Ang Normal na Espirituwal na Buhay ay Inaakay ang mga Tao Patungo sa Tamang Landas
Napakaliit na bahagi pa lamang ng landas ng isang mananampalataya sa Diyos ang nalakad ninyo, at hindi pa kayo nakakapasok sa tamang landas, kaya malayo pa rin kayo sa pagtugon sa pamantayan ng Diyos. Sa ngayon, ang inyong tayog ay hindi sapat upang matugunan ang Kanyang mga hinihingi. Dahil sa inyong kakayahan at tiwaling kalikasan, palagi kayong padalus-dalos sa pagtrato sa gawain ng Diyos; hindi ninyo ito sineseryoso. Ito ang pinakamalaking pagkukulang ninyo. Siguradong walang sinumang makatitiyak sa landas na tinatahak ng Banal na Espiritu; hindi ito nauunawaan ng karamihan sa inyo at hindi ninyo ito nakikita nang malinaw. Bukod pa rito, hindi iniisip ng karamihan sa inyo ang bagay na ito, lalong hindi ninyo ito sineseryoso. Kung patuloy ninyong gagawin ito, ang mabuhay nang walang alam tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu, ang landas na inyong tinatahak bilang isang mananampalataya sa Diyos ay mawawalan ng saysay. Ito ay dahil hindi ninyo ginagawa ang lahat ng kaya ninyo upang hangaring matugunan ang kalooban ng Diyos at dahil hindi kayo nakikipagtulungan nang husto sa Diyos. Hindi ito dahil sa hindi ka pa nagawaan ng Diyos, o hindi ka pa naantig ng Banal na Espiritu. Ito ay dahil masyado kang walang ingat kaya hindi mo sineseryoso ang gawain ng Banal na Espiritu. Dapat mong baligtarin kaagad ang sitwasyong ito at tahakin ang landas kung saan inaakay ng Banal na Espiritu ang mga tao. Ito ang pangunahing paksa para ngayon. “Ang landas kung saan inaakay ng Banal na Espiritu” ay tumutukoy sa pagtatamo ng kaliwanagan sa espiritu; pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa salita ng Diyos; pagtatamo ng kalinawan sa landas na hinaharap; pagkakaroon ng kakayahang makapasok nang paisa-isang hakbang sa katotohanan; at pagkakaroon ng higit na kaalaman tungkol sa Diyos. Ang landas kung saan inaakay ng Banal na Espiritu ang mga tao una sa lahat ay isang landas na patungo sa mas malinaw na pagkaunawa sa salita ng Diyos, nang malaya sa mga paglihis at maling pagkaintindi, at yaong mga tumatahak dito ay tumatahak nang tuwid dito. Upang maisagawa ito kailangan ninyong gumawa nang kasundo ang Diyos, maghanap ng isang tamang landas sa pagsasagawa, at tahakin ang landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu. Kailangan dito ang pakikipagtulungan sa panig ng tao: ibig sabihin, kung ano ang kailangan ninyong gawin upang matugunan ang mga kinakailangan ng Diyos sa inyo, at kung paano kayo kailangang kumilos upang makapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.
Maaaring tila kumplikado ang pagtahak sa landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu, ngunit mas madadalian ka rito kapag ang landas ng pagsasagawa ay malinaw sa iyo. Ang katotohanan ay na may kakayahan ang mga tao na gawing lahat ang hinihiling ng Diyos sa kanila—hindi naman Niya sinusubukang turuang lumipad ang mga baboy. Sa lahat ng sitwasyon, hangad ng Diyos na lutasin ang mga problema ng mga tao at ayusin ang kanilang mga alalahanin. Kailangang maunawaan ninyong lahat ito; huwag magkamali ng pag-unawa sa Diyos. Ginagabayan ang mga tao ayon sa salita ng Diyos sa landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Gaya ng binanggit noong una, kailangan ninyong ibigay ang inyong puso sa Diyos. Kailangan ito para makatahak sa landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu. Kailangan ninyong gawin ito upang makapasok sa tamang landas. Paano sadyang ginagawa ng isang tao ang gawaing ibigay ang kanilang puso sa Diyos? Sa inyong pang-araw-araw na buhay, kapag nararanasan ninyo ang gawain ng Diyos at nananalangin kayo sa Kanya, ginagawa ninyo ito nang padalus-dalos—nananalangin kayo sa Diyos habang kayo ay gumagawa. Matatawag ba itong pagbibigay ng inyong puso sa Diyos? Nag-iisip kayo tungkol sa mga bagay sa bahay o usapin ng laman; palagi kayong nagdadalawang-isip. Maituturing ba itong pagpayapa sa inyong puso sa presensya ng Diyos? Ito ay dahil ang puso mo ay palaging nakatutok sa panlabas na mga usapin, at hindi ka nakakabalik sa harap ng Diyos. Kung nais mong tunay na maging payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, kailangan mong gawin ang gawain ng sadyang pakikipagtulungan. Ibig sabihin, bawat isa sa inyo ay dapat gumugol ng panahon para sa inyong mga debosyon, isang panahon na maisasantabi ninyo ang mga tao, pangyayari, at bagay; panatagin ang inyong puso at patahimikin ang sarili ninyo sa harap ng Diyos. Lahat ay kailangang magkaroon ng indibiduwal na mga tala ng debosyon, na itinatala ang kanilang kaalaman tungkol sa salita ng Diyos at kung paano naaantig ang kanilang espiritu, malalim man ang mga iyon o mababaw; lahat ay kailangang sadyang payapain ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Kung makapaglalaan ka ng isa o dalawang oras bawat araw sa tunay na espirituwal na buhay, madarama mo na ang buhay mo sa araw na iyon ay pinagyaman at ang puso mo ay magiging maningning at maaliwalas. Kung ipinamumuhay mo ang ganitong uri ng espirituwal na buhay araw-araw, mas magiging pag-aaring muli ng Diyos ang puso mo, ang iyong espiritu ay lalakas nang lalakas, ang iyong kondisyon ay patuloy na bubuti, mas makakaya mong tumahak sa landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu, at pagkakalooban ka ng Diyos ng mas maraming pagpapala. Ang layunin ng inyong espirituwal na buhay ay upang sadyang matamo ang presensya ng Banal na Espiritu. Hindi ito upang sumunod sa mga patakaran o magsagawa ng mga ritwal na pangrelihiyon, kundi upang tunay na kumilos na kasama ng Diyos, upang tunay na displinahin ang inyong katawan—ito ang dapat gawin ng tao, kaya dapat ninyong gawin ito nang buong pagsisikap. Kapag higit na pakikipagtulungan at higit na pagsisikap ang iyong inilalaan, mas makakabalik ang puso mo sa Diyos at mas mapapatahimik mo ang puso mo sa Kanyang harapan. Darating ang panahon na lubos na matatamo ng Diyos ang puso mo. Walang sinumang makakaimpluwensya o makakabihag sa puso mo, at ganap kang maaangkin ng Diyos. Kung tatahakin mo ang landas na ito, ibubunyag ng salita ng Diyos ang sarili nito sa iyo sa lahat ng pagkakataon at liliwanagan ka tungkol sa lahat ng bagay na hindi mo nauunawaan—makakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng iyong pakikipagtulungan. Kaya nga palaging sinasabi ng Diyos, “Lahat ng kumikilos na kasama Ko, gagantimpalaan Ko nang doble.” Kailangan ninyong makita nang malinaw ang landas na ito. Kung nais ninyong tumahak sa tamang landas, kailangan ninyong gawin ang lahat ng inyong makakaya upang mapalugod ang Diyos. Kailangan ninyong gawin ang lahat ng inyong makakaya upang magtamo ng espirituwal na buhay. Sa simula, maaaring hindi mo makamtan ang magagandang resulta sa pagsisikap na ito, ngunit huwag mong tulutan ang iyong sarili na umurong o malublob sa pagkanegatibo—kailangang manatili kang masipag! Kapag mas espirituwal ang buhay mo, mas sasakupin ng mga salita ng Diyos ang puso mo, lagi kang mababahala sa mga bagay na ito, at lagi mong dadalhin ang pasaning ito. Pagkatapos niyon, ibunyag mo sa Diyos ang katotohanan sa iyong kalooban sa pamamagitan ng iyong espirituwal na buhay; sabihin sa Kanya kung ano ang handa kang gawin, kung ano ang iniisip mo, ang iyong pagkaunawa at pananaw tungkol sa Kanyang salita. Huwag kang magtago ng anuman, ni katiting! Magsanay sa pagsasabi ng mga salitang nasa puso mo at paghahayag ng totoong damdamin mo sa Diyos; kung nasa puso mo iyon, humayo ka at sabihin mo iyon. Kapag mas nagsalita ka sa ganitong paraan, mas madarama mo ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at mas mapapalapit sa Diyos ang puso mo. Kapag nangyari ito, madarama mo na mas mahal mo ang Diyos kaysa kaninuman. Lalagi ka sa tabi ng Diyos, anuman ang mangyari. Kung isasagawa mo ang ganitong klaseng espirituwal na debosyonal sa araw-araw at hindi mo ito iwawaglit sa iyong isipan, kundi ituturing itong napakahalaga sa iyong buhay, sasakupin ng salita ng Diyos ang puso mo. Ito ang kahulugan ng maantig ng Banal na Espiritu. Parang ang puso mo ay palaging angkin ng Diyos, para bang palaging nasa puso mo ang iyong minamahal. Walang sinumang makakaagaw nito mula sa iyo. Kapag nangyari ito, tunay na mananahan ang Diyos sa iyong kalooban at magkakaroon ng puwang sa puso mo.