Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Hindi magbabago ang mga taong walang pusong may takot sa Diyos, gaano man katagal na silang nananalig sa Diyos. Tanging ang mga may takot sa Diyos ang makapagkakamit sa gawain ng Banal na Espiritu at makatatahak sa landas ng kaligtasan. Talagang napakahalaga nito, ang pagkakaroon ng tao ng isang pusong may takot sa Diyos! Bakit may ilang taong hindi kailanman nakikilala ang sarili? Ito ay dahil wala silang pusong may takot sa Diyos. Bakit may ilang tao na kailanman ay hindi nakakamit ang gawain ng Banal na Espiritu? Ito ay dahil sa wala silang pusong may takot sa Diyos. Tanging ang mga taong may pusong takot sa Diyos ang madalas na nakapagninilay at nakakakilala sa kanilang sarili; palagi silang takot na magkamali o lumakad sa maling landas. Kapag may mga nangyayari sa kanila kung saan kinakailangan nilang mamili, mas gugustuhin nilang mapasama ang loob ng tao kaysa magkasala sa Diyos, at mas gugustuhin nilang magdusa ng pang-uusig kaysa dumistansiya sa Diyos o ipagkanulo Siya. Si Job ay isang taong may takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at tumanggap siya ng pagsang-ayon ng Diyos.
Kaya, kung gusto mong matamo ang kaligtasan sa iyong pananampalataya sa Diyos, saan dapat magsimula ang karanasan mo? Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, pagkamit ng tunay na pagkakilala sa iyong sarili, at tunay na pagsisisi—ito ay pagtahak sa landas ng kaligtasan. Hindi madali para sa mga tao na makilala ang kanilang sarili; mas higit pang mahirap para sa kanila na malaman ang sarili nilang tiwaling disposisyon at diwa, na malaman kung gaano sila kaliit at kahamak sa harap ng Diyos, sa harap ng Lumikha. Kung hindi malalaman ng mga tao ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon o kung ano ang tiwaling diwa nila, malalaman ba nila kung anong uri ng relasyon ang mayroon sila sa Diyos, kung ano sila sa harap ng Diyos, o kung gusto ba sila ng Diyos? (Hindi.) Kaya, ano ang natamo nila pagkatapos nitong lahat ng taong pananalig sa Diyos? Nakamit ba nila ang katotohanan? Natahak na ba nila ang landas ng kaligtasan? Kung, pagkatapos manalig sa Diyos ay kinakain at iniinom nila ang mga salita Niya, ipinamumuhay ang buhay-iglesia, at ginagampanan ang tungkulin nila, katumbas na ba iyon ng pagkakaroon ng relasyon sa Diyos? Ano ba ang magagawa ng isang tao, ano ba ang dapat niyang hangarin, ano ba ang posisyon na dapat niyang katatayuan, at paano niya dapat pipiliin ang kanyang landas, upang magkaroon ng relasyon sa Lumikha? Alam ba ninyo? Hindi kayo makasagot. Tila napakarami ninyong kulang, na nangangahulugang hindi ninyo pinagtutuunan ang paghahanap o pagbabahaginan tungkol sa katotohanan sa maraming bagay na hindi ninyo nauunawaan, kaya kulang sa mga detalye ang buhay-iglesia ninyo, at maaaring hindi gaanong maganda ang mga resulta nito. Pinag-uusapan ninyo ang mga espirituwal na termino at kasabihan na kadalasang binibigkas sa pananampalataya sa Diyos, pero hindi ninyo siniseryoso ang mga ito, ni hindi kayo bumabalik sa inyong sariling espiritu at hindi ninyo pinatatahimik ang inyong puso upang magnilay: “Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito ng Diyos? Paano ko magagamit ang mga ito sa totoong buhay? Paano ko gagawing kongkreto ang mga salitang ito—paano ko magagawang realidad ang mga ito? Ano ang magagawa ko upang hindi matigil sa doktrina at teorya ang mga salitang ito, kundi maging bahagi ng buhay ko, maging direksiyon na nilalakaran ko? Paano ako dapat umasal upang maging bahagi ng buhay ko ang mga salita ng Diyos?” Kung mapagninilayan ninyo ang mga ganoong bagay, maipapaliwanag ninyo ang maraming detalye. Pero sa pangkalahatan, hindi ninyo kailanman pinagninilayan ang gayong mga bagay, kaya hanggang sa literal na pagkaunawa lang ang mayroon kayo sa karamihan sa mga katotohanang madalas pinag-uusapan. Kung hanggang sa literal na pagkaunawa lang ang mga tao, ano ang maaaring makita ng mga tao sa kanila? Madalas nangangaral ang mga tao tungkol sa mga espirituwal na teorya, espirituwal na terminolohiya, at espirituwal na kasabihan, pero sa buhay nila, hindi mo makikita ang realidad ng pagsasagawa nila sa mga salita ng Diyos o ang pagdanas sa mga salita ng Diyos. Sa ngayon, nahaharap kayo sa isang napakalaking problema. Anong problema iyon? Iyon ay na, dahil may kakayahan kayong mangaral ng kaunting doktrina, at may naiintindihan kayong partikular na mga espirituwal na kasabihan, at kaya ninyong magsalita nang kaunti tungkol sa inyong mga karanasan sa pagkilala sa inyong sarili, iniisip ninyo na nauunawaan ninyo ang katotohanan, na nakaabot na sa isang partikular na antas ang inyong pananampalataya sa Diyos, na nakakaangat kayo sa karamihan, ngunit ang totoo, hindi pa kayo nakapasok sa katotohanang realidad, at kung walang mga taong susuporta at maglalaan para sa inyo, kung walang mga taong magbabahagi ng katotohanan sa inyo at gagabay sa inyo, hihinto kayo, at magiging masama. Wala kayong kakayahang isagawa ang gawaing magpatotoo sa Diyos, hindi ninyo nagagawang kumpletuhin ang atas ng Diyos, subalit sa inyong kalooban, mataas pa rin ang tingin ninyo sa inyong sarili, iniisip ninyo na mas marami kayong nauunawaan kaysa sa karamihan—ngunit ang totoo, wala kayong tayog, hindi pa kayo nakapasok sa katotohanang realidad, at naging mayabang kayo dahil lamang sa nagagawa ninyong unawain ang ilang salita at doktrina. Sa sandaling pumasok ang mga tao sa ganitong kalagayan, kapag iniisip nila na natamo na nila ang katotohanan, at naging kampante, anong uri ng panganib ang pinasukan nila? Kung talagang lilitaw ang isang magaling magsalita na huwad na lider o anticristo, siguradong malilihis kayo at magsisimulang sumunod sa kanya. Mapanganib ito, hindi ba? Malamang na magiging mayabang, mapagmagaling at kampante kayo—kung magkagayon, hindi ba kayo mapapalayo sa Diyos? Hindi ba’t ipagkakanulo ninyo ang Diyos at tatahak sa sarili ninyong landas? Wala kayong katotohanang realidad, at hindi kayo makapagpatotoo sa Diyos; nakapagpapatotoo lamang kayo sa sarili ninyo at ipinagmamalaki ang inyong sarili—kaya, hindi ba’t nanganganib kayo? Bukod pa rito, kung nabaon kayo sa sitwasyong ito, anong mga tiwaling disposisyon ang ibubunyag ninyo? Unang-una, magpapakita kayo ng mayabang at mapagmagaling na disposisyon; na ganap na malinaw. Hindi ba’t sasamantalahin ninyo ang inyong ranggo at ipagmamalaki ang ang kataasan ng inyong posisyon? Hindi ba’t sesermunan ninyo ang mga tao mula sa mataas na posisyon? Kung ibubunyag ninyo ang mga tiwaling disposisyong ito, hindi ba’t kasusuklaman kayo ng Diyos? Kung may taong talagang mayabang at mapagmagaling, at hindi siya nagsusuri sa sarili, hindi ba’t posible na itaboy siya ng Diyos? Talagang napakaposible nito. Halimbawa: Maaaring nagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa loob ng ilang taon, ngunit walang kapansin-pansing pag-unlad sa inyong buhay pagpasok, nauunawaan lamang ninyo ang ilang mababaw na doktrina, at wala kayong tunay na kaalaman sa disposisyon at diwa ng Diyos, walang mga pambihirang tagumpay na mapag-uusapan—kung ito ang inyong tayog ngayon, ano ang malamang na gagawin ninyo? Anong mga katiwalian ang ibubunyag ninyo? (Kayabangan at kapalaluan.) Titindi ba ang inyong kayabangan at kapalaluan, o hindi magbabago? (Titindi ang mga iyon.) Bakit titindi ang mga iyon? (Dahil iisipin natin na lubhang kwalipikado tayo.) At sa anong batayan pinagpapasyahan ng mga tao ang antas ng sarili nilang mga kwalipikasyon? Sa kung ilang taon na nilang nagagampanan ang isang partikular na tungkulin, sa kung gaano karaming karanasan na ang kanilang natamo, hindi ba? At dahil sa ganitong sitwasyon, hindi ba kayo unti-unting magsisimulang mag-isip ayon sa tagal ng panunungkulan? Halimbawa, maraming taon nang naniwala sa Diyos ang isang partikular na brother at matagal na siyang nakaganap sa tungkulin, kaya siya ang pinakakwalipikadong magsalita; may isang partikular na sister na hindi pa gaanong matagal dito, at bagama’t may kaunti siyang kakayahan, wala siyang karanasan sa pagganap sa tungkuling ito, at hindi pa natatagalan ang paniniwala niya sa Diyos, kaya siya ang pinakamababa ang kwalipikasyon para magsalita. Ang taong pinaka-kwalipikadong magsalita ay iniisip na, “Dahil mas matagal na ako sa tungkulin, ibig sabihin ay pasado sa pamantayan ang pagganap ko sa aking tungkulin, at nakarating na sa tugatog ang aking paghahangad, at wala na akong dapat pagsumikapan o pasukin pa. Nagampanan ko nang maayos ang tungkuling ito, humigit-kumulang ay nakumpleto ko na ang gawaing ito, nasisiyahan na ang Diyos.” At sa ganitong paraan nagsisimula silang makampante. Nagpapahiwatig ba ito na nakapasok na sila sa katotohanang realidad? Hindi na sila umuunlad. Hindi pa rin nila natatamo ang katotohanan o ang buhay, subalit iniisip nila na lubha silang kwalipikado, at nagsasalita ayon sa tagal ng kanilang panunungkulan, at naghihintay ng gantimpala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pagbubunyag ng mayabang na disposisyon? Kapag hindi “lubhang kwalipikado” ang mga tao, alam nila na dapat silang mag-ingat, ipinapaalala nila sa kanilang sarili na huwag magkamali; kapag naniwala na sila na lubha silang kwalipikado, nagiging mayabang sila, at nagsisimulang maging mataas ang tingin nila sa sarili, at malamang na maging kampante. Sa gayong mga pagkakataon, hindi ba malamang na humingi sila ng mga gantimpala at ng isang putong mula sa Diyos, tulad ng ginawa ni Pablo? (Oo.) Ano ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos? Hindi ito ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilalang. Ito ay walang iba kundi isang relasyong transaksyonal. At kapag gayon ang sitwasyon, walang relasyon ang mga tao sa Diyos, at malamang na ikubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa kanila—na isang mapanganib na senyales.
Isinasantabi ng ilang tao ang Diyos, kinokontrol nila mismo ang mga hinirang ng Diyos, binabago nila ang kapaligiran kung saan ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin tungo sa isang nagsasariling kaharian ng mga anticristo; binabago nila ang mga iglesiang naglilingkod sa Diyos at sumasamba sa Kanya tungo sa mga relihiyosong organisasyon. Nakapasok na ba ang mga taong ito sa katotohanan at buhay? Ang mga tao bang ito ay sumusunod, naglilingkod o nagpapatotoo sa Diyos? Talagang hindi. Ginagawa ba nila ang kanilang tungkulin? (Hindi.) Kung ganoon, ano ang ginagawa nila? Hindi ba’t sangkot sila sa mga operasyon at proyekto ng tao? Gaano ka man kagaling sa pakikilahok sa mga operasyon at proyekto ng tao, kung wala ang Diyos sa puso mo, at kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi ba’t nangangahulugan iyon na wala kang relasyon sa Diyos? Hindi ba’t kakila-kilabot na bagay iyon? Kapag ang isang tao ay nananalig sa Diyos at sumusunod sa Kanya, ang pinakahigit na dapat katakutan ay ang lumayo siya sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan para makilahok sa mga operasyon at proyekto ng tao. Ang gawin iyon ay paglihis papunta sa sariling landas. Halimbawa, sabihin nating naghahalal ang iglesia ng isang lider. Ang alam lang ng lider na ito ay mangaral ng mga salita at doktrina, at tumutuon lamang siya sa sarili niyang katanyagan at katayuan. Wala siyang ginagawang praktikal na gawain. Pero naririnig ninyo na mahusay niyang ipinangangaral ang mga salita at doktrina, at alinsunod sa katotohanan, at tama ang lahat ng sinasabi niya, kaya lubos ninyo siyang hinahangaan at sa tingin ninyo ay mabuti siyang lider. Pinapakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay, at sa huli, sinusundan ninyo siya, ganap na sumusunod sa kanya. Hindi ba’t nalihis at nakontrol na kayo ng isang huwad na lider kung gayon? At hindi ba’t naging isang grupong panrelihiyon na may huwad na lider sa pamunuan ang iglesiang iyon? Ang mga miyembro ng relihiyosong grupo na may namumunong huwad na lider ay maaaring magpakitang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, pero talaga bang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin? Talaga bang pinaglilingkuran nila ang Diyos? (Hindi.) Kung hindi pinaglilingkuran ng mga taong iyon ang Diyos o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, mayroon ba silang relasyon sa Diyos? Ang isa bang pangkat na walang relasyon sa Diyos ay nananalig sa Kanya? Sabihin ninyo sa Akin, ang mga tagasunod ba ng isang huwad na lider o ang mga taong nasa ilalim ng kontrol ng isang anticristo ay mayroong gawain ng Banal na Espiritu? Siguradong wala. At bakit wala silang gawain ng Banal na Espiritu? Dahil lumihis sila sa mga salita ng Diyos, at hindi sila nagpapasakop sa Diyos o sumasamba sa Kanya, kundi pinakikinggan nila ang mga huwad na pastol at anticristo—itinataboy sila ng Diyos at hindi na Siya gumagawa ng gawain sa kanila. Lumihis sila sa mga salita ng Diyos at itinaboy na sila ng Diyos, at nawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ganoon, maliligtas ba sila ng Diyos? (Hindi.) Hindi sila maliligtas, at problema ang ibig sabihin noon. Kaya, gaano man karami ang mga tao sa iglesia na gumaganap sa kanilang mga tungkulin, kung maliligtas ba sila ay lubusang nakadepende kung talaga bang sinusundan nila si Cristo o ang tao, kung tunay ba nilang nararanasan ang gawain ng Diyos at hinahangad ang katotohanan o nakikilahok ba sila sa mga aktibidad na panrelihiyon, sa mga operasyon at proyekto ng tao. Lubha itong nakadepende sa kung kaya ba nilang tanggapin at hangarin ang katotohanan at kung kaya ba nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema kapag natutuklasan nila ang mga ito. Ito ang mga bagay na pinakamahalaga. Kung ano ang hinahangad talaga ng mga tao at ang daan na tinatahak nila, tinatanggap man nila talaga ang katotohanan o tinatalikuran ito, nagpapasakop man sila sa Diyos o lumalaban sa Kanya—palaging sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Bawat iglesia at bawat indibiduwal ay minamasdan ng Diyos. Gaano man karaming tao ang gumaganap ng isang tungkulin o sumusunod sa Diyos sa isang iglesia, sa sandaling lumayo sila sa mga salita ng Diyos, sa sandaling mawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi na nila mararanasan ang gawain ng Diyos, at sa gayon sila—at ang tungkuling ginagampanan nila—ay wala nang koneksyon at wala nang bahagi sa gawain ng Diyos, sa kasong ito ay naging isang relihiyosong grupo na ang iglesiang ito. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang mga kahihinatnan kapag naging relihiyosong grupo ang isang iglesia? Hindi ba ninyo masasabi na nasa malaking panganib ang mga taong ito? Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan kapag nahaharap sa mga problema at hindi sila kumikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, bagkus ay nasa ilalim ng mga pagsasaayos at mga manipulasyon ng mga tao. Marami pa nga ang hindi kailanman nananalangin o naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo habang ginagampanan ang kanilang tungkulin; nagtatanong lang sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng iba, kumikilos ayon sa mga hudyat ng iba. Anuman ang ipagawa sa kanila ng ibang tao, iyon ang ginagawa nila. Pakiramdam nila, ang pagdarasal sa Diyos tungkol sa kanilang mga problema at paghahanap ng katotohanan ay malabo at mahirap, kaya naghahanap sila ng isang simple at madaling solusyon. Iniisip nila na ang pag-asa sa iba at paggawa sa sinasabi ng iba ay madali at napakamakatotohanan, kaya nga ginagawa na lamang nila ang sinasabi ng ibang mga tao, nagtatanong sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng mga ito sa lahat ng bagay. Bunga nito, kahit matapos ang maraming taon ng pananampalataya, kapag sila ay naharap sa isang problema, ni minsan ay hindi sila humaharap sa Diyos, nananalangin at hinahanap ang Kanyang mga pagnanais at ang katotohanan, at pagkatapos ay nagtatamo ng pag-unawa sa katotohanan, at gumagawa at kumikilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos—hindi pa sila kailanman nagkaroon ng ganoong uri ng karanasan. Ang gayong mga tao ba ay talagang nagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos? Nagtataka Ako: Bakit kaya may ilang tao, na kapag nakapasok na sila sa isang grupong panrelihiyon, ay malamang na malamang na sasampalataya sa isang tao pagkatapos manampalataya sa Diyos, mula sa pagsunod sa Diyos tungo sa pagsunod sa tao? Bakit ang bilis nilang nagbago? Bakit, pagkatapos manalig sa Diyos nang napakaraming taon, ay nakikinig at sumusunod pa rin sila sa isang tao sa lahat ng bagay? Napakaraming taon na nilang nananampalataya, pero ni minsan ay hindi nagkaroon ng puwang para sa Diyos ang puso nila. Sa lahat ng ginagawa nila, wala sa mga ito ang may kinalaman sa Diyos kahit minsan, at walang may kinalaman sa Kanyang mga salita. Ang pananalita nila, mga kilos, buhay, mga pakikitungo nila sa iba, pag-asikaso sa mga bagay-bagay, maging ang pagganap nila sa kanilang tungkulin at paglilingkod sa Diyos, at lahat ng kilos at gawa nila, at lahat ng pag-uugali nila, at maging ang bawat saloobin at ideya na ipinapamalas nila—wala sa mga iyon ang may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, o sa Kanyang mga salita. Ang gayong tao ba ay isang taos-pusong mananampalataya sa Diyos? Matutukoy ba ang tayog ng taong iyon sa haba ng panahon ng pananampalataya ng isang tao sa Diyos? Mapapatunayan ba nito na normal ang relasyon niya sa Diyos? Talagang hindi. Ang mahalagang makita kung ang isang tao ay tapat bang nananalig sa Diyos ay ang tingnan kung matatanggap ba niya ang mga salita ng Diyos sa puso niya, at kung kaya ba niyang mamuhay kasama ang Kanyang mga salita at danasin ang Kanyang gawain.
Pagnilayan ninyo ito: Sa inyong pananalig sa Diyos, kung isasangkot lamang ninyo ang inyong sarili sa mga relihiyosong ritwal at susundin ang ilang regulasyon; kung wala sa loob ninyong ginagampanan ang inyong tungkulin at wala sa loob kayong kumikilos, nang hindi tumutuon sa mga katotohanang prinsipyo; kung bumibigkas lamang kayo ng mga salita at doktrina habang nagbabahagi sa katotohanan, ngunit wala kayong praktikal na kaalaman; kung mabababaw ang salitang ibinabahagi ninyo habang nagpapalaganap kayo ng ebanghelyo at nagpapatotoo; kung bumibigkas lamang kayo ng mga espirituwal na salita at doktrina upang tustusan at suportahan ang mga tao—makapagtatamo ba kayo ng mga resulta? Kung panlabas na espirituwalidad lang ang hinahangad ninyo sa inyong pananalig sa Diyos, isa bang karanasan sa gawain ng Diyos ang gayong pananampalataya ninyo? Makakamit ba ninyo ang katotohanan habang tinutupad ninyo ang inyong tungkulin sa ganitong paraan? Ito ba ang tunay na pananalig sa Diyos? (Hindi.) Ano ba talaga ang tunay na pananalig sa Diyos? Maaaring maraming taon na ninyong sinundan ang Diyos, nabasa ang marami Niyang salita, narinig ang higit pa sa iilang sermon, at nauunawaan ninyo ang maraming doktrina—at siyempre, ang ilan sa inyo ay bahagya nang nakapasok sa katotohanang realidad—pero maglalakas-loob ba kayong magsabi na natamo na ninyo ang tayog ng kaligtasan? Masisiguro ba ninyo na hindi na kayo muling malilihis at mabibihag ni Satanas? Masisiguro ba ninyo na hindi kayo muling sasamba at susunod sa tao? Matitiyak ba ninyo na susundan ninyo ang Diyos hanggang sa huli, na talagang hindi kayo uurong, na hindi lang kayo mananalig sa isang Diyos na nasa langit at malabo, gaya ng mga relihiyosong tao, sa halip na sundan ang isang praktikal na Diyos? Maaaring sinusundan ninyo ang nagkatawang-taong Diyos, ngunit hinahangad ba ninyo ang katotohanan? May kakayahan ba kayong tunay na magpasakop sa Diyos at kilalanin Siya? Hindi ba’t malamang ay ipagkakanulo pa rin ninyo ang Diyos? Dapat ninyong pagnilayan ang lahat ng ito. Ngayon, alin sa pamamaraan ninyo ng pananampalataya, mga pananaw at kalagayan ang katulad, o hawig, sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo? Sa alin kayo may parehong kalagayan? Kung ang isang taong nananalig sa Diyos ay sumusunod sa katotohanan na para bang iyon ay mga regulasyon, hindi ba’t nanganganib na maging pakikilahok lang sa isang relihiyosong ritwal ang kanilang pananampalataya? (Oo.) Ang pagsunod sa mga relihiyosong ritwal ay talagang walang ipinagkaiba sa Kristiyanismo—ang mga gumagawa niyon ay mas makabago lang at mas higit na nakausad patungkol sa pagtuturo at teorya, at medyo mas nakatataas at makabago sa kanilang pananampalataya. Iyon lang iyon. Kung ang pananampalataya sa Diyos ay nagiging isang relihiyosong pananampalataya, nagiging isang pag-aaral ng teolohiya, mga regulasyon o ritwal, hindi ba’t ito’y naging Kristiyanismo na? May pagkakaiba sa mga bago at lumang pagtuturo, pero kung ang gagawin mo lang ay unawain ang katotohanan bilang doktrina at hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan, lalong-lalo na kung paano danasin ang gawain ng Diyos—at kung, kahit gaano karaming taon ka nang nananalig sa Diyos, gaano man karaming paghihirap ang pinagdaraanan mo, gaano man karaming mabuting pag-uugali ang taglay mo, gayunpaman, wala kang tunay na pagkaunawa sa katotohanan, at hindi mo pa nakamit ang katotohanan o hindi mo napasok ang katotohanang realidad—kung gayon hindi ba’t ang pamamaraan mo ng pananampalataya ay sa Kristiyanismo? Hindi ba’t iyon ang diwa ng Kristiyanismo? (Oo.) Kaya, anong mga pananaw o kalagayan mayroon kayo sa inyong mga kilos o pagganap sa inyong tungkulin ang kapareho ng sa mga tao sa Kristiyanismo, o katulad ng sa kanila? (Sumusunod kami sa mga regulasyon at sinasangkapan ang sarili namin ng mga salita at doktrina.) Ang pagsunod sa mga regulasyon, pangangaral ng mga salita at doktrina, tungkol sa katotohanan bilang mga salita at doktrina—ano pa? (Pinagtutuunan namin ang paggawa sa gawain, hindi ang pagpasok sa buhay.) Pinagtutuunan lamang ninyo ang paggugol sa inyong sarili, hindi ang pagkamit ng buhay o pagpasok sa katotohanang realidad—ano pa? (Pinagtutuunan namin ang pagpapakita ng espirituwalidad at mabuting pag-uugali.) May iilan na kayong nasabi ngayon, kaya ibubuod Ko: ang hangarin ang pagpapakita ng mabuting pag-uugali, at ang sikaping mabuti na ibalot ang sarili sa isang pakitang-taong espirituwalidad, at ang gawin ang mga bagay na pinaniniwalaang tama ng mga tao sa kanilang mga haka-haka at imahinasyon, mga bagay na nakagawiang tangkilikin ng mga tao—ito ay paghahangad ng huwad na espirituwalidad. Ang ganitong tao ay isang mapagpaimbabaw na nakatayo sa kanyang pulpito para mangaral ng mga salita at doktrina, na nagtuturo sa iba na gumawa ng mabubuting gawa at maging mabuting tao, na nagpapanggap bilang isang espirituwal na tao. Ngunit sa kanilang pakikitungo sa iba at pag-aasikaso sa mga bagay-bagay, at sa kanilang pagganap sa kanilang tungkulin, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, bagkus ay namumuhay sila sa mga satanikong disposisyon. Anumang sumasapit sa kanila, kumikilos sila ayon sa sarili nilang kagustuhan, isinasantabi ang Diyos. Hinding-hindi sila kumikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo; sumusunod lamang sila sa mga regulasyon. Hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, ni nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, o ang mga pamantayan ng mga hinihingi Niya sa tao, o kung ano ang makakamit Niya sa pagliligtas sa tao. Talagang hindi nila seryosong sinisiyasat ang mga detalye ng katotohanan o tinatanong ang tungkol sa mga ito. Ang tanging ipinapakita nitong mga pahayag at pag-uugali ng tao ay sangkap ng pagpapaimbabaw. Pagkasuri sa tunay na mga kalagayan ng gayong puso ng mga tao, pati na ng panlabas nilang pag-uugali, makatitiyak ang isang tao na wala silang anumang katotohanang realidad, na sa katunayan, sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo, na sila ay mga hindi mananampalataya. Kung nananalig ang isang tao sa Diyos pero hindi niya hinahangad ang katotohanan, totoo ba ang pananalig niya? (Hindi.) Magagawa ba ng isang taong nananalig sa Diyos sa loob ng gaano man karaming taon, ngunit hindi tinatanggap ang katotohanan, na katakutan ang Diyos at iwasan ang kasamaan? (Hindi.) Hindi niya magagawa iyon. Ano, kung gayon, ang kalikasan ng pag-uugali ng gayong mga tao? Anong uri ng landas ang malalakaran nila? (Ang landas ng mga Pariseo.) Ano ang ipinangsasangkap nila sa mga sarili nila sa araw-araw? Hindi ba’t mga salita at doktrina? Ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagsasandata sa sarili nila, binibihisan ang sarili nila ng mga salita at doktrina upang gawin ang sarili nila na mas katulad ng mga Pariseo, mas espirituwal, mas katulad ng mga taong naglilingkod sa Diyos—ano ba talaga ang kalikasan ng lahat ng gawang ito? Ito ba ay pagsamba sa Diyos? Ito ba ay tunay na pananampalataya sa Kanya? (Hindi, ito ay hindi.) Kaya, ano ang ginagawa nila? Nililinlang nila ang Diyos; ginagawa lamang nila ang mga hakbang ng isang proseso. Iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya at gumaganap ng mga ritwal na panrelihiyon, tinatangkang linlangin ang Diyos upang makamit ang kanilang layong mapagpala. Hindi talaga sinasamba ng mga taong ito ang Diyos. Sa katapusan, ang gayong grupo ng tao ay hahantong lang na katulad ng iyong mga nasa kapilya na diumano’y naglilingkod sa Diyos, at diumano’y nananalig at sumusunod sa Diyos.
Ano ang pagkakaiba ng mga eskriba at Pariseo na nananampalataya sa Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at ng mga pastor, elder, pari, at obispo ng mga modernong kapilya ng Kristiyano at Katoliko? Ibig sabihin, ano ang pagkakaiba ng pananampalataya kay Jehova at pananampalataya kay Jesus? Bukod sa pangalang sinasampalatayaan nila, ano ang pagkakaiba? Ano ang pinanghawakan ng mga nananampalataya kay Jehova? Ano ang pamamaraan nila ng pananampalataya? (Sinunod nila ang batas at ang mga kautusan.) Naunawaan ba nila ang gawain ng Banal na Espiritu? Naunawaan ba nila ang landas ng pagpasan ng krus? (Hindi nila naunawaan.) Nalaman ba nila na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Nagkaroon ba sila ng gayong konsepto? Nalaman ba nila ang mga mensaheng narinig ng mga mananampalataya ni Jesus? (Hindi nila nalaman.) Ano ang tingin sa kanila ng mga mananampalataya ni Jesus? (Sila ay paurong, konserbatibo, at hindi sila nakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu.) Ang pangunahing bagay ay na hindi sila nakasabay sa mga hakbang ng gawain ng Diyos. Sinabi ng Diyos na darating ang Mesiyas, at nang pumarito Siya sa katawang-tao, tinawag Siyang Jesucristo. Hindi nila Siya tinanggap, sa halip ay mapagmatigas Siyang nilabanan. Hindi nila kinilala na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao, at ipinako nila Siya sa krus. Napag-iwanan sila, at itiniwalag sila ng Kapanahunan ng Biyaya. Hindi nila alam ang mga mensahe ng Kapanahunan ng Biyaya, tulad ng pagtubos, kaligtasan sa krus, at pagsisisi. Hindi ba’t pagkakaiba iyon? (Ganoon na nga.) Kaya ano ang sinasabi ng mga nasa Kapanahunan ng Biyaya? Ano ang pagkakaiba nila sa mga mananampalataya sa Kapanahunan ng Kautusan? Ano pa ba ang alam nila? Una sa lahat, kung titingnan ang pagbabasa ng Bibliya, binabasa nila ang Luma at Bagong Tipan; kung titingnan ang pangalan ng Diyos na kanilang sinasampalatayaan, hindi na nila tinutukoy ang Diyos bilang Jehova lamang, sa halip ay pangunahin nila Siyang tinatawag na Jesucristo. Ano ang isinasagawa nila? Pangungumpisal at pagsisisi, mahabang pagtitiis at pagpapakumbaba; sila ay mapagmahal, sinusunod nila ang mga utos, pinapasan nila ang kanilang krus, tinatahak nila ang landas ng pagdurusa sa krus, at inaabangan nila ang pag-akyat sa langit pagkatapos ng kamatayan. Sa maraming paraan, naiiba sila sa mga mananampalataya sa Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan. Nagsasalita sila tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu, at sa pagiging napuspos at napangunahan ng Banal na Espiritu; nagsasalita sila tungkol sa panalangin, sa pagkilos sa pangalan ng Panginoong Jesus, at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang mga bagay na sinasabi nila ay lubos na naiiba sa mga nasa Kapanahunan ng Kautusan, ngunit sa huli, natatanggap nila ang parehong kongklusyon mula sa Diyos na gaya ng sa mga tao ng pananampalatayang Hudyo—kabilang din sila sa isang relihiyosong grupo. Anong klaseng bagay ito? Yaong mga Pariseong Hudyo, punong saserdote, at eskriba ng Kapanahunan ng Kautusan ay nanalig sa Diyos sa pangalan lamang, ngunit sila ay tumalikod sa Kanyang daan, at ipinako pa nila ang nagkatawang-taong Diyos. Nakakuha kaya ng pagsang-ayon ng Diyos ang kanilang pananalig? (Hindi.) Itinalaga na sila ng Diyos bilang mga tao ng pananampalatayang Hudyo, bilang mga miyembro ng isang relihiyosong grupo. At gayundin, nakikita ng Diyos ang mga nananampalataya ngayon kay Jesus bilang mga miyembro ng isang relihiyosong grupo, na hindi Niya sila kinikilala bilang mga miyembro ng Kanyang iglesia o bilang mga mananampalataya sa Kanya. Bakit kaya kokondenahin ng Diyos ang mundo ng relihiyon? Sapagkat ang lahat ng miyembro ng mga relihiyosong grupo, lalo na ang matataas na antas na lider ng iba’t ibang denominasyon, ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi rin sila mga tagasunod ng kalooban ng Diyos. Lahat sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala sa pagkakatawang-tao, lalong hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi nila kailanman hinahangad, hinihiling, sinusuri, o tinatanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw o ang mga katotohanang ipinapahayag Niya, sa halip ay diretso nilang kinokondena at nilalapastangan ang gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw. Malinaw na makikita rito ng isang tao na maaaring sumasampalataya sila sa Diyos sa pangalan, ngunit hindi sila kinikilala ng Diyos bilang mga mananampalataya sa Kanya; sinasabi Niya na sila ay masasamang tao, na wala sa kanilang ginagawa ang may katiting na kaugnayan sa Kanyang gawain ng pagliligtas, na sila ay mga walang pananampalataya na taliwas sa Kanyang mga salita. Kung nananampalataya kayo sa Diyos tulad ng ginagawa ninyo ngayon, hindi ba’t darating ang araw na kayo rin ay magiging mga relihiyosong lingkod na lamang? Ang pananampalataya sa Diyos mula sa loob ng relihiyon ay hindi magkakamit ng kaligtasan—bakit ganito mismo? Kung hindi ninyo masabi kung bakit ganito, ipinapakita nito na hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Ang pinakakalunos-lunos na maaaring mangyari sa pananampalataya sa Diyos ay ang pagbaba nito sa relihiyon at ang pagtitiwalag ng Diyos dito. Hindi ito kapani-paniwala para sa tao, at ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay hindi kailanman makikita nang malinaw ang bagay na ito. Sabihin ninyo sa Akin, kapag unti-unting naging relihiyon ang isang iglesia sa mga mata ng Diyos at naging isang denominasyon sa loob ng maraming mahabang taon mula nang mabuo ito, ang mga tao ba sa loob nito ang mga maliligtas ng Diyos? Miyembro ba sila ng Kanyang pamilya? (Hindi.) Hindi sila kabilang. Anong daan ang kanilang tinatahak, nitong mga tanong sa pangalan lamang nananampalataya sa tunay na Diyos, ngunit itinuturing Niyang mga relihiyosong tao? Ang daan na kanilang tinatahak ay ang daan kung saan dinadala nila ang bandila ng pananampalataya sa Diyos ngunit hindi kailanman sumusunod sa Kanyang daan; ito ay isang daan kung saan nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi Siya sinasamba, at tinatalikuran pa nga Siya; ito ay isang daan kung saan ipinapahayag nilang nananampalataya sila sa Diyos ngunit nilalabanan Siya, pakunwaring nananalig sa pangalan ng Diyos, sa tunay na Diyos, ngunit sumasamba kay Satanas at sa mga diyablo, at nakikibahagi sa mga pagpapatakbo ng tao, at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian ng tao. Iyon ang daang tinatahak nila. Kung titingnan ang daang tinatahak nila, maliwanag na sila ay isang grupo ng mga hindi mananampalataya, isang pangkat ng mga anticristo, isang grupo ng mga Satanas at diyablo na tahasang lumalaban sa Diyos at gumagambala sa Kanyang gawain. Iyan ang diwa ng mundo ng relihiyon. May kinalaman ba ang grupo ng mga gayong tao sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao? (Wala.) Sa sandaling ang mga mananampalataya sa Diyos, gaano man sila karami, ay may paraan ng pananampalataya na natukoy ng Diyos bilang isang denominasyon o isang grupo, sila rin ay natukoy ng Diyos bilang mga hindi maliligtas. Bakit Ko ito sinasabi? Ang isang pangkat na walang gawain o patnubay ng Diyos na hindi nagpapasakop sa Kanya o sumasamba sa Kanya ay maaaring nananampalataya sa Diyos sa pangalan, ngunit ang mga pari at elder ng relihiyon ang sinusunod at tinatalima nila, at ang mga pari at elder ng relihiyon ay sataniko at mapagpaimbabaw sa diwa. Samakatuwid, ang sinusunod at tinatalima ng mga taong iyon ay ang mga Satanas at mga diyablo. Sa kanilang puso, nananampalataya sila sa Diyos, ngunit sa katunayan, minamanipula sila ng tao, napapailalim sa mga pangangasiwa at kontrol ng tao. Kaya, sa mahahalagang termino, ang sinusunod at tinatalima nila ay si Satanas, at ang mga diyablo, at ang mga puwersa ng kasamaan na lumalaban sa Diyos, at ang mga kaaway ng Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang isang pangkat ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Buweno, ang mga gayong tao ba ay may kakayahang magsisi? Wala; hindi sila magsisisi. Sila ay nakikilahok sa mga pagpapatakbo ng tao at mga proyekto ng tao sa ilalim ng bandila ng pananampalataya sa Diyos, na sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao, na ang pinakakalalabasan ay itataboy sila ng Diyos. Imposibleng ililigtas ng Diyos ang mga taong ito; wala silang kakayahang magsisi, at habang tinatangay sila ni Satanas, ipinapasa sila ng Diyos dito. Ang pananampalataya ba ng isang tao sa Diyos ay maaaring magkamit ng Kanyang pagsang-ayon depende sa kahabaan ng taon nito? Nakadepende ba ito sa uri ng mga ritwal na sinusunod ng isang tao o sa mga regulasyong itinataguyod niya? Tinitingnan ba ng Diyos ang mga kagawian ng tao? Tinitingnan ba Niya ang dami nila? (Hindi.) Ano ang tinitingnan Niya, kung gayon? Nang pumili ang Diyos ng isang grupo ng mga tao, sa anong batayan Niya sinusukat kung sila ay maliligtas, kung ililigtas ba Niya sila? Ito ay batay sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan; ito ay batay sa daan na kanilang tinatahak. Bagamat maaaring hindi nasabihan ng Diyos ang tao ng maraming katotohanan sa Kapanahunan ng Biyaya gaya ng ginagawa Niya ngayon, at bagamat hindi kasingpartikular ang mga iyon, nagawa pa rin Niya noon na gawing perpekto ang tao, at mayroon pa ring mga taong nailigtas noon. Kaya, kung ang mga tao sa kasalukuyang kapanahunan, na nakarinig ng napakaraming katotohanan at nakauunawa sa mga layunin ng Diyos, ay hindi kayang sumunod sa Kanyang daan o tumahak sa landas ng kaligtasan, ano ang kahihinatnan nila sa huli? Ang kahihinatnan nila sa huli ay magiging katulad ng sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo at Hudaismo—tulad nila, hindi sila maliligtas. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi mahalaga kung gaano karaming sermon ang napakinggan mo o kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan mo—kung sumusunod ka pa rin sa tao, kung sinusunod mo pa rin si Satanas, at hindi mo magagawang sundin ang daan ng Diyos sa huli, o matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan, kung gayon, itinataboy ng Diyos ang mga gayong tao. Ang mga tao sa relihiyon ay maaaring nakapangangaral ng napakaraming kaalaman sa Bibliya, at maaaring nakauunawa sila ng ilang espirituwal na doktrina, ngunit hindi sila nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos, o nakapagsasagawa at nakararanas ng Kanyang mga salita, o tunay na nakasasamba sa Kanya, at hindi rin nila nagagawang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Lahat sila ay mapagpaimbabaw, hindi mga taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang mga gayong tao ay tinutukoy bilang parte ng isang denominasyon, ng isang grupo ng tao, ng isang pangkat ng tao, bilang tirahan ni Satanas. Sama-sama, sila ang pangkat ni Satanas, ang kaharian ng mga anticristo, at lubusan silang itinataboy ng Diyos.
Sa ngayon, ang pinakaapurahang bagay na dapat ninyong gawin ay hangarin ang katotohanan. Sa isang banda, hindi kayo maaaring mag-antala habang ginagawa ang inyong tungkulin, at sa isa pang banda, kailangang mabilis kayong magsikap sa maikling panahon na humakbang patungo sa landas ng kaligtasan, at hindi matalikuran ng Diyos. Magiging kahila-hilakbot na bagay iyon! Ito ang iyong huli at panandaliang pagkakataon habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa mga huling araw. Kung tutukuyin ng Diyos ang isang tao, sasabihing hindi mo kailanman sinunod ang Kanyang daan, na talagang hinding-hindi ka matatakot sa Kanya o iiwas sa kasamaan, at kapag nagpasya Siyang talikuran ka, hindi ka na Niya sasawayin o didisiplinahin, hindi ka na pupungusan, at hindi ka na hahatulan o kakastiguhin—tuluyan ka Niyang susukuan. Sa oras na iyon, ganap na magiging malaya ang pakiramdam mo. Wala nang magbabantay pa sa iyo. Wala nang makikialam kung paano ka mananampalataya sa Diyos; walang pananaway, kahit ano pang masasamang bagay ang gawin mo. Walang pananaway o pagdisiplina kung habang ginagawa mo ang iyong tungkulin ay hindi ka nagiging tapat, o kung hinahangad mo lang na tuparin ang sarili mong mga ambisyon at hangarin, o guluhin at gambalain ang gawain ng iglesia. Kahit na mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos sa puso mo, walang pananaway o pagdisiplina. Kung lalabanan o tatanggihan mo ang pagpupungos, kung huhusgahan o mamaliitin mo ang iba kapag nakatalikod sila, o aakitin sila sa iyong panig, walang pananaway o pagdisiplina. Ano ang senyales na ito? Magandang senyales ba ito? Walang nagbabantay sa iyo, walang nagpupungos sa iyo, at hindi ka sinasaway ng Diyos. Ang lahat ay tila umaayon sa gusto mo, at nagagawa mo ang anumang nais mo. Napakalinaw na hindi ito isang magandang senyales. Kapag nais ng Diyos na sukuan ka, hindi ka na magkakaroon ng pananaway, hindi ka na makararamdam ng pagdisiplina, at hindi ka na rin makararamdam ng paghatol at pagkastigo. Ano ang ipinahihiwatig ng pagsuko ng Diyos sa isang tao? Ipinahihiwatig nito na ang taong iyon ay walang kahihinatnan sa huli, na nawala ang kanyang pagkakataon na mailigtas. Kapag sinusukuan ng Diyos ang isang tao, unang ipinadarama ng Diyos sa kanya ang kawalan ng pananaway; labis siyang nasisiyahan sa kanyang sarili araw-araw, at iniisip niyang pinagpapala siya, kaya’t basta-basta niyang pinapalayaw ang kanyang sarili, nagiging mababang-uri, sumusunod sa mga ninanasa ng kanyang puso, ginagawa ang anumang nais niya, at kumikilos sa anumang paraang gusto niya. Anumang pasaway na bagay ang gusto niyang gawin, walang pananaway, o pagdisiplina, lalong walang pakiramdam ng pagkabalisa o na ang lahat ay hindi maayos. Ang sinumang umalis sa pananaway at pagdisiplina ng Diyos ay nasa bingit ng panganib. Anong uri ng landas ang maaari niyang tahakin sa susunod? Magsisimula siyang maging mababang-uri, pasaway, mapagpalayaw sa sarili, at magiging walang tigil ang kanyang masasamang gawa. Napakalaking problema nito. Sa panlabas, ang ilang tao ay tila namumuhay nang medyo komportable, nang walang kahit isang alalahanin, ngunit nakikita ng mga nakauunawa sa katotohanan na ang mga gayong tao ay nanganganib, na ayaw ng Diyos sa kanila—iniwan na sila ng Diyos, at hindi man lang nila alam ito! Ang mga anticristo sa mundo ng relihiyon ay gumugugol ng buong araw ng paghuhusga sa mga salita at gawain ng nagkatawang-taong Diyos, gumagawa ng maraming masamang bagay na lumalaban sa Diyos. Bagamat wala na silang pagdisiplina o pananaway, ito ay dahil iniwan na sila ng Diyos, at sa bandang huli, mahaharap silang lahat sa isang malaking parusa, na kung saan wala ni isa sa kanila ang makatatakas. Mula sa bagay na ito, nakikita mo ba ang layunin at saloobin ng Diyos? (Oo.) Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan habang sumusunod kayo sa Diyos ngayon, maaari kayong umabot sa parehong punto tulad nila, at pagkatapos ay manganganib kayo; ang inyong kahihinatnan sa huli ay magiging katulad ng sa kanila, tiyak iyon. Kaya ngayon mismo, ano ang pinakakinakailangang gawin kaagad ng mga tao para maiwasang masadlak sa puntong iiwan sila ng Diyos? (Dapat naming hangarin ang katotohanan at gampanan nang tama ang aming tungkulin.) Bukod sa pagganap nang tama sa inyong tungkulin, dapat madalas kayong humarap sa Diyos, kumain at uminom at magnilay-nilay sa Kanyang mga salita, at dapat ninyong tanggapin ang Kanyang disiplina at patnubay, at matutuhan ang aral ng pagpapasakop—napakamahalaga nito. Dapat kang makapagpasakop sa lahat ng kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos para sa iyo, at pagdating sa mga bagay na hindi mo lubos maarok, dapat kang manalangin nang madalas habang hinahanap ang katotohanan; sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos ka makahahanap ng isang daan pasulong. Dapat kang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos. Gawin ang dapat mong gawin nang maingat at listo, at mamuhay sa harap ng Diyos nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Madalas na patahimikin ang sarili mo sa harap Niya, at huwag maging pasaway. Kahit papaano man lang, kapag may nangyayari sa iyo, patahimikin muna ang iyong sarili, pagkatapos ay magmadaling manalangin, at sa pamamagitan ng pananalangin at paghahanap at paghihintay, unawain mo ang mga layunin ng Diyos. Hindi ba’t isa itong saloobin ng pagkatakot sa Diyos? Kung natatakot at nagpapasakop ka sa Diyos sa puso mo, at napatatahimik mo ang iyong sarili sa harap Niya at naaarok mo ang Kanyang mga layunin, kung gayon, sa ganitong uri ng pakikipagtulungan at pagsasagawa, mapoprotektahan ka, at hindi ka matutukso, ni hindi ka gagawa ng anumang bagay na makagagambala o makagugulo sa gawain ng iglesia. Hanapin ang katotohanan sa mga bagay na hindi mo malinaw na nakikita. Huwag bulag na manghusga o maglabas ng mga pagkondena. Sa ganitong paraan, hindi ka kapopootan ng Diyos, o itataboy Niya. Kung mayroon kang pusong may takot sa Diyos, matatakot kang magkasala sa Kanya, at kung may isang bagay na tumutukso sa iyo, mamumuhay ka sa harap ng Diyos nang may kilabot at pangamba, at mananabik kang magpasakop sa Kanya at palugurin Siya sa lahat ng bagay. Sa sandaling magkaroon ka ng gayong pagsasagawa at magawa mong mamuhay nang madalas sa gayong kalagayan, na madalas na pinatatahimik ang iyong sarili sa harap ng Diyos at madalas na lumalapit sa Kanya, saka mo lang hindi namamalayang maiiwasan ang tukso at masasamang bagay. Kung walang pusong may takot sa Diyos, o may pusong wala sa harapan Niya, may ilang kasamaan na makakaya mong gawin. Mayroon kang tiwaling disposisyon, at hindi mo ito makontrol, kaya’t kaya mong gumawa ng masama. Hindi ba’t magiging malubha ang mga kahihinatnan kung sakaling gagawa ka ng gayong kasamaan na bumubuo ng pagkagambala at kaguluhan? Kahit papaano, pupungusan ka, at kung malubha ang nagawa mo, itataboy ka ng Diyos, at ititiwalag ka sa iglesia. Gayunpaman, kung mayroon kang pusong nagpapasakop sa Diyos, at madalas na napatatahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kung nangangamba at natatakot ka sa Diyos, hindi ba’t magagawa mong manatiling malayo sa maraming masamang bagay? Kung natatakot ka sa Diyos at sinasabing, “Nangangamba ako sa Diyos; natatakot akong magkasala sa Kanya, magambala ang Kanyang gawain at maudyukan ang Kanyang pagkapoot,” hindi ba’t isa itong normal na saloobin at isang normal na kalagayan na dapat taglay mo? Ano ang makapagdudulot ng iyong takot? Ang iyong kilabot ay magmumula sa isang pusong may takot sa Diyos. Kung may takot ka sa Diyos sa puso mo, iiwas at lalayo ka sa masasamang bagay kapag nakita mo ang mga ito, at sa gayon ay mapoprotektahan ka. Maaari bang matakot sa Diyos ang isang taong walang takot sa Kanya sa puso? Maiiwasan ba nito ang kasamaan? (Hindi.) Hindi ba’t mga mapangahas na tao ang mga hindi natatakot sa Diyos at hindi nangangamba sa Kanya? Maaari bang pigilan ang mga mapangahas na tao? (Hindi.) At hindi ba’t gagawin ng mga taong hindi mapigilan ang anumang naiisip nila nang walang pagsasaalang-alang? Ano ang mga bagay na ginagawa ng mga tao kapag kumikilos sila ayon sa sarili nilang kagustuhan, sa kanilang kasigasigan, sa kanilang tiwaling disposisyon? Sa nakikita ng Diyos, masasamang bagay ang mga ito. Kaya, dapat malinaw ninyong makita na mabuting bagay para sa tao na magkaroon ng pagkasindak sa Diyos sa puso—kung mayroon nito, matatakot ang isang tao sa Diyos. Kapag ang isang tao ay may Diyos sa puso niya at kayang matakot sa Diyos, magagawa niyang manatiling malayo sa masasamang bagay. Ang gayong tao ang may pag-asang mailigtas.
Madali ba para sa isang mananampalataya na matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan? Sa totoong buhay, hindi ito madaling bagay; kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi mo ito kailanman makakamit. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao na: “Hindi talaga madaling manalig sa Diyos, at dapat ka ring gumawa ng iyong tungkulin, magdusa, at magbayad ng halaga.” Ano ang nararamdaman mo kapag naririnig mo ang mga salitang ito? Ano ang mali sa pagsasabi ng mga salitang ito? Kung wala kang pusong may takot sa Diyos, ano ang iyong sasabihin? Sasabihin mo: “Tama iyan, iniwan ko ang aking tahanan upang gawin ang aking tungkulin sa loob ng maraming taon, nangungulila ako sa aking mga anak at ina, at marami akong pinagdusahan. Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala, hindi iyon magiging makatarungan!” May takot ba sa Diyos ang mga salitang ito? (Wala.) Kung ang isang tao ay walang pusong may takot sa Diyos at sinasabi niya ang gayong mga salita, ano ang kalidad ng kanyang pag-uugali? Hindi ba’t sumasalungat siya sa Diyos, naghihinaing laban sa Diyos? Kung nagsasalita siya ng mga hinaing laban sa Diyos, talaga bang naniniwala siya na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos? Kung ang isang tao ay walang takot sa Diyos sa kanyang puso, kung hindi niya magawang katakutan ang Diyos, madali ba para sa kanya na umiwas sa kasamaan? (Hindi madali.) Hindi niya magagawang umiwas sa kasamaan. Sasabihin ng taong iyon: “Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala matapos kong isuko ang aking pamilya at karera, magiging labis itong hindi makatarungan!” Kung agad mo itong sasang-ayunan ng, “Tama iyan,” ano ang magiging dating sa iyo ng mga salitang iyon? Pag-iwas ba ito sa kasamaan? Ang katunayang kaya mong sabihin ang “tama iyan” ay nagpapatunay lang na gaya ng ibang tao, naghihinaing ka rin laban sa Diyos. Ang hinaing ay lumabas na sa iyong bibig at naging kasamaan. Bukod sa hindi mo kayang umiwas sa kasamaan, kaya mo ring magsalita ng mga hinaing at gumawa ng masama. Bagamat isa itong maliit na kasamaan, paghihinaing pa rin ito laban sa Diyos. Kung hindi malulutas ang kasalukuyang maliit na kasamaan, bukas ay manganganib kang pagtaksilan ang Diyos—ganyan katerible ang tiwaling disposisyon ng tao. Malinaw ba sa inyo ang bagay na ito? Kung ang isang tao ay walang pusong may takot sa Diyos, anuman ang kanyang sinasabi nang malakas, o anuman ang kanyang iniisip sa puso niya, o anuman ang natural na lumalabas mula sa kanya—lahat ay kasamaan. Kung wala kang pusong may takot sa Diyos, kahit ang maliit na bagay ay lubos na makapaglalantad ng iyong tiwaling disposisyon, iyong karakter, mga hangarin, at intensyon; maaari pa nga nitong ilantad ang iyong kawalang-kasiyahan sa Diyos. Sinasabi ng mga taong walang pusong may takot sa Diyos ang anumang gusto nila. Sinasabi nila ang anumang iniisip nila, at pagkatapos nila itong sabihin, nagiging totoo ito. Sa pananaw ng Diyos, ang gayong mga tao ay walang takot sa Kanya, hindi rin sila umiiwas sa masasamang bagay; bagkus, isinasangkot nila ang kanilang sarili sa masasamang bagay kapag nakakakita sila nito, at sila ay nagiging mga kasabwat ng masasamang tao. Kung mayroon kang pusong may takot sa Diyos, kung kinatatakutan mo Siya, kung namumuhay ka sa Kanyang presensya, paano ka dapat tumugon sa mga salita ng gayong tao? Ano ang ibig niyang sabihin sa kanyang mga salita? Hindi siya handang isuko ang mga pagpapala. Gusto niyang magkamit ng mga pagpapala, ngunit hindi siya handang magdusa o magbayad ng halaga, kaya sinasabi niyang: “Hindi talaga madaling manampalataya sa Diyos.” Hindi ba siya naghihinaing? Naglalaman ang mga salitang ito ng paghihinaing; masama ang loob ng taong ito sa Diyos, naghihinaing siya, at iniisip niya na masyadong malaki ang hinihingi ng Diyos sa mga tao; iniisip niya na gusto ng Diyos na magbayad sila ng napakalaking halaga para sa maliit na pagpapala na ibinibigay Niya sa kanila; iniisip niyang hindi dapat kumilos nang ganito ang Diyos, na walang pagmamahal ang Diyos sa tao, na wala talaga Siyang awa sa tao, na pinahihirapan ng Diyos ang tao; iniisip niya na hindi madali para sa isang tao na ipagpalit ang pagdurusa sa pagpapala—hindi ba ito ang ibig niyang sabihin? (Ito nga.) Kaya paano mo siya dapat sagutin? Makinig sa sagot na ito, tingnan kung sa palagay ninyo ay tama ito. Dapat mong sabihin: “Ano ba ang halaga ng ating kaunting pagdurusa? Nakita mo kung gaano nagdusa ang Diyos. Upang iligtas ang sangkatauhan, bumaba ang Diyos mula sa langit patungo sa lupa, at nagkatawang-tao nang mababa at palihim sa piling ng mga tao, at dumanas ng labis na pang-aalipusta; upang iligtas ang sangkatauhan, ibinuwis Niya pati ang Kanyang buhay. Ang pagdurusa ng Diyos ay labis na nakahihigit sa kaunting pinagdusahan natin. Walang kabuluhan ang ating pagdurusa. At higit pa, dapat tayong magdusa; hindi ba’t ang ating pagdurusa ay upang pagpalain tayo?” Ano sa palagay mo? Sa tingin, tila tama ito, at mula sa pandoktrinang pananaw, walang mali rito, pero mayroon bang patotoo rito? (Wala.) Wala itong patotoo. Pabasta-bastang pagsasalita lang ito ng doktrina nang malakas upang manghikayat ng isang tao. May malulutas ba itong anumang problema? Kung nais mong lumutas ng mga problema, paano ka dapat magbahagi sa kanya? Kung maririnig mo ang mga salitang ito ng paghihinaing, ano ang mararamdaman mo sa puso mo? Mararamdaman mo na habang ginagawa niya ang kanyang tungkulin habang nananampalataya sa Diyos, hindi partikular na kusang-loob ang kanyang pagdurusa, ngunit pagkatapos magnilay-nilay nang ilang sandali ay maiisip mo: “Kung wala siyang kusang-loob, bahala siyang maging ganoon. Ano bang kinalaman nito sa akin? Kung naghihinaing siya laban sa Diyos, hindi siya naghihinaing laban sa akin, at wala itong kinalaman sa kapakinabangan ko. Personal niya itong relasyon sa Diyos, kaya dapat niya itong harapin nang mag-isa. Ano bang kinalaman nito sa akin?” Tila sentido komun ang pagtrato sa kanya sa ganitong paraan, at hindi ito mali, ngunit bilang isang taong may pusong takot sa Diyos, kapag nangyari ito sa iyo, dapat mo munang isipin na: “Nananampalataya ang taong ito sa Diyos, at naghihinaing pa rin laban sa Diyos, at binabaluktot niya ang mga totoong pangyayari habang nagsasalita siya. Imposibleng matanggap ng ganitong uri ng tao ang katotohanan. Malaking bagay ang mailigtas, kaya ayos lang ba kung hindi man lang siya magdusa? At higit pa, bakit nagdurusa ang mga tao? Hindi ba’t dahil ito sa kanilang mga tiwaling disposisyon? May mabubuting layunin ang Diyos sa pagpapahintulot na magdusa ang mga tao. Kapaki-pakinabang ito para sa mga tao, ginagawa sila nitong perpekto at pinalalakas sila nito; kung hindi magdurusa ang mga tao, hindi sila matututo ng mga aral, ni makakamit ang katotohanan, ni makakaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang kaunting pagdurusa ay awa at biyaya mula sa Diyos; pagmamahal ito ng Diyos sa sangkatauhan. Pagliligtas ito! Paano niya nagagawang magsalita nang ganito? Dapat akong magbahagi sa kanya. Hindi ko siya maaaring hayaan na magkamali ng pag-unawa at maghinaing laban sa Diyos, hindi ko siya maaaring hayaang magpunta kung saan-saan at ipagkalat ang mga salitang ito upang impluwensiyahan ang iba. Sa bagay na ito, dapat akong magsalita para sa Diyos. Dapat ko siyang tulungang lutasin ang kanyang mga maling pag-unawa tungkol sa Diyos, at tulungan siyang magkaroon ng tamang pag-unawa tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kung mali ang pag-unawa niya sa Diyos sa ganitong paraan, hindi ba niya tinatrato ang Diyos nang hindi makatarungan? Napakadakila ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa tao! Paano niya naiisip ang ganoon?” Kung ganito ka mag-isip, hindi ba’t nangangahulugan iyon na mayroon kang pusong may takot sa Diyos? (Oo.) Tungkol naman sa pagkatakot sa Diyos, hindi ka lang nangungusap ng mga tamang salita; bagkus, mayroong kang pusong may takot sa Diyos sa loob-loob mo, nagagawa mong magpasakop sa Kanya, talagang hindi ka nagrerebelde o naghihinaing. Kung kaya, ikaw ay nagiging isang taong may takot sa Diyos. Pagdating sa pagkatakot sa Diyos, nakamit mo na ang katotohanan. Hindi ka basta sumisigaw ng salawikain, nagagawa mong magpatotoo tungkol sa Diyos, at manindigan sa iyong patotoo sa Kanya. Sa kaalamang ito, ano ang dapat mong sabihin sa taong iyon? Dapat mong sabihin: “Gumugugol ng labis na pangangalaga ang Diyos sa kaligtasan ng tao. Ang mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso ay madalas na nagrereklamo at lumalaban sa Kanya, at hindi man lang sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa Kanyang mga layunin. Kung magdurusa sila nang kaunti, o hindi nila makikita ang mga pagpapala ng Diyos, maghihinaing sila, maghihimagsik ang kanilang puso, at magiging negatibo at salungat sila. Pinatutunayan nito na natural sa mga taong may mga tiwaling disposisyon na madalas na lumaban sa Diyos, at ang kalikasan ng tao ay kontra sa Diyos. Kapag ang mga tao ay nagbabayad ng kaunting halaga, nagsusuko ng kaunti, at ginugugol ang kanilang sarili nang kaunti sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ito ay para makamit nila ang kaligtasan—hindi ito para sa Diyos. Nagdurusa ka dahil sa iyong tiwaling disposisyon. Kung nais mong makamit ang katotohanan, kailangan mong magdusa nang kaunti. Kung sasabihin ito nang hindi gaanong kaaya-aya, karapat-dapat na magdusa ang mga tao; hindi ka binibigyan ng Diyos ng pagdurusa, hindi ka rin Niya pinahihirapan. Kung mayroon kang mapaghimagsik na disposisyon, maiiwasan mo ba ang pagdurusa? Ang iyong tiwaling disposisyon ang nagiging sanhi ng iyong pagdurusa—walang kinalaman ang Diyos dito. Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan at tunay kang nagpapasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, magdudulot ka pa rin ba ng pagiging negatibo? Maghihinaing ka pa rin ba laban sa Diyos? Pagdurusahan mo pa rin ba ang mga bagay na ito? Kaya, anuman ang pinagdurusahan ng mga tao, ito ay bunga ng kanilang mga tiwaling disposisyon; hindi nila maaaring sisihin ang iba, lalo na ang Diyos. Pag-aani ito ng iyong itinanim. Kung hindi ka magdurusa, mapupuksa ka; maparurusahan ka. Alin ang pipiliin mo? Ayaw ng Diyos na magdusa ka, ngunit kung walang pagdurusa, magagawa mo bang magpasakop sa Diyos? Kung walang pagdurusa, magagawa mo bang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Kung walang pagdurusa, magagawa mo bang makinig sa mga salita ng Diyos?” Matapos sabihin ang mga salitang ito, magkakaroon ba ng kaunting pagkaunawa ang iyong kausap? Una sa lahat, naaayon ba ang mga salitang ito ba sa mga layunin ng Diyos? Naaayon ba ang mga ito sa katotohanan? (Oo.) Dahil naaayon ang mga ito sa katotohanan, hindi ba’t dapat sabihin ng isang taong may takot sa Diyos ang mga salitang ito? (Dapat nga.) Umiiwas sa kasamaan ang isang taong kayang sabihin ang mga salitang ito. Kaya, ano ang dapat taglayin ng isang tao upang makaiwas siya sa kasamaan? (Dapat siyang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos.) Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos siya makakaiwas sa kasamaan; sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng pusong may takot sa Diyos makapagpapasakop at makapagpapatotoo ang mga tao sa Diyos. Ang gayong mga tao ay natural na iiwas sa kasamaan.
Kung gayon, sa tingin ninyo, sa anong kalagayan madalas namumuhay ang mga taong walang pusong may takot sa Diyos? Mayroon ba silang relasyon sa Diyos? (Wala.) Sinasabi ng ilang tao: “Hindi tama iyon. Nagdarasal sila araw-araw, nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, dumadalo sila sa mga pagtitipon nang nasa oras, at normal nilang ginagawa ang kanilang tungkulin. Paano ninyo nasasabing wala silang relasyon sa Diyos? Kung hindi sila nananalig sa Diyos, magagawa ba nila ang lahat ng iyon?” Tama ba ang ganitong pananalita? (Hindi. Panlabas na pagkilos lang ito. Kung hindi ninyo hinahangad ang katotohanan habang kumikilos kayo, kung gayon, wala kayong pusong may takot sa Diyos, at walang kahit ano sa ginagawa ninyo ang may kinalaman sa Diyos.) Kung ang mga tao, sa kanilang pananalig sa Diyos, ay hindi madalas nabubuhay sa harap Niya, hindi nila magagawang magkaroon ng anumang takot sa Kanya, kaya hindi nila magagawang layuan ang kasamaan. Magkakaugnay ang mga bagay na ito. Kung sa kaloob-looban madalas kang namumuhay sa harap ng Diyos, mapipigilan ka, at matatakot sa Kanya sa maraming bagay. Wala kang sasabihing anumang wala sa katwiran, hindi ka sosobra o gagawa ng anumang bagay na napakasama, ni gagawa ka ng anumang kinamumuhian ng Diyos. Kung tinatanggap mo ang pagsusuri ng Diyos, at tinatanggap ang Kanyang pagdidisiplina, iiwasan mong gumawa ng maraming bagay na masama. At sa gayon, hindi mo ba nalayuan ang kasamaan? Kung sinasabi mong nananalig ka sa Diyos pero madalas ay lito ang puso mo, hindi mo alam kung paano gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, o kung paano dapat hangarin ng tao ang katotohanan, hindi mo rin alam kung minamahal mo ba ang katotohanan, o aling mga pangyayari ang dapat maging dahilan para manalangin ka sa Diyos; kung araw-araw kang naguguluhan, hindi seryoso sa lahat ng bagay, at sumusunod ka lang sa mga regulasyon; kung hindi kaya ng puso mo na maging payapa sa harap ng Diyos, at hindi ka nananalangin o hinahanap ang katotohanan sa tuwing may nangyayari sa iyo; kung madalas kang kumikilos ayon sa sarili mong kalooban, namumuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon, at inihahayag ang iyong mapagmataas na disposisyon, at kung hindi mo tinatanggap ang pagsusuri o pagdidisiplina ng Diyos, at wala kang pusong mapagpasakop, kung gayon sa kaloob-looban, palagi kang mamumuhay sa harap ni Satanas, at kokontrolin ni Satanas at ng iyong tiwaling disposisyon. Ang gayong mga tao ay wala kahit katiting na takot sa Diyos. Talagang hindi nila kayang layuan ang kasamaan, at kahit hindi sila gumagawa ng masama, lahat ng iniisip nila ay masama pa rin, at kapwa walang kaugnayan sa katotohanan at sumasalungat dito. Kung gayon, ang mga ganoong tao ba ay pangunahing walang ugnayan sa Diyos? Kahit sila ay pinamumunuan Niya, hindi kailanman lumapit sa Kanya ang puso nila, ni hindi sila kailanman tunay na nagdasal sa Kanya; hindi nila kailanman itinuturing ang Diyos bilang Diyos, hindi nila Siya kailanman itinuring bilang ang Lumikha na may kataas-taasang kapangyarihan sa kanila, hindi nila kailanman kinikilala na Siya ay kanilang Diyos at kanilang Panginoon, at hindi nila kailanman isinasaalang-alang na masugid Siyang sambahin. Ang gayong mga tao ay hindi nakauunawa kung ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos, at iniisip nilang karapatan nilang gumawa ng masama. Sinasabi nila sa kanilang puso, “Gagawin ko ang gusto ko. Bahala ako sa sarili ko, walang pakialam ang sinumang iba pa!” Itinuturing nila ang pananampalataya sa Diyos bilang isang uri ng mantra, isang anyo ng seremonya. Hindi ba’t ginagawa sila nitong mga hindi mananampalataya? Sila ay mga hindi mananampalataya! Sa isip ng Diyos, ang mga taong ito ay masasama lahat. Sa buong maghapon, lahat ng iniisip nila ay kasamaan. Sila ang masasamang tao ng sambahayan ng Diyos, at hindi Niya kinikilala ang gayong mga tao bilang mga kaanib ng Kanyang sambahayan. Anong klaseng mga tao ang mga nasa sambahayan ng Diyos? Sila ang mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, mga taong nagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ang mga naniniwala lang sa pangalan ng Diyos, na hindi naman Siya tinatanggap bilang kanilang Panginoon at Diyos—parte ba sila ng sambahayan ng Diyos? Ang mga hindi tumatanggap sa Diyos bilang kanilang Lumikha, mga hindi tumatanggap sa katunayang Siya ang katotohanan—pag-aari ba sila ng Diyos? Talagang hindi. Ang mga tumatanggap lamang sa katotohanan ang siyang pag-aari ng Diyos; ang mga tumuturing lang sa Diyos bilang Diyos ang Kanyang pag-aari. Sa mga taong kayang malaman na ang Diyos ang katotohanan, na kaya Siyang tanggapin na kanilang Panginoon, at na nakikita na Siya ang May Kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, paano ba ipinapahayag ng gayong mga tao ang kanilang mga sarili? Anong kalagayan ang mayroon sila sa kanilang puso? Paano sila nagsasagawa kapag may nangyayari sa kanila? (Hinahanap nila ang katotohanan sa lahat ng bagay.) Isang aspeto iyon. Ano pa? (Nagpapasakop sila sa lahat ng kapaligiran, tao, pangyayari at bagay na itinatakda ng Diyos, natututo sila mula sa mga iyon at nagtatamo ng katotohanan.) (Hindi sila nangangahas na gumawa ng anumang lumalaban o sumasalungat sa Diyos.) Ang mga ito rin ay mga paraan ng pagpapahayag nila sa kanilang sarili. Ang pangunahing bagay ay na kapag may nangyayari sa kanila, nauunawaan man nila o hindi ang katotohanan, naisasagawa man nila o hindi ang katotohanan, unang-una sa lahat ay mayroon silang pagkasindak sa Diyos; hindi sila kumikilos nang padalos-dalos ayon sa sarili nilang kalooban, nagagawa nilang matakot sa Diyos at hindi magkasala sa Kanya. Nakikita ng iba na hindi sila walang-ingat magsalita, na mahinahon ang kanilang mga kilos sa halip na mapusok at pasaway, na lubos silang payapa, na may kakayahan silang maghintay, na nakikipag-usap sila sa Diyos sa kanilang puso at hinahanap Siya, na mayroon silang pusong nagpapasakop sa Diyos, at nagtataglay sila ng pusong may takot sa Diyos. Ang mga taong isinasabuhay ang mga bagay na ito ay kayang ikonekta at iugnay sa mga salita ng Diyos ang anumang nangyayari sa kanila, at normal ang kanilang relasyon sa Kanya. Ang ilang tao—yaong wala sa kanilang puso ang Diyos—ay walang kakayahang isabuhay ang mga realidad na ito, at tiyak na mapagmataas, pasaway at walang-pigil ang kanilang mga disposisyon. Ginugugol nila ang buong araw na nagtatawanan at nagbibiruan, hindi nila ibinubuhos ang kanilang puso sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, sinasabi at ginagawa nila ang anumang pumapasok sa kanilang mga isipan, ipinapakita nila ang kanilang mga pangil at iniaamba ang kanilang mga kuko, at walang-ingat at mapusok sila sa lahat ng kanilang ginagawa. Masasabi mo sa unang tingin pa lamang na katulad sila ng mga walang pananampalataya. Ang isang tao bang may ganitong uri ng pagbuhos at pag-uugali ay isang taong namumuhay sa harapan ng Diyos? Taos-puso ba siyang nananalig sa Diyos? Nasa puso ba niya ang Diyos? Tiyak na tiyak na hindi. Ang gayong mga tao ay isinusumpa at kinasusuklaman ng Diyos.
Ngayon ay nagbabahaginan tayo tungkol sa isa sa pinakamahahalagang paksa. Saan ba may kinalaman ang paksang ito? (Sa kaligtasan.) Kung ninanais ng mga tao na maligtas kapag naniniwala sila sa Diyos, ang pinakamahalaga ay kung mayroon ba silang pusong may takot sa Diyos o wala, kung may puwang ba ang Diyos sa puso nila o wala, kung nagagawa ba nila o hindi na mamuhay sa harapan ng Diyos at mapanatili ang normal na ugnayan sa Diyos. Ang mahalaga ay kung ang mga tao ba ay nakapagsasagawa ng katotohanan at nagiging mapagpasakop sa Diyos o hindi. Ganyan ang landas at mga kondisyon para maligtas. Kung hindi nagagawa ng puso mong mamuhay sa harapan ng Diyos, kung hindi ka madalas na nananalangin sa Diyos at nakikipagbahaginan sa Diyos, at nawawalan ka ng normal na ugnayan sa Diyos, hindi ka maliligtas kailanman, dahil naharangan mo ang landas tungo sa kaligtasan. Kung wala kang anumang ugnayan sa Diyos, naabot mo na ang hangganan. Kung ang Diyos ay wala sa puso mo, walang saysay na sabihin na nananampalataya ka, na manalig sa Diyos sa turing lamang. Hindi mahalaga kung gaano karaming salita at doktrina ang nagagawa mong bigkasin, kung gaano na karami ang naging pagdurusa mo para sa pananalig mo sa Diyos, o kung gaano man karami ang mga kaloob mo; kung wala sa puso mo ang Diyos, at wala kang takot sa Diyos, walang halaga kung paano ka nananalig sa Diyos. Sasabihin ng Diyos, “Layuan mo Ako, ikaw na masamang tao.” Ikaw ay ituturing na masamang tao. Mawawalan ka ng ugnayan sa Diyos; hindi mo na Siya magiging Panginoon o iyong Diyos. Kahit na kinikilala mo na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at kinikilala mo na Siya ang Lumikha, hindi mo Siya sinasamba, at hindi ka nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sinusunod mo si Satanas at mga diyablo; tanging si Satanas at mga diyablo ang mga panginoon mo. Kung nagtitiwala ka sa iyong sarili sa lahat ng bagay, at sinusunod ang sarili mong kalooban, kung nagtitiwala ka na ang kapalaran mo ay nasa sarili mong mga kamay, ang pinaniniwalaan mo kung gayon ay ang sarili mo. Kahit na sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, hindi ka kinikilala ng Diyos. Wala kang ugnayan sa Diyos, kaya sa huli ay nakatakda kang itaboy Niya, parusahan Niya, at itiwalag Niya; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad mo. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga tumatanggap sa Kanya bilang ang Tagapagligtas, na tumatanggap na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Nagagawa nilang taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Kanya at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha; nararanasan nila ang gawain ng Diyos, isinasagawa nila ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at tinatahak nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sila ay mga taong nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumusunod sa Kanyang kalooban. Maliligtas lamang ang mga tao kapag mayroon silang ganoong pananampalataya sa Diyos; kung wala, sila ay kokondenahin. Katanggap-tanggap ba ang pangangarap nang gising ng mga tao kapag nananalig sila sa Diyos? Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maaari bang matamo ng mga tao ang katotohanan kapag palagi silang kumakapit sa kanilang sariling mga kuru-kuro at malabo at mahirap maunawaang mga imahinasyon? Hinding-hindi. Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, maniwala sa Kanya gaya ng hinihingi Niya, at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos; noon lamang nila matatamo ang kaligtasan. Wala nang iba pang paraan bukod dito—anuman ang ginagawa mo, hindi ka dapat mangarap nang gising. Ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay napakahalaga para sa mga tao, hindi ba? Isa itong panggising sa inyo.
Ngayong narinig na ninyo ang mga mensaheng ito, dapat nauunawaan na ninyo ang katotohanan at malinaw na sa inyo kung ano ang napapaloob sa kaligtasan. Kung ano ang gusto ng mga tao, ano ang pinagsisikapan nila, at ang pinakagusto nilang gawin—wala rito ang mahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap sa katotohanan. Sa huling pagsusuri, ang matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at na ang nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng takot sa Diyos at ang pag-iwas sa kasamaan ay ang tamang landas. Kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos at palagi mong pinagtutuunan ang paghahangad ng mga bagay-bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, kung gayon, ang pananampalataya mo ay walang kinalaman sa katotohanan, at walang kinalaman sa Diyos. Maaaring sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, subalit ang Diyos ay hindi mo Panginoon, Siya ay hindi mo Diyos, hindi mo tinatanggap na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran mo, hindi ka nagpapasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos para sa iyo, hindi mo kinikilala ang totoo na ang Diyos ang katotohanan—sa gayon ang mga pag-asam mo ng kaligtasan ay nawasak; kung hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak mo ang landas ng pagkawasak. Kung ang lahat ng bagay na iyong hinahangad, pinagtutuunan, ipinagdarasal, at isinasamo ay batay sa mga salita ng Diyos, at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung may lumalagong pagkaunawa ka na ikaw ay nagpapasakop sa Lumikha, at sumasamba sa Lumikha, at nadaramang ang Diyos ang iyong Panginoon, ang iyong Diyos, kung mas nagagalak kang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos para sa iyo, at ang ugnayan mo sa Diyos ay patuloy na nagiging mas malapit, at nagiging mas normal higit kailanman, at kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay nagiging mas dalisay at totoo higit kailanman, kung gayon, ang iyong mga reklamo at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong magagarbong ninanasa sa Diyos, ay patuloy na magiging mas kaunti, at lubos mo nang matatamo ang takot sa Diyos at ang pag-iwas sa masama, na ang ibig sabihin ay nakapasok ka na sa landas ng kaligtasan. Bagama’t ang pagtahak sa landas ng kaligtasan ay may kasamang disiplina, pagpupungos, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, at nagsasanhi ang mga ito na magdusa ka ng labis na pasakit, ito ang pag-ibig ng Diyos na dumarating sa iyo. Kung hinahangad mo lamang na pagpalain kapag naniniwala ka sa Diyos, at hinahangad mo lamang ang katayuan, katanyagan at pakinabang, at hindi ka kailanman dinisiplina, o pinungusan, o hinatulan at kinastigo, kung gayon bagama’t mayroon kang madaling buhay, ang puso mo ay patuloy na lalayo sa Diyos, mawawala sa iyo ang normal na ugnayan sa Diyos, at hindi ka na rin magiging handang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos; gugustuhin mo nang maging sarili mong amo—lahat ng ito ay patunay na ang landas na tinatahak mo ay hindi ang tamang landas. Kung naranasan mo na ang gawain ng Diyos nang ilang panahon at may lumalagong pagkaunawa kung paanong ang sangkatauhan ay napakalalim na nagawang tiwali, at malamang talaga na lumaban sa Diyos, at kung nababalisa ka na darating ang araw na gagawa ka ng isang bagay na paglaban sa Diyos, at natatakot ka na malamang na magkakasala ka sa Diyos at lilisanin ka Niya, at kaya nadarama na wala nang mas nakakatakot pa kaysa ang labanan ang Diyos, kung gayon ay magkakaroon ka ng pusong may takot sa Diyos. Madarama mo na kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, hindi sila dapat malihis palayo sa Diyos; kung malihis sila palayo sa Diyos, kung malihis sila palayo sa pagdisiplina ng Diyos, at sa paghatol at pagkastigo ng Diyos, ito ay katumbas ng pagkawala ng proteksyon at pangangalaga ng Diyos, ng pagkawala ng mga pagpapala ng Diyos, at katapusan na ito ng mga tao; maaari na lamang silang maging mas ubod ng sama, sila ay magiging tulad ng mga tao ng relihiyon, at malamang pa rin na lumaban sa Diyos habang naniniwala sila sa Diyos—at kung ganito, sila ay magiging mga anticristo. Kung mapagtatanto mo ito, mananalangin ka sa Diyos, “O Diyos! Pakiusap, hatulan at kastiguhin Mo po ako. Sa lahat ng bagay na ginagawa ko, nagsusumamo po ako na siyasatin Mo ako. Kung gumagawa ako ng isang bagay na lumalabag sa katotohanan at kumokontra sa Iyong mga layunin, nawa ay hatulan Mo po ako at kastiguhin nang husto—hindi maaaring wala po sa akin ang Iyong paghatol at pagkastigo.” Ito ang tamang landas na dapat tahakin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kaya gawing panukatan ito: Naglalakas-loob ba kayong sabihin na nakatuntong na kayo sa landas ng kaligtasan? Hindi kayo naglalakas-loob, dahil hindi pa kayo nabibilang sa mga naghahangad ng katotohanan, sa maraming bagay, hindi ninyo hinahanap ang katotohanan, hindi ninyo nagagawang tumanggap at magpasakop sa pagpupungos—na nagpapatunay na malayong-malayo pa kayo sa pagtahak sa landas ng kaligtasan. Madali lang ba na makatuntong sa landas ng kaligtasan kung ikaw ay hindi isang tao na naghahangad ng katotohanan? Ang totoo, hindi ito madali. Kung hindi pa naranasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, kung hindi pa nila naranasan ang pagdisiplina, pagkastigo, at pagpupungos ng Diyos, hindi madali para sa kanila na maging isang tao na naghahangad ng katotohanan, at bunga nito, napakahirap para sa kanila na makatuntong sa landas ng kaligtasan. Kung pagkatapos marinig ang mensaheng ito, alam mong ito ang katotohanan, ngunit hindi mo pa tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan, at hindi mo ito nakikita bilang isang seryosong bagay, nadarama mong sa malao’t madali ay gagawin mo rin naman ito—hindi kailangang magmadali—kung gayon ay anong uri ng pananaw ito? Kung ganito ang inyong pananaw, nasa panganib kayo, at mahihirapan kayong makatapak sa landas ng kaligtasan. Paano kayo dapat magpasya para makatuntong kayo sa landas ng kaligtasan? Dapat ay sabihin mo, “A! Sa ngayon ay hindi pa ako nakatutuntong sa landas ng kaligtasan—napakamapanganib nito! Sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay dapat na mamuhay sa Kanyang harapan sa lahat ng oras, at mas manalangin pa, at na dapat ay maging mapayapa ang kanilang mga puso, at hindi pabigla-bigla—kaya dapat kong simulang isagawa ang lahat ng ito ngayon.” Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay pagpasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos; ganoon iyon kasimple. Anong klase ng mga tao ang nakakarinig ng mga salita ng Diyos at pagkatapos ay humahayo at isinasagawa ang mga ito? Mabubuti ba silang mga tao? Mabubuti sila—sila ang mga taong nagmamahal sa katotohanan. Anong uri ng tao sila kung nananatili silang manhid, walang pakialam, at hindi nagpapasakop matapos marinig ang mga salita ng Diyos—kung hindi nila sineseryoso ang mga salita ng Diyos, at nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan sila sa mga ito? Hindi ba’t magugulo ang isip nila? Palaging itinatanong ng mga tao kung may mabibilis na paraan para maligtas kapag nananalig sila sa Diyos. Sinasabi Ko sa inyo na wala, at pagkatapos ay sinasabi Ko sa inyo ang tungkol sa simpleng landas na ito, ngunit matapos itong marinig hindi ninyo ito isinasagawa—na isang sitwasyon na hindi ninyo nalalaman ang mabuting bagay kapag narinig ninyo ito. Maaari bang maligtas ang ganitong mga tao? Kahit pa mayroon silang pag-asa, hindi ito malaki; ang kaligtasan ay magiging napakahirap. Maaaring dumating ang araw na magising sila mula sa pagkakatulog, na maisip nila sa kanilang sarili: “Hindi na ako bata, at hindi ko ginagampanan ang mga itinakdang tungkulin ko habang nananalig sa Diyos sa lahat ng nagdaang taong ito. Hinihingi ng Diyos na mamuhay ang mga tao sa Kanyang harapan sa lahat ng oras, at hindi ako namuhay sa harapan ng Diyos. Kailangan kong magmadali at manalangin.” Kung matauhan sila sa kanilang mga puso at magsimulang gampanan ang kanilang itinakdang tungkulin, huli na ang lahat! Subalit huwag ninyo itong ipagpaliban nang napakatagal; kung maghihintay kayo hanggang mga pitumpu o walumpung taong gulang na kayo, at mahina na ang katawan ninyo, at wala na kayong anumang lakas, hindi ba’t magiging huling-huli na para hangarin ang katotohanan? Kung gugugulin ninyo ang pinakamaiinam na taon ng inyong buhay sa walang kabuluhang mga bagay, at mauwi kayo sa pagpapaliban o pagpapalampas ng paghahangad ng katotohanan, na pinakamahalagang bagay sa lahat, hindi ba’t sukdulang kahangalan ito? Mayroon pa bang higit na kamangmangan kaysa rito? Alam na alam ng maraming tao ang tunay na daan ngunit hinihintay pa nilang dumating ang hinaharap bago ito tanggapin at hangarin—silang lahat ay mga hangal. Hindi nila alam na inaabot nang ilang dekada ang paghahangad ng katotohanan bago nila matatamo ang buhay. Magiging huli na para magsisi kung sasayangin nila ang pinakamainam na panahon para maligtas!
Ngayon, ano ang pinakamahalagang bagay na dapat ninyong isagawa? Iyon ay na kapag may mga nangyayari sa inyo, dapat ninyong madaliing hanapin ang katotohanan, payapain ang inyong puso sa harap ng Diyos, at magdasal sa Diyos at basahin ang Kanyang mga salita nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan, makapagtatatag kayo ng isang normal na relasyon sa Diyos. Kung nananalig ka sa Diyos pero walang kinalaman sa Kanya, kung nananalig ka pa rin sa isang malabong Diyos, kung wala kang normal na relasyon sa praktikal na Diyos, kung gayon, kikilalanin ba ng Diyos na nananalig ka sa Kanya? Kung hindi ka kinikilala ng Diyos, hindi ba’t mahihirapan ka? Sa puso mo, dapat malinaw sa iyo kung paano maghangad para kilalanin ka ng Diyos bilang miyembro ng Kanyang sambahayan, bilang isa sa Kanyang mga tagasunod. Huwag kang maging mapagmatigas o mapaghimagsik, at hinding-hindi ka maaaring dumistansiya sa Diyos; dapat kang lumapit sa Diyos at tanggapin Siya bilang iyong Panginoon. Kaya, ano ang dapat mong gawin pagkatapos? Magmadali kang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahayag Niya, isagawa ito at danasin ito, at pumasok sa realidad—ito ang pinakamahalagang bahagi. Kung sa tingin ninyo ay mahalaga ang mga salitang ito na ibinahagi Ko, kung kaya ninyong gamitin ang mga salitang ito sa buhay ninyo, gawing gabay ang mga ito sa buhay ninyo, at gawing realidad ang mga ito na inyong isinasabuhay, kung gayon, magkakaroon kayo ng ilang nakamit, at hindi magiging walang saysay ang ibinahagi Ko ngayon. Ang susi sa pananalig sa Diyos ay na dapat nasa puso ninyo ang Diyos, dapat kayong makakilos batay sa mga salita ng Diyos, dakilain ninyo ang Diyos sa inyong puso, at magpasakop kayo sa Diyos; dapat ninyong ilagay sa harap ng Diyos ang lahat ng ginagawa ninyo, at tiyaking mayroong ugnayan ang mga ito sa Diyos; ibig sabihin, upang manalig sa Diyos, dapat maging kawangis ka ng isang taong nananalig sa Diyos. Dapat kang magkaroon ng realidad ng pananampalataya sa Diyos. Pagkatapos ninyong makinig sa sermon, naiintindihan na ninyo kung ano ang mga layunin ng Diyos, at nakapagsasagawa at nakapapasok kayo ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Pagkatapos ng ilang panahon, nakikita Kong nagbago na ang mga tao, na ang mga salita Ko ay nagbigay ng pakinabang sa kanila, binago nito ang kanilang kalagayan, at binago ang direksiyon na kanilang tinatahak. Kapag talagang binabago ng mga tao ang sarili nila, pakiramdam Ko ay hindi naging walang saysay ang pagsasalita Ko. Kapag nakikita Kong isinasapuso ninyo ang mga salitang ito, nang hindi lang pinalalagpas ang mga ito sa inyong mga tainga, lubos Akong nasisiyahang makita kayo. Kung hindi kayo nakikinig gaano man karaming salita ang binibigkas Ko, kung hindi ninyo sineseryoso ang mga ito, kung ginagawa ninyo ang anumang gusto ninyo, at kumikilos kayo sa anumang paraang nais ninyo, nasasaktan Ako kapag tinitingnan Ko kayo; nagsisimula Akong makaramdam ng pagkasuklam sa inyo, at walang silbi na magsalita ka ng magagandang pakinggan na salita, o pamukhaing mabuti ang sarili mo sa panlabas. Ang gawin iyon ay magiging pagpapaimbabaw sa panig mo, at hindi nakalulugod sa Akin na makita ito. Kaya, napakahalaga para sa mga tao na isagawa ang katotohanan, at ang pumasok sa katotohanang realidad ay lalong mas mahalaga. Ang mga taong mayroong katotohanang realidad ay likas na may takot sa Diyos; ang mga taong may pusong takot sa Diyos ay likas na makatatahak sa landas ng kaligtasan.
Pebrero 5, 2017