Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikaapat na Bahagi)

II. Ang mga Interes ng mga Anticristo

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa paksang tinalakay natin noong huling pagtitipon. Noong huli, tinalakay natin ang ikalawang seksiyon ng mga interes ng mga anticristo sa loob ng ikasiyam na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Sa seksiyong ito, nagbahaginan tayo tungkol sa kanilang sariling reputasyon at katayuan, tama ba? (Tama.) Gunitain ninyo at bigyan ninyo Ako ng medyo tumpak na buod. Ilang punto ang pangunahin nating pinagbahaginan tungkol sa sariling reputasyon at katayuan ng mga anticristo? (Nagbahagi ang Diyos tungkol sa dalawang punto noong nakaraan. Ang una ay ang saloobin ng mga anticristo tungkol sa pagpupungos. Ang mga anticristo ay hindi kailanman matatanggap ang pagpupungos o makapagpapasakop dito, hindi rin nila ito matatanggap bilang ang katotohanan. Ang ikalawa ay kung paano pinoprotektahan ng mga anticristo ang kanilang reputasyon at katayuan sa isang grupo ng mga tao at kung anong mga pagpapamalas ang mayroon sila. Ang diwa ng mga anticristo ay pakikipagkompetensiya, at kailangan nilang makipagkompetensiya para sa kanilang reputasyon at katayuan.) Kaya, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol dito ngayon. Anong takdang-aralin ang ibinigay Ko sa inyo noong nakaraan? Ano ang sinabi Ko sa inyo na pag-isipan at pagbahaginan pagkatapos ng ating pagtitipon? Natatandaan ba ninyo? (Sinabihan kami ng Diyos na ikumpara ang aming sarili sa pagbabahaginan at paghihimay ng mga pagpapamalas ng mga anticristo upang makita kung alin sa mga disposisyon ng mga anticristo ang taglay namin, at upang makita kung alin sa mga kalikasan ng mga anticristo ang sinasandalan namin sa paggawa ng mga bagay-bagay.) Ito ang pangunahing paksa. Tungkol saan ang maliit na paksa? (Tungkol ito sa kung aling mga nagkokompetensiyang kalikasan ang ipinapakita ng mga anticristo habang pinangangalagaan ang kanilang reputasyon at katayuan, at ikinukumpara ang aming sarili sa mga ito para masaksihan kung paano namin ito ipinapakita sa aming tunay na buhay, at kung paano namin ginagawa ang mga bagay-bagay, kung ano ang sinasabi namin, at kung ano ang ginagawa namin alang-alang sa reputasyon at katayuan, at kung aling mga pagpapamalas ng pakikipag-agawan sa mga kapatid para sa kasikatan at pakinabang ang ipinapakita namin para mapangalagaan ang aming katayuan.) May iba pa bang makapagdadagdag dito? (Sinabi sa amin ng Diyos na huwag laging pag-usapan kung ano ang katangian ng ibang tao habang nagbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, sa halip, dapat naming ikumpara ang aming sarili sa mga ito at pagbahaginan kung aling mga disposisyon at pagbubunyag ang mayroon kami na katulad ng sa mga anticristo.) Iyan na halos ang lahat. Ano ang kasabihan tungkol sa kung paano kumikilos ang mga anticristo sa isang grupo ng mga tao na pinagbahaginan natin noong nakaraan? Hindi ba’t nag-iwan ito ng impresyon sa inyo? (Ang kasabihan nila ay, “Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!”) Naaalala ninyo ito. Paanong naalala ninyo ito? (Dahil ang kasabihang ito ng mga anticristo na sinabi ng Diyos, “Kailangan kong makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya! Makipagkompetensiya!” ay isang bagay na madalas kong ipinapamalas at ibinubunyag. At saka, ang tono ng pakikipagbahaginan ng Diyos ay napakasigla, at tumutugma sa kalagayan ng puso ko ang paraan ng pagpahayag ng Diyos sa mga salitang ito, kaya’t nag-iwan ito ng malalim na impresyon sa akin.) Minsan, kapag nagbabahagi Ako at naghihimay tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas at iba’t ibang uri ng kalikasang diwa ng mga anticristo, gumagamit Ako ng pang-araw-araw na wika, pati na rin ng ilang tono at pamamaraan na madaling tanggapin ng mga tao, at nag-iiwan ng malalim na impresyon sa mga tao, at gumagamit din Ako ng ilang halimbawa na medyo malapit sa totoong buhay. Nakatutulong ang ginagawa Kong ito na makilala ng mga tao ang diwa ng mga anticristo at makilala nila ang kanilang sarili. Kapaki-pakinabang din ito sa mga tao na makilala ang kanilang sarili at maranasan ang mga salita ng Diyos sa kanilang totoong buhay, at mas nakakabuti pa nga sa kanila na baguhin ang ganitong uri ng disposisyon ng mga anticristo, hindi ba? (Tama.) Nagbigay kayo ng halos tumpak na paggunita sa nakaraang pagbabahaginan, pero lampas pa sa mga bagay na ito ang mga detalye—marami pang ibang detalye. Dapat kayong lumikha ng buod pagkatapos makinig sa isang pagbabahaginan. Sa pinakamababa, pagkatapos makinig sa isang pagbabahaginan, dapat kayong magtipun-tipon at makinig muli rito nang ilang beses, at pagkatapos ay makakagawa ang lahat ng buod nang sama-sama. Pagkatapos makinig sa inyong mga paggunita at pagbubuod ng ating nakaraang pagbabahaginan, masasabi Ko na medyo malabo na ito sa inyo, para bang pinakinggan ninyo ang pagbabahaginan nang isa o dalawang taon na ang nakalipas at wala itong iniwang impresyon sa inyo. Maaaring may naiwan sa inyo na kaunting konsepto at impresyon tungkol sa isang seksiyon, isa o dalawang pangungusap, o isa o dalawang usapin, pero tila karamihan sa mga tao ay walang konsepto o impresyon nang higit pang mahahalagang kaalaman at paghihimay sa paglalantad ng mga anticristo. Kaya, kailangan ninyong higit na magnilay-nilay at magbahaginan tungkol sa mga usaping tinalakay natin. Huwag lang makinig sa mga ito at pagkatapos ay isantabi ang mga ito nang hindi man lang sineseryoso ang mga ito. Kung gagawin ninyo iyon, magiging masyadong mabagal ang inyong pagpasok sa katotohanan—hindi pwedeng hindi pagninilay-nilayan ang mga sermong ito! Kaya, paano kayo nakikipagtulungan sa mga sermon na ito sa inyong buhay-iglesia? Nagbabahaginan ba kayo tungkol sa mga sermong ito sa inyong mga pagtitipon kada linggo? O nakikinig ba kayo sa mga pinakabagong sermon at nagbabahaginan nang maraming beses, nang sa gayon ay magkaroon ang karamihan sa inyo ng impresyon at malalim na kaalaman tungkol sa mga ito, at pagkatapos ay maunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng mga ito? Ginagawa ba ninyo ito? (Diyos ko, sa mga pagtitipon namin kada linggo, kumakain at umiinom muna kami ng mga pinakabagong pagbabahagi ng Diyos.) Dapat akuin ng mga lider ng iglesia, mga mangangaral, at iyong mga namamahala sa buhay-iglesia sa mga grupong nagpapasya ang responsabilidad para dito; sa ganitong paraan lamang magagawa nang maayos ang gawain ng iglesia.

C. Pagpapakana Para sa Sarili Nilang mga Pakinabang

1. Paglulustay sa mga Pag-aari ng Sambahayan ng Diyos

Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa ikatlong seksiyon ng mga interes ng mga anticristo—ang mga pakinabang. Ano ang mga pakinabang? (Pagtanggap ng mga pagpapala, at mga interes.) Napakasimpleng paliwanag nito; ito ang literal na kahulugan. Dagdagan pa ito nang kaunti—ano ang mga pakinabang? (Ang mga ito ang mga materyal at di-materyal na interes, mga kanais-nais na bagay, at mga kaginhawahan na matatanggap ng mga tao mula sa paggawa ng kanilang tungkulin o mula sa pagtatrabaho sa mundo.) Tama ang paliwanag na ito. Ang mga pakinabang ay mga uri ng magandang pagtrato na natatanggap ng mga tao bukod pa sa kanilang sahod, at kabilang dito ang mga bagay gaya ng mga pang-araw-araw na pangangailangan, pagkain, o mga kupon. Tumutukoy rin ang mga ito sa mga kaginhawahan at materyal o di-materyal na pagtrato na nakukuha ng isang tao habang ginagawa ang kanyang tungkulin; mga pakinabang ang lahat ng bagay na ito. Ngayong naipaliwanag Ko na ang ibig sabihin ng terminong ito, alam ba ninyong lahat ang mga lugar, halimbawa, at pagpapamalas na pagbabahaginan natin sa seksiyong ito? Lumilitaw sa inyong isipan ngayon ang ilang pag-uugali at kilos ng mga tao, pati na ang mga taong kayang gumawa ng mga bagay na ito, tama ba? Sino ang mga taong una ninyong naiisip? (Mga taong nagsasamantala sa kanilang katayuan para umasa sa iglesia.) Isang uri ito ng tao. Ginagawa rin ng mga taong ito ang kanilang mga tungkulin. May katayuan ang ilan sa kanila, mga lider at manggagawa sila sa iba’t ibang antas o mga superbisor, habang gumagawa naman ang iba ng mga ordinaryong tungkulin. Anong pagpapamalas ang pareho sa kanilang lahat? Habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, patuloy silang gumagawa ng ilang gawain at mga partikular na bagay para sa kanilang sariling laman, mga pamilya, at sariling kasiyahan. Araw-araw silang nagpapakaabala at nagbabayad ng halaga, at ang bagay na laging iniisip nila ay kung anong mga kanais-nais na bagay ang matatamo nila sa pamamagitan ng paggawa ng gampaning ito o paggawa ng tungkuling ito. Palagi silang nagpaplano at nagkakalkula tungkol sa kung anong mga kaginhawahan at espesyal na pagtrato ang makukuha nila mula rito. Sa sandaling malaman nila, gagawin nila ang lahat ng kinakailangan para makuha ang mga bagay na ito, at higit pa rito, siguradong hindi nila palalampasin ang anumang pagkakataon para makuha nila ang mga kaginhawahan at interes na ito. Pagdating sa usaping ito, masasabing wala silang awa at walang damdamin, at siguradong hindi nila isinasaalang-alang ang kanilang sariling integridad at dignidad. Hindi sila natatakot na baka maging negatibo ang tingin sa kanila ng mga kapatid, at lalong hindi sila nag-aalala kung paano sila huhusgahan ng Diyos dahil dito. Ang ginagawa lang nila ay palihim na magnilay-nilay at magpakana kung paano samantalahin ang mga tungkuling ginagawa nila upang matamasa nila ang lahat ng kapaki-pakinabang na pagtratong maaari nilang makuha. Kaya, ang mga ganitong tao ay may isang uri ng kaisipan at argumento na, sa panlabas ay hindi maituturing na mali: “Ang sambahayan ng diyos ay pamilya ko, at ang pamilya ko ay sambahayan ng diyos; kung ano ang akin ay sa diyos, at kung ano ang sa diyos ay akin. Ang mga tungkulin ng mga tao ay mga responsabilidad nila, at ang lahat ng pakinabang na maaari nilang tamasahin mula sa kanilang mga tungkulin ay mga biyayang ipinagkaloob ng diyos; hindi maaaring tanggihan ng mga tao ang mga ito at dapat nilang tanggapin ang mga ito mula sa diyos. Kung hindi ko matatamo ang mga ito, iba ang magtatamo nito, kaya mas mabuti pang tamasahin ko na ang mga pakinabang na ito at huwag nang magpanggap na mapagpakumbaba, at lalong hindi ko dapat mapagkumbabang tanggihan ang anumang bagay. Kailangan ko lang pagsumikapan ang mga pakinabang na ito at iabot ang aking kamay para tanggapin ang mga ito nang may pusong mapagpasakop at tapat na saloobin.” Itinuturing nila ang mga gayong pakinabang bilang isang uri ng pagtrato na likas na nararapat sa kanila at na dapat nilang angkinin; katulad ito ng kapag ang isang tao ay nagtatrabaho at naglalaan ng oras at pagsusumikap, kaya pakiramdam niya na nararapat lang para sa kanya ang suweldo at kabayarang natatanggap niya. Kaya, kahit na nilustay nila ang mga bagay na ito at natamo ang mga pakinabang na ito sa pamamagitan ng pagsusumikap para dito, hindi nila iyon itinuturing na mali o isang bagay na kamumuhian ng Diyos, lalong wala silang pakialam kung mayroong anumang uri ng opinyon tungkol sa kanila ang mga kapatid. Para bang ganap na tama at natural lang na gawin nila iyon, tinatamasa ng mga anticristo ang lahat ng bagay na ito, pinagsusumikapan nila ang mga bagay na ito, at higit pa rito, nagpapakana sila para sa lahat ng bagay na ito sa puso nila araw-araw. Ito ang karaniwang kalagayan ng mga anticristo habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at ito rin ang karaniwang kalagayan ng mga anticristo na nagpapakana para sa kanilang mga pansariling interes habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Kaya, ano ang mentalidad ng mga anticristo? “Habang ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin, kailangang subukan ng mga anticristo na makakuha ng kapalit. Dahil tinalikuran ko ang aking pamilya para gawin ang tungkuling ito, at dahil ibinigay ko ang aking pagsusumikap, enerhiya, at oras para sa diyos at sa kanyang sambahayan, dapat kong matamasa ang lahat ng magagandang pagtrato na gusto ko.” Itinuturing ng mga anticristo ang lahat ng ito bilang mga bagay na likas na nararapat para sa kanila, bilang mga bagay na dapat ipagkaloob ng Diyos sa mga tao nang hindi na nila kailangang pagsumikapan pa. Ito ang pananaw ng mga anticristo. Kaya, habang ginagawa ang kanilang tungkulin, palagi silang nagsusumikap para sa mga pakinabang, at palagi silang natatakot na may ibang makakuha ng isa sa mga pakinabang na iyon at kakaunti na lang ang matitira sa kanila. Ito ay isang kalagayan ng mga anticristo na gumagawa ng kanilang mga tungkulin. Saan nauuwi ang lahat ng kanilang layunin, motibo, at mithiin sa paggawa ng kanilang tungkulin? Nauuwi ang lahat ng ito sa kanilang pagpapakana na makuha nila ang lahat ng pakinabang, iniisip na kung hindi nila ito gagawin, magiging hangal lamang sila at mawawalan ng kabuluhan ang buhay. Ito ang mentalidad ng mga anticristo.

Paano man ilantad ng Diyos ang kalikasan ng mga anticristo o ang kanilang mga pagpapamalas ng hindi pagmamahal sa katotohanan, hindi sila susuko sa mga layunin at paghahangad nilang ito; patuloy silang nagsusumikap para sa mga pakinabang. Halimbawa, pagkatapos simulan ng ilang tao ang tungkulin ng pagho-host, bumibili ang iglesia o ang mga kapatid ng ilang pagkain o mga kagamitan o magbibigay pa nga ng pera sa mga pamilyang nagho-host. Kung isang anticristo ang taong gumagawa ng tungkuling ito, ang mga kanais-nais na bagay na sinusubukan nilang makuha ay hindi kasingsimple ng isang posporo o maliit na kutsara. Sinasabi nila, “Ibinibigay ko ang aking tahanan para mag-host sa mga kapatid na ito, at nag-aalok ng serbisyo para sa kanila habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, kaya dapat lang na ibigay ng sambahayan ng diyos ang lahat ng materyales at pera. Inilalaan ko ang aking bahay at nagluluto ako para sa inyong lahat at sinisiguro ko ang inyong kaligtasan; sapat na iyon. Tungkol naman sa iba pa—ang inyong kinakain, iniinom, at ginagamit—dapat ibinibigay ito ng iglesia.” Hindi naman talaga mali na ibibigay ng iglesia ang mga bagay na ito, pero ang nais Kong ibahagi rito ay ang pagkakaiba sa pagitan ng kung paano ginagawa ng mga anticristo ang mga tungkulin ng pagho-host at kung paano ito taos-pusong ginagawa ng ibang tao. Kapag gumagawa ang mga anticristo ng mga tungkulin sa pagho-host, hindi nila ito maaaring basta-basta na lang tanggapin; mayroon silang mga nakatagong motibo. Iniisip nila, “Ginagawa ko itong tungkulin ng pagho-host, kaya kailangan kong magpakana para may makuha ako mula rito. Nagbibigay ang iglesia ng ilang pagkain at ng iba pang mga pangangailangan, kaya kailangang kainin ng mga kapamilya ko ang pagkaing iyon kasama ang mga kapatid at gamitin din ang lahat ng bagay na iyon kapag gusto nila. Parte ng sambahayan ng diyos ang pamilya ko, kaya, ang pag-aari ng sambahayan ng diyos ay pag-aari din ng pamilya ko.” Ito ang saloobin ng mga anticristo sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, hindi ba? (Oo.) Samakatuwid, kapag sinimulang gawin ng ilang tao ang mga tungkulin sa pagho-host, nagsisimulang magbago ang kanilang puso, palagi silang nag-iisip tungkol sa mga materyal na bagay at pera na ginagamit para sa pagho-host ng mga kapatid, at kung walang tumitingin nang maigi sa mga bagay na ito, darating na ang oportunidad para sa mga anticristong ito na makakuha ng ilang pakinabang. Anong uri ng oportunidad? Palihim silang magkakalkula, “Ganito kalaki ang nagagastos ng isang tao sa isang araw, kaya kung magkano man ang natitirang pera, hindi ko na isasauli sa iglesia; akin na lang ito. Kahit papaano, ito ay pera na kinita ko, kaya hindi ako masisisi ng sinuman kung aangkinin ko ito; siyempre, nararapat lang ito para sa akin!” Pagkatapos, ibubulsa nila ang natitirang pera. Maghahanap ang ilang anticristo ng iba’t ibang uri ng palusot para maangkin nila ang ilang materyal na bagay na inihandog ng mga kapatid o ibinigay ng sambahayan ng Diyos. Sa ilang lugar, kapag tumirang muli ang mga kapatid doon, wala na ang kutson sa kama, wala na ang mga unan at kumot, wala na ang lahat ng karne at gulay, at kapag tinatanong nila ang kanilang mga host tungkol dito, sinasabi ng mga anticristong ito na, “Kapag matagal mong inimbak ang mga pagkain, hindi na ito magiging masarap, kaya kinain na namin ang mga iyon.” Hindi ba’t sakim ang mga taong ito? (Oo.) Sa sandaling ang mga materyal na bagay na ibinigay ng sambahayan ng Diyos, pati na rin ang mga bagay na binili ng mga kapatid para sa pamilyang nagho-host, ay napunta sa mga kamay ng mga anticristong ito, nagiging kanila na ito; ginagamit o kinakain nila ang mga ito ayon sa kagustuhan nila, o itinuturing pa nga nila ang mga ito bilang kanilang sariling pag-aari at itinatago ang mga ito. Kapag bumabalik doon ang mga kapatid, hindi na nila nakikita ang mga bagay na ito. Kung kailangan ng iglesia na gamiting muli ang mga tirahang ito ng mga anticristo, kailangan nitong gumastos ng pera para muling bilhin ang mga bagay na iyon, at kailangan na namang dalhin ng mga kapatid ang mga bagay na iyon sa kanilang bahay. Natutuwa ang mga anticristo sa nakikita nilang ito, iniisip nila, “Talang magandang manampalataya sa diyos! Hindi ako magiging mayaman nang ganito kabilis kung iba ang ginagawa ko; ito ang pinakamaginhawang paraan para makakuha ng mga bagay-bagay. Bukod pa rito, walang maglalakas-loob na magsumbong sa mga pulis na nawawala ang mga gamit na ito ng iglesia; kung susubukan mo nga akong isumbong, ikaw ang una kong isusumbong! Kaya ang magagawa mo lang ay manahimik at tanggapin ito, wala kayong mapagsusumbungan tungkol dito. Naangkin ko na ang mga bagay na ito at kinain ang pagkaing ito. May magagawa ka ba sa akin? Walang kinikilingan ang diyos. Ibinibigay ko ang bahay ko para sa pagho-host ng mga kapatid, kaya iyon ang naiambag ko, at tatandaan ako ng diyos dahil dito. Ano ang ikakatakot ko kung kukuha ako nang kaunti? Nararapat lang ito para sa akin! Ano ang ikatatakot sa pagkain nang kaunti sa pagkaing ito? Ano, kayo lang ang may karapatang kumain nito at ako hindi? Mga miyembro kayo ng sambahayan ng diyos, pero hindi ba’t miyembro din ako? Hindi lang ako makikinabang sa sitwasyon, kakainin ko ang mga bagay na ito nang mag-isa!” Ito ang saloobin ng mga anticristo sa kanilang mga tungkulin. Sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, layon nilang makuha ang mga bagay na ito, at itinuturing nila ang mga ito bilang mga pinakamalaking pakinabang, sinasabi nila, “Ito ang pinakamalaking biyayang ipinagkaloob ng diyos; wala nang mas kongkreto kaysa sa biyayang ito, at wala nang mas totoo at mas malinaw na kapaki-pakinabang kaysa sa pagpapalang ito. Napakaganda talaga nito! Sinasabi ng lahat na ang pananampalataya sa diyos ay nangangahulugang ‘tatanggap ng isang daang beses na biyaya sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na mundo’; tinutupad nito ang kasabihang iyon. Maaga ko ngayong natitikman ang pagpapalang ito. Talagang kabutihan ito ng diyos!” Kaya naman, wala man lang pag-aalinlangan ang mga anticristo sa pag-aangkin ng mga bagay na pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos, at walang awa nilang kinukuha ang mga ito. Paano itinuturing ng mga anticristo ang mga ari-ariang ito ng sambahayan ng Diyos? Itinuturing nila ang mga ito na parang pampublikong pag-aari ng mga walang pananampalataya; sakim silang lahat, gusto nilang lahat na angkinin ang mga gamit ng sambahayan ng Diyos, at gayunpaman, naniniwala pa rin sila na ang mga ito ay ang biyaya at mga pagpapalang nararapat nilang matamasa dahil sa paggawa nila ng kanilang mga tungkulin. Dagdag pa rito, hindi sila kailanman nakakaramdam ng pagsisisi o kahihiyan tungkol dito, hindi rin nila nakikilala ang kanilang sariling kabuktutan o kawalan ng integridad. Lalo pa ngang nagiging sakim at ambisyoso ang ilan sa mga anticristong ito. Habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin sa pagho-host, hindi nila kailanman nararamdaman na kamumuhian ng Diyos ang kanilang mga kilos o na sasalungatin ng kanilang mga kilos ang Diyos. Sa halip, patuloy lang silang nagkakalkula at nagkukumpara sa kanilang isipan, iniisip nila, “Nag-host ang pamilyang iyon at nakakuha sila ng mga gamit na iyon. Kung iho-host ko rin ang mga taong iyon, nararapat lang na mapasaakin ang mga gamit na iyon. Mas namumuhay nang komportable kaysa sa akin ang host na iyon, at mas masarap din ang kinakain nila. Bakit hindi ako nakapanamantala nang ganoon?” Nagkakalkula at nakikipag-agawan din sila para sa mga bagay na ito. Sa sandaling may dumating na oportunidad, wala silang awa at tiyak na hindi nila ito palalagpasin. Kaya, kapag gumagawa ang mga anticristo ng mga tungkulin sa pagho-host, nag-iimbot sila at sinusubukan nilang angkinin ang anumang bagay na maaangkin nila—mula sa maliliit na gamit tulad ng isang pares ng lete hanggang sa isang malaking kagamitang binibili ng sambahayan ng Diyos. Sinasamantala nila ang oportunidad na makagawa ng kanilang mga tungkulin para makahanap ng iba’t ibang palusot at paraan na maangkin ang mga gamit, nilulustay ang pag-aari ng sambahayan ng Diyos, habang walang kahihiyang sinasabi na ginagawa lamang nila ito para protektahan ang pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at na nararapat lamang na mapasakanila ang mga bagay na ito dahil sa paggawa nila ng kanilang mga tungkulin. Nangyayari ang mga ganitong bagay sa mga taong nananampalataya at sumusunod sa Diyos.

Habang ginagawa ng mga anticristo ang kanilang mga tungkulin sa pagho-host, maaaring palabasin nila na hindi sila nagnanasa o hindi nila sinusubukang kuhain ang mga gamit, na tumatanggi silang tumanggap ng anumang bayad sa pagho-host ng mga kapatid, at kapag nakakakita sila ng ilang walang kwentang bagay, nagmamadali silang sinupin ang mga ito. Gayunpaman, pagdating sa mahahalagang bagay na pag-aari ng sambahayan ng Diyos, talagang hindi nila bibitiwan ang mga ito nang ganoon-ganoon lang. Maaaring ibibigay nila ang isang bagay na nagkakahalaga ng isang yuan, pero anumang bagay na nagkakahalaga ng isang daang yuan, isang libong yuan, sampung libong yuan, o isang bagay na mas mahal pa, isisiksik nila ito sa kanilang pitaka at aangkinin. Sa kaso ng ilang tao, lumilitaw ang isang mapanganib na sitwasyon habang iniingatan nila ang mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos, at ang mga taong nakakaalam na ginagawa nila ito ay maaaring tumatakas sa ibang lugar o naaaresto, at kaya walang ibang nakakaalam tungkol sa mga ari-ariang ito na iniingatan nila kundi sila lamang—sa mga ganitong sitwasyon nasusubukan ang mga tao. Ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos, na nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, ay kayang manatiling nakatutok sa kanilang tungkulin sa lahat ng oras, at hindi sila magkakaroon ng ideya o kaisipan na lustayin ang mga ari-ariang ito. Gayunpaman, hindi ganito ang mga anticristo; pipigain nila ang kanilang utak at mag-iisip sila ng anumang posibleng paraan para maangkin ang mga ari-ariang ito. Sa sandaling may mangyari sa mga taong nakakaalam na iniingatan nila ang mga ari-arian, lihim na natutuwa ang mga anticristo sa puso nila at nagtatatalon pa nga sila sa tuwa. Kaagad nilang inaangkin ang mga ari-arian nang hindi man lang natatakot, at lalong wala silang nararamdaman na panunumbat sa sarili o pagkakonsensiya. Ginagamit ng ilang anticristo ang mga ari-ariang ito para sa kanilang sariling gastusin sa bahay at itinatapon ang mga ito kapag gusto nila, agad namang ginagamit ng ilan ang pera para bumili ng mga bagay na gusto nila para sa kanilang tahanan, at inilalagay pa nga ng ilan ang pera diretso sa bangko nila at inaangkin ito. At kapag kinokolekta na ng mga kapatid ang mga ari-arian, nagagawa bang aminin ng mga anti cristo ang kanilang ginawa? Tiyak na hinding-hindi ito aaminin ng mga anticristo. Ang pakay nila sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng kanilang tungkulin ay upang makakuha ng mga kanais-nais na bagay, at kabilang sa mga kanais-nais na bagay na ito ang mga handog sa Diyos, ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos, at maging ang mga personal na pag-aari ng mga kapatid. Samakatuwid, ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin nang may kasakiman, pagnanais, at personal na ambisyon; hindi sila naririto para hangarin ang katotohanan, para tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, o para tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, bagkus ay pumarito sila upang makuha ang bawat pakinabang, ang lahat ng kaginhawahan, at ang lahat ng ari-arian. Masasabi na puno ng kasakiman at pagnanais ang mga taong ito. Saan nakatuon ang kanilang puso? Nakatuon ang kanilang puso sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Kaya, kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin sa pagho-host, nakatuon sila sa kung ano ang binibili ng sambahayan ng Diyos para kanino, kung gaano kalaking pera ang ibinibigay ng sambahayan ng Diyos para kanino, at kung gaano kalaking mga benepisyo at mga kanais-nais na bagay ang natatamo ng mga tao mula sa sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid para sa paggawa ng mga tungkulin sa pagho-host—ito ang mga bagay na tinututukan nila. Kung hihilingin sa kanila na mag-host ng mga ordinaryong kapatid at hindi sila makakakuha ng anumang kanais-nais na bagay sa paggawa nito, makakaisip sila ng iba’t ibang dahilan para hindi ito gawin. Ngunit sa sandaling hilingin sa kanila na mag-host ng isang nakatataas na lider, ganap na nag-iiba ang kanilang saloobin, nagbabago ito, ang laki ng ngiti nila, at sabik nilang hinihintay ang lider; hindi sila makapaghintay na imbitahin ang “bigating” taong ito na iho-host nila sa kanilang bahay at sambahin ang lider na ito na parang diyos. Iniisip nila na dumating na ang kanilang pagkakataon, na ito na ang kanilang gagatasan ng pera, at kung mapapalagpas nila ang pagkakataong ito, mawawala ang kanilang pagkakataon na yumaman, kaya paanong palalampasin nila ito? Nang may kasakiman, pagnanais, at motibasyon at intensiyon na lustayin ang ari-arian ng sambahayan ng Diyos, tinatanggap nila ang tungkuling ito na makapagbibigay sa kanila ng mga kanais-nais na bagay—ano ang kanilang panghuling pakay? Ito ba ay para gawin nang maayos ang kanilang tungkulin? Ito ba ay para i-host nang mabuti ang mga kapatid? Ito ba ay para ialay ang kanilang katapatan? Ito ba ay para makamit ang katotohanan? Hindi, wala sa mga ito; gusto nilang gamitin ang pagkakataong ito para magtamo ng mga kanais-nais na bagay. Hindi sila magho-host ng mga ordinaryong tao, ngunit kapag nababalitaan nila na kailangan nilang mag-host ng isang lider o manggagawa na may katayuan, nagsusumikap silang gawin ito, at pagkatapos ay nakakaisip sila ng iba’t ibang dahilan para magpabili sa sambahayan ng Diyos ng iba’t ibang pang-araw-araw na pangangailangan at kagamitan sa bahay para sa mga ito, sinasabi na, “Hindi pwedeng tumira ang mga lider sa isang hindi maayos na kalagayan kapag pumunta na sila rito. Hindi ba’t dapat maihanda ang lahat para maging maginhawa ang pagho-host? Hindi kami nakikinabang sa mga bagay na ibinibigay ng sambahayan ng diyos; at kung nakikinabang man kami, nakikisalo lang kami sa mga lider. Bukod dito, kung may darating na isang lider, nangangamba ako na baka hindi nila makasanayan ang pagkaing kinakain namin dito araw-araw. Maraming bagay na inaasikaso ang mga lider araw-araw, at kung magkasakit sila, hindi ba’t mabibigo kami sa aming tungkulin bilang mga host? Kaya, dapat maghanda ang iglesia ng tatlong pagkain sa isang araw para sa mga lider. Kailangan naming magkaroon ng gatas, tinapay, itlog, at iba’t ibang uri ng gulay, prutas, karne, at mga nakahandang health supplement para sa kanila.” Hindi ba’t maganda at maalalahaning kaisipan ito? Nagsasalita ng wika ng tao ang mga anticristo nang malakas, ngunit inaalala ba talaga nila ang mga lider sa kanilang puso? Ano ba mismo ang lihim nilang pakay? Hindi ganoon kasimple ang kanilang pakay. Maaaring mahirap lang sila at hindi pa nakakakain o nakakakita ng magagandang bagay dati, at gusto nilang gamitin ang pagkakataong ito para makaranas, para mamuhay katulad ng mayayaman, para mamuhay nang natutugunan ang lahat ng kanilang pangunahing pangangailangan, para gamitin ang pagkakataong ito na alagaan ang kanilang kalusugan, para makakain ng mga pagkaing hindi nakakain ng mga ordinaryong tao at makapagtamasa ng mga pagtrato na hindi natatamasa ng mga ordinaryong tao. Iyon ang dahilan kung bakit mukhang napakamaalalahanin ng kanilang mga iniisip. Pero ano ba talaga ang nasa likod ng kanilang pag-aalala? Gusto nilang magpakana para sa sarili nilang kapakanan, gusto nilang makuha at mapanghawakan ang mga bagay na ito, at tiyak na iniisip nila ang bawat aspekto ng kanilang mga pakana—hindi nila ito gagawin para sa sinumang iba. At kapag nagho-host sila ng isang lider, talagang namumuhay ng magandang buhay ang mga anticristong ito. Pagkatapos, napapaisip sila, “Magandang mamuhay nang ganito, pero hindi naman talaga sa akin ang mga bagay na ito. Kailan kaya magiging akin ang mga bagay na ito? Kung paaalisin ko ang lider na ito, hindi ko na matatamasa ang mga bagay na ito, pero kung hindi ko siya paaalisin, hindi talaga magaan sa loob ko na patuloy siyang i-host. Talagang hindi ko gagawin ang tungkuling ito kung hindi dahil sa mga kanais-nais na bagay na ito. Araw-araw, kailangan kong magising nang maaga at matulog nang dis-oras sa gabi, palagi akong natatakot, at kailangan ko siyang pagsilbihan. Palagi kong iniisip ngayon na mas marami yatang mawawala sa akin kaysa sa makukuha ko mula sa paggawa ng tungkuling ito, at na hindi naman sapat ang mga benepisyo at kasiyahang nakukuha ko mula rito. Ano ang gagawin ko kung matagal pang maninirahan dito ang lider? Kailangan kong mag-isip ng paraan para mapaalis siya, at pagkatapos ay muli na akong mapapayapa at matatahimik sa bahay ko.” Ganito ba mag-isip ang mga tao? Ganito ba mag-isip ang mga taong may normal na pagkatao at tapat na gumagawa sa kanilang tungkulin? (Hindi.) Ganito mag-isip ang mga anticristo. Kahit gaano pa karami ang mga kanais-nais na bagay o benepisyo na nakukuha nila, hindi kailanman matutugunan ang kanilang kasakiman at pagnanais; hindi sila kailanman nakokontento, iniisip nila na wala silang anumang nakamit, at hindi nila iniisip na ang paggawa ng tungkuling ito ang trabahong dapat nilang gawin. Sa kabaligtaran, iniisip nila na karagdagang sakripisyo at halagang babayaran ito. Kahit gaano pa karaming bagay ang nakukuha nila o gaano kalaking benepisyo ang nakakamit nila, pakiramdam nila ay nawawalan pa rin sila at iniisip nilang ang sambahayan ng Diyos ang nakikinabang sa kanilang mga naigugol, na ang mga kapatid ang nakikinabang, at na sila mismo ay walang anumang nakukuhang kanais-nais mula rito. Habang tumatagal, nararamdaman nilang hindi sila kayang mapasaya ng mga kanais-nais na bagay na ito at hindi kayang busugin ng mga ito ang kanilang kasakiman. Sabihin mo sa Akin, anong pagkatao ang taglay ng mga anticristo? Mayroon ba silang anumang pagkatao? (Wala.) At mayroon bang konsensiya ang mga taong walang pagkatao? Kaya ba nilang gawin ang kanilang tungkulin habang nagkikimkim ng pagnanais na magampanan ito nang tapat, pati na rin ng pagnanais na maging mapagkumbaba, na maging sinsero, at taos-pusong igugol ang kanilang sarili? Kaya ba nilang gawin ang kanilang tungkulin nang walang hinihinging kabayaran, nang walang hinahangad na anumang kapalit, at nang walang hinahangad na anumang gantimpala? (Hindi.) Bakit hindi? Wala silang kamalayan ng konsensiya, at gaano man kalaki ang mga benepisyong nakukuha nila, iniisip nilang nararapat lang sa kanila ang mga ito. Hindi ba’t ang “nararapat lang” na ito ay isang bagay na hindi maiisip ng mga normal na tao at isang bagay na hindi nila kailanman maiisip? Mayroon bang pakiramdam ng kahihiyan sa ganitong klaseng kaisipan at saloobin? (Wala.) Mayroon bang anumang pagkatao ang mga taong walang pakiramdam ng kahihiyan? Inilalantad ng usaping ito ang isang kalikasan na taglay ng mga anticristo, ang pagiging walang kahihiyan o konsensiya.

Anong uri ng mga tao ang mga walang kahihiyan? Anong uri ng mga tao sa loob ng sangkatauhan ang walang kahihiyan? (Mga taong may sakit sa utak.) Walang kahihiyan ang mga taong may sakit sa pag-iisip, tumatakbo sila nang nakahubad sa kalsada, walang malay sa mga taong nakatingin sa kanila, marahil ay pinagtatawanan pa nga nila ang mga taong nakasuot ng damit, at sinasabing, “Tingnan nga ninyo kung gaano kahirap para sa inyo na magsuot ng mga damit. Tumatakbo ako nang nakahubad sa kalsada, at malayang-malaya at walang sagabal ang pakiramdam ko!” Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng pagiging walang kahihiyan? (Oo, ito nga.) Ito ang ibig sabihin ng pagiging walang kahihiyan. Ang mga taong walang kahihiyan ay walang konsensiya at sila ay may sakit sa pag-iisip; nakikinabang sila habang napipinsala ang lahat, gusto nilang kuhain ang anumang pag-aari ng iba, ang kanilang kasakiman at pagnanais ay lumampas sa saklaw ng normal na pagkamakatwiran ng tao—umabot na sila sa puntong hindi na nila kayang kontrolin ang kanilang sarili at wala na silang konsensiya. Makakamit ba ng mga ganitong tao ang katotohanan? Tiyak na hindi. Naghahangad lamang sila ng kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga materyal na interes, at hindi nila kailanman nakakamit ang katotohanan. Kaya, magkakaroon ba sila ng puwang sa kaharian ng langit? Hindi inililigtas o pineperpekto ng Diyos ang mga gayong tao. Dapat bang kaawaan ang mga taong ito? (Hindi.) Dapat kamuhian ang mga taong ito; nakasusuya, kapoot-poot, at kasuklam-suklam sila. Kasuklam-suklam at mababa ang karakter ng mga taong ito; wala silang dignidad o kahihiyan. Puno ng kasakiman, ambisyon, at pagnanais ang puso nila. Gusto lang nilang samantalahin ang pagkakataong gawin ang kanilang tungkulin para subukang magtamo ng mga interes para sa kanilang sarili, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at hindi rin nila ginagawa ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nagdarasal sila sa Diyos, humihiling din sila ng mga kanais-nais na bagay, ng mga interes, at ng mga pagpapala ng Diyos. Inilalarawan nila sa Diyos kung paano sila nagdusa at nagsakripisyo, at lumalapit sila sa Diyos para magdasal tungkol sa mga bagay na ito upang gamitin lamang ang mga paghihirap na tiniis nila at ang mga halagang ibinayad nila para makipagkasundo sa Kanya, upang humingi ng mga pagpapala at gantimpala mula sa Diyos, at iniaabot pa nga nila ang kanilang mga palad sa Diyos at hinihingi ang materyal na bagay na gusto nila. Ang gusto nilang ipahayag kapag lumalapit sila sa Diyos ay ang kanilang mga reklamo, pagsuway, kawalang-kasiyahan, hinaing, at sama ng loob, pati na rin ang kanilang pagkadismaya na hindi natutugunan ang kanilang kasakiman at mga pagnanais. Kapag nakikita ng Diyos ang mga pagpapamalas na ito, minamahal o kinamumuhian ba Niya sila? (Kinamumuhian Niya sila.) Kapag gumagawa sila ng kaunting pagsisikap para sa kapakanan ng iglesia, agad silang lumalapit sa Diyos para ideklara ito at angkinin ang papuri, para sabihin sa Diyos ang kanilang mga sakripisyo at kung ano ang inialay nila habang gumagawa ng iba’t ibang tungkulin o trabaho; takot na takot sila na hindi malaman ng Diyos ang mga bagay na ito, na hindi makita ng Diyos ang mga bagay na ito, at na makalimutan ng Diyos ang mga halagang ibinayad nila. Samakatuwid, ang mga taong ito ay itinuturing na masama at lubos na wala nang kahihiyan sa harap ng Diyos. Kapag lumalapit sila sa Diyos para ilarawan at ideklara ang mga halagang ibinayad nila, para ilarawan sa Kanya kung ano ang mga bagay na nais nilang makuha, at para iabot ang kanilang palad sa Diyos at humingi ng mga gantimpalang gusto nila, sinasabi ng Diyos, “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Ano ang saloobin ng Diyos? “Hindi karapat-dapat na lumapit sa Akin ang mga taong tulad mo. Nasusuklam Ako sa iyo at nakakaramdam Ako ng pagtutol sa iyo. Naibigay Ko ang lahat ng gusto mo; natanggap mo na nang isandaang ulit ang nais mong makamit sa buhay na ito. Ano pa ba ang gusto mo?” Ang nais na unang ibigay ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi materyal na bagay, sa halip, nais Niyang ipagkaloob ang katotohanan sa sangkatauhan, nang sa gayon ay matamo nila ang kaligtasan sa pamamagitan ng katotohanan. Subalit, walang pakundangang kinokontra ng mga anticristo ang gawain ng Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Sa halip, gusto nilang gamitin ang oportunidad na makagawa ng kanilang tungkulin sa panahon ng gawain ng Diyos upang hindi marapat na makapagtamo sila ng mga kanais-nais na bagay; sinasamantala nila ang mga butas sa sistema at nakikinabang sila sa lahat ng bagay habang napipinsala naman ang iba, subalit madalas nilang nararamdaman na nawawalan sila at hindi masyadong nakikinabang. Madalas din nilang nararamdaman na labis silang nagsakripisyo at nag-alay, na higit ang kanilang mga kawalan kaysa sa kanilang mga pakinabang at, dagdag pa rito, madalas nilang pinagsisisihan ang kanilang mga sakripisyo, at iniisip nila na hindi nila sapat na napag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay o na hindi sila nakaisip ng plano para makaalis. Kaya, sa puso nila, madalas silang nagagalit dahil hindi sila nakakatanggap ng mga agarang gantimpala para sa kanilang mga sakripisyo, at puno rin sila ng mga reklamo laban sa Diyos. Sa kanilang puso, madalas silang nagkakalkula, iniisip na, “Hindi ba’t matuwid ang diyos? Walang kinikilingan ang diyos, hindi ba? Hindi ba’t ang diyos ay ang diyos na nagpapala sa mga tao? Hindi ba’t natatandaan ng diyos ang lahat ng mabubuting gawa at ang lahat ng inilaan at iginugol ng isang tao? Tinalikuran ko ang aking pamilya para sa gawain ng diyos at nagbayad ako ng halaga, pero ano ang nakukuha ko mula sa diyos?” Kung hindi natutugunan ang kanilang kasakiman at pagnanais sa loob ng maikling panahon, nagiging negatibo sila at nagsisimulang magreklamo. Kung hindi natutugunan ang kanilang kasakiman at pagnanais sa loob ng mahabang panahon, napupuno ng naipong sama ng loob ang kaibuturan ng kanilang puso. At ano ang mga kahihinatnan ng naipong sama ng loob na ito? Sa puso nila, sisimulan nilang pagdudahan at kuwestiyunin ang Diyos, husgahan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at maging ang pagmamahal at diwa ng Diyos. Kung maiipon nang matagal ang sama ng loob na ito, nagiging kanser ang mga bagay na ito at nagsisimulang kumalat, at magagawa na nilang ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Lalo na kapag nasa harap sila ng ilang tao na negatibo at mahina at na may medyo mababang tayog, o sa harap ng ilang tao na bago pa lang sa pananalig, ibinubunyag at ipinapakalat nila paminsan-minsan ang mga negatibong emosyong ito, ipinapakalat ang kanilang kawalang-kasiyahan sa Diyos at paglapastangan sa Diyos, at ililigaw pa nga nila ang ilang tao na walang pagkilatis na pagdudahan ang matuwid na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ba’t ginagawa ito ng mga anticristo? Dahil hindi natutugunan ang kanilang mga ambisyon, pagnanais, paghahangad, at intensiyon, nakakaya nilang gawin ang mga bagay na ito at nakapagpapakita ng ganitong uri ng saloobin sa Diyos—anong disposisyon ito? Malinaw na disposisyon ito ng isang anticristo at isa itong satanikong disposisyon.

Anumang kapirasong paghihirap ang nararanasan ng isang anticristo o anumang halaga ang ibinabayad niya sa iglesia, hindi niya nararamdaman na parte ito ng kanyang obligasyon, na ito ang tungkuling dapat gawin ng isang nilikha, bagkus ay itinuturing niya ito bilang kanyang kontribusyon, na dapat tandaan ng Diyos. Iniisip niya na kung natatandaan ng Diyos ang kanyang kontribusyon, dapat Siyang magbigay kaagad, magbigay sa kanya ng mga pagpapala, pangako, at espesyal na materyal na pabor, at dapat siyang tulutan ng Diyos na magkamit ng mga benepisyo at magtamo ng mga partikular na pakinabang. Saka lamang masisiyahan ang anticristo. Ano ang pagkaunawa ng isang anticristo sa tungkulin? Hindi niya nararamdaman na ang tungkulin ay isang obligasyon na dapat gampanan ng mga nilikha, o isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga sumusunod sa Diyos. Sa halip, pakiramdam niya, ang paggampan ng tungkulin ay isang alas sa pakikipagtransaksiyon sa Diyos, isang bagay na maaaring ipagpalit para sa Kanyang mga gantimpala, at isang paraan upang matugunan ang kanyang sariling mga ambisyon at pagnanais at makakuha ng mga pagpapala para sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Iniisip niya na ang pagkakaroon ng biyaya at pagpapala ng Diyos ay dapat na maging isang paunang kondisyon sa paggawa ng kanyang tungkulin at na nagbibigay ito sa mga tao ng tunay na pananalig sa Diyos, na maaari lamang maging panatag ang mga tao sa paggawa ng kanilang mga tungkulin kung titiyakin ng Diyos na wala na silang mga alalahanin sa hinaharap. Iniisip din niya na dapat ibigay ng Diyos ang lahat ng kaginhawahan at espesyal na pagtrato sa mga taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin, at na dapat tamasahin ng mga tao ang lahat ng pakinabang na ibinibigay ng sambahayan ng Diyos habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Ito ang mga bagay na dapat matanggap ng mga tao. Sa puso nila, ganito mag-isip ang mga anticristo. Ang mga ganitong paraan ng pag-iisip ay ang tumpak na perspektiba at salawikain ng mga anticristo, at kinakatawan ng mga ito ang kanilang saloobin sa tungkulin. Kahit gaano pa magbahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan sa paggawa ng tungkulin, hinding-hindi magbabago ang mga bagay na kinikimkim ng mga anticristo sa kanilang puso. Habang-buhay silang kakapit sa kanilang pananaw sa paggawa ng kanilang tungkulin. Mayroong isang parirala na maaari nating gamitin kaugnay sa pagpapamalas na ito—ano iyon? Ito ay ang pagpapahalaga sa mga materyal na bagay nang higit sa lahat; ibig sabihin, ang mga bagay lamang na maaari nilang hawakan sa kanilang mga kamay ang tunay, at walang saysay ang pangangako. Ang diwa ng mga pagpapamalas ng mga anticristong ito ay materyalistiko, tama ba? (Tama.) Ang materyalismo ay ateismo; naniniwala lamang sila sa kung ano ang kanilang nakikita at nahahawakan, ang nakikita lamang nila ang may halaga, at itinatanggi nila ang pag-iral ng anumang bagay na hindi nila nakikita. Kaya, matutukoy natin na ang kaalaman at pagkaunawa ng isang anticristo sa tungkulin ay tiyak na salungat sa mga katotohanang prinsipyo, at na ganap itong kapareho ng pananaw ng mga walang pananampalataya; tunay na sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at hindi sila naniniwala na ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, ang tunay na daan. Naniniwala lamang sila na totoo ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at na ang lahat ng kanilang hinahangad at tinatamasa ay maaari lamang makamit sa pamamagitan ng pagsusumikap at pakikibaka ng tao, at sa pamamagitan ng halagang ibinabayad nila. Paano ito naiiba sa pananaw na nagsasabing, “Dapat lumikha ng kaligayahan ang mga tao gamit ang kanilang sariling mga kamay”? Walang pagkakaiba. Hindi sila naniniwala na makakamtan ng mga tao sa huli ang katotohanan at ang buhay sa pamamagitan ng paggugol ng kanilang sarili at pagbabayad ng halaga para gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin para sa Diyos. Hindi rin sila naniniwala na maaaring magkamit ng pagsang-ayon at mga pagpapala ng Lumikha ang mga taong kumikilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos at nakagagampan nang maayos sa kanilang mga tungkulin. Ipinapakita nito na hindi sila naniniwala sa pangako ng Diyos sa sangkatauhan o sa mga pagpapala ng Diyos. Hindi sila naniniwala sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat, kaya, hindi sila nagtataglay ng tunay na pananalig. Ang pinaniniwalaan lang nila ay, “Ginagawa ko ang aking tungkulin, kaya dapat akong magtamasa ng espesyal na pagtrato mula sa sambahayan ng diyos at ng mga materyal na pagpapala. Dapat akong bigyan ng sambahayan ng diyos ng lahat ng materyal na pribilehiyo at kasiyahan. Makatotohanan iyon.” Iyon ang mentalidad at pananaw ng isang anticristo. Hindi sila naniniwala na tapat ang mga pangako ng Diyos, o naniniwala sa katunayan na sa pamamagitan ng pagkamit ng katotohanan ay nagkakamit ng buhay at pinagpapala ng Diyos ang isang tao. Pagdating sa paggawa ng kanilang tungkulin, sadyang hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at lalong hindi nila kinikilala ang katotohanang ito: Na nagagawang gampanan ng tao ang tungkulin ng isang nilikha ay ang pinakamalaking pagpapala ng Diyos at isang bagay na matatandaan ng Diyos, at sa prosesong ito, makakamit ng tao ang katotohanan at maliligtas siya ng Diyos sa huli—ito ang pinakadakilang ipinangako ng Diyos sa tao. Kung pinaniniwalaan mo ang mga ipinangako sa iyo ng Diyos at matatanggap mo ang mga pangakong ito, kung gayon, mayroon kang tunay na pananalig sa Diyos. Ano ang nararamdaman ng mga anticristo at mga hindi mananampalataya kapag naririnig nila ang mga salitang ito? (Hindi sila naniniwala sa sinasabi ng Diyos at iniisip nila na panlilinlang ito.) Sa tingin nila, ang mga salitang ito na sinasabi ng Diyos ay para lamang taniman ang mga tao ng ilusyon upang mahikayat na magserbisyo sa Diyos ang ilang taong hangal at mahina ang isip, at pagkatapos ay itaboy ang mga ito kapag natapos na ang serbisyo ng mga ito. Iniisip ng mga anticristo na, “Makamit ang katotohanan? Ha! Sino ba ang nakakakita kung ano ang katotohanan? Sino ang nakakahawak sa mga pangako ng diyos? Sino ang nakatanggap na sa mga ito? Hindi makatotohanan ang mga pangako ng diyos; tanging ang pagkakamit ng kasikatan at pakinabang at pagtatamasa ng mga pakinabang ng katayuan ang makatotohanan; tanging ang pagsusumikap para sa kasikatan at pakinabang at pagtatamasa ng mga benepisyo ng katayuan ang totoo. Matagal ko nang naririnig ang tungkol sa mga pangakong ipinagkakaloob ng diyos sa tao at ang katotohanang ibinibigay niya sa tao, pero wala akong anumang ipinagbago, wala akong nakamit na anumang pakinabang, at lalong hindi ako nakapamuhay ng mataas na buhay na may katayuan sa mga bagay na ito. Bagamat nagpapatotoo ang ilang tao at nagsasabing nakamit nila ang katotohanan at nagbago sila, at na natanggap nila ang mga pagpapala ng diyos, mukha pa rin silang napakaordinaryo, normal na tao silang lahat, kaya paano nila makakamit ang mga pagpapala ng diyos at mapapasok ang kaharian ng langit?” Iniisip nila na tanging ang mga bagay na nahahawakan at nakukuha nila gamit ang kanilang mga kamay ang pinakatotoo. Hindi ba’t ganito ang pananaw ng mga hindi mananampalataya? Ganitong-ganito nga. Kaya, kapag pumasok ang mga anticristo sa iglesia, pinagdududahan nila ang lahat ng bagay, palaging pinagninilay-nilayan kung saan sila makakakuha ng pakinabang, anong oportunidad ang maaari nilang gamitin para makakuha ng bentaha at makakuha ng mas malalaking praktikal na benepisyo mula sa kanilang pananalig sa Diyos—madalas nilang kinakalkula ang mga bagay na ito sa kanilang isipan. Pakiramdam nila na tanging sa pagkakamit ng kasikatan, pakinabang, at katayuan sila makakatanggap ng lahat ng benepisyo, kaya pinipili nilang hangarin ang katayuan at ilaan lamang ang kanilang sarili sa pagsusumikap para sa mga bagay na ito. Hindi nila kailanman pinagninilay-nilayan ang katotohanan o hinahanap ang mga layunin ng Diyos, at kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos para lang bigyang-ginhawa ang kanilang puso at punan ang kahungkagan, hindi para hangarin ang katotohanan. Sa anumang oras, kung hihilingin mo sa isang anticristona bitiwan ang kanyang kasakiman at mga pagnanais, na lubusang talikuran ang kanyang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at bitiwan ang mga benepisyong ito na gusto nila mula sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi nila ito magagawa. Kapag hinihimok mo silang bitiwan ang mga bagay na ito, pakiramdam nila ay para bang sinusubukan mong alisan sila ng balat o bunutin ang kanilang mga litid; kung wala ang mga bagay na ito, pakiramdam nila ay dinukot ang kanilang puso, na parang nawalan sila ng kanilang kaluluwa, at kung wala ang mga ambisyon at pagnanais na ito, pakiramdam nila ay walang pag-asa sa kanilang pananalig sa Diyos, at nawawalan ng kabuluhan ang buhay. Sa mga mata nila, ang mga gumugugol at naglalaan ng kanilang sarili at nagbabayad ng halaga para lamang sa kanilang tungkulin, na hindi naghahanap ng mga pansariling pakinabang, ay pawang mga hangal. Ang prinsipyo para sa mga makamundong pakikitungo na pinanghahawakan ng mga anticristo ay “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Iniisip nila, “Paanong hindi iisipin ng mga tao ang kanilang sarili? Paanong hindi magsusumikap ang mga tao para sa kanilang sariling kapakinabangan?” Sa puso nila, kinamumuhian nila ang mga nag-aalay ng lahat at taos-pusong gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos, kinamumuhian nila ang mga tapat na gumagawa ng kanilang tungkulin at namumuhay nang matipid at simple pagdating sa mga materyal na bagay, at kinamumuhian nila ang mga inuusig dahil sa nananampalataya ang mga ito sa Diyos at gumagampan ng tungkulin kaya hindi na nakakauwi ang mga ito. Sa puso nila, madalas nilang pinagtatawanan ang mga taong ito, sinasabing, “Nawalan kayo ng tahanan dahil sa pananalig ninyo sa diyos. Hindi ninyo makasama ang inyong pamilya at namumuhay kayo sa kakarampot na badyet—napakahangal ninyo! Kahit ano pa ang ginagawa ng isang tao, kabilang na ang kanyang pananalig sa diyos, dapat niyang sundin ang prinsipyo sa mga makamundong pakikitungo: Hinding-hindi siya dapat magdusa ng kawalan. Dapat niyang makita at mahawakan ang mga pangako at pagpapala ng diyos, at ang tanging tamang saloobin ay ang huwag pakawalan ang lawin hangga’t hindi mo pa nakikita ang kuneho. Napakahangal ninyo! Tingnan ninyo ako. Pareho akong nananampalataya sa diyos at naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Natatamasa ko ang lahat ng magandang pagtrato ng sambahayan ng diyos at maaari din akong magkamit ng mga pagpapala sa hinaharap. Hindi ko kailangang magtiis ng anumang paghihirap, at ang mga pagpapalang matatanggap ko ay magiging higit pa kaysa ng sa inyo. Hindi ako nagbabayad ng halaga katulad ninyo, na tumatalikod sa inyong mga pamilya at trabaho at hindi na makauwi ng tahanan, nang hindi nakakasiguro kung makakatanggap ba kayo ng anumang pagpapala sa hinaharap.” Anong klase ang mga taong ito? Hindi nila hinahangad ang katotohanan, hindi nila taos-pusong ginagawa ang kanilang tungkulin, at gayumpaman ay kinamumuhian nila ang mga naghahangad sa katotohanan at tumatalikod sa kanilang mga pamilya at trabaho, nagtitiis ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga para magawa ang kanilang tungkulin, isinasakatuparan ang atas ng Diyos, at sinusunod ang kalooban ng Diyos. Marami bang ganitong tao? (Oo.) May ilan sa bawat iglesia. Mga tunay bang mananampalataya sa Diyos ang mga taong ito? Maliligtas ba sila? (Hindi.) Hindi sila mga tunay na mananampalataya sa Diyos, at lalong hindi sila maliligtas.

Kahit anong isyu ang kinakaharap ng mga anticristo o kahit ano ang ginagawa nila, ang unang iniisip nila ay hindi kung paano nila makakamit ang katotohanan at matatamo ang kaligtasan, kundi iniisip nila ang lahat ng pakinabang ng kanilang laman. Sa puso nila, ang lahat ng pakinabang na may kaugnayan sa kanilang laman ang pinakamahalaga, ang pinakamataas, at pinakanangingibabaw. Sa puso nila, hindi nila kailanman isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, ang gawain ng Diyos, at lalo na ang tungkulin na dapat gampanan ng tao. Kahit paano pa hinihingi ng Diyos sa mga tao na gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, kahit paano pa hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging mga kwalipikadong nilikha, ganap na walang pakialam ang mga anticristo. Kahit ano pang mga pamamaraan ang ginagamit ng Diyos o mga salitang binibigkas Niya, hindi maaantig ng Diyos ang mga taong ito, kaya hindi Niya sila mahikayat na baguhin ang kanilang mga plano at talikuran ang kanilang kasakiman at mga pagnanais. Ang mga taong ito, kapwa sa pangalan at katunayan, ay mga materyalista at hindi mananampalataya, na kabilang sa mga antcristo. Kaya, maituturing ba ang mga taong ito na pinakamasama sa hanay ng mga anticristo? (Oo, dahil kaya pa ring magserbisyo ng ilang anticristo alang-alang sa katayuan, samantalang ang mga taong ito ay hindi man lang handang magserbisyo.) Tama. Nagnanais ang mga taong ito ng mga pakinabang, ang tanging pinagtutuunan at iniisip nila sa buong araw ay mga pakinabang, at ang lahat ng kanilang ginagawa ay umiikot sa mga pakinabang. Ang ilang tao ay gumagawa ng mga tungkulin sa pagho-host at kapag nauubusan sila ng mga itlog, bigas, o harina, agad nilang sinasabi sa iglesia na magpadala ng tao na bibili ng mga bagay na ito. Hindi sila bumibili ng anuman nang sila mismo; para bang hindi nila kailanman kinain ang mga bagay na ito sa kanilang bahay bago sila nagsimulang mag-host. Noong hindi pa sila gumagawa sa tungkuling ito, binibili nila ang lahat ng bagay na ito nang sila mismo, pero sa sandaling magsimula sila sa tungkuling ito, nakakaisip sila ng mga palusot, pakiramdam nila ay tama at siguradong-sigurado sila, at nagiging tagasingil sila ng utang, mga tagapagpautang ng sambahayan ng Diyos, na para bang may utang sa kanila ang sambahayan ng Diyos—hindi mabuti ang mga ganitong tao.

Nakapanirahan Ako sa ilang bahay-tuluyan sa mainland Tsina, at may kamangha-manghang pagkatao ang ilan sa mga kapatid. Kahit na dalawa o tatlong taon pa lang sila nananampalataya at hindi pa gaanong nakakaunawa sa katotohanan, taos-puso nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin sa pagho-host. Kapag sinubukan silang bigyan ng pera ng sambahayan ng Diyos, tatanggihan nila ito; magbibigay sila ng pera kapalit ng anumang ibinigay sa kanila ng mga kapatid, at maingat nilang sinisinop ang anumang pag-aari ng sambahayan ng Diyos; kung may anumang bagay na binili ang sambahayan ng Diyos na hindi nagamit, magbibigay pa sila ng pera sa sambahayan ng Diyos na katumbas sa halaga ng bagay na ito. Handang mag-host ang ilang mas may kakayahan sa pinansiyal, at hindi sila tumatanggap ng kahit isang sentimo na bigay ng sambahayan ng Diyos. Hindi naman ganoon kayaman ang ibang tao, pero maging sila ay hindi tumatanggap ng anumang pera na bigay ng sambahayan ng Diyos. Anuman ang ibigay ng iglesia o ng mga kapatid sa kanilang bahay para gamitin sa pagho-host, hindi nila ito lulustayin. Ito ba ay dahil nauunawaan nila ang katotohanan? Hindi, sadyang ito ang kanilang karakter. Higit pa rito, at ang mas mahalaga, mga tunay silang mananampalataya, at kasabay ng pagkakaroon nila ng mabuting karakter, nagagawa nila ang bagay na ito, kung hindi ay hindi nila magagawa. Nakapunta na Ako sa ilang bahay-tuluyan at inilabas ng mga host ang kanilang mga pinakamagandang kubrekama at kumot para magamit Ko, at sinabi Ko, “Bago pa ang mga ito at hindi pa nagagamit. Ibalik ninyo sa lalagyan, hindi Ko ito gagamitin.” Pero pinilit pa rin nila Akong gamitin ito. May ilang pamilyang nagho-host na bumili ng lahat ng bagong kagamitan para magamit Ko, at sinabi Ko, “Huwag kayong bumili ng mga bagong gamit, sayang lang ang pera. Gagamitin Ko na lang kung anong mayroon kayo rito. Huwag na kayong gumastos pa. Hindi Ko minumungkahi na bumili ang mga tao ng kung anu-ano kahit saan Ako pumunta. Hindi naman kinakailangan na palaging bagong mga gamit ang gamitin.” Pero may ilang tao na nagpumilit pa ring gumastos ng pera. May ilan din na pamilyang nagho-host na naghanda ng maraming putahe tuwing oras ng kainan. Dahil hindi nila alam kung ano ang gusto Kong kainin, naghanda sila ng maraming putahe para may pagpipilian Ako, dahil kung kaunti lang ang inihanda nila, mag-aalala sila na hindi Ako makakain nang maayos. Marami ring taong ganito. Gayumpaman, may ilang bahay-tuluyan na naiiba. Pagpunta Ko roon, ang mga host ay mayroong kung ano-ano lang na mga pang-araw-araw na kagamitan na pwede Kong pagtiyagaan, ang mga sangkap na ginagamit nila sa pagluluto ay mula lang sa mga dinala ng mga kapatid, at kapag kailangan nilang bumili ng iba pa, hihingi sila sa Akin ng pera. May iba namang mga bahay-tuluyan kung saan iniwan Ko ang ilan Kong kagamitan para maingatan. Kapag matagal-tagal Akong hindi nakabalik, binubuksan nila ang drawer at nawawala na ang ilang gamit. Lahat sila ay nananampalataya sa Diyos at gumagawa ng mga tungkulin sa pagho-host, pero malaki ba ang pagkakaiba sa pagitan nila? Kayang gawin ng ilang tao na nananampalataya sa Diyos ang mga gayong bagay—ito ba ay isang bagay na ginagawa ng mga tao? Ito ang ginagawa ng mga magnanakaw, bandido, kontrabida, at tampalasan. Kaya bang gawin ng mga tunay na mananampalataya ang mga gayong bagay? Kung iniingatan ng isang tunay na mananampalataya ang isang bagay para sa iyo, kung gayon, gaano ka man katagal na hindi bumalik, kahit walo o sampung taon, palagi nila itong iingatan para sa iyo; hindi nila ito gagalawin, titingnan, o hahalungkatin. Subalit, sa ilang pamilyang nagho-host, kung may iiwan kang gamit, bubuksan at titingnan nila ito kaagad sa sandaling nakalabas ka na ng pintuan. Ano ang hinahalungkat nila? Hahalungkatin nila ang bag mo para tingnan kung may anumang kapaki-pakinabang na bagay sa loob, gaya ng alahas, mobile phone, o pera—hinahalungkat nila ang lahat ng ito. Ano naman ang mahilig halungkatin ng ilang babae? Gusto nilang makita kung may magaganda kang damit. Kapag nakapaghalungkat na sila, iniisip nila, “Oh, ang gaganda ng mga damit na ito. Susukatin ko nga.” Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t nangyayari ang mga bagay na ito? (Oo.) Paano mo nalaman? Nakita na ba ninyo na nangyari ito? May matibay Akong ebidensya sa pagsasabing nangyayari ang mga bagay na ito. Isang taon, nang patapos na ang taglagas, nag-iwan Ako ng ilang damit sa isang bahay-tuluyan. Isang araw, bigla Kong naalala ang ilan sa mga damit na ito na dapat Kong isuot at nagplano Akong kuhain ang mga ito, kaya pumunta Ako sa bahay-tuluyan na iyon. Hulaan mo kung ano ang nangyari. Pagpasok Ko sa bahay, sinusukat ng matandang babaeng host ang coat Ko. Nagkataon lang na nakita Ko ito. Sabi Ko, “Ano ang ginagawa mo?” Nagulat siya. Hindi niya kailanman inasahan na magkakataong makikita Ko ang ginagawa niya, at sobra siyang napahiya. Gayumpaman, makakapal ang mukha ng mga ganitong tao, at agad niyang sinabi, “O, hindi ba’t bagay na bagay sa akin ang coat mo?” Sabi Ko, “Coat Ko iyan. Hindi Ko iyan maisusuot kung suot-suot mo iyan.” Sabi niya, “Heto, ayaw ko naman nito.” Sabi Ko, “Bakit mo ito sinusukat kung ayaw mo pala rito? Hindi ba’t naka-lock ang pinto ng aparador?” Sabi niya, “Nagkataon lang na wala akong magawa ngayon kaya kinuha ko ito para tingnan.” Sabi Ko, “Hindi ito sa iyo kaya hindi mo ito dapat pinakialamanan.” Halimbawa ito ng isang bagay na aktuwal na nangyari. Hindi Ko alam kung ano ang kanyang intensiyon sa paggawa nito. Sabihin mo sa Akin, ang ganitong tao ba ay isang taong nananampalataya sa Diyos? Dapat Ko ba siyang ituring na mananampalataya sa Diyos at kasapi ng pamilya ng Diyos? (Hindi.) Hindi siya karapat-dapat na maging tagasunod ng Diyos, isa siya sa mga kasamahan ni Satanas, walang kahihiyan, walang konsensiya o pagkamakatwiran, walang kahit anong pagkatao—isa siyang buhong. Ililigtas ba ng Diyos ang mga gayong tao? Ang mga ganitong tao ay wala man lang pinakamababang antas ng integridad at dignidad o ng pinakakatiting na paggalang para sa Diyos—imposibleng mailigtas sila ng Diyos. Ang katotohanang sinasalita ng Diyos at ang buhay na ibinibigay Niya sa tao ay hindi ibinibigay sa mga gayong tao; ang mga taong ito ay hindi kasapi ng pamilya ng Diyos, kundi sila ay mga hindi mananampalataya sa labas ng sambahayan ng Diyos, at sila ay sa mga diyablo. Bukod sa kalikasang diwa ng mga anticristo na hindi nagmamahal sa katotohanan at tutol sa katotohanan, napakababa at napakakasuklam-suklam din ng kanilang karakter, at ang mga gayong tao ay kasuklam-suklam, kalait-lait, at kamuhi-muhi. Mula sa mga pagpapamalas ng mga taong ito na lumulustay ng mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos na pinag-usapan natin kanina lang, sapat na ito para ipakita na anumang tungkulin ang ginagawa ng mga taong ito, hindi nila kailanman tunay na ginugugol ang kanilang sarili at hindi nila ito kailanman ginagawa nang may sinseridad. Sa halip, nakakaisip sila ng kanilang sariling mga adyenda, kasakiman, at pagnanais; naghahabol sila ng mga pakinabang, at hindi para makamit ang katotohanan. Kaya, kahit paano mo ito tingnan, hindi sapat para sa Diyos ang pagkatao ng mga gayong tao. Kaya sabihin ninyo sa Akin, itinuturing ba ninyong sapat ang pagkatao ng mga gayong tao, at itinuturing ba ninyo sila na mabubuting tao? (Hindi.) Hinahamak din ninyo ang mga gayong tao, hindi ba? (Tama.) Kapag nabalitaan ng ilang tao na may biniling gamit ang sambahayan ng Diyos, gusto nilang makibahagi rito, at kapag nakikita nilang nag-aabuloy ng mga damit ang mga kapatid, hindi mahalaga kung karapat-dapat ba sila o dapat ba silang magkaroon nito, sinisikap nilang makuha ito, mas maagap na kumikilos kaysa sa sinuman; kapag nababalitaan nila na may trabaho ang sambahayan ng Diyos na kinakailangang gawin o na mayroong ilang marumi o nakakapagod na trabaho na kailangang gampanan, agad silang nagtatago at hindi mo sila makita kahit saan. Ang mga gayong tao ay tuso at madaya, mababa ang pagkatao—kalait-lait, kasuklam-suklam, at nakakasuya sila!

Sa paggamit ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo sa kanilang paglulustay sa mga pag-aari ng sambahayan ng Diyos para himayin ang kanilang pag-aalala sa kanilang sariling mga pakinabang sa bawat aspekto, makikita natin na ang mga taong ito ay mga hindi mananampalataya, sila ay mga materyalista, mga taong kalait-lait, mababa, at may hamak na karakter, kasuklam-suklam, at hindi mga tao na ililigtas ng Diyos. Ang depinisyon sa mga gayong tao ay hindi na kailangang ikategorya bilang tutol sa katotohanan; makikilatis na natin sila sa pamamagitan ng kanilang pagkatao at karakter, kaya’t hindi na kailangan na itaas pa ito nang husto sa antas na may kinalaman sa katotohanan. Samakatuwid, sa sambahayan man ng Diyos o sa anumang grupo ng mga tao, ang mga gayong tao ay palaging ang pinakamabababa at pinakakulang sa dangal. Siyempre, kung susukatin sila sa sambahayan ng Diyos gamit ang katotohanan, lalo silang magmumukhang kalait-lait at mababa. Mayroon pa ba kayong mga halimbawa ng ganitong pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo? (Isang anticristo ang nag-aasikaso sa pag-imprenta ng mga aklat para sa sambahayan ng Diyos, at nilustay niya ang daan-daang libong yuan ng mga handog sa Diyos sa pamamagitan ng huwad na pag-a-account. Matapos siyang maimbestigahan, natuklasan na bago siya nagsimula sa paggawa ng tungkuling ito, napakakaunti lang ng pera ng kanyang pamilya, ngunit pagkatapos niyang simulan ang tungkuling ito, nakabili siya ng bahay at kotse, pero hindi makita ang mga bagay na ito sa mga account. Talagang malulupit lahat ang kanyang kapamilya, at kaya, hindi na mababawi ang mga handog.) Hindi ba’t may direktang pananagutan ang mga lider at manggagawa sa pangyayaring ito? (Oo. Kalaunan, nang mas maraming detalye na ang naisawalat, natuklasan na hindi kailanman tiningnan ng mga lider at manggagawa na may pananagutan noong panahong iyon ang mga account na pinamahalaan ng anticristong ito. Naging pabaya sila sa kanilang tungkulin at ang sitwasyon ay sanhi ng kanilang pagkairesponsable. Tiyak na sila ay may direktang pananagutan.) Kaya, dapat bang itala ang kanilang mga pagsalangsang sa talaang-aklat ng Diyos? (Oo.) Paano pinangasiwaan ang mga taong ito pagkatapos ng nangyari? (Ang ilan ay inalis at pinatalsik, at ang ilan ay binabayaran ang mga nalustay na handog.) Ito ay isang angkop na paraan ng pangangasiwa sa kanila. Ang mga lider at manggagawa ay nagpabaya sa kanilang tungkulin at nabigo silang tuparin ang kanilang mga responsabilidad sa pangangasiwa sa bagay na ito. Sa partikular, ginamit nila ang maling tao at hindi sila nagsikap na bantayan o pangasiwaan ang taong ito, hindi nila maagap na natuklasan ang mga problema sa taong ginagamit nila, at kaya, lumitaw ang matitinding kahihinatnan, na nagsanhi ng malaking kawalan sa mga handog ng Diyos at sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos; pananagutan ito ng lahat ng taong ito na direktang responsable, at dapat na itala ang kanilang mga pagsalangsang. Ito ang mapaminsalang kahihinatnan na idinulot nila sa kanilang sarili sa hindi paggamit ng tamang tao para sa trabaho at nagdulot ito ng kawalan sa sambahayan ng Diyos, at sa huli, ang mga handog sa Diyos ang ibinayad na halaga. Sabihin ninyo sa Akin, palagi bang sakim ang mga anticristo, o lumilitaw lang ba ang masasamang ideyang ito kapag may nakikita silang kapaki-pakinabang? (Palagi silang sakim.) Ito ang dahilan kung bakit kapag nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan kayo sa mga gayong tao, tiyak na matutuklasan ninyo ang kanilang kasakiman at mga pagnanais. Ang kahihinatnang ito ay bunga ng pagiging iresponsable ng mga lider at manggagawa, hindi pagkilatis sa mga tao, hindi malinaw na pagtingin sa mga tao, at maling paggamit ng mga tao, at kaya, naging mabigat ang pananagutan nila at nararapat lang silang patalsikin.

Pinagbahaginan natin dati ang tungkol sa mga pangunahing aspekto ng kalikasan, diwa, at mga disposisyon ng mga anticristo, at ang landas na sinusunod nila. Ang pinagbabahaginan at hinihimay-himay natin ngayon ay ang mga pagpapamalas sa loob ng saklaw ng pagkatao ng mga anticristo, at ito ay kaugnay sa tunay na buhay. Bagamat isa lang itong maliit na aspekto, makakatulong pa rin ito sa mga tao na matukoy ang ilang pagpapamalas ng mga anticristo; ang mga ito rin ay mga partikular na halatang katangian, palatandaan, at simbolo ng mga anticristo. Halimbawa, ang isang anticristo ay mahilig sa katayuan, kasikatan, pakinabang, at impluwensiya, at napakamakasarili, kalait-lait, at malupit siya, at hindi niya minamahal ang katotohanan, kaya kumusta ang kanyang pagkatao at karakter? Sinasabi ng ilan, “Bagamat mahilig ang ilang anticristo sa reputasyon at katayuan, mayroon pa rin silang marangal at kagalang-galang na mga karakter, at nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran.” Tama ba ito? (Hindi, hindi ito tama.) Bakit hindi? Huwag na nating pag-usapan kung anong disposisyong diwa mayroon ang mga anticristo; tingnan muna ang kanilang pagkatao at karakter. Tiyak na hindi sila mabubuting tao, hindi sila mga taong may dignidad, konsensiya, o marangal na karakter, lalong hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan. Kaya ba ng mga taong may ganitong pagkatao na sumunod sa tamang landas? Tiyak na hindi, dahil hindi taglay ng kanilang karakter ang diwang sumusunod sa tamang landas, at kaya, hindi posibleng mamahalin ng mga taong ito ang katotohanan, lalong hindi nila ito matatanggap. Batay sa intensiyon at saloobin kung paano ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin, ang karakter at pagkatao ng mga anticristo ay nagiging sanhi para itakwil at tutulan sila ng mga tao, at higit pa rito, itinataboy sila ng Diyos. Kahit anong tungkulin ang gawin nila, palagi nilang gustong lustayin ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos, at humingi sa Diyos ng mga gantimpala, pera, gamit, at mga pakinabang. At ano ang tingin ng Diyos sa kanila? Tiyak na hindi sila mabubuting tao. Kaya, sa mga mata ng Diyos, paano Niya mismo tinutukoy ang mga gayong tao? Anong pangalan ang ibinibigay Niya sa mga gayong tao? May isang kwentong nakatala sa Bibliya mula sa Kapanahunan ng Biyaya: Madalas magnakaw si Hudas mula sa lukbutan ng pera, at sa huli ay ginamit siya ng Diyos para magserbisyo—ang ipagkanulo ang Panginoong Jesus. Ipinako ang Panginoong Jesus sa krus, at si Hudas, na gumampan sa papel ng pagkakanulo sa kanyang Panginoon at mga kaibigan, ay namatay nang may biyak sa kanyang tiyan. Samakatuwid, ang mga taong ito na lumulustay sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos at nagnanakaw sa mga handog na inaalay sa Diyos ay pawang mga Hudas sa paningin ng Diyos, na nagpapahiwatig na pinangalanan ng Diyos ang mga taong ito na Hudas. Bagamat ang mga anticristong kinokondena ngayon bilang mga Hudas ay hindi na gumagawa ng mga bagay tulad ng pagkakanulo sa kanilang Panginoon at mga kaibigan gaya ng ginawa ni Hudas, pareho pa rin ang kanilang kalikasang diwa. Ano ang pagkakapareho nila? Sinasamantala nila ang kanilang posisyon at ang oportunidad na makagawa ng kanilang tungkulin para nakawin at lustayin ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Kaya pinangalanan ng Diyos na Hudas ang mga taong ito, at sila ay kapantay ng Hudas na nagkanulo sa kanyang Panginoon at mga kaibigan. Ibig sabihin, ang mga anticristong ito na lumulustay at umaangkin sa mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos ay katumbas ng Hudas na nagkanulo sa kanyang Panginoon at mga kaibigan, at hindi na kailangang masyadong pag-isipan pa ang magiging kalalabasan ng mga gayong tao.

2. Paggamit sa mga Kapatid Para Maglingkod at Gumawa Para sa Kanila

Ang mga pakinabang na pinagsusumikapang matamo ng mga anticristo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin ay hindi limitado sa mga natalakay na natin—pera, mga materyal na bagay, pagkain, at mga gamit na may pakinabang—napakalawak ng saklaw ng mga pakinabang na ito. Halimbawa, kapag gumagawa ng tungkulin ang mga anticristo, ginagamit nila ang mga kapatid sa ngalan ng paggawa ng tungkuling iyon, pinagseserbisyo at pinagtatrabaho ang mga kapatid para sa kanila, at inuutus-utusan ang mga ito—hindi ba’t isa itong pakinabang na pinagsusumikapang matamo ng mga anticristo? (Oo.) Bago pa man maging lider ng iglesia ang ilang tao, sila mismo ang palaging nag-aasikaso sa lahat ng bagay sa kanilang tahanan, at mukha silang walang mga ambisyon o masasamang intensiyon. Gayumpaman, kapag nahalal sila bilang mga lider ng iglesia at nagkakaroon ng katayuan, sila pa rin ba mismo ang nag-aasikaso sa lahat ng bagay? Iniisip nila na naiiba sila kapag nagkaroon na sila ng katayuan, na dapat mayroong espesyal na pagtrato sa kanila sa sambahayan ng Diyos, at na dapat nilang matutunan kung paano gamitin ang “kapangyarihan ng mga masa” para magkatuwang na maisakatuparan ang kanilang sariling “tungkulin”; ang bawat trabaho sa kanilang tahanan ay nagiging trabaho na kasama sa saklaw ng iglesia, at hinahati-hati nila sa mga kapatid ang mga gawaing-bahay at pang-araw-araw na gawain. Halimbawa, kapag may trabahong kailangang gawin sa kanilang tahanan, sinasabi nila sa mga kapatid, “Abala ako sa gawain ng iglesia nitong mga nakaraang araw. Mayroon ba sa inyo ang may oras na tulungan ako sa isang trabaho?” Tatlo o limang tao ang nagboboluntaryo at, pagkatapos ng ilang oras, tapos na ang trabaho. Iniisip nitong mga lider na, “Kapag marami ang nagtutulungan, mas magaan ang trabaho. Magandang maging lider, kailangan ko lang magsabi at magagawa na ito. Sa tuwing may kailangan akong gawin sa bahay sa hinaharap, magpapatulong na lang ako sa mga kapatid.” Habang nagpapatuloy ito, wala silang masyadong natatapos na gawain ng mga lider ng iglesia, subalit napakarami nilang ipinapatrabaho sa mga tao para sa sarili nilang tahanan, at inilalagay pa nga nila ito sa iskedyul—ganoon sila “kaabala” na mga lider ng iglesia! Wala naman silang gaanong kailangan gawin sa bahay bago sila maging mga lider, ngunit pagkatapos nilang maging lider, napakarami nang trabahong dapat gawin sa bahay. May ilang kapatid na nagtatanim para sa kanila, ang ilan naman ay nagdidilig ng lupa para sa kanila, ang ilan ay nagtatanim ng mga gulay para sa kanila, ang ilan ay nagbubunot ng damo, ang ilan ay naglalagay ng pataba, at ang ilan ay tumutulong sa kanila sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga gulay at pagkatapos ay ibinibigay sa kanila ang lahat ng perang kinikita, walang itinatabi ang mga kapatid na kahit isang kusing para sa kanilang sarili. Pagkatapos nilang maging mga lider ng iglesia, umuunlad ang buhay sa kanilang tahanan; anuman ang ginagawa nila, palagi silang sinusuportahan at tinutulungan ng mga tao, at napakabisa ng bawat salita nila. Labis silang natutuwa at nasisiyahan, at lalo nilang iniisip na, “Maganda ang titulong ito ng lider ng iglesia, at kamangha-mangha ang magkaroon ng katayuan. Kung magkukulang ako ng pagkain sa bahay, kailangan ko lang magsabi at bibigyan ako ng pagkain ng mga tao, at ni ayaw nilang bayaran ko ito. Napakakomportableng buhay nito! Talagang pinagpapala ako ng diyos dahil sa pananampalataya ko. Ito ay isang malaking pagpapala, at talagang ito ay biyaya ng diyos! Napakadakila ng diyos; salamat sa diyos!” Sa tuwing tapos na ang isang tao sa paglilingkod sa kanila o tapos na nilang utus-utusan, palagi silang “nagpapasalamat sa diyos” at “tinanggap ito mula sa diyos.” Kayang gamitin ng mga hamak na lider ng iglesiang ito ang kanilang posisyon hanggang sa ganitong antas—magagawa ba ninyo ito? Makakaya ba ninyong gawin ang ganitong bagay? Bakit nakikipagkompetensiya ang mga tao na maging lider? Bakit sila nakikipagkompetensiya para sa katayuan? Kung walang benepisyong makukuha, may makikipagkompetensiya pa ba para sa katayuan? Kung nakikipagkompetensiya sila para sa katayuan na nangangahulugang magpapakapagod nang husto na parang nagtatrabahong kabayo, wala nang mag-aabala pa. Tiyak na dahil napakaraming benepisyo ang makukuha mula sa pagkakaroon ng katayuan kaya nagpapakahirap ang mga tao para makuha ito at nakikipagkompetensiya para dito. Ang pagiging isang hamak na lider ng iglesia ay naghahatid sa kanila ng napakaraming pakinabang, at ng napakaraming kaginhawahan at benepisyo sa kanilang buhay—anong klaseng tao ang umaasal nang ganito? Sila ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan? Sila ba ay isang taong may pagkatao at konsensiya? Sila ba ay isang taong may-takot-sa-Diyos na puso? (Hindi.) Naniniwala sila na kumikilos sila bilang lider ng iglesia para sa lahat at para sa sambahayan ng Diyos, at hindi nila ito itinuturing bilang isang tungkulin. Naniniwala sila na ang anumang gawaing ginagawa nila bilang lider ng iglesia ay ginawa batay sa pagsasakripisyo nila ng buhay sa kanilang tahanan, kaya dapat tumbasan ng mga kapatid ang halagang ibinabayad nila. Kung wala silang oras na gumawa ng gawaing-bahay, dapat silang tulungan ng mga kapatid; kung wala silang oras para magtrabaho sa bukid, dapat na pumunta ang mga kapatid sa kanilang bukid at gawin ang trabaho para sa kanila na para bang tungkulin ng mga ito na gawin iyon. Anuman ang kanilang isinakripisyo dahil sa pagiging lider ng iglesia, dapat itong tumbasan nang doble ng kanilang mga kapatid. Ito ang ilan sa mga bagay kung saan ginagamit ng mga anticristo ang mga kapatid para paglingkuran sila ng mga ito at utusan ang mga kapatid na gawin ang mga bagay-bagay para sa kanilang personal na buhay habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Sa sandaling maging lider ang isang anticristo, tiyak na hindi niya palalampasin ang gayong pagkakataon at tiyak na hindi siya tatayo lang sa isang tabi at palalagpasin ang mga benepisyong ito. Sa halip, mismong kabaligtaran ang ginagawa niya: Ginagamit niya ang bawat sandali at sinasamantala ang bawat pagkakataon para gamitin ang mga kapatid na magtrabaho para sa kanya, at pagtrabahuhin ang mga ito na parang mga kalabaw. Sinasamantala nila ang kamangmangan at pagkamatapat ng mga kapatid, at sinasamantala pa nga nila ang mentalidad ng mga kapatid na handang gumawa ng kanilang mga tungkulin at magbayad ng halaga para sa Diyos, para pagsilbihan sila ng mga ito. Samantala, nagkukunwari din sila na ang ilang salita ay ang katotohanan at ginagamit nila ang mga ito para turuan ang mga kapatid, para matuto ang mga ito sa ideya na: Ang mga lider ay tao rin, may mga pamilya rin, at may sarili rin silang buhay, at kung walang oras ang isang lider para asikasuhin ang kanyang mga gawaing-bahay, dapat ituring ng mga kapatid na sariling tungkulin nila ang mga ito; hindi na dapat nila kailangang hintayin ang lider na utusan silang gawin ang mga bagay na ito, kundi dapat ay aktibo at boluntaryo nilang ginagawa ang mga bagay na ito na hindi kayang gawin ng lider. Maraming kapatid ang kusang naglilingkod sa mga lider sa ilalim ng ganitong uri ng pang-uuto at pang-uudyok. Ito ang pakay na nais makamit ng mga anticristo sa pamamagitan ng pag-angkin ng kapangyarihan at katayuan, at ito ang isa sa mga gampaning nais nilang isakatuparan at isa sa mga pakinabang na nais nilang pagsumikapan sa pag-angkin ng kapangyarihan at katayuan. Marami bang ganitong tao? (Oo.) Ang mga taong ito ay mga Satanas. Kayang gawin ng mga taong walang katotohanan at hindi sumusunod sa tamang landas ang mga gayong bagay, kahit na may mababang katayuan lang sila—kaawa-awa ba ang mga taong ito? Ano ang tingin ninyo sa kanilang pagkatao? Mayroon ba silang anumang konsensiya o katwiran?

Sa ilang iglesia, may mga kapatid na hindi karaniwang naninirahan sa sarili nilang tahanan, sa halip ay naninirahan sila sa bahay ng lider ng kanilang iglesia sa loob ng mahabang panahon. Bakit madalas silang tumitira sa bahay ng kanilang lider? Dahil simula nang tanggapin ng lider ang posisyon ng “lider,” nangailangan na ang bahay nito ng pangmatagalang kasambahay. Pinipili nila ang isang sister, at ang sister na ito ang nagiging dedikadong kasambahay para sa bahay ng lider. Nagiging kasambahay ang sister na ito, at kaya, ano na ang kanyang tungkulin? Hindi niya ginagawa ang gawaing responsabilidad niya o ang gawaing may kinalaman sa iglesia, sa halip ay pinaglilingkuran niya ang buong angkan ng lider sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at pakiramdam niya ay ganap na makatwiran para sa kanya na asikasuhin ang mga gawaing-bahay para sa lider, at wala siyang anumang reklamo o kuru-kuro tungkol dito. Sino ang problema rito? Kahit gaano pa karaming gawain ang kailangang gawin ng isang lider ng iglesia o gaano man karaming tao ang pinangungunahan niya, talaga bang sobrang abala siya? Talaga bang hindi siya makaraos sa kanyang pang-araw-araw na buhay? Kahit na hindi niya kaya, sariling problema na niya iyon. Ano ang kinalaman nito sa iba? Kung ang mga kapatid ay pabaya o walang ginagawa, ang mga lider na ito ay nagagalit at sinasamantala ang pagkakataong ito para “magbahagi tungkol sa katotohanan” sa kanila, at dahil sa usaping ito, napupungusan ang mga kapatid—ano ang nangyayari dito? Kapag marumi ang kubrekama sa bahay ng lider, kailangang labhan ito ng mga kapatid, kapag magulo ang kanyang bahay, kailangang linisin ito ng mga kapatid, at kailangang magluto ng mga kapatid tuwing oras ng kainan; ang mga lider na ito ay nagiging tamad, at ganito sila kumilos bilang lider. Kapag may mga ganitong pagpapamalas at ganitong uri ng pagkatao ang mga gayong tao, kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? (Hindi.) Bakit hindi? (Ang mga gayong taong ay lubhang walang pagkatao at napakakasuklam-suklam. Sadyang hindi sila nagiging interesado sa katotohanan.) Kung hindi sila nagiging interesado sa katotohanan, bakit sila nagiging lider? (Ginagawa nila ito para hangarin ang reputasyon at katayuan, at para ipresenta ang kanilang sarili.) Hindi ninyo ito maipaliwanag nang malinaw, hindi ba? Anong uri ng mga tao ang kayang samantalahin ang mga kapatid para magtrabaho at maglingkod sa kanila? Hindi ba’t isa ito sa mga halatang katangian ng mga anticristo? Ang paghahanap lamang ng kanilang sariling mga benepisyo sa lahat ng bagay, ang pag-aalala lamang sa kanilang sariling pakinabang at kawalan, at hindi pagsasaalang-alang kung ang pagkilos sa ganitong paraan ay umaayon sa katotohanan, kung may pagkatao ba rito, kung nalulugod ba rito ang Diyos, kung kapaki-pakinabang o nakapagpapatibay ba ito sa mga kapatid—hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito, kundi isinasaalang-alang lamang nila ang kanilang sariling pakinabang at kawalan, at kung maaari ba silang makakuha ng mga kongkretong benepisyo. Ito ang landas na sinusunod ng mga anticristo, at ito ang karakter ng mga anticristo. Ito ay isang uri ng taong nagtataglay ng katayuan. Ang ilang tao ay walang katayuan at gumagawa ng mga karaniwang tungkulin, at kapag nagkaroon sila ng ilang kwalipikasyon, nais din nilang paglingkuran sila ng iba. Ang ilang tao ay gumagawa ng ilang mapanganib na tungkulin at nais din nilang utusan ang iba na paglingkuran sila. May ilan din na gumagawa ng mga espesyal na tungkulin at itinuturing nila ang kanilang mga tungkulin bilang isang pangunahing kondisyon, isang alas, at isang uri ng kapital para paglingkuran sila ng mga kapatid. Halimbawa, ang ilang tao ay marunong ng mga espesyal na propesyonal na kasanayan na hindi natutunan o naarok ng iba. Kapag nagsimula silang gumawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos na may kaugnayan sa mga propesyonal na kasanayang ito, iniisip nila na naiiba sila sa ibang tao, na inilalagay sila sa isang mahalagang posisyon sa sambahayan ng Diyos, na nasa mas matataas na antas na sila ngayon, at lalo na nilang nararamdaman na dumoble ang kanilang halaga, at na kagalang-galang sila. Dahil dito, iniisip nila na may mga partikular na gampanin na hindi sila mismo ang kailangang gumawa, na natural lang na utusan ang iba na paglingkuran sila nang walang bayad pagdating sa mga pang-araw-araw na gampanin tulad ng paghahatid sa kanila ng pagkain o paglalaba ng kanilang mga damit. Mayroon pa ngang ilan na ginagamit ang dahilan na abala sila sa kanilang tungkulin para ipagawa sa mga kapatid ang kung ano-ano para sa kanila. Bukod sa mga bagay na talagang kailangang sila mismo ang gumawa, ipinapagawa nila sa ibang tao ang lahat ng iba pang bagay na maaari nilang ipagawa sa iba o iutos sa iba na gawin. Bakit ganito? Iniisip nila, “May kapital ako, kagalang-galang ako, isa akong bihirang talento sa sambahayan ng diyos, espesyal ang tungkuling ginagawa ko, at isa akong pangunahing tumatanggap ng paglilinang ng sambahayan ng diyos. Wala sa inyo ang kasinggaling ko, lahat kayo ay nasa mas mababang antas kumpara sa akin. Kaya kong gumawa ng espesyal na kontribusyon sa sambahayan ng diyos, at hindi ninyo iyon kaya. Kaya, dapat lang ninyo akong paglingkuran.” Hindi ba’t labis-labis at walang kahihiyan ang mga hinihinging ito? Lahat ay nagkikimkim ng mga ganitong hinihingi sa puso nila, ngunit siyempre, walang awa at walang kahihiyang hinihingi ng mga anticristo ang mga bagay na ito nang mas higit pa, at kahit gaano ka magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila isusuko ang mga ito. Ang mga ordinaryong tao ay nagtataglay rin ng mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, at kung mayroon silang kaunting talento o nakagawa sila ng kaunting kontribusyon, iniisip nila na karapat-dapat silang makatanggap ng espesyal na pagtrato. Hindi nila nilalabhan ang kanilang sariling mga damit at medyas at ipinapagawa nila ito sa iba, at humihingi sila nang hindi makatwiran na lumalabag sa pagkatao—lubha silang walang katwiran! Ang mga ideya at hinihinging ito ng mga tao ay wala sa loob ng saklaw ng pagkamakatwiran; sa pinakamababang antas, hindi umaayon ang mga ito sa mga pamantayan ng pagkatao at konsensiya, at sa pinakamataas na antas, hindi ito umaayon sa katotohanan. Ang mga pagpapamalas na ito ay maaaring isama lahat sa kategorya ng mga anticristong nagsusumikap para sa kanilang sariling mga pakinabang. Kayang gawin ng lahat ng nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon ang mga bagay na ito, at nangangahas din silang gawin ang mga ito. Kung ang isang tao ay may kaunting talento at kapital at gumawa ng ilang kontribusyon, nais na nilang samantalahin ang iba, nais nilang gamitin ang pagkakataon na magawa ang kanilang tungkulin para magsumikap para sa kanilang sariling pakinabang, nais nila na nakahanda ang mga bagay-bagay para sa kanila at magtamasa ng kaligayahan at pagtrato na mula sa pag-uutos nila sa iba na paglingkuran sila. Mayroon pa ngang ilan na tinatalikuran ang kanilang mga pamilya at trabaho para gawin ang kanilang tungkulin, at sa panahong ito, nagkakaroon sila ng simpleng karamdaman at dahil dito, nagiging emosyonal sila, at nagrereklamo na walang nagmamalasakit sa kanila o nag-aalaga sa kanila. Ginagawa mo ang iyong tungkulin para sa iyong sarili, ginagawa mo ang iyong sariling tungkulin at tinutupad ang iyong sariling responsabilidad—ano ang kinalaman nito sa ibang tao? Anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, hindi ito kailanman ginagawa para sa iba o para paglingkuran ang iba, at kaya, walang obligasyon ang sinuman na paglingkuran ang iba nang walang bayad o na magpag-utus-utusan ng iba. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Bagamat hinihingi ng Diyos na maging mapagmahal ang mga tao, at na maging mapagpasensiya at matiisin sa ibang tao, hindi mo maaaring pansariling hilingin sa iba na maging ganito sila, at hindi iyon makatwiran. Kung ang isang tao ay kayang maging matiisin at mapagpasensiya sa iyo at ipakita sa iyo ang pagmamahal nang hindi mo ito hinihingi, nasa sa kanya na iyon. Gayumpaman, kung pinaglilingkuran ka ng mga kapatid dahil hinihingi mo ito sa kanila, kung sila ay sapilitang inuutus-utusan at ginagamit mo, o kung naglilingkod sila sa iyo dahil sa panloloko mo sa kanila, kung gayon, may problema sa iyo. Sinasamantala pa nga ng ilan ang pagkakataon na magawa ang kanilang tungkulin at madalas nila itong ginagamit para makapangikil ng mga bagay mula sa ilang mayamang kapatid, nagpapabili sa mga ito ng kung ano-ano at nagpapaserbisyo sa mga ito. Halimbawa, kung kailangan nila ng karagdagang damit, sinasabi nila sa isang kapatid, “Marunong kang magtahi ng damit, hindi ba? Magtahi ka nga ng damit para sa akin.” Sinasabi ng kapatid na iyon, “Kung gayon, maglabas ka ng pera. Bumili ka ng materyales at igagawa kita ng damit.” Hindi nila inilalabas ang kanilang pera, bagkus ay pinipilit nila ang kapatid na bumili ng materyales para sa kanila—hindi ba’t mapanlinlang ang kalikasan ng kilos na ito? Ang paggamit sa ugnayan sa mga kapatid, paggamit sa kanilang sariling kapital, paggamit sa pagkakataon na magawa ang kanilang tungkulin upang humingi ng iba’t ibang serbisyo at pagtrato mula sa mga kapatid, upang utusan ang mga kapatid na magtrabaho para sa kanila—mga pagpapamalas ang lahat ng ito ng mababang karakter ng mga anticristo. Makapaghahangad ba ng katotohanan ang mga gayong tao? Maaari ba silang magbago? (Hindi.) Sa pakikinig sa Akin na magbahagi nang ganito, marahil ay mapagtatanto ng ilang tao na masamang gawin ang mga bagay na ito at magagawa nilang pigilan nang kaunti ang kanilang sarili, ngunit ang pagpigil ba sa kanilang sarili ay katumbas ng kakayahang hanapin at isagawa ang katotohanan? Ang pagpigil sa sarili ay pagkakaroon lang ng pagkatanto, at pagsasaalang-alang sa kanilang imahe at banidad. Matapos Akong marinig na gumawa ng paghihimay na ito, nakikita ng mga taong ito kung gaano kalubha ang problema at napagtatanto na hindi na sila maaaring muling magkamali, at na malalantad at itatakwil sila kung tutulutan nila ang mga kapatid na kilatisin sila. Ang pagkatanto nila ay umaabot lamang hanggang sa puntong ito, ngunit hindi maalis sa puso nila ang kanilang mga pagnanais at kasakiman.

Iniisip ng ilang tao, “Nagsusumikap ako para sa sambahayan ng diyos, napakarami kong nagawang kontribusyon sa sambahayan ng diyos, at gumagawa ako ng isang tungkulin na kung saan ay walang makakapalit sa akin. Kapag mayroon akong mga pangangailangan, tungkulin ng mga kapatid at ng sambahayan ng diyos na tulungan ako para matugunan ang aking mga hinihingi. Sa lahat ng pagkakataon, dapat silang maglingkod sa akin nang walang kondisyon at nang walang hinihinging kabayaran.” Hindi ba’t kahiya-hiya ang ganitong pag-iisip? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mababang karakter? Halimbawa, lahat ay nagkakasakit minsan, pero kapag nagkasakit ang ilang tao, hindi nila ito sinasabi sa iba, kundi patuloy nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin gaya ng nararapat. Walang nakakaalam o nagmamalasakit sa kanila, at hindi sila lihim na nagrereklamo o nagpapaliban ng kanilang mga tungkulin. Subalit may ilang tao na nagpapanggap na may sakit kahit wala naman, kumikilos sila na parang mga emperatris o maharlika, ginagawa ang lahat ng paraan para pagsilbihan sila ng mga tao, at ginagawa ang lahat ng posibleng paraan para makakuha ng espesyal na pagtrato. Nagpapanggap sila na may sakit kahit wala naman, at kung sakaling magkasakit nga sila, mas lalong malaking problema iyon, sapagkat walang nakakaalam kung ilang tao ang magdurusa sa kanilang mga kamay at uutus-utusan nila. Isang kamalasan para sa lahat kapag nagkasakit ang gayong tao; may ilan na nagluluto ng sopas para sa kanila, may ilan na nagmamasahe sa kanila, may ilan na nagpapakain sa kanila, at may ilan na tumutulong sa kanila na makalakad—hindi ba’t maraming tao ang nagdurusa? (Oo.) Ang totoo ay isang ordinaryo at simpleng sakit lamang ito, pero kailangan nilang magpanggap na ito ay isang malubha at nakamamatay na sakit—bakit kailangan nilang magpanggap? Ginagawa nila ito para malansi ang mga kapatid na magserbisyo sa kanila, na pagsilbihan at paglingkuran sila. Hindi ba’t kahiya-hiya ang mga taong ito? (Oo.) Marami bang tao ang ganito? Hindi ba’t lahat kayo ay ganito? (Hindi ko pa ito napapansin sa aking sarili.) Kung hindi pa ninyo ito napapansin, pinatutunayan lang nito na karaniwang hindi ninyo sinusuri ang iyong pag-uugali sa iyong pang-araw-araw na buhay, hindi ninyo sinusuri ang iyong mga kaisipan at kalikasang diwa, at hindi ninyo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos. Ang ilang tao ay mas napapagod habang ginagawa ang kanilang tungkulin at nababawasan nang kaunti ang kanilang tulog sa gabi, at itinuturing nila itong isang napakahirap na sitwasyon. Pagkagising nila kinaumagahan, nagrereklamo sila, “Hindi ako nakatulog kagabi. Sobrang abala ako sa tungkulin ko nitong mga nakaraang araw, kaya sa sobrang pagod ko ay hindi ako makatulog. Bilisan mo at maghanap ka ng magmamasahe sa akin!” Sa katunayan, anim na oras silang natulog. Anumang isyu ang mayroon sila, palagi nila itong isinisisi sa kanilang tungkulin; kung pagod sila, nagdurusa, may sakit, o hindi komportable, palagi nilang isinisisi ang mga bagay na ito sa kanilang tungkulin. Bakit nila sinisisi ang kanilang tungkulin? Para lang makakuha ng mga benepisyo, makuha ang simpatiya ng lahat, at nang sa gayon ay may katwiran silang utusan ang mga tao na paglingkuran at pagsilbihan sila. Anong klaseng mga tao ang ganito na palaging gustong umasta na parang mga emperador o emperatris at palaging inuutusan ang iba na paglingkuran sila? Ang mga taong ito ay mababa ang karakter at kasuklam-suklam sila. Kapag medyo masama ang pakiramdam ng ilang tao, at paminsan-minsan ay hindi sila makakain, pinalalabas nila na sobrang malubha ito, gumagawa sila ng malaking gulo, at kaagad na naghahanap ng magmamasahe sa kanila. Kapag medyo nasaktan sila sa pagmamasahe, sumisigaw sila nang malakas, ang ibig sabihin ay: “Kahit sa pagpapamasahe ko ay nahihirapan pa rin ako. Kung hindi ako gagantimpalaan ng diyos at gagawing perpekto, talagang malulugi ako!” Kapag nagtitiis sila ng kaunting paghihirap at nagbabayad ng kaunting halaga, nais nila itong i-anunsiyo sa buong mundo para malaman ito ng lahat ng nasa lupa. Hindi ba’t ginagawa mo ang iyong tungkulin para sa iyong sarili? Hindi ba’t ginagawa mo ang iyong tungkulin sa harap ng Diyos? Bakit mo pa ina-anunsiyo ang iyong paghihirap sa mga tao? Hindi ba’t paimbabaw iyon? Ang mga ganitong tao ay mababa ang karakter at sobrang kasuklam-suklam! Sa ano pang ibang paraan sila mababa? Nagpapakita rin sila ng ilang espesyal na kagawian at kakaibang ugali, umaasang malaman ng mga tao na naiiba sila sa lahat, at na napakahalaga nila at kinakailangang alagaan at protektahan. Halimbawa, kapag may nagsabing wala siyang ganang kumain at hindi makakain ng kahit ano, agad na napapahawak ang isang taong tulad nito sa kanyang tiyan at sasabihing masakit din daw ang kanyang sikmura, pero patuloy siyang gumagawa ng kanyang tungkulin, at inuutusan niya ang isang tao na magmadali at dalhan siya ng gamot para sa sikmura. May isang tao rin na sinabihan Ko ng, “Kita mo, kaunti lang ang kaya Kong kainin, at sensitibo ang tiyan Ko sa malalamig na pagkain at inumin.” Nang marinig ng taong ito ang sinabi Ko, sumagot siya, “Sensitibo ang tiyan mo sa malalamig na pagkain? Ganoon din ako.” Sabi Ko, “Bakit sensitibo ang tiyan mo sa malalamig na pagkain?” Sabi niya, “Kapag nakakakain ako ng malalamig, sumasakit ang tiyan ko; sensitibo ito sa malalamig na pagkain.” Habang sinasabi niya ito, binalatan niya ang isang saging at sinubo ito sa ilang kagat lang. Sabi Ko, “Tiyak na talagang sensitibo ang tiyan mo sa malalamig na pagkain, dahil ang bilis mong nilamon ang saging na iyan sa ilang kagat lang. Talaga bang sensitibo ang tiyan mo sa malalamig na pagkain?” Hindi ba’t walang kahihiyan at walang pagkamakatwiran ang mga gayong tao? Kung ang isang tao ay walang katwiran at walang pakiramdam ng kahihiyan sa kanyang normal na pagkatao, hindi talaga siya tao, kundi isang hayop. Ang mga hayop ay hindi nakakaunawa sa katotohanan, at wala silang integridad, dignidad, konsensiya, at katwiran ng normal na pagkatao. Dahil walang kahihiyan o dignidad ang mga taong ito, kapag gumagawa sila ng kaunting tungkulin at nagtitiis ng kaunting paghihirap, gusto nila itong i-anunsiyo sa buong mundo para kilalanin ng lahat ang kanilang mga pagsisikap, para tingalain sila nang may sariwang paghanga, at para bigyan sila ng Diyos ng espesyal na pagtrato, tratuhin silang mabuti at pagpalain ng Diyos. Kasabay nito, kailangang may isang tao na maglingkod agad sa kanila, tumugon sa kanilang mga hinihingi, at palaging handa sa kanilang utos. Kapag nauuhaw sila, kailangang may magsalin ng tsaa para sa kanila; kapag nagugutom sila, kailangang may maghain ng pagkain para sa kanila. Dapat palaging may isang taong naglilingkod sa kanila, gumagawa sa kanilang iniuutos, at tumutugon sa kanilang mga pangangailangan. Para bang ang kanilang laman ay ipinanganak para sa ibang tao, at likas na kailangan nila ng isang tao na maglilingkod sa kanila; para bang wala silang abilidad na alagaan ang kanilang sarili kung walang maglilingkod sa kanila, at para silang may kapansanan. Kapag wala silang mapagsabihan kung ano ang gagawin, o sinuman na mapag-utusan para magtrabaho at maglingkod sa kanila, nakakaramdam sila ng pagkalumbay at kahungkagan, at na walang kabuluhan o pag-asa ang buhay. Kapag nakahanap sila ng pagkakataon at dahilan para utusan ang iba na maglingkod at magsilbi sa kanila, nasisiyahan at natutuwa sila, nasisiyahan at natutuwa sila, na parang nakatungtong sila sa alapaap. Iniisip nila na ganito kaganda ang buhay, ganito kaganda ang pananalig sa Diyos, na ito ang ibig sabihin ng pananalig sa Diyos, at na ganito dapat manampalataya sa Diyos ang isang mananampalataya. Ang pagkakaintindi nila sa isang tungkulin ay na tungkol ito sa pagsusumikap at pagtupad ng kanilang mga responsabilidad batay sa pang-uudyok sa iba na paglingkuran sila at sa pagiging malayang makapag-utos sa iba—ito ang kanilang tungkulin. Naniniwala sila na dapat palagi silang makatanggap ng gantimpala sa kanilang tungkulin, na dapat palagi silang may nakukuha at nagsisikap na may makuha. Kung hindi pera o materyal na bagay, sinusubukan nilang makakuha ng kasiyahan at kaligayahan ng laman, at sa pinakamababa, dapat nasa kalagayan ng kasiyahan at kaginhawahan ang kanilang laman, at pagkatapos ay magiging masaya sila, magkakaroon sila ng enerhiya na gawin ang kanilang tungkulin, at magagawa nila ito nang may katapatan. Mayroon bang baluktot na pagkaunawa sa katotohanan ang mga gayong tao, o sadya bang hindi nila tinatanggap ang katotohanan dahil sa kanilang mababang karakter? (Mayroon silang mababang karakter, kaya hindi nila tinatanggap ang katotohanan.) Ang mga taong ito ay ganap na mga hindi mananampalataya, sila ang mga anak ng mga anticristo, at ang pagsasakatawan ng mga anticristo.

May ilang aktor sa sambahayan ng Diyos na nasiyahan sa pagganap at nagustuhan nila ang propesyon ng pag-arte noong sila ay nasa mundo, pero hindi nila nakamit ang kanilang mga ambisyon doon. Ngayon, pumarito na sila sa sambahayan ng Diyos at sa wakas ay natupad na ang kanilang mga kahilingan: Maaari silang magtrabaho sa propesyong gusto nila, ang puso nila ay puno ng di-mailarawang kagalakan, at kasabay nito, nagpapasalamat sila sa Diyos sa pagbibigay sa kanila ng oportunidad na ito. Isa sa mga taong ito ang masuwerteng nakakuha ng pangunahing papel, at pagkatapos, pakiramdam niya ay isa siyang tao na may posisyon at halaga, at na dapat mayroon siyang gawin alang-alang sa kanyang posisyon at halaga. Tinitingnan niya kung ano ang ginagawa ng mga mga sikat na tao at mga artista sa mundo, kung paano umaarte ang mga ito, kung ano ang istilo ng mga ito, at kung anong uri ng pamumuhay mayroon ang mga ito, at ginagaya at tinutularan nila ang mga ito, naniniwala na pamumuhay ito nang may kalidad at karangalan. Kaya, mula nang makuha niya ang pangunahing papel at naging isang “bituin,” nagsimula siyang magmayabang. Gaano siya kayabang? May isang maliit na insidente minsan na maaaring makapagpaliwanag sa problemang ito. Nang handa na ang lahat sa crew na magsimulang kunan ang eksena, ang kilay ng partikular na “bituin” na ito ay hindi naiguhit nang maayos, at kinailangan ng lahat na hintayin siya, tumutok sa kanya, at pagsilbihan siya. Lumipas ang sampung minuto, at saka dalawampung minuto, at pakiramdam ng bituin na hindi naiguhit nang maayos ang kanyang kilay, kaya pinabura niya ito sa make-up artist at ipinaguhit muli. Isang oras ang lumipas, at hinihintay ng lahat ng cast at crew ang “bituin” na ito na maiguhit nang maayos ang kilay nito bago sila makapagsimulang kunan ang eksena—kailangang pagsilbihan at tutukan ng lahat ang taong ito. Anong klaseng tao ito? Normal ba siyang tao? Siya ba ay isang taong may pagkatao? Hindi. Siya ay isang tao mula sa kampo ni Satanas, siya ay kay Satanas, at siya ay hindi tao ng sambahayan ng Diyos. Mayroon bang mga bituin sa sambahayan ng Diyos? Walang mga bituin sa sambahayan ng Diyos, mga kapatid lamang; mayroon lamang iba’t ibang tungkulin, walang mataas o mababang posisyon. Kaya, sa anong batayan pinapahintay ng taong ito ang mga kapatid? Isang bagay ang tiyak, akala niya ay mas importante siya kaysa sa ibang tao, na ang kanyang tungkulin ay mas mabigat kaysa sa tungkulin ng iba, na ang pagtatanghal ay hindi maaaring makunan kung wala siya, at na kung wala siya, magiging walang silbi ang paggawa ng ibang tao sa kanilang mga tungkulin. Kaya ang lahat ay kailangang maglingkod sa kanya, magbayad ng halaga, at magpasensiya sa paghihintay sa kanya, at walang dapat magreklamo. Bukod sa kawalan ng pagkatao, saan kinukuha ng mga taong ito ang mga prinsipyo sa pagkilos nang ganito? Nanggagaling ba sa katotohanan at mga salita ng Diyos ang mga prinsipyo nila, o nanggagaling sa mga tiwaling disposisyon ng tao? (Sa mga tiwaling disposisyon ng tao.) Bukod sa may mga tiwaling disposisyon ni Satanas iyong mga nanggagaling sa kampo ni Satanas, kasuklam-suklam din ang kanilang mga kilos, pag-uugali, at mga pagpapamalas sa loob ng mga grupo ng tao. Bakit sila kasuklam-suklam? Palagi nilang gustong kontrolin ang sitwasyon, manipulahin ang ibang tao, at patutukin ang ibang tao sa kanila at sila ang maging pinakasentro ng atensiyon. Sa paggawa nito, malinaw na inilalagay nila ang kanilang sarili sa isang posisyon na mas mataas kaysa sa lahat; gusto nilang mangibabaw at kontrolin ang lahat. Ito ba ay isang bagay na dapat gawin ng mga tao? (Hindi.) Sino ang gumagawa nito? (Si Satanas.) Ito ay isang bagay na ginagawa ni Satanas. Sa mga katotohanan kung saan hinihingi ng Diyos sa mga tao na gawin ang kanilang mga tungkulin, mayroon bang anumang hinihingi sa mga tao na panghawakan ang sitwasyon at kontrolin ang mga kaisipan at pag-uugali ng lahat habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin? (Wala.) Kung gayon, saan ito nagmumula? Ipinanganak ang mga tao na may ganitong satanikong kalikasan. Ang mga tao ay mga Satanas at taglay nila ang kalikasang ito simula nang sila ay isilang. Hindi na nila kailangang matutunan ito, hindi nila kailangan ang sinuman na ituro ito sa kanila, at gaano ka man magbahagi sa kanila sa katotohanan, hindi nila bibitiwan ang bagay na ito. Mayroon ding isang tao na may ilang hibla ng buhok ang hindi naayos bago siya sumampa sa entablado para magtanghal. Mukha namang maayos ang kanyang hitsura, pero ayaw niyang umakyat sa entablado para magtanghal sa saktong oras; kahit ano pang panghihikayat sa kanya ng mga kapatid, wala pa ring nangyari. Itinuturing niya ang kanyang sarili bilang isang bituin, bilang isang nangungunang liwanag; pinagbayad niya ng halaga at pinagugol ng oras ang lahat para lang sa ilang hibla ng buhok na ito, at kailangang siya lang ang paglingkuran ng lahat. Ito ba ay isang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang taong may normal na pagkatao? Ano ang kalikasan ng kilos na ito? Hindi ba’t nagyayabang siya? Hindi siya nagpapakaresponsable at bingi siya sa anumang katwiran. Para sa kanya, hindi kasinghalaga ng sa kanya ang tungkulin ng iba, at kailangan siyang pagsilbihan ng lahat. Iniisip niya, “Kung aabutin ng isang buong araw para ma-blow-dry ang dalawang hibla ng buhok na ito, eh di kailangan ninyo akong hintayin ng isang buong araw; kung aabutin ng dalawang araw, kailangan ninyo akong hintayin ng dalawang araw; at kung aabutin ng habambuhay, kailangan ninyo akong hintayin ng habambuhay. Ano ba ang halaga ng gawain at mga interes ng sambahayan ng diyos—ang mga interes ko ang prayoridad! Kung hindi ko mabo-blow-dry nang maayos ang buhok ko, hindi ba’t masisira ang imahe ko kapag humarap ako sa kamera? Napakahalaga ng imahe ko. Walang saysay ang mga interes ng sambahayan ng diyos!” Anong klaseng tao ito? Sasabihin din ng ganitong uri ng tao na, “Mahal ko ang diyos, nagpapatotoo ako sa diyos, ginagawa ko ang tungkulin ko para sa diyos, at tinatalikuran ko ang lahat.” Hindi ba’t kasinungalingan ang lahat ng ito? Ni hindi nga niya kayang bitiwan ang isang bagay tulad ng pagbo-blow-dry ng buhok, kaya ano ba ang kaya niyang bitiwan? Ano ang kaya niyang talikuran? Peke ang lahat ng kanyang pagtalikod sa mga bagay-bagay! Ang mga ganitong tao ay ganap na walang katwiran, wala silang konsensiya, at mababa ang kanilang pagkatao, at lalong wala silang pagmamahal sa katotohanan. Dahil hindi pasok sa pamantayan ang kanilang pagkatao, walang sinuman ang magsasalita ng katotohanan sa kanila, hindi sila karapat-dapat para dito, at hindi pasok sa pamantayan ang kanilang karakter. At sa gayon kababang pagkatao, hindi ba’t ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa katotohanan ay parang pakikipag-usap sa isang baboy o aso? Kapag mayroon silang kaunting wangis ng tao at nakakapagsalita gaya ng tao, makikipag-usap ang mga tao sa kanila tungkol sa katotohanan, pero sa ngayon, hindi sila karapat-dapat para dito. Maraming tao ang ganito, mangilan-ngilan din sila. Kaya, bakit hindi nagpapamalas ng mga ganitong bagay ang ilang tao? Ito ay dahil hindi pa sila nagkaroon ng pagkakataon; ito ay dahil lang napakaordinaryo ng kanilang kakayahan at talento, at hindi pa sila nagkaroon ng pagkakataong makilala at hindi pa sila nagtamo ng kapital, pero sa puso nila, nagpapakana na sila, ang kanilang mga plano ay binubuo pa lang. Iyon ang dahilan kung bakit hindi pa nila ipinapakita ang ganitong uri ng pagbubunyag. Gayumpaman, kahit wala silang ganitong pagbubunyag, hindi ito nangangahulugan na wala silang ganitong kalikasan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at sinusunod mo ang landas ng mga anticristo, sa malao’t madali ay darating ang araw na ibubunyag mo ito. Ikaw ay ikaw, at ang kawalan ng pagkatao ay kawalan ng pagkatao; hindi ka maaaring maging isang taong may pagkatao sa pamamagitan ng pagpapanggap o dahil wala kang talento at mababa ang iyong kakayahan. Kaya, iisa lang ang landas: Kapag kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan at tanggapin ang pagpupungos, maaaring bumuti nang kaunti ang kanyang karakter. Kapag kaya niyang harapin ang mga katunayang ito, harapin ang mga katunayang ito nang tama, at pagkatapos ay magawang suriin at tingnan ang kanyang sariling pag-uugali at kaibuturan ng puso, kung gayon ay maaari siyang mas bumuti at makapagtimpi. Anong layon ang makakamit ng kaunting pagtitimpi? Hindi mo masyadong maipapahiya ang sarili mo, gaganda nang kaunti ang reputasyon mo, hindi masusuya ang mga tao sa iyo, hindi ka kasusuklaman ng Diyos, at sa ganitong paraan, maaaring magkaroon ka pa ng pagkakataong maligtas ng Diyos. Hindi ba’t ito ang pinakamababang katwiran na dapat taglayin ng isang tao? Hindi ba’t madali para sa isang taong may kaunting konsensiya at katwiran na magsagawa at pumasok nang ganito?

Kapag naririnig ninyo Akong nagsasalita tungkol sa mga gayong tao, medyo gumagaan ang pakiramdam ninyo, pero kung magsasalita Ako tungkol sa ilang tao na kabilang sa inyo, ano ang mararamdaman ninyo? Magiging normal ba ang reaksiyon ninyo? Sasabihin Ko sa inyo, kung gusto ninyong makamit ang pagbabago ng disposisyon at makapasok sa katotohanang realidad, kailangan ninyong makapasa sa sunud-sunod na pagsubok. Huwag ninyong maliitin ang mga bagay na ito; kung hindi pasok sa pamantayan ang inyong pagkatao, hindi lamang masusuya sa inyo ang mga kapatid, kundi hindi rin kayo gagawing perpekto o ililigtas ng Diyos. Ang mga pinakapangunahing kondisyon para iligtas ng Diyos ang isang tao ay ang magtaglay ang taong iyon ng pagkatao, katwiran, at konsensiya, at dapat marunong siyang mahiya. Kapag ang ganitong tao ay lumapit sa Diyos at narinig ang Kanyang mga salita, tatanglawan, papatnubayan, at gagabayan siya ng Diyos. Ang mga taong walang pagkatao, konsensiya, katwiran, o kahihiyan ay hindi kailanman magiging kwalipikadong lumapit sa Diyos. Kahit na nakikinig ka sa mga sermon at alam mo ang ilang doktrina, hindi ka pa rin maliliwanagan, kaya’t habambuhay kang hindi makakapasok sa katotohanang realidad. Kung hindi ka makakapasok sa katotohanang realidad, madali mong mapagtatanto na wala kang pag-asa na maligtas. Kung nagtataglay ka lang nitong mga pagpapamalas ng mga anticristo at ng disposisyon at diwa ng mga anticristo, at wala kang mga pagpapamalas ng normal na pagkatao na hinihingi ng Diyos na taglayin mo, nasa malaking panganib ka. Kung tumutugma ka sa bawat pagpapamalas at diwang ito ng mga anticristo na inilalantad Ko, kasama na ang kanilang mga kilos at pagbubunyag, kung taglay mo ang mga ito sa iba’t ibang antas, kung gayon ay napakamapanganib nito para sa iyo. Kung hindi mo pa rin hinahangad ang katotohanan at hinihintay mo hanggang sa maklasipika ka bilang isang anticristo, magiging katapusan mo na talaga. Alin ang nakamamatay na sakit: Ang pagkakaroon ng diwa ng anticristo o ng disposisyon ng anticristo? (Ang pagkakaroon ng diwa ng anticristo.) Ganoon ba? (Oo.) Pag-isipan mong mabuti, at saka sumagot muli. (Ang pagkakaroon ng diwa ng anticristo at ng disposisyon ng anticristo ay parehong nakamamatay na sakit.) Bakit ganoon? (Dahil ang mga taong may diwa ng anticristo ay hindi maghahangad sa katotohanan, at ganoon din ang mga taong may disposisyon ng anticristo. Kahit anong isyu ang kinakaharap nila, ang mga taong may disposisyon ng anticristo ay hindi kailanman tumutuon sa paghahangad sa katotohanan, at wala silang kahit katiting na pagkatao at katwiran; ang mga ganitong tao ay walang kakayahang magkamit ng katotohanan, at hindi rin nila matatamo ang kaligtasan—nakamamatay rin na sakit ito.) Sino pa ang gustong magsalita? (Ang pagkaunawa ko ay wala sa dalawang ito ang nakamamatay na sakit, ngunit kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, iyon ang nakamamatay na sakit.) Maganda ang pananaw na ito tungkol dito. Gayumpaman, may paunang kondisyon dito, na ang diwa ng isang anticristo—ang mga taong nagtataglay ng diwa ng isang anticristo ay sadyang hindi naghahangad sa katotohanan, sila ay mga hindi mananampalataya—ang pagtataglay ng diwa ng isang anticristo ang pinakamapanganib na bagay. Ano ang ibig sabihin ng diwa ng isang anticristo? Ang ibig sabihin nito ay na sadyang hindi naghahangad sa katotohanan ang mga taong ito; katayuan lang ang hinahangad nila, likas silang mga kaaway ng Diyos, mga anticristo sila, sila ang pagsasakatawan ni Satanas, mga diyablo na sila mula nang isilang sila, wala silang pagkatao, mga materyalista sila, mga karaniwan silang hindi mananampalataya, at tutol sa katotohanan ang mga gayong tao. Ano ang ibig sabihin ng “tutol sa katotohanan”? Ibig sabihin nito ay hindi nila pinaniniwalaan na ang Diyos ang katotohanan, hindi nila kinikilala ang katunayan na ang Diyos ang Lumikha, lalong hindi nila kinikilala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kaya, kapag binigyan ng pagkakataon ang mga gayong tao na hangarin ang katotohanan, magagawa ba nila ito? (Hindi.) Dahil hindi nila kayang hangarin ang katotohanan, at dahil sila ay habambuhay na mga kaaway ng katotohanan at mga kaaway ng Diyos, hindi nila kailanman makakamit ang katotohanan. Isang nakamamatay na sakit ang hindi kailanman makamit ang katotohanan. At ang lahat ng nagtataglay ng disposisyon ng anticristo ay may mga pagkakatulad sa disposisyon sa mga taong nagtataglay ng diwa ng anticristo: Ipinapakita nila ang parehong mga pagpapamalas, parehong mga pagbubunyag, at maging ang paraan ng kanilang pagpapakita sa mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito, ang kanilang paraan ng pag-iisip, at ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ay pareho lahat. Gayumpaman, para sa mga taong nagtataglay ng disposisyon ng anticristo, hindi mahalaga kung kaya man nilang tanggapin ang katotohanan at kilalanin ang katunayan na ang Diyos ang Lumikha, hangga’t hindi nila hinahangad ang katotohanan, nagiging isang nakamamatay na sakit ang kanilang disposisyon ng anticristo, at dahil dito, ang kanilang kalalabasan ay magiging pareho sa mga may diwa ng anticristo. Gayumpaman, mapalad na may ilan sa mga may disposisyon ng anticristo ang nagtataglay ng pagkatao, katwiran, konsensiya, at kahihiyan, na nagmamahal sa mga positibong bagay, at nagtataglay ng mga kondisyon para mailigtas ng Diyos. Dahil hinahangad nila ang katotohanan, nakakamit ng mga taong ito ang pagbabago sa disposisyon, naiwawaksi nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at naiwawaksi ang kanilang disposisyon ng anticristo, kaya ang kanilang disposisyon ng anticristo ay hindi na isang nakamamatay na sakit para sa kanila, at may posibilidad na silang maligtas. Sa anong sitwasyon masasabi na ang pagtataglay ng disposisyon ng anticristo ay isang nakamamatay na sakit? May paunang kinakailangan para dito, na kahit na kinikilala ng mga taong ito ang pag-iral ng Diyos, kahit naniniwala sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, naniniwala at kinikilala ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at kayang gawin ang kanilang mga tungkulin, may isang bagay na kulang: Hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan o hinahangad ang katotohanan. Kaya ang kanilang disposisyon ng anticristo ay nagiging nakamamatay para sa kanila, at maaaring bawiin nito ang kanilang buhay. Pagdating sa mga taong may diwa ng anticristo, anuman ang mga sitwasyon, hindi posible para sa mga taong ito na mahalin o tanggapin ang katotohanan, at hindi nila kailanman makakamit ang katotohanan. Naiintindihan ba ninyo? (Oo.) Naiintindihan ninyo. Ulitin ninyo ito sa Akin. (Ang mga taong may diwa ng anticristo ay likas na mga kaaway ng Diyos. Sila ay tiyak na hindi mga taong nagmamahal at kayang tumanggap sa katotohanan, at imposible para sa kanila na makamit ang katotohanan kailanman, kaya para sa kanila, ang kanilang disposisyon ng anticristo ay isang nakamamatay na sakit. Samantalang para sa ilang tao na may disposisyon ng anticristo, nang may paunang kinakailangan na dapat silang magtaglay ng pagkatao, katwiran, konsensiya, at kahihiyan, at nagmamahal sa mga positibong bagay at naghahangad sa katotohanan, at pagkatapos ay nagkakamit ng pagbabago ng disposisyon sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, sumusunod sila sa tamang landas, at para sa kanila, hindi isang nakamamatay na sakit ang kanilang disposisyon ng anticristo. Natutukoy ang lahat ng ito ng diwa ng mga taong ito at ng landas na sinusunod nila.) Ibig sabihin, hindi posible para sa mga taong may diwa ng anticristo na hangarin ang katotohanan, at hindi nila kailanman makakamit ang kaligtasan, samantalang ang mga taong may disposisyon ng anticristo ay maaaring maklasipika sa dalawang uri: Ang isang uri ay naghahangad sa katotohanan at maaaring magkamit ng kaligtasan, at ang isang uri ay hindi talaga naghahangad sa katotohanan at hindi maaaring magkamit ng kaligtasan. Ang mga hindi maaaring magkamit ng kaligtasan ay pawang mga trabahador; ang ilang matatapat na trabahador ay maaaring manatili, at posibleng magkaroon sila ng ibang resulta.

Bakit hindi makakamit ng mga taong may diwa ng anticristo ang kaligtasan? Dahil hindi kinikilala ng mga taong ito ang katotohanan, at hindi rin nila kinikilala na ang Diyos ang katotohanan. Hindi kinikilala ng mga taong ito na mayroong mga positibong bagay, at hindi nila mahal ang mga positibong bagay. Sa halip, mahal nila ang mga buktot na bagay at negatibong bagay; sila ang pagsasakatawan ng lahat ng bagay na buktot at negatibo, at sila ang mga nagpapahayag ng lahat ng bagay na negatibo at buktot, kaya sila tutol sa katotohanan, mapanlaban sa katotohanan, at namumuhi sa katotohanan. Mahahangad ba nila ang katotohanan nang may gayong diwa? (Hindi.) Samakatuwid, imposibleng hikayatin ang mga taong ito na hangarin ang katotohanan. Posible bang gawing ibang hayop ang isang hayop? Halimbawa, posible bang gawing aso o daga ang isang pusa? (Hindi.) Ang daga ay mananatiling isang daga, madalas na nagtatago sa mga butas at namumuhay sa dilim. Ang pusa ay mananatiling likas na kaaway ng daga, at hindi ito mababago—hindi ito kailanman mababago. Gayumpaman, may ilan sa mga may disposisyon ng anticristo ang nagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay, na handang magsumikap para isagawa at hangarin ang katotohanan; isinasagawa nila ang anumang sinasabi ng Diyos, sumusunod sila paano man sila akayin ng Diyos, ginagawa nila ang anumang hinihiling ng Diyos, ang landas na sinusunod nila ay ganap na naaayon sa landas na hinihingi ng Diyos, at naghahangad sila ayon sa direksiyon at mga layong itinuro ng Diyos. Para naman sa iba, bukod sa katunayan na hindi nila hinahangad ang katotohanan, sinusunod din nila ang landas ng anticristo, at madaling mapagtanto kung ano ang kalalabasan ng mga taong ito. Bukod sa hindi nila makakamit ang katotohanan, mawawalan din sila ng pagkakataon na maligtas—napakakahabag-habag ng mga taong ito! Binibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataon at tinutustusan din sila ng katotohanan at buhay, ngunit hindi nila pinahahalagahan ang mga bagay na ito, at hindi nila sinusunod ang landas para magawang perpekto. Hindi naman dahil sa pinapaboran ng Diyos ang ilang tao kaysa sa iba at hindi binibigyan ng mga pagkakataon ang mga taong ito, kundi dahil sa hindi nila pinahahalagahan ang mga pagkakataong ito o hindi sila kumikilos gaya ng hinihingi ng Diyos kaya sila nawawalan ng pagkakataon na maligtas. Samakatuwid, nagiging nakamamatay ang kanilang disposisyon ng anticristo at nagiging sanhi na mawalan sila ng buhay. Iniisip nila na ang pagkaunawa sa ilang doktrina at pagpapakita ng ilang panlabas na kilos at mabuting pag-uugali ay nangangahulugang hindi titingnan ng Diyos ang kanilang disposisyon ng anticristo, na maitatago nila ito, at dahil dito, natural na hindi nila kailangang isagawa ang katotohanan at maaari nilang gawin ang anumang gusto nila, at maaari silang kumilos ayon sa sarili nilang pagkaunawa, mga pamamaraan, at mga kahilingan. Sa huli, anumang pagkakataon ang ibinibigay ng Diyos sa kanila, nagpapatuloy silang kumapit sa sarili nilang direksiyon, sinusunod nila ang landas ng isang anticristo, at nagiging kaaway sila ng Diyos. Hindi sila nagiging kaaway ng Diyos dahil itinakda sila ng Diyos bilang ganoon mula sa simula—walang pagtatakda ang Diyos sa kanila sa simula, dahil sa mga mata ng Diyos, hindi Niya sila kaaway o mga taong may diwa ng anticristo, kundi mga taong may sataniko at tiwaling disposisyon lamang. Gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag ng Diyos, hindi pa rin nila pinagsusumikapan ang katotohanan sa kanilang paghahangad. Hindi nila magawang tumahak sa landas ng kaligtasan, at sa halip, sinusunod nila ang landas ng isang anticristo, at sa huli, nawawalan sila ng pagkakataon na maligtas. Hindi ba’t nakakapanghinayang naman iyon? Lubos na nakakapanghinayang iyon! Sobrang kahabag-habag ang mga taong ito. Bakit sila kahabag-habag? Nauunawaan nila ang ilang salita at doktrina at inaakala nila na nauunawaan nila ang katotohanan; nagbabayad sila ng kaunting halaga at nagpapakita ng mabuting pag-uugali habang ginagawa ang kanilang tungkulin at inaakala nila na isinasagawa nila ang katotohanan; mayroon silang talento, kakayahan, at mga kaloob, at kayang bumigkas ng ilang salita at doktrina, gumawa ng kaunting gawain, gumawa ng ilang espesyal na tungkulin, at inaakala nila na nakamit na nila ang buhay; kaya nilang magtiis ng kaunting paghihirap at magbayad ng kaunting halaga at mali nilang inaakala na kaya nilang magpasakop sa Diyos at isuko ang lahat para sa Diyos. Ginagamit nila ang kanilang panlabas na mabuting pag-uugali, ang kanilang mga kaloob, at ang mga salita at doktrina na kanilang isinangkap sa kanilang sarili para palitan ang pagsasagawa sa katotohanan—ito ang kanilang pinakamalaking problema, ang kanilang nakamamatay na kapintasan. Dahil dito, mali nilang pinaniniwalaan na nakatahak na sila sa landas ng kaligtasan, at na nagtataglay na sila ng tayog at buhay. Sa anumang kaso, kung hindi matatamo ng mga taong ito ang kaligtasan sa huli, wala silang dapat sisihin kundi ang sarili nila; ito ay dahil hindi sila mismo nakatuon sa katotohanan, hindi naghahangad sa katotohanan, at mas handa pa silang sumunod sa landas ng mga anticristo.

May ilang tao ngayon na, pagkatapos makinig ng mga sermon sa loob ng 30 taon, hindi pa rin nakakaalam kung ano ang katotohanan, o kung ano ang doktrina. Kapag ibinubuka nila ang kanilang bibig, puro teoryang walang kabuluhan ang sinasabi nila, mga salita para sermunan ang iba, at mga walang kabuluhang islogan, at ang tinatalakay lang nila ay kung paano sila nagtiis ng paghihirap at nagbayad ng halaga noon, kung saan ipinagmamalaki nila ang kanilang pagiging nakatataas. Hindi nila kailanman tinatalakay ang kanilang pagkilala sa sarili, kung paano nila tinatanggap ang pagpupungos, kung paano sila nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, kung paano sila nakikipagkumpetensiya para sa kasikatan at pakinabang, o kung anong mga pagpapakita ng disposisyon ng isang anticristo ang mayroon sila. Hindi nila kailanman tinatalakay ang mga bagay na ito; tinatalakay lang nila ang kanilang mga kontribusyon at hindi nila binabanggit ang kanilang mga pagsalangsang. Hindi ba’t lubhang nanganganib ang mga taong ito? Ang ilang tao ay nakikinig ng mga sermon sa loob ng 20 o 30 taon at hindi pa rin nakakaalam kung ano ang katotohanang realidad o kung ano ang ibig sabihin ng magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kaya ang hinala Ko ay maaaring walang kakayahan ang mga taong ito na maunawaan ang mga salita ng Diyos. Pagkatapos makinig ng mga sermon sa loob ng 30 taon, inaakala nila na mayroon silang tayog, ngunit kapag wala silang katayuan, nagiging negatibo pa rin sila, at palihim na umiiyak at nagrereklamo, at maaaring magbitiw pa nga sa kanilang gawain. Pagkatapos makinig ng mga sermon sa loob ng 30 taon, kapag sila ay tinanggal, posible pa rin silang magmukmok at maging hindi makatwiran, at maaaring labanan nila ang Diyos. Ano ang naunawaan nila pagkatapos makinig ng mga sermon sa loob ng napakaraming taon? Kung hindi nila naunawaan kung ano ang katotohanan pagkatapos makinig ng napakaraming sermon, hindi ba’t nasayang lang ang kanilang pananampalataya? Ito ang tinatawag na naguguluhang pananalig!

Marso 14, 2020

Sinundan: Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)

Sumunod: Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin Para Lang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Interes na Iyon, Ipinagpapalit Para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikalimang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito