Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan

Ang maayos na pagtutulungan ay kailangan sa wastong pagtupad ng tungkulin. Dahil lahat ng tao ay may tiwaling mga disposisyon at walang nagtataglay ng katotohanan, sa pamamagitan lamang ng maayos na pagtutulungan nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ang maayos na pagtutulungan ay hindi lamang kapaki-pakinabang sa pagpasok sa buhay ng mga tao, kundi maging sa wastong pagtupad sa kanilang mga tungkulin, at sa gawain ng iglesia. Ang mga taong nakikipagtulungan nang maayos ay mga taong relatibong may mabuting pagkatao at pagkamatapat, ngunit kung ang pagkatao ng isang tao ay hindi mabuti, kung siya ay masyadong mapagmataas at mapagmagaling, o masyadong baluktot at mapanlinlang, kung gayon ay imposibleng makipagtulungan siya nang maayos sa iba. Ang ilang tao ay hindi nakikibahagi sa matapat na gawain, hindi maingat sa pagtupad sa kanilang tungkulin, at laging gumagawa ng masasama. Ang ganitong mga tao ay hindi magagawang makipagtulungan sa iba, at hindi sila magkakaroon ng maayos na ugnayan o samahan sa sinuman. Ang gayong mga tao ay walang pagkatao, at nabibilang sa mga hayop at sa diyablong si Satanas. Lahat ng masunurin at mapagpasakop na taong may mabuting pagkatao ay tiyak na magkakaroon ng mga resulta sa pagtupad sa kanilang tungkulin, at madali silang makikipagtulungan sa iba. Para naman sa mga hindi matapat na gumagampan sa kanilang tungkulin, na nanggugulo, o nanggagambala pa nga sa ibang tao na tumutupad sa kanilang tungkulin—kung hindi sila nagbabago pagkatapos ng maraming payo, at hindi kailanman nakaiisip na magsisi, laging nagdudulot ng mga paggambala at kaguluhan sa kanilang mga tungkulin, at ang kalidad ng kanilang pagkatao ay kasuklam-suklam, kung gayon ay dapat silang agarang alisin, upang maiwasang magdulot ng kaguluhan o kapahamakan sa gawain ng iglesia. Ito ay isang problemang dapat lutasin ng mga lider at manggagawa.

Ang ilang tao ay iresponsable kapag tinutupad ang kanilang tungkulin, na nagreresulta sa gawaing laging kailangang ulitin. Malubha itong nakaaapekto sa pagiging epektibo ng gawain. Bukod sa kakulangan ng isang tao sa kadalubhasaan at karanasan, may iba pa bang mga dahilan sa paglitaw ng problemang ito? (Kung ang isang tao ay medyo mapagmataas at mapagmagaling, nagdedesisyong mag-isa, at hindi ginagampanan ang kanyang tungkulin ayon sa prinsipyo.) Ang kadalubhasaan at karanasan ay maaaring matutuhan at maipon nang paunti-unti, pero kung may problema sa disposisyon ng isang tao, sa tingin ba ninyo ay madali itong lutasin? (Hindi ito madali.) Kung gayon, paano ito dapat na lutasin? (Ang tao ay dapat na makaranas ng pagkastigo at paghatol, at dapat na matabasan at maiwasto.) Kailangan niyang maranasan ang paghatol at pagkastigo, at matabasan at maiwasto—ang mga salitang ito ay tama, ngunit maaari lamang makamit ng mga taong naghahangad ng katotohanan. Matatanggap ba ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan ang pagtatabas at pagwawasto? Hindi nila matatanggap. Kapag palaging kailangang uliting gawin ang trabaho habang ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, ang pinakamalaking problema ay hindi ang kakulangan sa dalubhasang kaalaman o kawalan ng karanasan, kundi dahil lubha silang mapagmagaling at mayabang, dahil hindi sila maayos na nagtutulungan, kundi nagpapasya at kumikilos sila nang mag-isa—na ang resulta ay ginugulo nila ang trabaho, at wala silang natatapos, at nasasayang ang lahat ng pagsisikap. At ang pinakamatinding problema rito ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kapag napakatindi ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, hindi na sila mabubuting tao, masasamang tao na sila. Ang mga disposisyon ng masasamang tao ay mas higit na matindi kaysa sa mga ordinaryong tiwaling disposisyon. Malamang na makagawa ng masasamang gawa ang masasamang tao, malamang na gambalin at guluhin nila ang gawain ng iglesia. Ang tanging kayang gawin ng masasamang tao kapag ginagampanan nila ang isang tungkulin ay ang hindi maayos na gawin at guluhin ang mga bagay-bagay; ang kanilang paglilingkod ay mas nakakasama kaysa nakakabuti. Ang ilang tao ay hindi masama, ngunit ginagampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon—at wala rin silang kakayahang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Sa kabuuan, ang mga tiwaling disposisyon ay labis na nakasasagabal sa mga taong ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Aling aspeto ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa palagay ninyo, ang may pinakamalaking epekto sa bisa ng pagganap nila sa kanilang tungkulin? (Pagmamataas at pagmamagaling.) At ano ang mga pangunahing pagpapamalas ng pagmamataas at pagmamagaling? Paggawa ng desisyon nang mag-isa, paggawa ng kung ano ang gusto ninyo, hindi pakikinig sa mga mungkahi ng ibang tao, hindi pagkonsulta sa iba, hindi pakikipagtulungan nang maayos, at laging pagsisikap na kayo ang may huling desisyon sa mga bagay-bagay. Kahit na may ilang kapatid na nagtutulungan sa paggawa ng isang partikular na tungkulin, ginagawa ng bawat isa ang kanilang sariling gawain, may ilang lider ng grupo o tagapangasiwa ang laging gustong sila ang may huling desisyon; anuman ang kanilang ginagawa, hindi sila nakikipagtulungan nang maayos sa iba, at hindi sila nakikipagbahaginan at padalus-dalos na ginagawa ang mga bagay-bagay nang hindi nakikipagkasundo sa iba. Gusto nilang makinig ang lahat sa kanila, at narito ang problema. Higit pa, kapag nakita ng iba ang problema, ngunit hindi lumabas para pigilin ang taong namumuno, sa huli ay nagdudulot ito ng isang sitwasyon kung saan ang mga tao ay hindi epektibo sa kanilang mga tungkulin, talagang nagugulo ang gawain, at lahat ng sangkot ay kailangang ulitin ang kanilang trabaho, pinapagod ang kanilang sarili sa proseso. Sino ang may pananagutan sa pagdudulot ng gayon katinding resulta? (Ang taong namumuno.) May pananagutan din ba ang ibang taong nasasangkot? (Oo, mayroon.) Ang taong namumuno ay nagdesisyong mag-isa, pinipilit na gawin ang mga bagay sa kanilang paraan, at nakita ng iba ang problema, pero walang ginagawa upang pigilin sila, at mas seryoso pa, sumusunod pa sila; hindi ba sila nagiging mga kasabwat? Kapag hindi mo pinigilan, hinarangan, o nilantad ang taong ito, sa halip ay sumunod sa kanila at pinayagan silang manipulahin ka, hindi mo ba binibigyan ng kalayaan si Satanas na guluhin ang gawain ng iglesia? Tiyak na problema ninyo ito. Kapag may nakikita kayong problema pero wala kayong ginagawa para pigilan ito, hindi kayo nagbabahagi tungkol dito, at hindi ninyo sinusubukang limitahan ito, at dagdag pa roon, hindi ninyo ito iniuulat sa mga nakatataas sa inyo, kundi nagiging mapagpalugod kayo sa ibang tao, tanda ba ito ng kawalang-katapatan? Tapat ba sa Diyos ang mga mapagpalugod sa mga tao? Hindi ni katiting. Ang gayong tao ay hindi lamang walang katapatan sa Diyos—kumikilos pa siya bilang isang kasabwat ni Satanas, katulong at alagad nito. Wala siyang katapatan sa kanyang tungkulin at responsabilidad, ngunit kay Satanas, lubos siyang tapat. Narito ang diwa ng problema. Pagdating sa propesyonal na kakulangan, posible na patuloy na matuto at pagsamahin ang inyong mga karanasan habang ginagampanan ang inyong tungkulin. Ang ganitong problema ay madaling lutasin. Ang pinakamahirap na lutasin ay ang tiwaling disposisyon ng tao. Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan o nilulutas ang inyong tiwaling disposisyon, kundi palagi kayong nagiging mapagpalugod sa mga tao, at hindi ninyo iwinawasto o tinutulungan ang mga taong nakita ninyong lumalabag sa mga prinsipyo, ni hindi ninyo sila inilalantad o ibinubunyag, kundi palagi kayong umaatras, hindi ninyo inaako ang responsabilidad, ang gayong pagganap sa tungkulin na tulad ng sa inyo ay ikokompromiso lamang at aantalahin ang gawain ng iglesia. Ang pagturing sa pagtupad ng iyong tungkulin bilang isang maliit na bagay nang hindi umaako ng kahit kaunting responsabilidad ay hindi lamang nakaaapekto sa pagiging epektibo ng gawain, kundi humahantong din sa paulit-ulit na pagkaantala sa gawain ng iglesia. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba’t ginagawa mo lang kung ano ang puwede na at nagiging mapanlinlang ka sa Diyos? Nagpapakita ba ito ng anumang debosyon sa Diyos? Kung lagi kang nagsisikap na gawin lang kung ano ang puwede na habang tumutupad sa iyong tungkulin, at patuloy kang walang pagsisisi, hindi maiiwasang itiwalag ka.

Paano mo dapat harapin ang mga paghihirap na nararanasan mo habang ginagampanan ang iyong tungkulin? Ang pinakamainam na paraan ay ang sama-samang hanapin ng lahat ang katotohanan para lutasin ang isang problema at magkaroon ng pagkakasundo. Hangga’t nauunawaan mo ang mga prinsipyo, malalaman mo kung ano ang gagawin. Ito ang pinakamainam na paraan para lutasin ang mga problema. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan para malutas ang isang problema, at sa halip ay kumikilos ka lamang ayon sa iyong mga personal na haka-haka at imahinasyon, kung gayon ay hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin. Ano ang pagkakaiba nito sa paggawa sa isang sekular na lipunan o sa mundo ni Satanas? Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan, at ng Diyos. Kahit anong problema ang lumitaw, dapat hanapin ang katotohanan para malutas ito. Gaano man karaming iba’t ibang opinyon ang mayroon o gaano man kalaki ang kanilang pagkakaiba, ang lahat ng ito ay dapat banggitin at pagbahaginan. Pagkatapos, matapos magkaroon ng pagkakasundo, dapat kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, hindi mo lang malulutas ang problema, kundi maisasagawa mo rin ang katotohanan at maayos na magagampanan ang iyong tungkulin. Maaari mo ring makamit ang maayos na pakikipagtulungan sa panahon ng proseso ng paglutas ng problema. Kung ang lahat ng gumagawa ng kanilang tungkulin ay nagmamahal sa katotohanan, kung gayon ay madali para sa kanila na tanggapin at sundin ang katotohanan; ngunit kung sila ay mapagmataas at mapagmagaling, hindi madali sa kanila na tanggapin ang katotohanan, kahit na nagbabahagi ang mga tao tungkol dito. May mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan, ngunit laging gustong makinig sa kanila ang iba. Ang mga taong ganito ay nakaaabala sa iba na gumagawa ng tungkulin. Ito ang ugat ng isyu, at dapat itong lutasin bago magampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao. Kung, sa paggawa ng kanyang tungkulin, ang isang tao ay laging mapagmataas at matigas ang ulo, laging nagdedesisyong mag-isa, ginagawa ang lahat nang walang pag-iingat at ayon sa sariling kagustuhan, nang hindi nakikipagtulungan o nakikipag-usap sa ibang tao, at hindi naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo—anong uri ng saloobin ito ng isang tao sa kanyang tungkulin? Maaari bang maayos na magampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin sa ganitong paraan? Kung ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman tumatanggap ng pagtatabas at pagwawasto, hindi tumatanggap ng katotohanan, at patuloy pa rin sa paggawa ng mga bagay-bagay sa kanilang sariling paraan, nang padalos-dalos at ayon sa sariling kagustuhan, nang hindi nagsisisi o nagbabago—kung gayon ay hindi lang ito problema sa saloobin, kundi problema sa kanyang pagkatao at karakter. Ito ay isang taong walang pagkatao. Magagampanan ba nang maayos ng isang taong walang pagkatao ang kanyang tungkulin? Siyempre ay hindi. Kung, habang ginagawa ang kanyang tungkulin, ang isang tao ay gumagawa pa nga ng lahat ng karumal-dumal na gawain at ginagambala ang gawain ng iglesia, kung gayon ay masama siyang tao. Ang gayong mga tao ay hindi angkop na gawin ang kanilang tungkulin. Ang paggampan nila sa kanilang tungkulin ay nagreresulta lamang sa kaguluhan at pinsala, at nagdudulot ng higit na kapinsalaan kaysa kabutihan, kaya dapat silang madiskuwalipika sa paggampan sa kanilang tungkulin at maalis sa iglesia. Kaya naman ang abilidad ng isang tao na gampanan nang mahusay ang kanyang tungkulin ay hindi lamang nakasalalay sa kanyang kakayahan, kundi pangunahin sa kanyang saloobin sa kanyang tungkulin, sa kanyang karakter, kung mabuti o masama ang kanyang pagkatao, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Ito ang mga pinaka-isyu. Kung ang iyong puso ay nasa iyong tungkulin, kung ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya at kumikilos ka nang buong-puso, kung may seryoso at matapat kang saloobin sa pagtupad sa iyong tungkulin, kung masigasig at masikap ka; ito ang mga bagay na tinitingnan ng Diyos, at sinusuri ng Diyos ang lahat. Matutupad ba nang maayos ng mga tao ang kanilang mga tungkulin kung karamihan sa kanila ay iresponsable at walang sinuman ang masigasig, at kahit na nalalaman nila sa kanilang puso kung ano ang tamang gawin, hindi sila nagsusumikap para sa mga prinsipyo, at walang sinuman ang sumeseryoso rito? Sa ganitong uri ng sitwasyon, ang mga lider at manggagawa ay dapat magsubaybay, magsiyasat, at mag-alok ng paggabay, o humanap ng responsableng taong magiging lider ng grupo o taong mamamahala. Sa ganitong paraan, karamihan sa mga tao ay maitutulak na kumilos, at makakamit ang isang magandang resulta kapag ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Kung may isang taong lilitaw na nanggugulo at namiminsala, hayaan siyang maalis nang direkta, dahil kapag nalutas ang pinakaproblema, magiging madali para sa mga tao na maging epektibo sa kanilang tungkulin. Ang ilang tao ay maaaring may kaunting kakayahan, ngunit iresponsable sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin. Maaaring mayroon silang mga kasanayang teknikal o propesyonal na kaalaman, ngunit hindi ito itinuturo sa ibang tao. Dapat malutas ng mga lider at manggagawa ang problemang ito. Dapat silang magbahagi sa mga taong iyon, at hikayatin ang mga ito na ituro ang kanilang mga kasanayan sa iba, upang sa lalong madaling panahon ay matutuhan ng iba ang mga kasanayan, at maging dalubhasa sa propesyonal na kaalaman. Bilang isang taong bihasa sa propesyonal na kaalaman, hindi ka dapat magmagaling o magmalaki sa iyong mga kuwalipikasyon; dapat mong ituro nang maagap ang iyong mga kasanayan at kaalaman sa mga baguhan, para lahat ay sama-samang magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin. Maaaring ikaw ang pinakamaalam tungkol sa iyong propesyon at nangunguna pagdating sa kasanayan, ngunit ito ay isang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos, at dapat mo itong gamitin upang magampanan ang iyong tungkulin at mapakinabangan ang iyong mga kalakasan. Gaano ka man kasanay o katalentado, hindi mo kakayaning mag-isa ang gawain; mas mabisang nagagampanan ang isang tungkulin kung ang bawat isa ay kayang unawain ang mga kasanayan at kaalaman ng isang propesyon. Ayon nga sa kasabihan, “Anuman ang tibay ng piling abaka, ay wala ring lakas kapag nag-iisa.” Gaano man kahusay ang isang indibidwal, kung wala ang tulong ng iba, hindi ito sapat. Samakatuwid, walang sinuman ang dapat maging mapagmataas at walang sinuman ang dapat maghangad na kumilos o magdesisyon nang mag-isa. Dapat talikuran ng mga tao ang laman, isantabi ang kanilang sariling mga ideya at opinyon, at makipagtulungan nang maayos sa lahat. Ang sinumang may propesyonal na kaalaman ay dapat na buong pagmamahal na tumulong sa iba, upang maging dalubhasa rin ang iba sa mga kasanayan at kaalamang ito. Kapaki-pakinabang ito sa pagganap sa tungkulin. Kung ang pagkakaroon ng kasanayan ay laging tinitingnan at tinuturing bilang pagkakakitaan, at natatakot ka na ang pagtuturo nito sa iba ay magreresulta sa iyong pagkagutom—ito ang pananaw ng mga hindi mananampalataya. Ito ay isang makasarili, kasuklam-suklam na gawain, at hindi ito tatanggapin sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo kailanman magawang tanggapin ang katotohanan, at hindi ka kailanman handang tumupad ng serbisyo, ititiwalag ka lamang. Kung iniisip mo ang kalooban ng Diyos at handa kang maging tapat sa gawain ng Kanyang sambahayan, dapat mong ialay ang lahat ng iyong mga kalakasan at kasanayan, upang matutunan at maunawaan ng iba ang mga ito, at magampanan nila nang mas mahusay ang kanilang mga tungkulin. Ito ang naaayon sa kalooban ng Diyos; ang gayong mga tao lamang ang may pagkatao, at sila ay minamahal at pinagpapala ng Diyos.

Ano ang dapat gawin ng isang tao para magampanan niya nang mabuti ang kanyang tungkulin? Dapat niya itong magampanan nang buong puso at buong lakas. Ang ibig sabihin ng paggamit ng buong puso at buong lakas ng isang tao ay pagtuon ng buong isip niya sa pagganap sa kanyang tungkulin at hindi pagpapahintulot na maging abala siya sa ibang bagay, at pagkatapos ay paggamit sa lakas na taglay niya, paggugol sa buong lakas niya, at pagdadala ng kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan niya, at ng mga bagay na kanyang naunawaan para gamitin sa gawain. Kung may abilidad kang umunawa at umintindi, at mayroon kang magandang ideya, dapat mong kausapin ang iba tungkol doon. Ito ang ibig sabihin ng maayos na pakikipagtulungan. Ganito mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, ganito mo makakamit ang katanggap-tanggap na pagganap ng iyong tungkulin. Kung nais mo palaging akuin ang lahat ng bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging gumawa ng malalaking bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging nasa iyo ang atensyon at hindi sa iba, ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? Ang ginagawa mo ay tinatawag na paghahari-harian; pagpapakitang-gilas iyon. Satanikong pag-uugali iyon, hindi pagganap sa tungkulin. Walang sinuman, anuman ang kanyang mga kalakasan, mga kaloob, o espesyal na mga talento, ang kayang umako sa lahat ng gawain nang mag-isa; dapat siyang matutong makipagtulungan nang maayos kung nais niyang magawa nang mabuti ang gawain ng iglesia. Iyon ang dahilan kung bakit ang maayos na pakikipagtulungan ay isang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagganap sa tungkulin ng isang tao. Basta’t ginagamit mo ang iyong buong puso at buong lakas at buong katapatan, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin. Kung mayroon kang saloobin o ideya, sabihin mo ito sa iba; huwag mo itong pigilan o itago—kung mayroon kang mga mungkahi, ibigay mo ang mga ito; kung kaninong ideya ang alinsunod sa katotohanan ay dapat tanggapin at sundin. Gawin mo ito, at makakamit mo ang maayos na pakikipagtulungan. Ito ang ibig sabihin ng matapat na pagganap sa tungkulin ng isang tao. Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi mo dapat akuin ang lahat nang mag-isa, ni hindi ka dapat magpakamatay sa katatrabaho, o maging “ang tanging bulaklak na namumukadkad” o taong mapagsarili; bagkus, dapat mong matutuhan kung paano makipagtulungan nang maayos sa iba, at gawin ang lahat ng makakaya mo, para tuparin ang mga responsabilidad mo, para ibuhos ang buong lakas mo. Iyon ang ibig sabihin ng pagganap sa iyong tungkulin. Ang pagganap sa iyong tungkulin ay paggamit sa lahat ng lakas at liwanag na taglay mo upang magkamit ng isang resulta. Sapat na iyon. Huwag mong palaging subukang magpasikat, palaging magsabi ng matatayog na bagay, at gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Dapat matutuhan mo kung paano makipagtulungan sa iba, at dapat mas tumuon ka sa pakikinig sa mga mungkahi ng iba at pagtuklas sa kanilang mga kalakasan. Sa ganitong paraan, magiging madali ang pakikipagtulungan nang maayos. Kung palagi mong sinusubukan na magpasikat at ikaw ang masunod, hindi ka nakikipagtulungan nang maayos. Ano ang ginagawa mo? Nagdudulot ka ng kaguluhan at nangmamaliit ng iba. Ang pagdudulot ng kaguluhan at pangmamaliit ng iba ay pagganap sa papel ni Satanas; hindi iyon pagganap ng tungkulin. Kung palagi kang gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kaguluhan at nangmamaliit ka ng iba, gaano man katinding pagsisikap ang gugulin mo o pag-iingat ang gawin mo, hindi iyon maaalala ng Diyos. Maaaring hindi ka gaanong malakas, ngunit kung may kakayahan kang makipagtulungan sa iba, at nagagawa mong tumanggap ng angkop na mga mungkahi, at kung tama ang iyong mga motibasyon, at napoprotektahan mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, isa kang tamang tao. Kung minsan, sa iisang pangungusap, nalulutas mo ang isang problema at nakikinabang ang lahat; kung minsan, matapos kang magbahagi sa iisang pahayag ng katotohanan, lahat ay nagkakaroon ng isang landas ng pagsasagawa, at nagagawang sama-samang magtulungan nang maayos, at lahat ay nagpupunyagi sa iisang mithiin, at magkakapareho ng mga pananaw at opinyon, kaya partikular na epektibo ang gawain. Kahit marahil ay walang makaalala na ikaw ang gumanap sa papel na ito, at hindi mo marahil maramdaman na gumawa ka ng malaking pagsisikap, makikita ng Diyos na ikaw ay taong nagsasagawa ng katotohanan, isang taong kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Aalalahanin ng Diyos ang paggawa mo nito. Tinatawag itong matapat na pagtupad sa iyong tungkulin. Anuman ang mga paghihirap na mayroon ka sa pagtupad sa iyong tungkulin, ang totoo ay lahat ng ito ay madaling malutas. Hangga’t ikaw ay isang taong matapat na may pusong nakasandig sa Diyos, at kaya mong hanapin ang katotohanan, walang problema na hindi kayang lutasin. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang matutong sumunod. Kung mayroong sinumang nakauunawa sa katotohanan o nagsasalita alinsunod sa katotohanan, dapat mong tanggapin ito at sundin. Sa anumang paraan ay hindi ka dapat gumawa ng mga bagay na nakagagambala o nakakapagpahina, at hindi ka dapat kumilos o magdesisyon nang mag-isa. Sa ganitong paraan, wala kang magagawang masama. Tandaan mo: Ang pagtupad sa iyong tungkulin ay hindi pagsasagawa ng sarili mong mga mithiin o sarili mong pamamahala. Hindi mo ito personal na gawain, gawain ito ng iglesia, at nag-aambag ka lamang ng mga kalakasang taglay mo. Ang ginagawa mo sa gawain ng pamamahala ng Diyos ay maliit na bahagi lamang ng kooperasyon ng tao. Maliit na papel lamang ang ginagampanan mo sa isang sulok. Iyan ang responsabilidad na pinapasan mo. Sa puso mo, dapat mong madama ito. Kaya nga, ilang tao man ang sama-samang gumagampan ng kanilang tungkulin, o anumang paghihirap ang kinakaharap nila, ang unang dapat gawin ng lahat ay manalangin sa Diyos at sama-samang magbahaginan, hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay tukuyin kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng isang landas ng pagsasagawa. Ang ilang tao ay palaging nagsisikap na magpakitang-gilas, at kapag nabigyan ng responsabilidad sa isang trabaho, palagi nilang gusto na sila ang huling magpasya. Anong klaseng ugali ito? Ito ay pagiging isang diktador. Pinaplano nila nang mag-isa ang mga ginagawa nila, nang hindi ipinagbibigay-alam sa iba, at hindi tinatalakay ang kanilang mga opinyon sa sinuman; hindi nila ibinabahagi ang mga ito sa sinuman o ipinahahayag ang mga ito, sa halip ay itinatago ang mga ito sa kanilang mga puso. Kapag panahon nang kumilos, nais nilang palaging pahangain ang iba sa pamamagitan ng kanilang mga mahuhusay na gawain, upang bigyan ang lahat ng isang malaking sorpresa, upang maging mataas ang pagtingin ng iba sa kanila. Iyon ba ay pagganap sa kanilang tungkulin? Sinisikap nilang magpakitang-gilas; at kapag mayroon na silang katayuan at kabantugan, magsisimula silang magpatakbo ng sarili nilang operasyon. Hindi ba’t matitindi ang ambisyon ng mga taong ito? Bakit hindi mo sasabihin sa sinuman kung ano ang iyong ginagawa? Dahil hindi lang sa iyo ang gawaing ito, bakit ka kikilos nang hindi ito tinatalakay sa sinuman at nagpapasyang mag-isa? Bakit ka kikilos nang palihim, na gumagawa sa kadiliman, upang walang makaalam tungkol dito? Bakit palagi mong sinusubukan na ikaw lang ang pakikinggan ng mga tao? Malinaw na tiningnan mo ang gawaing ito bilang sarili mong personal na gawain. Ikaw ang amo, at ang lahat ng iba pa ay mga manggagawa—lahat sila ay nagtatrabaho para sa iyo. Kapag palagi kang may ganitong pag-iisip, hindi ba’t problema ito? Hindi ba’t ang uri ng taong ito ay nagpapakita ng mismong disposisyon ni Satanas. Kapag gumaganap ng tungkulin ang ganitong mga tao, sa malao’t madali ay palalayasin sila.

Kinakailangang matutuhan kung paano ito haharapin kapag ang mga tao ay may mga problema sa pakikipagtulungan sa iba sa panahon ng kanilang tungkulin. Ano ang prinsipyo sa pagharap sa mga ito? Ano ang epektong dapat makamit? Matutong makipagtulungan nang maayos sa lahat, at makipag-ugnayan sa iba ayon sa katotohanan, salita ng Diyos, at mga prinsipyo, hindi ayon sa emosyon o kapusukan. Sa ganitong paraan, hindi ba maghahari ang katotohanan sa iglesia? Basta’t naghahari ang katotohanan, hindi ba’t mahaharap ang mga bagay sa patas at makatwirang paraan? Sa palagay ninyo hindi ba kapaki-pakinabang ang maayos na pakikipagtulungan para sa lahat? (Oo, kapaki-pakinabang ito.) Ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay lubhang kapaki-pakinabang para sa inyo. Una sa lahat, positibong nakapagpapatibay at mahalaga ito sa inyo habang ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin. Bukod pa riyan, pinipigilan nito ang paggawa ninyo ng mali, pagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, at pagtahak sa landas ng mga anticristo. Natatakot ba kayong tumahak sa landas ng mga anticristo? (Oo.) May silbi ba ang matakot lamang? Wala—hindi malulutas ng takot lamang ang problema. Normal lamang ang matakot na matahak ang landas ng mga anticristo. Nagpapakita ito na ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, isang taong handang magsikap na matamo ang katotohanan at handang hangarin ito. Kung matatakutin kayo sa puso ninyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan at ang landas ng pagsasagawa. Kailangan ninyong magsimula sa pamamagitan ng pagkatutong makipagtulungan sa iba nang maayos. Kung may problema, lutasin ito gamit ang pagbabahaginan at talakayan, upang malaman ng lahat ang mga prinsipyo, gayundin ang partikular na pangangatwiran at programa patungkol sa resolusyon. Hindi ba’t pinipigilan ka nitong magdesisyon nang mag-isa? Bukod pa riyan, kung ikaw ay may takot sa Diyos na puso, likas mong makakayang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, ngunit dapat mo ring matutuhang tanggapin ang pangangasiwa ng mga taong hinirang ng Diyos, na nangangailangan ng pagkakaroon mo ng pagpaparaya at pagtanggap. Kung may makita kang isang taong pinangangasiwaan ka, iniinspeksyon ang trabaho mo, o sinisiyasat ka nang hindi mo alam, at kung uminit ang ulo mo, ituring ang taong ito na parang kaaway at kamuhian siya, at batikusin pa siya at pakitunguhan siya na gaya ng isang traydor, inaasam-asam na mawala na siya, problema nga ito. Hindi ba’t lubhang napakasama nito? Ano ang ipinagkaiba nito sa isang diyablong hari? Patas na pagtrato ba ito sa mga tao? Kung tumatahak ka sa tamang landas at kumikilos sa tamang paraan, ano ang dapat mong ikatakot sa mga taong sumisiyasat sa iyo? Kung ikaw ay natatakot, ipinapakita niyong may kung anong nagkukubli sa iyong puso. Kung alam mo sa iyong puso na may problema ka, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Makatwiran ito. Kung alam mong may problema ka, pero hindi mo hinahayaan ang sinuman na pangasiwaan ka, inspeksyunin ang trabaho mo, o siyasatin ang problema mo, lubha kang wala sa katwiran, naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos, at sa kasong ito, mas malala pa ang problema mo. Kung tutukuyin ka ng mga hinirang ng Diyos na isang masamang tao o isang walang pananampalataya, lalo pang magiging problema ang mga kahihinatnan nito. Kung kaya, ang mga kayang tumanggap ng pangangasiwa, pagsusuri, at pagsisiyasat ng iba ang mga pinakamakatwiran sa lahat, may pagpaparaya at normal na pagkatao sila. Kapag nadiskubre mong may mali kang ginagawa o may pagbuhos ka ng tiwaling disposisyon, kung nagagawa mong magtapat at makipag-usap sa mga tao, makakatulong ito sa mga nasa paligid mo para mabantayan ka nila. Talagang kailangang tumanggap ng pangangasiwa, ngunit ang pinakamahalaga ay magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya, na isinasailalim ang iyong sarili sa palagiang pagninilay. Lalo na kapag mali ang landas na natahak mo o nakagawa ka ng mali, o kapag akmang kikilos o magdedesisyon ka na nang mag-isa, at binanggit ito ng isang tao sa malapit at binalaan ka, kailangan mong tanggapin iyon at magmadali kang pagnilayan ang iyong sarili, at aminin ang iyong pagkakamali, at itama iyon. Maaari nitong pigilan ka sa pagtahak sa landas ng mga anticristo. Kung may isang taong tumutulong at nagbababala sa iyo sa ganitong paraan, hindi ka ba iniingatan nang hindi mo alam? Iniingatan ka—iyan ang pag-iingat sa iyo. Samakatuwid, hindi ka dapat laging maging mapagbantay laban sa iyong mga kapatid o sa mga tao sa paligid mo. Huwag laging magbalatkayo o magkubli ng sarili, nang hindi tinutulutan ang iba na maunawaan ka o makita kung sino ka. Kung ang iyong puso ay laging mapagbantay laban sa iba, maaapektuhan nito ang paghahanap mo sa katotohanan, at magiging madali para sa iyo na mawala ang gawain ng Banal na Espiritu, gayundin ang maraming mga pagkakataon na magawa kang perpekto. Kung lagi kang mapagbantay laban sa iba, magkakaroon ka ng mga sikreto sa iyong puso, at hindi mo magagawang makipagtulungan sa mga tao. Magiging madali para sa iyo na gawin ang mga maling bagay at tahakin ang maling landas, at magugulat ka kapag nakagawa ka ng mga pagkakamali. Ano ang iisipin mo sa oras na iyon? “Kung alam ko lang, nakipagtulungan sana ako sa mga kapatid ko sa pagtupad sa aking tungkulin nang tama sa simula pa lang, at tiyak na hindi sana ako magkakaroon ng anumang problema. Pero dahil lagi akong natatakot na mabuko ng iba, naging mapagbantay ako laban sa iba. Ngunit sa huli, walang ibang nagkamali—ako ang nakagawa ng unang pagkakamali. Kahiya-hiya at kahangalan ang bagay na ito!” Kung magagawa mong tumuon sa paghahanap sa katotohanan, at maging bukas sa pakikipagbahaginan kasama ang iyong mga kapatid kapag nahihirapan ka, matutulungan ka ng iyong mga kapatid, at maaalalayan kang maunawaan ang tamang landas ng pagsasagawa at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Mapangangalagaan ka nito mula sa pagtahak sa maling landas kapag ginagampanan ang iyong tungkulin, para hindi ka mabigo o madapa, o kasuklaman at itanggi ng Diyos at palayasin. Sa halip, makatatanggap ka ng proteksiyon, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano’t napakalaki ng mga pakinabang na nakakamit ng mga tao sa maayos na pakikipagtulungan!

Ang mga salitang “maayos na pagtutulungan” ay madaling maunawaan nang literal, ngunit mahirap isagawa ang mga ito. Hindi madaling isabuhay ang praktikal na bahagi ng mga salitang ito. Bakit hindi ito madali? (Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon.) Tama iyan. Ang tao ay may mga tiwaling disposisyon ng kayabangan, kasamaan, katigasan ng ulo, at iba pa, at nakahahadlang ang mga ito sa kanyang pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nakikipagtulungan ka sa iba, inihahayag mo ang lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, iniisip mo: “Gusto mo akong makipagtulungan sa taong iyon, pero kaya ba niya? Hindi ba ako hahamakin ng mga tao kung makikipagtulungan ako sa isang taong walang kakayahan?” At kung minsan, maaari mo pa ngang isipin, “Talagang hindi nag-iisip ang taong iyon, at hindi niya nauunawaan ang sinasabi ko!” o “Ang sasabihin ko ay maingat na napag-isipan at may kapakinabangan. Kung sasabihin ko ito sa kanila at hahayaan silang angkinin iyon, mamumukod-tangi pa rin ba ako? Pinakamaganda ang aking panukala. Kung sasabihin ko lamang iyon at hahayaan silang gamitin iyon, sino ang makakaalam na kontribusyon ko iyon?” Ang gayong mga saloobin at opinyon—ang gayon kasasamang salita—ay karaniwang naririnig at nakikita. Kung mayroon kang gayong mga saloobin at opinyon, handa ka bang makipagtulungan sa iba? Nagagawa mo bang makipagtulungan nang maayos? Hindi madali iyon; marami-rami ang hamon doon! Ang mga salitang “maayos na pagtutulungan” ay madaling sabihin—buksan mo lang ang bibig mo at lalabas ang mga iyon. Ngunit kapag oras na para isagawa ang mga iyon, unti-unting lumalaki ang mga hadlang sa iyong kalooban. Kung saan-saan napupunta ang isip mo. Kung minsan, kapag maganda ang timpla mo, maaari mo pang magawang magbahagi nang kaunti sa iba; ngunit kapag hindi maganda ang timpla mo at nahahadlangan ka ng tiwaling disposisyon, hindi mo talaga maisasagawa iyon. Ang ilang tao, bilang mga lider, ay hindi kayang makipagtulungan sa sinuman. Lagi nilang hinahamak ang iba, laging mapili sa iba, at kapag nakita nila ang mga pagkukulang ng iba, hinuhusgahan at inaatake nila ang mga taong iyon. Nagdudulot ng problema ang mga lider na iyon, at pinapalitan sila. Hindi ba nila nauunawaan ang ibig sabihin ng mga salitang “maayos na pagtutulungan”? Ang totoo ay nauunawaan nila iyon nang mabuti, ngunit hindi lang talaga nila maisagawa iyon. Bakit hindi nila maisagawa iyon? Dahil masyado nilang pinahahalagahan ang katayuan, at napakayabang ng kanilang disposisyon. Gusto nilang magpakitang-gilas, at kapag nagkaroon na sila ng katayuan, hindi nila pakakawalan iyon, sa takot na mapunta iyon sa kamay ng ibang tao at maiwan silang walang tunay na kapangyarihan. Natatakot silang mapag-iwanan ng iba at hindi maging mataas ang tingin sa kanila, natatakot na baka mawalan ng kapangyarihan o awtoridad ang kanilang mga salita. Iyan ang kinatatakutan nila. Hanggang saan umaabot ang kanilang kayabangan? Nawawalan sila ng katinuan at kumikilos sila nang wala sa katwiran at padalus-dalos. At ano ang kinahihinatnan niyon? Hindi lamang hindi maganda ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, kundi nakakagambala at nakakagulo rin ang kanilang mga kilos, at inililipat sila ng tungkulin at pinapalitan. Sabihin mo sa Akin, may tungkulin bang akmang gampanan ng gayong tao, na may gayong disposisyon? Natatakot Ako na saanman sila ilagay, hindi nila gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Hindi nila kayang makipagtulungan sa iba—kung gayon, ibig bang sabihin niyon ay makakaya nilang gampanan nang maayos ang isang tungkulin nang mag-isa? Hindi talaga. Kung gagampanan nilang mag-isa ang isang tungkulin, lalo pa silang hindi mapipigilan, lalo pang magkakaroon ng kakayahang kumilos nang wala sa katwiran at padalus-dalos. Kung magagampanan mo man nang maayos ang iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga kagalingan, sa kahusayan ng iyong kakayahan, sa iyong pagkatao, iyong mga abilidad, o iyong mga kasanayan; nakasalalay iyon sa kung isa kang taong tumatanggap sa katotohanan at kung nagagawa mong isagawa ang katotohanan. Kung kaya mong isagawa ang katotohanan at tratuhin nang patas ang iba, magkakaroon ka ng maayos na pakikipagtulungan sa iba. Ang susi sa kung magagampanan ba nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin at kung magkakaroon ba siya ng maayos na pakikipagtulungan sa iba, ay nakasalalay sa kung kaya ba niyang tanggapin at sundin ang katotohanan. Ang kakayahan, mga kaloob, abilidad, edad, at iba pa ng mga tao ay hindi ang pinakamahalaga, lahat ng iyon ay pumapangalawa lamang. Ang pinakamahalagang bagay ay tingnan kung minamahal ba ng isang tao ang katotohanan, at kung naisasagawa ba niya ang katotohanan. Matapos makinig sa isang sermon, ang mga nagmamahal sa katotohanan at nakapagsasagawa ng katotohanan ay aaminin na tama iyon. Sa tunay na buhay, kapag may makakaharap silang mga tao, pangyayari, at bagay, ipatutupad nila ang mga katotohanang ito. Isasagawa nila ang katotohanan, magiging sarili nilang realidad iyon, at magiging bahagi ng kanilang sariling buhay. Ito ang magiging mga pamantayan at prinsipyong pagbabatayan ng kanilang pagkilos at paggawa ng mga bagay-bagay; iyon ang kanilang ipamumuhay at ipakikita. Kapag nakikinig sa isang sermon, aaminin din ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan na tama iyon, at iisipin na nauunawaan nilang lahat iyon. Naitala nila ang mga doktrina sa kanilang puso, ngunit ano ang ginagamit nilang mga prinsipyo at pamantayan sa pagkokonsidera sa isang bagay habang ginagawa iyon? Lagi nilang isinasaalang-alang ang mga bagay ayon sa sarili nilang mga interes; hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay gamit ang katotohanan. Nangangamba sila na ang pagsasagawa ng katotohanan ay magsasanhi ng kawalan sa kanila, at nangangamba silang mahusgahan at mahamak ng iba—na mapahiya. Urong-sulong sila sa kanilang mga pagsasaalang-alang, pagkatapos ay iniisip nila sa huli, “Poprotektahan ko na lang ang aking katayuan, reputasyon, at mga interes, ito ang pinakamahalaga. Kapag natugunan na ang mga bagay na ito, magiging kontento na ako. Kung hindi matutugunan ang mga bagay na ito, hindi ako magiging masayang isagawa ang katotohanan, ni hindi iyon magiging kasiya-siya para sa akin.” Ito ba ang taong nagmamahal sa katotohanan? Talagang hindi. Ang ilang tao ay napakaseryoso kapag nakikinig sa mga sermon, at isinusulat pa nga ang mga ito. Sa tuwing makaririnig sila ng mahalagang salita o parirala, itinatala nila ito sa isang kuwaderno, ngunit hindi ito ginagamit o isinasagawa pagkatapos. Walang tunay na pagbabago na makikita kahit gaano pa katagal na panahon ang lumipas. Ganito ba ang isang taong nagmamahal sa katotohanan? Ang isang taong nagmamahal o nakauunawa sa katotohanan ay naisasagawa ito, samantalang ang isang taong nakauunawa ngunit hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi ito isinasagawa. Ang pinakamalaking tanda kung mahal ng isang tao ang katotohanan ay kung kaya niya itong isagawa. Sa tingin mo, kaya bang malaman ng isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang tama sa mali? (Hindi.) Sa totoo lang ay kaya niya. Halimbawa, kung naging mabait siya sa isang tao noon, ngunit sinaktan ng taong iyon ang kanyang mga interes, sasabihin niya, “Ang taong iyon ay walang konsiyensiya. Tinulungan ko siya noon, at ngayon ay ganito na ang pakikitungo niya sa akin!” Tingnan mo, nagsasalita siya tungkol sa konsiyensiya, ngunit anong pamantayan ang ginagamit niya para sukatin ang konsiyensiya ng isang tao, o ang tama at mali? Sinuman ang kapaki-pakinabang sa kanya o alinmang salita o gawa ang kapaki-pakinabang sa kanya—ang mga bagay na ito ay positibo, habang ang anumang hindi kapaki-pakinabang sa kanya ay negatibo. Ganito kamakasarili ang kanyang pananaw. Sa tingin ninyo, makakamit ba ng ganitong uri ng tao ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi? (Hindi niya matatamo ang katotohanan dahil ang kanyang mga kilos ay walang prinsipyo, at hindi siya nagsasagawa ayon sa katotohanan. Sa halip, kumikilos siya para sa kanyang sariling pakinabang, at nagpapakana para sa kanyang sarili sa lahat ng aspeto.) Ganyan nga. Hindi niya matatamo ang katotohanan. Para sa anong uri ng tao inihanda ang katotohanan? Ito ay inihanda para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan at kayang talikuran ang lahat para dito. Ito ang mga taong makapagkakamit ng katotohanan, at siyang nagmamay-ari at pinagkakalooban ng katotohanan sa huli. Nangangahulugan ito ng kakayahang isagawa ang katotohanan at isabuhay ang katotohanan anuman ang mangyari, kahit na nangangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng personal na mga interes, o ng mga bagay na pinakamamahal nila, at pag-aalay ng lahat ng ito. Sa ganitong paraan, makakamit ang katotohanan.

Ano sa tingin ninyo ang pinakapinahahalagahan ng mga tao? Buhay ba ng tao? (Oo.) Sa totoo lang, hindi ito iyon. Ipagpalagay nating hiniling sa iyong ibigay ang iyong buhay para sa Diyos. Kaya mo ba itong ibigay? Ipagpalagay nating hiniling sa iyong ihandog ang iyong sarili sa Diyos, at agaran kang mamatay, kaya mo ba itong gawin? May ilan na kaya itong gawin. Ang buhay, kung gayon, ay hindi ang pinakamahalagang bagay sa mga tao, dahil talaga namang ang ilan ay handang ihandog ang kanilang sarili sa Diyos o ialay ang kanilang buhay para sa Diyos, kahit kailan at kahit saan. Ngunit kapag ang kanilang sariling mga personal na interes o reputasyon at katayuan ang nakataya, lalo na kung nasasangkot dito ang kanilang kinabukasan at kapalaran, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan at talikuran ang kanilang sariling laman? Ito ang pinakamahirap gawin. Ano ang pinakamahalagang bagay para sa isang tao sa sitwasyong ito? (Ang kanyang interes, kinabukasan, at kapalaran.) Tama. Hindi ang buhay, kundi ang kanilang mga interes, katayuan, kinabukasan, at kapalaran—ito ang mga bagay na pinakapinahahalagahan at pinakamamahal ng mga tao. Ang isang taong kayang mag-alay ng kanyang buhay para sa Diyos ay hindi tiyak na isang taong nagmamahal sa katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan. Ang kakayahang mag-alay ng buhay para sa Diyos ay maaaring isang islogan lamang. Sinasabi mong kaya mong ialay ang iyong buhay sa Diyos, ngunit kaya mo bang bitiwan ang mga pakinabang ng katayuan? Kaya mo bang bitiwan ang pagpapahalaga sa sarili? Alin ang mas madaling isakripisyo? (Mas madaling isakripisyo ang buhay ng isang tao.) Oo. Kapag ang ilang tao ay kailangang mamili, bagama’t kaya nilang isakripisyo ang kanilang sariling buhay, hindi nila kayang bitiwan ang mga pakinabang ng katayuan, o talikuran ang kanilang maling landas. Sabihin nang pipili ka sa pagitan ng dalawang daan. Ang isa ay ang daan ng pagiging isang matapat na tao, na sabihin ang katotohanan at sabihin kung ano ang nasa puso mo, na ibahagi ang iyong puso sa iba, o na aminin ang iyong mga pagkakamali at pagsasabi ng mga bagay na totoo, ipakita sa iba ang iyong pangit na katiwalian at magdulot ng kahihiyan sa iyong sarili. Iyong isa naman ay ang daan ng pagiging martir para sa Diyos at pagpasok sa kaharian ng langit kapag namatay ka. Alin ang pipiliin mo? Maaaring sabihin ng ilan, “Pinipili kong ialay ang aking buhay para sa Diyos. Nakahanda akong mamatay para sa Kanya; pagkatapos mamatay, makukuha ko ang aking gantimpala, at makakapasok ako sa kaharian ng langit.” Ang ihandog ang buhay para sa Diyos ay magagawa sa iisang malakas na buhos ng lakas, ng mga may kahandaang gawin ito. Pero maisasakatuparan ba ang pagsasagawa ng katotohanan at pagiging matapat na tao sa gayong buhos ng lakas? Hindi, maging sa dalawang buhos ng lakas. Kung mayroon kang kahandaan kapag ginagawa ang isang bagay, magagawa mo itong mabuti sa isang buhos ng lakas; pero hindi ka ganap na nagiging matapat sa isang pagkakataon lang ng pagsasabi ng katotohanan nang walang kasinungalingan. Ang pagiging isang matapat na tao ay may kasamang pagbabago ng disposisyon, nangangailangan ito ng sampu o dalawampung taong karanasan. Dapat mong iwaksi ang mapanlinlang mong disposisyon ng pagsisinungaling at panlilinlang bago mo maabot ang batayang pamantayan sa pagiging isang matapat na tao. Hindi ba’t mahirap ito para sa lahat? Isa itong napakalaking hamon. Gusto ng Diyos ngayon na magawang perpekto at makamit ang isang grupo ng mga tao, at lahat ng naghahangad ng katotohanan ay dapat tumanggap ng paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, ang layon nito ay para lutasin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon at gawin silang matatapat na tao, mga taong nagpapasakop sa Diyos. Hindi ito isang bagay na makakamit sa iisang buhos ng lakas; kailangan nito ng tunay na pananampalataya, at dapat dumanas ang isang tao ng maraming pagsubok at matinding pagpipino bago niya makamit ito. Kung hiningi sa iyo ng Diyos ngayon na maging matapat na tao at na magsabi ka ng totoo, isang bagay na may kinalaman sa mga katunayan, at sa iyong hinaharap at kapalaran, na ang mga kahihinatnan marahil ay hindi makabubuti sa iyo, na hindi ka na titingalain ng iba, at pakiramdam mo ay masisira ang iyong reputasyon—sa gayong mga sitwasyon, magagawa mo bang maging prangka, at magsabi ng totoo? Magagawa mo pa rin bang maging matapat? Iyon ang pinakamahirap gawin, mas mahirap kaysa isuko ang buhay mo. Maaari mong sabihing, “Hindi Mo ako mauutusang sabihin ang katotohanan. Mas gugustuhin ko pang mamatay para sa Diyos kaysa sabihin ang katotohanan. Ayaw ko talagang maging isang matapat na tao. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa hamakin ako ng lahat at isipin na isa akong ordinaryong tao.” Anong ipinapakita nito na pinakapinahahalagahan ng mga tao? Ang pinakapinahahalagahan ng mga tao ay ang kanilang katayuan at reputasyon—mga bagay na kontrolado ng kanilang mga satanikong disposisyon. Pumapangalawa lamang ang buhay. Kung pipilitin sila ng sitwasyon, magsisikap silang magkalakas ng loob na ihandog ang kanilang buhay, pero hindi madaling isuko ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong nananalig sa Diyos, ang paghahandog ng kanilang buhay ay hindi ang pinakamahalaga; hinihingi ng Diyos na tanggapin ng mga tao ang katotohanan, at tunay na maging matatapat na tao na sinasabi kung ano man ang nasa puso nila, nagbubukas at nagtatapat sa lahat. Madali bang gawin ito? (Hindi.) Sa katunayan, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na isakripisyo mo ang buhay mo. Hindi ba’t bigay sa iyo ng Diyos ang buhay mo? Ano ang pakinabang ng buhay mo sa Diyos? Hindi ito gusto ng Diyos. Ang gusto Niya ay magsalita ka nang tapat, sabihin mo kung sino ka at ano ang nilalaman ng puso mo. Masasabi mo ba ang mga bagay na ito? Dito, nagiging mahirap ang gawain, at maaari mong sabihing, “Pagtrabahuhin Mo ako, at magkakaroon ako ng lakas na gawin iyon. Sabihan Mo akong isakripisyo ang lahat ng pag-aari ko, at magagawa ko ito. Madali kong matatalikdan ang aking mga magulang, anak, asawa, at propesyon. Ngunit ang pagsasabi ng nasa puso ko, pagsasalita nang tapat—iyan ang isang bagay na hindi ko magagawa.” Bakit hindi mo magagawa iyon? Dahil kapag ginawa mo iyon, sinumang nakakakilala sa iyo o pamilyar sa iyo ay mag-iiba ang tingin sa iyo. Hindi ka na nila titingalain. Mapapahiya ka na at ganap na mahahamak, at maglalaho ang iyong integridad at dignidad. Mawawala ang matayog na katayuan at reputasyon mo sa puso ng iba. Kaya nga, sa gayong sitwasyon, anuman ang mangyari, hindi mo sasabihin ang totoo. Kapag nakakaharap ito ng mga tao, may pagtatalo sa puso nila, at kapag lumipas na ang pagtatalong iyon, sa huli ay nakakaraos ang ilan sa kanilang mga paghihirap samantalang ang iba ay hindi, at mananatili silang kontrolado pa rin ng kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon at ng kanilang sariling katayuan, reputasyon, at tinatawag na dangal. Mahirap ito, hindi ba? Hindi isang dakilang tagumpay ang magsalita lamang nang tapat at magsabi ng katotohanan, subalit napakaraming matatapang na bayani, napakaraming tao na ang sumumpa na ilalaan at gugugulin ang kanilang buhay para sa Diyos, at napakaraming nagsabi ng magagandang bagay sa Diyos ang nahihirapang gawin iyon. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Kapag hinihingi ng Diyos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang maayos, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang ilang partikular na gawain o isakatuparan ang anumang matinding pagsusumikap, ni ang gampanan ang anumang dakilang pagsasagawa. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na maghimala ka, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matimtiman kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang naunawaan mo, isakatuparan mo ang naintindihan mo, tandaan mo nang maigi ang narinig mo, at pagkatapos, kapag dumating na ang oras para magsagawa, magsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad ng pagpaparangal. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang lalo kang naghahangad ng mga bagay gaya ng kadakilaan, karangalan, at pagiging mas mataas kaysa iba, kilala, katangi-tangi, at kapansin-pansin, lalo kang kasuklam-suklam para sa Diyos. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at magsisisi, kamumuhian ka ng Diyos at tatalikdan ka Niya. Iwasan mong maging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos; maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos? Sa pamamagitan ng masunuring pagtanggap sa katotohanan, pagtayo sa posisyon ng isang nilalang, pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos nang nakatapak ang mga paa sa lupa, pagganap sa mga tungkulin nang maayos, pagiging isang matapat na tao, at pagsasabuhay ng isang wangis ng tao. Sapat na ito, masisiyahan na ang Diyos. Dapat siguruhin ng mga tao na huwag mag-ambisyon o mag-isip ng mga walang-saysay na pangarap, huwag maghangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan o mamukod-tangi sa karamihan. Bukod pa roon, hindi nila dapat subukang maging isang dakilang tao o superman, na nakalalamang sa mga tao at nagpapasamba sa mga tao. Iyan ang hangarin ng tiwaling sangkatauhan, at ito ang landas ni Satanas; hindi nililigtas ng Diyos ang ganoong mga tao. Kung ang mga tao ay patuloy na naghahangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan nang hindi nagsisisi, wala nang lunas para sa kanila, at iisa lang ang kalalabasan nila: ang itiwalag. Ngayon, kung mabilis kayong magsisisi, may panahon pa; subalit kapag dumating na ang araw na natapos na ng Diyos ang Kanyang gawain, at lalo pang lumaki ang mga sakuna, hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong magsisi. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga naghahangad ng kasikatan, mga pakinabang, at katayuan, subalit matigas na tumatangging magsisi, sila ay ititiwalag. Kailangang maging malinaw sa inyong lahat kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng gawain ng Diyos, at kung ano ang kahulugan ng Kanyang pagliligtas. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na lumapit sa harapan Niya, makinig sa mga salita Niya, tanggapin ang katotohanan, iwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, at magsagawa ayon sa sinasabi at inaatas ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay ang mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, sa halip na sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at mga satanikong pilosopiya, o ang maghangad ng “kaligayahan” ng tao. Sinomang hindi nakikinig sa mga salita ng Diyos o hindi tumatanggap sa katotohanan, subalit namumuhay pa rin, nang walang pagsisisi, ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at nang may satanikong disposisyon, at tumatangging magsisi, kung gayon ang ganitong uri ng tao ay hindi maliligtas ng Diyos. Sumusunod ka sa Diyos, pero siyempre, ito ay dahil hinirang ka rin ng Diyos—pero ano ang kahulugan ng pagkakahirang sa iyo ng Diyos? Ito ay upang baguhin ka at gawin kang isang tao na nagtitiwala sa Diyos, na tunay na sumusunod sa Diyos, na kayang talikdan ang lahat para sa Diyos, at nagagawang sundan ang daan ng Diyos; isang taong tinanggal ang kanyang satanikong disposisyon, hindi na sumusunod kay Satanas o namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Kung sumusunod ka sa Diyos at gumaganap ka ng tungkulin sa Kanyang sambahayan, subalit nilalabag mo ang katotohanan sa lahat ng aspeto, at hindi ka nagsasagawa o dumaranas ayon sa Kanyang mga salita, at marahil ay nilalabanan mo pa Siya, matatanggap ka kaya ng Diyos? Siguradong hindi. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa bagay na ito? Hindi talaga mahirap ang gampanan ang iyong tungkulin, ni hindi ito mahirap gawin nang buong katapatan, at sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos nang matapat at matatag, nang hindi idinaragdag ang sarili mong mga ideya o pinatatakbo ang sarili mong operasyon, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, magkakaroon talaga sila ng wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagsunod sa Diyos, at naging matapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao.

Hunyo 25, 2019

Sinundan: Ang Saloobing Dapat Taglayin ng Tao sa Diyos

Sumunod: Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger