Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong

Kung nais mong magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, kailangan mo munang maunawaan ang katotohanan. Kailangan mong hanapin ang katotohanan nang buong puso. Sa paghahanap sa katotohanan, ang susi ay ang matutong pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Ang layon ng gayong pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos ay para maunawaan ang tunay na kahulugan ng mga ito. Sa pamamagitan ng paghahanap mo mauunawaan ang kahulugan ng mga salita ng Diyos, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ang mga layunin ng Diyos na mahahanap sa Kanyang mga salita. Kapag naabot mo ang gayong pagkaunawa, mauunawaan mo ang katotohanan. Sa sandaling maunawaan mo na ang katotohanan, madali nang maarok ang mga prinsipyo na dapat gumabay sa iyong pagsasagawa, at pagkatapos ay maisasagawa mo na ang katotohanan. Sa sandaling matutunan mo nang isagawa ang katotohanan, magsisimula ka nang pumasok sa katotohanang realidad. Sa gayong pagkakataon, mauunawaan mo ang mga bagay na hindi mo maunawaan noon, makikilatis mo ang mga bagay na hindi mo malinaw na nakikita noon, at malulutas mo ang mga problema na dati ay imposible para sa iyo. Sa maraming bagay, magsisimula kang makatanggap ng inspirasyon at ng bagong kabatiran, magbubukas sa iyo ang mga landas ng pagpapatupad, at magagawa mong tuloy-tuloy na isagawa ang katotohanan. Ganito ka ganap na makapapasok sa katotohanang realidad. Gayunpaman, kung hindi mo isinasapuso ang iyong tungkulin, ni hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, kung naguguluhan o nalilito ka, kung ginagawa mo lamang ang mga bagay sa pinakamadaling paraan para sa iyo, kung gayon, anong uri ng mentalidad ito? Ito ay paggawa ng mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Kung hindi ka tapat sa tungkulin mo, kung wala kang pagpapahalaga sa iyong responsabilidad dito, o anumang pagpapahalaga na misyon mo ito, magagampanan mo ba nang maayos ang tungkulin mo? Magagampanan mo ba ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan? At kung hindi mo magagampanan ang tungkulin mo nang pasok sa pamantayan, makapapasok ka ba sa katotohanang realidad? Talagang hindi. Kung, sa tuwing ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka masigasig, ayaw mong magsikap, at iniraraos mo lang ang iyong tungkulin, na parang hindi nag-iisip na tila naglalaro ka lang, hindi ba’t problema ito? Ano ang mapapala mo sa pagganap ng iyong tungkulin sa ganitong paraan? Sa huli, makikita ng mga tao na kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, wala kang pagpapahalaga sa responsabilidad, na pabasta-basta ka, at iniraraos mo lang ang tungkulin—kung magkagayon, nanganganib kang maitiwalag. Sinisiyasat ng Diyos ang buong proseso ng paggampan mo sa iyong tungkulin, at ano ang sasabihin ng Diyos? (Ang taong ito ay hindi karapat-dapat sa Kanyang atas o sa Kanyang pagtitiwala.) Sasabihin ng Diyos na hindi ka mapagkakatiwalaan, at na dapat kang maitiwalag. At kaya, anumang tungkulin ang ginagampanan mo, mahalaga o karaniwan man ito, kung hindi mo isinasapuso ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo o tinutupad ang iyong responsabilidad, at kung hindi mo ito itinuturing bilang atas ng Diyos, o inaako ito bilang sarili mong tungkulin at obligasyon, palaging ginagawa ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta, kung gayon, magiging problema ito. “Hindi mapagkakatiwalaan”—tutukuyin ng dalawang salitang ito kung paano mo ginagawa ang iyong tungkulin. Ang ibig sabihin ng mga ito ay na hindi naaayon sa pamantayan ang iyong pagganap sa iyong tungkulin, at na itiniwalag ka, at sinasabi ng Diyos na hindi pasok sa pamantayan ang karakter mo. Kung ipinagkatiwala sa iyo ang isang bagay pero ito ang saloobin mo rito at ganito mo ito pinangangasiwaan, aatasan ka pa ba ng karagdagang mga tungkulin sa hinaharap? Maipagkakatiwala ba sa iyo ang anumang bagay na mahalaga? Hinding-hindi, maliban na lang kung magpakita ka ng tunay na pagsisisi. Gayunpaman, sa kaibuturan, palaging magkikimkim ng kaunting kawalan ng tiwala at kawalan ng kasiyahan ang Diyos sa iyo. Magiging problema ito, hindi ba? Maaari kang mawalan ng anumang pagkakataong gampanan ang iyong tungkulin, at maaaring hindi ka maliligtas.

Kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, sa katunayan, ginagawa nila ang dapat nilang gawin. Kung ginagawa mo ito sa harap ng Diyos, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin at nagpapasakop ka sa Diyos nang may pag-uugali ng katapatan at may puso, hindi ba’t mas magiging tama ang ugaling ito? Kaya paano mo dapat gamitin ang ugaling ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? Dapat mong gawing realidad mo ang “pagsamba sa Diyos nang may puso at katapatan.” Tuwing gusto mong magpakakupad at iraos lamang ang gawain, tuwing gusto mong kumilos sa tusong paraan at maging tamad, at tuwing naaabala ka o mas ginugustong magpakasaya na lamang, dapat mong isaalang-alang: “Sa pagkilos nang ganito, ako ba ay nagiging di-mapagkakatiwalaan? Ganito ba ang pagsasapuso ko sa paggawa ng aking tungkulin? Ako ba ay nagiging di-tapat sa paggawa nito? Sa paggawa nito, nabibigo ba akong tuparin ang inaasahan sa akin sa atas na naipagkatiwala ng Diyos sa akin?” Ganito ka dapat magnilay sa sarili mo. Kung malalaman mo na ikaw ay palaging pabasta-basta sa iyong tungkulin, na ikaw ay hindi tapat, at na nasaktan mo ang Diyos, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihing, “Nadama ko sa sandaling iyon na may mali rito, pero hindi ko ito itinuring na problema; pinahapyawan ko lang iyon nang walang-ingat. Ngayon ko lang natanto na talagang ako ay naging pabasta-basta, na hindi ko natupad ang aking responsabilidad. Talagang wala akong konsensiya at katwiran!” Natuklasan mo ang problema at nakilala mo nang kaunti ang iyong sarili—kaya ngayon, dapat mong baguhin nang lubusan ang sarili mo! Ang iyong saloobin sa pagganap sa iyong tungkulin ay mali. Nawalan ka ng ingat doon, gayundin sa dagdag na trabaho, at hindi mo isinapuso iyon. Kung muli kang pabasta-basta na katulad nito, dapat kang manalangin sa Diyos at hayaan Siyang disiplinahin at ituwid ka. Dapat magkaroon ka ng gayong kalooban sa paggawa ng iyong tungkulin. Saka ka lamang tunay na makapagsisisi. Makapagbabago ka lamang nang lubusan kapag malinis ang iyong konsensiya at nagbago na ang iyong saloobin sa pagganap mo sa iyong tungkulin. At habang nagsisisi ka, dapat mo ring pagnilayan nang madalas kung talagang naibigay mo ang iyong buong puso, buong isipan, at buong lakas sa pagganap mo sa iyong tungkulin; pagkatapos, gamit ang mga salita ng Diyos bilang panukat at iniaangkop ang mga ito sa iyong sarili, malalaman mo kung ano pa ang mga problema sa pagganap mo sa iyong tungkulin. Sa patuloy na paglutas ng mga problema sa ganitong paraan, nang ayon sa salita ng Diyos, hindi ba’t ginagawa mong realidad ang pagganap mo sa iyong tungkulin nang buong puso, isip, at lakas? Sa paggampan mo sa iyong tungkulin sa gayong paraan: hindi ba’t nagagampanan mo na ito nang buong puso, isip, at lakas? Kung wala nang anumang pagtatalo sa iyong konsensiya, kung magagawa mong matugunan ang mga kwalipikasyon at magpakita ng katapatan sa pagganap ng iyong tungkulin, saka lamang tunay na magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan sa puso mo. Ang pagganap ng iyong tungkulin ay magiging tila ganap na likas at may katwiran, sa halip na isang karagdagang pasanin, at hindi na parang isang trabahong ginawa para sa ibang tao. Sa paggampan ng isang tungkulin sa ganitong paraan, nasisiyahan ang pakiramdam mo, at pakiramdam mo ay namumuhay ka sa piling ng Diyos. Ang pag-asal nang ganito ay nagdudulot ng kapayapaan ng isip. Hindi ba’t gagawin ka nitong mas tao at hindi gaanong parang isang zombie? Madali bang umasal nang ganito? Sa totoo lang, madali ito, pero hindi ito madali para sa mga hindi tumatanggap sa katotohanan.

Sa katunayan, magampanan man o hindi ng isang tao ang kanyang tungkulin nang naaayon sa pamantayan, may umiiral na bigat sa puso niya. Kung palagi siyang nakikinig sa mga sermon, palaging nagbabasa ng salita ng Diyos, at palaging nakikipagbahaginan sa iba, kahit na mababaw lang ang kanyang pagkaunawa sa katotohanan, kahit papaano ay mauunawaan niya ang ilang doktrina. Sa pagsasaalang-alang sa mga doktrinang ito, mahuhusgahan din niya kung gaano kahusay niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin at kung sinusunod niya ang mga prinsipyo. Ang kalinawan na ito ay maaaring makamtan ng lahat ng may konsensiya at katwiran. Maraming beses, kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, ginagawa nila ito nang pabasta-basta. Hindi nila inilalaan ang kanilang buong lakas, lalong hindi nila hinahanap ang katotohanan at hindi sila kumikilos ayon sa mga prinsipyo. Ano man ang mga tungkulin nila, nagbubulag-bulagan sila. Bagamat maaaring may nakikita silang problema, hindi sila naghahangad na makahanap ng solusyon, bagkus ay kumikilos sila na parang hindi nila problema ito at gumagawa ng mga padalos-dalos na pagtatangka upang lutasin ito. Sa puso nila, tingin nila ay hindi na kailangan pang pahirapan ang kanilang sarili, hindi na kailangan pang maging masigasig sa bagay ito. Gayunpaman, ang pagpapaunlak sa kanilang sarili sa ganitong paraan ay nagiging sanhi ng bahagyang paglala ng kanilang lagay. Kung gagampanan mo ang tungkulin mo nang walang pakiramdam ng pasanin, hindi maiiwasang magiging pabasta-basta ang puso mo. Hindi nito makakayanang umako ng mga responsabilidad, lalo na ang maging tapat. Bilang resulta, ipagkakait ang kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu. Palagi kang sumusunod sa mga naitatag nang prinsipyo at regulasyon nang walang anumang bagong liwanag o kabatiran, walang ibang ginagawa kundi ang iraos lang ang tungkulin. Ang paggampan sa tungkulin mo sa gayong paraan ay walang kabuluhan, kahit na nagtatrabaho ka, hindi ito sapat. Kung maging ang pagtatrabaho mo ay hindi sapat, maaari ka bang maging isang tapat na trabahador? Hinding-hindi. Ang mga nagtatrabaho nang hindi sapat ay maaari lamang itiwalag. Ang ilang taong magulo ang isip ay walang kahit katiting na pagkaunawa sa katotohanan. Iniisip nila na ang simpleng paggampan sa kanilang tungkulin ay pagsasagawa sa katotohanan. Iniisip nila na sa simpleng paggampan sa kanilang tungkulin, isinasagawa na nila ang katotohanan. Kung tatanungin mo ang gayong tao, “Maisasagawa mo ba ang katotohanan?” sasagot siya, “Hindi ba’t isinasagawa ko ang katotohanan sa pamamagitan ng paggawa ng aking tungkulin?” Tama ba siya? Iyon ang mga salita ng isang taong magulo ang isip. Upang magampanan ang iyong tungkulin, sa pinakamababa, dapat mong ibigay ang iyong buong puso, isip, at lakas dito para epektibong maisagawa ang katotohanan. Upang epektibong maisagawa ang katotohanan, dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Kung pabasta-basta mong gagawin ang tungkulin mo, wala itong tunay na epekto. Hindi mo ito matatawag na pagsasagawa sa katotohanan, ito ay walang iba kundi pagtatrabaho lamang. Malinaw na nagtatrabaho ka lamang, iba ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagtatrabaho ay simpleng paggawa ng mga bagay-bagay na nakalulugod sa iyo ayon sa sarili mong kagustuhan, habang binabalewala ang lahat ng bagay na hindi ka nasisiyahang gawin. Ano man ang mga paghihirap na nararanasan mo, hindi mo kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Sa panlabas, maaaring mukhang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, pero ang lahat ng ito ay pagtatrabaho lamang. Ang sinumang hindi gumagampan sa kanyang tungkulin sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ay walang anumang nakakamit kundi ang magtrabaho. Sa pamilya ng Diyos, maraming tao ang nagtatangkang gampanan ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Maraming taon silang nagpapakapagod nang wala namang napapala, hindi nila maisagawa ang katotohanan o hindi sila makakilos ayon sa mga prinsipyo sa pagganap ng kanilang tungkulin. Samakatuwid, kung ang mga tao ay madalas kumikilos ayon sa sarili nilang kagustuhan at gumaganap sa kanilang mga tungkulin ayon sa sarili nilang kagustuhan, kahit na hindi sila gumagawa ng masama, hindi rin ito itinuturing na pagsasagawa sa katotohanan. Sa huli, ang paggawa nila sa loob ng maraming taon ay hindi nagbibigay-daan sa kanila na maunawaan ang anumang bagay sa katotohanan, at wala silang mga patotoong batay sa karanasan na maibabahagi. Bakit ganito? Ito ay dahil hindi tama ang mga layuning gumagabay sa mga taong ito para magampanan ang kanilang tungkulin. Ang dahilan ng paggampan nila sa kanilang tungkulin ay tiyak na para makatanggap ng mga pagpapala, nais nilang makipagkasunduan sa Diyos. Hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin para lang makamit ang katotohanan. Ginagampanan nila ang kanilang tungkulin dahil wala silang ibang pagpipilian. Sa kadahilanang ito, palagi silang nalilito at iniraraos lang nila ang tungkulin nang pabasta-basta. Hindi nila hinahanap ang katotohanan, kaya pawang pagtatrabaho lamang ang mga ito. Gaano man karaming tungkulin ang ginagampanan nila, walang tunay na epekto ang mga kilos nila. Hindi ganito ang kalagayan ng mga may takot sa Diyos sa kanilang puso. Palagi silang nagninilay-nilay kung paano kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos at kung paano kumilos para sa ikabubuti ng pamilya ng Diyos at ng Kanyang mga hinirang na tao. Palagi nilang taimtim na pinag-iisipan ang tungkol sa mga prinsipyo at resulta. Palagi silang nagsisikap na isagawa ang katotohanan at ipakita ang pagsunod sa Diyos. Ito ang tamang saloobin ng puso. Ito ang mga taong naghahanap sa katotohanan at nagmamahal sa mga positibong bagay. Ang ganitong uri ng tao, kapag ginagampanan ang kanyang mga tungkulin, ay tinatanggap ng Diyos at tumatanggap ng Kanyang papuri. Bagamat yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay maaaring tila gumaganap ng kanilang tungkulin, hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit kaunti. Kumikilos sila ayon sa sarili nilang kagustuhan at gumagawa lang ng mga bagay na iwas sa anumang desbentaha at mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanilang sarili. Nagsisikap lang sila nang kaunti at iniiwasan ang anumang paghihirap, pero gusto pa rin nila ang pagsang-ayon ng mga hinirang ng Diyos at ang isang magandang reputasyon. Kung ito ang pinagtutuunang-pansin ng puso nila, magagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin nang ayon sa pamantayan? Siguradong hindi. Bagamat tila ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin sa panlabas, ang totoo ay hindi namumuhay sa harap ng Diyos ang puso ninyo. Kung lahat ng atensiyon ninyo ay ganap na nakatutok sa mga pansariling pagpapakana at kalkulasyon, hindi ka man lang makakausad kahit na maraming taon ka nang nananalig. Bagamat madalas kayong nagtitipon, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang sama-sama, nakikinig sa mga sermon at nagbabahaginan, sa sandaling natatapos ninyo ang salita ng Diyos at umaalis kayo sa inyong tagpuan, walang salita ng Diyos ang nananatili sa puso ninyo. Wala ni isa sa mga salita ng Diyos, ni isang salita ng katotohanan, ang namamalagi sa puso ninyo. Kung minsan ay isinusulat ninyo ang Kanyang mga salita sa isang kuwaderno, pero hindi naman ninyo isinasapuso ang mga ito, at nakakalimutan ninyo ang lahat sa isang kisap-mata. Bukod pa roon, hindi ninyo kailanman pinagninilayan ang katotohanan sa salita ng Diyos sa inyong pang-araw-araw na buhay. Sa paggampan ng inyong tungkulin, hindi ninyo kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Anumang mga paghihirap ang nakakaharap ninyo, pinanghahawakan ninyo ang isang pabasta-bastang pag-uugali. Kahit na sa gitna ng pagpupungos, kailanman ay hindi kayo nananalangin sa Diyos o naghahanap sa katotohanan. Sa ganitong sitwasyon, hindi kayo mukhang naiiba sa mga walang pananampalataya. Ilang taon na kayong nananalig sa Diyos, pero wala kayong pagpasok sa buhay, ni katotohanang realidad. Ang inyong pagganap ng tungkulin ay pawang pagtatrabaho lamang, at ang layunin ninyo ay ang ipagpalit ang gayong pagtatrabaho para sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Walang duda rito. Sa pananalig sa Diyos sa ganitong paraan, mahirap para sa inyo na makapasok sa katotohanang realidad, mahirap na makamit ang buhay at ang katotohanan. Sa inyo, mayroong mga nagtataglay ng mahusay na kakayahan, ngunit kahit na higit sa isang dekada na ang kanilang pananampalataya, kaya lamang nilang magbigkas ng ilang salita at doktrina, at humihinto sila sa mabababaw na salita at doktrina. Kotento na sila na makaunawa ng kaunting doktrina at iniisip nila na sapat na ang simpleng pagsunod sa mga regulasyon. Mahihirapan silang gumawa ng mas higit pa. Sapagkat hindi pa nasubukan ng puso ng gayong mga tao na maunawaan ang katotohanan, napakalimitado ng saklaw ng kakayanan nilang makapapasok sa katotohanang realidad. Ang magagawa lang nila ay sumunod sa ilang regulasyon. Kung tatanungin kayo kung paano ninyo dapat isagawa ang katotohanan sa paggampan ng inyong tungkulin, marahil ay sasabihin ninyo, “Manalangin nang higit pa, kusang tumanggap ng pagdurusa, habang ginagampanan ang inyong tungkulin, huwag maging tamad o pabasta-basta, kumilos ayon sa mga prinsipyo, at magpasakop sa pamilya ng Diyos sa anumang hinihingi nito.” Kaya ninyong talakayin ang mga mababaw, doktrinal na mga aspekto ng pagtupad ng inyong tungkulin, pero sa mga partikular na isyu na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, mayroon lamang kayong kaunting pagkaunawa. Ipinapakita nito na karamihan sa mga tao ay naiintindihan lamang ang literal na kahulugan ng katotohanan, pero hindi nila nauunawaan ang realidad ng katotohanan. Dahil dito, hinding-hindi talaga nila nauunawan ang katotohanan. Ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ay maaaring magbigay ng ilang salita at doktrina tungkol sa katotohanan, pero dapat ba nating ikonsidera na nakapagkamit sila ng katotohanan? (Siyempre hindi.) Kaya, ano ang dapat ninyong pagtuunan sa hinaharap? Dapat kayong mamuhay ng normal na espirituwal na buhay, nagdarasal, nagtitipon, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nakikinig sa mga sermon, at umaawit ng mga himno para purihin ang Diyos. Dagdag pa sa panlabas na pagsunod sa mga pagsasagawang ito, hindi ninyo dapat ipagpaliban ang inyong tungkulin, sa halip ay dapat ninyo itong gampanan nang maayos. Nariyan din ang pinakamahalagang bagay na dapat ninyong maunawaan: Kung nais mong hangarin ang katotohanan, kung nais mong maunawaan at makamit ang katotohanan, dapat kang matuto kung paano manahimik sa harap ng Diyos, kung paano pagnilayan ang katotohanan, at kung paano pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Mayroon bang mga pormalidad na dapat isaalang-alang habang pinagninilayan ang katotohanan? Mayroon bang anumang regulasyon? Mayroon bang anumang mga limitasyon sa oras? Kailangan mo ba itong gawin sa isang partikular na lugar? Hindi—maaari mong pagnilayan ang mga salita ng Diyos sa anumang oras o saanmang lugar. Isantabi ang oras na kalimitan ninyong iginugugol sa paglilibang o pangangarap nang gising at igugol ito sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, upang hindi masayang ang araw. Paano nagsasayang ng oras ang mga tao? Ginugugol nila ang kanilang mga araw sa walang saysay na kuwentuhan, ginagawa ang mga bagay na interesado sila, o sumasali sa mga kalokohan na walang kinalaman sa katotohanan, at kapag wala na silang ibang gagawin, nag-iisip sila ng mga walang kabuluhang bagay at mga bagay na nangyari na. Iniisip nila kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap, kung nasaan ang kaharian sa hinaharap at ang impiyerno, at iba pa. Hindi ba’t mga kalokohan ito? Kung ginugugol ninyo ang oras na ito sa mga positibong bagay—kung tahimik kayo sa harap ng Diyos, gumugugol ng mas maraming oras sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos at pagbabahagi sa katotohanan, suriin ang bawat kilos ninyo, at dalhin ang mga ito sa harapan ng Diyos para sa Kanyang pagsisiyasat; kung pagkatapos ay pinagninilayan ninyo kung anong mga isyu ang nananatiling hindi nalulutas sa inyo at kung anong mga paghihirap ang natitira pang dapat talakayin sa pagganap ng inyong tungkulin, at kung nalutas na sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan sa mga salita ng Diyos ang inyong mga tiwaling disposisyon na madalas na mabunyag—lalo na iyong mga pinakasuwail laban sa Diyos at pinakanakamamatay; kung malulutas ang lahat ng isyung ito sa loob ng takdang panahon, unti-unti kayong papasok sa katotohanang realidad.

Paano dapat isagawa ang pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos? Una, pag-isipan at pagnilayan nang madalas ang tungkol sa mga espirituwal na termino at pananalita na karaniwan ninyong ginagamit. Tanungin ang sarili ninyo: “Maaaring alam ko kung ano ang literal at teoretikal na kahulugan ng mga bagay na ito, pero ano ang ibig sabihin ng mga ito sa praktikal na mga termino? Ano ang praktikal na saklaw ng mga ito? Paano ako magtataglay ng realidad na ipinapahiwatig sa loob ng mga espirituwal na pagpapahayag na iyon? Saan ko dapat simulan ang pagsagsagawa at pagpasok sa mga ito?” Ganito kayo dapat magnilay-nilay. Dito nagsisimula ang pagninilay-nilay sa salita ng Diyos. Mahirap unawain ang katotohanan at isagawa ito kung ang isang tao ay nananalig sa Diyos pero hindi natuto kung paano pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Kung hindi maunawaan ng isang tao ang katotohanan, maaari ba siyang pumasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Kung walang pagpasok sa katotohanang realidad, makakamit ba ng isang tao ang katotohanan? (Hindi.) Kung hindi makakamit ang katotohanan, mapapalugod ba ng isang tao ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Hindi nila magagawa—tiyak iyon. Dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, namumuhay lamang sila sa kanilang tiwaling disposisyon, at nilalabanan nila ang Diyos. Paano matutugunan ng gayong mga tao ang mga layunin ng Diyos? Talagang hindi ito magagawa. Kung gayon, paano pagninilayan ng isang tao ang mga salita ng Diyos? Halimbawa, kapag isinasaalang-alang mo ang madalas na ulitin na pariralang “pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan,” ito ang dapat mong pagnilayan: Ano ang pagkatakot sa Diyos? Ang pagsasabi ba ng mali ay katumbas ng hindi pagkatakot sa Diyos? Masama ba ang pagsasalita nang ganoon? Itinuturing ba iyon ng Diyos na isang kasalanan? Aling mga kilos ang masama? Ang aking mga kaisipan, layunin, ideya at opinyon, ang motibo at pinagmumulan ng aking mga salita at kilos, at ang iba’t ibang disposisyon na nabubunyag sa akin—naaayon ba ang lahat ng ito sa katotohanan? Alin sa mga ito ang sinasang-ayunan ng Diyos, at alin ang kinasusuklaman Niya? Alin ang kinokondena Niya? Sa anong mga bagay malamang na makagawa ng malalaking pagkakamali ang mga tao? Ang lahat ng ito ay nararapat pagnilayan. Karaniwan ba para sa inyo na pagnilayan ang katotohanan? (Hindi tayo gumugugol ng maraming oras sa pagninilay-nilay sa katotohanan; kadalasan, hindi tayo aktibong nag-iisip.) Isipin ninyo kung gaano karaming oras na ang nasayang sa paglipas ng mga taon! Gaano ninyo kadalas naiisip ang mga bagay na may kaugnayan sa katotohanan, sa pananalig sa Diyos, sa buhay pagpasok, at sa pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Napag-isipan na ba ninyo nang mabuti ang mga bagay na ito? Kapag napagnilayan ninyo ang mga salita ng Diyos hanggang sa punto ng pagkaunawa sa katotohanan at pagsasagawa nito alinsunod sa mga prinsipyo, iyon ang panahon kung kailan magsisimula kayong makakita ng bunga, at kung kailan kayo makapapasok sa buhay. Hindi pa kayo marunong magnilay-nilay sa mga salita ng Diyos, ni hindi pa ninyo naunawaan ang katotohanan. Hindi pa kayo nakapasok sa buhay. Kailangan ninyong pasikapan ito at huwag sayangin ang inyong oras. Tulad ng kapag ang isang tao, gaano man katanda, ay nagsisimulang mag-isip tungkol sa kung paano matuto ng isang propesyon, kung paano kumita ng pera at suportahan ang kanyang pamilya, kung paano mamuhay nang maganda, kung paano tratuhin ang iba, kung ano ang magiging hitsura ng kanyang kinabukasan, at iba pa, nangangahulugan ito na lumago na ang pag-iisip ng taong ito at nagsisimula na siyang mamuhay nang hindi umaasa sa iba. Ang isang taong hindi nag-iisip tungkol sa mga gayong bagay at hindi kailanman napag-isipan ang gayong mga bagay ay isang taong walang mga kaisipan o sariling opinyon. Hindi nila maintindihan ang mga bagay na ito tungkol sa buhay, kaya kailangan nilang umasa sa kanilang mga magulang sa lahat ng bagay. Umaasa sila sa mga magulang nila para sa perang panggastos, sa pagkaing kakainin, at para sa mga damit na susuotin. Kung hindi sila aalagaan ng kanilang mga magulang, sila ay maghihikahos, magugutom, at lalamigin. Maaari bang mamuhay nang nakapag-iisa ang gayong tao? Isa ba itong tao na may sapat nang gulang? (Siyempre hindi.) Nasaang antas na kayo ngayon? Nasa hustong gulang na ba ang inyong pananampalataya? Ngayon, kung walang magdidilig sa inyo, kung hindi mangangaral sa inyo ang Itaas, kung walang gagabay sa inyo at sa halip ay hahayaan kayong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at makinig sa mga himno nang mag-isa, magkakaroon ba kayo ng buhay pagpasok? Maisasagawa ba ninyo ang katotohanan, magagampanan nang maayos ang inyong tungkulin, at makakikilos ayon sa prinsipyo? (Hindi.) Narito ang problema. Nangangahulugan ito na napakababa pa rin ng tayog ninyo. Hindi man lang ninyo magampanan nang maayos ang inyong tungkulin at wala pa kayo sa hustong gulang. Sa mga kasalukuyang sitwasyon, kung may namumuno at nagpapastol sa inyo, maaari kayong manalig sa Diyos at gumampan sa inyong tungkulin. Mayroon kayong wangis ng isang taong may pananampalataya. Subalit kung sa hinaharap ay walang sinumang gagabay sa inyo, hindi ba’t mabubunyag kung kaya ninyong manindigan at tuparin nang tama ang inyong tungkulin, at kung gaano karaming katotohanang realidad ang natamo ninyo? Kung hindi ninyo napagtatanto na wala kayong katotohanang realidad hanggang sa dumating ang oras na iyon, hindi ba’t nakababahala ito? Napakamapanganib nito! Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, hindi ka matututo kung paano manindigan sa iyong patotoo, at hindi ka matututo kung paano palugurin ang mga layunin ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng landas, ng direksyon sa puso mo, at walang katotohanan ang mag-uugat sa loob mo. Kung gayon, paano ka makakapanindigan? Kung hindi mo taglay ang katotohanang realidad, malamang na matitisod ka kapag nahaharap ka sa mga tukso. Kapag nakakatagpo ka ng mga huwad na lider o anticristo na gumagawa ng masama at nagtatangkang hadlangan ang gawain ng iglesia, hindi mo makikilala ang totoong sila at hindi ka makakawala sa kanilang pagkakahawak. Kung magagawa mo pa ring sumunod sa gayong mga huwad na lider at anticristo, magkakaproblema ka. Ibubunyag ka ng dalawang katanungang ito at manganganib kang maitiwalag. Samakatuwid, ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan na patuloy mong pagbulay-bulayan ang salita ng Diyos at pagnilay-nilayan ang katotohanan. Sa ganitong paraan ka makapapasok sa katotohanang realidad at makapagkakamit ng katotohanan.

Sa kasalukuyan, marami bang tukso para sa mga taong namumuhay sa lipunang ito? Pinapalibutan ka ng mga tukso mula sa lahat ng panig, lahat ng uri ng masasamang agos, lahat ng uri ng diskurso, lahat ng uri ng kaisipan at pananaw, lahat ng uri ng panlilihis at pang-aakit mula sa lahat ng uri ng tao, lahat ng uri ng mala-demonyong mukha na isinusuot ng lahat ng uri ng tao. Ang lahat ng ito ay mga tuksong kinakaharap mo. Halimbawa, maaaring ginagawan ka ng pabor ng mga tao, pinapayaman ka, nakikipagkaibigan sa iyo, nakikipagtagpo sa iyo, binibigyan ka ng pera, binibigyan ka ng trabaho, inaanyayahan kang sumayaw, pinapakitaan ka ng kagandahang-loob, o binibigyan ka ng mga regalo. Ang lahat ng bagay na ito ay posibleng mga tukso. Kung hindi nagiging maayos ang mga bagay-bagay, mahuhulog ka sa bitag. Kung hindi nasasangkapan ang kalooban mo ng ilang katotohanan at wala kang anumang tunay na tayog, hindi mo makikita ang totoong katangian ng mga bagay na ito, at magiging mga bitag at tukso ang mga ito para sa iyo. Sa isang banda, kung hindi mo taglay ang katotohanan, hindi mo makikilatis ang mga panlalansi ni Satanas, at hindi mo makikita ang mga satanikong mukha ng iba’t ibang uri ng tao. Hindi mo madadaig si Satanas, hindi ka makapaghihimagsik laban sa laman, at hindi ka magkakaroon ng pagpapasakop sa Diyos. Sa kabilang banda naman, sa kawalan ng katotohanang realidad, hindi mo magagawang labanan ang lahat ng iba’t ibang masamang agos, masamang pananaw, at kakatwang kaisipan at kasabihan. Kapag nahaharap sa mga ito, ito ay magiging parang isang biglaang lamig. Marahil ay magkakaroon ka lang ng simpleng sipon, o maaaring magkasakit ka nang mas malubha—maaari ka pa ngang dumanas ng cold stroke[a] na posibleng nakamamatay. Baka tuluyang mawala ang pananalig mo. Kung wala kang katotohanan, malilito at maguguluhan ka na sa ilang salita pa lamang ng mga Satanas at ng mga diyablo ng mundo ng mga walang pananampalataya. Kukuwestiyunin mo kung dapat kang manampalataya sa Diyos o hindi at kung tama ba ang gayong pananampalataya. Maaaring, sa pagtitipon ngayon, nasa mabuting kalagayan ka, pero bukas, uuwi ka at manonood ng dalawang episode ng isang palabas sa telebisyon. Nalihis ka na. Sa gabi, nakakalimutan mong magdasal bago matulog, at ang isipan mo ay puno ng kuwento ng naturang palabas sa telebisyon. Kung patuloy kang manonood ng telebisyon sa loob ng dalawang araw, malayo na sa Diyos ang puso mo. Ayaw mo nang basahin ang salita ng Diyos o ibahagi ang tungkol sa katotohanan. Ni ayaw mo nang magdasal sa Diyos. Sa puso mo, palagi mong sinasabi, “Kailan ba ako makagagawa ng isang bagay? Kailan ko masisimulan ang isang mahalagang layon? Hindi maaaring maging walang saysay ang buhay ko!” Pagbabago ba iyon ng saloobin? Noong una, gusto mong mas maunawaan ang katotohanan para maipalaganap mo ang ebanghelyo at makapagpatotoo ka para sa Diyos. Bakit nagbago ka na ngayon? Sa pamamagitan lamang ng panonood ng mga pelikula at programa sa telebisyon, tinutulutan mo si Satanas na maimpluwensiyahan ang puso mo. Talagang mababa nga ang tayog mo. Sa tingin mo ba ay mayroon kang tayog para labanan ang masasamang agos na ito? Ngayon, nagpapakita ng kabutihan sa iyo ang Diyos at dinadala ka Niya sa Kanyang sambahayan para magampanan mo ang iyong tungkulin. Huwag mong kalimutan ang tayog mo. Sa kasalukuyan, isa kang bulaklak sa punlaan, hindi makayanan ang hangin at ulan sa labas. Kung hindi makikilala at makakayanan ng mga tao ang mga tuksong ito, maaari silang bihagin ni Satanas anumang oras, sa anumang lugar. Ganoon ang mababang tayog at kahabag-habag na kalagayan ng tao. Sapagkat hindi ka nagtataglay ng katotohanang realidad at wala kang pagkaunawa sa katotohanan, ang lahat ng salita ni Satanas ay parang lason sa iyo. Kung pakikinggan mo ang mga ito, makukulong ang mga ito sa loob ng puso mo at hindi ito maaalis. Sa puso mo, sinasabi mo, “Tatakpan ko ang aking mga tainga at isasara ang aking mga mata,” pero hindi mo matatakasan ang panunukso ni Satanas. Hindi ka namumuhay nang hiwalay sa impluwensiya ng iba. Kung naririnig mo ang mga salita ni Satanas, hindi mo magagawang tumutol. Mahuhulog ka sa bitag. Walang magiging silbi ang iyong mga panalangin at pagsumpa sa sarili. Hindi mo kayang tumutol. Ang gayong mga bagay ay nakakaimpluwensiya sa iyong mga kaisipan at kilos. Mahahadlangan nito ang landas ng iyong paghahangad sa katotohanan. Maaari ka pa ngang kontrolin ng mga ito, pigilan ka sa paggugol ng iyong sarili para sa Diyos, gawin kang negatibo at mahina, at ilayo ka sa Diyos. Sa huli, ikaw ay magiging walang halaga at mawawalan ng lahat ng pag-asa.

Ngayon ay iniisip mo na tapat ka sa Diyos. Mayroon kang ambisyon, determinasyon, at mithiin na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ngunit paano mo kakayanin kapag naharap ka sa mga pagsubok ng Diyos? Sinasabi mo na magpapasakop ka, pero kapag naglalagay ang Diyos ng paghihirap sa harap mo na hindi naaayon sa iyong mga kuru-kuro at hinahangad, ano ang magagawa mo kapag hindi mo magawang magpasakop sa Kanya? Kapag ginagantimpalaan ng Diyos ang mga tao, nababagay ito sa kanilang mga sikolohikal na pangangailangan at umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at panlasa, upang makapagpasakop sa Kanya ang mga tao. Ngunit kapag kinukuha ng Diyos ang mga bagay mula sa iyo, paano ka tutugon? Makakapanindigan ka ba sa iyong patotoo sa gitna ng mga pagsubok ng Diyos at sa kapaligirang dinisenyo Niya para sa iyo? Magiging problema ba ito? Kapag sinabi mo, “Siguradong maninindigan ako sa aking patotoo,” ang iyong mga salita ay pagmamayabang, kalokohan, kamangmangan, at kahangalan. Alam mo ba kung ano ang nais gawin ng Diyos sa iyo? Alam mo ba kung bakit nais ng Diyos na subukin ka? Ano ang gusto Niyang ibunyag sa iyo? Sinasabi mo, “Mayroon akong kagustuhang tumanggap ng pagdurusa, handa ako, hindi ako natatakot sa anumang pagsubok na maaaring ibigay sa akin ng Diyos,” ngunit pagkatapos ay may biglang nangyari na hindi mo inaasahan, isang bagay na hindi mo kailanman napaghandaan. Kung gayon, ano ang silbi ng paghahanda mo? Wala. Sabihin nang noon pa man ay malusog na ang katawan mo. Nagawa mo ang tungkulin mo sa loob ng maraming taon at pinrotektahan ka ng Diyos sa lahat ng sakit. Naging maayos ang landas mo. Biglang isang araw ay nagpacheck-up ka at nakakita ang mga doktor ng isang kakaibang sakit, na sa kalaunan ay na-diagnose nila bilang isang nakamamatay na sakit. Sa puso mo, para bang may puwersang naggiya sa malalakas na agos at nagtaob sa isang malaking karagatan. “Wala sa mga kapatid sa iglesia ang may ganitong sakit,” sabi mo. “Ako ang pinakamatagal nang nananalig sa Diyos, ako ang naging pinakaaktibo sa pagganap ng aking tungkulin, at pinakahigit na nagdusa. Paanong ako ang may ganitong sakit?” Pagkatapos pagnilayan ang isyu, napagtanto mo na tiyak na isa itong pagsubok mula sa Diyos at dapat kang magpasakop. Sa ngayon, mayroon ka pa ring pananalig para manalangin sa Diyos. Pero pagkatapos mong magdasal nang ilang panahon at hindi ka pa rin gumagaling, napagpapasyahan mo, “Hinahayaan ako ng Diyos na mamatay. Gusto ng Diyos na kuhain ang buhay ko!” Magpapasakop ka pa rin ba sa Diyos ngayon? (Malamang ay hindi.) Tatangis ka, “Diyos ko! Ayaw kong mamatay. Hindi pa ako nakapamuhay nang sapat. Bata pa ako. Kalahati pa lang ng buhay ko ang naranasan ko. Bigyan Mo ako ng ilang taon pa. Marami pa akong pwedeng gawin!” Walang silbi ang magdasal na pagalingin ka ng Diyos. Gaano karaming beses ka mang suriin, makikita lamang na nakamamatay ang karamdaman mo. Kung magpapagamot ka, mamamatay ka. Kung hindi ka magpapagamot, mamamatay ka rin. Ano ang gagawin mo kung gayon? Maraming beses, kapag sinusubok ng Diyos ang mga tao, sa simula ay iniisip nila na tama at mabuti ang mga kilos ng Diyos, pero kapag nagiging malinaw na ang magiging katapusan, iniisip nila, “Marahil ay kagustuhan talaga ng Diyos na mamatay ako. Kung nais ng Diyos na mamatay ako, hayaan nang mamatay ako!” Kaya naghihintay na lang sila na mamatay nang pasibo at nang wala nang magagawa pa. Anong klase ng saloobin itong paghihintay sa kamatayan? Mayroon bang anumang elemento ng pagpapasakop dito? (Wala, ito ay simpleng pagtanggap lang sa kapalaran.) Talaga bang handang mamatay ang gayong mga tao? (Hindi.) Kaya bakit sila naghihintay sa kamatayan? Pagdating ng kamatayan, wala silang magagawa kundi ang mamatay. Kung wala na silang magagawa, maaari lang nila itong tanggapin. Ang “pagtanggap” na ito ay isang saloobin ng pasibong pagsalungat, hindi ito pagpapatotoo. Sinasabi ng ilang tao, “Hinayaan ako ng Diyos na mamatay, kaya anong patotoo pa ang maibibigay ko?” Bagamat hinahayaan ka ng Diyos na mamatay, hindi ba’t isa kang nilikha ng Diyos? Tatalikuran mo ba ang tungkulin mo? Nakumpleto mo na ba ang tungkulin mo? Nagawa mo ba nang maayos ang tungkulin mo? Anong uri ng puso ang dapat mong taglayin upang makapanindigan sa patotoo na inaasahan mula sa isang nilikha? (Hayaan mong ikuwento ko ang aking karanasan. Noong nakaraan, ilang araw na ang nakalilipas, sumakit nang husto ang ngipin ko kaya hindi ako makatulog nang tatlong araw dahil sa sakit. Pero kinailangan ko pa ring gawin ang tungkulin ko araw-araw. Halos hindi ko na makayanan ang sakit ng ulo ko na nakakawala sa ulirat. Medyo nagreklamo ako sa puso ko. Pakiramdam ko ay nagawa ko naman nang maayos ang aking tungkulin, kaya bakit nangyayari ito sa akin? Noong panahong iyon, pakiramdam ko ay hindi ko maarok ang layunin ng Diyos. Hinimok ako ng ilang kapatid na pagnilayan at kilalanin ang aking sarili, kaya nagpatuloy ako sa pananalangin at paghahanap sa Diyos. Tingin ko ay hindi naman ako naghimagsik laban sa Diyos sa anumang bagay. Kalaunan, naisip ko ang mga salita ni Job sa kanyang asawa sa panahon ng kanyang mga pagsubok, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Nagawa ni Job na magpatotoo para sa Diyos sa panahon ng kanyang mga pagsubok. Kinonsidera ko ang sarili ko at nakita ko kung paano ko nagagawang purihin ang Diyos kapag maayos ang mga bagay-bagay para sa akin, ngunit naging negatibo ako at naghimagsik laban sa Diyos sa mga oras ng paghihirap. Nadama ko na hindi ito ang gawi ng isang kwalipikadong nilikha, at sa pagkakataong ito, sa wakas ay napukaw na ang aking konsensiya. Nagkaroon ako ng kagustuhang maghimagsik laban sa laman at palugurin ang Diyos. Naisip ko na, kahit may sakit ako, dapat pa rin akong magpasakop sa Diyos. Gaano man kasakit, kailangan kong kusang-loob na magtiyaga sa paggawa ng aking tungkulin. Ito ang sarili kong karanasan.) Anumang mga pagsubok ang kaharapin mo, kailangan mong humarap sa Diyos—tama ito. Kailangan mong magnilay sa iyong sarili habang hindi ipinagpapaliban ang pagganap sa iyong tungkulin. Huwag kang magnilay lamang nang hindi ginagampanan ang iyong tungkulin, nang pinapabayaan ang mahalaga para pagtuunan ang hindi mahalaga—kahangalan iyan. Anumang pagsubok ang sumapit sa iyo, kailangan mong ituring ito bilang isang pasaning bigay sa iyo ng Diyos. Sabihin nang ang ilang tao ay may matinding karamdaman at hindi matiis na pagdurusa, ang ilan ay nahaharap pa sa kamatayan. Paano nila dapat harapin ang ganitong uri ng sitwasyon? Sa maraming pagkakataon, ang mga pagsubok ng Diyos ay mga pasaning ibinibigay Niya sa mga tao. Gaano man kabigat ang pasaning ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, iyon ang bigat ng pasaning dapat mong isagawa, sapagkat nauunawaan ka ng Diyos, at alam Niya na kakayanin mo iyon. Ang pasaning bigay sa iyo ng Diyos ay hindi hihigit sa iyong tayog o sa mga limitasyon ng iyong pagtitiis, kaya walang duda na makakayanan mong tiisin iyon. Anumang uri ng pasanin ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, anumang uri ng pagsubok, tandaan mo ang isang bagay: Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin ng Diyos at binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka man o hindi ng Banal na Espiritu pagkatapos mong manalangin, dinidisiplina o binabalaan ka man ng Diyos sa pagsubok na ito o hindi, hindi mahalaga kung hindi mo ito nauunawaan. Basta’t hindi ka nagpapaliban sa pagganap sa iyong tungkulin at tapat mong napanghahawakan ang iyong tungkulin, malulugod ang Diyos, at maninindigan ka sa iyong patotoo. Habang nakikitang nagdurusa sila mula sa malubhang karamdaman at mamamatay na, iniisip ng ilang tao sa kanilang sarili: “Nagsimula akong maniwala sa Diyos para maiwasan ang kamatayan—ngunit lumalabas na kahit pagkatapos ng maraming taong ito ng pagganap sa aking tungkulin, hahayaan Niya akong mamatay. Dapat kong pangasiwaan ang sarili kong kapakanan, gawin ang mga bagay na matagal ko nang gustong gawin, at tamasahin ang mga bagay na hindi ko pa natatamasa sa buhay. Maaari kong ipagpaliban ang aking tungkulin.” Anong pag-uugali ito? Ilang taon mo nang ginagawa ang iyong tungkulin, nakinig ka na sa lahat ng sermon na ito, at hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Ibinabagsak ka, pinaluluhod ka, at inilalantad ka ng isang pagsubok. Karapat-dapat bang pangalagaan ng Diyos ang gayong tao? (Hindi siya karapat-dapat.) Ganap silang walang katapatan. Kaya ano ang tawag sa tungkuling ilang taon na nilang ginagampanan? Tinatawag itong “pagtatrabaho,” at ipinagpipilitan na lamang nila ang kanilang sarili. Kung, sa iyong pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, “Anumang karamdaman o kasuklam-suklam na pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilalang. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,” hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng pagpapasya at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, “Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa nagdaang mga taon, inalis Niya mula sa akin ang labis na sakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, napakababa ng tayog ko, wala akong naunawaan, at lahat ng ginawa ko ay masakit sa Diyos. Maaaring wala na akong ibang pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na taglay ko at gawin ang aking makakaya para sa Diyos, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng paglalaan Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga. Hayaang maghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.” Mag-isip ka kaya nang ganito? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, “Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin at maging matapat. Paano ako magiging matapat kapag may karamdaman ako? Paano ko magagampanan ang tungkulin ng isang nilalang?” Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gampanan ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi maghatid ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.) Madaling sabihing “Oo” ngayon, ngunit hindi iyon magiging napakadali kapag nangyayari talaga ito sa iyo. Kaya nga, kailangan ninyong hangarin ang katotohanan, madalas na magsumikap sa katotohanan, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip ng, “Paano ko mapapalugod ang mga layunin ng Diyos? Paano ko masusuklian ang pagmamahal ng Diyos? Paano ko magagawa ang tungkulin ng isang nilalang?” Ano ang isang nilalang? Ang responsabilidad ba ng isang nilalang ay makinig lamang sa mga salita ng Diyos? Hindi—iyon ay ang isabuhay ang mga salita ng Diyos. Binigyan ka na ng Diyos ng napakaraming katotohanan, napakaraming daan, at napakaraming buhay, para maisabuhay mo ang mga bagay na ito, at magpatotoo ka sa Kanya. Ito ang dapat gawin ng isang nilalang, at ito ang responsabilidad at obligasyon mo. Dapat mong pagnilayan nang madalas ang mga bagay na ito; kung lagi mong pagninilayan ang mga ito, lalalim ang pagkaunawa mo sa lahat ng aspekto ng katotohanan.

Kung hindi tatahakin ng mga tao ang landas ng paghahangad sa katotohanan at hindi sila magsisikap na matamo ang katotohanan, sa malao’t madali ay matitisod sila at babagsak. Magiging mahirap tumayo nang matuwid dahil hindi malulutas ang mga problemang kinakaharap nila sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kaunting kaalaman at doktrinang mayroon sila. Gaano ka man kahusay magsalita tungkol sa mga doktrina, hindi mo malulutas ang tunay na mga paghihirap. Dapat patuloy mong pagninilayan ang iba’t ibang katotohanan para lubos mong maunawaan ang mga ito. Saka mo lang magagamit ang katotohanan para lutasin ang anumang problemang nakakaharap mo. Ang mga tunay na nakakaunawa sa katotohanan ay hindi nagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina. Nakikilala nila ang lahat ng bagay at nakikita ang mga ito nang malinaw, at kumikilos sila nang may kumpiyansa sa lahat ng ginagawa nila. Kung hindi mo alam kung paano hanapin ang katotohanan sa mga sitwasyong nakakaharap mo at palagi kang kumikilos ayon sa sarili mong kagustuhan, hinding-hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Upang maunawaan ang katotohanan, dapat mong patuloy na pagnilayan kung paano gamitin ang katotohanan sa paglutas ng mga problema sa pagganap ng iyong mga tungkulin. Kung hindi ka magninilay-nilay sa ganitong paraan, makakamit mo ba ang mga katotohanang ito? Kung hindi mo pagninilay-nilayan ang mga salita ng Diyos, gaano man karaming sermon ang naririnig mo, gaano man karaming doktrina ang nauunawaan mo, palagi kang mananatili sa antas ng mga salita at doktrina. Kung marunong kang bumigkas ng mga salita at doktrinang ito, madalas na malilinlang ka nito sa pag-iisip na nagbunga na ang pananalig mo sa Diyos at na napakataas ng tayog mo, dahil masigasig at masigla ka ngayon. Pero kapag nahaharap sa mga katunayan, ibig sabihin, kapag nahaharap sa mga pagsubok at kapighatian, makikita mo kung gaano kakaunti ang proteksyon na ibinibigay sa iyo ng mga salita at doktrinang ito. Hindi ka mapoprotektahan ng mga ito mula sa isang pagsubok, lalong hindi nito matitiyak na malalampasan mo nang maayos ang bawat pagsubok na ibinibigay ng Diyos sa tao. Sa halip, mararamdaman mong ipinahamak ka ng mga salita at doktrinang ito. Sa gayong mga pagkakataon, makikita mo kung gaano kakaunti ang nauunawaan mo sa katotohanan at na hindi ka pa nakakapasok sa katotohanang realidad. Kadalasan, kapag nahaharap sila sa mga pagsubok at hindi makakita ng daan pasulong, sa wakas ay nadarama ng mga tao ang kanilang kawalang-kakayahan kung wala ang katotohanan at nadarama kung gaano kawalang-silbi ang lahat ng kanilang pagsasalita tungkol sa mga doktrina. Saka lang nila nakikita kung gaano kalaki ang wala sa kanila at kung gaano sila kahabag-habag. Kapag ang lahat ay ligtas at walang problema, palagi mong nararamdaman na naiintindihan mo ang lahat. Pakiramdam mo ay hindi walang kabuluhan ang pananampalataya mo at na marami kang nakamit mula rito. Pakiramdam mo, anuman ang mangyari, wala kang dapat ikabahala. Sa katunayan, basta mo lang nauunawaan ang ilang salita at doktrina, na wala namang silbi. Sa harap ng sakuna at kalamidad, maguguluhan ka, hindi mo alam kung paano haharapin ang sitwasyon. Kapag nananalangin sa Diyos, hindi mo alam kung ano ang sasabihin o kung ano ang hihilingin. Hindi mo mahanap ang landas. Ipinapakita nito kung gaano kahabag-habag ang tao. Ang puso mo ay walang mga salita ng Diyos at wala sa iyo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ikaw ay nasa kadiliman na. Wala kang napala sa pananampalataya mo sa Diyos, at ngayon ikaw ay naghihikahos gaya ng isang pulubi. Saka mo lang mararamdaman na ang pananampalataya mo sa Diyos sa lahat ng taong iyon ay ganap na walang katotohanang realidad. Ngayon ay tuluyan ka nang nabunyag. Kung humantong ka sa gayong kalagayan matapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, nakatakda kang maitiwalag.

Pebrero 12, 2017

Talababa:

a. Cold stroke, isang terminong ginagamit sa tradisyonal na Chinese medicine na tumutukoy sa malubha, nakamamatay na lamig sa loob ng katawan dulot ng mga panlabas na elemento.

Sinundan: Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan

Sumunod: Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito