G. Tungkol sa Paano Isakatuparan nang Sapat ang Tungkulin ng Isang Tao
404. Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng atas ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi inilalaan para sa atas ng Diyos at sa makatarungang kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa ay mahihiya sa harap ng mga naging martir para sa atas ng Diyos, at lalong mas mahihiya sa harap ng Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
405. Lubhang mahalaga kung paano mo dapat ituring ang mga atas ng Diyos. Isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensiya at dapat mong tanggapin ang iyong kaparusahan. Ganap na likas at may katwiran na tapusin ng mga tao ang mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanyang mismong buhay. Kung kaswal mo lang na tinatrato ang mga atas ng Diyos, ito ay isang napakalubhang pagkakanulo sa Diyos. Dito, mas kasuklam-suklam ka kaysa kay Hudas, at dapat kang sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano tatratuhin ang mga atas ng Diyos at kahit papaano, dapat nilang maunawaan: ang pagkakatiwala ng Diyos sa tao ng mga atas ay ang Kanyang pagtataas sa tao, ang Kanyang espesyal na pagpapakita ng biyaya sa tao, ito ang pinakamaluwalhati sa lahat ng bagay, at ang lahat ng iba pang bagay ay maaaring abandonahin—maging ang sariling buhay ng isang tao—pero dapat makompleto ang mga atas ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
406. Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang bokasyong mula sa langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o katwiran. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin para lamang makatanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gumampan ng tungkulin mo dahil sa takot na magdusa ng kasawian. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik. Sa pamamagitan ng proseso ng paggampan ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagampanan mo ang iyong tungkulin, mas magagawa mong makamit ang mas maraming katotohanan, at magiging mas praktikal ang iyong pagpapahayag. Yaong mga pabasta-basta sa paggampan ng kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay ititiwalag sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sila yaong mga nananatiling hindi nagbabago at magdurusa sa kasawian. Hindi lamang hindi dalisay ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
407. Gumagawa ang Diyos para pamahalaan at iligtas ang sangkatauhan. Siyempre, may mga hinihingi ang Diyos sa mga tao, at ang mga hinihinging ito ang tungkulin nila. Malinaw na ang tungkulin ng mga tao ay nagmumula sa gawain ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, ito ang pinakanararapat na bagay na magagawa nila, ang pinakamaganda at pinakamakatarungang bagay sa gitna ng sangkatauhan. Bilang mga nilikha, dapat gampanan ng mga tao ang tungkulin nila, at saka lamang sila makatatanggap ng pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay ganap na natural at may katwiran, at inorden ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ng isang nilikha ay mas makatarungan, maganda, at marangal kaysa sa anumang iba pang bagay na nagawa habang namumuhay sa lupa; wala sa sangkatauhan ang mas makabuluhan o karapat-dapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kabuluhan at halaga sa buhay ng isang nilikhang tao, kaysa sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilikha ang siyang mga nagpapasakop sa Lumikha. Hindi sumusunod sa mga makamundong kalakaran ang grupong ito; nagpapasakop sila sa pamumuno at pamamatnubay ng Diyos, nakikinig lamang sa mga salita ng Lumikha, tumatanggap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Lumikha, at namumuhay ayon sa mga salita ng Lumikha. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananampalataya sa Diyos. Ang matupad ng isang nilikha ang tungkulin ng isang nilikha, ang mabigyang-kasiyahan ang Lumikha, ay ang pinakamagandang bagay sa gitna ng sangkatauhan, at isa itong bagay na dapat ipalaganap sa gitna ng sangkatauhan bilang isang kuwento na pupurihin. Anumang ipinagkakatiwala ng Lumikha sa mga nilikha ay dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon; para sa sangkatauhan, ito ay isang usapin ng kapwa kaligayahan at pribilehiyo, at para sa lahat ng tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha, wala nang ibang mas maganda o karapat-dapat na tandaan—ito ay isang positibong bagay. At patungkol naman sa kung paano tinatrato ng Lumikha ang mga kayang tumupad sa tungkulin ng isang nilikha, at sa kung ano ang ipinapangako Niya sa kanila, nasa Lumikha na iyon; walang kinalaman doon ang nilikhang sangkatauhan. Sa mas malinaw at simpleng pananalita, ang Diyos na ang magpapasya rito, at walang karapatang makialam ang mga tao. Makukuha mo ang anumang ibibigay sa iyo ng Diyos, at kung wala Siyang ibigay sa iyo, wala kang puwedeng sabihin tungkol dito. Kapag tinatanggap ng isang nilikha ang atas ng Diyos, at nakikipagtulungan siya sa Lumikha sa pagganap sa kanyang tungkulin at ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya, hindi ito isang transaksiyon o pakikipagpalitan; hindi dapat tangkain ng mga tao na ipagpalit ang mga pagpapahayag ng mga saloobin o kilos at pag-uugali sa anumang pangako o pagpapala mula sa Diyos. Nang ipagkatiwala ng Lumikha ang gawaing ito sa inyo, tama at nararapat lang na bilang mga nilikha, tatanggapin ninyo ang tungkulin at atas na ito. Mayroon bang anumang transaksiyon dito? (Wala.) Sa panig ng Lumikha, handa Siyang ipagkatiwala sa bawat isa sa inyo ang mga tungkulin na dapat gampanan ng mga tao; at sa panig ng nilikhang sangkatauhan, dapat na malugod na tanggapin ng mga tao ang tungkuling ito, tratuhin ito bilang obligasyon ng kanilang buhay, at bilang halagang dapat nilang isabuhay sa buhay na ito. Walang transaksiyon dito, hindi ito pakikipagpalitan na may katumbas na halaga, at lalong hindi kinasasangkutan ng anumang gantimpala o ibang pahayag na iniisip ng mga tao. Hindi ito isang kalakalan; hindi ito tungkol sa pakikipagpalitan sa halagang ibinabayad ng mga tao o sa pagsisikap na ibinibigay nila kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa ibang bagay. Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos, at hindi dapat ganito ang pagkaunawa ng mga tao rito. Nagbibigay ang Lumikha sa sangkatauhan ng isang atas, at isinasagawa ng isang nilikha ang paggampan ng kanyang tungkulin matapos niyang tanggapin mula sa Lumikha ang atas na ibinibigay ng Diyos. Sa usaping ito, sa prosesong ito, walang anumang transaksiyonal; ito ay talagang isang simple at nararapat na bagay. Para itong sa mga magulang, na matapos isilang ang kanilang anak, ay pinalalaki ito nang walang kondisyon o reklamo. Tungkol naman sa kung magiging mabuting anak ba ito, walang gayong mga hinihingi ang kanyang mga magulang mula pa sa araw na isinilang siya. Walang ni isang magulang na pagkatapos manganak ay nagsasabi, “Pinapalaki ko lang siya para paglingkuran at parangalan niya ako sa hinaharap. Kung hindi niya ako pararangalan, sasakalin ko siya hanggang sa mamatay ngayon mismo.” Walang ni isang magulang na ganito. Kaya, batay sa paraan ng pagpapalaki ng mga magulang sa mga anak nila, ito ay isang obligasyon, isang responsabilidad, hindi ba? (Oo.) Patuloy na palalakihin ng mga magulang ang kanilang anak, mabuting anak man ito o hindi, at anuman ang mga paghihirap, palalakihin nila ang anak hanggang sa umabot ito sa hustong gulang, at nanaisin nila ang pinakamagandang buhay para dito. Walang kondisyon o transaksiyon sa responsabilidad at obligasyong ito ng mga magulang para sa kanilang anak. Ang mga may kaugnay na karanasan ay mauunawaan ito. Karamihan ng magulang ay walang hinihinging mga pamantayan sa kung mabuti ba ang kanilang anak o hindi. Kung mabuti ang anak nila, mas magiging masayahin sila kaysa kung hindi mabuti ang anak nila, at magiging mas masaya sila sa pagtanda nila. Kung hindi mabuti ang kanilang anak, hahayaan na lang nila ito na maging ganoon. Ganito mag-isip ang karamihan ng magulang na may medyo bukas na isipan. Sa kabuuan, ito man ay mga magulang na nagpapalaki ng kanilang mga anak o mga anak na sumusuporta sa kanilang mga magulang, ang usaping ito ay usapin ng responsabilidad, ng obligasyon, at bahagi ito ng inaasahang papel ng isang tao. Siyempre, pawang maliliit na usapin lang ito kumpara sa paggampan ng isang nilikha sa tungkulin niya, pero sa mga usapin ng mundo ng tao, ang mga ito ang kabilang sa mas magaganda at mga makatarungang bagay. Hindi na kailangang sabihin na mas lalong totoo ito pagdating sa paggampan ng isang nilikha sa tungkulin niya. Bilang isang nilikha, kapag humarap ang isang tao sa Lumikha, kailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin. Ito ay isang bagay na talagang nararapat gawin, at dapat niyang tuparin ang responsabilidad na ito. Sa kondisyon na ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas higit na dakilang gawain sa sangkatauhan, isinakatuparan Niya ang isang karagdagang hakbang ng gawain sa mga tao. At anong gawain iyon? Tinutustusan Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, na tinutulutan silang makamit ang katotohanan mula sa Diyos habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay naiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nadadalisay sila, natutugunan nila ang mga layunin ng Diyos at tumatahak na sila sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na mapasailalim sa mga pagpapahirap ni Satanas. Ito ang panghuling epektong nilalayon ng Diyos na makamit sa pamamagitan ng pagpapagampan sa mga tao ng mga tungkulin. Samakatwid, sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, hindi lamang ipinapakilatis ng Diyos sa iyo nang malinaw ang isang bagay at ipinapaunawa ang kaunting katotohanan, ni hindi ka lamang Niya hinahayaang matamasa ang biyaya at mga pagpapala na natatanggap mo sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Bagkus, pinahihintulutan ka Niyang madalisay at maligtas, at, sa huli, ay makapamuhay sa liwanag ng mukha ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)
408. Kapag ang isang tao ay tumanggap ng atas ng Diyos, may pamantayan ang Diyos sa paghusga kung ang mga pagkilos ng isang tao ay mabuti o masama at kung ang taong iyan ay nagpasakop, at kung ang taong iyan ay nakatutugon sa mga layunin ng Diyos at kung ang kanyang ginagawa ay pasok sa pamantayan. Ang mahalaga sa Diyos ay ang puso ng tao, hindi ang panlabas nilang mga ginagawa. Hindi ito isang kaso na dapat pagpalain ng Diyos ang isang tao basta gumagawa siya ng isang bagay, sa paanong paraan man nila ito ginawa. Ito ay isang maling pagkaunawa ng tao sa Diyos. Hindi lamang tumitingin ang Diyos sa huling resulta ng mga bagay, ngunit mas nagbibigay-diin sa kalagayan ng puso ng tao at sa saloobin ng tao habang nagaganap ang mga bagay, at tinitingnan Niya kung mayroong pagpapasakop, pagsasaalang-alang, at kagustuhang magbigay-saya sa Diyos sa kanilang puso.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
409. Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, unawain ang mga layunin ng Diyos, alamin kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa tungkuling iyon at unawain kung anong mga resulta ang dapat mong makamit sa paggampan ng tungkuling iyon. Makakakilos ka lang nang may mga prinsipyo sa pamamagitan ng paggawa ng mga iyon. Sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka talaga maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, ginagawa ang anumang gusto mong gawin, anuman na magiging masaya kang gawin, o anumang makakaganda sa iyo. Ito ay pagkilos alinsunod sa sariling kagustuhan ng isang tao. Kung umaasa ka sa sarili mong personal na mga kagustuhan sa paggampan sa iyong tungkulin, na iniisip na ito ang hinihingi ng Diyos, at na ito ang magpapasaya sa Diyos, at kung sapilitan mong iginigiit ang iyong personal na mga kagustuhan sa Diyos o isinasagawa ang mga iyon na para bang ang mga iyon ang katotohanan, na inoobserbahan ang mga ito na para bang ang mga ito ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ba ito isang pagkakamali? Hindi ito paggampan sa iyong tungkulin, at ang paggampan sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi matatandaan ng Diyos. Hindi nauunawaan ng ibang tao ang katotohanan, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Sa tingin nila, nagsikap na sila at ibinigay na nila rito ang kanilang puso, naghimagsik na sila laban sa kanilang laman at nagdusa na sila, pero kung gayon, bakit hindi nila kailanman magawa ang kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan? Bakit palaging hindi nalulugod ang Diyos? Saan nagkamali ang mga taong ito? Ang pagkakamali nila ay na hindi nila hinahanap ang mga hinihingi ng Diyos, at sa halip ay kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang ideya—ito ang dahilan. Itinuring nilang katotohanan ang mga sarili nilang hangarin, kagustuhan, at mga makasariling motibo, at itinuring nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang gustung-gusto ng Diyos, na para bang ang mga ito ang Kanyang mga pamantayan at hinihingi. Itinuring nilang katotohanan ang pinaniwalaan nilang tama, mabuti, at maganda; mali ito. Ang totoo, kahit maaaring iniisip minsan ng mga tao na tama ang isang bagay at na umaayon ito sa katotohanan, hindi ito agad nangangahulugan na umaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Habang mas iniisip ng mga tao na tama ang isang bagay, lalo dapat silang maging maingat at lalo nilang dapat hanapin ang katotohanan upang makita kung natutugunan ng iniisip nila ang mga hinihingi ng Diyos. Kung sumasalungat ito mismo sa Kanyang mga hinihingi at sa Kanyang mga salita, hindi ito katanggap-tanggap, kahit pa iniisip mong tama ito, isa lamang itong kaisipan ng tao, at hindi ito aayon sa katotohanan gaano mo man naiisip na tama ito. Kung tama ba o mali ang isang bagay ay kailangang tukuyin batay sa mga salita ng Diyos. Gaano mo man naiisip na tama ang isang bagay, mali ito at kailangan mo itong iwaksi, maliban na lang kung may basehan ito sa mga salita ng Diyos. Katanggap-tanggap lamang ito kapag nakaayon ito sa katotohanan, at maaaring maging pasok sa pamantayan ang paggampan mo sa iyong tungkulin sa pamamagitan lamang ng pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo sa ganitong paraan. Ano nga ba ang tungkulin? Isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, bahagi ito ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at isa itong responsabilidad at obligasyon na dapat pasanin ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Karera mo ba ang tungkulin? Isa ba itong personal na usaping pampamilya? Tama bang sabihin na sa sandaling mabigyan ka ng tungkulin, nagiging personal mong gawain ang tungkuling ito? Talagang hindi iyon ganoon. Kaya paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin? Sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa mga hinihingi, salita, at pamantayan ng Diyos, at sa pagbabatay ng iyong pag-uugali sa mga katotohanang prinsipyo sa halip na sa pansariling pagnanais ng tao. Sinasabi ng ilang tao, “Sa sandaling ibigay sa akin ang isang tungkulin, hindi ko ba ito sariling gawain? Ang tungkulin ko ay pananagutan ko, at hindi ko ba sariling gawain kung ano ang pinananagutan ko? Kung pangangasiwaan ko ang aking tungkulin bilang sarili kong gawain, hindi ba’t nangangahulugan ito na gagawin ko ito nang maayos? Gagawin ko kaya ito nang maigi kung hindi ko ito ituturing na sarili kong gawain?” Tama ba ang mga salitang ito o mali? Mali ang mga ito; salungat ang mga ito sa katotohanan. Ang tungkulin ay hindi mo personal na gawain, gawain ito ng Diyos, bahagi ito ng gawain ng Diyos, at dapat mong gawin kung ano ang ipinagagawa ng Diyos; sa pamamagitan lamang ng paggampan sa iyong tungkulin nang may pusong nagpapasakop sa Diyos ka maaaring maging pasok sa pamantayan. Kung palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin ayon sa iyong sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at ayon sa iyong sariling mga kagustuhan, hindi ka kailanman magiging pasok sa pamantayan. Ang paggampan sa iyong tungkulin nang ayon lamang sa gusto mo ay hindi paggampan ng iyong tungkulin, dahil ang ginagawa mo ay wala sa saklaw ng pamamahala ng Diyos, hindi ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos; sa halip, nagsasagawa ka ng sarili mong proyekto, isinasakatuparan ang sarili mong mga gampanin, kung kaya’t hindi ito natatandaan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa mga Katotohanang Prinsipyo Maaaring Magampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin
410. Para sa ilang tao, anuman ang isyung kinakaharap nila sa paggampan sa kanilang mga tungkulin, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at palagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang mga saloobin, kuru-kuro, imahinasyon, at hangarin. Mula umpisa hanggang wakas, binibigyang-kasiyahan nila ang sarili nilang mga pagnanais, at kontrolado ng kanilang mga tiwaling disposisyon ang kanilang mga kilos. Maaaring mukhang lagi nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, pero dahil hindi nila kailanman tinanggap ang katotohanan, at nabigo silang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, sa huli, hindi nila nakakamit ang katotohanan at buhay at nagiging mga trabahador sila na karapat-dapat sa ganoong katawagan. Kaya, sa ano umaasa ang mga taong ito kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin? Hindi sila umaasa sa katotohanan ni sa Diyos. Ang kapirasong katotohanang iyon na nauunawaan nila ay wala pang kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang puso; umaasa sila sa sarili nilang mga kaloob at talento, sa anumang kaalamang natamo nila gayundin sa kanilang sariling pagpupursigi o mabubuting layunin, para magampanan ang mga tungkuling ito. At sa ganitong sitwasyon, magagawa ba nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin sa isang paraan na pasok sa pamantayan? Kapag umaasa ang mga tao sa kanilang pagiging likas, mga kuru-kuro, imahinasyon, kadalubhasaan, at kaalaman sa paggampan ng kanilang mga tungkulin bagama’t maaaring mukhang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at hindi sila gumagawa ng masama, hindi nila isinasagawa ang katotohanan, at wala silang nagawang anuman na nakalulugod sa Diyos. Mayroon ding isa pang problema na hindi maipagwawalang-bahala: Sa proseso ng paggampan sa iyong tungkulin, kung hindi nagbabago ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at ang sarili mong kalooban kailanman at hindi napapalitan ng katotohanan kailanman, at kung ang iyong mga kilos at gawa ay hindi isinasakatuparan alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, ano ang huling kalalabasan nito? Hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok, magiging trabahador ka, sa gayon ay matutupad ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Bakit tinatawag ng Diyos na mga taong gumagawa ng masama ang mga taong ito na nagsusumikap at nagtatrabaho? May isang punto na makatitiyak tayo, at iyon ay na anumang tungkulin o gawain ang ginagawa ng mga taong ito, ang kanilang mga motibasyon, pang-udyok, intensyon, at kaisipan ay nagmumulang lahat sa kanilang sariling mga pagnanais, at ang mga iyon ay pawang para protektahan ang sarili nilang mga interes at kinabukasan, para mapangalagaan din ang sarili nilang imahe at katayuan, at mapalugod ang kanilang banidad. Ang kanilang mga konsiderasyon at kalkulasyon ay pawang nakasentro sa mga bagay na ito, walang katotohanan sa kanilang puso, at wala silang pusong may takot at nagpapasakop sa Diyos. Ito ang ugat ng problema. Ngayon, sa anong paraan napakahalaga sa inyo na maghangad? Sa lahat ng bagay, dapat ninyong hanapin ang katotohanan, at dapat ninyong gampanan ang inyong tungkulin nang maayos ayon sa mga layunin ng Diyos at sa hinihingi ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, matatanggap ninyo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kaya ano, sa partikular, ang may kinalaman sa paggampan ng inyong tungkulin ayon sa hinihingi ng Diyos? Sa lahat ng ginagawa ninyo, dapat kayong matutong manalangin sa Diyos, dapat ninyong pagnilayan kung ano ang inyong mga intensiyon, kung ano ang inyong mga kaisipan, at kung ang mga intensiyon at kaisipang ito ay naaayon sa katotohanan; kung hindi, dapat isantabi ang mga ito, pagkatapos ay dapat kayong kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at tumanggap ng masusing pagsisiyasat ng Diyos. Titiyakin nito na isasagawa ninyo ang katotohanan. Kung mayroon kayong sariling mga intensiyon at layon, at alam na alam ninyo na lumalabag ang mga iyon sa katotohanan at salungat sa mga layunin ng Diyos, pero hindi pa rin kayo nagdarasal sa Diyos at naghahanap ng katotohanan para sa isang solusyon, mapanganib ito, madali kayong makakagawa ng kasamaan at ng mga bagay na lumalaban sa Diyos. Kung makagawa kayo ng kasamaan nang minsan o makalawang beses at magsisi kayo, may pag-asa pa rin kayong maligtas. Kung patuloy kayong gumagawa ng kasamaan, kayo ay mga tagagawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Kung hindi pa rin kayo makapagsisisi sa puntong ito, nanganganib kayo: isasantabi kayo ng Diyos o aabandonahin kayo, na ibig sabihin ay may panganib na matiwalag kayo; ang mga taong gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa ay tiyak na parurusahan at ititiwalag.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
411. Anumang tungkuling iyong ginagampanan ay kinapapalooban ng buhay pagpasok. Kung medyo palagian man o pabago-bago ang iyong tungkulin, nakakabagot man o masigla, dapat mong maabot palagi ang buhay pagpasok. Ang mga tungkuling ginagampanan ng ilang tao ay medyo nakakabagot; pare-pareho lang ang ginagawa nila araw-araw. Gayumpaman, kapag ginagampanan ang mga ito, ang mga kalagayang inihahayag ng mga taong ito ay hindi gayong magkahalintulad. Kung minsan, kapag maganda ang lagay ng loob nila, medyo mas masipag ang mga tao at mas maganda ang kinalalabasan ng ginawa nila. Kung minsan naman, dahil sa hindi-malamang impluwensiya, nag-uudyok ng kalokohan sa kanilang kalooban ang kanilang mga tiwali at satanikong disposisyon, na nagiging dahilan para magkaroon sila ng di-wastong mga pananaw at sumasama ang kanilang kalagayan at lagay ng loob; dahil dito ay pabasta-basta ang paggampan nila sa kanilang tungkulin. Ang mga panloob na kalagayan ng mga tao ay palaging nagbabago; maaaring magbago ang mga ito saanmang lugar at anumang oras. Kung paano man nagbabago ang iyong kalagayan, palaging maling kumilos batay sa iyong lagay ng loob. Sabihin nang medyo mas maganda ang trabaho mo kapag maganda ang lagay ng loob mo, at medyo masama kapag masama ang lagay ng loob mo—ito ba ay maprinsipyong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? Tutulutan ka ba nito na gampanan ang iyong tungkulin sa isang paraan na pasok sa pamantayan? Anuman ang lagay ng loob nila, dapat alam ng mga tao na manalangin sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan; sa ganitong paraan lamang sila makakaiwas na malimitahan at matangay nang paroo’t parito ng kanilang mga lagay ng loob. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang paggampan mo sa iyong tungkulin ay pasok sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ito nang pabasta-basta o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsabilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagnilay-nilay ka sa sarili at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang lagay ng loob matapos kang pungusan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa paggampan sa iyong tungkulin, hindi ka dapat magpaapekto sa lagay ng loob mo. Gaano man kanegatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang gumagampan sa iyong mga tungkulin nang pasok sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sila sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magpunyagi sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin na pasok sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay ginagampanan nang maigi ang kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang pabasta-basta, hindi sila mayabang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gampanin nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumugulo sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang patahimikin ang puso nila sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat ng makakaya para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi nalilimitahan ng anumang lagay ng loob o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong tapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang buhay pagpasok at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Buhay Pagpasok ay Nagsisimula sa Paggampan ng Tungkulin
412. Anuman ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kailangan mo lamang pagsikapan ito nang buo mong lakas, at umaasa Ako na magagawa mong tuparin ang katapatan mo sa Diyos sa harap Niya sa mga huling araw na ito. Hangga’t kaya mong makita ang nasisiyahang ngiti ng Diyos habang Siya ay nakaupo sa Kanyang trono, kahit ito man ay ang oras ng iyong kamatayan, dapat mong makayang tumawa at ngumiti habang ipinipikit ang iyong mga mata. Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin para sa Diyos habang buhay ka pa. Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga huling araw na ito, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilikha para sa Diyos? Dapat mong ibigay samakatwid ang iyong sarili sa Diyos nang maaga, para mapamatnugutan ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang kalooban Niyang gawin sa iyo. Ano ang karapatan ng tao na bumigkas ng mga salita ng pagdaing?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 41
413. Ngayon, kung ano ang kinakailangan sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gawin man lamang ang inyong tungkulin, o magawa ito nang maayos, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t hinahanap ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at kinabukasan? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay alang-alang sa pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang katapatan, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang katapatan sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya alang-alang sa pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng perdisyon? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
414. Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa katunayan, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa loob ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapasailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakaaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga depekto sa kanilang paglilingkod ang pinakaduwag sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, naiwala na nila ang gampaning dapat taglayin ng isang nilikha. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga walang-kabuluhan”; sila ay mga walang-silbing basura. Paano matatawag na mga nilikha ang gayong mga tao sa tunay na kahulugan? Hindi ba’t mga tiwali silang nilikha na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? Kung tinatawag ng isang tao ang kanyang sarili na Diyos subalit hindi niya magawang ipahayag ang pagiging Diyos ng Diyos, gawin ang gawain ng Diyos Mismo, o katawanin ang Diyos, walang-dudang hindi siya Diyos, sapagkat wala siyang diwa ng Diyos, at yaong likas na natatamong Diyos ay hindi umiiral sa kanya. Kung mawala sa tao ang likas na makakamit niya, hindi na siya maituturing na tao, at hindi siya karapat-dapat na tumayo bilang isang nilikha o humarap sa Diyos at paglingkuran Siya. Bukod pa riyan, hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng biyaya ng Diyos o mabantayan, maprotektahan, at magawang perpekto ng Diyos. Maraming hindi na pinagtiwalaan ng Diyos ang tuluyan nang nawalan ng biyaya ng Diyos. Hindi lang nila hindi kinamumuhian ang kanilang masasamang gawa, kundi tahasan nilang ipinakakalat ang ideya na ang daan ng Diyos ay mali, at yaong mga mapaghimagsik ay ikinakaila pa ang pag-iral ng Diyos. Paano magkakaroon ng karapatan ang gayong mga tao, na nagtataglay ng gayong paghihimagsik, na matamasa ang biyaya ng Diyos? Yaong mga hindi tumutupad ng kanilang tungkulin ay napakamapaghimagsik sa Diyos, at malaki ang pagkakautang sa Kanya, subalit tumatalikod sila at bumabatikos na mali ang Diyos. Paanong magiging karapat-dapat ang gayong uri ng tao na magawang perpekto? Hindi ba’t ito ang tanda ng pagtitiwalag at pagpaparusa? Ang mga taong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin sa harap ng Diyos ay nagkasala na ng pinaka-kahindik-hindik na krimen, kung saan kahit kamatayan ay hindi sapat na kaparusahan, subalit may gana pa silang makipagtalo sa Diyos at makipagtagisan sa Kanya. Ano ang halaga ng gawing perpekto ang gayong mga tao? Kung nabibigo ang mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin, dapat silang makonsensiya at makadama ng pagkakautang; dapat nilang kamuhian ang kanilang kahinaan at kawalang-silbi, ang kanilang pagiging mapaghimagsik at pagkatiwali, at bukod pa riyan, dapat nilang ibigay ang kanilang buhay sa Diyos. Saka lamang sila magiging mga nilikha na tunay na nagmamahal sa Diyos, at ang gayong mga tao lamang ang karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, at magawa Niyang perpekto. At paano naman ang nakararami sa inyo? Paano ninyo tinatrato ang Diyos na namumuhay sa piling ninyo? Paano ninyo nagampanan ang inyong tungkulin sa Kanyang harapan? Nagawa ba ninyo ang lahat ng ipinagawa sa inyo, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili ninyong buhay? Ano ang inyong naisakripisyo? Hindi ba marami kayong natanggap mula sa Akin? Nakakakilatis ba kayo? Gaano kayo katapat sa Akin? Paano ninyo Ako napaglingkuran? At paano na ang lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo at nagawa para sa inyo? Nasuri na ba ninyo ang lahat ng ito? Nasuri na ba ninyong lahat at naikumpara ito sa kakatiting na konsensiya sa inyong kalooban? Kanino maaaring maging karapat-dapat ang inyong mga salita at pagkilos? Karapat-dapat kaya ang napakaliit na sakripisyo ninyo sa lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo? Wala Akong ibang pagpipilian at buong-puso na Akong naging deboto sa inyo, subalit nagkikimkim kayo ng mga buktot na intensyon at hindi buo ang puso ninyo sa Akin. Iyan ang tungkuling nagampanan ninyo, ang kakarampot na papel na pinaglingkuran ninyo. Hindi ba’t ganito? Hindi ba ninyo alam na lubos kayong bigong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha? Paano kayo maituturing bilang isang nilikha? Hindi ba malinaw sa inyo ang inyong ipinapahayag at isinasabuhay? Nabigo kayong tuparin ang inyong tungkulin, ngunit hinahangad ninyong matamo ang pagpaparaya at saganang biyaya ng Diyos. Ang gayong biyaya ay hindi naihanda para sa mga walang-silbi at mababang-uri na katulad ninyo, kundi para sa mga yaong walang hinihinging kapalit at malugod na nagsasakripisyo. Ang mga taong katulad ninyo, na mga walang-kakayahan, ay lubos na hindi karapat-dapat na matamasa ang biyaya ng langit. Hirap at walang-katapusang kaparusahan lamang ang makakasama ninyo sa inyong mga araw! Kung hindi ninyo kayang maging deboto sa Akin, ang inyong kapalaran ay magiging isang pagdurusa. Kung hindi ninyo kayang managot sa Aking mga salita at Aking gawain, ang kalalabasan ninyo ay isang kaparusahan. Lahat ng biyaya, pagpapala, at kamangha-manghang buhay sa kaharian ay hindi magkakaroon ng kinalaman sa inyo. Ito ang katapusang nararapat na mapasainyo at ang bunga ng inyong sariling kagagawan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao