Ang Mga Kaibahan sa Pagitan ng Pagbigkas ng mga Salita at Parirala ng Doktrina at ng Realidad ng Katotohanan

Sipi 64

Karamihan sa mga taong ilang taon nang nananampalataya ay kayang magsalita tungkol sa ilang doktrina, tulad ng “Kailangan nating magkaroon ng mga tamang layunin sa ating pananampalataya,” “Kailangan nating matutunang mahalin ang Diyos at sundin Siya,” “Kailangan nating gampanan ang ating mga tungkulin nang tapat; hindi tayo maaaring maghimagsik laban sa Diyos,” o “Dapat nating kilalanin ang ating sarili.” Ang lahat ng doktrinang ito ay tama, ngunit hindi ninyo nauunawaan ang tunay na kahulugan sa mga salita. Mababaw lang ang pagkaunawa ninyo sa mga ito; hindi ninyo nauunawaan ang espirituwal na kahulugan ng mga ito o ang mas malalim na kabuluhan ng mga salita ng Diyos, kaya walang katotohanan sa inyong puso. Anumang karanasan o pagkaunawa ang mayroon kayo, ito ay masyadong mababaw. Maaaring nakakapagsalita kayo ng ilang doktrina at malinaw ninyong nakikita ang ilang simpleng bagay, ngunit hindi kayo kumikilos nang may mga katotohanang prinsipyo; hindi man lang kayo nalalapit sa katotohanan. Maaaring mayroon kayong kaunting kaalaman at edukasyon, ngunit hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan. Huwag ninyong ituring ang pagkaunawa sa mga doktrina o literal na mga kahulugan bilang pagkaunawa sa katotohanan. Sa mga matagal nang nananalig sa Diyos, may ilang may mahusay na kakayahan at mabuti-buting pagkaunawa sa mga espirituwal na bagay at na may kaunting karanasan sa katotohanan—subalit, hindi pa rin maaaring sabihin na nauunawaan nila ito. Sa sampung pangungusap tungkol sa kaalamang mayroon ka, marahil ay dalawa ang naglalaman ng tunay na kaalaman. Ang iba pa ay mga doktrina. Subalit, pakiramdam mo ay nauunawaan mo na ang katotohanan. Kaya mong patuloy na mangaral nang ilang araw saan ka man magpunta, palagi kang may masasabi. Kapag natapos ka na, gusto mong tipunin ang mga ito at gawing isang libro, isang “talambuhay ng isang tanyag na tao” na ipapamahagi sa lahat, upang sila ay kumain at uminom nito, para sa ikabubuti ng lahat. Ito ay labis na mayabang at walang katuturan, hindi ba? Hindi man lang marespeto ng mga tao ang mga bagay na may kinalaman sa katotohanan; sa pinakamahusay, maaaring nauunawaan nila ang ilan sa mga salita ayon sa nakasulat. Sapagkat sila ay matalino at may mabuting memorya, sapagkat madalas silang mangusap tungkol sa katotohanan ng mga aspetong ito gaya ng gawain ng Diyos, ang kabuluhan at hiwaga ng pagkakatawang-tao, at ang mga kaparaanan at mga hakbang ng gawain ng Diyos, kapag nasangkapan na nila ang kanilang sarili hanggang sa isang antas, nararamdaman nila na sila mismo ay nagtataglay ng katotohanan, na sila ay sagana nito. Labis silang walang katwiran dito; pinatutunayan nito na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ang mga tao ngayon ay nakakaunawa lamang ng kaunting doktrina. Hindi nila kilala ang kanilang sarili, at lalo nang wala silang katwiran. Akala nila ay nasa kanila na ang katotohanan kapag nauunawaan nila ang ilang doktrina, at na hindi na sila mga ordinaryong tao. Pakiramdam nila ay naging napakahusay na nila at iniisip nila, “Napakaraming beses ko nang nabasa ang mga salita ng Diyos. Nakabisa ko na nga ang ilan sa mga ito, at nag-ugat na ang mga ito sa puso ko. Saan man ako magpunta, kaya kong mangaral sa ilang magkakasunod na pagpupulong, at kaya kong sabihin ang mga pangunahing punto ng alinmang kabanata ng mga salita ng Diyos.” Ang totoo, walang sinumang nakakaunawa sa katotohanan. Bakit Ko sinasabi iyon? Sa isang punto, hindi ninyo malutas ang mga problema o mahanap ang ugat ng mga ito, at hindi ninyo mahalata ang diwa ng mga ito. Isa pa, kaya lamang ninyong maintindihan ang bahagi ng anumang problema o isyu, ang inyong pagkaunawa ay malabo; hindi ninyo ito maiugnay sa katotohanan. Gayunpaman, nasisiyahan pa rin kayo sa inyong sarili, at kayo ay mapagmataas at mapagmagaling. Napakahangal at mangmang ninyo.

Paano ninyo ipaliliwanag ang mga salitang “pananalig sa Diyos”? Paano ninyo nauunawaan ang aspetong ito ng katotohanan? Ano ang tamang pananaw na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos? Ano ang mga maling pananaw na umiiral pa rin? Paano ba mismo dapat manalig ang mga tao sa Diyos? Napag-isipan na ba ninyo ang mga katanungang ito? Tila ba na kayong lahat ay “mga dalubhasa” sa katotohanan, na nauunawaan ninyong lahat ang lahat ng ito, kaya itatanong Ko sa inyo ang pinakasimpleng tanong na mayroon: Ano ang pananalig sa Diyos? Napag-isipan na ba ninyo iyan? Ano nga ba ang mismong tinutukoy ng pananalig sa Diyos? Ano ba mismo ang nais mong matamo mula sa pananalig sa Kanya, at anong mga problema ang ibig mong lutasin? Kailangang maging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito. Kailangan ding maging malinaw sa iyo ito: Anong mga pagpapamalas ng pananalig sa Diyos ang kailangang nasa isang tao para siya ay matapat na manalig sa Kanya? Ibig sabihin, paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin para maging tapat ang iyong pananampalataya sa Diyos? Anong mga elemento ang hinihingi ng Diyos sa mga taong nananalig sa Kanya upang patunayan na sila ay mga taong tapat ang pananampalataya? Malinaw ba sa inyong isipan ang mga katanungang ito? Sa katunayan, lahat kayo ay nagpapakita ng ilang pag-uugali ng mga walang pananalig sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay. Malinaw ba ninyong masasabi ang mga bagay na inyong nagawa na walang kaugnayan sa iyong pananalig sa Diyos o sa katotohanan? Tunay mo bang naiintindihan ang ibig sabihin ng pananalig sa Diyos? Anong uri ng tao ito, na may tapat na pananampalataya at tunay na nananalig sa Diyos? Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng manalig sa Diyos ang isang nilikha? Ito ay tumutukoy sa mga pananaw ng isang tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Sinasabi ng ilan, “Ang pananalig sa Diyos ay ang pagtahak sa tamang landas at paggawa ng mabuti; ito ay isang malaking bagay sa buhay. Ang gampanan ang ilang tungkulin para sa Diyos ay kung paano praktikal na naipamamalas ang pananalig sa Kanya.” Mayroon ding mga taong nagsasabing, “Ang pananalig sa Diyos ay tungkol sa kaligtasan; ito ay tungkol sa pagtupad sa Kanyang kalooban.” Maaari ninyong sabihin ang lahat ng ito, ngunit tunay ba ninyong nauunawaan ang mga ito? Sa katunayan ay hindi. Ang tunay na paniniwala sa Diyos ay hindi tungkol sa paniniwala sa Kanya para lamang maligtas, at lalong hindi pananalig sa Kanya para lamang maging isang mabuting tao. Hindi rin ito pananalig sa Kanya para lamang magtamo ng wangis ng tao. Sa katunayan, ang pananalig ng mga tao sa Diyos ay hindi dapat tingnan bilang paniniwala lamang na may Diyos, at na Siya ang katotohanan, ang daan, ang buhay, at na iyon na iyon. Hindi rin ito tungkol lamang sa pagkilala sa Diyos, at paniniwalang Siya ang Naghahari sa lahat ng bagay, na Siya ay makapangyarihan sa lahat, na nilikha Niya ang mundo at lahat ng bagay, na Siya ay natatangi, at na Siya ang pinakamataas. Hindi ito nagtatapos sa mapaniwala ka sa katotohanang iyon. Ang kalooban ng Diyos ay na ang iyong buong pagkatao at puso ay dapat ibigay sa Kanya at magpasakop sa Kanya. Ibig sabihin, dapat mong sundin ang Diyos, hayaan Siyang kasangkapanin ka, at maging masaya ka na makapaglingkod man lang sa Kanya—ang anumang ginagawa mo para sa Kanya ay ang dapat gawin. Hindi ito nangangahulugan na iyon lamang mga itinalaga at hinirang ng Diyos ang dapat maniwala sa Kanya. Ang totoo, ang buong sangkatauhan ay dapat sumamba sa Diyos, makinig sa Kanya at sumunod sa Kanya, dahil ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos. Kung alam mo na ang layunin ng pananalig sa Diyos ay ang makamit ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, ngunit hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at hindi mo tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, niloloko mo ang iyong sarili, hindi ba? Kung nauunawaan mo lang ang doktrina ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, makakamit mo ba ang katotohanan? Ang pinakamalaking bahagi ng pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa katotohanan. Sa bawat katotohanan, dapat hanapin, pagbulayan, at siyasatin ng mga tao kung ano ang nakatagong kahulugan nito, pati na rin kung paano isagawa at pasukin ang aspetong iyon ng katotohanan. Kailangang maunawaan at taglayin ng mga nananalig ang mga bagay na ito. Pagdating naman sa iba’t ibang aspeto ng katotohanan na dapat taglayin ng isang tao sa pananalig sa Diyos, ang nauunawaan lamang ninyo ngayon ay ang mga salita at doktrina, at mga panlabas na pagsasagawa; hindi ninyo nauunawaan ang diwa ng katotohanan, dahil hindi pa ninyo ito naranasan. Halimbawa: Maraming katotohanan sa larangan ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao at sa larangan ng pagmamahal sa Diyos, at kung nais ng mga tao na makilala ang kanilang sarili, marami ring katotohanan na kailangan nilang maunawaan. Marami ring katotohanang kailangang maunawaan sa kabuluhan at hiwaga ng pagkakatawang-tao. Kung paano dapat umasal ang mga tao; kung paano nila dapat sambahin ang Diyos; kung paano nila dapat sundin ang Diyos; kung ano ang dapat nilang gawin upang umayon sa kalooban ng Diyos; kung paano nila dapat paglingkuran ang Diyos—ang lahat ng ganitong detalye ay naglalaman ng maraming katotohanan. Tungkol naman sa lahat ng katotohanang ito sa iba’t ibang dako, paano ninyo tinatrato ang mga ito, at paano ninyo nararanasan ang mga ito? Aling aspeto ng katotohanan ang pinakamahalagang pagdaanan muna? Maraming katotohanan ang kailangang maunawaan at pasukin ng mga tao pagkatapos nilang mailatag ang pundasyon sa tunay na daan. Nariyan ang katotohanan ng pagiging isang tapat na tao, at lalo na, mayroong mga katotohanang may kinalaman sa pagtupad sa isang tungkulin. Ang lahat ng ito ay nangangailangang maranasan at maisagawa ng mga tao. Kung palagi mong sinasabi ang mga salita at doktrinang iyon nang hindi binibigyang pansin kung paano magsagawa at dumanas upang makapasok sa katotohanang realidad, ikaw ay palaging mabubuhay sa mga salitang iyon, at hindi ka magkakaroon ng anumang tunay na pagbabago.

Sipi 65

Hindi nakikita ng ilang lider at manggagawa ang mga problemang umiiral sa iglesia. Habang nasa isang pagpupulong, pakiramdam nila ay para bang wala silang makabuluhang masasabi, kaya’t pinipilit na lamang nila ang kanilang sarili na magsabi ng ilang salita at doktrina. Lubusan nilang batid na ang sinasabi nila ay mga doktrina lamang, pero sinasabi pa rin nila iyon. Sa huli, maging sila ay nararamdam na ang mga salita nila ay walang kwenta, at hindi rin ito nakapagpapatibay ng kanilang mga kapatid. Kung hindi mo alam ang problemang ito, bagkus ay may katigasan ng ulo ka lang na patuloy na nagsasabi ng mga ganoong bagay, ang Banal na Espiritu ay hindi kumikilos, at walang pakinabang sa mga tao. Kung hindi mo pa nararanasan ang katotohanan, ngunit gusto mo pa ring magsalita tungkol dito, anuman ang sabihin mo, hindi mo magagawang tumagos sa katotohanan; ang anumang sabihin mo pa ay magiging mga salita at doktrina lamang. Maaari mong isipin na medyo may kaliwanagan ang mga ito, ngunit mga doktrina lamang ang mga ito; hindi katotohanang realidad ang mga ito. Gaano man nila subukan, hindi magagawa ng sinumang nakikinig na makaunawa ng anumang totoo mula sa mga iyon. Habang nakikinig, maaaring maramdaman nila na tumpak naman ang sinasabi mo, ngunit pagkatapos, ganap nila itong malilimutan. Kung hindi ka magsasalita tungkol sa mga aktwal mong kalagayan, hindi mo maaantig ang puso ng mga tao, at hindi ito maaalala ng mga tao pagkatapos nila itong marinig. Wala itong maibibigay na kapaki-pakinabang. Kapag nakatagpo ka ng isang sitwasyong tulad nito, dapat ay may kamalayan ka na ang iyong sinasabi ay hindi praktikal; hindi makakabuti kaninuman kung magpapatuloy ka sa pagsasalita nang ganyan, at magiging mas nakakaasiwa pa kung may magtatanong na hindi mo masasagot. Dapat kang huminto kaagad at hayaan ang ibang taong magbahagi—iyon ang magiging matalinong desisyon. Kapag ikaw ay nasa isang pagpupulong at may alam ka tungkol sa isang partikular na isyu, maaari kang magsabi ng ilang praktikal na bagay tungkol dito. Maaaring ito ay medyo mababaw, ngunit maiintindihan ito ng lahat. Kung palagi mong gustong magsalita sa mas malalim na paraan upang mapabilib ang mga tao at tila kailanman ay hindi mo ito maipaabot, dapat mong bitawan na lang ito. Ang lahat ng iyong sasabihin magmula noon ay magiging hungkag na doktrina; dapat kang magpaubaya sa iba bago mo ipagpatuloy ang pagbabahagi. Kung sa pakiramdam mo ay doktrina ang nauunawaan mo at ang pagsasabi nito ay hindi magiging kapaki-pakinabang, ang Banal na Espiritu ay hindi kikilos kapag nagsalita ka sa ganoong pagkakataon. Kung pipilitin mo ang iyong sarili na magsalita, maaari kang humantong sa mga kahangalan at paglihis, at maaari mong mailigaw ang mga tao. Karamihan sa mga tao ay may napakahinang pundasyon at mahinang kakayahan na hindi nila maunawaan ang mas malalalim na bagay sa maikling panahon o madaling maalala ang mga ito. Sa kabilang banda, pagdating sa mga bagay na katawa-tawa, tungkol sa batas, at doktrinal, sila ay medyo mabilis makaunawa. Kaysama nila, hindi ba? Kaya, kailangan mong manatiling tapat sa mga prinsipyo kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan at magsalita ka tungkol sa anumang iyong nauunawaan. May kahambugan sa puso ng mga tao, at kung minsan, kapag namamayani ang kanilang kahambugan, nagpupumilit silang magsalita, kahit na alam nila na ang kanilang sinasabi ay doktrina. Iniisip nila, “Baka hindi mahalata ng mga kapatid ko. Babalewalain ko ang lahat ng iyon para sa kapakanan ng aking reputasyon. Ang pag-iingat sa imahe ang mahalaga ngayon.” Hindi ba’t isa itong pagtatangka na linlangin ang mga tao? Ito ay hindi tapat sa Diyos! Kung ito ay isang tao na may anumang katwiran, siya ay magsisisi at makakaramdam na dapat na siyang huminto sa pagsasalita. Madarama niya na dapat niyang baguhin ang paksa at na dapat siyang magbahagi tungkol sa isang bagay na mayroon siyang karanasan, o marahil tungkol sa kanyang pagkaunawa at kaalaman sa katotohanan. Kung gaano karami ang nauunawaan ng isang tao, ganoon karami ang dapat niyang sabihin. May limitasyon sa mga praktikal na bagay na puwedeng sabihin ng isang tao, gaano man karami ang kanyang sinasabi. Kung walang karanasan, ang iyong mga imahinasyon at iniisip ay teorya lamang, mga bagay lamang mula sa mga kuru-kuro ng tao. Ang mga salitang katotohanan ay nangangailangan ng tunay na karanasan upang maunawaan, at walang sinuman ang ganap na makakaunawa sa diwa ng katotohanan nang walang karanasan, at lalo nang hindi lubos na maipapaliwanag ang kalagayan ng pagdanas ng isang katotohanan. Kailangan mong magkaroon ng ilang karanasan sa katotohanan upang magkaroon ka ng praktikal na sasabihin. Hindi ito nangyayari nang walang karanasan. At kahit pa mayroon kang karanasan, mayroon ka pa rin nito sa limitadong paraan. Mayroong ilang limitadong kalagayan na maaari mong talakayin, ngunit higit sa mga iyon, wala ka nang maiaalok. Ang pagbabahagi sa isang kapulungan ay dapat palaging umiikot sa isa o dalawang paksa. Malaki na ang iyong nakamit kung magagawa mong maging mas malinaw ang mga ito sa pagbabahagi. Huwag kang maipit sa pagsisikap na magsabi ng higit pang mga bagay o ng mas malalaking bagay—walang sinuman ang makakapagpaabot ng anuman sa ganoong paraan, at wala itong pakinabang kanino man. Ang mga pagpupulong ay tungkol sa paghahalinhinan sa pagsasalita, at hangga’t praktikal ang nilalaman, ang mga tao ay makikinabang dito. Itigil na ang pag-iisip na kayang ibahagi nang malinaw ng iisang tao ang lahat ng katotohanan nang mag-isa lamang siya; imposible iyan. Kung minsan, maaari mong ipagpalagay na nakikipag-usap ka sa isang paraang napakapraktikal, ngunit hindi pa rin talaga nauunawaan ng iyong mga kapatid. Ito ay dahil ang iyong kalagayan ay ang iyong kalagayan, at ang mga kalagayan ng iyong mga kapatid ay hindi kinakailangang eksaktong kapareho ng sa iyo. Bilang karagdagan, maaaring mayroon kang kaunting karanasan sa paksang ito, ngunit maaaring wala ang iyong mga kapatid, kaya nararamdaman nilang ang mga sinasabi mo ay hindi natutungkol sa kanila. Ano ang dapat mong gawin kapag naharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon? Dapat mo silang tanungin ng ilang katanungan upang maunawaan mo ang kanilang mga kondisyon. Tanungin mo sila kung ano ang gagawin nila kapag napag-usapan ang paksang ito, at kung paano sila dapat magsagawa nang naaayon sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa ganitong paraan nang ilang sandali, isang landas na pasulong ang magbubukas. Sa ganitong paraan, maaakay mo ang mga tao patungo sa nauukol na paksang hinaharap, at kung patuloy ka pang magbabahagi, magkakamit ka ng mga resulta.

Sipi 68

Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung saan nakadepende ang pagkamit ng katotohanan at ang pagpasok sa katotohanang realidad? Nakadepende ang mga ito sa paghahanap sa katotohanan at pagsasagawa ng katotohanan—iyong dalawang bagay lamang na iyon, ganoon kasimple. Bagama’t ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay nakatala nang pasulat, ang katotohanang realidad ay hindi nakasulat, at lalong mas mahirap maunawaan o maintindihan ng tao kumpara sa mga nakasulat na salita nito. Kaya, ano ang dapat gawin para maunawaan ang katotohanan? Ang pag-unawa at pagkamit sa katotohanan ay pangunahing nagagawa sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, pagdanas ng Kanyang gawain, at paghahanap sa katotohanan at sa kaliwanagang mula sa Banal na Espiritu. Ang realidad ng katotohanan ay mapagtatanto sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagsailalim ng mga tao sa katotohanan; isa itong bagay na nagmumula sa karanasan, isang bagay na isinasabuhay ng tao. Ang katotohanan ay hindi isang teoryang walang katuturan, at hindi rin ito isang simpleng katagang masarap sa tainga. Ito ay wikang mayaman sa kapangyarihan ng buhay; ito ay mga walang hanggang kawikaan ng buhay; ito ang pinakapraktikal at pinakamahalagang bagay na maaaring pumatnubay sa isang tao sa buhay, sa kanyang buong buhay. Ano ang katotohanan? Ang katotohanan ang pundasyon ng pag-iral sa buhay ng tao, ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay. Ang katotohanan ang nagbibigay sa isang tao ng direksyon at layunin sa buhay; ito ang nagbibigay-daan sa isang tao na maisabuhay ang wangis ng isang totoong tao, at makapamuhay sa harapan ng Diyos nang may pagsunod at pagsamba sa Kanya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi mabubuhay ang mga tao kung wala ang katotohanan. Kaya, saan ka ngayon umaasa para mabuhay? Aling mga kaisipan at pananaw ang mayroon ka? Ano ang iyong direksyon at layunin sa paggawa ng mga bagay-bagay? Kung mayroon kang katotohanang realidad, ang iyong buhay ay mayroong mga prinsipyo, direksyon, at layunin. Kung wala, ang iyong buhay ay walang prinsipyo, direksyon, o layunin. Walang dudang namumuhay ka ayon sa pilosopiya ni Satanas, ayon sa mga bagay na iyon ng tradisyonal na kultura. Sa ganoong paraan namumuhay ang mga hindi mananampalataya. Nauunawaan ba ninyo ang katotohanan tungkol sa usaping ito? Upang malutas ang problemang ito, dapat ay hanapin at tanggapin ng isang tao ang katotohanan. Madali lang bang makamit ang katotohanan? (Oo, kung aasa tayo sa Diyos.) Habang umaasa sa Diyos, ang isang tao ay dapat ding umasa sa sarili niya. Dapat ay taglay mo ang kumpiyansa, kagustuhan, at pangangailangang ito sa iyong puso, at sinasabi mong, “Ayokong mamuhay sa mga tiwali at satanikong disposisyon. Ayokong makontrol at malinlang ng mga ito, at tuluyang maging hangal dahil dito, na kasuklam-suklam sa Diyos. Sa ganoong paraan, hindi ako magiging karapat-dapat na mamuhay sa harapan ng Diyos.” Dapat ay may ganito kang pakiramdam sa iyong puso. At, kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo, kung ilalapat mo sa iyong totoong buhay ang mga katotohanang nauunawaan mo at malapit sa sitwasyon mo, at maisasagawa mo ito sa lahat ng bagay, hindi ba’t magiging realidad mo na rin ang katotohanan dahil dito? At kapag naging realidad mo na ang katotohanan, mag-aalala ka pa rin ba na hindi lalago ang iyong buhay? Paano mo matutukoy kung taglay ba ng isang tao ang katotohanang realidad? Makikita ito sa mga sinasabi niya. Ang isang taong nagsasalita lamang ng mga salita ng doktrina ay hindi taglay ang katotohanang realidad, at siguradong hindi niya isasagawa ang katotohanan, kaya ang mga sinasabi niya ay walang kabuluhan at hindi makatotohanan. Ang mga salita ng isang taong may katotohanang realidad ay kayang lutasin ang mga problema ng mga tao. Kaya niyang makita nang malinaw ang diwa ng mga problema. Sa pamamagitan lamang ng ilang simpleng salita, malulutas ang isang problemang bumabagabag sa iyo sa loob ng maraming taon; mauunawaan mo ang katotohanan at ang kalooban ng Diyos, hindi na magiging mahirap pa ang mga bagay-bagay para sa iyo, hindi mo na mararamdamang natatalian ka’t napipigilan, at makakalaya ka at makakawala. Ang sinasabi ba ng gayong tao ay ang katotohanang realidad? Iyon ang katotohanang realidad. Kung hindi mo nauunawaan ang problema mo anuman ang sabihin ng isang tao, at kahit anong sabihin niya ay hindi nalulutas ang ugat na dahilan nito, kung gayon ang sinasabi niya ay mga salita ng doktrina. Matutustusan at matutulungan ba ng mga salita ng doktrina ang mga tao? Hindi matutustusan o matutulungan ng mga salita ng doktrina ang mga tao at hindi malulutas ng mga ito ang mga praktikal na paghihirap ng mga tao. Habang lalong sinasalita ang mga salita ng doktrina, lalo namang nayayamot ang tagapakinig. Iba kung magsalita ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan. Sa pamamagitan ng ilang salita, maipapaalam nila ang ugat na dahilan ng problema o ang pinagmulan ng sakit. Kahit isang pangungusap lang ay kayang pukawin ang mga tao at matagpuan ang mahahalagang isyu. Ito ang paggamit ng mga salitang nagtataglay ng mga katotohanang realidad para lutasin ang paghihirap ng mga tao at ipaalam ang landas ng pagsasagawa.

Sa mga huling araw, ang Diyos na nagkatawang-tao ay pumarito na. Ano ang pinakanararapat na makamit ng tao, yamang nananalig siya sa praktikal na Diyos? Ito ay ang katotohanan, ang buhay; wala nang iba pang mahalaga bukod dito. Noong pumarito si Cristo, ang dinala Niya ay ang katotohanan, ang buhay; pumarito Siya para bigyan ng buhay ang mga tao. Kaya, paano maisasagawa ng isang tao na manalig sa praktikal na Diyos? Ano ang dapat gawin ng isang tao para makamit ang katotohanan at ang buhay? Nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan. Ang lahat ng gutom at uhaw sa pagiging matuwid ay dapat kumain at uminom hanggang sa mabusog sila sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang Kanyang mga salita ay siksik at nag-uumapaw; may mahahalagang bagay kahit saan at kayamanan saan ka man lumingon. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan, na siyang nagtatamasa sa kasaganaan ng magandang lupain ng Canaan, ay namumukadkad sa kagalakan sa kanilang puso. May katotohanan at liwanag sa bawat pangungusap sa mga salita ng Diyos, na siyang kinakain at iniinom nila, ang lahat ng ito ay mahalaga. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay nakasimangot sa kalungkutan; nakaupo sila sa isang piging ngunit nagdurusa sa gutom, na nagpapakita ng kanilang pagiging kaawa-awa. Patuloy na lalago ang mga natatamo ng mga taong nagagawang hanapin ang katotohanan, at iyong mga hindi ay wala nang mapupuntahan. Ang pinakanararapat pagtuunan ng pansin ngayon ay ang matutunang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, maunawaan ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, at tunay na makapagpasakop sa Diyos. Iyon ang pananalig sa Diyos. Ang manalig sa praktikal na Diyos ay ang makamit ang katotohanan at ang buhay. Saan ginagamit ang katotohanan? Ginagamit ba ito para payamanin ang espirituwal na mundo ng mga tao? Ito ba ay para mabigyan ng magandang edukasyon ang mga tao? (Hindi.) Kung gayon, anong problema ng tao ang malulutas ng katotohanan? Nariyan ang katotohanan upang lutasin ang tiwaling disposisyon ng tao, lutasin ang makasalanang kalikasan ng tao, kumbinsihin ang mga tao na mamuhay sa harap ng Diyos, at magsabuhay ng normal na pagkatao. Hindi nauunawaan ng ilang tao kung ano ang katotohanan. Pakiramdam nila palagi, ang katotohanan ay malalim at teoretikal, at isang misteryo ang katotohanan. Hindi nila nauunawaan na ang katotohanan ay isang bagay na dapat isagawa ng mga tao, isang bagay na dapat nilang isabuhay. May ilang taong sampu o dalawampung taon nang nananalig sa Diyos ngunit hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ba mismo ang katotohanan. Nakamit ba ng ganitong klase ng tao ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ba’t kaawa-awa iyong mga hindi nakakamit ng katotohanan? Lubos silang nakakaawa—gaya nga ng inaawit sa himnong iyon, sila ay “nakaupo sa isang piging ngunit nagdurusa sa gutom.” Hindi mahirap makamit ang katotohanan, ni ang pagpasok sa katotohanang realidad, ngunit kung palaging nagsasawa ang mga tao sa katotohanan, makakamit ba nila iyon? Hindi nila kaya. Kaya dapat kang lumapit palagi sa harap ng Diyos, suriin ang iyong panloob na mga kalagayan ng pagiging sawa na sa katotohanan, tingnan kung anong mga pagpapakita ng pagiging sawa na sa katotohanan ang taglay mo, at kung anong mga paraan ng paggawa ng mga bagay ang pagiging sawa na sa katotohanan, at kung saang mga bagay ka may saloobin ng pagiging sawa na sa katotohanan—dapat mong pagnilayan nang madalas ang mga bagay na ito. Halimbawa, pinagsabihan ka ng isang tao sa pamamagitan ng pagsasabing, “Hindi mo puwedeng gawin ang iyong tungkulin sa pamamagitan lamang ng pagdepende sa sarili mong kagustuhan—dapat mong pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili,” at magagalit ka at sasagot ng, “Hindi maayos ang paggawa ko ng aking tungkulin, pero ‘yong paggawa mo ng iyo ay ayos lang? Ano’ng mali sa paggawa ko ng aking tungkulin? Alam ng Diyos ang puso ko!” Anong klaseng saloobin ito? Ito ba ay pagtanggap sa katotohanan? (Hindi.) Dapat ay magkaroon muna ang isang tao ng saloobin na tanggapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanya. Ang hindi pagkakaroon ng ganitong saloobin ay tulad ng hindi pagkakaroon ng sisidlan upang tumanggap ng kayamanan, kaya hindi mo magawang makamit ang katotohanan. Kung hindi makamit ng isang tao ang katotohanan, walang silbi ang pananalig niya sa Diyos! Ang layunin ng pananalig sa Diyos ay ang makamit ang katotohanan. Kung hindi makakamit ng isang tao ang katotohanan, nabigo ang kanyang pananalig sa Diyos. Ano ang pagkamit sa katotohanan? Ito ay kapag naging realidad mo na ang katotohanan, kapag naging buhay mo na ito. Iyon ang pagkamit sa katotohanan—iyon ang saysay ng pananalig sa Diyos! Para saan sinasabi ng Diyos ang Kanyang mga salita? Para saan ipinapahayag ng Diyos ang mga katotohanang iyon? Upang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, nang sa gayon ay gawing dalisay ang katiwalian; upang makamit ng mga tao ang katotohanan, nang sa gayon ay maging buhay nila ang katotohanan. Bakit ipapahayag ng Diyos ang napakaraming katotohanan kung hindi ganoon? Upang kalabanin ang Bibliya? Upang magtatag ng “Unibersidad ng Katotohanan” at magsanay ng isang grupo ng mga tao? Parehong hindi. Ito ay kundi para tuluyang mailigtas ang sangkatauhan, maipaunawa sa mga tao ang katotohanan at sa huli ay makamit nila ito. Nauunawaan mo na ngayon, hindi ba? Ano ang pinakamahalaga sa pananalig sa Diyos? (Ang pagkamit sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad.) Mula rito, nakadepende ito sa kung paano kayo makakapasok sa katotohanang realidad, at kung magagawa ninyo ito o hindi.

Sinundan: Mga Salita sa Kung Paano Danasin ang mga Pagkabigo, Pagbagsak, Pagsubok, at Pagpipino

Sumunod: Mga Salita sa Paglilingkod sa Diyos

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger