Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos

Kapag pinananaligan, minamahal, at pinalulugod ng mga tao ang Diyos, hinahaplos nila ang Espiritu ng Diyos gamit ang kanilang puso at sa gayon ay nakakamit ang Kanyang kaluguran, nakikipag-ugnayan sila sa mga salita ng Diyos gamit ang kanilang puso, at sa gayon ay naaantig sila ng Kanyang Espiritu. Kung nais mong mamuhay ng isang normal na espirituwal na buhay at magtatag ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kailangan mo munang ibigay sa Kanya ang iyong puso. Pagkatapos mong mapatahimik ang iyong puso sa Kanyang harapan at maibuhos sa Kanya ang iyong buong puso, saka mo lamang magagawang unti-unting magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay. Kung sa pananalig ng mga tao sa Diyos ay hindi nila ibinibigay ang kanilang puso sa Kanya, kung ang kanilang puso ay wala sa Kanya, at hindi nila tinatrato ang Kanyang pasanin bilang sarili nilang pasanin, lahat ng kanilang ginagawa ay pandaraya sa Diyos, isang tipikal na kilos ng mga taong relihiyoso, at hindi nito matatamo ang papuri ng Diyos. Walang makakamit ang Diyos sa ganitong klaseng tao, maaari lamang silang magsilbing mapaghahambinganan ng Kanyang gawain. Ang mga taong ito ay gaya ng mga palamuti sa sambahayan ng Diyos—sila ay umookupa lamang ng lugar at sila ay basura, at hindi sila ginagamit ng Diyos. Hindi lamang walang pagkakataon na gagawaan sila ng Banal na Espiritu, wala ring halaga na gawin silang perpekto. Ang ganitong klaseng tao, sa totoo lang, ay isang naglalakad na bangkay. Walang bahagi nila ang magagamit ng Banal na Espiritu—lubusan na silang pinangibabawan at malalim na nagawang tiwali ni Satanas. Aalisin ng Diyos ang mga taong ito. Kapag gumagamit ng mga tao ang Banal na Espiritu sa kasalukuyan, hindi lamang Niya ginagamit ang mga kanais-nais nilang bahagi upang magawa ang mga bagay-bagay—pineperpekto at binabago rin Niya ang mga bahagi nilang hindi kanais-nais. Kung kaya mong ibuhos sa Diyos ang puso mo at mapatahimik ito sa Kanyang harapan, magkakaroon ka ng pagkakataon at mga kwalipikasyon para magamit ng Banal na Espiritu, at matanggap ang Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Bukod pa riyan, magkakaroon ka ng pagkakataon para mapunan ng Banal na Espiritu ang iyong mga pagkukulang. Kapag ibinigay mo sa Diyos ang puso mo, ang positibong panig, makapagtatamo ka ng mas malalim na pagpasok at makapagtatamo ka ng mas mataas na antas ng kabatiran. Ang negatibong panig, mas malalaman mo ang iyong mga pagkukulang at kamalian, at lalo kang mananabik at maghahangad na mapalugod ang kalooban ng Diyos. Higit pa roon, hindi ka magiging pasibo, magagawa mong aktibong pumasok. Ipinakikita nito na isa kang tamang tao. Ipagpalagay nang kaya ng puso mo na manatiling tahimik sa harap ng Diyos, kung tatanggap ka o hindi ng papuri mula sa Banal na Espiritu, at kung mapalulugod mo o hindi ang Diyos, ay labis na nakabatay sa kung aktibo kang makapapasok. Kapag binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu ang mga tao at ginagamit sila, hindi Niya sila kailanman ginagawang negatibo, lagi Niya silang aktibong pinasusulong. At kapag ginagawa Niya ito, taglay pa rin ng mga tao ang kanilang mga kahinaan, pero hindi sila namumuhay batay sa mga ito. Hindi nila ipinagpapaliban ang paglago ng kanilang buhay, at patuloy nilang hinahangad na mapalugod ang kalooban ng Diyos. Ito ay isang pamantayan. Kung matatamo mo ito, patunay ito na nakamit mo na ang presensya ng Banal na Espiritu. Kung palaging negatibo ang isang tao, at kung kahit matapos niyang matanggap ang kaliwanagan at makilala ang kanyang sarili ay nananatili pa rin siyang negatibo at pasibo at hindi niya magawang tumayo at gumawa kasama ng Diyos, natanggap lamang niya ang biyaya ng Diyos, at hindi sumasakanya ang Banal na Espiritu. Ang kanyang pagiging negatibo ay nangangahulugang hindi nakabaling sa Diyos ang kanyang puso, at hindi pa naaantig ng Espiritu ng Diyos ang kanyang espiritu. Dapat itong maunawaan ng lahat.

Mula sa karanasan, makikita na napakahalaga na mapatahimik ng isang tao ang kanyang puso sa harap ng Diyos. May kinalaman ito sa mga usapin tungkol sa espirituwal na buhay at paglago sa buhay ng mga tao. Magbubunga lamang ang pagsisikap mong matamo ang katotohanan at mabago ang iyong disposisyon kung payapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Ito ay dahil humarap ka sa Kanya nang may pasanin, dahil palagi mong nadarama na nagkukulang ka sa napakaraming paraan, na maraming katotohanan ang kailangan mong malaman, na maraming realidad na kailangan mong maranasan, at na dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Nasa isip mo palagi ang mga bagay na ito, para bang labis kang dinadaganan ng mga ito na hindi ka na makahinga, at sa gayon ay napakalungkot mo (bagama’t hindi ka negatibo). Ang ganitong tao lamang ang karapat-dapat na tumanggap ng kaliwanagan ng mga salita ng Diyos at maantig ng Espiritu ng Diyos. Ito ay dahil sa kanilang pasanin, dahil napakalungkot nila, at, masasabing, dahil sa halagang kanilang ibinayad at pagdurusa na kanilang tiniis sa harap ng Diyos, kung kaya’t natatanggap nila ang Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Sapagkat hindi binibigyan ng Diyos ng espesyal na pagtrato ang sinuman. Lagi Siyang patas sa pagtrato Niya sa mga tao, ngunit hindi rin Siya nagbibigay sa mga tao nang basta-basta o walang kundisyon. Ito ay isang aspeto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Sa totoong buhay, hindi pa naaabot ng karamihan sa mga tao ang dakong ito. Ano’t anuman, hindi pa nakababaling nang husto sa Diyos ang kanilang puso, kaya wala pang anumang malaking pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ito ay dahil sa nabubuhay lamang sila sa biyaya ng Diyos at hindi pa nila natatamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga pamantayang kailangang maabot ng mga tao para magamit ng Diyos ay ang mga sumusunod: Kailangan ay nakabaling sa Diyos ang kanilang puso, kailangang dinadala nila ang pasanin ng Kanyang mga salita, kailangan ay mayroon silang pusong nananabik, at kailangang desidido silang sikaping matamo ang katotohanan. Ang ganitong mga tao lamang ang maaaring magtamo ng gawain ng Banal na Espiritu at madalas na magtamo ng Kanyang kaliwanagan at pagtanglaw. Sa tingin ay parang walang katwiran at normal na kaugnayan sa iba ang mga taong ginagamit ng Diyos, subalit nagsasalita sila nang maingat, nang may kagandahang-asal, at palagi nilang kayang patahimikin ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ito mismo ang klase ng tao na karapat-dapat gamitin ng Banal na Espiritu. Ang mga “walang katwirang” taong ito na tinutukoy ng Diyos ay tila ba walang normal na kaugnayan sa iba, at hindi mahalaga sa kanila ang pagpapakita ng pagmamahal o mga panlabas na pagsasagawa, ngunit kapag nagbabahagi sila tungkol sa mga espirituwal na bagay, nagagawa nilang buksan ang kanilang puso at bigyan ang iba ng pagtanglaw at kaliwanagang natamo nila mula sa kanilang aktuwal na mga karanasan sa harap ng Diyos, nang hindi iniisip ang kanilang sarili. Ganito nila ipinahahayag ang kanilang pagmamahal sa Diyos at pinalulugod ang Kanyang kalooban. Kapag sinisiraan at nililibak sila ng iba, naiiwasan nilang maimpluwensyahan ng mga tao, usapin, o bagay, at nananatili silang tahimik sa harap ng Diyos. Tila ba may sarili silang kakaibang mga kabatiran. Anuman ang ginagawa ng iba, hindi kailanman iniiwan ng puso nila ang Diyos. Kapag nag-uusap at nagtatawanan ang iba, nananatili ang kanilang puso sa harap ng Diyos, binubulay-bulay nila ang Kanyang salita, o tahimik silang nananalangin sa Diyos sa puso nila, hinahanap ang Kanyang mga layunin. Hindi pinahahalagahan ng mga taong ito ang pagpapanatili ng mga normal na interpersonal na kaugnayan sa mga tao, at tila ba wala silang pilosopiya sa pamumuhay. Mukha silang masigla, kaibig-ibig, at inosente, ngunit nagtataglay rin sila ng kahinahunan. Ito ang wangis ng klase ng taong ginagamit ng Diyos. Ang mga bagay na gaya ng pilosopiya sa pamumuhay o “normal na katwiran” ay sadyang hindi gumagana sa ganitong klaseng tao. Ibinuhos na nila ang kanilang buong puso sa salita ng Diyos, at tila ba ang Diyos lamang ang nasa kanilang puso. Ito ang klase ng “walang katwirang” tao na tinutukoy ng Diyos, at ito mismo ang klase ng taong ginagamit ng Diyos. Ang tanda ng isang taong ginagamit ng Diyos ay: Kailan man o saan man, ang kanyang puso ay palaging nasa harap ng Diyos, at gaano man kasama ang iba, o gaano man magpalayaw ang ibang tao sa pagnanasa at tawag ng laman, hindi kailanman iniiwan ng puso ng taong ito ang Diyos, at hindi siya sumusunod sa karamihan. Ang ganitong klaseng tao lamang ang angkop na gamitin ng Diyos, at ang ganitong klaseng tao lamang ang ginagawang perpekto ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo ito kayang matamo, hindi ka karapat-dapat na makamit ng Diyos, o maperpekto ng Banal na Espiritu.

Kung nais mong magtatag ng normal na kaugnayan sa Diyos, kailangang nakabaling sa Kanya ang puso mo; sa pundasyong ito, magkakaroon ka na rin ng mga normal na kaugnayan sa ibang tao. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, anuman ang gawin mo upang mapanatili ang iyong mga kaugnayan sa ibang tao, gaano ka man magsumikap o gaanong lakas man ang iyong ibuhos, ang lahat ng ito ay magiging sa isang pilosopiya lamang ng tao sa pamumuhay. Pangangalagaan mo ang iyong katayuan sa mga tao at makakamit ang kanilang papuri sa pamamagitan ng mga pananaw ng tao at mga pilosopiya ng tao, sa halip na magtatag ng mga normal na interpersonal na kaugnayan ayon sa salita ng Diyos. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa mga tao, at sa halip ay magpapanatili ka ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kung handa kang ibigay sa Diyos ang puso mo at matutuhan Siyang sundin, natural lamang na magiging normal ang iyong mga interpersonal na kaugnayan. Sa gayon, hindi itatatag sa laman ang mga kaugnayang ito, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos wala kang magiging pakikipag-ugnayan sa laman sa ibang mga tao, ngunit sa espirituwal na antas ay magkakaroon ng pagsasamahan at pagmamahalan, kapanatagan, at paglalaan sa pagitan ninyo. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng pagnanais na mapalugod ang Diyos—ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pamamagitan ng mga pilosopiya ng tao sa pamumuhay, likas na nabubuo ang mga ito kapag nagdadala ang isang tao ng pasanin para sa Diyos. Hindi kinakailangan ng mga ito na gumawa ka ng anumang pagsisikap na gawa ng tao, kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Handa ka bang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos? Handa ka bang maging isang taong “walang katwiran” sa harap ng Diyos? Handa ka bang ibigay nang lubusan sa Diyos ang puso mo at balewalain ang iyong katayuan sa ibang mga tao? Sa lahat ng taong nakakasalamuha mo, kanino ka may pinakamagagandang kaugnayan? Kanino ka may pinakamasasamang kaugnayan? Normal ba ang mga kaugnayan mo sa mga tao? Tinatrato mo ba nang pantay-pantay ang lahat ng tao? Pinananatili mo ba ang iyong mga kaugnayan sa iba ayon sa iyong pilosopiya sa pamumuhay, o nakatatag ba ang mga ito sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos? Kapag hindi ibinibigay ng mga tao sa Diyos ang kanilang puso, ang kanilang espiritu ay nagiging matamlay, manhid at walang malay. Hindi kailanman mauunawaan ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi sila kailanman magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos, at hindi sila kailanman magkakaroon ng pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay ang proseso ng lubusang pagbibigay ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, at ng pagtanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa mga salita ng Diyos. Pinahihintulutan ng gawain ng Diyos ang mga tao na aktibong makapasok, at binibigyan-daan sila nitong maalis nila ang kanilang mga negatibong bahagi pagkatapos malaman ang mga ito. Kapag naibigay mo na sa Diyos ang puso mo, magagawa mong madama ang bawat beses na medyo naaantig ang iyong espiritu, at malaman ang bawat bahagi ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos. Kung magsusumikap ka, unti-unti kang papasok sa landas ng pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Habang mas tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, mas magiging sensitibo at maselan ang iyong espiritu, mas magagawa nitong madama kung paano ito inaantig ng Banal na Espiritu, at mas magiging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos. Ang mga normal na interpersonal na kaugnayan ay itinatatag sa pundasyon ng pagbaling ng isang tao ng kanyang puso sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Kung wala ang Diyos sa puso ng isang tao, ang mga kaugnayan ng taong ito sa iba ay mga kaugnayan lamang ng laman. Hindi normal ang mga ito, mga mapagnasang pagpapalayaw ang mga ito, at kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito. Kung sasabihin mo na ang iyong espiritu ay naantig, ngunit handa ka lamang na makipagbahaginan sa mga taong gusto mo at nirerespeto mo, at may pagkiling ka laban sa mga taong hindi mo gusto at ayaw mo silang kausapin kapag lumalapit sila sa iyo para magsiyasat, lalo na itong patunay na pinaghaharian ka ng damdamin at wala kang anumang normal na kaugnayan sa Diyos. Ipinakikita nito na tinatangka mong linlangin ang Diyos at ikubli ang sarili mong kapangitan. Maaaring nakapagbabahagi ka ng ilan mong kaalaman, ngunit kung mali ang iyong mga layunin, ang lahat ng ginagawa mo ay mabuti lamang ayon sa mga pamantayan ng tao, at hindi ka pupurihin ng Diyos. Ang iyong mga kilos ay magiging tulak ng iyong laman, hindi ng pasanin ng Diyos. Angkop ka lamang gamitin ng Diyos kung kaya mong patahimikin ang puso mo sa Kanyang harapan at mayroon kang normal na mga pakikipag-ugnayan sa lahat ng nagmamahal sa Kanya. Kung kaya mong gawin iyon, paano ka man makisalamuha sa iba, hindi ka kikilos ayon sa isang pilosopiya sa pamumuhay, isasaalang-alang mo ang pasanin ng Diyos at mamumuhay ka sa Kanyang harapan. Ilan ang mga taong kagaya nito sa inyo? Talaga bang normal ang mga kaugnayan mo sa iba? Sa anong pundasyon nakatatag ang mga ito? Ilang pilosopiya sa pamumuhay ang nasa iyong kalooban? Naiwaksi mo na ba ang mga ito? Kung hindi lubos na makabaling sa Diyos ang puso mo, hindi ka sa Diyos—nagmula ka kay Satanas, sa huli ay babalik ka kay Satanas, at hindi ka karapat-dapat na maging isa sa mga tao ng Diyos. Kailangan mong maingat na suriin ang mga bagay na ito.

Sinundan: Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Sumunod sa Diyos

Sumunod: Ang Normal na Espirituwal na Buhay ay Inaakay ang mga Tao Patungo sa Tamang Landas

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito