Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Wala Silang Katayuan at Walang Pag-asang Magtamo ng mga Pagpapala
Ang pagbabahaginan ngayon hinggil sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo ay tungkol sa ikalabindalawang aytem: Gusto nilang umatras kapag wala silang katayuan at walang pag-asang magtamo ng mga pagpapala. Tinatalakay rin ng aytem na ito ang mga disposisyon ng mga anticristo at isa ito sa mga kongkretong pagpapamalas nila. Mula sa isang mababaw na perspektiba, gugustuhin ng isang anticristo na umatras kung wala siyang katayuan at walang pag-asang magtamo ng mga pagpapala. Kapag wala na ang dalawang bagay na ito sa kanya, gugustuhin na niyang umatras. Mukhang napakadaling maunawaan ng mababaw na kahulugan—parang hindi ito kumplikado o abstrakto, pero ano ang mga espesipikong pagpapamalas dito? Sa madaling salita, anong uri ng mga sitwasyon ang nagiging sanhi para gustuhin ng isang anticristo na umatras dahil sa epekto nito sa kanyang katayuan o pag-asang magtamo ng mga pagpapala? Isa ba itong bagay na nararapat bigyan ng malalimang pagbabahaginan? Kung ipababahagi sa inyo ang tungkol dito, ano ang masasabi ninyo tungkol sa mga espesipikong detalye at pagpapamalas nito? Maaaring sabihin ng ilang tao, “Napakaraming beses na nating napagbahaginan ang tungkol dito. Mahilig sa katayuan at kapangyarihan ang mga anticristo, ikinasisiya nilang magkaroon ng mataas na karangalan, at ang layon nila sa pagkakaroon ng pananalig ay ang pagpalain, koronahan at gantimpalaan sila. Kung mabibigo at mawawala ang pag-asang ito, mawawalan sila ng ganang manampalataya sa Diyos at hindi na nila gugustuhin pang manalig.” Magiging ganoon lang ba kasimple gaya ng ilang salitang ito ang pagbabahaginan ninyo tungkol dito? (Oo.) Kung ganoon, kung makokongklusyunan ang pagbabahaginang ito sa pamamagitan ng ilang pahayag na ito, hindi kakailanganing magkaroon ng sarili nitong seksyon ang aspektong ito ng mga pagpapamalas ng mga anticristo sa ating serye ng pagbabahaginan patungkol sa mga pagpapamalas ng mga anticristo, ni hindi nito tatalakayin ang patungkol sa anumang partikular na kalikasang diwa. Pero, dahil may kaugnayan ang aytem na ito sa diwa at disposisyon ng mga anticristo, maging sa personal nilang mga paghahangad at perspektiba tungkol sa pag-iral, kung gayon, maaaring isa itong paksa na maraming aspekto. Kaya, ano ba mismo ang nakapaloob dito? Ibig sabihin, aling mga isyu na kinakaharap ng mga anticristo ang may kaugnayan sa kanilang katayuan at kanilang pag-asang magtamo ng mga pagpapala? Ano ang mga perspektiba, kaisipan, at saloobin nila patungkol sa mga bagay na ito? Siyempre, magkakaroon ng ilang pagkakapareho sa pagitan ng ating pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito at sa nakaraan nating mga pagbabahaginan tungkol sa mga perspektiba ng mga anticristo patungkol sa iba’t ibang isyu, pero ang pokus ng pagbabahaginan ngayon ay naiiba, at tinitingnan nito ang isyu mula sa ibang anggulo. Ngayong araw, espesipiko tayong magbabahaginan tungkol sa mga pagpapamalas na nahahayag kapag nawalan ng katayuan at ng pag-asang magtamo ng mga pagpapala ang mga anticristo, na maaaring magpatunay na may hindi tamang perspektiba ang mga anticristo sa paghahangad, at na hindi totoo ang pananalig nila sa Diyos; mabeberipika rin ng mga ito na taglay nga ng mga taong ito ang diwa ng isang anticristo.
I. Pagharap ng mga Anticristo sa Pagpupungos
Una, dapat muna nating tingnan ang mga pag-uugaling ipinapamalas ng mga anticristo kapag pinupungusan sila, kung paano nila hinaharap ang ganoong mga sitwasyon, kung ano ang mga saloobin, kaisipan, at perspektiba nila tungkol sa pagpupungos, at kung ano ang espesipiko nilang sinasabi at ginagawa—marapat lang na himayin at suriin natin ang mga bagay na ito. Medyo marami-rami na rin ang ibinahagi natin tungkol sa mga paksang may kaugnayan sa pagpupungos; isa itong karaniwang paksa kung saan pamilyar kayong lahat. Kapag napungusan na nang ilang beses saka lang makakaranas ng ilang pagbabago ang karamihan sa mga tao—kaya na nilang hanapin ang katotohanan at harapin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagampanan ang tungkulin nila, at saka lang magpapanibagong-sigla ang kanilang pananalig, at sasailalim ito sa ilang pagbabago para sa ikabubuti nito. Masasabi na nakatatak sa puso ng bawat tao ang bawat pagkakataon ng mahigpit na pagpupungos; at nag-iiwan ito ng alaalang hindi malilimutan. Siyempre, nag-iiwan din ng di-malilimutang alaala para sa mga anticristo ang bawat pagkakataon na mahigpit silang pinupungusan, pero ano ang pinagkaiba nito? Ang saloobin at ang iba’t ibang pagpapamalas ng isang anticristo hinggil dito, maging ang kanilang mga kaisipan, perspektiba, ideya, at mga bagay na katulad nito na lumilitaw mula sa sitwasyong ito ay ibang-iba kumpara sa isang karaniwang tao. Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan, ang unang ginagawa niya ay labanan at tanggihan ito sa kaibuturan ng kanyang puso. Nilalabanan niya iyon. At bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga anticristo, sa kanilang kalikasang diwa, ay tutol at namumuhi sa katotohanan, at hindi nila talaga tinatanggap ang katotohanan. Natural, ang diwa at disposisyon ng isang anticristo ay humahadlang sa kanya na kilalanin ang sarili niyang mga pagkakamali o kilalanin ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Batay sa dalawang katunayang ito, ang saloobin ng isang anticristo kapag pinupungusan ay ang tanggihan at salungatin ito, nang ganap at lubusan. Kinasusuklaman at nilalabanan niya iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at wala siya ni katiting na bahid ng pagtanggap o pagpapasakop, lalo nang walang anumang tunay na pagninilay o pagsisisi. Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan, sinuman ang gumagawa niyon, tungkol saan man iyon, gaano man katindi ang dahilan kaya siya ang sinisisi sa bagay na iyon, gaano man kalantad ang pagkakamali niya, gaano kalaki ang kasamaang nagawa niya, o ano ang ibinubunga ng kanyang kasamaan para sa gawain ng iglesia—hindi isinasaalang-alang ng anticristo ang alinman dito. Para sa isang anticristo, pinupuntirya siya ng nagpupungos sa kanya, o hinahanapan siya ng mali para pahirapan siya. Maaari pa ngang isipin ng anticristo na inaapi siya at ipinapahiya, na hindi siya itinatrato bilang tao, at na hinahamak siya at kinukutya. Matapos pungusan ang isang anticristo, hindi niya pinagninilayan kailanman kung ano talaga ang nagawa niyang mali, anong uri ng tiwaling disposisyon ang naipakita niya, at kung hinanap niya ba ang mga prinsipyo kung saan siya dapat tumalima, kung kumilos ba siya alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, o tinupad ang kanyang mga responsabilidad hinggil sa usapin kung saan siya pinupungusan. Hindi niya sinusuri o pinagninilayan ang alinman dito, ni hindi niya isinasaalang-alang at pinag-iisipan ang mga isyung ito. Sa halip, hinaharap niya ang pagpupungos ayon sa sarili niyang kagustuhan at may init ng ulo. Sa tuwing pinupungusan ang isang anticristo, mapupuspos siya ng galit, pagsuway, at sama ng loob, at hindi makikinig sa payo ng sinuman. Hindi niya tinatanggap ang mapungusan, at hindi niya nagagawang bumalik sa harap ng Diyos para makilala at mapagnilayan ang kanyang sarili, para lutasin ang kanyang mga kilos na labag sa mga prinsipyo, tulad ng pagiging pabasta-basta o panggugulo sa kanyang tungkulin, ni hindi niya ginagamit ang pagkakataong ito para lutasin ang kanyang sariling tiwaling disposisyon. Sa halip, naghahanap siya ng mga dahilan para ipagtanggol ang kanyang sarili, para mapawalang-sala ang sarili niya, at magsasabi pa nga siya ng mga bagay na nagpapasimula ng alitan at nag-uudyok sa iba. Sa madaling salita, kapag pinupungusan ang mga anticristo, ang mga espesipiko nilang pagpapamalas ay pagsuway, pagkadismaya, paglaban, at pagsalungat, at nagkakaroon ng ilang reklamo sa puso nila: “Napakalaki ng kabayarang ibinigay ko at napakarami ko nang trinabaho. Kahit na hindi ko sinunod ang mga prinsipyo o hinanap ang katotohanan sa ilang bagay, hindi ko ginawa itong lahat para lang sa sarili ko! Kahit na nakapagdulot pa ako ng ilang pinsala sa gawain ng iglesia, hindi ko sinadyang gawin iyon! Sino ba ang hindi nagkakamali? Hindi ninyo puwedeng pagdiskitahan ang mga pagkakamali ko at walang-tigil akong pungusan nang hindi isinasaalang-alang ang mga kahinaan ko, at nang walang pagmamalasakit sa nararamdaman ko o sa tiwala ko sa sarili ko. Walang pagmamahal ang sambahayan ng diyos para sa mga tao at sobra itong hindi makatarungan! Bukod pa roon, pinupungusan ninyo ako dahil sa isang napakaliit na pagkakamali—hindi ba’t nangangahulugan itong hindi maganda ang tingin ninyo sa akin at gusto ninyo akong itiwalag?” Kapag pinupungusan ang mga anticristo, ang unang nasa isip nila ay hindi ang pagnilayan kung ano ang nagawa nilang mali o ang tiwaling disposisyong ibinunyag nila, kundi ang makipagtalo, ipaliwanag at pangatwiranan ang sarili nila, habang bumubuo ng mga haka-haka. Anong mga haka-haka? “Napakalaki ng kabayarang ibinigay ko sa paggampan ng tungkulin ko sa sambahayan ng diyos para lang mapungusan. Mukhang walang natitirang pag-asa na magtamo ako ng mga pagpapala. Posible kayang ayaw ng diyos na gantimpalaan ang mga tao, kaya ginagamit niya ang pamamaraang ito para ibunyag ang mga tao at itiwalag sila? Bakit kailangan kong magsumikap kung wala namang pag-asang magtamo ng mga pagpapala? Bakit kailangan kong pagtiisan ang mga paghihirap? Bilang wala namang pag-asang magtamo ng mga pagpapala, hindi na lang siguro ako dapat manampalataya talaga! Hindi ba’t ang layunin ng pananampalataya sa diyos ay ang magtamo ng mga pagpapala? Kung wala namang pag-asa sa bagay na iyon, bakit kailangan ko pang gugulin ang sarili ko? Dapat siguro tumigil na lang ako sa pagsampalataya at tapusin na ito? Kung hindi ako mananampalataya, mapupungusan mo pa rin ba ako? Kung hindi ako mananampalataya, hindi mo ako mapupungusan.” Sadyang hindi kayang tanggapin ng mga anticristo na pungusan sila ng Diyos. Hindi nila kayang tumanggap at sumunod sa pamamagitan ng isang wastong pananaw at saloobin. Hindi nila kayang pagnilayan ang kanilang sarili sa pamamagitan nito at unawain ang mga tiwaling disposisyon nila nang sa gayon ay malinis ang mga tiwaling disposisyon nila. Sa halip, gamit ang isang malupit at makitid na isip, ipinapalagay at pinag-aaralan nila ang layunin ng pagkakapungos sa kanila. Pinapanood nilang mabuti ang takbo ng sitwasyon, pinapakinggan ang tono ng mga tao kapag nagsasalita ang mga ito, inoobserbahan kung paano sila tinitingnan ng mga tao sa paligid nila, kung paano magsalita ang mga ito sa kanila, at saloobin nila, at ginagamit ang mga bagay na ito para kumpirmahin kung may anumang pag-asa ba silang pagpalain o kung talaga bang nabunyag at natiwalag na sila. Ang isang simpleng pagkakataong pinungusan sila ay nagdudulot ng ganoon katinding gulo at matinding pagmumuni-muni sa puso ng mga anticristo. Sa tuwing pinupungusan sila, ang una nilang reaksyon ay pagkamuhi, at sa mga puso nila, tutol sila rito, tinatanggihan nila ito, at nilalabanan ito, bago pa man nila suriin ang wika at ekspresyon ng mukha ng mga tao, at sundan ng pakikisangkot sa mga haka-haka. Ginagamit nila ang mga utak nila, ang kaisipan nila, at ang hamak na katusuhan nila para panoorin ang takbo ng sitwasyon, obserbahan kung paano sila tingnan ng mga tao sa paligid nila, at pakiramdaman ang saloobin ng mga nakatatandang lider sa kanila. Mula sa mga bagay na ito, hinuhusgahan nila kung gaano pa kalaking pag-asa ang mayroon sila para pagpalain, kung may katiting ba silang pag-asang pagpalain, o kung nabunyag at natiwalag ba talaga sila. Kapag nasusukol sila, sinisimulan muli ng mga anticristo na saliksikin ang mga salita ng Diyos, sinusubukang makahanap sa mga salita ng Diyos ng tumpak na batayan, ng katiting na pag-asa, at ng makakapitan. Kung, matapos silang mapungusan, damayan at suportahan sila ng isang tao at tulungan sila nang may mapagmahal na puso, ipinararamdam ng mga bagay na ito na itinuturing pa rin silang miyembro ng sambahayan ng Diyos, naniniwala silang may pag-asa pa ring pagpalain sila, na matibay pa rin ang pag-asa nila, at itataboy nila ang anumang kaisipang umatras. Gayumpaman, sa sandaling mabaligtad na ang sitwasyon, kung saan makikita nila na lumiit at naglaho na ang pag-asa nilang pagpalain, ang unang reaksyon nila ay: “Kung hindi ako makakapagtamo ng mga pagpapala, hindi na ako mananampalataya sa diyos. Sinuman ang gustung-gustong manampalataya sa diyos ay maaaring manampalataya sa kanya, pero sa anu’t anupaman hindi ko matatanggap na pungusan mo ako, at mali ang lahat ng sinasabi mo kapag pinupungusan mo ako. Ayaw kong marinig ito, ayaw ko itong pakinggan, at hindi ko tatanggaping pungusan ako kahit na sabihin mo pang ito ang pinakakapaki-pakinabang na bagay para sa isang tao!” Kapag nakikita nilang naglalaho na ang pag-asa nilang pagpalain, kapag nakikita nilang mawawalan na ng saysay at mawawala na ang matagal na nilang hinahangad na katayuan at mga pangarap na makapasok sa kaharian ng langit, hindi nila iniisip na baguhin ang paraan ng paghahangad nila o baguhin ang mga layong hinahangad nila, kundi iniisip nilang umalis at umatras, ayaw na nilang manampalataya sa Diyos, at iniisip nilang wala na silang pag-asang pagpalain sa pananampalataya nila sa Diyos. Para sa mga anticristo, kung wala na ang kanilang mga pantasya at pag-asa sa mga gantimpala, pagpapala, at koronang gusto nilang matamo nang magsimula silang manampalataya sa Diyos, naglalaho ang motibasyon nilang manampalataya sa Diyos, gayundin ang kanilang motibasyong gugulin ang sarili nila para sa Diyos at gampanan ang tungkulin nila. Kapag wala na ang motibasyon nila, ayaw na nilang manatili sa iglesia, na magpatuloy pa nang ganito, at gusto na nilang abandonahin ang kanilang tungkulin at iwan ang iglesia. Ito ang pawang iniisip ng mga anticristo kapag pinupungusan sila, at ganap na nasisiwalat ang kalikasang diwa nila. Sa kabuuan, kapwa sa sinasabi nila at sa ginagawa nila, hindi kailanman tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan. Ano ang isang disposisyong hindi tumatanggap sa katotohanan? Hindi ba’t pagtutol ito sa katotohanan? Iyon nga mismo ito. Ang simpleng bagay na mapungusan, sa sarili nito, ay napakadaling tanggapin. Una, walang masamang hangarin sa parte ng taong pumupungos sa kanila; pangalawa, tiyak na, kung titingnan ang mga bagay kung saan pinupungusan ang mga anticristo, malamang na sinalungat nila ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at sinalungat ang mga katotohanang prinsipyo, na may kamalian o may nakalusot sa gawain nila na nakapagdulot ng pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Pinupungusan sila dahil sa karumihan ng kalooban nila bilang tao, dahil sa tiwaling disposisyon nila, at dahil kumikilos sila nang walang pakundangan dahil sa kawalan ng pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay isang napakanormal na bagay. Sa buong mundo, may mga panuntunan at regulasyon ang anumang malaking organisasyon, anumang grupo o kumpanya, at ang sinumang lalabag sa mga panuntunan at regulasyong ito ay dapat maparusahan at maituwid. Normal lang talaga ito, at tama lang. Gayumpaman, itinuturing ng isang anticristo ang tamang pagtutuwid bunga ng kanyang paglabag sa mga panuntunan at regulasyon bilang pagpapahirap sa kanya ng iba, di-patas na pagpaparusa sa kanya, paghahanap ng mali sa kanya, at pagdudulot ng problema sa kanya. Ganoon ba ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan? Napakalinaw namang hindi. Kung walang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan, posible ba para sa isang taong kagaya nito na maiwasang magkamali at magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa paggawa niya ng tungkulin niya? Tiyak na hindi. Nababagay bang gumampan ng isang tungkulin ang ganitong uri ng tao? Kung tutuusin, hindi. Malamang na hindi magiging mahusay ang ganitong klase ng tao sa anumang gawain.
Ang pagganap sa tungkulin ay isang oportunidad na ibinibigay ng Diyos sa hinirang na mga tao Niya nang sa gayon ay maturuan nila ang kanilang mga sarili, pero hindi alam ng mga tao kung paano ito pahalagahan. Sa halip, kapag pinupungusan sila, nagmamaktol sila; nilalabanan nila ito at nag-iingay laban dito; ayaw nilang sumunod at nagagalit sila. Na para bang mga santo sila na hindi kailanman nakagawa ng mga pagkakamali. Sino sa mga tiwaling tao ang hindi nagkakamali? Napakanormal na bagay ang magkamali. Pasalita ka lang pinupungusan ng sambahayan ng Diyos, hindi ka nito sinisisi o kinokondena dahil dito, lalo namang hindi ka nito sinusumpa. Minsan, posibleng medyo marahas ang pagpupungos na ito, maaaring matalas o di-kaaya-ayang pakinggan ang mga salita, at puwedeng masaktan ang damdamin mo. Iyong mga nakapagdulot ng pinsala sa mga pananalapi o kagamitan ng sambahayan ng Diyos ay didisiplinahin ng sambahayan ng Diyos gamit ang mga multa o sa pamamagitan ng paghingi ng bayad-pinsala—mabibilang ba iyon na marahas? O maituturing ba itong wasto? Hindi ka hinihingang magbayad nang doble, ni hindi ka kinikikilan, kailangan mo lang bayaran ang ganoon ding halaga. Hindi ba’t wasto lang naman talaga iyon? Mas magaan pa ito kaysa sa mga multang sinisingil sa ilang bansa sa mundo. Sa ilang lungsod, pagmumultahin ka nang mabigat dahil lang sa pagdura sa lupa o pagkakalat ng basurang papel. Masusuway mo ba ito, o makakatanggi ka bang bayaran ang multa? Kung tatanggi ka, malamang na makukulong ka, at magkakaroon pa ng lalong mabibigat na parusang naaayon sa batas. Ganoon talaga ang sistema. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at iniisip nilang masyadong marahas na pungusan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, at ang ituwid ang mga tao nang ganito ay masyadong asal-dragon. Kung pupungusan ang ganoong mga tao sa medyo mas marahas na paraan, at masugatan ang kanilang dangal at mabulabog ang sataniko nilang kalikasan, pakiramdam nila ay hindi ito mapagtitiisan, at hindi ito tumutugon sa kanilang mga kuru-kuro. Naniniwala silang, dahil sambahayan ito ng Diyos, hindi dapat tratuhin ang mga tao sa ganitong paraan, na dapat maging mapagparaya at mapagpasensya ang sambahayan ng Diyos sa bawat pagkakataon, at hayaan ang mga tao na kumilos nang walang pakundangan at gawin kung ano ang maibigan nila. Iniisip nila na ang lahat ng ginagawa ng mga tao ay mabuti, at dapat itong alalahanin ng Diyos. Makatwiran ba ito? (Hindi.) Anong kalikasang diwa ba ang taglay ng mga tao? Tunay bang tao sila? Sa mas eleganteng pananalita, sila ay mga Satanas at diyablo. Sa mas magaspang na pananalita, mga hayop sila. Hindi alam ng mga tao ang mga tuntunin kung paano umasal, lubha silang di kaaya-aya, at saka tamad, mahilig sa kalayawan at ayaw naman sa mabigat na trabaho, at gusto nilang nag-aamok at gumagawa ng masasamang bagay. Ang pinakamalala pa nito, laging nais ng karamihan sa mga gumaganap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos na bitbit-bitbit nila ang mga pilosopiya ng sekular na mundo para sa mga makamundong pakikitungo, pamamaraan, at masasamang kalakaran. Ibinubuhos pa nga nila ang kanilang enerhiya sa pananaliksik, pag-aaral, at panggagaya sa mga bagay na ito, at bunga nito, nakalilikha ang mga ito ng ligalig at kaguluhan sa ilang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ito matitiis ng lahat, at sinasabi pa nga ng ilang kapatid na bago sa pananampalataya na hindi relihiyoso ang mga taong ito, na naaayon sa mga makamundong kalakaran ang mga kilos nila, at malayong-malayo ang mga ito sa mga kilos ng isang Kristiyano—hindi matanggap kahit ng mga bagong mananampalatayang ito ang mga kilos ng mga taong ito. Ang mga taong ito ay nagbibigay ng kaunting kabayaran, may kaunting sigla, at kakaunting motibasyon at kabutihang-loob, at dinadala nila sa loob ng sambahayan ng Diyos ang anumang walang katuturang bagay na natutunan nila, at ginagamit nila ito sa kanilang tungkulin at gawain, at bunga nito, nagdudulot sila ng mga pagkagambala at pang-aabala sa gawain ng iglesia, at napupungusan sila sa bandang huli. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao: “Hindi ba’t sinabi ng Diyos na aalalahanin Niya ang mabubuting gawa ng mga tao? Kung gayon, bakit ako pinupungusan dahil sa pagganap ko sa aking tungkulin? Bakit hindi ko ito maunawaan? Paano ba natutupad ang mga salita ng Diyos? Maaari nga kayang mga walang laman at matatayog-pakinggang salita lang ang lahat ng iyon?” Kung gayon, bakit hindi ka magnilay-nilay kung mabubuting gawa ba na nararapat alalahanin ang mga ginawa mo? Ano ba ang hiningi ng Diyos sa iyo? Nakakatugon ba sa wastong-asal ng mga santo ang tungkuling ginampanan mo, ang gawaing ginawa mo, at ang mga ideya at suhestiyong ibinigay mo? Umaayon ba ang mga ito sa mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos? Naisip mo ba ang tungkol sa patotoo ng Diyos, at pangalan ng Diyos? Isinaalang-alang mo ba ang reputasyon ng sambahayan ng Diyos? Isinaalang-alang mo ba ang wastong-asal ng mga santo? Tinatanggap mo bang isa kang Kristiyano? Hindi mo isinaalang-alang ang alinman dito, kaya ano ba talaga ang nagawa mo? Nararapat bang alalahanin ang mga ginawa mo? Ginulo mo ang gawain ng iglesia, at pinungusan ka lang ng sambahayan ng Diyos, nang hindi binabawi ang karapatan mong gumanap ng tungkulin. Ito ang pinakadakilang pag-ibig, ang pinakatotoong pagmamahal. Gayunpaman, naiinis ka. May kahit anong dahilan ka ba para mainis? Sobrang wala ka sa katwiran!
May ilang tao na dalawa o tatlong taon pa lang nananampalataya sa Diyos, at ang mga kilos nila, ang paraan kung paano sila magsalita at tumawa, at ang mga pananaw na ibinubunyag nila, maging ang mga ekspresyon ng mukha nila at galaw kapag nakikipag-usap sila sa iba ay hindi kaaya-aya, at ipinapakita ng mga ito na lubos silang walang pananampalataya at hindi mananampalataya. Dapat ituwid ang mga taong ito, dapat silang pungusan, at dapat silang latagan ng mga tuntunin, para malaman nila kung ano ba ang normal na pagkatao, kung ano ba ang malasantong asal, at kung paano dapat kumilos ang isang Kristiyano, at para matutunan nila kung paano maging isang tao, at maging katulad sila ng mga tao. May ilan na walo o 10 taon nang nananampalataya sa Diyos, o higit pa nga, pero kung titingnan ang mga kaisipan at perspektiba nila, mga salita at kilos, at ang paraan kung paano nila harapin ang mga bagay-bagay at ang mga ideyang naiisip nila kapag may mga nangyayari sa kanila, malinaw na sadyang wala silang pananampalataya at hindi sila mananampalataya. Marami-rami na ring sermon ang napakinggan ng mga taong ito, at may karanasan at pagkaunawa naman sila; medyo nakasalamuha na nila nang kaunti ang kanilang mga kapatid, at may sarili na dapat silang pang-araw-araw na wika, pero hindi magawa ng karamihan sa kanila na magbahagi ng patotoo, at kapag nagsasalita sila at ipinapahayag nila ang kanilang mga pananaw, lubos na napakasimple ng pananalita nila, at wala silang maipaliwanag nang malinaw. Tunay ngang mahirap, kaawa-awa, at bulag sila—malinaw na nakakaawa talaga ang hitsura nila. Kapag gumanap ng tungkulin at humawak ng kaunting responsabilidad ang ganoong tao, lagi itong mapupungusan. Hindi ito maiiwasan. Bakit siya pupungusan? Ito ay dahil masyadong nilalabag ng mga kilos niya ang mga katotohanang prinsipyo; ni hindi niya maabot ang konsensiya at katwiran ng mga normal na tao, at nagsasalita at kumikilos siya gaya ng mga walang pananampalataya, na para bang kinuha ang isang walang pananampalataya para gawin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, kumusta naman ang kalidad ng kinalabasang gawain ng mga taong ito sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin? Ano ang halaga nito? May anumang bahagi ba sila na mapagpasakop? Hindi ba’t masyado silang maraming problema at nagdudulot lang sila ng mga pagkagambala at kaguluhan? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t dapat pungusan ang mga taong ito? (Oo.) Nagsusulat ng mga script ang ilang tao tungkol sa buhay ng isang Kristiyano, tungkol sa kung paano dumaraan ang bida sa pag-uusig, kapighatian, at iba’t ibang sitwasyon, at kung paano nito pinapahalagahan at nararanasan ang mga salita ng Diyos. Pero, sa buong kuwento, napakadalang manalangin ng bida, at paminsan kapag nahaharap siya sa isang bagay, ni hindi nito alam kung ano ang dapat sabihin sa panalangin. Dati, iyon at iyon din ang isinusulat ng ilang tao para sa mga panalangin; kapag naharap ang bida sa isang bagay, ipapanalangin niya: “O Diyos, masamang-masama ang loob ko ngayon! Napakamiserable ko, sobrang napakamiserable! Pakigabayan nawa ako at bigyan ako ng kaliwanagan.” Nagsulat lang sila ng mga walang kuwentang salitang gaya ng mga ito, pero sa harap ng ibang pangyayari, ng ibang sitwasyon, ng ibang kalagayan, hindi alam ng bida kung paano mananalangin at wala siyang anumang masabi. Napapaisip tuloy Ako, kung inilalarawan ng mga taong ito ang bida nila na hindi nananalangin kapag nasusuong sa mga problema, sila ba mismo, ugali ba nilang manalangin? Kung hindi sila nananalangin kapag may kinakaharap sila, sa ano sila nakasalalay sa pang-araw-araw nilang mga buhay at sa pagganap ng kanilang tungkulin? Ano ang iniisip nila? Nasa puso ba nila ang Diyos? (Wala ang Diyos sa puso nila. Nakasalalay sila sa sarili nilang pag-iisip at mga kaloob sa mga bagay na ginagawa nila.) Napupungusan tuloy sila bunga nito. Sa palagay ninyo, paano Ko tatasahin ang bagay na ito? Dapat pungusan ang mga taong kagaya nito. Ang mga taong ito, na walang progreso, na may mga utak pero walang mga puso, ay ilang taon nang mga mananampalataya, pero wala silang ideya kung ano ang sasabihin nila sa mga panalangin kapag nahaharap sa isang isyu; wala silang masabi sa Diyos, ni hindi sila marunong magsabi ng saloobin nila sa Diyos, at wala silang puso-sa-pusong ugnayan sa Diyos. Ang Diyos ang Siyang pinakamalapit sa iyo, ang Siyang pinakakarapat-dapat sa pagtitiwala at pag-asa mo, pero wala kang kahit anong masabi sa Kanya—puwes, para kanino mo inilalaan ang pinakamalalalim mong saloobin? Kahit na para kanino pa ito, kung wala kang anumang masabi sa Diyos, kung gayon, anong klaseng tao ka? Hindi ba’t isa kang taong lubhang walang pagkatao? Kung walang nakalagay sa script tungkol sa pagkatao ng bida, sa buhay nito bilang isang mananampalataya, at kung paano nito nararanasan at pinahahalagahan ang mga salita ng Diyos, at iba pa, kung isa lang itong walang katuturang script, ano kung gayon ang gusto mong ipakita sa mga tao sa paggawa ng pelikulang ito? Ano ang kabuluhan ng script na iyan na sinusulat mo? Nagpapatotoo ka ba sa Diyos, o sa kaunting kaalaman at edukasyong mayroon ka? Ang pinakakongkretong ebidensiya para sa patotoo sa Diyos ay kung paano nananalangin at naghahanap ang isang tao, at kung paano nagbabago ang kanyang mga ideya, saloobin, perspektiba, at ang kanyang mga kaisipan tungkol sa Diyos, kapag may nangyayari sa kanya, o kapag nasusuong siya sa mga paghihirap. Sa kasamaang-palad, walang kahit anong pagkaunawa ang ilang tao tungkol dito. Hindi pa rin sila marunong manalangin matapos ang ilang taong pananalig—hindi nakapagtatakang wala pa rin silang progreso. Hindi umunlad ang mga propesyonal nilang kasanayan, at wala silang naging progreso sa buhay pagpasok nila. Hindi ba’t dapat pungusan ang ganoong mga tao? Kaya, may pangyayari na noon na nagiging dahilan kung bakit pinupungusan ang mga tao. Kung tatanggi kayong mapungusan, o hindi kayo mapupungusan, magiging mapanganib ang kahihinatnan nito at ang kalalabasan ninyo. Mapalad kayo na may mga taong pupungos at didisiplina sa inyo ngayon. Ang kamangha-mangha, at kapaki-pakinabang na bagay na ito ay isang bagay na hindi kayang tanggapin ng mga anticristo. Iniisip nila na kapag pinungusan sila, nangangahulugan itong tapos na sila, na wala na silang pag-asa, at nakikita na nila kung ano ang kalalabasan nila. Iniisip nila na ang mapungusan ay nagpapakita na hindi na sila pinapahalagahan, at hindi na sila paborito ng Itaas, at malamang na matiwalag na sila. Pagkatapos, nawawalan na sila ng motibasyon sa pananalig nila at nagsisimula silang magplanong lumabas sa mundo at kumita ng maraming pera, sumunod sa mga makamundong kalakaran, kumain, uminom, at magpakasaya, at nagsisimulang lumitaw ang masasamang balak nila. Nalalagay tuloy sila sa panganib, at ang susunod nilang hakbang ang magtutulak sa kanilang gawin ang hindi nararapat, at lisanin ang sambahayan ng Diyos.
Kapag may katayuan at kapangyarihan ang isang anticristo sa sambahayan ng Diyos, kapag kaya niyang manamantala at samantalahin ang bawat pagkakataon, kapag tinitingala at binobola siya ng mga tao, at kapag tila abot-kamay lang niya ang mga pagpapala at gantimpala, at ang isang magandang hantungan, kung gayon, sa panlabas ay mukhang nag-uumapaw siya sa pananalig sa Diyos, sa mga salita ng Diyos at Kanyang mga pangako sa sangkatauhan, at sa gawain at kinabukasan ng sambahayan ng Diyos. Subalit, pagkapungos na pagkapungos sa kanya, kapag nalagay sa alanganin ang pagnanais niyang pagpalain, saka siya nagkakaroon ng mga hinala at maling pagkaunawa patungkol sa Diyos. Sa isang kisapmata, naglalaho ang tila masagana niyang pananalig, at hindi na ito masumpungan. Ni hindi na siya makahugot ng lakas para lumakad o magsalita man lang, nawawalan na siya ng ganang gawin ang tungkulin niya, at nawawala na ang lahat ng kanyang sigla, pagmamahal at pananalig. Nawala na ang katiting na kabutihang-loob na mayroon siya, at hindi na siya nakikinig sa sinumang nakikipag-usap sa kanya. Bigla siyang nagbabago na para bang ibang tao na siya. Nabunyag na siya, hindi ba? Kapag pinanghahawakan ng ganoong tao ang pag-asa niyang pagpalain, mukha siyang hindi mauubusan ng lakas, at mukhang tapat siya sa Diyos. Kaya niyang bumangon nang maaga at magpuyat sa pagtatrabaho, at nagagawa niyang magdusa at magbayad ng halaga. Pero kapag nawalan na siya ng pag-asang pagpalain, para siyang isang umimpis na lobo. Gusto na niyang baguhin ang kanyang mga plano, maghanap ng ibang landas, at isuko ang pananalig niya sa Diyos. Nasisiraan siya ng loob at nadidismaya siya sa Diyos, at napupuno siya ng mga hinanakit. Ito ba ang pagpapahayag ng isang taong naghahangad at nagmamahal sa katotohanan, ng isang taong may pagkatao at integridad? (Hindi.) Nasa panganib siya. Kapag may nakaharap kayong ganitong uri ng tao, kung nagagawa naman niyang magserbisyo, maging banayad kayo kapag pinupungusan ninyo siya, at mag-isip kayo ng ilang masasarap-pakinggang salita na magagamit para purihin siya. Bolahin ninyo siya at palakasin ang loob niya, at pagkatapos ay magiging masaya at masigla siya. Pwede kang magsabi ng mga bagay tulad ng, “Lubos kang pinagpala, may ningning sa mga mata mo, at nakikita kong may lakas kang di-nauubos, at siguradong magiging sandigan ka sa sambahayan ng Diyos. Hindi pwedeng wala ka sa kaharian ng Diyos, at kung wala ka, isang kawalan iyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero may isa ka lang maliit na kapintasan. Mapagtatagumpayan mo ito sa pamamagitan ng kaunting tiyaga at kapag naayos mo na iyon, magiging ayos na ang lahat, at tiyak na mapapasaiyo ang pinakadakilang korona sa lahat.” Kapag may ginawang mali ang ganitong tao, pwede mo siyang pungusan nang harap-harapan. Paano mo iyon dapat gawin? Sabihin mo lang, “Napakatalino mo. Paano mo nagawang magkamali nang ganoon kasimple? Hindi dapat nangyari iyon! Ikaw ang may pinakamahusay na kakayahan at ikaw ang pinakaedukado sa team natin, at ikaw ang pinakaprestihiyoso sa atin. Hindi dapat ikaw ang siyang nakagawa ng ganitong pagkakamali—nakakahiya naman! Tiyakin mong hindi na mauulit ang ganitong pagkakamali, dahil kung hindi ay siguradong magiging masakit ito sa Diyos. Kapag inulit mo pa ito, sisirain nito ang reputasyon mo. Hindi ko ito sasabihin sa iyo sa harapan ng lahat—lihim ko itong ipinapaalam sa iyo para hindi magkaroon ng anumang ideya ang mga kapatid tungkol sa iyo. Gusto ko lang matiyak na hindi ka mapapahiya, at maisasaalang-alang ko ang damdamin mo, hindi ba? Tingan mo nga, hindi ba’t mapagmahal ang sambahayan ng Diyos?” Pagkatapos ay sasabihin niyang, “Oo.” “Ano na ang kasunod?” At sasagot siya, “Pagbutihan mo pa ang trabaho!” Ano ang tingin ninyo sa pagtrato nang ganoon sa kanila? Gusto lang ng ganoong klase ng tao na magtamo ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagtatrabaho, hindi niya kailanman hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa mga salita o kilos niya, at hindi niya tinatanggap ang katotohanan sa anupamang paraan. Hindi niya kailanman iniisip kung dapat ba niyang sabihin ang mga sinasabi niya o gawin ang mga ginagawa niya, ni hindi niya isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan ng mga ginagawa niya, ni hindi siya nananalangin, nagbubulay-bulay, naghahanap o nakikipagbahaginan. Ginagawa lang niya ang mga bagay ayon sa sarili niyang mga ideya, at ginagawa niya ang anumang maibigan niya. Kapag pinipinsala ng isang tao ang kanyang dangal o mga interes sa pamamagitan ng isang bagay na sinabi o ginawa nito, isinisiwalat ang mga kapintasan o problema niya, o nagbibigay ng makatwirang suhestiyon sa kanya, umuusok siya sa galit, nagtatanim ng sama ng loob, at gusto niyang maghiganti, at sa mas malalalang kaso, gusto na niyang talikuran ang kanyang pananalig at iulat ang iglesia sa malaking pulang dragon. May paraan tayo para harapin ang ganitong uri ng tao, at iyon ay ang iwasang pungusan siya, at sa halip ay pamihasain na lang siya.
Kakatapos lang nating magbahaginan tungkol sa kung paanong kapag pinupungusan ang mga anticristo, lagi nila itong iniuugnay sa mga pag-asam nilang magtamo ng mga pagpapala. Ang saloobin at pananaw na ito ay mali, at mapanganib. Kapag may tumutukoy sa mga kapintasan o problema ng isang anticristo, pakiramdam nila ay nawalan na sila ng pag-asang magtamo ng mga pagpapala; at kapag pinupungusan sila, o dinidisiplina, o sinasaway, pakiramdam din nila ay nawalan na sila ng pag-asang makapagtamo ng mga pagpapala. Sa sandaling hindi umayon ang isang bagay sa gusto nila o sa kanilang mga kuru-kuro, sa sandaling mailantad sila at mapungusan, na sa pakiramdam nila ay nasaktan ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, iniisip nila kaagad kung wala na ba silang pag-asang makapagtamo ng mga pagpapala. Hindi ba’t napakasensitibo nila? Hindi ba’t sobra-sobra ang pagnanasa nilang magtamo ng mga pagpapala? Sabihin mo sa Akin, hindi ba nakakaawa ang gayong mga tao? (Oo nga.) Talagang nakakaawa sila! At sa anong paraan sila nakakaawa? May kaugnayan ba ang pagtatamo ng mga pagpapala ng isang tao sa pagpupungos sa kanya? (Wala.) Walang kaugnayan ang mga iyon sa isa’t isa. Kung gayon, bakit kaya pakiramdam ng mga anticristo ay nawalan na sila ng pag-asang magtamo ng mga pagpapala kapag pinupungusan sila? Hindi ba’t may kinalaman ito sa kanilang hinahangad? Ano ang kanilang hinahangad? (Magtamo ng mga pagpapala.) Hindi nila binibitiwan ang kanilang pagnanasa at layuning magtamo ng mga pagpapala. Layon na nilang magtamo ng pagpapala sa simula pa lamang ng kanilang pananalig sa Diyos, at bagama’t maraming sermon na ang napakinggan nila, kailanman ay hindi nila tinanggap ang katotohanan. Hindi nila kailanman isinuko ang kanilang pagnanais at layuning magtamo ng mga pagpapala. Hindi pa nila naituwid o nabago ang kanilang mga pananaw tungkol sa pananalig sa Diyos, at ang kanilang layunin sa paggawa sa kanilang tungkulin ay hindi pa nagagawang dalisay. Lagi nilang ginagawa ang lahat ng bagay habang mahigpit silang nakakapit sa kanilang pag-asa at layuning magtamo ng mga pagpapala, at sa huli, kapag malapit nang mawasak ang mga plano nilang magtamo ng mga pagpapala, sumisiklab ang galit nila, at buong pait na nagrereklamo, na sa wakas ay inilalantad ang pangit na kalagayan ng kanilang pagdududa sa Diyos at ang kanilang pagtanggi sa katotohanan. Hindi ba’t nililigawan nila ang kamatayan? Gayon ang di-maiiwasang kahihinatnan ng hindi man lang pagtanggap ng mga anticristo sa katotohanan, ni ng pagtanggap sa pagpupungos. Sa karanasan nila sa gawain ng Diyos, nalalaman ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos na ang paghatol ng Diyos, pagkastigo, at ang Kanyang pagpupungos ay Kanyang pagmamahal at mga pagpapala—subalit naniniwala ang mga anticristo na sinasabi lamang ito ng mga tao, at hindi sila naniniwala na ito ang katotohanan. Kaya, hindi nila itinuturing na mga aral na dapat matutuhan ang pagpupungos, ni hindi nila hinahanap ang katotohanan o pinagninilayan ang kanilang sarili. Bagkus, naniniwala sila na ang pagpupungos ay nagmumula sa kagustuhan ng tao, na iyon ay sadyang pagpapahirap, batbat ng mga layunin ng tao, at tiyak na hindi nagmumula sa Diyos. Pinipili nilang labanan at balewalain ito, at pinag-aaralan pa kung bakit sila tinatrato nang gayon ng isang tao. Hindi talaga sila nagpapasakop. Iniuugnay nila ang lahat ng nangyayari sa pagganap ng kanilang tungkulin sa pagtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, at itinuturing nilang pinakamahalagang hangarin sa kanilang buhay ang pagtatamo ng mga pagpapala, gayundin ang huli at pinakamataas na layon ng pananampalataya nila sa Diyos. Nagsusumikap sila para sa kanilang layuning magtamo ng mga pagpapala, paano man nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan, at hindi ito binibitiwan, iniisip na ang pananampalataya sa Diyos na hindi alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ay kahangalan at kalokohan, na isang malaking kawalan iyon. Iniisip nila na sinumang isinusuko ang hangarin nilang magtamo ng mga pagpapala ay nalinlang, na isang hangal lamang ang isusuko ang pag-asang makapagtamo ng mga pagpapala, at na ang pagtanggap sa pagpupungos ay pagpapakita ng kahangalan at kawalan ng kakayahan, isang bagay na hindi gagawin ng isang matalinong tao. Ito ang kaisipan at lohika ng isang anticristo. Kaya, kapag pinupungusan ang isang anticristo, sa puso niya ay napakamapanlaban niya, at sanay sa panlilinlang at pagkukunwari; hindi man lang niya tinatanggap ang katotohanan, ni hindi siya nagpapasakop. Sa halip, nag-uumapaw siya sa pagsuway at pagkontra. Malamang na humantong ito sa pagsalungat sa Diyos, paghusga sa Diyos, at paglaban sa Diyos, at sa huli, sa pagkakabunyag at pagtitiwalag.
II. Pagharap ng mga Anticristo sa mga Pagbabago sa Kanilang Tungkulin
Napakatigas ng ulo ng mga anticristo pagdating sa pagtatamo ng mga pagpapala. Desperado silang humahawak sa intensyon nilang magtamo ng mga pagpapala, at kapag pinupungusan sila, nakakaramdam sila ng paglaban, at sinusubukan nila nang husto na tutulan ito at depensahan ang kanilang sarili. Mula rito, matutukoy nating hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan sa anupamang paraan. Kapag tinanggal sila o binago ang mga tungkulin nila, nagiging napakasensitibo nila tungkol sa usapin ng pagtatamo ng mga pagpapala. Bakit sila nagiging sensitibo tungkol dito? Dahil ang puso ng ganoong mga tao ay puno ng pagnanasa at ambisyong magtamo ng mga pagpapala. Ang lahat ng ginagawa nila ay para makapagtamo ng mga pagpapala, at hindi para sa kapakanan ng anupamang bagay. Ang pinakaninanais nila sa buhay ay ang magtamo ng mga pagpapala. Ito ang dahilan kung bakit, kapag natanggal sila o binago ang mga tungkulin nila, pakiramdam nila ay wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala, at tumatanggi na tuloy silang magpasakop, at patuloy silang nakikipagtalo para sa sarili nilang kapakanan. Sarili lang nilang mga interes ang isinasaalang-alang nila, at hindi nila isinasaalang-alang ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Halimbawa, naniniwala ang ilang tao na magaling silang magsulat, kaya sinisikap nilang hilinging gumawa ng tungkuling nauugnay roon. Siyempre pa, hindi sila bibiguin ng sambahayan ng Diyos, pinahahalagahan ng sambahayan ng Diyos ang mga indibiduwal na may talento, at anuman ang mga kaloob o kalakasang mayroon ang mga tao, bibigyan sila ng puwang ng sambahayan ng Diyos para gamitin ang mga iyon, kaya nga isinasaayos ng iglesia na gumawa sila ng text-based na gawain. Ngunit makalipas ang ilang panahon, natuklasan na wala talaga silang ganitong kasanayan, at hindi nila kayang gawin nang maayos ang tungkuling ito; hindi talaga sila epektibo. Ang kanilang mga talento at kakayahan ay ginagawa silang lubos na walang kahusayan sa trabahong ito. Kaya ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Posible bang tiisin na lang sila at sabihing, “Masigasig ka, at kahit wala kang gaanong talento, at katamtaman ang kakayahan mo, basta’t handa ka, at hindi tumatangging magtrabaho nang husto, titiisin ka ng sambahayan ng Diyos, at hahayaan kang patuloy na gawin ang tungkuling ito. Hindi mahalaga kung hindi mo ito magawa nang maayos. Magbubulag-bulagan ang sambahayan ng Diyos, at hindi ka kailangang palitan”? Ganito ba ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagharap sa mga usapin? Malinaw na hindi. Sa gayong mga sitwasyon, karaniwan ay nagsasaayos ng angkop na mga tungkulin para sa kanila batay sa kanilang kakayahan at mga kalakasan; isang parte iyon. Ngunit hindi sapat na dito lamang dumepende, dahil maraming sitwasyon na kahit ang mga tao mismo ay hindi alam kung anong tungkulin ang angkop na gawin nila, at kahit iniisip nila na mahusay sila roon, maaaring hindi iyon tama, kaya nga kailangan nilang subukan iyon at sanayin sila nang ilang panahon; ang magdesisyon batay sa kung epektibo ba sila o hindi ang siyang tamang gawin. Kung sasanayin sila sa loob ng ilang panahon, at walang makamit na anumang resulta o wala silang maging progreso, at kumpirmadong hindi sulit na linangin sila, dapat baguhin ang tungkulin nila, at dapat magsaayos ulit ng isang akmang tungkulin para sa kanila. Ang muling pagsasaayos at pagbabago sa mga tungkulin ng mga tao sa ganitong paraan ay ang tamang dapat gawin, at naaayon din ito sa prinsipyo. Pero hindi nagagawa ng ilang tao na sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at sa halip ay lagi nilang sinusunod ang makalaman nilang mga preperensiya sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Halimbawa, ipagpalagay nang sinabi ng isang tao, “Ang pinakamalaking pangarap ko ay ang maging isa sa mga edukadong tao sa literatura o isang mamamahayag, pero dahil sa kalagayan ng pamilya ko at sa iba pang kadahilanan, hindi ko nagawang tuparin ito. Pero ngayon, text-based na gawain ang tinatrabaho ko sa sambahayan ng Diyos. Nakuha ko na sa wakas ang gusto ko!” Pero, talagang hindi pa sapat ang pagkaarok niya sa katotohanan, wala siyang gaanong espirituwal na pang-unawa, at hindi siya mahusay sa pagtrabaho sa text-based na gawain, kaya pagkatapos magampanan ang tungkulin niya nang ilang panahon, inilipat siya sa ibang tungkulin. Nagrereklamo siya: “Bakit hindi pwedeng gawin ko na lang ang trabahong gusto ko? Ayaw ko ng iba pang uri ng gawain!” Ano ang problema rito? Binago ng sambahayan ng Diyos ang tungkulin niya ayon sa mga prinsipyo, kaya bakit hindi niya matanggap ang pagbabago? Hindi ba’t problema ito sa pagkatao niya? Hindi niya matanggap ang katotohanan at hindi siya nagpapasakop sa Diyos—sadyang kawalan lang ito ng katwiran. Lagi niyang ginagawa ang kanyang tungkulin batay sa personal niyang mga preperensiya at gusto niyang laging siya ang nagpapasya. Hindi ba’t tiwaling disposisyon ito? Ang katunayan bang nasisiyahan kang gawin ang isang bagay ay garantiya na magagawa mo ito nang maayos? Ang katunayan bang nasisiyahan kang gawin ang isang partikular na tungkulin ay nangangahulugang karampatan mo itong magagawa? Hindi ibig sabihin na dahil lang nasisiyahan kang gawin ang isang bagay ay nababagay ka na para dito, at baka hindi mo makita nang mabuti kung saan ka nababagay. Samakatuwid, kailangan mong magtaglay ng katwiran at matutong sumunod. Kaya naman, kapag binago ang tungkulin mo, paano mo ba dapat isagawa ang pagsunod? Sa isang banda, dapat kang maniwalang binago ng sambahayan ng Diyos ang tungkulin mo batay sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi batay sa mga preperensiya mo o sa palagay ng sinumang lider o manggagawa. Dapat kang magtiwala na napagdesisyunan ang pagbabago sa tungkulin mo batay sa iyong mga kaloob, kalakasan, at iba pang aktuwal na sitwasyon, at hindi ito bunga ng mga ideya ng isang tao. Dapat kang matutong sumunod kapag binago ang tungkulin mo. Pagkatapos mong makapagsanay sa iyong bagong tungkulin sa loob ng ilang panahon at makapagtamo ng mga resulta sa paggampan nito, makikita mo na mas angkop kang gumampan sa tungkuling ito, at mapagtatanto mo na mali ang pumili ng mga tungkulin batay sa sarili mong kagustuhan. Hindi ba’t nilulutas nito ang isyu? Ang pinakamahalaga, isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gampanan ng mga tao ang ilang tungkulin nang hindi batay sa kagustuhan ng mga tao, kundi batay sa mga pangangailangan ng gawain at kung makakapagkamit ba ng mga resulta ang paggampan ng isang tao sa tungkuling iyon. Masasabi ba ninyo na nagsasaayos ang sambahayan ng Diyos ng mga tungkulin batay sa mga indibidwal na kagustuhan? Dapat ba nitong gamitin ang mga tao batay sa kondisyon na matutugunan ang mga personal nilang kagustuhan? (Hindi.) Alin sa mga ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit ng mga tao? Alin ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ito ay ang pagtalaga sa mga tao ayon sa mga pangangailangan ng gawain sa sambahayan ng Diyos at sa mga resulta ng pagganap ng mga tao sa mga tungkulin nila. May mga hilig at interes ka, at may kaunti kang kagustuhang magampanan ang mga tungkulin mo, pero dapat bang mauna ang iyong mga kagustuhan, interes, at hilig kaysa sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Kung nagmamatigas ka sa paggigiit nito, sinasabing, “Dapat kong gawin ang gawaing ito; kung hindi ako tutulutan na gawin ito, ayaw ko nang mabuhay, ayaw ko nang gampanan ang aking tungkulin. Kung hindi ako tutulutan na gawin ang gawaing ito, hindi na ako gaganahang gumawa ng iba pa, hindi ko na rin ibibigay ang aking buong pagsusumikap dito,” hindi ba’t ipinapakita nito na may problema sa iyong saloobin sa paggampan ng tungkulin? Hindi ba’t iyon ay lubusang kawalan ng konsensiya at katwiran? Para matugunan ang mga personal mong kagustuhan, interes, at hilig, hindi ka nag-aatubiling guluhin at antalain ang gawain ng iglesia. Naaayon ba ito sa katotohanan? Paano dapat tratuhin ng isang tao ang mga bagay na hindi naaayon sa katotohanan? Sinasabi ng ilan na: “Dapat isakripisyo ang indibidwal na sarili alang-alang sa kapakanan ng kolektibo.” Tama ba ito? Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Anong uri ng pahayag ito? (Ito ay isang satanikong maling paniniwala.) Ito ay isang maling pahayag, isang pahayag na mapanlihis at mapagpanggap. Kung gagamitin mo ang pariralang “Dapat isakripisyo ang indibidwal na sarili alang-alang sa kapakanan ng kolektibo” sa konteksto ng paggampan sa iyong mga tungkulin, kung gayon, nilalabanan at nilalapastangan mo ang Diyos. Bakit nito nilalapastangan ang Diyos? Dahil ipinipilit mo ang iyong sariling kagustuhan sa Diyos, at iyon ay kalapastanganan! Sinusubukan mong ipagpalit ang sakripisyo ng indibidwal mong sarili para sa pagpeperpekto at mga pagpapala ng Diyos; ang layunin mo ay gumawa ng kasunduan sa Diyos. Hindi kailangan ng Diyos na magsakripisyo ka ng anuman mula sa iyong sarili; ang hinihingi ng Diyos ay na isagawa ng mga tao ang katotohanan at maghimagsik ang mga ito laban sa laman. Kung hindi mo kayang isagawa ang katotohanan, ibig sabihin ay naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos. Hindi mo magampanan nang maayos ang iyong tungkulin dahil mali ang iyong mga layunin, hindi tama ang iyong mga pananaw sa mga bagay-bagay, at lubusang sumasalungat sa katotohanan ang iyong mga pahayag. Ngunit hindi ka inalisan ng sambahayan ng Diyos ng karapatan na gumampan ng tungkulin; sadyang pinalitan lang ang iyong mga tungkulin dahil hindi ka angkop para sa huli, at inilipat ka sa isang tungkuling angkop para sa iyo. Napakanormal lang nito at madaling unawain. Dapat mong tratuhin nang tama ang usaping ito. Ano ang tamang paraan para tratuhin ang usaping ito? Kapag nangyari ito, dapat mo munang tanggapin ang ebalwasyon sa iyo ng sambahayan ng Diyos. Kahit na posibleng gusto mo ang tungkulin mo, ang totoo, hindi ka talaga angkop para dito ni hindi ka mahusay rito, kaya hindi mo pwedeng gawin ang gawaing iyon. Ibig sabihin nito, kailangang baguhin ang tungkulin mo. Dapat mong sundin at tanggapin ang bago mong tungkulin. Una, magsanay ka muna rito nang ilang panahon—kung sa tingin mo pa rin ay hindi ka pa magaling, at kapos ang kakayahan mo para dito, dapat mong sabihin sa iglesia: “Hindi ako akma para sa tungkuling ito. Kung magpapatuloy ito, makakaabala ito sa gawain.” Lubhang makatwirang paraan iyon ng pagkilos! Anuman ang gawin mo, huwag mong subukang panghawakan ang tungkuling iyon. Maaabala ang gawain kapag ginawa mo iyon. Kung sasabihin mo nang maaga ang isyu, magsasaayos ang iglesia ng isang tungkuling nababagay para sa iyo batay sa iyong sitwasyon. Hindi pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao na gumanap ng mga tungkulin. Hindi ba’t mabuting bagay para sa iyo na maranasang binabago ang tungkulin mo? Una sa lahat, matutulungan ka nitong harapin nang makatwiran ang mga sarili mong preperensiya at kagustuhan. Maaaring mahilig ka dati sa ganoong bagay, at mahilig ka sa literatura at pagsulat, pero nangangailangan din ng espirituwal na pang-unawa ang text-based na gawain. Kailangan nakakaunawa ka man lang ng espirituwal na terminolohiya. Kung kulang ka ng kahit katiting na pagkaunawa sa katotohanan, hindi magiging sapat na magkaroon lang ng kaunting kasanayan sa nakasulat na salita. Kakailanganin mong magkamit ng espirituwal na pang-unawa, maunawaan ang espirituwal na bokabularyo, at mataglay ang wika ng espirituwal na buhay sa pamamagitan ng ilang panahon ng karanasan. Saka ka lang makakaganap ng text-based na gawain sa sambahayan ng Diyos. Sa pagdaan sa ilang karanasan at mga bagay-bagay, malalaman mong wala sa iyo ang wika ng karanasan sa buhay, makikita mo ang kagulat-gulat mong kakulangan, malalaman mo ang totoo mong tayog, at malinaw mong maipapakita sa sambahayan ng Diyos at sa mga kapatid ang kakayahan at tayog mo. Mabuting bagay ito para sa iyo. Kahit papaano, ipapakita nito sa iyo kung gaano kataas o kababa ang kakayahan mo, at matutulungan ka nitong tratuhin ang sarili mo nang tama. Hindi ka na magkakaroon pa ng mga imahinasyon tungkol sa sarili mong kakayahan at mga kinahihiligan. Malalaman mo ang tunay mong tayog, mas eksakto at mas malinaw mong makikita kung saan ka nababagay at kung saan hindi, at lalo kang magiging matatag at praktikal habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Isang aspekto ito nito. Ang isa pa, na siyang pinakaimportante, ay na kahit anong antas pa ng pagkaunawa ang matamo mo o kung kaya mo mang unawain ang mga bagay na ito, kapag may ginagawang mga pagsasaayos ang sambahayan ng Diyos para sa iyo, dapat magkaroon ka man lang muna ng saloobin ng pagsunod, sa halip na maging mapili o pihikan, o magkaroon ng sarili mong mga plano at pasya. Ito ang katwirang dapat mong taglayin higit sa lahat. Kung hindi mo magagawang pagnilayan kung ano ang mga nakapagpaparumi sa pagganap mo sa iyong tungkulin, ayos lang iyon. Ang mahalaga lang ay may pagpapasakop sa puso mo at kaya mong tanggapin ang katotohanan, seryosohin ang iyong tungkulin, at ipakita ang pagkamatapat mo, at kapag may mga lumilitaw na problema o kapag nagpapakita ka ng katiwalian, kaya mong magnilay-nilay sa sarili mo, maunawaan ang sarili mong mga kakulangan at kamalian, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema o pagpapakita mo ng katiwalian. Sa ganitong paraan, hindi mo mamamalayang unti-unting lalago ang iyong buhay at tayog habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagampanan mo nang husto ang iyong tungkulin. Hangga’t taos-puso kang gumugugol para sa Diyos at hindi ka tumitigil sa paghahanap sa katotohanan para lutasin ang iyong mga problema habang nararanasan mo ang gawain ng Diyos, tatanggapin mo ang Kanyang mga pagpapala, at hindi ka Niya mamaltratuhin.
Kapag binago ang kanilang mga tungkulin, kung iglesia ang nagdesisyon nito, dapat itong tanggapin at sundin ng mga tao, dapat silang magnilay-nilay sa sarili nila, at unawain ang diwa ng problema at ang sarili nilang mga pagkukulang. Lubos na kapaki-pakinabang ito para sa mga tao, at isa itong bagay na marapat isagawa. Dahil nakapasimpleng bagay nito, maiisip at matatrato ito nang tama ng mga ordinaryong tao, nang hindi nagkakaroon ng masyadong maraming problema o anumang balakid na mahirap lampasan. Kapag may ginagawang mga pag-aakma sa kanilang mga tungkulin, kahit papaano, dapat magpasakop ang mga tao, makinabang sa pagninilay sa kanilang sarili, at magkaroon ng tumpak na pagsusuri kung husto ba ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Subalit hindi ganito para sa mga anticristo. Iba ang ipinapamalas nila kaysa sa mga normal na tao, kahit ano pa ang mangyari sa kanila. Ano ang ipinagkaiba nila? Hindi sila sumusunod, hindi sila maagap na nakikipagtulungan, ni hindi nila hinahangad ang katotohanan kahit katiting. Sa halip, naiinis sila sa pagbabago, at tinututulan ito, sinusuri ito, pinagbubulay-bulayan ito, at nagsasapantaha nang husto ukol dito: “Bakit hindi ako pinapayagang gawin ang tungkuling ito? Bakit ako inililipat sa isang hindi mahalagang tungkulin? Paraan ba ito para ibunyag ako at itiwalag ako?” Paulit-ulit nilang iniisip ang mga nangyari, walang tigil na sinusuri ito at pinag-iisipan itong mabuti. Kapag walang nangyayari, ayos na ayos lang sila, pero kapag may nangyari nga, nagsisimulang maging maligalig ang kanilang puso, at napupuno ng mga katanungan ang kanilang isip. Maaaring sa hitsura nila ay mukhang mas mahusay sila kaysa sa iba sa pagninilay sa mga isyu, pero sa totoo lang, mas buktot lang ang mga anticristo kaysa sa mga normal na tao. Paano naipapamalas ang kabuktutang ito? Ang kanilang mga isinasaalang-alang ay matitindi, masasalimuot at patago. Ang mga bagay na hindi mangyayari sa isang normal na tao, isang taong may konsensiya at katwiran, ay mga karaniwang bagay na lang para sa isang anticristo. Kapag may ginawang maliit na pagbabago sa kanilang tungkulin, dapat tumugon ang mga tao nang may saloobin ng pagsunod, gawin ang ipinagagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at gawin ang makakaya nila, at, anuman ang gawin nila, gawin ito nang maayos sa abot ng makakaya nila, nang buong puso nila at buong lakas nila. Ang nagawa ng Diyos ay hindi mali. Ang ganoon kasimpleng katotohanan ay maaaring isagawa ng mga tao nang may kaunting konsensiya at katwiran, ngunit lampas ito sa mga kakayahan ng mga anticristo. Pagdating sa pag-aakma ng mga tungkulin, agad magbibigay ang mga anticristo ng mga argumento, panlilinlang, at pagtutol, at sa kanilang kaibuturan ay ayaw nilang tanggapin iyon. Ano ba talaga ang nasa puso nila? Paghihinala at pagdududa, pagkatapos ay sinusuri nilang mabuti ang iba gamit ang lahat ng uri ng pamamaraan. Sinusubukan nilang alamin ang reaksyon ng iba sa kanilang mga salita at kilos, at pinipilit at hinihimok pa nila ang mga tao na sabihin ang katotohanan at magsalita nang tapat sa pamamagitan ng imoral na kaparaanan. Sinisikap nilang pag-isipan iyon: Bakit nga ba sila inilipat? Bakit hindi sila pinayagang gawin ang kanilang tungkulin? Sino ba talaga ang nagmamando? Sino ang nagtatangkang guluhin ang mga bagay-bagay para sa kanila? Sa kanilang puso, tanong sila nang tanong kung bakit, patuloy silang nagsisikap na alamin kung ano talaga ang nangyayari, para malaman nila kung kanino sila makikipagtalo o makikipagtuos. Hindi nila alam kung paano lumapit sa harap ng Diyos para pagnilayan ang kanilang sarili, para tingnan kung ano ang problema sa kanilang kalooban, hindi nila hinahanap ang dahilan sa kanilang sarili, at hindi sila nananalangin sa Diyos at nagninilay sa kanilang sarili at nagsasabing, “Ano ang naging problema sa paraan ng pagganap ko sa aking tungkulin? Naging pabasta-basta ba ako, at nawalan ba ako ng prinsipyo? Nagkaroon man lamang ba ng anumang epekto?” Sa halip na itanong sa kanilang sarili ang mga bagay na ito, patuloy nilang kinukuwestiyon ang Diyos sa kanilang puso: “Bakit binago ang tungkulin ko? Bakit tinatrato ako nang ganito? Bakit masyado nila akong hindi isinasaalang-alang? Bakit hindi sila patas sa akin? Bakit hindi nila iniisip ang pride ko? Bakit nila ako tinutuligsa at ibinubukod?” Lahat ng “bakit” na ito ay malinaw na paghahayag ng tiwaling disposisyon at pagkatao ng mga anticristo. Walang sinumang nakaisip na dahil lang sa isang maliit na bagay gaya ng paglilipat ng mga tungkulin, gagawa ng ganoong alingasngas ang mga anticristo, magdudulot ng ganoong kaguluhan, at susubukan ang lahat ng kaparaanang mayroon sila para lumikha ng ganoon kalaking mga alon. Bakit nila gagawing napakakumplikado ang isang simpleng bagay? Iisa lamang ang dahilan: Hindi kailanman sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at palagi nilang mahigpit na iniuugnay ang kanilang tungkulin, kasikatan, pakinabang, at katayuan sa inaasam nilang pagtamo ng mga pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at pakiramdam nila ay katulad ito ng mawalan ng buhay. Iniisip nila, “Kailangan kong mag-ingat, hindi ako dapat maging pabaya! Ang sambahayan ng diyos, ang mga kapatid, ang mga lider at manggagawa, at maging ang diyos ay hindi maaasahan. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sinuman sa kanila. Ang taong pinakamaaasahan mo at ang pinakakarapat-dapat mong pagkatiwalaan ay ang iyong sarili. Kung hindi ka nagpaplano para sa iyong sarili, sino ang mag-aasikaso sa iyo? Sino ang mag-iisip sa kinabukasan mo? Sino ang mag-iisip kung makatatanggap ka ba ng mga pagpapala o hindi? Kaya, kailangan kong magplano at magkalkula nang maingat para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako pwedeng magkamali o maging pabaya kahit kaunti, kung hindi, ano ang gagawin ko kung may sumubok na manamantala sa akin?” Kaya, nagiging mapagbantay sila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos, natatakot na may makakilatis o makahalata sa kanila, at na pagkatapos ay matatanggal sila at masisira ang mga pinapangarap nilang pagpapala. Iniisip nila na dapat nilang panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan para magkaroon sila ng pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili. Kaya kapag binago nang kaunti ang kanyang tungkulin, kung promosyon ito, iisipin ng isang anticristo na may pag-asa siyang pagpalain. Kung ito ay demosyon, mula sa pagiging lider ng grupo pababa sa pagiging katuwang na lider ng grupo, o mula sa katuwang na lider ng grupo pababa sa pagiging karaniwang miyembro ng grupo, inaasahan nilang ito ay magiging isang malaking problema at sa tingin niya ay maliit ang pag-asa niyang magtamo ng mga pagpapala. Anong uri ng pag-iisip ito? Tama bang pag-iisip ito? Talagang hindi. Katawa-tawa ang pananaw na ito! Ang pagtamo o hindi pagtamo ng isang tao sa pagsang-ayon ng Diyos ay hindi nakabase sa tungkuling ginagawa niya, kundi sa kung taglay ba niya ang katotohanan, kung tunay ba siyang nagpapasakop sa Diyos, at kung tapat ba siya. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay. Sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang pagdusahan ang maraming pagsubok. Lalo na sa pagganap sa tungkulin nila, dapat silang dumaan sa maraming kabiguan at hadlang, pero sa bandang huli, kung nauunawaan nila ang katotohanan at may tunay silang pagpapasakop sa Diyos, magiging isa siyang taong may pagsang-ayon ng Diyos. Sa usaping ukol sa pagkakalipat nila sa kanilang tungkulin, makikita na hindi nauunawaan ng mga anticristo ang katotohanan, at talagang wala silang kakayahang makaarok.
Sa dinami-rami ng mga gumaganap ng tungkulin, laging may ilan talaga na sadyang hindi maayos magtrabaho. Hindi sila mahusay sa pagsusulat ng mga artikulo, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at wala pa nga silang pagkaarok sa espirituwal na terminolohiya, at sa wikang madalas na ginagamit ng mga Kristiyano. Maaaring may mga kasanayan sila sa pagsulat at may pinag-aralan naman, pero hindi sapat ang kakayahan nila para sa gampanin. Kung sinabihan mo silang magbasa ng mga dokumento at itama ang mga kamalian nito, pagkaraan lang ng ilang sandali, magiging malinaw na hindi rin sila mahusay sa bagay na iyon. Kulang ang kakayahan nila, at laging may mga bagay na kulang sa kanila, kaya ililipat mo na naman sila. Pagkatapos, sasabihin nilang may mga kasanayan sila sa paggamit ng kompyuter, pero pagkaraang gawin ang isang tungkulin sa larangang iyon nang ilang panahon, hindi rin sila mahusay roon. Tila mahusay silang magluto, kaya sinabihan mo silang magluto ng pagkain para sa mga kapatid. Kalaunan, iniuulat ng lahat na masyadong maalat o hindi kaya ay walang lasa ang mga pagkaing niluto nila, at masyadong marami o hindi kaya naman ay masyadong kaunti ang niluluto nila. Dahil nakikita mong hindi sila nababagay sa pagluluto, ilalagay mo naman sila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, pero sa sandaling marinig nilang isasama sila sa pangkat ng ebanghelyo, nasisiraan sila ng loob, at naiisip nilang, “Ayoko na. Inilalagay na ako sa mababang gampanin, at wala na akong pag-asang pagpalain. Wala nang magagawa pa kundi ang umiyak.” Pagkatapos, dala ng negatibong nararamdaman at labis na pagkalumbay, lumulubog sila at sumásamâ, at hindi na nila maituon ang isip nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa bagong gawain ng Diyos. Sa halip, lagi nilang iniisip, “Kailan ako makakabalik sa text-based na tungkulin? Kailan ako muling magiging taas-noo? Kailan ko muling makakausap ang itaas, o makakabahagi sa mas mataas na antas na pagdedesisyon? Kailan mamamalayan ng lahat na lider na ulit ako?” Naghihintay sila nang ilang taon nang hindi nababalik sa tungkulin, at pagkatapos ay magsisimulang mag-isip-isip: “Balewalang manampalataya sa diyos. Para lang akong mga taong iyon na nakakaranas ng maraming hadlang sa landas tungo sa pagiging mga opisyal sa mundong nasa labas, hindi ba?” Lalo lang silang nawawalan ng sigla, at lubos na pinanghihinaan ng loob kapag naiisip nila ang maraming kahadlangang iyon. Sinasabi nila, “Matapos ang maraming taong ito ng pagiging mananampalataya, hindi man lang ako naging isang mataas na lider kahit minsan. Matapos makapaglingkod sa wakas bilang isang lider ng pangkat, natanggal ako, at wala rin akong nagawang maayos na trabaho sa iba pang mga tungkulin. Napakamalas ko talaga—wala talagang mabuting bagay na nangyayari sa akin. Para lang akong nakikipagbuno sa napakaraming hadlang sa landas tungo sa pagiging isang opisyal. Bakit hindi ako itaas ng ranggo ng sambahayan ng diyos? Talagang bagsak na bagsak na ang katayuan at reputasyon ko. Wala na ngang nakakaalala kung sino ako, at hindi ako kailanman nababanggit ng itaas. Tapos na ang maliligayang araw ko. Ano na ang gagawin ko tungkol sa kawalan ko ng tagumpay? Mahal na mahal ko ang diyos, at mahal ko talaga ang iglesia at ang sambahayan ng diyos, kaya bakit hindi ako nakaranas ng tagumpay? Balewala nang manampalataya sa diyos. Gusto ko talaga sanang matupad ang mga engrande kong plano rito sa sambahayan ng diyos, magamit ang enerhiya at lakas ko, pero hindi ako inilalagay ng diyos sa mahahalagang posisyon o hindi niya ako nakikita. Balewala lang din.” Ano ang ibig nilang sabihin sa laging pag-iingay tungkol sa pagiging balewala nito? Ibig nilang sabihin, wala nang kabuluhang gawin nila ang kanilang tungkulin, hangarin ang pagbabago sa disposisyon, makinig sa katotohanan at makinig sa mga sermon, magbasa ng mga salita ng Diyos, at hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung gayon, ano ang may kabuluhang gawin para sa kanila? Ang magkaroon ng opisyal na posisyon, ang magtamo ng mga pagpapala, ang matupad ang kanilang hangarin at ambisyong pagpalain, ang magpakitang-gilas sa bawat pagkakataon, ang hangaan at maging tanyag. Para sa kanila, wala nang kabuluhan ang anupamang bagay. Kapag pakiramdam nila ay wala nang kabuluhan ang isang bagay, kapag nasisiraan na sila ng loob, kusa na silang lalapit sa may pinto. Gusto na nilang umalis sa sambahayan ng Diyos, at umatras. Ibig sabihin nito ay nasa panganib sila. May ilang tao na gumaganap ng tungkulin, partikular na ang mga gumaganap ng pangkaraniwang tungkulin na nagiging dahilan para madalas silang makipag-ugnayan sa mga walang pananampalataya, at ang ilan sa mga miyembro ng grupong ito ay may isang paa sa loob at isang paa na nasa labas. Ano ang ibig sabihin noon? Ibig sabihin nito ay maaaring umatras ang mga taong ito anumang oras, at kung guguho ang huli nilang depensa, tiyak na hahakbang ang kabila nilang paa palabas, at lubusan silang kakawala sa sambahayan ng Diyos at ganap na iiwan ang iglesia. Pagdating sa pagbabago sa kanilang mga tungkulin, ang mga bagay tulad ng kung saan sila ililipat, kung anong tungkulin ang gagawin nila, kung makakatugon ba ang tungkulin sa personal nilang mga pagnanais, kung makakatulong ba ito para igalang sila, at kung ano ang posisyon at ranggo ng bagong tungkulin nila, ay iniuugnay lahat ng mga taong ito sa layunin at pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala. Batay sa saloobin at pananaw na kinikimkim ng mga anticristo patungkol sa pagbabago sa kanilang mga tungkulin, nasaan ang problema nila? Malaking problema ba ito o hindi? (Oo, malaking problema ito.) Ano ang problema? (Iniuugnay nila sa kanilang katayuan sa iglesia ang normal na pagbabago sa mga tungkulin nila at kung maaari ba silang magtamo ng mga pagpapala o hindi. Kapag nabago ang kanilang mga tungkulin, sa halip na tanggapin at sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, iniisip nilang nawawala ang katayuan nila at na hindi na sila maaaring magtamo ng mga pagpapala, at pagkatapos, nararamdaman nilang wala nang kabuluhang manampalataya sa Diyos at gusto na nilang umalis sa sambahayan ng Diyos.) Ang pinakamalaki nilang pagkakamali rito ay ang iugnay ang pagbabago ng kanilang mga tungkulin sa pagtatamo ng mga pagpapala. Ito ang pinakahuling bagay na dapat nilang ginawa. Ang totoo, wala naman talagang kaugnayan sa pagitan ng dalawang ito, pero dahil puno ng pagnanais na magtamo ng mga pagpapala ang puso ng mga anticristo, kahit ano pang tungkulin ang gawin nila, iuugnay nila ito sa kung maaari ba silang magtamo ng mga pagpapala o hindi, na nangangahulugang imposible para sa kanilang gawin ang isang tungkulin nang maayos, at maaari lamang silang mabunyag at matiwalag. Lumilikha lang sila ng mga problema para sa sarili nila at inilalagay nila ang kanilang sarili sa isang landas na patungo sa kapahamakan.
Paano mo ba dapat tratuhin ang usapin ukol sa pagganap mo sa iyong tungkulin? Dapat magkaroon ka ng tamang saloobin, na siyang kinakailangan muna para magampanan mo nang maayos ang tungkulin mo. Ang tungkuling nararapat sa iyo ay dapat batay sa sarili mong mga kalakasan. Kapag minsan ay hindi ka magaling sa tungkuling isinaayos ng iglesia para sa iyo o hindi iyon isang bagay na nais mong gawin, maaari mong ipaalam ang isyu at lutasin iyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap. Ngunit kung nagagampanan mo ang tungkulin, at isang tungkulin iyon na dapat mong gampanan, at ayaw mong gawin iyon dahil lang sa natatakot kang magdusa, may problema sa iyo. Kung handa kang sumunod at kaya mong maghimagsik laban sa iyong laman, masasabi na medyo makatwiran ka. Gayunman, kung lagi mong sinusubukang kalkulahin kung aling mga tungkulin ang mas kagalang-galang, at ipinalalagay mo na ang ilang tungkulin ay magiging dahilan para hamakin ka ng iba, patunay ito na mayroon kang tiwaling disposisyon. Bakit masyado kang may kinikilingan sa iyong pagkaunawa sa mga tungkulin? Magagampanan mo kaya nang maayos ang isang tungkulin kung pipiliin mo iyon batay sa sarili mong mga ideya? Hindi naman talaga totoo iyon. Ang pinakamahalaga rito ay ang paglutas sa iyong tiwaling disposisyon, at kung hindi mo gagawin iyon, hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, kahit nasisiyahan ka roon. Ang ilang tao ay ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang walang mga prinsipyo, at ang pagganap nila sa kanilang tungkulin ay palaging batay sa sarili nilang mga kagustuhan, kaya hindi nila nalulutas kailanman ang mga paghihirap, palagi nilang iniraraos lang ang bawat tungkuling ginagampanan nila, at sa huli ay itinitiwalag sila. Maliligtas ba ang ganitong mga tao? Dapat mong piliin ang tungkuling nababagay sa iyo, gampanan ito nang maayos, at magawang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga tiwali mong disposisyon. At saka ka lang makakapasok sa katotohanang realidad. Kung lagi kang naghahangad ng kaginhawaang panlaman at hangad mong magmukhang mabuti sa iyong tungkulin, hindi mo magagampanan nang maayos ang tungkulin mo. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang anumang tungkulin, kakailanganin kang itiwalag. Hindi nasisiyahan ang ilang tao kahit ano pa mang tungkulin ang ginagampanan nila, lagi nilang tinitingnan na pansamantala ang mga tungkulin nila, pabaya sila, at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila. Bunga nito, ginagampanan nila ang mga tungkulin nila sa loob ng ilang taon nang walang natatamong anumang buhay pagpasok. Nagiging mga trabahador sila at natitiwalag sila. Hindi ba’t sila ang may gawa nito sa sarili nila? Ang masasamang tao at mga anticristo ay hindi kailanman nagkakaroon ng tamang saloobin sa kanilang mga tungkulin. Ano ang iniisip nila kapag inililipat sila? “Palagay mo ba isa lang akong tagapagserbisyo? Kapag ginagamit mo ako, pinagseserbisyo mo ako sa iyo, at kapag tapos ka na sa akin, basta mo na lang akong papaalisin. Aba, hindi ako magseserbisyo nang ganoon! Gusto kong maging lider o manggagawa, dahil iyon lamang ang kagalang-galang na trabaho rito. Kung hindi mo ako hahayaang maging lider o manggagawa at gusto mo pa rin akong magpakapagod, kalimutan mo na lang iyon!” Anong klaseng saloobin ito? Nagpapasakop ba sila? Sa anong batayan nila hinaharap ang paglilipat sa kanilang tungkulin? Sa batayan ng pagkamainitin ng ulo, ng sarili nilang mga ideya, at ng tiwaling disposisyon nila, tama ba? At ano ang mga kahihinatnan ng pagharap dito sa ganitong paraan? Una sa lahat, magagawa ba nilang maging tapat at taos sa susunod nilang tungkulin? Hindi, hindi nila magagawa. Magkakaroon ba sila ng positibong saloobin? Anong uri ang magiging kalagayan nila? (Isang kalagayan ng pagkasira ng loob.) Ano ang diwa ng pagkasira ng loob? Ito ay pagsalungat. At ano ang pinakahuling resulta ng isang kaloobang mapanalungat at nasisiraan ng loob? Magagawa ba ng isang taong nakakaramdam nang ganoon ang tungkulin niya nang maayos? (Hindi.) Kung palaging negatibo at mapanalungat ang isang tao, akma ba siyang gumawa ng isang tungkulin? Anumang tungkulin ang gawin niya, hindi niya iyon magagawa nang maayos. Paulit-ulit lang ang sitwasyong ito, at hindi magiging maganda ang kalalabasan. Bakit ganoon? Ang gayong mga tao ay wala sa mabuting landas; hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi sila mapagpasakop, at hindi nila maunawaan nang maayos ang saloobin at pakikitungo sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Problema ito, hindi ba? Ganap na angkop na pagbabago iyon sa tungkulin, ngunit sinasabi ng mga anticristo na ginagawa iyon para pahirapan sila, na hindi sila tinatratong tao, na ang sambahayan ng Diyos ay walang pagmamahal, na tinatrato silang parang makina, tinatawag kapag kailangan sila, pagkatapos ay isinasantabi kapag hindi. Hindi ba’t isa iyong baluktot na argumento? May konsensiya o katwiran ba ang isang taong nagsasabi ng gayong bagay? Wala siyang pagkatao! Binabaluktot niya ang isang ganap na maayos na bagay; binabaluktot niya ang isang ganap na angkop na pagsasagawa at ginagawang isang bagay na negatibo—hindi ba’t kabuktutan ito ng isang anticristo? Mauunawaan ba ng isang taong ganito kabuktot ang katotohanan? Talagang hindi. Problema ito ng isang anticristo; anumang nangyayari sa kanya, iisipin niya ito sa isang baluktot na paraan. Bakit siya nag-iisip sa baluktot na paraan? Dahil napakabuktot ng kalikasang diwa niya. Una sa lahat, ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay buktot, na sinusundan ng kanyang kabangisan, at ang mga ito ang kanyang mga pangunahing katangian. Ang likas na kabuktutan ng mga anticristo ay humahadlang sa kanilang maunawaan nang tama ang anumang bagay, at sa halip ay binabaluktot nila at namamali ang pakahulugan nila sa lahat ng bagay, nagmamalabis sila, gumagawa ng walang saysay na pagtutol, at hindi nila maasikaso nang maayos ang mga bagay-bagay o mahanap ang katotohanan. Sunod, aktibo nilang nilalabanan ang mga bagay-bagay at naghahangad na maghiganti, nagpapakalat pa nga ng mga kuru-kuro at naglalabas ng pagiging negatibo, na inuudyukan at hinihikayat ang iba na guluhin ang gawain ng iglesia. Lihim silang nagpapakalat sa paligid ng ilang reklamo, nanghuhusga kung paano tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang mga tao, hinuhusgahan ang ilan sa mga tuntuning administratibo nito, kung paano ginagawa ng ilang lider ang mga bagay-bagay, at kinokondena ang mga lider na ito. Anong uri ng disposisyon ito? Kalupitan ito. Hindi lang mga palaban at suwail ang mga anticristo, nanghihikayat pa sila ng mas marami pang tao para maging suwail kasama nila, para pumanig at palakpakan sila. Ganoon ang kalikasang diwa ng isang anticristo. Ni hindi nila kayang harapin nang tama ang simpleng pagbabago sa tungkulin nila, o makatwirang tanggapin at magpasakop dito. Sa halip, lumilikha sila ng alingasngas at nagbibigay ng iba’t ibang pagdadahilan para sa kanilang sarili, ang ilan dito ay hindi angkop at nag-uudyok ng pagkamuhi at pagkasuklam sa iba. Pagkatapos magpakalat ng ilang maling paniniwala at erehiya, susubukan ng mga anticristong isalba ang sitwasyon para sa sarili nila at papaniwalain ang mga tao sa kanila. Kung hindi magtatagumpay ang mga hakbang na ito, magagawa ba ng mga anticristo na magbalik-loob? Kung hindi nila kayang tahakin ang landas na ito, magagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Magtataglay ba sila ng anumang kalooban na magsisi? Siguradong hindi. Sasabihin nila, “Kung pipigilan mo akong magtamo ng mga pagpapala, pipigilan ko kayong lahat para huwag din magtamo ng mga ito! Kung hindi ako makakakuha ng mga pagpapala, titigil na ako sa pananampalataya!” Nagsalita na Ako noon tungkol sa kung paanong wala talagang katwiran ang mga anticristo; ang kalikasang diwa sa likod ng kawalang-katwirang ito ay dahil sobrang buktot at lupit ng mga taong ito. Ang aytem na pinagbabahaginan natin ngayon ay tungkol sa mga pagpapamalas at pagbubunyag na nagpapakita nang husto sa kalikasang diwa na ito, at ito ang pinakakapani-paniwalang katibayan ng kalikasang diwa na ito. Nagagalit ang ilan sa mga taong ito kung binago ang tungkulin nila kahit minsan, at hindi magawa nang maayos ng ilan sa kanila ang alinman sa mga ito kahit matapos ilipat nang ilang beses, at makalipat mula sa isang tungkulin patungo sa isa pa, at iniisip tuloy nila sa huli na wala na silang pag-asang magtamo ng mga pagpapala, at gusto na nilang umatras. Sa madaling salita, kahit gaano pa baguhin ang mga tungkulin nila, kung may maganap na anumang pagbabago, susuriin, hahatulan, at pag-iisipang mabuti ng mga taong ito ang mga pagbabagong ito sa kanilang puso, at matatahimik lang sila kung malalaman nilang walang kaugnayan ang mga pagbabagong ito sa pagtatamo nila ng mga pagpapala. Sa sandaling malaman nilang may kahit bahagya mang kaugnayan ang mga pagbabagong ito sa pagtatamo nila ng mga pagpapala, o hindi kaya ay maaapektuhan nito ang pag-asa nilang magtamo ng mga pagpapala, aalma kaagad sila, at ilalantad ang kanilang kalikasang diwa. Kung mabigo sila sa pag-aalsang ito, at sila ay malantad at matakwil, maghahanda sila ng kaukulang mga plano para sa sarili nila, at iiwan nila ang sambahayan ng Diyos nang walang pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip, hindi na sila mananampalataya pang may Diyos, at hindi na kikilalaning nananampalataya sila sa Diyos. Magbabago kaagad ang pang-araw-araw nilang mga buhay, at maglalaho sa kanila ang lahat ng wangis ng isang mananampalataya sa Diyos. Babalik na kaagad sila sa pag-inom, paninigarilyo, pagsusuot ng mga kakaibang damit at paglalagay ng makakapal na makeup at pagsusuot ng mga eleganteng damit. Dahil hindi nila nagawang magpakasaya sa mga bagay na ito bilang isang mananampalataya sa Diyos, magmamadali silang bawiin ang panahong nawala sa kanila. Kapag napag-isip-isip nilang umatras, iisipin na kaagad nila ang susunod nilang hakbang, kung paano sila makapagtatrabahong mabuti sa mundo para umasenso, makahanap ng lugar para sa sarili nila, at makapamuhay ng isang magandang buhay, maging kung saan naroroon ang malulusutan nila. Makakahanap sila kalaunan ng malulusutan para sa sarili nila, makakahanap ng lugar para sa kanilang sarili sa gitna ng masasamang kalakarang ito at sa masamang mundong ito, at matutukoy nila kung ano ang gagawin nila, negosyo man ito, pulitika, o iba pang uri ng pagkakaabalahan, na mas ikauunlad ng buhay nila kaysa sa iba, makapagbibigay sa kanila ng kaligayahan at kagalakan para sa natitirang panahon nila sa lupa, mas makapagpapaginhawa sa kanilang laman, makapagpapasiya nang husto sa buhay nila, at makapagbibigay sa kanila ng pagkakataong makibahagi sa paglilibang at pagliliwaliw.
Kapag pinupungusan ang isang anticristo, at kapag binabago ang tungkulin niya, ang iniisip niya ay ang tumanggap ng mga pagpapalang may malaking kaugnayan sa kanya. Kapag naiisip niyang wala na siyang natitirang pag-asa para doon, gugustuhin na niyang umatras, maglakad papalayo mula sa sambahayan ng Diyos, at gusto na niyang bumalik sa buhay ng isang walang pananampalataya. Batay rito, maliwanag na labis na mahalaga ang kalikasang diwa ng isang tao, kaya hindi ba’t lubos na mahalaga rin ang mga paghahangad at pagpapasya nila? Pagkakaiba lang ito ng isang kaisipan: Isang tamang desisyon, at maaaring mauwi kang patuloy na tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos, samantalang isang maling pasya naman ay maaaring gawin kang isang walang pananampalataya sa isang iglap, gawin kang isang taong walang kaugnayan sa sambahayan ng Diyos, sa gawain ng Diyos, o sa kanyang tungkulin. Isang kaisipan lang, isang sandali o isang maliit na bagay ay maaaring ganap na makapagpabago sa kapalaran ng isang tao. Ang isang kaswal na pasya, isang kaswal at munting kaisipan o isang simpleng perspektiba ay maaaring makapagpabago sa tadhana ng isang tao, at kaya nitong tukuyin kung saan siya hahantong sa susunod na pagkakataon. Kapag walang nasagupang anumang uri ng isyu ang mga tao, kapag wala silang hinarap na anumang desisyon, pakiramdam nila ay nauunawaan na nila ang maraming bagay, may taglay na silang tayog, at kaya na nilang tumayo nang matatag. Pero, kapag humarap ka sa isang desisyon, isang matinding prinsipyo, o isang malaking isyu, kung ano talaga ang piliin mo, kung ano ang saloobin mo patungkol sa Diyos, at kung ano ang perspektiba at saloobin mo patungkol sa naturang bagay, ang mga ito ang tutukoy sa tadhana mo at kung mananatili ka ba o aalis. Ang mga karaniwang ipinapasya ng mga anticristo, at ang mga pinakamalalim nilang personal na ninanais sa puso nila, ay kontrang lahat sa katotohanan; walang pagpapasakop na nakapaloob sa mga bagay na ito, pawang pagsalungat, walang katotohanan o pagkatao, tanging mga tiwaling disposisyon ng tao, at mga maling paniniwala at erehiya ng mga tao. Madalas na magiging dahilan ang mga ito para lumitaw ang mga kaisipang gaya ng pag-alis sa sambahayan ng Diyos at paglusong sa masasamang kalakaran, at maaaring maging dahilan anumang sandali para isipin nilang, “Kung wala akong pag-asang pagpalain, bakit hindi na lang ako umalis sa sambahayan ng diyos? Kung ganoon, hindi na ako patuloy na mananampalataya o gaganap sa tungkulin ko. Kung ganito ako tinatrato ng sambahayan ng diyos, hindi ko na kikilalanin pa ang diyos.” Ang mga ganitong uri ng labis na mapaghimagsik na mga kaisipan, ang mga erehiya at maling paniniwalang ito, ang mga buktot na ideya, ay madalas na nariyan at nananatili sa puso ng isang anticristo. Ito ang dahilan kung bakit kahit pa hindi siya umatras sa kalagitnaan ng pagsunod niya sa Diyos, napakahirap para sa kanya na tahakin ang landas hanggang sa pinakadulo, at ang karamihan sa kanila ay paaalisin at patatalsikin mula sa iglesia dahil sa matinding kasamaang ginawa nila at sa paggambala at panggugulong idinulot nila. Kahit na pilitin pa nila ang kanilang sarili na kumapit hanggang sa huli, ang totoo, makikita naman natin mula sa kalikasang diwa ng mga anticristo na hindi maiiwasan na aatras sila mula sa iglesia. Maaaring isipin pa nga nila sa kaibuturan nila, “Hinding-hindi ko maiiwan ang sambahayan ng diyos. Kahit na may ganoon pa akong mga naiisip, hindi ko kayang umalis. Mananatili ako rito kahit hanggang sa kamatayan ko. Hindi ako bibitiw sa sambahayan ng diyos; susunod ako sa diyos hanggang sa huli.” Kahit gaano pa sila udyukan ng personal nilang kalooban na huwag umalis sa sambahayan ng Diyos, at kahit gaano pa nila ipagpilitang dapat silang manatili sa personal nilang kalooban, sadyang kapalaran na nila sa huli na itaboy ng Diyos, at kusang-loob na iwan ang sambahayan ng Diyos, dahil tutol sila sa katotohanan at buktot sila sa kanilang kaibuturan.
III. Pagharap ng mga Anticristo sa Pagpapaalis sa Kanila
Katatapos lang nating magbahaginan sa dalawa sa mga pagpapamalas ng mga anticristo, ang isa ay kapag nahaharap sila sa pagpupungos, at ang isa naman ay kapag may mga pagbabagong ginagawa sa kanilang tungkulin. Ang naging pokus ng ating pagbabahaginan ay tungkol sa kung anong saloobin ang mayroon ang mga anticristo kapag nangyayari sa kanila ang gayong mga bagay, at kung ano ang mga nagiging desisyon nila. Siyempre, kahit ano pa ang perspektiba at saloobin ng isang anticristo kapag pinupungusan siya o kapag binabago ang kanyang mga tungkulin, palagi niyang iniuugnay ang mga bagay na ito kung makakatanggap ba siya ng mga pagpapala o hindi. Kung sigurado siyang hindi siya pagpapalain, na wala talaga siyang pag-asa, kusa na siyang aatras. Sa isang karaniwang tao, sa isang taong walang anumang ambisyon o pagnanais, hindi naman talaga isang malaking isyu para sa kanya ang pagpupungos o ang pagbabago ng kanyang tungkulin. Wala sa mga ito ang magkakaroon ng malaking epekto sa kanya. Hindi naman siya inalisan ng karapatang gumawa ng tungkulin, ni hindi inalis ang pag-asa niyang maligtas, kaya para sa isang karaniwang tao, hindi na kailangang magkaroon ng labis na reaksyon, matakot o masaktan, o magsimulang gumawa ng mga alternatibong plano. Gayumpaman, hindi ganito ang lagay para sa isang anticristo. Tinitingnan niyang isang napakaseryosong bagay ang mga ito, dahil iniuugnay niya ang mga ito sa pagiging pinagpala, at nagiging dahilan ito para magkaroon ng iba’t ibang mapaghimagsik na kaisipan at pag-uugali sa kanya, na dahilan naman para magkaroon ng mga ideya at planong pag-atras, at iwan ang Diyos. Maaari pa ngang magkaroon ang mga anticristo ng ideyang umatras kapag nangyayari sa kanila ang mga ganitong bagay, na labis na pangkaraniwan. Kaya, para sa isang taong may katayuan at responsable sa mahalagang gawain sa sambahayan ng Diyos, anong uri ng saloobin kaya ang mayroon siya kapag tatanggalin siya? Paano kaya niya ito haharapin, at ano kayang desisyon ang gagawin niya? Lalo pa ngang magsisilbing halimbawa ang gayong mga bagay. Para sa isang anticristo, katayuan, kapangyarihan, at katanyagan ang pinakamahahalagang uri ng mga interes, at ang mga bagay na itinutumbas niya sa sarili niyang buhay. Ito ang dahilan kung bakit, kapag tinanggal ang isang anticristo, kapag nawala na ang titulo niyang “lider” at wala na siyang katayuan, na nangangahulugang wala na siyang kapangyarihan at katanyagan, na hindi na siya makakatanggap ng espesyal na pagtrato ng paggalang, pagsuporta, at pagtingala, bilang isang anticristo na tinitingnan ang katayuan at kapangyarihan bilang buhay mismo, lubos itong hindi katanggap-tanggap sa kanya. Kapag natanggal ang isang anticristo, ang unang reaksiyon niya ay para siyang tinamaan ng kidlat, na para bang binagsakan siya ng langit, at gumuho ang kanyang mundo. Ang bagay na napaglagakan niya ng kanyang pag-asa ay wala na, gayundin ang pagkakataon niyang makapamuhay na mayroon ng lahat ng pakinabang ng katayuan, kasama na ang pagnanais na mag-amok at gumawa ng masasamang bagay. Ito ang pinaka hindi katanggap-tanggap para sa kanya. Ang unang nasa isip niya ay, “Ngayong wala na akong katayuan, ano na ang magiging tingin sa akin ng mga tao? Ano na ang iisipin ng mga kababayan kong kapatid tungkol sa akin? Ano na ang magiging tingin sa akin ng lahat ng nakakakilala sa akin? Magsisipsip pa rin ba sila sa akin para makakuha ng pabor? Magiging napakagiliw ba nila sa akin? Patuloy pa ba nila akong susuportahan sa lahat ng pagkakataon? Susunod pa rin ba sila sa akin kahit saan? Aasikasuhin pa rin ba nila ang lahat ng bagay na kailangan ko sa buhay ko? Kapag nakikipag-usap ako sa kanila, magiging magalang pa rin ba sila sa akin at sasalubungin ako nang may ngiti? Paano ako makakaraos sa buhay nang wala ang katayuan ko? Paano ko tatahakin ang susunod na landas? Paano ako makakatayo para sa sarili ko sa gitna ng ibang tao? Ngayong nawala na ang katayuan ko, hindi ba’t ibig sabihin nito ay nabawasan na rin ang pag-asang pagpalain ako? Makakatanggap ba ako ng mga dakilang pagpapala? Makakakuha ba ako ng anumang malaking gantimpala, o isang malaking korona?” Kapag naiisip niyang nawasak na ang pag-asa niyang pagpalain o na nabawasan na ito nang husto, para bang sasabog na ang ulo niya, para bang pinupukpok ng martilyo ang kanyang puso, at kasingsakit ito ng mahiwa ng kutsilyo. Kapag mawawala na ang kanyang pagpapalang makapasok sa kaharian ng langit na araw-gabi niyang pinakaasam-asam, para itong isang napakasamang balita sa kanya na bigla na lang lumitaw mula sa kung saan. Sa isang anticristo, ang hindi pagkakaroon ng anumang katayuan ay katumbas lang ng hindi pagkakaroon ng anumang pag-asang pagpalain, at siya ay nagiging parang isang naglalakad na bangkay, nagiging parang isang walang-lamang kabibe ang katawan niya, walang kaluluwa, at walang kahit ano na gagabay sa buhay niya. Wala siyang pag-asa at wala siyang anumang aasahan sa buhay. Kapag nahaharap sa paglalantad at pagtatanggal ang isang anticristo, ang unang bagay na nangyayari sa kanya ay ang mawalan ng anumang pag-asang pagpalain. Kaya, susuko na lang ba siya sa puntong ito? Papayag kaya siyang magpasakop? Gagamitin kaya niya ang pagkakataong ito para talikuran ang pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala, bitiwan ang katayuan, pumayag na maging isang karaniwang tagasunod, at buong galak na magtrabaho para sa Diyos at gumawa ng kanyang tungkulin nang maayos? (Hindi.) Ito kaya ang magiging daan para magbago siya? Magiging daan kaya ito para mapabuti siya at maging positibo, o makapagpapasama at makapagpapanegatibo ito sa kanya? Batay sa kalikasang diwa ng isang anticristo, maliwanag na ang pagkakatanggal ay hindi talaga simula ng pagbitiw niya sa pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala, o ang simula ng pagmamahal at paghahanap niya sa katotohanan. Sa halip, lalo pa siyang magsisikap na lumaban para sa pagkakataon at sa pag-asang pagpalain; kakapit siya sa anumang pagkakataong makapagbibigay sa kanya ng mga pagpapala, na makakatulong sa kanya para paghandaan ang kanyang pagbabalik, at makakapanumbalik sa kanyang katayuan. Kaya, kapag nahaharap sa pagkatanggal, bukod sa masama ang loob niya, dismayado, at mapanlaban, makikipagbaka rin nang husto ang isang anticristo para hindi siya tanggalin, at sisikapin niyang baligtarin ang sitwasyon, at baguhin ito. Magpupunyagi siya nang husto para mapanatili ang kanyang pag-asang pagpalain, at para panatilihin ang kanyang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan sa ganoon ding kalagayan. Paano siya nagpupunyagi? Sa pamamagitan ng pagtatanggol sa sarili niya, sa pamamagitan ng pangangatwiran, pagdadahilan, at pagsasabi tungkol sa kung paano niya ginawa ang mga bagay na ginawa niya, kung ano ang dahilan kung bakit siya nagkamali, kung paanong nagpupuyat siya buong magdamag para tulungan ang iba at makipagbahaginan sa kanila, at kung ano ang naging dahilan at nakapagpabaya siya sa bagay na ito. Lilinawin at ipapaliwanag niya nang husto ang bawat bahagi tungkol sa bagay na ito, nang sa gayon ay maisalba niya ang sitwasyon at matakasan ang kamalasan na matanggal.
Sa anong mga konteksto at bagay pinakamalamang na maibulgar at maibunyag ng mga anticristo ang satanikong kalikasan nila? Ito ay kapag inilalantad at tinatanggal sila, sa madaling sabi, kapag nawalan na sila ng katayuan. Ang pangunahing pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo ay na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para mapawalang-sala ang kanilang sarili at makapanlansi. Kahit gaano mo pa ibahagi ang katotohanan sa kanila, lumalaban sila, at ayaw nilang tanggapin ang mga sinasabi mo. Kapag nahaharap sila sa pagsisiwalat ng hinirang na mga tao ng Diyos ng lahat ng katunayan ng kanilang kasamaan, hinding-hindi nila inaamin ang mga bagay na ito, sa takot na kung aamin sila mapapatunayang nagkasala sila, at mapapaalis at mapapatalsik sila. Habang tumatanggi silang aminin ang mga paratang laban sa kanila, ipinapasa pa nila ang mga pagkakamali at responsabilidad nila sa ibang tao. Sapat nang ipinapakita ng katunayang ito na hindi kailanman tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi nila kinikilala ang kanilang mga pagkakamali, o tunay na nakikilala ang kanilang sarili, at pinatutunayan lalo nito na mapagmataas at mapagmagaling ang kanilang kalikasan, na tutol ito sa katotohanan, namumuhi sa katotohanan, at hindi talaga nito tinatanggap ang katotohanan sa anupamang paraan, at kaya naman imposible na silang maligtas. Ang mga may kakaunting pagkatao at kaunting katwiran ay maaamin at matatanggap ang sarili nilang mga pagkakamali, iyuyuko ang kanilang ulo kapag nakompronta ng mga katunayan, at makakaramdam ng pagsisisi dahil sa masasamang bagay na nagawa nila; pero, hindi kayang gawin ng mga anticristo ang mga bagay na ito. Ipinapakita nito na walang taglay na kahit anong konsensiya o katwiran ang mga anticristo, at wala talaga silang pagkatao. Sa puso nila, itinutumbas lagi ng mga anticristo ang taas o baba ng katayuan nila sa kung gaano kalaki o kaliit ang magiging mga pagpapala nila. Sa sambahayan ng Diyos man ito o sa anupamang grupo, nakatakda na ang katayuan at klase ng mga tao para sa kanila, gayundin ang kanilang mga kahihinatnan; kung gaano kataas ang katayuan ng isang tao at kung gaanong kapangyarihan ang hawak ng taong ito sa loob ng sambahayan ng Diyos sa buhay na ito, katumbas ito ng dami ng mga pagpapala, gantimpala, at korona na matatanggap ng taong ito sa mundong darating—magkakaugnay ang mga bagay na ito. May katotohanan ba ang pananaw na iyon? Hindi ito kailanman sinabi ng Diyos, ni hindi Niya kailanman ipinangako ang anumang gaya niyon, pero ito ang uri ng pag-iisip na umuusbong sa kaibuturan ng isang anticristo. Sa ngayon, hindi na muna natin tatalakayin ang mga dahilan kung bakit may ganoong mga kaisipan ang mga anticristo. Pero pagdating sa kalikasang diwa nila, ipinanganak na silang mahilig sa katayuan, at umaasa rin silang magkakaroon sila ng marangal na katayuan at mataas na karangalan sa buhay na ito, na makahawak sila ng kapangyarihan, at gusto nilang patuloy na tamasahin ang lahat ng ito sa buhay na darating. Kaya, paano nila makakamit ang lahat ng ito? Sa isip ng mga anticristo, makakamit nila ito sa pamamagitan ng paggawa ng ilang bagay na kaya nilang gawin at ng mga bagay na gusto at hilig nilang gawin habang may katayuan, kapangyarihan, at katanyagan sila sa buhay na ito, at pagkatapos, ipapapalit nila ang mga bagay na ito para sa mga pagpapala, korona, at gantimpala sa hinaharap. Ito ang pilosopiya ng mga anticristo para sa mga makamundong pakikitungo, at ganito ang paraan nila ng pananalig sa Diyos at ito ang perspektibang pinanghahawakan nila sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ganap na walang kinalaman sa mga salita at pangako ng Diyos ang kanilang mga kaisipan, pananaw, at ang paraan kung paano sila nananalig sa Diyos—wala talagang kaugnayan ang mga ito sa isa’t isa. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t medyo may sira sa ulo ang mga anticristong ito? Hindi ba’t sobrang buktot nila? Binabalewala at ayaw nilang tanggapin ang anumang sinasabi ng mga salita ng Diyos, inaakala nilang tama ang paraan kung paano sila mag-isip at ang paraan kung paano sila manalig sa Diyos, at ikinatutuwa nila ito, nasisiyahan at hinahangaan ang sarili nila. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, ni hindi nila sinusuri ang mga salita ng Diyos para tingnan kung may sinasabi nga ba itong ganoong mga bagay o may binibitiwang ganoong mga pangako. Binabalewala ng mga anticristo na likas silang mas matalino kaysa sa ibang tao, likas na marunong, talentado, at may napaka-espesyal na kaloob; pakiramdam nila ay sila dapat ang namumukod-tanging tao sa kalipunan ng ibang tao, na sila dapat ang boss, na dapat silang tingalain ng iba, na dapat silang magkaroon ng kapangyarihan, na dapat silang maghari sa iba, na para bang sila dapat ang mamahala sa lahat ng mananampalataya sa Diyos, at sila dapat ang manguna sa lahat ng tao. Ang lahat ng bagay na ito ang gusto nilang makamit sa buhay na ito. Gusto rin nilang makamit ang mga pagpapalang hindi kayang kamtin ng ibang tao sa mundong darating, at itinuturing nila itong isang natural na bagay. Ang magkaroon ang mga anticristo ng gayong mga kaisipan at pananaw, hindi ba’t nagmumukha silang napakawalang-kahihiyan dahil dito? Hindi ba’t may pagkabingi sila sa katwiran? Sa anong dahilan at ganito ka mag-isip? Sa anong dahilan at gusto mong makuha ang mataas na pagpapahalaga ng iba? Sa anong dahilan at gusto mong pamahalaan ang iba? Sa anong dahilan at gusto mong magkaroon ng kapangyarihan at malagay sa isang mataas na posisyon sa gitna ng mga tao? Itinakda na ba ng Diyos noong una pa lang ang mga bagay na ito, o taglay mo ba ang katotohanan at ang pagkatao? Kwalipikado ka bang igiit ang iyong katayuan at pamunuan ang iba dahil lang sa may kaunti kang pinag-aralan at kaalaman, at dahil medyo matangkad ka at may hitsura ka? Kwalipikado ka na bang magbigay ng mga utos dahil doon? Kwalipikado ka na bang kontrolin ang ibang tao dahil doon? Saan naroroon sa mga salita ng Diyos na sinasabi Niyang, “Kaakit-akit ka, nagtataglay ka ng mga kalakasan at kaloob, kaya naman dapat mong pamunuan ang ibang tao at dapat kang magkaroon ng permanenteng katayuan”? Ibinigay ba sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang ito? Itinadhana ba ito ng Diyos? Hindi. Kapag pinipili ka ng mga kapatid na maging lider o manggagawa, binibigyan ka ba nila ng katayuan? Isa ba itong pagpapala na nararapat sa iyo sa buhay na ito? Binibigyang pakahulugan ng ilang tao na ang pagtatamasa sa mga bagay ng ito ay katumbas ng pagtanggap ng makaisandaang higit sa buhay na ito, at iniisip nila na hangga’t may katayuan at kapangyarihan sila, at kaya nilang mag-utos at mamahala ng maraming tao, dapat silang mapaligiran ng grupo ng mga tagasunod, at dapat lagi silang may mga taong magsisilbi at lumiligid sa kanila saan man sila magpunta. Sa anong dahilan at gusto mong magtamasa ng mga bagay na ito? Pinipili ka ng mga kapatid para maging isang lider nang sa gayon ay magawa mo ang tungkuling ito; hindi ito para mailihis mo ang mga tao, bigyan ka ng mataas na pagpapahalaga at tingalain ng mga kapatid, at lalong hindi para makahawak ka ng kapangyarihan at matamasa mo ang mga pakinabang ng katayuan, sa halip, ito ay para magawa mo ang tungkulin mo alinsunod sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga katotohanang prinsipyo. Higit pa rito, hindi itinadhana ng Diyos na ang isang taong pinili ng mga kapatid para maging lider ay hindi puwedeng tanggalin. Sa tingin mo ba ay isa kang tao na kinakasangkapan ng Banal na Espiritu? Sa tingin mo ba ay walang puwedeng magtanggal sa iyo? Kaya anong mali sa pagtatanggal sa iyo? Kung hindi ka napatalsik, ito ay dahil kinaawaan ka at binibigyan ka pa ng pagkakataong magsisi, pero hindi ka pa rin nakuntento. Ano ba ang ikinakatwiran mo? Kung gusto mong umalis at hindi na manalig sa Diyos dahil wala ka nang pag-asang pagpalain, sige umalis ka! Sa tingin mo ba ay hindi makakapagpatuloy ang sambahayan ng Diyos nang wala ka? Na titigil sa pag-ikot ang mundo kung wala ka? Na hindi maisasakatuparan ang gawain ng sambahayan ng Diyos kung wala ka? Mali ang iniisip mo! Hindi titigil ang ikot ng mundo, o ang pagsikat ng araw dahil sa pagkawala ng sinumang tao—tanging ang Diyos ang hindi puwedeng mawala, hindi ang sinumang tao—patuloy na tatakbo ang gawain ng iglesia gaya nang dati. Kung iniisip ng sinuman na hindi makapagpapatuloy ang iglesia kung wala siya, at na hindi kakayanin ng sambahayan ng Diyos kung wala siya, hindi ba’t isa siyang anticristo? Nasanay ka nang tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, hindi ba? Nasanay ka nang nasisiyahan na tinitingala ka, iginagalang nang husto, at masyadong pinupuri ng iba, hindi ba? Paano ka naging kwalipikado na tingalain ng iba? Paano ka naging kwalipikado na batiin ng iba nang may ngiti? Gusto mo rin bang yumukod ang mga tao at sambahin ka? Kung ganoon, hindi ba’t nangangahulugan iyon na wala ka na talagang kahihiyan? Kapag tinatanggal ang ilang tao sa kanilang tungkulin, lalong sumasama ang loob nila at mas nagdurusa pa kaysa sa isang namatayan ng kapamilya. Inuungkat nila ang lahat at nakikipagtalo sila sa sambahayan ng Diyos, na para bang wala nang ibang maaaring manguna sa iglesia, na para bang sila lang ang sumusuporta sa gawain ng iglesia hanggang sa kasalukuyan—isa itong malaking pagkakamali. Ang hindi pagtalikod sa Diyos ng hinirang na mga tao ng Diyos ay isang epektong nakamit ng mga salita ng Diyos, at dumadalo sila sa mga pagtitipon at isinasabuhay nila ang buhay-iglesia dahil nananampalataya sila sa Diyos at mayroon silang tunay na pananalig sa Diyos. Hindi ito ang kaso na naninindigan at karaniwang dumadalo sa mga pagtitipon ang hinirang na mga tao ng Diyos dahil nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan at dinidiligan ang mga ito nang maayos. Napapalitan ang mga lider sa iglesia nang paulit-ulit, maraming huwad na lider at huwad na manggagawa ang tinatanggal, at dumadalo ang hinirang na mga tao ng Diyos sa mga pagtitipon at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos gaya nang dati—wala itong kinalaman sa mga huwad na lider at huwad na manggagawa sa anupamang paraan. Ano ang saysay sa mga pakikipag-argumentong iyon? Hindi ba’t gumagawa ka lang ng mga argumentong kakatwa at magulo? Kung tunay na tinataglay mo ang katotohanang realidad at nalutas mo na ang marami sa mga isyu ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buhay pagpasok, malalaman ito ng hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang puso; kung hindi mo naman tinataglay ang katotohanang realidad at hindi mo kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, kung magkagayon, walang kinalaman sa iyo ang normal na pag-unlad ng gawain ng iglesia. Napakaraming huwad na lider at huwad na manggagawa ang patuloy na nagdadahilan matapos silang matanggal, na para bang napakarami nilang naiambag sa iglesia, samantalang ang totoo niyan, wala naman silang nagawang anumang totoong trabaho, ni hindi nila napanatili ang normal na kaayusan ng buhay-iglesia; kahit wala sila, patuloy na dumadalo nang normal sa mga pagtitipon ang hinirang na mga tao ng Diyos at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin gaya nang dati. Kung hindi mo taglay ang katotohanang realidad at hindi mo kayang gumawa ng anumang totoong trabaho, kung gayon, dapat kang tanggalin para hindi ka na patuloy na makaapekto at makaantala kapwa sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ikaw na huwad na lider at huwad na manggagawa ay hindi gagamitin ng sambahayan ng Diyos—inisip mo bang walang kapangyarihan ang sambahayan ng Diyos na tanggalin ka? Ginulo mo lang ang gawain mo, nakapagdulot ka ng malaking problema at napakalaking kawalan sa gawain ng iglesia, pinag-alala mo nang husto ang Itaas, napakahirap mong gamitin, at nagiging dahilan tuloy ito para makaramdam ang mga tao ng matinding pagkamuhi, pagtutol, at pagkasuklam. Napakahangal, napakamangmang, at napakatigas ng ulo mo, at hindi ka nararapat man lang na pungusan, kaya gusto ka nang sipain palabas ng sambahayan ng Diyos, itiwalag ka kaagad, at nang matapos na ang usapin. Pero gusto mo pa ring bigyan ka ng Itaas ng isa pang pagkakataon para manatiling lider? Di bale na! Pagdating sa mga huwad na lider at anticristo na walang konsensiya at katwiran at gumagawa ng kasamaan at lumilikha ng mga kaguluhan, kapag itiniwalag na sila, habambuhay na silang tiwalag. Kung kaya mong magtrabaho nang maayos, gagamitin ka; kung hindi ka naman maayos magtrabaho at gumagawa ka rin ng kasamaan at lumilikha ng mga kaguluhan, ititiwalag ka kaagad—ito ang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao. Hindi nagpapatalo ang ilang anticristo, at sinasabing, “Tatanggalin mo ako dahil sa hindi ako maayos magtrabaho—bakit hindi mo ako bigyan ng pagkakataong magsisi?” Hindi ba’t baluktot na pangangatwiran ito? Tinatanggal ka dahil nakagawa ka ng matinding kasamaan, at tinatanggal ka lang matapos pungusan nang napakaraming beses at lubos ka pa ring tumatangging magsisi, kaya ano pa bang mga pangangatwiran ang magagawa mo? Naghangad ka ng kasikatan, pakinabang, at katayuan at hindi ka totoong nagtrabaho, hindi umusad ang gawain ng iglesia dahil sa iyo, at tambak ang napakaraming problema at hindi mo inasikaso ang mga ito—gaanong pag-aalala ang idinulot nito sa Itaas nang dahil sa iyo? Habang sinusuportahan ka ng Itaas at tinutulungan ka sa gawain mo, may mga bagay kang ginagawa nang palihim, napakarami mong ginagawa na labag sa mga prinsipyo, mga bagay na hindi dapat makita, habang nakatalikod ang Itaas, ginagastos ayon sa maibigan mo ang mga handog para sa Diyos para bumili ng napakaraming bagay na hindi mo dapat bilhin, na nagdudulot ng matinding pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at nagdadala ng napakatinding sakuna sa gawain ng iglesia! Bakit hindi ka man lang nagsasalita tungkol sa masasamang gawang ito? Kapag gusto ng sambahayan ng Diyos na tanggalin ka, walang kahihiyan mong sinasabi, “Maaari mo ba akong bigyan ng isa pang pagkakataon?” Dapat ka bang bigyan ng sambahayan ng Diyos ng isa pang pagkakataon nang sa gayon ay patuloy kang makapag-amok at gumawa ng masasamang bagay? Wala ka na ba talagang kahihiyan na hilingin sa sambahayan ng Diyos na bigyan ka pa ng isa pang pagkakataon? Maaari ka bang bigyan ng isa pang pagkakataon nang hindi mo man lang nakikilala ang sarili mong kalikasan, lalo na’t wala kang anumang pagsisisi sa puso mo? Walang kahihiyan ang mga taong tulad nito, makapal ang mukha nila, at sila ay masasamang tao at mga anticristo!
Wala man lang matrabaho nang maayos ang ilang lider at manggagawa, at wala pa rin silang anumang matrabaho nang maayos kahit matapos magabayan at matulungan ng Itaas sa loob ng ilang panahon. Ni hindi nila maasikaso nang maayos ang mga pangkaraniwang gawain, at ipinapakita nito na masyado silang kulang sa kakayahan. Dapat ding regular na usisain at inspeksiyonin ng Itaas ang lahat ng aspekto ng gawain at sabihan ang mga kapatid na mag-ulat kaagad ng anumang problema; kailangan din ng Itaas na magsagawa ng mga inspeksiyon, pumatnubay, at makipagbahaginan tungkol sa mga prinsipyong may kinalaman sa lahat ng aspekto ng gawain. Pagkatapos makipagbahaginan ng Itaas tungkol sa mga prinsipyo, may ilang tao pa ring hindi alam kung paano gagawin ang mga bagay-bagay, at hindi nila ito ginagawa nang maayos, at nag-aamok pa nga ang ilan at gumagawa ng masasamang bagay; kahit ano pang gawain ang ginagawa nila, hindi sila kailanman sumasangguni sa Itaas, hindi nila kailanman iniuulat ang anumang problema sa Itaas, sa halip ginagawa lang nila ang mga bagay-bagay nang palihim—anong problema ito? Ano ang kalikasan ng mga taong ito? Mahal ba nila ang katotohanan? Nararapat ba silang linangin? Nararapat pa rin ba silang maging mga lider at manggagawa? Una, hindi sila naghahanap bago nila gawin ang isang bagay; pangalawa, hindi sila gumagawa ng anumang ulat habang ginagawa nila ito; at pangatlo, hindi sila nagbibigay ng feedback matapos gawin ito. Labis na kahiya-hiya silang kumilos at ayaw pa rin nilang tanggalin sila, at hindi sila sumusuko pagkaraan na sila’y tanggalin—hindi ba’t wala nang magagawa pa para sa mga taong ito? Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t wala talagang kahihiyan at bingi sa lahat ng katwiran ang karamihan sa mga taong mahirap nang tulungan? Wala silang magawa nang maayos, at sila ay tamad at nagnanasa ng kaginhawahan; kapag may anuman silang ginagawa, utos lang sila nang utos, at kapag nakapagsalita na sila wala na silang iba pang ginagawa. Hindi nila kailanman pinangangasiwaan, iniinspeksiyon, o sinisiyasat muli ang gawain, nakakaramdam sila ng pagkapoot at hinanakit sa sinumang gumagawa ng ganitong mga bagay, at gusto nilang papagdusahin ang taong iyon—hindi ba’t mga klasikong anticristo ang mga ito? Kawalang-kahihiyan ito ng mga anticristo; hindi nila alam kung ano sila, sadyang kumikilos sila nang walang kahihiyan at gusto pa rin nilang pagpalain sila, gusto pa rin nilang makipagkumpitensiya laban sa sambahayan ng Diyos at sa Itaas para sa superyoridad, at gusto pa rin nilang makipagtalo—hindi ba nila inilalagay ang isang paa nila sa hukay kapag ginagawa nila ito? Kapag tinanggal ang mga basurang gaya nito, nagiging napakamagagalitin at napakasutil nila. Wala talaga silang kahihiyan at wala silang kahit katiting mang katwiran! Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nag-aamok sila at gumagawa ng masasamang bagay at ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, at kapag tinanggal sila, hindi lamang sa tumatanggi silang kilalanin ang sarili nilang mga pagkakamali, ipinapasa rin nila ang responsabilidad sa iba at naghahanap sila ng ibang masisisi, na sinasabing, “Ginawa niya ang bagay na ito, kaya’t hindi lang ako ang responsable sa paggawa ng isang bagay na iyon. Sama-samang pinag-usapan ng lahat ang bagay na iyon at hindi ako ang pasimuno.” Hindi nila inaako ang kahit anong panananagutan, na para bang kapag pinanagutan nila ang isang bagay, makokondena at matitiwalag sila at lubusang mawawala ang pag-asa nilang pagpalain. Samakatuwid, mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa kilalanin ang kanilang mga pagkakamali at aminin na sila ang mismong may-sala, sa halip ay pilit nilang ipinapasa sa iba ang responsabilidad. Kung titingnan ang kanilang mentalidad, lalaban sila sa Diyos hanggang sa pinakahuli! Mga tao ba itong tumatanggap sa katotohanan? Mga tao ba itong tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Ang magawang labanan ang sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan ay nagpapakita na may mali talaga sa kanilang disposisyon. Pagdating sa kung paano nila hinaharap ang kanilang mga pagkakamali, una sa lahat, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at pangalawa, hindi nila pinagninilay-nilayan ang sarili nila; ipinapasa rin nila ang responsabilidad sa iba, at kapag inilarawan sila ng sambahayan ng Diyos sa isang partikular na paraan at tinanggal sila sa kanilang tungkulin, lumalaban sila sa sambahayan ng Diyos, at ipinagkakalat nila ang kanilang mga reklamo at pagkanegatibo saan man sila magpunta, at sinusubukang makuha ang simpatiya ng hinirang na mga tao ng Diyos. Nananalig sila sa Diyos pero sinasalungat naman nila Siya—hindi ba nila inilalagay ang kanilang isang paa sa hukay? Talaga ngang bingi ang mga taong ito sa lahat ng katwiran! Kaya ano naman kung tinanggal sila sa kanilang tungkulin at nawala ang kanilang katayuan? Hindi pa naman sila pinatalsik, at ang karapatan nilang mabuhay ay hindi pa naman inaalis sa kanila; maaari silang magsisi, magsimulang muli, at bumangong muli kung saanman sila nabigo at nadapa. Ni hindi matanggap ng mga anticristo ang gayong kasimpleng bagay—imposible na talagang maligtas ang mga taong ito! Siyempre, kapag natanggal ang ilang anticristo, nag-aatubili silang sumunod sa panlabas, at hindi sila gaanong pinanghihinaan ng loob o nagpapakita ng anumang pagkontra, pero ibig bang sabihin nito ay tinatanggap na nila ang katotohanan at nagpapasakop na sila sa Diyos? Hindi, hindi ganoon. May anticristong disposisyon at diwa ang isang anticristo, at ito ang ipinagkaiba niya sa isang normal na tao. Bagama’t sa panlabas ay wala siyang sinasabi matapos siyang tanggalin, sa puso niya ay patuloy siyang lumalaban. Hindi niya inaamin ang kanyang mga pagkakamali, at gaano man katagal ang panahong lumipas, hindi siya kailanman magkakaroon ng kakayahang tunay na kilalanin ang kanyang sarili. Matagal na itong napatunayan. Mayroon ding isa pang bagay tungkol sa isang anticristo na hindi nagbabago kailanman: Saanman niya ginagawa ang mga bagay-bagay, gusto niyang maging iba, tingalain at pahalagahan ng iba; kahit na wala siyang lehitimong posisyon at titulo bilang lider ng iglesia o lider ng grupo, gusto pa rin niyang makahigit sa iba pagdating sa katayuan at kahalagahan. Kaya man niyang gawin ang gawain, anupamanang uri ng pagkatao o karanasan sa buhay ang mayroon siya, mag-iisip siya ng iba’t ibang kaparaanan at gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para makahanap ng pagkakataon na magpakitang-gilas, makuha ang pabor ng mga tao, makuha ang loob ng iba, at maakit at malihis ang mga tao, para makuha ang kanilang pagpapahalaga. Ano ang gusto ng mga anticristo na hangaan sa kanila ng mga tao? Kahit na tinanggal na sila, iniisip nila na “mas malakas pa rin ang isang nanghihinang oso kaysa sa isang usa,” at na nananatili silang agila na lumilipad sa ibabaw ng mga manok. Hindi ba’t ito ang pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa iba ng mga anticristo, at kung ano ang naiiba sa kanila? Hindi nila makakayang tanggapin sa kanilang sarili na wala silang katayuan, na maging pangkaraniwang mananampalataya at isang ordinaryong taong ginagawa lang ang kanilang tungkulin nang mahusay at sa praktikal na paraan, na nananatili sa kanilang puwesto, na ginagawa nang maayos ang trabaho nila, ipinapakita ang kanilang katapatan at ginagawa ang lahat ng makakaya nila sa gawaing napupunta sa kanila. Hindi sila nasisiyahan sa mga bagay na ito. Ayaw nilang maging ganoong uri ng tao o gawin ang ganoong mga bagay. Ano ang kanilang “pinakamataas na mithiin”? Ang siya ay pahalagahan at tingalain, at humawak ng kapangyarihan. Kaya, kahit wala siyang partikular na titulo sa kanyang pangalan, magsusumikap ang isang anticristo para sa kanyang sarili, magsasalita at mangangatwiran para sa kanyang sarili, gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para magpasikat, natatakot na hindi siya mapansin ng mga tao o na walang magbibigay ng atensyon sa kanya. Susunggaban niya ang bawat oportunidad para lalong makilala, lalong maging tanyag, makita ng mas maraming tao ang kanyang mga kaloob at kalakasan, at maipakita na nakakaangat siya kaysa sa iba. Habang ginagawa ang mga bagay na ito, handa ang isang anticristo na magbayad ng anumang halagang kinakailangan para magpapansin at parangalan ang kanyang sarili, para isipin ng lahat na, kahit na hindi na siya lider, at wala nang katayuan, mas nakakaangat pa rin siya sa mga ordinaryong tao. Kung magkagayon, nakamit ng isang anticristo ang kanyang layon. Hindi maluwag sa kalooban niyang maging pangkaraniwang tao, isang ordinaryong tao; gusto niya ng kapangyarihan at katanyagan, at maging nakahihigit sa iba. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi lubos-maisip ito. Ano ba ang silbi ng pagkakaroon ng katayuan, katanyagan, at kapangyarihan?” Sa isang taong may katwiran, walang kabuluhan ang kapangyarihan at katayuan, at hindi ito ang mga bagay na dapat niyang hangarin. Pero para sa mga anticristong punung-puno ng ambisyon, napakahalaga ng katayuan, kapangyarihan, at katanyagan sa kanila; walang sinumang makapagpapabago ng kanilang perspektiba, at walang sinumang makapagpapabago ng paraan ng kanilang pamumuhay at mga layon ng kanilang pag-iral—ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Kaya, kung may makikita kang isang tao na maagap na gumaganap ng kanyang tungkulin at iniingatan ang kanyang katayuan kapag hawak niya ito, at gusto pa rin niyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya para protektahan ang sarili niyang reputasyon kapag wala siyang katayuan—ang ganitong uri ng tao ay imposible nang maligtas, at isa siyang ganap na anticristo sa loob at sa labas.
Bago at pagkatapos tanggalin ang isang anticristo, kapag bigo pa rin siyang makakuha ng katayuan, maging ng kapangyarihan at katanyagang gusto nila sa kabila ng ginawa niyang sunod-sunod na mga pagsusumikap, hindi niya bibitiwan ang katayuan at ang pagnanasa niyang magtamo ng mga pagpapala. Hindi niya isasantabi ang mga bagay na ito at hindi siya magbabalik-loob para hangarin ang katotohanan, o gagawin nang maayos ang kanyang tungkulin sa isang praktikal at maayos na paraan. Hindi siya kailanman tunay na magsisisi sa anumang maling nagawa niya, at sa halip ay gagawa siya ng paulit-ulit na mga pagtatasa gaya ng, “Magkakaroon ba ako ng anumang pag-asang magtamo ng katayuan sa hinaharap? May anumang pag-asa ba ako na pagpalain kung wala akong katayuan? Matutupad ba ang pagnanais kong magtamo ng mga pagpapala? Nasa anong ranggo ba ako sa sambahayan ng diyos, at sa iglesia? Nasaan ba ako sa herarkiya?” Kapag napagkongklusyunan niyang wala naman siyang dakilang karangalan sa iglesia, na hindi naman maganda ang tingin sa kanya ng mas nakararaming tao, at na ginagamit pa nga siya ng marami bilang isang negatibong halimbawa sa pagtuturo, pakiramdam niya ay sirang-sira na ang karangalan niya sa loob ng iglesia, na wala sa kanya ang suporta ng karamihan sa mga tao, at imposible nang sang-ayunan pa siya ulit ng karamihan ng mga tao, at na talagang wala naman siyang pag-asa na pagpalain. Kapag nakikita niya ang lahat ng ito, kapag ito ang nagiging mga kongklusyon niya sa kanyang pagtatasa, ang magiging isipan at saloobin pa rin niya ay ang hindi bitiwan ang sarili niyang mga layunin at pagnanais at tunay na magsisi sa Diyos, o ang lubos na italaga ang kanyang sarili sa pagtatrabaho para sa Diyos, at gawin ang kanyang tungkulin nang tapat. Hindi ito ang nasa isip niya—kung hindi ganito, ano? “Yamang hindi ko makakamit ang aking mga minimithi o hindi ako magkakaroon ng anumang katayuan sa sambahayan ng diyos, at sa iglesia, kung gayon, bakit kailangan ko pang patuloy na sumunod sa landas na ito na wala namang kapupuntahan? Maaaring makinabang ang mga tao sa pagbabago ng lokasyon. Maaari talagang bumuti ang mga bagay-bagay para sa akin kung lilipat ako sa ibang lugar. Bakit nga ba hindi na lang ako umalis sa lugar na ito na nagdulot ng sakit sa puso ko? Bakit hindi ko na lang iwan ang lugar na ito kung saan hindi ko matupad ang aking mga minimithi, kung saan mahirap makamit ang aking mga minimithi?” Kapag naiisip ng isang anticristo ang mga bagay na ito, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay aalis na siya sa iglesia? Gugustuhin ba ninyong umalis ang ganoong tao, o manatili? Dapat ba siyang himuking manatili? (Hindi siya dapat himukin, at hindi naman siya mananatili kahit subukan pa ng mga taong himukin siya.) Walang makakapilit sa kanya na manatili—totoo ito. Ano ang dahilan nito? Dahil sa bandang huli, hindi naman talaga mahal ng mga anticristo ang katotohanan, kaya masasaktan lang sila kung mananatili pa sila sa sambahayan ng Diyos. Para lang itong sinusubukan mong kumuha ng isang bayaring babae, isang mahalay na babae, para maging katuwang ng kanyang asawang lalaki at turuan ang kanyang mga anak, na maging isang malinis na babae at mabuting asawa at mabait na ina. Magagawa ba niya ang mga bagay na iyon? (Hindi.) Ang pinag-uusapan kasi rito ay ang kalikasan ng isang tao. Kaya kung nakikita mong gusto ng isang anticristo na umatras, anuman ang gawin mo, huwag mo siyang subukang kumbinsihing manatili, maliban kung may isang partikular na sitwasyon, kung saan sinasabi niyang, “Bagaman isa akong anticristo, gusto kong magtrabaho para sa sambahayan ng diyos. Pipilitin ko ang aking sarili na huwag gumawa ng anumang masama at maghihimagsik ako laban kay Satanas.” Sa ganitong kaso, kailangan ba siyang bugawing gaya ng isang langaw? (Hindi.) Sa ganitong kaso, maaari nating hayaan na lang na kusang mangyari ang mga bagay-bagay, pero may isang pamamaraan ang dapat ilapat: Dapat pangasiwaan at bantayan ng mas maraming tao ang anticristong iyon, at sa unang senyales pa lang ng problema, gaya ng gusto niyang gumawa ng masama, dapat siyang alisin agad-agad. Kung hindi niya kayang tiisin na pinapangasiwaan at binabantayan siya ng iba, at pakiramdam niya ay minamaltrato siya at ayaw niyang magtrabaho, kung gayon, paano ba dapat tratuhin ang isang taong gaya nito? Dapat mo siyang tulungan sa pamamaraan niya at sabihing, “May talento ka, at dapat kang humayo sa mundo ng mga walang pananampalataya at tuparin ang engrande mong mga plano. Isa kang isda na masyadong malaki para sa maliit na palaisdaang ito, hindi bagay sa iyo ang iglesia. Hindi mo maibubuka ang mga pakpak mo dito; ang gawaing ito ay hindi nababagay para sa iyong mga talento. Kung babalik ka sa sanlibutan, baka tumaas ang ranggo mo, kumita ka ng maraming pera, at yumaman. Baka maging sikat kang tao!” Hikayatin mo na siyang umalis agad. Kung naghahangad siya ng kayamanan at katayuan, at hinahanap-hanap niya ang mga pakinabang ng katayuan, kung gayon, hayaan mo siyang bumalik sa sanlibutan para magtrabaho at kumita ng pera, para maging isang opisyal at tamasahin ang kanyang buhay na nauukol sa laman. Maaari sigurong itanong ng ilan kung ang pagtrato ba sa kanya nang ganito ay pagtrato sa kanya nang walang mapagmahal na puso. Ang totoo, kahit hindi mo pa sabihin ang gayong mga bagay sa kanila, maiisip ng mga anticristo sa kanilang puso, “Hmph, itinaas ng ranggo isang araw at pagkatapos ay tinanggal naman. Binigyan nga ako ng katayuan pero binabantayan naman ako, pinangangasiwaan, at pinupungusan—napakasaklap naman nito! Hindi mahirap para sa akin na makahanap ng ganitong uri ng katayuan, at kung hindi ako nanalig sa diyos, mayaman na sana ako at mataas na sana ako ngayon sa herarkiya ng lipunan sa mundo, isa na sana akong kadre man lang sa lungsod. Ipinanganak ako para maging isang opisyal. Namumukod-tangi ako anuman ang gawin ko sa mundong ito, nagagawa ko nang maayos ang lahat ng bagay, kaya kong gumawa ng pangalan para sa sarili ko sa anumang industriya, at masigasig ako.” Kahit hindi mo pa sabihin sa kanya ang gayong mga bagay, sasabihin niya ang ganitong mga bagay, at kaya dapat magsalita ka kaagad ng ilang magagandang pakinggang mga salita na gusto niyang marinig at himukin mo siyang umalis kaagad sa iglesia—makikinabang ang lahat dito. Naghahangad ng katayuan, kapangyarihan, at katanyagan ang mga anticristo; ayaw nilang maging ordinaryong mga tao, bagkus gusto nilang laging makaungos sa iba, hanggang sa masira nila ang kanilang reputasyon at katayuan, at maisumpa ng Diyos sa bandang huli. Kaya, payag ba kayong maging ordinaryong mga tao? (Oo.) Kung tutuusin, makahulugan ang maging ordinaryong mga tao. Hindi naghahangad ng kasikatan at pakinabang, sa halip ay namumuhay ng totoong buhay, namumuhay nang may kapayapaan at kagalakan, at magkaroon ng pusong mababang-loob—ito ang tamang landas sa buhay. Kung gusto lagi ng isang tao na maging nakahihigit at maging angat kaysa sa iba, katumbas iyon na pagsalang nila ng kanilang sarili sa apoy at inilalagay ang kanilang sarili sa gilingan ng karne—naghahanap sila ng gulo. Bakit ba sila may ganoong damdamin? Isang mabuting bagay ba ang maging angat kaysa sa iba? (Hindi.) Hindi ito isang mabuting bagay. Pero pilit na pinipili ng mga anticristo ang landas na ito. Anuman ang gawin ninyo, huwag ninyong sundan ang landas na ito!
Kapag wala pang pundasyon ang isang ordinaryong tiwaling tao sa kanyang pananampalataya sa Diyos, kapag hindi pa siya nagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, kakaunti lang ang kanyang pananalig o tayog. Kapag nahaharap sa isang balakid ang ganitong tao, magiging mababa ang tingin niya sa kanyang sarili, at iisipin niyang hindi siya mahal ng Diyos, na namumuhi Siya sa kanya. Kapag nakikita niyang may balakid sa harapan niya at nabibigo sa bawat pagkakataon, hindi mabigyang kaluguran ang Diyos, masisiraan na siya ng loob; makakaranas din siya ng kaunting panghihina at pagkanegatibo, at paminsan-minsan ay maiisipan niyang iwan ang iglesia. Pero hindi ito katulad ng pagiging suwail. Ganitong uri ng isipan ang pumapasok sa isang tao kapag nawawalan siya ng pag-asa at nasisiraan ng loob, at ibang-iba ito sa pag-atras ng isang anticristo. Kapag gusto ng isang anticristo na umatras, mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa magsisi, pero kapag nasisiraan ng loob ang isang ordinaryong tiwaling tao at naiisipan nitong umalis sa iglesia, sa tulong at pakikipagbahaginan ng iba, kasama ng sarili niyang aktibong pakikipagtulungan, at sa pamamagitan ng panalangin at paghahanap, at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, magagawa ng mga salita ng Diyos na unti-unting maimpluwensiyahan siya, baguhin siya, at baguhin kung mananatili ba siya o aalis, pati na ang kanyang desisyon at isip. Gayundin, matutulungan din siya ng mga salita ng Diyos para unti-unting makapagsisi, magkaroon ng positibong saloobin, at kagustuhang magpunyagi, na nagbibigay-daan para unti-unti siyang lumakas. Isa itong pagpapamalas ng proseso ng buhay pagpasok para sa isang normal na tao. Sa kabilang dako, makikipagbaka naman ang isang anticristo hanggang sa huli. Hindi siya kailanman magsisisi, at mas nanaisin pa niyang mamatay kaysa amining mali siya, kaysa kilalanin ang kanyang sarili, kaysa isuko ang pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala. Wala siyang taglay ni katiting mang buhay pagpasok. Kaya, para sa isang taong ganoon, na hindi pumapayag na magtrabaho, o hindi ito ginagawa nang maayos, payuhan mo na lang siyang umalis sa iglesia. Isa itong matalinong desisyon, at ang pinakamatalinong paraan para harapin ang gayong bagay. Kahit hindi mo siya payuhang gawin iyon, magagawa mo bang kumbinsihin siyang manatili? Mababago mo ba ang pamamaraan niya sa paghahangad o ang kanyang perspektiba? Hindi mo kailanman mababago ang mga bagay na ito. May ilang tao na hinihimok na manatili, at tinutulungan at sinusuportahan ng sambahayan ng Diyos, dahil ang pagkanegatibo nila, ang kanilang kahinaan, at ang mga tiwaling disposisyong ibinunyag nila ay karaniwan na sa lahat ng ordinaryong tiwaling tao, at nasasaklaw sa maituturing na normal. Sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, sa tulong at suporta ng iba, maaari silang unti-unting lumakas, magkaroon ng tayog, magkaroon ng pananalig sa Diyos, at maging sinsero sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ganitong uri ng tao ang dapat nating tulungan at himuking manatili. Pero, para sa mga anticristong ayaw magtrabaho o hindi nagtatrabaho nang maayos, himukin mo na silang umalis, dahil, bago mo pa man sila payuhang umalis, nais na talaga nilang gawin iyon, o nasa bingit na silang umalis anumang oras. Ito ang iba’t ibang pagpapamalas at kaisipang mayroon ang mga anticristo kapag nahaharap sila sa pagkatanggal at kagustuhang umatras.
IV. Pag-uugali ng mga Anticristo Kapag Hindi Sila Itinataas ng Ranggo
May isa pang uri ng tao na hindi naghahangad sa katotohanan. Dahil hindi hinahangad ng mga ganitong uri ng tao ang katotohanan, hindi sila gumaganap ng mahahalagang tungkulin, at dahil doon, bihira silang makaranas ng pagpupungos sa sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman naranasang matanggal sa kanilang mga tungkulin, at siyempre, napakadalang nilang mailipat sa ibang tungkulin. Pero, kapag hindi pa rin itinataas ang ranggo nila matapos nilang manampalataya sa Diyos nang ilang taon, nagsisimula na silang malimit na tasahin kung gaanong pag-asa ba ang mayroon sila na tumanggap ng mga pagpapala. Lalo na kapag nakikita nilang sinasabi ng mga salita ng Diyos na, “Hindi maaaring magtamo ng kaligtasan ang mga hindi naghahangad sa katotohanan,” pakiramdam nila ay napakaliit ng pag-asang pagpalain pa sila, at naiisip na tuloy nilang umatras. Ang ilan sa mga taong ito na hindi kailanman hinahangad ang katotohanan ay nagtataglay ng ilang kaalaman at kalakasan, at dahil hindi itinataas ang ranggo nila, hindi sila nasisiyahan at nagsisimula na silang magreklamo; gusto na nilang umatras pero natatakot sila na mawawala ang tsansa nilang pagpalain, pero kung hindi naman sila aatras, hindi pa rin naman itataas ang ranggo nila—pakiramdam nila ay nasa mahirap silang sitwasyon at kailangan nilang gumawa ng mahirap na desisyon. Ano ang masasabi ninyo tungkol sa bagay na ito? Bagama’t hindi hinahangad ng mga taong ito ang katotohanan, medyo palaaral at determinado naman ang ilan sa kanila; anuman ang tungkuling ginagawa nila, lagi silang handang matuto ng makabuluhang propesyonal na kaalaman, gusto nila palagi na itaas sila ng ranggo ng sambahayan ng Diyos, at kinasasabikan nila ang araw kung kailan maipapakilala nila ang kanilang sarili nang sa gayon ay magkaroon sila ng katayuan at ng iba’t ibang pakinabang na gusto nila. Sa panlabas, mukhang tahimik, di-kapansin-pansin, at masipag at metikuloso ang ganitong uri ng mga tao kapag kasama nila ang iba, pero puno ng ambisyon at pagnanais ang kanilang puso. Ano ang kasabihan nila? Dumarating ang oportunidad sa mga nakahanda para dito. Sa panlabas, hindi mo talaga sila mapapansin at hindi sila nagpapakitang-gilas, hindi sila nakikipagkumpitensiya o nakikipag-agawan para sa mga bagay-bagay, pero mayroon silang “dakilang adhikain” sa kanilang puso. Kaya kapag may nakikita silang itinataas ng ranggo at nagiging lider o manggagawa sa iglesia, lalong sumasama ang loob nila at nadidismaya. Kahit sino pa man ang itinataas ang ranggo, nililinang, o binibigyan ng ilang mahahalagang papel, palagi itong nagiging isang dagok para sa kanila. Kahit na kapag binigyan ang isang tao ng mataas na pagpapahalaga, pagpuri, at pagsuporta ng mga kapatid, nagseselos sila at hindi sila masaya sa kanilang puso, at ang ilan pa nga sa kanila ay patagong lumuluha, madalas na tinatanong sa kanilang sarili, “Kailan ako bibigyan ng mataas na pagpapahalaga at manonomina? Kailan ako makikilala ng itaas? Kailan makikita ng isang lider ang mga kalakasan ko, ang mga merito ko, ang mga kaloob at talento ko? Kailan ako matataasan ng ranggo at malilinang?” Nababagabag sila at nagiging negatibo, pero ayaw nilang magpatuloy nang ganito, kaya patago nilang pinalalakas ang kanilang loob para huwag silang maging negatibo, para magkaroon sila ng matibay na determinasyon na magpunyagi, para hindi sila maapektuhan ng mga hadlang at hindi kailanman sumuko. Madalas nilang pinapaalalahanan ang kanilang sarili: “Isa akong taong may dakilang adhikain. Hindi ako dapat pumayag na maging isang ordinaryo, karaniwang tao, hindi ako dapat makuntento na lang sa isang buhay na pangkaraniwan at maraming ginagawa. Dapat maging katangi-tangi ang pananalig ko sa diyos at magbunga ito ng magagandang resulta. Kung patuloy akong mamumuhay sa ganitong uri ng tahimik at pangkaraniwang buhay, sobrang karuwagan at nakakasakal iyon! Hindi ako puwedeng maging ganoong uri ng tao. Dodoblehin ko ang aking pagsisikap, susulitin ko nang husto ang bawat pagkakataon, babasahin at bibigkasin ko pang lalo ang mga salita ng diyos, matututo ng kaalaman at pag-aaralan ko pang lalo ang propesyong ito. Dapat magawa ko ang anumang kayang gawin ng ibang tao, at dapat maibahagi ko ang tungkol sa mga bagay na kayang ibahagi ng ibang tao.” Pagkatapos magtrabaho nang husto nang ilang panahon, saka naman magkakaroon ng eleksyon sa iglesia, pero hindi pa rin siya nahahalal. Sa tuwing naghahanap ang iglesia ng isang taong lilinangin, itataas ng ranggo, at bibigyan ng mahalagang papel, hindi sila napipili; sa tuwing iniisip nilang may pag-asa sila na maitaas ng ranggo, nabibigo sila sa huli, at bawat kabiguan ay nagiging dahilan para masiraan sila ng loob at maging negatibo. Naniniwala silang napakalabong pagpalain sila sa kanilang pananalig sa Diyos, kaya naman naiisip nilang umatras. Pero ayaw nilang umatras, sa halip gusto nilang magpunyagi nang husto at magdusang muli. Habang lalo silang nagpupunyagi nang husto at nagdurusa sa ganitong paraan, lalo naman nilang inaasam-asam na mairekomenda sila ng isang tao, at maitaas ng ranggo. Lalo pa nila itong inaasam-asam, at sa bandang huli kabiguan pa rin ang napapala nila, at ganito sila pinahihirapan ng kanilang banidad at ng pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala. Pakiramdam nila ay parang sinusunog sila at pinaparaan sila sa apoy sa bawat kabiguan. Hindi nila makuha ang gusto nila; gusto nilang umatras pero pakiramdam nila ay hindi nila kaya; hindi nila maarok kung ano ang gusto nilang maarok, at pawang kabiguan, kalungkutan, at walang-katapusang paghihintay ang napapala nila. Gusto nilang umatras pero natatakot silang mawalan ng mga dakilang pagpapala, at habang lalo silang nagiging desperadong makakuha ng mga pagpapala, lalo namang hindi sila nakakakuha ng mga ito. Ang resulta nito ay na nahuhulog sila sa isang kalagayan kung saan palagi silang naiipit sa pagitan ng pag-asa nilang magtamo ng mga pagpapala at ng pahirap na dala ng kabiguan, at labis na nasasaktan ang kanilang puso dahil dito. Pero mananalangin ba sila sa Diyos tungkol sa bagay na ito? Hindi. Iniisip nila: “Ano ba ang mabuting magagawa ng pananalangin? Hindi ako pinupuri ng mga kapatid at hindi mataas ang tingin sa akin ng mga lider, kaya maaari ba akong pagbigyan ng diyos at bigyan ako ng mahalagang papel?” Alam nilang magdadala ng kabiguan sa kanila kung aasa sila sa ibang tao at wala ring kasiguruhan kung ilalagay nila sa Diyos ang pag-asa nila na pagpapalain. Dahil nakita nilang sinasabi ng mga salita ng Diyos na, “Hindi maaaring magtamo ng kaligtasan ang mga hindi naghahangad sa katotohanan,” kaya nalulungkot sila at nadidismaya. Walang pumapansin sa kanila sa loob ng iglesia, at wala na silang makitang pag-asa. Kapag tinitingnan nila ang kanilang mga mukha, wala pa rin silang makitang anumang pag-asa na magtatamo sila ng mga pagpapala, at naiisip nila, “Dapat na ba akong umatras o manatili? Wala na ba talaga akong pag-asa na pagpalain?” Lumilipas ang mga taon na nag-aalinlangan sila at nagninilay-nilay sa mga bagay na ito nang paulit-ulit, at hindi pa rin sila natataasan ng ranggo o nalalagay sa isang mahalagang posisyon. Gusto nilang makipag-agawan para sa katayuan pero pakiramdam nila ay hindi iyon lubhang makatwiran o nararapat na gawin, nahihiya silang gawin ito, pero kung hindi naman sila makikipag-agawan para sa katayuan, kailan pa kaya maitataas ang ranggo nila at mabibigyan ng mahalagang papel? Naiisip nila ang mga taong nananampalataya sa Diyos na kasa-kasama nila, na dumadalo sa mga pagtitipon at kasama nilang gumaganap ng mga tungkulin. Napakarami sa kanila ang itinaas na ng ranggo at binigyan ng mahahalagang papel, samantalang sila mismo ay hindi makakuha ng mahalagang papel kahit gaano pa nila ito pagsikapan, at naguguluhan sila at wala silang landas pasulong. Hindi sila kailanman nakikipagbahaginan o nagbubukas ng kanilang sarili sa sinuman tungkol sa kanilang mga ideya, kanilang mga kalagayan, kanilang mga isipan at pananaw, kanilang mga paglihis at kakulangan—saradong-sarado ang kanilang puso sa iba. Mukhang matino naman silang kausap, at tila kumikilos naman sila sa medyo makatwirang paraan, pero napakatindi ng nasasaloob nilang mga ambisyon at mga pagnanais. Nagsisikap sila nang husto at nahihirapan, nagtitiis ng hirap at nagbabayad ng halaga para makamit ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais, at kaya nilang gugulin ang lahat ng bagay alang-alang sa pag-asa nilang pagpapalain sila. Pero, kapag hindi nila makita ang resultang gusto nilang makamit, napupuno sila ng pagkamapanlaban at galit sa Diyos, sa sambahayan ng Diyos, at maging sa lahat ng nasa iglesia. Kinamumuhian nila ang lahat dahil hindi nakikita ng mga ito ang kanilang pagsisikap, hindi nakikita ng mga ito ang kanilang mga kalakasan at mabubuting katangian, at kinamumuhian din nila ang Diyos dahil sa hindi Niya pagbibigay sa kanila ng mga oportunidad, dahil sa hindi pagtataas sa kanilang ranggo o pagbibigay sa kanila ng mahalagang papel. Dahil sa matinding selos at pagkamuhi sa kanilang puso, magagawa ba nilang mahalin ang kanilang mga kapatid? Magagawa ba nilang purihin ang Diyos? Mabibitiwan ba nila ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais para tanggapin ang katotohanan, gampanan nang maayos at praktikal ang kanilang tungkulin, at maging isang ordinaryong tao? Magagawa ba nila ang ganitong uri ng resolusyon? (Hindi.) Hindi lang sa wala silang ganitong paninindigan, wala nga rin silang pagnanais na makapagsisi. Pagkaraang ikubli ang kanilang sarili sa ganitong paraan sa loob ng napakaraming taon, lalo pang lumalakas nang lumalakas ang pagkamuhi nila sa sambahayan ng Diyos, sa mga kapatid, at maging sa Diyos. Gaano katindi ang kanilang nagiging pagkamuhi? Umaasa sila na sana ay hindi nagagawa ng kanilang mga kapatid ang mga tungkulin nila nang maayos, umaasa sila na matitigil ang gawain ng sambahayan ng Diyos at sana mauwi sa wala ang plano ng pamamahala ng Diyos, at umaasa pa nga sila na sana mahuli ng malaking pulang dragon ang kanilang mga kapatid. Kinamumuhian nila ang kanilang mga kapatid at kinamumuhian din nila ang Diyos. Inirereklamo nila na hindi matuwid ang Diyos, isinusumpa nila ang mundo dahil sa kawalan nito ng tagapagligtas, at lubusang nalalantad ang malademonyo nilang pagmumukha. Kadalasan ay tagong-tago ang ganitong uri ng tao, at napakahusay niyang magkunwari sa panlabas, nagpapanggap na mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagmahal, samantalang ang totoo niyan, isa siyang lobong nakadamit ng tupa. Hindi niya kailanman ibinubunyang ang lihim niyang masamang intensyon, walang nakakakilatis sa kanya, at walang nakakaalam kung ano talaga ang ugali niya o kung ano ang kanyang iniisip. Nakikita ng mga nakakahalubilo niya nang ilang panahon na napakaseloso niyang tao, na palagi siyang nakikipagkumpitensiya sa iba at palagi niyang gusto na siya ang bida, na sabik na sabik siyang maungusan ang iba, at na talagang gusto niyang makuha ang unang puwesto sa lahat ng bagay na ginagawa niya. Ganito ang hitsura niya kung titingnan sa panlabas, pero ganito ba talaga siya? Ang totoo, mas malakas pa nga ang pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala; umaasa siya na, habang tahimik na nagtatrabaho nang mabuti, iginugugol ang kanyang sarili, at nagbabayad ng halaga, makikita ng iba ang mabubuti niyang katangian at ang mga kakayahan niya sa pagtatrabaho, nang sa gayon ay mabigyan siya ng mahalagang papel sa sambahayan ng Diyos. At ano ang resulta ng pagbibigay sa kanya ng mahalagang papel? Ito ay na mabibigyan siya ng mataas na pagpapapahalaga ng lahat at matutupad na nila sa wakas ang engrande nilang hinahangad; maaari silang maging katangi-tanging tao kaysa sa iba, isang taong mataas ang pagtingin at tinitingala ng lahat, at ang matagal na panahon ng kanilang pagtitiyaga, pagbabayad ng halaga at pagsisikap, ay magiging sulit—ito ang mga kinikimkim na mga ambisyon at mga pagnanais ng mga taong ito sa kaibuturan ng kanilang puso.
Hindi hinahangad ng ganitong uri ng mga tao ang katotohanan, pero gusto pa rin nilang laging maitaas ng ranggo at mabigyan ng mahalagang papel sa sambahayan ng Diyos. Sa puso nila, naniniwala silang habang mas may kakayahan ang isang tao sa gawain, lalo naman siyang makakatanggap ng mahahalagang posisyon, habang lalo siyang itinataas ng ranggo at iginagalang sa sambahayan ng Diyos, lalong lumalaki ang tsansa niyang makatanggap ng mga pagpapala, isang korona, at mga gantimpala. Naniniwala silang kapag walang gaanong kakayahan ang isang tao sa kanyang gawain, o wala siyang partikular na kadalubhasaan, hindi siya kwalipikadong pagpalain. Iniisip nilang maaaring magsilbing kapital para makatanggap ng mga pagpapala at gantimpala ang mga kaloob, kadalubhasaan, abilidad, kasanayan, antas ng edukasyon, kakayahan sa gawain ng isang tao, at maging ang diumano’y mga kalakasan at merito sa loob ng kanyang pagkatao na pinapahalagahan sa mundo gaya ng determinasyon niyang maungusan ang iba at ang di-napatitinag niyang saloobin. Anong uri ng pamantayan ito? Isa ba itong pamantayan na naaayon sa katotohanan? (Hindi.) Hindi ito ayon sa mga pamantayan ng katotohanan. Kung ganoon, hindi ba ito ang lohika ni Satanas? Hindi ba ito ang lohika ng isang buktot na kapanahunan, at ng buktot na makamundong mga kalakaran? (Ito nga.) Batay sa lohika, mga pamamaraan at pamantayan na ginagamit ng mga taong tulad nito para tasahin ang mga bagay-bagay, kasama na ang saloobin at diskarte nila sa mga bagay na ito, para bang lumalabas na hindi nila kailanman narinig o nabasa ang mga salita ng Diyos, na ganap silang mangmang tungkol sa mga ito. Pero ang totoo, pinapakinggan nila, binabasa, at dinadasal-binabasa nila ang mga salita ng Diyos araw-araw. Kung ganoon, bakit hindi nagbabago kahit kailan ang kanilang perspektiba? Isang bagay ang tiyak—kahit gaano pa nila pakinggan o basahin ang mga salita ng Diyos, hindi sila kailanman makatitiyak sa kanilang puso na ang mga salita ng Diyos nga ang katotohanan, at na ang mga ito ang pamantayan sa pagsukat sa lahat ng bagay; hindi nila mauunawaan o tatanggapin ang katunayang ito mula sa kanilang puso. Kaya, kahit gaano pa kakatwa at kasama ang pananaw nila sa buhay, panghahawakan nila ito habambuhay, at kahit gaano pa katama ang mga salita ng Diyos, tatanggihan at kokondenahin nila ang mga ito. Ito ang malupit na kalikasan ng mga anticristo. Sa oras na mabigo silang makakuha ng mahalagang papel, at hindi natupad ang kanilang mga pagnanais at mga ambisyon, nabubunyag ang pagkadiyablo nila, nahahayag ang malupit nilang kalikasan, at gusto na nilang itatwa na mayroon ngang Diyos. Ang totoo, bago pa man nila itinatwa na mayroon ngang Diyos, itinatatwa na nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Ito ay dahil mismo sa itinatatwa ng kanilang kalikasang diwa ang katotohanan, at itinatatwa nila na ang mga salita ng Diyos ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay, na nagagawa nilang tumingin sa Diyos sa ganitong may pagkamapanlaban na paraan, at iniisip ang pagtatatwa, pagkakanulo, at pagtatakwil sa Diyos, at ang pang-iiwan sa sambahayan ng Diyos kapag hindi pa rin sila nailalagay sa isang mahalagang posisyon matapos ang lahat ng pagkakalkula, pagpaplano, at pagpapakahirap na iyon na ginawa nila. Kahit na mukhang hindi sila nakikipag-agawan sa ibang tao para sa kapangyarihan at pakinabang, o nagsasarili ng landas, o hayagang nagtatayo ng kanilang nagsasariling kaharian o namamahala ng sarili nilang katayuan, makikita natin mula sa kalikasang diwa nila na lubos silang mga anticristo. Iniisip nilang tama ang anumang paghahangad nila, at kahit ano pa ang sabihin ng mga salita ng Diyos, para sa kanila hindi na dapat banggitin o pakinggan pa ang mga salitang ito, at siguradong hindi nararapat gamitin ang mga ito. Anong uri ng basura ang mga taong ganito? Walang kahit anong epekto sa kanila ang mga salita ng Diyos; hindi sila napapakilos ng mga ito, ni hindi naaantig ng mga ito ang kanilang puso o walang dating para sa kanila ang mga ito. Kung ganoon, ano ang pinahahalagahan nila? Ang mga kaloob, talento, abilidad, kaalaman, at estratehiya ng mga tao, maging ang kanilang mga ambisyon at ang kanilang mga engrandeng plano at pinagkakaabalahan. Ito ang mga bagay na pinahahalagahan nila. Ano ba ang lahat ng bagay na ito? Mga bagay ba ito na pinahahalagahan ng Diyos? Hindi. Mga bagay ito na dinadakila at pinahahalagahan ng mga tiwaling tao, at ito rin ang mga bagay na pinahahalagahan at sinasamba ni Satanas. Salungat mismo ito sa daan ng Diyos, sa Kanyang mga salita, at sa kung ano ang mga hinihingi Niya sa mga taong inililigtas Niya. Pero hindi kailanman naisip ng mga taong tulad nito na kay Satanas ang mga bagay na ito, na buktot at laban ang mga ito sa katotohanan. Sa halip, pinahahalagahan nila ang lahat ng bagay na ito, at pinanghahawakan nila nang matatag at matibay ang mga ito, at higit ang tingin nila sa mga ito kaysa sa anupamang bagay, at ginagamit nila ang mga ito bilang kapalit ng paghahangad at pagtanggap sa katotohanan. Hindi ba’t lubhang mapaghimagsik iyon? At sa bandang huli, ano ang tanging kalalabasan ng kanilang matinding paghihimagsik, at ang kawalan nila ng katwiran? Hindi na posibleng maligtas ang mga taong ito, at walang sinuman ang makapagpapabago sa kanila. Nakatadhana na sila para sa ganitong uri ng kalalabasan. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t mga tao itong lihim lang na pinapalakas ang kanilang sarili at naghihintay ng tamang pagkakataon? Ang prinsipyong sinusunod nila ay na kikinang ang ginto sa malao’t madali, na dapat matuto silang palihim na palakasin ang kanilang sarili, mag-antabay, at maghintay ng tamang pagkakataon, at pansamantala ay maghanda, at magplano para sa kanilang kinabukasan, at para sa kanilang mga ninanais at pinapangarap. Batay sa mga prinsipyong sinusunod nila, ang kanilang mga prinsipyo para mabuhay, ang mga layong hinahangad nila, at kung ano ang inaasam-asam nila sa kaibuturan ng kanilang diwa, ganap na mga anticristo nga ang mga taong ito. Sinasabi ng ilang tao, “Pero hindi ba’t nagtatayo ang mga anticristo ng kanilang mga nagsasariling kaharian, at nakikipag-agawan para sa katayuan?” Kung magkagayon, may kakayahan ba ang mga taong tulad nito na magtatag ng nagsasariling kaharian matapos magkamit ng kapangyarihan? May kakayahan ba silang pahirapan ang mga tao? (Oo.) Kapag sila ay nagkaroon na ng kapangyarihan, magagawa na kaya nilang gawin ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Magagawa na kaya nilang hangarin ang katotohanan? Magagawa na kaya nilang dalhin ang mga tao sa harapan ng Diyos? (Hindi.) Ano kaya ang mangyayari kung bibigyan ng mahalagang posisyon ang mga taong tulad nito? Itataas nila sa ranggo ang mga may-kaloob, mahuhusay magsalita, at marurunong, magagawa man nila o hindi ang gawain; itataas nila sa ranggo ang mga taong katulad nila, habang pinapanatili naman sa ibaba ang lahat ng tamang taong iyon, na may espirituwal na pang-unawa, naghahangad sa katotohanan, at matatapat. Kapag nangyayari ang ganitong uri ng sitwasyon, hindi ba’t nalalantad ang anticristong diwa ng mga taong tulad nito? Hindi ba’t nagiging halatang-halata naman ito? May ilang tao na hindi talaga naunawaan nang sabihin Ko noong una na anticristo ang lahat ng gustong umatras kapag hindi sila nakakakuha ng mahalagang papel at walang pag-asang pagpalain. Pero nakikita mo na ba ngayon na mga anticristo nga sila? (Oo.)
Kapag natatanggal ang ilang tao mula sa kanilang posisyon bilang lider at naririnig nilang sinasabi ng Itaas na hindi na sila lilinangin o gagamitin ulit, labis silang nalulungkot, at umiiyak nang husto, na para bang itinitiwalag na sila—anong problema ito? Ang hindi ba paglinang o paggamit ulit sa kanila ay nangangahulugang itinitiwalag na sila? Ibig bang sabihin nito ay hindi na sila maaaring magtamo ng kaligtasan? Napakahalaga ba talaga para sa kanila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Kung isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, dapat siyang magnilay-nilay sa kanyang sarili kapag nawala ang kanyang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at kapag nakakaramdam siya ng tunay na pagsisisi; dapat niyang piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magbagong-buhay, at huwag masyadong sumama ang kanyang loob o umiyak nang husto. Kung alam niya sa kanyang puso na tinanggal siya ng sambahayan ng Diyos dahil hindi siya tunay na nagtatrabaho at hindi niya hinahangad ang katotohanan, at naririnig niyang sinasabi ng sambahayan ng Diyos na hindi na siya muling itataas ng ranggo, dapat siyang mahiya, na may utang na loob siya sa Diyos, at na binigo niya ang Diyos; dapat alam niya na hindi siya karapat-dapat na gamitin ng Diyos, at sa ganitong paraan maituturing siyang may kaunting katwiran. Gayunpaman, nagiging negatibo siya at sumasama ang loob niya kapag naririnig niyang hindi siya lilinangin o gagamitin ulit ng sambahayan ng Diyos, at ipinapakita nitong naghahangad siya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at na hindi siya isang taong naghahangad sa katotohanan. Ganito katindi ang pagnanais niyang magtamo ng mga pagpapala, at ganito niya pinahahalagahan nang husto ang katayuan at hindi siya gumagawa ng aktuwal na trabaho, kaya dapat lang siyang tanggalin, at dapat niyang pagnilayan at maunawaan ang sarili niyang mga tiwaling disposisyon. Dapat alam niyang mali ang landas na kanyang sinusundan, na tinatahak niya ang landas ng isang anticristo sa pamamagitan ng paghahangad sa katayuan, kasikatan, at pakinabang, na hindi laang sa hindi sasang-ayunan ng Diyos ang mga ito, kundi sasalungatin pa ng mga ito ang Kanyang disposisyon, at kung gagawa siya ng iba’t ibang uri ng kasamaan, parurusahan din siya ng Diyos. Hindi ba’t may ganito rin kayong problema? Hindi ba’t hindi kayo magiging masaya kung sasabihin Ko ngayon na wala kayong espirituwal na pang-unawa? (Oo.) Kapag narinig ng ilang tao na sinabi ng isang may mataas na antas na lider na wala silang espirituwal na pang-unawa, pakiramdam nila ay wala silang kakayahang unawain ang katotohanan, na siguradong ayaw sa kanila ng Diyos, na wala silang pag-asang pagpalain; pero sa kabila ng katunayan na sila ay nalulungkot, normal pa rin nilang nagagawa ang kanilang tungkulin—may kaunting katwiran ang gayong mga tao. Kapag naririnig ng ilang tao na may nagsasabing wala silang espirituwal na pang-unawa, nagiging negatibo sila at ayaw na nilang gawin ang kanilang tungkulin. Iniisip nila, “Sinasabi mong wala akong espirituwal na pang-unawa—hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala na akong pag-asang pagpalain? Yamang hindi na ako makakakuha ng anumang pagpapala sa hinaharap, para saan at nananampalataya pa ako? Hindi ko tatanggapin na papagserbisyuhin ako. Sino ang magpapagal para sa iyo kung wala naman silang makukuhang kapalit? Hindi ako ganoon kahangal!” May taglay bang konsensiya at katwiran ang gayong mga tao? Napakaraming biyaya ang tinatamasa nila mula sa Diyos subalit hindi sila marunong tumanaw ng utang na loob, at ayaw pa nga nilang magserbisyo. Katapusan na ng mga taong tulad nito. Ni hindi nga nila kayang magserbisyo hanggang sa huli at wala silang tunay na pananalig sa Diyos; hindi sila mga mananampalataya. Kung mayroon silang sinserong puso para sa Diyos at tunay na pananalig sa Diyos, kahit gaano pa sila tayahin, magbibigay-daan lang ito para mas tunay at mas tumpak nilang makikilala ang kanilang sarili—dapat nilang harapin ang bagay na ito nang tama at huwag hayaang makaapekto ito sa kanilang pagsunod sa Diyos o pagganap ng kanilang tungkulin. Kahit pa hindi sila makakatanggap ng mga pagpapala, dapat handa pa rin silang magserbisyo sa Diyos hanggang sa huli, at maging masaya na gawin iyon, nang walang rekla-reklamo, at dapat payagan nila ang Diyos na patnugutan sila sa lahat ng bagay—kapag nangyari iyon saka lang sila magiging isang taong may konsensiya at katwiran. Nasa kamay na ng Diyos kung tatanggap man ng mga pagpapala o magdurusa ng matinding sakuna ang isang tao, may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa bagay na ito at Siya ang nagsasaayos nito, at hindi ito isang bagay na mahihiling o mapagtatrabahuhan ng mga tao. Sa halip, nakadepende ito sa kung kaya ba ng taong iyon na sundin ang mga salita ng Diyos, tanggapin ang katotohanan, at gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos—susuklian ng Diyos ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa. Kung may kaunting sinseridad gaya nito ang isang tao, at ibinubuhos niya ang buong lakas na makakaya niya sa tungkuling dapat niyang gawin, kung gayon ay sapat na iyon, at makukuha niya ang pagsang-ayon at pagpapala ng Diyos. Sa kabilang dako, kung hindi naman ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin nang tama at gumagawa pa siya ng iba’t ibang uri ng kasamaan, pero sa kabila niyon ay gusto pa rin niyang makatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos, hindi ba’t ang pag-asta nila nang ganito ay lubhang wala sa katwiran? Kung pakiramdam mo ay hindi mo napagbutihan ang trabaho, na gumugol ka ng matinding pagsisikap pero hindi mo pa rin nagawang harapin ang mga bagay-bagay nang may mga prinsipyo, at pakiramdam mo ay may pagkukulang ka sa Diyos, pero pinagpapala ka at pinagpapakitaan ka Niya ng biyaya, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay pinagpapakitaan ka ng Diyos ng pabor? Kung nais ng Diyos na pagpalain ka, isang bagay iyon na hindi maaagaw ninuman. Maaaring iniisip mo na hindi mo napagbutihan ang trabaho, pero sa pagtataya ng Diyos, sinasabi Niyang sinsero ka at ibinigay mo naman ang lahat ng iyong makakaya, at nais Niyang pagpakitaan ka ng biyaya at pagpalain ka. Walang anumang ginagawa ang Diyos na mali, at dapat mong purihin ang Kanyang pagiging matuwid. Anuman ang ginagawa ng Diyos, laging tama ito, at kahit pa nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol sa ginagawa ng Diyos, naniniwalang hindi naisasaalang-alang ng mga bagay na ginagawa Niya ang damdamin ng mga tao, na hindi ito ayon sa gusto mo, magkagayon man, dapat mo pa ring purihin ang Diyos. Bakit dapat mong gawin ito? Hindi ninyo alam ang dahilan kung bakit, tama ba? Ang totoo, napakadali lang ipaliwanag nito: Ito ay dahil ang Diyos ay Diyos at ikaw ay tao; Siya ang Lumikha, at ikaw naman ay isang nilikha. Hindi ka kwalipikadong hilinging kumilos ang Diyos sa isang partikular na paraan o na tratuhin ka Niya sa isang partikular na paraan, ngunit kwalipikado ang Diyos na humingi ng anuman sa iyo. Ang mga pagpapala, biyaya, mga gantimpala, at mga korona—kung paano ipinagkakaloob ang mga bagay na ito at kung kanino ipagkakaloob ang mga ito, ang Diyos ang bahalang magpasya niyon. Bakit ang Diyos ang bahalang magpasya nito? Pagmamay-ari ng Diyos ang lahat ng bagay na ito; hindi pinagsamang pag-aari ang mga ito sa pagitan ng tao at ng Diyos na maaaring pantay na hatiin sa pagitan nila. Sa Diyos ang mga ito, at ipinagkakaloob ng Diyos ang mga ito sa mga pinangakuan Niyang pagkakalooban ng mga ito. Kung hindi ipinangako ng Diyos na ipagkaloob ang mga ito sa iyo, dapat ka pa ring magpasakop sa Kanya. Kung titigil ka sa pananampalataya mo sa Diyos dahil dito, anong mga problema ang malulutas niyon? Titigil ka ba sa pagiging isang nilikha? Matatakasan mo ba ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hawak pa rin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at isa itong hindi mababagong katotohanan. Ang pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos ay hindi kailanman maaaring itumbas sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng tao, ni hindi rin kailanman sasailalim sa anumang pagbabago ang mga bagay na ito—ang Diyos ay magpakailanman na Diyos, at ang tao ay habambuhay na tao. Kung kaya itong unawain ng isang tao, ano, kung gayon, ang dapat niyang gawin? Dapat siyang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at sa mga pagsasaayos ng Diyos—ito ang pinakamakatwirang paraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, at bukod dito, wala nang iba pang landas na maaaring piliin. Kung hindi ka magpapasakop, kung gayon, mapaghimagsik ka, at kung masuwayin ka at nakikipagtalo, napakamapaghimagsik mo, at dapat kang lipulin. Ang magawang makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ay nagpapakitang may katwiran ka; ito ang saloobing dapat mayroon ang mga tao, at tanging ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga nilikha. Halimbawa, sabihin na nating mayroon kang isang maliit na pusa o aso—kwalipikado ba ang pusa o asong iyon na hilingin sa iyo na ibili mo ito ng iba’t ibang klase ng malalasang pagkain o magagandang laruan? May anumang pusa o aso ba na lubhang wala sa katwiran para humingi sa kanilang mga amo ng kung ano ang gusto nila? (Wala.) At may anumang aso ba na pipiliing hindi makasama ang amo nito matapos makitang mas maganda ang buhay ng aso na nasa kabilang bahay kaysa sa kanya? (Wala.) Ang natural nilang gagawin ay ang isiping, “Binibigyan ako ng pagkain at ng matutuluyan ng aking amo, kaya dapat bantayan ko ang bahay para sa aking amo. Kahit pa nga hindi ako bigyan ng amo ko ng pagkain o bigyan ng pagkaing hindi naman masarap, dapat bantayan ko pa rin ang kanyang tahanan.” Walang ibang di-wastong kaisipan ang aso maliban sa nararapat nitong gawin. Mabuti man ang amo nito sa kanya o hindi, masayang-masaya na ang aso sa tuwing umuuwi ng bahay ang kanyang amo, palaging ikinakawag ang buntot nito, at talagang masayang-masaya. Naiibigan man siya o hindi ng kanyang amo, ibinibili man siya ng kanyang amo ng malalasang bagay na makakain o hindi, laging ganoon pa rin ang pakikitungo nito sa kanyang amo, at binabantayan pa rin niya ang tahanan nito. Kung pagbabatayan natin ito, hindi ba’t mas masama ang mga tao kaysa sa mga aso? (Oo.) Palaging hingi nang hingi ang mga tao sa Diyos, at palaging naghihimagsik laban sa Kanya. Ano ang ugat ng problemang ito? Ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, hindi nila kayang manatili sa lugar ng mga nilikha, kaya naman nawawala ang katutubo nilang kalikasan at nagiging mga Satanas; ang katutubo nilang mga kalikasan ay nagiging isang satanikong kalikasan para labanan ang Diyos, itakwil ang katotohanan, gumawa ng masama, at para hindi magpasakop sa Diyos. Paano ba muling maibabalik ang katutubo nilang kalikasan bilang mga tao? Dapat silang magkaroon ng konsensiya at katwiran, para gawin ang mga bagay na nararapat gawin ng isang tao, para gawin ang tungkuling nararapat nilang gawin. Parang kung paanong binabantayan ng isang aso ang isang tahanan, at kung paanong nanghuhuli ng mga daga ang isang pusa—paano man sila tratuhin ng kanilang amo, ginagamit nila ang buong lakas na mayroon sila para gawin ang mga bagay na ito, ibinubuhos nila ang sarili nila sa mga gampaning ito, at nananatili sila sa kanilang lugar at ginagamit nang husto ang kanilang katutubong kalikasan, kaya naman naiibigan sila ng kanilang amo. Kung magagawa ito ng mga tao, hindi na kakailanganin pang sabihin ng Diyos ang lahat ng salitang ito o bigkasin ang lahat ng katotohanang ito. Sobrang tiwali ang mga tao, wala silang kakatwi-katwiran at konsensiya, at mababa ang kanilang integridad; palaging nagdudulot ng problema ang kanilang mga tiwaling disposisyon, nabubunyag sa kanila, iniimpluwensiyahan ang kanilang mga pagpapasya at pag-iisip, nagiging dahilan para maghimagsik sila laban sa Diyos at hindi makapagpasakop sa Kanya, at nagiging dahilan ito para lagi silang magkaroon ng mga sarili nilang personal na kagustuhan, ideya, at preperensiya, at kaya hindi kailanman mananaig sa kanila ang katotohanan, at hindi ito puwedeng maging buhay nila. Ang lahat ng ito ang dahilan kung bakit dapat silang hatulan ng Diyos, subukin sila at pinuhin sila sa pamamagitan ng Kanyang mga salita—ito ay para maligtas sila. Sa kabilang banda, laging mga negatibong papel ang ginagampanan ng mga anticristo sa mga tao. Ganap na mga demonyo at Satanas talaga sila; hindi lang sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi rin nila kinikilala na mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at sapilitan rin silang nangunguha, sa kagustuhang magtamo ng mga pagpapala, ng korona, at mga gantimpala mula sa Diyos. Gaano kalayo ang nararating nila sa kanilang pagsisikap? Hanggang sa puntong wala na talaga silang kahihiyan at lubos na wala sa katwiran. Kung, matapos gumawa ng iba’t ibang uri ng masasamang bagay, nabunyag at natiwalag sila, magtatanim sila ng sama ng loob sa puso nila. Susumpain nila ang Diyos, susumpain ang mga lider at manggagawa, at kamumuhian nila ang iglesia at ang lahat ng tunay na mananampalataya. Inilalantad nito nang husto ang pangit na hitsura ng lahat ng masasamang tao at mga anticristo.
Ang ikalabindalawang aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo ay: gusto nilang umatras kapag wala silang katayuan at walang pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Gagawin nating simple ang ating usapan tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng pag-atras. Ang literal na kahulugan ng pag-atras ay ang pag-urong mula sa isang puwesto papunta sa ibang puwesto—tinatawag itong “pag-atras.” Palaging may mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan sa loob ng sambahayan ng Diyos na kusang iniiwan ang iglesia at ang mga kapatid dahil tutol sila sa pagdalo sa mga pagtitipon at sa pakikinig sa mga sermon, at ayaw nilang gumawa ng kanilang tungkulin—tinatawag itong pag-atras. Pag-atras ito sa literal na pakahulugan ng salita. Gayunpaman, kapag ang isang tao ay talagang natukoy na sa paningin ng Diyos na umatras na, ito ay hindi lang talaga usapin ng paglisan niya sa sambahayan ng Diyos, ng hindi na pagkakita sa kanya, at ng kanyang pagkatanggal mula sa mga talaan ng iglesia. Ang totoo ay na kapag hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang isang tao, gaano man kalaki ang kanyang pananalig, at kinikilala man niya na mananampalataya siya ng Diyos, pinatutunayan nito na hindi niya kinikilala sa puso niya na umiiral ang Diyos, o na katotohanan ang Kanyang mga salita. Para sa Diyos, ang taong iyon ay umatras na at hindi na mabibilang na miyembro ng Kanyang sambahayan. Ang mga hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ay isang uri ng mga tao na umatras na. Ang isa pang uri ay ang mga taong hindi kailanman nakikibahagi sa buhay-iglesia, at hindi kailanman lumalahok sa mga aktibidad na may kinalaman sa buhay-iglesia, gaya ng kapag umaawit ng mga himno ang mga kapatid, nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nagbabahagi tungkol sa kanilang mga personal na karanasan at pagkaunawa nang sama-sama. Tingin ng Diyos ay umatras na ang mga taong ito. May isa pang uri: ang mga tumatangging gumawa ng mga tungkulin. Anuman ang hilingin sa kanila ng sambahayan ng Diyos, anumang uri ng gawain ang gusto nitong ipagawa sa kanila, alinmang tungkulin ang ipagawa nito sa kanila, sa kapwa malalaki at maliliit na bagay, maging sa isang bagay na napakasimple gaya ng pagpapasa nila ng paminsan-minsang mensahe—ayaw nilang gawin ito. Sila, na nagsasabing mga mananampalataya umano sila ng Diyos, ay hindi man lang nakagagawa ng mga gampaning maaaring hilingin sa isang walang pananampalataya na tumulong. Ito ay pagtanggi na tanggapin ang katotohanan at pagtanggi na gawin ang isang tungkulin. Gaano man sila hinihimok ng mga kapatid, tinatanggihan nila at hindi tinatanggap ito; kapag nagsasaayos ang iglesia ng ilang tungkulin na gagawin nila, binabalewala nila ito at nagbibigay sila ng napakaraming dahilan para tanggihan ito. Ang mga ito ay mga taong tumatangging gumawa ng mga tungkulin. Para sa Diyos, ang gayong mga tao ay umatras na. Ang pag-atras nila ay hindi usapin ng pagpapaalis sa kanila ng sambahayan ng Diyos o pagtanggal sa kanila mula sa mga talaan nito; sa halip, ito ay sa kawalan nila ng totoong pananalig—hindi nila kinikilala ang sarili nila bilang mga mananampalataya ng Diyos. Ang sinumang naaakma sa isa sa tatlong kategoryang ito ay isang taong umatras na. Isa ba itong tumpak na depinisyon? (Oo.) Kung hindi ka nagbabasa ng mga salita ng Diyos, maibibilang ka bang isang mananampalataya sa Diyos? Kung hindi mo isinasabuhay ang buhay-iglesia, kung hindi ka nakikisalamuha o nakikihalubilo sa iyong mga kapatid, maibibilang ka bang isang mananampalataya? Lalong hindi. Bukod dito, kung tumatanggi kang gampanan ang iyong tungkulin, at ni hindi mo tinutupad ang mga obligasyon mo bilang isang nilikha, mas malala pa iyon. Ang tatlong uri ng mga taong ito ay ang mga nakikita ng Diyos na umatras na. Hindi ito dahil sa pinatalsik o pinaalis sila sa sambahayan ng Diyos; sa halip, kusang-lob silang umatras, at kusang-loob na sumuko. Lubos na ibinubunyag ng kanilang ugali na hindi nila minamahal o tinatanggap ang katotohanan, at sila ay mga klasikong halimbawa ng mga taong ang habol lang ay ang kainin ang kanilang bahagi sa tinapay at ang maghangad ng mga pagpapala.
Oktubre 17, 2020