Mga Hantungan at mga Kalalabasan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 580

Sa gitna ng pagkidlat, nabubunyag ang tunay na mga anyo ng lahat ng uri ng hayop. Gayundin naman, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, lumang tiwaling mundo! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, naging putik! Ah, buong sangkatauhan, na sarili Kong likha! Sa wakas ay muli silang nabuhay sa liwanag, natanggap ang pundasyon para sa pag-iral, at tumigil sa pagpupumiglas sa putikan! Ah, ang lahat ng bagay na hawak Ko sa Aking mga kamay! Paanong hindi mapaninibago ang mga ito bilang resulta ng Aking mga salita? Paanong hindi nila magagampanan, sa liwanag, ang kanilang mga papel? Hindi na tahimik at walang ingay na parang libingan ang mundo, hindi na mapanglaw at tigang ang langit. Ang langit at lupa, na wala nang puwang sa pagitan, ay nagiging isa, at hindi na kailanman muling paghihiwalayin pa. Sa masayang okasyong ito, sa sandaling ito ng labis na kagalakan, ang Aking pagiging matuwid at ang Aking kabanalan ay umabot na sa ibabaw ng sansinukob at sa buong sansinukob, at walang humpay na ipinagbubunyi sa gitna ng lahat ng tao. Nagtatawanan sa galak ang mga lungsod ng langit, at nagsasayawan sa galak ang kaharian ng lupa. Sa pagkakataong ito, sino ang hindi nagagalak? At sino ang hindi naluluha? Ang daigdig sa una nitong kalagayan ay nabibilang sa langit, at ang langit ay kaisa ng daigdig. Ang tao ang tali na nag-uugnay sa langit at lupa. Dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa tungo sa langit. Ang mga mukha ng lahat ng tao ay nababalutan ng mga ngiti ng kasiyahan, at may nakatago sa lahat ng puso nila na isang tamis na walang hangganan. Hindi nakikipag-away ang mga tao o pisikal na nakikipagbuno sa isa’t isa. Mayroon bang sinuman, sa Aking liwanag, na hindi namumuhay nang matiwasay sa piling ng iba? Mayroon ba, sa Aking panahon, na nagbibigay ng kahihiyan sa Aking pangalan? Ang lahat ay nakatitig sa Akin nang may takot, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin. Nasiyasat Ko na ang bawat kilos nila: Sa mga taong nalinis na, walang mapaghimagsik laban sa Akin, walang humuhusga sa Akin. Ang Aking disposisyon ay tumatagos sa lahat ng tao. Nakikilala Ako ng lahat, mas lumalapit sila sa Akin at tumitingala sa Akin. Tumitindig Ako nang matatag sa espiritu ng tao, dinadakila Ako sa pinakamataas na tugatog sa mga mata ng tao, at dumadaloy sa dugo sa mga ugat ng tao. Ang kagalakan sa puso ng tao ay pinupuno ang bawat lugar sa ibabaw ng lupa, malinis at sariwa ang hangin, hindi na tinatakluban ng makakapal na hamog ang lupa, at maningning ang sikat ng araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 18

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 581

Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at tumitindig ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang makawawasak sa Aking kaharian. Mga tao Ko, na nasa kaharian ng kasalukuyan, sino sa inyo ang hindi kasapi sa lahi ng tao? Sino sa inyo ang nasa labas ng kalagayan ng tao? Kapag isinapubliko ang Aking bagong panimula, ano ang magiging reaksiyon ng mga tao? Nakita na ng sarili ninyong mga mata ang kalagayan ng mundo ng tao; hindi pa ba ninyo naiwaksi ang kaisipan ng pamumuhay sa mundong ito magpakailanman? Naglalakad Ako ngayon sa gitna ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa gitna nila. Ngayon, yaong mga may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, sila ay gagamit ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahangad sa Akin, makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang maghimagsik laban sa kanilang sarili, sila ay Aking aariin at magmamana sila ng kasaganaan ng Aking kaharian. Tatandaan Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, tatanggapin Ko ang mga gumugugol ng kanilang sarili para sa Akin, at pagkakalooban Ko ng mga bagay na tatamasahin nila yaong mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nagtatamasa sa Aking mga salita; magiging mga haligi sila ng Aking kaharian, pagyayamanin sila nang hindi masukat sa Aking sambahayan, at walang maikukumpara sa kanila. Tinanggap na ba ninyo kailanman ang mga pagpapalang inihanda para sa inyo? Hinangad na ba ninyo kailanman ang mga pangakong binitiwan para sa inyo? Kayo, sa ilalim ng gabay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, hindi mawawala sa inyo ang gabay ng liwanag. Kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng bagay. Kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng bansa ng malaking pulang dragon, kayo ay tatayo sa gitna ng di-mabilang na tao bilang patunay ng Aking tagumpay. Kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at magsisinag kayo ng Aking liwanag ng kaluwalhatian sa loob ng buong sansinukob.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 19

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 582

Habang nagiging kumpleto ang Aking mga salita, unti-unting nabubuo ang kaharian sa lupa at unti-unting bumabalik sa normalidad ang tao, at sa gayon ay naitatatag sa lupa ang kahariang nasa Aking puso. Sa kaharian, nababawi ng lahat ng tao ng Diyos ang buhay ng normal na tao. Wala na ang nagyeyelong taglamig, napalitan ng isang mundo ng mga lungsod ng tagsibol, kung saan tumatagal nang buong taon ang tagsibol. Hindi na nalalantad ang mga tao sa kapanglawan ng mundo ng tao, at hindi na nila tinitiis ang nakangangatog na lamig ng mundo ng tao. Hindi nag-aaway-away ang mga tao, hindi nagdidigmaan ang mga bansa, wala nang patayan at dugong dumadaloy mula sa patayan; lahat ng lupain ay puspos ng kagalakan, at lahat ng dako ay punung-puno ng pagkagiliw sa pagitan ng mga tao. Ako ay naglalakad sa buong mundo, nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Wala nang luhang umaagos sa kanilang mukha nang dahil sa sarili nilang karupukan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagbabahagi ng mga pighati ang sinuman sa Akin. Ngayon, lahat kayo ay namumuhay sa Aking harapan; bukas, iiral kayong lahat sa Aking kaharian. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa tao? Dahil sa halagang ibinabayad ninyo ngayon, mamanahin ninyo ang mga pagpapala ng hinaharap at mamumuhay kayo sa gitna ng Aking maluwalhating liwanag. Ayaw pa rin ba ninyong makipag-ugnayan sa diwa ng Aking Espiritu? Nais pa rin ba ninyong paslangin ang inyong sarili? Handa ang mga tao na hangarin ang mga pangakong nakikita nila, kahit panandalian lamang ang mga iyon, subalit walang sinumang handang tumanggap sa mga pangako ng kinabukasan, kahit tatagal ang mga ito nang walang hanggan. Ang mga bagay na nakikita ng tao ay ang mga bagay na pupuksain Ko, at ang mga bagay na hindi nahahawakan ng tao ay ang mga bagay na tutuparin Ko. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 20

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 583

Sa Aking liwanag, muling nakikita ng mga tao ang liwanag. Sa Aking salita, nakakamit ng mga tao ang mga bagay para sa pagtatamasa nila. Nagmula Ako sa Silangan, nagsimula Ako mula sa Silangan. Kapag sumisikat ang liwanag ng Aking kaluwalhatian, naiilawan ang di-mabilang na mga bansa, lahat ay natatanglawan, wala ni isa mang bagay ang nananatili sa kadiliman. Sa kaharian, ang buhay na ipinamumuhay ng mga tao ng Diyos sa Kanyang piling ay walang kapantay ang saya. Sumasayaw sa tuwa ang mga tubig sa pinagpalang buhay ng mga tao, nagtatamasa ang mga kabundukan sa Aking kasaganaan kasama ng mga tao. Lahat ng tao ay nagpupunyagi, nagtatrabaho nang husto, nagpapakita ng kanilang debosyon sa Aking kaharian. Sa kaharian, wala nang paghihimagsik, wala nang paglaban; umaasa ang kalangitan at ang lupa sa isa’t isa, nagkakalapit Ako at ang sangkatauhan na may malalim na damdamin, matamis na namumuhay nang magkakasama, sumasandal sa isa’t isa…. Sa panahong ito, pormal Kong sinisimulan ang Aking buhay sa langit. Wala na ang panggugulo ni Satanas, at pumapasok na sa kapahingahan ang mga tao. Sa sansinukob, ang Aking hinirang na mga tao ay namumuhay sa loob ng liwanag ng Aking kaluwalhatian, pinagpala nang walang katulad, hindi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng mga tao, kundi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng Diyos. Napagdaanan ng lahat ng tao ang paggawang tiwali ni Satanas, at ininom nang husto ang pait at tamis ng buhay. Ngayon, habang nabubuhay sa Aking liwanag, paanong hindi sila magagalak? Paanong basta na lamang nilang babalewalain ang magandang sandaling ito at palalagpasin ito? Kayong mga tao! Magmadaling kantahin ang awit sa inyong puso at sumayaw nang may kagalakan para sa Akin! Magmadaling itaas ang inyong taos na puso at ialay ito sa Akin! Magmadaling paluin ang inyong mga tambol at masayang tumugtog para sa Akin! Pinasisikat Ko ang Aking kasiyahan mula sa ibabaw ng sansinukob! Inihahayag Ko sa mga tao ang Aking maluwalhating mukha! Sisigaw Ako sa malakas na tinig! Pangingibabawan Ko ang sansinukob! Naghahari na Ako sa gitna ng mga tao! Dinadakila Ako ng mga tao! Gumagala Ako sa bughaw na kalangitan sa itaas at lumalakad ang mga tao na kasama Ko. Naglalakad Ako sa gitna ng Aking mga tao at pinalilibutan nila Ako! Nag-uumapaw sa kasayahan ang puso ng mga tao, niyayanig ng kanilang mga matunog na awit ang sansinukob, at binabasag ang kaitaasan! Hindi na nasusukluban ng hamog ang sansinukob; wala nang putik, wala nang naiipong maruming tubig. Mga banal na tao ng sansinukob! Sa ilalim ng Aking inspeksiyon, ipinapakita nila ang kanilang tunay na mukha. Hindi sila mga taong natatakpan ng dumi, kundi mga banal na kasingpuro ng jade, lahat sila ay Aking minamahal, lahat sila ay Aking kasiyahan! Lahat ng bagay ay muling nabubuhay. Lahat ng banal ay bumalik upang paglingkuran Ako sa langit, pumapasok sa Aking mainit na yakap, hindi na luhaan, hindi na nag-aalala, inaalay ang kanilang sarili sa Akin, bumabalik sa Aking tahanan, at sa kanilang bayang-tinubuan, mamahalin nila Ako nang walang humpay! Hindi nagbabago sa buong kawalang-hanggan! Nasaan ang kalungkutan! Nasaan ang mga luha! Nasaan ang laman! Wala na ang mundo, ngunit ang langit ay magpakailanman. Nagpapakita Ako sa di-mabilang na mga tao, at pinupuri Ako ng di-mabilang na mga tao. Ang buhay na ito, ang kagandahang ito, noon pa mang unang panahon hanggang sa katapusan ng panahon ay hindi magbabago. Ito ang buhay ng kaharian.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Magalak Kayong Lahat na mga Tao!

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 584

Nakagawa na Ako ng maraming gawain sa gitna ninyo, at siyempre, nakapagsabi na rin ng ilang salita. Ngunit hindi Ko mapigilang maramdaman na hindi pa lubusang natupad ng mga salita Ko at ng gawain Ko ang layon ng gawain Ko sa mga huling araw. Dahil sa mga huling araw, ang gawain Ko ay hindi alang-alang sa isang tiyak na tao o tiyak na mga tao, kundi upang ibunyag ang likas Kong disposisyon. Gayunman, dahil sa napakaraming kadahilanan—marahil kakulangan ng panahon o sobrang pagiging abala sa gawain—hindi pa nagtamo ang tao ng anumang kaalaman tungkol sa Akin mula sa disposisyon Ko. Kaya’t sinisimulan Ko ang bago Kong plano, ang pangwakas Kong gawain, at nagbubukas ng isang bagong pahina sa gawain Ko, upang ang lahat ng nakakakita sa Akin ay hahampasin ang kanilang dibdib at tatangis at mananaghoy nang walang patid dahil sa pag-iral Ko. Ito ay dahil inihahatid Ko sa mundo ang katapusan ng sangkatauhan, at mula ngayon, inilalantad Ko ang buo Kong disposisyon sa harap ng sangkatauhan, upang ang lahat ng nakakakilala sa Akin at ang lahat ng hindi ay lubos na masiyahan sa kanilang nakikita at makakita na tunay ngang dumating na Ako sa daigdig ng tao, dumating na sa lupa kung saan dumarami ang lahat ng bagay. Ito ang plano Ko, at ang tangi Kong “pagtatapat” mula nang likhain Ko ang sangkatauhan. Maibigay nawa ninyo ang buong pansin sa bawat galaw Ko, dahil minsan pang lumalapit ang pamalo Ko sa sangkatauhan, sa lahat ng sumasalungat sa Akin.

Kasabay ang mga kalangitan, sinisimulan Ko ang gawaing nais Kong gawin. Kaya’t naglalakad Ako sa gitna ng daloy ng mga tao at kumikilos sa pagitan ng langit at lupa. Hindi kailanman namalayan ng mga tao ang mga galaw Ko o napansin ang mga salita Ko. Samakatuwid, maayos pa ring sumusulong ang plano Ko. Dahil lamang naging lubhang manhid ang lahat ng inyong pakultad kung kaya’t hindi ninyo alintana ang mga hakbang ng gawain Ko. Ngunit tiyak na darating ang araw na matatanto ninyo ang mga layunin Ko. Ngayon, namumuhay Akong kasama ninyo at nagdurusang kasama ninyo, at malaon Ko nang napagtanto ang saloobin ng sangkatauhan sa Akin. Hindi Ko nais na magsalita pa tungkol dito, lalong hindi Ko nais na dulutan kayo ng kahihiyan sa pagtukoy ng higit pang mga pangyayari ng masakit na paksang ito. Umaasa lamang Ako na matatandaan ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng nagawa ninyo, upang magkabilangan tayo sa araw ng muli nating pagkikita. Hindi Ko nais paratangan nang mali ang sinuman sa inyo, dahil lagi Akong kumikilos nang patas at makatwiran, at may dangal. Siyempre, umaasa rin Ako na kayo ay magiging bukas at matapat, at hindi gagawa ng anumang laban sa langit at lupa o sa inyong budhi. Ito lamang ang bagay na hinihingi Ko sa inyo. Maraming tao ang nakokonsensiya at naiilang dahil nakagawa sila ng mga kahindik-hindik na kasamaan, at marami ang ikinahihiya ang mga sarili nila dahil hindi sila kailanman nakagawa ng isang mabuting bagay. Ngunit marami rin sila, na sa halip na makadama ng kahihiyan dahil sa kanilang mga kasalanan, ay nagiging palala nang palala, ganap na isinisiwalat ang kanilang kasuklam-suklam na mga katangian—na hindi pa lubusang nalalantad—upang subukin ang disposisyon Ko. Hindi Ko iniisip, o pinapansin, ang mga kilos ng sinumang tao. Sa halip, ginagawa Ko ang gawaing dapat Kong gawin, maging ito man ay paglikom ng impormasyon, o paglalakbay sa lupain, o paggawa ng isang bagay na umaayon sa mga interes Ko. Sa mahahalagang pagkakataon, ipinagpapatuloy Ko ang gawain Ko sa gitna ng mga tao tulad ng orihinal na pagkakaplano, hindi nahuhuli o napaaaga ng isa mang saglit, at nang may kapwa alwan at kasimplehan. Gayunman, sa bawat hakbang ng gawain Ko, ang ilan ay iwinawaksi, dahil kinapopootan Ko ang kanilang mga pambobola at pakunwaring pagsunod. Silang mga kasuklam-suklam para sa Akin ay tiyak na aabandonahin; anuman ang isipin ng mga tao, ano’t anuman ay idudulot Kong lumayo sa Akin ang lahat ng kinapopootan Ko. Hindi na kailangang sabihin pa, hindi Ko palalampasin ang masasamang taong nananatili sa tahanan Ko. Dahil nalalapit na ang araw ng kaparusahan ng tao, hindi Ako nagmamadaling palayasin mula sa sambahayan Ko ang lahat ng mga kapoot-poot na kaluluwang iyon, sapagkat may sarili Akong plano.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 585

Ngayon ang panahon na itinatakda Ko ang kalalabasan ng bawat tao, hindi ang yugto na sinimulan Kong gawaan ang tao. Isinusulat Ko sa Aking talaang aklat, isa-isa, ang mga salita at kilos ng bawat tao, ang kanyang landas sa pagsunod sa Akin, ang kanyang likas na klasipikasyon, at ang kanyang mga pagpapamalas sa huli. Sa ganitong paraan, anumang uri ng tao sila, walang sinumang makatatakas sa kamay Ko, at ang lahat ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri batay sa Aking pagtatalaga. Itinatakda Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, o dami ng pagdurusa, lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong maunawaan na parurusahan ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos nang walang eksepsiyon. Isa itong bagay na hindi mababago ng sinumang tao. Samakatwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan dahil sa katuwiran ng Diyos at bilang ganting-parusa sa kanilang maraming masasamang gawa. Wala pa Akong ginawang isa mang pagbabago sa plano Ko mula nang simulan ito. Sadya lamang na sa pananaw ng tao, tila nababawasan ang bilang ng mga pinatutungkulan Ko ng mga salita Ko, pati na rin ang mga tunay Kong sinasang-ayunan. Gayunman, pinaninindigan Ko na hindi pa kailanman nagbago ang plano Ko; sa halip, ang pananalig at pag-ibig ng tao ang nagbabago sa tuwina, humihina sa tuwina, hanggang sa punto na posible para sa bawat tao na magbago mula sa pambobola sa Akin tungo sa pagiging malamig sa Akin o pagpapalayas pa nga sa Akin. Ang saloobin Ko sa inyo ay hindi magiging mainit ni malamig, hanggang sa makaramdam Ako ng pagkasuklam at pagkapoot, at sa wakas ay magpataw ng kaparusahan. Gayunman, sa araw ng inyong kaparusahan, makikita Ko pa rin kayo, ngunit hindi na ninyo magagawang makita Ako. Dahil ang pakikipamuhay sa gitna ninyo ay naging nakakaburyo at nakakabagot na sa Akin, kaya, hindi na kailangang sabihin pa, nakapili na Ako ng ibang mga kapaligiran na paninirahan, upang lalong maiwasan ang sakit na dulot ng inyong mga mapaminsalang salita at layuan ang inyong di-mababatang nakaririmarim na kilos, upang hindi na ninyo Ako malinlang o ituring Ako nang pabasta-basta na lamang. Bago Ko kayo iwan, dapat Ko pa rin kayong hikayating umiwas sa paggawa ng mga bagay na hindi naaayon sa katotohanan. Sa halip, dapat ninyong gawin yaong nakalulugod sa lahat, yaong nagdadala ng pakinabang sa lahat, at yaong may pakinabang sa sarili ninyong hantungan, kung hindi, wala nang ibang magdurusa sa gitna ng sakuna kundi kayo mismo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 586

Ang awa Ko ay ipinapahayag sa mga nagmamahal sa Akin at tumatalikod sa kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masasamang tao ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang sumunod sa Akin sa loob ng maraming taon pero nakagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakikita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng lubos na katapatan sa Akin ay magagalak at papalakpak, pinupuri ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang isang di-mailarawang lagay ng loob ng kaligayahang walang inaalala at mabubuhay sila sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinapopootan ang kanyang masasamang gawa. Mula nang simulan Kong unang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang grupo ng mga taong kaisa Ko sa isipan. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa isipan; palagi Ko silang kinamumuhian sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong mapanagot sila sa kanilang masasamang gawa, na ikalulugod Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!

Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng destinasyon ng tao. Higit pa rito, ito ay alang-alang sa pagdulot sa lahat ng tao na kilalanin ang mga gawa at mga kilos Ko. Ipapakita Ko sa bawat tao na ang lahat ng nagawa Ko ay tama at isang pagpapahayag ng disposisyon Ko, na hindi ito kagagawan ng tao, at lalong hindi ito kalikasan na nagluwal sa sangkatauhan, at na sa halip ay Ako ang nagtutustos sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa gitna ng lahat ng bagay. Kung wala ang pag-iral Ko, mamamatay lamang ang sangkatauhan at magdurusa sa hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang makakikitang muli kailanman sa napakarikit na araw at buwan, o sa luntiang mundo; tanging madilim at malamig na gabi lamang ang sasapitin ng sangkatauhan at ang di-matatakasang lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang katubusan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, sa Akin Mismo nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan, kung wala Ako, magdurusa lang ng nakasisirang kalamidad at mayuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na masusuklian Ako ng tao ng ilang mabuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang magsukli sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng gawain na malapit nang maganap, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at labis Akong nasisiyahan. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Ano’t anuman, umaasa Akong maghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa hantungan ninyo. Saka lang Ako malulugod; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa daluyong ng sakuna. Nagmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay pinamamatnugutan Ko. Kung hindi kayo magmumukhang mabuti sa paningin Ko, hindi kayo makatatakas mula sa pagdurusa sa sakuna. Sa gitna ng kapighatian, ang mga kilos at mga gawa ninyo ay hindi itinuring na lubos na naaangkop, dahil hungkag ang pananampalataya at pagmamahal ninyo, at ipinakita lamang ninyo ang mga sarili ninyo na duwag o malakas. Tungkol dito, gagawa lamang Ako ng pagsusuri ng mabuti o masama. Ang inaalala Ko pa rin ay ang mga kilos at gawa, at lahat ng pagpapamalas ng bawat isa sa inyo, na siyang batayan kung saan itatakda Ko ang mga kalalabasan ninyo. Gayunman, dapat Ko itong gawing malinaw: Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, hindi Ko gusto ang sinumang minsan nang nagkanulo sa Akin, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang lubusang nangwawasak sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng kaluwagan mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging tapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 587

Sa kalawakan ng mundo, ang mga karagatan ay nagiging mga kabukiran, at ang mga kabukiran ay nagiging mga karagatan, nang napakaraming beses. Maliban sa Kanya na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa gitna ng lahat ng bagay, walang sinuman ang may kakayahang umakay at gumabay sa sangkatauhang ito. Walang sinumang “makapangyarihang tao” ang nagpapakapagod o naghahanda para sa sangkatauhang ito, lalo nang walang sinumang nakakaakay sa sangkatauhang ito na kumilos tungo sa hantungan ng liwanag at lumaya sa mga kawalan ng katarungan ng mundo ng tao. Naghihinagpis ang Diyos sa kinabukasan ng sangkatauhan, nagdadalamhati Siya sa pagbagsak ng sangkatauhan, at nasasaktan Siya na hakbang-hakbang na naglalakad ang sangkatauhan patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang sinumang nakaisip tungkol dito: Saan maaaring tumungo ang gayong sangkatauhan, na lubusang dumurog sa puso ng Diyos at tumalikod sa Kanya para hanapin ang masama? Ito mismo ang dahilan kung bakit walang sumusubok na damhin ang galit ng Diyos, kung bakit walang naghahanap sa daang nakakalugod sa Diyos o sumusubok na mapalapit sa Diyos, at lalong higit na walang sinuman ang nagtatangkang unawain ang pagdadalamhati at pasakit ng Diyos. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, ang tao ay nagpapatuloy sa sarili nitong landas, patuloy na tinatalikuran ang Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa katotohanan ng Diyos, mas ginugustong ibenta ang sarili nito kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip, kapag nagpupumilit ang tao sa katigasan ng kanyang ulo, kung paano tatratuhin ng Diyos ang sangkatauhang ito na labis na nagbabalewala sa Kanya? Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalaala at panghihikayat ng Diyos sa tao ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang mga kalamidad na wala pang katulad, mga kalamidad na hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao, hindi lamang isang kaparusahan sa laman, kundi mga kaparusahan na pumupuntirya sa kaluluwa ng tao. Kailangan mong malaman ito: Anong klase ng galit ang pakakawalan ng Diyos kapag hindi natupad ang plano Niya, at kapag hindi nasuklian ang Kanyang mga paalaala at panghihikayat? Isang bagay ito na hindi pa kailanman naranasan o nalaman ng sinumang nilikha. Kaya sinasabi Ko, ang mga kalamidad na ito ay wala pang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang sangkatauhan, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatwid, walang makakaunawa sa mga masidhing layunin at taimtim na pag-aasam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 588

May kaunting pagkaunawa ang tao sa gawain ng kasalukuyan at sa gawain sa hinaharap, ngunit hindi niya nauunawaan kung anong hantungan ang papasukin ng sangkatauhan. Bilang isang nilikha, kailangang gampanan ng tao ang tungkulin ng isang nilikha. Kailangang sundin ng tao ang Diyos sa anumang Kanyang ginagawa; dapat kayong magpatuloy sa anumang paraang sabihin Ko sa inyo. Wala kang paraan upang mamahala ng mga bagay para sa iyong sarili, at wala kang kontrol sa iyong sarili. Ang lahat ay dapat ipaubaya sa pamamatnugot ng Diyos, at lahat ay nasa Kanyang mga kamay. Kung sa Kanyang gawain, binigyan ng Diyos ang tao ng isang kinalabasan, isang kamangha-manghang hantungan, nang mas maaga, at kung ginamit ito ng Diyos upang hikayatin ang tao at pasunurin ang tao sa Kanya—kung gumawa Siya ng kasunduan sa tao—hindi ito magiging paglupig, ni para gawaan ang buhay ng tao. Kung gagamitin ng Diyos ang kinalabasan ng tao upang kontrolin siya at matamo ang kanyang puso, sa ganito ay hindi Niya gagawing perpekto ang tao, ni magagawa Niyang matamo ang tao, bagkus ay gagamitin ang hantungan upang kontrolin siya. Walang inaalala ang tao nang higit pa sa kinalabasan sa hinaharap, ang huling hantungan, at kung mayroon man o walang mabuting bagay na aasahan. Kung bibigyan ang tao ng magandang pag-asa sa panahon ng gawain ng panlulupig, at kung, bago pa ang paglupig sa tao, nabigyan siya ng isang wastong hantungan na hahangaring matamo, hindi lamang hindi matatamo ng gawain ng panlulupig sa tao ang epekto nito, kundi maiimpluwensiyahan din ang epekto ng gawain ng panlulupig. Ibig sabihin, nakakamit ng gawain ng panlulupig ang epekto nito sa pamamagitan ng pag-aalis sa kapalaran at kinabukasan ng tao at paghatol at pagkastigo sa mapanghimagsik na disposisyon ng tao. Hindi ito nakakamit sa pamamagitan ng paggawa ng isang kasunduan sa tao, ibig sabihin, sa pamamagitan ng pagbibigay sa tao ng mga pagpapala at biyaya, kundi sa pamamagitan ng pag-aalis sa tao ng kanyang “kalayaan” at pagbura sa kanyang kinabukasan, at nang sa gayon ay nakikita kung gaano siya katapat. Ito ang diwa ng gawain ng panlulupig. Kung binigyan ang tao ng magandang pag-asa sa pinakasimula, at ang gawain ng pagkastigo at paghatol ay ginawa pagkatapos, tatanggapin ng tao ang pagkastigo at paghatol na ito sa batayang nagkaroon siya ng kinabukasan, at sa katapusan, ang walang-kondisyong pagpapasakop at pagsamba sa Lumikha ng lahat ng nilikha ay hindi makakamit; magkakaroon lamang ng bulag at walang-muwang na pagpapasakop, o kung hindi ang tao ay gagawa ng bulag na mga paghingi sa Diyos, at magiging imposible na ganap na malupig ang puso ng tao. Dahil dito, magiging imposible para sa gayong gawain ng panlulupig na makamit ang tao, lalo na ang makapagpatotoo ang tao sa Diyos. Ang gayong mga nilikha ay hindi makakaganap ng kanilang tungkulin at makikipagtawaran lamang sa Diyos; hindi ito magiging paglupig, kundi habag at pagpapala. Ang pinakamalaking suliranin ng tao ay na palagi niyang iniisip ang kanyang kapalaran at kinabukasan, at iniidolo niya ang mga bagay na ito. Hinahangad ng tao ang Diyos alang-alang sa kanyang kapalaran at kinabukasan; hindi niya sinasamba ang Diyos dahil sa kanyang pagmamahal sa Diyos. Kung kaya, sa paglupig sa tao, ang pagkamakasarili, kasakiman, at mga bagay na pinakahadlang sa pagsamba ng tao sa Diyos ay dapat pungusan lahat. Sa paggawa nito, ang paglupig sa tao ay naisakatuparan. Bilang resulta, sa mga unang yugto ng paglupig sa tao, kinakailangan munang alisin ang mga labis na ambisyon at ang pinakanakapagpapabagsak na kahinaan ng tao, sa gayon ay maibunyag ang mapagmahal-sa-Diyos na puso ng tao at mabago ang kanyang kaalaman tungkol sa buhay ng tao, ang kanyang pananaw sa Diyos, at ang kahulugan ng kanyang pag-iral. Sa ganitong paraan, nagiging dalisay ang mapagmahal-sa-Diyos na puso ng tao, na ang ibig sabihin, ang puso ng tao ay nalulupig. Ngunit sa saloobin ng Diyos tungo sa lahat ng nilikha, hindi nanlulupig ang Diyos para lamang sa kapakanan ng panlulupig; sa halip, Siya ay nanlulupig upang makamit ang tao, para sa Kanyang sariling kaluwalhatian, at upang mabawi ang pinakauna at orihinal na wangis ng tao. Kung Siya ay manlulupig para lamang sa kapakanan ng paglupig, ang kabuluhan ng gawain ng panlulupig ay mawawala. Ibig sabihin, kung nilupig lang ng Diyos ang tao, at pagkatapos gawin iyon ay pinabayaan na ng Diyos ang tao, at hindi binigyang-pansin ang buhay o kamatayan ng tao, hindi na ito magiging pamamahala sa sangkatauhan, ni hindi ito magiging alang-alang sa kanyang kaligtasan. Ang pagkamit lamang sa tao pagkatapos siyang malupig, at sa huli ay magdadala sa sangkatauhan sa isang kamangha-manghang hantungan, ay nasa sentro ng lahat ng gawain ng pagliligtas, at ito lamang ang magkakamit ng mithiin ng kaligtasan ng tao. Sa madaling sabi, ang pagdating lamang ng tao sa kamangha-manghang hantungan at ang kanyang pagpasok sa kapahingahan ang kinabukasan na dapat taglayin ng lahat ng nilikha, at ang gawain na dapat gawin ng Lumikha. Kung tao ang gagawa ng gawaing ito, masyado itong magiging limitado: Maaari nitong madala ang tao hanggang sa isang punto, ngunit hindi nito madadala ang tao sa walang-hanggang hantungan. Hindi kayang pagpasyahan ng tao ang tadhana ng tao, lalong hindi niya kayang tiyakin ang mga kinabukasan ng tao at hantungan sa hinaharap. Subalit, ang gawaing ginagawa ng Diyos ay naiiba. Yamang nilikha Niya ang tao, pinangungunahan Niya ito; yamang inililigtas Niya ang tao, ililigtas Niya ito nang lubusan, at ganap na kakamtin; yamang pinangungunahan Niya ang tao, dadalhin Niya ito sa wastong hantungan; at yamang nilikha Niya at pinamamahalaan ang tao, kailangan Niyang akuin ang pananagutan sa kapalaran at kinabukasan ng tao. Ito ang gawaing ginagawa ng Lumikha. Bagama’t ang gawain ng panlulupig ay nakakamit sa pamamagitan ng pagbura sa kinabukasan ng tao, ang tao sa kahuli-hulihan ay dapat na madala sa wastong hantungan na inihanda para sa kanya ng Diyos. Mismong dahil ginagawaan ng Diyos ang tao na ang tao ay may hantungan at ang kanyang kapalaran ay natitiyak na. Dito, ang wastong hantungan na tinutukoy ay hindi ang mga dating naburang pag-asa at kinabukasan ng tao; ang dalawa ay magkaiba. Ang mga inaasam at hinahangad ng tao ay ang mga bagay na pinananabikan niya sa panahon ng paghahangad niya ng maluluhong pagnanais ng laman, sa halip na ang hantungan na marapat sa tao. Samantala, ang inihanda ng Diyos para sa tao ay ang pagpapala at pangako na nararapat sa tao sa sandaling siya ay madalisay, na inihanda ng Diyos para sa tao matapos likhain ang mundo, at hindi nababahiran ng mga pagpili, mga kuru-kuro, imahinasyon, o laman ng tao. Ang hantungang ito ay hindi inihanda para sa isang partikular na tao, kundi ito ang dako ng kapahingahan ng buong sangkatauhan. At kaya, ang hantungang ito ang pinakaangkop na hantungan para sa sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 589

Nilalayon ng Lumikha na pamatnugutan ang mga nilikha. Anuman ang Kanyang ginagawa, hindi mo dapat subukang takasan ito—dapat kang sumunod sa Kanya at hindi maging mapanghimagsik sa Kanya. Kapag sa huli ay nakamit ng gawain na Kanyang ginagawa ang Kanyang mga mithiin, dito Siya magtatamo ng kaluwalhatian. Ngayon, bakit walang sinasabi tungkol sa iyo bilang ang inapo ni Moab o ang anak ng malaking pulang dragon, walang sinasabi tungkol sa mga hinirang na tao, at may sinasabi lamang tungkol sa mga nilikha? Ito ang orihinal na katawagan sa tao, ang orihinal niyang pagkakakilanlan—ng pagiging isang nilikha. Nagkakaiba-iba lamang ang mga pangalan sapagkat magkakaiba ang mga panahon at yugto ng gawain; sa katunayan, ang tao ay isang ordinaryong nilikha. Ang lahat ng nilikha, maging sila man ang pinakatiwali o ang pinakabanal, ay dapat gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Kapag isinasakatuparan ng Diyos ang gawain ng panlulupig, hindi ka Niya kinokontrol gamit ang iyong kinabukasan, kapalaran o hantungan. Hindi naman talaga kailangang gumawa sa ganitong paraan. Ang minimithi ng gawain ng panlulupig ay ang idulot na gampanan ng tao ang tungkulin ng isang nilikha, ang pasambahin siya sa Lumikha; pagkatapos lamang nito saka siya makakapasok sa kamangha-manghang hantungan. Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili. Kahit na parating nagkukumahog at nagpapakaabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong sariling kinabukasan, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, matatawag ka pa rin bang isang nilikha? Sa madaling sabi, paano man gumagawa ang Diyos, ang lahat ng Kanyang gawain ay alang-alang sa sangkatauhan. Katulad lang ito ng kung paanong ang mga langit at lupa at ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos para magserbisyo sa tao: Nilikha ng Diyos ang buwan, ang araw, at ang mga bituin para sa tao, nilikha Niya ang mga hayop at mga halaman para sa tao, nilikha Niya ang tagsibol, tag-araw, taglagas at taglamig para sa tao, at iba pa—ang lahat ng ito ay ginawa alang-alang sa pag-iral ng tao. At kaya, paano man kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao, ang lahat ng ito ay alang-alang sa kaligtasan ng tao. Kahit na tanggalin Niya sa tao ang makalamang mga inaasam nito, ito ay alang-alang pa rin sa pagdadalisay sa tao, at ang pagdadalisay sa tao ay ginagawa alang-alang sa pag-iral ng tao. Ang hantungan ng tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, kaya paano makokontrol ng tao ang kanyang sarili?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 590

Pagkatapos makompleto ang gawain ng paglupig, dadalhin ang tao sa isang magandang mundo. Siyempre, ang buhay na ito ay magiging nasa lupa pa rin, ngunit ito ay ganap na hindi magiging kagaya ng buhay ng tao sa ngayon. Ito ang buhay na tataglayin ng sangkatauhan matapos malupig ang buong sangkatauhan, magiging bagong simula ito para sa tao sa lupa. Ang pagkakaroon ng sangkatauhan ng gayong buhay ay magiging patunay na ang sangkatauhan ay nakapasok sa bago at magandang mundo; ito ang magiging simula ng buhay ng Diyos at tao sa lupa. Ang paunang kondisyon para sa gayong magandang buhay ay dapat na, matapos na ang tao ay madalisay at malupig, siya ay magpasakop sa harap ng Lumikha. At kaya, ang gawain ng paglupig ay ang huling yugto ng gawain ng Diyos bago pumasok ang sangkatauhan sa kamangha-manghang hantungan. Ang gayong buhay ay ang buhay ng tao sa lupa sa hinaharap, ito ang pinakamagandang buhay sa lupa, ang uri ng buhay na kinasasabikan ng tao, ang uri na hindi pa kailanman nakamtan ng tao sa kasaysayan ng mundo. Ito ang huling kinalabasan ng 6,000 taon ng gawain ng pamamahala; ito ang pinakakinasasabikan ng sangkatauhan, at ito rin ang pangako ng Diyos sa tao. Ngunit ang pangakong ito ay hindi kaagad matutupad: Papasok lamang ang tao sa hantungan sa hinaharap sa sandaling matapos na ang gawain sa mga huling araw at siya ay ganap nang malupig, iyon ay, sa sandaling ganap nang matalo si Satanas. Matapos mapino ang tao, mawawalan na siya ng makasalanang kalikasan, dahil nagapi na ng Diyos si Satanas, na nangangahulugan na hindi na makapanghihimasok ang mga mapanlabang puwersa, at wala nang mga mapanlabang puwersa na makakasalakay sa laman ng tao. At kaya magiging malaya at pinabanal ang tao—siya ay makakapasok sa kawalang-hanggan. Kapag ang mga mapanlabang puwersa ng kadiliman ay naigapos na at malaya ang tao saan man siya magpunta, saka lamang wala nang paghihimagsik o pagsalungat ang tao. Kailangan lamang maigapos si Satanas para maging maayos ang tao; ganito ang kasalukuyang sitwasyon dahil naghahasik pa rin si Satanas ng kaguluhan kahit saan sa lupa, at sapagkat hindi pa umaabot sa katapusan ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa sandaling natalo na si Satanas, ang tao ay magiging lubos nang malaya; kapag natamo na ng tao ang Diyos at nakalabas na mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, kanyang mapagmamasdan ang Araw ng katuwiran. Ang buhay na karapat-dapat sa normal na tao ay mababawi; lahat ng dapat mataglay ng isang normal na tao—kagaya ng kakayahan na kilatisin ang mabuti sa masama, at pagkaunawa kung paano kumain at damitan ang sarili, at ang kakayahan na mamuhay nang normal—ang lahat ng ito ay mababawi. Matapos unang likhain ang tao, kahit na hindi natukso ng ahas si Eba, ang tao ay nagkaroon dapat ng ganitong normal na buhay. Siya dapat ay nakakain, nadamitan, at namuhay ng normal na buhay ng tao sa lupa. Ngunit pagkatapos na ang tao ay naging imoral, ang buhay na ito ay naging ilusyon na hindi makakamit, at kahit ngayon hindi naglalakas-loob ang tao na guni-gunihin ang gayong mga bagay. Sa katunayan, itong magandang buhay na kinasasabikan ng tao ay isang pangangailangan: Kung ang tao ay walang gayong hantungan, ang kanyang buhay sa lupa na imoral ay hindi kailanman titigil, at kung walang gayong kagandang buhay, hindi na magkakaroon ng pagtatapos ang kapalaran ni Satanas o ang kapanahunan kung saan nasa kapamahalaan ni Satanas ang lupa. Kailangang makarating ang tao sa isang kinasasaklawan na hindi naaabot ng mga puwersa ng kadiliman, at kapag nagawa na niya iyon, patutunayan nito na natalo na si Satanas. Kaya, kapag walang panggugulo ni Satanas, at ang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos Mismo, at ang buong buhay ng tao ay hawak ng Diyos at nasa ilalim ng Kanyang kontrol, saka lamang ito matatawag na pagkatalo ni Satanas. Ang buhay ng tao ngayon ay kalimitang buhay ng karumihan; isa pa rin itong buhay ng pagdurusa at kapighatian. Hindi ito matatawag na pagkatalo ni Satanas; ang tao ay hindi pa nakakatakas mula sa dagat ng pagdurusa, hindi pa nakakatakas mula sa pagdurusa ng buhay ng tao, o sa impluwensiya ni Satanas, at siya ay may kakatiting pa rin lamang na pagkakilala sa Diyos. Ang lahat ng pagdurusa ng tao ay nilikha ni Satanas; si Satanas ang nagdala ng paghihirap sa buhay ng tao, at pagkatapos lamang na maigapos si Satanas saka makakatakas nang lubos ang tao mula sa dagat ng pagdurusa. Ngunit ang pagkagapos ni Satanas ay nakakamit sa pamamagitan ng paglupig at pagkamit sa puso ng tao, sa pamamagitan ng pagdudulot sa tao na maging mga samsam sa digmaan laban kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 591

Ang pagiging mananagumpay at magawang perpekto ay ang mga bagay na hinahangad ng tao ngayon bago siya magkaroon ng isang normal na buhay ng tao sa lupa, at ang mga ito ay ang mga layunin na hinahangad ng tao bago ang pagkagapos ni Satanas. Sa diwa, ang paghahangad ng tao na maging isang mananagumpay, magawang perpekto, o magawang lubhang kapaki-pakinabang, ay upang makatakas sa impluwensiya ni Satanas: Ang paghahangad ng tao ay upang maging mananagumpay, ngunit ang huling kalalabasan ay ang kanyang pagtakas mula sa impluwensiya ni Satanas. Basta’t tumatakas ang tao mula sa impluwensiya ni Satanas, maaari siyang mamuhay ng normal na buhay ng tao sa lupa, ng buhay ng pagsamba sa Diyos. Ang pagiging mananagumpay at magawang perpekto ay ang mga bagay na hinahangad ng tao ngayon bago ang pagkakaroon ng normal na buhay ng tao sa lupa. Pangunahing hinahangad ang mga ito para sa kapakanan ng pagiging nalinis at pagsasagawa ng katotohanan, at upang sambahin ang Lumikha. Kung tinataglay ng tao ang isang normal na buhay ng tao sa lupa, isang buhay na walang pagdurusa o kapighatian, hindi hahangarin ng tao na maging mananagumpay. Ang “maging mananagumpay” at “magawang perpekto” ang mga layunin na ibinibigay ng Diyos sa tao upang hangaring matamo, at sa pamamagitan ng paghahangad na matamo ang mga layuning ito, binibigyang-daan Niya ang tao na isagawa ang katotohanan at isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Ang layunin ay ang gawing ganap ang tao at makamit siya, at ang paghahangad na maging mananagumpay o magawang perpekto ay isa lamang kaparaanan. Kung sa hinaharap ay pumasok ang tao sa kamangha-manghang hantungan, wala nang magiging pagbanggit sa pagiging mananagumpay at sa pagiging nagawang perpekto; magkakaroon na lamang ng pagganap sa kanyang tungkulin ang bawat nilikha. Ngayon, ginagawa ang tao na hangaring matamo ang mga bagay na ito upang magtalaga lamang ng isang saklaw sa tao, nang sa gayon ang paghahangad ng tao ay maging mas tutok at praktikal. Kung hindi, mabubuhay ang tao sa gitna ng malabong pagiging abstrakto, at maghahangad na makapasok sa buhay na walang hanggan, at kung nagkaganoon nga, hindi ba magiging mas kaawa-awa pa ang tao? Ang maghangad sa ganitong paraan, na walang mga mithiin o mga prinsipyo—hindi ba ito pandaraya sa sarili? Sa kahuli-hulihan, ang paghahangad na ito ay likas na magiging walang-bunga; sa katapusan, ang tao ay mamumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at hindi makakayang alisin ang kanyang sarili mula rito. Bakit niya isasailalim ang kanyang sarili sa gayong walang-layon na paghahangad? Kapag pumasok na ang tao sa walang hanggang hantungan, sasambahin ng tao ang Lumikha, at sapagkat naligtas at nakapasok na ang tao sa kawalang-hanggan, hindi na maghahangad ang tao ng anumang mga layon, lalong hindi na niya kailangang mag-alala na siya ay kukubkubin ni Satanas. Sa panahong ito, mananatili ang bawat tao sa kanyang lugar, at gagampanan ang kanyang tungkulin, at kahit na hindi siya kakastiguhin ni hahatulan, gagampanan ng bawat tao ang kani-kanilang tungkulin. Sa panahong iyon, ang tao ay magiging isang nilikha kapwa sa pagkakakilanlan at sa katayuan. Wala nang magiging pagkakaiba ng mataas at mababa; ang bawat tao ay gagampan na lamang ng magkakaibang papel. Ngunit ang tao ay mamumuhay pa rin sa isang maayos at angkop na hantungan para sa sangkatauhan; gagampanan ng tao ang kanyang tungkulin para sumamba sa Lumikha, at ang sangkatauhang ito ang magiging sangkatauhan ng kawalang-hanggan. Sa panahong iyon, magtatamo na ang tao ng isang buhay na natanglawan ng Diyos, isang buhay na nasa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos, at mamumuhay nang kasama ang Diyos. Magkakaroon ang sangkatauhan ng isang normal na buhay sa lupa, at ang lahat ng tao ay papasok sa tamang landas. Lubos nang magagapi ng 6,000-taong plano ng pamamahala si Satanas, ibig sabihin nito ay mapanunumbalik na ng Diyos ang orihinal na wangis ng tao matapos siyang likhain sa lupa, at sa gayon, ang orihinal na mga layunin ng Diyos ay matutugunan na. Sa simula, bago pa ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, namuhay ang sangkatauhan ng isang normal na buhay sa lupa. Kinalaunan, nang siya ay ginawang tiwali ni Satanas, nawala sa tao ang normal na buhay na ito, at doon nag-umpisa ang gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang pakikipagdigma kay Satanas upang ipanumbalik ang normal na buhay ng tao. Kapag natapos ang 6,000-taong gawain ng pamamahala ng Diyos, saka lang opisyal na magsisimula ang buhay ng buong sangkatauhan sa lupa; saka lamang magkakaroon ang tao ng napakagandang buhay, at ipapanumbalik ng Diyos ang Kanyang layon sa paglikha sa tao noong pasimula, pati na ang orihinal na wangis ng tao. At kaya, sa sandaling magkaroon na ang tao ng normal na buhay ng sangkatauhan sa lupa, hindi na hahangarin ng tao na maging mananagumpay o magawang perpekto, sapagkat ang tao ay gagawing banal. Ang “mga mananagumpay” at ang “magawang perpekto” na binabanggit ng mga tao ay ang mga layuning ibinigay sa tao upang hangarin sa panahon ng labanan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, at umiiral lamang ang mga iyon sapagkat nagawang tiwali ang tao. Sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng layunin, at pagsasanhi sa iyo na hangarin ang layunin na ito, na si Satanas ay matatalo. Ang paghingi sa iyo na maging isang mananagumpay o magawang perpekto o magamit ay nangangailangan na magpatotoo ka upang hiyain si Satanas. Sa katapusan, kung mamumuhay ang mga tao ng normal na buhay ng tao sa lupa at ang lahat ay napabanal, hahangarin pa rin ba ng mga tao na maging mga mananagumpay? Hindi ba’t silang lahat ay mga nilikha? Ang pagiging isang mananagumpay at isang nagawang perpekto ay parehong nakadirekta kay Satanas, at sa karumihan ng tao. Ito bang salitang “mananagumpay” ay hindi tumutukoy sa tagumpay laban kay Satanas at sa mga mapanlabang puwersa? Kapag sinasabi mo na ikaw ay nagawa nang perpekto, ano ang nagawa nang perpekto sa loob mo? Hindi ba’t naiwaksi mo na ang iyong mga satanikong tiwaling disposisyon, at nagawang mahalin ang Diyos hanggang sa sukdulan? Ang mga gayong bagay ay sinasabi kaugnay ng maruruming bagay sa loob ng tao, at kaugnay kay Satanas; hindi sinasalita ang mga iyon kaugnay sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 592

Kapag nakamit na ng tao ang tunay na buhay ng tao sa lupa at ang buong mga puwersa ni Satanas ay naigapos, ang tao ay mamumuhay nang walang hirap sa ibabaw ng lupa. Ang mga bagay-bagay ay hindi na magiging komplikado gaya ng sa kasalukuyan: Mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, mga ugnayang panlipunan, masalimuot na ugnayang pampamilya—nagdadala ang mga iyon ng napakaraming gulo, napakalubhang pasakit! Sobrang nakakainis na mamuhay sa gitna ng lahat ng ito! Sa sandaling nalupig ang tao, ang kanyang puso at isipan ay magbabago. Magkakaroon siya ng may-takot-sa-Diyos na puso at mapagmahal-sa-Diyos na puso. Sa sandaling ang lahat ng nasa loob ng sansinukob na naghahangad na ibigin ang Diyos ay nalupig na, na ang ibig sabihin, sa sandaling natalo na si Satanas, at sa sandaling si Satanas—lahat ng puwersa ng kadiliman—ay naigapos na, kung gayon ang buhay ng tao sa lupa ay hindi magugulo, at makakapamuhay siya nang malaya sa ibabaw ng lupa. Kung ang buhay ng tao ay walang mga makalamang pakikipagrelasyon, at mga masalimuot na usapin ng laman, sa gayon ito ay magiging lalong napakadali. Ang mga kaugnayan ng laman ng tao ay masyadong komplikado, at para sa tao ang magkaroon ng ganitong mga bagay ay patunay na hindi pa niya napapalaya ang kanyang sarili sa impluwensiya ni Satanas. Kung ikaw ay magkaroon ng kaparehong ugnayan sa bawat isa sa mga kapatid, kung ikaw ay magkaroon ng kaparehong relasyon sa bawat miyembro ng iyong pamilya, kung gayon ay wala nang manggugulo sa iyo, at hindi mo na kailangan pang mag-alala tungkol sa kaninuman. Wala nang magiging mas mabuti pa, at sa ganitong paraan gagaan nang kalahati ang pagdurusa ng tao. Namumuhay ng isang normal na buhay ng tao sa lupa, ang tao ay magiging katulad ng mga anghel; bagaman nasa laman pa rin, siya ay magiging tulad na tulad ng isang anghel. Ito ang panghuling pangako, ang huling pangakong ipinagkakaloob sa tao. Sa kasalukuyan ang tao ay sumasailalim sa pagkastigo at paghatol; iniisip mo ba na ang karanasan ng tao sa gayong mga bagay ay walang kabuluhan? Ang gawain ba ng pagkastigo at paghatol ay magagawa para sa wala? Nasasabi na noong nakaraan na upang kastiguhin at hatulan ang tao ay ang ilagay siya sa walang-hanggang hukay, na ibig sabihin ay pag-aalis ng kanyang kapalaran at kinabukasan. Ito ay para sa kapakanan ng isang bagay: ang paglilinis sa tao. Ang tao ay hindi inilalagay sa walang-hanggang hukay nang sinasadya, at pagkatapos ay tinatalikuran siya ng Diyos. Sa halip, ito ay upang pungusan ang paghihimagsik sa loob ng tao, upang sa katapusan ang mga bagay na nasa loob ng tao ay maaaring malinis, upang maaaring magkaroon siya ng tunay na pagkakilala sa Diyos at maging gaya ng isang banal na tao. Kung ito ay nagagawa, kung gayon ang lahat ay matutupad. Sa katunayan, kapag iyong mga bagay sa loob ng tao na kailangang mapungusan ay napungusan, at ang tao ay matunog na nagpapatotoo, si Satanas ay matatalo rin, at kahit na mayroon pang kaunti sa mga bagay na iyon na dati nang nasa loob ng tao na hindi pa lubos na nalilinis, sa sandaling natalo si Satanas, hindi na ito magsasanhi ng panggugulo, at sa panahong iyon ang tao ay malilinis na nang lubos. Ang tao ay hindi pa kailanman nakakaranas ng gayong buhay, ngunit kapag natalo si Satanas, ang lahat ay maisasaayos at iyong mga walang kuwentang bagay sa loob ng tao ay malulutas lahat, at sa sandaling iyong pangunahing suliranin ay nalutas, lahat ng iba pang gulo ay magwawakas. Sa panahon ng pagkakatawang-taong ito ng Diyos sa lupa, kapag Kanyang personal na ginagawa ang Kanyang gawain sa gitna ng tao, ang lahat ng gawain na Kanyang ginagawa ay upang talunin si Satanas, at tatalunin Niya si Satanas sa pamamagitan ng paglupig sa tao at ng paggawang ganap sa inyo. Kapag kayo ay matunog na nagpapatotoo, ito rin ay magiging palatandaan ng pagkatalo ni Satanas. Sa una ang tao ay nilulupig at sa kahuli-hulihan ay lubos na ginagawang perpekto upang talunin si Satanas. Sa diwa, gayumpaman, kasabay ng pagkatalo ni Satanas, ito rin ang pagliligtas ng buong sangkatauhan mula sa hungkag na mundong ito ng dalamhati. Isinasakatuparan man ang gawaing ito sa buong sansinukob o sa Tsina, itong lahat ay upang talunin si Satanas at dalhin ang kaligtasan sa kabuuan ng sangkatauhan nang sa gayon ay maaaring pumasok ang tao sa dako ng kapahingahan. Ang nagkatawang-taong Diyos, itong normal na katawang-tao, ay talagang para talunin si Satanas. Ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay ginagamit upang magdala ng kaligtasan sa lahat ng nasa ilalim ng langit na umiibig sa Diyos, ito ay para sa panlulupig sa buong sangkatauhan, at, higit pa rito, ito ay para talunin si Satanas. Ang ubod ng buong gawain ng pamamahala ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa pagkatalo ni Satanas upang dalhin ang kaligtasan sa lahat ng sangkatauhan. Bakit, sa dinami-dami nitong gawain, ay lagi na lamang may usapan na kayo ay magpatotoo? At kanino patungkol ang patotoo na ito? Hindi ba ito nakadirekta kay Satanas? Ang patotoo na ito ay ginawa para sa Diyos, at ito ay ginawa upang patotohanan na nakamit na ang resulta ng gawain ng Diyos. Ang pagpapatotoo ay may kinalaman sa gawain ng pagtalo kay Satanas; kung wala ang pakikipagdigma kay Satanas, kung gayon ay hindi na kakailanganin sa tao na magpatotoo. Ito ay dahil kailangang matalo si Satanas kaya, kasabay ng pagliligtas sa tao, hinihingi ng Diyos na magpatotoo para sa Kanya ang tao sa harapan ni Satanas, na siyang ginagamit Niya upang iligtas ang tao at makipaglaban kay Satanas. Bilang resulta, ang tao ay parehong ang layon ng pagliligtas at isang kasangkapan sa pagkatalo ni Satanas, at kaya ang tao ay nasa sentro ng gawain ng kabuuang pamamahala ng Diyos, samantalang si Satanas ay ang layon lamang ng pagwasak, ang kalaban. Maaaring nararamdaman mo na wala kang nagagawa, ngunit dahil sa mga pagbabago sa iyong disposisyon, ang patotoo ay naibigay na, at ang patotoong ito ay nakatutok kay Satanas at hindi ginawa para sa tao. Ang tao ay hindi karapat-dapat na magtamasa ng gayong patotoo. Papaano niya malinaw na makikita ang gawaing ginawa ng Diyos? Ang nilalabanan ng Diyos ay si Satanas; ang tao, samantala, ay ang tanging layon ng pagliligtas. Ang tao ay may mga satanikong tiwaling disposisyon, at walang kakayahang makita nang malinaw ang gawaing ito. Ito ay dahil sa pagtitiwali ni Satanas at hindi likas sa tao, kundi minamanipula ni Satanas. Ngayon, ang pangunahing gawain ng Diyos ay upang talunin si Satanas, iyon ay, upang ganap na lupigin ang tao, nang sa gayon ang tao ay maaaring magbigay ng huling patotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas. Sa ganitong paraan, ang lahat ng bagay ay matutupad. Sa maraming kaso, sa iyong mata lamang ay mukhang walang nagagawang anuman, ngunit sa katunayan, ang gawain ay natapos na. Kinakailangan ng tao na ang lahat ng gawain ng pagtatapos ay nakikita, ngunit nang hindi ito ipinakikita sa iyo, natapos Ko na ang Aking gawain, dahil si Satanas ay sumuko, na ang ibig sabihin ito ay lubos na natalo, na nadaig si Satanas ng lahat ng karunungan, kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Ito ang eksaktong patotoo na dapat ibigay, at bagaman wala itong malinaw na pagpapahayag sa tao, bagaman hindi ito nakikita ng mata lamang, si Satanas ay natalo na. Ang kabuuan ng gawaing ito ay nakatutok laban kay Satanas at isinasakatuparan dahil sa digmaan laban kay Satanas. At kaya, maraming bagay na hindi nakikita ng tao bilang nagtagumpay, ngunit ang mga ito, sa mga mata ng Diyos, ay matagal nang matagumpay na natapos. Isa ito sa mga nakatagong katunayan tungkol sa lahat ng gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 593

Lahat niyaong nagnanais na magawang perpekto ay mayroong pagkakataon na magawang perpekto, kaya ang lahat ay kailangang huminahon: Sa hinaharap papasok kayong lahat sa hantungan. Ngunit kung ayaw mong magawang perpekto, at ayaw mong pumasok sa kamangha-manghang mundo, kung gayon nasa iyo na iyon. Lahat niyaong nagnanais na magawang perpekto at tapat sa Diyos, lahat ng mga nagpapasakop, at lahat niyaong matapat na gumagampan sa kanilang tungkulin—lahat ng gayong mga tao ay magagawang perpekto. Ngayon, lahat niyaong hindi debotong gumagampan sa kanilang tungkulin, lahat niyaong hindi tapat sa Diyos, lahat niyaong hindi nagpapasakop sa Diyos, lalo na yaong mga nakakatanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu ngunit hindi naman isinasagawa ito—ang lahat ng gayong mga tao ay hindi kayang magawang perpekto. Lahat niyaong nagnanais na maging tapat at magpasakop sa Diyos ay magagawang perpekto, kahit sila ay ignorante nang bahagya; lahat niyaong nagnanais na maghangad ay magagawang sakdal. Hindi na kailangang mag-alala tungkol dito. Hangga’t nagnanais kang maghangad sa direksiyon na ito, magagawa kang perpekto. Ayaw Kong abandonahin o itiwalag ang sinuman sa inyo, ngunit kung hindi ka nagsusumikap na gumawa nang maayos, kung gayon ay pinipinsala mo lamang ang iyong sarili; hindi Ako ang nagtitiwalag sa iyo, kundi ikaw mismo. Kung ikaw mismo ay hindi nagsusumikap nang mabuti—kung ikaw ay tamad, o hindi gumaganap ng iyong tungkulin, o hindi ka tapat, o hindi mo hinahangad ang katotohanan, at palagi mong ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili mong kagustuhan, kumikilos ka nang walang-ingat, ipinaglalaban mo ang sarili mong kasikatan at pakinabang, at walang prinsipyo sa iyong pakikitungo sa ibang kasarian, kung gayon dadalhin mo ang pasanin ng sarili mong mga kasalanan; hindi ka karapat-dapat kahabagan ninuman. Ang Aking layunin ay para lahat kayo ay magawang perpekto, at kahit malupig man lamang, upang ang yugtong ito ng gawain ay maaaring matagumpay na makumpleto. Ang nais ng Diyos ay magawang perpekto ang bawat tao, sa kahuli-hulihan ay makamit Niya, ganap na malinis Niya, at maging mga tao na Kanyang minamahal. Sinasabi Ko man na kayo ay paurong o may mahinang kakayahan, pawang totoo ang mga ito. Gayumpaman, ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong abandonahin kayo, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t naghahangad ka, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang maaabandona. Kung mahina ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod dito; kung mahusay ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong mahusay na kakayahan; kung ikaw ay ignorante at mangmang, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod dito; kung ikaw ay may pinag-aralan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa katunayan na ikaw ay may pinag-aralan; kung ikaw ay nakatatanda, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong katandaan; kung ikaw ay may kakayahang gawin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, ang Aking mga hihingin sa iyo ay magiging alinsunod dito; kung sinasabi mong hindi mo magagawa ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, at magagampanan mo lamang ang isang partikular na tungkulin, ito man ay pangangaral ng ebanghelyo, o pag-aalaga sa iglesia, o pag-aasikaso sa iba’t ibang mga pangkalahatang usapin, ang Aking pagpeperpekto sa iyo ay magiging alinsunod sa tungkulin na iyong ginagampanan. Ang pagiging tapat, ang pagpapasakop hanggang sa pinakahuli, at ang paghahangad na mahalin ang Diyos hanggang sa sukdulan—ang mga ito ang kailangan mong isakatuparan, ang tatlong bagay lang na ito, at ang mga ito ang mga pinakamainam na pagsasagawa. Sa kahuli-hulihan, hinihingi sa mga tao na makamit ang tatlong bagay na ito, at ang mga nakakapagkamit ng mga ito ay gagawing perpekto. Ngunit, higit sa lahat, dapat sinsero kang maghangad, dapat kang aktibong magpatuloy nang pasulong at pataas, at huwag maging negatibo sa usaping ito. Nasabi Ko na ang bawat tao ay may pagkakataong magawang perpekto at may kakayahang magawang perpekto, at ito ay totoo, ngunit hindi ka nagsusumikap umangat. Ang mga hindi nagkakamit ng tatlong pamantayang ito ay ititiwalag pa rin sa huli. Nais Ko na ang lahat ay makasabay, nais Ko na ang lahat ay magkaroon ng gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at magawang magpasakop hanggang sa pinakahuli, sapagkat ito ang tungkulin na dapat gampanan ng bawat isa sa inyo. Kapag natupad na ninyong lahat ang inyong tungkulin, lahat kayo ay magagawang perpekto na, at magkakaroon din kayo ng matunog na patotoo. Ang lahat niyaong mayroong patotoo ay yaong mga naging matagumpay laban kay Satanas at nakamit ang pangako ng Diyos, at sila ang mga mananatili at mamumuhay sa kamangha-manghang hantungan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 594

Noong simula, nasa pamamahinga ang Diyos. Walang mga tao o anumang iba pa sa lupa noong panahong iyon, at hindi pa gumawa ang Diyos ng anumang gawain. Sinimulan lamang Niya ang Kanyang gawain ng pamamahala nang umiral na ang sangkatauhan at pagkatapos maging tiwali ang sangkatauhan; mula sa puntong iyon, hindi na Siya nagpahinga, kundi sa halip ay nagsimulang magpakaabala sa gitna ng sangkatauhan. Ang katiwalian ng sangkatauhan ang dahilan kung bakit nawala sa Diyos ang Kanyang pamamahinga, at dahil na rin sa pagkakanulo ng arkanghel. Kung hindi tatalunin ng Diyos si Satanas at ililigtas ang naging tiwaling sangkatauhan, hindi Siya kailanman muling makakapasok sa pamamahinga. Kung paanong walang pamamahinga ang tao, ganoon din ang Diyos, at kapag nagpahinga na Siyang muli, ganoon din ang gagawin ng mga tao. Ang buhay na may kapahingahan ay nangangahulugan ng isang buhay na walang digmaan, walang karumihan, at walang anumang kawalan ng katuwiran. Ibig sabihin, isa itong buhay na walang mga panggugulo ni Satanas (ang salitang “Satanas” dito ay tumutukoy sa mga mapanlabang puwersa) at paggawang tiwali ni Satanas, at malaya sa panghihimasok ng anumang puwersang kumokontra sa Diyos; isa itong buhay kung saan ang lahat ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri at kayang sumamba sa Lumikha, at kung saan ang langit at lupa ay ganap na payapa. Ito ang buhay na may kapahingahan para sa mga tao. Kapag nagpahinga ang Diyos, hindi na iiral ang kawalan ng katuwiran sa lupa, ni magkakaroon ng anumang karagdagang panghihimasok mula sa mga mapanlabang puwersa, at papasok ang sangkatauhan sa isang bagong mundo—hindi na magiging isang sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, kundi isang sangkatauhang nailigtas matapos gawing tiwali ni Satanas. Ang araw ng kapahingahan ng sangkatauhan ay magiging araw din ng kapahingahan ng Diyos. Nawalan ang Diyos ng Kanyang kapahingahan dahil sa kawalan ng abilidad ng sangkatauhan na pumasok sa kapahingahan; hindi dahil sa wala Siyang kapahingahan sa simula. Ang pagpasok sa kapahingahan ay hindi nangangahulugang ang aktibidad ng lahat ng bagay ay humihinto o na tumitigil ang pag-unlad ng lahat ng bagay, at hindi rin ito nangangahulugang humihinto sa paggawa ang Diyos o na humihintong mamuhay ang mga tao. Ang tanda ng pagpasok sa kapahingahan ay na nawasak na si Satanas, na naparusahan at nalipol na ang masasamang tao na nakiisa rito sa paggawa nito ng masama, at na tumigil na sa pag-iral ang lahat ng puwersang mapanlaban sa Diyos. Ang pagpasok ng Diyos sa kapahingahan ay nangangahulugang hindi na Niya isasagawa ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang pagpasok ng sangkatauhan sa kapahingahan ay nangangahulugan na ang buong sangkatauhan ay mabubuhay sa loob ng liwanag ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, nang walang paggawang tiwali ni Satanas, wala nang magaganap na kawalan ng katuwiran, at ang lahat ng tao ay mamumuhay nang normal sa lupa sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos. Kapag magkasamang pumasok sa kapahingahan ang Diyos at ang sangkatauhan, nangangahulugan ito na nailigtas na ang sangkatauhan at nawasak na si Satanas, na ganap nang nakompleto ang gawain ng Diyos sa mga tao. Hindi na magpapatuloy ang Diyos na gumawa sa mga tao, at hindi na sila mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Dahil dito, hindi na magiging abala ang Diyos, at hindi na palaging aligaga ang mga tao; ang Diyos at ang sangkatauhan ay sabay na papasok sa kapahingahan. Babalik ang Diyos sa Kanyang orihinal na lugar, at babalik ang bawat tao sa kani-kanilang mga lugar. Ito ang magiging mga hantungan ng Diyos at ng mga tao sa sandaling matapos ang buong pamamahala ng Diyos. Ang Diyos ay may hantungang para sa Diyos, at ang mga tao ay may lugar na pupuntahan. Habang nagpapahinga, magpapatuloy ang Diyos sa pag-akay sa lahat ng tao na mamuhay sa lupa, at habang nasa Kanyang liwanag, sasambahin nila ang nag-iisang tunay na Diyos sa langit. Hindi mamumuhay ang Diyos kasama ng sangkatauhan, at hindi rin magagawang mamuhay ng mga tao kasama ng Diyos sa Kanyang hantungan. Hindi maaaring mamuhay sa loob ng parehong mundo ang Diyos at ang mga tao; sa halip, kapwa sila may kani-kanilang mga sariling paraan ng pamumuhay. Ang Diyos ang Siyang umaakay sa buong sangkatauhan, at ang buong sangkatauhan ay ang kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang inaakay ay ang mga tao, at ang kanilang diwa ay hindi kapareho sa diwa ng Diyos. Ang “magpahinga” ay nangangahulugan ng pagbalik sa orihinal na lugar. Samakatwid, kapag pumasok sa pamamahinga ang Diyos, nangangahulugan itong bumalik na Siya sa Kanyang orihinal na lugar. Hindi na Siya mamumuhay sa lupa o makakasama ng sangkatauhan upang makibahagi sa kanilang kagalakan at pagdurusa. Kapag pumasok sa pamamahinga ang mga tao, nangangahulugan ito na sila ay naging mga tunay na nilikha; sasambahin nila ang Diyos mula sa lupa, at mamumuhay sila ng normal na buhay ng tao. Hindi na maghihimagsik ang mga tao sa Diyos o lalaban sa Kanya, at magbabalik sila sa orihinal na buhay nina Adan at Eba. Ang mga ito ang magiging kani-kanilang buhay at hantungan ng Diyos at ng mga tao pagkatapos nilang pumasok sa pamamahinga. Ang pagkatalo ni Satanas ay isang hindi maiiwasang kalakaran ng digmaan sa pagitan nito at ng Diyos. Dahil dito, ang pagpasok ng Diyos sa pamamahinga pagkaraan na matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala at ang ganap na kaligtasan at pagpasok sa pamamahinga ng sangkatauhan ay naging mga hindi rin maiiwasang kalakaran. Nasa lupa ang pahingahan ng sangkatauhan, at nasa langit ang pahingahan ng Diyos. Sasambahin ng mga tao ang Diyos habang namamahinga sila, nang namumuhay sa lupa. Aakayin ng Diyos ang natitirang mga tao habang namamahinga Siya; aakayin Niya sila mula sa langit, hindi mula sa lupa. Ang Diyos ay mananatili pa ring ang Espiritu, habang mananatili pa ring laman ang mga tao. Ang Diyos at ang mga tao ay may kani-kanilang mga pamamaraan ng pamamahinga. Habang nagpapahinga ang Diyos, paparito Siya at magpapakita sa gitna ng mga tao; habang nagpapahinga ang mga tao, aakayin sila ng Diyos upang dumalaw sa langit, pati na rin upang tamasahin ang buhay roon. Matapos pumasok sa pamamahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, hindi na iiral pa si Satanas; gayundin, titigil na rin sa pag-iral iyong masasamang tao. Bago magpahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, ang masasamang indibidwal na minsang umusig sa Diyos sa lupa, pati na rin ang mga kaaway na naging mapaghimagsik laban sa Kanya roon, ay nalipol na; napuksa na sila ng malalaking kalamidad ng mga huling araw. Sa sandaling lubusang mapuksa ang masasamang taong iyon, hindi na kailanman muling mararanasan ng lupa ang panggugulo ni Satanas. Saka lamang magtatamo ang sangkatauhan ng ganap na kaligtasan, at lubusang matatapos ang gawain ng Diyos. Ito ang mga paunang kinakailangan upang makapasok sa pamamahinga ang Diyos at ang sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 595

Ang paglapit ng mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay nagpapahiwatig ng pagkompleto ng gawain ng Diyos, pati na rin ng pagtatapos ng pag-unlad ng sangkatauhan. Nangangahulugan ito na ang mga tao, bilang ginawang tiwali ni Satanas, ay umabot na sa pagtatapos ng kanilang pag-unlad, at na nakapagparami na hanggang sa huli ang mga inapo nina Adan at Eba. Nangangahulugan din ito na imposible para sa ganitong sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, ang patuloy na umunlad. Ang Adan at Eba sa simula ay hindi nagawang tiwali, subalit ang Adan at Eba na itinaboy mula sa Hardin ng Eden ay ginawang tiwali ni Satanas. Kapag ang Diyos at ang mga tao ay magkasamang pumasok sa pamamahinga, sina Adan at Eba—na itinaboy mula sa Hardin ng Eden—at ang mga inapo nila ay magtatapos na. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay bubuuin pa rin ng mga inapo nina Adan at Eba, ngunit hindi na sila mga taong mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Sa halip, sila ay magiging mga taong iniligtas at ginawang dalisay. Ito ay magiging isang sangkatauhan na hinatulan at kinastigo na, at isa na ginawa nang banal. Ang mga taong ito ay hindi magiging katulad ng lahi ng tao noong simula; halos masasabi na nga na magiging isa silang ganap na ibang uri ng sangkatauhan kaysa kina Adan at Eba noong simula. Napili ang mga taong ito mula sa lahat ng ginawang tiwali ni Satanas, at sila ang sa huli ay nanindigan nang matatag sa panahon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos; sila ang huling matitirang pangkat ng mga tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Tanging ang mga taong ito ang makakapasok sa huling pamamahinga kasama ng Diyos. Ang mga nakakapanindigan nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—na ibig sabihin, sa panahon ng huling gawain ng pagdadalisay—ang siyang papasok sa huling kapahingahan kasama ang Diyos; yamang ganoon, ang lahat ng papasok sa kapahingahan ay nakawala na sa impluwensiya ni Satanas at nakamit na ng Diyos pagkatapos lang na sumailalim sa Kanyang huling gawain ng pagdadalisay. Ang mga taong ito, na sa huli ay nakamit na ng Diyos, ay papasok sa huling kapahingahan. Sa diwa, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagkastigo at paghatol upang dalisayin ang sangkatauhan, at alang-alang sa huling araw ng pamamahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makakapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, at sa gayon ay matutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga maaari at hindi maaaring manatili. Kapag natapos na ang gawaing ito, ang lahat ng taong maaaring manatili ay dadalisayin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay ng tao sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa araw ng pamamahinga ng sangkatauhan at mamumuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi maaaring manatili, ang kanilang mga tunay na kulay ay ganap na mailalantad, pagkatapos nito ay lilipulin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na kabibilangan ng sinumang mga tao na ganito ang uri; hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pamamahinga ang ganitong mga tao, at hindi rin sila angkop na pumasok sa araw ng pamamahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang mga target na maparusahan, at sila ay masasama, hindi matutuwid na tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila; minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Gayumpaman, pagdating ng huling araw, ititiwalag at lilipulin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalan ng lunas; hindi na sila kailanman muling mabubuhay sa mundo ng hinaharap, at hindi na mabubuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, lilipulin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi nailigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pamamahinga. Para naman sa mga espiritu at tao na ito na gumagawa ng masama, o mga espiritu ng matutuwid na tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang panahon, sa huli, ang lahat ng masama ay lilipulin, at ang lahat ng matuwid ay mananatiling buhay. Kung makatatanggap ba ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan batay sa gawain ng huling kapanahunan; sa halip, tinutukoy ito batay sa kung sila ba ay lumaban o naghimagsik sa Diyos o hindi. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi maliligtas ay tiyak na magiging mga target ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maililigtas ay tiyak na magiging mga target din ng kaparusahan. Ang mga tao ay inuuri ayon sa kabutihan at kasamaan, at hindi sa kung anong panahon sila nabubuhay. Kapag nauri na nang gayon, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan; sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti kapag natapos na Niyang maisakatuparan ang gawain Niya ng paglupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matutuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain; hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkaraang matapos ang Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang sisimulan ang gampanin ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang natapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti ay ang lubusang madalisay ang lahat ng tao upang madala Niya ang isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang kapahingahan. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala. Kung hindi lilipulin ng Diyos ang masasama, at sa halip ay papayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa kapahingahan ang buong sangkatauhan, at hindi sila madadala ng Diyos sa isang mas kamangha-manghang mundo. Hindi ganap na matatapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na pinabanal ang buong sangkatauhan; sa ganitong paraan lamang mapayapang makakapamuhay ang Diyos sa kapahingahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 596

Sa kasalukuyan, hindi pa rin nagagawang bitiwan ng mga tao ang mga bagay na sa laman; hindi nila maisuko ang kasiyahan ng laman, ang mundo, salapi, o ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Nagpapatuloy ang karamihan ng tao sa kanilang mga hangarin nang pabasta-basta. Ang totoo, talagang wala sa puso ng mga taong ito ang Diyos; ang mas masahol pa, wala silang takot sa Diyos. Wala silang Diyos sa kanilang puso, at kaya hindi nila makita nang malinaw ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at lalong wala silang kapabilidad na maniwala sa mga salitang binibigkas Niya. Labis na makalaman ang gayong mga tao; napakalalim na ng kanilang pagkatiwali at wala silang anumang katotohanan, at ang mas malala pa, hindi sila naniniwalang kaya ng Diyos na magkatawang-tao. Ang sinumang hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos—ibig sabihin, ang sinumang hindi naniniwala sa gawain at mga salita ng nakikitang Diyos, o ang hindi nananampalataya sa nakikitang Diyos at bagkus ay sumasamba sa di-nakikitang diyos sa langit—ay isang taong walang Diyos sa kanyang puso, isang taong mapaghimagsik at lumalaban sa Diyos. Ang gayong mga tao ay walang pagkatao o katwiran, lalo na ng katotohanan. Para sa mga taong ito, lalong hindi mapananampalatayaan ang nakikita at nahahawakang Diyos, ngunit itinuturing nila na pinakakapani-paniwala at pinakanakapagpapasaya ang di-nakikita at di-nahahawakang diyos. Ang hinahangad nila ay hindi ang aktuwal na katotohanan, ni ang tunay na kabuluhan ng buhay; lalong hindi ang mga layunin ng Diyos. Sa halip, kasabikan ang hinahanap nila. Alinmang mga bagay ang pinakamakapagbibigay sa kanila ng kakayahang tuparin ang sarili nilang mga pagnanais ang, walang alinlangang, bumubuo sa pananalig at paghahangad nila. Nananampalataya lamang sila sa Diyos upang matugunan ang sarili nilang mga pagnanais, hindi upang hanapin ang katotohanan. Hindi ba’t mga taong gumagawa ng masama ang gayong mga tao? Labis ang kanilang tiwala sa sarili, at hinding-hindi sila naniniwala na lilipulin ng Diyos sa langit ang gayong “mabubuting tao” na tulad nila. Sa halip, naniniwala sila na pahihintulutan sila ng Diyos na manatili at, bukod dito, gagantimpalaan sila nang malaki. Ito ay dahil iniisip nilang marami silang nagawa para sa Diyos at nagpakita sila ng malaking “debosyon” sa Kanya. Kung hahangarin din nila ang nakikitang Diyos, sa sandaling hindi matugunan ang kanilang mga pagnanais, agad silang gaganti sa Diyos o magwawala sa galit. Ang lahat ng taong ito ay ubod ng samang mga tao na kasuklam-suklam, na naghahangad lamang na matugunan ang mga sarili nilang pagnanais; hindi sila mga taong may integridad na naghahangad sa katotohanan. Ang gayong mga tao ay ang tinatawag na masasama na sumusunod kay Cristo. Ang mga taong iyon na hindi naghahanap sa katotohanan ay hindi posibleng makapaniwala sa katotohanan, at lalong hindi magagawang makita nang malinaw ang kalalabasan ng sangkatauhan sa hinaharap, dahil hindi sila naniniwala sa anumang gawain o mga salita ng nakikitang Diyos, at hindi rin sila naniniwala sa magiging hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap. Samakatwid, kahit pa sumusunod sila sa nakikitang Diyos, gumagawa pa rin sila ng masama at hinding-hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi rin nila isinasagawa ang katotohanang hinihingi Ko. Yaong mga taong hindi naniniwala na sila ay lilipulin, sa kabaligtaran, ang siyang mga lilipulin. Lahat sila ay naniniwala na napakatalino nila, at iniisip nila na sila mismo ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan. Pinahahalagahan nila bilang katotohanan ang kanilang masasamang gawa. Labis ang tiwala sa sarili ng gayong masasamang tao; itinuturing nilang doktrina ang katotohanan at itinuturing nila ang masasamang gawa nila bilang ang katotohanan, at sa huli, ang maaani lamang nila ay kung ano ang itinanim nila. Habang mas may tiwala sa sarili ang mga tao at habang mas mapagmataas sila, mas hindi nila magagawang makamit ang katotohanan; habang mas nananampalataya ang mga tao sa diyos sa langit, mas nilalabanan nila ang Diyos. Ang mga taong ito ang siyang parurusahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 597

Bago pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, matutukoy kung parurusahan o gagantimpalaan ang bawat uri ng tao ayon sa kung hinahanap ba nila ang katotohanan, kung kilala ba nila ang Diyos, at kung kaya ba nilang magpasakop sa nakikitang Diyos. Hindi nagtataglay ng katotohanan yaong mga nagtrabaho, subalit hindi nila nakikilala ang nakikitang Diyos o hindi sila nagpapasakop sa Kanya. Mga taong gumagawa ng masama ang gayong mga tao, at walang alinlangang magiging mga pakay ng kaparusahan ang mga taong gumagawa ng masama; higit pa rito, parurusahan sila ayon sa kanilang masasamang gawa. Ang Diyos ay para sampalatayaan ng mga tao, at karapat-dapat din Siya sa kanilang pagpapasakop. Ang mga may pananalig lang sa malabo at di-nakikitang diyos ay mga taong hindi nananampalataya sa Diyos at hindi magawang magpasakop sa Diyos. Kung hindi pa rin magagawang manampalataya ng mga taong ito sa nakikitang Diyos sa oras na matapos ang gawain Niya ng panlulupig, at magpapatuloy pa rin sila sa paghihimagsik at paglaban sa nakikitang Diyos na nasa katawang-tao, walang alinlangan na ang “mga tagasunod ng malabong diyos” na ito ay magiging mga pakay ng paglipol. Katulad din ito sa inyo—ang lahat ng pasalitang kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi maisagawa ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, ay ititiwalag at lilipulin sa huli. At ang lahat ng pasalitang kumikilala sa nakikitang Diyos at kumakain at umiinom ng katotohanang ipinapahayag Niya, pero naghahangad sa malabo at di-nakikitang diyos, ay lalong magiging mga pakay ng paglipol. Wala sa mga taong ito ang magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga na darating kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi rin makakapanatili ang isang indibidwal na gaya nito hanggang sa oras na iyon ng pamamahinga. Ang mga tao na sa mga demonyo ay hindi nagsasagawa ng katotohanan; diwa ng paglaban at paghihimagsik sa Diyos ang diwa nila, at wala silang ni katiting na intensyon na magpasakop sa Kanya. Lilipulin ang lahat ng gayong tao. Nakasalalay sa iyong diwa, hindi sa iyong hitsura o kung paano ka magsalita o kumilos paminsan-minsan, kung taglay mo ba ang katotohanan at kung lumalaban ka ba sa Diyos. Natutukoy sa diwa ng isang indibidwal kung siya ba ay lilipulin o hindi; pinagpapasyahan ito ayon sa diwang ibinubunyag ng kanyang pag-uugali at paghahangad sa katotohanan. Sa gitna ng mga tao na pawang gumagampan ng gawain at gumagawa ng parehas na dami ng gawain, ang may mabubuting diwa ng pagkatao na nagtataglay ng katotohanan ang siyang mga papayagang manatili, samantalang ang may masasamang diwa ng pagkatao na naghihimagsik laban sa nakikitang Diyos ang siyang masasawi. Ang lahat ng gawain o mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa hantungan ng sangkatauhan ay angkop na pakikitunguhan ang mga tao batay sa diwa ng bawat indibidwal; walang magaganap na kahit kaunting kamalian, at higit pa rito, walang magagawang isa mang pagkakamali. Tuwing gumagawa ng gawain ang mga tao, saka lang ito nahahaluan ng mga damdamin o ideya ng tao. Pinakaangkop ang gawaing ginagawa ng Diyos; hinding-hindi Siya nagbibitaw ng mga maling paratang laban sa sinumang nilikha. Maraming tao sa kasalukuyan ang hindi malinaw na nakakakita sa hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap at hindi naniniwala sa mga salitang binibigkas Ko. Ang lahat ng hindi nananampalataya, gayundin ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ay mga demonyo!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 598

Sa kasalukuyan, iyong mga naghahangad at iyong mga hindi naghahangad ay dalawang uri ng mga tao, na may magkaibang hantungan. Iyong mga naghahangad na malaman ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan ang mga ililigtas ng Diyos. Iyong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at masasawi sila. Kahit iyong mga debotong mananampalataya ng isang malabong diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting konsensiya ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Iyong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay iyong mga lumalaban sa Diyos, at kahit pa magtiis ng labis na pagdurusa ang gayong mga tao, masasawi pa rin sila. Iyong lahat ng ayaw tumalikod sa mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi matiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga kasiyahan ng laman ay mapaghimagsik sa Diyos, at lahat sila ay magiging mga pakay ng paglipol. Ang sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang demonyo at, higit pa rito, ay masasawi. Iyong mga nananampalataya ngunit hindi nagsasagawa ng katotohanan, iyong mga hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos, at iyong mga hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos kahit kaunti ay iyong mga masasawi. Ang lahat ng maaaring manatili ay mga taong dumaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao ito na tunay na dumaan sa mga pagsubok. Ang sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, ang sinumang hindi kumikilala sa nagkatawang-taong Diyos—nasa loob man siya o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino ang mga Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos? Hindi ba’t sila iyong mga lumalaban na hindi nananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t sila iyong mga taong mapaghimagsik laban sa Diyos? Hindi ba’t sila iyong mga nagsasabing mayroon silang pananalig, subalit hindi nagtataglay ng katotohanan? Hindi ba’t sila iyong mga naghahangad lamang na magtamo ng mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at tinatrato sila nang may konsensiya at pagmamahal, ngunit hindi ba’t katumbas ito ng pagpapakita ng kabaitan kay Satanas? Hindi ba’t kaalyado ka ng mga demonyo? Kung umabot na ang mga tao sa puntong ito at hindi pa rin nila makita ang kaibhan ng mabuti sa masama, at patuloy silang pikit-matang maging mapagmahal at maawain nang walang anumang pagnanais na hanapin ang puso ng Diyos o magawang ituring bilang kanila sa anumang paraan ang puso ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga kalalabasan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nasa katawang-tao. Kung kaya mong tratuhin ang mga kaaway ng Diyos nang may konsensiya at pagmamahal, hindi ba’t wala kang pagpapahalaga sa katarungan? Kung kaayon ka ng mga kinamumuhian Ko at tinututulan Ko, at tinatrato mo pa rin sila nang may pagmamahal o pinapakitaan sila ng mga personal na damdamin, hindi ba’t mapaghimagsik ka? Hindi ba’t sinasadya mong labanan ang Diyos? Aktuwal bang nagtataglay ng katotohanan ang gayong tao? Kung tatratuhin ng mga tao ang mga kaaway ng Diyos nang may konsensiya, ang mga demonyo nang may pagmamahal, at si Satanas nang may awa, hindi ba’t sadya nilang ginagambala ang gawain ng Diyos? Iyong mga taong nananampalataya lamang kay Jesus at hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, gayundin iyong mga pasalitang nagsasabi na nananampalataya sila sa Diyos na nagkatawang-tao ngunit gumagawa ng masama, ay lahat mga anticristo, kahit pa hindi banggitin iyong mga hindi nananampalataya sa Diyos. Masasawi ang lahat ng taong ito. Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao sa paghusga ng ibang mga tao; iyong may mabubuting pag-uugali ay matutuwid, samantalang iyong mga may karumal-dumal na pag-uugali ay masasama. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba sa Kanya o hindi ang kanilang diwa; ang nagpapasakop sa Diyos ay matuwid na tao, samantalang ang hindi nagpapasakop ay isang kaaway at isang masamang tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa para magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang tao na gumamit ng magagandang salita upang makakuha ng magandang hantungan. Maling naniniwala ang lahat na itinatakda ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang pag-uugali o sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais na samantalahin ito upang makakuha ng panandaliang biyaya sa pamamagitan ng panlilinlang para sa kanilang sarili. Ang mga taong mananatiling buhay sa darating na panahon ng kapahingahan ay lahat nakapagtiis na sa araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tumupad nang maayos sa kanilang mga tungkulin at na sadyang nagpasakop sa Diyos. Iyong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na makapagserbisyo para maiwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi mananatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pagsasaayos ng kalalabasan ng bawat indibidwal; hindi Siya basta lang gumagawa ng mga kapasyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, at hindi rin Niya ginagawa ang mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang yugto ng panahon. Hinding-hindi Siya magiging maluwag pagdating sa lahat ng masamang gawa ng isang tao dahil sa nakaraang pagseserbisyo nito sa Kanya, at hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil iginugol nito ang sarili nito para sa Kanya sa ilang panahon. Walang sinuman ang makaiiwas sa retribusyon para sa kanyang kasamaan, at walang sinuman ang makakapagkubli ng kanyang masasamang gawa at sa gayon ay makaiiwas sa pagdurusa ng pagkasawi. Kung tunay na kayang tuparin nang maayos ng mga tao ang sarili nilang mga tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggan silang tapat sa Diyos at hindi sila naghahanap ng mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Kung tapat sa Diyos ang mga tao kapag nakakakita sila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi sila nakakakita ng anumang pagpapala, at kung ang mga taong ito—na minsang nagtrabaho nang tapat para sa Diyos—ay hindi pa rin makapagpatotoo sa Diyos o makatupad nang maayos ng mga tungkuling nakaatang sa kanila sa huli, kung gayon, masasawi pa rin ang gayong mga tao. Sa madaling salita, hindi makakapanatiling buhay magpakailanman ang masasamang tao, at hindi rin sila makapapasok sa kapahingahan; tanging ang matutuwid ang magiging mga panginoon sa kapahingahan. Sa sandaling nasa tamang landas na ang sangkatauhan, ang mga tao ay magkakaroon ng normal na buhay ng tao. Makakaya nilang lahat na gawin ang sarili nilang mga tungkulin at maging ganap na tapat sa Diyos. Lubusan nilang iwawaksi ang kanilang paghihimagsik at ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at mabubuhay sila para sa Diyos at dahil sa Diyos, nang walang paghihimagsik at paglaban. Magagawa nilang lahat na lubusang magpasakop sa Diyos. Ito ang magiging buhay ng Diyos at ng sangkatauhan; ito ang magiging buhay ng kaharian, at ito ang magiging buhay ng kapahingahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 599

Labis na makasarili ang lahat ng kumakaladkad sa kanilang mga lubusang di-nananampalatayang anak at kamag-anak patungong iglesia, at nagpapakita lamang sila ng kabaitan. Nakatuon lamang ang mga taong ito sa pagiging mapagmahal, nananampalataya man sila o hindi at layunin man ito o hindi ng Diyos. Dinadala ng ilan ang kanilang esposa sa harap ng Diyos, o kinakaladkad ang kanilang mga magulang sa harap ng Diyos, at sumasang-ayon man dito o hindi ang Banal na Espiritu at gumagawa man o hindi sa kanila ang Banal na Espiritu, pikit-mata silang “nag-aampon ng mga taong may talento” para sa Diyos. Anong pakinabang ang maaaring makamit mula sa pagpapakita ng kabaitan sa mga walang pananampalatayang ito? Kahit pa ang mga hindi mananampalatayang ito, na walang presensiya ng Banal na Espiritu, ay atubiling sumusunod sa Diyos, hindi pa rin sila maililigtas tulad ng naiisip ng mga tao. Yaong mga makakatanggap ng kaligtasan ay hindi talaga ganoon kadaling makamit. Lubos na walang kapabilidad na magawang ganap ang mga tao na hindi sumailalim sa gawain at mga pagsubok ng Banal na Espiritu, at hindi nagawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Samakatwid, mula sa sandaling nagsimula silang sumunod sa Diyos sa pangalan lamang, walang presensiya ng Banal na Espiritu ang mga taong iyon. Batay sa kanilang mga kondisyon at tunay na kalagayan, sadyang hindi sila magagawang ganap. Sa gayon, hindi naglalayon ang Banal na Espiritu na gumugol ng maraming pagsisikap sa kanila, at hindi rin Siya nagkakaloob ng anumang kaliwanagan o gumagabay sa kanila sa anumang paraan; pinahihintulutan lamang Niya silang makisunod, at sa huli ay ibubunyag ang mga kalalabasan nila—sapat na ito. Ang sigasig at mga ninanais ng mga tao ay mula kay Satanas, at hindi magagawang ganap ng mga bagay na ito sa anumang paraan ang gawain ng Banal na Espiritu. Anupaman ang mga tao, dapat ay taglay nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Maaari bang gawing ganap ng mga tao ang mga tao? Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit nagpapakita ng paggalang ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit inaalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak? Ano ang intensiyong kinikimkim ng lahat ng tao? Hindi ba’t ito ay ang tuparin ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais? Ito ba talaga ay ang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Ito ba talaga ay ang kumilos alang-alang sa gawain ng Diyos? Ito ba ay ang tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha? Yaong mga, mula sa sandaling nagsimula silang manampalataya sa Diyos, hindi nagawang matanggap ang presensiya ng Banal na Espiritu, ay hindi kailanman matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay tiyak na ang mga masasawi. Gaano man kalaki ang pagmamahal na mayroon ang isang tao para sa kanila, hindi nito mapapalitan ang gawain ng Banal na Espiritu. Kumakatawan ang sigasig at pagmamahal ng mga tao sa mga kagustuhan ng tao, ngunit hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa mga kagustuhan ng Diyos, at hindi rin maaaring humalili ang mga ito sa gawain ng Diyos. Kahit pa magpakita ang isang tao ng pinakamalaking posibleng pagmamahal o awa sa mga tao na nananampalataya sa Diyos sa pangalan lamang at sa mga nagpapanggap na sumusunod sa Kanya nang hindi nalalaman kung ano ang tunay na kahulugan ng manampalataya sa Diyos, hindi pa rin nila matatamo ang simpatya ng Diyos, ni matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu. Kahit pa mahina ang kakayahan ng mga tao na taos-pusong sumusunod sa Diyos at hindi nila magawang maunawaan ang maraming katotohanan, maaari pa rin silang paminsan-minsang makatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu; gayumpaman, yaong mga may mahusay namang kakayahan, ngunit hindi taos-pusong nananampalataya, ay sadyang hindi makatatanggap ng presensiya ng Banal na Espiritu. Lubos na walang posibilidad na maligtas ang gayong mga tao. Kahit pa nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos o paminsan-minsang nakikinig sa mga sermon, o umaawit ng mga papuri sa Diyos, sa huli ay hindi nila magagawang manatiling buhay hanggang sa oras ng pamamahinga. Kung taos-puso bang naghahangad ang mga tao ay hindi natutukoy sa kung paano sila hinuhusgahan ng iba o kung ano ang tingin sa kanila ng mga tao sa kanilang paligid, kundi sa pamamagitan ng kung gumagawa ba ang Banal na Espiritu sa kanila at kung taglay ba nila ang presensiya ng Banal na Espiritu. Higit pa rito, nakabatay ito sa kung nagbago ba ang kanilang mga disposisyon at sa kung nagkamit ba sila ng anumang pagkakilala sa Diyos matapos nilang sumailalim sa gawain ng Banal na Espiritu sa loob ng isang tiyak na panahon. Kung gumagawa ang Banal na Espiritu sa isang tao, unti-unting magbabago ang disposisyon ng taong ito, at unti-unting magiging mas dalisay ang pagkaunawa niya sa kanyang pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Gaano man katagal sumunod sa Diyos ang mga tao, hangga’t nagkaroon sila ng kaunting pagbabago, nangangahulugan itong gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Kung hindi sila nagbago, nangangahulugan itong hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Kahit pa magserbisyo nang kaunti ang mga taong ito, ang nagtutulak sa kanilang gawin ito ay ang intensiyong makatanggap ng mga pagpapala. Hindi mapapalitan ng paminsan-minsang pagseserbisyo ang pagbabago ng disposisyon. Sa huli, masasawi pa rin sila, dahil hindi kakailanganin sa kaharian ang mga tagapagserbisyo, at hindi rin kakailanganin ang sinumang hindi nagbago ang disposisyon na magserbisyo sa mga taong nagawa nang perpekto at tapat sa Diyos. Yaong mga salitang sinabi sa nakaraan, “Ang pananampalataya ng isang tao sa Panginoon ay naghahatid ng mga pagpapala sa buong pamilya,” ay naaangkop sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit walang kaugnayan sa hantungan ng isang tao. Naaangkop lamang ang mga ito sa isang yugto noong Kapanahunan ng Biyaya. Nakatuon ang pahiwatig ng mga salitang iyon sa kapayapaan at mga materyal na pagpapala na tinamasa ng mga tao; hindi nangangahulugan ang mga ito na ang buong pamilya ng isang tao na nananampalataya sa Panginoon ay maliligtas, at hindi rin nangangahulugan ang mga ito na kapag nakakatanggap ang isang tao ng mga pagpapala, maaari ding madala sa pamamahinga ang buong pamilya niya. Kung tatanggap ba ng mga pagpapala ang isang tao o magdurusa ng kapahamakan ay natutukoy ayon sa diwa ng isang tao, hindi ayon sa anumang diwang maaaring mayroon ang isang tao na kagaya ng sa iba. Walang puwang sa kaharian ang ganoong uri ng kasabihan o panuntunan. Kung sa huli ay magagawa ng isang tao na manatiling buhay, ito ay dahil natugunan niya ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa huli ay hindi niya magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga, ito ay dahil naging mapaghimagsik siya sa Diyos at hindi niya natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. May angkop na hantungan ang lahat, na natutukoy ayon sa diwa ng bawat indibidwal, at ganap na wala itong kinalaman sa ibang mga tao. Ang masasamang gawa ng isang anak ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, at hindi rin maibabahagi sa mga magulang ang pagiging matuwid ng isang anak. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang masasamang gawa ng isang magulang, at hindi rin maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagiging matuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kanilang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kanilang mga pagpapala. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao. Ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung tumatanggap ng mga pagpapala ang mga magulang, kung gayon ay makatatanggap din ang kanilang mga anak, at kung gumagawa ng masama ang mga anak, dapat magbayad-sala ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong perspektiba ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay; hindi ito perspektiba ng Diyos. Natutukoy ang kalalabasan ng lahat ayon sa diwa ng kanilang mga gawa, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang maaaring magpasan ng mga kasalanan ng iba; higit pa rito, walang sinumang maaaring tumanggap ng kaparusahan para sa iba. Ito ay walang pasubali. Ang mapagmahal na pag-aaruga ng isang magulang sa kanyang mga anak ay hindi nangangahulugan na maaari siyang gumampan ng matutuwid na gawa bilang kahalili ng kanyang mga anak, at ang pagiging mabuting anak ng isang anak sa kanyang mga magulang ay hindi rin nangangahulugan na maaari siyang gumampan ng matutuwid na gawa bilang kahalili ng kanyang mga magulang. Ito ang tunay na kahulugan ng mga salitang, “Kung magkagayo’y sasa bukid ang dalawang lalaki; ang isa’y kukunin, at ang isa’y iiwan. Dalawang babaeng nagsisigiling sa isang gilingan; ang isa’y kukunin, at ang isa’y iiwan.” Hindi madadala ng mga tao sa pamamahinga ang mga anak nilang gumagawa ng masama batay sa malalim nilang pagmamahal sa mga ito, at hindi rin madadala ng sinuman sa pamamahinga ang kanyang asawa batay sa sarili niyang matutuwid na gawa. Isa itong administratibong panuntunan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagtatangi para sa sinuman. Ang mga gumagawa ng matutuwid na gawa, sa huli, ay mga gumagawa ng matutuwid na gawa, at ang mga taong gumagawa ng masama, sa huli, ay mga taong gumagawa ng masama. Magagawa ng mga gumagawa ng matutuwid na gawa na manatiling buhay sa huli, samantalang masasawi naman ang mga taong gumagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila marumi. Ang marurumi ay marurumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong lilipulin ay ang lahat ng masasama, at ang mga mananatiling buhay ay ang lahat ng matutuwid—kahit pa ang mga anak ng masasama ay gumagawa ng matutuwid na gawa, at kahit pa ang mga magulang ng matutuwid ay gumagawa ng masasamang gawa. Walang likas na ugnayan sa pagitan ng isang nananampalatayang esposo at ng isang di-nananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga nananampalatayang anak at mga di-nananampalatayang magulang; hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, ang mga tao ay may makalamang pagmamahal sa pamilya, ngunit sa sandaling pumasok sila sa pamamahinga, wala nang magiging anumang makalamang pagmamahal sa pamilya. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay likas na mga kaaway ng yaong mga hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga namumuhi sa Kanya ay likas na magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga malilipol ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilikha. Ang mga nilikha na gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay makakapagpatuloy na mabuhay, habang yaong mga hindi gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng paglipol; higit pa rito, magtatagal ito magpasawalang hanggan. Minamahal mo ba ang iyong esposo upang magampanan mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha? Minamahal mo ba ang iyong esposa upang magampanan mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha? Nagpapakita ka ba ng pagiging mabuting anak sa iyong mga di-nananampalatayang magulang upang magampanan mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha? Talaga bang tama o mali ang mga pananaw ng mga tao hinggil sa pananampalataya sa Diyos? Para saan ka mismo nananampalataya sa Diyos? Ano mismo ang nais mong makamit? Paano mo mismo minamahal ang Diyos? Yaong mga hindi makatupad nang maayos sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha, at hindi makagawa ng sagarang pagsisikap, ay magiging mga pakay ng paglipol. May mga ugnayan ng laman na umiiral sa pagitan ng mga tao ng kasalukuyan, pati na rin mga pagkakaugnay sa dugo, ngunit sa hinaharap, mawawasak ang lahat ng ito. Likas na hindi magkaayon ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa. Yaong mga nasa pamamahinga ay magiging mga tao lahat na naniniwala na may Diyos at nagpapasakop sa Diyos, samantalang yaong mga mapaghimagsik laban sa Diyos ay pawang malilipol. Hindi na iiral sa lupa ang mga pamilya; paano pa magkakaroon ng mga magulang o mga anak o mga ugnayan ng mag-asawa? Ang mismong hindi pagiging magkaayon ng paniniwala at di-paniniwala ay lubos nang puputol sa gayong mga ugnayan ng laman!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 600

Noong simula ay walang mga pamilya sa sangkatauhan; mayroon lamang mga lalaki at mga babae—dalawang magkaibang uri ng mga tao. Walang mga bansa, lalong walang mga pamilya, ngunit bilang bunga ng katiwalian ng sangkatauhan, pinagpangkat-pangkat ng lahat ng uri ng mga tao ang kanilang mga sarili sa mga indibidwal na angkan, na kinalaunan ay naging mga bansa at mga etnisidad. Binubuo ang mga bansa at etnisidad na ito ng maliliit na indibidwal na pamilya, at sa ganitong paraan, naikalat ang lahat ng uri ng tao sa iba’t ibang lahi batay sa mga pagkakaiba sa wika at mga hangganan. Ang totoo, gaano karaming lahi man mayroon sa daigdig, sa huli ay may iisang ninuno ang sangkatauhan. Noong simula, may dalawang uri lamang ng mga tao, at ang dalawang uring ito ay mga lalaki at mga babae. Gayunman, dahil sa pag-unlad ng gawain ng Diyos, sa pag-usad ng kasaysayan, at sa mga pagbabagong pang-heograpiya, sa iba’t ibang antas ay naging mas marami pang iba’t ibang uri ng mga tao ang dalawang uri ng mga taong ito. Sa pundamental na antas, gaano man karaming lahi ang maaaring bumuo sa sangkatauhan, nilikha pa rin ng Diyos ang buong sangkatauhan. Sa anupamang mga lahi nabibilang ang mga tao, silang lahat ay mga nilikha Niya; mga inapo silang lahat nina Adan at Eba. Bagama’t hindi sila ginawa ng mga kamay ng Diyos, mga inapo sila nina Adan at Eba, na personal na nilikha ng Diyos. Sa aling uri man ng nilalang nabibilang ang mga tao, silang lahat ay mga nilikha Niya; yamang sila ay mga nilikhang tao, dapat ay mayroon silang mga hantungan na dapat mayroon ang mga tao, at sila ay pagbubukud-bukurin ayon sa mga panuntunan para sa pagsasaayos para sa mga tao. Ibig sabihin, ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng gumagawa ng matutuwid na gawa ay, ano’t anuman, mga nilikha. Masasawi sa huli ang mga nilikha na gumagawa ng masama, at ang mga nilikha na gumagawa ng matutuwid na gawa ay mananatiling buhay. Ito ang pinakaangkop na pagsasaayos para sa dalawang uri ng mga nilikha na ito. Dahil sa kanilang paghihimagsik, hindi maitatatwa ng mga taong gumagawa ng masama na sila ay mga nilikha ng Diyos subalit binihag sila ni Satanas kung kaya’t hindi sila maililigtas. Batay sa katunayang patuloy silang mabubuhay, ang mga nilikhang gumagawa ng matutuwid na gawa ay hindi makapagtatatwang nilikha sila ng Diyos subalit tumanggap na sila ng kaligtasan matapos magawang tiwali ni Satanas. Ang mga gumagawa ng masama ay mga nilikha na mapaghimagsik laban sa Diyos; mga nilikha sila na hindi maililigtas at lubusan nang binihag ni Satanas. Mga tao rin ang mga taong gumagawa ng masama; mga tao sila na sukdulan nang nagawang tiwali, at hindi maililigtas. Bilang mga nilikha rin, nagawa na ring tiwali ang mga taong gumagawa ng matutuwid na gawa, ngunit sila ay mga taong handang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nagkaroon na sila ng kakayahang magpasakop sa Diyos. Hindi umaapaw sa pagiging matuwid ang mga taong gumagawa ng matutuwid na gawa. Sa halip, sila ay mga tao na nakapagtamo na ng kaligtasan, nakapagwaksi na ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at nakapagpasakop na sa Diyos, mga tao na maninindigan sa katapusan. Hindi sa sila ay mga tao na hindi kailanman nagawang tiwali ni Satanas. Pagkaraang matapos ang gawain ng Diyos, sa lahat ng mga nilikha, may mga masasawi at may mga mananatiling buhay. Isa itong hindi maiiwasang direksyon sa gawain ng pamamahala Niya; walang sinumang makapagtatatwa nito. Ang mga taong gumagawa ng masama ay hindi pahihintulutang manatiling buhay; yaon namang mga nagpapasakop at sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tiyak na mananatiling buhay. Dahil ang gawaing ito ay sa pamamahala sa sangkatauhan, magkakaroon ng mga mananatili at mga ititiwalag. Ito ang iba’t ibang kalalabasan para sa iba’t ibang uri ng mga tao, at ang mga ito ang pinakaangkop na mga pagsasaayos para sa mga nilikha. Ang panghuling pagsasaayos ng Diyos para sa sangkatauhan ay ang paghiwa-hiwalayin sila sa pamamagitan ng pagwasak sa mga pamilya, pagsira sa mga etnisidad at pagbasag sa mga pambansang hangganan sa isang pagsasaayos na walang mga pamilya o mga pambansang hangganan, sapagkat ang mga tao, matapos ang lahat, ay nagmula sa iisang ninuno at pawang mga nilikha. Sa madaling salita, ang mga nilikhang gumagawa ng kasamaan ay lilipulin lahat, at ang mga nilikha na nagpapasakop sa Diyos ay mananatiling buhay. Sa ganitong paraan, wala nang magiging mga pamilya, wala nang mga bansa, at lalong wala nang mga etnisidad sa darating na oras ng pamamahinga; magiging pinakabanal na uri ng sangkatauhan ang ganitong uri ng sangkatauhan. Nilikha sa simula sina Adan at Eba upang mapamahalaan ng sangkatauhan ang lahat ng bagay sa lupa; sa madaling salita, ang mga tao ang orihinal na mga panginoon ng lahat ng bagay. Ang kagustuhan ni Jehova sa paglikha ng mga tao ay ang umiral sila sa lupa at mamahala sa lahat ng bagay rito, dahil noong simula ay hindi pa nagawang tiwali ang sangkatauhan at wala pa itong kakayahang gumawa ng masama. Gayunman, pagkaraang gawing tiwali ang mga tao, hindi na sila ang mga tagapamahala ng lahat ng bagay. Ang layunin ng pagliligtas ng Diyos ay ang panumbalikin ang papel na ito ng sangkatauhan, ang panumbalikin ang orihinal na katwiran at ang orihinal na pagpapasakop ng sangkatauhan; ang sangkatauhang nasa pamamahinga ang magiging mismong pagkakatawan ng bungang inaasahan ng Diyos na matatamo sa gawain Niya ng pagliligtas. Bagama’t hindi na ito magiging isang buhay na tulad ng sa Hardin ng Eden, magiging magkapareho ang diwa ng mga ito; iyon nga lang, ang sangkatauhan ay hindi na magiging ang di-nagawang tiwaling sangkatauhan na iyon, bagkus ay isang sangkatauhang naging tiwali at pagkaraan ay tumanggap ng kaligtasan. Sa huli, ang mga taong ito na tumanggap na ng kaligtasan (iyan ay, kapag natapos na ang gawain ng Diyos) ay papasok sa pamamahinga. Gayundin, ang mga kalalabasan ng mga parurusahan ay ganap ding mabubunyag sa katapusan, at lilipulin lamang sila kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, kapag natapos na ang gawain Niya, mabubunyag lahat yaong mga taong gumagawa ng masama at yaong mga nailigtas na, dahil ang gawain ng pagbubunyag ng lahat ng uri ng mga tao (sila man ay mga taong gumagawa ng masama o kabilang sa yaong mga naliligtas) ay isasakatuparan sa lahat nang sabay-sabay. Ititiwalag ang mga taong gumagawa ng masama, at yaong mga pinahihintulutang manatili ay ibubunyag nang magkakasabay. Samakatwid, ibubunyag nang sabay-sabay ang kalalabasan ng lahat ng uri ng mga tao. Hindi pahihintulutan ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nabigyan ng kaligtasan na pumasok sa pamamahinga bago isantabi ang mga taong gumagawa ng masama at hatulan o parusahan sila nang paunti-unti; hindi ang mga iyon ang mga katunayan. Kapag nilipol na ang mga taong gumagawa ng masama at pumasok na sa pamamahinga yaong mga mananatiling buhay, makokompleto na ang gawain ng Diyos sa sansinukob. Hindi magkakaroon ng pagkakasunod-sunod ng prayoridad sa mga tumatanggap ng mga pagpapala at mga nagdurusa ng kapahamakan; mabubuhay magpakailanman yaong mga tumatanggap ng mga pagpapala, samantalang masasawi magpasawalang hanggan yaong mga nagdurusa ng kapahamakan. Magkasabay na tatapusin ang dalawang hakbang na ito ng gawain. Mismong dahil sa pag-iral ng mga mapaghimagsik na tao kaya mahahayag ang pagkamatuwid ng mga nagpapasakop, at mismong dahil may mga tumanggap na ng mga pagpapala kaya mabubunyag ang kapahamakang dinaranas ng mga taong gumagawa ng masama dahil sa masasama nilang gawa. Kung hindi ibubunyag ng Diyos ang mga taong gumagawa ng masama, ang mga taong taos-pusong nagpapasakop sa Diyos ay hindi kailanman makikita ang araw; kung hindi dadalhin ng Diyos sa isang angkop na hantungan yaong mga nagpapasakop sa Kanya, hindi matatanggap ng mga mapaghimagsik sa Diyos ang nararapat nilang ganti. Ito ang proseso ng gawain ng Diyos. Kung hindi Niya isasakatuparan ang gawaing ito ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti, hindi kailanman makakapasok sa kani-kanilang mga hantungan ang mga nilikha. Sa sandaling pumasok sa kapahingahan ang sangkatauhan, nalipol na ang mga taong gumagawa ng masama at mapupunta sa tamang landas ang buong sangkatauhan; ang lahat ng klase ng mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri batay sa mga papel na dapat nilang isagawa. Ito lamang ang magiging araw ng kapahingahan ng sangkatauhan, at ito lamang ang di-maiiwasang kalakaran para sa pag-unlad ng sangkatauhan. Kapag nakapasok na sa kapahingahan ang sangkatauhan, saka lang tuluyang matatapos ang dakilang gawain ng Diyos; ito ang magiging pangwakas na bahagi ng gawain Niya. Ang gawaing ito ang tatapos sa bulok na pamumuhay ng laman ng buong sangkatauhan, gayundin sa pamumuhay ng tiwaling sangkatauhan. Mula sa oras na iyon, papasok ang mga tao sa isang bagong mundo. Bagama’t mamumuhay sa laman ang lahat ng tao, ang diwa ng buhay na ito ay magiging labis na iba mula sa buhay ng tiwaling sangkatauhan. Magiging iba rin ang kabuluhan ng pag-iral na ito mula sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Bagama’t hindi ito ang magiging buhay ng isang bagong uri ng tao, masasabi na buhay ito ng isang sangkatauhang nailigtas, at isang buhay rin kung saan nanumbalik na ang pagkatao at katwiran. Ang mga ito ay mga taong minsan nang naging mapaghimagsik laban sa Diyos, na nalupig na ng Diyos at pagkatapos ay iniligtas Niya; ang mga ito ay mga taong sumira sa dangal ng Diyos at kalaunan ay nagpatotoo para sa Kanya. Pagkatapos sumailalim sa Kanyang pagsubok at manatili, ang kanilang pag-iral ang magiging pinakamakabuluhang pag-iral; sila ay mga taong nagpatotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas, at mga tao na karapat-dapat mabuhay. Yaong mga masasawi ay ang mga hindi makapanindigan sa kanilang patotoo sa Diyos at hindi kalipikado na patuloy na mabuhay. Magiging bunga ng masasama nilang gawa ang kanilang pagkalipol, at ang gayong pagpuksa ang pinakamainam na hantungan para sa kanila. Sa hinaharap, pagpasok ng sangkatauhan sa magandang mundo, walang magiging mga ugnayan sa pagitan ng mag-asawa, sa pagitan ng ama at anak na babae, o sa pagitan ng ina at anak na lalaki na inaakala ng mga tao na kanilang matatagpuan. Sa oras na iyon, ang bawat tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri, at ang mga pamilya ay nawasak na. Pagkatapos ganap na mabigo, hindi na muling guguluhin ni Satanas ang sangkatauhan, kaya hindi na magkakaroon ng mga satanikong tiwaling disposisyon ang mga tao. Nalipol na yaong mga mapaghimagsik na tao, at tanging ang mga tao na nagpapasakop ang mananatiling buhay. Dahil dito, napakakaunting pamilya ang mananatiling buhay nang buo, kaya paano makapagpapatuloy sa pag-iral ang mga ugnayan ng laman? Lubos nang ipagbabawal ang dating buhay sa laman ng sangkatauhan; paano makaiiral kung gayon ang mga ugnayan ng laman sa pagitan ng mga tao? Kung walang mga satanikong tiwaling disposisyon, ang buhay ng tao ay hindi na magiging ang lumang buhay ng nakaraan, kundi isang bagong buhay. Mawawalan ng mga anak ang mga magulang, at mawawalan ng mga magulang ang mga anak. Mawawalan ng misis ang mga mister, at mawawalan ng mister ang mga misis. Kasalukuyang umiiral ang mga ugnayan ng laman sa pagitan ng mga tao, ngunit hindi na iiral ang mga ito sa sandaling nakapasok na ang lahat ng tao sa kapahingahan. Tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang magtataglay ng pagiging matuwid at kabanalan; tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang makasasamba sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 601

Nilikha ng Diyos ang mga tao, inilagay Niya sila sa lupa at inaakay sila magmula noon, kalaunan, iniligtas Niya sila at nagsilbi Siya bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, at sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang orihinal na wangis. Ito ang gawaing isinasagawa Niya mula sa simula hanggang sa wakas—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa orihinal nitong imahe at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipapanumbalik ang orihinal na wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng nilikha. Matapos gawing tiwali ni Satanas, nawala sa mga tao ang may-takot-sa-Diyos nilang puso gayundin ang papel na nararapat na mayroon ang mga nilikha. Lahat sila ay naging mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Diyos, nabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at napailalim sa pagmamanipula ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi Niya makamit ang takot ng mga ito. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit ang totoo ay tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng lugar sa kanilang puso, na ang ibig sabihin ay nawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang orihinal nilang wangis at tanggalin sa sangkatauhan ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niya silang iligtas mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipapanumbalik ang orihinal nilang wangis at papel, at sa wakas, ay mapapanumbalik ang kaharian Niya. Ang ganap na pagkalipol ng yaong mga anak ng paghihimagsik sa huli ay magiging para din sa kapakanan ng pagtutulot sa mga tao na sambahin nang mas mabuti ang Diyos at mabuhay sa lupa nang mas maayos. Yamang nilikha ng Diyos ang mga tao, idudulot Niya na sumamba sila sa Kanya; yamang ninanais Niyang mapanumbalik ang orihinal na papel ng sangkatauhan, ganap Niya itong panunumbalikin, at nang walang anumang halo. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagdulot na sumamba at magpasakop ang mga tao sa Kanya; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na masawi ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na idudulot ng Diyos na mamalagi sa gitna ng mga tao ang lahat ng tungkol sa Kanya nang walang paglaban mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na nagpapasakop sa Kanya at nagtataglay ng kaluwalhatian Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ang kaharian Niya. Kung hindi lilipulin ng Diyos yaong mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Kanya, hindi Niya magagawang makamit ang ganap Niyang kaluwalhatian, at hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang ganap na lipulin iyong mga kabilang sa sangkatauhan na mapaghimagsik laban sa Kanya, at dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap—ang mga ito ang magiging mga tanda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng dakilang tagumpay Niya. Kapag napanumbalik na ang mga tao sa orihinal nilang wangis, at kapag kaya na nilang tuparin ang kani-kanilang mga tungkulin, manatili sa sarili nilang mga wastong kinalalagyan, at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao sa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng sumasalungat sa Kanya ay masasawi magpasawalang hanggan. Panunumbalikin nito ang orihinal Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; panunumbalikin nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng bagay, at panunumbalikin din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga tanda ng ganap Niyang tagumpay. Magmula sa oras na iyon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dumi at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat ng nasa daigdig na ito na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong hinatiran Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 602

Ang tao ay lubusang gagawing ganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Pagkatapos ng gawain ng panlulupig, ang tao ay isasailalim sa pagpipino at kapighatian. Iyong mga makakapagtagumpay at makakapanindigan sa kanilang patotoo nitong panahon ng kapighatian ay iyong mga gagawing ganap sa kahuli-hulihan; sila ang mga mananagumpay. Sa panahon nitong kapighatian, hinihingi sa tao na tanggapin ang pagpipinong ito, at ang pagpipinong ito ang huling pagkakataon ng gawain ng Diyos. Ito ang huling pagkakataon na pipinuhin ang tao bago ang pagtatapos ng lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay kailangang tanggapin ang huling pagsubok na ito, at kailangan nilang tanggapin itong huling pagpipino. Iyong mga nasa gitna ng kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit iyong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayo nang matatag sa kahuli-hulihan; sila iyong mga nagtataglay ng pagkatao, at mga sinserong nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang gawin ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at magsasagawa pa rin ng katotohanan nang hindi nawawalan ng kanilang patotoo. Sila iyong mga lalabas mula sa malaking kapighatian sa wakas. Kahit na ang mga nagraraos lang para sa pakinabang ay maaari pa ring maging palamunin ngayon, walang makatatakas sa pangwakas na kapighatian, at walang makatatakas mula sa pangwakas na pagsubok. Para sa mga nagtatagumpay, ang ganoong kapighatian ay isang matinding pagpipino; ngunit para sa mga nagraraos lang para sa pakinabang, ito ang gawain ng lubos na pagtitiwalag. Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga tao, na nasa puso ang Diyos, ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang mga puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang anumang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang gayong mga mababang-uri na tao ay “palalayasin” lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila papakitaan ng awa kahit kaunti. Iyong mga walang pagkatao ay talagang hindi nagtataglay ng tunay na pagmamahal para sa Diyos. Kapag ang paligid ay komportable, o may bagay silang makakamit, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang mga pagnanais ay napinsala o nawasak sa huli, agad silang tumitindig para maghimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, mula sa isang nakangiting, “mabuti ang loob” na tao, sila ay nagiging mukhang mabangis na berdugo, di-inaasahan na itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagbigay ng tulong kahapon, nang walang katwiran o kadahilanan. Kung ang masasamang demonyong ito na pumapatay nang hindi kumukurap ay hindi pinapalayas, hindi ba’t sila ay magiging isang malubhang nakatagong panganib? Hindi ito ang kaso na sa sandaling ang gawain ng paglupig ay matapos na, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay nagiging ganap na tapos. Kahit natapos na ang gawain ng paglupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; tanging kapag ang tao ay lubusan nang dalisay, sa sandaling iyong mga sinserong nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling iyong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay napaalis na, saka matatapos ang gawain. Iyong mga walang kakayahang palugurin ang Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang ititiwalag, at iyong mga itinitiwalag ay ang kauri ng mga diyablo. Ang mga walang kakayahang palugurin ang Diyos ay mapaghimagsik laban sa Diyos. Kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas. Sa mga salitang “iyong mga sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tatanggap ng kaligtasan,” ang kahulugan ng “sumunod” ay tumayo nang matatag sa gitna ng kapighatian. Ngayon, marami ang naniniwala na napakadaling sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Ang katunayan na kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos kang lupigin ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Iyong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, at hindi nila makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli. Ang mga sinserong sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok sa kanilang gawain, samantalang iyong mga hindi sinserong sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Sa malao’t madali, sila ay mapapalayas, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay sinsero bang naghahanap sa Diyos o hindi ay maaari lamang na matukoy sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa mismong itinatakda ng tao. Hindi itinatakwil ng Diyos ang sinumang tao nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakakumbinsi sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makakakumbinsi sa tao. Kung ang pananampalataya ba ng tao ay tunay o hindi ay napapatunayan ng mga katunayan at hindi maitatakda ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng sinserong nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang masama ng Diyos ang sinumang sinserong nagmamahal sa Kanya. Batay sa iba’t iba nilang mga tungkulin at mga patotoo, ang mga mananagumpay sa kaharian ay magsisilbing mga pari o tagasunod, at lahat ng matagumpay sa gitna ng kapighatian ay magiging kalipunan ng mga pari sa loob ng kaharian. Ang kalipunan ng mga pari ay mabubuo kapag ang gawain ng ebanghelyo sa buong sansinukob ay natapos na. Kapag dumating ang panahong iyon, ang kailangang gawin ng tao ay ang paggampan sa kanyang tungkulin sa kaharian ng Diyos, at ang paninirahan niyang kasama ang Diyos sa loob ng kaharian. Sa kalipunan ng mga pari mayroong magiging mga punong pari at mga pari, at ang natitira ay magiging mga anak at mga tao ng Diyos. Sila ay pagbubukod-bukurin batay sa kanilang mga patotoo sa Diyos sa panahon ng kapighatian; ang mga ito ay hindi mga titulo na basta lamang na ibinibigay. Sa sandaling ang katayuan ng tao ay natukoy na, ang gawain ng Diyos ay titigil, dahil ang bawat tao ay ibubukod-bukod ayon sa kanilang uri at ibabalik sa kanilang orihinal na posisyon, at ito ang tanda ng katuparan ng dakilang gawain ng Diyos, ito ang pangwakas na kinalabasan ng gawain ng Diyos at ng pagsasagawa ng tao, at ito ang kristalisasyon ng mga pangitain ng gawain ng Diyos at ng pakikipagtulungan ng tao. Sa huli, ang tao ay papasok sa kaharian ng Diyos at doon ay makakasumpong ng kapahingahan, at ang Diyos din ay babalik sa Kanyang tahanan upang mamahinga. Ito ang magiging pangwakas na kinalabasan ng 6,000 taong pakikipagtulungan sa pagitan ng Diyos at ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 603

Ang mga palaging nagbubulalas ng pagkanegatibo sa gitna ng mga kapatid ay mga alipin ni Satanas, at sila ang gumugulo sa iglesia. Ang mga taong ito balang araw ay kailangang patalsikin at itiwalag. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, kung ang mga tao ay walang mga may-takot-sa-Diyos na puso, kung wala silang mga pusong nagpapasakop sa Diyos, hindi lamang sila hindi makakagawa ng anumang gawain para sa Kanya, kundi sa kabaligtaran, sila ay magiging mga taong gumugulo sa Kanyang gawain at lumalaban sa Kanya. Ang manampalataya sa Diyos ngunit hindi magpasakop o matakot sa Kanya, at sa halip labanan Siya, ay ang pinakamalaking kahihiyan para sa isang mananampalataya. Kung walang-ingat at walang pagpipigil ang pananalita at asal ng mga mananampalataya na tulad ng mga walang pananampalataya, mas buktot pa sila kaysa sa mga walang pananampalataya; sila ay tipikal na masasamang demonyo. Iyong mga nagbubulalas ng kanilang makamandag at mapaminsalang pananalita sa loob ng iglesia, na nagkakalat ng walang batayang mga tsismis, nagpupukaw ng kawalan ng pagkakaisa, at bumubuo ng mga pangkat-pangkat sa gitna ng mga kapatid—dapat ay pinatalsik sila sa iglesia. Subalit dahil ibang panahon na ngayon ng gawain ng Diyos, nililimitahan ang mga taong ito, sapagkat tiyak na ititiwalag sila. Lahat ng nagawang tiwali ni Satanas ay may mga tiwaling disposisyon. Gayumpaman, may ilang tao na nagtataglay ng mga tiwaling disposisyon lamang, samantalang ang iba ay hindi ganito: Hindi lamang sila mayroong mga satanikong tiwaling disposisyon, kundi lubos na mapaminsala rin ang kanilang kalikasan. Ang mga salita at kilos ng mga taong ito ay lagpas sa pagbubunyag lang ng mga satanikong tiwaling disposisyon; sila ay totoong mga diyablo at mga Satanas. Ang ginagawa lang nila ay gambalain at guluhin ang gawain ng Diyos, nakakagulo ito sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at nakakasira sa normal na buhay iglesia. Sa malao’t madali, ang mga lobong ito na nakadamit-tupa ay aalisin; isang walang-awang saloobin, saloobin ng pagtanggi, ang dapat gamitin sa mga alipin na ito ni Satanas. Ito lamang ang pumapanig sa Diyos, at iyong mga hindi nakakagawa nito ay nagtatampisaw sa putikan na kasama ni Satanas. Ang Diyos ay palaging nasa puso ng mga taong tunay na nananampalataya sa Kanya, at palagi silang nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, isang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Dapat gawin ng mga nananampalataya sa Diyos ang mga bagay-bagay nang maingat at may hunos-dili, at lahat ng ginagawa nila ay dapat maging alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at makalugod sa Kanyang puso. Hindi dapat maging matigas ang kanilang ulo, na ginagawa ang anumang gusto nila; hindi iyan nababagay sa pag-asal ng isang banal. Hindi dapat magwala ang mga tao, nagyayabang at nanggagantso sa lahat ng dako, habang iwinawagayway ang bandila ng Diyos; ito ang pinakamapaghimagsik na uri ng asal. May mga panuntunan ang mga pamilya, at may mga batas ang mga bansa—hindi ba lalo na sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba higit na mas mahigpit pa ang mga pamantayan nito? Hindi ba’t higit na mas mayroon itong mga atas administratibo? Ang mga tao ay malayang gawin ang gusto nila, ngunit ang mga atas administratibo ng Diyos ay hindi maaaring baguhin kung kailan gustuhin. Ang Diyos ay isang Diyos na hindi nalalabag ng mga tao; Siya ay isang Diyos na humahampas sa mga tao. Hindi pa ba ito alam talaga ng mga tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 604

Bawat iglesia ay may mga taong nagsasanhi ng kaguluhan sa iglesia o nakakagambala sa gawain ng Diyos. Lahat sila ay mga Satanas na nakapasok sa sambahayan ng Diyos nang nakabalatkayo. Ang gayong mga tao ay lubos na mahusay umakto: Humaharap sila sa Akin nang may malaking pagpipitagan, labis-labis na nagbibigay-galang, ang mismong imahe ng mga asong galisin, at inilalaan ang kanilang “lahat-lahat” para makamtan ang sarili nilang mga intensyon—ngunit sa harap ng mga kapatid, ipinapakita nila ang kanilang pangit na panig. Kapag nakakakita sila ng mga taong nagsasagawa ng katotohanan, pinupuntirya nila ang mga ito at itinutulak sa isang tabi; kapag nakakakita sila ng mga taong mas malakas kaysa sa kanila, pinupuri at binobola nila ang mga ito. Kumikilos sila nang walang pakundangan sa loob ng iglesia. Masasabi na ang gayong “lokal na mga maton,” ang gayong “mga sipsip,” ay umiiral sa karamihan ng mga iglesia. Sama-sama silang kumikilos nang palihim, nagpapahatid ng mga kindat at lihim na senyas sa isa’t isa, at walang isa man sa kanila ang nagsasagawa ng katotohanan. Sinuman ang may pinakamaraming lason ay siyang “punong demonyo,” at sinuman ang may pinakamataas na prestihiyo ay namumuno sa kanila, at iwinawagayway ang kanilang bandila. Nanggugulo ang mga taong ito sa loob ng iglesia, nagkakalat ng pagkanegatibo, bumubulalas ng kamatayan, ginagawa ang gusto nila, sinasabi ang gusto nila, at walang sinumang nangangahas na pigilan sila. Puno sila ng mga satanikong disposisyon. Habang nagdudulot sila ng ganitong kaguluhan, pumapasok na ang atmospera ng kamatayan sa iglesia. Iyong mga nasa iglesia na nagsasagawa ng katotohanan ay tinatanggihan, hindi magawa ang lahat ng kanilang makakaya, samantalang iyong mga nanggugulo sa iglesia at nagkakalat ng kamatayan ay nagwawala sa loob—at, bukod pa riyan, karamihan sa mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang gayong mga iglesia ay halos pinamumunuan ni Satanas, kung saan ang diyablo ang hari nila. Kung ang mga tao sa gayong mga iglesia ay hindi tumatayo at tumatanggi sa mga punong demonyo, sila rin sa malao’t madali ay mawawasak. Mula ngayon, kailangang gumawa ng mga hakbang laban sa gayong mga iglesia. Kung hindi maghahanap ang mga may kakayahang magsagawa ng kaunting katotohanan, kung gayon, bubuwagin ang iglesiang iyon. Kung walang sinuman sa isang iglesia ang handang magsagawa ng katotohanan at walang sinumang makapanindigan sa kanilang patotoo sa Diyos, dapat ay ihiwalay nang lubusan ang iglesiang iyon, at kailangang putulin ang mga koneksyon nito sa ibang mga iglesia. Tinatawag itong “paglilibing sa kamatayan”; ito ang ibig sabihin ng pagtanggi kay Satanas. Kung may ilang lokal na maton sa isang iglesia, at sinusundan sila ng “maliliit na langaw” na lubos na hindi makakilatis, at kung ang mga tao sa iglesiang ito, kahit nakita na nila ang katotohanan, ay wala pa ring kakayahang tanggihan ang mga gapos at manipulasyon ng mga maton na ito, kung gayon, ang lahat ng taong magulo ang isip na iyon ay ititiwalag sa huli. Maaaring walang nagawang anumang malaking kasamaan ang maliliit na langaw na ito, ngunit mas mapanlinlang pa sila, mas tuso pa, at lahat ng kagaya nito ay ititiwalag. Wala ni isang matitira! Iyong mga kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang iyong mga hinirang ng Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; naitatakda ito ng kanilang mga kalikasan. Hayaang mamatay ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan iyong mga naghahanap sa katotohanan na matustusan, at nawa ay masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t nais nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng pagkiling kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang tao na naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 605

Ang mga taong hindi nagpupunyaging sumulong ay palaging inaasam na maging negatibo at batugan din ang iba na kagaya nila. Iyong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay naiinggit sa mga nagsasagawa niyon, at palaging sinusubukang iligaw iyong mga tao na magulo ang isip at walang pagkilatis. Ang mga bagay na inilalabas ng mga taong ito ay maaaring maging dahilan para ikaw ay mabulok, dumausdos pababa, masadlak sa isang abnormal na kondisyon, at mapuspos ng kadiliman. Maaaring magsanhi ito na mapalayo ka sa Diyos, at itangi mo ang laman at bigyan mo ng kaluwagan ang iyong sarili. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at laging pabasta-basta ang pakikitungo sa Diyos ay walang kamalayan sa sarili, at ang disposisyon ng gayong mga tao ay umaakit sa iba na magkasala at lumaban sa Diyos. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan, ni hindi nila tinutulutan ang iba na isagawa ito. Itinatangi nila ang kasalanan at hindi nila kinamumuhian ang kanilang sarili. Hindi nila kilala ang kanilang sarili, at pinipigilan nila ang iba na kilalanin ang kanilang mga sarili; pinipigilan din nila ang iba na mauhaw para sa katotohanan. Iyong mga inililigaw nila ay hindi makakita sa liwanag—masasadlak sila sa kadiliman, hindi nila kilala ang kanilang sarili, hindi malinaw sa kanila ang katotohanan, at napapalayo sila nang napapalayo mula sa Diyos. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan at pinipigilan nila ang iba sa pagsasagawa ng katotohanan, at dinadala ang lahat ng magulo ang isip na iyon sa kanilang harapan. Sa halip na sabihing nananampalataya sila sa Diyos, mas mabuti pang sabihing nananampalataya sila sa kanilang mga ninuno, o na ang kanilang sinasampalatayanan ay ang mga diyos-diyosan sa kanilang puso. Ang pinakamabuting gawin ng mga taong nagsasabi na sumusunod sila sa Diyos ay imulat ang kanilang mga mata at tumingin nang husto upang makita kung sino talaga ang sinasampalatayanan nila: Ang Diyos ba talaga ang sinasampalatayanan mo, o si Satanas? Kung alam mo na hindi ang Diyos ang sinasampalatayanan mo, kundi ang sarili mong mga diyos-diyosan, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Kung talagang hindi mo alam kung sino ang iyong sinasampalatayanan, muli, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Ang pagsasabi niyon ay kalapastanganan! Walang sinumang pumipilit sa iyo na manampalataya sa Diyos. Huwag ninyong sabihing nananampalataya kayo sa Akin; sawa na Ako sa ganyang pananalita, at ayaw Ko nang marinig iyong muli, dahil ang sinasampalatayanan ninyo ay ang mga idolo sa inyong puso at ang lokal na mga maton sa inyo. Lahat ng umiiling kapag naririnig nila ang katotohanan, na ngumingisi kapag nakakarinig sila ng mga salita ng kamatayan, ay mga supling ni Satanas, at sila iyong ititiwalag. Marami sa iglesia ang hindi makakilatis. Kapag sinusubukang ilihis ng isang tao ang iba, sa kabaligtaran, pumapanig sila kay Satanas; pakiramdam pa nga nila ay labis silang naaagrabyado na tinatawag silang mga alipin ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilatis, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila naninindigan at nagtatanggol kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkilatis? Sa kabaligtaran, bakit sila pumapanig kay Satanas? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan at makatwiran alang-alang sa katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkilatis ang mayroon ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustong-gusto ng mga taong walang pagkilatis ang kasalanan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay ang mga tapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at magsalita sa parehong wika nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Sapat nang kaya nilang pumanig kay Satanas upang patunayan na talagang mahal ni Satanas ang maliliit na diyablong ito na ginugugol ang kanilang buhay sa pakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas. Hindi ba napakalinaw ng lahat ng katunayang ito? Kung talagang isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, bakit wala kang pagpapahalaga sa mga nagsasagawa ng katotohanan, at bakit ka sumusunod kaagad sa mga hindi nagsasagawa ng katotohanan sa pinakatiting na tingin mula sa kanila? Anong klaseng problema ito? Wala Akong pakialam kung may pagkilatis ka o wala. Wala Akong pakialam kung gaano kalaki ang halagang ibinayad mo. Wala Akong pakialam kung gaano kalakas ang mga puwersa mo, at wala Akong pakialam kung isa kang lokal na maton o isang lider na tagadala ng bandila. Kung malakas ang mga puwersa mo, dahil lamang iyon sa tulong ng lakas ni Satanas. Kung mataas ang iyong prestihiyo, dahil lamang iyon sa napakarami sa paligid mo ang hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi ka pa napapatalsik, dahil iyon sa hindi pa panahon para sa gawain ng pagpapatalsik; sa halip, ito ang panahon para sa gawain ng pagtitiwalag. Hindi kailangang magmadaling patalsikin ka ngayon. Naghihintay lamang Ako sa pagdating ng araw na iyon na parurusahan kita kapag naitiwalag ka na. Sinumang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay ititiwalag!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 606

Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay iyong mga handang isagawa ang salita ng Diyos at handang isagawa ang katotohanan. Ang mga taong tunay na nagagawang manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos ay iyon ding mga handang isagawa ang Kanyang salita at talagang kayang pumanig sa katotohanan. Ang mga taong nakikibahagi sa mga baliko at di-matuwid na pagsasagawa ay pawang walang katotohanan, at nagbibigay-kahihiyan silang lahat sa Diyos. Iyong mga nagsasanhi ng mga alitan sa iglesia ay mga alipin ni Satanas, sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Ang gayong mga tao ay napakamapaminsala. Iyong mga taong walang pagkilatis subalit walang kakayahang pumanig sa katotohanan ay pawang mga taong nagkikimkim ng masasamang intensyon at dinudungisan ang katotohanan. Sila ay mas tipikal na mga kinatawan ni Satanas. Hindi na sila matutubos, at natural lamang na itiwalag. Hindi tinutulutan ng sambahayan ng Diyos na manatili ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nito tinutulutang manatili iyong mga sadyang gumigiba sa iglesia. Gayunman, hindi ito ang panahon para gawin ang gawain ng pagpapatalsik; ibubunyag at ititiwalag lamang ang gayong mga tao sa huli. Wala nang walang-silbing gawaing iuukol sa mga taong ito; iyong mga Satanas ay hindi kayang pumanig sa katotohanan, samantalang iyong mga naghahanap sa katotohanan ay kayang gawin ito. Ang mga tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat na marinig ang daan ng katotohanan at hindi karapat-dapat na magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ang katotohanan ay sadyang hindi para sa kanilang pandinig; sa halip, ito ay para sa mga nagsasagawa nito. Bago ibunyag ang kalalabasan ng bawat tao, iyong mga nanggugulo sa iglesia at nanggagambala sa gawain ay isasantabi at hahayaan muna sa ngayon. Kapag natapos na ang gawain, ibubunyag ang bawat isa sa mga taong ito, at pagkatapos ay ititiwalag sila. Sa ngayon, habang ipinagkakaloob ang katotohanan, hindi sila papansinin. Kapag ibinunyag sa sangkatauhan ang buong katotohanan, magsisimulang itiwalag ang mga tao; iyon ang panahon kung kailan pagbubukud-bukurin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ang maliliit na panlalansi ng mga walang pagkilatis ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao, sila ay aakitin palayo ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, at dahil sumusunod sila sa masasamang tao, pumapanig sa masasamang tao, at nakikipagsabwatan sa masasamang tao para labanan ang Diyos. Alam na alam nila na ang ibinubunyag ng masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinalalakas nila ang kanilang loob at tinatalikuran ang katotohanan para sundan ang mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at karumal-dumal na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na kumikilos bilang mga “hari” at iba na sumusunod sa kanila, hindi ba’t pareho ang kalikasan nila ng paglaban sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang lumilipol sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang paghihimagsik ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Iyong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ang mga ito ang mga kalalabasan na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan. Pinapayuhan Ko ang mga hindi nagpaplanong isagawa ang katotohanan na lisanin ang iglesia sa lalong madaling panahon upang hindi na makagawa ng mas marami pang kasalanan. Pagdating ng panahon, magiging huli na ang lahat para magsisi. Lalo na, iyong mga nagpapangkat-pangkat at lumilikha ng pagkakawatak-watak, at iyong mga lokal na maton sa loob ng iglesia, ay kailangang lumisan nang mas maaga. Ang mga taong iyon, na may kalikasan ng masasamang lobo, ay walang kakayahang magbago. Mas mabuti pang lisanin nila ang iglesia sa pinakamaagang pagkakataon, at huwag nang guluhing muli ang normal na buhay ng mga kapatid kailanman, upang hindi sila maparusahan ng Diyos. Makakabuting gamitin ninyong mga sumama sa kanila ang pagkakataong ito upang magnilay-nilay sa inyong sarili. Lilisanin ba ninyo ang iglesia na kasama ng masasama, o mananatili kayo at susunod nang masunurin? Kailangan ninyong pag-isipang mabuti ang bagay na ito. Binibigyan Ko kayo ng isa pang pagkakataon upang pumili, at hinihintay Ko ang inyong kasagutan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 607

Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat sa Kanya ka lamang maging tapat sa lahat ng bagay, at magawa mong umayon sa mga layunin Niya sa lahat ng bagay. Gayunman, kahit na naiintindihan ng lahat ang mensaheng ito, dahil sa sari-saring suliranin ng tao—halimbawa, dahil sa kanyang kamangmangan, pagkabaligho, at katiwalian—ang mga katotohanang ito, na pinakamadaling maunawaan at pinakabatayan sa lahat, ay hindi ganap na nakikita sa kanya, kaya naman, bago matukoy ang kinalabasan ninyo, nararapat Kong sabihin muna sa inyo ang ilang bagay na pinakamahalaga sa inyo. Bago Ako magpatuloy, dapat muna ninyong maintindihan ito: Ang mga salitang sinasabi Ko ay mga katotohanang nakatuon sa buong sangkatauhan; ang mga ito ay hindi lamang ipinapahayag sa isang partikular na tao o uri ng tao. Samakatwid, dapat lang ninyong bigyang-pansin ang pag-arok sa mga salita Ko mula sa pananaw ng katotohanan, at dapat kayong magkaroon ng saloobin ng masusing atensiyon at sinseridad; huwag ninyong balewalain ang isa mang salita o katotohanang sinasabi Ko, at huwag ninyong tratuhin nang basta-basta ang lahat ng salitang sinasabi Ko. Sa buhay ninyo, nakikita Kong napakarami ninyong ginawang bagay na walang kinalaman sa katotohanan, at kaya naman partikular Kong hinihingi na maging mga tagapaglingkod kayo ng katotohanan, na huwag kayong maging mga alipin ng kabuktutan at kapangitan, at huwag ninyong yurakan ang katotohanan o dungisan ang alinmang sulok ng sambahayan ng Diyos. Ito ang paalala Ko sa inyo. Ngayon nama’y magsasalita Ako tungkol sa ating kasalukuyang paksa.

Una, para sa kapakanan ng mga kapalaran ninyo, dapat ninyong makamit ang pagkilala ng Diyos. Ibig sabihin, yamang kinikilala ninyong mga miyembro kayo ng sambahayan ng Diyos, kung gayon ay dapat ninyong gawing panatag ang isip ng Diyos sa lahat ng aspekto at bigyang-lugod Siya sa lahat ng bagay—na ibig sabihin, dapat kayong kumilos nang may prinsipyo at alinsunod sa katotohanan. Kung hindi mo kayang makamit ito, itataboy ka ng Diyos at itatakwil ka ng lahat nang may panghahamak. Kapag nalugmok ka sa gayong kalagayan, hindi ka na mabibilang sa mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, na siyang mismong kahulugan ng pagiging hindi kinikilala ng Diyos.

Pangalawa, dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat. Ang Diyos ay may diwa ng katapatan, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang kapintasan at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya. Kung kaya’t gusto ng Diyos ang mga lubos na matapat sa Kanya. Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang sa mga nasa itaas ninyo at maglihim sa mga nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na pagtatangka lamang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble para sa inyo ang hirap nito. Maraming tao ang mas nanaisin pang maitapon sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo na maging matatapat na tao. Sapagkat “napakamautak” ninyong lahat, napakahusay sa pagsukat sa puso ng mga marangal na tao batay sa sarili ninyong mababang uri na pag-iisip, ginagawa nitong mas simple ang gawain Ko. At yamang mahigpit na itinatago ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa sakuna upang “mabigyang-leksyon” ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maging determinado kayong maniwala sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay tapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Tiyak na hindi kayo madadala ng pagmamalaki tulad ngayon! At lalong hindi kayo magiging “kasinglalim at kasinghirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maayos at wastong kumikilos ang ilang tao, at labis na “maayos ang asal,” subalit inilalabas nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang gayong mga tao sa hanay ng mga matapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong nagtatangkang paglaruan ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw na ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang pribadong usapin na mahirap talakayin, kung tutol na tutol kang magtapat tungkol sa mga lihim mo—ang mga suliranin mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan, at mahihirapan na makaahon mula sa kadiliman. Kung talagang kinalulugdan mo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masipag at maingat kahit hindi napapansin, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng bayad at isa ka lamang matapat na tao. Kung handa kang maging prangka, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang mga taong tulad mo ay ang mga inaaruga sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananalig at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung mayroon kang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung hindi mo taglay ang mga ito, nananatili sa loob mo ang paghihimagsik, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil hindi matapat ang puso mo, hindi ka kailanman pinahalagahan ng Diyos at hindi ka kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang kahihinatnan ng tadhana ng isang tao ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong matapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi matapat, isang taong may pusong puno ng kapinsalaan, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng iyong tadhana. Kung sinasabi mong ikaw ay napakatapat, ngunit hindi mo kailanman nagagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magsabi ng kahit isang totoong salita, kung gayon, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na pinakanatatangi sa paningin Niya? Hindi ba’t kahangalan ang ganitong pag-iisip? Kung nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay, paanong patutuluyin ng sambahayan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

Ito ang pangatlong bagay na nais Kong sabihin sa inyo: Ang bawat tao, habang ipinamumuhay ang kanyang buhay ng pananalig sa Diyos, ay nakagawa ng mga bagay na lumalaban at nanlilinlang sa Diyos. Hindi kailangang itala bilang demerito ang ilan sa mga ito, ngunit walang kapatawaran ang ilan, sapagkat marami sa mga ito ang lumalabag sa mga atas administratibo—mga bagay na lumalapastangan sa disposisyon ng Diyos. Marami sa mga nababahala sa kanilang sariling mga kapalaran ay maaaring magtanong kung ano-ano ang mga bagay na ito. Dapat ninyong malaman na likas kayong mapagmataas at palalo, at ayaw na ayaw ninyong magpasakop sa mga katunayan. Sa dahilang ito, sasabihin Ko sa inyo nang paunti-unti pagkatapos ninyong pagnilayan ang mga sarili ninyo. Hinihikayat Ko kayong gumugol ng totoong pagsisikap na maunawaan ang nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap na kilalanin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, masyado kayong walang pakundangan magsasalita, at maglilitanya kayo ng matatayog-pakinggan na salita, hindi namamalayang nalalapastangan ninyo ang disposisyon ng Diyos at nasasadlak kayo sa kadiliman, nawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, ginagawa at sinasabi ninyo ang hindi dapat, matatanggap mo ang retribusyong nararapat sa iyo. Dapat mong malaman na kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang ito. Ang dahilan kaya nakatatanggap ka ng retribusyon ay dahil nagkasala ka sa Diyos, hindi isang tao. Kung sa buhay mo ay maraming beses kang lumalapastangan sa disposisyon ng Diyos, nakatakda kang maging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring mukhang gumawa ka lamang ng iilang gawang salungat sa katotohanan, at wala nang iba. Gayumpaman, alam mo ba na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, wala kang ipinakitang tanda ng pagsisisi o pagbabalik-loob, wala nang ibang pagpipilian kundi ang masadlak ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. Maliit na bilang ng mga tao ang gumawa ng ilang gawang lumabag sa mga prinsipyo habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapungusan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito ay pumasok sila sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao ang mananatiling buhay hanggang sa huli. Gayumpaman, ang matatapat ang gusto Ko; kung isa kang matapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging katapatang-loob ng Diyos. Kung sa mga kilos mo ay hindi mo nilalapastangan ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang mga layunin ng Diyos, at mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay pasok sa pamantayan ang pananalig mo. Sinumang hindi natatakot sa Diyos at walang pusong nanginginig sa takot ay malamang na malamang na lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga ipinapahiwatig ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting intensiyon, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinapatalsik sila mula sa sambahayan ng Diyos, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay natapos na. Ginagawa ng mga taong ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting intensiyon, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, delusyonal na iniisip na magagamit ang mga ito rito nang napakadali. Hindi nila kailanman naipagpapalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa pagiging katapatang-loob ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkasuklam at pagkapoot ng Diyos. Sa ngayon ay dapat nabatid mo na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi pag-aaral ng teolohiya!

Bagama’t maikli ang mga salitang ginagamit Ko upang paalalahanan kayo, ang lahat ng inilatag Ko ang siyang pinakakulang sa inyo. Dapat ninyong malaman na nagsasalita Ako ngayon para sa kapakanan ng huling gawain Ko sa gitna ng tao, alang-alang sa pagtukoy sa kinalabasan ng tao. Hindi Ko ninanais na gumawa pa ng mas maraming gawaing wala namang saysay, ni hindi Ko ninanais na ipagpatuloy ang paggabay sa mga taong parang mga piraso ng patay na kahoy, lalong hindi na ipagpatuloy ang pag-akay sa mga palihim na nagkikimkim ng masasamang intensiyon. Marahil mauunawaan ninyo balang araw ang masisidhing layunin sa likod ng mga salita Ko at ang mga naiambag Ko para sa sangkatauhan. Marahil balang araw ay matutuklasan ninyo ang isang konsepto na magbibigay-kakayahan sa inyo na matukoy ang sarili ninyong kalalabasan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 608

Nabigyan Ko na kayo ng maraming babala at napagkalooban kayo ng maraming katotohanan na ang layunin ay lupigin kayo. Sa ngayon, nararamdaman na ninyong lahat na higit kayong pinagyaman kaysa noong nakaraan, naiintindihan na ninyo ang maraming prinsipyo ng sariling asal, at naunawaan ang napakaraming sentido kumon na dapat taglayin ng mga taong tapat. Ang lahat ng ito ay ang inyong inani sa loob ng maraming taon. Hindi Ko ikinakaila ang inyong mga tagumpay, ngunit dapat Ko ring sabihin nang prangka na hindi Ko rin ikinakaila ang napakaraming paghihimagsik at pagkakanulo na inyong nagawa laban sa Akin sa loob ng maraming taon na ito, sapagkat wala ni isa mang banal na tao sa inyo—kayo ay, nang walang eksepsiyon, mga taong ginawang tiwali ni Satanas; mga kaaway kayo ni Cristo. Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling napakarami na hindi na mabilang ang inyong mga pagsalangsang at paghihimagsik, kaya hindi na talaga maituturing na kakaiba na palagi Ko kayong kinukulit. Hindi Ko nais na kasama ninyong umiral sa ganitong paraan—ngunit alang-alang sa inyong mga kinabukasan, alang-alang sa inyong mga hantungan, dito at ngayon, kukulitin Ko kayong muli. Umaasa Ako na makapagpapakita kayo ng higit na pag-unawa, at na paniniwalaan ninyo ang bawat salitang ibinibigkas Ko at uunawain ang malalalim na layunin sa likod ng Aking mga salita. Huwag ninyong pagdudahan ang Aking mga sinasabi, lalong huwag kaswal na pulutin ang Aking mga salita at pagkatapos ay itapon ang mga ito sa isang tabi kung nanaisin; hindi Ko ito mapagtitiisan. Huwag ninyong hatulan ang Aking mga salita, lalong huwag pa rin ninyong ituring ang mga ito nang basta-basta, at huwag sabihin na lagi Ko kayong sinusubok, lalong huwag sabihin na ang mga sinabi Ko sa inyo ay hindi tumpak—hindi Ko matatagalan ang lahat ng ito. Sapagkat palagi kayong puno ng paghihinala tungkol sa Akin at sa sinasabi Ko, palagi Akong hindi pinapansin at binabalewala ang mga salita Ko, may lubos na kaseryosohan Kong sinasabi sa bawat isa sa inyo: Huwag ninyong ikawing sa pilosopiya ang Aking sinasabi; huwag ninyong ikawing ang Aking mga salita sa mga kasinungalingan ng mga nanlalansi. Lalong hindi kayo dapat maging pabasta-basta sa Aking mga salita nang may pag-aalipusta. Marahil ay walang sinuman sa hinaharap ang makapagsasabi sa inyo ng kung ano ang sinasabi Ko sa inyo, o makapagsasalita sa inyo nang may gayong kabaitan, o, mas lalong hindi makakagabay sa inyo nang hakbang-hakbang nang may gayong pagtitiyaga. Gugugulin ninyo ang mga araw na darating sa paggugunita sa magagandang panahon, o sa malakas na pag-iyak, o pagdaing sa sakit, o mamumuhay kayo sa madidilim na gabi nang walang anumang panustos ng katotohanan o buhay, o maghihintay na lamang, ngunit nang walang kahit kaunting pag-asa, o mananahan sa ganoon kapait na panghihinayang na mawawala ang lahat ng inyong katwiran …. Wala sa inyo ang makatatakas sa mga posibilidad na ito. Ito ay dahil wala ni isa man sa inyo ang nasa posisyon kung saan tunay ninyong sinasamba ang Diyos, bagkus ay nakikihalubilo kayo sa mundo ng kahalayan at kasamaan, inihahalo sa inyong mga paniniwala, sa inyong mga espiritu, mga kaluluwa, at mga katawan ang napakaraming bagay na walang kinalaman sa buhay at katotohanan at sa totoo pa nga ay kasalungat ng mga ito. Samakatwid, ang inaasam Ko para sa inyo ay na matamo ninyo ang isang landas ng liwanag. Ang tanging inaasam Ko ay na pakamahalin ninyo ang inyong sarili at pahalagahan ang inyong sarili, at hindi kayo labis na magbigay-diin sa inyong hantungan habang tinitingnan ninyo nang may pagwawalang-bahala ang inyong pag-uugali at mga pagsalangsang.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pagsalangsang ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 609

Sa loob ng mahabang panahon, ang mga tao na naniniwala sa Diyos ay masugid nang nag-aasam ng isang magandang hantungan, at ang lahat ng mga naniniwala sa Diyos ay umaasa na biglang darating sa kanila ang mabuting kapalaran. Umaasa silang lahat na bago pa nila mamalayan ay masusumpungan nila ang mga sarili na payapang nakaluklok sa isang lugar o sa iba pang dako sa langit. Ngunit sinasabi Ko na ang mga taong ito, taglay ang maraming magandang saloobin nila, ay hindi kailanman nakabatid kung sila ba ay kalipikadong magkaroon ng ganoon kagandang kapalaran na nagmumula sa langit o maupo sa isang luklukan doon. Kayo, sa kasalukuyan, ay may mabuting kaalaman sa inyong mga sarili, ngunit umaasa pa rin kayo na matatakasan ninyo ang mga sakuna sa mga huling araw at ang kamay ng Makapangyarihan sa lahat kapag pinarusahan na Niya ang masasama. Tila ba ang pagkakaroon ng matatamis na pangarap at pagpapantasya ay isang karaniwang katangian ng lahat ng taong ginawang tiwali ni Satanas, at hindi bunga ng katalinuhan ng sinumang nag-iisang indibiduwal. Magkagayon pa man, hangad Ko pa ring wakasan ang inyong mga labis-labis na pagnanasa, gayundin ang inyong kasabikang magkamit ng mga pagpapala, dahil napakarami ng inyong mga paglabag, at ang mga insidente ng inyong paghihimagsik ay patuloy na dumarami, paano aakma ang mga bagay na ito sa inyong magagandang plano para sa hinaharap? Kung nais mong gumawa ng pagkakamali ayon sa iyong nais, nang walang pumipigil sa iyo, ngunit kasabay nito’y nais mo pa ring matupad ang mga pangarap mo, pinapayuhan kita, kung gayon, na magpatuloy na magtago sa ilalim ng kumot at matulog, at huwag nang gumising kailanman—sapagkat ang sa iyo ay isang hungkag na pangarap at sa harap ng matuwid na Diyos, hindi ka Niya gagawan ng pagtatangi. Kung nais mo lamang na matupad ang iyong mga pangarap, huwag kang mangarap kailanman; bagkus, ay harapin mo magpakailanman ang katotohanan at ang mga katunayan. Ito ang tanging paraan upang mailigtas ka. Ano, sa tiyak na pananalita, ang mga hakbang ng pamamaraang ito?

Una, suriin ang lahat ng pagsalangsang mo, at suriin ang anumang pag-uugali at mga saloobin mo na hindi umaayon sa katotohanan.

Ito ay isang bagay na madali mong magagawa, at naniniwala Ako na kaya itong gawin ng lahat ng taong may utak. Gayunman, yaong mga hindi kailanman nakaaalam kung ano ang kahulugan ng pagsalangsang at katotohanan ay mga di-kabilang, sapagkat sadyang wala silang utak. Ang mga salita Ko ay para sa mga taong kinilala ng Diyos, matatapat, hindi lubhang lumabag sa anumang mga atas administratibo, at madaling makahanap ng kanilang sariling mga pagsalangsang. Bagama’t itong isang bagay na hinihingi Ko sa inyo ay madaling gawin, hindi lamang ito ang bagay na hinihingi Ko sa inyo. Ano’t anuman, umaasa Ako na hindi ninyo pagtatawanan sa loob-loob ninyo ang hinihingi Kong ito, at lalong hindi ninyo ito mamaliitin o tatratuhin nang basta-basta. Dapat ninyo itong seryosohin, at huwag maging mapagwalang-bahala.

Ikalawa, para sa bawat pagsalangsang at paghihimagsik na mayroon ka, dapat kang maghanap ng isang katumbas na katotohanan upang lutasin ito, at pagkatapos, palitan mo ang iyong mga mapagsalangsang na kilos at mga mapaghimagsik na saloobin at mga kilos ng pagsasagawa sa katotohanan.

Ikatlo, dapat kang maging isang taong totoo; huwag mong subukang mambola, at huwag maging mapanlinlang na tao. (Dito ay muli Kong hinihingi sa inyo na maging isang matapat na tao.)

Kung maisasakatuparan mo ang lahat ng tatlong bagay na ito, ikaw ay mapalad—isa kang tao na ang mga pangarap ay natutupad at isang tao na tumatanggap ng mabuting kapalaran. Marahil ay ituturing ninyong seryoso ang tatlong hindi kahali-halinang kahingiang ito, o marahil ay susulyapan lang ninyo ang mga ito sa napakairesponsableng paraan. Ano’t anuman, ang Aking layunin ay ang tuparin ang inyong mga pangarap at maisakatuparan ang inyong mga adhikain, hindi ang pagtawanan kayo o paglaruan kayo.

Maaaring payak ang Aking mga hinihingi, ngunit ang sinasabi Ko sa inyo ay hindi kasimpayak ng isa dagdagan ng isa ay dalawa. Kung ang ginagawa lamang ninyo ay basta pag-usapan ito, o magsalita nang magsalita tungkol sa mga hungkag at tila mahalagang mga pahayag, ang inyong mga plano para sa hinaharap at ang inyong mga hangarin ay magiging isang pahinang walang laman na lamang magpakailanman. Hindi Ako makararamdam ng habag sa inyo na nagdurusa sa loob ng maraming taon at nagpapakasipag nang husto sa paggawa ngunit wala namang napapala. Taliwas dito, mayroon lang Akong kaparusahang nakalaan para sa mga hindi nakatugon sa Aking mga hinihingi, hindi mga gantimpala, lalong hindi anumang simpatiya. Maaaring iniisip ninyo na, bilang tagasunod sa loob ng maraming taon, na nakapagsikap na kayong gumawa anuman ang mangyari, at na anuman ang kaso ay puwede kayong maging isang trabahador at makakakain sa sambahayan ng Diyos. Sinasabi Ko na ang karamihan sa inyo ay nag-iisip sa ganitong paraan, dahil palagi ninyong hinahangad ang prinsipyo ng pagsasamantala sa mga bagay at hindi mapagsamantalahan. Kaya’t sinasabi Ko sa inyo ngayon nang may buong kaseryosohan: Wala Akong pakialam kung nagsikap ka nang husto at nakagawa ng mahahalagang kontribusyon, kung matagal ka nang nananampalataya, kung sumusunod ka sa Akin nang malapitan, kung ikaw ay lubos na kilala o kung bumuti na ba ang iyong saloobin; hangga’t hindi ka kumikilos ayon sa Aking mga hinihingi, hinding-hindi mo makakamit ang Aking pagsang-ayon. Mas mabuting kumilos ka sa lalong madaling panahon para alisin ang lahat ng mga ideya at plano mong iyon, at seryosohin ang Aking mga hinihingi. Kung hindi, gagawin Kong abo ang lahat ng tao, nang sa gayon ay magwawakas ang Aking gawain; sa pinakamataas, mauuwi sa wala ang Aking mga taon ng paggawa at pagdurusa—sapagkat hindi Ko maaaring dalhin sa Aking kaharian o isama sa susunod na kapanahunan ang Aking mga kaaway at yaong mga tao na umaalingasaw sa kasamaan at nagtataglay ng parehong dating satanikong wangis.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pagsalangsang ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 610

Napakarami Kong inaasam. Umaasa Akong kaya ninyong umasal sa isang wasto at maayos na paraan, debotong gumawa ng inyong mga tungkulin, magtaglay ng katotohanan at pagkatao, maging mga tao na kayang talikdan ang lahat ng bagay, kabilang na ang buhay nila, para sa Diyos, at iba pa. Ang lahat ng inaasam na ito ay tumutukoy sa inyong mga kakulangan at sa inyong katiwalian at paghihimagsik. Kung wala ni isa man sa mga pakikipag-usap Ko sa inyo ang naging sapat upang matawag ang inyong pansin, hindi na Ako magsasalita pa. Gayunman, nauunawaan ninyo kung ano ang mga ibubunga niyan. Hindi madalas na wala Akong ginagawa, kaya’t kung hindi Ako magsasalita, gagawa Ako ng isang bagay na matutunghayan ng mga tao. Magagawa Kong paagnasin ang dila ng isang tao, o magsanhing mamatay ang isang tao nang putol-putol ang katawan, o alisin ang lahat ng kamalayan ng isang tao at magpakita ng lahat ng uri ng kapangitan. Pero muli, magagawa Kong ipatiis sa ilang tao ang maraming pagpapahirap na Aking isinalang para sa kanila. Sobra Akong magagalak sa ganitong paraan, labis na magiging masaya at lubos na malulugod. Palaging ganito noon pa man na “Ang kabutihan ay sinusuklian ng kabutihan, at ang kasamaan ng kasamaan,” kaya’t bakit hindi ngayon? Kung nais mo talagang tumindig laban sa Akin, at gumawa ng ilang paghusga tungkol sa Akin, paaagnasin Ko ang iyong bibig, at iyan ay magpapalugod sa Akin nang walang patid. Ito ay dahil, sa huli, ang ginawa mo ay hindi ang katotohanan, at lalong walang kinalaman sa buhay, samantalang ang lahat ng Aking ginagawa ay katotohanan, at nauugnay sa mga prinsipyo ng Aking kilos at sa mga atas administratibo na Aking itinakda. Samakatuwid, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na mag-ipon ng ilang kabutihan, tumigil sa paggawa ng napakaraming kasamaan, at pakinggang mabuti ang Aking mga hinihingi sa inyong mga libreng oras. Makadarama Ako sa gayon ng galak. Kung mag-aambag (o sa halip ay “mag-aabuloy”) kayo sa katotohanan ng kahit ikasanlibo ng pagsisikap na inyong ibinubuhos sa pagmamadali para sa laman, sinasabi Ko, kung gayon, na hindi ka madalas makagagawa ng mga pagsalangsang at magkakaroon ng naaagnas na bibig. Hindi ba ito malinaw?

Habang mas marami ang nagagawa mong pagsalangsang, mas kumakaunti ang iyong mga pagkakataong magtamo ng isang mabuting hantungan. Taliwas dito, habang mas kumakaunti ang nagagawa mong mga pagsalangsang, mas lumalaki ang iyong pagkakataon na masang-ayunan ng Diyos. Kung madaragdagan ang iyong mga pagsalangsang hanggang sa puntong imposible na para sa Akin na mapatawad ka, lubusan mo nang sinayang ang iyong mga pagkakataong mapatawad. Kung magkagayon, ang iyong hantungan ay hindi magiging sa itaas kundi sa ibaba. Kung hindi mo Ako pinaniniwalaan, maging tahas ka kung gayon at gumawa ng mali, at tingnan mo kung ano ang iyong mapapala. Kung ikaw ay isang tao na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakasigasig, tiyak na magkakaroon ka ng pagkakataon na mapatawad sa iyong mga pagsalangsang, at dadalang nang dadalang ang iyong mga paghihimagsik. Kung ikaw ay isang tao na ayaw talagang magsagawa ng katotohanan, ang iyong mga pagsalangsang sa harap ng Diyos ay tiyak na madaragdagan at dadalas nang dadalas ang iyong paghihimagsik, hanggang marating mo ang hangganan, na siyang magiging oras ng iyong lubos na pagkawasak. Dito na mawawasak ang iyong kaaya-ayang pangarap na tumanggap ng mga pagpapala. Huwag mong ituring ang iyong mga pagsalangsang bilang mga pagkakamali lamang ng isang taong walang hustong pag-iisip o ng isang taong hangal; huwag mong gamiting dahilan na hindi ka nakapagsagawa ng katotohanan dahil ginawa itong imposible ng iyong mahinang kakayahan. Higit pa rito, huwag mong ituring ang mga nagawa mong pagsalangsang na mga pagkilos lamang ng isang tao na kulang sa kaalaman. Kung mahusay ka sa pagpapatawad sa sarili mo at pagiging mapagbigay sa iyong sarili, sinasabi Ko, kung gayon, na ikaw ay isang duwag na hindi kailanman magkakamit ng katotohanan, at hindi ka rin titigilang multuhin ng iyong mga pagsalangsang; hahadlangan ka ng mga ito na matugunan kailanman ang mga hinihingi ng katotohanan, at magiging sanhi upang manatili kang isang tapat na kasamahan ni Satanas magpakailanman. Ito pa rin ang payo Ko sa iyo: Huwag kang magbigay-pansin lamang sa iyong hantungan habang nabibigong pansinin ang iyong mga nakatagong pagsalangsang; seryosohin mo ang mga pagsalangsang, at huwag kaligtaan ang alinman sa mga ito dahil sa pagmamalasakit sa iyong hantungan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pagsalangsang ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 611

Ngayon, pinagsasabihan Ko kayo sa ganitong paraan para sa kapakanan ng inyong sariling pananatiling buhay, upang ang Aking gawain ay sumulong nang maayos, at upang ang Aking kauna-unahang gawain sa loob ng buong sansinukob ay maisakatuparan nang higit na angkop at ganap, ibinubunyag ang Aking mga salita, awtoridad, pagiging maharlika, at paghatol sa mga tao ng bawat bansa at bayan. Ang Aking gawain na ginagawa sa gitna ninyo ay ang umpisa ng Aking gawain sa loob ng buong sansinukob. Bagama’t ngayon na ang panahon ng mga huling araw, alamin ninyo na ang “mga huling araw” ay isa lamang pangalan ng isang kapanahunan, isang termino na tumutukoy sa isang kapanahunan; gaya lamang ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya, ito ay pumapatungkol sa isang buong kapanahunan sa halip na ng huling ilang taon o buwan. Ngunit ang mga huling araw ay hindi gaya ng Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain ng mga huling araw ay hindi isinasakatuparan sa Israel, kundi sa gitna ng mga Hentil; nilulupig ng gawaing ito ang mga tao mula sa lahat ng bansa at tribo sa labas ng Israel sa harap ng Aking trono, upang ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob ay makapupuno sa kosmos at sa kalangitan. Ito ay upang makamtan Ko ang mas dakilang kaluwalhatian, upang ang lahat ng nilikha sa lupa ay makapagpalaganap ng Aking kaluwalhatian sa di-mabilang na mga bayan, sa gitna ng mga susunod na henerasyon magpakailanman, at ang lahat ng nilikha sa langit at lupa ay makakakita sa lahat ng kaluwalhatian na Aking nakamit sa lupa. Ang gawaing isinasakatuparan sa panahon ng mga huling araw ay ang gawain ng panlulupig. Hindi ito paggabay sa lahat ng tao sa lupa na mamuhay ng kanilang buhay sa lupa, kundi ang pagtatapos ng walang hanggan at libo-libong taong buhay ng pagdurusa ng sangkatauhan sa lupa. Dahil dito, ang gawain ng mga huling araw ay hindi maaaring maging katulad ng gawain sa Israel, na tumagal ng ilang libong taon, ni hindi rin ito maaaring maging katulad ng gawain sa Judea, na tumagal lamang ng ilang taon at pagkatapos ay nagpatuloy ng dalawang libong taon hanggang sa pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Nakikipag-ugnayan lamang ang mga tao sa mga huling araw sa muling pagpapakita ng Manunubos sa katawang-tao, at tinatanggap nila ang personal na gawain at mga salita ng Diyos. Hindi ito aabot ng dalawang libong taon bago dumating ang katapusan ng mga huling araw; ito ay maikli, kagaya noong isinakatuparan ni Jesus ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya sa Judea. Ito ay dahil ang mga huling araw ay tungkol sa pagtatapos ng buong kapanahunan. Ito ay tungkol sa pagkompleto at pagwawakas sa anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at pagtatapos ng paglalakbay ng sangkatauhan sa buhay ng pagdurusa. Ito ay hindi tungkol sa pagdadala sa buong sangkatauhan tungo sa susunod na kapanahunan o pagpapahintulot sa buhay ng sangkatauhan na magpatuloy; wala iyang kabuluhan para sa Aking plano ng pamamahala o para sa pag-iral ng tao. Kung ang sangkatauhan ay magpapatuloy nang ganito, kung gayon sa malao’t madali sila ay lalamunin nang buo ng masamang diyablo, at iyong mga kaluluwa na nabibilang sa Akin ay mawawasak sa kahuli-hulihan sa mga kamay nito. Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim na libong taon, at pinahintulutan Ko lang din ang kontrol sa buong sangkatauhan ng masama na magtagal lamang nang anim na libong taon. Kaya, ubos na ang oras ngayon. Hindi Ko na ninanais na magpatuloy o magpaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking gagapiin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na nasa Aking panig upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa. Simula sa araw na ito, hindi na Ako kailanman magkakatawang-tao sa lupa, at hindi na muling gagawa pa sa lupa ang Aking Espiritu, na siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Lilikhain Ko lang muli ang sangkatauhan sa lupa, isang sangkatauhan na ginawang banal at siyang Aking tapat na lungsod sa lupa. Ngunit alamin ninyo na hindi Ko wawasakin ang buong mundo, hindi Ko rin lilipulin ang buong sangkatauhan. Pananatilihin Ko iyong natitirang ikatlong bahagi—ang ikatlong bahaging lubusan Kong nalupig at nagmamahal sa Akin, at sila ay Aking gagawing mabunga at pararamihin sa lupa kagaya ng ginawa ng mga Israelita sa ilalim ng kautusan; matatanggap nila ang masaganang tupa at baka na Aking tinutustos sa kanila, pati na ang lahat ng kasaganaan sa lupa. Ang sangkatauhang ito ay makakapiling Ko magpakailanman, ngunit hindi ito ang magiging di-mabatang maruming sangkatauhan sa ngayon, kundi isang sangkatauhan na katipunan ng lahat ng Aking nakamit. Ang sangkatauhang iyon ay hindi mapipinsala, magugulo, o makukubkob ni Satanas, at magiging ang tanging sangkatauhan na patuloy na iiral sa mundo pagkatapos Kong matalo si Satanas. Ito ang sangkatauhan na nalupig Ko na ngayon at nagtamo ng Aking pangako. At sa gayon, ang sangkatauhan na nalupig sa panahon ng mga huling araw ay siya ring sangkatauhan na mananatili at magkakamit ng Aking walang-hanggang mga pagpapala. Ang mga ito ang tanging magiging patunay ng Aking tagumpay laban kay Satanas, at ang tanging mga nasamsam sa Aking pakikipagdigma kay Satanas. Itong mga nasamsam sa digmaan ay Aking nailigtas mula sa kapangyarihan ni Satanas, at ang tanging kristalisasyon at bunga ng Aking anim na libong taong plano ng pamamahala. Sila ay nagmula sa bawat nasyon at denominasyon, mula sa bawat lugar at bansa sa loob ng buong sansinukob. Sila ay galing sa iba’t ibang lahi, may iba’t ibang wika, kaugalian at mga kulay ng balat, at sila ay nakakalat sa lahat ng bansa at denominasyon sa buong mundo, at maging sa bawat sulok ng mundo. Sa huli, sila ay magsasama-sama upang buuin ang isang ganap na sangkatauhan, isang pagtitipon ng mga tao na hindi kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas. Iyong mga nasa gitna ng sangkatauhan na hindi Ko nailigtas at nalupig ay tahimik na lulubog sa kailaliman ng dagat, at masusunog ng Aking tumutupok na apoy nang walang-hanggan. Lilipulin Ko itong luma at sukdulang maruming sangkatauhan, kagaya ng paglipol Ko sa mga panganay na anak, mga baka, at tupa ng Ehipto, itinira lamang ang mga Israelita, na kumain ng karne ng tupa, uminom ng dugo ng tupa, at nagtatak ng dugo ng tupa sa hamba ng kanilang mga pinto. Hindi ba’t ang mga taong Aking nalupig at mula sa Aking pamilya ay siya ring mga taong kumakain ng laman ng Kordero na Ako at umiinom ng dugo ng Kordero na Ako, at Aking natubos at sumasamba sa Akin? Hindi ba sila ang mga uri ng tao na laging sinasamahan ng Aking kaluwalhatian? Hindi ba iyong mga wala ng laman ng Kordero na Ako ay matagal nang tahimik na nakalubog sa kailaliman ng dagat? Ngayon nilalabanan ninyo Ako, at ngayon ang Aking mga salita ay tulad lamang ng mga sinabi ni Jehova sa mga anak at apo ng Israel. Ngunit may katigasan ng kalooban sa kaibuturan ng inyong puso, at iniipon ninyo ang Aking galit, nagdudulot ng higit pang pagdurusa sa inyong laman, higit pang paghatol sa inyong mga kasalanan, at higit pang galit sa inyong kawalan ng katuwiran. Sino ang makakaligtas sa Aking araw ng galit, kung ganito ang turing ninyo sa Akin sa ngayon? Kaninong kawalan ng katuwiran ang kayang makatakas sa Aking mga mata ng pagkastigo? Kaninong mga katampalasanan ang makakaiwas sa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Kaninong paglaban ang makakatakas sa paghatol Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Ako, si Jehova, ay nagsasalita sa inyo sa ganitong paraan, mga inapo ng pamilyang Hentil, at ang mga salitang binibigkas Ko sa inyo ay lampas sa lahat ng pagbigkas sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit mas matigas pa ang kalooban ninyo kaysa sa lahat ng tao sa Ehipto. Hindi ba ninyo iniipon ang Aking galit habang Ako ay payapang gumagawa ng Aking gawain? Paano kayo makakatakas nang walang pinsala mula sa araw Ko, ang Makapangyarihan sa lahat?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang sa Laman ang Makakatakas sa Araw ng Galit

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 612

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunurin kang magpasakop sa pagkahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na masang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, na ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga kasalanan ng mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na hindi man lang karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, ng isang kaparusahan na bukod pa rito ay magpasawalang hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapatapon ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hinahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat at huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang mga talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila magreinkarnasyon muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng isang grupo ng iba’t ibang masasamang loob, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi sila makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang pabasta-bastang harapin Siya. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay lilipulin, kasama na ang mga taong ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa sa puso at isipan ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at ang mga paunang itinadhana ng Diyos na maging mga pari. Sila ang kristalisasyon ng gawain ng Diyos. Iyon namang mga hindi maikaklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Sinundan: Pagpasok sa Buhay VI

Sumunod: Pagkilala sa Diyos I

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito