Tungkol sa Bibliya 1

Paano dapat pag-aralan ang Bibliya sa larangan ng paniniwala sa Diyos? Ito ay isang katanungang may kinalaman sa prinsipyo. Bakit natin pinag-uusapan ang tanong na ito? Dahil ipalalaganap mo ang ebanghelyo at palalawakin ang gawain ng Kapanahunan ng Kaharian sa hinaharap, at hindi sapat na mapag-usapan lamang ang gawain ng Diyos ngayon. Upang mapalawak ang Kanyang gawain, mas mahalagang malutas mo ang mga lumang kuru-kuro ng mga tao tungkol sa relihiyon at mga lumang paraan para maniwala, at iwan silang lubos na kumbinsido—at ang paghantong sa puntong ito ay kinasasangkutan ng Bibliya. Sa loob ng maraming taon, ang kinaugaliang paraan para maniwala ang mga tao (sa Kristiyanismo, isa sa tatlong pangunahing relihiyon sa mundo) ay ang basahin ang Bibliya. Ang paglihis mula sa Bibliya ay hindi paniniwala sa Panginoon, ang paglihis mula sa Bibliya ay paglihis sa mga panuntunan sa pananampalataya, at maling paniniwala, at kahit na magbasa pa ang mga tao ng ibang mga libro, ang paliwanag sa Bibliya ang dapat na pundasyon ng mga librong ito. Ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Panginoon, dapat mong basahin ang Bibliya, at maliban sa Bibliya, hindi ka dapat sumamba sa anumang aklat na walang kinalaman sa Bibliya. Kung ginagawa mo iyon, pinagtataksilan mo ang Diyos. Mula sa panahon ng pagkakaroon ng Bibliya, ang pananalig ng mga tao sa Panginoon ay ang pananalig sa Bibliya. Sa halip na sabihing ang mga tao ay naniniwala sa Panginoon, mas mabuting sabihin na naniniwala sila sa Bibliya; sa halip na sabihing nagsimula na silang magbasa ng Bibliya, mas mabuting sabihing nagsimula na silang maniwala sa Bibliya; at sa halip na sabihing nagbalik na sila sa Panginoon, mas mabuti pang sabihing nagbalik na sila sa Bibliya. Sa ganitong paraan, sinasamba ng mga tao ang Bibliya na para bang ito ang Diyos, na para bang ito ang dugong bumubuhay sa kanila, at ang mawalan nito ay kapareho ng mawalan ng kanilang buhay. Itinuturing ng mga tao ang Bibliya na kasintaas ng Diyos, at mayroon pang ang turing dito ay mas mataas kaysa sa Diyos. Kung wala sa mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi nila nadarama ang Diyos, maaari pa rin silang patuloy na mabuhay—ngunit sa sandaling mawala sa kanila ang Bibliya, o mawala ang mga kilalang kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, parang nawalan na rin sila ng buhay. At dahil dito, sa sandaling maniwala ang mga tao sa Panginoon, inuumpisahan na nilang basahin ang Bibliya, at kabisaduhin ang Bibliya, at habang mas dumarami ang nakakabisa nila mula sa Bibliya, mas napapatunayan nito na mahal nila ang Panginoon at malaki ang kanilang pananampalataya. Ang lahat ng nakapagbasa na ng Bibliya at nakapagbabahagi nito sa iba ay mabubuting mga kapatid. Sa buong panahong ito, ang pananampalataya at katapatan ng mga tao sa Panginoon ay nasusukat ayon sa lawak ng kanilang pagkaunawa sa Bibliya. Hindi lamang talaga nauunawaan ng karamihan ng mga tao kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos, o kaya ay paano maniwala sa Diyos, at wala silang ginagawa kundi pikit-matang maghanap ng mga pahiwatig upang maunawaan ang mga kabanata sa Bibliya. Hindi kailanman hinanap ng mga tao ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu; simula’t sapul, wala silang ginawa kundi desperadong pag-aralan at siyasatin ang Bibliya, at walang sinumang nakahanap ng mas bagong gawain ng Banal na Espiritu na labas sa Bibliya. Walang sinumang lumihis kahit minsan mula sa Bibliya, ni nangahas na gawin ito. Pinag-aralan ng mga tao ang Bibliya sa loob ng napakatagal na panahon, sila ay nakabuo ng napakaraming paliwanag, at nagbuhos ng napakaraming pagsisikap. Marami rin silang pagkakaiba-iba ng opinyon tungkol sa Bibliya, na walang katapusan nilang pinagtatalunan, kaya nga mahigit pa sa dalawang libong magkakaibang denominasyon na ang nabuo ngayon. Silang lahat ay nagnanais makahanap ng ilang natatanging mga paliwanag, o mas malalalim na mga misteryo sa Bibliya, nais nilang galugarin ito, at makita rito ang impormasyon sa likod ng gawain ni Jehova sa Israel, o impormasyon sa likod ng gawain ni Jesus sa Judea, o karagdagang mga misteryo na walang sinumang nakakaalam. Ang pagturing ng mga tao sa Bibliya ay isang pagkahumaling at pananampalataya, at walang sinuman ang nagbibigay ng ganap na kalinawan tungkol sa nakapaloob na kuwento o diwa ng Bibliya. Kaya ngayon ang mga tao ay mayroon pa ring di-mailarawang diwa ng kahiwagaan pagdating sa Bibliya, at mas nahuhumaling pa sila rito, at nagkakaroon pa nga ng higit na pananalig rito. Ngayon, ang lahat ay nagnanais na mahanap ang mga propesiya ng gawain sa mga huling araw sa Bibliya, nais nilang matuklasan kung anong gawain ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw, at kung anong mga tanda ang naroon sa mga huling araw. Sa ganitong paraan, ang kanilang pagsamba sa Bibliya ay nagiging mas taimtim, at habang mas nalalapit ang mga huling araw, higit na bulag na pananalig ang ibinibigay nila sa mga propesiya sa Bibliya, partikular na sa mga tungkol sa mga huling araw. Sa ganito kabulag na paniniwala sa Bibliya, sa ganitong pagtitiwala sa Bibliya, wala na silang hangad na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, iniisip nila na ang Bibliya lamang ang maaaring maghatid ng gawain ng Banal na Espiritu, sa Bibliya lamang nila makikita ang mga yapak ng Diyos, sa Bibliya lamang nakatago ang mga hiwaga ng gawain ng Diyos, ang Bibliya lamang—hindi ang ibang mga aklat o tao—ang makapaglilinaw ng lahat tungkol sa Diyos at sa kabuuan ng Kanyang gawain; ang Bibliya ay maaaring maghatid ng gawain ng langit sa lupa; at ang Bibliya ay maaaring kapwa simulan at tapusin ang mga kapanahunan. Sa mga kuru-kuro na ito, wala nang kagustuhan ang mga tao na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya, gaano man kalaki ang naging tulong ng Bibliya sa mga tao noong araw, ito ay naging isang balakid sa pinakabagong gawain ng Diyos. Kung wala ang Bibliya, maaaring hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa ibang lugar, ngunit ngayon, nakapaloob na ang Kanyang mga yapak sa Bibliya, at naging doble ang hirap ng pagpapalawak ng Kanyang pinakabagong gawain, at tila isa itong paakyat na paglalakbay. Lahat ng ito ay dahil sa kilalang mga kabanata at kasabihan mula sa Bibliya, at dahil na rin sa iba’t ibang mga propesiya sa Bibliya. Ang Bibliya ay naging diyos-diyosan sa isipan ng mga tao, ito ay naging isang palaisipan sa kanilang mga utak, at sadyang hindi nila kayang paniwalaang makagagawa ang Diyos ng gawaing nasa labas ng Bibliya, hindi nila kayang paniwalaan na matatagpuan ng mga tao ang Diyos nang labas sa Bibliya, at mas lalong hindi nila magawang paniwalaan na maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya sa huling gawain at magsimulang muli. Hindi ito sukat maisip ng mga tao, hindi sila makapaniwala rito, at hindi rin nila ito makita sa kanilang isipan. Ang Bibliya ay naging isa nang malaking balakid sa pagtanggap ng mga tao sa bagong gawain ng Diyos, at pagpapahirap sa pagpapalawak ng Diyos ng bagong gawaing ito. Kaya kung hindi ninyo nauunawaan ang kuwentong napapaloob sa Bibliya, hindi ninyo matagumpay na maipapalaganap ang ebanghelyo, at hindi kayo makapagpapatotoo sa bagong gawain. Bagama’t ngayon ay hindi ninyo binabasa ang Bibliya, magiliw pa rin ang inyong pagtanggap dito, ibig sabihin, maaaring ang Bibliya ay wala sa inyong mga kamay, ngunit marami sa inyong mga kuru-kuro ang nagmumula rito. Hindi ninyo nauunawaan ang pinagmulan ng Bibliya o ang kuwentong napapaloob tungkol sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos. Kahit na hindi ninyo madalas na binabasa ang Bibliya, dapat ninyong maunawaan ang Bibliya, dapat ninyong matamo ang tamang kaalaman tungkol sa Bibliya, at tanging sa paraang ito ninyo malalaman kung para saan ang anim na libong taong planong pamamahala ng Diyos. Gagamitin ninyo ang mga bagay na ito upang mapaniwala ang mga tao, para kilalanin nila na ang agos na ito ang tunay na daan, para kilalanin nila na ang landas na inyong tinatahak ngayon ay ang landas ng katotohanan, na ginagabayan ito ng Banal na Espiritu, at na hindi pa ito inilulunsad ng sinumang tao.

Matapos gawin ng Diyos ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, nabuo ang Lumang Tipan, at noon nagsimulang magbasa ng Bibliya ang mga tao. Matapos dumating ni Jesus, ginawa Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, at isinulat ng Kanyang mga apostol ang Bagong Tipan. Dahil dito ay nabuo ang Luma at Bagong Tipan ng Bibliya, at kahit hanggang ngayon, lahat ng naniniwala sa Diyos ay nagbabasa ng Bibliya. Ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan. Siyempre, ito rin ay naglalaman ng ilan sa mga propesiya ng mga propeta, at siyempre, ang mga ito ay hindi kabilang sa kasaysayan. Ang Bibliya ay kinabibilangan ng ilang bahagi—hindi lamang propesiya, o gawain lamang ni Jehova, o mga sulat lamang ni Pablo. Kailangan mong malaman kung gaano karami ang mga bahaging napapaloob sa Bibliya. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodus…, at mayroon ding mga aklat ng propesiya na isinulat ng mga propeta. Sa huli, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. Itinatala nito ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na pinamunuan ni Jehova. Mula sa Genesis hanggang sa Aklat ni Malakias, ito ay isang komprehensibong tala ng lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Ibig sabihin, ang Lumang Tipan ay tala ng lahat ng karanasan ng tao na ginabayan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ginamit ni Jehova ay nagwika ng mga propesiya para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at ipinropesiya ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang lahat ng mga taong ito na itinaguyod ng Diyos ay binigyan ni Jehova ng Espiritu ng propesiya: Nakita nila ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig nila ang Kanyang tinig, at dahil dito, sila’y nabigyan Niya ng inspirasyon at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay paghahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon ay upang magabayan lamang ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi Siya nagkatawang-tao, at hindi nakita ng mga tao ang Kanyang mukha. Kung kaya’t gumamit Siya ng maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at angkan ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila ay isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang ipakita sa iba. Ginamit ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang ipropesiya ang gawain ng hinaharap o ang gawain na gagawin pa sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagiging kamangha-mangha at ang karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Bibliya. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga binigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkaroon ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga ipinropesiya ng mga propeta na itinaguyod ni Jehova, sa katulad na paraan na ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa isinagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos na makumpleto ang gawain, na siya namang kayang gawin ng mga tao. Ang mga propeta ng panahong iyon ay binigyang-inspirasyon ni Jehova at nagsabi ng ilang propesiya, marami silang binigkas na mga salita, at nagpropesiya sila tungkol sa mga bagay-bagay sa Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin sa pagkawasak ng mundo sa mga huling araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Nakatala sa lahat ng natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. Kaya kapag binabasa mo ang Bibliya, ang binabasa mo higit sa lahat ay kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel; pangunahing nakatala sa Lumang Tipan ng Bibliya ang gawain ni Jehova ng paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis ng mga kadena ng Faraon sa kanila, at nagdala sa kanila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumunod dito ay tungkol sa kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat ng bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito ang gawaing ginawa ni Jehova sa lupain kung saan nilikha Niya sina Adan at Eba. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawain sa labas ng Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa simula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay hindi gumawa sa anupamang lugar. Sa ganitong paraan, ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Bibliya ay gawaing lahat ng Diyos sa Israel noong panahong iyon. Ang mga salitang binigkas ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ang kanilang mga salita ay nagpropesiya ng iba pa Niyang mga gawain sa daigdig, ipinropesiya nila ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, ang lahat ng iba pa ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova noong panahong iyon.

Ang gawain ng paglikha ay nangyari bago nagkaroon ng sangkatauhan, ngunit dumating lamang ang Aklat ng Genesis matapos magkaroon ng sangkatauhan; ito ay isang aklat na isinulat ni Moises noong Kapanahunan ng Kautusan. Ito ay tulad ng mga bagay na nangyayari sa inyo ngayon: Pagkatapos nilang mangyari, isinusulat ninyo ang mga ito upang ipakita sa mga tao sa hinaharap, at para sa mga tao sa hinaharap, ang inyong naitala ay mga bagay na nangyari noong nakalipas na panahon—ito’y wala nang iba kundi kasaysayan lamang. Ang mga bagay na naitala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, at ang nakatala sa Bagong Tipan ay gawain ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya; itinala ng mga ito ang gawain na tinapos ng Diyos sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, at dahil dito, ang Lumang Tipan ay isang aklat ng kasaysayan, habang ang Bagong Tipan ay bunga ng gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Nang magsimula ang bagong gawain, naluma na rin ang Bagong Tipan—at dahil dito, ang Bagong Tipan ay isa ring aklat ng kasaysayan. Siyempre, ang Bagong Tipan ay hindi kasing sistematiko ng Lumang Tipan, at hindi nagtatala ng kasindaming mga bagay. Ang lahat ng mga salitang binigkas ni Jehova ay nakatala sa Lumang Tipan ng Bibliya, samantalang ilan lamang sa mga salita ni Jesus ang nakatala sa Apat na Ebanghelyo. Tunay ngang marami ring ginawa si Jesus, ngunit hindi ito naitala nang detalyado. Mas kaunti ang naitala sa Bagong Tipan dahil sa kung gaano karami ang nagawa ni Jesus; ang dami ng Kanyang gawain sa loob ng tatlo at kalahating taon sa daigdig at ang gawain ng mga apostol ay higit na kakaunti kaysa sa gawain ni Jehova. Dahil dito ay mas kaunti ang mga aklat sa Bagong Tipan kaysa sa Lumang Tipan.

Anong uri ng libro ang Bibliya? Ang Lumang Tipan ay ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang Lumang Tipan ng Bibliya ay nagtatala ng lahat ng gawain ni Jehova noong Kapanahunan ng Kautusan at ng Kanyang gawain ng paglikha. Ang lahat ng ito ay nagtatala ng gawain na tinapos ni Jehova, at sa huli ay nagtatapos sa mga salaysay ng gawain ni Jehova sa Aklat ni Malakias. Ang Lumang Tipan ay nagtatala ng dalawang bahagi ng gawain na tinapos ng Diyos: Ang isa ay ang gawain ng paglikha, at ang isa ay pag-aatas ng mga kautusan. Ito ay parehong gawain na ginawa ni Jehova. Ang Kapanahunan ng Kautusan ay kumakatawan sa gawain sa ilalim ng pangalan ng Diyos na si Jehova; ito ay kabuuan ng gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jehova. Dahil dito, ang Lumang Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jehova, at ang Bagong Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jesus, gawain na pangunahing ipinatupad sa ilalim ng pangalan ni Jesus. Ang kahalagahan ng pangalan ni Jesus at ang karamihan sa gawain na Kanyang ginawa ay nakatala sa Bagong Tipan. Sa panahon ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan, nagtayo si Jehova ng templo at altar sa Israel, ginabayan Niya ang buhay ng mga Israelita sa daigdig, na nagpapatunay na sila ang Kanyang hinirang na mga tao, ang unang grupo ng mga tao na Kanyang pinili sa daigdig at naghahangad sa Kanyang puso, ang unang grupo na personal Niyang pinamunuan. Ang labindalawang lipi ng Israel ay ang unang hinirang na mga tao ni Jehova, at dahil dito, Siya ay palagiang kumilos sa kanila, hanggang sa katapusan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang ikalawang yugto ng gawain ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ng Bagong Tipan, at ito ay isinagawa sa mga Hudyo, sa isa sa labindalawang tribo ng Israel. Ang saklaw ng gawaing ito ay mas maliit dahil si Jesus ay Diyos na naging tao. Si Jesus ay gumawa lamang sa buong lupain ng Judea, at gumawa lamang ng tatlo at kalahating taong gawain; kaya, malayong mahigitan ng mga nakatala sa Bagong Tipan ang dami ng gawain na nakatala sa Lumang Tipan. Ang gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay pangunahing nakatala sa Apat na mga Ebanghelyo. Ang landas na nilakaran ng mga tao ng Kapanahunan ng Biyaya ay ang pinakamababaw na pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, na karamihan ay nakatala sa mga liham. Ang mga liham ay nagpapakita kung paano gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon. (Tunay ngang kinastigo man o tinamaan ng kamalasan si Pablo o hindi, sa trabahong ginawa niya, siya ay tinuruan ng Banal na Espiritu, siya’y ginamit ng Banal na Espiritu noong panahong iyon; si Pedro rin ay ginamit ng Banal na Espiritu, ngunit hindi kasindami ng ginawa ni Pablo ang ginawa niya. Bagama’t ang gawa ni Pablo ay nagtaglay ng karumihan ng tao, makikita mula sa mga liham na sinulat niya kung paano gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon. Tama ang landas na tinahak ni Pablo, wasto ito, at ito ang landas ng Banal na Espiritu.)

Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sinundan ng mga Israelita ang landas ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ng kasalukuyan, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Bibliya. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang hinirang na mga tao sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, at nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Kaya ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit at mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi makikita o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Bibliya ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon bago ito maganap, nang walang makakaligtaan? Sino ang maaaring makapagtala nitong mas makapangyarihan at mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro na iyon? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Bibliya, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Bibliya. Sa ganitong paraan ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain. Dapat mong maunawaan kung bakit hinihiling ngayon na huwag mong basahin ang Bibliya, kung bakit mayroong ibang gawain na hiwalay sa Bibliya, kung bakit ang Diyos ay hindi na naghahanap ng mas bago at mas detalyadong pagsasagawa sa Bibliya, at kung bakit sa halip ay mayroong mas makapangyarihang gawain sa labas ng Bibliya. Ito ang lahat ng dapat ninyong maunawaan. Kailangan mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong gawain, at kahit na hindi mo binabasa ang Bibliya, dapat ay kaya mo itong suriin; kung hindi, sasambahin mo pa rin ang Bibliya, at magiging mahirap para sa iyo na makapasok sa bagong gawain at sumailalim sa mga bagong pagbabago. Yamang mayroong mas mataas na daan, bakit pag-aaralan ang mas mababa at makalumang daan? Yamang may bagong mga pagbigkas, at mas bagong gawain, bakit ka mamumuhay batay sa lumang mga talaan ng kasaysayan? Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapagtustos sa inyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi ka mabibigyang-kasiyahan, o hindi makatutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan na ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito ay kasaysayan lamang na ginugunita ng mga tao, at kahit ano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito ay lumang daan pa rin. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na walang nakatala tungkol dito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay para sa naririto at sa ngayon. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.

Dapat ninyong maunawaan ang Bibliya—ang gawaing ito ay pinakakinakailangan! Ngayon, hindi mo kailangang basahin ang Bibliya, dahil walang bago rito; lahat ito ay luma. Ang Bibliya ay isang aklat ng kasaysayan, at kung nakain at nainom mo na ang Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya—kung naisagawa mo na kung ano ang kinailangan sa panahon ng Lumang Tipan noong Kapanahunan ng Biyaya—maaaring ikaw ay tatanggihan at kokondenahin ni Jesus; kung ginamit mo ang Lumang Tipan sa gawain ni Jesus, maaring ikaw ay naging isang Pariseo. Kung ngayon ay pinag-isa mo ang Luma at Bagong Tipan sa iyong pagkain at pag-inom, at pagsasagawa, kokondenahin ka ng Diyos ng ngayon; ikaw ay mapag-iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan! Kung kumakain at umiinom ka ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan, ikaw ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu! Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Hudyo at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Bibliya bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Bibliya, o kaya ay naghanap sa Bibliya ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula noong nagsimula Siyang gumawa, ipinalaganap Niya ang daan ng pagsisisi—ni isang salita tungkol dito ay hinding-hindi nabanggit sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Bibliya, kundi Siya ay namuno rin sa isang bagong daan, at gumawa ng bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Bibliya kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Gayundin, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Basta lamang ginawa ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Bibliya—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang turo, at sa Kanyang kakayahan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang umakay sa bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Bibliya, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Pumarito lamang upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong, dahil hindi isinaalang-alang ng Kanyang gawain kung pagbabatayan ba nito ang Bibliya; si Jesus ay pumarito lamang upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin. Kaya hindi Siya nagpaliwanag ng mga propesiya ng Lumang Tipan, ni hindi Siya gumawa nang ayon sa mga salita ng Kapanahunan ng Kautusan ng Lumang Tipan. Hindi Niya pinansin ang sinabi ng Lumang Tipan, hindi mahalaga sa Kanya kung ang Kanyang gawain ay umaayon dito o hindi, at hindi mahalaga kung ano ang alam ng iba sa Kanyang gawain, o kung paano nila kinondena ito. Ipinagpatuloy lamang Niya ang gawain na dapat Niyang gawin, kahit na maraming tao ang gumamit ng mga propesiya ng mga propeta ng Lumang Tipan upang kondenahin Siya. Sa mga tao, lumitaw na parang ang Kanyang gawain ay walang batayan, at marami rito ang salungat sa mga talaan sa Lumang Tipan. Hindi ba ito kamalian ng tao? Ang doktrina ba ay kailangang iangkop sa gawain ng Diyos? At ang Diyos ba ay dapat na gumawa ayon sa mga propesiya ng mga propeta? Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Bibliya? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Bibliya? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Bibliya? Hindi ba maaaring lumihis ang Diyos sa Bibliya at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya nang isinasaalang-alang ang araw ng Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya hindi isinagawa ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Bibliya! Bilang Panginoon ng Sabbath, hindi ba Siya maaaring maging Panginoon din ng Bibliya?

Ang gawain na ginawa ni Jesus sa panahon ng Bagong Tipan ay nagpasimula ng bagong gawain: Hindi Siya gumawa ayon sa gawain ng Lumang Tipan, at hindi rin Niya ginamit ang mga salita na sinabi ni Jehova ng Lumang Tipan. Ginawa Niya ang Kanyang sariling gawain, at gumawa Siya ng mas bagong gawain, at gawain na mas mataas kaysa sa kautusan. Kaya, sinabi Niya: “Huwag ninyong isiping Ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: Ako’y naparito hindi upang sirain ito, kundi upang tuparin ang mga ito.” Kaya alinsunod sa kung ano ang naisakatuparan Niya, maraming mga doktrina ang nasira. Sa araw ng Sabbath, nang dinala Niya ang mga alagad sa mga palayan, sila ay kumuha at kumain ng mga ulo ng butil; hindi Niya sinunod ang Sabbath, at sinabing “ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath.” Noong panahong iyon, ayon sa mga tuntunin ng mga Israelita, kung sinuman ang hindi mangilin sa Sabbath ay babatuhin hanggang sa kamatayan. Si Jesus, gayunman, ay hindi pumasok sa templo ni nangilin sa Sabbath, at ang Kanyang gawain ay hindi ginawa ni Jehova sa panahon ng Lumang Tipan. Sa ganitong paraan ay nahigitan ng gawain na ginawa ni Jesus ang kautusan ng Lumang Tipan, ito ay mas mataas kaysa rito, at ito ay hindi naaayon dito. Noong Kapanahunan ng Biyaya, hindi gumawa si Jesus ayon sa kautusan ng Lumang Tipan, at humiwalay na sa mga doktrinang iyon. Ngunit mahigpit na kumapit ang mga Israelita sa Bibliya at tinuligsa si Jesus—hindi ba ito pagtanggi sa gawain ni Jesus? Ngayon, mahigpit ding kumakapit ang relihiyosong mundo sa Bibliya, at sinasabi ng ilang tao, “Ang Bibliya ay isang banal na aklat at ito ay dapat basahin.” Sinasabi ng ilang mga tao na, “Ang gawain ng Diyos ay dapat itaguyod magpakailanman, ang Lumang Tipan ay tipan ng Diyos sa mga Israelita, at hindi maaaring iwaksi, at ang Sabbath ay dapat laging ipangilin!” Hindi ba sila katawa-tawa? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus ang Sabbath? Siya ba’y nagkakasala? Sino ang maaaring lubos na makaunawa sa mga nasabing bagay? Paano man basahin ng mga tao ang Bibliya, magiging imposibleng malaman ang gawain ng Diyos gamit ang kanilang kakayahang umunawa. Hindi lamang sila hindi makakakuha ng dalisay na kaalaman tungkol sa Diyos, kundi magiging higit na napakasama ng kanilang mga kuru-kuro, kung kaya’t magsisimula silang tumutol sa Diyos. Kung hindi dahil sa pagkakatawang-tao ng Diyos ngayon, mawawasak ang mga tao ng sarili nilang mga kuru-kuro, at sila’y mamamatay sa gitna ng pagkastigo ng Diyos.

Sinundan: Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Sumunod: Tungkol sa Bibliya 2

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito