Ikalabing-isang Aytem: Hindi Nila Tinatanggap ang Pagpupungos, ni Hindi Sila Nagsisisi Kapag Nakakagawa Sila ng Anumang Pagkakamali, Kundi sa Halip ay Nagkakalat Sila ng mga Kuru-kuro at Hayagan Nilang Hinuhusgahan ang Diyos
Magbabahaginan tayo ngayon tungkol sa ikalabing-isang aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Hindi nila tinatanggap ang pagpupungos, ni hindi sila nagsisisi kapag nakakagawa sila ng anumang pagkakamali, kundi sa halip ay nagkakalat sila ng mga kuro-kuro at hayagan nilang hinuhusgahan ang Diyos. Ang partikular na nilalaman ng aytem na ito ay tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos; ibig sabihin, ang saloobin nila kapag nahaharap sila rito, at kung ano ang gagawin nila at ano ang mga pagpapamalas na mayroon sila habang kinikimkim ang saloobing ito. Napagbahaginan na ba natin ang nilalaman tungkol sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos? (Oo, napag-usapan na ito sa pagbabahaginan kung paano tinatrato ng mga anticristo ang mga inaasam-asam at kapalaran nila.) Kaya, ano ang saloobin ng isang anticristo sa pagpupungos? Hindi ba’t napagbahaginan natin noong oras na iyon ang mga sikat na kasabihan na binibigkas ng mga anticristo kapag pinupungusan sila? (Oo.) Mayroon silang dalawang sikat na kasabihan para sa ganitong uri ng sitwasyon. Ang isa ay, “Matuwid ang diyos, at nananampalataya ako sa diyos, hindi sa tao!” at ang isa naman ay, “Masyado kang walang muwang para pungusan ako. Kung hindi ako nananampalataya sa diyos, wala sana akong pakialam kahit kanino!” Gayundin, kinamumuhian nila ang sinumang nagpupungos sa kanila at, dagdag pa rito, sa sandaling mapungusan sila, naghihinala silang ititiwalag sila. Sa huli, nagbahaginan din tayo sa kung paanong bukod sa tumatanggi silang mapungusan, nagkakalat din sila ng mga kuro-kuro kahit saan. Hindi ba’t iyon ang napag-usapan natin? (Oo.)
I. Ang mga Dahilan Kung Bakit Pinupungusan ang mga Anticristo
Kabibigay Ko lang ng mabilis na pagbabalik-aral ng nakaraan nating pagbabahaginan sa kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos kapag nakakanti nito ang mga personal nilang interes. Ngayon, pagbabahaginan at hihimayin natin ito mula sa isa pang anggulo, at titingnan natin kung ano ang mga partikular na disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo kapag pinupungusan sila at kung anong uri ng saloobin mayroon sila, pati na ang kung ano ang mga partikular nilang pananaw, at hihimayin natin ang disposisyon nila batay sa mga pananaw na ito. Dahil kabilang dito ang paksa ng pagpupungos, unahin nating magbahaginan tungkol sa mga dahilan kung bakit pinupungusan ang mga anticristo. Ang pagpupungos ay hindi isang bagay na ginagawa nang walang batayan, kaya, sa anong konteksto at sa anong sitwasyon ito mangyayari sa isang anticristo? Ito ba ay dahil lang isang anticristo ang taong iyon? Sinasabi ng ilang tao: “Ang sinumang may katayuan, ang sinumang nasa pokus ng atensyon, ay mapupungusan sa huli.” Totoo ba iyon? (Hindi.) Kung gayon, ano ba ang ginagawa ng mga anticristo na nagdudulot para mapungusan sila? Pupungusan ba sila nang malupit kung ordinaryong pagkakamali ang nagawa nila? Hindi ba’t dapat itong pagbahaginan? (Oo.) Bakit pinupungusan ang mga anticristo? Sa teoretikal na pananaw, may mga mapagmataas na disposisyon ang mga anticristo, hindi sila nagpapasakop sa katotohanan, hindi nila minamahal ang mga salita ng Diyos o ang mga positibong bagay, tutol sila sa katotohanan, namumuhi sila sa katotohanan, at mga kaaway sila ng Diyos, kaya dapat silang pungusan o walang-awa pa ngang ilantad. Tama ba ang pahayag na ito? Batay sa mga pagpapamalas at pagbubunyag nila, makaklasipika sila bilang mga anticristo, kaya nararapat silang mapungusan at walang-awa pa ngang ilantad; paano man sila pungusan, hindi sila karapat-dapat na kaawaan, dapat silang tanggihan, at may katwiran ang kahit sino na pungusan sila. Ganoon ba ang mga bagay-bagay? (Hindi.) Sigurado kayo? Bakit pinupungusan ang mga anticristo? Kakabanggit Ko lang ng ilang dahilan nito. Maaaring pakiramdam ng ilan sa inyo na hindi tama ang mga dahilan na iyon, pero hindi kayo sigurado; ito ay dahil mga doktrina lang ang nauunawaan ninyo, at hindi ninyo nakikilatis ang diwa nito. Ang katunayan na hindi pa ninyo ito nakilala ay nagpapakita na hindi pa ninyo nakilatis ang usapin ng kung bakit pinupungusan ang mga anticristo. Mga doktrina lamang ang nauunawaan ng karamihan ng tao tungkol sa usaping ito, at alam nila sa puso nila na dapat pungusan at walang-awang ilantad ang isang anticristo, pero wala silang pagkilatis sa aktuwal na pag-uugali ng isang anticristo; ipinapahiwatig nito na hindi nila kayang makilatis ang diwa ng isyung ito o ang diwa ng mga anticristo. Mga doktrina lang ang nauunawaan ng mga taong hindi nagtataglay ng katotohanang realidad, bulag nilang ipinapatupad ang mga patakaran, kaya kung mayroon talagang isang anticristo na gumagawa ng isang bagay, hindi nila ito makikilatis.
Bakit maaaring mapungusan ang isang anticristo? Napakasimple ng dahilan—dahil ito sa iba’t ibang pagpapamalas nila, at sa iba’t ibang pagsasagawa at pag-uugali na nabubunyag mula sa diwa nila. At ano ang mga pagsasagawa, pag-uugali, at pagpapamalas na ito? Una, nagtatatag ang mga anticristo ng mga sarili nilang independiyenteng kaharian. Dahil sa anticristong diwa nila, nakikipag-agawan sila sa Diyos para sa mga taong hinirang Niya, at nakikipag-agawan sila para sa teritoryo at para sa puso ng mga tao—ang lahat ng ito ay ang pagtatatag nila ng mga sarili nilang independiyenteng kaharian. Kapag nagtatatag ang isang tao ng sarili niyang independiyenteng kaharian, ginagawa ba niya ang kanyang tungkulin? (Hindi.) Pinatatakbo niya ang sarili niyang kompanya, pinamamahalaan ang saklaw ng impluwensiya at awtoridad niya, sinusubukang makuha ang eksklusibong kontrol sa kanyang sariling teritoryo, para bumuo ng sarili niyang paksiyon, para iligaw ang hinirang na mga tao ng Diyos para tanggihan ng mga ito ang Diyos at sa halip ay sa kanya sumunod ang mga ito. Hindi ito paggawa ng kanyang tungkulin, pakikipagtuos ito sa Diyos. Kapag nagpapakita ng ganitong mga pagpapamalas ang isang anticristo, kapag ginagawa niya ang mga bagay na ito, dapat ba siyang pungusan? (Oo.) Isa ba ito sa mga dahilan ng pagpupungos sa isang anticristo? Isa ba ito sa mga partikular niyang pagpapamalas? (Oo.) Kung gayon, bakit hindi ninyo masabi iyon ngayon? Hindi ba’t parehong nasa mga labi at mga isipan ninyo ang mga salitang ito? (Oo.) Sumasalungat ba ang pagpapamalas na ito sa kababanggit Ko pa lang na mga teoretikal na dahilan? Ano ang pagkakaiba ng mga ito? (Medyo pangkalahatan ang mga dahilang iyon, samantalang detalyado ang pagpapamalas na kababanggit pa lang ng Diyos—praktikal na pagpapamalas ito ng isang anticristo.) Pangkalahatan ang mga dahilang iyon na binanggit kanina, ilang doktrina lang ang mga ito; hindi ang mga ito ang mga partikular na dahilan kung bakit talaga pinupungusan ang mga anticristo. Isa sa mga totoong dahilan ang pagpapamalas na ito. Ang unang pagpapamalas ay na sinusubukan nilang magtatag ng mga sarili nilang independiyenteng kaharian. Ang pangalawang pagpapamalas ay ang kanilang pailalim na manipulasyon. Pareho ang kalikasan nito sa pagsisikap ng isang tao na magtatag ng sarili niyang independiyenteng ng kaharian, pero magkaiba ang mga partikular na pagsasagawa. Kaya ano ang ibig sabihin ng pailalim na manipulasyon? Positibo o negatibo ba ang terminong ito? May mga maganda o mapanira bang konotasyon ito? (Mga mapanirang konotasyon.) Ano ang karaniwang kahulugan ng pailalim na manipulasyon? Anong mga uri ng mga pagpapamalas ang kabilang dito? (Ang paggawa ng mga anticristo ng mga bagay-bagay nang palihim upang patibayin ang kanilang katayuan. Halimbawa, sa mga panahon ng halalan sa iglesia, palihim silang nanghihingi ng boto.) Isa ito sa mga bagay na kabilang dito. Sa madaling salita, nangangahulugan ang ganitong uri ng pagpapamalas ng paggawa ng ilang bagay nang patago, nang hindi nakikipag-usap sa iba, nang hindi nagiging bukas sa iba, minamanipula ang mga sitwasyon nang hindi nalalaman ng lahat, sa partikular, hindi hinahayaang malaman ng Itaas o ng mga nakakataas na lider ang tungkol dito. Palihim na ginagawa ng mga anticristo ang ilang bagay, kahit na alam na alam nilang salungat sa mga prinsipyo ang mga bagay na iyon at hindi naaayon sa katotohanan, na nakakapinsala ang mga bagay na iyon sa sambahayan ng Diyos at na kinasusuklaman ng Diyos ang mga bagay na iyon. Iginigiit pa rin nila ang paggawa ng mga bagay na ito, gamit ang mga panlilinlang ni Satanas at pamamaraan ng tao para manipulahin ang sitwasyon, at pagkatapos ay kumikilos sila nang palihim. Ano ang kanilang mga layon sa pagsasagawa ng mga bagay-bagay nang palihim? Ang isang layon ay para agawin ang kapangyarihan, at ang isa naman ay para kamtin ang anumang interes na gusto nila. Para makamit ang mga ito, gumagawa sila ng mga bagay-bagay na labag sa mga katotohanang prinsipyo, sa mga tuntunin ng iglesia, sa mga layunin ng Diyos, at ang mas matindi pa, sa sarili nilang konsensiya. Walang pagiging bukas sa mga kilos nila—itinatago nila ang mga bagay-bagay mula sa lahat ng tao, o kaya ay sinasabi lamang nila sa iilang kasabwat na saklaw ng kanilang impluwensiya, para makamit nila ang layon nila na makontrol ang sitwasyon, malinlang ang mga nakatataas na lider at ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ang pailalim na manipulasyon ay nangangahulugan na gumagawa sila ng mga partikular na desisyon at pinamamatnugutan nila ang ilang bagay, habang ganap na walang kamalay-malay ang karamihan ng tao, at kapag lumipas na ang mga bagay na ito, hindi alam ng karamihan ng tao ang pinagmulan ng mga ito o kung sino ang nagsimula ng mga ito, o kung ano ba talaga ang nangyari. Bakit walang nalalaman ang karamihan ng tao? Ito ang kabuktutan, ang kalupitan ng isang anticristo. Sinasadya niyang linlangin ang mga kapatid, ang mga nakatataas na lider, at ang Itaas sa mga kilos niya. Gaano mo man subukang usisain ang mga bagay na ito o sino man ang tanungin mo, walang nakakaalam kung ano ang sanhi ng mga ito, at wala pa ring ideya ang karamihan ng tao sa kung ano ang nangyayari, partikular na sa maraming bagay na nangyari sa nakalipas na matagal na panahon. Ito ay pailalim na manipulasyon. Isa itong karaniwang taktika na ginagamit ng mga anticristo—kapag may gusto silang gawin na isang bagay, pribado silang nagpapakana at nagpaplano nito, nang hindi ito sinasabi sa sino pa man. Ginagawa nila ang pagpapakana nila sa isip nila kung wala silang sinumang pinagkakatiwalaan; kung mayroon silang mga kasabwat, magpapakana at magpaplano sila nang palihim kasama ang mga ito, at maaaring maging puntirya ng kanilang manipulasyon, ng kanilang mga plano ang sinumang saklaw ng kanilang impluwensiya. Ano ang pangunahing katangian ng ganitong uri ng pagsasagawa? Kawalan ito ng pagiging bukas, kung saan hindi tinatamasa ng karamihan ng tao ang karapatang malaman kung ano ang nangyayari, at pinaglalaruan, minamanipula, at inililigaw sila ng mga anticristo habang nalilito sila. Bakit gumagawa ang mga anticristo ng pailalim na manipulasyon, at bakit hindi sila kumikilos nang lantad at bukas, o bakit hindi nila tinutulutan ang lahat ng karapatan na malaman kung ano ang nangyayari? Dahil alam na alam nila at malinaw sa kanila na hindi naaayon sa mga prinsipyo o tuntunin ng sambahayan ng Diyos ang ginagawa nila, at na walang pakundangan silang gumagawa ng mga maling gawain. Alam nila na kung batid ng karamihan ng tao ang ginagawa nila, titindig ang ilan sa mga ito at kokontrahin sila, at kung malalaman ng mga nakatataas na lider, pupungusan at tatanggalin sila, at manganganib ang katayuan nila kung magkagayon. Iyon ang dahilan kaya ginagamit nila ang pamamaraan ng pailalim na manipulasyon sa ilang bagay na ginagawa nila, at hindi nila pinahihintulutan ang ibang tao na malaman ang tungkol sa mga ito. Kapaki-pakinabang ba ang mga kahihinatnan ng pailalim nilang manipulasyon sa gawain ng iglesia, at sa mga hinirang na tao ng Diyos? Makapagpapatibay ba ito para sa lahat? Siyempre hindi. Nalilihis at nalilinlang ang karamihan ng tao, at hindi talaga sila nakikinabang dito. Naaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo ang pamamaraang ito ng pailalim na manipulasyon na ginagamit ng mga anticristo? Pagkilos ba ito nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos? (Hindi.) Kaya, dapat bang pungusan ang mga anticristo kapag natuklasan ang mga pagpapamalas nilang ito ng pagsasagawa ng pailalim na manipulasyon? Dapat ba silang ilantad at tanggihan? (Oo.) Ang paggawa ng pailalim na manipulasyon ay isang konkretong pagpapamalas ng mga anticristo.
Ano pa ang ibang mga pagpapamalas na karaniwan kapag gumagawa ang mga anticristo? (Sinusupil at pinapahirapan ng mga anticristo ang mga tao alang-alang sa sarili nilang katayuan.) Napakakaraniwang bagay na sa mga anticristo na magpahirap ng ibang tao, at isa ito sa kanilang kongkretong pagpapamalas. Upang mapanatili ang kanilang katayuan, laging hinihingi ng mga anticristo na sundin at pakinggan sila ng lahat. Kapag nakita nilang may hindi nakikinig sa kanila o kumokontra at lumalaban sa kanila, gagamit sila ng mga pamamaraan ng paghahadlang at pagpapahirap sa taong iyon, para supilin ito. Madalas na sinusupil ng mga anticristo ang mga taong may mga opinyong naiiba sa opinyon nila. Madalas na pinipigilan nila ang mga taong naghahangad sa katotohanan at matapat na ginagampanan ang kanilang tungkulin. Madalas nilang sinusupil ang mga taong medyo disente at matuwid na hindi nambobola o sumisipsip sa kanila. Pinipigilan nila ang mga hindi nila kasundo o hindi nagpapatalo sa kanila. Ang pagtrato ng mga anticristo sa iba ay hindi nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila kayang tratuhin nang patas ang mga tao. Kapag hindi nila nagustuhan ang isang tao, kapag ang isang tao ay tila hindi buong-pusong nagpatalo sa kanila, naghahanap sila ng mga pagkakataon at mga palusot, at nag-iisip pa nga ng iba’t ibang dahilan, upang atakihin at pahirapan ang taong iyon, umaabot pa sa puntong nagkukunwari silang ginagawa nila ang gawain ng iglesia upang supilin siya. Hindi sila tumitigil hanggang sa maging sunud-sunuran at hindi maka-hindi sa kanila ang mga tao; hindi sila tumitigil hangga’t hindi kinikilala ng mga tao ang kanilang katayuan at kapangyarihan, at binabati sila nang may ngiti, nagpapahayag ng pag-endorso at pagtalima sa kanila, at hindi nangangahas na pag-isipan sila nang hindi maganda. Sa anumang sitwasyon, anumang grupo, ang salitang “patas” ay hindi umiiral sa pagtrato ng isang anticristo sa iba, at ang salitang “mapagmahal” ay hindi umiiral sa pagtrato niya sa kanyang mga kapatid na tunay na nananalig sa Diyos. Itinuturing niya ang sinumang banta sa kanyang katayuan bilang pako sa kanyang mata at tinik sa kanyang tagiliran, at hahanap siya ng mga pagkakataon at mga dahilan para pahirapan sila. Kung ang taong iyon ay hindi magpapatalo, pinapahirapan niya ang mga ito, at hindi tumitigil hangga’t hindi nasusupil ang taong iyon. Ang pagsasagawa ng mga anticristo ng ganito ay labis na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at laban sa katotohanan, kung gayon, dapat ba silang pungusan? Hindi lang iyon—walang mas mababa pa sa paglalantad, pagkikilatis, at pag-uuri sa kanila ang sasapat. Tinatrato ng isang anticristo ang lahat ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan, layunin at pakay. Sa ilalim ng kanyang awtoridad, ang sinumang may pagpapahalaga sa katarungan, sinumang kayang magsalita nang patas, sinumang nangangahas na labanan ang kawalang-hustisya, sinumang pinanghahawakan ang mga katotohanang prinsipyo, sinumang tunay na may talento at marunong, sinumang kayang magbigay ng patotoo tungkol sa Diyos—lahat ng gayong tao ay haharapin ang inggit ng anticristo, at sila ay susupilin, ibubukod, at tatapak-tapakan ng anticristo hanggang sa puntong hindi na nila kaya pang bumangon muli. Gayon ang poot sa pagtrato ng anticristo sa mabubuting tao, at sa mga naghahangad ng katotohanan. Masasabing, humigit-kumulang, ang karamihan sa mga taong kinaiinggitan ng anticristo at kanyang sinusupil ay mga positibong personalidad at mabubuting tao. Karamihan sa kanila ay mga taong ililigtas ng Diyos, na magagamit ng Diyos, at gagawing perpekto ng Diyos. Sa paggamit ng gayong mga taktika para supilin at ihiwalay ang mga ililigtas, gagamitin, at gagawing perpekto ng Diyos, hindi ba’t kalaban ng Diyos ang mga anticristo? Hindi ba’t sila ay mga taong lumalaban sa Diyos? Dahil kinaiinggitan, inaatake, at ibinubukod nang ganito ng mga anticristo ang mga taong naghahangad sa katotohanan, direkta nilang ginugulo ang gawain ng iglesia at ang buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos. Hindi lang sa Diyos na nagkatawang-tao antagonistiko ang ganitong uri ng anticristo, kundi pati sa mga taong sumusunod sa Diyos at sa mga naghahangad sa katotohanan. Isa itong tunay na anticristo. Dapat bang maging mapagkilatis ang mga hinirang na tao ng Diyos sa ganitong uri ng pagpapamalas ng mga anticristo? Dapat ba nilang ilantad at tanggihan ang mga anticristo? Malulutas ba ang uri ng disposisyon na mayroon ang mga anticristo sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan? Ang disposisyon nila ay pagkamuhi sa katotohanan at sa Diyos, at tiyak na hindi nila tatanggapin ang katotohanan o hindi sila magpapasakop sa katotohanan. Samakatuwid, ang tanging paraan para pangasiwaan ang mga gayong tunay na anticristo ay ang ilantad, kilatisin, at pagkatapos ay tanggihan ang mga gayong tao. Ganap itong nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga layunin ng Diyos. Ang pagpapahirap ng mga anticristo sa mga hinirang na tao ng Diyos sa ganitong paraan ay malinaw na paglalagay sa kanilang sarili sa sitwasyon kung saan masasalungat nila ang Diyos at makikipag-agawan sila sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang na tao. Ayaw nila sa mga taong hindi nila kayang iligaw at kontrolin. Hindi nila makamit ang mga taong ito, pero hindi rin nila pinahihintulutang makamit ng Diyos ang mga ito. Sa ganitong paraan, hindi ba’t ginagampanan nila ang papel ni Satanas sa iglesia, na nakikipag-agawan sa Diyos para sa mga hinirang na tao ng Diyos, at nagdudulot ng pinsala at pagkasira sa mga ito? Nais ng mga anticristo na mapasailalim ng kanilang impluwensiya ang mga hinirang na tao ng Diyos na naghahangad sa katotohanan, hinahadlangan nila ang Diyos na makamit ang mga ito, at nais din nilang iligaw ang lahat ng taong sumusunod sa Diyos at pasunurin sa kanila ang mga taong ito, sinisira ang pag-asa ng mga ito sa kaligtasan. Saka lang nila makakamit ang kanilang layon. Hindi ba’t pangunahing kaaway ng Diyos ang mga anticristong namiminsala sa mga tao hanggang mamatay? Dapat makilatis ninyo sila.
Ano pa ang ibang mga pagpapamalas na mayroon ang mga anticristo? (Sumasalungat sila sa mga pagsasaayos ng gawain at ginagawa lang nila ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan.) May ilang pagkakatulad ito at ang pagtatatag ng nagsasariling kaharian at ang pailalim na manipulasyon, ngunit isa rin itong partikular na pagpapamalas. Paano ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan? (Naglalabas ang Itaas ng mga pagsasaayos ng gawain para hingin sa mga hinirang na tao ng Diyos na kilatisin ang mga huwad na lider at anticristo, pero hindi ipinapatupad ng ilang anticristo ang mga pagsasaayos ng gawain na ito, sa halip, ginagamit nilang dahilan ang “magagawa mo lang kilatisin ang ibang tao kapag nagawa mo nang kilatisin ang sarili mo”, para kilalanin ng lahat ang sarili nila, na pumipigil sa mga kapatid na makilatis ang mga huwad na lider at anticristo.) Pagsalungat ito sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, at paggawa rin ito ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Ano pa? (May sariling mga ideya ang mga anticristo tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas. Sa panlabas, tila nagagawa nilang ipatupad ang mga pagsasaayos na ito at tila nakikipagbahaginan sila sa mga kapatid, pero hindi nila ito sinusubaybayan kailanman o hindi sila nagtatanong man lang tungkol sa mga bagay na ito, at binabalewala lang nila ang mga ito pagkatapos.) Ang pangunahing kahulugan ng paggawa ng mga anticristo ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan ay na anuman ang gawaing isinasaayos ng Itaas o anuman ang gawaing hinihingi ng Itaas na ipatupad ng mga nasa ibaba, isasantabi ito ng mga anticristo, babalewalain nila ito, hindi ito sasabihin sa iba, at hindi ito ipapatupad, at pagkatapos ay gagawin nila ang gusto nila, kung ano ang handa silang gawin, at kung ano ang kapaki-pakinabang sa kanila. Halimbawa, sa paglalabas ng mga aklat ng mga salita ng Diyos, ayon sa mga prinsipyo ng iglesia sa pamamahagi ng aklat, bibigyan ng aklat ang lahat ng namumuhay ng normal na buhay iglesia. Pero kapag nakikita ito ng isang anticristo, iniisip niya, “May aklat para sa lahat? Hindi ba’t makasasama ito para sa akin? Hindi pwedeng isang aklat kada tao—kailangan kong isagawa at ipatupad ang gawaing ito batay sa kung ano ang partikular na iniisip sa akin ng bawat tao. Hindi ito dapat tungkol lang sa pamumuhay ng normal na buhay iglesia, kundi kung sino sa pangkalahatan ang nagbibigay ng mas maraming handog. Nang walang eksepsiyon, hindi dapat makakuha ng aklat ang mga taong hindi nagbibigay ng anumang handog o ang mahihirap. Kung magmamakaawa sila sa akin para sa isang aklat at magbibigay ng kaunting pera, batay sa kanilang ikinikilos, magdedesisyon ako kung bibigyan ko ba sila ng aklat o hindi.” Paggawa ba ito ng mga bagay ayon sa mga prinsipyo? Ano ang ginagawa nila? Ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Ang paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan ay nangangahulugan ng pagtatakda ng sarili nilang mga patakaran sa labas ng umiiral na mga pagsasaayos ng gawain, kumikilos nang ayon sa mga patakarang iyon sa lokal nilang iglesia, hindi ipinapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at ang mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa anumang paraan, at sa halip ay kumikilos nang ayon sa sarili nilang mga pakay at layon. Sa panlabas, namamahagi sila ng mga aklat, at mukhang nakumpleto na ang gawaing iyon. Pero ano ang batayan nila sa paggawa nito? Hindi ito batay sa mga pagsasaayos ng mga gawain ng sambahayan ng Diyos o sa mga tuntunin ng iglesia, batay ito sa sarili nilang mga patakaran, sa sarili nilang mga diskarte. Paggawa ito ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Hindi man lang sila nagpapakita ng anumang pagpapasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos; hindi nila magawang mahigpit na ipatupad o isagawa ang mga ito, at sa halip ay palihim silang nagtatakda ng marami sa kanilang sariling mga tuntunin at regulasyon na isinasagawa at ipinapatupad sa loob ng lokal nilang iglesia. Hindi lamang ito pagtatayo ng nagsasarili nilangkaharian, higit pa rito, paggawa ito ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Sa madaling salita, kapag nagpapatupad sila ng mga pagsasaayos ng gawain sa lokal nilang iglesia, ginagawa nila ang gusto nila, na naiiba sa mga pagsasaayos ng gawain na inilabas ng Itaas at ipinapatupad sa ibang iglesia. Sa panlabas, iniraraos lang nila ang paggawa, natanggap nila ang mga pagsasaayos ng gawain at binasa ang mga ito, pero may sarili silang mga pamamaraan kung paano nila partikular na ipinapatupad ang mga ito. Binabalewala nila ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at hayagang nilalabag ang mga ito. Tinatawag ito na paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan. Bakit ginagawa ng mga anticristo ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan? Gusto nilang gumamit ng kapangyarihan sa loob ng iglesia, at gusto nilang sila ang may huling salita sa lahat ng bagay.) Tama. Gusto lang nilang humawak ng kapangyarihan; hinahanap at sinusunggaban nila ang lahat ng pagkakataon para makamit ang kapangyarihan at makontrol ang iba, para pakinggan sila ng iba, sundin sila, at katakutan sila. Gusto nilang gamitin ang iba’t iba nilang pagsasagawa para makontrol ang iba, para ipaalam sa iba na sila lang ang may hawak ng kapangyarihan sa lugar na ito, at wala nang iba pa, na talagang imposible para sa iba na hindi dumaan sa kanila, na laktawan sila, at na walang sinuman ang makahihigit sa kanila. Ang makontrol ang mga hinirang na tao ng Diyos at makuha ang kapangyarihan ang pangunahing kagustuhan ng mga anticristo. Napakalinaw na ang mga anticristong kumikilos nang ganito ay hindi pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Hindi ito isang bagay na dapat na ginagawa ng isang lider o ng sinumang normal na gumagawa ng kanilang tungkulin. Kaya, kapag ipinapakita ng mga anticristo ang ganitong pagpapamalas, dapat ba silang pungusan? Dapat ba silang ilantad at tanggihan? (Oo.)
Ano ang ilan sa iba pang mga pagpapamalas ng mga anticristo? (Ninanakaw ng mga anticristo ang mga handog, ginagastos ang pera ng sambahayan ng Diyos para sa kanilang sariling kasiyahan, at nagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo.) Ang pagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo ay isang partikular na pagpapamalas. Sa sandaling magkamit ng katayuan ang isang anticristo, wala nang makakapigil sa kanya—nakikita niya ang ibang mga tao bilang mga bagay na tinatapak-tapakan, at sa lahat ng ginagawa niya ay gusto niyang agawin ang atensyon, para magsamantala nang husto. Sinisikap niyang makalamang sa lahat ng ginagawa niya, pati na rin sa pananalita niya. Anumang pwesto ang kanyang upuan, gusto niya itong maging espesyal. Anumang pagtrato ang kanyang tinatamasa sa sambahayan ng Diyos, gusto niya itong maging mas maganda kaysa sa tinatanggap ng iba. Gusto niyang maging mas mataas ang tingin sa kanya ng lahat at magkaroon ng mas mataas na pagpapahalaga sa kanya ang lahat kaysa sa iba. Kapag wala siyang katayuan, gusto niya itong agawin, at sa oras na mayroon na siyang katayuan ay nagiging napakayabang niya. Dapat na tumingala sa kanya ang sinumang nakikipag-usap sa kanya, walang puwedeng maglakad kasabay niya, at sa halip ay dapat na manatili ng isa o dalawang hakbang sa likod niya; walang puwedeng magsalita sa kanya nang napakalakas o napakasakit, gumamit ng mga maling salita, o tumingin sa kanya nang masama. Pipintasan niya ang lahat, at may masasabi siya tungkol sa mga ito. Walang puwedeng magpasama ng loob niya o pumuna sa kanya; sa halip, dapat maging magalang ang lahat sa kanya, sumipsip sa kanya, at bolahin siya. Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang isang anticristo, kikilos siya nang walang pakundangan at kung paano man niya gustuhin saan man siya magpunta, at magpapakitang-gilas para hangaan siya ng iba. Hindi lamang siya nagpapakasaya sa katayuan at talagang pinahahalagahan ang paghanga ng iba, partikular din na importante sa kanya ang mga materyal na kasiyahan. Gusto niyang manatili sa mga host na nagbibigay ng pinakamahusay na pagtrato. Sinuman ang kanyang host, may mga partikular siyang hinihingi pagdating sa kanyang kinakain, at kung hindi masyadong masarap ang pagkain, hahanap siya ng pagkakataon para pungusan ang kanyang host. Ayaw niyang tanggapin ang anumang mabababang kalidad na kasiyahan—ang lahat ng kanyang pagkain, damit, tinutuluyan, at transportasyon ay dapat na may pinakamataas na kalidad, hindi puwede ang karaniwan lang. Hindi niya kayang tanggapin ang mga bagay na katulad ng tinatanggap ng mga regular na mga kapatid. Kung ang iba ay bumabangon nang ika-5 o ika-6 nang umaga, siya ay babangon ng ika-7 o ika-8 nang umaga. Dapat na ilaan para sa kanya ang pinakamasasarap na pagkain at aytem. Kahit ang mga handog ng mga tao ay dapat muna niyang salain, at itatago niya anuman ang maganda at mahalaga, o anuman ang magustuhan niya, at iiwan ang mga tira-tira para sa iglesia. At may isa pang pinaka-nakakasuklam na ginagawa ng mga anticristo. Ano ito? Kapag may katayuan na sila, mas ginaganahan sila, lumalawak ang kanilang abot-tanaw, at natututo silang magpakasaya, pagkatapos ay nagkakaroon sila ng pagnanais na gumastos, kumonsumo, at dahil dito ay gusto nilang mapunta sa kanila ang lahat ng perang ginagamit ng iglesia para sa gawain nito, para ilaan ito kung paano man nila gusto, at para kontrolin ito ayon sa kanilang kagustuhan. Partikular na nagsasaya sa ganitong uri ng kapangyarihan at ganitong uri ng pagtrato ang mga anticristo, at kapag may kapangyarihan na sila, gusto nilang ilagay ang kanilang pangalan sa lahat ng bagay, tulad sa lahat ng tseke at iba’t ibang kasunduan. Gusto nilang namnamin ang sarap ng pakiramdam na iyon ng walang humpay na pagpirma gamit ang panulat, ng pagwaldas ng pera na parang tubig. Kapag walang katayuan ang isang anticristo, walang makakakita ng ganitong mga pagpapamalas sa kanya, o na siya ay ganitong uri ng tao, na mayroon siyang ganitong uri ng disposisyon, na gagawa siya ng gayong mga bagay. Pero sa oras na magkamit na siya ng katayuan, nabubunyag ang lahat ng ito. Kung siya ay nahalal sa umaga, sa hapon ding iyon ay nagiging napakayabang niya, mapagmalaki, lumalaki ang ulo, at wala siyang pakialam sa mga ordinaryong tao. Napakabilis ng nangyayaring pagbabago. Pero sa totoo lang, hindi siya nagbago—nabunyag lang siya. Nagpapakita siya ng mga kayabangang ito, at ano ang gagawin niya? Gusto niyang gamitin ang iglesia para mabuhay, para magpakasasa sa mga pakinabang ng katayuan. Sa tuwing may nagpapakain ng masarap, dali-dali niya itong kinakain, kasabay ng panghihingi ng mga suplementong pagkalusugan para mapanatili ang kanyang mabahong laman. Ang pagpapakasaya ng mga anticristo sa mga espesyal na pribilehiyo ay madalas na nangyayari; may mga pagkakaiba lang pagdating sa antas ng tindi. Kapag naging lider ang sinumang kumakapit sa kasiyahan ng laman, gusto niyang magpakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, ganap silang nag-iiba. Iniingatan nila nang mahigpit at sigurado sa paningin nila, sa kanilang pagkakahawak, ang lahat ng kasiyahan at espesyal na pagtrato na kasama ng katayuan, at hindi nila bibitiwan, luluwagan ang pagkakahawak sa isang piraso nito, o hahayaang makawala kahit katiting nito. Alin sa mga pagpapamalas at pagsasagawang ito ng mga anticristo ang pagkilos na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo? Wala ni isa. Ang bawat isa sa mga ito ay nakakasuka at nakakasuklam tingnan; hindi lang hindi naaayon ang kanilang mga pagsasagawa at pagpapamalas sa mga katotohanang prinsipyo, kundi tiyak na hindi sila nagtataglay ng katiting na konsensiya, katwiran, o kahihiyan. Kapag may katayuan ang mga anticristo, bukod sa walang pakundangan silang gumagawa ng mga mali at pinagsisikapan ang kanilang sariling kapangyarihan at katayuan, hindi lang sila bigong gumawa ng anumang bagay na makikinabang ang gawain ng iglesia o ang buhay pagpasok ng mga kapatid, nagpapakasaya pa sila sa mga pakinabang ng katayuan, kasiyahan ng laman, at paghanga at paggalang sa kanila ng mga tao. Naghahanap pa nga ang ilang anticristo ng mga taong maglilingkod sa kanila, ibang taong magsisilbi sa kanila ng tsaang iniinom nila, maglalaba ng kanilang mga sinusuot na damit, at pati pa nga ang pagkakaroon ng isang partikular na taong maghihilod ng likod nila kapag sila ay naliligo, at isang nagsisilbi sa kanila kapag sila ay kumakain. Ang mas malala pa rito, mayroon pa ngang nakahandang menu ang ilan para sa bawat isa sa tatlong beses na pagkain sa isang araw, at bukod pa rito, gusto nilang uminom ng mga suplementong pangkalusugan, at na bigyan ng lahat ng uri ng sopas na pinakulo para sa kanila. May kahihiyan ba ang mga anticristo? Wala, wala silang kahihiyan! Masasabi ba ninyong medyo maluwag ang basta pungusan lang ang ganoong uri ng tao? Makakaramdam ba sila ng kahihiyan kung sila ay pupungusan? (Hindi.) Kung gayon, paano malulutas ang isyung ito? Napakasimple nito. Pagkatapos silang pungusan, ilantad sila, at ipaalam sa kanila kung ano sila. Pumayag man sila rito o hindi, dapat silang tanggalin at dapat silang tanggihan ng lahat. Kapag natuklasan ninyo ang isang anticristo, kaya ba ninyo siyang tanggihan? Mangangahas ba kayong manindigan para isumbong at ilantad siya? (Oo.) Mangangahas ba talaga kayo o hindi? Kapag may sumusuportang iba sa iyo ngayon, mangangahas kang manindigan at ilantad siya, ngunit kapag walang sumusuporta, matapang ka pa rin ba? Ligtas ka sa kinalalagyan mo ngayon, nang wala ang malaking pulang dragon na naghahari, kaya iniisip mo, “Ano ang dapat kong ipangamba? Hindi ba’t mga anticristo lang sila? Sa suporta ng Diyos, may lakas ako ng loob na ilantad ang anticristo at hindi ako natatakot!” Gayunpaman, iba sa bansa ng malaking pulang dragon. Kung ilalantad mo ang isang anticristo at nawala siya sa kanyang katayuan, mangangahas siyang pahirapan ka, ipagkanulo ka, at ibigay ka sa mga kamay ng mga awtoridad. Mangangahas ka pa rin bang ilantad siya? (Marahil ay hindi.) Marahil ay hindi. Magbabago kaagad ang saloobin mo; sa kapaligiran na iyon hindi ka mangangahas na ilantad siya. Kung gayon, tama ba ang hindi pangangahas na ilantad siya? Hindi ito tama, wala kang pagpapatotoo, at nangangahulugan ito na hindi ka isang mananagumpay; hindi ito isang bagay na dapat sabihin ng isang tagasunod ng Diyos. Ipagpalagay na nanahimik ka, pero paulit-ulit na humihiyaw ang puso mo: “Ikaw na anticristo, ikaw na diyablo at Satanas, ilalantad kita. Gagamit ako ng karunungan para tanggihan ka at linisin paalis ng iglesia! Hindi ka karapat-dapat na manahan sa sambahayan ng Diyos, isa kang diyablo, isa kang Satanas! Kahit hindi kita inilalantad nang hayagan gamit ang mga salita ko, itinataboy kita mula sa kaibuturan ng puso ko. Hahanap ako ng mas maraming kapatid na nakakaunawa sa katotohanan at sama-sama ka naming itataboy. Hindi namin tatanggapin ang iyong pamumuno o manipulasyon!” Ito ba ang tamang paraan ng pagkilos? (Oo.) Maaaring mahirap ang sitwasyon at ang hayagang paglalantad sa isang anticristo ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib, pero ang atas ng Diyos, ang mga katotohanang prinsipyo, at ang tungkulin mo, ay hindi maaaring talikuran o pabayaan. Tungkol naman sa mga anticristong nagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo, na hindi nahihiyang tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan, dapat natin silang iwaksi, at huwag silang hayaang maging mga linta sa sambahayan ng Diyos o pinsalain o iligaw ang mas marami pang mga kapatid. Dapat natin silang linisin paalis. Ang mga yaman ng sambahayan ng Diyos ay hindi para suportahan ang mga lintang ito. Hindi sila karapat-dapat na kumain sa loob ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila karapat-dapat na magtamasa ng lahat ng bagay sa sambahayan ng Diyos. Bakit ganoon? Dahil sila ay mga diyablo at nararapat silang tanggihan. Ito ay isa pang pagpapamalas ng mga anticristo—ang pagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo, ang walang-kahihiyang pagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo. Nang walang anumang iniaambag, sa oras na makamit nila ang posisyon ng pamumuno, inaagaw nila ang kapangyarihan, nagpapakasasa sila sa mga pakinabang ng kanilang katayuan, at sapilitang pinagluluto at pinabibili ang mga kapatid ng masasarap na pagkain para sa kanila, ninanakawan sila ng pinaghirapan nilang pag-aari, at hinuhuthot ang kanilang pera at mga bagay na pag-aari. Para sa kanila, natural lang iyon, isang napakahalagang oportunidad, isang pagkakataong hindi na muling babalik. Hindi ba’t ganito mag-isip ang isang diyablo? Napakawalang-kahihiyang pag-iisip ito. Ang ganitong uri ng tao ay dapat pungusan, ilantad, at iwaksi ng mga kapatid.
Ano ang ilang iba pang pagpapamalas ng mga anticristo? Partikular na pagpapamalas ba ang panlilinlang ng mga nasa itaas at ibaba ng isang tao? (Oo.) Likas na buktot ang mga anticristo; wala silang isang puso ng katapatan, ng pagmamahal sa katotohanan, o ng pagmamahal sa mga positibong bagay. Madalas silang namumuhay sa madidilim na sulok—hindi sila kumikilos nang may saloobin ng katapatan, hindi sila tapat sa kanilang pananalita, at sila ay buktot at mapanlinlang sa ibang tao at sa Diyos. Gusto nilang linlangin ang iba, at linlangin pati ang Diyos. Hindi nila tatanggapin ang pangangasiwa ng iba, lalo na ang pagsisiyasat ng Diyos. Kapag kasama sila ng ibang tao, hindi nila kailanman gustong malaman ng sinuman kung ano ang kanilang iniisip at pinaplano, sa kaibuturan, kung anong uri sila ng tao, at kung anong saloobin ang kinikimkim nila sa katotohanan, at iba pa; ayaw nilang malaman ng iba ang alinman sa mga ito, at gusto rin nilang himukin ang Diyos, para maglihim sa Kanya. Kaya, kapag walang katayuan ang isang anticristo, kapag wala siyang mga oportunidad para manipulahin ang sitwasyon sa isang grupo ng mga tao, wala talagang sinuman ang makakaalam kung ano ang ibig sabihin ng kanyang mga salita at kilos. Mag-iisip ang mga tao: “Ano ba ang iniisip niya bawat araw? May anumang layunin ba sa likod ng kanyang pagganap sa kanyang tungkulin? Nagpapakita ba siya ng katiwalian? Nakakaramdam ba siya ng anumang inggit o pagkamuhi sa iba? May anumang pagkiling ba siya laban sa ibang tao? Ano ang kanyang mga pananaw sa mga sinasabi ng iba? Ano ang iniisip niya kapag nahaharap siya sa mga partikular na bagay?” Kailanman ay hindi ipinapaalam ng mga anticristo sa iba kung ano ang talagang nangyayari sa kanila. Kahit na nagpapahayag sila ng kaunting salita tungkol sa kanilang opinyon sa isang bagay, magiging malabo at alanganin sila, magpapaligoy-ligoy sila para hindi maintindihan ng iba kung ano ang ipinaparating nila, at hindi nila alam kung ano ang gusto nilang sabihin, o kung ano ang ipinapahayag nila, kaya napapakamot na lang ng ulo ang lahat. Pagkatapos makakuha ng katayuan ang isang taong tulad niyon, mas lalo siyang nagiging malihim sa kanyang pag-uugali kapag kasama ng ibang tao. Gusto niyang protektahan ang kanyang mga ambisyon, reputasyon, imahe at pangalan, ang kanyang katayuan at dignidad, at iba pa. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang maging tapat tungkol sa kung paano niya ginagawa ang mga bagay-bagay o sa kanyang mga motibo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kahit kapag siya ay nagkakamali, nagpapakita ng tiwaling disposisyon, o kapag mali ang mga motibo at layunin sa likod ng kanyang mga kilos, ayaw niyang magtapat at hayaang malaman ng iba ang tungkol dito, at kadalasan siyang nagpapanggap na inosente at perpekto para linlangin ang mga kapatid. At sa Itaas at sa Diyos, magagandang pakinggang bagay lang ang kanyang sinasabi, at madalas siyang gumagamit ng mga mapanlinlang na taktika at kasinungalingan para mapanatili ang kanyang relasyon sa Itaas. Kapag nag-uulat siya ng kanyang gawain sa Itaas, at nakikipag-usap sa Itaas, hindi siya kailanman nagsasalita ng anumang hindi maganda, para walang makatuklas ng anuman sa kanyang mga kahinaan. Hindi niya kailanman babanggitin kung ano ang ginawa niya sa ibaba, ang anuman sa mga isyu na lumitaw sa iglesia, ang mga problema o kapintasan sa kanyang gawain, o ang mga bagay na hindi niya maunawaan o makilatis. Hindi siya kailanman nagtatanong o naghahanap sa Itaas tungkol sa mga bagay na ito, at sa halip ay nagpapakita lang siya ng imahe at anyo ng kahusayan sa gawain, ng kakayahan na lubos na pasanin ang kanyang gawain. Hindi niya iniuulat sa Itaas ang anuman sa mga problema na umiiral sa iglesia, at kahit gaano pa kagulo ang mga bagay-bagay sa iglesia, ang laki ng mga depektong lumabas sa kanyang gawain, o kung ano ang eksaktong ginagawa niya sa ibaba, paulit-ulit niyang pinagtatakpan ang lahat ng iyon, sinisikap na hindi kailanman malaman ng Itaas o marinig ang anumang balita tungkol sa mga bagay na ito, umaabot pa nga hanggang sa paglilipat ng mga tao na konektado sa mga usaping ito o sa nakakaalam ng katotohanan tungkol sa kanya sa malalayong lugar sa pagsisikap na maitago kung ano ang talagang nangyayari. Anong uri ng pagsasagawa ang mga ito? Anong klaseng pag-uugali ito? Ito ba ang uri ng pagpapamalas na dapat mayroon ang isang tao na naghahangad sa katotohanan? Napakalinaw na hindi ito. Ito ay pag-uugali ng isang demonyo. Gagawin ng mga anticristo ang lahat ng kanilang makakaya para itago, para pagtakpan ang anumang bagay na maaaring magkaroon ng epekto sa kanilang katayuan o reputasyon, itinatago ang mga bagay na ito mula sa ibang tao at mula sa Diyos. Ito ay panlilinlang sa mga nasa itaas at ibaba nila. Madalas nilang sasabihin sa mga nasa ibaba nila, “Napakataas ng tingin sa akin ng itaas, at labis akong pinahahalagahan. Nagtalaga ng ganito at ganoong mga gawain sa akin ang itaas, ipinagkakatiwala sa akin ang gayong kahalagang gawain. Pinangangalagaan talaga nila akong mabuti, binibigyan ako ng gabay para sa aking gawain, at talagang kinuha rin nila ang responsabilidad para sa aking buhay. Pinungusan ako ng itaas dahil sa ganito at ganoong mga usapin, at tinanggap ko ito sa ganito at ganoong paraan, at ang pagkakaunawa ko rito ay ganito at ganoon. Tingnan ninyo kung gaano ako kamahal ng diyos—personal niya akong pinungusan, at binigyan ako ng personal na gabay sa gawain ko.” At sa Itaas, ginagampanan nila ang isang paraan ng pag-ako ng isang malaking responsabilidad para sa kanilang gawain, ng matinding pagmamalasakit sa mga kapatid, at ng ganap na paglalaan ng kanilang puso at lakas, pero hindi sila kailanman magsasalita tungkol sa kapatid na naghahayag ng ibang ideya o opinyon sa kanila, o tungkol sa anumang mga kapintasan o paglihis sa kanilang gawain. Ginagawa nila ang kanilang makakaya para mapanatili ang mabuting relasyon sa mga nasa ibaba nila habang sinisikap nilang gawin ang lahat upang itago ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa kanila mula sa Itaas, takot na matanggal kung malalaman ng Itaas kung ano talaga ang nagyayari sa kanila. Hindi ba’t panlilinlang ito sa mga nasa itaas at ibaba nila? Sa sandaling makahawak ng kapangyarihan ang isang anticristo, ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para itago ang katunayan tungkol sa kanyang sarili para walang makakilatis sa kanyang tunay na kalagayan, sa kanyang tunay na sitwasyon, o sa kanyang aktuwal na pagkatao o mga kakayahan sa gawain. Gagamit siya ng lahat ng uri ng taktika at pamamaraan upang itago ang mga bagay na ito, para makapagkamit sila ng matibay na posisyon at matamasa ang kapangyarihan at ang mga pakinabang ng katayuan habambuhay. Ang panlilinlang sa mga nasa itaas at ibaba ng isang tao ay isang bagay na tanging mga anticristo ang gumagawa. Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ito ba ay isang pagpapamalas na dapat na tinataglay ng isang taong naglilingkod sa Diyos? Ito ba ay isang pagpapamalas na dapat tinataglay ng isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kaya, kapag ang isang anticristo ay nagtataglay ng ganitong uri ng pagpapamalas, ng ganitong uri ng disposisyon, dapat ba siyang pungusan? (Oo.)
Napag-usapan pa lang natin ang tungkol sa anim na dahilan kung bakit pinupungusan ang mga anticristo. Ang una ay ang pagtatatag ng kanilang sariling mga independiyenteng kaharian; ikalawa, ang pagsasagawa ng pailalim na pagmamanipula; ikatlo, ang pagpapahirap sa iba; ikaapat, ang paggawa ng mga bagay-bagay sa kanilang sariling pamamaraan; ikalima, ang pagsasaya sa mga espesyal na pribilehiyo; at ikaanim, ang panlilinlang sa mga taong nasa itaas at ibaba nila. Mayroon pa bang iba? (Ang pagpapakalat ng mga maling paniniwala at panlilinlang upang iligaw ang mga kapatid.) (Ang hindi kailanman pagdakila o pagpapatotoo sa Diyos, at sa halip ay palaging nagpapatotoo sa kanilang sarili, nagpapahayag ng mga salita at doktrina para iligaw ang mga tao.) (Hinuhusgahan, inaatake at kinamumuhian ang taong ginagamit ng Banal na Espiritu.) Sa tatlong bagay na ito, alin ang medyo malapit ang diwa sa anim na dahilang natalakay na natin? (Ang palaging pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili at ang hindi kailanman pagpapatotoo sa Diyos.) Ang isang iyon ay medyo likas na seryoso. Pangalawa roon ay ang pag-atake at panghuhusga sa taong ginagamit ng Banal na Espiritu, sinusundan ng pagpapakalat ng mga maling paniniwala para iligaw ang mga tao. May ilan pang ibang mga partikular na pagpapamalas ang mga anticristo, pero ang mga ito, humigit-kumulang, ang kumakatawan sa lahat, kaya hindi natin kailangang idetalye pa ang bawat isa sa mga ito ngayon. Hindi iyon ang sentro ng pagbabahaginan ngayon; sa halip, ang pinagtutuunan ngayon ay kung paanong hindi tatanggapin ng isang anticristo ang pagpupungos, at kung paanong wala silang saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa sila ng anumang pagkakamali, kundi sa halip ay nagkakalat sila ng mga kuru-kuro at hayagan nilang hinuhusgahan ang Diyos. Sa madaling salita, ang saloobin ng isang anticristo matapos siyang pungusan, ang ugat ng saloobing ito, at kung ano talaga ang kanyang disposisyong diwa—ito ang pangunahing punto na dapat nating pagbahaginan. Ang ibang bagay na katatalakay lang natin ay maliliit na paksa na medyo nauugnay rito. Dahil natalakay na natin ang mga ito nang may sapat na detalye dati, ngayon ay pinagbahaginan natin ang mga ito sa malawak at pangkalahatan na paraan lang, ibinubuod ang ating nakaraang pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Tinataglay ng mga anticristo ang mga pagpapamalas na ito, ang mga disposisyon at diwang ito, at ginawa nila ang ganitong uri ng mga bagay, kaya dapat silang pungusan at tanggihan. Gayunpaman, kikilalanin ba ng isang tunay na anticristo, ng isang taong nagtataglay ng diwa ng isang anticristo, ang mga bagay na ito na ginawa nila o na ang mga pagpapamalas nilang ito ay mga pagpapamalas ng isang anticristo? (Hindi, hindi nila ito kikilalanin.) Kailan mo ba nakitang kinilala ng diyablong si Satanas na kinakalaban nito ang Diyos? Kailanman ay hindi nito aaminin na kinakalaban nito ang Diyos, at anumang uri ng mga pagkakamali ang ginawa nito, hindi nito kailanman aaminin na siya ay mali. Kaya, magsimula tayo sa paksang ito para sa pagbabahaginan ngayon mula sa perspektiba ng diwang ito ng mga anticristo.
II. Kung Paano Kumikilos ang mga Anticristo Kapag Hindi Nila Tinatanggap ang Pagpupungos
A. Tumatangging Aminin na Nakagawa Sila ng Mali
Gaano man kalaking pagkakamali ang nagawa ng isang anticristo, at gaano man karaming kasamaan ang nagawa niya, kapag siya ay pinungusan, ang unang pag-uugali na ginagawa niya ay isang lubusang pagtanggi na may ginawa siyang anumang pagkakamali, desperadong gumagamit ng panlilinlang para ipagtanggol ang sarili niya. Ito ay kawalan niya ng saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa siya ng anumang pagkakamali, na nabanggit sa ikalabing-isang pagpapamalas ng mga anticristo. Walang saloobin ng pagsisisi ang mga anticristo, kaya ano ang iniisip nila sa kaibuturan? Bakit wala silang saloobin ng pagsisisi? (Dahil naniniwala sila na wala silang nagawang anumang pagkakamali.) Tama. Ganap na hindi umaamin ang mga anticristo na nakagawa sila ng anumang pagkakamali. Kaya, nagagawa ba nilang umamin na mga anticristo sila? Mas mahirap pa nga ito. Kung makakagawa ka ng isang listahan ng mga katunayan para ilantad ang isang anticristo, matatanggap ba niya ito? Walang kaduda-duda, mas hindi niya ito kakayaning tanggapin. Sa pamamagitan ng ganitong mga uri ng pagpapamalas, nagagawa nating makita na ang diwa ng isang anticristo ay isa ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos, at na ang disposisyon niya ay isa na tutol sa katotohanan, namumuhi sa katotohanan, at ganap na walang pagmamahal sa katotohanan. Samakatuwid, kapag inilalantad ang mga anticristo at pinupungusan, ang unang ginagawa nila ay maghanap ng iba’t ibang dahilan para ipagtanggol ang kanilang sarili, maghanap ng lahat ng uri ng dahilan para subukang makalusot, sa gayon ay naisasagawa nila ang kanilang mithiing umiwas sa kanilang mga responsabilidad, at nakakamtan ang kanilang layon na mapatawad. Ang pinakakinatatakutan ng mga anticristo ay na makikilatis ng hinirang na mga tao ng Diyos ang kanilang karakter, ang kanilang mga kahinaan at kamalian, ang kanilang kapintasan, ang kanilang tunay na kakayahan at abilidad sa trabaho—kaya ginagawa nila ang lahat para pagandahin ang tingin sa kanila at pagtakpan ang kanilang mga pagkukulang, isyu, at tiwaling disposisyon. Kapag nabubunyag at nalalantad ang kanilang kasamaan, ang unang ginagawa nila ay hindi ang aminin o tanggapin ang katunayang ito, o gawin ang lahat ng kanilang makakaya para makabawi at makabayad sa mga pagkakamali nila, sa halip ay sinisikap nilang mag-isip ng iba’t ibang paraan para mapagtakpan ang mga ito, malinlang at mailihis ang mga nakakaalam sa mga ginawa nila, huwag hayaang makita ng mga hinirang na tao ng Diyos ang tunay na usapin, huwag hayaang malaman ng mga ito kung gaanong nakapipinsala ang mga ginawa nila sa sambahayan ng Diyos, kung gaano nila nagambala at nagulo ang gawain ng iglesia. Mangyari pa, ang pinakakinatatakutan nila ay ang malaman iyon ng Itaas, dahil kapag nalaman iyon ng Itaas, iwawasto sila ayon sa prinsipyo, at magiging katapusan na ng lahat para sa kanila, at tiyak na matatanggal sila at matitiwalag. Kaya nga, kapag nalalantad ang kasamaan ng mga anticristo, ang unang ginagawa nila ay hindi pagnilayan kung saan sila nagkamali, saan nila nilabag ang mga prinsipyo, bakit nila ginawa ang ginawa nila, anong disposisyon ang nanaig sa kanila, ano ang mga layunin nila, ano ang kanilang kalagayan sa oras na iyon, kung dahil ba iyon sa kanilang pagkasuwail o dahil may halong hindi maganda ang mga layunin nila. Sa halip na suriin ang mga bagay na ito, o pagnilayan man lang ang mga ito, nag-iisip silang mabuti ng kahit anong paraan para mapagtakpan ang mga tunay na pangyayari. Kasabay nito, ginagawa nila ang lahat para ipaliwanag at pangatwiranan ang sarili nila sa harap ng hinirang na mga tao ng Diyos, para malinlang sila, pinagmumukhang maliit ang mga malalaking problema at pinagmumukhang hindi problema ang maliliit na problema, at nilulusutan ang mga iyon nang sa gayon ay maaari silang manatili sa sambahayan ng Diyos, walang ingat na gumagawa ng mga maling gawain at inaabuso ang kanilang kapangyarihan at patuloy na inililigaw at kinokontrol ang mga tao, at mahikayat ang mga ito na tingalain sila at gawin ang sinasabi nila para matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Mula simula hanggang katapusan, ano ba talaga ang ginagawa ng mga anticristo? Ang ginagawa lang ng mga anticristo ay mag-isip nang husto, sinusubukang sabihin ang mga bagay, gawin ang mga bagay, at magpakaabala alang-alang sa sarili nilang katayuan at reputasyon, sa halip na lumapit sa harap ng Diyos para manalangin at aminin ang mga pagkakamali at pagsalangsang nila, at alamin ang sarili nilang mga layunin at mga tiwaling disposisyon. Hindi rin nila inaamin ang pinsalang idinulot ng mga pagkakamaling nagawa nila sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid. Sa halip, balisa nilang hinahanap ng paulit-ulit sa kaibuturan ng puso nila: “Saan ba ako eksaktong nagkamali? Saan ba ako hindi naging maingat, na nagtulot sa isang tao na makakuha ng pakinabang sa akin? Saan hindi naging sapat ang pagsisikap ko o hindi ko ganap na isinaalang-alang ang mga bagay-bagay, na nagtulot para magkaproblema, at maging pinagmumulan ng pagpuna o ng isang piraso ng pakinabang na magagamit laban sa akin?” Iniisip nila at sinasala ang mga bagay na ito nang paulit-ulit, hindi makakain o makatulog. Pero kailanman ay hindi nagninilay-nilay o nakikilala ng isang anticristo ang sarili niya, lalong hindi siya nananalangin sa Diyos at hindi umaamin na nakagawa siya ng mali, at hindi siya naghahanap ng mga kasagutan batay sa salita ng Diyos, hindi siya naghahanap ng katotohanan na dapat niyang isagawa o ng mga katotohanang prinsipyo na dapat niyang sundin, at lalong hindi niya hinahanap ang mga kapatid na nakakaunawa sa katotohanan para buksan ang kanyang kalooban sa pagbabahaginan at kasamang hanapin ang katotohanan para solusyonan ang mga problema. Kapag nahaharap siya sa isang usapin, hindi siya naghahanap o nagpapasakop, sa halip, sinusubukan niyang gamitin ang lahat ng paraan na puwede niyang gamitin para itago ang mga problema niya, iniisip niya na mas kaunti ang nakakaalam tungkol sa mga ito, mas mabuti, at na pinakamahusay na patakaran ang pangangalaga sa kanyang reputasyon at katayuan. Ganito kadilim ang puso ng mga anticristo, at puno ang mga ito ng paghihimagsik at kabuktutan, walang kahit kaunting layunin na magpasakop sa Diyos. Palaging naghahanap ng mga paraan ang mga anticristo para hindi mapinsala ang reputasyon at katayuan nila. Sinuman ang nakikipagbahaginan sa katotohanan sa kanila para suportahan at tulungan sila, hindi nila ito tinatanggap, iniisip sa sarili nila: “Nauunawaan ko lahat. Hindi ko kailangan ng tulong ninyo! Kahit na may mga problema ako, mas magaling ako sa inyo. Iniisip ba ninyo na matutulungan ninyo ako sa pamamagitan ng kaunting nauunawaan ninyo? Talagang sobra-sobra ang pagtantya ninyo sa mga kakayahan ninyo rito!” Ganito talaga ka-mapagmataas at mapagmagaling ang mga anticristo. Napakarami nilang ginagawang masama pero tumatangging aminin na may nagawa silang anumang mali o na mayroon silang anumang mga problema. Sa puso nila, masyado silang mapagmatigas at ayaw talagang makinig sa anumang sinasabi ng sinuman. Ang tanging bagay na hindi nila kayang isantabi sa mga isipan nila ay kung anong uri ng epekto magkakaroon ang mga ginawa nila sa reputasyon at katayuan nila sa kalaunan. Ito ang bagay na pinaka-nakakabagabag sa kanila at ang bagay na pinaka-inaalala nila.
Gaano man karaming maling bagay ang ginagawa ng isang anticristo, anumang uri ng mga maling bagay ang ginagawa niya, ito man ay pagdispalko, pagwawaldas, o maling paggamit ng mga handog sa Diyos, o kung ginugulo o ginagambala niya ang gawain ng iglesia, sinisira ito at ginagalit ang Diyos, palagi siyang kalmado, mahinahon, at lubos na walang pakialam. Anumang uri ng kasamaan ang ginagawa ng isang anticristo o kung ano ang mga kinahihinatnan nito, hinding-hindi siya kaagad lumalapit sa Diyos para ikumpisal ang kanyang mga kasalanan at magsisi, o hinding-hindi siya lumalapit sa mga kapatid nang may saloobin ng paglalantad sa sarili at pagtatapat upang aminin ang kanyang mga kamalian, alamin ang kanyang mga pagsalangsang at ang kanyang katiwalian, at pagsisihan ang kanyang masasamang gawa. Sa halip, nag-iisip siya nang husto upang makahanap ng iba’t ibang dahilan para iwasan ang responsabilidad at ibunton ang sisi sa iba upang mapanumbalik ang sarili niyang karangalan at katayuan. Ang mahalaga sa kanya ay hindi ang gawain ng iglesia, kundi kung napipinsala o naaapektuhan ba sa anumang paraan ang kanyang reputasyon at katayuan. Hindi talaga siya nagsasaalang-alang o nag-iisip ng mga paraan para makabawi sa mga kawalang idinulot sa sambahayan ng Diyos ng kanyang mga pagsalangsang, ni hindi niya sinisikap na makabawi sa kanyang pagkakautang sa Diyos. Ibig sabihin, hinding-hindi niya inaamin na kaya niyang gumawa ng mali o na nakagawa siya ng pagkakamali. Sa puso ng mga anticristo, ang maagap na pag-amin sa mga pagkakamali at pagbibigay ng matapat na paglalahad ng mga tunay na pangyayari ay kawalan ng kakayahan at isang kahangalan. Kung matuklasan at malantad ang kanilang masasamang gawa, aamin lang ang mga anticristo sa panandaliang walang-ingat na pagkakamali, hinding-hindi sa kanilang sariling pagpapabaya sa tungkulin at pagiging iresponsable, at tatangkain nilang ipasa ang responsabilidad sa iba para maalis ang mantsa sa talaan nila. Sa ganitong mga pagkakataon, hindi inaalala ng mga anticristo kung paano makakabawi sa mga kawalang naidulot sa sambahayan ng Diyos, kung paano magtapat, aminin ang kanilang mga pagkakamali, o ilahad ang nangyari sa hinirang na mga tao ng Diyos. Ang inaalala nila ay paghahanap ng mga paraan para pagmukhaing maliliit na bagay ang malalaking problema at pagmukhaing hindi problema ang maliliit na suliranin. Nagbibigay sila ng mga obhektibong dahilan para unawain at damayan sila ng iba. Ginagawa nila ang makakaya nila para mapanumbalik ang kanilang reputasyon sa isipan ng ibang tao, pinaliliit ang lubhang negatibong impluwensiya sa kanilang sarili ng kanilang mga pagsalangsang, hindi hinahayaang magkaroon ng masamang impresyon sa kanila ang Itaas, at tinitiyak na hindi sila kailanman papapanagutin, tatanggalin, iimbestigahan ang sitwasyon, o pangangasiwaan ng Itaas. Para mapanumbalik ang kanilang reputasyon at katayuan, upang hindi mapinsala ang sarili nilang mga interes, handang magtiis ang mga anticristo ng anumang tindi ng pagdurusa, at mag-iisip sila ng lahat ng posibleng paraan para malutas ang anumang problema. Mula sa pinakasimula ng kanilang pagsalangsang o pagkakamali, kahit kailan ay walang anumang layunin ang mga anticristo na panagutan ang mga maling bagay na ginagawa nila, kahit kailan ay wala silang anumang layuning aminin, pagbahaginan, ilantad, o himayin ang mga motibo, layunin, at tiwaling disposisyon sa likod ng mga maling bagay na ginagawa nila, at walang dudang wala silang anumang layunin kailanman na makabawi sa pinsalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia at sa kawalang idinudulot nila sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos. Samakatuwid, anumang perspektiba ninyo tingnan ang usapin, ang mga anticristo ay mga taong matigas na tumatangging umamin sa kanilang mga kamalian at mas gugustuhin pang mamatay kaysa magsisi. Ang mga anticristo ay mga walang kahihiyan at makakapal ang mukha na wala nang pag-asang matubos, at katulad lang sila ng mga buhay na Satanas. Gaano man kalaki ang mga pagkakamaling ginagawa nila sa loob ng iglesia, nagyayabang at taas-noo sila, lubos silang walang pakialam dito, naniniwalang wala silang nagawang mali at walang kahit kaunting layuning magsisi. Hindi sila kailanman lumuha sa mga pagkakamaling nagawa nila, ni hindi sila kailanman nakakaramdam ng anumang kalungkutan o pagsisisi dahil sa mga bagay na ito. Sa kabaligtaran, nakakaramdam sila ng kirot o lungkot kung hindi sinasadyang nalalantad nila ang kanilang sarili, na nagbibigay-daan na makita ng karamihan ng tao ang kanilang tunay na mukha at tanggihan sila. Pagkatapos nilang makagawa ng mga pagkakamali at magdulot ng pinsala ang mga ikinilos nila sa hinirang na mga tao ng Diyos at sa gawain ng iglesia, ang bawat salitang sinasabi nila at ang bawat bagay na ginagawa nila ay hindi para makabawi sa mga pagkakamaling ito o para maibalik ang mga nawala, sa halip ay nagkikimkim sila ng mga sarili nilang layon at nagbabalangkas ng anumang posibleng paraan para ipagtanggol ang sarili nila, para magtanghal at magpalabas. Ang layunin nila ay para maipakita sa mas maraming tao na hindi sinasadya ang nagawa nila, at na naging pabaya lang sila saglit, para makamit nila ang kapatawaran ng mga ito, mapagsalita ang mga ito sa ngalan nila, at makamit ang tiwala at pabor ng hinirang na mga tao ng Diyos, at nang sa gayon ay makamtan ang layon nilang ganap na pagbabalik.
Pagkatapos mapungusan, ang ilang anticristo ay hindi nagninilay-nilay sa sarili nila para maunawaan kung bakit sila napungusan, para mahanap kung saan talaga naroon sa nalantad na usapin ang kanilang pagkakamali, at kung paano nila ito mababawi sa hinaharap. Sa halip, sinasamantala nila ang pagpupungos sa kanila, nakikipagbahaginan sila sa iba tungkol sa kung paano nila tinanggap ang pagpupungos, kung paano sila natuto ng aral mula rito, kung paano nila nagawang magpasakop, at kung paano nila nakamit ang pagpapahalaga ng Itaas pagkatapos magkaroon ng mas malapit na pakikipag-ugnayan sa Itaas. Kasabay nito, nagpapanggap din ang mga anticristong ito sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa kung paano nila tinanggap ang pagpupungos para ipalaganap ang sarili nilang pagkadismaya at mga kuru-kuro tungkol sa Itaas, na nag-iiwan ng impresyon sa mga tao na walang mga prinsipyo ang Itaas sa pagpupungos sa mga tao, na nagpupungos ng mga tao ang Itaas nang basta-basta, at walang simpatya, walang pagsasaalang-alang sa damdamin ng mga tao, at walang pagsasaalang-alang sa mga kahinaan ng tao, at na, sa kabila ng lahat ng ito, ganap pa rin silang nagpasakop, at nagawa pa rin nila ang pinakamainam na magagawa nila sa gawaing napunta sa kanila, hindi sila naging negatibo, mahina o mapanlaban, ni hindi sila sumuko. Kapag sinasabi ng isang anticristo ang lahat ng bagay na ito, hindi lamang ito bigong gawing magpasakop ang mga tao sa katotohanan at maging handang tanggapin ang pagpupungos, sa kabaligtaran, ginagawa nitong makabuo ang mga tao ng mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa Diyos at nagiging maingat laban sa Diyos, habang nabubuo ang inggit, paghanga, at paggalang para sa mga anticristo mismo. Sa sandaling mabuo ang dalawang resultang ito, ang mga pinakamatinding nakakaligtaan ng mga tao ay kung anong pagsalangsang ang nagawa ng anticristo, ano ang ginawa niyang mali, at ang katunayan na nagdulot siya ng kawalan para sa gawain ng iglesia, para sa sambahayan ng Diyos dahil wala siyang kakayahan sa gawain niya at wala siyang pakundangang gumawa ng mga maling gawain. Ito ang isa sa mga taktika ng isang anticristo—ang gumawa ng huwad na ganting-pagpaparatang, at dahil doon ay nalilihis ang iba. Hindi niya kailanman binabanggit ang katunayan na nagdulot siya ng labis na problema sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at ng gayong kalalaking kawalan sa buhay ng mga kapatid dahil naging pabaya siya sa tungkulin niya, dahil naging hangal at mangmang siya, dahil sinubukan niyang magtatag ng sarili niyang independiyenteng kaharian. Hindi niya kailanman inaamin o hinihimay ang mga bagay na ito, hindi niya kailanman binabanggit ang katunayan ng mga usaping ito, hindi niya kailanman binabanggit ang dahilan ng pagtanggal sa kanya, o kung bakit siya napungusan. Ang binabanggit lang niya ay kung paano siya pinungusan ng Itaas, kung gaano kalupit ang pagpupungos ng Itaas, kung gaano katindi nagsalita sa kanya ang Itaas, kung gaano karami ang iniyak niya, kung paano ipinasa sa kanya ang sisi, at kung gaano siya nagdusa, kung paanong hindi siya sumuko gaya ng dati, patuloy na hindi pumapalya sa paggawa ng tungkulin niya. Mula simula hanggang wakas, nagkaroon man lang ba ang isang anticristo ng kahit kaunting saloobin ng pag-amin sa sarili niyang pagkakamali? Hindi. Kapag naririnig ito ng mga hangal at mangmang na tao na hindi alam ang tunay na sitwasyon, na hindi nauunawaan ang katotohanan, iniisip nila, “Walang anumang prinsipyo ang Itaas sa kung paano sila nagpupungos ng mga tao. Gaano man kaayos ginagawa ng isang tao ang kanyang gawain o gaano man siya nagbabayad ng halaga, pupungusan pa rin siya, at pagkatapos ay hindi siya puwedeng magpakita ng anumang kahinaan, kailangan lang niyang magpasakop.” Pagkatapos ng isang ikot ng pakikipagbahaginan at paglilihis ng isang anticristo, at pagkatapos niyang magsikap nang husto sa paggawa ng mga bagay-bagay, ang nakakamtan niyang resulta ay ang magdulot ng hindi pagkakaunawaan at ng pagiging maingat laban sa Diyos sa puso ng mga tao, kaya kapag napungusan ang mga tao, lalo silang makakaramdam ng pagkainis at paglaban, sa halip na mas maunawaan ang puso ng Diyos o magawang masayang magpasakop at matanggap ang pagpupungos, kasunod ang malaman ang sarili nilang tiwaling disposisyon, ang kanilang kahangalan at kamangmangan, at malaman kung sino ba talaga sila. Sa kabuuan ng pakikipagbahaginang ito ng anticristo, nabanggit man lang ba niya kung ano ang nagawa niyang mali? Nagpakita man lang ba siya ng kahit katiting na saloobin ng pag-amin ng kamalian niya? Wala kahit kaunti. Sa kabuuan ng proseso, hindi niya kailanman inaamin ang sarili niyang pagkakamali. Narinig na ba ninyo ang isang anticristo, na pagkatapos tanggalin, ay umaming nagdulot ng kawalan sa sambahayan ng Diyos ang kanyang pagkakamali? (Hindi.) Kung isang anticristo ang taong iyon, hindi niya ito aaminin. Napag-usapan na natin ang tungkol sa ilang anticristo dati, tulad ng “babaeng lider” na iyon at ilan pang ibang kilalang anticristo, kung saan ang mga ginawa nila ay nagbunga sa pagkawala ng libu-libo sa mga handog sa Diyos, pero sa huli ay hindi nila kailanman inamin na nakagawa sila ng anumang pagkakamali. Hindi sila bumigkas ng isang salita tungkol sa nagawa nilang mali, at sa halip ay walang ginawa kundi ang sisihin ang iba sa pagiging mahirap na katrabaho. Ibinunton nila ang lahat ng responsabilidad, ng kamalian, ng sisi sa ibang tao habang inaangkin ang papuri para sa lahat ng magandang bagay, sa anumang nagawang tama, at sa lahat ng tamang desisyon. Sa buong mga pangyayari, kahit na sila ang mga pangunahing taong namumuno, sinabi nilang ang ibang tao ang nakagawa ng lahat ng kamalian. Kung ganoon ang kaso, ano ang ginagawa nila? Nagdudulot ng kawalan sa sambahayan ng Diyos ang mga anticristo, at ibang mga tao ang dapat umako ng responsabilidad para dito. Gayunpaman, sa tuwing may kaunting tagumpay, kaagad na lumilitaw ang mga anticristo, sinasabing sila ang gumawa nito, atat na atat na ipaalam sa lahat sa iglesia ang tungkol dito, pati nga sa mga walang pananampalataya. Kapag nakakagawa sila ng kaliit-liitang pagkakamali, nagmamadali silang maghanap ng ibang mapagpapasahan ng sisi, para alisin sa kanila ang responsabilidad. Pinagmumukha nilang tila maliliit na problema ang malalaking problema, at na tila hindi problema ang maliliit na problema, sinusubukang putulin ang anumang isyu habang pausbong pa lang ito. Ito ay para walang sinuman ang makaalam tungkol dito, at para kaagad na makalimutan ng lahat ang tungkol dito, at walang sinuman ang makaalam kung ano talaga ang nangyari, at nang sa gayon ay agad nilang mabawi ang pagpapahalaga ng iba, at mabilis na maibalik ang orihinal nilang katayuan at kapangyarihan. Kapag may ginawang mali ang isang anticristo, gaano man kapraktikal ang pagpupungos sa kanya ng mga tao o gaano man katumpak ito, siya ay magiging palaban, salungat at ganap na hindi tumatanggap, at kahit na mayroong mga saksi o ebidensiya, matigas siyang tatangging aminin ang mga pagkakamali niya, at hindi niya ito kikilalanin o tatanggapin sa kaibuturan ng puso niya. Sasabihin ng isang anticristo, “Kahit na mali ako rito, may ibang mga taong sangkot din. Bakit hindi sila pinupungusan, kundi ako lang? Bakit ako lang ang iniimbestigahan para sa pananagutan, at hindi ang iba pa?” Gaano man kaayon sa katotohanan at sa realidad ang pagpupungos, mararamdaman niyang naparatangan siya nang mali, na naagrabyado siya, na hindi siya dapat tratuhin sa ganoong paraan pagkatapos niyang labis na magdusa at magbayad ng maraming halaga, at na hindi siya dapat agad na punahin ng ganoon nang dahil lang sa isang maliit na pagkakamali. Naniniwala siyang hindi niya kailangang tanggapin ang ganoong uri ng pagpupungos. Kung isang ordinaryong kapatid ang nagpupungos sa kanya, kaagad niyang papalagan at lalabanan ito, mag-aalboroto at magpapakita ng init ng ulo o posible pa ngang mangahas na pagbuhatan ito ng kamay. Kung ang Itaas ang nagpupungos sa kanya, mabigat ang loob niya na mananahimik, pero pakiramdam niya sa loob-loob niya na masyado siyang naagrabyado. Hindi siya nasisiyahan at hindi niya gusto, at madalas na magpapahayag ng mga baluktot na argumento, sinasabing, “Sa palagay ko, kapalaran ko lang talaga na nalaman ninyo ang tungkol dito. Sa totoo lang, marami sa mga lider sa lahat ng ranggo at sa mga kapatid ang nakagawa ng masasamang bagay na hindi ninyo alam, at ako ang nahuli. Ganoon ako kamalas!” Paano man siya pinupungusan ng Itaas o ng mga kapatid, hindi niya kayang tanggapin ito nang ganoon lang, hindi niya kayang aminin ang katotohanan ng usapin at akuin ang responsabilidad. Para bang ang pag-ako sa responsabilidad at sa kung ano ang talagang nangyari ay ikamamatay niya. Hindi niya kailanman aaminin na nakagawa siya ng mali, na siya ang responsable sa usapin, lalong hindi niya aaminin na nagdulot ito ng malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ay disposisyon ng isang anticristo? (Oo.) Disposisyon ito ng isang anticristo.
Pagkatapos na mapungusan ang isang anticristo dahil sa paggawa ng isang bagay na mali, hindi niya ito tinatanggap at hindi siya nagpapasakop mula sa kaibuturan ng kanyang puso, ni hindi niya nauunawaan ang katotohanan at ang mga katotohanang prinsipyo na dapat niyang sundin mula rito, hindi rin niya inaamin na may kakayahan rin siyang gumawa ng mali. Ang pangunahing katangian niya ay ang hindi pagiging kumbinsido, hindi tumatanggap, at hindi umaamin. Umaasal sa ganitong paraan ang mga anticristo dahil naniniwala sila na mga perpektong tao sila, na hindi nila kayang gumawa ng mali. Para sa kanila, ang sinumang nagpaparatang sa kanila na gumagawa sila ng kamalian ay ang siyang mali—ang taong iyon ang may maling pananaw, ang nagkikimkim ng naiibang perspektiba at paninindigan sa usapin. Iniisip ng mga anticristo na sinumang nagpupungos sa kanila ay ginagawa ito dahil hindi pa nakikita ng mga ito ang mga kalakasan nila, na pinapahirap ng mga ito ang mga bagay-bagay para sa kanila, hinahanapan sila ng mali, at sadyang pinupuntirya sila. Hindi ba’t ito ang uri ng disposisyon na mayroon ang isang anticristo? (Oo.) Hindi tatanggapin ng isang anticristo ang pagpupungos dahil dito, ni hindi rin siya magkakaroon ng anumang pagsisisi, higit sa lahat dahil hindi niya kailanman nakita ang sarili niya bilang isang taong makakagawa ng mga pagkakamali—naniniwala siyang perpekto siya, at na siya lang ang walang kakayahang gumawa ng mga pagkakamali. Ipinapahiwatig nito na talagang naniniwala siya na matuwid siya, na siya ay isang santo. Kung talagang aaminin niya na isa siyang tiwaling tao, dapat niyang aminin na nagtataglay siya ng katiwalian, na may kakayahan siyang gumawa ng mga kamalian, at na dahil siya ay tao, tiyak na makakagawa siya ng mga kamalian. May ilang tao na mukhang taos-puso, pero mayroong isang bagay sa kaibuturan ng pagkatao nila na sa mga kuru-kuro ng mga tao ay lakas nila, ito ang pagiging mapagkumpitensya at ang matinding sigasig na mahigitan ang iba. May mahusay na pagtitimpi ang mga taong ito, at may napakataas na mga hinihingi sa sarili nila. Napakastrikto nila sa sarili nila; sa lahat ng ginagawa nila, pagiging perpekto at ang pinakamahusay ang hinihingi nila, nang hindi pinahihintulutan ang pinakamaliit na kapintasan o kamalian. Kasabay nito, hindi nila namamalayan na naniniwala silang hindi sila makakagawa ng mali, dahil labis silang maingat sa lahat ng ginagawa nila, magaling sila sa pag-iisip ng mga bagay-bagay, at ginagawa nila ito nang lubus-lubusan; ginagawa nila ang lahat ng bagay nang walang anumang mga kapintasan, habang lubusan at perpektong isinasaalang-alang ang bawat bagay. Dahil dito, naniniwala sila na hindi sila kailanman magkakamali. Kapag napungusan sila, ang pinakamahirap tanggapin para sa kanila ay ang katunayang may kakayahan silang gumawa ng kamalian. Ito ang dahilan kung bakit hindi alam ng gayong mga tao kung paano pagnilay-nilayan ang sarili nila, ni hindi rin nila ito gagawin kahit kailan. Nakikita nila bilang mga positibong bagay sa kanilang pagkatao ang pagiging mapagkumpitensya at ang sigasig na mahigitan ang iba, at sinusunod nila ang mga ito na parang mga katotohanang prinsipyo; iniisip nila na kung gagawin nila ang mga bagay-bagay at gagampanan ang tungkulin nila batay sa mga prinsipyong ito, hindi sila kailanman magkakamali, at kahit na may mangyaring mga pagkakamali, nakikita nila ito bilang usapin ng perspektiba, bilang mga taong may magkakaibang pananaw, at iniisip na tiyak na hindi ito nangangahulugang mali ang ginawa nila. Samakatuwid, hindi mahalaga kung sino ang nagpupungos sa kanila, kung ang pagpupungos o kung ang nalantad ay nakaayon sa mga katunayan—hindi nila ito tatanggapin. Kung malalaman nila na talagang nakagawa sila ng mali, aaminin ba nila ito? (Hindi.) Hindi nila ito aaminin ito, agad silang mananahimik, at sila ang huling taong magbabanggit nito. Hinding-hindi nila ito babanggitin. Kung makakatagpo ang isang anticristo ng isang taong maglalantad ng ilang kamalian o kapintasan sa gawain niya, at makikita niya na hindi siya makakapagtago rito, magkukunwari siyang patuloy na hinahanap kung sino ang nagkamali, at hindi inaasahan na pagkatapos maghanap nang maghanap, natuklasan na siya ang responsable. Kung may isang taong magsasabi, “Ikaw ang nakagawa nito, hindi ibang tao; nakalimutan mo lang ang tungkol dito,” paano ito sasagutin ng isang anticristo? Ano ang dapat gawin ng isang normal na tao sa ganitong mga sitwasyon? Ang isang normal na taong may kahihiyan ay mamumula ang mukha, makakaramdam ng kahihiyan at maiilang, at kaagad na aaminin ito, sinasabing, “Nakalimutan ko ang tungkol doon. Ako ang gumawa nito, pagkakamali ko ito. Alamin natin agad kung paano natin ito babawiin at paano aayusin ang mga bagay-bagay, para hindi na magpatuloy ang mali.” Kaagad na ng isang taong may kahihiyan, konsensiya, at katwiran ang kanyang pagkakamali, pagkatapos ay lulutasin at aayusin ito. Sa kabilang banda, ang isang anticristo ay walang kahihiyan; sa sandaling matuklasan ng isang tao na siya ang nagkamali, sa sandaling ilantad siya at nalaman ng isang tao ang tungkol dito, agad siyang magbabago ng tono at mag-iisip ng iba’t ibang paraan para maiwasang umamin sa pagkakamali niya, para maiwasang tanggapin na siya ang nakagawa ng pagkakamaling iyon—magsasabi siya ng mga lantarang kasinungalingan at mangangatwiran. Nakakahiya at nakakailang ang tingin dito ng lahat ng nakapaligid sa kanya, pero walang anumang mararamdaman ang anticristo. Pagmumukhain niyang parang maliliit na problema ang malalaking problema, at ang maliliit na problema na parang hindi problema, pagkatapos ay hindi na kailanman babanggiting muli ang usapin. Sa usaping ito, nabunyag ang kahangalan niya, kaya lantaran niyang itatanggi ang pagkakamali niya at magsisinungaling sa harap ng maraming tao, susubukang iwasan ang responsabilidad, nang hindi namumula ang mukha niya dahil sa kahihiyan, at nang hindi siya kinakabahan. May kahihiyan man lang ba ang mga anticristo? (Wala.)
Kapag kakatanggal pa lang sa ilang anticristo, puno sila ng mga hinaing; nakakaramdam sila ng kawalan, na wala na silang katayuan, na wala nang nagpapahalaga o nagsisilbi sa kanila, at na hindi na nila matatamasa pa ang mga pakinabang ng katayuan. Pakiramdam nila na ang lahat ng mga halagang ibinayad nila at ang lahat ng mga nakaraang pagdurusa nila ay nawalan ng halaga, at puno ang puso nila ng pakiramdam ng kawalan ng katarungan. Gayunpaman, hindi sila nakakaranas ng katiting na pagkakonsensiya para sa mga pagpapamalas na ipinakita nila nang sila ay napungusan o para sa anumang ginawa nilang mali. Pakiramdam nila ay hindi ito patas, puno ang puso nila ng mga hinaing at mga reklamo, pati na rin ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Bukod sa tumatanggi silang aminin ang pagkakamali nila at walang planong bumawi para sa kamalian nila, o para tanggapin ang pagpupungos, para tanggapin ang pagtatanggal na ito, bagkus, iniisip nila: “Hindi matuwid ang diyos. Gaano man nagdusa ang isang tao o gaano man katindi ang kawalan ng katarungan na dinanas niya, wala siyang lugar para isalaysay ito. Napakasakit nito! Kahit ang diyos ay hindi maaasahan, wala akong sinumang masasandalan. Kahit na magpatuloy ako sa paggawa ng tungkulin sa sambahayan ng diyos sa hinaharap, kailangan kong magpatuloy nang may labis na pag-iingat, at walang sinuman ang mapagkakatiwalaan.” Puno sila ng pangangatwiran at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Anong uri ng disposisyon ito? Gaano man karami ang mga nagawa nilang pagkakamali, gaano man kalaki ang kawalan na natamo nila sa gawain ng iglesia, o kung gaano nila inilagay sa panganib ang gawain ng iglesia, iniisip nila na puwedeng basta na lang hindi pansinin ang mga bagay na ito, at hindi nila aakuin ang anumang responsabilidad o aaminin ang anumang pagkakamali sa panig nila. Sa halip, palalakihin nila nang husto ang anumang katiting na hinaing na mayroon sila, ang anumang maliit, walang kuwentang halaga na ibinayad nila, at palalakihin ito nang sobra, naniniwalang ang sambahayan ng Diyos ang bumigo sa kanila, at na inakusahan sila nang mali ng Diyos. Ang idinulot na kawalan ng kanilang pagkakamali sa sambahayan ng Diyos ay ganap na walang kabuluhan sa mga isipan nila. Iniisip nila, “Hindi kailangang kuwentahin iyon, o mag-abala tungkol dito. Sino ang magsasabing kawalan iyon? Tutal, sinong lider ang hindi nagwawaldas ng kaunting handog? Paanong ako lang? Sinong lider ang hindi man lang nakapagdulot ng anumang kawalan sa sambahayan ng diyos? Ano ang mga handog sa diyos? Pagmamay-ari ng lahat ang perang iyon, kaya kung pinahihintulutan ang ibang tao na gastusin ito, bakit hindi ako? Pinahihintulutan ang ibang tao na waldasin ito, pero ako hindi? Kung pag-uusapan natin ang mga kawalan na idinulot sa sambahayan ng diyos, mas maraming naidulot ang iba kaysa sa akin. Bakit ako lang mag-isa ang labis na pinupungusan at tinatanggal? Tungkol naman sa hindi pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo pero walang pakundangan na gumagawa ng mga maling gawain, mas malala kaysa sa akin ang ilang tao pagdating sa bagay na iyon, kaya bakit hindi sila tinanggal nang sila ay pinungusan? Pagdating sa pagbabayad ng halaga, mas malaki ang ibinayad ko kaysa sa karamihan ng tao. Pagdating naman sa sinseridad, kaninong sinseridad ang maaaring ikumpara sa akin? Paano naman ang mga sermon? Mas marami akong naisermon kaysa sa sinumang iba pa. At tungkol naman sa pag-unawa sa katotohanan, sino ang nakakaunawa nito nang tulad ng sa akin? Pagdating sa pagtanggap sa pagpupungos ng itaas, sino ang tumatanggap nito nang higit kaysa sa pagtanggap ko? Sa usapin ng pagtalikod, sino ang mas maraming tinalikuran kaysa sa akin? Tungkol naman sa pagtulong sa mga kapatid at paglutas sa mga problema nila, sino ang higit na gumagawa niyon kaysa sa akin? Pagdating sa pagiging abala at paggawa sa iglesia, walang makakapantay sa akin. Pagdating sa kung sino ang ibinoboto ng mga kapatid, sinusuportahan at ineendorso, sino ang nakakakuha ng mas maraming boto kaysa sa akin?” Nakita mo, ito ang mga pagkukumparang ginagawa ng mga anticristo. Kapag nahaharap lang sila sa pagpupungos, nagsasalita lang ang mga anticristo tungkol sa mga kasangkot na usapin. Kung aaminin ng isang anticristo ang lahat ng nagawa niyang pagkakamali at ang lahat ng mga katotohanang prinsipyo na nilabag niya, kung kaya niyang tumanggap at magpasakop sa pagpupungos, kung kumilos siya batay sa mga prinsipyo mula noon, at ginawa ang lahat ng makakaya niya para mabawi ang mga kawalang idinulot niya sa gawain ng iglesia, patuloy pa bang sisilipin ng sambahayan ng Diyos ang mga isyu niya? Kokodenahin ba siya nito? Iwawaksi ba siya nito papunta sa impiyerno? Kailangan ba niyang magsikap nang husto sa pagpapaliwanag ng sarili niya at sa paggawa ng mga dahilan? Kailangan ba niyang patuloy na magreklamo tungkol sa mga hinaing niya sa ganitong paliguy-ligoy na paraan? Maaari nga kayang wala siyang tiwaling disposisyon at walang kakayahang gumawa ng mga kamalian? Pagkatapos makapakinig sa napakaraming sermon, wala pa rin ba siyang ideya kung anong uri ba talaga siya ng bagay? Pagkatapos mapungusan nang kaunti, pakiramdam niya ay naagrabyado siya—kung wala siyang ginawang anumang masama, sino ang papayag o gugustuhing pungusan siya? Bukod pa rito, kung hindi siya lider, na may pasaning responsabilidad, sino ang gugustuhing pungusan siya? Ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ang karapatang pumili nang malaya, na nagpapahintulot para ipamuhay niya ang buhay iglesia, at tungkol sa kung anong landas ang tinatahak ng mga tao at kung ano ang hinahangad nila, desisyon nila iyon. Walang makikialam dito. Pero sa ngayon, bilang isang lider sa sambahayan ng Diyos, isang superbisor, kapag nagkamali siya, ang mga kawalan na idinudulot nito sa sambahayan ng Diyos ay hindi magiging maliit na isyu, at kapag may nasabi siyang mali, ang epekto nito sa hinirang na mga tao ng Diyos ay hindi rin magiging maliit na isyu, dahil ang pasan niyang responsabilidad ay iba kaysa sa ordinaryong tao. Kaya ganap na normal lang na pungusan siya ng Itaas. Gagawin ba iyon ng Itaas kung wala siya ng katayuang ito o hindi niya inako ang responsabilidad na ito? Ilang regular na mananampalataya ang napungusan na ng Itaas? Dahil may pasan siyang malaking responsabilidad, at napakalawak din ng saklaw ng gawain niya, sa tuwing magkakamali siya, napakalaki ng epekto, at kaya tiyak na mapupungusan siya. Napakanormal nito. Kung hindi niya kayang tanggapin kahit ang mapungusan, kwalipikado ba siyang maging lider? Hindi siya kwalipikado para doon, hindi siya kwalipikado para ihalal ng mga kapatid—hindi siya karapat-dapat dito! Kapag nagkakamali siya, wala man lang siyang lakas ng loob na akuin ang responsabilidad para dito, para aminin ito. Wala man lang siyang gayong katwiran, kaya paano siya magiging lider? Hindi siya kwalipikado at hindi karapat-dapat!
Dahil mismo ito sa pagtataglay nila ng diwa ng mga anticristo kung kaya hindi kayang umamin ng mga anticristo na nagkamali sila, at kaya kapag sila ay napungusan, ayaw nilang akuin ang responsabilidad o hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Kung ganoon na ayaw nilang gawin ang mga bagay na ito, at tumatanggi silang aminin ang kamalian nila, naisasagawa ba nila ang katotohanan? Nagagawa ba nilang isakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Talagang hindi. Samakatuwid, kapag lider ang isang anticristo, bukod sa pagpapatakbo ng sarili niyang negosyo, wala siyang anumang maaaring magawa na makikinabang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at hindi siya kailanman gagawa ng mga bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, ni hindi niya isasakatuparan ang gawain nang naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Napungusan man ang isang anticristo para sa maliit na pagkakamali, o para sa malaking kamalian na nagdulot ng malaking kawalan sa gawain ng iglesia, hindi niya kayang aminin ang pagkakamali niya, at hindi niya kayang aminin na nakagawa siya ng pagsalangsang at na may utang siya sa Diyos sa usaping ito. Sa kabaligtaran, kahit kailan, mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa aminin na may kinalaman siya sa mga kawalang idinulot nito, at hindi niya aaminin na siya ang may pangunahing responsabilidad, na mali ang mga ikinilos niya, na pinili niya ang maling landas, o aminin ang pagkakamali niya ng sadyang paggawa ng masama kahit na alam na alam niya ang katotohanan, lalong hindi niya aaminin na mayroon siyang hindi maiiwasang responsabilidad sa usaping ito. Hindi niya aaminin na mayroon siyang mga maling layunin noong siya ay kumilos, na hindi niya kayang makipagtulungan sa sinuman, na kumilos siya nang basta-basta at nang sinasadya, na nasiyahan siya sa mga pakinabang ng katayuan, na naging pabaya siya sa tungkulin niya at nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, pagkatapos niyang magkamali, magpapaliwanag siya sa bawat pagkakataon kung gaano siya nagdusa, na nakulong siya pero kailanman ay hindi naging Hudas, kung gaano kalaking halaga ang binayaran niya at kung gaano kalaki ang iniambag niya sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ikakalat at ipapahayag niya ang mga ito sa lahat ng dako. Bukod sa pagsasapubliko ng mga ambag niya at ng halagang ibinayad niya, ipapakalat din niya na mali at hindi patas ang sambahayan ng Diyos sa pagpupungos sa kanya, at sa paraan ng pagtrato nito sa kanya. Bukod sa kawalan ng saloobin ng pagsisisi, huhusgahan niya ang Diyos at kung paano siya pinangasiwaan ng Diyos sa lahat ng lugar. Kung mas maraming tao ang maniniwala sa sinasabi niya, kung mas maraming tao ang susubukang ipagtanggol siya, kilalanin at tatanggapin ang halagang ibinayad niya para sa sa sambahayan ng Diyos, at maniniwalang hindi patas at naagrabyado ng sambahayan ng Diyos ang anticristo sa pagtrato nito sa kanya, nakamit na ng anticristo ang layon niya. Hindi siya kailanman mag-aalinlangan sa paggawa ng mga bagay na ito, lalong hindi pipigilan ang sarili niya. Wala siyang pusong takot sa Diyos, lalong walang anumang layunin na magsisi. Pagkatapos niyang makagawa ng pagkakamali, hindi lang siya tumatangging aminin ito, bagkus, sinusubukan niyang umiwas sa responsabilidad, at kasabay nito, mas inaalala niya ang hahantungan niya sa hinaharap. Kapag nakikita ng isang anticristo na nasasailalim sa banta ang hantungan niya, o naririnig na hindi na lilinangin ng sambahayan ng Diyos ang mga taong tulad niya, lalo pa siyang makakaramdam ng pagkamuhi sa kaibuturan ng puso niya sa mga taong nagpungos at naglantad sa kanya, at sa mga taong nagdulot ng kahihiyan sa kanya. Sa kabuuan ng proseso ng pagpupungos sa kanya, hindi talaga magsisisi ang isang anticristo. Kung talagang malalaman niya na hindi masisiguro ang katayuan at hantungan niya, na hindi kailanman maisasakatuparan ang mga pagnanais at ambisyon niya, magsisimula na siyang kumilos nang marahas, at magsisimula na niyang palihim na ikalat ang mga kuru-kuro at pagiging negatibo niya. Huhusgahan niya ang mga kapatid o ang matataas na lider na nagpungos sa kanya, at huhusgahan at aatakihin din niya ang taong ginamit ng Banal na Espiritu, sasabihing wala itong katwiran para pungusan siya, na hindi nito pinahintulutang maiwasan man lang niya ang kahihiyan. Sadyang hindi siya makatwiran. Ang ganitong uri ng tao ay hindi nakakaunawa sa katotohanan, o walang kahit na katiting na may-takot-sa-Diyos na puso, gaano man karaming sermon ang naririnig niya; hindi niya kayang taglayin kahit na ang konsensiya at katwiran na dapat na mayroon siya, gaano man siya katagal nang nananampalataya sa Diyos. Talagang kaawa-awa at kasuklam-suklam siya! Mula sa sandaling napungusan nang matindi ang isang anticristo dahil sa walang pakundangan na paggawa nito ng mga mali, hindi niya kailanman inaamin na may ginawa siyang anumang mali, at puno rin siya ng pakiramdam ng kawalan ng katarungan habang nagrereklamo siya at hinuhusgahan niya ang sambahayan ng Diyos sa pagiging hindi patas sa kanya, at sa wakas ay sinisimulan niyang lantarang ipagkalat ang mga kuru-kuro niya, kumikilos ng marahas at nakikipagsigawan laban sa sambahayan ng Diyos, at sa huli ay napatalsik siya. Mayroon bang katiting na normal na pagkatao sa loob ng pag-uugali ng anticristo sa alinman sa mga yugtong ito? Sa konsensiya at katwiran kaya? Mayroon man lang bang anumang pagpapamalas ng pagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay? Mayroon ba siyang kahit katiting na may-takot-sa-Diyos na puso? Wala, wala sa mga bagay na ito ang makikita sa kanya. Ang isang anticristo ay labis na nakakasuklam, walang kahihiyan, at lubos na hindi makatwiran! Kapag hindi na niya matatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, itinuturing niya ang sarili niya na walang pag-asa at nagsisimulang kumilos nang walang pakundangan. Gaano man siya kawalang-kakayahan at kawalang-abilidad sa gawain niya, gusto pa rin niyang matamasa ang mga pakinabang ng katayuan at ang pagpapahalaga ng iba. Mas mahalaga ang tingin niya sa katayuan at reputasyon kaysa sa buhay niya, at gaano man kalaki ang nagawa niyang pagkakamali, hindi talaga siya nakakaramdam ng anumang pagkakonsensiya. Tao pa ba siya? Isa siyang lobo na nakadamit ng tupa. Sa panlabas, suot niya ang balat ng tao at mukha siyang tao, pero sa loob, hindi siya tao. Talagang nakakapoot siya—nakakasuka at nakakasuklam siya!
B. Tumatangging Aminin na Mayroon Silang Tiwaling Disposisyon
Kapag napungusan ang isang anticristo, bukod sa hindi siya nagsisisi, nagkakalat din siya ng mga kuru-kuro at lantarang nanghuhusga. Ang unang pangunahing dahilan nito ay na tumatanggi siyang aminin na may nagawa siyang mali. Ano ang pangalawang dahilan? Ito ay na hindi inaamin ng isang anticristo na mayroon siyang tiwaling disposisyon. Hindi ba’t mas seryoso at mas kongkreto ito kaysa sa pagtangging aminin na may nagawa siyang mali? Ang pinakamababang kaalaman na dapat taglayin ng sinumang tumatanggap ng gawain ng Diyos, na tumatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, ay ang aminin muna na tiwali ang mga tao, na ginawa silang tiwali ni Satanas, na wala silang katwiran at pagkatao, hindi nagtataglay ng katotohanan o hindi nakikilala ang Diyos, at sila iyong mga nilalabanan ang Diyos. Tanging mga anticristo ang hindi kailanman aamin na masyadong malalim ang pagiging tiwali nila, at na ang lahat ng tiwaling tao ay kay Satanas, lalong hindi nila kailanman aaminin na sila mismo ay mga diyablo at Satanas. Sa partikular, sa mga oras na karamihan ng tao ay nagagawang magnilay-nilay, kilalanin ang sarili nila, at tanggapin ang pagpupungos, ni hindi nga kayang aminin ng mga anticristo na may tiwaling disposisyon sila—seryosong problema ito. Bakit Ko nasabing seryoso ito? Dahil walang kakayahan ang mga anticristo na kilalanin ang katotohanan at hindi sila naniniwalang ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, tumatanggi silang tanggapin ang anumang bagay na sinabi sa mga salita ng Diyos mula sa kaibuturan ng puso nila. Sinasabi ng ilang tao, “Paano Mo nasabing tumatanggi silang tanggapin iyon? Inamin nila na sila ay mga diyablo at Satanas, na sila ay mga kaaway ng Diyos.” Paano nabibilang iyon na pag-amin? Kahit ang isang walang pananampalataya ay maaaring magsabi na hindi siya mabuting tao, pero mabibilang ba iyon na pag-amin sa pagkakaroon ng tiwaling disposisyon? Hindi. Ang tunay na pag-amin sa pagkakaroon ng isang tiwaling disposisyon ay nangangahulugan ng pagkilala muna kung anong uri ka ng tao. Nangangahulugan din ito na nagagawa mong iugnay ang sarili mo sa iba’t ibang tiwaling disposisyon na inilarawan ng Diyos sa iba’t ibang antas, at higit pang aminin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na ibinubunyag mo habang nasa iba’t ibang kalagayan. Hindi ba’t ilang kongkretong pagpapamalas ang mga ito? (Oo.) Pero hindi tinataglay ng isang anticristo ang mga bagay na ito, dahil hindi niya kinikilala ang mga salita ng Diyos—sa halip ay kinasusuklaman niya ang mga ito. Kaya nakikinig lang siya sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, at iyon lang; hindi niya kailanman pinagninilayan, hinihimay, o ikinukumpara ang sarili niya sa mga salitang ito sa kaibuturan ng puso niya. Sa madaling salita, hindi niya hinihimay at ikinukumpara ang kanyang iba’t ibang pagpapamalas, layunin, kaisipan, at perspektiba ayon sa mga salitang ito ng Diyos; hindi talaga niya ginagawa ang mga bagay na ito. Ano ang ipinahihiwatig ng hindi niya paggawa ng mga bagay na ito? Ipinahihiwatig nito na para sa kanya, ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos ay isang paraan lang ng pagsasabi ng mga bagay-bagay, ibang perspektiba—naiibang paraan lang ang mga ito ng paglalarawan ng mga disposisyon, personalidad, kaugalian, at diwa, hindi pamantayan ang mga ito ng pagtukoy sa mga disposisyon ng tao sa anumang paraan. Ito ay isang tumpak na paraan ng paglalarawan kung paanong hindi itinuturing ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan. Mayroon lang ang mga anticristo ng tinatayang pang-unawa sa isipan nila ng paglalantad ng Diyos sa iba’t ibang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, pero hindi nila kailanman tinatanggap ang mga ito sa kaibuturan ng puso nila. Dahil hindi nila ito tinatanggap, kapag may nangyayari sa kanila, nagagawa ba nilang gamitin ang mga salita ng Diyos para pigilin ang disposisyon nila, baguhin ang mga kaugalian nila, at lutasin ang mga maling perspektiba nila? Tiyak na hindi. Hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, na nangangahulugang hindi nila inaamin na may tiwaling disposisyon sila. Halimbawa na lang ang pagmamataas—sinasabi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa disposisyong ito ang ilan sa mga paraan na ito ay napapamalas at nabubunyag sa tao. Titimbangin ng isang taong naghahangad sa katotohanan at kumikilala na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan ang sarili niyang pag-uugali at disposisyon batay sa mga salitang ito ng Diyos. Paulit-ulit niyang titimbangin ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay aaminin: “May mapagmataas akong disposisyon. Ito ang disposisyong ibinunyag ko nang gawin ko ito. Ang mga kaisipan, pagkilos, at saloobin kong ito ay mapagmataas. Ang mga paraang ito na mayroon ako ng pagtrato sa iba, paggawa ng gawain ko, at pagdiskarte sa tungkulin ko ay mapagmataas.” Hindi ba’t pagkilala iyon na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan? (Oo.) Nakikita niya ang mga salita ng Diyos bilang ang pamantayan, at ginagamit niya ito para ikumpara sa sarili niyang pag-uugali, at kapag nakakita siya ng kaugnayan, hindi namamalayang inaamin niya na may tiwaling disposisyon siya, na ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay totoo, at hindi talaga huwad. Sa ngayon, huwag muna nating pag-usapan kung magagamit ba ng mga tao ang mga salita ng Diyos para malutas ang kanilang tiwaling disposisyon pagkatapos nilang aminin na mayroon sila nito. Una, pag-usapan lang muna natin kung inaamin ba ng mga tao na may tiwaling disposisyon sila. Pagdating sa pag-amin, karamihan ng taong nagtataglay ng pagkamakatwiran, konsensiya at normal na pag-iisip ay makakapagkamit ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa salita ng Diyos, at pagkatapos, hindi namamalayang tatanggapin at sasabihin ang “Amen” sa mga salita ng Diyos, kikilalanin na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, at sa gayon ay aaminin na sila ay tiwaling tao na may tiwaling disposisyon at yumuyuko sa harap ng Diyos. Sa sandaling inamin nila na may tiwaling disposisyon sila, magkakaroon sila ng tama at naaangkop na saloobin sa Diyos, sa katotohanan, at partikular sa pagpupungos. Ibig sabihin, habang inaamin na may tiwaling disposisyon sila, kapag pinungusan sila ay magagawa nilang magpasakop mula sa puso sa pagpupungos na ito nang hindi sinasadya at hindi namamalayan, at magiging handa silang tanggapin ito. Mayroon pa ngang ilang tao na umaasam na pigilin at disiplinahin sila ng iba sa pamamagitan ng pagpupungos, at napakanatural na nakakabuo sila ng mga positibong damdamin sa pagpupungos; mayroon silang positibo at maagap na saloobin dito. Normal na mga tao ang mga ito. Ang tanging mga hindi normal na tao ay ang mga anticristo; hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos, madalas nilang sinisinghalan nang may halong pag-aalipusta ang mga ito, at nilalabanan, hinuhusgahan at kinokondena ang mga ito sa puso nila. Samakatuwid, mayroon silang parehong saloobin sa paglalantad at paglalarawan ng Diyos sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Anong saloobin iyon? Halimbawa na lang, sinasabi ng Diyos na may mapagmataas na disposisyon ang mga tao, at sinasabi ang tungkol sa mga partikular na pagpapamalas nito. Kapag naririnig ng isang anticristo ang mga partikular na pagpapamalas na ito, hindi lang niya basta tinatanggihang tanggapin ito, sa halip ay umaabot siya sa pagkasuklam sa mga partikular na pagpapamalas na ito na tinutukoy ng Diyos. Bakit niya gagawin iyon? Dahil sinusunod niya ang lohika ni Satanas, ibig sabihin, ang saloobin ni Satanas sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Sinasabi niya, “Tinatawag mo itong pagmamataas, pero sa mga may kakayahan, sino ba ang hindi mapagpakitang-gilas? Sa mga taong may talento sa pamumuno, sino ba ang hindi nagsasalita sa mapaggiit na paraan? Sa mga taong may katayuan, sino ba ang hindi medyo mapagpakitang-gilas? Wala sa mga bagay na ito ang mahalaga. Ang lahat ng bagay na ito ay ganap na normal sa mundo ng mga walang pananampalataya, pero dito pinalalaki ninyong lahat ang isang maliit na bagay. Isa pa, ang pagkilos ba nang hindi sinasabi sa iba ang mga bagay-bagay ay talagang maibibilang na pagmamataas? Iyon ba ay talagang pagsasawalang-bahala sa kung ano ang katanggap-tanggap sa lahat? Ang mga taong may kakayahan ang dapat na nagdedesisyon, at ang magawang i-monopolisa ang kapangyarihan ay tinatawag na pagiging mahusay. Ano ang saysay ng pagtalakay ng mga bagay-bagay sa inyong mga ordinaryong tao? Ano ba ang alam ninyo? Kaya, hindi ako nagyayabang, mahusay at may kakayahan lang ako. Tinatawag itong may abilidad sa pamumuno, at isa itong likas na talento. Mayroon akong gayong napakahusay na likas na kakayahan, kaya kong gawin ang kahit ano. Anuman ang sitwasyon o sa anumang grupo ako kasama, kaya kong akuin ang responsabilidad—ito ay pagiging isang indibidwal na may talento! Hindi dapat tapakan, ni ilantad ang mga indibidwal na may talento. Sa halip, sa anumang grupo sila kasama, dapat silang irekomenda, purihin, at bigyan ng mahahalagang papel! Dahil sila ay may kakayahan, mga may talentong indibidwal na may mga abilidad sa pamumuno, dapat na may asal sila ng isang lider, ng isang pinuno. Kung ibabaon nila ang mga bagay na ito, hindi ba’t pagpapanggap iyon?” Ginagamit niya ang mga baluktot na pangangatwiran na ito at ang mga maling paniniwalang ito para husgahan at kondenahin ang paglalantad ng Diyos ng mapagmataas na disposisyon, kaya anuman ang sabihin mo, hindi niya kailanman aaminin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon na inilarawan at tinukoy ng Diyos. Iniisip niya, “Ang sinabi ng diyos ay isang paraan lang ng pagsasabi ng mga bagay-bagay. Ito ay medyo positibo, naaayon sa kaugalian, at tradisyonal, pero hindi ito matutukoy bilang katotohanan. Nababagay lang ito sa ilang tao. Halimbawa, may ilang tao na medyo taos-puso, at wala silang anumang talento, ni hindi rin sila masyadong mahusay o matalino, at higit pa rito, wala rin silang anumang abilidad sa pamumuno. Kung wala silang naaangkop na katuwang, kailangan nilang kumonsulta sa iba kapag kumikilos, at kung hindi, hindi nila kayang pasanin ang gawain nila—ito ang uri ng tao na naaangkop sa mga salita ng diyos.” Ang mga argumentong tulad nito ay mga satanikong maling paniniwala at mapanlinlang lahat.
Kailanman ay hindi naniniwala ang mga anticristo na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, kaya kahit kailan nila marinig ang mga ito, nagpapabasta-basta lang sila; katulad lang sila ng mga Pariseo, ginagamit ang mga salita ng Diyos para magpakitang-tao. Hindi nila tinatanggap ang mga ito sa kaibuturan ng puso nila o ginagawang buhay nila ang mga salita ng Diyos at ang layon para sa pagsasagawa nila. Kaya, kapag nakakagawa ng pagkakamali ang isang anticristo, hindi niya aaminin na may nagawa siyang mali kapag pinupungusan at inilalantad mo siya dahil dito, lalong hindi niya tatanggapin ito kapag pinungusan mo siya kaugnay sa disposisyon at diwa na ibinunyag niya sa usaping iyon. Tulad lang ng pagtanggi niya na amining nakagawa siya ng mali, kapag nagbubunyag ang isang anticristo ng tiwaling disposisyon, palagi siyang may ilang dahilan, ilang palusot, ilang paliwanag para itanggi na may tiwaling disposisyon siya. Halimbawa, kapag nagbunyag siya ng isang mapagmataas na disposisyon sa isang partikular na usapin, sinasabi niya na nagmamadali siya, na mali ang mga nasabi niya at na nakapagtaas siya nang kaunti ng boses niya. Kapag sinabi ng isang tao na naging mapanlinlang siya sa isa pang usapin at hindi naging hayag, sinasabi niya na karamihan ng tao ay may mahinang kakayahan, kaya kung sinabi niya kung ano ang nangyayari, hindi siya mauunawaan ng iba, at hindi mauunawaan kung ano ang sinabi niya, at kaya hindi siya naging hayag. Anumang tiwaling disposisyon ang ibinubunyag niya, palagi siyang nakakahanap ng mga palusot at paliwanag. Sa kabuuan, anuman ang tiwaling disposisyon na ibinubunyag niya, gaano man kahalata o seryoso ito, hindi niya kailanman aaminin na isang tiwaling disposisyon ito. Madalas nagsisinungaling ang mga anticristo, nagsasabi ng isang bagay sa harap ng mga tao at ibang bagay sa likod nila, at walang makapagsasabi at walang nakakaalam kung kailan sila nagsasabi ng katotohanan at kung kailan sila nagsisinungaling. Gayunpaman, hindi nila kailanman aaminin na sila ay mapanlinlang na tao, sa halip na isang matapat na tao. Bagkus, madalas na pinangangatwiranan nila ang kanilang sarili at ipinapaliwanag kung gaano sila ka-lubos na taos-puso, kung gaano sila ka-partikular na sinsero sa iba, at kapag may anumang paghihirap ang ibang tao, kung gaano ang kagustuhan nilang tulungan ito mula sa kabutihan ng kanilang puso. Bukod sa hindi inaamin ng mga anticristo na may tiwaling disposisyon sila, palagi nilang sinusubukang pagtakpan ang sarili nila, ipinagyayabang kung gaano sila kabuti at kabait na tao. Bukod sa hindi nila inaamin na may tiwaling disposisyon sila, kasabay nito ay ipinagyayabang din nila kung gaano sila kagaling sa paghikayat ng mga tao, kung gaano sila kagaling sa pagkuha ng pabor ng mga tao at pagkuha ng loob ng mga tao. Ipinagyayabang nila kung gaano sila ka-madiskarte at may kakayahan pagdating sa pagkilos at pagsasalita sa mga tao, kung paanong walang mas huhusay at makahihigit sa kanila, kung paanong walang mas mahusay para sa trabaho nila. Kapag nagbabayad ng kaunting halaga ang isang anticristo, nagagawang mangaral ng ilang matayog na doktrina at teorya, at may ginagawang isang bagay sa sandaling panahon na naglilihis sa mga tao at nag-uudyok sa karamihan ng mga tao na pahalagahan siya, iisipin niya na matagumpay niyang naikubli ang tiwaling disposisyon niya, at na nagawa niyang huwag pansinin ng mga tao ang tiwaling disposisyon niya. Kaya batay sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, at sa uring ito ng pang-unawa at saloobin na kinikimkim nila sa tiwaling disposisyon nila, kapag sila ay napungusan, ang unang reaksiyon nila ay ang salungatin at labanan ito, ang gawin ang lahat ng magagawa nila para linisin ang pangalan nila. Dagdag pa sa pagtangging aminin ang mga kawalang idinulot nila sa gawain ng iglesia, tatanggi rin silang aminin ang tiwaling disposisyong ibinunyag nila sa usapin, at ang kamaliang nagawa nila dahil sa udyok ng tiwaling disposisyon nila. Kung isasaalang-alang ang pagpapamalas at diwang ito ng mga anticristo, possible bang makamit nila ang disposisyonal na pagbabago? (Hindi.)
Nakatagpo Ako ng ilang anticristo na nagkakamali sa gawain nila, na mga tamad, hindi ginagawa ang gawain nila, at pinababayaan ang mga partikular na gampanin, habang nagmamando pa rin sa ibang tao, walang pakundangang gumagawa ng mga maling gawain, at gumagawa ng mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan. Kapag ang gayong mga anticristo ay napungusan dahil dito, sa panlabas ay mukhang napakamasunurin nila, pero sa likod nito ay hindi talaga sila nagsisisi. Kung huhusgahan ang saloobin nilang hindi nagsisisi, hindi nila tinanggap kahit kaunti ang pagpupungos. Kung huhusgahan ang hindi nila pagtanggap sa pagpupungos, hindi nila kailanman sinuri kung anong mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang taglay nila. Sa halip, pagkatapos mapungusan, patuloy nilang ginagawa anuman ang gusto nila, ginagawa ang mga bagay-bagay sa sarili nilang pamamaraan, nagsasagawa ng pailalim na pagmamanipula, nililinlang iyong mga nasa itaas at ibaba nila, nagtatatag ng kanilang mga independiyenteng kaharian, at nagpapakasaya sa mga espesyal na pribilehiyo, nang hindi nagbabago kahit kaunti. Bakit hindi sila nagbabago kahit kaunti? Dahil mismo ito sa hindi pag-amin ng mga anticristo kahit kaunti na mayroon silang tiwaling disposisyon, ni hindi nila tinatanggap ang katotohanan; kaya sinusunggaban nila ang pagkakataong makahawak ng malaking kapangyarihan at sinusulit ang pagkakaroon ng kapangyarihang iyon, at pagkatapos ay sinasamantala ang panahon na iyon para gawin ang anumang gusto nila, para gawin ang lahat ng makakaya nila para gumawa ng masasamang bagay, at para guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos at sirain ang normal na kaayusan ng sambahayan ng Diyos. Habang tinatamasa nila ang lahat ng uri ng materyal na pagtrato mula sa sambahayan ng Diyos, hindi talaga sila gumagawa ng anumang kabutihan. Bukod sa paggawa ng ilang paimbabaw na gawain, ano ang ginagawa nila nang palihim? Nagpapatawag sila ng mga pagtitipon, nangangaral ng mga salita at doktrina, at nakikialam pa nga sa mga walang kaugnayang usapin—maliban doon, nagmamando lang sila sa mga tao. Hindi nila isinasagawa ang alinman sa mga partikular na gawaing itinalaga sa kanila ng Itaas, at hindi sila nagpapakita ng personal para magbigay ng mga detalyadong tagubilin, pangangasiwa, o patnubay. Inuutusan lang nila ang mga tao mula sa itaas, at paminsan-minsan kapag wala talaga silang magagawa, magpapakita sila sa lugar ng trabaho para gumawa ng ilang bagay at magbigay ng ilang direksiyon. Pansamantalang pagpapakita lang ito ng pagkamasigasig, at kaagad pagkatapos nito ay hindi na sila makita. Kapag itinaas nila ang ranggo o itinalaga sa puwesto ang isang tao, walang puwedeng magsabi na hindi magaling ang taong iyon o salungatin ito, at hindi kailanman titingnan o pangangasiwaan ng mga anticristo ang gawain ng taong iyon. Gaano man kasama ang ginagawa ng taong itinaas nila ng ranggo o itinalaga, hindi nila pinahihintulutan ang kahit sino na ilantad ito, walang sinuman ang puwedeng magtanggal dito, at walang sinuman ang pinapayagang iulat ito. Ang sinumang mag-uulat sa taong iyon ay magiging kaaway nila. Gaano man kalaking kawalan ang idinudulot ng taong ginagamit nila sa gawain ng iglesia, gaano man kalaking kaguluhan ang idinudulot nito sa iglesia, gagawin ng mga anticristo ang lahat ng makakaya nila para protektahan ang taong ito, at kung mabibigo silang gawin iyon, magmamadali sila para humiwalay sa taong iyon, at mabilis na bibitiwan ang responsabilidad. Anuman ang ginagawa ng mga anticristo, sa harap man ito ng mga tao o kapag nakatalikod ang mga ito, lubos silang walang may-takot-sa-Diyos na puso. Sila ay mga hindi mananampalataya, mga diyablo, at mga buhay na Satanas, at walang kahihiyan pa rin nilang gustong magkaroon ng posisyon at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan; sila ay mga lintang nakaasa lang sa sambahayan ng Diyos. Mayroon pa ngang ilan na, kapag sila ay napungusan, at nakita na hindi na nila mapapanatili ang katayuan nila, ay nakakaramdam ng panghihina ng loob, pagkadismaya, at pagkalumbay. Bakit sila nakakaramdam ng pagkalumbay? Bakit sila nakakaramdam ng panghihina ng loob? Dahil ito sa hindi na nila mapapanatili ang katayuan nila, ang pagkakataon nilang matamasa ang mga espesyal na pribilehiyo at ang espesyal na pagtrato sa kanila ay mawawala, wala nang nagpapahalaga pa sa kanila, at tapos na ang mga araw nila ng paglalaro ng kapangyarihan. Kakailanganin na nilang gawin ang mga bagay-bagay para sa sarili nila—hindi na sila magkakaroon ng pagkakataong tumayo lang at mag-utos. Hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi at pagkabahala tungkol sa masasamang kahihinatnan na dulot ng tiwaling disposisyon nila. Sa halip, sila ay nababahala, lumuluha, at nakakaramdam ng kawalan dahil sa hindi na nila matatamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Mayroon pa ngang ilang tao na, pagkatapos tanggalin, ay malakas ang loob na paulit-ulit na nanghihingi ng isa pang pagkakataon. Sabihin ninyo sa Akin, puwede bang bigyan ng isa pang pagkakataon ang ganoong mga tao? Ano ang plano nilang gawin sa pagkakataong iyon? Para umasa sa iglesia, para maging mapanamantala, at para kumilos nang walang pakundangan. Kung bibigyan sila ng isa pang pagkakataon, makikilala ba nila ang sarili nilang tiwaling disposisyon? Magagawa ba nilang kilalanin ang sarili nila? (Hindi.) Kung makakakuha sila ng isa pang pagkakataon, magkakamit ba sila ng kaunting pakiramdam ng kahihiyan? Magbabago ba ang karakter nila? Sa pamamamagitan ng isa pang pagkakataon, magsisimula ba silang gumawa ng mga bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi na susubukang magtatag ng kanilang mga independiyenteng kaharian? (Hindi nila gagawin iyon.) Hindi nila gagawin ang alinman dito—hindi ba’t katapusan na nila? Kung kayo ay napungusan, at ito ay napakaseryosong bagay na walang magagawa ang Itaas kundi ang tanggalin kayo, ano ang iisipin ninyo? (Na dapat talaga akong tanggalin, dahil napakabuktot ng kalikasan ko, napakarami kong nagawang bagay na labag sa mga prinsipyo at laban sa Diyos, nakagawa ako ng napakaraming kasamaan, at nagdulot ako ng napakaraming kawalan sa gawain ng iglesia. Dapat akong tanggalin.) Magninilay muna sa sarili niya ang isang taong nagtataglay ng katwiran, “Ano ba talaga ang ginawa ko sa panahong ito? Bakit ako napungusan? Tama ba talaga na napungusan ako dahil sa paggawa ng mga bagay na iyon, at ang mga bagay na sinabi ng taong iyon nang pungusan niya ako? Paano ko dapat tanggapin ang mga ito? Paano ko dapat harapin ang pagpupungos na ito?” Pagkatapos ay susuriin niya kung ano ba talaga ang nagawa niya, kung mayroon bang anumang halong kalooban ng tao sa mga ikinilos niya, kung mayroon bang konsensiya at katwiran sa mga ito, kung alinsunod ba sa mga katotohanang prinsipyo ang ginawa niya, kung gaano karami sa mga ginawa niya ang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at kung gaano karaming bagay ang ginawa niya na naaayon sa sarili niyang kalooban. Dapat na suriin ng isang taong may katwiran ang mga aspektong ito, hindi ang pagtuunan ng pansin kung nawala ba sa kanya ang katayuan niya, kung naging patas ba ang sambahayan ng Diyos sa kanya, ano ang iisipin ng mga tao tungkol sa kanya kung wala siyang katayuan, o kung anong uri ng mga posibilidad at hantungan ang magkakaroon siya. Hindi pagtutuunan ng pansin ng isang taong may katwiran ang gayong mga bagay.
Gaano ba kawalang-hiya ang ilang anticristo? Kung, pagkatapos matanggal ang mga anticristong ito, hindi na kasinggalang ang mga kapatid sa kanila, kung hindi na kasinggiliw o kasingbait ang mga ito, at na sa halip ay malamig ang pakikitungo ng mga ito at hindi sila pinapansin, hindi ito matatagalan ng mga anticristo. Bakit napakasensitibo nila sa ganitong mga bagay, samantalang hindi sila gaanong sensitibo sa tiwaling disposisyon nila? Bahagi ba iyon ng kalikasan nila? Mayroon ba silang dignidad? Mayroon ba silang hiya? (Wala.) Ang dalawang pinakamahalagang bagay sa pagkatao ay hiya at pagkamatuwid. Walang bakas ng alinman sa mga bagay na ito sa isang anticristo. Walang kahihiyan ang mga anticristo, at gaano man sila magbunyag ng mga tiwaling disposisyon o gaano man karaming kasamaan ang gawin nila, talagang wala silang nararamdaman, hindi sila nakokonsensiya, gayunman, gusto pa rin nilang patagalin ang pananatili at ang pananamantala nila sa sambahayan ng Diyos. Pagkatapos nilang mapungusan at malantad, pagkatapos nilang matanggal at mawalan na ng anumang katayuan, gusto pa rin nilang parangalan sila ng mga kapatid nang may paggalang at pagrespeto. Hindi ba’t hindi makatwiran iyon? Kasuklam-suklam ba sa inyo ang pagpapamalas na ito ng mga anticristo? (Oo.) Bawat tao ay nakakaramdam ng kawalan kapag napupungusan siya, lalo na kung tinanggal siya at nawala ang katayuan niya. Pakiramdam niya ay nalagay siya sa isang alanganing sitwasyon, at napahiya nang kaunti sa harap ng iba, at hindi siya makaharap kahit kanino sa labis na kahihiyan. Gayumpaman, hindi magsasalita ng mga baluktot na argumento ang isang taong may hiya. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagsasalita ng mga baluktot na argumento? Nangangahulugan ito ng kakayahang harapin ang lahat ng bagay sa tamang paraan, nang hindi nag-iisip at nagsasalita tungkol sa mga bagay-bagay sa baluktot na paraan, at sa halip ay matapat na inaamin ang mga maling bagay na nagawa niya, at hinaharap ang usapin nang patas at makatwiran. Ano ang ibig sabihin ng patas at makatwiran? Nangangahulugan ito na, dahil napungusan ka para sa isang bagay, malamang na may problema sa ginawa mo—kung isasantabi ang tiwaling disposisyon na mayroon ka, sabihin na lang natin na kung pumalpak ka sa usaping ito, tiyak na may kaunti kang responsabilidad para dito; at dahil may responsabilidad ka, dapat mo itong pasanin, at aminin na ginawa mo ito. Sa sandaling aminin mo ito, dapat mong suriin ang sarili mo, at tanungin: “Anong tiwaling disposisyon ang ibinunyag ko rito? Kung hindi ako inudyukan ng isang tiwaling disposisyon, nahaluan ba ng kalooban ng tao ang mga ikinilos ko? Idinulot ba ito ng kahangalan? May anumang kinalaman ba ito sa paghahangad ko, sa landas na tinatahak ko?” Ang kakayahang suriin ang sarili tulad nito ay tinatawag na pagkamakatwiran, pagkakaroon ng hiya, pagtingin sa mga bagay-bagay sa isang patas at obhetibong paraan, sa isang paraan na totoo batay sa mga katunayan. Ito mismo ang wala sa mga anticristo. Kapag sila ay pinupungusan, una nilang iniisip, “Paano mo nagawang walang-awang pungusan ang isang marangal na lider tulad ko sa harap ng napakaraming tao, inilantad pa nga ang kahiya-hiyang lihim ko? Nasaan ang katanyagan ko bilang lider? Sa pagpupungos sa akin, hindi ba’t winasak mo na ito? Sino na ang makikinig sa akin mula ngayon? Kung walang makikinig sa akin, paano ako magkakaroon ng anumang katayuan bilang lider? Hindi ba’t magiging tau-tauhan na lang ako kung ganoon? Paano ko matatamasa ang mga pakinabang ng katayuan kung gayon? Hindi ba’t hindi ko na matatamasa ang mga aytem na inihahandog ng mga kapatid?” Tama ba ang ideyang ito? Naaayon ba ito sa katotohanan? Makatwiran ba ito? (Hindi.) Ito ay pagkawalang-katwiran, at pagsasalita ng mga baluktot na argumento. Ano ang ibig mong sabihin sa katanyagan? Ano ang isang lider? Siguradong hindi ka inosente sa katiwalian? Ano ang ibig mong sabihin sa “paglalantad ng kahiya-hiya mong lihim”? Ano ang kahiya-hiya mong lihim? Ito ay ang tiwaling disposisyon mo. Ang tiwaling disposisyon mo ay kapareho ng sa iba—iyon ang kahiya-hiya mong lihim. Walang naiiba sa iyo, hindi ka nakahihigit sa iba. Nakita lang ng sambahayan ng Diyos na mayroon kang kaunting kakayahan at kayang gumawa ng ilang gawain, kaya itinaas nito ang ranggo mo at nilinang ka, at binigyan ka ng natatanging pasanin, ng kaunting dagdag na pasanin. Subalit hindi naman ibig sabihin nito na sa sandaling magkaroon ka ng katayuan, wala ka ng tiwaling disposisyon. At gayunman, kinakapitan ito ng mga anticristo, sinasabing, “Ngayong may katayuan na ako, hindi mo ako dapat pungusan, lalong hindi sa harap ng napakaraming tao, na magpapahintulot sa karamihan ng tao na malaman ang tungkol sa tunay kong sitwasyon.” Hindi ba’t baluktot na argumento ito? Saan maaaring gamitin ang diskarteng ito? Sa lipunan sa labas, kapag pinatataas mo ang kumpiyansa ng isang tao, kailangan mo siyang purihin bilang perpekto, at bumuo ng imahe ng pagiging perpekto para sa kanya, nang wala ni katiting na kapintasan. Hindi ba’t mapanlinlang iyon? Gagawin ba ito ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Iyon ang ginagawa ni Satanas, at ito rin ang hinihingi ng mga anticristo. Walang katwiran si Satanas, at kaparehas ding walang katwiran ang mga anticristo sa bagay na ito. Hindi lang iyon, kundi gumagawa rin sila ng mga baluktot na argumento at nagsusulong ng mga labis na hinihingi. Para maprotektahan ang katayuan nila, hinihiling nila sa Itaas na bigyan ng pansin ang tungkol sa kung paano sila pinungusan at sa kung anong mga okasyon sila pinungusan, at kung anong uri ng tono ang ginamit. Kinakailangan ba ito? Mga tiwaling tao sila, at pinupungusan sila para sa isang bagay na tunay at totoo—anong pangangailangan ang mayroon para gawin ito sa isang partikular na paraan? Hindi ba’t makakapinsala sa mga kapatid ang pagpapataas ng kumpiyansa ng mga anticristo? Dapat bang pataasin ang kumpiyansa nila, at protektahan ang katayuan nila, sila na masasamang tao, para walang pakundangan silang makagawa ng masasamang gawa sa mga nasa ibaba at makapagtatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian? Magiging patas ba iyon sa mga kapatid? Pagpapakita ba iyon ng responsabilidad sa kanila? Hindi iyon isang paraan ng pagpapakita ng responsabilidad sa kanila. Kaya ang isang anticristong kumikilos nang ganito, nag-iisip nang ganito, at gumagawa ng gayong mga uri ng mga hinihingi ay pagsasabi lang niya ng mga baluktot na argumento at paggawa ng gulo nang sinasadya, lubos na walang-hiya. Kapag pinupungusan para sa isang maling bagay na ginawa niya, hindi inaamin ng isang anticristo na may tiwaling disposisyon siya, hindi rin niya sinusuri kung anong tiwaling disposisyon ang nagbunsod sa kanyang gawin ang gayong bagay. Pagkatapos magsabi ng napakaraming baluktot na argumento, hindi lang siya tumatangging suriin ang sarili niya, nag-iisip din siya ng mga kontrang hakbang. “Sino ang nag-ulat nito? Sino ang nagpaabot nito sa itaas? Sino ang nag-ulat sa mga lider na ginawa ko ito? Kailangan kong malaman kung sino ito, at turuan siya ng leksiyon. Kailangan ko siyang kastiguhin sa mga pagtitipon, at ipakita sa kanya kung gaano ako kakila-kilabot.” Kapag pinungusan siya, gagawin ng isang anticristo ang lahat ng makakaya niya para ipagtanggol ang sarili niya, para makahanap ng palusot, iniisip na, “Naging pabaya ako sa pagkakataong ito at hinayaan kong mabunyag ang isang lihim, kaya dapat kong gawin ang makakaya ko para hindi na ulit ito mangyari sa susunod, at subukan ang ibang diskarte para malinlang ang itaas pati na rin ang mga kapatid sa ibaba, para wala sa kanila ang makaalam. Kapag nakakagawa ako ng tama, dapat akong magmadaling sumulong at akuin ang papuri para dito, subalit kapag nagkakamali ako, dapat mabilis kong maipasa ang responsabilidad sa iba.” Hindi ba’t iyon ay kawalan ng hiya? Kawalan ito ng hiya sa sukdulan! Kapag napungusan ang isang normal na tao, sa kaibuturan, pribado niyang inaamin sa sarili niya, “Hindi ako magaling—may tiwaling disposisyon ako. Wala nang masasabi pa. Dapat kong pagnilayan ang sarili ko.” Tahimik niyang pinagpapasyahan na kumilos ayon sa kung ano ang hinihingi ng Diyos kung mahaharap siyang muli sa ganitong sitwasyon. Kung makakamit man niya ito o hindi, anumang mangyari, kapag napungusan siya, tinatanggap niya ito nang makatwiran sa kaibuturan ng puso niya, at sinasabi sa kanya ng pagkamakatwiran niya na talagang nakagawa nga siya ng mali, at na dahil may tiwaling disposisyon siya, dapat niyang aminin ito. Nagpapasakop siya sa kaibuturan ng puso niya, nang walang anumang paglaban, at kahit na pakiramdam niya na medyo naagrabyado siya, ang pangunahing saloobin niya ay ang pagiging positibo. Nagagawa niyang pagnilayan ang sarili niya, makaramdam ng pagsisisi, at magpasyang magsikap na huwag gawin ang parehong pagkakamali sa usaping ito sa hinaharap. Sa kabilang banda, hindi lang sa hindi nakakaramdam ng pagsisisi ang isang anticristo, mapanlaban siya sa puso niya, at hindi lang sa hindi niya magawang bitiwan ang kasamaang ginagawa niya, sinusubukan pa niyang maghanap ng ibang paraan pasulong para patuloy na walang pakundangang gumawa ng masasamang gawa, nagpapatuloy sa masamang pag-uugali niya. Kapag napungusan siya, hindi niya sinusuri ang sariling tiwaling disposisyon niya, ang pinagmulan ng kamalian niya, ng mga layunin niya, o ng iba’t ibang kalagayan at perspektiba na umusbong sa kaibuturan niya nang mabunyag ang tiwaling disposisyon niya. Hindi niya kailanman sinusuri o pinagninilay-nilayan ang mga bagay na ito, hindi rin niya tinatanggap ito kapag may sinumang iba na nagbibigay ng mga mungkahi, payo, o naglalantad sa kanya. Sa halip, nagsisikap siya nang husto para maghanap ng iba’t ibang paraan, diskarte, at taktika para malinlang ang mga nasa itaas niya at nasa ibaba niya para maprotektahan niya ang katayuan niya. Pinagsisikapan niya nang husto ang pagdudulot ng kaguluhan sa sambahayan ng Diyos, at ginagamit ang katayuan niya para gumawa ng masama. Talagang wala siyang pag-asa!
Kapag ginagawa ng mga anticristo ang anumang bahagi ng gawain, pabasta-basta lang sila at nagbubulag-bulagan sila sa masasamang tao at sa mga nanggugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, o maaari pa nga nilang pagtakpan ang mga ito, pagbigyan, at protektahan ang mga ito. Pagkatapos tanggalin, magbabago ba ang isang anticristo kapag gumawa siya ng ibang tungkulin? (Hindi.) Bakit ganoon? (Dahil sa problema sa kalikasang diwa niya.) Pagkatapos makagawa ng gayong napakatinding pagkakamali, hindi pa rin siya nagsisisi, at nagkikimkim pa rin siya ng mga kuru-kuro at hinaing sa puso niya, kaya posible ba na maging medyo sinsero siya sa alinmang tungkuling ginagawa niya? Walang pakundangan siyang gumagawa ng masasamang gawain sa tungkulin niya kahit noong bago pa siya magkaroon ng anumang kuru-kuro o hinaing, kaya kapag nagkikimkim siya ng mga bagay na ito, posible ba na maging sinsero siya sa tungkulin niya? (Hindi.) At kung walang sinseridad, magiging pabasta-basta ba siya? Walang pakundangan ba siyang gagawa ng masasamang gawain? (Oo.) Maaaring hindi kumbinsido ang ilan sa inyo, kaya tingnan ninyong mabuti ang sarili ninyo, at darating ang araw na makukumbinsi ka. Hindi kailanman magbabago ang isang anticristo, at saanman siya ilagay, palagi siyang magiging walang kabuluhan. Pagkatapos na mapungusan ang isang taong naghahangad sa katotohanan dahil sa pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon, sumasailalim siya sa ilang pagbabago. Pabuti nang pabuti ang kalagayan niya, paagap nang paagap ang saloobin niya, lalong nagiging mas positibo ang perspektiba niya, lalong nagiging mas tama ang mga layon at direksiyon ng paghahangad niya, lalong nabubuo ang may-takot-sa-Diyos na puso niya, at lalong nagmumukhang mas karapat-dapat na respetuhin ang pagkatao niya. Sa kabaligtaran, habang mas pinupungusan ang isang anticristo, lalong tumitindi ang paghihinanakit ng kalooban niya, lalo siyang nagiging mas maingat, lalo niyang nararamdaman sa puso niya na naagrabyado siya, at mas lumalago ang mga kuru-kuro, pagkamuhi, at mga reklamo niya tungkol sa Diyos. Kapag hindi siya napupungusan, nagagawa ng laman niya na magbayad ng katiting na halaga, pero kapag palagi siyang napupungusan, wala man lang siyang kahit katiting na sinseridad. Talagang wala na siyang pag-asa! Obserbahan ninyo ito para sa inyong sarili—ang sinumang tulad nito ay palaging nangangaral ng mga sermon para suportahan ang iba, pero siya mismo ay hindi talaga nagsasagawa o may anumang pagpasok—isang katangian ito. Ang isa pang katangian ay na, anumang gawain ang ginagawa niya, sa sandaling magkaroon siya ng katayuan, kaya niyang magkusa nang kaunti at magpakita ng kaunting sigasig, pero palagi siyang pabasta-basta at walang pakundangang gumagawa ng masasamang gawa sa gawain niya. Kapag nawalan siya ng katayuan, marahas siyang makikipag-away, itinuturing niyang wala nang pag-asa ang sitwasyon niya, at kumikilos pa nga nang mapangahas at walang pakundangan, at kumikilos na tulad ng isang mabagsik na tao na walang kinikilalang batas, ganap na walang may-takot-sa-Diyos na puso. Sa buong sangkatauhan, ang ganitong uri ng tao ay isang klasikong anticristo. Nagagawa niyang himayin nang napakalinaw at lohikal ang mga kalagayan ng ibang tao, sa paraan na madaling maunawaan at nag-iiwan ng pakiramdam na mayroon din siyang ganitong uri ng pagkaunawa ng sarili niya. Pero kapag nakakagawa siya ng ilang pagkakamali, kapag nagbunyag siya ng tiwaling disposisyon, at kapag sinubukan mong ilantad at himayin ang mga ito, tingnan mo kung anong uri ng saloobin mayroon siya. Lubos na magiging mabigat sa loob niyang tanggapin ito, at mag-iisip siya ng lahat ng paraang maiisip niya para pabulaanan ito at ipagtanggol ang sarili niya, hindi niya aaminin ito. Walang sinuman ang makakahawak sa kanya, at ang sinumang makakapagpagalit sa kanya, o maglalantad ng problema niya, ay mapapahamak at tatratuhin bilang kaaway niya.
Kapag may katayuan ang isang anticristo, nagagawa niyang magtiis ng kaunting paghihirap at magbayad ng kaunting halaga para protektahan ito. Nagagawa rin niyang magpanggap na may malasakit para sa lahat, ng kagustuhang iligtas ang lahat—isang mapagpaimbabaw na mukha. Gayumpaman, sa sandaling mawala ang katayuan niya, naglalaho ang lahat ng kabutihang-loob niya, sa kabila nito ay gusto pa rin niyang hawakan at tamasahin ang suporta, paggalang, at espesyal na atensyon na tinamasa niya dati. Talagang sukdulan ang kawalan niya ng hiya! Anuman ang grupo ng isang anticristo, hindi siya nagbibigay ng kahit kaunting tulong o mabuting aral sa sinuman, sa kabila nito gusto pa rin niyang tamasahin ang suporta at paggalang ng lahat. Kahit sino pa ang umaamin na may tiwaling disposisyon siya, ang isang anticristo ay hindi magsasalita at magsasabi na mayroon din siya nito, o magsasalita tungkol sa kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang ibinunyag niya dati. Hindi niya kailanman hinihimay ang sarili niya, at kapag napunta siya sa sitwasyon na hindi matatakasan, magsasabi lang siya ng isang bagay tulad ng, “Oo, isa akong demonyo, isa akong Satanas,” at iyon na iyon. Nagsasabi lang siya ng ilan sa ganitong mga uri ng matatayog at hungkag na salita. Kung tatanungin mo siya, “Anong mga partikular na pagpapamalas at pagbubunyag ng pagiging isang demonyo at isang Satanas ang taglay mo? Anong mga uri ng mga motibo at layon ang mayroon ka kapag kumikilos ka?” wala man lang siyang sasabihing kahit ano. Hindi ba’t siya ay isang Satanas? Simula nang ito ay magkaroon ng kapangyarihan, ang malaking pulang dragon ay gumawa ng hindi mabilang na kasamaan, at sa buong pamamahala nito ay patuloy nitong inaamin at itinatama ang mga pagkakamali nito, habang patuloy na pinatitindi ang pag-abuso nito sa mga tao nito. Kapag nakikita mo itong inaamin ang mga pagkakamali nito, maaaring iisipin mo na ito ay magsisisi at magbabago, na may saloobin ito ng pangungumpisal, at malamang na hindi na ito gagawang muli ng gayong mga pagkakamali. Subalit batay sa mga bagay-bagay na sumunod na nangyari at kung paano nabuo ang mga bagay-bagay, ang pag-amin ng malaking pulang dragon sa mga pagkakamali nito ay para lang sa kapakanan ng pagprotekta ng imahe at katayuan nito, na nagbibigay-daan para ipagpatuloy nito ang paghawak sa kapangyarihan at gumawa ng mas maraming nakapanghihilakbot na bagay na umaabuso sa mga tao nito. Pare-pareho ang mga anticristo—taglay nila ang parehong kalikasang diwa gaya ng mga diyablo, Satanas, at ng malaking pulang dragon. Magaling silang magpanggap at gawi nila ang magsinungaling; wala silang kahihiyan, tutol sila sa katotohanan at mga positibong bagay, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dagdag pa rito, wala silang ibang sinasabi kundi mga bagay na masarap pakinggan, at ginagawa lang nila ang lahat ng uri ng masamang bagay. Sa paligid ng mga kapatid, madalas na mga tamang bagay ang sinasabi ng mga anticristo, at gumagawa ng mga bagay na mukhang tama sa panlabas, pero kapag hiningi sa kanilang mahigpit na magsagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, para ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, wala silang gagawing ganoon, at sa halip ay maglalaho sila nang walang bakas. Kung iiwan mo sila ng walang pangangasiwa, pamamahala, o panghihimok, walang pakundangan silang gagawa ng masasamang gawa, at magtatatag ng kanilang nagsasariling kaharian. Para makamit ang layon nilang humawak ng kapangyarihan, titiisin nila ang anumang paghihirap at magbabayad ng anumang halaga. Makikita natin dito na may isa pang uri ng kalikasang diwa ang mga anticristo, ito ay na sila ay makasarili at kasuklam-suklam. Maliban sa pagbabayad ng kaunting halaga kapag may ginagawa silang isang bagay para sa sarili nila, kung hiningi sa kanila na gumawa o magsalita ng ilang bagay para sa mga kapatid, para sa sambahayan ng Diyos, nang walang tinatanggap na anumang kapalit, magiging napakabait ba nila? Tatanggapin ba nila ang pasaning iyon? (Hindi.) Kaya pagdating sa mga bagay na hiningi ng Itaas na ipatupad nila, kapag dumating ang oras para suriin ang gawaing iyon, hindi nila naipatupad ang alinman sa mga ito. Bakit ganoon? Dahil kapag ginawa nila iyon, kakailanganin nilang mapagod at magdusa; kakailanganin nilang magbayad ng halaga, at malamang na hindi sila masyadong makikinabang dito. Kaya, talagang hindi nila gagawin ito. Kung ang karamihan ng tao ay makikinabang dito, kung ang karamihan ng tao ay magkakamit ng mga benepisyo mula rito, magiging handa bang magbayad ng halaga ang isang anticristo para dito? Hindi. Kung ito ay para sa isang bagay na igagalang at aalalahanin sila ng karamihan ng tao, at sasambahin at pupurihin sila, at kung maaalala sila para sa mabuting bagay na ito na ginawa nila hanggang sa mga susunod na henerasyon, paano sila kikilos? Kaagad silang kikilos, at gagawin nila ito nang mas masaya pa sa kahit na kanino. Kawalan ito ng hiya, hindi ba? Talagang walang-hiya si Satanas, ang diyablo. Gumawa ito ng hindi mabilang na kasamaan, pero gusto pa rin nitong lubos na magpasalamat sa kanya ang lahat, na pasunurin nang mabuti dito ang mga tao at labis itong papurihan. Labis nitong inaabuso ang mga tao, subalit gusto pa rin nitong papurihan siya ng mga ito. Pare-pareho ang mga anticristo. Hindi mahalaga kung gaano karaming sermon ang napakinggan ng isang anticristo, o kung gaano karaming doktrina ang nauunawan niya, kung hihingin mo sa kanyang gumawa ng isang gawain o tungkulin nang hindi nagiging pabasta-basta, hindi niya ito kayang gawin. Kung hihingin mo sa kanyang umiwas sa pagtatatag ng kanyang nagsasariling kaharian o sa walang pakundangang paggawa ng mga maling gawain, hindi niya ito kayang gawin. Kung hihingin mo sa kanyang umiwas sa pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan, sa pag-iimbot sa kaginhawahan, sa pagpapakasaya sa katayuan at mga espesyal na pribilehiyo, hindi niya ito kayang gawin. Kung hihingin mo sa kanyang huwag pahirapan ang iba, o huwag magsinungaling, hindi niya ito kaya. Kung hihingin mo sa kanyang huwag waldasin ang mga handog, at na protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi niya ito kayang gawin. Kung hihingin mo sa kanyang huwag magpatotoo sa sarili niya, hinding-hindi niya magagawa iyon; kung hihingin mo sa kanyang magbayad ng kaunting halaga para sa hinirang na mga tao ng Diyos nang walang makukuhang anumang kapalit, o na gumawa ng kaunting gawain nang walang nakakaalam, hindi niya ito kayang gawin. Ano ang kaya niyang gawin? Kaya niyang walang pakundangang gumawa ng mga maling gawain, magtatag ng sarili niyang independiyenteng kaharian, magpatotoo sa sarili niya, magwaldas ng mga handog, maging palamunin ng iglesia, magpahirap sa iba, sumigaw ng mga islogan, magsalita ng mga doktrina, magkalat ng mga mali at nakalilinlang na paniniwala para ilihis ang mga tao, at iba pa—walang kahirap-hirap para sa kanya na gawin ang mga bagay na ito. Mayroon bang sinumang tulad niyon sa paligid ninyo? Sa sandaling makahawak siya ng kapangyarihan, sa sandaling magkaroon siya ng katiting na kapangyarihan, gusto niyang mahawakan ang pitaka ng sambahayan ng Diyos; anuman ang binibili niya, gusto niyang kunin ang mga bagay na may mataas na kalidad, mahal, at may pangalan, at hindi niya ito sinasabi sa sinuman o hindi siya nakikinig sa kung ano ang sinasabi ng sinuman. Sa sandaling mabigyan siya ng kaunting kapangyarihan, nagpapakasaya siya rito. Kapag nabigyan siya ng kaunting kapangyarihan, gusto niyang bumuo ng mga grupo at gawin ang mga bagay sa sarili niyang pamamaraan, at tumatanggi siyang makinig sa Itaas, o sa sinuman. Kapag nabigyan siya ng kaunting kapangyarihan, pakiramdam niya ay naging diyos na siya at gusto niyang magpatotoo sa sarili niya para suportahan siya ng iba, at gusto niyang bumuo ng isang paksiyon, para bumuo ng sarili niyang gang. Kapag nabigyan siya ng kaunting kapangyarihan, gusto niyang mahigpit na makontrol sa pagkakahawak niya ang mga kapatid. Kung kinakailangan sa gawain ng sambahayan ng Diyos na ilipat ang isang tao palayo sa kanya, magiging napakahirap nito. Kailangan niya itong sang-ayunan at kailangang may makipag-usap sa kanya tungkol dito, at hindi niya tatanggapin ang saloobin na ayaw niya mula sa taong iyon. Gusto niyang malaman ng buong mundo na may kapangyarihan at impluwensiya siya, at kailangang maging marespeto at magalang ang lahat sa kanya. Ito ay isang karaniwang kinikilalang katunayan. Hindi kailanman aaminin ng isang anticristo na may tiwaling disposisyon siya. Obserbahan ninyo ito para sa sarili ninyo—tingnan ninyo kung kaya bang magsisi ng mga hindi umaamin sa tiwaling disposisyon nila pagkatapos nilang gumawa ng mali at magbunyag ng tiwaling disposisyon, at kung anong direksiyon ang kanilang pinipili sa huli at kung anong uri ng landas ang tatahakin nila sa huli, kung paano sila kumikilos habang ginagawa ang tungkulin nila at habang nakikisalamuha sa iba, kung paano sila kumikilos ukol sa kanilang katayuan, kung ano ang kanilang mga pamamaraan at diskarte sa paggawa ng mga bagay-bagay. Magagawa ba ninyong makilatis ito? Kung makakagawa kayo ng ilang kongklusyon ukol sa mga bagay na ito, mayroon kayong pagkilatis.
C. Tumatangging Aminin na ang mga Salita ng Diyos ang Katotohanan at ang Pamantayan Kung Saan Sinusukat ang Lahat ng Bagay
May ikatlong dahilan sa pagtanggi ng mga anticristo na tanggapin ang pagpupungos at sa kawalan nila ng saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa sila ng anumang kamalian, ito ay na tumatanggi silang aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay. Nagbigay Ako ng napakadetalyadong pagbabahagi tungkol sa nakaraang dalawang dahilan; bahagyang naiiba ang isang ito mula sa naunang dalawa pagdating sa literal na kahulugan nito, pero sa diwa, nauugnay ito sa pagtanggi ng mga anticristo na aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, kaya mapapanatili nating maikli ang ating pagbabahaginan. Kapag napungusan ang isang anticristo, at nagbahagi ka sa kanya tungkol sa katotohanan, nakipag-usap tungkol sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, magagawa ba niyang tanggapin ito pagkatapos marinig ito? (Hindi.) Kahit kailan marinig ng isang anticristo ang katotohanan, pareho pa rin ang magiging saloobin niya ukol dito—pagkondena at paglaban. Ano ang mga katotohanang prinsipyo? Ang mga ito ang pamantayan para sa pagsukat kung paano gawin ang isang bagay. Basta’t ginawa ito nang ganap na naaayon sa katotohanan ng mga salita ng Diyos, ang ginagawa ng isang tao ay may prinsipyo. Ito ay paggawa ng mga bagay-bagay alinsunod sa mga prinsipyo. Kung ang pakikipagbahaginan mo ay nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, tiyak na hindi ito tatanggapin ng isang anticristo; habang mas positibo, praktikal, patas, tama, at batay sa katunayan ang pakikipagbahaginan mo, mas magiging hindi katanggap-tanggap ito sa isang anticristo. Sasagot siya gamit ang mga baluktot na argumento, tumatangging tanggapin ang katotohanan o ang mga katunayan. Kung kakausapin mo siya tungkol sa kung paano kumilos para maisakatuparan ang mga responsabilidad niya sa usapin, sasabihin niya sa iyo ang tungkol sa kung paano siya nagdusa at nagbayad ng halaga; kung kakausapin mo siya tungkol sa kung paano kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, sasabihin niya sa iyo kung gaano karaming daan na ang nalakbay niya, kung gaano siya nagdusa, at kung gaano karaming pagsasalita na ang nagawa niya. Kung kakausapin mo siya tungkol sa kung paano maging isang matapat na tao, paano kumilos at gumawa ng tungkulin nang may matapat at sinserong puso, hindi siya magiging interesado at hindi ka niya papansinin. Kapag kumikilos siya, tutuon lang siya sa mga taktika, pakana, at panlalansi. Sa kabuuan, ang isang anticristo ay may sariling grupo ng mga natatanging prinsipyo para sa kanyang mga kilos, at gaano man kamali, kababa, katawa-tawa at kahangal ang mga ito sa paningin ng iba o sa paningin ng Diyos, hinding-hindi siya magsasawang panghawakan ang mga pamamaraan at prinsipyong ito. Hindi niya tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang ang mga katotohanang prinsipyo, hindi rin niya isusuko ang kanyang sariling mga prinsipyo, kaya pungusan mo man siya, ilantad mo man siya, o tanggalin mo man siya, ang mga pamantayan, perspektiba, at mga pananaw niya para sukatin ang mga bagay-bagay ay hinding-hindi magbabago. Ang ilan sa mga pamantayang ito ay sa agham ng tao, ang ilan ay sa kaalaman, ang ilan ay sa tradisyonal na kultura, at ang ilan ay sa masasamang kalakaran ng mundong ito, subalit gaano man maaaring kamali ang mga bagay na ito, hindi kayang bitiwan ng isang anticristo ang mga ito. Tatanggapin niya anumang masasamang kalakaran at anumang mga kasabihan at perspektiba ang popular sa lipunan, subalit hindi niya kailanman pamantayan ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan para sa pagsukat ng lahat ng bagay at pangyayari, para sa pagsukat ng lahat ng bagay. Habang sumusunod siya sa Diyos at nagsasamantala sa sambahayan ng Diyos, itinatanggi at kinokondena niya ang katotohanan. Habang itinatanggi at kinokondena niya ang katotohanan, iginagalang at tinitingala niya ang lahat ng uri ng mali at nakalilinlang na paniniwala mula sa mundo. Ang mga tanging bagay na hindi niya kayang tanggapin ay ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan. Batay sa diwang ito ng mga anticristo, bagamat dumadalo sila sa mga pagtitipon, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at gumagawa ng tungkulin sa proseso ng kanilang pananalig, isang bagay ang tiyak—hindi kailanman magbabago ang disposisyon nila, ni hindi ang mga perspektiba nila, na sa mundo at sa masasamang kalakaran. Kung hihingin mo sa isang anticristo na magsalita tungkol sa buhay pagpasok o sa disposisyonal na pagbabago, magtataka ka kung bakit labis na kakaiba, nakakasuka, at nakakailang ang mga salita niya. Magiging parang mga salita ng isang tagalabas ang mga ito, at talagang isa siyang taong naguguluhan na walang espirituwal na pang-unawa kundi nagpapanggap na espirituwal at na nagtataglay ng buhay. Talagang sukdulan itong kasuklam-suklam! Maaari bang magtaglay ng buhay ang isang taong kailanman ay hindi kinilala ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan o tinanggap ang mga salita ng Diyos bilang buhay niya? Kalokohan ito, hindi ba? Tumingin kayo sa paligid ninyo, at suriin kung may sinuman ang palaging nagsasabing: “Sinabi ito ni ganito at ni ganoong sikat na tao; sinabi ito sa ganito at ganoong aklat; sinabi ito sa ganito at ganoong drama sa TV; sinabi ito sa ganito at sa ganoong obra maestra” o “Ito ang tradisyonal na kultura namin; sa pinagmulan ko, sinasabi namin ito; sa pamilya namin, may ganito kaming patakaran,” at iba pa. Tingnan ninyo kung sino ang palaging mayroong maraming ganitong bagay na sinasabi, kung sino ang hindi naantig sa mga salita ng Diyos pagkatapos mapakinggan ang mga ito, at ang tanging binibigkas ay magugulong salita, mga kakatwang salita, at mga salita na walang espirituwal na pang-unawa kapag nagagawa niyang magbahagi tungkol sa kanyang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at kung sino, bagama’t wala siyang pagkaarok o pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, ang sumusubok na sapilitang pagsama-samahin ang ilan, at nagpapanggap na espirituwal. Labis na nakakasuka ito! Napakaraming taon nang nanampalataya ang mga taong ito sa Diyos, at napakaraming taon nang nakinig sa mga sermon at dumalo sa mga pagtitipon, subalit hindi kapani-paniwalang hindi pa rin nila alam na may tiwaling disposisyon sila, at hindi pa natutuklasan na may mga maling perspektiba sila o na ang mga nakalilinlang nilang perspektiba ay lubos na salungat at kumokontra sa mga salita ng Diyos. Ano ang dahilan nito? Ito ang ikatlong dahilan sa likod ng pagtanggi ng mga anticristo na tanggapin ang pagpupungos at ang kawalan ng saloobin ng pagsisisi kapag nakakagawa sila ng anumang kamalian: Tumatanggi silang aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay. Ito ang ugat ng isyu.
Bakit tumatanggi ang mga anticristo na tanggapin ang pagpupungos? Bakit kapag nahaharap sila sa isang bagay, hindi sila nagsisisi, at sa halip ay nagkakalat ng iba’t ibang kuru-kuro, at hinuhusgahan pa nga ang Diyos? Napakalinaw ng mga dahilan: Una, hindi kailanman inaamin ng mga anticristo na kaya nilang gumawa ng mali; pangalawa, hindi nila kailanman inaamin na may tiwaling disposisyon sila; ikatlo, tumatanggi silang aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay. Para sa lahat ng hindi tumatanggap ng pagpupungos, ang lahat ng malinaw na nagbubunyag ng tiwaling disposisyon kapag nagkakamali sila, ang lahat ng madalas na nagdudulot ng pinsala sa hinirang na mga tao ng Diyos, na umaantala sa buhay pagpasok ng hindi masabing bilang ng hinirang na mga tao ng Diyos, at nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, kung ang mga taong ito ay walang pagsisisi o walang saloobin ng pagsisisi kapag sila ay pinupungusan, isang bagay ang tiyak, iyon ay na taglay nila ang lahat ng tatlong pagpapamalas na ito ng mga anticristo. Tama? (Tama.) Sa pangkalahatan, may tatlong dahilan kung bakit tumatanggi ang mga anticristo na tanggapin ang pagpupungos. Basahin ninyong muli ang mga ito. (Una, hindi kailanman inaamin ng mga anticristo na kaya nilang gumawa ng mali; pangalawa, hindi nila kailanman inaamin na mayroon silang tiwaling disposisyon; pangatlo, tumatanggi silang aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at ang pamantayan kung saan sinusukat ang lahat ng bagay.) Mayroong tatlo sa pangkalahatan. Nagbahaginan tayo ng napakadetalyado sa unang dalawang dahilan. Ang huli ay may kaunting pagkakaiba sa naunang dalawa pagdating sa literal na kahulugan, pero pagdating sa diwa, ang unang dalawa ay kaugnay ng pagtanggi ng mga anticristo na aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, kaya hindi na tayo magbabahaginan sa dahilan na iyon nang mas detalyado. Sige, tapusin natin ang pagbabaginan natin dito para sa araw na ito. Paalam! (Paalam O Diyos!)
Setyembre 19, 2020