74. Ang Mapuna ay Naglantad sa Akin

Ni Sharon, Espanya

Isang araw ng Disyembre taong 2021, sinabi sa akin ng isang kapatid na si Sister Arianna, na nailipat sa ibang iglesia mula sa amin, ay sinabing pabaya ako sa aking tungkulin, at hindi ko nilulutas agad ang mga problemang dumarating sa aking gawain ng ebanghelyo, na nagpababa sa kahusayan at pagiging mabisa ng pangkat. Sinabi niyang mayroon akong mga pag-uugali ng huwad na lider. Pinaalalahanan ako ng kapatid na iyon na pagnilayan ang aking sarili. Nagalit ako, iniisip na, “Kamakailan, hindi ako gumagawa ng detalyadong pagpafollow-up, pero may mabuting dahilan. Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo sa akin nang harapan. Sa pagsasabi nito nang nakatalikod ako, hindi ba’t gumagawa ka ng gulo? Ano’ng iisipin sa akin ng mga kapatid? Dahil nagsalita ka nang ganoon tungkol sa akin, hindi kita palulusutin nang gan’on na lang. Ilalantad ko rin ang mga pagkakamali mo, para malaman ng iba na hindi ako ang may problema, kundi ikaw.” Kaya sinabi ko sa kapatid na iyon, “Dati nang mababa ang tingin sa akin ni Arianna at hinahanapan ako ng mali. Alam ng lahat na hindi siya mabuting tao. Hindi siya kailanman maayos katrabaho, kundi talagang mapaghanap ng mali. Ngayo’y pinupuntirya niya ako, pero kailanma’y wala akong ginawa sa kanya. Baka dahil iyon sa inilipat ko siya sa ibang iglesia, kaya nawala ang titulo niya bilang lider ng pangkat at gusto niya akong gantihan dahil do’n.” Kahit nang matapos sabihin iyon, nadama ko pa rin na sobrang nakakahiya para sa akin ang ginawa ni Arianna. Inilantad niya ako sa harap ng lahat ng taong iyon. Kung ang lahat ay naniwala sa kanya, ano ang magiging tingin nila sa akin? Iisipin ba nila na isa akong huwad na lider? At kung iniulat ito sa mataas na pamunuan, baka mawala pa ang posisyon ko. Lalo ko itong inisip nang inisip at nagsimula akong mamuhi kay Arianna. Hindi ba malinaw na pinag-iinitan niya ako? Naisip ko na kung malupit siya, hindi niya ako masisisi sa pagiging hindi patas; hangga’t ako’y lider, hindi siya muling magkakaroon ng promosyon. Ilalantad ko lahat ng pag-uugali niya, at titiyakin na ang lahat ay magkakaroon ng pagkakilala, at paaalisin siya sa iglesia kung malalaman kong hinuhusgahan niya ang mga tao sa likod nila. Hindi ako komportable sa ganitong pag-iisip at napaisip kung ang pagtarato sa kanya nang ganito ay naaayon sa kalooban ng Diyos. Pinahintulutan ng Diyos na mangyari ito, at hindi ako naghahanap ng katotohanan o nagninilay sa sarili, kundi nakatutok ako sa kanya, at gusto kong sunggaban ang kanyang mga pagkakamali para kontrahin siya, para ilantad siya at maghiganti pa nga. Alam kong hindi iyon pagtanggap sa katotohanan.

Pinag-isipan ko ito noong gabing iyon. Sa puso ko, hindi ko pa rin matanggap ang sinabi ni Arianna tungkol sa akin, pero kung pag-iisipan talaga ito, isa ba akong mabuti at may kakayahang lider? May kaalaman dapat ang lider sa lahat ng bahagi ng gawain at agad nilulutas ang mga problema sa oras na malaman ito. Ako ang namamahala sa pang-ebanghelyong gawain, kaya kung magkakaproblema ang pangkat, dapat akong magbigay kaagad ng praktikal na tulong at patnubay. Pero hindi ko masyadong ginagawa iyon. Hindi ba’t ang huwad na lider ay taong hindi nagsasagawa ng praktikal na gawain? Hindi mali si Arianna. Hindi siya masamang tao. Meron siyang ilang kaloob at kalakasan at epektibo siya sa kanyang tungkulin. Kung hindi ko siya papayagang gumawa ng tungkulin o kaya’y patalsikin siya nang dahil lang sa personal na sama ng loob, hindi lang n’on masasaktan si Arianna, magagambala din ang gawain ng iglesia. Hindi ako makakagawa ng isang bagay na kasusuklaman ng Diyos. Pagkaisip nito’y nagawa kong bitawan nang kaunti ang bias ko sa kanya. Nagnilay rin ako sa kung anong uri ng praktikal na gawain ang hindi ko ginagawa. Alam kong kailangan kong magsimulang gumawa ng mga pagbabago sa mga bahaging binanggit niya at makipag-usap sa mga kapatid tungkol sa kanilang mga paghihirap. Bumuti ang pakiramdam ko matapos gawin iyon.

Akala ko noon tapos na ang lahat, pero makalipas ang dalawang araw, nalaman kong binanggit ni Arianna na may mga palatandaang isa akong huwad na lider sa isang pagpupulong na may mahigit apatnapung katao. Bumulwak ang lahat ng galit ko nang narinig ko ito, at inisip kong ang paglalantad ni Arianna sa akin sa harap ng napakaraming tao ay talagang kumaladkad sa pangalan ko sa putikan. Paano ako magkakaroon ng kumpiyansa kung patuloy niyang gagawin iyon? Maaari pa akong mapaalis dahil sa pagiging isang huwad na lider. Gusto kong ipakita sa kanya kung ano ang talagang mahalaga, para hindi niya isipin na isa akong maamong tupa! Kung gusto niyang ilantad ako sa harap ng lahat at sirain ang aking reputasyon, maaari akong humanap ng maling ginawa niya at mangolekta ng ebidensya, tapos ay humanap ng pagkakataon na paalisin siya. Hindi ako mapakali nang sumunod na mga araw, iniisip kung paano maisasalba ang aking dangal at dignidad, kung paano makakaganti sa kanya. Sinabi ko sa lider sa kanyang bagong iglesia na si Arianna ay walang mabuting pagkatao at dati nang mapanghusga sa mga lider at katrabaho, kaya dapat niyang itong manmanan, at huwag mag-aksaya ng panahon at agad na tanggalin siya kapag naging pasaway. Matapos kong sabihin ang lahat ng iyon, medyo nakonsiyensya ako at hindi napalagay. Inisip ko, “Ano’ng ginagawa ko? Hindi ba’t ito’y mata para sa mata, hindi ba’t pagiging galit ito at pagpapaalis sa iba? Anong aral ang nais ng Diyos na matutuhan ko mula rito?” Tapos ay lumapit ako sa wakas sa harap ng Diyos para manalangin at maghanap.

Sa aking paghahanap, naisip ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga anticristo na nagpapaalis sa sinumang hindi sumasang-ayon sa kanila. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang pangunahing layunin ng isang anticristo kapag binabatikos at inihihiwalay niya ang isang hindi sumasang-ayon? Hangad niyang gumawa ng sitwasyon sa iglesia kung saan walang tinig na kokontra sa kanya, kung saan ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang pagka-lider, at ang kanyang mga salita ang siya lamang masusunod. Dapat siyang pakinggan ng lahat, at kahit may pagkakaiba sila ng opinyon, hindi nila dapat ipahayag iyon, kundi hayaan iyong mabulok sa kanilang puso. Lahat ng nangangahas na hayagang sumalungat sa kanya ay nagiging kaaway ng anticristong iyon, at iisip siya ng anumang paraan para mapahirap niya ang mga bagay-bagay para sa kanila, at hindi siya makapaghintay na mapaalis sila. Ito ang isa sa mga paraan na inaatake at ibinubukod ng mga anticristo ang isang hindi sumasang-ayon para mapatatag ang kanilang katayuan at maprotektahan ang kanilang kapangyarihan. Iniisip nila, ‘Mabuti para sa iyo na magkaroon ng ibang mga opinyon, subalit hindi ka maaaring mag-ikut-ikot na nagsasalita tungkol sa mga ito gaya ng gusto mo, at lalong huwag mong ikompromiso ang aking kapangyarihan at katayuan. Kung mayroon kang bagay na sasabihin, maaari mo itong sabihin sa akin nang sarilinan. Kung sasabihin mo ito sa harapan ng lahat at mapahiya ako, paghiling ito na huwag kitang pansinin at kakailanganin kong harapin ka.’ Anong uri ng disposisyon ito? Hindi pinahihintulutan ng mga anticristo ang iba na malayang makapagsalita. Kung mayroon silang opinyon—tungkol man ito sa anticristo o sa anumang bagay—kailangan nila itong kimkimin sa sarili nila; kailangan nilang isaalang-alang ang reputasyon ng anticristo. Kung hindi, ituturing silang kaaway ng anticristo, at babatikusin at ihihiwalay sila. Anong uri ng kalikasan ito? Ito ang kalikasan ng isang anticristo. At bakit nila ginagawa ito? Hindi nila hinahayaan ang iglesia na magkaroon ng anumang mga alternatibong opinyon, hindi nila pinapayagan ang sinumang hindi sumasang-ayon sa kanila sa loob ng iglesia, hindi nila hinahayaan ang mga taong hinirang ng Diyos na hayagang ibahagi ang katotohanan at tukuyin ang mga tao. Ang labis nilang kinatatakutan ay ang malantad at matukoy ng mga tao; palagi nilang sinisikap na patatagin ang kanilang kapangyarihan at ang katayuan nila sa puso ng mga tao, na sa pakiramdam nila ay hindi dapat mayanig. Hinding-hindi nila maaaring palampasin ang anumang nagbabanta o nakakaapekto sa kanilang pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, o katayuan at halaga bilang isang lider. Hindi ba nito ipinapakita ang mapanirang kalikasan ng mga anticristo? Dahil hindi sila kuntento sa kapangyarihang taglay na nila, pinalalakas at pinatitibay nila ito at hinahangad nila ang walang hanggang pananakop. Hindi lamang nila gustong kontrolin ang pag-uugali ng iba, kundi maging ang mga puso ng mga ito. Ang modus operandi ng mga anticristo ay lubos na para maprotektahan ang kanilang kapangyarihan at katayuan, ganap itong resulta ng kanilang pagnanasang kumapit sa kapangyarihan. … Lalong totoo ito kapag nariyan ang isang taong hindi sumasang-ayon, at natuklasan ng anticristo na ang hindi sumasang-ayon ay nagsalita tungkol sa kanya, o pinintasan siya nito nang patalikod. Sa ganitong pagkakataon, lulutasin niya ang bagay na ito nang madalian, kahit mangahulugan pa ito ng kawalan niya ng isang gabing tulog at isang araw na pagkain. Paano niya nagagawa ang gayong pagsisikap? Iyon ay dahil pakiramdam niya ay nasa panganib ang kanyang katayuan, na nahamon ito. Pakiramdam niya, kung hindi siya kikilos nang gayon, manganganib ang kanyang kapangyarihan at katayuan—na kapag nalantad na ang kanyang masasamang gawa at nakakaiskandalong pag-uugali, hindi lamang siya hindi makakakapit sa kanyang katayuan at kapangyarihan, kundi maaalis o matitiwalag pa siya sa iglesia. Kaya nga lubha siyang hindi mapakali sa pag-iisip ng mga paraan para supilin ang usapin at iwaksi ang lahat ng nakatagong panganib sa kanya. Ito lamang ang paraan na makakakapit siya sa kanyang katayuan. Kung ang mga anticristo ang tatanungin, katayuan ang hininga ng buhay. Sa sandaling marinig nila na ilalantad o iuulat sila ng isang tao, takot na takot sila kaya natataranta sila, sa takot na baka kinabukasan, mawawala ang kanilang katayuan at hindi na muling matatamasa ang pakiramdam ng pagkakaroon ng pribilehiyong naidulot sa kanila ng katayuan, ni ng mga pakinabang ng katayuan. Natatakot sila na baka wala nang sinumang sumang-ayon o sumunod sa kanila, na wala nang magpapalakas sa kanila o gagawa ng kanilang inuutos. Ngunit ang pinakahindi nila natitiis ay hindi lamang na mawawala sa kanila ang kanilang katayuan at kapangyarihan, kundi baka mapaalis o matiwalag pa sila. Kung mangyari iyon, lahat ng kalamangan at pakiramdam ng pagkakaroon ng pribilehiyo na naibigay sa kanila ng katayuan at kapangyarihan, gayundin ang pag-asa para sa lahat ng pagpapala at gantimpala na nakakamit sa pananalig sa Diyos ay mawawala sa isang iglap. Ang posibilidad na ito ang pinakamahirap na tiisin para sa kanila(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon). “Para sa isang anticristo, ang hindi sumasang-ayon ay isang banta sa kanyang katayuan at kapangyarihan. Sa magbabanta sa kanilang katayuan at kapangyarihan, maging sinuman ito, gagawin ng mga anticristo ang lahat para ‘maasikaso’ siya. Kung talagang hindi mapapasunod ang mga taong ito o maisasama sa kanilang sariling puwersa, ibababa o paaalisin siya ng mga anticristo. Sa huli, makakamit ng mga anticristo ang kanilang mithiin na magkaroon ng lubos na kapangyarihan, at maging ang mismong batas. Ito ang isa sa mga diskarte na madalas gamitin ng mga anticristo para mapanatili ang kanilang katayuan at kapangyarihan—binabatikos at ihinihiwalay nila ang mga hindi sumasang-ayon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon). Ang mga salita ng Diyos ay talagang nakaantig at nagpatakot sa akin. Hindi ko napagtanto na kaya kong magalit at magpaalis sa isang tao para sa aking pangalan at katayuan at gumagawa ako ng kasamaan ng isang anticristo. Nang marinig kong sinabi ni Arianna sa iba na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain, hindi ko inisip kung ito ba’y totoo, kundi inisip lang na pinupuntirya niya ako at hinuhusgahan ako nang patalikod. Nasaktan nito ang dangal ko kaya nagsimula akong mainis sa kanya at magkimkim ng sama ng loob, at gusto ko pang magalit sa kanya. Tapos nang malaman ko ang paglalantad niya sa akin sa mas malaking pagtitipon, lalo akong namuhi sa kanya. Gusto kong isalba ang dangal at posisyon ko, kaya pinalaki ko ang tungkol sa kanyang mga dating paglabag, para isipin ng iba na hindi mabuti ang pagkatao niya at tanggihan siya. Hinimok ko pa nga ang kanyang lider sa kasalukuyan na bantayan ang pag-uugali niya, na umaasang makahanap ng pagkakataong mapatalsik siya. Alam na alam kong meron siyang mga kaloob at kalakasan, at maayos ang paggawa niya sa kanyang tungkulin, na dapat siyang magpatuloy gumawa ng tungkuling sa iglesia. Alam ko rin na inihahayag ni Arianna ang mga tunay na problema ko, pero nasaling nito ang reputasyon at katayuan ko, kaya sinimulan kong ituring siya na kontra sa akin, isang kaaway, at banta sa kapangyarihan at posisyon ko. Gusto ko siyang batikusin, gantihan. Meron talaga akong malupit na kalikasan! Tapos naisip ko ang mga anticristo na napatalsik mula sa iglesia. Sa sandaling may magbanta sa kanilang katayuan, nagagalit sila, gusto nilang gawing kaharian nila ang iglesia, at pagharian ang lahat ng bagay. Napatalsik sila dahil sa paggawa ng labis na kasamaan. Walang pinagkaiba ang ugali ko sa ugali ng mga anticristong iyon.

Patuloy akong nagnilay sa sarili ko, kung bakit napakatagal ko nang mananampalataya, pero hindi napigilan ang sarili kong tumahak sa landas ng anticristo at gumawa ng mapakasamang mga bagay. Tapos sa isang pagtitipon, binasa namin ang “Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos.” May isang sipi na tumagos sa kaibuturan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang sumunod sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo Siya kailanman sinunod, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makasusunod ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Dinadakila nila ang mga sarili nila bago ang iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga ‘kayamanang’ nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga ‘hindi palulupig na mga bayani,’ na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang ‘sagrado at hindi malalabag’ na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging ‘mga hari’ sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga medyo masunurin lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagsunod sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Ang mga salita ng Diyos ay tumagos sa puso ko at nakita ko ang Kanyang matuwid, at maharlikang disposisyon. Lalo akong natakot sa mga salitang ito: “hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman,” “Walang nangangahas na salingin sila,” at “Nagiging ‘mga hari’ sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko?” Nang malaman kong inilantad ako ni Arianna bilang huwad na lider, tumugon ako nang may poot, pagkayamot, sama ng loob at pagtutol. Nagsalita ako nang marahas dahil sa galit. Kahit isang lider ng iglesia, hindi ko tinatanggap ang katotohanan at lubhang walang pagpapasakop. Nang may nagsiwalat ng mga problema ko, nang nasaktan ang dangal ko at may nagbanta sa posisyon ko, gusto kong gawin ang lahat para pigilan siya at gumanti sa kanya, nagsisikap pang alisin ang karapatan niyang gumawa ng tungkulin at paalisin siya sa iglesia. Meron akong malisyosong kaisipan, na hindi ako titigil hangga’t hindi ko siya lubusang nasisira. Magiging “hari” ako sa iglesia na walang mangangahas na salingin. Paano naiba iyon sa mga demonyong CCP, sa mga diktador na iyon? Ang motto nila ay: “Hayaang mamayani ang mga sumusunod sa akin at mamatay ang mga tumututol sa akin.” Para mapanatili ang paghahari at mapagsama ang kapangyarihan nito, inaapi, hinuhugot at lubusang nililipol ng CCP ang sinumang hindi sumasang-ayon o nangangahas na ilantad ang kasamaang ginagawa nito. Ganoon ang ginawa nito sa mga demonstrasyon sa Tiananmen Square, ganoon ang ginagawa nito sa mga etnikong minorya, at mas malala pa ito sa mga mananampalataya: inaaresto, inaapi, at inuusig tayo. Napakaraming inosenteng buhay ang nawala sa kanilang mga kamay! Pinag-aral at inimpluwensiyahan ako ng mga demonyong komunistang iyon mula no’ng maliit ako. Napakaraming satanikong lason ang napakalalim na nakaugat sa loob ko, gaya ng: “Ako lamang ang naghahari,” “Hayaang mamayani ang mga sumusunod sa akin at mamatay ang mga tumututol sa akin,” “Kung malupit ka, huwag mo akong sisihin sa hindi pagiging patas,” at “Ito ang karma mo.” Naging panuntunan ko ang mga satanikong lason na ito para mabuhay, na ginawa akong lalong mapagmataas at malupit. Namumuhay ako ayon sa mga bagay na ito, kaya may kakayahan akong gumawa ng masama, mang-api at manakit ng iba. Naisip ko rin kung paanong nagbahagi ang Diyos ng napakaraming katotohanan tungkol sa pagtukoy sa mga huwad na lider at anticristo. Ngayon nalalaman na ng lahat ang katotohanan at nagigising, kaya may mga taong naglalantad at nag-uulat sa mga huwad na lider. Ito’y pagsasakatuparan ng katotohanan at pag-iingat sa gawain ng iglesia—ito’y isang positibong bagay. Maging anupamang klase ng tao ang naglalantad sa akin, kahit pinupuntirya nila ako, kung sabihin man nila ito sa akin nang harapan o hindi, hangga’t ang sinasabi nila’y ang katotohanan, dapat kong taggapin na mula ito sa Diyos, at tanggapin ito nang maayos, magpasakop at matuto ng aral. Iyan ay pagtanggap sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Pero para sa akin, hindi lang ako tumangging magpasakop, nagalit pa ako sa taong naglantad sa akin. Hindi iyon personal na alitan, kundi tinatanggihan ko ang katotohanan at nilalabanan ang Diyos. Nang mapagtanto ito, namuhi ako sa sarili ko at medyo natakot. Agad akong lumapit sa harap ng Diyos para manalangin: “O Diyos, nagkamali ako. Nang inilantad ako ni Arianna, hindi ako nagnilay sa sarili ni hindi natuto ng aral, kundi binalingan ko siya. Nakikita ko na talagang meron akong malupit na kalikasan. O Diyos, gusto kong magsisi sa Iyo.”

Nagnilay ako sa aking sarili batay sa sinabi ni Arianna tungkol sa mga problema sa akin at nagsimulang gumawa ng tunay na pag-aasikaso sa mga detalye ng gawain. Natuklasan kong napakarami talagang problema. Gaya ng ilang kapatid na baguhan sa gawain ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi pamilyar sa mga katotohanan ng pangitain, kaya hindi nila nasolusyunan ang mga kuro-kuro at paghihirap ng mga taong pinangangaralan nila. Hindi naunawaan ng ilan ang mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya mga taong hindi angkop ang napapabalik-loob. May ilang bagong mananampalataya na ni kaunti’y hindi naunawaan ang katotohanan kahit matagal nang nadidiligan, at ang iba’y hindi interesado sa katotohanan at nagsialis. Nasayang ang marami nating resources. Binanggit ko ang mga problemang napansin ko sa isang pagtitipon at nagbagi ng tungkol sa mga prinsipyo para maituwid ang mga bagay-bagay. Ang mga kapatid ay nagsimulang gumawa ng plano para matutuhan ang mga katotohanan ng pangitain, at kapag hindi nila naunawaan o kaya’y hindi malinaw na naibahagi ang isang bagay, magbabahagian kami nang sama-sama tungkol dito. Hindi nagtagal, nagkaroon sila ng higit na linaw sa mga katotohanan ng pangitain at ang pangkat ay naging mas matagumpay. Napagtanto kong pinahintulutan ng Diyos na ilantad ako ni Arianna bilang huwad na lider at ipinapuna na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain para mapagnilay ako sa aking sarili at magawa nang maayos ang gawain ko. Iniingatan Niya ako.

May naisip akong isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan: “Gumagawa ang Diyos sa bawat isang tao, at kung anuman ang Kanyang pamamaraan, anong uri ng mga tao, pangyayari at bagay ang ginagamit Niya sa Kanyang pagseserbisyo, o anumang uri ng tono mayroon ang mga salita Niya, isa lamang ang Kanyang panghuling mithiin: iligtas ka. At paano ka Niya inililigtas? Binabago ka Niya. Kaya paanong hindi ka magdurusa nang bahagya? Kakailanganing magdusa ka. Ang pagdurusang ito ay maaaring kapalooban ng maraming bagay. Una, kailangang magdusa ang mga tao kapag tinatanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Kapag masyadong matindi at tahasan ang mga salita ng Diyos at nagkakamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos—at mayroon pang mga kuru-kuro—maaaring masakit din iyon. Kung minsan ay nagpapalitaw ng sitwasyon ang Diyos sa paligid ng mga tao para ilantad ang kanilang katiwalian, para pagnilayan at makilala nila ang kanilang sarili, at magdurusa rin sila nang kaunti roon. Kung minsan, kapag tuwiran silang pinungusan, iwinasto, at inilantad, dapat magdusa ang mga tao. Parang inooperahan sila—kung walang pagdurusa, walang epekto. Kung sa tuwing ikaw ay tinatabasan at iwinawasto, at tuwing inilalantad ka ng isang sitwasyon, pinupukaw nito ang iyong mga damdamin at pinalalakas ka, pagkatapos sa pamamagitan ng prosesong ito ay makakapasok ka sa katotohanang realidad, at magkakaroon ng tayog. … Kung isinasaayos ng Diyos ang ilang kapaligiran, tao, pangyayari at bagay para sa iyo, kung tinatabas at iwinawasto ka Niya at kung may natututuhan kang mga aral mula rito, kung natuto ka nang lumapit sa Diyos, natutong hanapin ang katotohanan, at, hindi namamalayan, binibigyang-liwanag at tinatanglawan at nagtatamo ka ng katotohanan, kung nakaranas ka na ng pagbabago sa mga kapaligirang ito, nagantimpalaan, at sumulong, kung unti-unti ka nang nagkakaroon ng kaunting pagkaunawa sa kalooban ng Diyos at hindi ka na nagrereklamo, lahat ng ito ay mangangahulugan na nanindigan ka sa gitna ng mga pagsubok ng mga kapaligirang ito, at natiis mo ang pagsubok. Kung gayon, nalampasan mo na ang mahigpit na pagsubok na ito. Paano ituturing ng Diyos yaong mga nakakayanan ang pagsubok? Sasabihin ng Diyos na mayroon silang tapat na puso, at kaya nilang tiisin ang ganitong uri ng pagdurusa, at na sa kaibuturan, minamahal nila at ninanais na makamit ang katotohanan. Kung mayroong ganitong uri ng pagtatasa sa iyo ang Diyos, hindi ka ba isang taong may tayog? Hindi ka ba may buhay kung gayon? At paano nakakamit ang buhay na ito? Ito ba ay ipinagkakaloob ng Diyos? Tinutustusan ka ng Diyos sa iba’t ibang paraan at gumagamit Siya ng iba’t ibang tao, bagay, at kagamitan upang sanayin ka. Ito ay para bang ang Diyos ay personal na nagbibigay sa iyo ng pagkain at inumin, personal na naghahatid ng iba’t ibang pagkain sa harap mo para kainin mo hanggang mabusog at masiyahan ka; saka ka lamang lalago at tatatag. Ganito mo dapat danasin at unawain ang mga bagay na ito; ganito ang magpasakop sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit).

Sa lahat ng ito, napagtanto ko na pinahintulutan ng Diyos na maglantad si Arianna ng mga problema sa aking tungkulin. Hindi madali sa akin na tanggapin ito, pero napakalaking pakinabang nito sa aking pagpasok sa buhay. Ang maiwasto nang gan’on ay nakatulong sa aking makita ang lahat ng katangian ng huwad na lider na nasa akin at nagtulak sa akin na hanapin ang katotohanan at magbago. Bukod pa do’n, nakita ko ang aking mapagmataas, at malupit na kalikasan, na nagawa kong mang-api at magpaalis ng isang tao para protektahan ang pangalan at katayuan ko. Binigyan talaga ako nito ng malinaw na pagtingin sa katotohanan ng aking katiwalian. Kinamuhian ko ang sarili ko sa kaibuturan ko at nagawang hanapin ang katotohanan at iwaksi ang katiwalian. Ito’y natatanging biyaya ng Diyos at Kanyang pag-ibig at pagliligtas sa akin. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos!

Sinundan: 73. Isang Kahihiyan Mula sa Aking Nakaraan

Sumunod: 75. Natuto Mula sa Pagtitiwalag ng Isang Masamang Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Gamot Para sa Inggit

Ni Xunqiu, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito