Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III
Nagkaroon na ng malaking epekto sa bawat isa sa inyo ang ating nakaraang ilang pagbabahaginan. Sa ngayon, sa wakas ay talagang nararamdaman na ng mga tao ang tunay na pag-iral ng Diyos at na sa katunayan ay napakalapit ng Diyos sa tao. Bagaman maaaring naniwala na ang mga tao sa Diyos nang maraming taon, hindi nila kailanman tunay na naunawaan ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya gaya nang nauunawaan nila ngayon, ni tunay nilang naranasan ang Kanyang praktikal na mga gawa gaya nang nararanasan nila ngayon. Maging kaalaman man o aktwal na pagsasagawa ito, may bago nang natutuhan ang karamihan sa mga tao at nagkamit na sila ng mas malaking pagkaunawa, at napagtanto na nila ang kamalian sa kanilang sariling mga paghahangad sa nakaraan, napagtanto ang kababawan ng kanilang karanasan at na masyadong marami sa kanilang karanasan ang hindi ayon sa kalooban ng Diyos, at napagtanto na ang pinakakulang sa tao ay ang kaalaman sa disposisyon ng Diyos. Isang uri lamang ng kaalaman batay sa pang-unawa ang kaalamang ito sa panig ng tao; kinakailangan ang unti-unting pagpapalalim at pagpapalakas sa pamamagitan ng mga karanasan ng isang tao upang makaabot sa antas ng makatwirang kaalaman. Bago tunay na maunawaan ng tao ang Diyos, maaaring masabi sa pansarili na naniniwala nga sila sa pag-iral ng Diyos sa kanilang mga puso, ngunit wala silang tunay na pagkaunawa sa partikular na mga katanungang gaya ng kung anong uri ng Diyos talaga Siya, kung ano ang kalooban Niya, kung ano ang disposisyon Niya, at kung ano ang tunay Niyang saloobin tungo sa sangkatauhan. Lubos na kinukompromiso nito ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, pinipigilan ang kanilang pananampalataya na makamit ang kadalisayan o pagkaperpekto. Kahit na nakaharap ka nang mukhaan sa salita ng Diyos, o nadarama na nakaharap mo na ang Diyos sa pamamagitan ng mga karanasan mo, hindi pa rin masasabing lubos mo na Siyang nauunawaan. Sapagkat hindi mo nalalaman ang mga kaisipan ng Diyos, o kung ano ang Kanyang iniibig at Kanyang kinamumuhian, kung ano ang ikinagagalit Niya at kung ano ang nagdudulot sa Kanya ng kagalakan, samakatuwid ay wala kang tunay na pagkaunawa sa Kanya. Itinayo ang iyong pananampalataya sa isang saligan ng kalabuan at imahinasyon, batay sa pansarili mong mga pagnanais. Malayo pa rin ito sa isang tunay na paniniwala, at malayo ka pa rin sa pagiging isang tunay na tagasunod. Tinulutan ang mga tao ng mga pagpapaliwanag sa mga halimbawa mula sa mga kuwentong ito sa Bibliya na malaman ang puso ng Diyos, kung ano ang Kanyang iniisip sa bawat hakbang ng Kanyang gawain at kung bakit Niya ginawa ang gawaing ito, kung ano ang Kanyang orihinal na layunin at Kanyang plano nang gawin Niya ito, kung paano Niya nakamit ang Kanyang mga ideya, at kung paano Niya inihanda at binuo ang Kanyang plano. Sa pamamagitan ng mga kuwentong ito, makakamit natin ang isang detalyado at tiyak na pagkaunawa sa bawat partikular na layunin ng Diyos at bawat tunay na kaisipan sa panahon ng Kanyang anim na libong taon ng gawain ng pamamahala, at sa Kanyang saloobin tungo sa mga tao sa magkakaibang pagkakataon at sa magkakaibang kapanahunan. Kung mauunawaan ng mga tao kung ano ang iniisip ng Diyos noon, kung ano ang Kanyang saloobin noon, at ang disposisyon na Kanyang ibinunyag sa pagharap Niya sa bawat sitwasyon, makatutulong ito sa bawat tao na higit na mapagtanto ang Kanyang tunay na pag-iral, at higit na madama ang Kanyang pagiging praktikal at pagiging tunay. Ang Aking layon sa paglalahad sa mga kuwentong ito ay hindi upang maunawaan ng mga tao ang kasaysayang biblikal, ni upang tulungan silang maging pamilyar sa mga talata ng Bibliya o sa mga tao rito, at lalong hindi upang tulungan ang mga tao na maunawaan ang nasa likod ng kung ano ang ginawa ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan. Sa halip, ito ay upang matulungan ang mga tao na maunawaan ang kalooban ng Diyos, ang Kanyang disposisyon, at ang bawat maliit na bahagi Niya, at makamit ang isang mas tunay at mas tumpak na pagkaunawa at kaalaman sa Diyos. Sa ganitong paraan, magagawa ng puso ng mga tao, nang paunti-unti, na maging bukas sa Diyos, mapalapit sa Diyos, at magagawa nila na mas maunawaan Siya, ang Kanyang disposisyon, ang Kanyang diwa, at mas makilala ang tunay na Diyos Mismo.
Maaaring magkaroon ng positibong epekto sa mga tao ang kaalaman sa disposisyon ng Diyos at sa kung anong mayroon at ano Siya. Makatutulong ito sa kanila na magkaroon ng higit na pagtitiwala sa Diyos at makatutulong sa kanila na makamit ang tunay na pagsunod at takot sa Kanya. Kung gayon, hindi na sila bulag na susunod o sasamba sa Kanya. Hindi nais ng Diyos ang mga hangal o yaong bulag na sumusunod sa karamihan, kundi sa halip ay ang isang grupo ng mga tao na mayroong malinaw na pagkaunawa at kaalaman sa disposisyon ng Diyos sa kanilang mga puso at maaaring tumayong mga saksi ng Diyos, mga tao na, dahil sa Kanyang pagiging kaibig-ibig, dahil sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at dahil sa Kanyang matuwid na disposisyon, ay hindi kailanman iiwan ang Diyos. Bilang isang tagasunod ng Diyos, kung mayroon pa ring kakulangan ng kalinawan sa iyong puso, o mayroon pa ring kalabuan o pagkalito tungkol sa tunay na pag-iral ng Diyos, sa Kanyang disposisyon, sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at sa Kanyang plano na iligtas ang sangkatauhan, hindi makakamit ng iyong pananampalataya ang papuri ng Diyos. Hindi nais ng Diyos na sumunod sa Kanya ang ganitong uri ng tao, at hindi Niya nais na humarap sa Kanya ang ganitong uri ng tao. Sapagkat hindi nauunawaan ng ganitong uri ng tao ang Diyos, hindi nila kayang ibigay ang kanilang puso sa Diyos—sarado ang kanilang puso sa Kanya, kaya puspos ng karumihan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Matatawag lamang na bulag ang kanilang pagsunod sa Diyos. Makakamit lamang ng mga tao ang tunay na paniniwala at magiging tunay na mga tagasunod kung mayroon silang tunay na pagkaunawa at kaalaman sa Diyos, na nagdudulot sa kanila ng tunay na pagsunod at takot sa Diyos. Sa ganitong paraan lamang nila maibibigay ang kanilang puso sa Diyos at mabubuksan ito sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, sapagkat ang lahat ng kanilang ginagawa at iniisip ay makatatagal sa pagsubok ng Diyos at makapagpapatotoo sa Diyos. Lahat ng Aking ipinagbibigay-alam sa inyo tungkol sa disposisyon ng Diyos, o kung anong mayroon at kung ano Siya, o Kanyang kalooban at ang Kanyang mga kaisipan sa lahat ng Kanyang ginagawa, at mula sa alinmang pananaw, mula sa alinmang anggulo Ako nagsasalita tungkol dito, ang lahat ng ito ay upang tulungan kayo na maging mas tiyak tungkol sa tunay na pag-iral ng Diyos, mas tunay na maunawaan at pahalagahan ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, at mas tunay na maunawaan at pahalagahan ang pagmamalasakit ng Diyos para sa mga tao, at ang Kanyang dalisay na pagnanais na pamahalaan at iligtas ang sangkatauhan.
Isang Pagbabalik-tanaw sa mga Kaisipan, Ideya, at Kilos ng Diyos Magmula Nang Likhain Niya ang Sanlibutan
Sa araw na ito ay una muna nating ibubuod ang mga kaisipan, mga ideya, at ang bawat galaw ng Diyos mula nang likhain Niya ang sangkatauhan. Titingnan natin kung anong gawain ang Kanyang isinakatuparan, mula sa paglikha ng mundo hanggang sa opisyal na pagsisimula ng Kapanahunan ng Biyaya. Matutuklasan natin pagkatapos kung alin sa mga kaisipan at mga ideya ng Diyos ang hindi batid ng tao, at mabibigyang-linaw natin mula roon ang pagkakasunud-sunod ng plano ng pamamahala ng Diyos, at lubusang mauunawaan ang konteksto kung saan nilikha ng Diyos ang Kanyang plano ng pamamahala, ang pinagmumulan at ang proseso ng pag-unlad nito, at lubusan din nating mauunawaan kung anong mga resulta ang Kanyang nais mula sa Kanyang gawain ng pamamahala—iyon ay, ang pinakasentro at ang layon ng Kanyang gawain ng pamamahala. Upang maunawaan ang mga bagay na ito, kailangan nating bumalik sa isang malayo, payapa at tahimik na panahon kung kailan wala pa ang mga tao …
Nilikha Mismo ng Diyos ang Unang Taong May-Buhay
Nang bumangon ang Diyos mula sa Kanyang higaan, ito ang una Niyang naisip: ang lumikha ng isang buhay na tao—isang tunay at buhay na tao—isang taong makakapiling at palaging makakasama Niya; maaaring makinig ang taong ito sa Kanya, at maaari Siyang magtiwala at makipag-usap sa kanya. Pagkatapos, sa unang pagkakataon, dumampot ang Diyos ng isang dakot ng lupa at ginamit ito upang likhain ang kauna-unahang buhay na tao ayon sa larawang naisip Niya sa Kanyang isipan, at pagkatapos ay binigyan Niya ng pangalan ang buhay na nilalang na ito—Adan. Sa sandaling nagkaroon ang Diyos ng buhay at humihingang taong ito, ano ang Kanyang nadama? Sa unang pagkakataon, naramdaman Niya ang kagalakan ng pagkakaroon ng isang minamahal, isang makakasama. Naramdaman din Niya sa unang pagkakataon ang pananagutan ng pagiging isang ama at ang pagmamalasakit na kaagapay nito. Nagdulot ng kasiyahan at kagalakan sa Diyos ang buhay at humihingang taong ito; naramdaman Niya ang kaaliwan sa unang pagkakataon. Ito ang kauna-unahang bagay na ginawa ng Diyos na hindi naisakatuparan gamit ang Kanyang mga kaisipan o maging mga salita, bagkus ay nagawa gamit ang Kanyang sariling mga kamay. Nang ang uri ng nilalang na ito—isang buhay at humihingang tao—ay tumayo sa harap ng Diyos, na gawa sa laman at dugo, na may katawan at anyo, at nagagawang makipag-usap sa Diyos, naranasan Niya ang isang uri ng kagalakan na hindi pa Niya kailanman nadama. Tunay na nadama ng Diyos ang pananagutan Niya, at hindi lamang pumukaw sa Kanyang puso ang buhay na nilalang na ito bagkus ay pinasigla at inantig ang Kanyang puso sa bawat maliit na galaw na ginawa nito. Nang tumayo sa harapan ng Diyos ang buhay na nilalang na ito, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon Siya ng kaisipang magkamit ng mas maraming gayong tao. Ito ang magkakasunod na mga pangyayari na nagsimula sa unang kaisipang ito ng Diyos. Para sa Diyos, nagaganap ang lahat ng pangyayaring ito sa unang pagkakataon, subalit sa unang mga pangyayaring ito, anuman ang nadama Niya sa panahong iyon—kagalakan, pananagutan, pagmamalasakit—wala Siyang mapagbahagiang sinuman. Simula sa sandaling iyon, tunay na nadama ng Diyos ang isang kalumbayan at isang kalungkutang hindi pa Niya kailanman nadama. Nadama Niya na hindi matatanggap o mauunawaan ng tao ang Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit, o ang Kanyang mga layunin sa tao, kaya nakaramdam pa rin Siya ng kalungkutan at kirot sa Kanyang puso. Bagaman ginawa Niya ang mga bagay na ito para sa tao, hindi ito batid ng tao at hindi naunawaan. Maliban sa kasiyahan, ang kagalakan at kaaliwan na idinulot ng tao sa Kanya ay mabilis ding idinulot na kasama nito ang una Niyang mga damdamin ng kalungkutan at kalumbayan. Ito ang mga kaisipan at mga damdamin ng Diyos sa panahong iyon. Habang ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay na ito, sa Kanyang puso ay napunta Siya mula sa kagalakan patungo sa kalungkutan at mula sa kalungkutan patungo sa kirot, at may halong pagkabalisa ang mga damdaming ito. Ang gusto lamang Niyang gawin ay magmadali na tulutan ang taong ito, ang sangkatauhang ito na malaman kung ano ang nasa Kanyang puso at maunawaan ang Kanyang mga layunin sa mas lalong madaling panahon. Pagkatapos, maaari silang maging mga tagasunod Niya at makibahagi sa mga kaisipan Niya at maging kaayon ng kalooban Niya. Hindi na sila makikinig lamang sa pagsasalita ng Diyos at mananatiling walang imik; hindi na sila magiging walang kabatiran sa kung paano makisama sa Diyos sa Kanyang gawain; higit sa lahat, hindi na sila magiging mga taong nagwawalang-bahala sa mga hinihingi ng Diyos. Ang unang mga bagay na ito na ginawa ng Diyos ay lubhang makabuluhan at may malaking kahalagahan para sa Kanyang plano ng pamamahala at para sa mga tao ngayon.
Pagkatapos likhain ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan, hindi nagpahinga ang Diyos. Hindi Siya mapalagay at sabik na isakatuparan ang Kanyang pamamahala, at na makamit ang mga taong pinakamamahal Niya sa sangkatauhan.
Gumawa ang Diyos ng Serye ng Walang-Katulad na mga Gawain Bago at Pagkatapos ng Kapanahunan ng Kautusan
Sunod, di-nagtagal pagkatapos likhain ng Diyos ang mga tao, nakikita natin mula sa Bibliya na nagkaroon ng malaking baha sa buong daigdig. Nabanggit si Noe sa tala ng baha, at maaaring sabihin na si Noe ang unang tao na tumanggap sa tawag ng Diyos na gumawang kasama Niya upang maisakatuparan ang isang gawain ng Diyos. Mangyari pa, ito rin ang unang pagkakataon na tumawag ang Diyos ng isang tao sa lupa na gumawa ng isang bagay alinsunod sa Kanyang utos. Sa sandaling natapos ni Noe ang paggawa ng arka, nagpasapit ng baha ang Diyos sa lupa sa unang pagkakataon. Nang gunawin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha, iyon ang unang pagkakataon buhat nang likhain ang mga tao na nadama Niyang puspos Siya ng galit sa kanila; ito ang nagtulak sa Diyos upang gawin ang masakit na desisyon na wasakin ang lahing ito ng tao sa pamamagitan ng isang baha. Matapos wasakin ng baha ang mundo, ginawa ng Diyos ang Kanyang unang tipan sa mga tao, isang tipan upang ipakita na hindi na Niya kailanman muling gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng mga pagbaha. Ang bahaghari ang sagisag ng tipang ito. Ito ang unang tipan ng Diyos sa sangkatauhan, kaya ang bahaghari ang unang sagisag ng isang tipan na ibinigay ng Diyos; isang tunay, pisikal na bagay na umiiral ang bahaghari. Ang mismong pag-iral ng bahaghari ang siyang madalas na nagpapadama ng kalungkutan sa Diyos para sa nakaraang lahi ng tao na Kanyang nawala, at nagsisilbing isang tuwinang paalala sa Kanya kung ano ang nangyari sa kanila…. Hindi babagalan ng Diyos ang Kanyang hakbang—hindi Siya mapalagay at sabik na tahakin ang susunod na hakbang sa Kanyang pamamahala. Nang maglaon, pinili ng Diyos si Abraham bilang Kanyang unang pinili para sa Kanyang gawain sa buong Israel. Ito rin ang unang pagkakataon na pumili ang Diyos ng gayong kandidato. Ipinasya ng Diyos na simulan ang pagpapatupad sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng taong ito, at upang ipagpatuloy ang Kanyang gawain sa mga inapo ng taong ito. Nakikita natin sa Bibliya na ito ang ginawa ng Diyos kay Abraham. Pagkatapos ay ginawa ng Diyos ang Israel na unang bayang hinirang, at sinimulan ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na mga tao, ang mga Israelita. At minsan pa sa unang pagkakataon, ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ang hayag na mga panuntunan at mga kautusang dapat sundin ng sangkatauhan, at ipinaliwanag Niya ang mga ito nang detalyado. Ito ang unang pagkakataon na binigyan ng Diyos ang mga tao ng gayong katiyak, iniayon sa pamantayang mga patakaran kung paano sila dapat magbigay ng mga handog, kung paano sila dapat mabuhay, kung ano ang dapat nilang gawin at hindi dapat gawin, aling mga pagdiriwang at mga araw ang dapat nilang ipagdiwang, at mga prinsipyong dapat sundin sa lahat ng kanilang ginawa. Ito ang unang pagkakataon na binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng gayong kadetalyado, iniayon sa pamantayang mga regulasyon at mga prinsipyo kung paano sila mamumuhay.
Sa bawat sandaling sinasabi Ko ang “sa unang pagkakataon,” tumutukoy ito sa uri ng gawain na hindi pa kailanman naisagawa ng Diyos noon. Tumutukoy ito sa gawain na hindi pa umiral noong una, at bagaman nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at lahat ng uri ng mga nilalang at buhay na mga bagay, isang uri ito ng gawain na hindi pa Niya kailanman nagawa noon. Kinasasangkutan ang lahat ng gawaing ito ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan; may kinalaman ang lahat ng ito sa mga tao at sa Kanyang pagliligtas at pamamahala sa kanila. Pagkatapos kay Abraham, muling gumawa ang Diyos ng isa pang una—pinili Niya si Job upang maging siyang namuhay sa ilalim ng kautusan at siyang makapaninindigan sa mga panunukso ni Satanas habang nagpapapatuloy na matakot sa Diyos, lumayo sa kasamaan, at tumayong saksi para sa Diyos. Ito rin ang unang pagkakataon na tinulutan ng Diyos si Satanas na tuksuhin ang isang tao, at unang pagkakataon na nakipagpustahan Siya kay Satanas. Sa katapusan, sa unang pagkakataon ay nakamit Niya ang isang tao na may kakayahang tumayong saksi para sa Kanya at magpatotoo sa Kanya habang kinakaharap si Satanas, at isang tao na ganap na makapanghihiya kay Satanas. Magbuhat nang likhain ng Diyos ang sangkatauhan, ito ang unang tao na Kanyang nakamit na nagawang magpatotoo para sa Kanya. Sa sandaling nakamit na Niya ang taong ito, lalo pang nasabik ang Diyos na ipagpatuloy ang Kanyang pamamahala at isakatuparan ang susunod na yugto sa Kanyang gawain, inihahanda ang lugar at ang mga tao na Kanyang pipiliin para sa susunod na hakbang ng Kanyang gawain.
Pagkatapos ng pagbabahagi tungkol sa lahat ng ito, mayroon na ba kayong tunay na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos? Itinuturing ng Diyos ang pagkakataong ito ng Kanyang pamamahala sa sangkatauhan, ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, bilang higit na mahalaga kaysa anupaman. Ginagawa Niya ang mga bagay na ito hindi lang sa Kanyang isip, hindi lang sa Kanyang mga salita, at tiyak na hindi isinasagawa nang basta-basta—ginagawa Niya ang lahat ng bagay na ito nang may plano, nang may mithiin, nang may mga pamantayan, at nang may kalooban Niya. Maliwanag na nagtataglay ng malaking kahalagahan kapwa sa Diyos at sa tao ang gawaing ito na iligtas ang sangkatauhan. Kahit na gaano kahirap ang gawain, gaano man kalaki ang mga hadlang, gaano man kahina ang mga tao, o gaano man kalalim ang pagka-mapanghimagsik ng sangkatauhan, wala sa mga ito ang mahirap para sa Diyos. Pinananatiling abala ng Diyos ang sarili Niya, ginugugol ang Kanyang napakaingat na pagsisikap at pinamamahalaan ang gawain na gusto Niya Mismong isakatuparan. Isinasaayos din Niya ang lahat at ginagamit ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng tao na kung kanino Siya gagawa at sa lahat ng gawaing nais Niyang matapos—wala sa mga ito ang kainlanman ay naisagawa na noon. Ito ang unang pagkakataon na ginamit ng Diyos ang mga pamamaraang ito at nagbayad ng gayon kalaking halaga para sa malaking proyektong ito ng pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Habang isinasakatuparan ng Diyos ang gawaing ito, unti-unti Niyang ipinahahayag at inilalabas sa sangkatauhan, nang walang pasubali, ang Kanyang napakaingat na pagsisikap, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat, at ang bawat aspeto ng Kanyang disposisyon. Inilalabas at ipinahahayag Niya ang mga bagay na ito sa paraang hindi pa Niya kailanman ginawa noon. Kaya, sa buong sansinukob, maliban sa mga taong nilalayon ng Diyos na pamahalaan at iligtas, kailanman ay hindi pa nagkaroon ng anumang mga nilalang na napakalapit sa Diyos, na may gayong katalik na kaugnayan sa Kanya. Sa Kanyang puso, ang sangkatauhan na nais Niyang pamahalaan at iligtas, ang pinakamahalaga; pinahahalagahan Niya ang sangkatauhang ito nang higit sa lahat. Kahit na nagbayad na Siya ng napakalaking halaga para sa kanila, at kahit na patuloy Siyang sinasaktan at sinusuway ng mga ito, hindi Siya kailanman sumusuko sa kanila at nagpapatuloy nang walang kapaguran sa Kanyang gawain, nang walang mga reklamo o mga pagsisisi. Ito ay dahil nalalaman Niya na sa malao’t madali, magigising ang mga tao sa Kanyang pagtawag at maaantig ng Kanyang mga salita, makikilala na Siya ang Panginoon ng paglikha, at magbabalik sa Kanyang piling …
Matapos marinig ang lahat ng ito ngayong araw, maaaring pakiramdam ninyo ay napakanormal ng lahat ng ginagawa ng Diyos. Tila ba palagi nang naramdaman ng mga tao ang ilan sa mga layunin ng Diyos para sa kanila mula sa Kanyang mga salita at mula sa Kanyang gawain, ngunit palaging mayroong isang partikular na agwat sa pagitan ng kanilang mga damdamin o ng kanilang kaalaman at sa kung ano ang iniisip ng Diyos. Kaya iniisip Ko na kinakailangang ipagbigay-alam sa lahat ng tao ang tungkol sa kung bakit nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ang pangyayari sa likod ng Kanyang pagnanais na makamit ang sangkatauhang Kanyang inasam. Mahalaga na maibahagi ito sa lahat, upang ang lahat ay malinaw at maunawaan ito sa kanilang puso. Sapagkat ang bawat kaisipan at ideya ng Diyos, at ang bawat yugto at bawat kapanahunan ng Kanyang gawain ay natatali, at may malapit na kaugnayan, sa Kanyang kabuuang gawain ng pamamahala, kaya kapag nauunawaan mo ang mga kaisipan ng Diyos, ang mga ideya, at ang kalooban Niya sa bawat hakbang ng Kanyang gawain, katulad din ito ng pagkaunawa sa kung paano nagsimula ang gawain ng Kanyang plano ng pamamahala. Sa saligang ito lalalim ang iyong pagkaunawa sa Diyos. Bagaman ang lahat ng ginawa ng Diyos nang una Niyang nilikha ang mundo, na Aking nabanggit noon, ay tila “impormasyon” na lang sa ngayon, at walang kinalaman sa paghahangad ng katotohanan, subalit sa paglipas ng panahon ng iyong karanasan ay darating ang araw na hindi mo iniisip na isang bagay ito na napakasimple gaya ng ilang pirasong impormasyon, ni isa lang itong uri ng hiwaga. Habang sumusulong ang iyong buhay, kapag may kaunting puwang na ang Diyos sa iyong puso, o kapag mas lubos at mas malalim mo nang nauunawaan ang Kanyang kalooban, tunay mong mauunawaan ang kahalagahan at ang pangangailangan ng kung ano ang sinasabi Ko sa araw na ito. Gaano man ninyo tinatanggap ito ngayon, kinakailangan pa rin ninyong maunawaan at malaman ang mga bagay na ito. Kapag gumagawa ang Diyos ng isang bagay, kapag isinasakatuparan Niya ang Kanyang gawain, maging ito man ay sa pamamagitan ng Kanyang mga ideya o ng Kanyang sariling mga kamay, maging ito man ay ginawa Niya sa una o sa huling pagkakataon, sa huli, may plano ang Diyos, at nasa lahat ng ginagawa Niya ang Kanyang mga layon at ang Kanyang mga kaisipan. Kumakatawan sa disposisyon ng Diyos ang mga layon at mga kaisipang ito, at ipinahahayag ng mga ito kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ang dalawang bagay na ito—ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya—ay dapat maunawaan ng bawat isang tao. Sa sandaling nauunawaan na ng isang tao ang Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, mauunawaan nila nang unti-unti kung bakit ginagawa ng Diyos ang Kanyang ginagawa at kung bakit sinasabi Niya ang Kanyang sinasabi. Mula roon, magkakaroon na sila ng higit na pananampalataya upang sumunod sa Diyos, upang hangarin ang katotohanan, at ang pagbabago sa kanilang disposisyon. Ibig sabihin, ang pagkaunawa ng tao sa Diyos at ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay hindi mapaghihiwalay.
Kung ang nalalaman at ang nauunawaan ng mga tao ay ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ang kanilang matatamo ay buhay na nagmumula sa Diyos. Sa sandaling maisakatuparan na ang buhay na ito sa iyo, lalo pang lalaki nang lalaki ang iyong takot sa Diyos. Isang bunga ito na dumarating nang napakanatural. Kung ayaw mong maunawaan o malaman ang tungkol sa disposisyon ng Diyos o sa Kanyang diwa, kung ayaw mo man lang pagnilayan o pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito, masasabi Ko sa iyo nang may katiyakan na ang paraan ng iyong kasalukuyang paghahangad sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi ka kailanman matutulutang matugunan ang Kanyang kalooban o makamit ang Kanyang papuri. Higit pa roon, hindi mo kailanman tunay na matatamo ang kaligtasan—ito ang panghuling mga kahihinatnan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos at hindi nalalaman ang Kanyang disposisyon, hindi kailanman magagawang tunay na magbukas sa Kanya ang kanilang mga puso. Sa sandaling maunawaan na nila ang Diyos, magsisimula silang pahalagahan at lasapin kung ano ang nasa Kanyang puso nang may interes at pananampalataya. Kapag pinahahalagahan at nilalasap mo kung ano ang nasa puso ng Diyos, ang iyong puso ay dahan-dahan, unti-unting, nagbubukas sa Kanya. Kapag nagbubukas ang iyong puso sa Kanya, madarama mo kung gaano kahiya-hiya at kasuklam-suklam ang iyong mga pakikitungo sa Diyos, ang iyong mga hinihingi sa Diyos, at ang iyong sariling labis-labis na mga pagnanais. Kapag tunay na nagbubukas sa Diyos ang iyong puso, makikita mo na ang Kanyang puso ay isang walang hanggang mundo, at papasok ka sa isang dako na hindi mo pa naranasan kailanman. Sa dakong ito ay walang pandaraya, walang panlilinlang, walang kadiliman, at walang kasamaan. Mayroon lang sinseridad at katapatan; tanging liwanag at karangalan; tanging pagiging matuwid at kagandahang-loob. Puno ito ng pagmamahal at pagmamalasakit, puno ng habag at pagpapaubaya, at sa pamamagitan nito ay nararamdaman mo ang kaligayahan at kagalakan ng pagiging buhay. Ang mga bagay na ito ang ibubunyag sa iyo ng Diyos kapag binuksan mo ang iyong puso sa Kanya. Ang walang hanggang mundong ito ay puno ng karunungan at walang hanggang kapangyarihan ng Diyos; puno rin ito ng Kanyang pag-ibig at ng Kanyang awtoridad. Makikita mo rito ang bawat aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, kung ano ang nagbibigay sa Kanya ng kagalakan, kung bakit Siya nag-aalala at kung bakit Siya nalulungkot, kung bakit Siya nagagalit…. Ito ang makikita ng bawat isang tao na nagbubukas ng kanilang puso at tinutulutang makapasok ang Diyos. Makapapasok lang sa iyong puso ang Diyos kung bubuksan mo ito sa Kanya. Makikita mo lang kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at makikita mo lang ang Kanyang mga layunin para sa iyo, kung nakapasok na Siya sa iyong puso. Sa sandaling iyon, matutuklasan mo na napakahalaga ng lahat ng tungkol sa Diyos, na talagang karapat-dapat pakaingatan ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kumpara roon, ang mga taong nakapaligid sa iyo, ang mga bagay at mga pangyayari sa iyong buhay, at maging ang iyong mga mahal sa buhay, ang iyong kapareha, at ang mga bagay na iyong minamahal, ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin. Napakaliit ng mga ito, at napakababa; mararamdaman mo na walang materyal na bagay ang muling makahahatak sa iyo, o na may anumang materyal na bagay ang muling makaaakit sa iyo na magbayad ng anumang halaga para rito. Sa pagpapakumbaba ng Diyos ay makikita mo ang Kanyang kadakilaan at ang Kanyang pangingibabaw. Higit pa rito, makikita mo ang walang hanggang karunungan ng Diyos at ang Kanyang pagpapaubaya sa ilang gawa Niya na pinaniwalaan mo noon na masyadong maliit, at makikita mo ang Kanyang pagtitiyaga, ang Kanyang pagtitimpi, at ang Kanyang pag-unawa sa iyo. Magdudulot ito sa iyo ng pagsamba para sa Kanya. Sa araw na iyon, mararamdaman mo na nabubuhay ang sangkatauhan sa isang maruming mundo, na ang mga taong nasa tabi mo at ang mga bagay na nangyayari sa iyong buhay, at maging yaong iyong iniibig, ang kanilang pag-ibig para sa iyo, at ang kanilang tinatawag na pag-iingat o ang kanilang malasakit para sa iyo ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin—ang Diyos lang ang iyong minamahal, at ang Diyos lang ang pinakaiingatan mo sa lahat. Kapag dumating ang araw na iyon, naniniwala Ako na magkakaroon ng ilang tao na nagsasabing: Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at napakabanal ng Kanyang diwa—sa Diyos ay walang panlilinlang, walang kasamaan, walang inggit, at walang alitan, kundi tanging pagiging matuwid at pagiging tunay, at ang lahat ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay dapat kasabikan ng mga tao. Dapat itong pagsikapan at hangarin ng mga tao. Sa anong batayan nakatayo ang kakayahan ng mga tao na makamtam ito? Nakatayo ito batay sa pagkaunawa nila sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang pagkaunawa sa diwa ng Diyos. Kaya ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, ay isang panghabang-buhay na aral sa bawat tao; isang panghabang-buhay na mithiin na hinahangad ng bawat tao na nagsisikap na mabago ang kanilang disposisyon, at nagsisikap na makilala ang Diyos.
Ang Unang Beses na Nagkatawang-tao ang Diyos Para Isagawa ang Gawain
Pinag-uusapan pa lang natin ang tungkol sa lahat ng gawain na ginawa ng Diyos, ang sunod-sunod na mga gawaing isinakatuparan Niya sa unang pagkakataon. May kaugnayan ang bawat isa sa mga bagay na ito sa plano ng pamamahala ng Diyos, at sa kalooban ng Diyos. May kaugnayan din ang mga ito sa disposisyon ng Diyos Mismo at sa Kanyang diwa. Kung nais nating mas maunawaan kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, hindi tayo maaaring tumigil sa Lumang Tipan o sa Kapanahunan ng Kautusan—kailangan nating magpatuloy pasulong, sumusunod sa mga hakbang na tinahak ng Diyos sa Kanyang gawain. Kaya, yamang tinapos ng Diyos ang Kapanahunan ng Kautusan at sinimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, hayaan ang ating sariling mga yapak na sumunod, tungo sa Kapanahunan ng Biyaya—isang kapanahunan na puno ng biyaya at pagtubos. Sa kapanahunang ito, gumawang muli ang Diyos ng isang napakahalagang bagay na hindi pa naisagawa noon. Ang gawain sa bagong kapanahunang ito kapwa para sa Diyos at sa sangkatauhan ay isang bagong pasimula—isang pasimula na binubuo ng isa na namang bagong gawain na ginawa ng Diyos na hindi pa nagawa noon. Walang katulad ang bagong gawaing ito, isang bagay na lampas sa mga kapangyarihan ng imahinasyon ng mga tao at lahat ng nilalang. Isang bagay ito na kilalang-kilala na ngayon ng lahat ng tao—sa unang pagkakataon, naging isang tao ang Diyos, at sa unang pagkakataon ay nagsimula Siya ng bagong gawain sa anyo ng isang tao, nang may pagkakakilanlan ng isang tao. Ipinahihiwatig ng bagong gawaing ito na natapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, at na hindi na Siya gagawa o magsasalita ng anuman sa ilalim ng kautusan. Ni magsasalita o gagawa Siya ng anumang bagay sa anyo ng kautusan o alinsunod sa mga prinsipyo o mga patakaran ng kautusan. Ibig sabihin, ipinatigil na magpakailanman ang lahat ng Kanyang gawain batay sa kautusan at hindi na ipagpapatuloy, dahil nais ng Diyos na magsimula ng bagong gawain at gumawa ng bagong mga bagay. Muling nagkaroon ng bagong pasimula ang Kanyang plano, at kaya kinailangang pangunahan ng Diyos ang sangkatauhan tungo sa bagong kapanahunan.
Depende sa diwa ng bawat isang tao kung ito ay nakagagalak o nakatatakot na balita sa mga tao. Maaaring masabi na hindi ito nakagagalak na balita sa ilang tao, bagkus ay nakatatakot, sapagkat nang simulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, ang mga tao na sumunod lang sa mga kautusan at mga patakaran, na sumunod lang sa mga doktrina ngunit hindi natakot sa Diyos, ay malamang na gamitin ang lumang gawain ng Diyos upang kondenahin ang Kanyang bagong gawain. Para sa mga taong ito, nakatatakot na balita ito. Ngunit sa bawa’t tao na inosente at bukas, na taimtim sa Diyos at handang tanggapin ang Kanyang pagtubos, lubhang nakagagalak na balita ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Sapagkat simula nang umiral ang mga tao, ito ang unang pagkakataon na nagpakita ang Diyos at namuhay sa piling ng sangkatauhan sa isang anyo na hindi ang Espiritu; sa pagkakataong ito, isinilang Siya ng isang tao at namuhay sa piling ng mga tao bilang Anak ng tao, at gumawa na kasama sila. Ito ang “unang” sumira sa mga kuru-kuro ng mga tao; lampas ito sa lahat ng imahinasyon. Higit pa rito, nagkamit ng totoong pakinabang ang lahat ng tagasunod ng Diyos. Hindi lang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan, bagkus ay tinapos din Niya ang lumang mga pamamaraan ng paggawa at istilo ng paggawa Niya. Hindi na Niya hinihingi sa Kanyang mga sugo na ipaabot ang Kanyang kalooban, hindi na Siya nakatago sa mga ulap, at hindi na nagpakita o nakipag-usap sa mga tao nang nag-uutos sa pamamagitan ng kulog. Hindi gaya ng anumang bagay noong una, sa pamamagitan ng isang pamamaraang hindi lubos-maisip ng mga tao na mahirap para sa kanila na maunawaan o matanggap—ang maging tao—naging Anak ng tao Siya upang simulan ang gawain ng kapanahunang iyon. Lubos na hindi napaghandaan ng sangkatauhan ang gawang ito ng Diyos; napahiya sila dahil dito, sapagkat muling nagsimula ng bagong gawain ang Diyos na hindi pa Niya kailanman ginawa noon. Sa araw na ito, titingnan natin kung ano ang bagong gawain na isinakatuparan ng Diyos sa bagong kapanahunan, at isasaalang-alang natin kung ano ang dapat na matutuhan natin mula sa bagong gawaing ito tungkol sa disposisyon ng Diyos at sa kung ano ang mayroon at kung ano Siya.
Ang mga sumusunod ay mga salitang naitala sa Bagong Tipan ng Bibliya.
1. Pinitas ni Jesus ang mga Uhay Para Kainin sa Araw ng Sabbath
Mateo 12:1 Nang panahong iyon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa maisan; at nagutom ang Kanyang mga alagad at nagsimulang magsibunot ng mga uhay at magsikain.
2. Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath
Mateo 12:6–8 Datapuwat sinasabi Ko sa inyo, “Na dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo. Datapuwat kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, habag ang ibig Ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo kinondena ang mga walang kasalanan. Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath.”
Tingnan muna natin ang talatang ito: “Nang panahong iyon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa maisan; at nagutom ang Kanyang mga alagad at nagsimulang magsibunot ng mga uhay at magsikain.”
Bakit Ko napili ang talatang ito? Anong kaugnayan nito sa disposisyon ng Diyos? Sa tekstong ito, ang unang bagay na nalalaman natin ay araw iyon ng Sabbath, subalit lumabas ang Panginoong Jesus at pinangunahan ang Kanyang mga disipulo sa mga taniman ng mais. Ang lalo pang “mapanlinlang” ay na “nagsimulang magsibunot ng mga uhay at magsikain” pa sila. Sa Kapanahunan ng Kautusan, itinakda ng mga kautusan ng Diyos na si Jehova na ang mga tao ay hindi maaaring basta-bastang lumabas o makisali sa mga aktibidad sa araw ng Sabbath—maraming bagay ang hindi maaaring gawin sa araw ng Sabbath. Ang pagkilos na ito sa panig ng Panginoong Jesus ay nakalilito para doon sa mga nabuhay sa ilalim ng kautusan sa mahabang panahon, at pumukaw pa ito ng pamumuna. Tungkol sa kanilang kalituhan at kung paano sila nagsalita tungkol sa ginawa ni Jesus, isasantabi muna natin iyon sa ngayon at tatalakayin muna kung bakit pinili ng Panginoong Jesus na gawin ito sa araw ng Sabbath, sa lahat ng araw, at kung ano ang ninais Niyang ipagbigay-alam sa mga tao na nabubuhay noon sa ilalim ng kautusan sa pamamagitan ng pagkilos na ito. Ito ang kaugnayan sa pagitan ng talatang ito at ng disposisyon ng Diyos na nais Kong pag-usapan.
Nang dumating ang Panginoong Jesus, ginamit Niya ang Kanyang praktikal na mga pagkilos upang ipabatid sa mga tao na lumisan na ang Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at nagsimula na ng bagong gawain, at na hindi hiningi ng bagong gawaing ito ang pangingilin ng Sabbath. Ang paglabas ng Diyos mula sa mga hangganan ng araw ng Sabbath ay patikim pa lang ng Kanyang bagong gawain; darating pa ang tunay at dakilang gawain. Nang pasimulan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, iniwanan na Niya ang mga “tanikala” ng Kapanahunan ng Kautusan, at nilansag ang mga tuntunin at mga prinsipyo ng kapanahunang iyon. Para sa Kanya, walang bakas ng anumang may kaugnayan sa kautusan; itinakwil na Niya ito nang tuluyan at hindi na ito sinusunod, at hindi na Niya hinihingi sa sangkatauhan na sundin ito. Kaya nakikita mo rito na nagpunta ang Panginoong Jesus sa mga taniman ng mais sa araw ng Sabbath, at na hindi nagpahinga ang Panginoon; gumagawa Siya sa labas, at hindi nagpapahinga. Isang pagkabigla ang Kanyang pagkilos na ito sa mga kuru-kuro ng mga tao at ipinagbigay-alam nito sa kanila na hindi na Siya nabubuhay sa ilalim ng kautusan, at na iniwan na Niya ang mga hangganan ng Sabbath at nagpakita sa harap ng sangkatauhan at sa kanilang kalagitnaan sa isang bagong imahe, na may isang bagong paraan ng paggawa. Ang Kanyang pagkilos na ito ang nagpabatid sa mga tao na dala Niya ang isang bagong gawain, gawaing nagsimula sa paglabas mula sa pagiging nasa ilalim ng kautusan, at paglisan sa Sabbath. Nang isakatuparan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, hindi na Siya nananangan sa nakaraan, at hindi na Niya iniintindi ang mga tuntunin ng Kapanahunan ng Kautusan. Ni naapektuhan Siya ng Kanyang gawain sa nakaraang kapanahunan, bagkus ay gumawa Siya sa araw ng Sabbath gaya ng ginawa Niya sa bawat iba pang araw, at nang nagutom ang Kanyang mga disipulo sa araw ng Sabbath, maaari silang pumitas ng mga bunga ng mais para kainin. Napakanormal ng lahat ng ito sa mga mata ng Diyos. Para sa Diyos, maaaring magkaroon ng bagong pasimula para sa karamihan ng bagong gawain na nais Niyang gawin at ng bagong mga salita na nais Niyang sabihin. Kapag nagsisimula Siya ng isang bagong bagay, hindi Niya binabanggit ang Kanyang nakaraang gawain ni ipinagpapatuloy na isakatuparan ito. Sapagkat may mga prinsipyo ang Diyos sa Kanyang gawain, nang nais Niyang magsimula ng bagong gawain, ito ay nang nais Niyang dalhin ang sangkatauhan sa isang panibagong yugto ng Kanyang gawain, at nang ang Kanyang gawain ay papasok sa isang mas mataas na yugto. Kung patuloy na kikilos ang mga tao alinsunod sa mga lumang kasabihan o mga tuntunin o patuloy na panghawakan nang mahigpit ang mga ito, hindi Niya maaalala o sasang-ayunan iyon. Ito ay dahil nagdala na Siya ng bagong gawain, at pumasok na sa bagong yugto ng Kanyang gawain. Kapag nagpapasimula Siya ng bagong gawain, nagpapakita Siya sa sangkatauhan sa isang ganap na bagong imahe, mula sa isang ganap na bagong anggulo, at sa isang ganap na bagong pamamaraan upang makita ng mga tao ang iba’t ibang aspeto ng Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ito ang isa sa Kanyang mga mithiin sa Kanyang bagong gawain. Hindi nananangan ang Diyos sa lumang mga bagay o tumatahak sa landas na madalas daanan; kapag gumagawa at nagsasalita Siya, hindi Siya mapagbawal gaya ng iniisip ng mga tao. Sa Diyos, may kalayaan at kasarinlan ang lahat, at walang pagbabawal, walang paghihigpit—kalayaan at kasarinlan ang dinadala Niya sa sangkatauhan. Siya ay isang buhay na Diyos, isang Diyos na tunay, totoong umiiral. Hindi Siya isang papet o isang nililok na luwad, at lubos na naiiba Siya sa mga idolo na dinadambana at sinasamba ng mga tao. Siya ay buhay at masigla, at ang dala ng Kanyang mga salita at gawain sa mga tao ay pawang buhay at liwanag, pawang kalayaan at kasarinlan, sapagkat hawak Niya ang katotohanan, ang buhay, at ang daan—hindi Siya nahahadlangan ng anuman sa alinman sa Kanyang gawain. Kahit anong sabihin ng mga tao at paano man nila tingnan o suriin ang Kanyang bagong gawain, isasakatuparan Niya ang Kanyang gawain nang walang pagkaligalig. Hindi Siya mag-aalala tungkol sa mga kuru-kuro o pag-aakusa ng sinuman na may kinalaman sa Kanyang gawain at mga salita, o maging sa kanilang matinding pagtutol at paglaban sa Kanyang bagong gawain. Walang sinuman sa lahat ng nilalang ang maaaring gumamit ng pantaong pangangatwiran, o pantaong imahinasyon, kaalaman, o moralidad upang sukatin o bigyang-kahulugan ang ginagawa ng Diyos, upang siraan, guluhin o isabotahe ang Kanyang gawain. Walang pagbabawal sa Kanyang gawain at sa kung ano ang Kanyang ginagawa; hindi ito mahahadlangan ng sinumang tao, ano mang pangyayari, o bagay, ni hindi ito magugulo ng anumang mga puwersa ng kaaway. Pagdating sa Kanyang bagong gawain, Siya ay palaging-nagwawaging Hari, at niyuyurakan sa ilalim ng Kanyang tuntungan ang anumang mga puwersa ng kaaway at ang lahat ng erehiya at mga kamalian ng sangkatauhan. Alinmang bagong yugto ng Kanyang gawain ang Kanyang isinasakatuparan, tiyak na lilinangin at palalawakin ito sa kalagitnaan ng sangkatauhan, at tiyak na isasakatuparan nang walang hadlang sa buong sansinukob hanggang sa matapos na ang Kanyang dakilang gawain. Ito ang pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan ng Diyos, ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan. Kaya, ang Panginoong Jesus ay malayang makalalabas at makagagawa sa araw ng Sabbath sapagkat sa Kanyang puso ay walang mga patakaran, walang kaalaman o doktrina na nagmula sa sangkatauhan. Ang mayroon Siya ay ang bagong gawain ng Diyos at ang daan ng Diyos. Ang Kanyang gawain ang daan upang mapalaya ang sangkatauhan, upang mapakawalan ang mga tao, upang tulutan silang umiral sa liwanag at upang mabuhay. Samantala, silang mga sumasamba sa mga idolo o huwad na mga diyos ay nabubuhay araw-araw nang nakagapos kay Satanas, pinipigilan ng lahat ng uri ng mga patakaran at mga pagbabawal—ipinagbabawal sa araw na ito ang isang bagay, bukas ay iba naman—walang kalayaan sa kanilang mga buhay. Para silang mga bilanggo na nakatanikala, namumuhay nang walang masasabing kagalakan. Ano ang kinakatawan ng “pagbabawal”? Kinakatawan nito ang mga paghihigpit, mga pagkaalipin, at kasamaan. Sa sandaling sumamba sa isang idolo ang isang tao, sumasamba sila sa isang huwad na diyos, isang masamang espiritu. Kasunod na ang pagbabawal kapag ginagawa ang gayong mga aktibidad. Hindi maaaring kumain ng ganito o ng ganoon, hindi maaaring lumabas sa araw na ito, hindi maaaring magluto bukas, hindi ka maaaring lumipat sa isang bagong bahay sa susunod na araw, may partikular na mga araw na dapat piliin para sa mga kasal at mga libing at maging para sa panganganak. Ano ang tawag dito? Tinatawag itong pagbabawal; ito ang pagkaalipin ng sangkatauhan, at ito ang mga tanikala ni Satanas at masasamang espiritu na kumukontrol sa mga tao at pumipigil sa kanilang mga puso at mga katawan. Umiiral ba ang mga pagbabawal na ito sa Diyos? Kapag pinag-uusapan ang kabanalan ng Diyos, dapat mo munang isipin ito: Walang mga pagbabawal sa Diyos. May mga prinsipyo ang Diyos sa Kanyang mga salita at gawain, ngunit walang mga pagbabawal, sapagkat ang Diyos Mismo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
Tingnan natin ngayon ang mga sumusunod na talata mula sa mga kasulatan: “Datapuwat sinasabi Ko sa inyo, ‘Na dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo. Datapuwat kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, habag ang ibig Ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo kinondena ang mga walang kasalanan. Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath’” (Mateo 12:6–8). Ano ang tinutukoy ng salitang “templo” rito? Sa madaling salita, tumutukoy ito sa isang kamangha-manghang, mataas na gusali, at sa Kapanahunan ng Kautusan, ang templo ay lugar para sa mga saserdote upang sambahin ang Diyos. Nang sinabi ng Panginoong Jesus na “dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo,” sino ang tinutukoy na “isa”? Maliwanag, ang “isa” ay ang Panginoong Jesus sa katawang-tao, sapagkat tanging Siya ang mas dakila kaysa sa templo. Ano ang sinasabi ng mga salitang iyon sa mga tao? Sinasabi ng mga ito sa mga tao na lumabas sila sa templo—iniwan na ng Diyos ang templo at hindi na gumagawa sa loob nito, kaya dapat hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa labas ng templo at sundan ang Kanyang mga hakbang sa Kanyang bagong gawain. Nang sabihin ito ng Panginoong Jesus, may saligan sa likod ng Kanyang mga salita, na sa ilalim ng kautusan, itinuturing ng mga tao ang templo bilang isang bagay na higit na dakila kaysa sa Diyos Mismo. Ibig sabihin, sinamba ng mga tao ang templo sa halip na sambahin ang Diyos, kaya binalaan sila ng Panginoong Jesus na huwag sambahin ang mga idolo, bagkus sa halip ay sambahin ang Diyos, sapagkat Siya ang kataas-taasan. Kaya, sinabi Niya: “Habag ang ibig Ko, at hindi hain.” Maliwanag na sa mga mata ng Panginoong Jesus, hindi na sumasamba kay Jehova ang karamihan sa mga tao na namumuhay sa ilalim ng kautusan, bagkus ay basta na lamang ginagawa ang pagsasakripisyo, at tinukoy ng Panginoong Jesus na ito ay ibinilang na pagsamba sa idolo. Itinuring ng mga sumasambang ito sa idolo ang templo bilang isang bagay na mas dakila at mas mataas kaysa sa Diyos. Tanging ang templo ang nasa kanilang mga puso, hindi ang Diyos, at kung mawala sa kanila ang templo, mawawala sa kanila ang kanilang tahanang dako. Kung wala ang templo ay wala silang ibang mapagsasambahan at hindi maisasagawa ang kanilang mga pagsasakripisyo. Ang kanilang tinatawag na “tahanang dako” ay kung saan ginamit nila ang pagkukunwari ng pagsamba sa Diyos na si Jehova upang makapanatili sa templo at maisagawa ang sarili nilang mga gawain. Ang kanilang tinatawag na “pagsasakripisyo” ay walang iba kundi ang pagsasagawa nila ng kanilang sariling personal na kahiya-hiyang mga pakikitungo sa ilalim ng balatkayo ng pagsasagawa ng kanilang serbisyo sa templo. Ito ang dahilan kung bakit itinuring ng mga tao sa panahong iyon ang templo bilang higit na dakila kaysa sa Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito bilang babala sa mga tao, sapagkat ginagamit nila ang templo bilang isang balatkayo, at ang mga sakripisyo bilang isang panakip para sa pandaraya sa mga tao at pandaraya sa Diyos. Kung gamitin ang mga salitang ito sa kasalukuyan, gayon pa rin kabisa at gayon pa rin nauukol ang mga ito. Bagaman naranasan na ng mga tao ngayon ang gawain ng Diyos na iba kaysa sa naranasan ng mga tao sa Kapanahunan ng Kautusan, magkatulad ang kalikasang diwa nila. Sa konteksto ng gawain ngayon, gagawin pa rin ng mga tao ang kaparehong uri ng mga bagay gaya ng kinakatawan ng mga salitang “higit na dakila ang templo kaysa sa Diyos.” Halimbawa, itinuturing ng mga tao ang pagtupad ng kanilang tungkulin bilang kanilang trabaho; itinuturing nila ang pagpapatotoo sa Diyos at ang pakikipaglaban sa malaking pulang dragon bilang mga pagkilos na pulitikal sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao, para sa demokrasya at kalayaan; ginagawa nilang karera ang kanilang tungkulin na gamitin ang kanilang mga kakayahan, ngunit itinuturing nila ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang isang piraso lang ng relihiyosong doktrina na susundin; at iba pa. Hindi ba sadyang katulad ang mga gawing ito ng “higit na dakila ang templo kaysa sa Diyos”? Ang pinagkaiba, dalawang libong taon na ang nakaraan, isinasagawa ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa pisikal na templo, ngunit ngayon, isinasagawa ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa mga di-nahahawakang mga templo. Ang mga taong nagpapahalaga sa mga patakaran ay itinuturing ang mga patakaran na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga taong umiibig sa katayuan ay itinuturing ang katayuan na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga umiibig sa kanilang karera ay itinuturing ang kanilang karera na higit na dakila kaysa sa Diyos, at iba pa—ang lahat ng kanilang mga pagpapahayag ang nag-udyok sa Akin upang sabihing: “Pinupuri ng mga tao ang Diyos bilang pinakadakila sa pamamagitan ng kanilang mga salita, ngunit sa kanilang mga mata ang lahat ng bagay ay higit na dakila kaysa sa Diyos.” Ito ay dahil sa sandaling makakita ng pagkakataon ang mga tao sa kanilang daan ng pagsunod sa Diyos upang maitanghal ang sarili nilang mga talento, o upang maisagawa ang sarili nilang gawain o sarili nilang karera, inilalayo nila ang kanilang mga sarili mula sa Diyos at inilalagak ang kanilang mga sarili sa minamahal nilang karera. At tungkol naman sa ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, at sa Kanyang kalooban, matagal nang naitapon ang mga bagay na iyon. Anong pinagkaiba ng kalagayan ng mga taong ito sa mga nagsagawa ng kani-kanilang mga negosyo sa loob ng templo dalawang libong taon na ang nakararaan?
Sunod, tingnan natin ang huling pangungusap sa talatang ito: “Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath.” Mayroon bang praktikal na panig sa pangungusap na ito? Nakikita ba ninyo ang praktikal na panig? Nanggagaling mula sa puso ng Diyos ang bawat isang bagay na Kanyang sinasabi, kaya bakit Niya sinabi ito? Paano ninyo inuunawa ito? Maaaring nauunawaan ninyo ang kahulugan ng pangungusap na ito ngayon, ngunit sa panahon kung kailan ito sinabi ay iilang tao ang nakaunawa sapagkat kalalabas pa lang ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Kautusan. Para sa kanila, isang bagay na napakahirap gawin ang paglabas mula sa Sabbath, lalo na ang pag-unawa kung ano ang totoong Sabbath.
Ang pangungusap na “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath” ay nagsasabi sa mga tao na ang lahat ng tungkol sa Diyos ay hindi materyal, at bagaman kayang tustusan ng Diyos ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, sa sandaling matugunan na ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, mapapalitan ba ng kasiyahan mula sa mga bagay na ito ang iyong paghahangad sa katotohanan? Malinaw na hindi posible iyon! Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na atin nang ibinahagi, ay kapwa ang katotohanan. Hindi masusukat ang halaga nito sa pamamagitan ng anumang materyal na bagay, gaano man kahalaga, ni mabibilang ang halaga nito batay sa salapi, dahil hindi ito isang materyal na bagay, at tinutustusan nito ang mga pangangailangan ng puso ng bawat isang tao. Para sa bawat isang tao, ang halaga ng di-nahahawakang mga katotohanang ito ay dapat na higit kaysa sa halaga ng anumang materyal na mga bagay na maaaring pahalagahan mo, hindi ba? Ang pahayag na ito ay isang bagay na kailangan ninyong pag-isipang mabuti. Ang pangunahing punto ng Aking nasabi na ay na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos at ang lahat ng tungkol sa Diyos ay ang pinakamahahalagang bagay para sa bawat isang tao at hindi mapapalitan ng anumang materyal na bagay. Bibigyan kita ng isang halimbawa: Kapag nagugutom ka, kailangan mo ng pagkain. Maaaring kahit paano ay masarap ang pagkaing ito, o halos hindi kasiya-siya, subalit hanggang nabusog ka, mawawala na ang hindi magandang pakiramdam na iyon ng pagiging gutom—mapapawi na ito. Makauupo ka na nang payapa, at magpapahinga ang iyong katawan. Malulutas ng pagkain ang gutom ng mga tao, subalit kapag sumusunod ka sa Diyos at nadarama na walang pagkaunawa sa Kanya, paano malulutas ang kahungkagan sa iyong puso? Malulutas ba ito ng pagkain? O kapag sumusunod ka sa Diyos at hindi nauunawaan ang Kanyang kalooban, ano ang magagamit mo upang punan ang gutom na yaon sa iyong puso? Sa proseso ng iyong karanasan ng kaligtasan sa pamamagitan ng Diyos, habang naghahangad ng pagbabago sa iyong disposisyon, kung hindi mo nauunawaan ang Kanyang kalooban o hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, hindi ka ba makadarama ng lubhang pagkabalisa? Hindi ka ba makadarama ng isang matinding pagkagutom at pagkauhaw sa iyong puso? Hindi ba mahahadlangan ng mga damdaming ito na madama mo ang kapahingahan sa iyong puso? Kaya paano mo mapupunan ang pagkagutom na yaon sa iyong puso—mayroon bang paraan upang malutas ito? Namimili ang ilang tao, hinahanap ng ilan ang kanilang mga kaibigan upang magtapat, nagpapakasasa sa mahabang pagtulog ang ilang tao, nagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos ang iba, o mas lalo silang nagsusumikap at gumugugol ng mas maraming pagsisikap upang tuparin ang kanilang mga tungkulin. Malulutas ba ng mga bagay na ito ang tunay mong mga paghihirap? Ganap na nauunawaan ninyong lahat ang mga ganitong uri ng mga pagsasagawa. Kapag nakadarama ka ng kawalan ng lakas, kapag nakadarama ka ng isang matinding pagnanais na magkamit ng kaliwanagan mula sa Diyos upang tulutan kang malaman ang realidad ng katotohanan at ang Kanyang kalooban, ano ang pinakakailangan mo? Hindi isang kumpletong pagkain ang kailangan mo, at hindi ilang mabuting salita, lalo na ang panandaliang aliw at kasiyahan ng laman—ang kailangan mo ay ang sabihin ng Diyos sa iyo nang tuwiran at malinaw kung ano ang dapat mong gawin at kung paano mo gagawin ito, na sabihin sa iyo nang malinaw kung ano ang katotohanan. Pagkatapos mong maunawaan ito, kahit na kakatiting lang na pagkaunawa ang nakamit mo, hindi ba mas masisiyahan ka sa iyong puso kaysa sa nakakain ka ng isang kumpletong pagkain? Kapag nasisiyahan ang puso mo, hindi ba nagkakamit ng tunay na kapahingahan ang iyong puso at ang iyong buong pagkatao? Sa pamamagitan ng paghahambing at pagsusuring ito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung bakit nais Kong ibahagi sa inyo ang pangungusap na ito, “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath”? Nangangahulugan ito na kung anong mula sa Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang lahat ng tungkol sa Kanya, ay higit na dakila kaysa sa anumang ibang bagay, kabilang ang bagay o ang tao na minsang pinaniwalaan mong pinakamahalaga sa iyo. Ibig sabihin, kung hindi nakapagkakamit ang isang tao ng mga salita mula sa bibig ng Diyos o hindi nila nauunawaan ang Kanyang kalooban, hindi sila makapagkakamit ng kapahingahan. Sa inyong mga karanasan sa hinaharap, mauunawaan ninyo kung bakit nais Kong makita ninyo ang talatang ito ngayong araw—napakahalaga nito. Ang lahat ng bagay na ginagawa ng Diyos ay katotohanan at buhay. Ang katotohanan ay isang bagay na hindi maaaring mawala sa mga tao sa kanilang mga buhay, at isang bagay na hindi sila mabubuhay nang wala; maaari ring sabihin na ito ang pinakadakilang bagay. Bagaman hindi mo nakikita o nahahawakan ito, hindi maaaring balewalain ang kahalagahan nito sa iyo; ito ang tanging bagay na makapagbibigay ng kapahingahan sa iyong puso.
Kalakip ba ng sariling mga kalagayan ang inyong pagkaunawa sa katotohanan? Sa totoong buhay, dapat mo munang isipin kung aling mga katotohanan ang nauugnay sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong nakaharap na; matatagpuan mo sa mga katotohanang ito ang kalooban ng Diyos at maiuugnay kung ano ang iyong nakaharap na sa Kanyang kalooban. Kung hindi mo nalalaman kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nauugnay sa mga bagay na iyong nakaharap na subalit sa halip ay dumiretso sa paghahanap sa kalooban ng Diyos, isang bulag na pamamaraan ito na hindi makapagkakamit ng mga resulta. Kung nais mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangan mo munang tingnan kung anong uri ng mga bagay ang nangyari na sa iyo, sa aling mga aspeto ng katotohanan nauugnay ang mga ito, at hanapin ang partikular na katotohanan sa salita ng Diyos na nauugnay sa kung anong naranasan mo na. At pagkatapos ay hanapin mo ang landas ng pagsasagawa na naaayon para sa iyo sa katotohanang iyon; sa ganitong paraan ay makakamit mo ang isang di-tuwirang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos. Ang paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan ay hindi pagsasabuhay ng isang doktrina nang wala sa loob o pagsunod sa isang pormula. Ang katotohanan ay hindi gaya ng isang pormula, hindi rin ito isang batas. Hindi ito patay—ito ay buhay mismo, ito ay isang buhay na bagay, at ito ang patakaran na dapat sundin ng isang nilikha habang nabubuhay at ang patakaran na dapat taglayin ng isang tao habang nabubuhay. Isang bagay ito na dapat mong, hangga’t maaari, ay maunawaan sa pamamagitan ng karanasan. Ano mang yugto ang narating mo na sa iyong karanasan, hindi ka maihihiwalay sa salita ng Diyos o sa katotohanan, at kung ano ang iyong pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang iyong nalalaman sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay ipinahahayag lahat sa mga salita ng Diyos; nauugnay ang mga ito nang hindi maihihiwalay sa katotohanan. Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay, mismong, ang katotohanan; ang katotohanan ay isang tunay na pagpapamalas ng disposisyon ng Diyos at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ginagawa nitong kongkreto ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at malinaw nitong ipinahahayag ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya; sinasabi nito sa iyo nang mas tuwiran kung ano ang gusto ng Diyos, kung ano ang hindi Niya gusto, kung ano ang nais Niyang gawin mo at kung ano ang hindi Niya pinahihintulutang gawin mo, kung anong mga tao ang kinamumuhian Niya at kung anong mga tao ang kinagigiliwan Niya. Sa likod ng mga katotohanang ipinahahayag ng Diyos, makikita ng tao ang Kanyang kaluguran, galit, kalungkutan, at kasiyahan, gayundin ang Kanyang diwa—ito ang paghahayag ng Kanyang disposisyon. Maliban sa pagkaalam sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at pagkaunawa sa Kanyang disposisyon mula sa Kanyang salita, ang pinakamahalaga ay ang pangangailangan na marating ang pagkaunawang ito sa pamamagitan ng praktikal na karanasan. Kung inaalis ng isang tao ang kanyang sarili mula sa tunay na buhay upang makilala ang Diyos, hindi nila magagawang makamtan iyon. Kahit na may mga tao na makapagkakamit ng kaunting pagkaunawa mula sa salita ng Diyos, limitado ang kanilang pagkaunawa sa mga teorya at mga salita, at doon nagbubuhat ang pagkakaiba-iba sa kung ano talaga ang Diyos Mismo.
Ang ating ipinagbibigay-alam ngayon ay nakapaloob lahat sa saklaw ng mga kuwentong naitala sa Bibliya. Sa pamamagitan ng mga kuwentong ito, at sa pagsusuri sa mga naganap na bagay na ito, mauunawaan ng mga tao ang Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon at kung ano Siya na Kanyang naipahayag na, tinutulutan sila na makilala ang bawat aspeto ng Diyos nang mas malawak, mas malalim, mas komprehensibo, at mas mabuti. Kung gayon, ang tanging paraan ba na makilala ang bawat aspeto ng Diyos ay sa pamamagitan ng mga kuwentong ito? Hindi, hindi ito ang tanging paraan! Sapagkat kung ano ang sinasabi ng Diyos at ang gawain na Kanyang ginagawa sa Kapanahunan ng Kaharian ay makatutulong nang mas maigi sa mga tao na makilala ang Kanyang disposisyon, at makilala ito nang mas lubusan. Gayunpaman, sa palagay Ko ay bahagyang mas madaling makilala ang disposisyon ng Diyos at maunawaan ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya sa pamamagitan ng ilang halimbawa o mga kuwentong naitala sa Bibliya na pamilyar sa mga tao. Kung gagamitin Ko ang mga salita ng paghatol at pagkastigo at ang mga katotohanan na inihahayag ng Diyos ngayon, salita-por-salita, upang magawa mong makilala Siya sa paraang ito, mararamdaman mo na masyado itong nakababagot at masyadong nakapapagod, at mararamdaman pa ng ilang tao na ang mga salita ng Diyos ay tila gaya ng isang pormula. Subalit kung gagamitin Kong mga halimbawa ang mga kuwentong ito sa Bibliya upang tulungan ang mga tao na makilala ang disposisyon ng Diyos, hindi sila maiinip dito. Masasabi na sa kalagitnaan ng pagpapaliwanag sa mga halimbawang ito, ang mga detalye ng kung ano ang nasa puso ng Diyos sa panahong iyon—ang Kanyang lagay ng loob o damdamin, o ang Kanyang mga kaisipan at mga ideya—ay nasabi na sa mga tao sa wika ng tao, at ang mithiin ng lahat ng ito ay upang tulutan silang pahalagahan, upang maramdaman na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay hindi gaya ng isang pormula. Hindi ito isang alamat, o isang bagay na hindi nakikita o nahahawakan ng mga tao. Isang bagay ito na talagang umiiral, na mararamdaman at mapahahalagahan ng mga tao. Ito ang sukdulang mithiin. Masasabi na pinagpala ang mga taong nabubuhay sa kapanahunang ito. Magagamit nila ang mga kuwento sa Bibliya upang makamit ang mas malawak na pagkaunawa sa nakaraang gawain ng Diyos; makikita nila ang Kanyang disposisyon sa pamamagitan ng mga gawain na Kanyang nagawa na; mauunawaan nila ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga disposisyong ito na Kanyang naipahayag na, at mauunawaan ang kongkretong mga pagpapamalas ng Kanyang kabanalan at ng Kanyang pagmamalasakit para sa mga tao, at sa paraang ito ay maaabot nila ang isang mas detalyado at mas malalim na kaalaman sa disposisyon ng Diyos. Naniniwala Ako na nararamdaman na ninyong lahat ito ngayon!
Sa loob ng saklaw ng gawain na natapos ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, makikita mo ang isa pang aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos. Ipinahayag ang aspetong ito sa pamamagitan ng Kanyang katawang-tao, at nagawang makita at pahalagahan ito ng mga tao dahil sa Kanyang pagkatao. Sa Anak ng tao, nakita ng mga tao kung paano isinabuhay ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang pagkatao, at nakita nila ang pagka-Diyos ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng katawang-tao. Ang dalawang uri ng pagpapahayag na ito ay nagbigay-daan sa mga tao na makita ang isang talagang tunay na Diyos, at nagpahintulot sa kanila na makabuo ng isang naiibang konsepto ng Diyos. Gayunpaman, sa yugto ng panahon sa pagitan ng paglikha ng mundo at ng katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan, ibig sabihin, bago ang Kapanahunan ng Biyaya, ang tanging mga aspeto ng Diyos na nakita, narinig, at naranasan ng mga tao ay ang pagka-Diyos ng Diyos, ang mga bagay na ginawa at sinabi ng Diyos sa isang hindi materyal na dako, at ang mga bagay na Kanyang ipinahayag mula sa Kanyang tunay na persona na hindi maaaring makita o mahawakan. Kadalasan, nagdudulot ang mga bagay na ito sa mga tao ng pakiramdam na napakatayog ng Diyos sa Kanyang kadakilaan na hindi sila makalalapit sa Kanya. Ang impresyon na madalas ibinigay ng Diyos sa mga tao ay na aandap-andap Siya sa kanilang kakayahan na maunawaan Siya, at naramdaman pa nga ng mga tao na ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay masyadong misteryoso at masyadong mailap na walang paraan para maabot ang mga ito, lalo na ang kahit magtangka na maunawaan at pahalagahan ang mga ito. Para sa mga tao, napakalayo ng lahat ng tungkol sa Diyos—napakalayo na hindi na ito kayang makita, hindi na ito kayang mahawakan ng mga tao. Tila ba nasa kaitaasan Siya ng langit, at tila hindi talaga Siya umiiral. Kaya para sa mga tao, ang pagkaunawa sa puso at isip ng Diyos o sa anuman sa Kanyang iniisip ay hindi kayang makamit, at hindi rin nila maaabot. Kahit na nagsagawa ang Diyos ng ilang kongkretong gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, at nagpalabas din Siya ng ilang partikular na mga salita at nagpahayag ng ilang partikular na mga disposisyon upang tulutan ang mga tao na pahalagahan at makita ang ilang tunay na kaalaman tungkol sa Kanya, subalit sa huli, ang mga pagpapahayag na ito ng kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay nagmula sa isang hindi materyal na dako, at kung ano ang naunawaan ng mga tao, kung ano ang nalaman nila ay tungkol pa rin sa maka-Diyos na aspeto ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Hindi makapagkamit ang mga tao ng isang kongkretong konsepto mula sa pagpapahayag na ito ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang kanilang impresyon ukol sa Diyos ay nananatili pa rin sa loob ng saklaw ng “isang espirituwal na katawan na mahirap malapitan, na aandap-andap sa kanilang kaunawaan.” Sapagkat hindi gumamit ang Diyos ng isang partikular na bagay o imahe na kabilang sa materyal na dako upang magpakita sa harap ng mga tao, nanatili sila na hindi kayang isalarawan Siya gamit ang wika ng tao. Sa mga puso at mga isip ng mga tao, palagi nilang ninais na gamitin ang kanilang sariling wika upang makapagtatag ng isang pamantayan para sa Diyos, upang gawin Siyang nahahawakan at gawin Siyang tao, gaya ng kung gaano Siya katangkad, kung gaano Siya kalaki, kung ano ang Kanyang hitsura, kung ano talaga ang gusto Niya at kung ano ang Kanyang personalidad. Sa katunayan, alam ng Diyos sa Kanyang puso na ganito ang pag-iisip ng mga tao. Napakalinaw Niya sa mga pangangailangan ng mga tao, at mangyari pa ay alam din Niya kung ano ang Kanyang dapat gawin, kaya isinakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa naiibang pamamaraan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang ganitong paraan ay kapwa maka-Diyos at nagawang makatao. Sa yugto ng panahon na gumagawa ang Panginoong Jesus, nakikita ng mga tao na maraming pantaong mga pagpapahayag ang Diyos. Halimbawa, nakasasayaw Siya, nakadadalo Siya sa mga kasalan, nagagawa Niyang makipagniig sa mga tao, makipag-usap sa kanila, at magtalakay ng mga bagay kasama nila. Bukod pa riyan, natapos din ng Panginoong Jesus ang maraming gawain na kumakatawan sa Kanyang pagka-Diyos, at mangyari pa na ang lahat ng gawaing ito ay isang pagpapahayag at isang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Sa panahong ito, nang ang pagka-Diyos ng Diyos ay naisakatuparan sa isang karaniwang katawang-tao na maaaring makita at mahawakan ng mga tao, hindi na nila naramdaman na Siya ay aandap-andap sa kanilang kaunawaan o na hindi sila makalalapit sa Kanya. Sa kabaligtaran, masusubukan nilang maintindihan ang kalooban ng Diyos o maunawaan ang Kanyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng bawat pagkilos, sa pamamagitan ng mga salita, at sa pamamagitan ng gawain ng Anak ng tao. Inihayag ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang pagka-Diyos ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkatao at ipinarating ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan. At sa pamamagitan ng Kanyang pagpapahayag sa kalooban at disposisyon ng Diyos, ibinunyag din Niya sa mga tao ang Diyos na hindi nakikita o nahahawakan na nananahan sa espirituwal na dako. Ang nakita ng mga tao ay ang Diyos Mismo sa anyong nahahawakan, na gawa sa laman at dugo. Kaya ginawa ng nagkatawang-taong Anak ng tao ang mga bagay tulad ng pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, katayuan, imahe, disposisyon ng Diyos, at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na kongkreto at nagawang makatao. Bagaman mayroong ilang limitasyon ang panlabas na kaanyuan ng Anak ng tao hinggil sa imahe ng Diyos, ang Kanyang diwa at ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay lubos na kayang kumatawan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo—mayroon lang ilang pagkakaiba sa anyo ng pagpapahayag. Hindi natin maitatanggi na kinatawan ng Anak ng tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo, kapwa sa anyo ng Kanyang pagkatao at sa Kanyang pagka-Diyos. Sa panahong ito, gayunpaman, gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng katawang-tao, nagsalita mula sa pananaw ng katawang-tao, at tumayo sa harapan ng sangkatauhan nang may pagkakakilanlan at katayuan ng Anak ng tao, at ito ang nagbigay ng pagkakataon sa mga tao na makaharap at maranasan ang tunay na mga salita at gawain ng Diyos sa sangkatauhan. Pinahintulutan din nito ang kabatiran ng mga tao sa Kanyang pagka-Diyos at sa Kanyang kadakilaan sa gitna ng pagpapakumbaba, gayundin ang magkamit ng isang paunang pagkaunawa at pakahulugan sa pagiging-tunay at realidad ng Diyos. Bagaman ang gawaing natapos ng Panginoong Jesus, ang Kanyang mga paraan ng paggawa, at ang pananaw kung saan Siya nagsasalita ay naiiba sa tunay na persona ng Diyos sa espirituwal na dako, ang lahat tungkol sa Kanya ay tunay na kumatawan sa Diyos Mismo, na hindi pa kailanman nakita ng sangkatauhan noon—hindi ito maitatanggi! Ibig sabihin, sa anumang anyo nagpapakita ang Diyos, sa alinmang pananaw Siya nagsasalita, o sa anumang imahe Niya hinaharap ang sangkatauhan, walang ibang kinakatawan ang Diyos kundi Siya Mismo. Hindi Siya maaaring kumatawan sa sinumang tao, ni sa sinuman sa tiwaling sangkatauhan. Ang Diyos ay ang Diyos Mismo, at hindi ito maitatanggi.
Pagkatapos, titingnan natin ang isang talinghaga na inilahad ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya.
3. Ang Talinghaga ng Nawalang Tupa
Mateo 18:12–14 Ano ang akala ninyo? Kung ang isang tao ay may isang daang tupa, at maligaw ang isa sa mga yaon, hindi baga iiwan niya ang siyamnapu’t siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw? At kung mangyaring masumpungan niya, ay katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na magagalak ng higit dahil dito kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi nangaligaw. Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.
Ang siping ito ay isang talinghaga—ano ang ipinadarama nito sa mga tao? Ang paraan ng pagpapahayag—ang talinghaga—na ginamit dito ay isang tayutay sa wika ng tao, at sa gayon ay nakapaloob sa saklaw ng kaalaman ng tao. Kung nagsalita ang Diyos ng kaparehong bagay sa Kapanahunan ng Kautusan, maaaring nadama ng mga tao na ang gayong mga salita ay hindi tunay na alinsunod sa pagkakakilanlan ng Diyos, ngunit nang ipinahayag ng Anak ng tao ang mga salitang ito sa Kapanahunan ng Biyaya, ito ay nakaaaliw, nakasisigla, at malapit sa mga tao. Nang naging tao ang Diyos, nang nagpakita Siya sa anyo ng isang tao, ginamit Niya ang isang lubhang naaangkop na talinghaga na nagmula sa sarili Niyang pagkatao, upang ipahayag ang tinig ng Kanyang puso. Kinatawan ng tinig na ito ang sariling tinig ng Diyos at ang gawain na ninais Niyang gawin sa kapanahunang iyon. Kinatawan din nito ang isang saloobin na mayroon ang Diyos tungo sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung titingin mula sa pananaw ng saloobin ng Diyos tungo sa mga tao, inihambing Niya ang bawat isang tao sa isang tupa. Kung mawala ang isang tupa, gagawin Niya ang lahat upang mahanap ito. Kinatawan nito ang isang prinsipyo ng gawain ng Diyos sa panahong iyon kasama ng sangkatauhan, nang Siya ay nasa katawang-tao. Ginamit ng Diyos ang talinghagang ito upang isalarawan ang Kanyang kapasyahan at saloobin sa gawaing iyon. Ito ang kabutihan ng pagkakatawang-tao ng Diyos: Mapakikinabangan Niya ang kaalaman ng sangkatauhan at magagamit ang wika ng tao upang magsalita sa mga tao, at upang ipahayag ang Kanyang kalooban. Ipinaliwanag Niya o “isinalin” sa tao ang Kanyang malalim, maka-Diyos na wika na nahihirapan ang mga taong maunawaan sa wika ng tao, sa paraan ng tao. Nakatulong ito sa mga tao na maunawaan ang Kanyang kalooban at malaman kung ano ang nais Niyang gawin. Nagagawa rin Niyang makipag-usap sa mga tao mula sa pananaw ng tao, gamit ang wika ng tao, at magbigay-alam sa mga tao sa paraang nauunawaan nila. Nagagawa pa nga Niyang magsalita at gumawa gamit ang wika at kaalaman ng tao nang maaaring maramdaman ng mga tao ang kagandahang-loob at pagiging malapit ng Diyos, nang maaaring makita nila ang Kanyang puso. Ano ang nakikita ninyo rito? Mayroon bang anumang pagbabawal sa mga salita at mga pagkilos ng Diyos? Sa tingin ng mga tao, hindi posible na magamit ng Diyos ang pantaong kaalaman, wika, o mga pamamaraan ng pananalita upang pag-usapan ang tungkol sa kung ano ang ninais sabihin ng Diyos Mismo, ang gawain na ninais Niyang gawin, o upang ipahayag ang sarili Niyang kalooban. Subalit maling pag-iisip ito. Ginamit ng Diyos ang ganitong uri ng talinghaga upang maramdaman ng mga tao ang pagiging totoo at ang sinseridad ng Diyos, at makita ang Kanyang saloobin tungo sa mga tao sa yugto ng panahong iyon. Ginising ng talinghagang ito mula sa isang panaginip ang mga tao na nabubuhay sa ilalim ng kautusan nang mahabang panahon, at binigyang-inspirasyon din nito ang sali’t saling lahi ng mga tao na nabuhay sa Kapanahunan ng Biyaya. Sa pagbabasa ng siping ito ng talinghaga, nalalaman ng mga tao ang sinseridad ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan at nauunawaan ang bigat at halagang ukol sa sangkatauhan sa puso ng Diyos.
Tingnan natin ang huling pangungusap sa siping ito: “Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.” Sariling mga salita ba ito ng Panginoong Jesus, o mga salita ng Ama sa langit? Sa unang tingin, tila ba ang Panginoong Jesus ang nagsasalita, ngunit kinakatawan ng Kanyang kalooban ang kalooban ng Diyos Mismo, kaya sinabi Niyang: “Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.” Tanging ang Ama sa langit ang kinilala ng mga tao sa panahong iyon bilang Diyos, at naniwalang ang taong ito na kanilang nakita sa harap ng kanilang mga mata ay isinugo lang Niya, at hindi maaaring kumatawan sa Ama sa langit. Iyon ang dahilan kung bakit kinailangan ng Panginoong Jesus na idagdag ang pangungusap na ito sa hulihan ng talinghagang ito, upang tunay na maramdaman ng mga tao ang kalooban ng Diyos sa sangkatauhan at maramdaman ang pagiging-tunay at katumpakan ng Kanyang sinabi. Kahit na isang simpleng bagay ang pangungusap na ito para sabihin, sinabi ito nang may pagmamalasakit at pag-ibig at ibinunyag ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Panginoong Jesus. Naging tao man ang Diyos o gumawa man Siya sa espirituwal na dako, Siya ang nakakilala nang pinakamabuti sa puso ng tao, at nakaunawa nang pinakamahusay sa kung anong kinailangan ng mga tao, nakaalam sa kung anong ikinababahala ng mga tao, at kung anong nakalilito sa kanila, at kaya idinagdag Niya ang pangungusap na ito. Itinampok ng pangungusap na ito ang isang suliraning nakatago sa sangkatauhan: Nag-alinlangan ang mga tao sa sinabi ng Anak ng tao, na ang ibig sabihin, nang nagsasalita ang Panginoong Jesus kinailangan Niyang idagdag ang: “Gayon din na hindi nga kalooban ng inyong Amang nasa langit, na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak,” at tanging sa saligang ito makapamumunga ang Kanyang mga salita, upang papaniwalain ang mga tao sa katumpakan ng mga ito at pagbutihin ang kredibilidad ng mga ito. Ipinakikita nito na noong naging karaniwang Anak ng tao ang Diyos, nagkaroon ang Diyos at ang sangkatauhan ng isang di-mapalagay na ugnayan, at na ang kalagayan ng Anak ng tao ay talagang nakahihiya. Ipinakikita rin nito kung gaano kahamak ang katayuan ng Panginoong Jesus sa gitna ng mga tao sa panahong iyon. Nang sinabi Niya ito, ito ay upang sabihin talaga sa mga tao na: Makatitiyak kayo—hindi kinakatawan ng mga salitang ito kung ano ang nasa sarili Kong puso, bagkus ang mga ito ay ang kalooban ng Diyos na nasa inyong mga puso. Para sa sangkatauhan, hindi ba ito isang kakatwang bagay? Bagaman ang Diyos na gumagawa sa katawang-tao ay maraming kalamangan na wala sa Kanya sa Kanyang persona, kinailangan Niyang tiisin ang kanilang mga alinlangan at pagtanggi gayundin ang kanilang kamanhiran at kapurulan. Masasabi na ang proseso ng gawain ng Anak ng tao ay ang proseso ng pagdanas ng pagtanggi ng sangkatauhan at pagdanas ng kanilang pakikipagtunggali laban sa Kanya. Higit pa roon, ito ang proseso ng paggawa upang patuloy na makuha ang tiwala ng sangkatauhan at malupig ang sangkatauhan sa pamamagitan ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, sa pamamagitan ng Kanyang sariling diwa. Hindi naman talaga naglunsad ang Diyos na nagkatawang-tao ng digmaan sa lupa laban kay Satanas; mas masasabi na naging isang karaniwang tao ang Diyos at nagsimula ng isang pakikibaka kasama ang mga sumusunod sa Kanya, at sa pakikibakang ito ay natapos ng Anak ng tao ang Kanyang gawain sa Kanyang pagpapakumbaba, sa kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at sa Kanyang pag-ibig at karunungan. Natamo Niya ang mga taong ninais Niya, nakuha ang pagkakakilanlan at katayuan na nararapat sa Kanya, at “bumalik” sa Kanyang luklukan.
Pagkatapos, tingnan natin ang sumusunod na dalawang sipi ng kasulatan.
4. Magpatawad nang Makapitongpung Pitong Beses
Mateo 18:21–22 Nang magkagayo’y lumapit si Pedro at sinabi sa Kanya, “Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya’y aking patatawarin? Hanggang sa makapito?” Sinabi sa kanya ni Jesus, “hindi Ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito; kundi hanggang sa makapitongpung pito.”
5. Ang Pag-ibig ng Panginoon
Mateo 22:37–39 At sinabi sa kanya, “Dapat ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pang-unang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, dapat ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
Sa dalawang talatang ito, nagpapahayag ang isa ng pagpapatawad at nagpapahayag naman ang isa ng pag-ibig. Talagang itinatampok ng dalawang paksang ito ang gawain na ninais isakatuparan ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya.
Nang naging tao ang Diyos, dinala Niyang kasama Niya ang isang yugto ng Kanyang gawain, na siyang partikular na mga gawain at ang disposisyon na ninais Niyang ipahayag sa kapanahunang ito. Sa panahong iyon, umikot ang lahat ng bagay na ginawa ng Anak ng tao sa gawain na ninais isakatuparan ng Diyos sa kapanahunang ito. Hindi Siya gagawa nang labis at nang kulang. Ang bawat isang bagay na Kanyang sinabi at bawat uri ng gawain na Kanyang isinakatuparan ay may kaugnayang lahat sa kapanahunang ito. Kung ipinahayag man Niya ito sa paraan ng tao nang may wika ng tao o sa pamamagitan ng wikang maka-Diyos, at kahit na alinmang paraan, o mula sa alinmang pananaw Niya ginawa iyon, ang Kanyang mithiin ay upang tulungan ang mga tao na maunawaan kung ano ang ninais Niyang gawin, kung ano ang Kanyang kalooban, at kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao noon. Maaari Siyang gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan at magkakaibang mga pananaw upang tulungan ang mga tao na maunawaan at malaman ang Kanyang kalooban, at upang maunawaan ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Kaya sa Kapanahunan ng Biyaya ay makikita natin ang Panginoong Jesus na kadalasang gumagamit ng wika ng tao upang ipahayag ang ninais Niyang ipagbigay-alam sa sangkatauhan. Higit pa rito, nakikita natin Siya mula sa pananaw ng isang karaniwang patnubay na nakikipag-usap sa mga tao, tinutustusan ang kanilang mga pangangailangan, at tinutulungan sila sa kung ano ang kanilang hiniling. Hindi nakita ang paraang ito ng paggawa sa Kapanahunan ng Kautusan na dumating bago ang Kapanahunan ng Biyaya. Naging mas malapit at naging mas mahabagin Siya sa sangkatauhan, gayundin ay mas nagagawang magtamo ng praktikal na mga resulta kapwa sa anyo at sa pamamaraan. Ang metapora tungkol sa pagpapatawad sa mga tao nang makapitongpung pitong beses ay talagang nililinaw ang puntong ito. Ang layon na natamo ng bilang sa metaporang ito ay upang tulutan ang mga tao na maunawaan ang layunin ng Panginoong Jesus sa panahong sinabi Niya ito. Ang Kanyang layunin ay na dapat magpatawad ang mga tao sa iba—hindi isa o dalawang beses, at hindi rin nang pitong beses, kundi makapitongpung pito. Anong uri ng ideya ang nakapaloob sa ideya ng “makapitongpung pito”? Ito ay upang maging sanhi na gawing sariling pananagutan ng mga tao ang pagpapatawad, isang bagay na dapat nilang matutuhan, at isang “landas” na kung saan dapat silang manatili. Bagaman ito ay isa lang metapora, ginamit ito upang itampok ang isang mahalagang punto. Nakatulong ito sa mga tao na lubos na pahalagahan kung ano ang ibig Niyang sabihin at na hanapin ang wastong mga pamamaraan ng pagsasagawa at ang mga prinsipyo at mga pamantayan ng pagsasagawa. Nakatulong ang metaporang ito sa mga tao na malinaw na makaunawa at nagbigay sa kanila ng tamang konsepto—na dapat silang matutong magpatawad at magpatawad nang kahit ilang beses nang walang mga kondisyon, bagkus ay may saloobin ng pagpapaubaya at pag-unawa para sa iba. Nang sinabi ito ng Panginoong Jesus, ano ang nasa puso Niya? Talaga bang iniisip Niya ang bilang na “makapitongpung pito”? Hindi, hindi Niya iniisip. Mayroon bang dami ng beses na magpapatawad ang Diyos sa tao? Maraming tao ang totoong interesado sa “dami ng beses” na nabanggit dito, na nais talagang maunawaan ang pinagmulan at ang kahulugan ng bilang na ito. Nais nilang maunawaan kung bakit lumabas sa bibig ng Panginoong Jesus ang bilang na ito; naniniwala sila na mayroong mas malalim na pakahulugan sa bilang na ito. Subalit sa katunayan, ito ay tayutay lang ng tao na ginamit ng Diyos. Anumang pagpapahiwatig o kahulugan ay dapat na maintindihan kasama ng mga hinihingi ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan. Nang hindi pa naging tao ang Diyos, hindi masyadong naunawaan ng mga tao ang Kanyang sinabi, sapagkat nanggaling ang Kanyang mga salita sa ganap na pagka-Diyos. Ang pananaw at ang konteksto ng Kanyang sinabi ay hindi nakikita at hindi naaabot ng sangkatauhan; ipinahayag ito mula sa espirituwal na dako na hindi nakikita ng mga tao. Para sa mga taong nabuhay sa laman, hindi nila kayang bagtasin ang espirituwal na dako. Subalit pagkatapos maging tao ng Diyos, nagsalita Siya sa sangkatauhan mula sa pananaw ng pagkatao, at Siya ay lumabas at hinigitan ang saklaw ng espirituwal na dako. Kaya Niyang ipahayag ang Kanyang maka-Diyos na disposisyon, kalooban, at saloobin sa pamamagitan ng mga bagay na maiisip ng mga tao, mga bagay na kanilang nakita at nakaharap sa kanilang mga buhay, at gamit ang mga pamamaraan na matatanggap ng mga tao, sa wika na kanilang mauunawaan, at nang may kaalaman na kanilang maiintindihan, upang tulutan ang sangkatauhan na maunawaan at makilala ang Diyos, upang maintindihan ang Kanyang layunin at ang Kanyang hinihinging mga pamantayan sa loob ng saklaw ng kanilang kakayahan at sa antas na kanilang makakaya. Ito ang pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Diyos sa pagkatao. Bagaman ang mga pamamaraan ng Diyos at ang Kanyang mga prinsipyo ng paggawa sa katawang-tao ay karamihang nakamit gamit ang o sa pamamagitan ng pagkatao, totoong nakapagtamo ito ng mga resulta na hindi matatamo sa pamamagitan ng tuwirang paggawa sa pagka-Diyos. Ang gawain ng Diyos sa pagkatao ay higit na kongkreto, tunay, at nakatuon, lalong higit na naibabagay ang mga pamamaraan, at hinigitan nito sa anyo ang gawaing isinakatuparan sa Kapanahunan ng Kautusan.
Sunod, pag-usapan natin ang tungkol sa pag-ibig sa Panginoon at pag-ibig sa kapwa gaya ng iyong sarili. Ito ba ay isang bagay na tuwirang ipinahahayag sa pagka-Diyos? Hindi, malinaw na hindi! Lahat ng ito ay mga bagay na sinabi ng Anak ng tao sa pagkatao; mga tao lamang ang magsasabi ng isang bagay gaya ng “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili,” at “Ibigin ang kapwa gaya ng pagtatangi mo sa sarili mong buhay.” Eksklusibo sa tao ang ganitong pamamaraan ng pagsasalita. Hindi kailanman nagsalita sa ganitong paraan ang Diyos. Sa paanuman, hindi taglay ng Diyos ang ganitong uri ng wika sa Kanyang pagka-Diyos sapagkat hindi Niya kailangan ang ganitong uri ng prinsipyo, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili,” upang isaayos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan ay isang likas na paghahayag ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kailan pa ninyo narinig na nagsabi ang Diyos ng anumang gaya ng: “Iniibig Ko ang sangkatauhan gaya ng pag-ibig Ko sa Aking Sarili”? Hindi pa ninyo narinig, sapagkat nasa diwa ng Diyos ang pag-ibig at nasa kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan, at ang Kanyang saloobin, at ang paraan ng Kanyang pagtrato sa mga tao ay mga likas na pagpapahayag at pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Hindi Niya kailangang gawin ito nang sadya sa isang partikular na paraan, o sadyang sundin ang isang partikular na pamamaraan o isang pamantayang moral upang matamo ang pag-ibig Niya sa kapwa gaya sa sarili Niya—tinataglay na Niya ang ganitong uri ng diwa. Ano ang nakikita mo rito? Nang gumawa ang Diyos sa pagkatao, marami sa Kanyang mga pamamaraan, mga salita, at mga katotohanan ay ipinahayag sa paraan ng tao. Subalit kasabay nito, ang disposisyon ng Diyos, ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang Kanyang kalooban ay ipinahayag upang malaman at maunawaan ng mga tao. Ang kanilang nalaman at naunawaan ay ang Kanya mismong diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na kumakatawan sa likas na pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos Mismo. Ibig sabihin, ipinahayag ng Anak ng tao sa katawang-tao ang likas na disposisyon at diwa ng Diyos Mismo sa abot ng makakaya at nang tumpak hangga’t maaari. Hindi lang sa hindi isang balakid o isang hadlang ang pagkatao ng Anak ng tao sa komunikasyon at pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos sa langit, bagkus ay ito lang talaga ang paraan at ang tanging tulay para sa sangkatauhan upang makipag-ugnayan sa Panginoon ng paglikha. Ngayon, sa puntong ito, hindi ba ninyo nararamdaman na maraming pagkakatulad sa pagitan ng kalikasan at sa mga pamamaraan ng gawain na ginawa ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya at sa kasalukuyang yugto ng gawain? Gumagamit din ang kasalukuyang yugto ng gawaing ito ng napakaraming wika ng tao upang ipahayag ang disposisyon ng Diyos, at ng napakaraming wika at pamamaraan mula sa pang-araw-araw na buhay ng sangkatauhan at kaalaman ng tao upang ipahayag ang kalooban ng Diyos Mismo. Sa sandaling maging tao ang Diyos, nagsasalita man Siya mula sa pananaw ng isang tao o sa pananaw ng isang Diyos, marami sa Kanyang wika at mga pamamaraan ng pagpapahayag ay nagmumula sa paraan ng wika at mga pamamaraan ng tao. Ibig sabihin, nang maging tao ang Diyos, ito ang pinakamainam na pagkakataon upang makita mo ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos at ang Kanyang karunungan, at upang malaman ang bawat tunay na aspeto ng Diyos. Nang naging tao ang Diyos, habang lumalaki Siya, naunawaan, natutuhan, at naintindihan Niya ang ilan sa mga kaalaman ng sangkatauhan, sentido kumon, wika, at mga pamamaraan ng pagpapahayag sa pagkatao. Tinaglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga bagay na ito na nanggaling sa mga tao na Kanyang nilikha. Naging mga kasangkapan ang mga ito ng Diyos na nasa katawang-tao para sa pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at ng Kanyang pagka-Diyos, at nagtulot sa Kanya upang gawin ang Kanyang gawain na mas naaangkop, mas tunay, at mas tumpak nang Siya ay gumagawa sa kalagitnaan ng sangkatauhan, mula sa pananaw ng isang tao at gamit ang wika ng tao. Ginawa nito ang Kanyang gawain na mas naaabot at mas madaling nauunawaan ng mga tao, sa gayon ay natatamo ang mga resultang ninais ng Diyos. Hindi ba higit na praktikal para sa Diyos na gumawa sa katawang-tao sa ganitong paraan? Hindi ba ito ang karunungan ng Diyos? Kapag nagkatawang-tao na ang Diyos, kapag naisabalikat na ng katawang-tao ng Diyos ang gawain na ninais Niyang isakatuparan, iyon ay kung kailan Niya praktikal na ipahahayag ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang gawain, at iyon rin ang panahon na maaari na Niyang opisyal na simulan ang Kanyang ministeryo bilang Anak ng tao. Nangangahulugan ito na wala nang “agwat ng salinlahi” sa pagitan ng Diyos at ng tao, na malapit nang itigil ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagbibigay-alam sa pamamagitan ng mga sugo, at na maaaring ipahayag nang personal ng Diyos Mismo ang lahat ng salita at gawain na ninais Niyang ipahayag sa katawang-tao. Nangangahulugan din ito na ang mga taong inililigtas ng Diyos ay naging mas malapit sa Kanya, na ang Kanyang gawain ng pamamahala ay nakapasok sa isang bagong teritoryo, at na malapit nang harapin ng buong sangkatauhan ang isang bagong panahon.
Nalalaman ng lahat ng nakabasa na sa Bibliya na maraming bagay ang nangyari nang ipanganak ang Panginoong Jesus. Ang pinakamatindi sa mga pangyayaring iyon ay nang tinutugis Siya ng hari ng mga diyablo, na isang napakalubhang pangyayari na anupa’t ang lahat ng bata sa bayan na edad dalawang taon pababa ay pinagpapatay. Maliwanag na sinuong ng Diyos ang napakalaking panganib sa pagkakatawang-tao kasama ng mga tao; maliwanag din ang napakalaking halaga na Kanyang binayaran para sa pagtatapos ng Kanyang pamamahala sa pagliligtas sa sangkatauhan. Maliwanag din ang dakilang mga pag-asa na pinanghawakan ng Diyos para sa Kanyang gawain sa gitna ng sangkatauhan sa katawang-tao. Nang magawa ng katawang-tao ng Diyos na gumawa kasama ng sangkatauhan, ano ang Kanyang naramdaman? Dapat na maunawaan ng mga tao iyon kahit papaano, hindi ba? Ano’t anuman, masaya ang Diyos sapagkat maaari na Niyang simulang isakatuparan ang Kanyang bagong gawain sa sangkatauhan. Nang nabautismuhan ang Panginoong Jesus at opisyal na sinimulan ang Kanyang gawain upang tuparin ang Kanyang ministeryo, napuno ng kagalakan ang puso ng Diyos dahil pagkatapos ng napakaraming taon ng paghihintay at paghahanda, maisusuot na Niya sa wakas ang katawang-tao ng isang normal na tao at masisimulan ang Kanyang bagong gawain sa anyo ng isang tao na may laman at dugo, na maaaring makita at mahawakan ng mga tao. Sa wakas ay maaari na Siyang makipag-usap nang harap-harapan at masinsinan sa mga tao sa pamamagitan ng pagkakakilanlan ng isang tao. Sa wakas ay maaari nang humarap ang Diyos nang mukhaan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga paraan ng tao at wika ng tao; maaari na Niyang tustusan ang sangkatauhan, liwanagan sila, at tulungan sila gamit ang wika ng tao; maaari na Siyang kumain sa parehong hapag at mamuhay sa parehong lugar kasama sila. Maaari na rin Niyang makita ang mga tao, makita ang mga bagay, at makita ang lahat gaya ng kung paano nakikita ng mga tao ang mga ito at maging sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata. Para sa Diyos, ito na ang Kanyang unang tagumpay sa Kanyang gawain sa katawang-tao. Masasabi rin na ito ay katuparan ng isang dakilang gawain—ito mangyari pa ang lubos na ikinaliligaya ng Diyos. Simula noon, nadama ng Diyos, sa unang pagkakataon, ang isang uri ng kaaliwan sa Kanyang gawain sa sangkatauhan. Ang lahat ng mga kaganapang nangyari ay totoong praktikal at talagang likas, at ang kaaliwan na naramdaman ng Diyos ay napakatotoo. Para sa sangkatauhan, sa tuwing naisasakatuparan ang isang bagong yugto ng gawain ng Diyos, at sa tuwing nakararamdam ng kasiyahan ang Diyos, ay kung kailan maaaring mas mapalapit ang sangkatauhan sa Diyos at sa kaligtasan. Sa Diyos, ito rin ang paglulunsad ng Kanyang bagong gawain, sumusulong sa Kanyang plano ng pamamahala, at, higit pa rito, ito ang mga pagkakataon kung kailan ang Kanyang mga layunin ay nalalapit sa ganap na katuparan. Para sa sangkatauhan, mapalad ang pagdating ng gayong pagkakataon, at talagang mabuti; para sa lahat ng naghihintay sa pagliligtas ng Diyos, ito ay napakahalaga at nakagagalak na balita. Kapag isinasakatuparan ng Diyos ang isang bagong yugto ng gawain, mayroon Siyang isang bagong pasimula, at kapag inilunsad at ipinakilala ang bagong gawain at bagong pasimulang ito sa sangkatauhan, ito ay kung kailan natiyak na ang kalalabasan ng yugtong ito ng gawain at natapos na at nakita na ng Diyos ang panghuling epekto at bunga. Ito rin ay kung kailan mapalulugod ng mga epektong ito ang Diyos, at, mangyari pa, ito ay kung kailan masaya ang Kanyang puso. Panatag ang Diyos dahil, sa mga mata Niya, nakita at natukoy na Niya ang mga tao na Kanyang hinahanap, at nakamit na ang pangkat na ito ng tao, isang pangkat na magagawang maging matagumpay ang Kanyang gawain at magdudulot sa Kanya ng kaluguran. Kaya naman, isinasantabi Niya ang Kanyang mga pag-aalala, at nakararamdam Siya ng kasiyahan. Sa madaling salita, kapag ang katawang-tao ng Diyos ay makapagsisimula ng bagong gawain kasama ng tao, at sinimulan Niya, nang walang hadlang, na gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, at kapag nararamdaman na Niyang natapos na ang lahat, kung gayon ay para sa Kanya, nakikita na Niya ang katapusan. Nasisiyahan Siya dahil dito, at masaya ang Kanyang puso. Paano naipahahayag ang kasiyahan ng Diyos? Naiisip ba ninyo kung ano kaya ang sagot? Maaari bang umiyak ang Diyos? Makaiiyak ba ang Diyos? Maipapalakpak ba ng Diyos ang Kanyang mga kamay? Makasasayaw ba ang Diyos? Makaaawit ba ang Diyos? Kung gayon, ano kayang aawitin Niya? Mangyari pa, makaaawit ang Diyos ng isang maganda, nakaaantig na awit, isang awit na kayang ipahayag ang galak at kasiyahan sa Kanyang puso. Magagawa Niyang awitin ito para sa sangkatauhan, para sa Kanya Mismo, at para sa lahat ng bagay. Maipapahayag sa anumang paraan ang kasiyahan ng Diyos—normal ang lahat ng ito sapagkat may mga kagalakan at mga kalungkutan ang Diyos, at ang Kanyang iba’t ibang damdamin ay maipahahayag sa iba’t ibang paraan. Ito ay Kanyang karapatan, at wala nang ibang mas normal at wasto. Hindi na dapat mag-isip ng anupaman dito ang mga tao. Hindi ninyo dapat subukang gamitin ang “orasyon sa paghihigpit ng benda”[a] sa Diyos, na sinasabi sa Kanya na hindi Niya dapat gawin ang ganito o ganoon, hindi Siya dapat kumilos nang ganito o ganoon, at sa paraang ito ay limitahan ang Kanyang kasiyahan o anumang damdaming maaaring mayroon Siya. Sa puso ng mga tao ang Diyos ay hindi magagawang maging masaya, hindi makaluluha, hindi makatatangis—hindi Niya magagawang magpahayag ng anumang emosyon. Sa pamamagitan ng ipinagbigay-alam na natin sa loob ng dalawang pagbabahaging ito, naniniwala Ako na hindi na ninyo titingnan ang Diyos sa ganitong paraan, bagkus ay hahayaan ang Diyos na magkaroon ng kaunting kalayaan at kaginhawahan. Napakainam na bagay ito. Sa hinaharap kung magagawa ninyong tunay na maramdaman ang kalungkutan ng Diyos kapag narinig ninyong malungkot Siya, at nagagawa ninyong tunay na maramdaman ang Kanyang kasiyahan kapag narinig ninyong masaya Siya, kung gayon kahit papaano ay magagawa ninyong malaman at maunawaan nang malinaw kung ano ang nakapagpapasaya sa Diyos at kung ano ang nakapagpapalungkot sa Kanya. Kapag nalulungkot ka dahil malungkot ang Diyos, at sumasaya dahil masaya ang Diyos, makakamit na Niya nang lubos ang iyong puso at wala nang magiging anumang hadlang sa pagitan mo at sa Kanya. Hindi mo na susubukang limitahan ang Diyos sa mga guni-guni, mga kuru-kuro, at kaalaman ng tao. Sa panahong iyon, ang Diyos ay magiging buhay at masigla sa iyong puso. Siya ang magiging Diyos ng iyong buhay at ang Panginoon ng lahat ng tungkol sa iyo. Mayroon ba kayong ganitong uri ng paghahangad? Nagtitiwala ka ba na matatamo mo ito?
Pagkatapos, basahin natin ang sumusunod na mga talata mula sa mga kasulatan:
6. Ang Sermon sa Bundok
Ang mga Pinagpala (Mateo 5:3–12)
Asin at ang Ilaw (Mateo 5:13–16)
Kautusan (Mateo 5:17–20)
Galit (Mateo 5:21–26)
Pangangalunya (Mateo 5:27–30)
Diborsiyo (Mateo 5:31–32)
Mga Pangako (Mateo 5:33–37)
Mata sa Mata (Mateo 5:38–42)
Mahalin Mo ang Iyong mga Kaaway (Mateo 5:43–48)
Ang Tagubilin Tungkol sa Pag-aabuloy (Mateo 6:1–4)
Panalangin (Mateo 6:5–8)
7. Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus
Ang Talinghaga Ukol sa Manghahasik (Mateo 13:1–9)
Ang Talinghaga Ukol sa mga Mapanirang Damo (Mateo 13:24–30)
Ang Talinghaga Ukol sa Binhi ng Mustasa (Mateo 13:31–32)
Ang Talinghaga Ukol sa Lebadura (Mateo 13:33)
Ipinaliwanag ang Talinghaga Ukol sa mga Mapanirang Damo (Mateo 13:36–43)
Ang Talinghaga Ukol sa Kayamanan (Mateo 13:44)
Ang Talinghaga Ukol sa Perlas (Mateo 13:45–46)
Ang Talinghaga Ukol sa Lambat (Mateo 13:47–50)
8. Ang mga Utos
Mateo 22:37–39 At sinabi sa kanya, “Dapat ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo. Ito ang dakila at pang-unang utos. At ang pangalawang katulad ay ito, dapat ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”
Tingnan muna natin ang bawat isa sa iba’t ibang bahagi ng “Ang Sermon sa Bundok.” Ano ang tinatalakay ng lahat ng magkakaibang bahaging ito? Masasabi, nang may katiyakan, na ang mga nilalaman ng iba’t ibang bahaging ito ay lahat mas mataas, mas kongkreto, at mas malapit sa mga buhay ng mga tao kaysa sa mga alituntunin ng Kapanahunan ng Kautusan. Kung sasabihin sa makabagong mga pananalita, mas nauugnay ang mga bagay na ito sa aktuwal na pagsasagawa ng mga tao.
Basahin natin ang sumusunod na partikular na nilalaman: Paano mo dapat unawain ang mga pinagpala? Ano ang dapat mong malaman tungkol sa kautusan? Paano dapat bigyang-kahulugan ang galit? Paano dapat pakitunguhan ang mga mapangalunya? Paano dapat na pag-usapan ang diborsiyo, at anong uri ng mga patakaran mayroon tungkol dito? Sino ang makapagdidiborsiyo at sino ang hindi makapagdidiborsiyo? Paano naman ang mga panata, mata sa mata, pag-ibig sa mga kaaway, at pagiging mapagkawanggawa? At iba pa. Nauugnay ang lahat ng bagay na ito sa bawat aspeto ng pagsasagawa sa paniniwala ng sangkatauhan sa Diyos, at ng kanilang pagsunod sa Diyos. Naaangkop pa rin ngayon ang ilan sa mga pagsasagawang ito, bagaman mas mababaw ang mga ito kaysa sa kasalukuyang mga hinihingi sa mga tao—ang mga ito ay bahagyang panimulang mga katotohanan na nakahaharap ng mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos. Mula sa panahon na nagsimulang gumawa ang Panginoong Jesus, nagsisimula na Siyang isakatuparan ang gawain sa disposisyon sa buhay ng mga tao, subalit ang mga aspetong ito ng Kanyang gawain ay batay sa saligan ng mga kautusan. May anumang kinalaman ba sa katotohanan ang mga patakaran at mga paraan ng pagsasalita tungkol sa mga paksang ito? Siyempre mayroon! Ang lahat ng nakaraang mga alituntunin at mga prinsipyo, gayundin ang mga sermong ito sa Kapanahunan ng Biyaya, ay nauugnay sa disposisyon ng Diyos at sa kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at siyempre pa, sa katotohanan. Anuman ang ipinahahayag ng Diyos, at anumang pamamaraan ng pagpapahayag o wika ang ginagamit Niya, ang mga bagay na Kanyang ipinahahayag ay lahat may saligan, pinagmulan, at pasimulang nakabatay sa mga prinsipyo ng Kanyang disposisyon at ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ito ay ganap na totoo. Kaya kahit tila medyo mababaw ngayon ang mga bagay na ito na Kanyang sinabi, hindi pa rin masasabi na hindi sila ang katotohanan, sapagkat ang mga ito ay mga bagay na hindi maaaring mawala sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya upang mapalugod ang kalooban ng Diyos at upang matamo ang isang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Masasabi mo ba na ang alinman sa mga sermong ito ay hindi nakaayon sa katotohanan? Hindi, hindi mo masasabi! Ang bawat isa sa mga ito ay ang katotohanan sapagkat ang lahat ng ito ay mga hinihingi ng Diyos para sa sangkatauhan; ang lahat ng ito ay mga prinsipyo at isang saklaw na ibinigay ng Diyos, ipinapakita kung paano dapat gumawi ang isang tao, at kinakatawan ng mga ito ang disposisyon ng Diyos. Gayunpaman, batay sa antas ng kanilang paglago sa buhay sa panahong iyon, ang mga ito lang ang tanging nagawa nilang tanggapin at maintindihan. Sapagkat hindi pa nalulutas ang kasalanan ng sangkatauhan, ang mga ito ang tanging mga salita na maipalalabas ng Panginoong Jesus, at magagamit lang Niya ang simpleng mga aral na napapaloob sa ganitong uri ng saklaw upang ilahad sa mga tao sa panahong iyon kung paano sila dapat kumilos, ano ang dapat nilang gawin, sa loob ng anong mga prinsipyo at saklaw nila dapat gawin ang mga bagay, at kung paano sila dapat maniwala sa Diyos at matugunan ang Kanyang mga hinihingi. Natukoy ang lahat ng ito batay sa tayog ng sangkatauhan sa panahong iyon. Hindi madali para sa mga taong nabubuhay sa ilalim ng kautusan na tanggapin ang mga aral na ito, kaya kung ano ang itinuro ng Panginoong Jesus ay kinailangang manatili sa loob ng saklaw na ito.
Pagkatapos, tingnan natin ang iba’t ibang nilalaman ng “Ang mga Talinghaga ng Panginoong Jesus.”
Ang una ay ang talinghaga ukol sa manghahasik. Isa itong tunay na kawili-wiling talinghaga; ang paghahasik ng mga binhi ay isang karaniwang pangyayari sa mga buhay ng mga tao. Ang ikalawa ay ang talinghaga ukol sa mga panirang damo. Sinumang nakapagtanim na ng mga pananim, at tiyak na ang lahat ng matatanda, ay makaaalam kung ano ang “mga panirang damo”. Ang ikatlo ay ang talinghaga ukol sa binhi ng mustasa. Alam ninyong lahat kung ano ang mustasa, hindi ba? Kung hindi ninyo alam, maaari ninyong tingnan sa Bibliya. Ang ikaapat ay ang talinghaga ukol sa lebadura. Ngayon, alam ng karamihan sa mga tao na ginagamit ang lebadura para sa pagbuburo, at iyon ay isang bagay na ginagamit ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Ang susunod pang mga talinghaga, kabilang na ang ikaanim, ang talinghaga ukol sa kayamanan; ang ikapito, ang talinghaga ukol sa perlas; at ang ikawalo, ang talinghaga ukol sa lambat, ay lahat hinango at nagmula sa tunay na mga buhay ng mga tao. Anong uri ng larawan ang ipinipinta ng mga talinghagang ito? Isa itong larawan ng Diyos na nagiging isang normal na tao at namumuhay kasama ng sangkatauhan, ginagamit ang wika ng buhay, wikang pantao, upang makipag-ugnayan sa mga tao at upang ibigay sa kanila kung ano ang kanilang kailangan. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at namuhay kasama ng sangkatauhan sa mahabang panahon, matapos Niyang maranasan at masaksihan ang iba’t ibang paraan ng pamumuhay ng mga tao, ang mga karanasang ito ang naging kagamitan Niya sa pagtuturo na sa pamamagitan nito ay binago Niya ang Kanyang wikang pang-Diyos tungo sa wikang pantao. Mangyari pa, ang mga bagay na ito na nakita at narinig Niya sa buhay ay nagpayaman din sa karanasang pantao ng Anak ng tao. Kapag nais Niya noon na maunawaan ng mga tao ang ilang katotohanan, na maunawaan ang ilan sa kalooban ng Diyos, magagamit Niya ang mga talinghagang gaya ng mga nasa itaas upang sabihin sa mga tao ang tungkol sa kalooban ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. May kaugnayang lahat ang mga talinghagang ito sa mga buhay ng mga tao; wala ni isa man ang walang kaugnayan sa mga buhay ng tao. Nang namuhay ang Panginoong Jesus kasama ng sangkatauhan, nakita Niya ang mga magsasaka na inaalagaan ang kanilang mga bukirin, at nalaman Niya kung ano ang mga panirang damo at kung ano ang pagpapaalsa; naunawaan Niya na ibig ng mga tao ang kayamanan, kaya ginamit Niya pareho ang mga metapora ng kayamanan at ng perlas. Sa buhay, malimit Niyang makita ang mga mangingisda na naghahagis ng kanilang mga lambat; nakita ito ng Panginoong Jesus at ang iba pang mga aktibidad na nauugnay sa buhay ng tao, at naranasan din Niya ang gayong uri ng buhay. Gaya ng bawat iba pang normal na tao, naranasan Niya ang pang-araw-araw na mga gawaing pantao at ang kanilang pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Personal Niyang naranasan ang buhay ng isang karaniwang tao, at namasdan ang mga buhay ng iba. Nang namasdan at personal Niyang naranasan ang lahat ng ito, ang inisip Niya ay hindi kung paano magkaroon ng magandang buhay o kung paano Siya makapamumuhay nang mas malaya at mas maginhawa. Sa halip, mula sa Kanyang mga karanasan ng tunay na buhay ng tao, nakita ng Panginoong Jesus ang paghihirap sa mga buhay ng mga tao. Nakita Niya ang paghihirap, ang kaabahan, at ang kalungkutan ng mga taong namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at namumuhay sa kasalanan sa ilalim ng katiwalian ni Satanas. Habang personal Niyang nararanasan ang buhay ng tao, naranasan din Niya kung gaano kahina ang mga taong namumuhay sa gitna ng katiwalian, at nakita at naranasan Niya ang miserableng mga kalagayan ng mga taong namuhay sa kasalanan, na nangaligaw sa gitna ng pagpapahirap na kung saan sila ay ipinasailalim ni Satanas at ng kasamaan. Nang nakita ng Panginoong Jesus ang mga bagay na ito, nakita ba Niya ang mga ito gamit ang Kanyang pagka-Diyos o ang Kanyang pagkatao? Tunay na umiral ang Kanyang pagkatao at buhay na buhay; mararanasan at makikita Niya ang lahat ng ito. Subalit mangyari pa, nakita rin Niya ang mga bagay na ito sa Kanyang diwa, na siyang pagka-Diyos Niya. Ibig sabihin, si Cristo Mismo, ang Panginoong Jesus na tao noon, ay nakita ito, at ang lahat ng nakita Niya ay nakapagpadama sa Kanya ng kahalagahan at pangangailangan sa gawain na isinabalikat Niya sa panahong ito na namuhay Siya sa katawang-tao. Bagaman alam Niya Mismo na ang pananagutan na kailangan Niyang isabalikat sa katawang-tao ay napakalaki, at alam Niya kung gaano magiging malupit ang kirot na haharapin Niya, nang nakita Niya na ang sangkatauhan ay mahina sa kasalanan, nang nakita Niya ang kaabahan ng kanilang mga buhay at ang kanilang mahihinang pagpupunyagi sa ilalim ng kautusan, mas lalo pa Siyang nagdalamhati, at mas lalo pang nabalisa na mailigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Anumang uri ng mga paghihirap ang Kanyang haharapin o anumang uri ng kirot ang Kanyang daranasin, mas lalo pa Siyang naging determinado na tubusin ang sangkatauhan, na namumuhay sa kasalanan. Sa panahon ng prosesong ito, masasabing nagsimulang maunawaan ng Panginoong Jesus nang mas lalo pang malinaw ang gawain na kinailangan Niyang gawin at na siyang ipinagkatiwala sa Kanya. Mas lalo rin Siyang naging sabik na tapusin ang gawain na Kanyang isasabalikat—na akuin ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan, na magbayad-sala para sa sangkatauhan upang hindi na sila mamuhay sa kasalanan, at kasabay nito, mapapatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng tao dahil sa handog para sa kasalanan, nagpapahintulot sa Kanya na patuloy na isulong ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Masasabi na sa puso ng Panginoong Jesus, nakahanda Siya na ialay ang Kanyang sarili para sa sangkatauhan, na isakripisyo ang Kanyang sarili. Nakahanda rin Siya na magsilbi bilang handog para sa kasalanan, na mapako sa krus, at tunay na sabik Siyang matapos ang gawaing ito. Nang nakita Niya ang miserableng mga kalagayan ng buhay ng tao, mas lalo pa Niyang ninais na matupad ang Kanyang misyon sa lalong madaling panahon, nang walang pagkaantala kahit isang minuto o maging isang segundo. Habang nadarama ang gayong pagkaapurahan, hindi na Niya inisip kung gaano magiging matindi ang Kanyang sariling kirot, ni nagkimkim man ng anumang karagdagang pangamba tungkol sa kung gaano kalaking kahihiyan ang kakailanganin Niyang tiisin. Pinanghawakan Niya lang ang isang pananalig sa Kanyang puso: Hangga’t ialay Niya ang Kanyang sarili, hangga’t ipako Siya sa krus bilang isang handog para sa kasalanan, ang kalooban ng Diyos ay maisasakatuparan at magagawa ng Diyos na makapagpasimula ng panibagong gawain. Ang buhay ng sangkatauhan at ang kanilang kalagayan ng pag-iral sa kasalanan ay ganap na mababago. Ang Kanyang pananalig at kung ano ang pinagpasyahan Niyang gawin ay may kaugnayan sa pagliligtas sa tao, at mayroon lang Siyang isang layon, na gawin ang kalooban ng Diyos nang sa gayon ay matagumpay na maumpisahan ng Diyos ang susunod na yugto ng Kanyang gawain. Ito ang kung ano ang nasa isip ng Panginoong Jesus sa panahong iyon.
Habang namumuhay sa katawang-tao, nagtaglay ng normal na pagkatao ang Diyos na nagkatawang-tao; taglay Niya ang mga emosyon at ang pagkamakatwiran ng isang normal na tao. Alam Niya kung ano ang kasiyahan, kung ano ang kirot, at nang nakita Niya ang sangkatauhan na namumuhay nang ganito, lubos Niyang nadama na ang pagbibigay lang sa mga tao ng ilang aral, ang pagtutustos sa kanila ng kung ano o ang pagtuturo sa kanila ng kung ano, ay hindi sasapat upang maakay silang palabas mula sa kasalanan. Ni ang mapasunod lang sila sa mga utos ay makatutubos sa kanila mula sa kasalanan—matatamo lang Niya bilang kapalit ang kalayaan ng sangkatauhan at ang kapatawaran ng Diyos para sa sangkatauhan kapag inako Niya ang kasalanan ng sangkatauhan at naging kawangis ng makasalanang laman. Kaya pagkatapos maranasan at masaksihan ng Panginoong Jesus ang mga buhay ng mga tao sa kasalanan, isang matinding pagnanais ang nahayag sa Kanyang puso—na tulutan ang mga tao na palayain ang kanilang mga sarili mula sa kanilang mga buhay ng pakikibaka sa kasalanan. Ang pagnanais na ito ang mas lalong nagpadama sa Kanya na dapat Siyang mapunta sa krus at akuin ang mga kasalanan ng sangkatauhan kaagad-agad at sa lalong madaling panahon. Ito ang mga kaisipan ng Panginoong Jesus sa panahong iyon, matapos Siyang mamuhay kasama ng mga tao at makita, marinig, at maramdaman ang paghihirap ng kanilang mga buhay sa kasalanan. Na makapagtataglay ang Diyos na nagkatawang-tao ng ganitong uri ng kalooban para sa sangkatauhan, na maipahahayag at maibubunyag Niya ang ganitong uri ng disposisyon—ito ba ay isang bagay na magagawang taglayin ng isang karaniwang tao? Ano ang makikita ng isang karaniwang tao, na namumuhay sa ganitong uri ng kapaligiran? Ano ang kanyang iisipin? Kung makaharap ng isang karaniwang tao ang lahat ng ito, titingnan ba niya ang mga suliranin mula sa isang mataas na pananaw? Siguradong hindi! Bagaman ang panlabas na kaanyuan ng Diyos na nagkatawang-tao ay parehong-pareho ng sa tao, at bagaman natututuhan Niya ang kaalamang pantao at nagsasalita ng wikang pantao, at minsan pa nga ay ipinapahayag Niya ang Kanyang mga ideya sa pamamagitan ng sariling mga pamamaraan o mga paraan ng pagsasalita ng sangkatauhan, gayunpaman, ang paraan kung paano Niya nakikita ang mga tao at ang diwa ng mga bagay-bagay ay lubos na hindi katulad ng kung paano nakikita ng mga tiwaling tao ang sangkatauhan at ang diwa ng mga bagay-bagay. Ang Kanyang pananaw at ang taas kung saan Siya nakatindig ay isang bagay na di-matatamo para sa isang tiwaling tao. Sapagkat ang Diyos ay katotohanan, sapagkat ang katawang-tao na suot Niya ay nagtataglay rin ng diwa ng Diyos, at ang Kanyang mga kaisipan at yaong ipinapahayag ng Kanyang pagkatao ay katotohanan din. Para sa mga tiwaling tao, ang Kanyang ipinapahayag sa katawang-tao ay mga pagtustos ng katotohanan, at ng buhay. Hindi lamang para sa isang tao ang mga pagtustos na ito, kundi para sa buong sangkatauhan. Sa puso ng sinumang tiwaling tao, mayroon lang mangilan-ngilang tao na nauugnay sa kanila. Iniingatan at pinagmamalasakitan lang nila ang iilang taong ito. Kapag abot-tanaw ang sakuna, una nilang iniisip ang sarili nilang mga anak, asawa, o mga magulang. Sa pinakamarami, ang isang mas mahabaging tao ay bahagyang mag-iisip para sa ilang kamag-anak o mabuting kaibigan, subalit ang mga kaisipan ba ng maging gayong kamahabaging tao ay umaabot nang higit pa kaysa roon? Hindi, hindi kailanman! Sapagkat ang mga tao, matapos ang lahat, ay mga tao, at matitingnan lang nila ang lahat mula sa taas at pananaw ng isang tao. Gayunpaman, lubos na naiiba sa isang taong tiwali ang Diyos na nagkatawang-tao. Kahit gaano man kaordinaryo, gaano man kanormal, gaano man kababa ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao, o kahit gaano man Siya hinahamak ng mga tao, ang Kanyang mga kaisipan at ang Kanyang saloobin tungo sa sangkatauhan ay mga bagay na hindi kayang taglayin ng sinumang tao, na walang sinumang tao ang makagagaya. Palagi Niyang pagmamasdan ang sangkatauhan mula sa pananaw ng pagka-Diyos, mula sa taas ng Kanyang posisyon bilang ang Lumikha. Palagi Niyang makikita ang sangkatauhan sa pamamagitan ng diwa at ng pag-iisip ng Diyos. Tiyak na hindi Niya makikita ang sangkatauhan mula sa baba ng isang karaniwang tao, o mula sa pananaw ng isang taong tiwali. Kapag tinitingnan ng mga tao ang sangkatauhan, ginagawa nila iyon gamit ang paninging pantao, at ginagamit nila ang mga bagay-bagay na gaya ng kaalamang pantao at mga patakaran at mga teoryang pantao bilang panukat. Nasa loob ito ng saklaw ng kung ano ang makikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata at ng saklaw na makakamtan ng mga taong tiwali. Kapag tinitingnan ng Diyos ang sangkatauhan, tumitingin Siya gamit ang paninging pang-Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya bilang panukat. Kasama sa saklaw na ito ang mga bagay na hindi nakikita ng mga tao, at dito ganap na nagkakaiba ang Diyos na nagkatawang-tao at ang mga taong tiwali. Natutukoy ang pagkakaibang ito sa pamamagitan ng magkaibang mga diwa ng mga tao at ng Diyos—ang magkaibang mga diwang ito ang tumutukoy sa kanilang mga pagkakakilanlan at mga posisyon gayundin ang pananaw at ang taas mula sa kung saan nila nakikita ang mga bagay-bagay. Nakikita ba ninyo ang pagpapahayag at pagbubunyag ng Diyos Mismo sa Panginoong Jesus? Masasabi na kung ano ang ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus ay may kinalaman sa Kanyang ministeryo at sa sariling gawain ng pamamahala ng Diyos, na ang lahat ng ito ay pagpapahayag at pagbubunyag ng diwa ng Diyos. Bagaman nagkaroon Siya ng pantaong pagpapamalas, hindi maitatanggi ang Kanyang diwang pang-Diyos at ang pagbubunyag ng Kanyang pagka-Diyos. Ang pantaong pagpapamalas ba na ito ay talagang pagpapamalas ng pagkatao? Ang Kanyang pantaong pagpapamalas, sa pinakadiwa nito, ay lubos na naiiba sa pantaong pagpapamalas ng mga taong tiwali. Ang Panginoong Jesus ay Diyos na nagkatawang-tao. Kung talagang naging isa Siya sa karaniwan, tiwaling mga tao, makikita kaya Niya ang buhay ng sangkatauhan sa kasalanan mula sa pang-Diyos na pananaw? Siguradong hindi! Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng Anak ng tao at ng karaniwang mga tao. Namumuhay sa kasalanan ang lahat ng taong tiwali, at kapag nakakikita ng kasalanan ang sinuman, wala silang anumang partikular na damdamin ukol dito; pare-pareho silang lahat, gaya ng isang baboy na naninirahan sa putik na ni hindi man lang nakadarama ng pagkaasiwa o ng karumihan—sa kabaligtaran, nakakakain ito nang mabuti at nakatutulog nang mahimbing. Kung linisin ng sinuman ang kulungan ng baboy, talagang maasiwa ang baboy, at hindi ito mananatiling malinis. Hindi magtatagal, muli itong magpapagulung-gulong sa putik, na lubos na komportable, sapagkat isang maruming nilalang ito. Nakikita ng mga tao ang mga baboy bilang marumi, ngunit kung linisin mo ang mga tirahan ng baboy, hindi gumiginhawa ang pakiramdam nito—kaya walang nag-aalaga ng baboy sa kanilang bahay. Ang pagtingin ng mga tao sa mga baboy ay palaging magiging naiiba sa kung ano ang nararamdaman ng mga baboy mismo, sapagkat hindi magkauri ang mga tao at ang mga baboy. At dahil hindi kauri ng mga taong tiwali ang nagkatawang-taong Anak ng tao, tanging ang Diyos na nagkatawang-tao ang makatatayo sa isang pang-Diyos na pananaw, sa taas ng Diyos, na kung saan ay nakikita Niya ang sangkatauhan at ang lahat ng bagay.
Ano naman kaya ang tungkol sa pagdurusa na nararanasan ng Diyos nang nagkakatawang-tao Siya at namumuhay kasama ng sangkatauhan? Ano ang pagdurusang ito? Nauunawaan ba talaga ng sinuman? Sinasabi ng ilang tao na ang Diyos ay nagdurusa nang husto, na bagaman Siya ang Diyos Mismo, hindi nauunawaan ng mga tao ang Kanyang diwa, bagkus ay waring palagi Siyang itinuturing na gaya ng isang tao, na nagpapadama sa Kanya na naagrabyado at nagawan ng mali—sinasabi nila na, sa mga kadahilanang ito, talagang matindi ang pagdurusa ng Diyos. Ang ibang mga tao naman ay nagsasabi na ang Diyos ay inosente at walang sala, subalit nagdurusa Siyang gaya ng sangkatauhan, na dumaranas Siya ng pag-uusig, paninirang-puri, at mga pang-iinsulto sa piling ng sangkatauhan; sinasabi nilang tinitiis din Niya ang maling mga pagkaunawa at ang pagsuway ng Kanyang mga tagasunod—kaya, sinasabi nila na talagang hindi masusukat ang pagdurusa ng Diyos. Ngayon, tila ba hindi ninyo talaga nauunawaan ang Diyos. Sa katunayan, ang pagdurusang ito na inyong sinasabi ay hindi ibinibilang na tunay na pagdurusa para sa Diyos, sapagkat may mas malaking pagdurusa kaysa rito. Kung gayon ay ano ang tunay na pagdurusa para sa Diyos Mismo? Ano ang tunay na pagdurusa para sa katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao? Para sa Diyos, hindi ibinibilang na pagdurusa ang hindi pagkaunawa sa Kanya ng sangkatauhan, at hindi rin ibinibilang na pagdurusa ang pagkakaroon ng mga tao ng ilang maling pagkaunawa sa Diyos at ang hindi pagtingin sa Kanya bilang Diyos. Gayunpaman, madalas na nadarama ng mga tao na ang Diyos ay tiyak na dumanas ng napakalaking kawalang-katarungan, na sa panahong nasa katawang-tao ang Diyos, hindi Niya maipakikita ang Kanyang persona sa sangkatauhan at tulutan ang mga tao na makita ang Kanyang kadakilaan, at na ang Diyos ay buong kababaang-loob na nagtatago sa isang walang halagang laman, at na tiyak na napakatinding pagpapahirap ito para sa Kanya. Isinasapuso ng mga tao kung ano ang nauunawaan nila at kung ano ang nakikita nila sa pagdurusa ng Diyos, at nagpapakita ng lahat ng uri ng simpatya sa Diyos at madalas mag-aalay pa nga ng kaunting papuri para sa Kanyang pagdurusa. Sa realidad, mayroong pagkakaiba; mayroong agwat sa pagitan ng kung ano ang nauunawaan ng mga tao sa pagdurusa ng Diyos at ng kung ano ang Kanyang tunay na nararamdaman. Sinasabi Ko sa inyo ang katotohanan—para sa Diyos, maging ito man ang Espiritu ng Diyos o ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi tunay na pagdurusa ang pagdurusang isinalarawan sa itaas. Kung gayon ay ano ba ang tunay na dinaranas ng Diyos? Pag-usapan natin ang tungkol sa pagdurusa ng Diyos mula lamang sa pananaw ng Diyos na nagkatawang-tao.
Nang nagkakatawang-tao ang Diyos, nagiging isang karaniwan, normal na tao, namumuhay kapiling ng mga taong kabilang sa sangkatauhan, hindi ba Niya makikita at mararamdaman ang mga pamamaraan, mga kautusan, at mga pilosopiya ng mga tao para mabuhay? Ano ang ipinadarama sa Kanya ng mga pamamaraan at mga kautusang ito para mabuhay? Nakadarama ba Siya ng pagkasuklam sa Kanyang puso? Bakit Siya masusuklam? Anu-ano ba ang mga pamamaraan at mga kautusan ng sangkatauhan para mabuhay? Sa anong mga prinsipyo ba ang mga ito nag-uugat? Ano ang batayan ng mga ito? Ang mga pamamaraan, mga kautusan, at ang iba pa ng sangkatauhan na yamang nauugnay sa paraan para mabuhay—ang lahat ng ito ay nilikha batay sa lohika, kaalaman, at pilosopiya ni Satanas. Ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng ganitong uri ng mga kautusan ay walang pagkatao, walang katotohanan—sinasalungat nilang lahat ang katotohanan at mga laban sa Diyos. Kung titingnan natin ang diwa ng Diyos, makikita natin na ang Kanyang diwa ay ang eksaktong kabaligtaran ng lohika, kaalaman, at pilosopiya ni Satanas. Ang Kanyang diwa ay puno ng pagiging matuwid, katotohanan, at kabanalan, at iba pang mga realidad ng lahat ng positibong bagay. Ano ang nararamdaman ng Diyos, na taglay ang diwang ito at namumuhay kasama ng gayong sangkatauhan? Ano ang nararamdaman Niya sa Kanyang puso? Hindi ba ito puno ng kirot? Nasasaktan ang Kanyang puso, isang kirot na walang sinumang tao ang makauunawa o makararanas. Sapagkat ang lahat ng Kanyang kinakaharap, nasasagupa, naririnig, nakikita, at nararanasan ay lahat katiwalian, kasamaan ng sangkatauhan, at ang kanilang pagsuway at paglaban sa katotohanan. Ang lahat ng nanggagaling sa mga tao ay ang pinagmumulan ng Kanyang pagdurusa. Ibig sabihin, sapagkat ang Kanyang diwa ay hindi katulad ng mga taong tiwali, ang katiwalian ng mga tao ang nagiging sanhi ng Kanyang pinakamalaking pagdurusa. Nang nagiging tao ang Diyos, nagagawa ba Niyang makahanap ng isang tao na may wikang tulad ng sa Kanya? Hindi masusumpungan ang gayong tao sa sangkatauhan. Walang masusumpungan na kayang makipagtalastasan o kayang magkaroon ng ganitong pakikipagpalitan sa Diyos—anong uri ng damdamin ang masasabi mong mayroon ang Diyos ukol dito? Ang mga bagay-bagay na tinatalakay ng mga tao, iniibig, hinahangad at inaasam-asam ay lahat may kinalaman sa kasalanan at masasamang hilig. Kapag kinakaharap ng Diyos ang lahat ng ito, hindi ba ito parang isang patalim sa Kanyang puso? Yamang nahaharap sa ganitong mga bagay, magagawa ba Niyang magkaroon ng kagalakan sa Kanyang puso? Makasusumpong ba Siya ng kaaliwan? Yaong namumuhay kasama Niya ay mga taong puno ng pagiging-mapanghimagsik at kasamaan—paanong hindi magdurusa ang Kanyang puso? Gaano ba talaga kalaki ang pagdurusang ito, at sino ang may pakialam dito? Sino ang nagbibigay-pansin? At sino ang makapagpapahalaga rito? Walang paraan upang maunawaan ng mga tao ang puso ng Diyos. Ang Kanyang pagdurusa ay isang bagay na partikular na hindi magagawang pahalagahan ng mga tao, at ang pagiging-malamig at manhid ng sangkatauhan ang lalo pang nagpapasidhi ng pagdurusa ng Diyos.
Mayroong ilang tao na madalas nakikisimpatya sa kalagayan ni Cristo sapagkat may isang talata sa Bibliya na nagsasabing: “May mga lungga ang mga sora, at may mga pugad ang mga ibon; datapuwat ang Anak ng tao ay walang mapaghimlayan ng Kanyang ulo.” Kapag naririnig ito ng mga tao, isinasapuso nila ito at naniniwala na ito ang pinakamalaking pagdurusa na tinitiis ng Diyos, at ang pinakamalaking pagdurusa na tinitiis ni Cristo. Ngayon, kung titingnan ito mula sa pananaw ng mga katunayan, ganoon nga ba? Hindi; hindi naniniwala ang Diyos na ang mga paghihirap na ito ay pagdurusa. Hindi Siya kailanman nagsumigaw laban sa kawalang-katarungan dahil sa Kanyang mga paghihirap sa katawang-tao, at hindi Niya kailanman hiningi sa mga tao na magbayad o gantimpalaan Siya ng anumang bagay. Gayunpaman, nang Kanyang nasasaksihan ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan at ang tiwaling mga buhay at ang kasamaan ng mga taong tiwali, nang Kanyang nasasaksihan na ang sangkatauhan ay nasa hawak ni Satanas at ibinilanggo ni Satanas at hindi makatatakas, na ang mga taong namumuhay sa kasalanan ay hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, hindi Niya kayang kunsintihin ang lahat ng kasalanang ito. Ang Kanyang pagkasuklam sa mga tao ay nadaragdagan araw-araw, ngunit kailangan Niyang tiisin ang lahat ng ito. Ito ang matinding pagdurusa ng Diyos. Hindi lubusang maipahahayag ng Diyos kahit na ang tinig ng Kanyang puso o ang Kanyang mga emosyon sa Kanyang mga tagasunod, at walang sinuman sa Kanyang mga tagasunod ang tunay na nakakaunawa sa Kanyang pagdurusa. Walang sinuman ang nagtatangka man lamang na unawain o aliwin ang Kanyang puso, na tinitiis ang pagdurusang ito araw-araw, taun-taon, at nang paulit-ulit. Ano ang inyong nakikita sa lahat ng ito? Hindi humihingi ang Diyos sa mga tao ng anumang kapalit para sa kung ano ang Kanyang naibigay na, ngunit dahil sa diwa ng Diyos, tiyak na hindi Niya magagawang kunsintihin ang kasamaan, katiwalian, at kasalanan ng sangkatauhan, bagkus ay nakararamdam ng ibayong pagkasuklam at pagkamuhi, na nagdudulot sa puso ng Diyos at sa Kanyang katawang-tao ng pagtitiis sa walang katapusang pagdurusa. Nakita na ba ninyo ito? Malamang, walang nakakikita sa inyo nito, sapagkat walang sinuman sa inyo ang tunay na nakauunawa sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, dapat na unti-unting maranasan ninyo mismo ito.
Pagkatapos, tingnan natin ang sumusunod na mga talata mula sa kasulatan:
9. Gumawa si Jesus ng mga Himala
a. Pinakain ni Jesus ang Limang Libo
Juan 6:8–13 Sinabi sa Kanya ng isa sa Kanyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, “May isang batang lalaki rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwat gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?” Sinabi ni Jesus, “Inyong paupuin ang mga tao.” Madamo nga sa dakong yaon. Kaya’t nagsiupo ang mga lalaki, na may limang libo ang bilang. Kinuha nga ni Jesus ang mga tinapay; at nang makapagpasalamat, ipinamahagi Niya sa mga disipulo, at ipinamahagi ng mga disipulo sa kanilang nangakaupo; at gayon din naman binigyan sila ng mga isda kung gaanong ibigin nila. At nang sila’y mangabusog, ay sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Pulutin ninyo ang mga pinagputol-putol na lumabis, upang walang anumang masayang.” Kaya’t kanilang tinipon, at nangapuno ang labindalawang bakol ng mga pinagputol-putol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.
b. Nakaluwalhati sa Diyos ang Muling Pagkabuhay ni Lazaro
Juan 11:43–44 At nang masabi Niya ang gayon, ay sumigaw Siya nang may malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka.” Siya na patay ay lumabas, na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panlibing; at ang kanyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya’y inyong kalagan, at bayaan ninyo siyang yumaon.”
Sa mga himala na ginawa ng Panginoong Jesus, ang dalawa lang na ito ang ating pinili sapagkat sapat na ang mga ito upang ipakita kung ano ang nais Kong sabihin dito. Ang dalawang himalang ito ay talagang kagila-gilalas at lubos na kumakatawan sa mga himalang ginawa ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya.
Una, tingnan natin ang unang sipi: Pinakain ni Jesus ang Limang Libo.
Ano ang ideya ng “limang tinapay at dalawang isda”? Karaniwan, ilang tao ang mapapakain nang sapat ng limang piraso ng tinapay at dalawang isda? Kung susukatin batay sa ganang kumain ng isang karaniwang tao, magiging sapat lang ito para sa dalawang tao. Ito ang pinaka-pangunahing ideya ng “limang tinapay at dalawang isda”. Gayunpaman, sa talatang ito, gaano karaming tao ang napakain sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda? Ang sumusunod ay ang nakatala sa Kasulatan: “Madamo nga sa dakong yaon. Kaya’t nagsiupo ang mga lalaki, na may limang libo ang bilang.” Kumpara sa limang tinapay at dalawang isda, malaking bilang ba ang limang libo? Paano maipapakita na napakalaki ng bilang na ito? Mula sa pantaong pananaw, magiging imposible ang paghahati-hati ng limang tinapay at dalawang isda sa pagitan ng limang libong tao, sapagkat masyadong napakalaki ng kulang sa pagitan ng mga tao at ng pagkain. Kahit na ang bawat isang tao ay magkaroon lang ng isang maliit na kagat, hindi pa rin ito kakasya sa limang libong tao. Subalit narito, gumawa ng isang milagro ang Panginoong Jesus—hindi lang Niya tiniyak na makakain ang limang libong tao hanggang sa mabusog sila, bagkus ay may sobra pa ngang pagkain. Mababasa sa Kasulatan: “At nang sila’y mangabusog, ay sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, ‘Pulutin ninyo ang mga pinagputol-putol na lumabis, upang walang anumang masayang.’ Kaya’t kanilang tinipon, at nangapuno ang labindalawang bakol ng mga pinagputol-putol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.” Pinangyari ng himalang ito na makita ng mga tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Panginoong Jesus, at na makita na walang imposible para sa Diyos—sa paraang ito, nakita nila ang katotohanan ng walang hanggang kapangyarihan ng Diyos. Naging sapat ang limang tinapay at dalawang isda upang mapakain ang limang libo, ngunit kung sakaling walang anumang pagkain, magagawa kayang pakainin ng Diyos ang limang libong tao? Siyempre ay magagawa Niya! Isang himala ito, kaya hindi maiiwasang nadama ng mga tao na ito ay mahirap intindihin, hindi kapani-paniwala at mahiwaga, ngunit para sa Diyos, wala lang ang paggawa ng gayong bagay. Yamang ito ay isang bagay na ordinaryo para sa Diyos, bakit dapat itong piliin para sa pagpapakahulugan? Sapagkat ang nasa likod ng himalang ito ay ang kalooban ng Panginoong Jesus, na hindi pa kailanman naunawaan ng sangkatauhan.
Una, subukan nating unawain kung anong uri ng mga tao ang limang libong ito. Mga tagasunod ba sila ng Panginoong Jesus? Mula sa Kasulatan, nalalaman natin na sila ay hindi Niya mga tagasunod. Alam ba nila noon kung sino ang Panginoong Jesus? Siguradong hindi! Ano’t anuman, hindi nila alam na si Cristo ang taong nakatayo sa harap nila, o marahil ang ilan sa mga tao ay alam lang kung ano ang Kanyang pangalan at nalaman o narinig ang kung anong tungkol sa mga bagay na Kanyang ginawa. Napukaw lang ang kanilang pagkamausisa tungkol sa Panginoong Jesus nang marinig nila ang mga kuwento tungkol sa Kanya, ngunit tiyak na hindi masasabi na sumusunod sila sa Kanya, lalong hindi masasabi na nauunawaan Siya. Nang makita ng Panginoong Jesus ang limang libong taong ito, sila ay gutom at ang naiisip lang ay ang mabusog sila, dahil sa kontekstong ito kaya tinugunan ng Panginoong Jesus ang kanilang pagnanais. Nang matugunan Niya ang kanilang pagnanais, ano ang nasa Kanyang puso? Ano ang Kanyang saloobin tungo sa mga taong ito na ang ninais lang ay mabusog? Sa panahong ito, ang mga kaisipan ng Panginoong Jesus at ang Kanyang saloobin ay may kaugnayan sa disposisyon at diwa ng Diyos. Yamang nahaharap sa limang libong taong ito na pawang walang laman ang tiyan na nais lamang makakain ng isang kumpletong pagkain, yamang nahaharap sa mga taong ito na puno ng pagkamausisa at pag-asa ukol sa Kanya, naisip lang ng Panginoong Jesus na gamitin ang himalang ito upang pagkalooban ng biyaya ang mga ito. Gayunpaman, hindi Siya umasa na sila ay magiging Kanyang mga tagasunod, sapagkat alam Niya na nais lamang nilang makisali sa kasayahan at mabusog, kaya ginawa Niya ang pinakamahusay Niyang magagawa sa kung ano ang mayroon Siya roon, at ginamit ang limang piraso ng tinapay at dalawang isda upang mapakain ang limang libong tao. Binuksan Niya ang mga mata ng mga taong ito na nasisiyahang makakita ng kapana-panabik na mga bagay, na nais makasaksi ng mga himala, at nakita nila sa kanilang sariling mga mata ang mga bagay na kayang magawa ng Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman gumamit ang Panginoong Jesus ng isang bagay na nahahawakan upang masapatan ang kanilang pagkamausisa, batid na Niya sa Kanyang puso na ang limang libong taong ito ay nais lang makakain ng masarap, kaya hindi Siya nangaral sa kanila o nagsalita man ng kahit ano—hinayaan lang Niya silang makitang nagaganap ang himalang ito. Tiyak na hindi Niya magagawang ituring ang mga taong ito kagaya ng kung paano Niya itinuturing ang Kanyang mga disipulo na totoong sumusunod sa Kanya, ngunit sa puso ng Diyos, nasa ilalim ng Kanyang pamumuno ang lahat ng nilalang, at hahayaan Niya ang lahat ng nilalang sa Kanyang paningin na tamasahin ang biyaya ng Diyos kung kinakailangan ito. Kahit na hindi alam ng mga taong ito kung sino Siya at hindi Siya nauunawaan o mayroong partikular na impresyon ukol sa Kanya o pasasalamat tungo sa Kanya maging pagkatapos nilang kainin ang mga tinapay at isda, hindi ito isang bagay na ginawang usapin ng Diyos—binigyan Niya ang mga taong ito ng kamangha-manghang pagkakataon na matamasa ang biyaya ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na ang Diyos ay may prinsipyo sa kung ano ang Kanyang ginagawa, na hindi Niya binabantayan o pinangangalagaan ang mga hindi mananampalataya, at na, sa partikular, hindi Niya tinutulutang tamasahin nila ang Kanyang biyaya. Ganoon ba talaga? Sa mga mata ng Diyos, hangga’t sila ay mga buhay na nilalang na Siya Mismo ang lumikha, pamamahalaan at pagmamalasakitan Niya sila, at sa iba’t ibang paraan, pakikitunguhan Niya sila, magpaplano para sa kanila, at pamumunuan sila. Ito ang mga kaisipan at saloobin ng Diyos tungo sa lahat ng bagay.
Bagaman hindi binalak na sumunod sa Panginoong Jesus ng limang libong taong kumain ng mga piraso ng tinapay at isda, wala Siyang hininging mabigat sa kanila; sa sandaling nabusog sila, alam ba ninyo kung ano ang ginawa ng Panginoong Jesus? Nangaral ba Siya ng anuman sa kanila? Saan Siya nagpunta pagkatapos gawin ito? Hindi nakatala sa mga kasulatan na nagsabi ng anuman ang Panginoong Jesus sa kanila, tahimik lang Siyang umalis nang maisagawa Niya ang Kanyang himala. May hiningi ba Siya na anuman sa mga taong ito? Mayroon bang anumang pagkamuhi? Wala, walang ganito rito. Ayaw na lang Niyang isipin ang mga taong ito na hindi magagawang sumunod sa Kanya, at sa panahong ito ay nagdurusa ang Kanyang puso. Sapagkat nakita Niya ang kabulukan ng sangkatauhan at naramdaman Niya ang pagtanggi sa Kanya ng sangkatauhan, nang makita Niya ang mga taong ito at Siya ay kasama nila, ang kapurulan at kamangmangan ng tao ay nagpalungkot sa Kanya, at nagdurusa ang Kanyang puso, ang ninais lang Niyang gawin ay iwanan ang mga taong ito sa lalong madaling panahon. Hindi humingi ng anuman sa kanila ang Panginoon sa Kanyang puso, ayaw Niyang isipin sila, at lalo na, ayaw Niyang gugulin ang Kanyang lakas sa kanila. Alam Niyang hindi nila magagawang sumunod sa Kanya, subalit sa kabila ng lahat ng ito, napakalinaw pa rin ng Kanyang saloobin tungo sa kanila. Ninais lang Niya na tratuhin sila nang may kabaitan, na pagkalooban sila ng biyaya, at tunay na ito ang saloobin ng Diyos tungo sa bawat nilalang sa ilalim ng Kanyang pamumuno—na tratuhin ang bawat nilalang nang may kabaitan, na magtustos sa kanila at palusugin sila. Sa mismong kadahilanan na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao, lubos na likas Niyang ibinunyag ang sariling diwa ng Diyos at tinrato ang mga taong ito nang may kabaitan. Tinrato Niya ang mga ito nang may puso na puno ng kagandahang-loob at pagpaparaya, at nang may gayong puso ay nagpakita Siya ng kabaitan sa kanila. Paano man nakita ng mga taong ito ang Panginoong Jesus, at anumang uri ang magiging kalalabasan, tinrato Niya ang bawat nilalang batay sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Panginoon ng lahat ng nilikha. Ang lahat ng Kanyang ibinunyag, nang walang pagtatangi, ay disposisyon ng Diyos, at kung anong mayroon at kung ano Siya. Tahimik na ginawa ng Panginoong Jesus ang bagay na ito, at pagkatapos ay tahimik na umalis—anong aspeto ng disposisyon ng Diyos ito? Masasabi mo ba na ito ang mapagmahal na kabaitan ng Diyos? Masasabi mo ba na ito ang pagiging di-makasarili ng Diyos? Isang bagay ba ito na magagawa ng karaniwang tao? Siguradong hindi! Sa diwa, sinu-sino ang limang libong taong ito na pinakain ng Panginoong Jesus ng limang tinapay at dalawang isda? Masasabi ba na sila ang mga taong naging kaayon Niya? Masasabi ba na silang lahat ay laban sa Diyos? Masasabi nang may katiyakan na sila ay ganap na hindi kaayon ng Panginoon, at ang kanilang diwa ay tiyak na laban sa Diyos. Subalit paano sila tinrato ng Diyos? Gumamit Siya ng isang pamamaraan upang ibsan ang paglaban ng mga tao tungo sa Diyos—ang pamamaraang ito ay tinatawag na “kabaitan.” Ibig sabihin, bagaman nakita ng Panginoong Jesus ang mga taong ito bilang mga makasalanan, gayunman sa paningin ng Diyos sila ay Kanyang nilikha, kaya tinrato pa rin Niya ang mga makasalanang ito nang may kabaitan. Ito ang pagpaparaya ng Diyos, at natutukoy ang pagpaparayang ito ng sariling pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Kaya, ito ay isang bagay na walang sinumang tao na nilikha ng Diyos ang makagagawa—tanging Diyos ang makagagawa nito.
Kapag nagagawa mong tunay na pahalagahan ang mga kaisipan at saloobin ng Diyos tungo sa sangkatauhan, kapag tunay mong nauunawaan ang mga emosyon at malasakit ng Diyos para sa bawat nilalang, mauunawaan mo ang debosyon at ang pagmamahal na ginugol sa bawat isa sa mga taong nilikha ng Lumikha. Kapag nangyari ito, gagamitin mo ang dalawang salita upang isalarawan ang pag-ibig ng Diyos. Ano ang dalawang salitang iyon? Sinasabi ng ilang tao na “di-makasarili,” at ang ilang tao ay sinasabing “mapagkawanggawa.” Sa dalawang ito, ang “mapagkawanggawa” ang salitang pinaka-di-naaangkop upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Isang salita ito na ginagamit ng mga tao upang ilarawan ang isang taong may magandang kalooban o malawak na pag-iisip. Kinasusuklaman Ko ang salitang ito, sapagkat tumutukoy ito sa pamumudmod ng kawanggawa kahit kanino, nang walang itinatangi, nang walang pagsasaalang-alang para sa prinsipyo. Ito ay isang masyadong madamdaming pagkahilig, na karaniwan sa mga taong hangal at nalilito. Kapag ang salitang ito ay ginamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, mayroong di-maiiwasan na isang kalapastanganang kahulugan. Mayroon Ako ritong dalawang salita na mas angkop na naglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Ano ang mga ito? Ang una ay ang “napakalaki.” Hindi ba lubos na nakaaantig ang salitang ito? Ang ikalawa ay ang “napakalawak.” Mayroong tunay na kahulugan sa likod ng mga salitang ito na Aking ginamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Kapag inintindi nang literal, ang “napakalaki” ay naglalarawan sa laki o kapasidad, ngunit gaano man kalaki ang bagay na iyon, isang bagay ito na mahahawakan at makikita ng mga tao. Dahil umiiral ito—hindi ito isang bagay na malabo, bagkus ay isang bagay na makapagbibigay sa mga tao ng mga ideya sa medyo tumpak at praktikal na paraan. Tingnan mo man ito mula sa pananaw na may dalawa o tatlong dimensyon, hindi mo kailangang isipin ang pag-iral nito, sapagkat ito ay isang bagay na talagang umiiral sa tunay na paraan. Bagaman ang paggamit ng salitang, “napakalaki,” upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos ay tila pagsukat sa Kanyang pag-ibig, ibinibigay rin nito ang damdamin na hindi nasusukat ang Kanyang pag-ibig. Sinasabi Ko na ang pag-ibig ng Diyos ay masusukat sapagkat hindi hungkag ang Kanyang pag-ibig, at hindi rin ito isang alamat. Sa halip, isang bagay ito na pinaghahati-hatian ng lahat ng bagay sa ilalim ng pamumuno ng Diyos, isang bagay na tinatamasa ng lahat ng nilalang sa magkakaibang antas at mula sa iba’t ibang pananaw. Bagaman hindi ito nakikita o nahahawakan ng mga tao, ang dinadala ng pag-ibig na ito ang panustos at buhay sa lahat ng bagay habang ito ay ibinubunyag, nang unti-unti, habang sila ay nabubuhay, at nabibilang sila at nagpapatotoo sa pag-ibig ng Diyos na tinatamasa nila sa bawat isang sandali. Sinasabi Ko na ang pag-ibig ng Diyos ay hindi masusukat sapagkat ang hiwaga ng pagtutustos at pangangalaga ng Diyos sa lahat ng bagay ay isang bagay na mahirap para sa mga tao na maarok, kagaya ng mga kaisipan ng Diyos para sa lahat ng bagay, at lalo na yaong para sa sangkatauhan. Ibig sabihin, walang sinuman ang nakaaalam sa dugo at mga luha na ibinuhos ng Lumikha para sa sangkatauhan. Walang sinuman ang makaiintindi, walang sinuman ang makauunawa sa lalim o bigat ng pag-ibig na mayroon ang Lumikha para sa sangkatauhan na nilikha Niya gamit ang Kanyang sariling mga kamay. Ang paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos bilang napakalaki ay upang tulungan ang mga tao na pahalagahan at maunawaan ang laki nito at ang katotohanan ng pag-iral nito. Ito rin ay upang mas malalim na maiintindihan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng salitang “Lumikha,” at nang ang mga tao ay makapagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng katawagang, “paglikha.” Ano ang madalas na inilalarawan ng salitang “napakalawak”? Ito ay karaniwang ginagamit upang ilarawan ang karagatan o ang sansinukob, halimbawa: “ang napakalawak na sansinukob,” o “ang napakalawak na karagatan.” Ang kalawakan at ang tahimik na kalaliman ng sansinukob ay lampas sa pagkaunawa ng tao; isang bagay ito na nakabibihag sa imahinasyon ng tao, isang bagay na lubos nilang hinahangaan. Ang hiwaga at kalaliman nito ay abot-tanaw, ngunit hindi maaabot. Kapag iniisip mo ang karagatan, iniisip mo ang kalaliman nito—mukha itong walang hangganan, at nararamdaman mo ang kahiwagaan at ang napakalaking kapasidad nito na magtaglay ng mga bagay. Ito ang dahilan kung bakit ginamit Ko ang salitang “napakalawak” upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, upang tulungan ang mga taong madama kung gaano ito kahalaga, na madama ang malalim na kagandahan ng Kanyang pag-ibig, at na ang kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at napakalawak. Ginamit Ko ang salitang ito upang tulungan ang mga tao na madama ang kabanalan ng Kanyang pag-ibig, at ang dignidad at ang pagiging-di-malalabag ng Diyos na naihahayag sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig. Ngayon sa tingin ba ninyo ang “napakalawak” ay isang angkop na salita para sa paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos? Maaabot ba ng pag-ibig ng Diyos ang dalawang salitang ito, “napakalaki” at “napakalawak”? Talagang-talaga! Sa wikang pantao, ang dalawang salita lang na ito ang naaangkop kahit papano, at medyo malapit sa paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ba ganoon sa palagay ninyo? Kung ipasalarawan Ko sa inyo ang pag-ibig ng Diyos, gagamitin ba ninyo ang dalawang salitang ito? Malamang na hindi ninyo gagamitin, sapagkat ang inyong pagkaunawa at pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos ay limitado sa pananaw na may dalawang dimensyon, at hindi pa umaabot sa taas ng may tatlong dimensyong distansya. Kaya kung ipasalarawan Ko sa inyo ang pag-ibig ng Diyos, madarama ninyo na kulang kayo sa mga salita o marahil pa nga ay hindi kayo makapagsalita. Ang dalawang salita na Aking tinalakay sa araw na ito ay maaaring mahirap para sa inyo na maunawaan, o marahil ay hindi lang kayo sumasang-ayon. Ipinapakita lang nito na ang inyong pagpapahalaga at pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos ay mababaw at limitado sa isang makitid na saklaw. Nasabi Ko na noon na ang Diyos ay di-makasarili; natatandaan ninyo ang salitang ito, “di-makasarili.” Maaari bang ang pag-ibig ng Diyos ay mailalarawan lang bilang di-makasarili? Hindi ba ito isang napakakitid na saklaw? Dapat na pagnilayan pa ninyo ang usaping ito, nang magkamit kayo ng isang bagay mula rito.
Ang nasa itaas ay kung ano ang ating nakita sa disposisyon ng Diyos at ang Kanyang diwa mula sa unang himala. Bagaman ito ay isang kuwento na binabasa na ng mga tao sa loob ng ilang libong taon, mayroon itong isang simpleng balangkas, at nagtutulot sa mga tao na makita ang isang simpleng kababalaghan, ngunit sa simpleng balangkas na ito ay makikita natin ang isang bagay na mas mahalaga, na siyang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya. Ang mga bagay na ito na mayroon at kung ano Siya ay kumakatawan sa Diyos Mismo at mga pagpapahayag ng sariling mga kaisipan ng Diyos. Kapag ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang mga kaisipan, ito ay isang pagpapahayag ng tinig ng Kanyang puso. Umaasa Siya na magkakaroon ng mga taong makauunawa sa Kanya, makakikilala sa Kanya at makaiintindi sa Kanyang kalooban, at na makaririnig sa tinig ng Kanyang puso at magagawang aktibong makipagtulungan upang mapalugod ang Kanyang kalooban. Ang mga bagay na ito na ginawa ng Panginoong Jesus ay isang tahimik na pagpapahayag ng Diyos.
Pagkatapos, tingnan natin ang sumusunod na talata: Nakaluwalhati sa Diyos ang Muling Pagkabuhay ni Lazaro.
Ano ang inyong mga impresyon pagkatapos mabasa ang siping ito? Ang kahalagahan ng himalang ito na isinagawa ng Panginoong Jesus ay mas dakila kaysa sa nauna, sapagkat walang himala ang mas nakamamangha kaysa sa pagbuhay ng isang patay na tao mula sa libingan. Sa kapanahunang iyon, lubhang napakahalaga na isinagawa ng Panginoong Jesus ang isang bagay na gaya nito. Sapagkat ang Diyos ay nagkatawang-tao, nakikita lang ng mga tao ang Kanyang pisikal na kaanyuan, ang Kanyang praktikal na bahagi, at ang Kanyang hindi mahalagang aspeto. Kahit na nakita ng ilang tao at naunawaan ang ilan sa Kanyang katangian o ang ilang natatanging kakayahan na sa wari ay taglay Niya, walang nakakaalam kung saan nagmula ang Panginoong Jesus, kung sino talaga Siya sa Kanyang diwa, at kung ano pa ang kaya Niyang gawin. Ang lahat ng ito ay di-batid ng sangkatauhan. Napakaraming tao ang nagnais na makahanap ng katunayan upang sagutin ang mga katanungang ito ukol sa Panginoong Jesus, at upang malaman ang totoo. Makagagawa ba ang Diyos ng isang bagay upang patunayan ang Kanyang sariling pagkakakilanlan? Para sa Diyos, napakadali nito—madaling-madali lang. Makagagawa Siya ng anumang bagay kahit saan, anumang oras upang patunayan ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, subalit may sariling paraan ang Diyos sa paggawa ng mga bagay—may plano, at may mga hakbang. Hindi Siya basta-basta na lamang gumagawa ng mga bagay, ngunit sa halip ay naghahanap ng tamang panahon at tamang pagkakataon upang gawin ang isang bagay na pahihintulutan Niyang makita ng tao, isang bagay na talagang pinuspos ng kabuluhan. Sa paraang ito, pinatunayan Niya ang Kanyang awtoridad at ang Kanyang pagkakakilanlan. Kung gayon, magagawa bang patunayan ng muling pagkabuhay ni Lazaro ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus? Tingnan natin ang sumusunod na talata ng kasulatan: “At nang masabi Niya ang gayon, ay sumigaw Siya nang may malakas na tinig, ‘Lazaro, lumabas ka.’ Siya na patay ay lumabas….” Nang ginawa ito ng Panginoong Jesus, isang bagay lang ang sinabi Niya: “Lazaro, lumabas ka.” At sa gayon ay lumabas si Lazaro mula sa kanyang libingan—ito ay naisakatuparan dahil lang sa iilang salita na binigkas ng Panginoon. Sa panahong ito, hindi nagtayo ang Panginoong Jesus ng dambana, at hindi Siya nagsagawa ng anumang iba pang pagkilos. Sinabi lang Niya ang isang bagay na ito. Dapat ba itong tawaging isang himala o isang utos? O isang uri ba ito ng salamangka? Kung tutuusin, tila matatawag itong isang himala, at kung titingnan mo ito mula sa makabagong pananaw, mangyari pa ay matatawag pa rin itong isang himala. Gayunpaman, tiyak na hindi ito maituturing na isang uri ng mahika na dapat magpabalik sa isang kaluluwa mula sa kamatayan, at lalong hindi ito salamangka, o anumang uri nito. Tamang sabihin na ang himalang ito ang pinakanormal, katiting na pagpapakita ng awtoridad ng Lumikha. Ito ang awtoridad at ang kapangyarihan ng Diyos. May awtoridad ang Diyos na hayaang mamatay ang isang tao, na hayaang lisanin ng kanyang espiritu ang kanyang katawan at bumalik sa Hades, o kung saan man ito dapat tumungo. Ang panahon ng kamatayan ng tao, at ang lugar kung saan sila tutungo pagkatapos mamatay—tinutukoy ang mga ito ng Diyos. Makapagpapasya Siya anumang oras at kahit saan, hindi napipigilan ng mga tao, mga pangyayari, mga bagay, espasyo, o heograpiya. Kung nais Niyang gawin ito, magagawa Niya ito, sapagkat ang lahat ng bagay at ang lahat ng buhay na nilalang ay nasa ilalim ng Kanyang pamumuno, at ang lahat ng bagay ay isinisilang, nabubuhay, at naglalaho sa pamamagitan ng Kanyang salita at ng Kanyang awtoridad. Mabubuhay Niyang muli ang isang taong patay—at ito ay isa ring bagay na magagawa Niya anumang oras, kahit saan. Ito ang awtoridad na ang Lumikha lang ang nagtataglay.
Nang gumawa ang Panginoong Jesus ng mga bagay gaya ng pagbuhay muli kay Lazaro mula sa kamatayan, ang Kanyang mithiin ay upang magbigay ng katunayan para sa mga tao at para makita ni Satanas, at upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan, ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay tinutukoy ng Diyos, at na bagaman Siya ay nagkatawang-tao, nananatili Siyang may kapangyarihan sa pisikal na mundo na nakikita at gayundin sa espirituwal na daigdig na hindi nakikita ng mga tao. Ito ay upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan ay hindi nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay isang paghahayag at isang pagpapakita ng awtoridad ng Diyos, at ito ay isa ring paraan para sa Diyos na makapaghatid ng mensahe sa lahat ng bagay, na ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang muling pagbuhay ng Panginoong Jesus kay Lazaro ay isa sa mga paraan kung paano tinuturuan at binibigyang-tagubilin ng Lumikha ang sangkatauhan. Ito ay isang kongkretong pagkilos na kung saan ay ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad upang bigyang-tagubilin at tustusan ang sangkatauhan. Ito ay isang paraan, na hindi gumagamit ng mga salita, para sa Lumikha na tulutan ang sangkatauhan na makita ang katotohanan na Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ito ay isang paraan upang masabi Niya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga praktikal na pagkilos na walang kaligtasan maliban sa pamamagitan Niya. Ang ganitong tahimik na pamamaraan na ginamit Niya upang bigyang-tagubilin ang sangkatauhan ay walang hanggan, di-napapawi, nagdulot sa mga puso ng tao ng isang pagkagimbal at kaliwanagan na hindi kailanman kukupas. Nakaluwalhati sa Diyos ang muling pagkabuhay ni Lazaro—may malaking epekto ito sa bawat isang tagasunod ng Diyos. Matatag nitong pinananatili sa bawat tao na nauunawaang mabuti ang pangyayaring ito ang pagkaunawa, ang pananaw na ang Diyos lang ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng sangkatauhan. Bagaman may ganitong uri ng awtoridad ang Diyos, at bagaman nagpaabot Siya ng isang mensahe tungkol sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Lazaro, hindi ito ang Kanyang pangunahing gawain. Hindi kailanman gumagawa ang Diyos ng isang bagay na walang kahulugan. Ang bawat isang bagay na Kanyang ginagawa ay may malaking halaga at isang nakahihigit na hiyas sa isang kamalig ng mga kayamanan. Tiyak na hindi Niya gagawing pangunahin o tanging mithiin o kasangkapan ng Kanyang gawain ang “pagpapalabas ng tao sa kanyang libingan.” Hindi gumagawa ang Diyos ng anumang bagay na walang kahulugan. Ang muling pagkabuhay ni Lazaro bilang nag-iisang pangyayari ay sapat na upang ipakita ang awtoridad ng Diyos at upang patunayan ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus. Ito ang dahilan kung bakit hindi na inulit ng Panginoong Jesus ang ganitong uri ng himala. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay alinsunod sa Kanyang sariling mga prinsipyo. Sa wikang pantao, masasabi na pinupuno lang ng Diyos ang Kanyang isipan ng seryosong mga bagay. Ibig sabihin, kapag gumagawa ang Diyos ng mga bagay, hindi Siya lumalayo sa layunin ng Kanyang gawain. Alam Niya kung anong gawain ang Kanyang gustong isakatuparan sa yugtong ito, kung ano ang gusto Niyang matapos, at gagawa Siyang alinsunod talaga sa Kanyang plano. Kung nagkaroon ang isang taong tiwali ng gayong uri ng kakayahan, mag-iisip lang siya ng mga paraan upang ihayag ang kanyang kakayahan nang malaman ng iba kung gaano siya kakila-kilabot, nang sa gayon ay yumukod sila sa kanya, upang makontrol niya ang mga ito at lamunin sila. Ito ang kasamaan na nagmumula kay Satanas—tinatawag itong katiwalian. Walang gayong disposisyon ang Diyos, at wala Siyang gayong diwa. Ang Kanyang layunin sa paggawa ng mga bagay ay hindi upang magpakitang-gilas, bagkus ay upang tustusan ang sangkatauhan ng higit pang pahayag at paggabay, at ito ang dahilan kung bakit kakaunti lang ang mga halimbawang nakikita ng mga tao sa Bibliya na gaya ng ganitong uri ng pangyayari. Hindi ito nangangahulugan na ang mga kapangyarihan ng Panginoong Jesus ay limitado, o na hindi Niya magagawa ang gayong mga bagay. Ayaw lang itong gawin ng Diyos, sapagkat ang muling pagbuhay ng Panginoong Jesus kay Lazaro ay may totoong praktikal na kahalagahan, at dahil din sa ang pangunahing gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi ang pagsasagawa ng mga himala, hindi ang muling pagbuhay sa mga tao mula sa kamatayan, bagkus ay ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Kaya, karamihan sa mga gawain na natapos ng Panginoong Jesus ay pagtuturo sa mga tao, pagtutustos sa kanila, at pagtulong sa kanila, at ang mga pangyayaring kagaya ng muling pagbuhay kay Lazaro ay maliit lang na bahagi ng ministeryo na isinakatuparan ng Panginoong Jesus. Higit pa rito, masasabi na ang “pagpapakitang-gilas” ay hindi bahagi ng diwa ng Diyos, kaya ang Panginoong Jesus ay hindi sadyang nagsagawa ng pagpipigil sa pamamagitan ng hindi pagpapamalas ng marami pang himala, ni dahil man sa mga limitasyong pangkapaligiran, at tiyak na hindi ito dahil sa kawalan ng kapangyarihan.
Nang muling buhayin ng Panginoong Jesus si Lazaro mula sa kamatayan, ginamit lang Niya ang ilang salitang ito: “Lazaro, lumabas ka.” Wala na Siyang sinabi maliban dito. Kung gayon, ano ang ipinapakita ng mga salitang ito? Ipinapakita ng mga ito na magagawa ng Diyos ang anumang bagay sa pamamagitan ng pagsasalita, kabilang na ang muling pagbuhay sa isang taong patay. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, nang nilikha Niya ang mundo, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng mga salita—sinalitang mga utos, mga salitang may awtoridad, at sa paraang ito ay nalikha ang lahat ng bagay, at sa gayon, ito ay natapos. Ang ilang salitang ito na sinabi ng Panginoong Jesus ay kagaya ng mga salitang sinabi ng Diyos nang Kanyang likhain ang kalangitan at ang lupa at ang lahat ng bagay; sa parehong paraan, taglay ng mga ito ang awtoridad ng Diyos at ang kapangyarihan ng Lumikha. Ang lahat ng bagay ay inanyuan at nanindigan dahil sa mga salita mula sa bibig ng Diyos, at sa parehong paraan, naglakad si Lazaro palabas ng kanyang libingan dahil sa mga salita mula sa bibig ng Panginoong Jesus. Ito ang awtoridad ng Diyos, ipinakita at isinakatuparan sa Kanyang nagkatawang-taong laman. Ang ganitong uri ng awtoridad at kakayahan ay pag-aari ng Lumikha, at ng Anak ng tao na kung kanino naisakatuparan ang Lumikha. Ito ang pagkaunawa na itinuro ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Lazaro mula sa kamatayan. Ngayon, tatapusin na natin dito ang ating talakayan sa paksang ito. Pagkatapos, magbasa pa tayo ng ilan pa mula sa mga kasulatan.
10. Ang Panghuhusga ng mga Pariseo kay Jesus
Marcos 3:21–22 At nang mabalitaan yaon ng Kanyang mga kaibigan, ay nagsilabas sila upang Siya’y hulihin: sapagkat kanilang sinabi, “sira ang Kanyang bait.” At sinabi ng mga eskriba na nagsibaba mula sa Jerusalem, “nasa Kanya si Beelzebub, at sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalayas Siya ng mga demonyo.”
11. Ang Pagsaway ni Jesus sa mga Pariseo
Mateo 12:31–32 Kaya’t sinasabi Ko sa inyo, “Ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwat ang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao. At ang sinumang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kanya; datapuwat ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.”
Mateo 23:13–15 Datapuwat sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagkat kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. Sa aba ninyo, mga eskriba’t mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya’t magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa. Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghahanap ng isa ninyong mapagbabalik-loob; at kung siya’y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili.
Magkaiba ang nilalaman ng dalawang talatang nasa itaas. Tingnan muna natin ang naunang talata: Ang Paghusga ng mga Pariseo kay Jesus.
Sa Bibliya, ang pagsusuri ng mga Pariseo kay Jesus Mismo at sa mga bagay na Kanyang ginawa ay: “… kanilang sinabi, ‘sira ang Kanyang bait. … Nasa Kanya si Beelzebub, at, sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalayas Siya ng mga demonyo’” (Marcos 3:21–22). Ang panghuhusga ng mga eskriba at mga Pariseo sa Panginoong Jesus ay hindi panggagaya nila sa mga salita ng ibang tao, at hindi rin walang basehang pala-palagay—ito ang konklusyon na binuo nila hinggil sa Panginoong Jesus mula sa kanilang nakita at narinig tungkol sa Kanyang mga pagkilos. Bagaman ang kanilang konklusyon sa wari ay ginawa sa ngalan ng katarungan at lumilitaw sa mga tao na parang may matibay na batayan, ang pagmamataas kung saan hinusgahan nila ang Panginoong Jesus ay mahirap maging para sa kanila na mapigilan. Ang nagngangalit na enerhiya ng kanilang pagkamuhi sa Panginoong Jesus ang nagbunyag sa kanilang sariling masidhing mga ambisyon at sa kanilang masasamang satanikong mga mukha, gayundin sa kanilang masamang kalikasan na sa pamamagitan nito ay lumaban sila sa Diyos. Ang mga bagay na ito na kanilang sinabi sa kanilang panghuhusga sa Panginoong Jesus ay udyok ng kanilang masidhing mga ambisyon, pagkainggit, at ng pangit at masamang kalikasan ng kanilang pagkapoot sa Diyos at sa katotohanan. Hindi nila siniyasat ang pinagmulan ng mga pagkilos ng Panginoong Jesus, ni siniyasat man nila ang diwa ng sinabi o ginawa Niya. Sa halip, nang basta-basta, sa isang kalagayan ng hibang na pagkaligalig, at nang may sadyang masamang hangarin, binatikos at siniraan nila ang nagawa Niya. Hanggang sa punto na sadya nilang siniraan ang Kanyang Espiritu, iyon ay, ang Banal na Espiritu na Siyang Espiritu ng Diyos. Ito ang ibig nilang sabihin nang kanilang sinabing, “Sira ang Kanyang bait,” “si Beelzebub,” at “prinsipe ng mga demonyo.” Ibig sabihin, sinabi nila na ang Espiritu ng Diyos ay si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo. Inilarawan nila bilang isang kabaliwan ang gawain ng Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao, na binihisan ang Kanyang sarili ng katawang-tao. Hindi lang nila nilapastangan ang Espiritu ng Diyos bilang si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo, bagkus ay hinatulan din nila ang gawain ng Diyos at hinatulan at nilapastangan ang Panginoong Jesucristo. Ang diwa ng kanilang paglaban at paglapastangan sa Diyos ay lubos na katulad ng diwa ng paglaban at paglapastangan sa Diyos na ginawa ni Satanas at ng mga demonyo. Hindi lang nila kinatawan ang mga taong tiwali, subalit lalong higit na sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Sila ay daluyan para kay Satanas sa gitna ng sangkatauhan, at sila ang mga kasabwat at mga utusan ni Satanas. Ang diwa ng kanilang paglapastangan at ng kanilang paninirang-puri sa Panginoong Jesucristo ay ang kanilang pakikipaglaban sa Diyos para sa katayuan, ang kanilang pakikipagpaligsahan sa Diyos, at ang kanilang walang katapusang pagsubok sa Diyos. Ang diwa ng kanilang paglaban sa Diyos at ng kanilang saloobin ng pagkapoot sa Kanya, gayundin ang kanilang mga salita at ang kanilang mga kaisipan, ay tahasang nilapastangan at ginalit ang Espiritu ng Diyos. Kaya, tinukoy ng Diyos ang isang makatwirang paghatol batay sa sinabi at ginawa nila, at tinukoy ng Diyos ang kanilang mga gawa na kasalanan ng paglapastangan laban sa Banal na Espiritu. Ang pagkakasalang ito ay walang kapatawaran kapwa sa mundong ito at sa mundong darating, gaya ng pinatototohanan sa sumusunod na sipi ng kasulatan: “Ang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao” at, “sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.” Sa araw na ito, pag-usapan natin ang tungkol sa tunay na kahulugan ng mga salitang ito mula sa Diyos: “hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.” Ibig sabihin, gawin nating mas malinaw at mas madaling unawain kung paano tinutupad ng Diyos ang mga salitang: “Hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.”
Ang lahat ng napag-usapan na natin ay may kaugnayan sa disposisyon ng Diyos, at sa Kanyang saloobin tungo sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay. Mangyari pa, hindi natatangi ang dalawang talata sa itaas. May napansin ba kayong anuman sa dalawang talatang ito ng kasulatan? Sinasabi ng ilang tao na nakikita nila ang galit ng Diyos sa mga ito. Sinasabi naman ng ilang tao na nakikita nila ang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpaparaya sa pagkakasala ng sangkatauhan, at na kapag gumawa ang mga tao ng isang bagay na lapastangan sa Diyos, hindi nila matatanggap ang Kanyang kapatawaran. Sa kabila ng katotohanan na nakikita at nauunawaan ng mga tao ang galit ng Diyos at ang di-pagpaparaya sa pagkakasala ng sangkatauhan sa dalawang talatang ito, hindi pa rin nila talaga nauunawaan ang Kanyang saloobin. Ipinahihiwatig ng dalawang talatang ito ang natatagong mga sanggunian sa tunay na saloobin ng Diyos at sa Kanyang pakikitungo sa mga lumalapastangan at nagpapagalit sa Kanya. Ipinapakita ng Kanyang saloobin at pakikitungo ang tunay na kahulugan ng sumusunod na talata: “Sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.” Kapag nilapastangan ng mga tao ang Diyos at kapag ginalit nila Siya, nagpapalabas Siya ng isang hatol, at ang hatol na ito ay ang kinahinatnan na ipinalabas Niya. Isinasalarawan ito sa ganitong paraan sa Bibliya: “Kaya’t sinasabi Ko sa inyo, ‘Ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwat ang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao’” (Mateo 12:31), at “Datapuwat sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw!” (Mateo 23:13). Gayunpaman, nakatala ba sa Bibliya kung ano ang kinahinatnan ng mga eskriba at mga Pariseo na iyon, gayundin ng mga taong nagsabing baliw ang Panginoong Jesus matapos Niyang sabihin ang mga bagay na ito? Nakatala ba na dumanas sila ng kaparusahan? Hindi—tiyak na masasabi ito. Ang pagsasabi rito ng “Hindi” ay hindi nangangahulugan na walang gayong pagtatala, subalit sa katunayan lang ay walang kahihinatnan na makikita gamit ang mga mata ng tao. Nililinaw ng pagsasabi na “hindi ito naitala” ang usapin ng saloobin at mga prinsipyo ng Diyos sa pangangasiwa ng ilang bagay. Hindi nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan ang Diyos sa mga taong lumalapastangan o kumakalaban sa Kanya, o maging sa mga naninirang-puri sa Kanya—mga taong sadyang bumabatikos, naninira, at sumusumpa sa Kanya—subalit sa halip ay mayroon Siyang isang malinaw na saloobin tungo sa kanila. Kinasusuklaman Niya ang mga taong ito, at kinokondena Niya ang mga ito sa Kanyang puso. Lantaran pa Niyang ipinahahayag ang magiging kahihinatnan nila, upang malaman ng mga tao na mayroon Siyang malinaw na saloobin tungo sa mga lumalapastangan sa Kanya, at upang malaman nila kung paano Niya tutukuyin ang kanilang kahihinatnan. Gayunpaman, pagkatapos sabihin ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi halos makita ng mga tao ang katotohanan ng kung paano pakikitunguhan ng Diyos ang mga taong iyon, at hindi nila maunawaan ang mga prinsipyo sa likod ng kinahinatnan at ng hatol na ipinalabas ng Diyos sa kanila. Ibig sabihin, hindi nakikita ng mga tao ang partikular na pakikitungo at mga pamamaraang mayroon ang Diyos sa pagharap sa kanila. May kinalaman ito sa mga prinsipyo ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ginagamit ng Diyos ang paglitaw ng mga katunayan upang makitungo sa masamang pag-uugali ng ilang tao. Ibig sabihin, hindi Niya ipinahahayag ang kanilang kasalanan at hindi Niya tinutukoy ang kanilang kahihinatnan, subalit sa halip ay ginagamit nang tuwiran ang paglitaw ng mga katunayan upang ibigay ang kaparusahan at nararapat na kagantihan sa kanila. Kapag nangyari ang mga katunayang ito, ang laman ng mga tao ang magdaranas ng kaparusahan, nangangahulugan na ang kaparusahan ay isang bagay na makikita ng mga mata ng tao. Sa pakikitungo sa masamang pag-uugali ng ilang tao, sinusumpa lang sila ng Diyos gamit ang mga salita at ang galit ng Diyos ay dumarating din sa kanila, ngunit ang kaparusahan na kanilang natatanggap ay maaaring isang bagay na hindi nakikita ng mga tao. Magkagayunman, ang ganitong uri ng kalalabasan ay maaaring mas malala pa kaysa sa mga kalalabasan na nakikita ng mga tao, gaya ng pagpaparusa o pagpatay. Ito ay dahil sa ilalim ng mga kalagayan na tinukoy na ng Diyos na huwag iligtas ang ganitong uri ng tao, na huwag nang magpakita pa ng habag o magkaroon ng pagpaparaya para sa kanila at na huwag na silang pagkalooban pa ng mga pagkakataon, ang Kanyang saloobin tungo sa kanila ay isantabi sila. Ano ang kahulugan ng “isantabi”? Ang pangunahing kahulugan ng terminong ito ay na ilagay ang isang bagay sa isang tabi, na balewalain at huwag nang bigyang pansin ito. Subalit dito, kapag isinasantabi ng Diyos ang isang tao, may dalawang magkaibang pagpapaliwanag sa kahulugan nito: Ang unang pagpapaliwanag ay na ibinigay na Niya kay Satanas ang buhay ng taong iyon at ang lahat ng tungkol sa taong iyon upang pakitunguhan, at hindi na magiging pananagutan at hindi na pamamahalaan ng Diyos ang taong iyon. Maging ang taong iyon ay baliw o hangal man, o maging buhay o patay man ito, o kung siya man ay bumaba na sa impiyerno para sa kanilang kaparusahan, wala sa mga ito ang magkakaroon pa ng anumang kaugnayan sa Diyos. Mangangahulugan ito na wala nang kaugnayan sa Lumikha ang nilalang na iyon. Ang ikalawang pagpapaliwanag ay na tinukoy na ng Diyos na may nais Siya Mismong gawin sa taong ito, sa Kanyang sariling mga kamay. Posibleng gagamitin Niya ang serbisyo ng taong ito, o na gagamitin Niya ang mga ito bilang isang panghambing. Posibleng magkakaroon Siya ng isang natatanging paraan ng pakikitungo sa ganitong uri ng tao, isang natatanging paraan ng pagtrato sa kanila, gaya ng kay Pablo, halimbawa. Ito ang prinsipyo at saloobin sa puso ng Diyos kung saan tinukoy na Niya na makitungo sa ganitong uri ng tao. Kaya kapag kalabanin ng mga tao ang Diyos at siraan at lapastanganin Siya, kung galitin nila ang Kanyang disposisyon, o kung sagarin nila ang Diyos nang lampas sa hangganan ng Kanyang pagpaparaya, ang mga kahihinatnan ay hindi sukat akalain. Ang pinakamalalang kahihinatnan ay na ibibigay ng Diyos kay Satanas ang kanilang mga buhay at ang lahat ng tungkol sa kanila nang minsanan at magpakailanman. Hindi sila patatawarin magpakailanman. Nangangahulugan ito na ang taong ito ay naging pagkain na sa bibig ni Satanas, isang laruan sa kamay nito, at mula noon ay wala nang kinalaman ang Diyos sa kanila. Maiisip ba ninyo kung anong uri ng kahapisan ito nang tuksuhin ni Satanas si Job? Maging sa ilalim ng kondisyon na hindi maaaring saktan ni Satanas ang buhay ni Job, nagdusa pa rin si Job nang napakatindi. At hindi ba lalo pang mas mahirap isipin ang mga pinsalang idudulot ni Satanas sa isang taong ganap nang ibinigay kay Satanas, na ganap nang napasakamay ni Satanas, na lubusan nang nawalan ng pagmamalasakit at habag ng Diyos, na wala na sa ilalim ng pamumuno ng Lumikha, na inalisan na ng karapatan na sambahin Siya at ng karapatan na maging isang nilalang sa ilalim ng pamumuno ng Diyos, at na ang kaugnayan sa Panginoon ng paglikha ay lubusan nang pinutol? Ang pag-uusig ni Satanas kay Job ay isang bagay na makikita ng mga mata ng tao, subalit kapag ibinigay ng Diyos ang buhay ng isang tao kay Satanas, ang mga kahihinatnan ay hindi mawawari ng tao. Halimbawa, ang ilang tao ay maaaring ipanganak muli bilang isang baka, o isang asno, habang ang ilan ay maaaring panirahan at sapian ng marurumi, masasamang espiritu, at iba pa. Ito ang mga kalalabasan ng ilan sa mga taong ibinigay ng Diyos kay Satanas. Sa panlabas, tila hindi dumanas ng anumang mga kahihinatnan ang mga taong nanlibak, nanira, kumondena, at lumapastangan sa Panginoong Jesus. Gayunpaman, ang totoo ay may paraan ng pakikitungo ang Diyos sa lahat ng bagay. Maaaring hindi Siya gumamit ng malinaw na wika upang sabihin sa mga tao ang kalalabasan ng kung paano Siya nakikitungo sa bawat uri ng tao. May mga pagkakataon na hindi Siya tuwirang nagsasalita, subalit sa halip ay kumikilos Siya nang tuwiran. Ang hindi Niya pagsasalita ukol dito ay hindi nangangahulugan na walang kinalabasan—sa katunayan, sa gayong pagkakataon ay maaaring mas malala pa nga ang kinalabasan. Sa panlabas, tila may ilan na hindi hayagang sinasabihan ng Diyos ng tungkol sa Kanyang saloobin, subalit sa katunayan, matagal nang ayaw bigyang-pansin ng Diyos ang mga ito. Ayaw na Niyang makita sila kailanman. Dahil sa mga bagay na ginawa nila at sa kanilang pag-uugali, dahil sa kanilang kalikasang diwa, gusto na lang ng Diyos na maglaho sila sa Kanyang paningin, nais na ibigay sila nang tuluyan kay Satanas, na ibigay ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan kay Satanas at na tulutan si Satanas na gawin ang anumang nais nito sa kanila. Malinaw kung hanggang saan namumuhi ang Diyos sa kanila, kung hanggang saan nasusuklam ang Diyos sa kanila. Kung ginagalit ng isang tao ang Diyos hanggang sa punto na ayaw man lang silang makitang muli ng Diyos at nakahanda nang lubusang sumuko sa kanila, hanggang sa puntong ayaw man lang Niya Mismo na makitungo sa kanila—kung dumating ito sa punto na ibibigay na Niya ang mga ito kay Satanas upang gawin ang nais nito, upang tulutan si Satanas na kontrolin, lamunin, at tratuhin sila sa anumang paraang nais nito—samakatuwid ang taong ito ay nagwakas na nang tuluyan. Permanente nang binawi ang kanilang karapatan na maging isang tao, at sumapit na sa kawakasan ang kanilang karapatan na maging nilalang na nilikha ng Diyos. Hindi ba ito ang pinakamalalang uri ng kaparusahan?
Ang lahat ng nasa itaas ay kumpletong pagpapaliwanag sa mga salitang: “hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating,” at nagsisilbi rin itong isang simpleng komentaryo sa mga talatang ito mula sa mga kasulatan. Naniniwala Ako na mayroon na kayo ngayong pagkaunawa rito.
Ngayon naman ay basahin natin ang sumusunod na mga sipi mula sa Kasulatan.
12. Ang mga Salita ni Jesus sa Kanyang mga Disipulo Pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay
Juan 20:26–29 At pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang Kanyang mga disipulo, at kasama nila si Tomas: tapos dumating si Jesus, habang nakasara ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.” Nang magkagayo’y sinabi Niya kay Tomas, “Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang Aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo ito sa Aking tagiliran: at huwag kang mawalan ng pananampalataya, kundi maniwala.” Sumagot si Tomas, at sa Kanya’y sinabi, “Panginoon ko at Diyos ko.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tomas, sapagkat Ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.”
Juan 21:16–17 Sinabi Niya sa kanya muli sa ikalawang pagkakataon, “Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga Ako?” Sinabi niya sa Kanya, “Oo, Panginoon; nalalaman mo na Kita’y iniibig.” Sinabi Niya sa kanya, “Alagaan mo ang Aking mga tupa.” Sinabi Niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga Ako?” Nalumbay si Pedro sapagkat sa kaniya’y sinabi nang ikatlong ulit, “Iniibig mo baga Ako?” At sinabi niya sa Kanya, “Panginoon, nalalaman Mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman Mo na Kita’y iniibig.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakanin mo ang Aking mga tupa.”
Ang isinasalaysay ng mga talatang ito ay ang ilang bagay na ginawa at sinabi ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga disipulo pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Una, tingnan natin ang anumang mga pagkakaiba na maaaring mayroon sa Panginoong Jesus bago at pagkatapos ng muling pagkabuhay. Siya pa rin ba ang parehong Panginoong Jesus ng nakaraang mga araw? Nilalaman ng mga kasulatan ang sumusunod na linyang naglalarawan sa Panginoong Jesus pagkatapos ng muling pagkabuhay: “Dumating si Jesus, habang nakasara ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at sinabi, ‘Kapayapaan ang sumainyo.’” Napakalinaw na ang Panginoong Jesus sa panahong iyon ay hindi na nananahan sa isang makalamang katawan, bagkus ay nasa isang espirituwal na katawan na Siya ngayon. Ito ay dahil nahigitan na Niya ang mga limitasyon ng katawang-tao; kahit na nakasara ang pinto, makalalapit pa rin Siya sa mga tao at hahayaan silang makita Siya. Ito ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng Panginoong Jesus pagkatapos ng muling pagkabuhay at ng Panginoong Jesus na nabubuhay sa katawang-tao bago ang muling pagkabuhay. Bagaman walang pagkakaiba sa pagitan ng kaanyuan ng espirituwal na katawan sa sandaling iyon at ng kaanyuan ng Panginoong Jesus dati, ang Panginoong Jesus sa sandaling iyon ay naging parang isang estranghero sa mga tao, sapagkat naging espirituwal na katawan Siya pagkatapos na muling mabuhay mula sa kamatayan, at kung ihahambing sa Kanyang nakaraang katawang-tao, ang espirituwal na katawang ito ay lalong palaisipan at nakalilito sa mga tao. Lumikha rin ito ng mas malaking agwat sa pagitan ng Panginoong Jesus at ng mga tao, at nadama ng mga tao sa kanilang mga puso na ang Panginoong Jesus sa sandaling iyon ay naging higit na mahiwaga. Ang mga pagkaunawa at damdaming ito sa panig ng mga tao ay biglang nagdala sa kanila pabalik sa isang kapanahunan ng paniniwala sa isang Diyos na hindi nakikita o nahahawakan. Kaya, ang unang bagay na ginawa ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay ay tulutan ang lahat na makita Siya, na matiyak na umiiral Siya, at na matiyak ang katotohanan ng Kanyang muling pagkabuhay. Bukod pa rito, pinanumbalik ng pagkilos na ito ang Kanyang kaugnayan sa mga tao na tulad noong gumagawa pa Siya sa katawang-tao, noong Siya pa ang Cristo na nakikita at nahahawakan nila. Isang kinalabasan nito ay na walang pagdududa o anupaman ang mga tao na muling nabuhay ang Panginoong Jesus mula sa kamatayan pagkatapos na maipako sa krus, at wala rin silang pagdududa sa gawain ng Panginoong Jesus na tubusin ang sangkatauhan. Isa pang kinalabasan ay na ang katunayan ng pagpapakita ng Panginoong Jesus sa mga tao pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay at ang pagpapahintulot sa mga tao na makita at mahawakan Siya ay mahigpit na nagpatatag sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya, tinitiyak na, mula sa panahong ito, hindi na babalik ang mga tao sa nakaraang Kapanahunan ng Kautusan dahil sa ipinagpalagay na batayang “naglaho” ang Panginoong Jesus o na Siya ay “lumisan nang walang pasabi.” Sa gayon ay tiniyak Niyang magpapatuloy silang pasulong, na sinusunod ang mga turo ng Panginoong Jesus at ang gawain na Kanyang ginawa. Kaya, isang bagong yugto sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ang pormal na nabuksan, at mula sa sandaling iyon, ang mga taong matagal nang namumuhay sa ilalim ng kautusan ay pormal nang lumabas mula sa kautusan at pumasok sa isang bagong kapanahunan, sa isang bagong pasimula. Ito ang sari-saring mga kahulugan ng pagpapakita ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan pagkatapos ng muling pagkabuhay.
Yamang nanahan ngayon ang Panginoong Jesus sa isang espirituwal na katawan, paanong nahahawakan Siya at nakikita Siya ng mga tao? Ito ay may kinalaman sa kahalagahan ng pagpapakita ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan. Mayroon ba kayong napansing anuman sa mga talata ng kasulatan na kababasa lang natin? Sa pangkalahatan, hindi nakikita o nahahawakan ang espirituwal na mga katawan, at pagkatapos ng muling pagkabuhay, ang gawaing isinabalikat ng Panginoong Jesus ay natapos na. Kaya sa teorya, talagang hindi na Niya kinailangang bumalik sa kalagitnaan ng mga tao sa Kanyang orihinal na larawan upang makipagkita sa kanila, ngunit ang pagpapakita ng espirituwal na katawan ng Panginoong Jesus sa mga taong gaya ni Tomas ang lalong nagpatatag sa kahalagahan ng Kanyang pagpapakita, upang tumagos ito nang mas malalim sa mga puso ng mga tao. Nang Siya ay lumapit kay Tomas, hinayaan Niya ang mapagdudang si Tomas na hawakan ang Kanyang kamay, at sinabi sa kanya: “Idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo ito sa Aking tagiliran: at huwag kang mawalan ng pananampalataya, kundi maniwala.” Ang mga salita at mga pagkilos na ito ay hindi mga bagay na ninais lang sabihin at gawin ng Panginoong Jesus pagkatapos na Siya ay muling mabuhay; sa katunayan, ito ang mga bagay na nais Niyang sabihin at gawin bago pa man Siya ipinako sa krus, dahil hindi lang noon nagsimula ang mga pagdududa ni Tomas, bagkus ay taglay na niya sa buong panahon na sumusunod siya sa Panginoong Jesus. Maliwanag na, bago Siya ipinako sa krus, mayroon nang pagkaunawa ang Panginoong Jesus sa mga taong gaya ni Tomas. Kaya ano ang ating makikita mula rito? Siya pa rin ang dating Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Hindi nagbago ang Kanyang diwa. Gayunpaman, narito ang Panginoong Jesus na muling nabuhay mula sa kamatayan at nagbalik mula sa espirituwal na daigdig nang may orihinal Niyang larawan, nang may orihinal Niyang disposisyon, at nang may pagkaunawa Niya sa sangkatauhan mula sa panahon Niya sa katawang-tao, kaya nagpunta muna Siya kay Tomas at pinahintulutan si Tomas na mahawakan ang Kanyang tadyang, upang hindi lang hayaan si Tomas na makita ang Kanyang espirituwal na katawan pagkatapos na muling mabuhay, bagkus ay upang hayaan si Tomas na mahawakan at maramdaman ang pag-iral ng Kanyang espirituwal na katawan, at tuluyang alisin ang mga pagdududa nito. Bago ipinako sa krus ang Panginoong Jesus, palaging nagdududa si Tomas na Siya ang Cristo, at hindi magawang maniwala. Ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay naitatag lang sa batayan ng kung ano ang kanyang nakikita sa kanyang sariling mga mata, kung ano ang kanyang nahahawakan sa kanyang sariling mga kamay. May mabuting pagkaunawa ang Panginoong Jesus sa pananampalataya ng ganitong uri ng tao. Naniniwala lang sila sa Diyos na nasa langit, at hindi talaga naniwala sa Isa na ipinadala ng Diyos, o sa Cristo na nasa katawang-tao, at hindi rin nila matatanggap Siya. Upang kilalanin at paniwalaan ni Tomas ang pag-iral ng Panginoong Jesus at na tunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, pinahintulutan Niya si Tomas na idaiti ang kanyang kamay at hawakan ang Kanyang tadyang. May pinagkaiba ba sa pagdududa ni Tomas bago at pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus? Palagi siyang nagdududa, at maliban sa personal na pagpapakita sa kanya ng espirituwal na katawan ng Panginoong Jesus at pagpapahintulot sa kanya na mahawakan ang mga bakas ng pako sa katawan ng Panginoong Jesus, walang paraan na malulutas ng sinuman ang kanyang mga pagdududa at mapangyaring alisin niya ang mga ito. Kaya, mula sa sandaling pinahintulutan ng Panginoong Jesus si Tomas na hawakan ang Kanyang tadyang at hayaan itong mahipo na mayroong mga bakas ng pako, naglaho ang pagdududa ni Tomas, at tunay na nalaman niya na ang Panginoong Jesus ay muling nabuhay, at kinilala at pinaniwalaan niya na ang Panginoong Jesus ang tunay na Cristo at ang Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman sa sandaling ito ay hindi na nagduda si Tomas, nawala niya magpakailanman ang pagkakataon na makatagpo si Cristo. Nawala niya magpakailanman ang pagkakataon na makasama Siya, na sumunod sa Kanya, na makilala Siya. Nawala niya ang pagkakataon na magawa siyang perpekto ni Cristo. Ang pagpapakita ng Panginoong Jesus at ang Kanyang mga salita ay nagbigay ng katapusan at ng hatol sa pananampalataya niyaong puno ng mga pagdududa. Ginamit Niya ang Kanyang aktwal na mga salita at mga pagkilos upang sabihin sa mga mapagduda, upang sabihin sa mga naniwala lang sa Diyos sa langit ngunit hindi naniwala kay Cristo: Hindi pinuri ng Diyos ang kanilang paniniwala, ni pinuri Niya ang mga ito para sa kanilang pagsunod sa Kanya habang nagdududa sa Kanya. Ang araw na lubos silang naniwala sa Diyos at kay Cristo ay ang araw lang na natapos na ng Diyos ang Kanyang dakilang gawain. Mangyari pa, ang araw na iyon ay ang araw rin na nabuo ang hatol sa kanilang pagdududa. Ang kanilang saloobin tungo kay Cristo ang tumukoy sa kanilang kapalaran, at nangahulugan ang kanilang matigas na pagdududa na hindi nagbunga ang kanilang pananampalataya, at nangangahulugan ang kanilang katigasan na nawalan ng saysay ang kanilang mga pag-asa. Sapagkat bunga ng mga ilusyon ang kanilang paniniwala sa Diyos sa langit, at ang kanilang pagdududa tungo kay Cristo ay ang kanila talagang tunay na saloobin tungo sa Diyos, kahit na nahawakan nila ang mga bakas ng pako sa katawan ng Panginoong Jesus, wala pa ring silbi ang kanilang pananampalataya at mailalarawan lang ang kanilang kahihinatnan bilang pagsalok ng tubig gamit ang isang basket na kawayan—lahat ay walang saysay. Ang sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas ay napakalinaw rin na Kanyang paraan ng pagsasabi sa bawat isang tao: Ang Panginoong Jesus na muling nabuhay ay ang Panginoong Jesus, na gumugol ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon na gumagawa sa gitna ng sangkatauhan. Bagaman napako Siya sa krus at naranasan ang lambak ng anino ng kamatayan, at bagaman naranasan Niya ang muling mabuhay, hindi Siya sumailalim sa anumang pagbabago sa anumang aspeto. Bagaman mayroon na Siya ngayong mga bakas ng pako sa Kanyang katawan, at bagaman muli Siyang nabuhay at lumabas mula sa libingan, ang Kanyang disposisyon, ang Kanyang pagkaunawa sa sangkatauhan, at ang Kanyang mga layunin tungo sa sangkatauhan ay hindi nagbago kahit na kaunti. Gayundin, sinasabi Niya sa mga tao na bumaba Siya mula sa krus, napagtagumpayan ang kasalanan, napagtagumpayan ang mga paghihirap, at napagtagumpayan ang kamatayan. Ang mga bakas ng pako ay ang katunayan lang ng Kanyang tagumpay kay Satanas, katunayan ng pagiging isang handog para sa kasalanan upang matagumpay na matubos ang buong sangkatauhan. Sinasabi Niya sa mga tao na inako na Niya ang mga kasalanan ng sangkatauhan at natapos na Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos. Nang bumalik Siya upang makita ang Kanyang mga disipulo, sinabi Niya sa kanila ang mensaheng ito sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita: “Ako ay buhay pa rin, umiiral pa rin Ako; sa araw na ito ay talagang nakatayo Ako sa inyong harapan nang makita at mahawakan ninyo Ako. Ako ay palaging sasainyo.” Ninais din ng Panginoong Jesus na gamitin ang kaso ni Tomas bilang isang babala para sa mga tao sa hinaharap: Bagaman hindi mo nakikita ni nahahawakan ang Panginoong Jesus sa iyong pananampalataya sa Kanya, pinagpala ka dahil sa iyong tunay na pananampalataya, at makikita mo ang Panginoong Jesus dahil sa iyong tunay na pananampalataya, at pinagpala ang ganitong uri ng tao.
Ang mga salitang ito na naitala sa Bibliya na sinabi ng Panginoong Jesus nang Siya ay magpakita kay Tomas ay malaking tulong sa lahat ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang pagpapakita kay Tomas at ang mga salitang sinabi Niya rito ay mayroong malaking epekto sa sumunod na mga salinlahi, taglay ng mga ito ang walang hanggang kahalagahan. Kumakatawan si Tomas sa isang uri ng tao na naniniwala sa Diyos subalit pinagdududahan ang Diyos. Sila ay likas na mapagduda, may masasamang puso, mga mapandaya, at hindi naniniwala sa mga bagay na kayang gawin ng Diyos. Hindi sila naniniwala sa walang hanggang kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at hindi rin sila naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayunpaman, ang muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ay tahasang sumasalungat sa mga katangiang ito na mayroon sila, at nagbigay rin ito ng pagkakataon sa kanila upang matuklasan ang kanilang sariling pagdududa, upang makilala ang kanilang sariling pagdududa, at upang makilala ang kanilang sariling kataksilan, sa gayon ay tunay na maniwala sa pag-iral at sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. Ang nangyari kay Tomas ay isang babala at isang pag-iingat para sa susunod na mga salinlahi upang mas maraming tao ang makapagbababala sa kanilang mga sarili na huwag maging mapagduda gaya ni Tomas, at na kung punuin nila ang kanilang mga sarili ng pagdududa, lulubog sila sa kadiliman. Kung sumusunod ka sa Diyos, ngunit gaya lang ni Tomas, na laging ninanais na mahawakan ang tadyang ng Panginoon at madama ang Kanyang mga bakas ng pako upang makatiyak, upang mapatunayan, upang magpalagay kung umiiral ba o hindi ang Diyos, tatalikdan ka ng Diyos. Kaya, hinihingi ng Panginoong Jesus sa mga tao na huwag maging gaya ni Tomas, pinaniniwalaan lang kung ano ang kanilang nakikita sa kanilang sariling mga mata, bagkus ay maging dalisay, tapat na tao, na huwag magkimkim ng mga pagdududa tungo sa Diyos, bagkus ay manampalataya at sumunod lang sa Kanya. Pinagpala ang mga taong gaya nito. Isang napakaliit na hinihingi ito ng Panginoong Jesus sa mga tao, at isang babala ito para sa Kanyang mga tagasunod.
Ang nasa itaas ay ang saloobin ng Panginoong Jesus tungo sa mga puno ng pagdududa. Kung gayon ay ano naman ang sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus sa mga nagagawang tapat na maniwala at sumunod sa Kanya? Ito ang susunod nating titingnan, sa pamamagitan ng isang pag-uusap sa pagitan ng Panginoong Jesus at ni Pedro.
Sa pag-uusap na ito, paulit-ulit na tinanong ng Panginoong Jesus si Pedro ng isang bagay: “Simon, anak ni Juan, Iniibig mo baga Ako?” Ito ay mas mataas na pamantayang hiningi ng Panginoong Jesus mula sa mga taong gaya ni Pedro pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay na, na tunay na naniniwala kay Cristo at nagsisikap na ibigin ang Panginoon. Ang tanong na ito ay isang uri ng pagsisiyasat at pag-uusisa, ngunit higit pa rito, ito ay isang hinihingi at inaasahan sa mga taong gaya ni Pedro. Ginamit ng Panginoong Jesus ang pamamaraang ito ng pagtatanong nang makapagbulay-bulay ang mga tao sa kanilang mga sarili at masuri ang kanilang mga sarili at magtanong: Ano ang mga hinihingi ng Panginoong Jesus sa mga tao? Mahal ko ba ang Panginoon? Isa ba akong tao na umiibig sa Diyos? Paano ko dapat ibigin ang Diyos? Kahit na itinanong lang ng Panginoong Jesus ang katanungang ito kay Pedro, ang totoo ay sa Kanyang puso, sa pamamagitan ng pagtatanong kay Pedro ng mga katanungang ito, ninais Niyang gamitin ang pagkakataong ito upang itanong ang ganitong parehong uri ng katanungan sa mas maraming tao na naghahangad na ibigin ang Diyos. Pinagpala nga lang si Pedro na magsilbing kinatawan ng ganitong uri ng tao, na tumanggap ng pagtatanong na ito mula sa sariling bibig ng Panginoong Jesus.
Kung ihahambing sa sumusunod na mga salita, na sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay: “Idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo ito sa Aking tagiliran: at huwag kang mawalan ng pananampalataya, kundi maniwala,” ang Kanyang tatlong ulit na pagtatanong kay Pedro: “Simon anak ni Juan, Iniibig mo baga Ako?” ay nagpapahintulot sa mga tao na madama nang mas mabuti ang pagiging istrikto ng saloobin ng Panginoong Jesus, at ang pagmamadali na Kanyang nadama sa panahon ng Kanyang pagtatanong. Pagdating sa mapagdudang si Tomas, dahil sa kanyang mapanlinlang na kalikasan, pinahintulutan siya ng Panginoong Jesus na idaiti ang kanyang kamay at hawakan ang mga bakas ng pako sa Kanyang katawan, na nagtulot sa kanyang maniwala na ang Panginoong Jesus ay ang Anak ng tao na muling nabuhay, at kilalanin ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus bilang Cristo. At bagaman hindi mabagsik na pinagsabihan ng Panginoong Jesus si Tomas, at hindi rin Niya ipinahayag sa salita ang anumang malinaw na paghatol sa kanya, gayunman ay gumamit Siya ng praktikal na mga pagkilos upang ipabatid kay Tomas na naunawaan Niya siya, habang ipinakikita rin ang Kanyang saloobin at pagpapasya sa gayong uri ng tao. Ang mga hinihingi at mga inaasahan ng Panginoong Jesus sa gayong uri ng tao ay hindi makikita mula sa sinabi Niya, sapagkat ang mga taong gaya ni Tomas ay wala talaga ni katiting na tunay na pananampalataya. Ang mga hinihingi ng Panginoong Jesus sa kanila ay hanggang doon lang, ngunit ang saloobin na Kanyang inihayag sa mga taong gaya ni Pedro ay lubos na naiiba. Hindi Niya hiningi na idaiti ni Pedro ang kanyang kamay at hawakan ang Kanyang mga marka ng pako, ni sinabi Niya kay Pedro: “Huwag kang mawalan ng pananampalataya, kundi maniwala.” Sa halip, paulit-ulit Niyang itinanong ang iisang katanungan kay Pedro. Nakapupukaw ng kaisipan at makahulugan ang katanungan, isang katanungan na hindi maiiwasang magdulot, sa bawat tagasunod ni Cristo na makadama ng pagsisisi at ng takot, subalit para maramdaman din ang balisa, malungkot na lagay ng loob ng Panginoong Jesus. At kapag sila ay nasa matinding kalungkutan at pagdurusa, magagawa nilang mas maunawaan ang pag-aalala ng Panginoong Jesucristo at ang Kanyang pagmamalasakit; kanilang mapagtatanto ang Kanyang taimtim na aral at ang mahigpit na mga hinihingi sa dalisay, tapat na mga tao. Ang katanungan ng Panginoong Jesus ang nagpahintulot sa mga tao na madama na ang mga inaasahan ng Panginoon sa mga tao na nahayag sa simpleng mga salitang ito ay hindi lang upang sumampalataya at sumunod sa Kanya, bagkus ay matamo ang pagkakaroon ng pag-ibig, na iniibig ang iyong Panginoon at ang iyong Diyos. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay mapagmalasakit at mapagpasakop. Ito ay mga taong nabubuhay para sa Diyos, namamatay para sa Diyos, iniaalay ang lahat sa Diyos, at gumugugol at ibinibigay ang lahat para sa Diyos. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay nagbibigay rin ng kaaliwan sa Diyos, nagtutulot sa Kanya na matamasa ang patotoo at makapagpahinga. Ito ang kabayaran ng sangkatauhan sa Diyos, ang pananagutan, obligasyon at tungkulin ng tao, at ito ay isang daan na dapat sundan ng mga tao sa buong buhay nila. Ang tatlong katanungang ito ay isang hinihingi at isang pagpapayo na ginawa ng Panginoong Jesus kay Pedro at sa lahat ng tao na gagawing perpekto. Ang tatlong katanungang ito ang umakay at nag-udyok kay Pedro na sundin ang kanyang landas sa buhay hanggang sa huli, at ang mga katanungang ito sa paglisan ng Panginoong Jesus ang umakay kay Pedro na simulan ang kanyang landas ng pagiging nagawang perpekto, na umakay sa kanya, dahil sa kanyang pag-ibig para sa Panginoon, upang magmalasakit sa puso ng Panginoon, upang sundin ang Panginoon, upang maghandog ng kaaliwan sa Panginoon, at upang ihandog ang kanyang buong buhay at ang kanyang buong sarili dahil sa pag-ibig na ito.
Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang gawain ng Diyos ay pangunahing para sa dalawang uri ng mga tao. Ang una ay ang uri ng tao na sumampalataya at sumunod sa Kanya, na makasusunod sa Kanyang mga utos at makapagpapasan ng krus, at kayang kumapit sa daan tungo sa Kapanahunan ng Biyaya. Makakamit ng ganitong uri ng tao ang pagpapala ng Diyos at matatamasa ang biyaya ng Diyos. Ang ikalawang uri ng tao ay gaya ni Pedro, isang tao na magagawang perpekto. Kaya, pagkatapos na muling mabuhay ng Panginoong Jesus, ginawa Niya muna ang dalawang pinaka-makahulugang bagay na ito. Ang isa ay ginawa kay Tomas, ang isa ay kay Pedro. Ano ang kinakatawan ng dalawang bagay na ito? Kinakatawan ba ng mga ito ang tunay na mga layunin ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan? Kinakatawan ba ng mga ito ang sinseridad ng Diyos tungo sa sangkatauhan? Ang gawain na ginawa Niya kay Tomas ay upang balaan ang mga tao na huwag maging mapagduda, bagkus ay maniwala lang. Ang gawain na ginawa Niya kay Pedro ay upang patatagin ang pananampalataya ng mga taong gaya ni Pedro, at upang linawin ang mga hinihingi Niya sa ganitong uri ng tao, upang ipakita kung anong mga mithiin ang dapat nilang hangarin.
Pagkatapos na muling mabuhay ng Panginoong Jesus, nagpakita Siya sa mga taong inisip Niyang kinakailangan, nakipag-usap sa kanila, at gumawa ng mga hinihingi sa kanila, isinantabi ang Kanyang mga layunin at mga inaasahan sa mga tao. Ibig sabihin, bilang Diyos na nagkatawang-tao, hindi nagbago kailanman ang Kanyang malasakit sa sangkatauhan at ang mga hinihingi sa mga tao; nanatili itong pareho noong nasa katawang-tao pa Siya at noong nasa espirituwal na katawan na Siya matapos mapako sa krus at muling mabuhay. Nag-aalala Siya sa mga disipulong ito bago Siya itinaas sa krus, at sa Kanyang puso ay malinaw sa Kanya ang kalagayan ng bawat isang tao at naunawaan Niya ang pagkukulang ng bawat isang tao at, mangyari pa, ang Kanyang pagkaunawa sa bawat isang tao pagkatapos Niyang mamatay, muling mabuhay, at maging isang espirituwal na katawan ay gaya pa rin ng dati nang Siya ay nasa katawang-tao pa. Alam Niya na ang mga tao ay hindi lubos na nakatitiyak sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo, ngunit sa Kanyang panahon sa katawang-tao hindi Siya gumawa ng mahigpit na mga hinihingi sa mga tao. Gayunpaman, pagkatapos Niyang muling mabuhay, nagpakita Siya sa kanila, at ginawa Niya silang lubusang nakatitiyak na ang Panginoong Jesus ay nagmula sa Diyos at na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, at ginamit Niya ang katunayan ng Kanyang pagpapakita at ng Kanyang muling pagkabuhay bilang pinakadakilang pangitain at motibasyon sa habambuhay na paghahangad ng sangkatauhan. Ang Kanyang muling pagkabuhay mula sa kamatayan ay hindi lang nagpatibay sa lahat ng sumunod sa Kanya, bagkus ay ganap ding ipinatupad nito ang Kanyang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya sa gitna ng sangkatauhan, at sa gayon ang ebanghelyo ng pagliligtas ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay unti-unting lumaganap sa bawat sulok ng sangkatauhan. Masasabi mo ba na may anumang kahalagahan ang pagpapakita ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay? Kung ikaw ay si Tomas o si Pedro sa panahong iyon, at nakaharap mo ang isang bagay na ito sa iyong buhay na totoong napakamakahulugan, anong uri ng epekto ang idudulot nito sa iyo? Makikita mo ba ito bilang pinakamaganda at pinakadakilang pangitain sa iyong buhay ng paniniwala sa Diyos? Makikita mo ba ito bilang isang puwersa na nagtutulak sa iyo sa iyong pagsunod sa Diyos, sa pagsisikap na mapalugod Siya, at sa paghahangad na ibigin ang Diyos sa buong buhay mo? Gugugol ka kaya ng isang habambuhay na pagsisikap upang ipalaganap ang pinakadakilang pangitaing ito? Tatanggapin mo kaya ang pagpapalaganap ng pagliligtas ng Panginoong Jesus bilang isang tagubiling mula sa Diyos? Kahit na hindi pa ninyo nararanasan ito, ang dalawang halimbawa nina Tomas at Pedro ay sapat na para sa makabagong mga tao na magkamit ng isang malinaw na pagkaunawa sa Diyos at sa Kanyang kalooban. Masasabi na matapos maging tao ng Diyos, matapos Niyang personal na maranasan ang buhay sa gitna ng sangkatauhan at personal na maranasan ang buhay ng tao, at matapos Niyang makita ang kabulukan ng sangkatauhan at ang kalagayan ng buhay ng tao sa panahong iyon, naramdaman nang mas mabuti ng Diyos sa katawang-tao kung gaano kawalang-kaya, kahapis-hapis, at kahabag-habag ang sangkatauhan. Nagkaroon ang Diyos ng higit pang pakikiramay para sa kalagayan ng tao dahil sa Kanyang pagkatao na taglay Niya habang nabubuhay sa katawang-tao, dahil sa likas na pag-uugali ng Kanyang katawang-tao. Ito ang umakay sa Kanya upang magkaroon ng mas malaking malasakit para sa Kanyang mga tagasunod. Ang mga ito marahil ay mga bagay na hindi ninyo nauunawaan, ngunit mailalarawan Ko itong pangamba at pagmamalasakit na nadama ng Diyos sa katawang-tao para sa bawat isa sa Kanyang mga tagasunod gamit lang ang dalawang salita: “matinding pagmamalasakit.” Kahit na nanggagaling ang terminong ito mula sa wikang pantao, at bagaman talagang pantao ito, tunay nitong ipinapahayag at inilalarawan ang mga damdamin ng Diyos para sa Kanyang mga tagasunod. Tungkol naman sa matinding malasakit ng Diyos para sa mga tao, sa pagdaan ng panahon ng inyong mga karanasan ay unti-unti ninyong madarama at mararanasan ito. Gayunpaman, matatamo lang ito sa unti-unting pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos sa batayan ng paghahangad ng pagbabago sa sariling disposisyon. Nang ginawa ng Panginoong Jesus ang pagpapakitang ito, naging sanhi ito na magkatotoo ang Kanyang matinding pagmamalasakit para sa Kanyang mga tagasunod sa pagkatao at maipasa sa Kanyang espirituwal na katawan, o masasabi, sa Kanyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagpapakita ang nagpahintulot sa mga tao na minsan pang maranasan at madama ang malasakit at pangangalaga ng Diyos samantalang pinatutunayan din nang buong kapangyarihan na ang Diyos ay ang Isa na nagpapasimula ng isang kapanahunan, na nagbubukas sa isang kapanahunan, at Siya ring nagtatapos sa isang kapanahunan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita, pinatibay Niya ang pananampalataya ng lahat ng tao at pinatunayan sa mundo ang katotohanan na Siya ang Diyos Mismo. Ibinigay nito sa Kanyang mga tagasunod ang walang hanggang pagpapatibay, at sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita ay sinimulan din Niya ang isang yugto ng Kanyang gawain sa bagong kapanahunan.
13. Si Jesus ay Kumain ng Tinapay at Ipinaliwanag ang mga Kasulatan Pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay
Lucas 24:30–32 At nangyari, nang Siya’y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay Kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito’y pinagputol-putol, at ibinigay sa kanila. At nangabuksan ang kanilang mga mata, at Siya’y nakilala nila; at Siya’y nawala sa kanilang mga paningin. At sila-sila’y nangagsabihan, “Hindi baga nag-aalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y kinakausap Niya sa daan, at habang binubuksan Niya sa atin ang mga kasulatan?”
14. Binigyan ng mga Disipulo si Jesus ng Inihaw na Isda Upang Kainin
Lucas 24:36–43 At samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, Siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila’y nagsabi, “Kapayapaa’y sumainyo.” Datapuwat sila’y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. At sinabi Niya sa kanila, “Bakit kayo’y nangagugulumihanan? At bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso? Tingnan ninyo ang Aking mga kamay at ang Aking mga paa, na Ako nga ito: hipuin ninyo Ako, at tingnan; sapagkat ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa Akin.” At pagkasabi Niya nito, ay ipinakita Niya sa kanila ang Kanyang mga kamay at ang Kanyang mga paa. At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi Niya sa kanila, “Mayroon baga kayo ritong anumang makakain? At binigyan nila Siya ng isang putol na isdang inihaw, at ng pulot-pukyutan.” At Kanyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.
Sunod, titingnan natin ang mga talata ng kasulatan sa itaas. Ang unang sipi ay isang pagsasalaysay tungkol sa Panginoong Jesus na kumakain ng tinapay at ipinaliliwanag ang mga kasulatan pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, at ang ikalawang talata ay isang pagsasalaysay tungkol sa Panginoong Jesus na kumakain ng isdang inihaw. Paano nakatutulong ang dalawang talatang ito na makilala ang disposisyon ng Diyos? Maiisip ba ninyo ang uri ng larawan na makukuha ninyo mula sa mga paglalarawang ito sa Panginoong Jesus na kumakain ng tinapay at pagkatapos ay ng inihaw na isda? Maiisip ba ninyo, kung ang Panginoong Jesus ay nakatayo sa harapan ninyo na kumakain ng tinapay, ano kaya ang maaaring naramdaman ninyo? O kung Siya ay kumakaing kasama ninyo sa iisang mesa, kumakain ng isda at tinapay kasama ng mga tao, anong uri ng damdamin ang magkakaroon ka sa sandaling iyon? Kung mararamdaman mong napakalapit mo sa Panginoon, na Siya ay napakatalik sa iyo, tama ang pakiramdam na ito. Ito mismo ang bunga na ninais idulot ng Panginoong Jesus sa pagkain ng tinapay at ng isda sa harap ng mga taong nagtipon matapos Siyang muling mabuhay. Kung ang Panginoong Jesus ay nagsalita lang sa mga tao pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, kung hindi nila nadama ang Kanyang laman at mga buto, bagkus ay nadama na Siya ay isang hindi maabot na Espiritu, ano kaya ang naramdaman nila? Hindi ba sila mabibigo? Sa pagkadama ng pagkabigo, hindi ba madarama ng mga tao na sila ay iniwanan? Hindi ba nila madarama ang agwat sa pagitan ng kanilang mga sarili at ng Panginoong Jesucristo? Ano kayang uri ng negatibong epekto ang malilikha ng agwat na ito sa kaugnayan ng mga tao sa Diyos? Tiyak na natakot sana ang mga tao, na hindi sila nangahas na lumapit sa Kanya, at sa gayon ay nagkaroon sana sila ng saloobin na panatilihin Siya sa malayo. Magmula noon, pinutol na sana nila ang kanilang malapit na ugnayan sa Panginoong Jesucristo at nagbalik sa isang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos na nasa itaas ng langit gaya ng dati bago ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang espirituwal na katawan na hindi nahahawakan o nadarama ng mga tao ay nagdulot sana ng paglalaho ng kanilang pagiging malapit sa Diyos, at naging sanhi rin sana ito na ang malapit na ugnayang iyon, na itinatag sa panahon na ang Panginoong Jesucristo ay nasa katawang-tao, na walang agwat sa pagitan Niya at ng mga tao, na tumigil sa pag-iral. Ang tanging mga bagay na napukaw sa mga tao ng espirituwal na katawan ay mga damdamin ng takot, pag-iwas, at isang walang imik na pagtitig. Hindi sana sila nangahas na lumapit o makipag-usap sa Kanya, lalo na ang sumunod, magtiwala, o tumingala sa Kanya. Hindi ninais ng Diyos na makita ang ganitong uri ng damdaming mayroon ang mga tao para sa Kanya. Ayaw Niyang makita ang mga tao na iniiwasan Siya o inilalayo ang kanilang mga sarili mula sa Kanya; ninais lang Niya na maunawaan Siya ng mga tao, na lumapit sa Kanya, at maging Kanyang pamilya. Kung ang iyong sariling pamilya, ang iyong mga anak, ay nakita ka ngunit hindi ka nakilala, at hindi nangahas na lumapit sa iyo bagkus ay palaging umiiwas sa iyo, kung hindi mo magawang makamit ang kanilang pagkaunawa sa lahat ng iyong ginawa para sa kanila, ano kaya ang mararamdaman mo? Hindi ba ito magiging masakit? Hindi ba madudurog ang iyong puso? Iyan mismo ang nadarama ng Diyos kapag iniiwasan Siya ng mga tao. Kaya, pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, nagpakita pa rin ang Panginoong Jesus sa mga tao sa Kanyang anyo ng laman at dugo, at kumain at uminom pa ring kasama nila. Itinuturing ng Diyos na pamilya ang mga tao, at nais din ng Diyos na makita Siya ng sangkatauhan bilang ang Isa na pinakamamahal nila; sa ganitong paraan lang tunay na makakamit ng Diyos ang mga tao, at sa ganitong paraan lang tunay na maiibig at masasamba ng mga tao ang Diyos. Ngayon, nauunawaan ba ninyo ang Aking layunin sa pagkuha sa dalawang talatang ito ng kasulatan kung saan ang Panginoong Jesus ay kumakain ng tinapay at ipinaliliwanag ang mga kasulatan pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, at kung saan binigyan Siya ng mga disipulo ng inihaw na isda para kainin?
Masasabi na taimtim na kaisipan ang inilagak sa sunud-sunod na mga bagay na sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Ang mga bagay na ito ay puno ng kabutihan at pagmamahal na pinanghawakan ng Diyos tungo sa sangkatauhan, at puno rin ng pagtatangi at mabusising pangangalaga na mayroon Siya para sa malapit na ugnayang naitatag Niya sa sangkatauhan sa panahong nasa katawang-tao pa Siya. Bukod pa rito, puno ang mga ito ng pananabik sa nakaraan at ng pag-aasam na nadama Niya para sa Kanyang buhay na kumakain at namumuhay kasama ng Kanyang mga tagasunod sa panahong nasa katawang-tao pa Siya. Kaya, hindi nais ng Diyos na makadama ang mga tao ng distansya sa pagitan ng Diyos at ng tao, ni ninais Niyang ilayo ng sangkatauhan ang kanilang mga sarili mula sa Diyos. Higit pa rito, hindi Niya nais na madama ng sangkatauhan na ang Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay ay hindi na ang Panginoon na naging napakalapit sa mga tao, na hindi na Siya kasama ng sangkatauhan sapagkat nagbalik na Siya sa espirituwal na daigdig, nagbalik na sa Ama na hindi kailanman makikita o maabot ng mga tao. Ayaw Niyang madama ng mga tao na may anumang umusbong na pagkakaiba sa katayuan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan. Kapag nakikita ng Diyos ang mga tao na nais sumunod sa Kanya ngunit pinananatili Siya sa malayo, nagdurusa ang Kanyang puso sapagkat nangangahulugan iyon na napakalayo ng kanilang mga puso sa Kanya at na magiging napakahirap para sa Kanya na makamit ang kanilang mga puso. Kaya kung Siya ay nagpakita sa mga tao sa isang espirituwal na katawan na hindi nila nakikita o nahahawakan, muli sana nitong inilayo ang tao mula sa Diyos, at maaaring umakay ito sa sangkatauhan na magkamaling makita si Cristo pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay bilang naging napakatayog, na naiiba ang uri kaysa sa mga tao, at isang hindi na makikisalo sa mesa at kakain kasama ng tao sapagkat ang mga tao ay makasalanan, marumi, at hindi kailanman magiging malapit sa Diyos. Upang maalis ang ganitong maling mga pagkaunawa ng sangkatauhan, nagsagawa ang Panginoong Jesus ng ilang bagay na dati Niyang ginagawa sa katawang-tao, gaya nang nakatala sa Bibliya: “Kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito’y pinagputol-putol, at ibinigay sa kanila.” Ipinaliwanag din Niya ang mga kasulatan sa kanila, gaya ng nakagawian Niya dati. Ang lahat ng ito na ginawa ng Panginoong Jesus ang nagpadama sa bawat taong nakakita sa Kanya na ang Panginoon ay hindi nagbago, na Siya pa rin ang dating Panginoong Jesus. Bagaman ipinako Siya sa krus at nakaranas ng kamatayan, Siya ay muling nabuhay, at hindi iniwanan ang sangkatauhan. Nagbalik Siya upang makasama ang mga tao, at walang nagbagong anuman sa Kanya. Ang Anak ng tao na nakatayo sa harapan ng mga tao ay ang dati pa ring Panginoong Jesus. Ang Kanyang pagkilos at ang Kanyang paraan ng pakikipag-usap sa mga tao ay napakapamilyar. Puno pa rin Siya ng kagandahang-loob, biyaya, at pagpaparaya—Siya pa rin ang dating Panginoong Jesus na minahal ang iba gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, na kayang magpatawad sa sangkatauhan ng pitumpu’t pitong ulit. Gaya ng dati, kumain Siyang kasalo ng mga tao, tinalakay ang mga kasulatan kasama nila, at higit pang mas mahalaga, gaya noong una, Siya ay binubuo ng laman at dugo at mahahawakan at makikita. Ang Anak ng tao na gaya ng dati ang nagpahintulot sa mga tao na madama ang matalik na ugnayan, na maging panatag, at na madama ang kagalakan ng muling pagkakamit ng isang bagay na matagal nang nawala. Nang may malaking kapanatagan, buong tapang at buong pagtitiwala silang nagsimulang umasa at tumingala sa Anak ng tao na ito na kayang magpatawad sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Nagsimula rin silang manalangin sa ngalan ng Panginoong Jesus nang walang pag-aalinlangan, na manalangin upang matamo ang Kanyang biyaya, ang Kanyang pagpapala, at upang matamo ang kapayapaan at ang kagalakang mula sa Kanya, upang makamit ang pangangalaga at pag-iingat mula sa Kanya, at nagsimula silang magpagaling ng may sakit at magpalayas ng mga demonyo sa ngalan ng Panginoong Jesus.
Sa panahong gumawa ang Panginoong Jesus sa katawang-tao, karamihan sa Kanyang mga tagasunod ay hindi magawang ganap na matiyak ang Kanyang pagkakakilanlan at ang mga bagay na sinabi Niya. Nang papalapit na Siya sa krus, ang saloobin ng Kanyang mga tagasunod ay ang magmasid. Pagkatapos, mula nang ipinako Siya sa krus hanggang sa inilagak Siya sa libingan, ang saloobin ng mga tao tungo sa Kanya ay pagkabigo. Sa panahong ito, nagsimula nang kumilos ang mga tao sa kanilang mga puso mula sa pagdududa sa mga bagay na sinabi ng Panginoong Jesus sa Kanyang panahon sa katawang-tao tungo sa lubusang pagkakaila sa mga ito. Pagkatapos, nang lumabas Siya mula sa libingan at nagpakita sa mga tao isa-isa, ang karamihan sa mga nakakita sa Kanya sa kanilang sariling mga mata o nakarinig sa balita ng Kanyang muling pagkabuhay ay unti-unting nagbago ng kanilang saloobin mula sa pagkakaila tungo sa pag-aalinlangan. Noon lang pinahintulutan ng Panginoong Jesus na ilagay ni Tomas ang kanyang kamay sa Kanyang tagiliran, at noong nagputol-putol Siya ng tinapay at kinain ito sa harap ng madla pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay at nagpatuloy upang kumain ng inihaw na isda sa harap nila, na tunay nilang natanggap ang katotohanan na ang Panginoong Jesus ang Cristo sa katawang-tao. Masasabi na parang ang espirituwal na katawang ito ng laman at dugo na nakatayo noon sa harap ng mga taong iyon ay ginigising ang bawat isa sa kanila mula sa isang panaginip: Ang Anak ng tao na nakatayo sa harapan nila ay ang Isa na umiiral na mula’t sapol. Mayroon Siyang anyo, at laman at mga buto, at namuhay at kumain na Siyang kasama ng sangkatauhan sa mahabang panahon…. Sa panahong ito, naramdaman ng mga tao na ang Kanyang pag-iral ay talagang totoo, at tunay na nakamamangha. Kasabay nito, sila rin ay talagang nagagalak at masaya, at puno ng emosyon. Ang Kanyang muling pagpapakita ang nagpahintulot sa mga tao na tunay na makita ang Kanyang pagpapakumbaba, na madama ang Kanyang pagiging malapit at pagkagiliw sa sangkatauhan, at na madama kung gaano Niya iniisip ang mga ito. Ang maigsing muling-pagkikitang ito ang nagdulot sa mga taong nakakita sa Panginoong Jesus na madama na parang isang habambuhay na ang nakalipas. Ang kanilang naliligaw, nalilito, natatakot, nababalisa, naghahangad at manhid na mga puso ay nakasumpong ng kaaliwan. Hindi na sila nagdududa o bigo, sapagkat naramdaman nila na ngayon ay mayroon nang pag-asa at isang bagay na maaasahan. Ang Anak ng tao na nakatayo noon sa kanilang harapan ay magiging kanilang bantay sa likuran magpakailanman; Siya ang kanilang magiging matibay na moog, kanilang kanlungan magpakailanman.
Bagaman muling nabuhay ang Panginoong Jesus, hindi iniwanan ng Kanyang puso at ng Kanyang gawain ang sangkatauhan. Sa pagpapakita sa mga tao, sinabi Niya sa kanila na sa anumang anyo Siya umiiral, sasamahan Niya ang mga tao, lalakad kasama nila, at sasakanila sa lahat ng oras at sa lahat ng dako. Sinabi Niya sa kanila na sa lahat ng oras at sa lahat ng dako ay magtutustos Siya sa sangkatauhan at magpapastol sa kanila, tutulutan silang makita at mahawakan Siya, at titiyakin na hindi na nila kailanman mararamdaman ang kawalang-pag-asa. Ninais din ng Panginoong Jesus na malaman ng mga tao na hindi sila nabubuhay nang mag-isa sa mundong ito. Ang sangkatauhan ay may pagmamalasakit ng Diyos; kasama nila ang Diyos. Palagi silang makaaasa sa Diyos, at Siya ay pamilya ng bawat isa sa Kanyang mga tagasunod. Nang may Diyos na masasandalan, hindi na magiging malungkot o mawawalang-pag-asa ang sangkatauhan, at yaong tumatanggap sa Kanya bilang kanilang handog para sa kasalanan ay hindi na matatali sa kasalanan. Sa mga mata ng tao, ang mga bahaging ito ng Kanyang gawain na isinakatuparan ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay ay masyadong maliliit na bagay, ngunit sa tingin Ko rito, ang bawat isang bagay na ginawa Niya ay lubhang makahulugan, napakahalaga, lubhang importante at punung-puno ng kahalagahan.
Bagaman ang panahon ng paggawa ng Panginoong Jesus sa katawang-tao ay puno ng mga paghihirap at pagdurusa, nagawa Niya nang ganap at perpekto ang Kanyang gawain sa panahong iyon sa katawang-tao na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa Kanyang espirituwal na katawan ng laman at dugo. Sinimulan Niya ang Kanyang ministeryo sa pagiging-tao, at tinapos Niya ang Kanyang ministeryo sa pagpapakita sa sangkatauhan sa Kanyang anyo sa laman. Ipinahayag Niya ang Kapanahunan ng Biyaya, sinimulan ang bagong kapanahunan sa pamamagitan ng Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkakakilanlan bilang Cristo, isinakatuparan Niya ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at pinatibay at pinangunahan Niya ang lahat ng Kanyang mga tagasunod sa Kapanahunan ng Biyaya. Masasabi sa gawain ng Diyos na tinatapos Niya talaga ang sinisimulan Niya. May mga hakbang at isang plano, at ang gawain ay puno ng Kanyang karunungan, ng Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, ng Kanyang kamangha-manghang mga gawa, at ng Kanyang pag-ibig at habag. Mangyari pa, ang pinakadiwa na nagpapatakbo sa lahat ng gawain ng Diyos ay ang Kanyang pangangalaga sa sangkatauhan; ito ay nangingibabaw sa Kanyang mga damdamin ng pag-aalala na hindi Niya maisantabi kailanman. Sa mga talatang ito ng Bibliya, sa bawat isang bagay na ginawa ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, nabunyag ang hindi nagmamaliw na mga pag-asa at pag-aalala ng Diyos sa sangkatauhan, gayundin ang Kanyang mabusising pangangalaga at pagtatangi sa sangkatauhan. Walang anuman dito ang nagbago kailanman, hanggang sa kasalukuyan—nakikita ba ninyo ito? Kapag nakikita ninyo ito, hindi ba mas napapalapit ang inyong puso sa Diyos nang di-napapansin? Kung kayo ay nabuhay sa kapanahunang iyon at nagpakita sa inyo ang Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay na sa isang nahahawakang anyo para inyong makita, at kung maupo Siya sa harapan ninyo, kumain ng tinapay at isda at ipinaliwanag ang mga kasulatan sa inyo, at nakipag-usap sa inyo, ano kaya ang mararamdaman ninyo? Masisiyahan ba kayo? O makokonsensiya kayo? Ang nakaraang mga maling pagkaunawa at pag-iwas sa Diyos, ang mga pagsalungat at mga pagdududa sa Diyos—hindi ba basta na lang maglalaho ang lahat ng mga ito? Hindi ba magiging mas normal at angkop ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao?
Sa pagpapakahulugan sa limitadong mga kabanatang ito ng Bibliya, nakasumpong ba kayo ng anumang mga kapintasan sa disposisyon ng Diyos? Nakasumpong ba kayo ng anumang pagbabanto sa pag-ibig ng Diyos? Nakakita ba kayo ng anumang panlilinlang o kasamaan sa walang hanggang kapangyarihan o karunungan ng Diyos? Siguradong hindi! Ngayon masasabi ba ninyo nang may katiyakan na ang Diyos ay banal? Masasabi ba ninyo nang may katiyakan na ang bawat isa sa mga damdamin ng Diyos ay paghahayag ng Kanyang diwa at disposisyon? Umaasa Ako na pagkatapos ninyong mabasa ang mga salitang ito, ang pagkaunawang nakamit ninyo mula sa mga ito ay makatutulong sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mga pakinabang sa paghahangad ninyo ng pagbabago sa disposisyon at pagkatakot sa Diyos, at na magbubunga ang mga ito sa inyo, bunga na lumalago araw-araw, upang sa proseso ng paghahangad na ito ay mas mapapalapit nang mapapalapit kayo sa Diyos, mas mapapalapit nang mapapalapit sa pamantayang hinihingi ng Diyos. Hindi na kayo maiinip sa paghahangad ng katotohanan at hindi na mararamdaman na ang paghahangad sa katotohanan at sa pagbabago sa disposisyon ay isang napakagulo o isang kalabisang bagay. Sa halip, nang nauudyukan ng pagpapahayag ng tunay na disposisyon ng Diyos at ng banal na diwa ng Diyos, aasamin ninyo ang liwanag, aasamin ang katarungan, nanaisin na hangarin ang katotohanan, na hangarin ang pagpapalugod sa kalooban ng Diyos, at magiging isang taong nakamit ng Diyos, magiging isang totoong tao.
Tinalakay natin sa araw na ito ang tungkol sa ilang bagay na ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya nang Siya ay nagkatawang-tao sa unang pagkakataon. Mula sa mga bagay na ito, nakita na natin ang disposisyon na Kanyang ipinahayag at ibinunyag sa katawang-tao, gayundin ang bawat aspeto ng kung anong mayroon at kung ano Siya. Ang lahat ng aspetong ito ng kung anong mayroon at kung ano Siya ay tila talagang nagawang pantao, ngunit ang realidad ay na ang diwa ng lahat ng Kanyang ibinunyag at ipinahayag ay di-maihihiwalay sa Kanyang sariling disposisyon. Bawat pamamaraan at bawat aspeto ng Diyos na nagkatawang-tao na nagpapahayag ng Kanyang disposisyon sa pagkatao ay lubhang nauugnay sa Kanyang sariling diwa. Kaya, napakahalaga na ang Diyos ay dumating sa sangkatauhan sa paraan ng pagkakatawang-tao. Mahalaga rin ang gawain na ginawa Niya sa katawang-tao, subalit higit pang mas mahalaga sa bawat taong nabubuhay sa laman, sa bawat taong nabubuhay sa katiwalian, ay ang mga disposisyon na ibinunyag Niya at ang kalooban na ipinahayag Niya. Ito ba ay isang bagay na kaya ninyong maunawaan? Pagkatapos maunawaan ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya, nakagawa na ba kayo ng anumang mga konklusyon kung paano ninyo dapat tratuhin ang Diyos? Sa wakas, bilang tugon sa katanungang ito, nais Kong bigyan kayo ng tatlong payo: Una, huwag subukin ang Diyos. Gaano man ang iyong nauunawaan tungkol sa Diyos, gaano man karami ang iyong nalalaman tungkol sa Kanyang disposisyon, huwag na huwag mo Siyang subukin. Ikalawa, huwag makipagtunggali para sa katayuan sa Diyos. Anumang uri ng katayuan ang ibinibigay sa iyo ng Diyos o anumang uri ng gawain ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo, anumang uri ng tungkulin ang itinataas ka Niya upang isagawa, at gaano man kadami ang iyong ginugol at isinakripisyo para sa Diyos, lubos na huwag makipagtunggali para sa katayuan sa Kanya. Ikatlo, huwag makipagpaligsahan sa Diyos. Nauunawaan mo man o nakapagpapasakop ka man sa kung ano ang ginagawa ng Diyos sa iyo, kung ano ang isinasaayos Niya para sa iyo, at ang mga bagay na ibinibigay Niya sa iyo, lubos na huwag makipagpaligsahan sa Diyos. Kung makasusunod ka sa tatlong payong ito, ikaw ay magiging bahagyang ligtas, at hindi mo basta-basta magagalit ang Diyos. Dito natin tatapusin ang pagbabahagi sa araw na ito.
Nobyembre 23, 2013
Talababa:
a. Ang “orasyon sa paghihigpit ng benda” ay isang orasyon na ginagamit ng mongheng si Tang Sanzang sa nobelang Chinese na Journey to the West. Ginagamit niya ang orasyong ito para pigilan si Sun Wukong sa pamamagitan ng paghihigpit ng isang bendang bakal sa palibot ng ulo ng huli, na nagbibigay rito ng matitinding sakit ng ulo kaya nakokontrol niya ito. Naging isang metapora ito para ilarawan ang isang bagay na gumagapos sa isang tao.