Kabanata 57
Nasuri mo na ba ang bawat isa sa iyong mga iniisip at ideya, at ang bawat kilos mo? May malinaw na ideya ka ba kung alin sa mga ito ang naaayon sa Aking kalooban at kung alin ang hindi? Talaga bang wala kang kakayahang mahiwatigan ang mga ito! Bakit hindi ka pa humaharap sa Akin? Dahil ba hindi Ko sasabihin sa iyo o may iba pang dahilan? Dapat mo itong malaman! Dapat mong malaman na yaong mga pabaya ay lubos na hindi maiintindihan ang Aking kalooban o tatanggap ng anumang dakilang pagtanglaw o paghahayag.
Natuklasan mo na ba ang mga dahilan kung bakit hindi makapagtamo ng panustos at walang tunay na pagbabahaginan ang iglesia? Alam mo ba kung ilang bagay na humantong na rito ang may kinalaman sa iyo? Pinagbilinan kita na bigyan ng buhay at palabasin ang Aking tinig. Nagawa mo na ba ang mga bagay na ito? Mapapanagutan mo ba ang pagkaantala ng pag-unlad sa buhay ng iyong mga kapatid? Kapag may nakakaharap kang mga isyu, sa halip na maging kalmado at mahinahon, nababagabag ka. Talagang mangmang ka! Dapat ilabas ang Aking tinig sa mga banal. Huwag mong pigilan ang gawain ng Banal na Espiritu, at huwag mo Akong antalahin sa iyong pagpapaliban; hindi makikinabang ang sinuman sa anuman diyan. Nais Kong ialay mo nang lubusan ang iyong sarili sa Akin, sa katawan at isipan, upang bawat iniisip at ideya mo ay maging para sa Akin, upang maibahagi mo ang Aking mga iniisip at alalahanin, at upang lahat ng iyong ginagawa ay maging para sa kapakanan ng kaharian sa ngayon at sa Aking pamamahala, at hindi para sa sarili mo. Iyan lamang ang makakalugod sa puso Ko.
Wala Akong anumang nagawa na walang patunay. Bakit hindi mo pa Ako natutularan? Bakit hindi ka pa naghahanap ng patunay sa iyong ginagawa? Ano pa ang nais mong sabihin Ko? Hinawakan kita sa kamay upang turuan ka, subalit hindi ka pa natututo. Napakamangmang mo! Nais mo bang magsimulang muli sa umpisa? Huwag kang masiraan ng loob. Kailangan mong minsan pang ayusin ang sarili mo, at ilaan ang iyong sarili nang buo sa ngalan ng iisang mga inaasam at ninanais ng mga banal. Alalahanin ang mga salitang ito: “Sa mga taong taos-pusong gumugugol para sa Akin, ikaw ay tiyak na labis Kong pagpapalain.”
Anuman ang ginagawa mo ay kailangan mong gawin sa maayos na paraan, hindi padaskul-daskol. Talaga bang nangangahas kang sabihin na alam mo ang kalagayan ng mga banal na gaya ng likod ng iyong kamay? Ipinapakita niyan na wala kang karunungan, na hindi mo pa sineryoso man lamang ang bagay na ito, at na hindi ka pa nakagugol ng anumang panahon dito. Kung tunay mong magugugol ang iyong buong panahon dito, makikita mo kung ano ang magiging kalagayan ng iyong kalooban. Hindi ka naghahangad na gumawa ng mga pansariling pagsisikap; naghahanap ka lamang ng mga layuning walang kinalaman sa iyo, nang hindi nagpapakita ni katiting na konsiderasyon para sa Aking kalooban. Napakasakit niyan sa Akin! Huwag kang magpatuloy nang ganyan! Maaari kayang hindi mo tinatanggap ang mga pagpapalang naibigay Ko sa iyo?
O Diyos! Nagpapasalamat sa Iyo ang Iyong anak. Hindi ko naseryoso ang Iyong gawain o isinaalang-alang ang Iyong kalooban, ni hindi ako naging tapat sa Iyong mga payo. Nais ng Iyong anak na baligtarin ang lahat ng ito. Nawa’y huwag Mo akong pabayaan, at nawa’y patuloy Mong isagawa ang Iyong gawain sa pamamagitan ko. O Diyos! Huwag Mong iwang mag-isa ang Iyong anak! Sa halip, mangyaring samahan Mo ako sa bawat saglit. O Diyos! Alam ng Iyong anak na mahal Mo ako, subalit hindi ko maintindihan ang Iyong kalooban; hindi ko alam kung paano magpakita ng konsiderasyon para sa Iyong pasanin o kung paano tuparin ang naipagkatiwala Mo sa akin. Lalong hindi ko alam kung paano akayin ang iglesia. Batid Mo na nalulungkot at nababagabag ako tungkol dito. O Diyos! Mangyaring gabayan Mo ako sa lahat ng oras. Ngayon ko lamang nadarama kung gaano kalaki ang aking pagkukulang—napakalaki ng aking pagkukulang! Hindi ko talaga mailarawan kung gaano. Hayaan Mong magpakita ng biyaya ang Iyong makapangyarihang kamay sa Iyong anak, suportahan Mo ako sa lahat ng oras, at tulungan Mo akong magpatirapa nang lubusan sa Iyong harapan, na hindi na gumagawa ng sarili kong mga pagpapasya at wala nang sarili kong mga iniisip o ideya. O Diyos! Alam Mo na nais ng Iyong anak na gawin ang lahat nang lubusan para sa Iyong kapakanan at para sa kapakanan ng kaharian ngayon. Alam Mo kung ano ang aking iniisip at kung ano ang aking ginagawa sa sandaling ito. O Diyos! Ikaw Mismo ang maghanap sa akin. Hinihiling ko lamang na sabayan Mo ako sa paglakad at manatili Ka sa akin sa buhay sa lahat ng oras upang masamahan ng Iyong lakas ang lahat ng aking ginagawa.