Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X
Ang Diyos ang Pinagmumulan ng Buhay Para sa Lahat ng Bagay (IV)
Sa araw na ito, magbabahagian tayo tungkol sa isang natatanging paksa. Para sa bawat isang mananampalataya, mayroon lamang dalawang pangunahing bagay na kailangan nilang malaman, maranasan at maintindihan. Ano ang dalawang bagay na ito? Ang una ay ang indibiduwal na buhay pagpasok ng isang tao, at ang ikalawa ay may kaugnayan sa pagkilala sa Diyos. Tungkol sa paksa na pinag-uusapan natin kamakailan hinggil sa pagkilala sa Diyos, sa tingin ba ninyo ay maaari itong makamit? Makatarungang sabihin na hindi talaga ito maabot ng karamihan sa mga tao. Maaaring hindi kayo makumbinsi ng Aking mga salita, ngunit bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi ko ito dahil noong kayo ay nakikinig sa mga sinasabi Ko noong una, paano Ko man ito sinabi, o ano mang mga salitang ginamit, sa literal na paraan at sa teorya ay nalaman ninyo kung para saan ang mga salitang ito. Gayunman, isang lubhang seryosong isyu para sa inyong lahat na hindi ninyo naintindihan kung bakit Ko sinabi ang mga bagay na tulad nito o kung bakit Ako nagsalita ukol sa mga paksang tulad nito. Ito ang pinakapunto ng usapin. Kaya, bagamat ang pakikinig sa mga bagay na ito ay nakadagdag nang kaunti at nagpayaman sa inyong pagkaunawa ukol sa Diyos at sa Kanyang mga gawa, nadarama pa rin ninyo na ang pagkilala sa Diyos ay nangangailangan ng matinding pagsisikap. Ibig sabihin, pagkatapos na marinig ang Aking sinabi, hindi naiintindihan ng karamihan sa inyo kung bakit Ko sinabi ito, o kung ano ang kaugnayan nito sa pagkilala sa Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo maintindihan ang kaugnayan nito sa pagkilala sa Diyos ay sapagkat ang inyong karanasan sa buhay ay masyadong mababaw. Kung ang kaalaman at karanasan ng mga tao ukol sa mga salita ng Diyos ay mananatili sa napakababaw na antas, kung gayon ang karamihan sa kanilang kaalaman ukol sa Kanya ay magiging malabo at mahirap unawain; lahat ng ito ay magiging pangkalahatan, doktrinal, at teoretikal. Sa teorya, ito ay lumilitaw o masasabing lohikal at makatwiran, ngunit ang kaalaman sa Diyos na lumalabas sa mga bibig ng karamihan sa mga tao ay hungkag sa katunayan. At bakit Ko sinasabing ito ay hungkag? Ito ay dahil wala kang malinaw na pagkaunawa sa pagiging totoo at tumpak ng sinasabi mo tungkol sa pagkilala sa Diyos. Kaya, bagamat karamihan sa mga tao ay nakarinig sa katunayan ng napakaraming impormasyon at paksa tungkol sa pagkilala sa Diyos, ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi pa lumalampas sa teorya at sa malabo at mahirap unawain na doktrina. Paano kaya malulutas ang suliraning ito? Naisip niyo na ba kahit minsan ang tungkol diyan? Kung hindi hinahanap ng isang tao ang katotohanan, maaari ba niyang taglayin ang realidad? Kung hindi hinahanap ng isang tao ang katotohanan, kung gayon ay walang pag-aalinlangan na wala siyang realidad, at samakatwid ay tiyak na wala siyang kaalaman o karanasan ukol sa mga salita ng Diyos. Maaari bang makilala ang Diyos ng mga hindi nakaaalam sa mga salita ng Diyos? Talagang hindi; ang dalawa ay magkaugnay. Kaya karamihan sa mga tao ay nagsasabi, “Bakit napakahirap na makilala ang Diyos? Kapag ako ay nagsasalita tungkol sa pagkilala sa aking sarili, maaaring abutin ako ng maraming oras, ngunit pagdating sa pagkilala sa Diyos, wala akong masabi. Kahit na maaari akong magsalita nang kaunti tungkol sa paksa, ang aking mga salita ay pilit at pangit pakinggan. Ito ay asiwa pa sa pandinig kapag naririnig ko ang aking sariling sinasabi ang mga ito.” Ito ang pinagmumulan. Kung pakiramdam mo ay napakahirap na makilala ang Diyos, na ang pagkilala sa Kanya ay nangangailangan ng malaking pagsisikap, o wala kang maibigay na paksa at hindi ka makapag-isip ng anumang bagay na totoo para makipagbahagian at makapagbigay sa iba at sa iyong sarili, kung gayon ay pinatutunayan nito na ikaw ay isang tao na hindi pa nakararanas ng mga salita ng Diyos. Ano ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ba ng Diyos ay hindi mga pagpapahayag ng kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya? Kung hindi mo pa nararanasan ang mga salita ng Diyos, maaari ka bang magkaroon ng anumang kaalaman ukol sa kung anong mayroon ang Diyos at kung ano Siya? Siguradong hindi. Ang lahat ng bagay na ito ay magkakaugnay. Kung wala kang karanasan ukol sa mga salita ng Diyos, kung gayon ay hindi mo mauunawaan ang kalooban ng Diyos, ni hindi mo rin malalaman kung ano ang Kanyang disposisyon, ano ang Kanyang mga kagustuhan, ano ang Kanyang mga kinasusuklaman, ano ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao, ano ang Kanyang saloobin sa mabubuting tao, at anong uri ng saloobin ang mayroon Siya sa masasama; ang lahat ng ito ay tiyak na magiging malabo at hindi maliwanag sa iyo. Kung ikaw ay naniniwala sa Diyos sa kabila ng gayong kalabuan, kung gayon, kapag sinasabi mo na isa ka sa mga naghahangad ng katotohanan at sumusunod sa Diyos, ang mga salita bang ito ay makatotohanan? Hindi makatotohanan ang mga ito! Magpatuloy tayo kung gayon sa pagbabahagian tungkol sa pagkilala sa Diyos.
Sabik kayong lahat na marinig ang paksa sa ating pagbabahagian sa araw na ito, tama ba? Ang paksang ito ay nauugnay rin sa paksang “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay” na ating pinag-uusapan nito lang. Marami tayong napag-usapan tungkol sa mga paraan na “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay,” gamit ang iba’t ibang kaparaanan at pananaw upang ipaalam sa mga tao kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, ano ang mga ginagamit Niyang paraan para magawa ito, at alinsunod sa anong mga prinsipyo Niya pinamamahalaan ang lahat ng bagay nang sa gayon ay maaaring magkaroon ng mga ito sa planetang ito na nilikha ng Diyos. Marami rin tayong napag-usapan tungkol sa mga paraan ng pagtustos ng Diyos sa sangkatauhan: ano ang mga paraan ng pagbibigay Niya ng panustos na ito, anu-anong uri ng mga pinamumuhayang kapaligiran ang ibinibigay Niya sa mga tao, at sa anong mga paraan at mula sa anong punto Siya nagsisimulang magbigay ng matatag na pinamumuhayang kapaligiran para sa tao. Bagamat hindi Ako nagsalita nang tuwiran ukol sa kaugnayan sa pagitan ng pamamahala at pangangasiwa ng Diyos sa lahat ng bagay, at ang Kanyang pamamahala, Ako ay hindi tuwirang nagsalita kung bakit pinangangasiwaan Niya ang lahat ng bagay sa ganitong paraan, at gayundin kung bakit Niya tinutustusan at pinakakain ang sangkatauhan sa ganitong paraan. Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa Kanyang pamamahala. Ang nilalaman ng mga pinag-usapan natin ay masyadong malawak: mula sa napakalaking kapaligiran hanggang sa labis na mas maliliit na mga bagay kagaya ng mga pangunahing pangangailangan at pagkain ng mga tao; mula sa kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay at pinatatakbo ang mga ito sa maayos na paraan, hanggang sa tama at wastong pinamumuhayang kapaligiran na nilikha Niya para sa mga tao sa lahat ng lahi, at iba pa. Ang malawak na nilalaman na ito ay nakaugnay lahat sa paraan ng pamumuhay ng mga tao sa laman—ibig sabihin, lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga bagay sa materyal na mundo na nakikita ng mata, at nararamdaman ng mga tao, tulad ng mga kabundukan, ilog, karagatan, kapatagan, at iba pa. Ang lahat ng bagay na ito ay maaaring makita at mahawakan. Kapag nagsasalita Ako ukol sa hangin at temperatura, maaari ninyong gamitin ang inyong hininga upang tuwirang madama na mayroong hangin, at ang inyong katawan upang pakiramdaman kung ang temperatura ay mataas o mababa. Ang mga puno, damo, at ang mga ibon at hayop sa mga kagubatan, ang mga bagay na lumilipad sa himpapawid, at naglalakad sa lupa, at ang iba’t ibang maliliit na hayop na lumalabas mula sa mga lungga, ay maaaring makita ng sariling mga mata ng mga tao at marinig ng kanilang sariling mga tainga. Bagamat ang saklaw ng lahat ng bagay na ito ay talagang malawak, sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, kinakatawan lamang ng mga ito ang materyal na mundo. Ang mga materyal na bagay ang nakikita at nahahawakan ng mga tao, ibig sabihin, kapag hinawakan mo ang mga ito, nararamdaman mo ang mga ito, at kapag nakikita ang mga ito ng iyong mga mata, ipinapakita ng iyong utak sa iyo ang isang imahe, isang larawan. Ang mga bagay na ito ay tunay at totoo; para sa iyo ay konkreto ang mga ito at may hugis. Maaaring ang mga ito ay parisukat, o bilog, o mataas o mababa, at ang bawat bagay ay nagbibigay sa iyo ng naiibang impresyon. Ang lahat ng bagay na ito ay kumakatawan sa materyal na aspeto ng paglikha. At kung gayon, para sa Diyos, ano kaya ang napapaloob sa “lahat ng bagay” sa pariralang “kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay”? Ang mga ito ay hindi lamang kinabibilangan ng mga bagay na nakikita at nahahawakan ng mga tao; dagdag pa rito, kinabibilangan ang mga ito ng lahat ng bagay na hindi nakikita at hindi nasasalat. Ito ay isa sa tunay na mga kahulugan ng pamamahala ng Diyos sa lahat ng bagay. Kahit na ang mga bagay na ito ay hindi nakikita at hindi nasasalat ng mga tao, sa Diyos—hangga’t ang mga ito ay mapapagmasdan ng Kanyang mga mata at nasasaklawan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, ang mga ito ay talagang umiiral. Bagamat hindi konkreto at hindi mailarawan sa isip ang mga ito at bukod pa rito ay hindi nakikita at hindi nasasalat ng mga tao, sa Diyos ay tunay at talagang umiiral ang mga ito. Ito ay isa pang mundong kabilang sa lahat ng bagay na pinamamahalaan ng Diyos, at ito ay isa pang bahagi ng saklaw ng lahat ng bagay na pinamamahalaan Niya. Ito ang paksa sa ating pagbabahagian sa araw na ito: kung paano pinamamahalaan at pinangangasiwaan ng Diyos ang espirituwal na daigdig. Yamang ang paksang ito ay sumasaklaw sa paraan ng pamamahala at pangangasiwa ng Diyos sa lahat ng bagay, ito ay may kaugnayan sa daigdig sa labas ng materyal na mundo—ang espirituwal na daigdig—at samakatwid ay lubos na kailangan nating maintindihan. Sa pamamagitan lamang ng pag-uusap at pag-unawa sa nilalamang ito totoong maiintindihan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga salitang “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.” Ito ang dahilan kung bakit natin tinatalakay ang paksang ito; ang layunin nito ay ang kumpletuhin ang paksang “Pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, at pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay.” Marahil, kapag naririnig ninyo ang paksang ito, maaaring madama ninyo na ito ay kakaiba o hindi ninyo ito maarok, ngunit anuman ang inyong maramdaman, dahil ang espirituwal na daigdig ay isang bahagi ng lahat ng bagay na pinamumunuan ng Diyos, kailangan kayong magkaroon ng pagkaunawa ukol sa paksang ito. Pagkatapos ninyong magawa ito, magkakaroon kayo ng mas malalim na pagpapahalaga, pagkaunawa at kaalaman sa linyang “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.”
Paano Pinamamahalaan at Pinangangasiwaan ng Diyos ang Espirituwal na Mundo
Para sa materyal na mundo, tuwing hindi nauunawaan ng mga tao ang ilang bagay o kakaibang pangyayari, maaari silang magsaliksik para sa kaugnay na impormasyon o gumamit ng iba-ibang pamamaraan para malaman ang mga pinagsimulan at pinagmulan ng mga bagay na iyon. Ngunit pagdating sa ibang mundo na ating binabanggit ngayon—ang espirituwal na mundo, na umiiral sa labas ng materyal na mundo—ang mga tao ay talagang walang mga paraan o pamamaraan kung saan may natututuhan sila tungkol dito. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil sa mundo ng sangkatauhan, lahat ng bagay sa materyal na mundo ay hindi maihihiwalay mula sa pisikal na pag-iral ng tao, at dahil nadarama ng mga tao na lahat ng bagay tungkol sa materyal na mundo ay hindi maihihiwalay sa kanilang pisikal na pamumuhay at pisikal na buhay, karamihan sa mga tao ay nalalaman, o nakikita lamang ang mga materyal na bagay na nasa harap ng kanilang mga mata na nakikita nila. Gayunman, pagdating sa espirituwal na mundo—ibig sabihin, lahat ng bagay na nasa ibang mundong iyon—makatarungang sabihin na karamihan sa mga tao ay hindi naniniwala. Dahil hindi ito nakikita ng mga tao, at naniniwala sila na hindi na kailangang maunawaan o malaman ang anuman tungkol dito, bukod pa sa kung paano ganap na naiiba ang espirituwal na mundo sa materyal na mundo at, mula sa pananaw ng Diyos, ay lantad—bagama’t, para sa mga tao, ito ay lihim at tago—samakatuwid ay hirap na hirap ang mga tao na makahanap ng isang landas tungo sa pag-unawa sa iba-ibang aspeto ng mundong ito. Ang iba’t ibang aspeto ng espirituwal na mundo na Aking babanggitin ay may kinalaman lamang sa pangangasiwa at dakilang kapangyarihan ng Diyos; hindi Ako nagbubunyag ng anumang mga hiwaga, ni hindi Ko sinasabi sa inyo ang anuman sa mga lihim na nais ninyong malaman. Dahil may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, pangangasiwa ng Diyos, at panustos ng Diyos, magsasalita lamang Ako tungkol sa bahaging kailangan ninyong malaman.
Una, hayaan ninyong tanungin Ko kayo: Sa inyong isipan, ano ang espirituwal na mundo? Sa pangkalahatan, ito ay isang mundo sa labas ng materyal na mundo, isang kapwa hindi nakikita at nahahawakan ng mga tao. Magkagayunman, sa inyong imahinasyon, anong klaseng mundo dapat ang espirituwal na mundo? Marahil, dahil hindi ninyo ito nakikita, hindi ninyo kayang isipin ito. Gayunman, kapag nakakarinig kayo ng mga alamat, iniisip pa rin ninyo ito, at hindi ninyo mapigilang isipin ito. Bakit Ko sinasabi ito? May isang bagay na nangyayari sa napakaraming tao kapag bata pa sila: Kapag kinukuwentuhan sila ng isang tao ng nakakatakot na kuwento—tungkol sa mga multo, o mga kaluluwa—takot na takot sila. Bakit ba sila talaga natatakot? Dahil inilalarawan nila sa kanilang isipan ang mga bagay na iyon; kahit hindi nila nakikita ang mga ito, nararamdaman nila na nasa paligid ng silid nila ang lahat ng iyon, sa isang tao o madilim na sulok, at takot na takot sila kaya hindi sila nangangahas na matulog. Lalo na sa gabi, takot na takot sila na mapag-isa sa silid nila o magsapalarang mapag-isa sa kanilang bakuran. Iyan ang espirituwal na mundo ng inyong imahinasyon, at ito ay isang mundo na iniisip ng mga tao na nakakatakot. Ang totoo ay iniisip ito ng lahat kahit paano, at medyo nararamdaman ito ng lahat.
Magsimula tayo sa pag-uusap tungkol sa espirituwal na mundo. Ano ito? Bibigyan Ko kayo ng isang maikli at simpleng paliwanag: Ang espirituwal na mundo ay isang mahalagang lugar, na naiiba sa materyal na mundo. Bakit Ko sinasabing mahalaga ito? Pag-uusapan natin ito nang detalyado. Ang pag-iral ng espirituwal na mundo ay hindi maihihiwalay ang kaugnayan sa materyal na mundo ng sangkatauhan. May malaking papel itong ginagampanan sa pag-inog ng buhay at kamatayan ng tao sa kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay; ito ang papel nito, at isa ito sa mga dahilan kaya mahalaga ang pag-iral nito. Dahil ito ay isang lugar na hindi mawari ng limang pandama, walang sinumang makakahatol nang tumpak kung umiiral nga ang espirituwal na mundo o hindi. Ang iba-ibang galaw nito ay lubhang konektado sa pag-iral ng tao, kaya naman ang kaayusan ng buhay ng sangkatauhan ay lubha ring naiimpluwensyahan ng espirituwal na mundo. Kasama ba rito ang dakilang kapangyarihan ng Diyos o hindi? Kasama. Kapag sinasabi Ko ito, nauunawaan ninyo kung bakit Ko tinatalakay ang paksang ito: Ito ay dahil may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, gayon din sa Kanyang pangangasiwa. Sa isang mundong tulad nito—na hindi nakikita ng mga tao—bawat makalangit na utos, atas, at sistema ng pangangasiwa nito ay lubhang nangingibabaw sa mga batas at sistema ng alinmang bansa sa materyal na mundo, at walang nabubuhay na nilalang sa mundong ito ang mangangahas na salungatin o labagin ang mga ito. Nauugnay ba ito sa dakilang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos? Sa espirituwal na mundo, may malilinaw na atas administratibo, malilinaw na makalangit na utos, at malilinaw na batas. Sa iba’t ibang antas at sa iba-ibang lugar, ang mga tagapaglingkod ay mahigpit na tumutupad sa kanilang mga tungkulin at sumusunod sa mga panuntunan at regulasyon, sapagkat alam nila kung ano ang ibubunga ng paglabag sa isang makalangit na utos; alam na alam nila kung paano pinarurusahan ng Diyos ang masama at ginagantimpalaan ang mabuti, at kung paano Niya pinangangasiwaan at pinamumunuan ang lahat ng bagay. Bukod pa riyan, malinaw nilang nakikita kung paano Niya isinasagawa ang Kanyang makalangit na mga utos at batas. Naiiba ba ang mga ito mula sa materyal na mundong tinitirhan ng sangkatauhan? Tunay ngang malaki ang kanilang pagkakaiba. Ang espirituwal na mundo ay isang mundo na ganap na naiiba sa materyal na mundo. Yamang may mga makalangit na utos at batas, may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos at, bukod pa riyan, sa Kanyang disposisyon, gayon din sa kung anong mayroon Siya at kung ano Siya. Nang marinig ninyo ito, hindi ba ninyo nadarama na kailangang-kailangang talakayin Ko ang paksang ito? Ayaw ba ninyong malaman ang mga lihim na likas dito? (Oo, gusto namin.) Gayon ang konsepto ng espirituwal na mundo. Bagama’t umiiral ito na kasabay ng materyal na mundo, at sabay na sumasailalim sa pangangasiwa at dakilang kapangyarihan ng Diyos, ang pangangasiwa at dakilang kapangyarihan ng Diyos sa mundong ito ay mas lalong mahigpit kaysa roon sa materyal na mundo. Pagdating sa mga detalye, dapat tayong magsimula sa kung paano nananagot ang espirituwal na mundo sa gawain ng pag-inog ng buhay at kamatayan ng sangkatauhan, sapagkat malaking bahagi ito ng gawain ng mga nilalang sa espirituwal na mundo.
Sa sangkatauhan, kinakategorya Ko ang lahat ng tao sa tatlong uri. Ang una ay ang mga hindi mananampalataya, yaong mga walang paniniwala sa relihiyon. Sila ang tinatawag na mga hindi mananampalataya. Ang lubhang karamihan sa mga hindi mananampalataya ay nananampalataya lamang sa pera; nagmamalasakit lamang sila sa sarili nilang mga interes, materyalistiko, at naniniwala lamang sa materyal na mundo—hindi sila naniniwala sa pag-inog ng buhay at kamatayan, o sa anumang sinabi tungkol sa mga diwata at multo. Kinakategorya Ko ang mga taong ito bilang mga hindi mananampalataya, at sila ang unang uri. Ang pangalawang uri ay kinabibilangan ng iba-ibang taong may pananampalataya na hiwalay sa mga hindi mananampalataya. Sa sangkatauhan, hinahati Ko ang mga taong ito na may pananampalataya sa ilang pangunahing grupo: Ang una ay Hudyo, ang pangalawa ay Katoliko, ang pangatlo ay Kristiyano, ang pang-apat ay Muslim, at ang panlima ay Buddhist; may limang klase. Ito ang iba-ibang klase ng mga taong may pananampalataya. Ang pangatlong uri ay kinabibilangan ng mga naniniwala sa Diyos, at kasama kayo rito. Ang mga mananampalatayang iyon ay yaong mga sumusunod sa Diyos ngayon. Ang mga taong ito ay nahahati sa dalawang klase: Ang mga taong hinirang ng Diyos, at ang mga tagasilbi. Malinaw nang nakita ang pagkakaiba ng mga pangunahing uring ito. Sa gayon, malinaw na ninyong nalalaman ang pagkakaiba sa inyong isipan sa pagitan ng mga uri at ranggo ng mga tao, hindi ba? Ang unang uri ay binubuo ng mga hindi mananampalataya, at sinabi Ko na kung ano sila. Nabibilang ba sa mga hindi mananampalataya yaong mga nananampalataya sa Matandang Lalaki sa Langit? Maraming hindi mananampalataya ang naniniwala lamang sa Matandang Lalaki sa Langit; naniniwala sila na ang hangin, ulan, kulog, at iba pa ay pawang kontrolado nito kung kanino sila umaasa sa pagtatanim ng mga pananim at sa pag-aani—subalit kapag nababanggit ang paniniwala sa Diyos, ayaw nilang maniwala sa Kanya. Matatawag ba itong pagkakaroon ng pananampalataya? Kabilang ang gayong mga tao sa mga hindi mananampalataya. Nauunawaan ninyo ito, tama ba? Huwag kayong magkakamali sa mga kategoryang ito. Ang pangalawang uri ay kinabibilangan ng mga taong may pananampalataya, at ang pangatlong uri ay yaong mga kasalukuyang sumusunod sa Diyos. Kung gayon, bakit Ko hinati ang lahat ng tao sa mga uring ito? (Dahil ang iba-ibang uri ng mga tao ay may magkakaibang katapusan at patutunguhan.) Iyan ang isang aspeto nito. Kapag nagbalik ang iba-ibang lahi at uri ng mga taong ito sa espirituwal na mundo, bawat isa sa kanila ay magkakaroon ng ibang lugar na pupuntahan at isasailalim sa iba-ibang batas ng pag-inog ng buhay at kamatayan, kaya nga kinategorya Ko ang mga tao sa mga pangunahing uring ito.
a. Ang Siklo ng Buhay at Kamatayan ng mga Hindi Mananampalataya
Magsimula tayo sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga hindi mananampalataya. Pagkatapos mamatay, ang isang tao ay kinukuha ng isang tagapapag-alaga mula sa espirituwal na mundo. Ano ba talaga ang kinukuha sa isang tao? Hindi ang kanyang laman, kundi ang kanyang kaluluwa. Kapag kinukuha ang kanyang kaluluwa, dumarating siya sa isang lugar na isang sangay ng espirituwal na mundo na tumatanggap lalo na sa kaluluwa ng mga taong kamamatay pa lamang. Iyon ang unang lugar na pinupuntahan ng sinuman pagkatapos mamatay, na kakatwa sa kaluluwa. Kapag dinala sila sa lugar na ito, isang opisyal ang nagsasagawa ng unang mga pagsisiyasat, tinitiyak ang kanilang pangalan, tirahan, edad, at lahat ng kanilang karanasan. Lahat ng ginawa nila noong nabubuhay pa sila ay nakatala sa isang aklat at tinitiyak kung tumpak. Matapos siyasatin ang lahat ng ito, ang pag-uugali at mga kilos ng tao sa buong buhay nila ay ginagamit upang pagpasiyahan kung sila ay parurusahan o patuloy na magkakaroong muli ng katawan bilang isang tao, na siyang unang yugto. Nakakatakot ba ang unang yugtong ito? Hindi ito gaanong nakakatakot, dahil ang nangyari lamang naman ay dumating na ang tao sa isang madilim at di-pamilyar na lugar.
Sa ikalawang yugto, kung maraming nagawang masama ang taong ito sa buong buhay nila at nakagawa ng maraming masasamang gawa, dadalhin sila sa isang lugar ng kaparusahan para pakitunguhan. Iyon ang magiging lugar na talagang ginagamit para sa kaparusahan ng mga tao. Ang mga detalye kung paano sila parurusahan ay nakasalalay sa mga kasalanang kanilang nagawa, gayon din kung ilang masasamang bagay ang kanilang ginawa bago sila namatay—ito ang unang sitwasyong nangyayari sa ikalawang yugtong ito. Dahil sa masasamang bagay na kanilang ginawa at sa kasamaang kanilang ginawa bago sila namatay, kapag sila ay nagkaroong muli ng katawan matapos silang parusahan—kapag sila ay muling isinilang sa materyal na mundo—patuloy na magiging tao ang ilang tao, samantalang ang iba ay magiging mga hayop. Ibig sabihin, matapos bumalik ang tao mula sa espirituwal na mundo, pinarurusahan sila dahil sa kasamaang kanilang nagawa; bukod pa riyan, dahil sa masasamang bagay na kanilang nagawa, sa susunod nilang pagkakaroong muli ng katawan ay malamang na hindi sila babalik bilang tao, kundi bilang hayop. Ang iba’t ibang hayop na maaari nilang kahinatnan ay mga baka, kabayo, baboy, at aso. Ang ilang tao ay maaaring ipanganak na muli bilang mga ibon, o pato o gansa…. Matapos silang magkaroong muli ng katawan bilang mga hayop, kapag namatay silang muli, babalik sila sa espirituwal na mundo. Doon, tulad ng dati, batay sa kanilang pag-uugali bago sila namatay, ang espirituwal na mundo ang magpapasiya kung maaari silang magkaroong muli ng katawan bilang mga tao o hindi. Karamihan sa mga tao ay nakakagawa ng napakaraming kasamaan, at napakabigat ng kanilang mga kasalanan, kaya kailangan silang magkaroon ng katawan bilang mga hayop nang pito hanggang labindalawang beses. Pito hanggang labindalawang beses—hindi ba nakakatakot iyon? (Nakakatakot nga.) Ano ang kinatatakutan ninyo? Ang isang tao na nagiging isang hayop—iyon ang nakatatakot. At para sa isang tao, ano ang pinakamasasakit na bagay tungkol sa pagiging isang hayop? Hindi ka makapagsalita, simple lamang ang mga iniisip mo, ang nagagawa mo lamang ay mga bagay na ginagawa ng mga hayop at ang nakakain mo lamang ay mga bagay na kinakain ng mga hayop, simple ang pag-iisip at pagpapahayag ng sarili sa mga kilos ng iyong katawan ng isang hayop, hindi ka makalakad nang tuwid, hindi mo magawang makipag-usap sa mga tao, at ang katotohanan na walang pag-uugali o mga aktibidad ng mga tao ang may anumang kaugnayan sa mga hayop. Ibig sabihin, sa lahat ng bagay, ang pagiging hayop ay ginagawa kayong pinakamababa sa lahat ng nilalang na may buhay at kinasasangkutan ng mas marami pang pagdurusa kaysa pagiging tao. Ito ay isang aspeto ng kaparusahan ng espirituwal na mundo sa mga nakagawa ng napakaraming kasamaan at nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Pagdating sa tindi ng kanilang kaparusahan, pinagpapasiyahan ito ayon sa anumang klaseng hayop ang kinahinatnan nila. Halimbawa, mas mainam bang maging baboy kaysa maging aso? Mas mainam ba ang buhay ng baboy kaysa sa aso? Mas malala, hindi ba? Kung naging mga baka o kabayo ang mga tao, mas mainam kaya ang magiging buhay nila kaysa sa mga baboy o mas malala? (Mas mainam.) Magiging mas komportable ba kung ipanganak na pusa ang isang tao? Magiging hayop pa rin siya, at magiging mas madali ang maging pusa kaysa maging baka o kabayo, dahil nagagawa ng mga pusa na magpakatamad. Mas matrabaho ang maging baka o kabayo. Samakatuwid, kung magkaroong muli ng katawan ang tao bilang baka o kabayo, kailangan nilang magpakasipag—na katulad ng malupit na kaparusahan. Ang maging aso ay medyo mas mainam kaysa maging baka o kabayo, dahil mas malapit ang relasyon ng aso sa amo nito. Ang ilang aso, matapos maging alaga nang ilang taon, ay nauunawaan ang marami sa sinasabi ng kanilang amo. Kung minsan, kayang umakma ng isang aso sa nararamdaman at mga kinakailangan ng amo nito at tinatrato ng amo ang aso nang mas mainam, at kumakain at umiinom nang mas mainam ang aso, at kapag nasasaktan ito, mas inaalagaan ito. Kung gayon ay hindi ba mas masaya ang buhay ng aso? Sa gayon, mas mainam ang maging aso kaysa maging baka o kabayo. Dito, ang katindihan ng parusa sa tao ang nagpapasiya kung ilang beses magkakaroong muli ng katawan ang isang tao bilang hayop, at maging kung anong uri.
Dahil nakagawa sila ng napakaraming kasalanan habang sila ay nabubuhay, pinaparusahan ang ilang tao sa pamamagitan ng pagkakaroong muli ng katawan bilang mga hayop nang pito hanggang labindalawang beses. Matapos maparusahan nang sapat nang ilang beses, pagbalik nila sa espirituwal na mundo, dinadala sila sa ibang lugar—isang lugar kung saan naparusahan na ang iba-ibang kaluluwa at kauri niyaong naghahandang magkaroong muli ng katawan bilang mga tao. Sa lokasyong ito, kinakategorya ang bawat kaluluwa ayon sa uri alinsunod sa klase kung saan sila isisilang, anong uri ng tungkulin ang kanilang gagampanan kapag muli na silang nagkaroon ng katawan, at iba pa. Halimbawa, ang ilang tao ay magiging mga mang-aawit pagdating nila sa mundong ito, kaya isinasama sila sa mga mang-aawit; ang ilan ay magiging mga negosyante pagdating nila sa mundong ito, kaya nga isinasama sila sa mga negosyante; at kung magiging mananaliksik sa siyensya ang isang tao matapos maging tao, isinasama sila sa mga mananaliksik sa siyensya. Matapos silang uriin, ipinadadala ang bawat isa ayon sa ibang panahon at takdang petsa, tulad lamang ng pagpapadala ng mga tao ng mga e-mail ngayon. Dito ay makukumpleto ang isang siklo ng buhay at kamatayan. Mula sa araw na dumating ang tao sa espirituwal na mundo hanggang sa katapusan ng kanilang kaparusahan, o hanggang sa muli silang magkaroon ng katawan nang maraming beses bilang hayop at naghahandang magkaroong muli ng katawan bilang tao, kumpleto na ang prosesong ito.
At para doon sa mga tapos nang parusahan at hindi na nagkaroong muli ng katawan bilang mga hayop, agad ba silang ipadadala sa materyal na mundo para magkaroon ng katawan bilang mga tao? O, gaano katagal bago sila makarating sa piling ng mga tao? Gaano kadalas ito maaaring mangyari? May mga pansamantalang paghihigpit doon. Lahat ng nangyayari sa espirituwal na mundo ay napapailalim sa tamang pansamantalang mga paghihigpit at panuntunan—na kung ipaliliwanag Ko gamit ang mga numero ay mauunawaan ninyo. Para sa mga nagkakaroong muli ng katawan sa loob ng maikling panahon, kapag namatay sila, nagawa na ang mga paghahanda para magkaroon silang muli ng katawan bilang tao. Ang pinakamaikling panahon na maaaring mangyari ito ay tatlong araw. Para sa ilang tao, inaabot ito ng tatlong buwan, para sa ilan ay inaabot ito ng tatlong taon, para sa ilan ay inaabot ito ng tatlumpung taon, para sa ilan ito ay inaabot ng tatlong daang taon, at iba pa. Kaya, ano ang masasabi tungkol sa pansamantalang mga panuntunang ito, at ano ang mga detalye ng mga ito? Ang mga ito ay batay sa kung ano ang kailangan ng materyal na mundo—ng mundo ng tao—mula sa isang kaluluwa, at sa papel na dapat gampanan ng kaluluwang ito dito sa mundo. Kapag nagkaroong muli ng katawan ang mga tao bilang ordinaryong mga tao, karamihan sa kanila ay nagkakaroong muli ng katawan nang napakabilis, dahil malaki ang pangangailangan ng mundo ng tao sa gayong ordinaryong mga tao—kaya nga, pagkaraan ng tatlong araw, muli silang ipinadadala sa isang pamilyang lubos na naiiba sa kinabilangan nila bago sila namatay. Gayunman, may ilang gumaganap sa isang espesyal na papel dito sa mundo. Ang ibig sabihin ng “espesyal” ay na walang malaking pangangailangan para sa mga taong ito sa mundo ng tao; hindi kailangan ang maraming tao para gumanap sa gayong papel, kaya maaari itong abutin ng tatlong daang taon. Sa madaling salita, minsan lamang darating ang kaluluwang ito kada tatlong daang taon, o maaari pang minsan kada tatlong libong taon. Bakit ganito? Dahil iyan sa katotohanan na tatlong daang taon man o tatlong libong taon, hindi kailangan ang gayong papel sa mundo ng tao, kaya nga nananatili sila sa isang lugar sa espirituwal na mundo. Ipaghalimbawa na si Confucius: Nagkaroon siya ng malaking impluwensya sa tradisyonal na kulturang Tsino, at ang kanyang pagdating ay nakaapekto nang malaki sa kultura, kaalaman, tradisyon, at ideolohiya ng mga tao sa panahong iyon. Gayunman, ang isang taong katulad nito ay hindi kailangan sa bawat panahon, kaya kinailangan niyang manatili sa espirituwal na mundo, naghihintay roon nang tatlong daan o tatlong libong taon bago magkaroong muli ng katawan. Dahil hindi kailangan sa mundo ng tao ang isang taong kagaya nito, kinailangan niyang maghintay nang walang ginagawa, sapagkat lubhang kakaunti ang mga papel na katulad ng sa kanya, at lubhang kakaunti ang gagawin niya. Dahil diyan, halos sa buong panahong iyon ay kinailangan niyang manatili sa isang lugar sa espirituwal na mundo, na walang ginagawa, para ipadala kapag kinailangan siya sa mundo ng mga tao. Gayon ang mga pansamantalang panuntunan sa espirituwal na dako para sa dalas ng pagkakaroon ng katawan ng karamihan sa mga tao. Ordinaryo man o espesyal ang mga tao, may angkop na mga panuntunan at tamang mga gawi ang espirituwal na mundo para sa pagpoproseso ng kanilang pagkakaroong muli ng katawan, at ang mga panuntunan at gawing ito ay ipinadadala mula sa Diyos, hindi pinagpapasiyahan o kontrolado ng sinumang tagapamahala o nilalang sa espirituwal na mundo. Nauunawaan na ninyo ito ngayon, hindi ba?
Para sa anumang kaluluwa, ang pagkakaroon nitong muli ng katawan, ang papel nito sa buhay na ito, saang pamilya sila isisilang, at ano ang magiging buhay nila ay malaki ang kaugnayan sa nakaraang buhay ng kaluluwa. Lahat ng klase ng mga tao ay nagpupunta sa mundo ng tao, at ang mga papel na kanilang ginagampanan ay magkakaiba, tulad ng mga gawaing kanilang isinasagawa. At ano ang mga gawaing ito? Dumarating ang ilang tao para magbayad ng mga utang: Kung napakalaki ng inutang nilang pera sa iba sa nakaraan nilang buhay, dumarating sila upang bayaran ang mga utang na iyon sa buhay na ito. Ang ilang tao, samantala, ay naparito para maningil ng mga pautang: Niloko sila sa napakaraming bagay at napakaraming pera sa mga nakaraan nilang buhay; dahil dito, pagdating nila sa espirituwal na mundo, binibigyan sila nito ng katarungan at tinutulutan silang maningil ng kanilang mga pautang sa buhay na ito. Ang ilang tao ay naparito para magbayad ng utang na loob: Sa nakaraang buhay—ibig sabihin, sa kanilang nakaraang pagkakaroong muli ng katawan—naging mabait sa kanila ang isang tao, at dahil nabigyan ng pagkakataong magkaroong muli ng katawan sa buhay na ito, muli silang isinilang para bayaran ang mga utang na loob na iyon. Ang iba naman, samantala, ay muling naisilang sa buhay na ito para kumitil ng mga buhay. At kaninong buhay ang kanilang kikitilin? Kinikitil nila ang buhay ng mga taong pumatay sa kanila sa mga nakaraan nilang buhay. Sa kabuuan, ang kasalukuyang buhay ng bawat tao ay may malaking koneksyon sa kanilang mga nakaraang buhay; ang koneksyong ito ay imposibleng paghiwalayin. Ibig sabihin, ang kasalukuyang buhay ng bawat tao ay lubhang apektado ng kanilang nakaraang buhay. Halimbawa, sabihin natin na bago siya namatay, dinaya ni Zhang si Li ng napakalaking pera. Kung gayon ay may utang ba si Zhang kay Li? Oo, kaya natural ba na dapat singilin ni Li ang utang ni Zhang sa kanya? Dahil dito, nang mamatay sila, may isang pagkakautang sa pagitan nila na kailangang mabayaran. Kapag nagkaroon silang muli ng katawan at naging tao si Zhang, paano siya sisingilin ni Li sa kanyang pagkakautang? Ang isang pamamaraan ay ang muling maisilang bilang anak ni Zhang; kikita ng malaking pera si Zhang, na lulustayin naman ni Li. Gaano man kalaking pera ang kitain ni Zhang, hindi iyon magiging sapat kailanman; at samantala, ang kanyang anak, sa kung anong dahilan, ay laging lulustayin ang pera ng kanyang ama sa iba-ibang kaparaanan. Magtataka si Zhang at mag-iisip, “Bakit laging naghahatid ng kamalasan ang anak kong ito? Bakit napakaganda ng ugali ng mga anak ng ibang mga tao? Bakit walang ambisyon ang sarili kong anak, bakit napakawala niyang silbi at wala siyang kakayahang kumita ng anumang pera, at bakit lagi ko siyang kailangang suportahan? Dahil kailangan ko siyang suportahan, gagawin ko—ngunit bakit magkano man ang ibigay ko sa kanya, lagi niyang kailangan ng mas marami? Bakit hindi niya magawang maging tapat sa trabaho sa loob ng isang araw, at sa halip ay ginagawa niya ang lahat ng klaseng bagay tulad ng paglalakwatsa, pagkain, pag-inom ng alak, pambababae at pagsusugal? Ano ba ang nangyayari?” Sa gayon mag-isip sandali si Zhang, “Maaaring dahil may utang ako sa kanya mula sa isang nakaraang buhay. Kung gayon, babayaran ko iyon! Hindi ito matatapos hangga’t hindi ko iyon nababayaran nang buo!” Maaaring dumating ang araw na mabawi na talaga ni Li ang kanyang pautang, at pagsapit niya sa kanyang apatnapu o limampung taong gulang, baka-sakaling bigla siyang matauhan, at matanto niyang, “Wala akong nagawa ni isang mabuting bagay sa unang buong kalahati ng buhay ko! Nalustay ko ang lahat ng perang kinita ng aking ama, kaya dapat akong magsimulang maging mabuting tao! Patitibayin ko ang sarili ko; magiging isa akong taong tapat at mamumuhay nang wasto, at hindi na ako muling maghahatid ng dalamhati sa aking ama!” Bakit niya iniisip ito? Bakit siya biglang nagbago at nagpakabuti? May dahilan ba ito? Ano ang dahilan? (Dahil nasingil na ni Li ang kanyang pautang; nabayaran na ni Zhang ang kanyang utang.) Dito, mayroong sanhi at epekto. Nagsimula ang kuwento noong napakatagal na panahon, bago pa ang kasalukuyan nilang buhay; ang kuwento ng nakaraan nilang buhay ay nadala sa kasalukuyan, at hindi masisisi ang isa’t isa. Anuman ang itinuro ni Zhang sa kanyang anak, hindi nakinig ang kanyang anak kailanman ni hindi nagtrabaho nang tapat sa loob ng isang araw. Subalit sa araw na nabayaran ang utang, hindi na kinailangang turuan ang kanyang anak—natural siyang nakaunawa. Ito ay isang simpleng halimbawa. Marami bang ganitong halimbawa? (Oo, marami.) Ano ang sinasabi nito sa mga tao? (Na dapat silang maging mabuti at huwag silang gumawa ng masama.) Na dapat ay huwag silang gumawa ng masama, at magkakaroon ng paghihiganti sa kanilang masasamang gawa! Karamihan sa mga taong hindi mananampalataya ay gumagawa ng maraming kasamaan, at nagkaroon ng ganti ang kanilang masasamang gawa, tama ba? Gayunman, hindi ba makatwiran ang paghihiganting ito? Sa bawat kilos, may nangyari at may isang dahilan sa likod ng ganti rito. Palagay mo ba walang mangyayari sa iyo matapos mong dayain sa pera ang isang tao? Palagay mo ba, matapos mong kunin ang perang iyon, wala kang haharaping anumang mga bunga? Imposible iyan; may mga ibubunga talaga iyan! Sino man sila o maniwala man sila o hindi na mayroong Diyos, kailangang managot ang bawat tao para sa sarili nilang pag-uugali at tiisin ang mga ibubunga ng kanilang mga kilos. Tungkol sa simpleng halimbawang ito—ang pagpaparusa kay Zhang, at pagbabayad kay Li—hindi ba ito makatarungan? Kapag gumagawa ang mga tao ng gayong mga bagay, ito ang nagiging resulta. Hindi ito maihihiwalay sa pangangasiwa ng espirituwal na mundo. Sa kabila ng kanilang pagiging mga hindi mananampalataya, ang pag-iral ng mga hindi naniniwala sa Diyos ay napapailalim sa ganitong mga uri ng makalangit na mga utos at atas. Walang sinumang makatatakas sa mga ito, at walang sinumang makakaiwas sa realidad na ito.
Yaong mga walang pananampalataya ay kadalasang naniniwala na lahat ng nakikita ng mga tao ay umiiral, samantalang lahat ng hindi nakikita, o napakalayo sa mga tao, ay hindi. Mas gusto nilang maniwala na walang “siklo ng buhay at kamatayan,” at na walang “kaparusahan”; sa gayon, wala silang pakialam kung magkasala man sila at makagawa ng masama. Pagkatapos nito, pinarurusahan sila, o muli silang nagkakaroon ng katawan bilang mga hayop. Karamihan sa iba-ibang uri ng mga tao sa mga hindi mananampalataya ay nahuhulog sa paulit-ulit na pagkakamaling ito. Ito ay dahil hindi nila alam na ang espirituwal na mundo ay mahigpit sa pangangasiwa nito ng lahat ng nilalang na may buhay. Naniniwala ka man o hindi, ang katotohanang ito ay umiiral, sapagkat wala ni isang tao o bagay ang makakatakas sa saklaw ng namamasdan ng mga mata ng Diyos, at wala ni isang tao o bagay ang makakatakas sa mga panuntunan at limitasyon ng Kanyang makalangit na mga utos at atas. Sa gayon, sinasabi ng simpleng halimbawang ito sa lahat na naniniwala ka man sa Diyos o hindi, hindi katanggap-tanggap ang magkasala at gumawa ng masama, at na lahat ng kilos ay may mga ibinubunga. Kapag pinarusahan ang isang taong nandaya ng iba sa pera, makatarungan ang gayong kaparusahan. Ang pag-uugaling katulad nito na karaniwang nakikita ay pinarurusahan sa espirituwal na mundo, at ang gayong kaparusahan ay inihahatid ng mga atas at makalangit na utos ng Diyos. Samakatuwid, ang talamak na kriminal at masamang asal—panggagahasa at pandarambong, panloloko at panlilinlang, pagnanakaw at panloloob, pagpatay at panununog, at iba pa—ay mas ipinaiilalim sa iba’t ibang kaparusahan na may iba-ibang katindihan. Ano ang kabilang sa mga kaparusahang ito na may iba-ibang katindihan? Ang ilan sa mga ito ay nagtatatag ng antas ng katindihan gamit ang oras, samantalang ang ilan ay ginagawa iyon sa pamamagitan ng magkakaibang pamamaraan; ang iba naman ay ginagawa iyon sa pamamagitan ng pagtukoy kung saan nagpupunta ang mga tao kapag nagkakaroon silang muli ng katawan. Halimbawa, mahalay ang bibig ng ilang tao. Ano ang tinutukoy ng pagiging “mahalay ang bibig”? Ang ibig sabihin nito ay madalas na pagmumura sa iba at paggamit ng masamang pananalita na nagmumura sa iba. Ano ang ipinahihiwatig ng masamang pananalita? Ipinahihiwatig nito na ang isang tao ay may masamang puso. Ang masamang pananalita na minumura ang iba ay kadalasang nagmumula sa mga bibig ng gayong mga tao, at ang gayong masamang pananalita ay matindi ang hatid na mga bunga. Kapag namatay na ang mga taong ito at natanggap na nila ang angkop na parusa, maaari silang muling isilang bilang mga pipi. Nakapatuso ng ilang tao habang nabubuhay pa sila; madalas silang nagsasamantala sa iba, ang maliliit na pakana nila ay partikular na planadung-planado, at labis nilang ipinapahamak ang mga tao. Kapag sila ay muling isinilang, maaaring bilang mga sintu-sinto o mga taong may kapansanan sa pag-iisip. Ang ilang tao ay madalas sumilip sa pribadong gawain ng iba; maraming nakikita ang kanilang mga mata na dapat maging lihim sa kanila, at marami silang natututuhan na hindi nila dapat malaman. Dahil dito, kapag sila ay muling isinilang, maaaring sila ay bulag. Ang ilang tao ay masyadong listo habang sila ay nabubuhay; madalas silang nakikipag-away at gumagawa ng maraming kasamaan. Dahil dito, maaari silang muling isilang na may kapansanan, lumpo, o walang isang kamay; kung hindi ay maaari silang magkaroong muli ng katawan bilang mga kuba o tabingi ang leeg, maglakad nang paika-ika, o mas maikli ang isang paa kaysa sa kabila, at iba pa. Dito, napailalim sila sa iba-ibang kaparusahan batay sa mga antas ng kasamaang ginawa nila habang sila ay nabubuhay. Sa palagay ninyo, bakit duling ang ilang tao? Maraming tao bang ganoon? Sa mga panahong ito hindi lamang sila kakaunti. Ang ilang tao ay duling dahil sa nakaraan nilang buhay, masyado nilang ginamit ang kanilang mga mata at napakarami nilang ginawang masama, kaya isilang sila sa buhay na ito na duling, at sa malulubhang kaso, bulag pa sila nang isilang. Ito ay paghihiganti! Maganda silang makisama sa iba bago sila mamatay; marami silang ginagawang mabuti para sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan, kasamahan, o mga taong konektado sa kanila. Nagbibigay sila sa kawanggawa at nagmamalasakit sa iba, o tinutulungan sila sa pagbibigay ng pera, at mataas ang tingin ng mga tao sa kanila. Kapag nagbalik ang gayong mga tao sa espirituwal na mundo, hindi sila pinarurusahan. Ang hindi maparusahan ang isang hindi mananampalataya sa anumang paraan ay nangangahulugan na sila ay naging napakabuting tao. Sa halip na maniwala sa pag-iral ng Diyos, naniniwala lamang sila sa Matandang Lalaki sa Langit. Ang gayong tao ay naniniwala lamang na may espiritu sa itaas nila, na pinanonood ang lahat ng ginagawa nila—iyon lamang ang pinaniniwalaan ng taong ito. Ang resulta ay na mas maganda ang ugali ng taong ito. Ang gayong mga tao ay mabait at mapagkawanggawa, at kapag sa huli ay bumalik sila sa espirituwal na mundo, napakaganda ng magiging pagtrato noon sa kanila, at agad silang magkakaroong muli ng katawan. Kapag sila ay muling isinilang, sa anong uri ng pamilya sila darating? Bagama’t ang gayong mga pamilya ay hindi magiging mayaman, magiging malaya ito sa anumang kapinsalaan, at magkakasundo ang kanilang mga miyembro; doon, ang mga taong ito na nagkaroong muli ng katawan ay magkakaroon ng ligtas at masasayang araw, at lahat ay magagalak at magiging maganda ang buhay. Kapag ang mga taong ito ay nasa hustong gulang na, magkakaroon sila ng malalaki at malalawak na angkan, magkakaroon ng maraming talento at magtatagumpay ang kanilang mga anak, at magtatamasa ng magandang kapalaran ang kanilang pamilya—at ang gayong kalalabasan ay lubhang konektado sa nakaraang buhay ng mga tao. Ibig sabihin, saan pupunta ang mga tao kapag namatay sila at nagkaroong muli ng katawan, lalaki ba sila o babae, ano ang kanilang misyon, ano ang pagdaraanan nila sa buhay, anong mga problema ang titiisin nila, anong mga pagpapala ang tatamasahin nila, sino ang makikilala nila, at ano ang mangyayari sa kanila—walang makakahula ng mga bagay na ito, makakaiwas sa mga ito, o makakapagtago mula sa mga ito. Ibig sabihin, kapag naitakda na ang buhay mo, anuman ang mangyari sa iyo—paano mo man subukang iwasan ito, at sa anumang kaparaanan—walang paraan para labagin mo ang pag-inog ng buhay na itinakda ng Diyos para sa iyo sa espirituwal na mundo. Sapagkat kapag nagkaroon kang muli ng katawan, naitakda na ang kapalaran ng buhay mo. Mabuti man iyon o masama, dapat itong harapin ng lahat at magpatuloy sila sa pagsulong. Ito ay isang isyung hindi maiiwasan ng sinumang nabubuhay sa mundong ito, at walang isyu na mas totoo. Naunawaan na ninyong lahat ang lahat ng sinasabi Ko, hindi ba?
Yamang naunawaan na ninyo ang mga bagay na ito, nakita na ba ninyo ngayon na may napakahirap at napakahigpit na mga pagsisiyasat at pangangasiwa ang Diyos para sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga hindi mananampalataya? Una, nagtatag na Siya ng iba-ibang makalangit na mga utos, atas, at sistema sa espirituwal na dako, at kapag naipahayag na ang mga ito, ipinatutupad ang mga ito nang napakahigpit, ayon sa itinakda ng Diyos, ng mga nilalang sa iba-ibang opisyal na katungkulan sa espirituwal na mundo, at walang sinumang mangangahas na labagin ang mga ito. Samakatuwid, sa siklo ng buhay at kamatayan ng sangkatauhan sa mundo ng tao, nagkaroon mang muli ng katawan ang isang tao bilang hayop o bilang tao, may mga batas para sa dalawang ito. Dahil ang mga batas na ito ay nagmumula sa Diyos, walang sinumang nangangahas na suwayin ang mga ito, ni walang sinumang nakakasuway sa mga ito. Dahil lamang sa dakilang kapangyarihang ito ng Diyos, at dahil umiiral ang gayong mga batas, kaya regular at maayos ang materyal na mundong nakikita ng mga tao; dahil lamang sa dakilang kapangyarihang ito ng Diyos kaya nagagawa ng sangkatauhan na sumabay sa pag-iral nang payapa sa ibang mundong lubos nilang hindi nakikita, at nagagawang mabuhay na kasundo nito—na lahat ay hindi maihihiwalay sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Pagkamatay ng buhay sa laman ng isang tao, may buhay pa rin ang kaluluwa, kaya nga ano ang mangyayari kung wala ito sa ilalim ng pangangasiwa ng Diyos? Gagala ang kaluluwa sa buong lugar, manghihimasok kahit saan, at pipinsalain pa ang mga bagay na may buhay sa mundo ng tao. Ang gayong pinsala ay hindi lamang gagawin sa sangkatauhan kundi maaari ding gawin sa mga halaman at hayop—gayunman, ang unang mapipinsala ay ang mga tao. Kung mangyayari ito—kung ang kaluluwang ito ay hindi napangasiwaan, tunay na puminsala sa mga tao, at talagang gumawa ng masasamang bagay—maayos ding pakikitunguhan ang kaluluwang ito sa espirituwal na mundo: Kung malubha ang mga bagay-bagay, hindi magtatagal at titigil sa pag-iral ang kaluluwa, at wawasakin. Kung maaari, ilalagay ito sa isang lugar at pagkatapos ay magkakaroong muli ng katawan. Ibig sabihin, itinakda na ang pangangasiwa ng espirituwal na mundo sa iba-ibang kaluluwa, at ipinatutupad alinsunod sa mga hakbang at panuntunan. Dahil lamang sa gayong pangangasiwa kaya hindi pa nagkakagulo sa materyal na mundo ng tao, kaya ang mga tao sa materyal na mundo ay nagtataglay ng normal na mentalidad, normal na pagkamakatwiran, at isang isinaayos na buhay sa laman. Pagkatapos magkaroon ng gayong normal na buhay ang sangkatauhan, saka lamang magagawa ng mga nabubuhay sa laman na patuloy na mabuhay at magparami sa lahat ng henerasyon.
Ano ang palagay ninyo sa mga salitang karirinig pa lamang ninyo? Bago ba ang mga ito sa inyo? At anong uri ng mga impresyon ang napasainyo sa mga paksang ibinahagi ngayon? Maliban sa kabaguhan ng mga ito, may iba pa ba kayong nadarama? (Dapat maging maganda ang ugali ng mga tao, at nakikita namin na dakila ang Diyos at dapat pagpitaganan.) (Pagkarinig pa lamang sa pakikipagniig ng Diyos kung paano ipinaplano ng Diyos ang katapusan ng iba-ibang uri ng mga tao, sa isang banda ay nadarama ko na hindi pinahihintulutan ng Kanyang disposisyon ang anumang pagkakasala, at na kailangan ko Siyang katakutan; sa kabilang banda, batid ko kung anong uri ng mga tao ang gusto ng Diyos, at kung anong uri ang ayaw Niya, kaya nais kong mapabilang sa mga gusto Niya.) Nakikita ba ninyo na maprinsipyo ang Diyos sa Kanyang mga kilos sa aspetong ito? Ano ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang mga kilos? (Itinatakda Niya ang katapusan ng mga tao ayon sa lahat ng kanilang ginagawa.) Tungkol ito sa iba-ibang katapusan para sa mga hindi mananampalataya na katatalakay pa lamang natin. Pagdating sa mga hindi mananampalataya, paggantimpala ba sa mabubuti at pagpaparusa sa masasama ang prinsipyo sa likod ng mga kilos ng Diyos? Mayroon bang anumang mga eksepsyon? (Wala.) Nakikita ba ninyo na may isang prinsipyo sa likod ng mga kilos ng Diyos? Hindi talaga naniniwala sa Diyos ang mga hindi mananampalataya, ni hindi sila nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos. Dagdag pa rito, wala silang kamalayan sa Kanyang dakilang kapangyarihan, lalong hindi nila Siya kinikilala. Ang mas malala pa, nilalapastangan nila ang Diyos, at isinusumpa Siya, at galit sila sa mga naniniwala sa Diyos. Sa kabila ng saloobin nilang ito sa Diyos, hindi pa rin lumilihis sa Kanyang mga prinsipyo ang pangangasiwa Niya sa kanila; pinangangasiwaan Niya sila sa isang maayos na paraan, alinsunod sa Kanyang mga prinsipyo at Kanyang disposisyon. Ano ang tingin Niya sa kanilang pagkagalit? Kamangmangan! Dahil dito, pinangyari na Niyang magkaroong muli ng katawan ang mga taong ito—ibig sabihin, ang karamihan sa mga hindi mananampalataya—bilang mga hayop noong araw. Kaya, sa mga mata ng Diyos, ano ba talaga ang mga hindi mananampalataya? Silang lahat ay mga hayop. Pinangangasiwaan ng Diyos ang mga hayop at maging ang sangkatauhan, at pareho rin ang Kanyang mga prinsipyo para sa gayong mga tao. Kahit sa Kanyang pangangasiwa sa mga taong ito, makikita pa rin ang Kanyang disposisyon, gayundin ang Kanyang mga batas sa likod ng Kanyang kapamahalaan sa lahat ng bagay. Kaya nga, nakikita ba ninyo ang dakilang kapangyarihan ng Diyos sa mga prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang pangangasiwa sa mga hindi mananampalataya na kababanggit Ko pa lamang? Nakikita ba ninyo ang matuwid na disposisyon ng Diyos? (Oo.) Sa madaling salita, alinman sa lahat ng bagay ang pinakikitunguhan Niya, kumikilos ang Diyos ayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo at disposisyon. Ito ang diwa ng Diyos; hindi Siya kailanman basta na lamang hihiwalay sa mga atas o makalangit na mga utos na Kanyang itinakda dahil lamang sa itinuturing Niya ang gayong mga tao bilang mga hayop. Kumikilos ang Diyos ayon sa prinsipyo, ni katiting ay hindi walang habas, at ang Kanyang mga kilos ay lubos na hindi apektado ng anumang bagay. Lahat ng Kanyang ginagawa ay sumusunod sa Kanyang sariling mga prinsipyo. Ito ay dahil ang Diyos ay nagtataglay ng diwa ng Diyos Mismo; ito ay isang aspeto ng Kanyang diwa na hindi taglay ng anumang nilikha. Maingat at responsable ang Diyos sa Kanyang paghawak, pagharap, pamamahala, pangangasiwa, at pamumuno sa bawat bagay, tao, at bagay na may buhay sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha, at dito, hindi Siya naging pabaya kailanman. Sa mabubuti, Siya ay mapagbigay at mabait; sa masasama, nagpapataw Siya ng malupit na parusa; at para sa iba-ibang nilalang na may buhay, gumagawa Siya ng angkop na mga plano sa napapanahon at regular na paraan ayon sa iba-ibang mga kinakailangan ng mundo ng sangkatauhan sa iba’t ibang panahon, kaya ang iba-ibang nilalang na ito na may buhay ay nagkakaroong muli ng katawan ayon sa papel na kanilang ginagampanan sa maayos na paraan at lumilipat sa pagitan ng materyal na mundo at ng espirituwal na mundo sa maayos na paraan.
Ang pagkamatay ng isang nilalang na may buhay—ang pagwawakas ng isang pisikal na buhay—ay nagpapahiwatig na ang nilalang na may buhay ay pumanaw na sa materyal na mundo at nagtungo sa espirituwal na mundo, samantalang ang pagsilang ng isang bagong pisikal na buhay ay nagpapahiwatig na ang isang nilalang na may buhay ay naparito na mula sa espirituwal na mundo patungo sa materyal na mundo at nagsimula nang gawin at gampanan ang papel nito. Paglisan man o pagdating ng isang nilalang, parehong hindi maihihiwalay ang mga ito mula sa gawain ng espirituwal na mundo. Pagdating ng panahon na dumating ang isang tao sa materyal na mundo, nakabuo na ang Diyos ng angkop na mga plano at pakahulugan sa espirituwal na mundo kung saang pamilya mapupunta ang taong iyon, ang panahon kung kailan sila darating, ang oras ng kanilang pagdating, at ang papel na kanilang gagampanan. Sa gayon, ang buong buhay ng taong ito—ang mga bagay na kanilang ginagawa, at ang mga landas na kanilang tinatahak—ay magpapatuloy ayon sa mga planong ginawa sa espirituwal na mundo, nang wala ni katiting na paglihis. Bukod pa riyan, ang panahon kung kailan magwawakas ang isang pisikal na buhay at ang paraan at lugar kung saan ito magwawakas ay malinaw at nahihiwatigan sa espirituwal na mundo. Pinamumunuan ng Diyos ang materyal na mundo, at pinamumunuan din Niya ang espirituwal na mundo, at hindi Niya aantalahin ang normal na siklo ng buhay at kamatayan ng isang kaluluwa, ni hindi Siya maaaring gumawa ng anumang mga pagkakamali sa mga plano ng siklong iyon. Bawat isa sa mga tagapamahala sa mga opisyal na puwesto sa espirituwal na mundo ay isinasagawa ang kanilang indibiduwal na mga gawain, at ginagawa yaong kinakailangan nilang gawin, alinsunod sa mga tagubilin at mga panuntunan ng Diyos. Sa gayon, sa mundo ng sangkatauhan, bawat materyal na kakaibang pangyayari na namasdan ng tao ay nasa ayos, at hindi magulo. Lahat ng ito ay dahil sa maayos na pamumuno ng Diyos sa lahat ng bagay, gayundin sa katotohanan na ang Kanyang awtoridad ang namumuno sa lahat ng bagay. Kabilang sa Kanyang kapamahalaan ang materyal na mundong tinitirhan ng tao at, bukod pa riyan, ang di-nakikitang espirituwal na mundo sa likod ng sangkatauhan. Samakatuwid, kung nais ng mga tao na magkaroon ng mabuting buhay, at inaasam na manirahan sa magandang kapaligiran, bukod pa sa mabigyan ng buong materyal na mundong nakikita, kailangan din silang mabigyan ng espirituwal na mundo, na hindi nakikita ninuman, na namamahala sa bawat nilalang na may buhay para sa kapakanan ng sangkatauhan, at maayos. Sa gayon, ngayong nasabi nang ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay, hindi ba nadagdagan ang ating kamalayan at pagkaunawa sa “lahat ng bagay”? (Oo.)
b. Ang Siklo ng Buhay at Kamatayan ng Iba-ibang Taong May Pananampalataya
Katatalakay pa lamang natin sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga tao sa unang kategorya, ang mga hindi mananampalataya. Ngayon, talakayin natin yaong nasa pangalawang kategorya, ang iba-ibang taong may pananampalataya. “Ang siklo ng buhay at kamatayan ng iba-ibang taong may pananampalataya” ay isa pang napakahalagang paksa, at kailangang-kailangan ninyong magkaroon ng ilang pagkaunawa tungkol dito. Una, pag-usapan natin kung aling mga pananampalataya ang tinutukoy ng “pananampalataya” sa “mga taong may pananampalataya”: ang limang pangunahing relihiyon na Hudaismo, Kristiyanismo, Katoliko, Islam, at Budismo. Dagdag pa sa mga hindi mananampalataya, ang mga taong naniniwala sa limang relihiyong ito ang sumasakop sa malaking bahagi ng populasyon ng mundo. Sa limang relihiyong ito, kakaunti yaong mga nagawa nang propesyon ang kanilang pananampalataya, subalit maraming kapanalig ang mga relihiyong ito. Pupunta sila sa ibang lugar pagkamatay nila. “Iba” kaysa kanino? Kaysa sa mga hindi mananampalataya—sa mga taong walang pananampalataya—na pinag-uusapan pa lamang natin. Pagkamatay nila, napupunta sa ibang lugar ang mga naniniwala sa limang relihiyong ito, isang lugar na iba kaysa sa mga hindi mananampalataya. Gayunman, pareho pa rin ang proseso; hahatulan din sila ng espirituwal na mundo batay sa lahat ng kanilang ginawa bago sila namatay, pagkatapos ay ipoproseso sila ayon dito. Gayunman, bakit ipinadadala ang mga taong ito sa ibang lokasyon para iproseso? May isang mahalagang dahilan para dito. Ano iyon? Ipaliliwanag Ko iyon sa inyo sa isang halimbawa. Gayunman, bago Ko gawin iyon, iniisip ninyo siguro sa inyong sarili: “Siguro dahil kakatiting ang paniniwala nila sa Diyos! Hindi sila ganap na mga hindi mananampalataya.” Gayunman, hindi ito ang dahilan. May napakahalagang dahilan kaya sila hinihiwalay sa iba.
Ipaghalimbawa natin ang Budismo. Sasabihin Ko sa inyo ang isang katotohanan. Ang isang Budista, una, ay isang taong umanib sa Budismo, at ito ay isang taong nakakaalam kung ano ang kanilang paniniwala. Kapag ginupit ng mga Budista ang kanilang buhok at naging mga monghe o madre, nangangahulugan ito na naihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa sekular na mundo, at nilisan ang ingay ng mundo ng tao. Araw-araw, binibigkas nila ang mga sutra at inaawit ang mga pangalan ni Buddha, hindi sila kumakain ng karne, matipid silang mamuhay, at pinalilipas nila ang kanilang mga araw na ang kasama lamang ay ang malamig at banayad na ilaw ng gasera. Ginugugol nila ang kanilang buong buhay nang ganito. Kapag nagwakas ang pisikal na buhay ng isang Budista, gagawa sila ng isang buod ng kanilang buhay, ngunit sa kanilang puso ay hindi nila malalaman kung saan sila pupunta pagkatapos nilang mamatay, sino ang kanilang makikilala, o ano ang kahihinatnan nila: Sa kanilang kaibuturan, hindi sila magkakaroon ng malinaw na ideya tungkol sa gayong mga bagay. Wala na silang ibang magagawa kundi pikit-matang dalhin ang isang uri ng pananampalataya sa buong buhay nila, pagkatapos ay lilisan sila mula sa mundo ng tao kasama ang kanilang bulag na mga pag-asam at pangarap. Gayon ang pagtatapos ng pisikal na buhay ng isang Budista, kung kailan nililisan nila ang mundo ng mga buhay; pagkatapos noon, bumabalik sila sa orihinal nilang lugar sa espirituwal na mundo. Magkaroon mang muli ng katawan ang taong ito para bumalik sa lupa at magpatuloy sa kanilang sariling paglilinang ay nakasalalay sa kanilang pag-uugali at gawi bago pa sila namatay. Kung wala silang ginawang mali noong nabubuhay sila, agad silang magkakaroong muli ng katawan at ibabalik na muli sa lupa, kung saan ang taong ito ay minsan pang magiging monghe o madre. Ibig sabihin, nagsasagawa sila ng paglilinang sa sarili sa panahon ng kanilang pisikal na buhay ayon sa kung paano nila isinagawa ang paglilinang sa sarili sa unang pagkakataon, at pagkatapos ay babalik sa espirituwal na dako kapag natapos na ang kanilang pisikal na buhay, kung saan sila ay susuriin. Pagkatapos noon, kung walang natagpuang mga problema, maaari silang minsan pang bumalik sa mundo ng tao at muling umanib sa Budismo, sa gayon ay maipagpatuloy nila ang kanilang pagsasagawa. Pagkatapos nilang magkaroong muli ng katawan nang tatlo hanggang pitong beses, minsan pa silang babalik sa espirituwal na mundo, kung saan sila pupunta kapag natapos na ang bawat pisikal na buhay nila. Kung ang kanilang iba-ibang katangian at ugali sa mundo ng tao ay naging kaayon ng makalangit na mga utos ng espirituwal na mundo, mula sa puntong ito, mananatili sila roon; hindi na sila magkakaroong muli ng katawan bilang tao, ni hindi sila manganganib na maparusahan dahil sa paggawa ng masama sa lupa. Hindi na nila kailangang pagdaanang muli ang prosesong ito kailanman. Sa halip, batay sa kanilang sitwasyon, gaganap sila sa isang katungkulan sa espirituwal na dako. Ito ang tinatawag ng mga Budista na “pagtatamo ng kaliwanagan bilang isang Buddha.” Ang pagtatamo ng kaliwanagan bilang isang Buddha ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kaganapan bilang isang opisyal ng espirituwal na mundo at, pagkatapos noon, hindi na siya magkakaroong muli ng katawan o manganganib na maparusahan. Bukod pa riyan, nangangahulugan ito na hindi na siya daranas ng mga pagdurusa ng pagiging tao pagkatapos na magkaroong muli ng katawan. Kaya, posible pa bang magkaroon silang muli ng katawan bilang hayop? (Hindi.) Nangangahulugan ito na mananatili sila upang gumanap sa isang papel sa espirituwal na mundo at hindi na sila magkakaroong muli ng katawan. Isang halimbawa ito ng pagtatamo ng kaganapan ng kaliwanagan bilang isang Buddha sa Budismo. Para naman sa mga hindi nagtatamo ng kaganapan, pagbalik nila sa espirituwal na mundo, napapailalim sila sa pagsusuri at pagpapatunay ng kaukulang opisyal, na matutuklasan na noong nabubuhay pa, hindi nila masigasig na nilinang ang kanilang sarili o naging matapat sa pagbigkas ng mga sutra at pag-awit ng mga pangalan ni Buddha ayon sa iniuutos ng Budismo, at sa halip ay nakagawa sila ng maraming kasamaan at maraming ginawang masama. Pagkatapos, sa espirituwal na mundo, isang paghatol ang ginagawa tungkol sa kanilang masasamang gawain, at kasunod noon, tiyak na parurusahan sila. Dito, walang mga eksepsyon. Sa gayon, kailan magtatamo ng kaganapan ang gayong tao? Sa isang panahon ng buhay na hindi sila gumagawa ng masama—kung kailan, matapos bumalik sa espirituwal na mundo, nakita na wala silang ginawang mali bago sila namatay. Pagkatapos ay patuloy silang magkakaroong muli ng katawan, patuloy nilang bibigkasin ang mga sutra at aawitin ang mga pangalan ni Buddha, palilipasin ang kanilang mga araw sa malamig at banayad na liwanag ng gasera, iiwasang pumatay ng anumang bagay na may buhay o kumain ng anumang karne. Hindi sila nakikibahagi sa mundo ng tao, na tinatalikuran nang husto ang mga kaguluhan dito at hindi nakikipagtalo sa iba. Sa prosesong ito, kung wala silang nagawang masama, matapos silang bumalik sa espirituwal na mundo at nasuri na ang lahat ng kanilang kilos at ugali, minsan pa silang ipadadala sa dako ng tao, sa isang siklong nagpapatuloy nang tatlo hanggang pitong beses. Kung walang ginawang masamang asal sa panahong ito, mananatiling hindi apektado ang pagtatamo nila ng kaliwanagan bilang isang Buddha, at hindi maaantala. Ito ay isang katangian ng siklo ng buhay at kamatayan ng lahat ng taong may pananampalataya: Nagagawa nilang “magtamo ng kaganapan,” at gumanap sa isang katungkulan sa espirituwal na mundo; ito ang dahilan kaya sila naiiba sa mga hindi mananampalataya. Una, habang nabubuhay pa sila sa mundo, paano kumikilos yaong mga nagkakaroon ng katungkulan sa espirituwal na mundo? Kailangan nilang tiyakin na hindi man lamang sila makagawa ng anumang kasamaan: Hindi sila dapat pumatay, manunog, manggahasa, o magnakaw; kung sila ay gumagawa ng panloloko, panlilinlang, pagnanakaw, o panloloob, hindi sila magtatamo ng kaganapan. Sa madaling salita, kung mayroon silang anumang koneksyon o kaugnayan sa anumang masamang gawain, hindi nila matatakasan ang kaparusahang ipapataw sa kanila ng espirituwal na mundo. Ang espirituwal na mundo ay gumagawa ng angkop na mga plano para sa mga Budista na nagtatamo ng kaliwanagan bilang isang Buddha: Maaari silang italagang mangasiwa sa mga yaon na mukhang naniniwala sa Budismo, at sa Matandang Lalaki sa Langit—maaari silang bigyan ng awtoridad. Maaari din silang pamahalain sa mga hindi mananampalataya o magkaroon ng katungkulan sa napakaliliit na tungkulin. Ang gayong pagbibigay ng awtoridad ay nangyayari ayon sa iba-ibang likas na katangian ng kanilang kaluluwa. Ito ay isang halimbawa ng Budismo.
Sa limang relihiyon na ating napag-usapan, ang Kristiyanismo ang medyo espesyal. Ano ang espesyal sa mga Kristiyano? Sila ang mga taong naniniwala sa tunay na Diyos. Paano maililista rito ang mga naniniwala sa tunay na Diyos? Sa pagsasabi na ang Kristiyanismo ay isang klase ng pananampalataya, walang dudang may kinalaman lamang ito sa pananampalataya; magiging isang uri lamang ito ng seremonya, isang uri ng relihiyon, at isang bagay na lubos na naiiba sa pananampalataya ng mga tunay na sumusunod sa Diyos. Kaya Ko nailista ang Kristiyanismo sa limang pangunahing relihiyon ay dahil ibinaba na ito sa antas na kapareho ng Hudaismo, Budismo, at Islam. Karamihan sa mga tao rito ay hindi naniniwala na may isang Diyos, o na Siya ang namumuno sa lahat ng bagay; lalong hindi sila naniniwala sa Kanyang pag-iral. Sa halip, ginagamit lamang nila ang mga Kasulatan upang talakayin ang teolohiya at gamitin ang teolohiya upang ituro sa mga tao na maging mabait, magtiis ng pagdurusa, at gumawa ng mabubuting bagay. Ganyan ang klaseng nakahinatnan ng relihiyong Kristiyanismo: Nakatuon lamang ito sa mga teolohikal na teorya, na walang anumang kaugnayan sa gawain ng Diyos sa pamamahala at pagliligtas sa tao. Ito na ang naging relihiyon ng mga taong sumusunod sa Diyos ngunit hindi talaga kinikilala ng Diyos. Gayunman, may prinsipyo rin ang Diyos sa Kanyang pakikitungo sa gayong mga tao. Hindi Niya sila basta-basta hinaharap o pinakikitunguhan kung kailan Niya gusto tulad ng Kanyang ginagawa sa mga hindi mananampalataya. Tinatrato Niya sila sa parehong paraan ng pagtrato Niya sa mga Budista: Kung, habang nabubuhay, makakayang disiplinahin ng isang Kristiyano ang kanyang sarili, mahigpit na susundin ang Sampung Utos at hihigpitan ang sarili nilang pag-uugali alinsunod sa mga batas at kautusan, at maninindigan sa mga ito sa buong buhay nila, kailangan din nilang gumugol ng parehong haba ng panahon sa pagdaan sa mga siklo ng buhay at kamatayan bago sila tunay na magtamo ng tinatawag na “pagdadala.” Pagkatapos makamit ang pagdadalang ito, mananatili sila sa espirituwal na mundo, kung saan gaganap sila sa isang katungkulan at magiging isa sa mga opisyal doon. Gayundin, kung nakagawa sila ng kasamaan sa lupa—kung napakamakasalanan nila at nakakagawa sila ng napakaraming kasalanan—hindi nila maiiwasang maparusahan at madisiplina sa iba-ibang kasidhian. Sa Budismo, ang pagtatamo ng kaganapan ay nangangahulugan ng pagpasok sa Dalisay na Lupain ng Sukdulang Kaligayahan, ngunit ano ang tawag nila roon sa Kristiyanismo? Tinatawag itong “pagpasok sa langit” at pagiging “nadala.” Yaong mga tunay na nadala ay nagdaraan din sa siklo ng buhay at kamatayan nang tatlo hanggang pitong beses, pagkatapos noon, pagkamatay nila, dumarating sila sa espirituwal na mundo, na para bang nakatulog sila. Kung papasa sila sa pamantayan, maaari silang manatili roon upang gumanap sa isang katungkulan at, hindi kagaya ng mga tao sa lupa, hindi sila magkakaroong muli ng katawan sa isang simpleng paraan o ayon sa nakagawian.
Sa lahat ng relihiyong ito, ang katapusang sinasabi at pinagsusumikapan nila ay kapareho ng pagtatamo ng kaganapan sa Budismo; kaya lamang ay nakakamit itong “kaganapan” sa iba’t ibang kaparaanan. Pare-pareho lamang silang lahat. Para sa bahaging ito ng mga kapanalig ng mga relihiyong ito, na mahigpit na nakakasunod sa mga relihiyosong tuntunin sa kanilang pag-uugali, nagbibigay ang Diyos ng isang angkop na patutunguhan, isang angkop na lugar na pupuntahan, at pinangangasiwaan sila nang angkop. Lahat ng ito ay makatwiran, ngunit hindi ito katulad ng iniisip ng mga tao. Ngayon, nang marinig ninyo kung ano ang nangyayari sa mga tao sa Kristiyanismo, ano ang pakiramdam ninyo? Pakiramdam ba ninyo hindi makatarungan ang nangyayari sa kanila? Nakikisimpatiya ba kayo sa kanila? (Kaunti.) Wala nang magagawa pa; sarili lamang nila ang kanilang masisisi. Bakit Ko sinasabi ito? Ang gawain ng Diyos ay totoo; Siya ay buhay at totoo, at ang Kanyang gawain ay nakatuon sa buong sangkatauhan at sa bawat indibiduwal. Kung gayon, bakit hindi nila ito tinatanggap? Bakit nila parang hibang na nilalabanan at inuusig ang Diyos? Dapat nilang isipin na masuwerte sila dahil ganito ang kanilang kinalabasan, kaya bakit kayo naaawa sa kanila? Ang matrato sila sa ganitong paraan ay nagpapakita ng malaking pagpaparaya. Batay sa lawak ng kanilang paglaban sa Diyos, dapat silang lipulin, subalit hindi ito ginagawa ng Diyos; sa halip ay tinatanggap lamang Niya ang Kristiyanismo tulad ng anumang ordinaryong relihiyon. Sa gayon, kailangan pa bang magdetalye tungkol sa iba pang mga relihiyon? Ang kakaibang paniniwala ng lahat ng relihiyong ito ay para magdanas ang mga tao ng mas maraming hirap, huwag gumawa ng masama, gumawa ng mabuti, huwag murahin ang iba, huwag husgahan kaagad ang iba, ilayo ang kanilang sarili sa mga pagtatalo, maging mabubuting tao—ganito ang karamihan sa mga relihiyosong turo. Samakatuwid, kung nagagawa ng mga taong ito na may pananampalataya—ng mga kapanalig na ito ng iba-ibang relihiyon at denominasyon—na mahigpit na sumunod sa kanilang mga relihiyosong tuntunin, hindi sila makakagawa ng malalaking pagkakamali o kasalanan sa panahong sila ay nasa lupa; at, matapos magkaroong muli ng katawan nang tatlo hanggang pitong beses, ang mga taong ito—yaong mga nagagawang sumunod sa mga relihiyosong tuntunin—kung tutuusin, ay mananatiling gumaganap sa isang katungkulan sa espirituwal na mundo. Marami bang gayong mga tao? (Wala, kakaunti lamang.) Saan mo ibinabatay ang sagot mo? Hindi madaling gumawa ng mabuti at sumunod sa relihiyosong mga panuntunan at batas. Hindi pinapayagan ng Budismo ang mga tao na kumain ng karne—kaya mo bang gawin iyon? Kung kailanganin mong isuot ang mga abuhing kasuotan at bigkasin ang mga sutra at awitin ang mga pangalan ni Buddha sa isang templo ng mga Budista sa buong maghapon, kaya mo bang gawin iyon? Hindi ito magiging madali. Ang Kristiyanismo ay may Sampung Utos, ang mga kautusan at batas; madali bang sundin ang mga ito? Hindi madali, hindi ba? Ipaghalimbawa natin ang huwag murahin ang iba: Wala talagang kakayahan ang mga tao na sumunod sa panuntunang ito. Hindi mapigilan ang kanilang sarili, nagmumura sila—at pagkatapos magmura, hindi na nila mabawi ang mga salitang iyon, kaya ano ang ginagawa nila? Sa gabi, ikinukumpisal nila ang kanilang mga kasalanan. Kung minsan pagkatapos nilang murahin ang iba, may pagkamuhi pa rin sa puso nila, at nagpaplano pa sila kung kailan pa nila masasaktang muli ang mga taong iyon. Sa madaling salita, para sa mga nabubuhay sa gitna ng patay na doktrinang ito, hindi madaling umiwas na magkasala o gumawa ng masama. Samakatuwid, sa bawat relihiyon, iilang tao lamang ang nagagawa talagang magtamo ng kaganapan. Ipinapalagay mo ba na dahil napakaraming taong sumusunod sa mga relihiyong ito, marami ang magagawang manatili sa pagganap sa isang tungkulin sa espirituwal na dako? Hindi sila ganoon karami; iilan lamang ang talagang nagagawang magtamo nito. Iyan na ang lahat para sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga taong may pananampalataya. Ang ipinagkaiba nila ay na maaari silang magtamo ng kaganapan, at ito ang ipinagkaiba nila sa mga hindi mananampalataya.
c. Ang Siklo ng Buhay at Kamatayan ng mga Alagad ng Diyos
Sumunod, pag-usapan natin ang siklo ng buhay at kamatayan ng mga sumusunod sa Diyos. May kaugnayan ito sa inyo, kaya makinig kayo: Una, pag-isipan kung paano makakategorya ang mga alagad ng Diyos. (Ang mga hinirang ng Diyos, at ang mga tagasilbi.) Mayroon nga palang dalawa: Ang mga hinirang ng Diyos, at ang mga tagasilbi. Una, pag-usapan natin ang mga hinirang ng Diyos, na iilan lamang. Sino ang tinutukoy na “mga hinirang ng Diyos”? Matapos likhain ng Diyos ang lahat ng bagay at umiral ang sangkatauhan, pumili ang Diyos ng isang grupo ng mga tao na susunod sa Kanya; tinatawag lamang silang “hinirang ng Diyos.” May espesyal na saklaw at kabuluhan sa pagpili ng Diyos sa mga taong ito. Ang saklaw ay espesyal dahil limitado ito sa iilang pinili, na kailangang pumarito kapag gumagawa Siya ng mahalagang gawain. At ano ang kabuluhan nito? Dahil sila ay isang grupong pinili ng Diyos, malaki ang kabuluhan. Ibig sabihin, nais ng Diyos na gawing ganap ang mga taong ito, at gawin silang perpekto, at kapag natapos na ang Kanyang gawain ng pamamahala, matatamo Niya ang mga taong ito. Hindi ba malaki ang kabuluhang ito? Sa gayon, ang mga hinirang na ito ay malaki ang kahalagahan sa Diyos, sapagkat sila yaong mga layon ng Diyos na matamo. Tungkol naman sa mga tagasilbi, magpahinga muna tayo sandali mula sa paksang pagtatalaga ng Diyos, at pag-usapan muna natin ang mga pinagmulan nila. Ang literal na kahulugan ng “tagasilbi” ay isang taong nagsisilbi. Yaong mga nagsisilbi ay pansamantala; hindi sila pangmatagalan o pangwalang-hanggan, kundi inupahan o kinalap nang pansamantala. Ang pinagmulan ng karamihan sa kanila ay na sila ay pinili mula sa mga hindi mananampalataya. Pumarito sila sa lupa noong iutos na gaganap sila sa papel ng mga tagasilbi sa gawain ng Diyos. Maaaring naging mga hayop sila sa nakaraan nilang buhay, ngunit maaari din silang naging mga hindi mananampalataya. Gayon ang mga pinagmulan ng mga tagasilbi.
Magbalik tayo sa mga taong hinirang ng Diyos. Kapag sila ay namatay, nagpupunta sila sa isang lugar na ganap na iba ang lokasyon kaysa kinaroroonan ng mga hindi mananampalataya at ng iba-ibang taong may pananampalataya. Ito ay isang lugar kung saan ay sinasamahan sila ng mga anghel at ng mga sugo ng Diyos; ito ay isang lugar na personal na pinangangasiwaan ng Diyos. Kahit hindi namamasdan ng mga taong hinirang ng Diyos sa kanilang sariling mga mata ang Diyos sa lugar na ito, hindi ito kagaya ng anumang iba pang lugar sa espirituwal na dako; ibang lokasyon ito, kung saan pupunta ang bahaging ito ng mga tao pagkamatay nila. Kapag namatay sila, ipapailalim din sila sa isang mahigpit na pagsisiyasat ng mga sugo ng Diyos. At ano ang sinisiyasat? Sinisiyasat ng mga sugo ng Diyos ang mga landas na natahak ng mga taong ito sa buong buhay nila sa kanilang paniniwala sa Diyos, nilabanan man nila ang Diyos o hindi o isinumpa Siya noon, at nakagawa man sila o hindi ng mabibigat na kasalanan o kasamaan. Sasagutin ng pagsisiyasat na ito ang tanong kung papayagang manatili ang isang partikular na tao o kailangang paalisin. Ano ang kahulugan ng “paalisin”? At ano ang kahulugan ng “manatili”? Ang ibig sabihin ng “paalisin” ay kung, batay sa kanilang pag-uugali, sila ay mananatili sa mga ranggo ng mga hinirang ng Diyos; ang ibig sabihin ng mapayagang “manatili” ay na maaari silang manatiling kasama ng mga taong gagawing ganap ng Diyos sa mga huling araw. Para sa mga mananatili, may espesyal na mga plano ang Diyos. Sa bawat panahon ng Kanyang gawain, isusugo ng Diyos ang gayong mga tao upang gumanap bilang mga apostol o isagawa ang gawaing muling buhayin o pangalagaan ang mga iglesia. Gayunman, ang mga taong may kakayahang gawin iyon ay hindi nagkakaroong muli ng katawan na kasindalas ng mga hindi mananampalataya, na isinisilang na muli sa paglipas ng mga henerasyon; sa halip, ibinabalik sila sa lupa alinsunod sa mga kinakailangan at hakbang ng gawain ng Diyos, at hindi sila madalas na nagkakaroong muli ng katawan. Kaya mayroon bang anumang mga panuntunan kapag sila ay nagkakaroong muli ng katawan? Dumarating ba sila nang minsan kada ilang taon? Dumarating ba sila nang gayon kadalas? Hindi. Batay itong lahat sa gawain ng Diyos, sa mga hakbang nito at sa Kanyang mga pangangailangan, at walang nakatakdang mga panuntunan. Ang tanging panuntunan ay na kapag ginagawa ng Diyos ang huling yugto ng Kanyang gawain sa mga huling araw, ang mga taong hinirang na ito ay magdaratingang lahat, at ang pagdating na ito ang kanilang magiging huling pagkakaroong muli ng katawan. At bakit ganoon? Batay ito sa kailangang makamit na kahihinatnan sa panahon ng huling yugto ng gawain ng Diyos—sapagkat sa panahong ito ng huling yugto ng gawain, gagawing ganap ng Diyos ang lahat ng taong hinirang na ito. Ano ang ibig sabihin nito? Kung, sa huling bahaging ito, ginagawang ganap at perpekto ang mga taong ito, hindi sila magkakaroong muli ng katawan na tulad ng dati; ang proseso ng pagiging tao ay lubos nang matatapos, gayundin ang proseso ng pagkakaroon nilang muli ng katawan. May kaugnayan ito roon sa mga mananatili. Kaya saan mapupunta yaong mga hindi maaaring manatili? Yaong mga hindi pinapayagang manatili ay mayroong sarili nilang angkop na patutunguhan. Una sa lahat, dahil sa kanilang masasamang gawain, mga pagkakamaling nagawa nila, at mga kasalanang nagawa nila, sila man ay parurusahan. Kapag naparusahan na sila, gagawa ng mga plano ang Diyos para ipadala sila sa mga hindi mananampalataya kung nababagay sa sitwasyon, o kaya naman ay nagpaplanong mapunta sila sa iba-ibang taong may pananampalataya. Ibig sabihin, mayroong dalawang posibleng kahihinatnan para sa kanila: Ang isa ay ang maparusahan at marahil ay mamuhay sa piling ng mga tao ng isang relihiyon matapos silang magkaroong muli ng katawan, at ang isa pa ay ang maging mga hindi mananampalataya. Kung sila ay maging mga hindi mananampalataya, mawawala sa kanila ang lahat ng pagkakataon; gayunman, kung sila ay magiging mga taong may pananampalataya—kung sila, halimbawa, ay naging mga Kristiyano—magkakaroon pa rin sila ng pagkakataong magbalik sa mga ranggo ng mga taong hinirang ng Diyos; may napakakumplikadong mga relasyon dito. Sa madaling salita, kung may nagawang isang bagay ang isa sa mga taong hinirang ng Diyos na nakasakit sa Diyos, parurusahan sila na kagaya ng lahat ng iba pa. Ipaghalimbawa natin si Pablo, na nauna nating pinag-usapan. Si Pablo ay isang halimbawa ng isang taong pinarusahan. May nakukuha ba kayong ideya tungkol sa Aking sinasabi? Permanente ba ang saklaw ng mga hinirang ng Diyos? (Oo, karamihan.) Karamihan dito ay permanente, ngunit may kaunting bahagi rito na hindi permanente. Bakit ganoon? Dito ay tinukoy Ko na ang pinakamalinaw na dahilan: paggawa ng masama. Kapag ang mga tao ay nakagawa ng kasamaan, ayaw sa kanila ng Diyos, at kapag ayaw sa kanila ng Diyos, itinatapon Niya sila sa iba-ibang lahi at uri ng mga tao. Iniiwan sila nito na walang pag-asa at nagiging mahirap para sa kanila ang makabalik. Lahat ng ito ay may kaugnayan sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga hinirang ng Diyos.
Ang sumunod na paksang ito ay nauugnay sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga tagasilbi. Katatalakay pa lamang natin sa mga pinagmulan ng mga tagasilbi; ibig sabihin, ang katotohanan na nagkaroon silang muli ng katawan pagkatapos maging mga hindi mananampalataya at mga hayop sa nauna nilang buhay. Sa pagdating ng huling yugto ng gawain, pumili na ang Diyos ng isang grupo ng gayong mga tao mula sa mga hindi mananampalataya, at ang grupong ito ay espesyal. Ang layunin ng Diyos sa pagpili sa mga taong ito ay para magsilbi sila sa Kanyang gawain. Ang “pagsisilbi” ay isang salitang di-gaanong magandang pakinggan, ni hindi ito naaayon sa mga naisin ng lahat, ngunit dapat nating tingnan kung kanino ito nakatuon. Ang pag-iral ng mga tagasilbi ng Diyos ay may espesyal na kabuluhan. Wala nang iba pang maaaring gumanap sa kanilang papel, sapagkat pinili sila ng Diyos. At ano ang papel ng mga tagasilbing ito? Iyon ay para magsilbi sa mga hinirang ng Diyos. Kadalasan, ang papel nila ay magsilbi sa gawain ng Diyos, makipagtulungan dito, at tumulong sa Diyos sa paggawang ganap ng Kanyang mga hinirang. Nagtratrabaho man sila, nagsasagawa ng isang aspeto ng gawain, o gumaganap sa ilang tungkulin, ano ang kinakailangan ng Diyos sa mga tagasilbing ito? Mapaghanap ba Siyang masyado sa mga kinakailangan Niya sa kanila? (Hindi, hinihiling lamang Niya na maging tapat sila.) Ang mga tagasilbi ay kailangan ding maging tapat. Ano man ang iyong mga pinagmulan o bakit pinili ka ng Diyos, kailangan mong maging tapat sa Diyos, sa anumang mga tagubiling ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos, at sa gawaing responsibilidad mo at sa mga tungkuling ginagampanan mo. Para sa mga tagasilbing may kakayahang maging tapat at magpalugod sa Diyos, ano ang kanilang kahihinatnan? Magagawa nilang manatili. Isang pagpapala ba ang maging isang tagasilbi na nananatili? Ano ang kahulugan ng manatili? Ano ang kabuluhan ng pagpapalang ito? Sa katayuan, parang hindi sila kagaya ng mga hinirang ng Diyos; parang iba sila. Ngunit sa katunayan, hindi ba kagaya ng sa mga hinirang ng Diyos ang tinatamasa nila sa buhay na ito? Kahit paano, magkapareho iyon sa buhay na ito. Hindi ninyo ito ikinakaila, hindi ba? Mga pagbigkas ng Diyos, biyaya ng Diyos, panustos ng Diyos, mga pagpapala ng Diyos—sino ang hindi nagtatamasa ng mga bagay na ito? Lahat ay nagtatamasa ng gayong kasaganaan. Ang identidad ng isang tagasilbi ay isang taong nagsisilbi, ngunit para sa Diyos, isa lamang sila sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha; kaya lamang ang papel nila ay tagasilbi. Dahil kapwa sila mga nilalang ng Diyos, may pagkakaiba ba sa pagitan ng isang tagasilbi at ng isa sa mga hinirang ng Diyos? Sa totoo lang, wala. Kung tutuusin, may pagkakaiba; sa diwa at sa papel na ginagampanan nila, may pagkakaiba—ngunit patas ang pagtrato ng Diyos sa grupo ng mga taong ito. Kaya bakit inilalarawan ang mga taong ito bilang mga tagasilbi? Kailangan ninyong magkaroon ng kaunting pagkaunawa rito! Ang mga tagasilbi ay nagmumula sa mga hindi mananampalataya. Kapag binanggit natin na sila ay nagmumula sa mga hindi mananampalataya, malinaw na iisa ang masamang pinagmulan nila: Mga ateista silang lahat, at ganoon din sila noong araw; hindi sila naniwala sa Diyos, at galit sila sa Kanya, sa katotohanan, at sa lahat ng positibong bagay. Hindi sila naniwala sa Diyos o sa Kanyang pag-iral. Sa gayon, kaya ba nilang unawain ang mga salita ng Diyos? Makatarungang sabihin na kahit paano, hindi. Tulad lamang ng mga hayop na hindi kayang unawain ang mga salita ng tao, hindi nauunawaan ng mga tagasilbi ang sinasabi ng Diyos, ang Kanyang kinakailangan, o bakit Niya hinihingi ang gayong mga bagay. Hindi nila nauunawaan; hindi nila maintindihan ang mga bagay na ito, at nananatili silang nalalabuan. Dahil dito, hindi taglay ng mga taong ito ang buhay na ating napag-usapan. Kung walang buhay, mauunawaan ba ng mga tao ang katotohanan? Nasasangkapan ba sila ng katotohanan? May karanasan at kaalaman ba sila tungkol sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Gayon ang mga pinagmulan ng mga tagasilbi. Gayunman, yamang ginagawa ng Diyos na mga tagasilbi ang mga taong ito, may mga pamantayan pa rin sa Kanyang mga ipinagagawa sa kanila; hindi Niya sila hinahamak, ni hindi Siya padalus-dalos sa kanila. Bagama’t hindi nila naiintindihan ang Kanyang mga salita at wala silang buhay, mabait pa rin ang Diyos sa kanila, at mayroon pa ring mga pamantayan pagdating sa Kanyang mga kinakailangan sa kanila. Kababanggit pa lamang ninyo sa mga pamantayang ito: Maging tapat sa Diyos at gawin ang Kanyang sinasabi. Sa iyong pagsisilbi, kailangan mong magsilbi kung saan kailangan, at kailangan mong magsilbi hanggang sa pinakahuli. Kung kaya mong maging tapat na tagasilbi, kung kaya mong magsilbi hanggang sa pinakahuli at kaya mong tuparin ang tagubiling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, magiging makatuturan ang buhay mo. Kung kaya mong gawin ito, magagawa mong manatili. Kung magsisikap ka pa nang kaunti, kung higit kang magsusumikap, kung madodoble mo ang iyong mga pagpupunyaging makilala ang Diyos, kung makapagsasalita ka nang kaunti tungkol sa pagkilala sa Diyos, kung makapagpapatotoo ka sa Kanya, at, bukod pa riyan, kung mauunawaan mo nang kaunti ang Kanyang kalooban, kung kaya mong makipagtulungan sa gawain ng Diyos, at kaya mong isaisip nang kaunti ang mga layon ng Diyos, bilang isang tagasilbi, magbabago ang iyong kapalaran. At ano ang magiging pagbabagong ito sa kapalaran? Hindi ka na basta mananatili lamang. Depende sa iyong kilos at iyong personal na mga mithiin at hangarin, gagawin ka ng Diyos na isa sa mga hinirang. Ito ang magiging pagbabago sa iyong kapalaran. Para sa mga tagasilbi, ano ang pinakamabuting bagay tungkol dito? Iyon ay na maaari silang maging hinirang ng Diyos. Kung maging gayon sila, ibig sabihin ay hindi na sila magkakaroong muli ng katawan bilang mga hayop na tulad ng mga hindi mananampalataya. Mabuti ba iyon? Oo, at magandang balita rin iyon: Ibig sabihin, maaaring hubugin ang mga tagasilbi. Hindi totoo na para sa isang tagasilbi, kapag naitalaga na ng Diyos na magsilbi sila, gagawin nila iyon magpakailanman; hindi naman kailangang magkaganoon. Pamamahalaan at tutugunan sila ng Diyos sa isang paraan na akma sa indibiduwal na kilos ng taong ito.
Gayunman, may mga tagasilbi na hindi nagagawang magsilbi hanggang sa pinakahuli; mayroong mga sumusuko, sa kanilang pagsisilbi, sa kalagitnaan at tumatalikod sa Diyos, at may mga tao ring nakakagawa ng maraming pagkakamali. Mayroon pa ngang mga nagsasanhi ng matinding pinsala at nagdudulot ng malalaking kawalan sa gawain ng Diyos, at may mga tagasilbi pa nga na isinusumpa ang Diyos at iba pa. Ano ang ipinahihiwatig ng mga bungang ito na wala nang remedyo? Anumang gayong masasamang kilos ay magpapahiwatig ng pagtatapos ng kanilang pagsisilbi. Dahil ang iyong kilos sa iyong pagsisilbi ay lubhang hindi naging maganda at dahil nagmalabis ka na, kapag nakita ng Diyos na hindi tumutugon sa pamantayan ang iyong pagsisilbi, tatanggalan ka Niya ng iyong karapatang magsilbi. Hindi ka na Niya tutulutang magsilbi; paaalisin ka Niya mula sa Kanyang harapan mismo at mula sa tahanan ng Diyos. Ayaw mo ba talagang magsilbi? Hindi mo ba palaging gustong gumawa ng masama? Hindi ka ba palaging hindi tapat? Kung gayon, may isang madaling solusyon: Tatanggalan ka ng iyong karapatang magsilbi. Para sa Diyos, ang tanggalan ng karapatang magsilbi ang isang tagasilbi ay nangangahulugan na naipahayag na ang katapusan ng tagasilbing ito, at hindi na sila magiging karapat-dapat na magsilbi sa Diyos. Hindi na kakailanganin pa ng Diyos ang pagsisilbi ng taong ito, at anumang magagandang bagay ang sabihin nila, mawawalan ng kabuluhan ang mga salitang iyon. Kapag nakarating sa puntong ito ang mga bagay-bagay, nawalan na ng remedyo ang sitwasyon; wala nang paraan ang mga tagasilbing kagaya nito para makabalik. At paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tagasilbing katulad nito? Basta na lamang ba Niya sila pinatitigil sa pagsisilbi? Hindi. Basta na lamang ba Niya sila pinipigilang manatili? O, isinasantabi ba Niya sila sa isang sulok at hinihintay na pumihit sila? Hindi. Hindi talaga gaanong mapagmahal ang Diyos pagdating sa mga tagasilbi. Kung ganito ang pag-uugali ng isang tao sa kanilang pagsisilbi sa Diyos, ang Diyos, dahil sa pag-uugaling ito, ay tatanggalan sila ng kanilang karapatang magsilbi, at minsan pa silang itatapon pabalik sa mga hindi mananampalataya. At ano ang kapalaran ng isang tagasilbi na itinapon na pabalik sa mga hindi mananampalataya? Kapareho ng sa mga hindi mananampalataya: Magkakaroon silang muli ng katawan bilang hayop at tatanggap ng kaparehong parusa bilang isang hindi mananampalataya sa espirituwal na mundo. Bukod pa riyan, hindi magkakaroon ng personal na interes ang Diyos sa kaparusahan ng taong ito, sapagkat wala nang anumang kaugnayan ang gayong tao sa gawain ng Diyos. Hindi lamang ito ang katapusan ng kanilang buhay sa pananampalataya sa Diyos, kundi katapusan din ng sarili nilang kapalaran, at pagpapahayag din ng kanilang kapalaran. Kaya, kung hindi maganda ang pagsisilbi ng mga tagasilbi, kakailanganin nilang tiisin ang mga bunga nang mag-isa. Kung ang isang tagasilbi ay hindi kayang magsilbi hanggang sa pinakahuli, o tinanggalan ng karapatan nilang magsilbi sa kalagitnaan, itatapon sila sa mga hindi mananampalataya—at kapag nangyari ito, pakikitunguhan ang taong ito na kapareho ng ginagawa sa mga alagaing hayop, kapareho ng mga taong walang isip o pagkamakatwiran. Kapag sinasabi Ko ito sa ganyang paraan, nauunawaan ninyo, hindi ba?
Ang nabanggit sa itaas ay kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang siklo ng buhay at kamatayan ng Kanyang mga hinirang at ng mga tagasilbi. Matapos marinig ito, ano ang pakiramdam ninyo? Nabanggit Ko na ba ang paksang ito noon? Nabanggit Ko na ba ang paksa tungkol sa mga hinirang ng Diyos at mga tagasilbi? Nagawa Ko na talaga, ngunit hindi ninyo maalala. Ang Diyos ay matuwid sa mga taong Kanyang hinirang at sa mga tagasilbi. Sa lahat ng aspeto, Siya ay matuwid. May nakikita ba kayong anumang mali kahit saan dito? Wala bang mga taong magsasabing, “Bakit lubhang mapagparaya ang Diyos sa mga hinirang? At katiting lamang ang pagpipigil Niya sa mga tagasilbi?” Mayroon bang sinumang nais magtanggol sa mga tagasilbi? “Maaari kayang bigyan ng Diyos ng mas mahabang panahon ang mga tagasilbi, at mas magpigil at magparaya sa kanila?” Tama bang itanong iyon? (Hindi.) At bakit hindi? (Dahil napakitaan na talaga tayo ng pabor nang gawin tayong mga tagasilbi.) Napakitaan na ng pabor ang mga tagasilbi sa pagpapahintulot pa lamang sa kanila na magsilbi! Kung wala ang titulong “mga tagasilbi,” at kung wala ang gawaing ginagawa nila, saan mapupunta ang mga taong ito? Isasama sila sa mga hindi mananampalataya, na nabubuhay at namamatay na kasama ng mga alagaing hayop. Malalaking biyaya ang tinatamasa nila ngayon, nang pahintulutan silang humarap sa Diyos at pumunta sa tahanan ng Diyos! Napakalaking biyaya nito! Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng pagkakataong magsilbi, hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong humarap sa Kanya. Kung tutuusin, kahit isa kang Budista at nagtamo ka na ng kaganapan, kadalasan, isa ka lamang utusan sa espirituwal na mundo; hindi mo makakaharap ang Diyos, maririnig ang Kanyang tinig o Kanyang mga salita, o madarama ang Kanyang pagmamahal at mga pagpapala kailanman, ni hindi mo Siya posibleng makaharap kailanman. Ang tanging mga bagay na kinakaharap ng mga Budista ay mga simpleng gawain. Hindi nila posibleng makilala ang Diyos, at sumusunod at tumatalima lamang sila, samantalang ang mga tagasilbi ay nagtatamo ng napakarami sa yugtong ito ng gawain! Una, nakakaharap nila ang Diyos, naririnig ang Kanyang tinig, naririnig ang Kanyang mga salita, at nararanasan ang mga biyaya at pagpapalang ipinagkakaloob Niya sa mga tao. Bukod pa riyan, nagagawa nilang tamasahin ang mga salita at katotohanang ipinagkaloob ng Diyos. Marami talagang natatamo ang mga tagasilbi! Kaya, kung, bilang isang tagasilbi, ni hindi ka man lamang makapagbigay ng tamang pagsisikap, mapapanatili ka pa rin ba ng Diyos? Hindi ka Niya mapapanatili. Wala Siyang gaanong hinihiling sa iyo, subalit wala kang ginagawang anuman na maayos Niyang hinihiling; hindi ka nakatupad sa iyong tungkulin. Sa gayon, walang duda, hindi ka mapapanatili ng Diyos. Ganyan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi ka pinalalayaw ng Diyos, ngunit hindi rin Siya nagtatangi laban sa iyo. Iyan ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng pagkilos ng Diyos. Tinatrato ng Diyos ang lahat ng tao at nilalang sa ganitong paraan.
Pagdating sa espirituwal na mundo, kung ang iba-ibang nilalang na naroon ay may ginagawang mali o hindi nila ginagawa nang tama ang kanilang trabaho, mayroon ding nauukol na mga makalangit na utos at atas ang Diyos sa pakikitungo sa kanila; tiyak ito. Samakatuwid, sa loob ng ilang libong taon ng gawain ng pamamahala ng Diyos, ang ilang gumagawa ng tungkulin na nakagawa ng masama ay nalipol na, samantalang ang ilan—sa araw na ito mismo—ay nakakulong pa rin at pinarurusahan. Ito ang kailangang harapin ng bawat nilalang sa espirituwal na mundo. Kung gumawa sila ng mali o nakagawa ng kasamaan, pinarurusahan sila—at ganito rin ang pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga hinirang at sa mga tagasilbi. Sa gayon, kapwa sa espirituwal na mundo at sa materyal na mundo, hindi nagbabago ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng pagkilos ng Diyos. Nakikita mo man o hindi ang mga kilos ng Diyos, hindi nagbabago ang mga prinsipyo ng mga ito. Sa kabuuan, pareho ang mga prinsipyo ng Diyos sa Kanyang pakikitungo sa lahat ng bagay at sa Kanyang pamamahala sa lahat ng bagay. Hindi ito nababago. Magiging mabait ang Diyos sa mga hindi mananampalataya na namumuhay sa medyo tamang paraan, at maglalaan ng mga pagkakataon para sa mga nasa bawat relihiyon na maganda ang pag-uugali at hindi gumagawa ng masama, na tinutulutan silang gampanan ang kanilang tungkulin sa lahat ng bagay na pinamamahalaan ng Diyos at gawin yaong dapat nilang gawin. Gayundin, sa mga sumusunod sa Diyos, sa mga taong Kanyang hinirang, hindi nagtatangi ang Diyos laban sa sinumang tao ayon sa mga prinsipyo Niyang ito. Mabait Siya sa lahat ng tapat na sumusunod sa Kanya, at mahal Niya ang lahat ng tapat na sumusunod sa Kanya. Kaya lamang, para sa ilang uri ng mga taong ito—ang mga hindi mananampalataya, ang iba-ibang taong may pananampalataya, at ang mga hinirang ng Diyos—magkakaiba ang ipinagkakaloob Niya sa kanila. Ipaghalimbawa na ang mga hindi mananampalataya: Bagama’t hindi sila naniniwala sa Diyos, at ang tingin sa kanila ng Diyos ay mga hayop, bukod sa iba pa bawat isa sa kanila ay may pagkaing makakain, isang lugar na sarili nila, at isang normal na siklo ng buhay at kamatayan. Yaong mga gumagawa ng masama ay pinarurusahan, at yaong mga gumagawa ng mabuti ay pinagpapala at pinakikitaan ng kabaitan ng Diyos. Hindi ba ganyan ang nangyayari? Para sa mga taong may pananampalataya, kung magagawa nilang mahigpit na sundin ang kanilang relihiyosong mga tuntunin sa pamamagitan ng paulit-ulit na muling pagsilang, pagkatapos ng lahat niyaong pagkakaroong muli ng katawan, sa huli ay gagawin ng Diyos ang Kanyang pagpapahayag sa kanila. Gayundin, para sa inyo ngayon, isa ka man sa mga hinirang ng Diyos o sa mga tagasilbi, itutuwid din kayo ng Diyos at ipapasiya ang inyong kahihinatnan alinsunod sa mga regulasyon at atas administratibo na Kanyang naitakda. Sa mga uri ng mga taong ito, ang iba’t ibang uri ng mga taong may pananampalataya—ibig sabihin, ang mga kabilang sa iba-ibang relihiyon—nabigyan na ba sila ng Diyos ng lugar na matitirhan? Nasaan ang mga Hudyo? Nanghimasok ba ang Diyos sa kanilang pananampalataya? Hindi naman. At paano naman ang mga Kristiyano? Hindi rin Siya nanghimasok sa kanila. Hinahayaan Niya silang sumunod sa sarili nilang mga pamamaraan, hindi Niya sila kinakausap o binibigyan ng anumang kaliwanagan at, bukod pa riyan, hindi Siya naghahayag ng anuman sa kanila. Kung sa palagay mo ay tama ito, maniwala ka sa ganitong paraan. Ang mga Katoliko ay naniniwala kay Maria, at sa pamamagitan niya ipinasa ang balita tungkol kay Jesus; gayon ang paraan ng kanilang paniniwala. Itinama ba ng Diyos ang kanilang pananampalataya kailanman? Binibigyan Niya sila ng kalayaan; hindi Niya sila pinapansin at binibigyan Niya sila ng isang lugar na titirhan. Tungkol naman sa mga Muslim at Budista, hindi ba ganoon din Siya? Nagtakda na rin Siya ng mga hangganan para sa kanila, at tinutulutan silang magkaroon ng sarili nilang tirahan, nang hindi nanghihimasok sa kani-kanilang mga paniniwala. Lahat ay maayos. At ano ang nakikita ninyo sa lahat ng ito? Na may taglay na awtoridad ang Diyos, ngunit hindi Niya ito inaabuso. Ipinaplano ng Diyos ang lahat ng bagay sa perpektong kaayusan at ginagawa iyon sa maayos na paraan, at dito nakikita ang Kanyang karunungan at walang-hanggang kapangyarihan.
Natalakay natin ngayon ang isang bago at espesyal na paksa, tungkol sa mga bagay ng espirituwal na mundo, na kumakatawan sa isang aspeto ng pangangasiwa at kapamahalaan ng Diyos sa dakong iyon. Bago ninyo naunawaan ang mga bagay na ito, maaaring nasabi ninyong: “Lahat ng bagay na may kinalaman dito ay isang hiwaga, at walang kinalaman sa ating buhay pagpasok; ang mga bagay na ito ay hiwalay sa kung paano talaga nabubuhay ang mga tao, at hindi namin kailangang maunawaan ang mga ito, ni ayaw naming marinig ang tungkol sa mga ito. Talagang walang koneksyon ang mga ito sa pagkilala sa Diyos.” Ngayon, palagay ba ninyo may problema sa gayong pag-iisip? Tama ba iyon? (Hindi.) Ang gayong pag-iisip ay hindi tama at may malulubhang problema. Iyan ay dahil kung nais mong maintindihan kung paano pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, hindi mo maaaring basta maunawaan at unawain lamang yaong nakikita mo at kung ano ang naiintindihan ng iyong isipan; kailangan mo ring maunawaan ang ilan sa ibang mundo, na maaaring hindi mo nakikita ngunit hindi maihihiwalay sa mundong ito na iyong nakikita. Tungkol ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at tungkol ito sa paksang, “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.” Impormasyon ito tungkol diyan. Kung wala ang impormasyong ito, magkakaroon ng mga kapintasan at pagkukulang sa kaalaman ng mga tao kung paanong ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Kaya, ang napag-usapan natin ngayon ay masasabing naibuod ang ating naunang mga paksa, at natapos din ang nilalaman ng “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.” Sa pagkaunawa rito, nagagawa na ba ninyo ngayong makilala ang Diyos sa pamamagitan ng nilalamang ito? Ang mas mahalaga, ngayon ay naipasa Ko sa inyo ang isang napakahalagang impormasyon tungkol sa mga tagasilbi. Alam Ko na talagang nasisiyahan kayong makinig sa mga paksang katulad nito, at na nagmamalasakit talaga kayo tungkol sa mga bagay na ito. Sa gayon ay nasisiyahan ba kayo sa napag-usapan natin ngayon? (Oo.) Ang ilan sa iba pang mga bagay ay maaaring hindi nagbigay ng matinding impresyon sa inyo, ngunit ang nasabi Ko tungkol sa mga tagasilbi ay nakagawa ng partikular na matinding impresyon, sapagkat ang paksang ito ay umaantig sa kaluluwa ng bawat isa sa inyo.
Ang mga Kinakailangan ng Diyos sa Sangkatauhan
a. Ang Pagkakakilanlan at Katayuan ng Diyos Mismo
Natapos na tayo sa paksang “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay,” gayundin sa “Ang Diyos ang Natatanging Diyos Mismo.” Dahil nakatapos na tayo, kailangan nating ibuod ang mga ito. Anong klaseng buod ang kailangan nating gawin? Ito ay isang konklusyon tungkol sa Diyos Mismo. Dahil dito, kailangang magkaroon ito ng di-maiiwasang koneksyon sa bawat aspeto ng Diyos, gayundin sa kung paano naniniwala ang mga tao sa Diyos. Kaya nga, kailangan Ko munang itanong sa inyo: Ngayong narinig na ninyo ang mga sermon na ito, sino ang Diyos sa tingin ninyo? (Ang Lumikha.) Ang Diyos sa tingin ninyo ay ang Lumikha. May iba pa ba? Ang Diyos ang Panginoon ng lahat ng bagay. Angkop ba ang mga salitang ito? (Oo.) Ang Diyos ang Siyang namumuno sa lahat ng bagay at nangangasiwa sa lahat ng bagay. Nilikha Niya ang lahat ng narito, pinangangasiwaan Niya ang lahat ng narito, pinamumunuan Niya ang lahat ng narito, at tinutustusan Niya ang lahat ng narito. Ito ang katayuan ng Diyos, at ang Kanyang pagkakakilanlan. Para sa lahat ng bagay at sa lahat ng narito, ang tunay na pagkakakilanlan ng Diyos ay ang Lumikha at ang Pinuno ng lahat ng nilikha. Iyan ang pagkakakilanlan na taglay ng Diyos, at Siya ay natatangi sa lahat ng bagay. Wala ni isa sa mga nilikha ng Diyos—sa sangkatauhan man o sa espirituwal na mundo—ang maaaring gumamit ng anumang kaparaanan o katwiran para magkunwaring Diyos o pumalit sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, sapagkat Siya lamang, sa lahat ng bagay, ang nagtataglay ng pagkakakilanlan, kapangyarihan, awtoridad, at kakayahang ito na mamuno sa lahat ng nilikha: ang ating natatanging Diyos Mismo. Siya ay nabubuhay at gumagalaw sa lahat ng bagay; maaari Siyang umangat sa pinakamataas na lugar, sa ibabaw ng lahat ng bagay. Maaaring magpakumbaba Siya Mismo sa pamamagitan ng pagiging tao, pagiging isa sa mga may laman at dugo, at makaharap sa mga tao at makibahagi sa kanilang kaligayahan at kalungkutan, samantalang kasabay nito, inuutusan Niya ang lahat ng narito, at pinagpapasiyahan ang kapalaran ng lahat ng narito at kung saang direksyon patungo ang lahat ng ito. Bukod pa riyan, ginagabayan Niya ang kapalaran ng buong sangkatauhan, at pinapatnubayan ang direksyon ng sangkatauhan. Ang isang Diyos na tulad nito ay dapat sambahin, sundin, at kilalanin ng lahat ng nilalang na may buhay. Sa gayon, saanmang grupo o uri ng sangkatauhan ka nabibilang, ang paniniwala sa Diyos, pagsunod sa Diyos, pagkatakot sa Diyos, pagtanggap sa Kanyang panuntunan, at pagtanggap sa Kanyang mga pagsasaayos para sa iyong kapalaran ang tanging pagpipilian—ang kinakailangang pagpili—para sa sinumang tao at para sa anumang nilalang na may buhay. Sa pagiging natatangi ng Diyos, nakikita ng mga tao na ang Kanyang awtoridad, Kanyang matuwid na disposisyon, Kanyang diwa, at mga kaparaanan kung paano Niya tinutustusan ang lahat ng bagay ay ganap na natatanging lahat; ang pagiging natatanging ito ang tumutukoy sa tunay na pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, at ito ang tumutukoy sa Kanyang katayuan. Samakatuwid, sa lahat ng nilikha, kung nais pumalit ng anumang nilalang na may buhay sa espirituwal na mundo o sa sangkatauhan ang magnais sa lugar ng Diyos, imposibleng magtagumpay ito, tulad ng anumang pagtatangkang magkunwaring Diyos. Totoo ito. Ano ang mga kinakailangan ng sangkatauhan sa isang Lumikha at Pinunong tulad nito, na nagtataglay ng pagkakakilanlan, kapangyarihan, at katayuan ng Diyos Mismo? Dapat itong maging malinaw sa lahat, at dapat matandaan ng lahat; napakahalaga nito kapwa sa Diyos at sa tao!
b. Ang Iba-ibang Saloobin ng Sangkatauhan sa Diyos
Ang pagkilos ng mga tao tungo sa Diyos ang nagpapasiya sa kanilang kapalaran, gayundin ang pagkilos at pakikitungo ng Diyos sa kanila. Sa puntong ito, magbibigay Ako ng ilang halimbawa kung paano kumikilos ang mga tao tungo sa Diyos. Pakinggan natin at tingnan kung tama o mali ang kanilang mga pag-uugali at saloobin na kanilang ikinikilos tungo sa Diyos. Isipin natin ang pag-uugali ng sumusunod na pitong uri ng mga tao:
1) Mayroong isang uri ng tao na talagang kakatwa ang saloobin sa Diyos. Iniisip ng mga taong ito na ang Diyos ay parang isang Bodhisattva o isang banal na nilalang na may tradisyonal na kaalaman ng tao, at kailangang yumukod ang mga tao nang tatlong beses tuwing magkikita sila at magsisindi ng insenso pagkatapos nilang kumain. Dahil dito, tuwing nakadarama sila ng malaking pasasalamat para sa Kanyang biyaya at ng utang na loob sa Kanya, madalas silang magkaroon ng ganitong simbuyo. Malaki ang pagnanais nila na makaya ng Diyos na pinaniniwalaan nila ngayon, gaya ng banal na nilalang na pinananabikan nila sa kanilang puso, na tanggapin ang paraan ng pagyukod nila nang tatlong beses kapag nagkikita sila at nagsisindi ng insenso tuwing pagkatapos kumain.
2) Ang tingin ng ilang tao sa Diyos ay isang buhay na Buddha na kayang palayain ang lahat ng nabubuhay mula sa pagdurusa at iligtas sila; ang tingin nila sa Kanya ay isang buhay na Buddha na kaya silang ilayo mula sa dagat-dagatan ng pagdurusa. Ang paniniwala ng mga taong ito sa Diyos ay nangangailangan ng pagsamba sa Kanya bilang isang Buddha. Bagama’t hindi sila nagsisindi ng insenso, nagpapatirapa, o nagbibigay ng mga handog, sa kaibuturan ng kanilang puso, nadarama nila na ang Diyos ay katulad lamang ng isang Buddha na ang hinihiling lamang ay magpakabait sila at magkawanggawa, na huwag silang pumatay ng anumang bagay na may buhay, iwasan nilang murahin ang iba, mamuhay sila nang may katapatan, at huwag silang gumawa ng masama. Naniniwala sila na ang mga bagay na ito lamang ang Kanyang hinihiling sa kanila; ito ang Diyos na nasa kanilang puso.
3) Sinasamba ng ilang tao ang Diyos na para bang Siya ay isang taong dakila o bantog. Halimbawa, sa anumang kaparaanan gustuhing magsalita ng dakilang taong ito, sa anumang tono siya nagsasalita, ano mang mga salita at bokabularyo ang kanyang ginagamit, ang kanyang tono, mga kumpas ng kanyang kamay, kanyang mga opinyon at kilos, kanyang tinding—ginagaya nila ang lahat ng iyon, at ito ang mga bagay na kailangang lubos ibunga ng mga ito sa takbo ng kanilang paniniwala sa Diyos.
4) Ang tingin ng ilang tao sa Diyos ay isang hari, nadarama na Siya ay nangingibabaw sa lahat at na walang sinumang nangangahas na magkasala sa Kanya—at na kung gagawin iyon ng sinuman, parurusahan ang taong iyon. Sinasamba nila ang gayong hari dahil ang mga hari ay may puwang sa kanilang puso. Ang kanilang isipan, ugali, awtoridad, at likas na pagkatao—maging ang kanilang mga interes at personal na buhay—lahat ay nagiging isang bagay na pakiramdam ng mga taong ito ay kailangan nilang maunawaan; nagiging mga isyu at bagay ang mga ito na ipinag-aalala nila. Dahil dito, sinasamba nila ang Diyos bilang isang hari. Katawa-tawa ang gayong anyo ng paniniwala.
5) Ang ilang tao ay may partikular na pananampalataya sa pag-iral ng Diyos, at ang pananampalatayang ito ay malalim at hindi natitinag. Gayunman, dahil napakababaw ng kaalaman nila tungkol sa Diyos, at wala silang gaanong karanasan sa Kanyang mga salita, sinasamba nila Siya bilang isang idolo. Ang idolong ito ay ang Diyos na nasa kanilang puso; ito ay isang bagay na pakiramdam nila ay kailangan nilang at yukuran, at na kailangan nilang sundin at tularan. Ang tingin nila sa Diyos ay isang idolo na kailangan nilang sundin sa buong buhay nila. Ginagaya nila ang tono ng pagsasalita ng Diyos at, sa tingin, ginagaya nila yaong gusto ng Diyos. Madalas silang gumawa ng mga bagay na mukhang walang muwang, dalisay, at matapat, at sinusunod pa nila ang idolong ito na para bang isa itong kasosyo o kasamahan na hindi nila maaaring hiwalayan kailanman. Ganyan ang anyo ng kanilang paniniwala.
6) May isang uri ng mga tao na, kahit marami nang salita ng Diyos ang kanilang nabasa at maraming pangaral na ang kanilang narinig, nadarama nila sa kaibuturan ng kanilang puso na ang tanging prinsipyo sa likod ng kanilang pag-uugali sa Diyos ay na dapat nila palaging manuyo at magpaalipin, o na dapat nilang purihin ang Diyos at parangalan Siya sa isang paraang hindi makatotohanan. Naniniwala sila na ang Diyos ay isang Diyos na humihiling sa kanila na kumilos sa gayong paraan. Bukod pa riyan, naniniwala sila na kung hindi nila iyon gagawin, anumang oras ay maaaring mapukaw nila ang Kanyang galit o magkasala sila laban sa Kanya, at na dahil nagkasala sila, parurusahan sila ng Diyos. Ganyan ang Diyos na nasa kanilang puso.
7) At nariyan pa ang karamihan sa mga tao, na nakasusumpong ng espirituwal na pagkain sa Diyos. Ito ay dahil nabubuhay sila sa mundong ito, wala silang kapayapaan o kaligayahan, at hindi sila makasumpong ng kapanatagan saanman. Kapag natagpuan na nila ang Diyos, matapos nilang makita at marinig ang Kanyang mga salita, nagsisimula silang lihim na magalak at matuwa sa kanilang puso. Ito ay dahil naniniwala sila na sa wakas ay nakasumpong din sila ng isang lugar na magpapasaya sa kanilang espiritu, at na sa wakas ay nakahanap na sila ng isang Diyos na magbibigay sa kanila ng espirituwal na pagkain. Kapag natanggap na nila ang Diyos at nagsimula silang sumunod sa Kanya, nagiging masaya sila, at nagkakaroon ng kasiyahan ang kanilang buhay. Hindi na sila kumikilos na tulad ng mga hindi mananampalataya, na naglalakad nang tulog sa buhay gaya ng mga hayop, at nadarama nila na mayroon silang maaasahan sa buhay. Sa gayon, iniisip nila na ang Diyos na ito ay lubos na mabibigyang-kasiyahan ang kanilang espirituwal na mga pangangailangan at maghahatid sa kanila ng malaking kaligayahan kapwa sa isipan at espiritu. Hindi nila natatanto, hindi nila nagagawang talikuran ang Diyos na ito na nagbibigay sa kanila ng espirituwal na pagkain, at na naghahatid ng kaligayahan sa kanilang espiritu at sa lahat ng miyembro ng kanilang pamilya. Naniniwala sila na ang paniniwala sa Diyos ay walang ibang kailangang ibigay sa kanila kundi espirituwal na pagkain.
Mayroon bang sinuman sa inyo na nagtataglay ng iba-ibang nabanggit na mga saloobin sa Diyos? (Oo.) Kung, sa kanilang paniniwala sa Diyos, nakatanim ang gayong mga saloobin sa puso ng isang tao, nagagawa ba nilang tunay na humarap sa Diyos? Kung mayroon ang isang tao ng alinman sa mga saloobing ito sa kanilang puso, naniniwala ba sila sa Diyos? Naniniwala ba ang gayong tao sa natatanging Diyos Mismo? (Hindi.) Yamang hindi ka naniniwala sa natatanging Diyos Mismo, sino ang pinaniniwalaan mo? Kung ang pinaniniwalaan mo ay hindi ang natatanging Diyos Mismo, posibleng naniniwala ka sa isang idolo, o isang dakilang tao, o isang Bodhisattva, o sumasamba ka sa Buddha na nasa puso mo. Bukod pa riyan, posibleng naniniwala ka sa isang ordinaryong tao. Sa madaling salita, dahil sa iba-ibang anyo ng paniniwala at saloobin ng mga tao sa Diyos, inilalagay nila sa kanilang puso ang Diyos ng sarili nilang pagkaunawa, iginigiit ang kanilang imahinasyon sa Diyos, itinatabi nila sa natatanging Diyos Mismo ang kanilang mga saloobin at imahinasyon tungkol sa Diyos, at, pagkatapos, itinataas ang mga ito upang ialay sa Diyos. Ano ang ibig sabihin kapag may gayong di-angkop na mga saloobin ang mga tao sa Diyos? Ibig sabihin, itinakwil na nila ang tunay na Diyos Mismo at sinasamba ang isang huwad na diyos; ipinahihiwatig nito na samantalang naniniwala sa Diyos, itinatakwil at nilalabanan nila Siya, at na ikinakaila nila ang pag-iral ng tunay na Diyos. Kung palaging nanghahawakan ang mga tao sa gayong mga anyo ng paniniwala, anong mga kahihinatnan ang kakaharapin nila? Sa gayong mga anyo ng paniniwala, mas mapapalapit ba sila kailanman sa pagtupad sa mga kinakailangan ng Diyos? (Hindi, hindi nila magagawa.) Sa kabilang dako, dahil sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, lalo pang mapapalayo ang mga tao mula sa daan ng Diyos, sapagkat ang direksyong hinahangad nila ay salungat sa direksyong pinatatahak sa kanila ng Diyos. Narinig na ba ninyo ang kuwentong “patungong timog sa pagmamaniobra sa karuwahe patungong hilaga”? Maaaring kapareho ito ng patungong timog sa pagmamaniobra sa karuwahe patungong hilaga. Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos sa kakatwang paraang iyon, habang lalo kang nagsusumikap, lalo kang mapapalayo sa Diyos. Sa gayon, ipinapayo ko ito sa inyo: Bago kayo magsimula, kailangan mo munang mahiwatigan kung tama ang direksyong tinatahak mo. Magtuon sa inyong mga pagsisikap, at tiyaking itanong sa inyong sarili “Ang Diyos ba na aking pinaniniwalaan ang Pinuno ng lahat ng bagay? Ang Diyos ba na aking pinaniniwalaan ay isang tao lamang na nagbibigay sa akin ng espirituwal na pagkain? Siya ba ay idolo ko lamang? Ano ang hinihiling sa akin ng Diyos na ito na aking pinaniniwalaan? Sang-ayon ba ang Diyos sa lahat ng aking ginagawa? Nakaayon ba ang lahat ng aking kilos at hangarin sa pagsisikap na makilala ang Diyos? Naaayon ba ang mga ito sa Kanyang mga ipinagagawa sa akin? Kinikilala at sinasang-ayunan ba ng Diyos ang landas na aking tinatahak? Nalulugod ba Siya sa aking pananampalataya?” Dapat mong madalas at paulit-ulit na itanong sa iyong sarili ang mga ito. Kung nais mong maghangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, kailangan kang magkaroon ng malinaw na kamalayan at malinaw na mga layunin bago ka magtagumpay sa pagpapalugod sa Kanya.
Posible ba na, dahil sa Kanyang pagpaparaya, maaaring pagalit na tanggapin ng Diyos ang masasagwang saloobing ito na kababanggit ko? Maaari bang parangalan ng Diyos ang mga saloobin ng mga taong ito? (Hindi.) Ano ang mga kinakailangan ng Diyos sa mga tao at sa mga sumusunod sa Kanya? Anong uri ng saloobin ang hinihingi Niyang taglayin ng mga tao? May malinaw ba kayong ideya tungkol sa mga ito? Sa puntong ito, marami na Akong nasabi; marami na Akong nasabi sa paksa tungkol sa Diyos Mismo, gayundin tungkol sa Kanyang mga gawa at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Alam na ba ninyo ngayon kung ano ang nais matamo ng Diyos mula sa mga tao? Alam mo ba kung ano ang nais Niya mula sa iyo? Magsalita kayo. Kung kulang o lubhang mababaw pa rin ang inyong kaalaman mula sa mga karanasan at pagsasagawa, mayroon kayong masasabi tungkol sa inyong kaalaman tungkol sa mga salitang ito. Mayroon ba kayong buod na kaalaman? Ano ang hinihingi ng Diyos sa tao? (Sa ilang pagniniig na ito, tiniyak ng Diyos na hilingin na kilalanin natin Siya, alamin ang Kanyang mga gawa, alamin na Siya ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay, at maging pamilyar tayo sa Kanyang katayuan at pagkakakilanlan.) At, kapag hinihingi ng Diyos na kilalanin Siya ng mga tao, ano ang huling kahihinatnan nito? (Nauunawaan nila na ang Diyos ang Lumikha, at na ang mga tao ay mga nilalang.) Kapag nagtamo ang mga tao ng gayong kaalaman, ano ang mga pagbabagong nangyayari sa kanilang saloobin sa Diyos, sa kanilang pagganap sa tungkulin, o sa kanilang disposisyon sa buhay? Naisip na ba ninyo ito? Maaari bang sabihin na, pagkatapos makilala ang Diyos at maunawaan Siya, nagiging mabubuting tao sila? (Hindi kasama sa paniniwala sa Diyos ang paghahangad na maging mabuting tao. Sa halip, ito ang paghahangad na maging nilikha ng Diyos na umaabot sa pamantayan, at maging isang tapat na tao.) Mayroon pa bang iba? (Matapos ang tunay at tamang pagkilala sa Diyos, nagagawa namin Siyang tratuhin bilang Diyos; alam namin na ang Diyos ay palaging Diyos, na kami ay mga nilalang, na dapat naming sambahin ang Diyos, at na dapat kaming manatili sa aming tamang lugar.) Napakagaling! Pakinggan natin ang iba pa. (Kilala namin ang Diyos, at sa huli ay nagagawa naming maging mga tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos, natatakot sa Diyos, at lumalayo sa kasamaan.) Tama iyan!
c. Ang Saloobing Hinihingi ng Diyos na Taglayin ng Sangkatauhan sa Kanya
Ang totoo, hindi gaanong mapaghanap ang Diyos sa sangkatauhan—o, kahit paano, hindi Siya mapaghanap na tulad ng iniisip ng mga tao. Kung walang nabigkas ang Diyos na anumang mga salita, at kung hindi pa Siya nagpahayag ng Kanyang disposisyon o anumang mga gawa, magiging napakahirap para sa inyo ang makilala ang Diyos, sapagkat kakailanganin ng mga tao na mahiwatigan ang Kanyang layon at kalooban; napakahirap gawin nito. Gayunman, sa huling yugto ng Kanyang gawain, marami nang sinambit na mga salita ang Diyos, napakarami nang gawaing nagawa, at marami nang kinakailangan sa tao. Sa Kanyang mga salita, at sa napakarami Niyang gawain, naipaalam Niya sa mga tao kung ano ang gusto Niya, kung ano ang kinasusuklaman Niya, at kung anong klaseng mga tao sila dapat maging. Matapos maunawaan ang mga bagay na ito, dapat magkaroon ang mga tao ng tumpak na pakahulugan sa kanilang puso tungkol sa mga ipinagagawa ng Diyos, sapagkat hindi malabo ang kanilang paniniwala sa Diyos at hindi na sila naniniwala sa isang malabong Diyos, ni wala silang pananampalataya sa Diyos sa gitna ng kalabuan o kawalan. Sa halip, naririnig nila ang Kanyang mga pagbigkas, nauunawaan ang mga pamantayan ng Kanyang mga kinakailangan, at natatamo ang mga ito, at ginagamit ng Diyos ang pananalita ng sangkatauhan upang sabihin sa kanila ang lahat ng dapat nilang malaman at maunawaan. Ngayon, kung hindi pa rin alam ng mga tao kung ano ang Diyos at kung ano ang Kanyang mga kinakailangan sa kanila; kung hindi nila alam kung bakit dapat maniwala ang isang tao sa Diyos, ni kung paano maniwala sa Kanya o paano Siya tratuhin—may problema rito. Ngayon lamang, nagsalita ang bawat isa sa inyo tungkol sa isang partikular na aspeto; may kamalayan kayo tungkol sa ilang bagay, partikular man ang mga bagay na ito o pangkalahatan. Gayunman, nais Kong sabihin sa inyo ang tama, kumpleto, at partikular na mga kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan. Ilang salita lamang ang mga ito, at napakasimple; maaaring alam na ninyo ang mga ito. Ang tamang mga kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan at sa mga sumusunod sa Diyos ay ang mga sumusunod. Nangangailangan ang Diyos ng limang bagay sa mga sumusunod sa Kanya: tunay na pananampalataya, tapat na pagsunod, lubos na pagpapasakop, tunay na kaalaman, at taos-pusong pagkatakot.
Sa limang bagay na ito, kinakailangan ng Diyos na huwag nang magduda ang mga tao sa Kanya o sumunod sa Kanya gamit ang kanilang mga imahinasyon o malabo at mahirap unawaing mga pananaw; kailangan hindi nila dapat sundin ang Diyos batay sa anumang mga imahinasyon o kuru-kuro. Kinakailangan Niya na bawat isa sa mga sumusunod sa Kanya ay gawin iyon nang may katapatan, nang hindi nag-aalinlangan o umiiwas. Kapag may anumang mga kinakailangan ang Diyos sa iyo, sinusubok ka, hinahatulan ka, pinakikitunguhan at tinatabas ka, o dinidisiplina at sinasaktan ka, dapat kang lubos na magpasakop sa Kanya. Hindi mo dapat itanong ang dahilan o hindi ka dapat gumawa ng mga kundisyon, lalong hindi mo dapat banggitin ang mga dahilan. Kailangang maging lubos ang iyong pagsunod. Ang kaalaman tungkol sa Diyos ang bahaging kulang na kulang sa mga tao. Madalas nilang igiit ang mga kasabihan, pagbigkas, at mga salita ng Diyos na walang kaugnayan sa Kanya, na naniniwala na ang gayong mga salita ang pinakatumpak na pakahulugan ng kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi nila alam na ang mga kasabihang ito, na nagmumula sa mga imahinasyon ng tao, sa kanilang sariling pangangatwiran, at sa sarili nilang kaalaman, ay wala ni katiting na kaugnayan sa diwa ng Diyos. Sa gayon, nais Kong sabihin sa inyo na, pagdating sa kaalaman na hangad ng Diyos na taglayin ng mga tao, hindi lamang Niya hinihingi na makilala mo Siya at ang Kanyang mga salita, kundi na tama ang iyong kaalaman tungkol sa Kanya. Kahit isang pangungusap lamang ang masabi mo, o kakaunti lamang ang nababatid mo, ang kaunting kabatirang ito ay tama at totoo, at nakaayon sa diwa ng Diyos Mismo. Ito ay dahil kinasusuklaman ng Diyos ang anumang papuri o parangal sa Kanya na hindi makatotohanan o hindi pinag-isipan. Higit pa riyan, nagagalit Siya kapag tinatrato Siya ng mga tao na parang hangin. Nagagalit Siya kapag, sa oras ng pagtalakay sa mga paksa tungkol sa Diyos, nagsasalita ang mga tao nang walang paggalang sa mga katotohanan, nagsasalita kung kailan nila gusto at nang walang pag-aatubili, nagsasalita kung paano nila nakikitang akma; bukod pa riyan, nagagalit Siya sa mga naniniwala na kilala nila ang Diyos at ipinagyayabang ang kanilang kaalaman tungkol sa Kanya, tinatalakay ang mga paksang nauugnay sa Kanya nang walang pagtitimpi ni pangingimi. Ang huli sa nabanggit na limang kinakailangang iyon ay taos-pusong pagkatakot: Ito ang huling kinakailangan ng Diyos sa lahat ng sumusunod sa Kanya. Kapag taglay ng isang tao ang tama at tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, nagagawa nilang tunay na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Ang pagkatakot na ito ay nagmumula sa kaibuturan ng kanilang puso; ang pagkatakot na ito ay kusang ibinibigay, at hindi dahil sa pinilit sila ng Diyos. Hindi hinihingi ng Diyos na maghandog ka ng anumang mabuting saloobin, kilos, o panlabas na pag-uugali sa Kanya; sa halip, hinihingi Niya na matakot ka sa Kanya at pangambahan Siya mula sa kaibuturan ng iyong puso. Ang gayong pagkatakot ay natatamo dahil sa mga pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, sa pagtatamo ng kaalaman tungkol sa Diyos at pagkaunawa sa mga gawa ng Diyos, sa pag-unawa sa diwa ng Diyos, at sa pagkilala mo sa katotohanan na isa ka sa mga nilalang ng Diyos. Samakatuwid, ang Aking layunin sa paggamit ng salitang “taos-puso” upang bigyang-depinisyon dito ang pagkatakot ay para maunawaan ng mga tao na ang kanilang pagkatakot sa Diyos ay dapat magmula sa kaibuturan ng kanilang puso.
Ngayon ay isaalang-alang ang limang kinakailangang iyon: Mayroon bang sinuman sa inyo na may kakayahang makamit ang unang tatlo? Dito, tinutukoy Ko ang tunay na paniniwala, tapat na pagsunod, at lubos na pagpapasakop. Mayroon bang sinuman sa inyo na may kakayahang gawin ang mga bagay na ito? Alam Ko na kung sinabi Kong lahat ng lima, walang kaduda-duda na walang isa man sa inyo ang mayroon, ngunit ibinaba Ko na ang bilang sa tatlo. Pag-isipan ninyo kung nakamtan na ninyo ang mga bagay na ito o hindi. Madali bang magtamo ng “tunay na pananampalataya?” (Hindi.) Hindi ito madali, para sa mga taong madalas magduda sa Diyos. At paano naman ang “tapat na pagsunod”? Ano ang tinutukoy ng “tapat”? (Hindi pag-aalinlangan, kundi sa halip ay buong puso.) Napuruhan ninyo! Kaya, kaya ba ninyong makamtan ang kinakailangang ito? Kailangan ninyong magsikap pang mabuti, hindi ba? Sa ngayon, kailangan pa ninyong magtagumpay sa kinakailangang ito! Ano naman ang “ganap na pagpapasakop”—nakamtan na ba ninyo iyon? (Hindi.) Hindi pa rin ninyo nakakamtan iyon. Madalas kayong masuwayin at suwail; madalas kayong hindi nakikinig, ayaw ninyong sumunod, o ayaw ninyong makarinig. Ito ang tatlo sa pinakamahahalagang kinakailangang tugunan ng mga tao pagkatapos magkamit ng buhay pagpasok, ngunit kailangan pa ninyong makamtan ang mga ito. Sa gayon, sa ngayon, mayroon ba kayong malaking potensyal? Ngayon, nang marinig ninyo Akong sabihin ang mga salitang ito, nag-aalala ba kayo? (Oo.) Tama lamang na dapat kayong mag-alala. Huwag ninyong subukang iwasan na mag-alala. Nag-aalala Ako para sa inyo. Hindi Ko na babanggitin ang dalawa pang kinakailangan; walang duda, walang sinuman dito ang may kakayahang makamtan ang mga ito. Nag-aalala kayo. Kaya, napagpasiyahan na ba ninyo ang inyong mga layunin? Anong mga layunin, at sa anong direksyon, ang dapat ninyong hangarin at paglaanan ng inyong mga pagsisikap? Mayroon ba kayong layunin? Hayaan ninyo Akong magsalita nang malinaw: Kapag nakamit na ninyo ang limang kinakailangang ito, mapapalugod ninyo ang Diyos. Bawat isa sa mga ito ay isang tagapagpahiwatig, at isa ring panghuling layon, ng pagkahinog ng buhay pagpasok ng isang tao. Kahit isa lamang sa mga kinakailangang ito ang pinili Kong banggitin nang detalyado, at inuutusan Ko kayong tugunan ito, hindi ito magiging madaling makamit; kailangan ninyong magtiis ng partikular na antas ng paghihirap at maglaan ng partikular na pagsisikap. Anong uri ng mentalidad ang dapat ninyong taglayin? Dapat ay katulad ito ng sa isang pasyenteng may kanser na naghihintay na maoperahan. Bakit Ko sinasabi ito? Kung nais mong maniwala sa Diyos, at kung nais mong matamo ang Diyos at ang Kanyang kasiyahan, maliban kung magtiis ka ng partikular na antas ng sakit at maglaan ng partikular na pagsisikap, hindi mo makakamtan ang mga bagay na ito. Marami na kayong narinig na pangaral, ngunit ang marinig lamang ito ay hindi nangangahulugan na inyo ang sermon na ito; kailangan mong namnamin ito at gawin itong isang bagay na pag-aari mo. Kailangan mong ilangkap ito sa iyong buhay at isama ito sa iyong pag-iral, na tinutulutan ang mga salita at pangaral na ito na gabayan ang paraan ng iyong pamumuhay at maghatid ng kabuluhan at kahulugan sa iyong buhay. Kapag nangyari iyon, magiging sulit ang pakikinig mo sa mga salitang ito. Kung ang mga salitang Aking sinasambit ay hindi naghahatid ng anumang pagbabago sa iyong buhay o nagdaragdag ng anumang halaga sa iyong pag-iral, walang dahilan para pakinggan mo ang mga ito. Nauunawaan ninyo ito, hindi ba? Dahil naunawaan ninyo ito, nakasalalay na sa inyo ang susunod na mangyayari. Kailangan ninyong kumilos! Kailangan kayong magsumigasig sa lahat ng bagay! Huwag magpatumpik-tumpik; lumilipas ang oras! Karamihan sa inyo ay naniwala na sa Diyos sa loob ng mahigit sampung taon. Lingunin ang sampung taong ito: Gaano karami na ang inyong natamo? At ilang dekada pa ang natitira sa inyo sa buhay na ito? Hindi na mahaba. Kalimutan kung naghihintay man sa iyo ang gawain ng Diyos, kung nag-iwan Siya ng pagkakataon sa iyo, o kung gagawin Niyang muli ang kaparehong gawain—huwag banggitin ang mga bagay na ito. Maibabalik mo ba ang takbo ng nakaraang sampung taon ng iyong buhay? Sa bawat araw na lumilipas, at sa bawat hakbang na ginagawa mo, isang araw ang nababawas sa iyo. Hindi naghihintay ang oras kaninuman! Mayroon ka lamang matatamo mula sa iyong pananampalataya sa Diyos kung ituturing mo itong pinakadakilang bagay sa iyong buhay, mas mahalaga pa kaysa pagkain, damit, o anupaman. Kung naniniwala ka lamang kapag may panahon ka, at hindi mo kayang ilaan ang buong pansin mo sa iyong pananampalataya, at kung palagi kang nakalublob sa kalituhan, wala kang mapapala. Nauunawaan ninyo ito, hindi ba? Magtatapos tayo dito para ngayon! Magkita-kita tayong muli sa susunod!
Pebrero 15, 2014