan nito, o tukuyin kung nasaan ito. Iyan ay dahil ang bahaghari ay tanda ng kasunduang itinatag sa pagitan ng Lumikha at ng tao; hindi nito kailangan ang siyentipikong basehan, hindi ito ginawa ng tao, ni hindi ito kayang baguhin ng tao. Pagpapatuloy ito ng awtoridad ng Lumikha matapos Niyang bigkasin ang Kanyang mga salita. Ginamit ng Lumikha ang Kanyang sariling partikular na paraan para tumalima sa Kanyang kasunduan sa tao at sa Kanyang pangako, at kaya ang paggamit Niya sa bahaghari bilang isang tanda ng kasunduan na Kanyang naitatag na ay isang kautusan at batas ng kalangitan na magpakailanman ay mananatiling di-nagbabago, kung patungkol man sa Lumikha o sa nilikhang sangkatauhan. Dapat sabihin na ang di-nagbabagong batas na ito ay isa pang tunay na pagpapamalas ng awtoridad ng Lumikha kasunod ng paglikha Niya ng lahat ng bagay, at dapat sabihin na ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay walang-hangganan; ang paggamit Niya ng bahaghari bilang tanda ay pagpapatuloy at karugtong ng awtoridad ng Lumikha. Isa na naman itong pagkilos na isinagawa ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, at tanda ng kasunduang itinatag na ng Diyos sa tao gamit ang mga salita. Sinabi Niya sa tao ang tungkol doon sa Kanyang pinagpasyahang gawin, at kung paano ito matutupad at makakamit. Sa paraang ito ang bagay ay natupad ayon sa mga salita mula sa bibig ng Diyos. Tanging Diyos lamang ang mayroong ganoong kapangyarihan, at ngayon, ilang libong taon matapos Niyang bigkasin ang mga salitang ito, makakatingin pa rin ang tao sa bahaghari na binigkas mula sa bibig ng Diyos. Dahil sa mga salitang yaon na binigkas ng Diyos, nanatiling walang pagbabago at di-nagbabago ang bagay na ito hanggang sa ngayon. Walang sinuman ang makatatanggal sa bahagharing ito, walang makapagbabago ng mga batas nito, at umiiral lamang ito para sa mga salita ng Diyos. Ito mismo ang awtoridad ng Diyos. “Kasingbuti ng Diyos ang Kanyang salita, at matutupad ang Kanyang salita, at kung ano ang natupad ay mananatili magpakailanman.” Malinaw na ipinapahayag ang mga salita ito rito, at malinaw itong tanda at katangian ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ang gayong tanda o katangian ay hindi taglay o nakikita sa anumang mga nilikha, ni hindi ito nakikita sa anumang di-nilikha. Sa natatanging Diyos lamang ito, at tinutukoy nito ang kaibahan ng pagkakakilanlan at diwa na taglay lamang ng Lumikha mula roon sa taglay ng mga nilikha. Kasabay nito, ito rin ay tanda at katangian na hindi mahihigitan ng anumang nilikha o di-nilikha maliban sa Diyos Mismo.
Ang pagtatatag ng Diyos sa Kanyang kasunduan sa tao ay isang pagkilos na may malaking kahalagahan, isa na nilayon Niyang gamitin para ipahayag ang isang katotohanan sa tao at sabihin sa tao ang Kanyang kalooban. Para sa layuning ito gumamit Siya ng isang natatanging paraan, gamit ang isang espesyal na tanda para magtatag ng kasunduan sa tao, isang tanda na isang pangako ng kasunduan na Kanyang itinatag sa tao. Kung gayon, malaking pangyayari ba ang pagtatatag ng kasunduang ito? Gaano ba ito kalaki? Ito mismo ang napakaespesyal sa kasunduang ito: Hindi ito isang kasunduang itinatag sa pagitan ng isang tao at ng isa pa, o ng isang grupo at ng isa pa, o ng isang bansa at ng isa pa, kundi isang kasunduang itinatag sa pagitan ng Lumikha at ng buong sangkatauhan, at mananatili itong may bisa hanggang sa araw na bubuwagin ng Lumikha ang lahat ng bagay. Ang Lumikha ang tagapagpatupad ng kasunduang ito, at ang Lumikha din ang tagapagpanatili nito. Sa madaling salita, ang kabuuan ng kasunduan ng bahaghari na itinatag sa sangkatauhan ay natupad at nakamit ayon sa pag-uusap sa pagitan ng Lumikha at sangkatauhan, at nanatili pa rin ganito hanggang ngayon. Ano pa ba ang maaaring gawin ng mga nilalang bukod sa magpasakop, sumunod, maniwala, magpahalaga, sumaksi, at magpuri sa awtoridad ng Lumikha? Sapagkat walang sinuman kundi ang bukod-tanging Diyos lamang ang may kapangyarihang magtatag ng naturang kasunduan. Muli’t muli, ang pagpapakita ng bahaghari ay nagbabalita sa sangkatauhan at tinatawag ang kanyang atensiyon sa kasunduan sa pagitan ng Lumikha at ng sangkatauhan. Sa patuloy na mga paglitaw ng kasunduan sa pagitan ng Lumikha at ng sangkatauhan, ang ipinakikita sa sangkatauhan ay hindi isang bahaghari o ang mismong kasunduan, kundi ang di-nagbabagong awtoridad ng Lumikha. Ang paulit-ulit na paglitaw ng bahaghari ay nagpapakita ng matitindi at mahimalang mga gawain ng Lumikha sa mga nakatagong lugar, at, kasabay nito, ay isang mahalagang repleksyon sa awtoridad ng Lumikha na hindi kailanman kukupas, at hindi kailanman magbabago. Hindi ba ito isang pagpapakita ng isa pang aspeto ng natatanging awtoridad ng Lumikha?
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Nang sinabi ng Diyos “pararamihin Ko ang iyong binhi,” ito ay kasunduang itinatag ng Diyos kay Abraham, at tulad ng kasunduan ng bahaghari, matutupad ito magpasawalang-hanggan, at ito ay isa ring pangako na ginawa ng Diyos kay Abraham. Tanging Diyos lamang ang kwalipikado at may kakayahang isakatuparan ang pangakong ito. Naniniwala man ang tao o hindi, tinatanggap man ito ng tao o hindi, at kung paano man ito tinitingnan o itinuturing ng tao, matutupad ang lahat ng ito nang eksakto, ayon sa mga salitang binigkas ng Diyos. Hindi mababago ang mga salita ng Diyos dahil sa mga pagbabago ng kalooban o mga kuru-kuro ng tao, at hindi ito mababago dahil sa mga pagbabago sa sinumang tao o anumang bagay o layon. Maaaring mawala ang lahat ng bagay, ngunit mananatili ang mga salita ng Diyos magpakailanman. Sa totoo lang, ang araw na mawawala ang lahat ng bagay ay ang mismong araw kung kailan ang mga salita ng Diyos ay lubos na matutupad, dahil Siya ang Lumikha, taglay Niya ang awtoridad ng Lumikha, ang kapangyarihan ng Lumikha, at kontrolado Niya ang lahat ng bagay at lahat ng puwersa ng buhay; kaya Niyang magpalabas ng isang bagay mula sa wala, o magpalaho ng isang bagay, at kontrolado Niya ang pagbabagong-anyo ng lahat ng bagay mula sa pagkabuhay hanggang sa kamatayan, dahil para sa Diyos, wala nang mas sisimple pa kaysa sa pagpaparami ng anak ng isang tao. Mukha itong hindi kapani-paniwala sa tao, parang isang kwentong pambata, ngunit para sa Diyos, ang Kanyang pinagpasyahang at ipinangakong gawin ay hindi isang bagay na hindi kapani-paniwala, ni hindi ito isang kwentong pambata. Sa halip, ito ay isang katotohanang nakita na ng Diyos at tiyak na matutupad. Pinahahalagahan ba ninyo ito? Pinapatunayan ba ng mga tunay na impormasyon na napakarami ang mga inapo ni Abraham? At gaano nga ba karami? Sindami ba ng “mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat” na sinabi ng Diyos? Kumalat ba sila sa lahat ng bansa at rehiyon, sa bawat lugar sa mundo? Sa anong paraang natupad ang katotohanang ito? Natupad ba ito sa pamamagitan ng awtoridad ng mga salita ng Diyos? Sa ilang daan o libong taon matapos mabigkas ang mga salita ng Diyos, patuloy na natutupad ang mga salita ng Diyos, at patuloy na nagiging mga napatunayang bagay; ito ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at katibayan ng awtoridad ng Diyos. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa simula, sinabi ng Diyos na “magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag. Ito ay mabilis na nangyari, natupad sa napakaikling panahon, at walang pagkaantala sa pagsasagawa at katuparan nito; agaran ang mga bisa ng mga salita ng Diyos. Kapwa pagpapakita ng awtoridad ng Diyos ang mga ito, ngunit nang pinagpala ng Diyos si Abraham, pinahintulutan Niyang makita ng tao ang isa pang aspeto ng diwa ng awtoridad ng Diyos, at gayundin ang awtoridad ng Lumikha na hindi masusukat, at higit pa rito, pinahintulutan Niya ang tao na makita ang mas totoo at mas engrandeng aspeto ng awtoridad ng Lumikha.
Kapag ang mga salita ng Diyos ay binigkas, ang awtoridad ng Diyos ang siyang nagpapatakbo sa gawaing ito, at ang katotohanang ipinangako ng bibig ng Diyos ay unti-unting nagsisimula na maging realidad. Bunga nito, nagsisimulang lumitaw ang pagbabago sa lahat ng bagay, tulad ng kung paano nagiging berde ang damo, namumukadkad ang mga bulaklak, umuusbong ang mga suloy sa mga puno, nagsisimulang mag-awitan ang mga ibon, bumabalik ang mga gansa, at napupuno ng mga tao ang mga parang sa pagdating ng tagsibol…. Sa pagdating ng tagsibol ang lahat ng bagay ay napapanariwa, at ito ang mahimalang gawain ng Lumikha. Kapag tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, nanunumbalik at nagbabago ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ayon sa mga iniisip ng Diyos—walang hindi kasali. Kapag binibigkas ang isang panata o pangako mula sa bibig ng Diyos, ang lahat ng bagay ay kumikilos para sa katuparan nito, at minamaniobra alang-alang sa katuparan nito; ang lahat ng nilalang ay binubuo at inaayos sa ilalim ng pamamahala ng Lumikha, gumaganap ng kani-kanilang mga papel, at ginagawa ang kani-kanilang mga tungkulin. Ito ang pagpapamalas ng awtoridad ng Lumikha. Ano ang nakikita mo rito? Paano mo nalalaman ang awtoridad ng Diyos? May hangganan ba ang awtoridad ng Diyos? May limitasyon ba ang oras nito? Masasabi ba kung ano ang taas o haba nito? Masasabi ba kung ano ang sukat o lakas nito? Masusukat ba ito batay sa mga sukat ng tao? Hindi patay-sindi ang awtoridad ng Diyos, hindi ito pabalik-balik, at walang sinuman ang makakasukat kung gaano kadakila ang Kanyang awtoridad. Kahit gaano pa katagal ang panahon na lumilipas, kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, magpapatuloy ang pagpapalang ito, at ang pagpapatuloy nito ay nagpapatotoo sa di-masusukat na awtoridad ng Diyos, at magpapahintulot sa sangkatauhan na paulit-ulit na mamasdan ang muling pagpapakita ng hindi-namamatay na puwersa ng buhay ng Lumikha. Ang bawat pagpapakita ng Kanyang awtoridad ay ang perpektong paglalahad ng mga salita mula sa Kanyang bibig na ipinapakita sa lahat ng bagay, at sa sangkatauhan. Bukod pa rito, ang lahat ng bagay na tinupad ng Kanyang awtoridad ay walang-kapantay ang kagandahan, at lubusang walang-kapintasan. Masasabing ang Kanyang mga iniisip, ang Kanyang mga salita, ang Kanyang awtoridad, at ang lahat ng gawaing Kanyang tinutupad ay larawang walang-katulad ang kagandahan, at para sa mga nilalang, ang wika ng sangkatauhan ay walang kakayahang sabihin nang malinaw ang kabuluhan at halaga nito. Kapag nangangako ang Diyos sa isang tao, ang lahat ng ito ay kasing pamilyar sa Diyos gaya ng likod ng Kanyang kamay, kung ito man ay kung saan sila nakatira, o kung ano ang kanilang ginagawa, ang kanilang nakaraan o matapos nilang matanggap ang pangako, o kung gaano man katindi ang mga kaguluhan sa paligid ng kanilang tinitirahan. Kahit pa gaano katagal na panahon ang lumipas matapos na mabigkas ang mga salita ng Diyos, para sa Kanya, parang kabibigkas lamang ng mga ito. Ang ibig sabihin nito ay may kapangyarihan ang Diyos, at may gayong awtoridad, na kaya Niyang subaybayan, kontrolin, at tuparin ang bawat pangako na Kanyang ginagawa sa sangkatauhan, at kahit ano pa man ang pangakong iyon, kahit pa gaano katagal bago ganap na matupad ang mga ito, at, higit pa rito, kahit gaano man kalawak ang nasasaklaw ng katuparan niyon—halimbawa, oras, heograpiya, lahi, at iba pa—matutupad at maisasakatuparan ang pangakong ito, at, higit pa rito, hindi mangangailangan na kumilos ni katiting ang Diyos para sa katuparan at kaganapan nito. At ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay sapat upang kontrolin ang buong sansinukob, at ang buong sangkatauhan. Ginawa ng Diyos ang liwanag, ngunit hindi ibig sabihin na liwanag lamang ang pinamamahalaan ng Diyos, o na tubig lamang ang Kanyang pinamamahalaan dahil nilikha Niya ang tubig, at walang kaugnayan sa Diyos ang lahat ng iba pa. Hindi ba ito maling pagkaunawa? Kahit na unti-unting nawala na sa alaala ng tao ang pagpapala ng Diyos kay Abraham matapos ang ilang daang taon, para sa Diyos, nanatiling pareho pa rin ang pangakong ito. Tinutupad pa rin ito, at hindi kailanman huminto. Hindi kailanman nalaman o narinig ng tao kung paano ginamit ng Diyos ang Kanyang awtoridad, kung paano isinaayos at inihanda ang lahat ng bagay, at kung gaano karaming magagandang kwento ang nangyari sa lahat ng bagay ng sangnilikha ng Diyos sa mga panahong ito, ngunit ang bawat nakakamanghang piraso ng pagpapakita ng awtoridad ng Diyos at pagpapahayag ng Kanyang mga gawa ay ipinasa at dinakila sa gitna ng lahat ng bagay, ipinakita at sinabi ng lahat ng bagay ang mahimalang mga gawa ng Lumikha, at ang bawat labis na sinasabing kwento ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa lahat ng bagay ay ipapahayag ng lahat ng bagay magpakailanman. Ang awtoridad na ginagamit ng Diyos para pagharian ang lahat ng bagay, at ang kapangyarihan ng Diyos, ay nagpapakita sa lahat ng bagay na ang Diyos ay nasa lahat ng lugar at nasa sa lahat ng sandali. Kapag nasaksihan mo na nasa lahat ng lugar ang presensya ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, makikita mo na nasa lahat ng lugar ang Diyos at sa lahat ng sandali. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay hindi limitado ng panahon, heograpiya, espasyo, o sinumang tao, pangyayari o bagay. Ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay lampas sa imahinasyon ng tao; hindi ito maarok ng tao, hindi kayang ilarawan sa isip ng tao, at hindi kailanman lubusang malalaman ng tao.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Bagama’t nagtataglay ang Diyos ng awtoridad at kapangyarihan, napakahigpit Niya at maprinsipyo sa Kanyang mga pagkilos, at nananatiling totoo sa Kanyang salita. Ang pagiging mahigpit Niya, at ang mga prinsipyo ng Kanyang mga pagkilos, ay nagpapakita na di-nasasaktan ang Lumikha at di-nalalampasan ang awtoridad ng Lumikha. Kahit na nagtataglay Siya ng kataas-taasang awtoridad, at ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng Kanyang pamamahala, at kahit na may kapangyarihan Siya na pagharian ang lahat ng bagay, hindi kailanman nasira o nagambala ng Diyos ang Kanyang sariling plano, at sa bawat pagkakataon na Kanyang ginagamit ang Kanyang awtoridad, ito ay mahigpit na naaayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo, at lubos na sumusunod sa kung ano ang binigkas mula sa Kanyang bibig, at sumusunod sa mga hakbang at layunin ng Kanyang plano. Hindi na kailangan pang sabihin, ang lahat ng bagay na pinaghaharian ng Diyos ay sumusunod din sa mga prinsipyo kung paano ginagamit ang awtoridad ng Diyos, at walang tao o bagay ang hindi kasali sa pagsasaayos ng Kanyang awtoridad, ni hindi nila mababago ang mga prinsipyo kung paano ginagamit ang Kanyang awtoridad. Sa mga mata ng Diyos, ang mga pinagpala ay nakakatanggap ng magandang kapalaran na dala ng Kanyang awtoridad, at ang mga isinusumpa ay nakakatanggap ng kanilang kaparusahan dahil sa awtoridad ng Diyos. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos, walang tao o bagay ang hindi saklaw ng paggamit ng Kanyang awtoridad, ni makapagbabago ng mga prinsipyo kung paano ginagamit ang Kanyang awtoridad. Ang awtoridad ng Lumikha ay hindi nababago ng mga pag-iiba sa anumang salik, at gayundin, hindi nababago ng anumang dahilan ang mga prinsipyo kung paano ginagamit ang Kanyang awtoridad. Maaaring sumailalim sa napakalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang awtoridad ng Lumikha ay hindi magbabago; mawala man ang lahat ng bagay, ngunit hindi kailanman mawawala ang awtoridad ng Lumikha. Ito ang diwa ng di-nagbabago at di-nalalabag na awtoridad ng Lumikha, at ito mismo ang pagiging napakanatatangi ng Lumikha!
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.