33. Mga Tanikala ng Kasikatan at Kasakiman

Ni Jieli, Spain

Noong 2015, napili akong maging pinuno ng iglesia sa taunang halalan. Natuwa ako talaga, at naisip ko na ang mahalal bilang lider ng maraming kapatid ay nangangahulugan na mas mahusay ako kaysa sa iba. Sa tungkulin ko mula noon, lumalapit sa akin ang mga kapatid para makibahagi kapag nahihirapan sila sa pagpasok sa buhay, at tinatalakay sa akin ng mga team leader ang mga isyung nakaharap nila sa gawain ng iglesia. Hindi ko maiwasang madama na nakahihigit ako sa kanila. Naglakad ako sa paligid nang may kayabangan, malaki ang dibdib, at punung-puno ng kumpiyansa kapag nakikibahagi sa mga pagtitipon. Kalaunan, napansin ko na si Sister Liu, isang katrabaho, ay may magandang kakayahan, napakalinaw niyang magbahagi ng katotohanan, at kaya niyang maintindihan ang ugat ng mga problema ng mga tao at lutasin ang mga ito. Nagturo din siya ng mga landas ng pagsasagawa, at gustong marinig ng lahat ang ibabahagi niya. Hinangaan at kinainggitan ko siya. Pero ayaw kong magpatalo, kaya maingat akong naghanda para sa bawat pagtitipon, at inisip kong mabuti kung paano magbabahagi nang mas malawak at mas maliwanag para magmukha akong mas magaling kaysa sa kanya. Kapag nakita ko na nagtatanguan sa pagsang-ayon ang mga kapatid pagkatapos kong magbahagi, tuwang-tuwa ako sa sarili ko at pakiramdam ko ay nagtagumpay ako. Kalaunan, natuklasan ko na may kaunting propesyonal na kaalaman sa mga pelikula ang katrabaho kong si Brother Zheng at magaling siya sa mga computer. Madalas siyang kausapin ng mga kapatid na may tungkulin sa paggawa ng pelikula tungkol sa mga bagay na may kaugnayan dito, at bilang isang lider ng simbahan wala ako talagang maidaragdag. Pakiramdam ko wala akong silbi, at masama talaga ang loob ko. Inisip ko na sa paglapit kay Brother Zheng tuwing may problema sila, iniisip siguro nila na hindi ko kaya ang ginagawa niya. Natanto ko na mainam kung may alam din ako sa mga pelikula, sa gayon ay tatalakayin din sa akin ng mga kapatid ang kanilang mga isyu. Sinimulan kong gumising nang maaga at magpuyat para magsaliksik at pag-aralan kung paano gumawa ng mga pelikula para mas marami pa akong malaman. Lubos kong binalewala ang lahat ng isyu sa iglesia gayundin ang kalagayan ng mga kapatid. Kalaunan, nagsimulang maglabasan ang mga problema sa trabaho ng ilang team na hindi ko kaya talagang lutasin paano man ako nakibahagi o nagdaos ng mga pagtitipon. Yamang hindi nalutas ang kalagayan ng mga kapatid, natigil ang paggawa ng pelikula at nagkasunud-sunod ang mga problema. Nabigatan ako nang husto at halos hindi ako makahinga. Naligalig ako. Nag-alala ako sa iisipin sa akin ng iba, kung iisipin ba nila na lubos na wala akong kakayahan bilang lider at hindi ako karapat-dapat na gawin ang tungkuling iyon. Mukhang hindi ko mapapanatili ang posisyon ko bilang lider. Naging mas negatibo ako nang maisip ko iyon. Pakiramdam ko para akong isang lobong walang hangin at nawala ang dati kong sigla. Sa pamumuhay nang negatibo at pagpapabaya sa aking tungkulin, nawala sa akin kalaunan ang gawain ng Banal na Espiritu. Dahil wala akong nagagawang anuman sa aking tungkulin, pinalitan ako. Sa sandaling iyon, pakiramdam ko nawalan ako ng mukhang ihaharap at gusto kong lamunin ako ng lupa. Naisip ko rin, “Sasabihin ba ng mga kapatid na isa akong bulaang lider na hindi gumawa ng praktikal na gawain?” Lalo akong nalungkot nang lalo kong isipin ito.

Pabiling-biling ako sa higaan noong gabing iyon, at hindi makatulog. Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, na hinihiling sa Kanya na gabayan akong malaman ang sarili kong kalagayan. Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibidwal na mga kuru-kuro, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para iwasto ang inyong hangaring magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at mga kuru-kuro ay pawang mga halimbawang kumakatawan ng satanikong disposisyon. Umiiral ang mga ito sa puso ng mga tao dahil palaging sinisira ng lason ni Satanas ang isipan ng mga tao, at palaging hindi maiwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at iniisip pa rin nila: ‘Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at angkop na isaayos ang lahat para sa amin. Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan makalamang kami sa iba, at kailangan magkaroon kami ng mas magandang katayuan at kinabukasan kaysa sa iba. Dahil naniniwala kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hanggang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na paniniwala sa Diyos.’ … Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang napapala mo. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas mahigpit siyang pakitunguhan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang pakitunguhan at hatulan nang sapat upang lubusan nilang talikuran ang mga bagay na ito. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Yaong mga hindi naghahangad na matamo ang buhay ay hindi maaaring mabago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanasa at mga bagay na pumipigil sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?). Nagmuni-muni ako tungkol sa kalagayan ko nitong huli nang mabasa ko ito. Mula nang tanggapin ko ang tungkuling maging isang lider, wala na akong ibang ginawa kundi hangaring maging sikat at magtamo ng katayuan at umangat sa iba. Nang makita ko na mas magaling magbahagi ng katotohanan si Sister Liu kaysa sa akin, natakot akong mahigitan niya. Inisip ko kung paano maging mas mahusay sa pagbabahagi kaysa sa kanya para hangaan at purihin ako ng iba. Nang makita ko na may propesyonal na mga kasanayan si Brother Zheng at kinausap siya ng marami sa mga kapatid tungkol sa mga isyu sa kanilang tungkulin, nainggit ako at inayawan ko siya. Nagsumikap akong magkaroon ng kaalaman para maungusan ko siya, at binalewala ko pa ang mga problema sa loob ng mga team. Nang hindi ko malutas ang mga isyu ng mga kapatid, hindi ako sumandig sa Diyos, o naghanap ng katotohanan sa mga kapatid para makahanap ng mga solusyon sa pamamagitan ng pagbabahagi. Nag-alala lang ako na baka mawalan ako ng katayuan, takot na hindi ako manatili sa posisyon ko bilang isang lider kung hindi ko gagawin nang maayos ang tungkulin ko. Pagkatapos ay natanto ko sa huli na hindi ko ginagawa ang tungkulin ko para isaalang-alang ang kagustuhan ng Diyos, kundi para bigyang-kasiyahan ang ambisyon kong mahigitan ang iba, na maghari sa iba. Pinagtiwalaan ako ng mga kapatid at inihalal ako bilang isang lider ng iglesia, pero hindi ko man lang inisip ang gawain ng iglesia o ang pagpasok nila sa buhay. Hindi ko talaga binalikat ang aking tungkulin noon o hindi ako naging responsable, at nasira ko ang gawain ng iglesia. Labis akong naging makasarili at kasuklam-suklam. Hindi ko ginagawa ang tungkulin ko—gumagawa ako ng kasamaan at nilalabanan ko ang Diyos! Nagsisi ako na hindi ako nakatahak sa tamang landas sa aking pananalampalataya, kundi lagi akong nagsusumikap na maging sikat at makinabang, na nakayamot sa Diyos. Ang matanggal mula sa aking tungkulin ay matuwid na paghatol at pagkastigo ng Diyos. Hindi Niya ako inalis, kundi pinalitan ako para mapagmuni-muni ko ang aking pag-uugali. Iyon ang Diyos na nagpoprotekta at nagliligtas sa akin! Unti-unting gumanda ang katayuan ko sa pamamagitan ng isang panahon ng mga debosyonal at pagmumuni-muni, kaya ipinlano ng lider ng iglesia na bigyan ako ng mga simpleng tungkulin. Nagpasalamat talaga ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong iyon, at tahimik kong ipinasiya na pakakaingatan ko ang tungkuling iyon, at titigilan ko ang paghahangad na maging sikat at magtamo ng katayuan sa isang landas na salungat sa Diyos.

Pagkatapos ng karanasang iyon, akala ko puwede ko nang kalimutan nang kaunti ang hangarin kong maging sikat at magtamo ng katayuan, pero labis akong nagawang tiwali ni Satanas. Hindi malulutas ng kaunting pag-unawa at pagmumuni-muni ang tiwaling disposisyon, kaya muling lumikha ng isang sitwasyon ang Diyos para ilantad at iligtas ako.

Isang araw makalipas ang ilang buwan, sinabi sa amin ng lider ng iglesia na pumili ng isang team leader. Nang marinig ko ito, nagsimula akong mag-isip: “Magkakaroon kaya ako ng pagkakataong mahalal bilang team leader? May kakayahan naman akong manggagawa, pero wala akong propesyonal na mga kasanayan, kaya hindi siguro iyon posible.” Pagkatapos ay naisip ko ang ilang iba pang mga kapatid sa team. Magaling si Brother Zhang sa propesyonal na mga kasanayan at praktikal siyang magbahagi ng katotohanan, at makatarungan siya at naninindigan sa gawain ng iglesia. Sa kabuuan, mukhang siya ang mas malamang na mapili. Naisip ko na dati-rati ay ako ang nagbibigay ng trabaho kay Brother Zhang noong isa akong lider ng iglesia, pero kung mahalal siya bilang team leader, siya ang magsasabi sa akin kung ano ang gagawin. Hindi ba ako magmumukhang mas mababa kaysa sa kanya? Hindi talaga ako napakali sa ideyang ito. Nang sumapit ang halalan, hindi ko napigilang kabahan, at nagsimulang magtalo ang aking kalooban: “Sino ang dapat kong iboto? Dapat ko bang iboto si Brother Zhang?” Inisip ko kung paano tinalakay sa kanya ng mga kapatid ang anumang mga hirap nila sa kanilang tungkulin, at tinalakay rin palagi ng mga tao sa ibang mga team ang trabaho nila sa kanya—gumanda nang husto ang tingin sa kanya. Kung siya ang naging team leader, hindi ba magiging mas mataas siya kaysa sa akin? Dahil doon, ayaw ko na siyang iboto, pero wala akong propesyonal na kaalaman at hindi ako karapat-dapat na maging team leader. Talagang nakadama ako ng lungkot at kaapihan, at nagalit ako na hindi ko alam ang iba pa tungkol sa gawain. Noon din, naisip ko ang isang masamang ideya: “Kung hindi ako puwedeng maging team leader, sisiguruhin kong ikaw man ay hindi.” Sa gayon, ibinoto ko si Brother Wu, na walang gaanong propesyonal na kaalaman. Nagulat ako nang si Brother Zhang pa rin ang nahalal. Hindi ako natuwang makita na gayon ang nangyari, pero agad akong hindi napakali, na para bang may nagawa akong kahiya-hiya. Kalaunan ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung ang ilang mga tao ay may nakikitang isang tao na mas magaling kaysa sa kanila, sinasawata nila ang mga ito, nagpapasimula sila ng tsismis tungkol sa mga ito, o gumagamit sila ng ilang nakakahiyang paraan para hindi hangaan ng ibang tao ang mga ito, at na walang taong mas mahusay kaysa iba, sa gayo’y ito ang tiwaling disposisyon ng kayabangan at pagmamagaling, gayundin ng kabuktutan, panloloko at katusuhan, at walang makakapigil sa mga taong ito na makamtan ang kanilang mga layon. Ganito ang buhay nila subalit iniisip pa rin nila na malalaking tao at mabubuting tao sila. Gayunman, may takot ba sila sa Diyos? Una sa lahat, para magsalita mula sa pananaw ng likas na mga katangian ng mga bagay na ito, hindi ba ginagawa lamang ng mga taong ganitong kumilos ang gusto nila? Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng pamilya ng Diyos? Iniisip lamang nila ang sarili nilang damdamin at nais lamang nilang makamtan ang sarili nilang mga layon, anuman ang mawala sa gawain ng pamilya ng Diyos. Hindi lamang mayabang at mapagmagaling ang ganitong mga tao, makasarili rin sila at nakakamuhi; wala talaga silang pakialam sa intensyon ng Diyos, at ang ganitong mga tao, walang duda, ay walang takot sa Diyos. Kaya nga ginagawa nila ang anumang gusto nila at kumikilos sila nang walang-ingat, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang mga kahihinatnan na hinaharap ng ganitong mga tao? Magkakaproblema sila, hindi ba? Sa mas magaang salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na paghahangad para sa pansariling kasikatan at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at taksil. Sa mas masakit na pananalita, ang mahalagang problema ay ang mga puso ng gayong mga tao ay wala ni katiting na takot sa Diyos. Hindi sila takot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila na bawat aspeto ng kanilang sarili ay mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ang pinaka-hindi nararapat banggitin at pinaka-walang halaga, at wala man lang anumang mataas na katayuan ang Diyos sa kanilang puso. Nakapasok na ba sa katotohanan yaong mga walang lugar sa puso nila para sa Diyos, at hindi nagpipitagan sa Diyos? (Hindi.) Kaya, kapag karaniwan ay masaya silang kumikilos at pinananatiling abala ang kanilang sarili at gumugugol ng matinding lakas, ano ang ginagawa nila? Sinasabi pa ng mga taong ito na tinalikuran na nila ang lahat upang gumugol para sa Diyos at nagdusa na sila nang malaki, ngunit ang totoo, ang motibo, prinsipyo, at layunin ng lahat ng kilos nila ay para makinabang sila mismo; sinusubukan lang nilang protektahan ang lahat ng sarili nilang interes. Masasabi ba ninyo o hindi na masama ang ganitong uri ng tao? Anong uri ng tao ang masasabi ninyong hindi nagpipitagan sa Diyos? Mayabang ba siya? Ang ganitong tao ba ay si Satanas? Anong uri ng mga bagay ang hindi nagpipitagan sa Diyos? Bukod sa mga hayop, kasama sa lahat ng hindi nagpipitagan sa Diyos ang mga demonyo, si Satanas, ang arkanghel, at yaong mga nakikipaglaban sa Diyos(“Ang Limang Kinakailangang Kalagayan Upang Mapunta sa Tamang Landas ng Pananampalataya ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Napuruhan ako ng mga salitang ito. Nang maalala ko ang mga ideya at ginawa ko noong halalan, pakiramdam ko ay parang wala akong mukhang ihaharap. Bumoto ako ayon sa personal kong mga motibo, para protektahan ang posisyon at reputasyon ko, nang hindi tinatanggap ang masusing pagsisiyasat at wala man lang anumang pagpipitagan sa Diyos. Alam kong bihasa si Brother Zhang, praktikal ang pagbabahagi niya tungkol sa katotohanan, at makakatulong ang pagiging team leader niya sa pagpasok ng lahat sa buhay at sa gawain ng iglesia. Pero nainggit ako, natakot na mahigitan niya ako bilang team leader, kaya sadyang hindi ko siya ibinoto. Sumunod ako sa prinsipyo ng malaking pulang dragon na “Kung mabigo ang autokrasya, tiyaking huwag ipanalo ang demokrasya.” Ang M.O. (Modus Operandi) ng malaking pulang dragon ay na kung hindi ito magiging makapangyarihan, hindi rin maaari ang iba. Kung kailangan, magpupunyagi itong wasakin ang magkabilang panig. Hindi ba ganoon din ako? Kung hindi ko makukuha ang posisyon, ayaw ko ring makuha iyon ni Brother Zhang. Mas gusto ko pang makitang umupo sa tungkulin ang maling tao at masira ang gawain ng iglesia para protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan. Napakamakasarili ko, kasuklam-suklam, tuso, at masama, wala ni katiting na pagpipitagan sa Diyos. Nasiyahan ako sa napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, at ang pagkakaroon ng oportunidad na gawin ang aking tungkulin ay pagpapakita ng kabaitan ng Diyos sa akin. Pero sa halip na isipin kung paano suklian ang pagmamahal ng Diyos, nainggit ako at nagsikap na maging sikat at makinabang. Nanungkulan ako bilang kampon ni Satanas, na ginagambala ang gawain ng bahay ng Diyos. Hindi ba ako isang bulok na manloloko? Inisip ko kung paano ako tinanggal sa tungkulin isang taon bago iyon dahil pinilit kong maging sikat at makinabang, hindi gawin nang wasto ang aking tungkulin, at hindi ako makagawa ng praktikal na gawain. At ngayon, nasa sitwasyon ding iyon ako pero naghahangad pa ring maging sikat at magtamo ng katayuan, hindi ng katotohanan. Kung nagpatuloy ako sa gayong paraan, kamumuhian at aalisin ako ng Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Hindi ninyo alam ang inyong lugar, subalit nilalabanan pa rin ninyo ang isa’t isa sa tae. Ano ang mapapala ninyo sa ganyang sagupaan? Kung totoong mayroon kayong pagpipitagan para sa Akin sa inyong puso, paano ninyo naaatim na mag-away-away sa Aking likuran? Gaano man kataas ang iyong katungkulan, hindi ba mabaho ka pa ring maliit na uod sa tae? Magagawa mo bang magpatubo ng mga pakpak at maging isang kalapati sa himpapawid?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo). “Bakit sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay ‘mga uod’? Sa Kanyang paningin, ang mga tiwaling taong ito ay malinaw na mga nilalang—ngunit ginagampanan ba nila ang mga responsibilidad at tungkuling dapat gampanan ng mga nilalang? Bagama’t maraming taong gumaganap sa kanilang tungkulin, gaano kahusay nila ipinapakita ang kanilang pagganap? Hindi man lang sila maagap sa pagtupad ng kanilang tungkulin kahit na kaunti; bihira silang magkusa na gawin ito. Kung hindi sila tinatabas, iwinawasto, o dinidisiplina, wala silang ginagawa. Kaya, palagi ring kinakailangang magtipon-tipon, magbahagi at magtustos upang magkaroon sila ng kahit katiting na pananampalataya, upang maging maagap kahit kaunti. Hindi ba ito ang pagiging tiwali ng tao? … Wala sa mga iniisip nila maghapon ang may kinalaman sa katotohanan o sa pagsunod sa daan ng Diyos; ginugugol nila ang maghapon sa pagpapakabusog sa pagkain, at wala silang anumang iniisip. Kahit na pag-isipan nila nang kaunti ang isang bagay, hindi iyon isang bagay na naaayon sa katotohanang prinsipyo. Wala iyong kinalaman ni katiting sa kung ano ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Ang lahat ng gawain na kanilang ginagampanan ay nakahahadlang at nakagagambala at hindi sila nagpapatotoo sa Diyos. Ang kanilang isipan ay puno ng mga ideya kung paano hangarin ang makakabuti sa laman, paano lumaban para sa katayuan at katanyagan, paano makasundo ang ilang grupo ng mga tao, at paano magkamit ng posisyon at magkaroon ng magandang reputasyon. Kinakain nila ang pagkaing ipinagkakaloob sa kanila ng Diyos, tinatamasa ang lahat ng ibinibigay Niya, ngunit hindi nila ginagawa ang dapat gawin ng mga tao. Magugustuhan ba ng Diyos ang gayong mga tao? … Higit sa lahat, yaong mga uod ay walang kuwenta, walang kahihiyan, at, sa paningin ng Diyos, walang halaga! Bakit Ko sinasabi na walang halaga ang gayong mga tao? Ginawa ka ng Diyos, at binigyan ka ng buhay, subalit hindi mo magampanan ang tungkulin mo, na siyang pinakamaliit na dapat mong gawin; nananamantala ka lamang. Sa Kanyang paningin, wala kang silbi, at walang dahilan para mabuhay ka. Hindi ba mga uod ang gayong mga tao? Kaya, ano ang dapat gawin ng mga tao kung ayaw nilang maging mga uod? Una, hanapin mo ang sarili mong lugar at subukan mo ang lahat ng posibleng paraan para magampanan mo ang iyong tungkulin, at magkakaroon ka ng kaugnayan sa Lumikha; makakapagsulit ka sa Kanya. Pagkatapos niyon, isipin mo kung paano ka magiging matapat sa pagtupad ng iyong tungkulin. Hindi ka dapat kumilos nang walang interes, o nang maski papaano na lamang; sa halip, dapat mong ilagay ang buong puso mo roon. Hindi mo dapat subukang linlangin ang Lumikha. Dapat mong gawin ang anumang hinihingi sa iyo ng Diyos, at dapat kang makinig at magpasakop(“Anim na Pahiwatig ng Pag-unlad sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).

Nang pagnilayan ko ang mga salita ng Diyos, nabagabag ako. Napagtanto ko na itinuring ng Diyos na napakarumi at napakasama ng pagpupunyagi kong maging sikat at makinabang. Ang pagkakaroon ng magandang kapalarang gawin ang tungkulin ko sa bahay ng Diyos ay pambihirang pagdakila ng Diyos, pero hindi ko ginampanan ang mga obligasyon ko. Sa halip, inisip ko lang ang sarili kong kasikatan at katayuan, at ginambala ko pa ang gawain ng bahay ng Diyos para sa mga bagay na iyon. Ginampanan ko ang katauhan ni Satanas. Lubhang nakasusuklam at nakamumuhi iyon sa Diyos! Sabi ng Diyos, “Gaano man kataas ang iyong katungkulan, hindi ba mabaho ka pa ring maliit na uod sa tae?” Naunawaan ko na isa akong nilalang, isang marumi at tiwaling tao na walang halaga o dignidad, kaya kahit magkaroon ako ng posisyon, hindi mababago niyon ang aking pagkatao. Ni hindi ko magawa nang maayos ang tungkulin ko, pero palagi akong nakipag-agawan sa kasikatan at pakinabang, at ginusto kong tingalain ako ng iba. Nasaan ang aking konsiyensya at katwiran? Ano ang halaga ng buhay ko? Hindi ba isa akong uod na walang halaga? Matapos magtamo ng kaunting pagkaunawa sa aking likas na pagkatao at diwa mula sa inihayag ng mga salita ng Diyos, kinamuhian ko ang sarili ko at naging handa akong talikuran ang laman at isagawa ang katotohanan.

Kalaunan ay hinanap ko si Brother Zhang at isiniwalat sa kanya ang aking katiwalian, na naghayag ng aking kasuklam-suklam na mga motibo at kilos sa halalan. Hindi lang niya ako hindi hinamak, kundi nagbahagi pa siya ng sarili niyang karanasan para tulungan ako. Matapos magbahagi, naglaho ang agwat sa pagitan namin at talagang gumaan ang pakiramdam ko at napayapa ako. Sa tungkulin ko mula noon, kapag nahirapan ako o hindi ko naunawaan ang isang isyu, lumalapit ako kay Brother Zhang para hanapin ang sagot, at lagi niyang matiyagang sinagot ang aking mga tanong sa pamamagitan ng pagbabahagi. Humusay ang sarili kong propesyonal na mga kasanayan kalaunan. Nang talikuran ko ang kasikatan at katayuan at isagawa ko ang katotohanan, gumaan ang pakiramdam ko at napayapa ako na nagmula sa paggawa ng aking tungkulin sa gayong paraan, at mas napalapit ako sa Diyos. Muli akong nakatakas sa mga tanikala ng kasikatan at katayuan at natikman ko ang praktikal na pagliligtas ng Diyos sa akin.

Nagsimula ang taunang halalan ng iglesia noong Oktubre 2017, at inirekomenda ako ng mga kapatid bilang isang kandidato. Bahagya akong kinabahan at naisip ko, “Mahigit dalawang taon mula nang matanggal ako sa posisyon ko sa pamumuno, at narinig ko na may magandang opinyon ang ilang kapatid tungkol sa akin. Sabi nila naging mas praktikal daw ang aking pagbabahagi at nagbago ako nang kaunti. Inisip ko kung makakakuha ako ng posisyon sa pamumuno sa pagkakataong ito.” Natanto ko na muli akong naghahangad ng magandang reputasyon at magkaroon ng katayuan at naisip ko kung gaano kasakit noon na magapos at mapigilan ako ng mga bagay na iyon. Alam ko na hindi ko maaaring ipagpatuloy ang hangaring iyon, na dapat kong talikuran ang laman at isagawa ang katotohanan. Pagkatapos ay naisip ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag natalikuran mo na ang katanyagan at katayuan na nabibilang kay Satanas, hindi ka na mahahadlangan at malilinlang ng napakasasamang ideya at pananaw. Makasusumpong ka ng paglaya, at madarama mo na unti-unting gumagaan ang pakiramdam mo; magiging malaya at nakalaya ka na. Pagdating ng araw na naging malaya at nakalaya ka na, madarama mo na ang mga bagay na natalikuran mo ay mga gusot lamang, at na ang mga bagay na tunay mong natamo ay napakahalaga sa iyo. Madarama mo na ang mga iyon ang pinakamahahalagang bagay, at mga bagay na pinaka-nararapat na pahalagahan. Yaong mga bagay na ginusto mo—materyal na mga kasiyahan, katanyagan at kayamanan, katayuan, pera, reputasyon, at paggalang ng iba—ay magmimistulang walang halaga sa iyo; ang mga bagay na iyon ay nagdulot ng matinding pagdurusa sa iyo, at aayawan mo na ang mga iyon. Aayawan mo na ang mga iyon kahit pagkalooban ka pa ng mas mataas na katanyagan at katayuan; sa halip, kamumuhian at tatanggihan mo ang mga iyon mula sa kaibuturan ng puso mo!(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Lumiwanag ang puso ko, at nalaman ko na walang halaga ang maghangad na maging tanyag at magkaroon ng katayuan, at na ang pag-unawa at pagsasagawa ng katotohanan at paggawa ng tungkulin ng isang nilalang ang pinakamahahalagang bagay. Sa katunayan, ang paglahok sa halalan ay hindi para makipag-agawan sa posisyon ng pamumuno, kundi para tuparin ang aking mga responsibilidad sa pamamagitan ng pakikibahagi sa proseso. Kinailangan kong kalimutan ang mga pagnanasa kong maging sikat at magkaroon ng katayuan at bumoto sa isang angkop na lider ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Iyon ang makakabuti para sa gawain ng bahay ng Diyos. Kung ako ang mapipili bilang lider, kailangan kong gawin nang maayos ang tungkulin ko. Kung hindi naman, hindi ko sisisihin ang Diyos, kundi gagawin ko ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Nang ituwid ko ang aking mga motibo tungkol sa halalan, sa gulat ko, ako ang napiling maglingkod bilang lider. Nang makita ko ang kinalabasang ito, hindi ako nagpakasayang tulad noong nakaraan, na iniisip na mas magaling ako kaysa sa iba, kundi nadama ko na tungkulin at responsibilidad ko iyon, at dapat akong magtuon sa paghahanap sa katotohanan at gawin ko nang maayos ang tungkulin ko upang maging marapat ako sa pagmamahal at pagliligtas ng Diyos.

Sa paglipas ng panahong iyon, na halos tatlong taon, malinaw na naipakita sa akin ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ang sakit na idinudulot sa akin ng kasikatan at katayuang iyon, at naging determinado akong hanapin ang katotohanan. Kahit kung minsan ay gusto ko pa ring makipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang, nagagawa kong sadyang magdasal sa Diyos, magtuon sa pagsagawa ng katotohanan, at paggawa ng tungkulin ko nang maayos. Hindi na ako napipigilan ng aking masama at tiwaling disposisyon. Nang talikuran ko ang kasikatan at katayuan, nadama ko na hindi lang iyon ang tatalikuran ko, kundi pati na rin ang mabibigat na tanikalang ipinanggapos sa akin ni Satanas. Napakagaan at napakalaya ng pakiramdam ko.

Sinundan: 32. Ang Espiritu Ko’y Pinalaya

Sumunod: 34. Napakasarap sa Pakiramdam na Alisin ang Aking Pagkukubli

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito