Kabanata 42
Dakila ang mga gawa ng Makapangyarihang Diyos! Kamangha-mangha! Kahanga-hanga! Tumunog ang pitong trumpeta, humayo ang pitong kulog, at ibinuhos ang pitong mangkok—ang mga ito’y agad na lantarang mabubunyag, at hindi magkakaroon ng pagdududa. Araw-araw ay dumarating sa atin ang pag-ibig ng Diyos. Tanging ang Makapangyarihang Diyos ang makapagliligtas sa atin; kung makatatagpo tayo ng kasawian o ng pagpapala ay lubusang nakasalalay sa Kanya, at tayong mga tao ay walang paraan upang pagpasyahan ito. Yaong mga buong-pusong nag-aalay ng kanilang mga sarili ay tiyak na tatanggap ng saganang mga pagpapala, habang yaong mga naghahangad na pangalagaan ang kanilang mga buhay ay mawawalan lang ng kanilang buhay; ang lahat ng bagay at lahat ng usapin ay nasa mga kamay ng Makapangyarihang Diyos. Huwag na ninyong ihinto ang inyong mga hakbang. Dumarating ang malaking pagbabago sa langit at lupa, kung saan walang paraan ang tao para magtago. Wala siyang ibang pagpipilian kundi tumangis sa mapait na sakit. Sumunod ka sa gawain na ginagawa ng Banal na Espiritu ngayon. Dapat maging malinaw sa loob mo ang tungkol sa hakbang kung saan umunlad ang Kanyang gawain, nang hindi na kinakailangang paalalahanan ng iba. Bumalik ka ngayon sa presensya ng Makapangyarihang Diyos nang madalas hangga’t kaya mo. Hingin mo sa Kanya ang lahat. Tiyak na bibigyan ka Niya ng kaliwanagan sa loob mo at, sa mahahalagang sandali, pangangalagaan ka Niya. Huwag kang matakot! Pagmamay-ari na Niya ang iyong buong pagkatao. Sa Kanyang proteksyon at Kanyang pangangalaga, ano ang dapat mong katakutan? Malapit na ngayon ang katuparan ng kalooban ng Diyos, at sinumang matatakutin ay malamang na mabibigo lang. Ang sinasabi Ko sa iyo ay ang katotohanan. Idilat mo ang espirituwal mong mga mata: Maaring magbago ang langit sa isang iglap, ngunit ano ang dapat mong ikatakot? Sa pinakabahagyang galaw ng Kanyang kamay, kaagad mawawasak ang langit at lupa. Kaya’t anong mapapala ng tao sa pag-aalala? Hindi ba’t nasa kamay ng Diyos ang lahat? Kapag inutusan Niya na magbago ang langit at lupa, magbabago ang mga ito. Kapag sinabi Niya na gagawin tayong ganap, magagawa tayong ganap. Hindi kailangan ng taong mag-alala, kundi dapat mahinahong magpatuloy. Gayunpaman, hangga’t kaya mo, dapat kang makinig at maging mapagbantay. Maaaring magbago ang langit sa isang iglap! Gaano man kadilat ang mga mata ng tao, wala siyang gaanong makikita. Maging mapagmatiyag ka na ngayon. Naganap na ang kalooban ng Diyos, natapos na ang Kanyang proyekto, nagtagumpay na ang Kanyang plano, at nakarating na lahat ng Kanyang mga anak na lalaki sa Kanyang trono. Sama-sama silang hahatol sa lahat ng bansa at lahat ng lahi kasama ng Makapangyarihang Diyos. Yaong mga nang-uusig sa iglesiya at namiminsala sa mga anak na lalaki ng Diyos ay makatatagpo ng matinding kaparusahan: Tiyak iyan! Yaong mga taos-pusong nagkakaloob ng kanilang mga sarili sa Diyos, na nananangan sa lahat, tiyak na mamahalin silang lahat ng Diyos hanggang sa buong walang-hanggan, nang hindi kailanman nagbabago!