Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan II
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 336
Sinasabi mo na kinikilala mo ang pagkakatawang-tao ng Diyos, at kinikilala mo ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, subalit gumagawa ka ng ilang bagay sa Kanyang likuran, mga bagay na salungat sa Kanyang hinihingi, at sa puso mo ay hindi ka natatakot sa Kanya. Pagkilala ba ito sa Diyos? Kinikilala mo ang mga sinasabi Niya, ngunit hindi mo isinasagawa ang kaya mong isagawa, ni hindi mo sinusunod ang Kanyang Daan. Pagkilala ba ito sa Diyos? At bagama’t kinikilala mo Siya, nagkikimkim ka ng isang pusong nag-iingat sa Kanya, hindi kailanman isang pusong may takot. Kung nakita mo na at kinilala ang Kanyang mga gawain at alam mo na na ang taong ito ay Diyos, subalit nananatili kang maligamgam at lubos na walang pagbabago, ikaw ang klase ng taong hindi pa rin nalulupig. Ang mga nalupig ay kailangang gawin ang lahat ng makakaya nila, at bagama’t hindi sila makapasok sa mas matataas na katotohanan, at hindi nila maabot ang mga katotohanang ito, handa ang gayong mga tao sa puso nila na matamo ito. Dahil sa may mga limitasyon sa kaya nilang maarok, kaya may mga hangganan at limitasyon sa kaya nilang isagawa. Gayunman, kahit paano, kailangan nilang gawin ang lahat ng makakaya nila. Kung magagawa mo iyan, isa itong epektong naisakatuparan dahil sa gawain ng paglupig. Ipagpalagay nang sinasabi mo, “Dahil kaya Niyang magsalita ng napakaraming salita na hindi kaya ng tao, kung hindi Siya ang Diyos, sino?” Ang pagkakaroon ng ganitong pagkaunawa ay hindi nangangahulugan na kinikilala mo ang Diyos. Kung kinikilala mo ang Diyos, kailangan mong ipakita iyon sa iyong aktuwal na mga kilos. Kung namumuno ka sa isang iglesia, subalit hindi ka nagsasagawa ng katuwiran, kung nagnanasa ka sa pera at kayamanan, at lagi kang nagbubulsa ng pera ng iglesia para sa sarili mo, pagkilala ba ito na may isang Diyos? Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at karapat-dapat Siyang katakutan. Paanong hindi ka natatakot kung tunay mong kinikilala na may isang Diyos? Kung kaya mong gawin ang gayong kasuklam-suklam na mga bagay, talaga bang kinikilala mo Siya? Ang Diyos ba ang iyong sinasampalatayanan? Ang iyong sinasampalatayanan ay isang malabong diyos; kaya hindi ka natatakot! Iyong mga totoong kumikilala at nakakakilala sa Diyos ay takot lahat sa Kanya at hindi nangangahas na gumawa ng anumang bagay na laban sa Kanya o lumalabag sa kanilang konsensiya; lalo nang takot silang gumawa ng anumang bagay na alam nilang hindi alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ito lamang ang maituturing na pagkilala sa pag-iral ng Diyos. Ano ang dapat mong gawin kapag sinusubukan kang pigilan ng iyong mga magulang na manampalataya sa Diyos? Paano mo dapat mahalin ang Diyos kung mabait sa iyo ang di-nananampalatayang asawa mo? At paano mo dapat mahalin ang Diyos kapag kinamumuhian ka ng mga kapatid? Kung kinikilala mo Siya, sa mga bagay na ito ay kikilos ka nang angkop at isasabuhay mo ang realidad. Kung bigo kang kumilos talaga ngunit sinasabi mo lamang na kinikilala mo ang pag-iral ng Diyos, puro bunganga ka lamang! Sinasabi mo na nananampalataya ka sa Kanya at kinikilala Siya, ngunit paano mo Siya kinikilala? Paano mo Siya sinasampalatayanan? May takot ka ba sa Kanya sa puso mo? May takot ka ba sa Kanya? Taglay mo ba ang isang pusong nagmamahal sa Kanya sa kaloob-looban? Kapag ikaw ay nalulungkot at walang masandalan, nararamdaman mo na kaibig-ibig ang Diyos, ngunit pagkatapos ay nalilimutan mo ang lahat tungkol doon. Hindi iyan pagmamahal sa Diyos, at hindi rin iyan pananampalataya sa Diyos! Ano, sa bandang huli, ang nais ng Diyos na makamtan ng tao? Lahat ng kalagayang Aking binanggit, gaya ng labis na paghanga sa sarili mong kahalagahan, na madali kang makaunawa ng mga bagay, na paglimita sa iba, paghamak sa iba, paghusga sa mga tao batay sa kanilang hitsura, pang-aapi sa mga maamong tao, pag-iimbot sa pera ng iglesia, at iba pa—kapag naalis na sa iyo, sa ilang antas, ang lahat ng satanikong tiwaling disposisyong ito, saka lamang mapapamalas na nalupig ka na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (4)
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 337
Ako ay gumawa at nagsalita sa ganitong paraan sa gitna ninyo, Ako ay gumugol ng napakaraming lakas at dugo ng puso, ngunit kailan ba kayo nakinig sa malinaw na sinasabi Ko sa inyo? Saan kayo nagpatirapa sa harap Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Bakit ninyo Ako tinatrato nang ganito? Bakit lahat ng inyong sinasabi at ginagawa ay humahataw sa Aking galit? Bakit napakatigas ng inyong mga puso? Hinampas Ko ba kayo kahit minsan? Bakit wala kayong ginagawa kundi gawin Akong nalulungkot at nababalisa? Hinihintay ba ninyo ang araw ng galit Ko, si Jehova, na dumating sa inyo? Hinihintay ba ninyo na ilabas Ko ang galit na hinataw ng inyong paghihimagsik? Hindi ba’t ang lahat ng Aking ginagawa para sa inyo ay para sa kapakanan ninyo? Ngunit laging ang turing ninyo sa Akin, si Jehova, ay ganito: ninanakaw ang Aking mga alay, inuuwi ang mga handog sa Aking altar papunta sa tirahan ng lobo upang pakainin ang mga batang lobo at ang mga anak ng mga batang lobo; lumalaban sa isa’t isa ang mga tao, humaharap sa isa’t isa na may galit sa mga mata at mga tabak at sibat, itinatapon ang mga salita Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, sa palikuran upang maging kasing-dungis ng dumi. Nasaan ang inyong integridad? Ang inyong pagkatao ay naging kahayupan! Ang inyong mga puso ay matagal nang naging bato. Hindi ba ninyo alam na ang panahon kung kailan darating ang araw ng Aking galit ay ang magiging panahon kung kailan hahatulan Ko ang kasamaang ginawa ninyo sa Akin ngayon, ang Makapangyarihan sa lahat? Akala ba ninyo na sa pamamagitan ng paggawa ninyo sa Akin na hangal sa ganitong paraan, sa pagtatapon ng Aking mga salita sa putikan at hindi pagdinig sa mga iyon—iniisip ba ninyo na sa pamamagitan ng pagkilos nang ganito sa Aking likuran ay makatatakas kayo sa Aking galit na titig? Hindi ba ninyo alam na kayo ay nakita na ng mga mata Ko, si Jehova, nang ninakaw ninyo ang Aking mga alay at pinagnasaan ang kung anong mayroon Ako? Hindi ba ninyo alam na noong ninakaw ninyo ang Aking mga alay, ginawa ninyo ito sa harapan ng altar kung saan ang mga alay ay inihahandog? Paanong ganito katalino ang tingin ninyo sa inyong sarili at nagagawa ninyo Akong linlangin sa ganitong paraan? Paanong maaalis ang Aking galit sa inyong mga karumal-dumal na kasalanan? Paanong mapapalampas ng Aking naglalagablab na pagpupuyos sa galit ang inyong masasamang gawa? Ang kasamaan na inyong ginagawa ngayon ay hindi nagbibigay ng daang palabas para sa inyo, bagkus ito ay nag-iipon ng pagkastigo para sa inyong kinabukasan; humahataw ito sa pagkastigo Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, patungo sa inyo. Paanong makatatakas ang inyong masasamang gawain at masasamang salita mula sa Aking pagkastigo? Paanong makararating ang inyong mga pagsusumamo sa Aking mga tainga? Paanong magbubukas Ako ng daan palabas para sa inyong kawalan ng katuwiran? Paanong mapalalagpas Ko ang inyong masasamang gawain sa paghihimagsik laban sa Akin? Paanong hindi Ko puputulin ang inyong mga dilang makamandag kagaya ng sa ahas? Hindi kayo tumatawag sa Akin alang-alang sa inyong pagiging matuwid, bagkus iniipon ninyo ang Aking galit dahil sa inyong kawalan ng katuwiran. Paanong mapapatawad Ko kayo? Sa mga mata Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, ang inyong mga salita at kilos ay itinuturing na marumi. Sa mga mata Ko, ang Makapangyarihan sa lahat, ang inyong kawalan ng katuwiran ay itinuturing na walang tigil na pagkastigo. Paanong maaalis ang Aking matuwid na pagkastigo at paghatol sa inyo? Dahil tinatrato ninyo Ako nang ganito, ginagawa Akong malungkot at galit, paano Ko mahahayaang makawala kayo sa Aking mga kamay at mahiwalay sa araw na Ako, si Jehova, ay kakastigo at magsusumpa sa inyo? Hindi ba ninyo alam na ang lahat ng masasama ninyong salita at mga pagbigkas ay matagal nang umabot sa Aking mga tainga? Hindi ba ninyo alam na ang inyong kawalan ng katuwiran ay matagal nang nagparumi sa Aking banal na balabal ng pagiging matuwid? Hindi ba ninyo alam na ang inyong paghihimagsik ay matagal nang pumukaw sa Aking matinding galit? Hindi ba ninyo alam na noon pa ninyo Ako iniwang nagngingitngit, na matagal na Akong nagtitiis sa inyo? Hindi ba ninyo alam na nasira na ninyo ang katawang-taong kinalalagyan Ko, kaya sira-sira na ito? Nakapagtiis Ako hanggang ngayon, anupa’t pinakakawalan Ko ang Aking galit, hindi na mapagparaya tungo sa inyo. Hindi ba ninyo alam na ang inyong masasamang gawain ay nakarating na sa Aking mga mata, at ang Aking mga daing ay umabot na sa mga tainga ng Aking Ama? Paano Niya mapapayagang ituring ninyo Ako nang ganito? Mayroon bang alinman sa gawaing ginagawa Ko sa inyo ang hindi para sa inyong kapakanan? Subalit sino sa inyo ang naging mas mabait alang-alang sa gawaing ginagawa Ko, si Jehova? Ako ba ay magiging hindi deboto sa kalooban ng Aking Ama dahil mahina Ako, at dahil sa pighating napagdusahan Ko? Hindi ba ninyo nauunawaan ang Aking puso? Kinakausap Ko kayo gaya ng ginawa ni Jehova; hindi ba’t napakarami Kong isinakripisyo para sa inyo? Kahit na Ako ay nakahanda na pasanin ang lahat ng pagdurusang ito para sa kapakanan ng gawain ng Aking Ama, paano kayo, dahil sa Aking pagdurusa, makalalaya mula sa pagkastigo na Aking ipinapataw sa inyo? Hindi ba ninyo Ako natamasa nang sobra-sobra? Ngayon, Ako ay ipinagkaloob sa inyo ng Aking Ama; hindi ba ninyo alam na mas marami kayong natatamasa kaysa sa Aking masasaganang salita? Hindi ba ninyo alam na ang Aking buhay ay ipinagpalit sa inyong buhay at sa mga bagay na inyong tinatamasa? Hindi ba ninyo alam na ginamit ang buhay Ko ng Aking Ama upang labanan si Satanas, at ipinagkaloob din Niya ang Aking buhay sa inyo, nagsasanhi sa inyo na tumanggap nang makasandaang beses, at nagtutulot na makaiwas kayo sa napakaraming tukso? Hindi ba ninyo alam na sa pamamagitan lamang ng Aking gawain kayo ay nakaiwas sa maraming tukso, at sa maraming nagliliyab na pagkastigo? Hindi ba ninyo alam na dahil lamang sa Akin kaya pinapayagan kayo ng Aking Ama na magtamasa hanggang sa ngayon? Paanong nananatiling matigas ang kalooban ninyo ngayon, na para bang tinubuan ng mga kalyo ang inyong puso? Paanong ang kasamaan na inyong ginagawa ngayon ay makatatakas sa araw ng galit na susunod sa Aking paglisan mula sa lupa? Paanong tutulutan Ko iyong mga napakatigas ang kalooban na makatakas sa galit ni Jehova?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang sa Laman ang Makakatakas sa Araw ng Galit
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 338
Gunitain ninyo ang nakaraan: Kailan Ko kayo tiningnan nang galit, kailan naging mahigpit ang tinig Ko sa inyo? Kailan Ako nakipagtalo sa inyo tungkol sa maliliit na detalye? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang wala sa katuwiran? Kailan Ko ba kayo pinagsabihan nang harap-harapan? Hindi ba ito para sa kapakanan ng Aking gawain kaya Ako ay tumatawag sa Aking Ama na ilayo kayo mula sa lahat ng tukso? Bakit ninyo Ako tinatrato nang ganito? Kahit kailan ba ay ginamit Ko ang Aking awtoridad upang hampasin ang inyong laman? Bakit ninyo Ako sinusuklian nang ganito? Matapos magpabago-bago ang inyong saloobin sa Akin, hindi kayo mainit ni malamig, at pagkatapos ay tinatangka ninyong utuin Ako at pagtaguan Ako ng mga bagay-bagay, at ang inyong mga bibig ay puno ng dura ng mga walang katuwiran. Sa tingin ba ninyo ay madadaya ng inyong mga dila ang Aking Espiritu? Sa tingin ba ninyo ay matatakasan ng inyong mga dila ang Aking galit? Sa tingin ba ninyo ay makakapagbigay ng paghusga ang inyong mga dila sa mga gawa Ko, si Jehova, paano man ng mga ito naisin? Ako ba ang Diyos na hinuhusgahan ng tao? Mapapayagan Ko ba na ang isang maliit na uod ay lumapastangan sa Akin nang gayon? Paano Ko mailalagay ang ganoong mga anak ng paghihimagsik sa gitna ng Aking mga walang hanggang pagpapala? Ang inyong mga salita at gawa ay matagal nang naglantad at nagkondena sa inyo. Nang Aking iniunat ang mga kalangitan at nilikha ang lahat ng bagay, hindi Ko tinulutan ang kahit anong nilalang maliban sa Aking sarili na lumahok ayon sa kanilang kagustuhan, lalong hindi Ko tinutulutan ang kahit na anong bagay na makagambala sa Aking gawain at Aking pamamahala sa anumang paraan nito gusto. Wala Akong kinukunsinting tao o bagay; paano Ko palalagpasin yaong mga malupit at hindi-makatao tungo sa Akin? Paano Ko mapapatawad yaong mga ipinagkakanulo ang Aking mga salita? Paano Ko palalagpasin yaong mga naghihimagsik laban sa Akin? Ang kapalaran ba ng tao ay wala sa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Paano Ko maituturing na banal ang iyong kawalan ng katuwiran at paghihimagsik? Paano madudungisan ng iyong mga kasalanan ang Aking kabanalan? Ako ay hindi nadudungisan ng karumihan ng mga hindi matuwid, ni tinatamasa Ko ang mga alay ng mga walang katuwiran. Kung ikaw ay tapat sa Akin, si Jehova, makukuha mo ba para sa sarili mo ang mga alay sa Aking altar? Magagamit mo ba ang iyong makamandag na dila upang lapastanganin ang Aking banal na pangalan? Maipagkakanulo mo ba ang Aking mga salita sa ganitong paraan? Maituturing mo ba ang Aking kaluwalhatian at banal na pangalan bilang isang kasangkapan upang magserbisyo kay Satanas, ang masama? Ang Aking buhay ay inilalaan para sa pagtatamasa ng mga banal. Paanong hahayaan kitang ituring ang Aking buhay bilang isang laruan ayon sa iyong kagustuhan, at gamitin ito bilang isang kasangkapan sa alitan ninyo? Paano kayo nagiging napakawalang puso, at ganap na walang daan ng kabutihan, sa kung paano kayo nakikitungo sa Akin? Hindi ba ninyo alam na naitala Ko na ang inyong masasamang gawain sa mga salitang ito ng buhay? Paano ninyo matatakasan ang araw ng poot kapag kinastigo Ko ang Ehipto? Paano Ko kayo mahahayaang lumaban at maghimagsik laban sa Akin sa ganitong paraan, nang paulit-ulit? Sinasabi Ko sa inyo nang malinaw, pagdating ng araw, ang inyong pagkastigo ay magiging higit na di-matitiis kaysa roon sa Ehipto! Paano ninyo matatakasan ang Aking araw ng galit? Sinasabi Ko sa inyo nang buong katotohanan: Ang Aking pagtitiis ay inihanda para sa inyong masasamang gawain, at umiiral para sa inyong pagkastigo sa araw na iyon. Hindi ba kayo ang siyang magdurusa ng napopoot na paghatol kapag naabot Ko na ang dulo ng Aking pagtitiis? Hindi ba ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Paano Ko mapapayagang maghimagsik kayo laban sa Akin nang ganito, sa ilalim ng kalangitan? Ang inyong mga buhay ay magiging napakahirap dahil nakatagpo ninyo ang Mesiyas, na sinasabing darating, ngunit hindi dumating kailanman. Hindi ba kayo ang Kanyang mga kaaway? Si Jesus ay matagal na ninyong kaibigan, ngunit kayo ang mga kaaway ng Mesiyas. Hindi ba ninyo alam na bagama’t kayo ay mga kaibigan ni Jesus, ang inyong masasamang gawain ay pumuno sa mga sisidlan niyaong mga karumal-dumal? Kahit na kayo ay napakamalapit kay Jehova, hindi ba ninyo alam na ang inyong masasamang salita ay nakarating na sa mga tainga ni Jehova at pumukaw ng Kanyang galit? Paano Siya magiging malapit sa iyo, at paano Niya hindi susunugin ang iyong mga sisidlan, na puno ng masasamang gawain? Paanong hindi Siya magiging kaaway mo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang sa Laman ang Makakatakas sa Araw ng Galit
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 339
Tinitingnan Ko ngayon ang iyong mapagpalayaw na laman na sinusubukan Akong bolahin, at may maliit lamang Akong babala para sa iyo, bagama’t hindi kita “paglilingkuran” nang may pagkastigo. Dapat mong malaman kung anong papel ang ginagampanan mo sa Aking gawain, at pagkatapos ay masisiyahan na Ako. Bukod pa sa mga bagay na ito, kung lalabanan mo Ako o gagastusin mo ang Aking pera, o kakainin mo ang mga sakripisyo para sa Akin, kay Jehova, o magkakagatan kayong mga uod, o kung kayo na parang mga aso ay may mga alitan o inaatake ninyo ang isa’t isa—wala Akong pakialam sa anuman diyan. Kailangan lamang ninyong malaman kung ano kayong uri ng mga bagay, at masisiyahan na Ako. Maliban sa lahat ng ito, kung gusto ninyong magsaksakan o labanan ang isa’t isa sa mga salita, ayos lang; wala Akong hangaring makialam sa gayong mga bagay, at ganap na walang kinalaman sa Akin ang mga usapin ng tao. Hindi sa wala Akong pakialam tungkol sa mga alitan sa pagitan ninyo, bagkus ay dahil hindi Ako isa sa inyo, kaya hindi Ako nakikibahagi sa mga usapin sa pagitan ninyo. Ako Mismo ay hindi isang nilikha at hindi Ako sa mundo, kaya kinamumuhian Ko ang abalang buhay ng mga tao at ang magulo at di-wastong mga ugnayan sa pagitan nila. Kinamumuhian Ko lalo na ang maiingay na umpukan ng mga tao. Gayunman, malalim ang kaalaman Ko tungkol sa mga karumihan sa puso ng bawat nilikha, at bago Ko kayo nilikha, alam Ko na ang di-pagkamatuwid na umiral sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at alam Ko ang lahat ng panlilinlang at pagkabaliko sa puso ng tao. Samakatwid, kahit wala man lang anumang mga bakas kapag gumagawa ng di-matuwid ang mga tao, alam Ko pa rin na ang pagiging di-matuwid na kimkim ninyo sa inyong puso ay higit pa sa kasaganahan ng lahat ng bagay na Aking nilikha. Bawat isa sa inyo ay nakaakyat na sa tugatog ng maraming tao; umakyat at naging mga ninuno ng masa. Masyado kayong wala sa katwiran, at naghuhuramentado kayo sa gitna ng lahat ng uod, na naghahanap ng isang maginhawang lugar at delusyonal na iniisip na lamunin ang mga uod na mas maliliit kaysa sa inyo. Mapaminsala kayo at lihim na mapanira sa inyong puso, na higit pa maging sa mga multo na lumubog na sa pusod ng dagat. Naninirahan kayo sa ilalim ng dumi, ginugulo ang mga uod mula ibabaw hanggang ilalim hanggang sa mawalan na ng kapayapaan ang mga ito, nag-aaway sandali at pagkatapos ay kumakalma. Hindi ninyo alam ang inyong katayuan, subalit nilalabanan pa rin ninyo ang isa’t isa sa dumi. Ano ang mapapala ninyo sa ganyang sagupaan? Kung totoong mayroon kayong pusong may takot sa Akin, paano ninyo naaatim na maglaban-laban sa Aking likuran? Gaano man kataas ang iyong katayuan, hindi ba’t isa ka pa ring mabahong maliit na uod sa dumi? Magagawa mo bang magpatubo ng mga pakpak at maging isang kalapati sa himpapawid? Ninanakaw ninyong mababahong maliliit na uod ang mga alay mula sa altar Ko, ni Jehova; sa paggawa niyon, kaya ba ninyong sagipin ang inyong nasira at nawasak na reputasyon at maging hinirang na mga tao ng Israel? Kayong mga walang-hiyang hamak! Ang mga sakripisyong iyon sa altar ay inialay sa Akin ng mga tao, bilang simbolo ng pagmamahal mula sa mga may takot sa Akin. Ang mga iyon ay para Aking kontrolin at Aking gamitin, kaya paano mo Ako posibleng nakawan ng maliliit na kalapating ipinagkaloob sa Akin ng mga tao? Hindi ka ba natatakot na maging isang Judas? Hindi ka ba natatakot na ang iyong lupain ay maging bukid ng dugo? Ikaw na walanghiyang bagay! Palagay mo ba, ang mga kalapating inialay ng mga tao ay para busugin ang tiyan mo, ikaw na isang uod? Ang naibigay Ko sa iyo ay ang malugod at handa Akong ibigay sa iyo; ang hindi Ko naibigay sa iyo ay nararapat na mapagpasyahan Ko kung paano Ko gusto. Hindi mo maaaring basta na lang nakawin ang mga alay sa Akin. Ang Siyang gumagawa ay Ako, si Jehova—ang Lumikha—at nag-aalay ng mga sakripisyo ang mga tao dahil sa Akin. Palagay mo ba, kabayaran ito para sa lahat ng pag-aabalang ginagawa mo? Wala ka talagang kahihiyan! Para kanino ka ba nag-aabala? Hindi ba para sa sarili mo? Bakit mo ninanakaw ang mga sakripisyo sa Akin? Bakit ka nagnanakaw ng pera mula sa Aking supot ng salapi? Hindi ba ikaw ang anak ni Judas Iscariote? Ang mga sakripisyo sa Akin, kay Jehova, ay para tamasahin ng mga saserdote. Saserdote ka ba? Nangangahas kang kainin nang may kayabangan ang mga sakripisyo sa Akin, at inihahain mo pa ang mga iyon sa mesa; wala kang kuwenta! Ikaw ay walang kuwentang hamak! Tutupukin ka ng Aking apoy, ng apoy ni Jehova!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 340
Napakaganda ng pananalig ninyo; sinasabi ninyong handa kayong gugulin ang buong buhay ninyo para sa kapakanan ng gawain Ko, at na handa kayong ialay ang buhay ninyo para dito, ngunit hindi gaanong nagbago ang mga disposisyon ninyo. Mapagmataas lamang kayong nagsasalita, sa kabila ng katunayan na miserable ang aktuwal na pag-uugali ninyo. Ito ay para bang nasa langit ang mga dila at labi ng mga tao ngunit mababang-mababa roon sa lupa ang mga binti nila, at bunga nito, gutay-gutay at wasak pa rin ang mga salita at mga gawa at mga reputasyon nila. Nawasak na ang mga reputasyon ninyo, mababang-uri ang ugali ninyo, ang paraan ninyo ng pagsasalita ay mababa, at kasuklam-suklam ang mga pamumuhay ninyo; maging ang kabuuan ng pagkatao ninyo ay napakababa ang kababaan. Makitid ang isip ninyo tungo sa iba, at nakikipagtawaran kayo sa bawat maliit na bagay. Nakikipag-away kayo tungkol sa sarili ninyong mga reputasyon at katayuan, kahit na hanggang sa puntong handa kayong bumaba sa impiyerno at sa lawa ng apoy. Sapat na ang kasalukuyang mga salita at mga gawa ninyo upang matukoy Ko na makasalanan kayo. Ang mga saloobin ninyo tungo sa gawain Ko ay sapat na para matukoy Ko na kayo ay mga di-matuwid, at ang lahat ng disposisyon ninyo ay sapat na upang matukoy na kayo ay maruruming kaluluwa na puno ng mga karumal-dumal na bagay. Ang mga pagpapamalas ninyo at ang ibinubunyag ninyo ay sapat na upang sabihing kayo ay mga taong nagpakasawang uminom ng dugo ng maruruming espiritu. Kapag nababanggit ang pagpasok sa kaharian ng langit, hindi ninyo ipinapakita ang mga damdamin ninyo. Naniniwala ba kayo na kung paano kayo ngayon ay sapat na para makalakad kayo papasok ng tarangkahan ng Aking kaharian ng langit? Naniniwala ba kayong makakakuha kayo ng permiso na makapasok sa banal na lupain ng gawain at mga salita Ko, nang hindi Ko muna sinusubok ang sarili ninyong mga salita at gawa? Sino ang kayang manlansi sa mga mata Ko? Paano makatatakas sa paningin Ko ang kasuklam-suklam at abang mga pag-uugali at mga pakikipag-usap ninyo? Tinukoy Ko ang buhay ninyo bilang pamumuhay ng pag-inom ng dugo at pagkain ng laman ng maruruming espiritu na iyon sapagkat tinutularan ninyo ang mga ito sa harapan Ko bawat araw. Sa harap Ko, naging partikular na masama at mababa ang pag-uugali ninyo, kaya paanong hindi Ko kayo maituturing na kasuklam-suklam? Naglalaman ang mga salita ninyo ng mga karumihan ng maruruming espiritu: Nanunuyo, nagkukubli, at nambobola kayo kagaya ng mga nakikibahagi sa pangkukulam at kagaya ng mga nagsasagawa ng panlilinlang at umiinom ng dugo ng mga hindi matuwid. Lubhang hindi matuwid ang lahat ng pagpapamalas ng tao, kaya paanong mailalagay ang lahat ng tao sa banal na lupain kung saan naroroon ang matutuwid? Iniisip mo bang maitatalaga ka ng iyong kasuklam-suklam na pag-uugali bilang banal mula sa mga hindi matuwid? Sisirain kalaunan ng mala-ahas mong dila itong laman mong nagdudulot ng pagkawasak at nagsasagawa ng mga karumal-dumal na bagay, at ang mga kamay mong iyan na nababalutan ng dugo ng maruruming espiritu ay hihilahin din papuntang impiyerno ang kaluluwa mo kalaunan. Kung gayon, bakit hindi mo sinusunggaban ang pagkakataong ito para linisin ang mga kamay mong nababalot ng karumihan? At bakit hindi mo sinasamantala ang pagkakataong ito para putulin ang dila mong iyan na nagsasalita ng mga hindi matuwid na salita? Maaari kayang handa kang magdusa sa mga apoy ng impiyerno alang-alang sa mga kamay, dila, at mga labi mo? Sinisiyasat Ko nang may dalawang mata ang puso ng di-mabilang na mga tao, sapagkat matagal na panahon bago Ko pa nilikha ang sangkatauhan, nahawakan Ko na ang puso nila sa Aking mga kamay. Matagal Ko nang nakilatis ang puso ng mga tao, kaya paano makatatakas sa paningin Ko ang mga kaisipan nila? Paanong hindi pa masyadong huli para matakasan nila ang pagsunog sa kanila ng Espiritu Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 341
Mas mabait kaysa sa mga kalapati ang mga labi mo, ngunit ang puso mo ay mas lihim na mapanira kaysa sa ahas noong unang panahon. Kasingganda ng sa mga kababaihan ng Lebanon ang mga labi mo, pero hindi mas mabait ang puso mo kaysa sa kanila, at lalo nang hindi ito maihahambing sa kagandahan ng mga taga-Canaan. Masyadong mapanlinlang ang puso mo! Ang mga bagay lamang na kinasusuklaman Ko ay ang mga labi ng mga hindi matuwid at ang mga puso nila, at ang hinihingi Ko sa mga tao ay hindi mas mataas kaysa sa mga banal na tao; nakararamdam lang Ako ng pagkasuklam para sa masasamang gawa ng mga hindi matuwid, at umaasa Akong magagawa nilang iwaksi ang karumihan nila at tumakas mula sa kasalukuyan nilang mahirap na sitwasyon upang makahiwalay sila mula sa mga hindi matuwid at makapamuhay at maging banal kasama ng mga matuwid. Kayo ay nasa sitwasyong kapareho ng sa Akin, pero kayo ay nababalot ng karumihan; ni wala man lang kayong katiting na orihinal na wangis ng mga taong nilikha noong simula. Bukod pa rito, sapagkat araw-araw ninyong tinutularan ang wangis ng maruruming espiritu, ginagawa ang ginagawa nila at sinasabi ang sinasabi nila, ang lahat ng parte ninyo—maging ang mga dila at mga labi ninyo—ay nakababad sa mabahong tubig nila, hanggang sa puntong ganap na kayong nababalutan ng gayong mga mantsa, at wala kahit isang parte ninyo ang maaaring gamitin para sa gawain Ko. Masyado itong nakakadurog ng puso! Namumuhay kayo sa ganitong mundo ng mga kabayo at baka, pero sa totoo lang ay hindi kayo nakararamdam ng pagkabagabag; puno kayo ng galak at namumuhay kayo nang malaya at magaan. Lumalangoy kayo sa mabahong tubig na iyon, pero hindi ninyo talaga napagtatantong nahulog na kayo sa ganoong suliranin. Bawat araw, nakikisama kayo sa maruruming espiritu at nakikisalamuha sa “dumi,” at talagang bulgar ang mga pamumuhay ninyo; hindi mo talaga namamalayan na talagang hindi ka nabubuhay sa mundo ng tao at na hindi ikaw ang may kontrol sa sarili mo. Hindi mo ba alam na ang buhay mo ay matagal nang nayurakan ng maruruming espiritung iyon, o na ang karakter mo ay matagal nang nadungisan ng mabahong tubig? Iniisip mo bang namumuhay ka sa isang paraiso sa lupa, at na nasa gitna ka ng kaligayahan? Hindi mo ba alam na buong buhay kang namuhay sa tabi ng maruruming espiritu, at na umiral ka kasama ng lahat ng bagay na inihanda ng mga ito para sa iyo? Paano magkakaroon ng anumang kabuluhan ang paraan ng pamumuhay mo? Paano magkakaroon ng anumang halaga ang buhay mo? Naging masyado kang abala para sa mga magulang mo, mga magulang na maruruming espiritu, pero wala ka talagang ideya na ang mga pumipinsala sa iyo ay iyong mga magulang na maruruming espiritu, na nagsilang sa iyo at nagpalaki sa iyo. Bukod pa rito, wala kang malay na ang lahat ng karumihan mo ay sa katunayan ibinigay nila sa iyo; ang alam mo lang ay na maaari ka nilang bigyan ng “kasiyahan,” hindi ka nila kinakastigo, ni hinahatulan, at lalong hindi ka nila isinusumpa. Hindi pa sila kailanman pumutok sa galit sa iyo, kundi tinatrato ka nila nang kaaya-aya at mabait. Ang mga salita nila ay tumutustos sa puso mo at bumibighani sa iyo hanggang sa maligaw ka at, nang hindi ito namamalayan, ikaw ay naengganyo at handa nang magserbisyo sa kanila, nagiging tagapagsalita at alipin nila. Wala kang anumang reklamo, kundi handa kang gumawa para sa kanila tulad ng mga aso, tulad ng mga kabayo; nailihis ka nila. Sa kadahilanang ito, ganap na wala kang mga reaksiyon sa gawaing ginagawa Ko. Hindi nakapagtatakang palagi mong nais na palihim na lumusot sa mga daliri Ko, at hindi nakapagtatakang palagi mong nais gumamit ng matatamis na salita upang mapanlinlang na makakuha ng pabor mula sa Akin. Lumalabas na mayroon ka nang iba pang plano, iba pang pagsasaayos. Nakikita mo nang kaunti ang mga kilos Ko bilang ang Makapangyarihan sa lahat, ngunit wala ka ni katiting na kaalaman sa paghatol at pagkastigo Ko. Wala kang ideya kung kailan nagsimula ang pagkastigo Ko; ang alam mo lamang ay ang dayain Ako—pero hindi mo alam na hindi Ko palalampasin ang anumang paglabag mula sa tao. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon para paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na napopoot sa kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa altar, hindi Ko papayagan ang pagtakas mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko papayagan na maglingkod ka sa dalawang amo. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang minamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa altar Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na lokohin Ako sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-bastang gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakapanunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring lumipas ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa huli, kokondenahin Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayumpaman, naniniwala kayo na magagawa ninyong pabasta-bastang humarap sa Akin sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa marurumi at masasamang espiritu ang puso ninyo. Paano mapalalampas ng galit Ko ang panlilinlang ng mga taong iyon na gaya ng mga aso at mga baboy? Dapat Kong isagawa ang mga atas administratibo Ko, at bawiin mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “maka-Diyos” na mayroong pananalig sa Akin upang maaari silang “magsilbi” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking mga baka, maging Aking mga kabayo, at ganap na sumailalim sa Aking pagkakatay. Pagpupulutin kita ng iyong mga dating resolusyon at muling paglilingkurin sa Akin. Hindi Ko papayagan ang anumang nilikhang nandaraya sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang pakundangang gumawa ng mga kahingian at magsinungaling sa harap Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paanong mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko kailanman pahihintulutan ang mga tao na dayain Ako nang ganoon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 342
Ilang tagsibol at taglagas na Akong naglalakad sa gitna ninyo; matagal na Akong namumuhay sa gitna ninyo, at namumuhay kasama ninyo. Gaano karami sa kasuklam-suklam ninyong pag-uugali ang nakalampas sa mismong harapan ng mga mata Ko? Patuloy na umaalingawngaw sa mga tainga Ko ang mga taos-puso ninyong salita; milyon-milyong mga kapasyahan ninyo na ang nailatag sa altar Ko—masyadong marami para man lang bilangin. Gayunman, pagdating sa inyong dedikasyon at sa ginugugol ninyo, hindi kayo nagbibigay nang kahit karampot. Hindi kayo naglalagay ng kahit isang munting patak ng sinseridad sa Aking altar. Nasaan ang mga bunga ng pananampalataya ninyo sa Akin? Nakatanggap kayo ng walang-katapusang biyaya mula sa Akin, at nakakita kayo ng walang katapusang hiwaga ng langit; ipinakita Ko pa nga sa inyo ang mga apoy ng langit, ngunit hindi Ko naatim na sunugin kayo. Gayunman, gaano karami ang naibigay ninyo sa Akin bilang kapalit? Gaano karami ang handa ninyong ibigay sa Akin? Hawak ang pagkaing ipinagkaloob Ko sa iyo, bumabaling ka at iniaalay ito sa Akin, sinasabi pa nga na isa itong bagay na nakuha mo kapalit ng pawis ng pinaghirapan mo at na iniaalay mo sa Akin ang lahat ng pag-aari mo. Paanong hindi mo alam na ang “mga ambag” mo sa Akin ay lahat mga bagay lamang na ninakaw mula sa altar Ko? Bukod dito, ngayon na iniaalay mo ang mga iyan sa Akin, hindi ba’t dinadaya mo Ako? Paanong hindi mo alam na ang tinatamasa Ko ngayon ay lahat ng handog sa altar Ko, at hindi kung ano ang kinita mo mula sa pagsisipag mo at pagkatapos ay inialay sa Akin? Talagang nangangahas kayong dayain Ako sa ganitong paraan, kaya paano Ko kayo mapapatawad? Paano ninyo nagagawang umasa na matitiis Ko pa ito nang mas matagal? Naipagkaloob Ko na sa inyo ang lahat, nabuksan Ko na sa inyo ang lahat, at tinustusan Ko na ang mga pangangailangan ninyo, labis na pinalalawak ang inyong perspektiba, gayumpaman ay dinadaya ninyo Ako nang ganito, binabalewala ang mga konsensiya ninyo. Walang pag-iimbot Kong ipinagkaloob sa inyo ang lahat upang kahit na nagdurusa kayo, nakamit pa rin ninyo mula sa Akin ang lahat ng dinala Ko mula sa langit. Gayumpaman, wala kayong anumang dedikasyon, at kahit pa nakagawa kayo ng munting ambag, sinusubukan ninyong “makipagtuos” sa Akin pagkatapos. Hindi ba’t ang ambag mo ay mawawalan ng halaga? Ang naialay mo sa Akin ay isang butil lamang ng buhangin, gayumpaman ang hiningi mo sa Akin ay isang toneladang ginto. Hindi ba’t wala ka lang sa katwiran? Gumagawa Ako sa gitna ninyo. Lubos na walang bakas ng sampung porsiyentong dapat maibigay sa Akin, lalo na ng anumang karagdagang mga sakripisyo. Bukod pa rito, ang sampung porsiyentong inialay ng mga deboto ay sinunggaban ng masama. Hindi ba’t nakakalat kayong lahat mula sa Akin? Hindi ba’t palatutol kayong lahat sa Akin? Hindi ba’t ginigiba ninyong lahat ang altar Ko? Paano maituturing ng mga mata Ko na mga kayamanan ang gayong mga tao? Hindi ba’t sila ang mga baboy at mga asong kinamumuhian Ko? Paano Ko ituturing ang paggawa ninyo ng masama bilang isang kayamanan? Para kanino ba talaga ang gawaing ginagawa Ko? Maaari kayang ang layunin nito ay para lamang hampasin kayong lahat upang ibunyag ang awtoridad Ko? Hindi ba’t ang mga buhay ninyo ay nakasalalay lahat sa iisang salita mula sa Akin? Bakit gumagamit lamang Ako ng mga salita upang tagubilinan kayo, at hindi Ko ginawang mga katunayan ang mga salita upang hampasin kayo sa lalong madaling panahon na kaya Ko? Ang layunin ba ng mga salita at ng gawain Ko ay para lamang hampasin ang mga tao? Isa ba Akong Diyos na walang habas na pumapatay ng mga walang sala? Sa ngayon, ilan sa inyo ang pumupunta sa harap Ko nang may inyong buong pagkatao upang maghanap ng tamang landas sa buhay ng tao? Ang mga katawan ninyo lamang ang nasa harapan Ko; nakatakas pa rin ang mga puso ninyo, at malayong-malayo sa Akin. Sapagkat hindi ninyo alam kung ano ba talaga ang gawain Ko, mayroong ilan sa inyong nais na lisanin Ako at layuan Ako, at sa halip ay umaasang mamuhay sa isang mundo ng kaligayahan kung saan walang pagkastigo o paghatol. Hindi ba’t ito ang hinihiling ng mga tao sa puso nila? Hindi kita sinusubukang pilitin. Kung anumang landas ang tatahakin mo ay sarili mong desisyon. Ang landas ngayon ay may kasamang paghatol at mga sumpa, ngunit dapat malaman ninyong lahat na ang lahat ng ipinagkaloob Ko sa inyo—ito man ay mga paghatol o mga pagkastigo—ay ang pinakamagagandang kaloob na ipinagkaloob Ko sa inyo, at ang lahat ng ito ay mga bagay na kailangang-kailangan na ninyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Mababang-uri ang Karakter Ninyong Lahat!
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 343
Naisagawa Ko na ang napakaraming gawain sa daigdig at nakapagparoo’t parito na sa piling ng sangkatauhan nang napakaraming taon, subalit bihirang magkaroon ng kaalaman ang mga tao tungkol sa Aking wangis at Aking disposisyon, at kakaunting tao lang ang lubos na nakapagpapaliwanag sa gawaing Aking ginagawa. Napakaraming kulang sa mga tao, kailanman ay walang nakakaunawa sa Aking ginagawa, at ang mga tao ay palaging mapagbantay sa kanilang puso na para bang labis na natatakot na ilagay Ko sila sa isa pang sitwasyon at pagkatapos ay pabayaan Ko na sila. Sa gayon, ang mga saloobin ng mga tao sa Akin ay palaging maligamgam at masyadong maingat. Ito ay dahil umabot sa kasalukuyan ang mga tao nang hindi nauunawaan ang gawaing ginagawa Ko, at lalo na, nalilito sila sa mga salitang sinasambit Ko sa kanila. Hawak nila ang Aking mga salita sa kanilang mga kamay, hindi nila alam kung dapat ba silang maging matatag sa pananampalataya sa mga ito o kung dapat ba nilang piliing mag-alinlangan at kalimutan ang mga ito. Hindi nila alam kung dapat ba nilang isagawa ang mga ito, o dapat silang magmasid habang naghihintay, kung dapat ba nilang iwaksi ang lahat at matapang na sumunod, o patuloy na kaibiganin ang mundo tulad ng dati. Napakakomplikado ng mga panloob na mundo ng mga tao, at napakatuso nila. Dahil hindi malinaw o lubos na maunawaan ng mga tao ang Aking mga salita, marami sa kanila ang nahihirapang isagawa ang mga iyon at nahihirapang ilagay ang kanilang puso sa Aking harapan. Lubos Kong nauunawaan ang inyong mga paghihirap. Maraming kahinaan ang hindi maiiwasan kapag nabubuhay sa laman, at maraming obhetibong salik ang lumilikha ng mga paghihirap para sa inyo. Pinapakain ninyo ang inyong pamilya, ginugugol ang inyong mga araw nang nagpapakasipag, at lumilipas ang mga buwan at taon sa paghihirap. Maraming paghihirap sa pamumuhay sa laman—hindi Ko ito ikinakaila, at siyempre ang mga hinihingi Ko sa inyo ay alinsunod sa inyong mga paghihirap. Ang mga hinihingi Ko sa gawaing Aking ginagawa ay pawang nakabatay sa inyong aktuwal na tayog. Marahil dati, ang mga hinihingi sa inyo ng mga tao sa kanilang gawain ay may halong mga elemento ng kalabisan, ngunit dapat ninyong malaman na hindi Ako kailanman humingi sa inyo nang sobra-sobra sa Aking sinasabi at ginagawa. Lahat ng hinihingi ay batay sa kalikasan, laman, at pangangailangan ng mga tao. Dapat ninyong malaman, at masasabi Ko sa inyo nang napakalinaw, na hindi Ko sinasalungat ang ilang makatwirang paraan ng pag-iisip ng mga tao, at hindi Ko sinasalungat ang angking kalikasan ng sangkatauhan. Dahil lamang hindi nauunawaan ng mga tao kung ano talaga ang Aking mga hinihinging pamantayan, ni hindi nila nauunawaan ang orihinal na kahulugan ng Aking mga salita, na nag-aalinlangan pa rin ang mga tao sa Aking mga salita hanggang ngayon, at wala pa sa kalahati ng mga tao ang naniniwala sa Aking mga salita. Ang nalalabi ay mga hindi mananampalataya, at lalong marami ang mga gustong marinig Akong “magkuwento.” Dagdag pa rito, maraming natutuwang panoorin ito. Binabalaan Ko kayo: Marami sa Aking mga salita ang nabuksan na sa mga nananampalataya sa Akin, at iyong mga nagtatamasang tingnan ang magandang tanawin ng kaharian ngunit napagsarhan ng tarangkahan nito ay itiniwalag Ko na. Hindi ba masasamang damo lamang kayo na itinataboy Ko? Paano ninyo nagawang masdan ang pag-alis Ko at pagkatapos ay masayang salubungin ang Aking pagbalik? Sinasabi Ko sa inyo, matapos marinig ng mga tao sa Ninive ang galit na mga salita ni Jehova, agad silang nagsisi nang nakadamit-panluksa at may mga abo. Dahil nanampalataya sila sa Kanyang mga salita kung kaya puno sila ng kilabot at pangamba at sa gayon ay nagsisi nang nakadamit-panluksa at may mga abo. Patungkol sa mga tao sa panahong ito, bagama’t naniniwala rin kayo sa Aking mga salita at higit pa riyan, naniniwala kayo na muling naparito si Jehova sa gitna ninyo ngayon, puro kawalang-pitagan ang inyong saloobin, na para bang inoobserbahan lang ninyo si Jesus na isinilang sa Judea libo-libong taon na ang nakalilipas at bumaba na ngayon sa gitna ninyo. Lubos Kong nauunawaan ang panlilinlang na umiiral sa inyong puso; sumusunod sa Akin ang karamihan sa inyo dahil sa pagkamausisa at naparito kayo upang hanapin Ako dahil sa kahungkagan. Kapag nadurog ang inyong ikatlong kahilingan—ang kahilingan ninyo para sa isang mapayapa at masayang buhay—napapawi rin ang inyong pag-uusisa. Nalalantad ang panlilinlang na umiiral sa puso ng bawat isa sa inyo sa pamamagitan ng inyong mga salita at gawa. Sa deretsahang pagsasalita, nag-uusisa lamang kayo tungkol sa Akin, ngunit hindi kayo natatakot sa Akin; hindi kayo nag-iingat sa inyong pananalita, at lalo nang hindi ninyo pinipigilan ang inyong pag-uugali. Kung gayon ay anong klase ba talaga ang inyong pananampalataya? Tunay ba iyon? Ginagamit lamang ninyo ang Aking mga salita para mawala ang inyong mga pag-aalala at mabawasan ang inyong pagkabagot, para punan ang mga puwang sa buhay mo. Sino sa inyo ang nagsagawa na ng Aking mga salita? Sino ang may tunay na pananampalataya? Patuloy ninyong isinisigaw na ang Diyos ay isang Diyos na nagmamasid sa kaloob-looban ng puso ng mga tao, ngunit paano naging magkaayon sa Akin ang Diyos na inyong ipinagsisigawan sa puso ninyo? Yamang sumisigaw kayo nang ganito, bakit ganyan kayong kumilos? Maaari kayang ito ang pagmamahal na nais ninyong isukli sa Akin? Hindi kakatiting ang dedikasyon sa inyong mga labi, ngunit nasaan ang inyong mga sakripisyo, at ang inyong mabubuting gawa? Kung hindi dahil sa inyong mga salita na nakararating sa Aking mga tainga, paano Ko kayo labis na kamumuhian? Kung tunay kayong nananampalataya sa Akin, paano kayo nasadlak sa gayong kahiya-hiyang kalagayan? May lumbay sa inyong mukha na para bang kayo ay nililitis sa Hades. Wala kayo ni katiting na sigla, at walang sigla kayong magsalita tungkol sa tinig sa inyong kalooban; puno pa nga kayo ng mga reklamo at sumpa. Matagal na kayong nawalan ng pananalig sa Aking ginagawa at naglaho na maging ang inyong orihinal na pananalig, kaya paano kayo posibleng makakasunod hanggang sa huli? Dahil dito, paano kayo maliligtas?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita Para sa mga Kabataan at Matatanda
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 344
Bagama’t malaking tulong sa inyo ang Aking gawain, ang Aking mga salita ay laging walang epekto sa inyo at hindi naisagawa sa inyo. Mahirap makahanap ng mga pakay na gagawin Kong perpekto, hanggang sa punto na ngayon, muntik na Akong mawalan ng pag-asa sa inyo. Ilang taon na Akong naghanap sa gitna ninyo, ngunit mahirap makahanap ng isang taong maaari Kong maging katapatang-loob. Pakiramdam Ko parang wala Akong tiwala na patuloy na gumawa sa inyo, at wala na Akong pagmamahal na magagamit para patuloy pa kayong mahalin. Dahil ito sa matagal na Akong nasusuklam sa inyong “mga nakamit,” na napakaliit at kahabag-habag; para bang hindi pa Ako kailanman nakapangusap sa gitna ninyo at nakagawa sa inyo. Masyadong nakakasuka ang inyong mga nakamit. Lagi ninyong sinisira at pinahihiya ang inyong sarili, at halos wala kayong halaga. Nahihirapan Akong makahanap ng wangis ng isang tao sa inyo, ni hindi Ko maamoy ang bakas ng isang tao. Nasaan ang inyong sariwang samyo? Nasaan ang halagang ibinayad ninyo sa loob ng maraming taon, at nasaan ang mga resulta? Wala pa ba kayong nakitang anuman kailanman? Ang Aking gawain ngayon ay may bagong panimula, isang bagong simula. Isasagawa Ko ang Aking mga dakilang plano, naglulunsad ng mas dakila pang gawain, subalit kayo ay tiwali pa rin na nakalublob sa putik gaya ng dati, namumuhay sa maruruming tubig ng nakaraan, at halos hindi ninyo mapalaya ang inyong sarili mula sa inyong orihinal na masamang kalagayan. Samakatwid, wala pa rin kayong natamong anuman mula sa Aking mga salita. Hindi pa rin ninyo napapalaya ang inyong sarili mula sa orihinal na lugar ninyo na putikan at maruming tubig, at ang alam lamang ninyo ay ang Aking mga salita, ngunit sa katunayan hindi pa kayo nakapasok sa daigdig ng kalayaan ng Aking mga salita, kaya hindi pa kailanman nabuksan ang Aking mga salita sa inyo; para silang isang aklat ng propesiya na libo-libong taon nang selyado. Nagpapakita Ako sa inyo sa inyong buhay ngunit palaging hindi ninyo iyon namamalayan. Ni hindi ninyo Ako kilala. Halos kalahati ng mga salitang Aking sinasabi ay para hatulan kayo, at nakakamit ng mga ito ang kalahati ng mga epekto, kaya kayo ay napapatigagal at hindi ninyo alam ang gagawin. Ang natitirang kalahati ay binubuo ng mga salita upang turuan kayo tungkol sa buhay at kung paano kayo aasal. Gayunman, mukhang pagdating sa inyo ay hindi man lang umiiral ang mga salitang ito, o parang nakikinig kayo sa mga salita ng mga bata, mga salitang lagi ninyong pinakikitaan ng tagong ngiti, ngunit hindi ninyo ginagawa kailanman. Hindi kayo naging interesado kailanman tungkol sa mga bagay na ito; palaging dahil gusto ninyong mag-usisa kaya ninyo inobserbahan ang Aking mga kilos, kaya ngayon ay nasadlak na kayo sa kadiliman at hindi ninyo makita ang liwanag, kaya nga tumatangis kayo sa dilim. Ang nais Ko ay ang inyong pagpapasakop, ang inyong walang-kondisyong pagpapasakop, at higit pa riyan, hinihingi Kong ganap kayong maging tiyak sa lahat ng sinasabi Ko. Hindi kayo dapat magkaroon ng saloobin na pabaya at lalo nang hindi kayo dapat mamili sa mga bagay na sinasabi Ko, ni ipagwalang-bahala ang Aking mga salita at Aking gawain, gaya ng inyong nakagawian. Isinasagawa ang Aking gawain sa gitna ninyo at napakarami sa Aking mga salita ang naipagkaloob Ko na sa inyo, ngunit kung tatratuhin ninyo Ako nang pabasta-basta sa ganitong paraan, maibibigay Ko na lamang sa mga pamilyang Hentil iyong hindi ninyo natamo o naisagawa. Sino sa lahat ng nilikha ang hindi Ko hawak sa Aking mga kamay? Karamihan sa inyo ay “matandang matanda na,” at wala kayong lakas na tanggapin ang klaseng ito ng Aking gawain. Palagi kayong parang isang ibong Hanhao,[a] na bahagya lamang nakakaraos sa buhay, at hindi ninyo sineryoso kailanman ang Aking mga salita. Ang mga kabataan ay masyadong hambog at mapagpalayaw sa sarili at lalong hindi inaalintana ang Aking gawain. Wala silang interes na tikman ang masasarap na pagkain sa Aking piging; para silang isang munting ibon na nakalipad palabas ng kulungan nito upang makipagsapalaran sa malayo. Paanong magiging kapaki-pakinabang sa Akin ang ganitong klaseng mga kabataan at matatanda?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita Para sa mga Kabataan at Matatanda
Talababa:
a. Ang kuwento ng ibong Hanhao ay labis na kapareho ng pabula ni Aesop tungkol sa langgam at tipaklong. Pinili ng ibong Hanhao na matulog sa halip na gumawa ng isang pugad habang ang panahon ay mainit, sa kabila ng paulit-ulit na mga babala mula sa kanyang kapitbahay, na isang magpie. Nang dumating ang taglamig, ang ibon ay nanigas sa lamig hanggang mamatay.
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 345
Bagama’t parang mga batang leon kayong lahat na kabataan, bihira kayong magkaroon ng tunay na daan sa inyong puso. Hindi kayo nabibigyan ng higit na karapatan sa mas marami sa Aking gawain nang dahil sa inyong kabataan; bagkus, lagi ninyong pinupukaw ang Aking pagtutol sa inyo. Kahit bata pa kayo, wala kayong sigla o kaya naman ay wala kayong ambisyon, at lagi kayong walang malinaw na opinyon tungkol sa inyong kinabukasan; parang wala kayong pakialam pero lagi ninyo itong pinag-iisipan. Masasabi na ang sigla, mga adhikain, at paninindigang dapat matagpuan sa mga kabataan, ay talagang hindi matagpuan sa inyo; kayo, na ganitong klaseng kabataan, ay walang paninindigan at walang kakayahang tukuyin kung alin ang wasto at di-wasto, mabuti at masama, maganda at pangit. Imposibleng makahanap ng anumang mga elemento ninyo na sariwa. Kayo ay halos ganap na makaluma, at kayo, na ganitong klaseng kabataan, ay natuto ring sumunod sa agos, na maging walang katinuan. Hindi ninyo malinaw na natutukoy kailanman ang tama sa mali, hindi ninyo nakikita ang pagkakaiba sa pagitan ng tunay at huwad, hindi kayo nagsusumikap kailanman na maging mahusay, ni hindi ninyo kayang masabi kung ano ang wasto at ano ang di-wasto, ano ang katotohanan at ano ang pagpapaimbabaw. Mas mabigat at mas matindi ang amoy ng relihiyon sa inyo kaysa sa matatanda. Kayo ay mapagmalaki, dominante, hindi makatwiran, at lubha pa ngang mapagkompetensiya, at ang inyong pagiging palaaway ay napakatindi—paano magtataglay ng katotohanan ang ganitong klaseng kabataan? Paano maaaring manindigan sa kanyang patotoo ang isang taong hindi kayang panghawakan ang kanyang paninindigan? Paano matatawag na kabataan ang isang taong walang abilidad na matukoy ang kaibahan sa pagitan ng tama at mali? Paano matatawag na tagasunod Ko ang isang taong walang sigla, lakas, kasariwaan, kahinahunan, at katatagan ng isang kabataan? Paano magiging karapat-dapat na maging tagapagpatotoo Ko ang isang taong walang taglay na katotohanan, walang pagpapahalaga sa katarungan, ngunit mahilig makipaglaro at makipaglaban? Ang mga kabataan ay hindi dapat puno ng panlilinlang, o puno ng mga tingin na may diskriminasyon sa ibang tao. Hindi sila dapat magsagawa ng mapanira at karumal-dumal na mga gawain. Hindi sila dapat walang mga adhikain, sigasig, at ng isang masiglang espiritung nagpupunyagi pataas. Hindi sila dapat panghinaan ng loob tungkol sa kanilang kinabukasan, at ni hindi sila dapat mawalan ng pag-asa sa buhay o ng pananalig sa hinaharap. Dapat silang magkaroon ng pagpupursiging magpatuloy sa daan ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang maisakatuparan ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. Hindi sila dapat walang katotohanan, ni hindi nila dapat pagtakpan ang pagiging mapagpaimbabaw at pagiging di-matuwid—dapat silang maging matatag sa kanilang wastong paninindigan; hindi sila dapat sumunod sa agos, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at sa katotohanan. Dapat silang magkaroon ng katapangang huwag sumuko sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at baguhin ang kabuluhan ng kanilang pag-iral. Hindi nila dapat tanggapin ang mga bagay-bagay nang hindi pumapalag, kundi ang mas dapat nilang gawin ay magkaroon ng diwa ng sinseridad at pagiging prangka, at ng pagpapatawad sa kanilang mga kapatid. Siyempre, ito ang mga hinihingi Ko sa lahat, at ang Aking mga panghihikayat sa lahat. Ngunit higit pa riyan, ito ang Aking mga salitang magpapaginhawa sa lahat ng kabataan. Dapat kayong magsagawa ayon sa Aking mga salita. Lalo na, ang mga kabataan ay hindi dapat walang determinasyon na malinaw na kilatisin ang totoong kalagayan ng mga bagay-bagay at maghanap ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong makamit ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Higit pa rito, dapat kayong maging responsable para sa inyong sariling buhay, at hindi ninyo dapat ito ipagwalang-bahala. Bihira para sa mga tao, na naparito sa mundo, na makatagpo Ako, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahalagahan ang magandang panahong ito bilang tamang landas na hahangarin sa buhay na ito? At bakit ninyo binabalewala palagi ang katotohanan at katarungan? Bakit ninyo palaging niyuyurakan at sinisira ang inyong sarili para sa kawalang-katuwiran at karumihang pinaglalaruan ang mga tao? At bakit kayo kumikilos na katulad ng matatandang iyon na gumagawa ng ginagawa ng mga hindi matuwid? Bakit ninyo ginagaya ang mga lumang paraan ng mga lumang bagay? Dapat mapuno ng katarungan, katotohanan, at kabanalan ang inyong buhay; hindi kayo dapat natiwali nang napakaaga, at sa gayon ay mahulog sa Hades. Hindi ba ninyo nadarama na ito ay magiging isang kakila-kilabot na kasawian? Hindi ba ninyo nadarama na magiging lubha itong hindi makatarungan para sa inyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita Para sa mga Kabataan at Matatanda
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 346
Kung ang napakaraming gawain, at napakaraming salita, ay hindi tumalab sa iyo, kung gayon kapag dumating ang panahon upang ipalaganap ang gawain ng Diyos hindi mo magagampanan ang iyong tungkulin, at mapapahiya at mahihiya ka. Sa panahong iyon, madarama mo na napakalaki ng utang mo sa Diyos, na ang iyong pagkakilala sa Diyos ay napakababaw. Kung hindi mo hinahangad ang pagkakilala sa Diyos ngayon, habang Siya ay gumagawa, kung gayon sa kalaunan ay magiging masyadong huli na. Sa katapusan, ikaw ay walang kaalamang masasabi—ikaw ay maiiwang hungkag, wala kahit ano. Ano nga ang iyong gagamitin upang magsulit sa Diyos? Magkakaroon ka ba ng kapal ng mukha na humarap sa Diyos? Kailangan mong maging masigasig ngayon sa iyong paghahangad, upang sa katapusan, tulad ni Pedro, malalaman mo kung gaano kapaki-pakinabang ang pagkastigo at paghatol ng Diyos sa tao, at kung wala ang Kanyang pagkastigo at paghatol, ang tao ay hindi maililigtas, at malulubog lamang nang higit na malalim tungo rito sa maruming lupain, higit na malalim tungo sa putikan. Ang mga tao na ginawang tiwali ni Satanas na gumawa ng intriga laban sa isa’t isa at nagtatapakan sa isa’t isa, ay nawalan na pusong may takot sa Diyos. Ang kanilang paghihimagsik ay napakatindi, ang kanilang mga kuru-kuro ay napakarami, at ang lahat ay kay Satanas. Kung wala ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, ang tiwaling disposisyon ng tao ay hindi malilinis at siya ay hindi maililigtas. Kung ano ang ipinahahayag ng gawain sa katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao ay tiyak na ang ipinahahayag ng Espiritu, at ang gawain na Kanyang ginagawa ay isinasakatuparan ayon doon sa ginagawa ng Espiritu. Ngayon, kung wala kang kaalaman tungkol sa gawaing ito, kung gayon ikaw ay napakahangal at napakalaki ang nawala sa iyo! Kung hindi mo natamo ang pagliligtas ng Diyos, kung gayon ang iyong pananampalataya ay isang relihiyosong pananalig, at ikaw ay isang Kristiyanong nasa relihiyon. Dahil ikaw ay nakakapit sa mga patay na regulasyon, nawala sa iyo ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang iba, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ay nakakamtan ang katotohanan at buhay, samantalang ang iyong pananalig ay hindi kayang makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa halip, ikaw ay naging taong gumagawa ng masama, isang taong gumagawa ng nakasisira at nakasusuklam na mga gawain, ikaw ay naging tampulan ng mga panunuya ni Satanas, at isang bihag ni Satanas. Ang Diyos ay hindi dapat sampalatayan ng tao, kundi ibigin niya, hangarin at sambahin niya. Kung hindi ka naghahangad ngayon, kung gayon ay darating ang araw kung kailan sasabihin mo, “Bakit hindi ko sinunod ang Diyos nang wasto noon, hindi Siya binigyang-kasiyahan nang wasto, hindi hinangad ang mga pagbabago sa aking buhay disposisyon? Gaano ang aking pagsisisi sa kawalan ko ng abilidad na magpasakop sa Diyos noon, at sa hindi ko paghahangad na makamit ang kaalaman ng salita ng Diyos. Napakaraming sinabi ang Diyos noon—bakit hindi ako naghangad? Ako ay napakatanga!” Sukdulan mong kamumuhian ang iyong sarili. Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; pagdating ng araw na lumaganap na ang gawaing ito at nakita mo na ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling iyon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga iyon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahangad. Hindi ba’t nagdadala ka ng problema sa iyong sarili? Ngayon, bagama’t hindi pa nagsisimula ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang karagdagan tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakarami ng gawain, at napakaraming katotohanan; ang mga iyon ba ay hindi karapat-dapat na makilala mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol na idulot na kamuhian mo ang iyong sarili? Kontento ka na ba sa pamumuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, nang may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga nakakita sa biyayang nagliligtas ngunit hindi naghahangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakasasa sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga paghihirap o kapighatian, o ng kahit katiting na pagdurusa. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga! Namumuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay pawang mga hayop? Hindi ba’t ang mga patay na walang mga espiritu ay mga naglalakad na bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting gawain lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa gitna ninyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t ito ay dahil ang iyong mga kaisipan ay masyadong malabis? Hindi ba’t ito ay dahil napakahangal mo? Kung mabibigo kang makamit ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang lahat ng iyong hinahangad ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na manampalataya sa Diyos, ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, ang iyong anak na babae ay makatagpo ng mabuting asawang lalaki, ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahangad. Ang iyong hinahangad ay para mamuhay lamang nang maginhawa—walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, ang hangin ay lampasan ka lamang, ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, hindi maapektuhan ng anumang sakuna, mabuhay sa “yakap ng Diyos,” mamuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahangad sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ipinagkakaloob Ko sa iyo ang tunay na daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi mo ito hinahangad. Isa ka pa rin ba sa mga nananampalataya sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi mo ito hinahangad. Hindi ba’t kauri ka ng mga baboy at aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naipagkaloob Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan, nananatili kang walang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano ang kabuluhan ng pagiging buhay ng gayong mga tao? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, namumuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi mo hinahangad ang anumang layon, kaya hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang kapal ng mukha na humarap sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas sa ganitong paraan, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tunay na daan ay naipagkaloob na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa huli o hindi ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 347
Ang inyong laman, ang inyong maluluhong pagnanais, ang inyong pagkagahaman, at ang inyong pagnanasa ay malalim na nakaugat sa inyo. Ang mga bagay na ito ay patuloy na kumokontrol sa inyong puso kaya kayo ay walang kapangyarihang iwaksi ang tanikala ng piyudal at mga napakatiwaling kaisipan na iyon. Hindi kayo naghahangad na baguhin ang inyong kasalukuyang sitwasyon, ni takasan ang impluwensiya ng kadiliman. Kayo ay nagagapos lamang ng mga bagay na iyon. Kahit alam ninyong lahat na ang buhay na ito ay napakasakit at ang mundong ito ng tao ay napakadilim, wala pa rin ni isa man lang sa inyo ang may tapang na baguhin ang inyong buhay. Nananabik lamang kayong takasan ang mga realidad ng buhay na ito, makamit ang transendensiya ng kaluluwa, at mamuhay sa isang mapayapa, napakaganda, at mala-langit na kapaligiran. Hindi kayo handang magtiis ng mga paghihirap upang baguhin ang inyong kasalukuyang buhay; hindi rin kayo handang magsaliksik sa loob ng paghatol at pagkastigo na ito para sa buhay na dapat ninyong pasukin. Sa halip, nangangarap kayo ng lubos na di-makatotohanang mga pangarap tungkol sa magandang mundong iyon na hiwalay sa laman. Ang buhay na inyong pinananabikan ay iyong maaari ninyong makamit nang walang kahirap-hirap, nang hindi nagdurusa ng anumang pasakit. Iyan ay ganap na di-makatotohanan! Ito ay dahil ang inyong inaasam ay hindi ang mamuhay ng isang makabuluhang buhay sa laman at makamit ang katotohanan sa buong buhay, na ibig sabihin, ang mabuhay para sa katotohanan at manindigan para sa katarungan. Hindi ito ang itinuturing ninyo na isang maningning at nakasisilaw na buhay. Nadarama ninyong ito ay hindi magiging isang kaakit-akit o makabuluhang buhay. Sa pananaw ninyo, ang mamuhay ng gayong buhay ay magiging parang kawalan ng katarungan! Kahit na tinatanggap ninyo ang pagkastigong ito ngayon, ang inyong hinahangad ay hindi ang makamit ang katotohanan o maisabuhay ang katotohanan sa kasalukuyan, bagkus ay ang makapasok sa isang masayang buhay nang hiwalay sa laman kalaunan. Hindi kayo naghahanap sa katotohanan, ni naninindigan para sa katotohanan, at lalo nang hindi kayo nabubuhay para sa katotohanan. Hindi kayo naghahangad alang-alang sa pagpasok ngayon; sa halip, puno ang inyong mga iniisip ng kung ano ang maaaring mangyari balang araw: Nakatingin kayo sa asul na papawirin at umiiyak ng mapapait na luha habang pinananabikan ninyo ang araw na madadala kayo sa langit. Hindi ba ninyo alam na ang pag-iisip nang ganito ay malayo na sa realidad? Lagi mong iniisip na ang Tagapagligtas ay may walang-hanggang kabaitan at habag, na walang dudang darating balang araw kung kailan isasama ka Niya, ikaw na nagtiis ng paghihirap at pagdurusa sa mundong ito, at na bibigyan Niya ng katarungan ang iyong mga hinaing at ipaghihiganti ka Niya, ikaw na nabiktima at naapi. Hindi ba’t puno ka ng kasalanan? Ikaw lamang ba ang nagdusa sa mundong ito? Ikaw mismo ay nahulog sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at nagdusa—kailangan pa rin ba talagang bigyang-katarungan ng Diyos ang iyong mga hinaing? Iyong mga hindi kayang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos—hindi ba’t kaaway silang lahat ng Diyos? Iyong mga hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao—hindi ba’t lahat sila ay mga anticristo? Ano ang kabuluhan ng iyong mabuting pag-uugali? Mapapalitan ba nito ang isang pusong sumasamba sa Diyos? Hindi ka makakatanggap ng mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan lamang ng paggawa ng ilang mabuting bagay, at hindi bibigyang-katarungan ng Diyos ang iyong mga hinaing at hindi Niya ipaghihiganti ang mga kamaliang nagawa laban sa iyo dahil lamang sa ikaw ay nabiktima at naapi. Iyong mga nananampalataya sa Diyos subalit hindi kilala ang Diyos, ngunit gumagawa ng kabutihan—hindi ba’t kinakastigo rin sila? Nananampalataya ka lamang sa Diyos, gusto mo lamang na itama at ipaghiganti ng Diyos ang mga kamalian laban sa iyo, at nais mo na ipagkaloob sa iyo ng Diyos ang araw mo, ang araw kung kailan maitataas mo na sa wakas ang iyong noo. Ngunit hindi mo pinapansin ang katotohanan, at hindi ka nauuhaw na maisabuhay ang katotohanan. Lalo nang hindi mo kayang takasan ang mahirap at hungkag na buhay na ito. Sa halip, habang ipinamumuhay mo ang iyong buhay sa laman at sa gitna ng kasalanan, umaasa ka sa Diyos na bigyang-katarungan ang iyong mga hinaing at alisin ang kalabuan ng iyong pag-iral. Ngunit posible ba ito? Kung taglay mo ang katotohanan, makakasunod ka sa Diyos. Kung mayroon kang pagsasabuhay, maaari kang maging isang pagpapamalas ng salita ng Diyos. Kung mayroon kang buhay, maaari kang magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Iyong mga nagtataglay ng katotohanan ay maaaring magtamasa ng pagpapala ng Diyos. Tinitiyak ng Diyos ang pagbibigay-katarungan para sa mga taong nagmamahal sa Kanya nang taos-puso at nagtitiis ng mga paghihirap at mga pagdurusa, ngunit hindi para sa mga taong nagmamahal lamang sa kanilang mga sarili at nabihag ng mga panlilinlang ni Satanas. Paano magkakaroon ng kabutihan sa mga hindi umiibig sa katotohanan? Paano magkakaroon ng katuwiran sa mga umiibig lamang sa laman? Hindi ba’t ang katuwiran at kabutihan ay parehong binabanggit lamang kaugnay ng katotohanan? Hindi ba’t nakalaan ang mga iyon para sa mga buong-pusong nagmamahal sa Diyos? Iyong mga hindi umiibig sa katotohanan at mga nabubulok na bangkay lamang—hindi ba’t ang lahat ng taong ito ay nagkikimkim ng kasamaan? Iyong mga walang kakayahang isabuhay ang katotohanan—hindi ba’t lahat sila ay kaaway ng katotohanan? At ano naman kayo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 348
Noon pa man ay tungkulin Ko na ang pamahalaan ang tao. Bukod pa riyan, ang paglupig sa tao ang itinalaga Ko nang likhain Ko ang mundo. Maaaring hindi alam ng mga tao na ganap Kong lulupigin ang tao sa mga huling araw, o na ang paglupig sa mga suwail sa sangkatauhan ang katibayan na tinalo Ko si Satanas. Ngunit, nang makipaglaban sa Akin ang Aking kaaway, sinabihan Ko na ito na lulupigin Ko iyong mga nabihag ni Satanas at nagawa silang mga anak nito, nagawang matatapat na alipin na nakabantay sa bahay nito. Ang orihinal na kahulugan ng lupigin ay talunin, sumailalim sa kahihiyan; sa wika ng mga Israelita, ang ibig sabihin nito ay lubos na talunin, wasakin, at alisan ng kakayahan na higit Akong malabanan. Ngunit ngayon, kapag ginamit sa inyo, ang kahulugan nito ay lupigin. Dapat ninyong malaman na ang Aking layunin ay ganap na lipulin at pasukuin ang masasama sa sangkatauhan, upang hindi na nila ako maipagkanulo, lalo nang hindi magkaroon ng pagkakataon na gambalain o guluhin ang Aking gawain. Sa gayon, pagdating sa tao, ang salitang ito ay nangahulugan na ng paglupig. Anuman ang mga ipinahihiwatig ng salita, ang Aking gawain ay talunin ang mga tao. Sapagkat samantalang totoo na ang sangkatauhan ay dagdag sa Aking pamamahala, para mas tumpak, ang mga tao ay walang iba kundi ang Aking mga kaaway. Ang mga tao ay ang masasama na lumalaban at naghihimagsik laban sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga anak ng masama na Aking isinumpa. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang pamana ng masamang diyablo na noon pa man ay itinaboy Ko na at direktang kaaway Ko. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng isang nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at nasa lilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. Sa lahat ng dako, paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama sa gitna ng mga tao. Ang mga inapo ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga panahon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, ay isang tagapagtanghal na gumaganap sa imahe ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang pagsasakatawan ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na “matunog na nagpapatotoo” kay Satanas. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, ang gayong pangkat ng masamang latak, ang gayong supling ng isang tiwaling pamilya ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Mayroon bang anumang patotoo sa Akin na mababanggit? Sapagkat ang kaaway na kumakalaban sa Akin, at na ginawang tiwali ang sangkatauhan, ay naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa simula, nilikha Ko ang sangkatauhan; ibig sabihin, nilikha Ko ang ninuno ng sangkatauhan, si Adan. Pinagkalooban siya ng anyo at wangis, nag-uumapaw sa sigla, nag-uumapaw sa lakas, at higit pa riyan, kapiling siya ng Aking kaluwalhatian. Iyan ang maluwalhating araw nang likhain Ko ang tao. Pagkatapos niyan, ginawa si Eba mula sa katawan ni Adan, at siya man ay ninuno ng tao. Kaya, ang mga taong nilikha Ko ay puno ng Aking hininga at nag-uumapaw sa Aking kaluwalhatian. Si Adan ay orihinal na “isinilang” mula sa Aking kamay at siyang kumakatawan sa Aking wangis. Sa gayon, ang orihinal na kahulugan ng “Adan” ay isang nilalang na Aking nilikha na puspos ng Aking masiglang lakas, puspos ng Aking kaluwalhatian, may anyo at wangis, may isang espiritu at hininga. Siya lamang ang nilikha na may angking espiritu na may kapabilidad na kumatawan sa Akin at taglayin ang Aking wangis, at nakatanggap ng Aking hininga. Sa simula, si Eba ang ikalawang taong pinagkalooban ng hininga na ang paglikha ay Aking inorden, kaya ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang nilikha na magpapatuloy ng Aking kaluwalhatian, puno ng Aking sigla at higit pa riyan ay pinagkalooban ng Aking kaluwalhatian. Si Eba ay nagmula kay Adan, kaya taglay rin niya ang Aking wangis, sapagkat siya ang ikalawang taong nilalang sa Aking wangis. Ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang buhay na tao na may espiritu, laman, at buto. Siya ang ikalawang patotoo Ko at Aking ikalawang wangis sa gitna ng sangkatauhan. Sila ang mga ninuno ng sangkatauhan, ang mga mahalaga at dalisay sa sangkatauhan, at sila ay orihinal na mga buhay na nilalang na pinagkalooban ng mga espiritu. Gayunman, tinapakan at binihag ng masama ang mga inapo ng mga ninuno ng sangkatauhan, at isinadlak ang mundo ng tao sa ganap na kadiliman, at idinulot ito upang hindi na maniwala ang mga inapo sa Aking pag-iral. Mas karumal-dumal pa ay na, habang ginagawang tiwali ng masama ang mga tao at tinatapakan sila, malupit nitong inagaw ang Aking kaluwalhatian, ang Aking patotoo, ang siglang ipinagkaloob Ko sa kanila, ang hininga at ang buhay na inihip Ko sa kanila, ang Aking buong kaluwalhatian sa mundo ng tao, at lahat ng dugo ng puso na Aking ginugol sa sangkatauhan. Wala na sa liwanag ang sangkatauhan, at naiwala na ng mga tao ang lahat ng Aking ipinagkaloob sa kanila, at itinapon na nila ang kaluwalhatiang Aking ipinagkaloob sa kanila. Paano nila maaaring kilalanin na Ako ang Panginoon ng buong sangnilikha? Paano sila maniniwala sa Aking pag-iral sa langit? Paano nila matutuklasan ang mga pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian sa ibabaw ng lupa? Paano ituturing ng mga apong lalaki at babaeng ito ang Diyos na kinatakutan ng sarili nilang mga ninuno bilang Panginoon na lumikha sa kanila? Ang kaawa-awang mga apong ito ay aktuwal na “inialay” nang may malaking pagkabukas-palad sa masama ang kaluwalhatian, ang wangis, at ang patotoong ipinagkaloob Ko kina Adan at Eba, gayundin ang buhay na ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan at kung saan sila umaasa para manatiling buhay; at hindi nila binibigyang-pansin kahit kaunti ang presensiya ng masama, at ibinibigay nila ang Aking buong kaluwalhatian dito. Hindi ba’t ito mismo ang pinagmulan ng terminong “masamang latak”? Paano tataglayin ng gayong sangkatauhan, gayong masasamang demonyo, gayong mga bangkay na naglalakad, gayong mga Satanas, gayong mga kaaway Ko ang Aking kaluwalhatian? Babawiin Ko ang Aking kaluwalhatian, babawiin Ko ang Aking patotoo sa gitna ng tao, at lahat ng orihinal na Akin at ang ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan noong unang panahon—ganap Kong lulupigin ang sangkatauhan. Gayunman, dapat mong malaman na ang mga taong Aking nilikha ay mga dalisay na tao na taglay ang Aking wangis at Aking kaluwalhatian. Hindi sila pag-aari ni Satanas, ni hindi sila natapakan nito, kundi purong pagpapamalas Ko lamang, malaya sa pinakakaunting bahid ng lason ni Satanas. Kaya naman, ipinapaalam Ko sa sangkatauhan: ang tanging nais Ko ay ang mga dalisay na nilikha ng Aking kamay, at ang minamahal Ko at hindi nabibilang sa anupamang ibang nilalang, at masisiyahan Ako sa kanila at ituturing Ko silang Aking kaluwalhatian, gayunman, ang nais Ko ay hindi ang sangkatauhang nagawang tiwali ni Satanas, na pag-aari ni Satanas ngayon, at hindi na ang Aking orihinal na likha. Dahil layon Kong bawiin ang Aking kaluwalhatian sa mundo ng tao, ganap Kong lulupigin ang nanatiling buhay sa sangkatauhan, bilang katunayan ng Aking kaluwalhatian sa pagtalo kay Satanas. Ang Aking patotoo lamang ang tinatanggap Ko bilang Aking kristalisasyon, bilang layon ng Aking kasiyahan. Ito ang Aking layunin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 349
Mayroon nang sampu-sampung libong taon ng kasaysayan sa pag-unlad ng sangkatauhan hanggang ngayon. Subalit ang sangkatauhang nilikha Ko sa simula ay matagal nang nabaon sa pagkabulok, at ang sangkatauhan ay hindi na ang sangkatauhang hangad Ko, at sa gayon, sa Aking paningin, ang mga tao ay matagal nang hindi sangkatauhan. Sa halip, sila ang masamang latak ng sangkatauhan na nabihag ni Satanas, ang bulok na mga bangkay na naglalakad na sinasapian ni Satanas at ibinibihis ni Satanas sa sarili nito. Tiyak na walang tiwala ang mga tao sa Aking pag-iral, ni hindi sila sumasalubong sa Aking pagdating. Ang sangkatauhan ay nag-aatubiling humaharap lamang sa Aking mga hinihingi sa pabasta-bastang pamamaraan, pansamantalang sumasang-ayon sa mga iyon, at hindi taos-pusong nakikibahagi sa mga kagalakan at kapighatian Ko. Dahil ang tingin ng mga tao ay hindi Ako masuri, nag-aatubili nila Akong nginingitian, ibinubunyag ang asal ng paninipsip sa may kapangyarihan, sapagkat walang alam ang mga tao tungkol sa Aking gawain, lalo na sa Aking mga layunin sa kasalukuyan. Magtatapat Ako sa inyo: Pagdating ng araw, ang paghihirap ng sinumang sumasamba sa Akin ay magiging mas madaling tiisin kaysa sa inyo. Ang laki ng inyong pananalig sa Akin, sa totoo lang, ay hindi nakahihigit kaysa kay Job—kahit ang pananalig ng mga Pariseong Hudyo ay nakahihigit sa inyo—kaya naman, kung dumating ang araw ng apoy, magiging mas malubha ang inyong mga araw kaysa sa pagsasaway na natanggap ng mga Pariseo mula kay Jesus, kaysa sa pagdurusa na dinanas ng 250 pinunong kumontra kay Moises, at kaysa sa paglalagablab ng mga apoy na dinanas ng Sodoma sa panahon ng pagkawasak nito. Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nang tinugtog ni David ang alpa at lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang puso ni David ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nang nawala kay Job ang kanyang mga hayop na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang Aking kaluwalhatian, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananalig. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananalig. Nang makita ni Juan ang maluwalhating larawan ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nang makita niya ang pangitain ng mga huling araw, lalo nang lahat ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bansang Hentil ay nakatamo ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananalig. Lahat ng hinahampas ng Aking malupit na mga salita ngunit nagkakamit ng kaaliwan mula rito at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananalig? Iyong mga nananampalataya sa Akin ngunit nagdaranas pa rin ng mga paghihirap, hindi ba itinakwil na rin sila ng mundo? Iyong mga namumuhay sa labas ng Aking salita, na tumatakas sa pagdanas ng pagsubok, hindi ba lahat sila ay palutang-lutang sa buong mundo? Katulad sila ng mga dahon sa taglagas na naglalaglagan kung saan-saan, walang mapagpahingahan, lalong wala sila ng Aking mga salita ng pag-aliw. Bagama’t hindi sila sinusundan ng Aking pagkastigo at pagpipino, hindi ba sila mga pulubing palutang-lutang kung saan-saan, pagala-gala sa mga lansangan sa labas ng kaharian ng langit? Talaga bang ang mundo ang iyong pahingahan? Matatamo mo ba talaga, sa pag-iwas sa Aking pagkastigo, ang pinakabahagyang ngiti ng kasiyahan mula sa mundo? Magagamit mo ba talaga ang iyong panandaliang kasiyahan upang pagtakpan ang kahungkagan sa iyong puso, kahungkagan na hindi maitatago? Maaari mong lokohin ang lahat sa iyong pamilya, ngunit hinding-hindi mo Ako maloloko. Dahil napakaliit ng iyong pananalig, hanggang sa araw na ito, wala ka pa ring kapangyarihang makasumpong ng anuman sa mga katuwaang handog ng buhay. Hinihimok kita: mas mabuti pang taos-puso mong gugulin ang kalahati ng iyong buong buhay para sa Akin kaysa gugulin mo ang iyong buong buhay nang katamtaman at kaabalahan para sa laman, na tinitiis ang lahat ng pagdurusang halos hindi makayanan ng isang tao. Ano ang silbi ng pagpapahalaga nang husto sa iyong sarili at pagtakas mula sa Aking pagkastigo? Ano ang silbi ng itago ang iyong sarili mula sa Aking panandaliang pagkastigo para lamang umani ng walang-hanggang kahihiyan, ng walang-hanggang pagkastigo? Sa katunayan, hindi Ko ipinipilit kaninuman ang mga hinihingi Ko. Kung talagang handa ang isang tao na magpasakop sa lahat ng Aking plano, hindi Ko sila tatratuhin nang masama. Ngunit kinakailangan Ko na maniwala sa Akin ang lahat ng tao, tulad ng paniniwala ni Job sa Akin, si Jehova. Kung ang inyong pananampalataya ay higit pa kaysa kay Tomas, matatamo ng inyong pananampalataya ang Aking pagsang-ayon, sa inyong katapatan matatagpuan ninyo ang Aking kaligayahan, at siguradong matatagpuan ninyo ang Aking kaluwalhatian sa inyong mga araw. Gayunman, ang mga taong naniniwala sa mundo at naniniwala sa masamang diyablo ay pinatigas na ang kanilang puso, gaya lamang ng marami sa lungsod ng Sodoma, na may mga butil ng buhanging dala ng hangin sa kanilang mga mata at mga handog mula sa masamang diyablo sa kanilang bibig, na ang nadirimlang mga isipan ay matagal nang naangkin ng masama na kumamkam na sa mundo. Ang kanilang mga kaisipan ay halos nabihag nang buo ng masamang diyablo ng sinaunang panahon. Kaya nga, ang pananampalataya ng sangkatauhan ay nahipan na ng hangin, at hindi nila napapansin man lamang ang Aking gawain. Ang magagawa lamang nila ay tangkaing tratuhin ang Aking gawain nang pahapyaw o suriin ito nang padaskol, dahil matagal na silang napuno ng lason ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 350
Lulupigin Ko ang sangkatauhan dahil nilikha Ko ang mga tao at, bukod pa riyan, natamasa na nila ang lahat ng masaganang layon ng Aking paglikha. Ngunit tinanggihan na rin Ako ng mga tao; wala Ako sa kanilang puso, at ang tingin nila sa Akin ay pabigat Ako sa kanilang buhay, maging hanggang sa punto kung saan, dahil tunay nila Akong nakita, itinatakwil pa rin nila Ako, at pinipiga nila ang kanilang utak sa pag-iisip ng lahat ng posibleng paraan para talunin Ako. Hindi Ako hinahayaan ng mga tao na tratuhin sila nang seryoso o gumawa ng mahihigpit na kahilingan sa kanila, ni hindi nila Ako pinapayagang hatulan o kastiguhin ang kanilang pagiging hindi matuwid. Dahil ayaw Kong mag-abala rito, naiinis sila. Kaya nga ang Aking gawain ay kunin ang sangkatauhang kumakain, umiinom, at nagpapalayaw sa Akin ngunit hindi Ako kilala, at talunin sila. Aalisan Ko ng sandata ang sangkatauhan, at pagkatapos, dala ang Aking mga anghel, dala ang Aking kaluwalhatian, babalik Ako sa Aking tirahan. Sapagkat ang mga kilos ng mga tao ay matagal nang nakadurog sa Aking puso at nakawasak sa Aking gawain. Balak Kong bawiin ang kaluwalhatiang naagaw ng masama bago Ako lumakad nang masaya palayo, na hinahayaan ang sangkatauhan na patuloy na mabuhay, patuloy na “mamuhay at gumawa nang payapa at matiwasay,” patuloy na “linangin ang sarili nilang mga bukirin,” at hindi na Ako makikialam sa kanilang buhay. Ngunit ngayon ay layon Kong lubusang bawiin ang Aking kaluwalhatian mula sa kamay ng masama, bawiin ang kabuuan ng kaluwalhatiang inilakip Ko sa tao nang likhain Ko ang mundo. Hindi Ko na ito muling ipagkakaloob kailanman sa sangkatauhan sa lupa. Sapagkat hindi lamang nabigo ang mga tao na ingatan ang Aking kaluwalhatian, kundi ipinagpalit na nila ito sa larawan ni Satanas. Hindi pinahahalagahan ng mga tao ang Aking pagdating, ni hindi nila pinahahalagahan ang araw ng Aking kaluwalhatian. Hindi sila natutuwang tanggapin ang Aking pagkastigo, lalong ayaw nilang ibalik sa Akin ang Aking kaluwalhatian, ni ayaw nilang iwaksi ang lason ng masama. Patuloy Akong nililinlang ng sangkatauhan sa dating makalumang paraan, masaya ang ngiti at mukha ng mga tao sa dating makalumang paraan. Hindi nila namamalayan ang kalaliman ng dalamhating sasapit sa sangkatauhan pagkatapos silang lisanin ng Aking kaluwalhatian. Lalo na, hindi nila namamalayan na kapag sumapit ang Aking araw sa buong sangkatauhan, mas mahihirapan sila kaysa sa mga tao noong panahon ni Noe, sapagkat hindi nila alam kung gaano kadilim na ang Israel nang lisanin ito ng Aking kaluwalhatian, sapagkat nalilimutan ng tao sa madaling-araw kung gaano kahirap lampasan ang napakadilim na gabi. Kapag muling nagtago ang araw at bumaba ang kadiliman sa tao, muli siyang mananaghoy at magngangalit ang kanyang mga ngipin sa kadiliman. Nalimutan na ba ninyo, nang lisanin ng Aking kaluwalhatian ang Israel, kung gaano kahirap para sa mga Israelita na tiisin ang mga araw na iyon ng pagdurusa? Ngayon ang panahon kung kailan nakikita ninyo ang Aking kaluwalhatian, at ito rin ang panahon kung kailan nakikibahagi kayo sa araw ng Aking kaluwalhatian. Ang tao ay mananaghoy sa gitna ng kadiliman kapag nilisan ng Aking kaluwalhatian ang maruming lupain. Ngayon ang araw ng kaluwalhatian kung kailan ginagawa Ko ang Aking gawain, at ito ang araw kung kailan palalampasin Ko ang sangkatauhan mula sa pagdurusa, sapagkat hindi Ko sila makakasama sa pagdanas sa mga panahon ng pagpapahirap at pagdurusa. Nais Ko lamang ganap na lupigin ang sangkatauhan, at ganap na talunin ang masasama sa sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 351
Marami na Akong nahanap sa lupa para maging Aking mga tagasunod. Sa lahat ng tagasunod na ito, mayroong naglilingkod bilang mga pari, mga namumuno, mga anak ng Diyos, mga tao ng Diyos, at mga nagseserbisyo. Iginugrupo Ko sila batay sa katapatang ipinakikita nila sa Akin. Kapag nabukud-bukod na ang lahat ayon sa kanilang uri, ibig sabihin, kapag ang kalikasan ng bawat uri ng tao ay nabunyag na, igugrupo Ko ang bawat isa sa kanila sa kanilang tamang kategorya at ilalagay ang bawat uri sa kanilang angkop na lugar, upang makamtan ang Aking layunin ng pagliligtas sa mga tao. Grupo-grupo Kong tinatawag ang mga nais Kong iligtas sa Aking sambahayan, at pagkatapos ay ipinatatanggap Ko sa kanilang lahat ang Aking gawain ng mga huling araw. Kasabay nito, ibinubukud-bukod Ko sila ayon sa uri, pagkatapos ay ginagantimpalaan o pinarurusahan ang bawat tao batay sa kanilang mga kilos. Ito ang mga hakbang na bumubuo sa Aking gawain.
Ngayon, naninirahan Ako sa lupa, at nabubuhay Ako sa piling ng mga tao. Dinaranas ng mga tao ang Aking gawain, at pinagmamasdan Akong magsalita, at kasabay nito ay ipinagkakaloob Ko ang lahat ng katotohanan sa bawat isa sa Aking mga tagasunod, upang matanggap nila ang buhay mula sa Akin at sa gayon ay magkamit ng landas na susundan. Sapagkat Ako ang Diyos, Tagapagkaloob ng buhay. Sa loob ng maraming taon Ko ng paggawa, maraming natamo ang mga tao, at maraming tinalikdan, subalit sinasabi Ko pa rin na hindi talaga sila nananampalataya sa Akin. Sapagkat kinikilala lamang ng mga tao na Ako ang Diyos gamit ang kanilang bibig, ngunit hindi sila sumasang-ayon sa mga katotohanang ipinapahayag Ko, at, dagdag pa riyan, hindi nila isinasagawa ang mga katotohanang hinihingi Ko sa kanila. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang pag-iral ng katotohanan; kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang pag-iral ng buhay; kinikilala lamang ng mga tao ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi ang Kanyang diwa. Kinamumuhian Ko sila dahil sa kanilang kasigasigan, sapagkat gumagamit lamang sila ng mga salitang masarap pakinggan para linlangin Ako, at wala sa kanila ang sumasamba sa Akin nang may tunay na puso. Ang inyong mga salita ay naglalaman ng pang-aakit ng ahas; at sukdulan sa pagmamataas ang mga ito, isang tunay na pagpapahayag ng arkanghel. Higit pa riyan, ang inyong mga gawa ay sira-sira at gutay-gutay hanggang sa kahiya-hiyang antas, at ang inyong labis-labis na mga pagnanais at mapag-imbot na mga intensyon ay kasuklam-suklam pakinggan. Lahat kayo ay naging mga gamugamo sa Aking sambahayan, mga pakay na Aking itataboy. Sapagkat walang isa man sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan; bagkus, nais ninyong mapagpala, makaakyat sa langit, mamasdan ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na ginagamit ang Kanyang kapangyarihan sa lupa. Ngunit naisip ba ninyo kailanman kung paanong ang katulad ninyo, na napakatiwali, na walang ideya kung ano ang Diyos, ay maaaring maging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Paano kayo makakaakyat sa langit? Papaano kayo magiging karapat-dapat na mamasdan ang magandang tagpo ng hindi pa nararanasang maringal na pangitaing iyon? Ang inyong bibig ay puno ng mga salita na nanlilinlang sa Akin, mga salita ng karumihan, ng pagkakanulo sa Akin, at mga salita ng kayabangan. Kailanma’y hindi kayo nangusap ng mga salita ng sinseridad sa Akin, walang mga pinabanal na salita, walang mga salita ng pagdanas sa Aking salita at pagpapasakop sa Akin. Sa huli, ano ba talaga ang inyong pananalig? Walang anuman kundi pagnanasa at salapi ang nasa inyong puso, at wala kundi mga materyal na bagay ang nasa inyong isipan. Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha ng isang bagay mula sa Akin. Araw-araw, binibilang ninyo kung gaano kalaking kayamanan at gaano karaming materyal na bagay ang natamo ninyo mula sa Akin. Araw-araw, hinihintay ninyong dumating sa inyo ang mas marami pang biyaya nang sa gayon ay matamasa ninyo ang mas marami, mas mataas na mga bagay na maaaring matamasa. Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng mas mainam at mas mataas pang pagtatamasa. Ngunit kahit magpakabusog kayo nang husto, hindi ba’t isa pa rin kayong bangkay? Kahit magbihis kayo ng napakagandang damit, hindi ba’t isa pa rin kayong naglalakad na bangkay na walang kabuhay-buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa puntong tinutubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong nagpaparoo’t parito, pinapagod ninyo ang inyong katawan at pinipiga ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking mga layunin. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?
Hindi Ako kailanman nagmamadali kapag gumagawa Ako. Paano man Ako sundin ng mga tao, ginagawa Ko ang Aking gawain alinsunod sa Aking sariling mga hakbang at sarili Kong plano. Samakatwid, kahit na labis kayong mapaghimagsik laban sa Akin, gumagawa pa rin Ako nang walang tigil, at patuloy Ko pa ring binibigkas ang mga salitang nilalayon Kong ipahayag. Tinatawag Ko sa Aking sambahayan ang Aking mga paunang itinadhana, upang maging mga tagapakinig sila ng Aking mga salita. Pagkatapos, lahat ng nagpapasakop sa Aking mga salita, na nananabik sa Aking mga salita, ay dinadala Ko sa harap ng Aking luklukan; lahat ng nagkakanulo sa Aking mga salita, na hindi sumusunod o nagpapasakop sa Akin, at hayagang lumalaban sa Akin, ay isinasantabi Ko para hintayin nila ang huling kaparusahan sa kanila. Lahat ng tao ay namumuhay sa gitna ng katiwalian at sa ilalim ng kamay ng masama, kaya nga hindi marami sa mga sumusunod sa Akin ang nananabik sa katotohanan. Ibig sabihin, karamihan ay hindi tunay na sumasamba sa Akin; hindi sila sumasamba sa Akin gamit ang katotohanan, kundi sinusubukan nilang makuha ang Aking tiwala sa pamamagitan ng katiwalian at paghihimagsik, sa mapanlinlang na mga kaparaanan. Dahil dito kaya Ko sinasabi: Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang. Ang mga tinawag ay pawang labis na nagawang tiwali at namumuhay lahat sa iisang kapanahunan—ngunit ang mga nahirang ay isang bahagi lang nila, sila ang mga naniniwala at kumikilala sa katotohanan, at nagsasagawa ng katotohanan. Ang mga taong ito ay napakaliit na bahagi lamang ng kabuuan, at mula sa kanila ay tatanggap Ako ng higit pang kaluwalhatian. Kung susukatin batay sa mga salitang ito, alam ba ninyo kung kabilang kayo sa mga nahirang? Ano ang kalalabasan ninyo?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 352
Tulad ng Aking sinabi, marami ang sumusunod sa Akin ngunit kakaunti ang tunay na nagmamahal sa Akin. Marahil ay sasabihin ng ilan, “Magbabayad ba ako ng napakaraming halaga kung hindi Kita mahal? Susunod ba ako sa Iyo hanggang sa puntong ito kung hindi Kita mahal?” Oo, marami kang dahilan, at napakalaki ng iyong pagmamahal, ngunit nasaan ang diwa ng iyong pagmamahal para sa Akin? Ang “pagmamahal,” ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging mapagsaalang-alang. Sa pagmamahal walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang distansiya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal, walang mga transaksiyon, at walang anumang mga adulterasyon. Kung mayroon kang pagmamahal, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magkakanulo, maghihimagsik, manghihingi, o maghahangad na magkamit ng isang bagay o magkamit ng isang partikular na dami ng isang bagay. Kung mayroon kang pagmamahal, masaya mong ilalaan ang iyong sarili at kusang-loob mong titiisin ang hirap, makakaayon mo Ako, at tatalikdan mo ang lahat ng mayroon ka para sa Akin, tinatalikdan ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pagmamahal ay hindi talaga pagmamahal, kundi panlilinlang at pagkakanulo! Anong klaseng pagmamahal ang sa iyo? Tunay na pagmamahal ba iyon? O huwad? Gaano na ang natalikdan mo? Gaano na ang iyong naisakripisyo? Gaanong pagmamahal na ang natanggap Ko mula sa iyo? Alam mo ba? Ang inyong puso ay puno ng kasamaan, pagkakanulo, at panlilinlang—kaya gaano karami bang karumihan ang nasa pagmamahal ninyo? Iniisip ninyo na sapat na ang natalikdan ninyo para sa Akin; iniisip ninyo na sapat na ang pagmamahal ninyo sa Akin. Pero kung gayon ay bakit palaging nagtataglay ng paghihimagsik at panlilinlang ang inyong mga salita at kilos? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo kinikilala ang Aking salita. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit pagkatapos ay tinatanggihan naman ninyo Ako. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi kayo nagtitiwala sa Akin. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang Aking pag-iral. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo Ako tinatrato nang naaayon sa Aking pagkakakilanlan, at pinahihirapan ninyo Ako palagi. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit sinusubukan ninyong lokohin at linlangin Ako sa lahat ng bagay. Ito ba ay pagmamahal? Pinaglilingkuran ninyo Ako, subalit hindi kayo nasisindak sa Akin. Ito ba ay pagmamahal? Sinasalungat ninyo Ako sa lahat ng aspeto at sa lahat ng bagay. Pagmamahal ba ang anuman sa mga ito? Totoo, malaki na ang naialay ninyo, subalit hindi ninyo naisagawa kailanman ang ipinagagawa Ko sa inyo. Maaari bang maging pagmamahal ito? Ang maingat na pagbubuod ay nagpapakita na wala kayong kahit katiting na pahiwatig ng pagmamahal sa Akin. Pagkaraan ng napakaraming taon ng gawain at lahat ng maraming salitang naibigay Ko, gaano karami ba talaga ang inyong natamo? Hindi ba ito karapat-dapat sa isang maingat na pagbabalik-tanaw? Pinapaalalahanan Ko kayo: Ang mga tinatawag Ko ay hindi ang mga hindi naging tiwali kailanman; bagkus, ang mga hinihirang Ko ay ang mga tunay na nagmamahal sa Akin. Samakatuwid, kailangan kayong maging maingat sa inyong mga salita at gawa, at suriin ang inyong mga intensyon at saloobin upang ang mga iyon ay hindi umabot sa paglabag. Sa panahon ng mga huling araw, gawin ang lahat ng inyong makakaya para ialay ang inyong pagmamahal sa Aking harapan, kung hindi ay hindi kailanman mawawala sa inyo ang poot Ko!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 353
Sa bawat araw, ang mga gawa at saloobin ng bawat isang tao ay nakikita ng mga mata ng Iisa, at, kasabay nito, ay naghahanda para sa kanilang sariling kinabukasan. Ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng nabubuhay; at ito ang Aking paunang itinadhana para sa lahat. Walang sinumang makatatakas dito at walang palalampasin. Walang bilang ang mga salitang Aking binanggit, at ang gawaing Aking ginawa ay lalong hindi masusukat. Araw-araw, Ako ay nagmamatyag habang ang bawat tao ay natural na tinutupad ang lahat ng dapat niyang gawin alinsunod sa kanyang angking kalikasan at sa paglago ng kanyang kalikasan. Nang hindi namamalayan, marami nang tumahak sa “tamang landas,” na Aking inilatag para ibunyag ang iba’t ibang uri ng mga tao. Matagal Ko nang nailagay ang bawat uri ng tao sa iba’t ibang mga kapaligiran, at sa kani-kanilang mga lugar, ang bawat isa ay nagpapakita ng kanyang likas na katangian. Walang sinuman ang gumagapos sa kanila, wala ni isa mang umaakit sa kanila. Sila ay malaya sa kanilang kabuuan at ang kanilang ibinubunyag ay natural na nagaganap. Mayroon lamang isang bagay na pumipigil sa kanila, at iyon ang Aking mga salita. Sa gayon, ang ilang tao ay binabasa ang Aking mga salita nang may bigat sa loob, hindi kailanman isinasagawa ang mga ito, ginagawa iyon para lamang makaraos nang may kalalabasan na makaiwas sa kamatayan; samantalang ang iba ay nahihirapang tiisin ang mga araw na wala ang Aking mga salita para gabayan at matustusan sila, kaya natural nilang pinanghahawakan ang Aking mga salita sa lahat ng oras. Sa paglipas ng panahon, natutuklasan nila ang lihim ng buhay ng tao, ang hantungan ng sangkatauhan, at ang halaga ng pagiging tao. Sadyang ganito ang sangkatauhan sa presensiya ng Aking mga salita, at hinahayaan Ko lang ang mga pangyayari na tahakin ang natural nitong landas. Wala Akong ginagawang anumang gawain upang pilitin ang tao na gawing pundasyon ng kanilang pag-iral ang Aking mga salita. Kung kaya’t ang mga taong hindi kailanman nagkaroon ng konsensiya at na ang pag-iral ay hindi kailanman nagkaroon ng halaga, ay buong tapang na isinasantabi ang Aking mga salita at gumagawa ng anumang naisin nila matapos ang tahimik na pagmamasid sa mga nangyayari. Nagsisimula silang maging tutol sa katotohanan at sa lahat ng nagmumula sa Akin, at mas lalo silang tutol sa pamamalagi sa Aking sambahayan. Ang mga taong ito ay pansamantalang nanunuluyan sa loob ng Aking sambahayan para sa kapakanan ng kanilang hantungan at upang makatakas sa kaparusahan, kahit na sila ay nagtatrabaho. Ngunit hindi kailanman nagbabago ang kanilang mga intensyon, maging ang kanilang mga pagkilos. Higit pa nitong pinatitindi ang kanilang pagnanais para sa mga pagpapala, at pinalalakas ang kanilang pagnanais na makapasok sa kaharian nang isang beses at manatili rito nang walang hanggan—kahit na ang makapasok sa langit na walang hanggan. Habang lalo pa nilang hinahangad na mas mapabilis ang pagdating ng Aking araw, mas lalo nilang nararamdaman na naging isang balakid ang katotohanan, isang katitisuran sa kanilang daan. Hindi na sila makapaghintay na tumapak sa kaharian upang matamasa magpakailanman ang mga biyaya ng kaharian ng langit, nang hindi nangangailangang hangarin ang katotohanan o tanggapin ang paghatol at pagkastigo, at higit sa lahat, nang hindi nangangailangang gumapang sa loob ng Aking sambahayan at sumunod sa Aking mga utos. Ang mga taong ito ay pumapasok sa Aking sambahayan hindi upang tuparin ang pagnanais ng kanilang puso na hanapin ang katotohanan o kaya ay makipagtulungan sa Aking pamamahala. Naglalayon lamang silang maging isa sa mga taong hindi lilipulin sa susunod na kapanahunan. Kung kaya’t hindi kailanman nalaman ng kanilang mga puso kung ano ang katotohanan o kung paano tanggapin ang katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit ang ganitong uri ng tao ay hindi kailanman isinagawa ang katotohanan o napagtanto ang matinding lalim ng kanilang katiwalian, at sa kabila nito ay nakatira sa Aking sambahayan bilang “tagapaglingkod” hanggang sa wakas. Sila ay “matiyagang” naghihintay sa pagdating ng Aking araw, at walang kapaguran habang inihahagis-hagis ng paraan ng Aking gawain. Subalit gaano man katindi ang kanilang naging pagsisikap o anuman ang halaga na kanilang ibinayad, walang sinumang nakakita na sila ay nagdusa para sa katotohanan o nagbigay ng anuman para sa Akin. Sa kanilang mga puso, hindi nila kayang hintayin na makita ang araw na wawakasan Ko ang lumang kapanahunan, at bukod pa rito, hindi sila makapaghintay na malaman kung gaano kadakila ang Aking kapangyarihan at awtoridad. Ang hindi nila minadaling gawin kailanman ay ang baguhin ang kanilang sarili at hangarin ang katotohanan. Mahal nila ang tinututulan Ko, at tutol sila sa minamahal Ko. Kinasasabikan nila ang bagay na kinamumuhian Ko, ngunit natatakot silang mawala ang mga bagay na Aking kinasusuklaman. Nakatira sila sa masamang mundong ito, hindi kailanman namumuhi rito, gayunman ay natatakot nang masidhi na ito ay Aking wawasakin. Sa gitna ng kanilang nagsasalungat na intensyon, mahal nila ang mundong ito na Aking kinapopootan, ngunit hinahangad din nila na wasakin Ko ito sa lalong madaling panahon, upang sila ay makaiwas sa kalamidad ng pagkawasak at maging mga panginoon sa susunod na kapanahunan, bago pa sila umalis mula sa tunay na daan. Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at tutol sila sa lahat ng nanggagaling sa Akin. Marahil sila ay magiging “masunuring tao” sa maikling panahon para lamang hindi mawalan ng mga pagpapala, ngunit ang kanilang pagkasabik na makatanggap ng pagpapala at ang kanilang motibasyon na matakot na malipol at pumasok sa lawa ng nagniningas na apoy ay hindi kailanman maitatago. Habang papalapit ang Aking araw, lalong tumitindi ang kanilang pagnanais. At habang lumalaki ang kalamidad, mas lalo silang walang magawa, hindi alam kung saan magsisimula upang mapasaya Ako at upang maiwasang mawalan ng mga pagpapala na matagal nilang inasam-asam. Sa sandaling mag-umpisa ang kamay Ko na gawin ang gawain nito, ang mga taong ito ay sabik kumilos upang magsilbing ang nangunguna. Ang iniisip lamang nila ay ang sumugod sa pinakaunahang linya ng mga hukbo, sa labis na takot na hindi Ko sila makikita. Ginagawa at sinasabi nila ang sa palagay nila ay tama, nang hindi kailanman nalalaman na ang kanilang mga gawa at kilos ay hindi kailanman nauugnay sa katotohanan, at ang kanilang ginagawa ay sumisira at gumugulo lamang sa Aking plano. Maaaring gumawa sila ng malaking pagsisikap at maaaring naging tunay sa kanilang determinasyon at intensyon na tiisin ang mga paghihirap, ngunit wala sa ginagawa nila ang may kinalaman sa Akin, dahil hindi Ko kailanman nakitang ang kanilang mga gawa ay ginagawa nang may mabubuting intensyon, at mas lalo Ko silang hindi nakitang naglagay ng anumang bagay sa Aking altar. Ganyan ang kanilang mga gawa sa Aking harapan sa loob ng maraming taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 354
Sa simula, ninais Kong tustusan kayo ng mas marami pang katotohanan, ngunit kinailangan Kong pigilan ang Aking sarili na gawin ito dahil ang inyong saloobin sa katotohanan ay masyadong malamig at walang pagpapahalaga; hindi Ko nais na masayang ang Aking dugo ng puso, at hindi Ko rin nais makita na pinanghahawakan ng mga tao ang Aking mga salita ngunit sa lahat ng bagay ay ginagawa nila kung ano ang lumalaban sa Akin, naninira sa Aking pangalan, at lumalapastangan sa Akin. Dahil sa inyong mga saloobin at pagkatao, tinutustusan Ko lamang kayo ng maliit na bahagi, na para sa inyo ay napakahalagang bahagi ng Aking mga salita, na nagsisilbing Aking gawain ng pagsubok sa gitna ng sangkatauhan. Ngayon Ko lamang tunay na nakumpirma na ang mga desisyon at planong ginawa Ko ay akma sa inyong mga pangangailangan, at lalo Kong nakumpirma na ang Aking saloobin sa sangkatauhan ay tama. Ang inyong mga ikinilos sa Aking presensiya sa loob ng maraming taon ay nagbigay sa Akin ng kasagutan na wala pang naging katulad sa nagdaan, at ang tanong sa sagot na ito ay: “Ano ang saloobin ng tao sa harap ng katotohanan at ng tunay na Diyos?” Ang dugo ng pusong ibinuhos Ko para sa tao ay nagpapatunay ng Aking diwa ng pagmamahal sa tao, at ang mga kilos at gawa ng tao sa Aking harapan ay nagpapatunay sa diwa nito ng pagkamuhi sa katotohanan at pagiging kaaway Ko. Sa lahat ng panahon, Ako ay nagmamalasakit sa lahat ng sumunod sa Akin, ngunit sa anumang sandali, hindi kayang tanggapin ng mga sumusunod sa Akin ang Aking mga salita; maging ang Aking mga mungkahi ay hindi nila kayang tanggapin. Ito ang nagpapalungkot sa Akin nang higit sa lahat. Walang sinumang nakaunawa sa Akin kahit kailan, lalong walang sinuman ang nagawang tumanggap sa Akin, kahit pa ang Aking saloobin ay taos-puso at ang Aking mga salita ay malumanay. Ginagawa ng bawat isa ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa kanya alinsunod sa sarili niyang mga intensyon, hindi hinahanap ang Aking mga layunin, lalong hindi itinatanong kung ano ang hinihingi Ko sa kanya. Sinasabi pa rin nilang naglilingkod sila nang tapat sa Akin, habang kasabay nito ay naghihimagsik sila laban sa Akin. Marami ang naniniwala na ang mga katotohanan na hindi katanggap-tanggap sa kanila o hindi nila kayang isagawa ay hindi mga katotohanan. Sa ganitong uri ng mga tao, ang Aking mga katotohanan ay nagiging bagay na itinatatwa at tinatanggihan. Kasabay nito, kinikilala Ako ng mga tao bilang Diyos sa salita, ngunit naniniwala rin sila na Ako ay isang tagalabas na hindi ang katotohanan, ang daan, o ang buhay. Walang nakaaalam sa katotohanang ito: Ang Aking mga salita ay ang katotohanang hindi magbabago kailanman; Ako ang pagtustos ng buhay para sa tao at ang tanging gabay para sa sangkatauhan; ang halaga at kahulugan ng Aking mga salita ay hindi itinatakda batay sa kung kinikilala at tinatanggap ba ng sangkatauhan ang mga ito, kundi batay sa diwa ng mismong mga salita; at kahit na wala ni isang tao sa daigdig na ito ang kayang tumanggap sa Aking mga salita, ang halaga ng Aking mga salita at ang tulong ng mga ito sa sangkatauhan ay hindi masusukat ng sinumang tao. Samakatwid, kapag nahaharap sa maraming tao na naghihimagsik, nagpapasinungaling, o lubos na nanghahamak sa Aking mga salita, ang Aking saloobin ay ito lamang: Hayaan ang panahon at mga katunayan ang maging patotoo Ko at magpatunay na ang Aking mga salita ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hayaang patunayan ng mga ito na ang lahat ng Aking sinabi ay tama, at na ito ang dapat na taglayin ng tao, at, higit pa rito, ito ang dapat tanggapin ng tao. Ipapaalam Ko sa lahat ng sumusunod sa Akin ang katunayang ito: Ang mga hindi kayang tumanggap nang lubos sa Aking mga salita, ang mga hindi kayang isagawa ang Aking mga salita, ang mga hindi makahanap ng layon sa Aking mga salita, at ang mga hindi makatanggap ng biyayang nagliligtas sa pamamagitan ng Aking mga salita, ay ang mga kinokondena ng Aking mga salita; higit pa rito, ang mga ito ang nawalan ng biyaya ng Aking kaligtasan, at hindi kailanman hihiwalay ang Aking tungkod sa kanila.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 355
Mula nang magsimula ang mga agham panlipunan, ang puso ng tao ay sinakop na ng agham at kaalaman. Pagkatapos nito, ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa paghahari sa sangkatauhan, na iniwan ang tao na walang sapat na puwang para sambahin ang Diyos, at na may mas kakaunting mga kondisyon na kapaki-pakinabang para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay bumaba nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung walang puwang para sa Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. Pagkatapos nito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at politiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, ng teorya ng ebolusyon ng tao, at ng iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao, upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga mito at alamat. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwawalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, at nagwawalang-bahala sa pag-iral ng Diyos at sa doktrina na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang pananatiling buhay ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bansa at mga bayan ay hindi na mahalaga sa kanila, at namumuhay ang tao sa isang hungkag na mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang nagkukusang hanapin kung saan ginagawa ngayon ng Diyos ang Kanyang gawain, o hanapin kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay nababawasan nang nababawasan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakasibilisadong bansa ay nagpapahayag ng mga ganitong hinaing. Sapagkat kung wala ang gabay ng Diyos, kahit pa pigain ng mga pinuno at sosyolohista ang mga utak nila para maingatan ang sibilisasyon ng tao, wala itong silbi. Walang tao ang makapupuno sa kahungkagan sa puso ng tao, dahil walang tao ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit pa mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pag-aasam at pagnanais ng tao na tumuklas. Ito ay dahil ang tao ay nilalang ng Diyos at ang mga walang katuturang sakripisyo at pagtuklas ng tao ay magdudulot lamang ng patindi nang patinding pagkabagabag sa tao, at magdulot na ang tao ay palagiang malagay sa pagkabalisa, nang hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang tao ay matakot na sa agham at kaalaman, at lalo nang matakot sa pakiramdam ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansa na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na tuklasin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalo nang wala kang kakayahang takasan ang di-maipaliwanag na pakiramdam ng kahungkagan. Ang gayong mga penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang tao ang maaaring lumitaw upang lutasin ang mga gayong problema. Kung tutuusin, ang tao ay tao, at ang katayuan at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lang ang isang patas na lipunan kung saan ang lahat ng tao ay kumakain nang sapat, pantay-pantay, at malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang itinutustos na buhay ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos, saka lamang malulutas ang kanyang mga pangangailangan, pagnanais na tumuklas, at ang kahungkagan sa puso niya. Kung ang mga tao ng isang bansa o ng isang bayan ay hindi makatanggap ng pagliligtas at pagbabantay ng Diyos, ang gayong bansa o bayan ay uusad patungo sa paglubog, patungo sa kadiliman, at bilang resulta, lilipulin ito ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 356
May napakalaking lihim sa iyong puso, na hindi mo kailanman namamalayan, dahil ikaw ay nabubuhay sa isang mundo na walang liwanag. Ang iyong puso at ang iyong espiritu ay naagaw na ng masama. Ang iyong mga mata ay nalalambungan ng kadiliman, at hindi mo nakikita ang araw sa langit ni ang kumikislap na bituing yaon sa gabi. Ang iyong mga tainga ay nababarahan ng mapanlinlang na mga salita, at hindi mo naririnig ang dumadagundong na tinig ni Jehova, ni ang lagaslas ng maraming tubig na dumadaloy mula sa trono. Nawala sa iyo ang lahat ng dapat na pag-aari mo, lahat ng ipinagkaloob sa iyo ng Makapangyarihan sa lahat. Nakapasok ka sa walang katapusang dagat ng pagdurusa, nang walang puwersang sasagip sa iyo, walang pag-asang makaligtas, at ang tanging ginagawa mo ay makibaka at magpakaabala…. Mula sa sandaling iyon, ikaw ay nakatakda nang pahirapan ng masama, napakalayo sa mga pagpapala ng Makapangyarihan sa lahat, napakalayo sa mga panustos ng Makapangyarihan sa lahat, tumatahak sa landas na wala nang balikan. Milyon mang pagtawag ay mahihirapang gisingin ang iyong puso at iyong espiritu. Mahimbing kang natutulog sa mga kamay ng masama, na umakit sa iyong pumasok sa isang walang-hangganang mundo na walang direksyon o mga pananda. Noong oras na iyon, nawala na ang iyong orihinal na kawalang-muwang at kadalisayan, at nagsimula kang umiwas sa pangangalaga ng Makapangyarihan sa lahat. Sa loob ng puso mo, inaakay ka ng masama sa bawat aspekto at naging iyong buhay. Hindi mo na siya kinatatakutan, iniiwasan, o pinagdududahan; sa halip, itinuturing mo siya na diyos sa iyong puso. Nagsimula ka nang idambana at sambahin siya, at kayong dalawa ay hindi na mapaghihiwalay na parang katawan at anino, nangangakong mamumuhay at mamamatay nang magkasama. Wala kang ideya kung saan ka nagmula, kung bakit ka isinilang, o kung bakit ka mamamatay. Tinitingnan mo ang Makapangyarihan sa lahat bilang isang estranghero; hindi mo alam ang Kanyang pinagmulan, lalong hindi mo alam ang lahat ng nagawa Niya para sa iyo. Lahat ng nagmula sa Kanya ay tinitingnan mo nang may pagkamapanlaban; hindi mo ito itinatangi, ni alam ang halaga nito. Naglalakad ka kasama ang masama, mula sa araw na natanggap mo ang panustos ng Makapangyarihan sa lahat. Natagalan mo ang libo-libong taon ng bagyo at unos kasama ang masama, at magkatulong kayo sa pagsalungat sa Diyos na pinagmulan ng buhay mo. Hindi ka marunong magsisi, lalong hindi mo alam na humantong ka na sa bingit ng kamatayan. Nakalimutan mo na ang masama ang nang-akit at nagpahirap sa iyo; nakalimutan mo na ang iyong mga pinagsimulan. Kaya, lubha kang pininsala ng masama sa bawat hakbang hanggang sa kasalukuyan. Namanhid na at nabulok ang iyong puso at espiritu. Hindi mo na idinaraing ang mga kinaiinisan sa mundo ng tao; hindi ka na naniniwala na hindi makatarungan ang mundo. Lalong wala kang pakialam kung umiiral ba ang Makapangyarihan sa lahat. Ito ay dahil matagal mo nang itinuring ang masama bilang iyong tunay na ama at hindi ka maaaring mawalay sa kanya. Ito ang lihim sa iyong puso.
Sa pagdating ng bukang-liwayway, isang tala sa umaga ang nagsisimulang sumikat sa silangan. Ito ang tala na wala dati roon. Pinagliliwanag nito ang kalangitang tahimik at kumikislap, pinagdiringas na muli ang napawing liwanag sa puso ng sangkatauhan. Ang mga tao ay hindi na mag-isa dahil sa liwanag na ito, na sumisikat para sa iyo at sa ibang tao. Subalit tanging ikaw lamang ang nananatiling natutulog nang mahimbing sa madilim na gabi. Wala kang naririnig na tunog at walang nakikitang liwanag; hindi mo namamalayan ang pagdating ng isang bagong langit at isang bagong lupa, ng isang bagong kapanahunan, dahil sinasabi ng iyong ama, “Anak ko, huwag kang bumangon, maaga pa. Malamig ang panahon, kaya huwag kang lumabas, baka matusok ng espada at sibat ang iyong mga mata.” Naniniwala ka lamang sa pangaral ng iyong ama, dahil naniniwala ka na ang ama mo lamang ang tama, dahil ang iyong ama ay nakatatanda sa iyo at lubos kang minamahal. Ang ganitong mga pangaral at pagmamahal ang nag-uudyok sa iyo na huwag nang paniwalaan ang alamat na may liwanag sa sanlibutan; pinipigilan ka ng mga ito na alamin kung umiiral pa ba ang katotohanan sa mundong ito. Hindi ka na naglalakas-loob na umasang masagip ng Makapangyarihan sa lahat. Kontento ka na sa kasalukuyang kalagayan, hindi mo na inaasam ang pagdating ng liwanag, hindi mo na inaabangan ang pagdating ng Makapangyarihan sa lahat tulad ng inilahad sa alamat. Para sa iyo, lahat ng maganda ay hindi na maibabalik, hindi na ito iiral. Sa iyong mga mata, ang kinabukasan at hinaharap ng sangkatauhan ay basta na lamang naglalaho, nabubura. Kumakapit ka nang mahigpit sa kasuotan ng iyong ama nang buong lakas mo, handang makibahagi sa kanyang pagdurusa, takot na takot na mawalan ng kasama at direksiyon sa mahabang paglalakbay. Ang malawak at makulimlim na mundo ng tao ay nakagawa ng marami sa inyo na matatag at walang takot sa pagganap sa iba’t ibang papel sa mundong ito. Lumikha ito ng maraming “mandirigma” na hindi takot mamatay. Higit pa riyan, nakagawa ito ng napakaraming pangkat ng manhid at paralisadong mga tao na hindi alam ang layunin ng paglikha sa kanila. Sinusuri ng mga mata ng Makapangyarihan sa lahat ang bawat tao na lubhang nahihirapan. Ang naririnig Niya ay ang panaghoy ng mga nagdurusa, ang nakikita Niya ay ang kawalan ng hiya ng mga nahihirapan, at ang nadarama Niya ay ang kawalan ng magagawa at hilakbot ng sangkatauhan na nawalan ng biyaya ng kaligtasan. Tinatanggihan ng sangkatauhan ang Kanyang malasakit, pinipili nilang lumakad sa sarili nilang landas, at sinusubukan nilang iwasan ang pagsisiyasat ng Kanyang mga mata, at mas gusto pa nilang namnamin ang kapaitan ng malalim na dagat sa piling ng kaaway, hanggang sa huling patak. Hindi na naririnig ng sangkatauhan ang hinagpis ng Makapangyarihan sa lahat; ayaw nang haplusin ng mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat ang kaawa-awang sangkatauhang ito. Paulit-ulit Siyang nakakabawi, at paulit-ulit Siyang nawawalan muli, at sa gayo’y nauulit ang gawaing Kanyang ginagawa. Mula sa sandaling iyon, nagsisimula Siyang mapagod, mapuno na, kaya nga itinitigil Niya ang Kanyang ginagawa at hindi na nakikihalubilo sa gitna ng mga tao…. Walang kamalay-malay ang sangkatauhan sa anuman sa mga pagbabagong ito, walang kamalay-malay sa pagdating at pag-alis, sa kalungkutan at kapanglawan ng Makapangyarihan sa lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 357
Bagama’t para sa tao ay malalim ang pamamahala ng Diyos, kaya itong unawain ng tao. Ito ay dahil ang buong gawain ng Diyos ay konektado sa Kanyang pamamahala at sa Kanyang gawaing iligtas ang sangkatauhan, at patungkol sa buhay, pamumuhay, at hantungan ng sangkatauhan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa gitna ng tao at sa tao ay masasabing napakapraktikal at makahulugan. Maaari itong makita at maranasan ng tao, at hindi ito isang bagay na abstrakto. Kung hindi kaya ng tao na tanggapin ang lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos, ano pa ang kabuluhan ng Kanyang gawain? At paano hahantong ang gayong pamamahala sa kaligtasan ng tao? Ang inaalala lamang ng maraming sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling mabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong nakababagot na mga isyu ay hindi makakatulong sa paglago ng kanilang buhay o makakapagbigay ng anumang pakinabang. Dahil dito, bagaman nakarinig sila ng impormasyon tungkol sa pamamahala ng Diyos, hindi nila ito sineseryoso. Hindi nila ito nakikita bilang isang mahalagang bagay na dapat tanggapin, lalong hindi nila ito naaarok sa pamamagitan ng pagturing dito bilang isang bahagi ng kanilang buhay. Ang pakay ng mga taong ito sa pagsunod sa Diyos ay napakasimple, at ito ay para sa iisang layon: ang mapagpala. Hindi man lang nag-aabala ang mga taong ito na bigyang-pansin ang iba pang bagay na walang kinalaman sa layong ito. Para sa kanila, ang pagkakamit ng mga pagpapala ang pinakalehitimong layon sa pananampalataya sa Diyos—ito ang mismong halaga ng kanilang pananalig. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong para makamit ang layong ito, anuman ito, nananatili silang hindi naaantig nito. Ganito ang kalagayan ng karamihan sa mga taong nananampalataya sa Diyos ngayon. Ang kanilang layon at intensiyon ay mukhang lehitimo, dahil habang nananampalataya sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, nag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos, at ginagawa ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa nga ng maraming taon na malayo sa tahanan nang nagpapakaabala. Para sa kapakanan ng kanilang pinakalayon, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahangad; subalit hindi nila mabago ang layon ng kanilang pananampalataya sa Diyos. Nagpaparoo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga adhikain; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga paghihirap, panganib, at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsensiya? Ang kanila bang dakila at marangal na karakter? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang pananalig ba na taglay nila para magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng gantimpala? Ang kanila bang debosyon ng pagiging handang isuko ang lahat upang tuparin ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang dedikadong diwa ng palaging pagtalikod sa personal na maluluhong kahilingan? Ang magawa ng isang tao na gugulin ang labis na dugo ng puso kahit hindi niya kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa napakapayak na pananalita, ay isang napakalaking himala! Sa ngayon, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Gayumpaman, ang kanilang pag-uugali ay lubos na karapat-dapat nating himayin. Bukod sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang dahilan kung bakit ang mga taong hindi kailanman nakakaunawa sa Diyos ay magbabayad ng gayong malaking halaga para sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang problema na dating hindi natukoy ng tao: Ang ugnayan ng tao sa Diyos ay isang ugnayan lamang ng hayagang pansariling interes. Isa itong ugnayan sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng mga pagpapala. Sa madaling salita, ito ang ugnayan sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho nang husto ang empleyado para lang makatanggap ng mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal na parang sa magkapamilya sa ganitong uri ng ugnayan na nakabatay sa pansariling interes, transaksiyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, tanging walang magawang paglunok sa galit at panlilinlang. Walang pagiging matalik, isang malaking agwat lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong kalakaran? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kalala ang ugnayang ito? Naniniwala Ako na kapag ibinababad ng mga tao ang kanilang sarili sa masayang kapaligiran ng pagiging pinagpala, walang sinuman ang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at kapangit tingnan ang gayong ugnayan sa Diyos.
Ang pinakamalungkot na bagay tungkol sa pananampalataya ng sangkatauhan sa Diyos ay na isinasagawa ng tao ang kanyang sariling proyekto sa gitna ng gawain ng Diyos, subalit hindi pinapansin ang pamamahala ng Diyos. Ang pinakamalaking kabiguan ng pananampalataya ng tao sa Diyos ay na, habang hinahangad niya ang pagpapasakop sa Diyos at pagsamba sa Diyos, kasabay nito ay bumubuo siya ng sarili niyang pangarap tungkol sa isang inaasam na hantungan at nagpapakana kung paano makamit ang pinakamalaking pagpapala at pinakamagandang hantungan. Kahit nauunawaan ng mga tao kung gaano sila kahabag-habag, kamuhi-muhi, at kaawa-awa, ilan ang madaling makakabitiw sa kanilang mga adhikain at inaasam? At sino ang nagagawang pahintuin ang sarili niyang mga hakbang at itigil ang pagbuo ng mga plano para sa sarili niya? Kailangan ng Diyos yaong mga makikipagtulungan nang husto sa Kanya upang tapusin ang Kanyang pamamahala. Kailangan Niya yaong mga maglalaan ng kanilang buong isipan at katawan sa gawain ng Kanyang pamamahala para magpasakop sa Kanya. Hindi Niya kailangan ang mga taong naglalahad ng kanilang mga kamay para mamalimos sa Kanya araw-araw, lalong hindi Niya kailangan yaong mga gumugugol nang kaunti para sa Kanya at pagkatapos ay naghihintay na humingi ng kabayaran mula sa Kanya. Kinamumuhian ng Diyos yaong mga gumagawa ng maliit na kontribusyon at pagkatapos ay kontento na sa kanilang mga dating tagumpay. Kinamumuhian Niya yaong mga taong walang damdamin na mapanlaban sa gawain ng Kanyang pamamahala at nais lamang pag-usapan ang tungkol sa pagtungo sa langit at pagtatamo ng mga pagpapala. Higit pa ang pagkamuhi Niya sa mga nagsasamantala sa pagkakataong hatid ng Kanyang gawain ng pagliligtas para sa sarili nilang kapakinabangan. Iyon ay dahil hindi kailanman nagmalasakit ang mga taong ito sa gustong matamo at makamit ng Diyos sa pamamagitan ng gawain ng Kanyang pamamahala. Ang inaalala lamang nila ay kung paano nila magagamit ang pagkakataong laan ng gawain ng Diyos upang magtamo ng mga pagpapala. Wala silang pagsasaalang-alang sa puso ng Diyos kahit kaunti, lubos silang abala sa sarili nilang kinabukasan at kapalaran. Yaong mga mapanlaban sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at na wala ni katiting na interes sa kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at sa Kanyang mga layunin, ay pawang ginagawa ang mga bagay na gusto nilang gawin sa labas ng saklaw ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang kanilang mga kilos ay hindi tinatandaan ni sinasang-ayunan ng Diyos, lalong hindi tinitingnan nang may pabor ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 358
Malapit na malapit nang matapos ang Aking gawain, at ang ating maraming taon ng pagsasama ay naging di-mabatang alaala. Walang tigil Kong inulit ang Aking mga salita at palagiang isinulong ang Aking bagong gawain. Siyempre, ang Aking payo ay nagsisilbing isang kinakailangang komponente sa tuwing gumagawa Ako ng gawain. Kung wala ito, lahat kayo ay maliligaw at lalo kayong lubos na matutuliro. Ang Aking gawain ay malapit nang matapos ngayon at nasa huling yugto na nito. Nais Ko pa ring gumawa ng kaunting gawain ng pagbibigay ng payo, iyon ay, ang mag-alok ng mga salita ng pagpayo para pakinggan ninyo. Umaasa lang Ako na magagawa ninyong hindi hayaang masayang ang Aking mga pagsusumikap, at, higit pa roon, na magagawa ninyong maunawaan ang Aking masisidhing layunin, at isaalang-alang ang Aking mga salita bilang pundasyon ng inyong sariling asal. Kung ang mga ito man ay ang uri ng mga salita na handa ninyong pakinggan o hindi, kung mga salita man ito na masaya ninyong tinatanggap o atubili ninyong tinatanggap, dapat ninyong seryosohin ang mga ito. Kung hindi, ang inyong mga kaswal at walang malasakit na disposisyon at asal ay lubhang makakasakit sa Akin, at higit pa rito, talagang makakaramdam Ako ng lubhang pagkakasuklam dahil sa mga ito. Lubos Akong umaasa na magagawa ninyong lahat na basahin ang Aking mga salita nang paulit-ulit—nang libo-libong beses—hanggang sa punto pa nga na maiukit ang mga ito sa inyong puso. Sa ganitong paraan lamang ninyo hindi mabibigo ang Aking mga inaasahan sa inyo. Subalit, wala sa inyo ang namumuhay nang ganito ngayon. Sa kabaligtaran, lahat kayo ay nalulubog sa isang malabis na buhay, isang buhay ng pagkain at pag-inom hanggang sa inyong ikasisiya, at wala sa inyo ang gumagamit ng Aking mga salita upang mapayaman ang inyong puso at kaluluwa. Ito ang dahilan kung bakit nabuo Ko ang konglusyon tungkol sa totoong mukha ng sangkatauhan: Kaya Akong ipagkanulo ng tao anumang oras, at walang sinuman ang maaaring maging lubos na tapat sa Aking mga salita.
“Ang tao ay lubha nang nagawang tiwali ni Satanas na wala na siyang wangis ng tao.” Ang napakalaking mayorya ng mga tao ngayon ay kumikilala nang kaunti sa pariralang ito. Sinasabi Ko ito dahil ang “pagkilala” na tinutukoy Ko ay isang uri lang ng mababaw na pag-amin, na salungat sa tunay na kaalaman. Yamang wala sa inyo ang kayang tumpak na tasahin o lubusang himayin ang inyong mga sarili, kahit kailan ay kalahati lang kayong naniniwala sa Aking mga salita. Ngunit sa pagkakataong ito, gumagamit Ako ng mga katunayan upang ipaliwanag ang pinakaseryosong problema na umiiral sa inyo. Ang problemang iyon ay ang pagkakanulo. Pamilyar kayong lahat sa salitang “pagkakanulo,” dahil karamihan sa mga tao ay nakagawa na ng isang bagay na nagkakanulo sa iba, tulad ng isang asawang lalaki na ipinagkakanulo ang kanyang asawang babae, isang asawang babae na ipinagkakanulo ang kanyang asawang lalaki, isang anak na lalaki na ipinagkakanulo ang kanyang ama, isang anak na babae na ipinagkakanulo ang kanyang ina, isang alipin na ipinagkakanulo ang kanyang amo, mga magkakaibigan na ipinagkakanulo ang isa’t isa, mga magkakamag-anak na ipinagkakanulo ang isa’t isa, mga nagbebenta na ipinagkakanulo ang mga mamimili, at iba pa. Ang lahat ng halimbawang ito ay naglalaman ng diwa ng pagkakanulo. Sa madaling salita, ang pagkakanulo ay isang uri ng pag-uugali na sumisira sa isang panata, lumalabag sa mga pamantayang moral, o kumokontra sa pantaong etika, na nagpapakita ng isang pagkawala ng pagkatao. Bilang mga tao, naaalala man ninyo na may nagawa kayo na nagkakanulo sa ibang tao, o kung naipagkanulo ninyo ang iba nang maraming beses noon, yamang isinilang sa mundong ito, lahat kayo ay nakagawa na ng isang bagay na paglabag sa katotohanan. Dahil ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iba, at higit pa rito, ikaw ay lalo pang may kakayahang magkanulo sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinasusuklaman Ko. Sa ibang salita, ang pagkakanulo ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit higit pa roon, isang bagay na sumasalungat sa katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik laban sa Akin ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagkakanulo ay katutubong kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang likas na kaaway ng pagkakamit ng bawat tao na maging kaayon Ko.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 359
Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagkakanulo. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagkakanulo. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagkakanulo. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagkakanulo. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagkakanulo. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagkakanulo. Ang lahat ng ito ay mga gawa ng pagkakanulo na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagkakanulo sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Kahit ngayon, habang Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang isang araw na walang sinuman ang magbabantay sa inyo, hindi ba kayo magiging kagaya ng mga bandido na nagdeklarang hari sila ng kanilang mga munting teritoryo? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking kalamidad, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Kung iniisip ninyo na ang ilang kilos ng pagkakanulo ay mga paminsan-minsang pagkilos lang sa halip na inyong namimihasang pag-uugali, na hindi dapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, na nagiging dahilan upang masaktan ang inyong pride, at kung ito ang tunay ninyong pinaniniwalaan, kung gayon ay lubos kayong walang katinuan. Kapag mas nag-iisip nang ganito ang isang tao, lalo siyang nagiging isang tipikal na halimbawa at huwaran ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagkakanulo. Kung kaya mong gumawa ng mga bagay na pagkakanulo sa sinuman sa iyong mga kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman. Halimbawa, kung nasisiyahan ang isang taong magnakaw sa iba, ang kasiyahang magnakaw na ito ay bahagi ng kanyang buhay, bagaman maaaring magnakaw siya minsan at hindi naman magnakaw minsan. Magnakaw man siya o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kanyang pagnanakaw ay isang uri lamang ng pag-uugali. Sa halip, nagpapatunay ito na ang kanyang pagnanakaw ay isang bahagi ng kanyang buhay—iyon ay, ang kanyang kalikasan. Ang ilang tao ay magtatanong: Yamang ito ay kanyang kalikasan, kung gayon bakit, kapag nakakakita siya ng magagandang bagay, hindi niya minsan ninanakaw ang mga iyon? Ang sagot ay napakasimple. Maraming kadahilanan kung bakit hindi siya nagnanakaw. Maaaring hindi niya nakawin ang isang bagay dahil masyado itong malaki para kupitin mula sa mapagbantay na mga mata, o dahil walang angkop na oras upang kumilos, o ang isang bagay ay masyadong mahal, masyadong mahigpit na nababantayan, o marahil siya ay hindi partikular na interesado rito, o hindi niya nakikita ang magiging gamit nito sa kanya, at iba pa. Ang lahat ng kadahilanang ito ay posible. Ngunit ano pa man, kung nakawin man niya ang isang bagay o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kaisipang ito ay umiiral lang bilang isang panandalian at pahapyaw na saglit. Sa kabaligtaran, ito ay isang bahagi ng kanyang kalikasan—isang kalikasan na mahirap papanibaguhin. Ang ganitong tao ay hindi nasisiyahan sa pagnanakaw nang isang beses lamang; ang ganitong mga pag-iisip na angkinin ang mga pag-aari ng ibang tao bilang kanya ay nabubuo tuwing nakakatagpo siya ng isang bagay na maganda, o isang angkop na sitwasyon. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na ang kaisipang ito ay hindi isang bagay na bastang napupulot paminsan-minsan ng taong ito, kundi isang bagay na nagmumula sa kanyang kalikasan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 360
Ang sinuman ay maaaring gumamit ng kanyang sariling mga salita at mga pagkilos upang katawanin ang kanyang tunay na mukha. Ang totoong mukhang ito ay, siyempre, ang kanyang kalikasan. Kung ikaw ay isang taong nagsasalita sa isang balikong paraan, ikaw ay may isang balikong kalikasan. Kung ang iyong kalikasan ay mapanlinlang, kumikilos ka sa tusong paraan, at ginagawa mong napakadali para sa iba na malansi at maloko mo. Kung ang iyong kalikasan ay mapaminsala, maaaring maging kaaya-ayang pakinggan ang iyong mga salita, ngunit hindi maitatago ng iyong mga pagkilos ang iyong mga mapaminsalang panlalansi. Kung ang iyong kalikasan ay tamad, kung gayon, sa lahat ng bagay na iyong sinasabi, susubukan mong ipawalang-sala ang iyong sarili sa pagiging pabasta-basta at tamad, at ang iyong mga pagkilos ay magiging mabagal at pabasta-basta, at napakahusay sa pagtatakip ng katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay madamayin, magiging makatwiran ang iyong mga salita, at ang mga kilos mo rin ay magiging kaayon nang maigi sa katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay ang maging tapat sa lahat, ang iyong mga salita ay tiyak na taos-puso at ang paraan ng iyong pagkilos ay praktikal, walang anumang magsasanhi para sa iyong amo na mabalisa. Kung ang iyong kalikasan ay mapagnasa o sakim sa pera, ang iyong puso ay kadalasang mapupuno ng mga bagay na ito, at hindi mamamalayang gagawa ka ng mga lihis at imoral na bagay na magiging mahirap para sa mga tao na makalimutan at na magpapasulasok sa kanila. Tulad ng nasabi Ko, kung mayroon kang isang kalikasan ng pagkakanulo, mahihirapan kang kumawala rito. Huwag magtaglay ng isang mentalidad kung saan sinusubok mo ang iyong suwerte, ipinagpapalagay na dahil hindi mo ginawan ng mali ang iba, wala kang kalikasan ng pagkakanulo. Kung ganoon ang iyong iniisip, ikaw nga ay talagang kasuklam-suklam. Sa tuwing nagsasalita Ako, nakatuon sa lahat ng tao ang mga salita Ko, hindi lamang sa isang tao o isang uri ng tao. Ang katunayan na hindi mo pa Ako ipinagkanulo sa isang bagay ay hindi nagpapatunay na hindi mo Ako ipagkakanulo sa anumang bagay. Kapag may mga dagok sa samahan nilang mag-asawa, nawawalan ang ilang tao ng kanilang pananalig sa paghahanap sa katotohanan. Tinatalikdan ng ilang tao ang kanilang obligasyon na maging tapat sa Akin sa panahon ng pagkasira ng pamilya. Tinatalikuran Ako ng ilang tao upang maghanap ng isang sandali ng kagalakan at katuwaan. Ang ilang tao ay mas gugustuhin pang mahulog sa isang madilim na bangin kaysa mamuhay sa liwanag at matamo ang kaluguran ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang ilang tao ay hindi pinapansin ang payo ng mga kaibigan para lang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanasa sa kayamanan, at kahit ngayon ay hindi kayang kilalanin ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang landas. Ang ilang tao ay pansamantalang naninirahan lamang sa ilalim ng Aking ngalan upang matanggap ang Aking pangangalaga, habang ang iba ay labag sa loob na naglalaan lang nang kaunti sa Akin sapagkat kumakapit sila sa buhay at natatakot sa kamatayan. Hindi ba’t ang mga ito at ang iba pang gayong mga pagkilos, na mga imoral, at higit pa rito, walang integridad, ay mga pag-uugali lamang na nagpapakita na matagal na Akong ipinagkanulo ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso? Siyempre, alam Kong hindi paunang binabalak ng mga tao ang ipagkanulo Ako, pero ang pagkakanulo nila ay isang natural na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Walang sinuman ang nagnanais na ipagkanulo Ako, lalong walang sinuman ang masaya dahil nakagawa sila ng isang akto ng pagkakanulo laban sa Akin. Sa kabaligtaran, nanginginig sila sa takot, hindi ba? Kaya, iniisip ba ninyo kung paano makababawi sa mga pagkakanulong ito, at kung paano babaguhin ang kasalukuyang kalagayan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 361
Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa Aking diwa, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Ibig sabihin, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensiya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatwid, hindi posibleng taglayin ninuman ang katotohanan sa kanyang kalikasan mula sa pagsilang, at lalong hindi maisisilang ang sinuman nang may diwang may takot at nagpapasakop sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang sumasalungat sa Diyos, naghihimagsik laban sa Diyos, at walang pagmamahal sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagkakanulo. Ang pagkakanulo ang pinagmumulan ng pagsalungat ng bawat tao sa Diyos. Ito ay isang problemang umiiral lamang sa tao, at hindi sa Akin. Itatanong ng ilan: Yamang namumuhay ang lahat ng tao sa mundo gaya ni Cristo, bakit mayroon ang lahat ng tao ng mga kalikasang nagkakanulo sa Diyos, subalit si Cristo ay wala? Ito ay isang problemang kailangang ipaliwanag nang malinaw sa inyo.
Ang batayan ng pag-iral ng sangkatauhan ay ang paulit-ulit na reenkarnasyon ng kaluluwa. Sa madaling salita, bawat tao ay nagtatamo ng isang pantaong buhay sa laman kapag nagrereenkarnasyon ang kanyang kaluluwa. Matapos isilang ang katawan ng isang tao, nagpapatuloy ang buhay nito hanggang maabot ng laman sa huli ang mga hangganan nito, na siyang pangwakas na sandali, kung kailan nililisan ng kaluluwa ang katawan nito. Nagpapaulit-ulit ang prosesong ito, na ang kaluluwa ng isang tao ay paulit-ulit na dumarating at umaalis, at sa gayon ay napapanatili ang pag-iral ng sangkatauhan. Ang buhay ng laman ay ang buhay rin ng kaluluwa ng tao, at ang kaluluwa ng tao ang sumusuporta sa pag-iral ng laman ng tao. Ibig sabihin, ang buhay ng bawat tao ay nagmumula sa kanyang kaluluwa, ito ay hindi likas sa laman. Samakatwid, nanggagaling ang kalikasan ng tao sa kaluluwa, hindi sa laman. Tanging ang kaluluwa ng bawat tao ang nakakaalam kung paano niya naranasan ang mga panunukso, pagpapahirap, at pagtitiwali ni Satanas. Hindi kayang malaman ng laman ng tao ang mga bagay na ito. Kaya, di-namamalayang nagiging padilim nang padilim, parumi nang parumi, at pasama nang pasama ang sangkatauhan, habang palaki nang palaki ang agwat Ko sa tao, at padilim nang padilim ang buhay para sa sangkatauhan. Ang mga kaluluwa ng sangkatauhan ay hawak ni Satanas sa mga kamay nito, kaya, siyempre, tiyak nang ang laman ng tao ay naokupa na rin ni Satanas. Paanong hindi sasalungatin ng laman na tulad nito at ng sangkatauhang ito ang Diyos? Paano sila magiging likas na kaayon Niya? Itinapon Ko sa himpapawid si Satanas dahil ipinagkanulo Ako nito. Paano, kung gayon, mapapalaya ang mga tao sa pagkakasangkot nila? Ito ang dahilan kung bakit ang pagkakanulo ay kalikasan ng tao. Naniniwala Akong sa sandaling maunawaan ninyo ang pangangatwirang ito, dapat din kayong magkaroon ng kaunting paniniwala sa diwa ni Cristo. Ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos ay ang sariling katawang-tao ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ang pinakadakila; Siya ay makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Gayon din, ang Kanyang katawang-tao ay pinakadakila, makapangyarihan sa lahat, banal, at matuwid. Ang magagawa lamang ng katawang-taong ito ay iyong matuwid at makakabuti sa sangkatauhan, iyong banal, maluwalhati, at dakila; wala Siyang kakayahang gumawa ng anumang bagay na labag sa katotohanan, na labag sa moral na katarungan, at lalong wala Siyang kakayahang gumawa ng anuman na magkakanulo sa Espiritu ng Diyos. Ang Espiritu ng Diyos ay banal, at sa gayon ay hindi magagawang tiwali ni Satanas ang Kanyang katawang-tao; ang Kanyang katawang-tao ay naiiba ang diwa kaysa sa laman ng tao. Sapagkat ang tao, hindi ang Diyos, ang siyang ginawang tiwali ni Satanas, at hindi posibleng magawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao ng Diyos Mismo. Kaya, sa kabila ng katunayan na iisa ang espasyong tinitirhan ng tao at ni Cristo, ang tao lamang ang maaaring maokupa at magamit ni Satanas, at mapinsala ng mga panlalansi ni Satanas. Sa kabaligtaran, si Cristo ay hindi tinatablan ng katiwalian ni Satanas magpakailanman, dahil hindi magkakaroon ng kakayahan si Satanas kailanman na umakyat sa kataas-taasang lugar, at hindi magagawang lumapit sa Diyos kailanman. Ngayon, dapat ninyong maunawaang lahat na ang sangkatauhan lamang, na nagawa nang tiwali ni Satanas, ang siyang nagkakanulo sa Akin. Ang pagkakanulo ay hindi kailanman magiging isang isyu na kasasangkutan ni Cristo kahit kaunti.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 362
Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng pagkaalipin sa kapangyarihan ni Satanas. Iyon lamang mga nananampalataya kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ngayon. Hindi na namumuhay ang mga taong ito sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Gayumpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ibig sabihin ay bagama’t naligtas na ang inyong kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na ipagkakanulo ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagkat ang inyong kalikasan ay hindi mayayanig. Lahat kayo ngayon ay nagdaraan sa mga paghihirap sa abot ng inyong makakaya habang ginagawa ninyo ang inyong mga tungkulin, subalit ang hindi maitatatwang katunayan ay na bawat isa sa inyo ay may kakayahang ipagkanulo Ako at bumalik sa kapangyarihan ni Satanas, bumalik sa kampo nito at bumalik sa dati ninyong buhay. Sa panahong iyon, hindi magiging posibleng may makita sa inyo ni katiting na pagiging tao o wangis ng tao, na kagaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay wawasakin at, higit pa riyan, masasadlak kayo sa walang hanggang pagkapahamak, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman muling magreinkarnasyon. Ito ang problemang nakalahad sa inyong harapan. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan, una, upang hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at pangalawa, upang makapamuhay kayong lahat sa mga panahon ng liwanag. Sa totoo lang, ang pinakapangunahing problema ay hindi kung may saysay ang Aking gawain o wala. Ang mahalaga ay nagagawa ninyong mamuhay nang masaya at magkaroon ng magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas sa kaluluwa ng mga tao. Kung mahulog ang iyong kaluluwa sa mga kamay ni Satanas, hindi mamumuhay nang payapa ang iyong laman. Kung pinoprotektahan Ko ang iyong laman, tiyak na nasa ilalim din ng Aking pangangalaga ang iyong kaluluwa. Kung talagang kinamumuhian kita, mahuhulog kaagad ang iyong laman at kaluluwa sa mga kamay ni Satanas. Naiisip mo ba ang kalagayan mo kapag nagkagayon? Kung, isang araw, walang epekto sa inyo ang Aking mga salita, ipapasa Ko kayong lahat kay Satanas, at hahayaan ito na pag-ibayuhin ang pagpapahirap na ipinapataw sa inyo hanggang sa lubos na mapawi ang Aking galit, o kaya’y parurusahan Ko nang personal kayong mga taong hindi na matutubos, sapagkat ang inyong pusong nagkakanulo sa Akin ay hindi na nagbago kailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 363
Dapat ninyong lahat suriin ngayon ang sarili ninyo agad-agad, upang makita kung gaano kalaking pagkakanulo sa Akin ang nasasainyo pa. Sabik Akong naghihintay sa inyong tugon. Huwag ninyo Akong pabasta-bastang harapin. Kailanma’y hindi Ako nakikipaglaro sa mga tao. Kung sinasabi Kong gagawin Ko ang isang bagay, tiyak na gagawin Ko ito. Umaasa Akong ang bawat isa sa inyo ay magiging isang taong sineseryoso ang mga salita Ko, at hindi ipinagpapalagay ang mga iyon na kathang-isip na agham. Ang nais Ko ay kongkretong pagkilos mula sa inyo, hindi ang inyong mga imahinasyon. Sunod, dapat ninyong sagutin ang mga tanong Ko:
1. Kung tunay kang isang tagapagserbisyo, makakapagserbisyo ka ba sa Akin nang deboto, nang walang anumang bahid ng pagpapabaya o pagiging negatibo?
2. Kung malaman mong hindi kita pinahalagahan kailanman, makakayanan mo pa rin bang manatili at magserbisyo sa Akin habambuhay?
3. Kung nananatili pa rin Akong masyadong malamig sa iyo bagama’t gumugol ka na ng matinding pagsisikap, makakaya mo bang magpatuloy na gumawa para sa Akin nang hindi napapansin?
4. Kung, pagkatapos mong gumawa ng ilang paggugol para sa Akin, hindi Ko tutugunan ang iyong maliliit na hinihingi, masisiraan ka ba ng loob at madidismaya sa Akin, o magsisimula pa ngang kumulo sa sama ng loob at magsisigaw ng pang-iinsulto?
5. Kung palagi kang napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka sa pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa pinansiyal, ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin?
6. Kung wala sa anumang inasahan mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano mo dapat tahakin ang landas mo sa hinaharap?
7. Kung hindi mo matatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko?
8. Kung hindi mo kailanman naunawaan ang layunin at kabuluhan ng gawain Ko, kaya mo bang maging mapagpasakop na taong hindi basta-basta gumagawa ng mga paghusga at mga kongklusyon?
9. Mapapahalagahan mo ba ang lahat ng salitang sinabi Ko at ang lahat ng gawaing ginawa Ko habang kasama Ko ang tao?
10. Kaya mo bang maging tapat Kong tagasunod, nakahandang magdusa para sa Akin habambuhay kahit na wala kang makamit?
11. Alang-alang sa Akin, kaya mo bang hindi magsaalang-alang, magplano, o maghanda para sa iyong landas ng pananatiling buhay sa hinaharap?
Kinakatawan ng mga tanong na ito ang Aking mga pangwakas na hinihingi sa inyo, at inaasahan Kong lahat kayo ay makakatugon sa Akin. Kung natupad mo na ang isa o dalawang bagay na hinihingi sa iyo ng mga katanungang ito, kailangan mo pa ring patuloy na magsikap. Kung hindi mo kayang tuparin ni isa sa mga hinihinging ito, tiyak na ikaw ang uri na itatapon sa impiyerno. Wala Akong kailangang sabihing anumang karagdagan pa sa ganoong mga tao, sapagkat sila ay tiyak na mga tao na hindi maaaring maging kaayon Ko. Paano Ko pananatilihin sa tahanan Ko ang isang taong maaaring magkanulo sa Akin sa anumang sitwasyon? Pagdating naman sa mga maaari pa ring magkanulo sa Akin sa karamihan ng mga pagkakataon, pagmamasdan Ko ang kanilang asal bago gumawa ng ibang mga pagsasaayos. Subalit, ang lahat ng may kakayahang magkanulo sa Akin, sa ilalim ng anumang kondisyon, ay hindi Ko kailanman kakalimutan; tatandaan Ko ang bawat isa sa kanila sa Aking puso, at maghihintay Ako ng pagkakataong gantihan ang masasama nilang gawa. Ang mga hinihinging nabanggit Ko ay pawang mga isyung dapat ninyong suriin sa inyong mga sarili. Inaasahan Kong kaya ninyong lahat na seryosong isaalang-alang ang mga ito at hindi Ako pabasta-bastang harapin. Sa nalalapit na hinaharap, ikukumpara Ko ang mga sagot na ibinigay ninyo sa Akin sa mga hinihingi Ko. Sa panahong iyon, hindi na Ako hihingi pa ng anumang bagay mula sa inyo at hindi na magbibigay pa sa inyo ng marubdob na pagpapaalala. Sa halip, gagamitin Ko ang awtoridad Ko: Iyong mga dapat panatilihin ay pananatilihin, iyong mga dapat gantimpalaan ay gagantimpalaan, iyong mga dapat ibigay kay Satanas ay ibibigay kay Satanas, iyong mga dapat parusahan nang mabigat ay parurusahan nang mabigat, at iyong mga dapat mamatay ay lilipulin. Sa ganoong paraan, hindi na magkakaroon ng sinumang gugulo sa Akin sa mga araw Ko. Naniniwala ka ba sa mga salita Ko? Naniniwala ka ba sa banal na katarungan? Naniniwala ka bang parurusahan Kong lahat iyong masasama na nanlilinlang at nagkakanulo sa Akin? Umaasa ka bang darating ang araw na iyon nang mas maaga o nang mas huli? Isa ka bang taong takot na takot sa kaparusahan, o isang taong mas pipiliing lumaban sa Akin kahit na nangangahulugan ito ng pagtitiis ng kaparusahan? Kapag dumating ang araw na iyon, naguguni-guni mo ba kung mamumuhay ka sa gitna ng mga kasiyahan at tawanan, o kung tatangis ka at magngangalit ng mga ngipin mo? Anong uri ng kalalabasan ang nais mong magkaroon ka? Kailanman ba’y seryoso mo nang naisaalang-alang kung naniniwala ka sa Akin nang isandaang porsiyento o nagdududa sa Akin nang isandaang porsiyento? Kailanman ba ay maingat mo nang naisaalang-alang kung anong uri ng mga kahihinatnan at kalalabasan ang idudulot sa iyo ng mga pagkilos at pag-uugali mo? Labis ka bang umaasa na matutupad isa-isa ang lahat ng salita Ko, o takot na takot ka bang matutupad isa-isa ang mga salita Ko? Kung umaasa kang aalis Ako sa lalong madaling panahon upang tuparin ang mga salita Ko, paano mo dapat tratuhin ang sarili mong mga salita at mga pagkilos? Kung hindi ka umaasa sa paglisan Ko at hindi umaasa na matutupad kaagad ang lahat ng salita Ko, bakit ka pa nananampalataya sa Akin? Talaga bang alam mo kung bakit ka sumusunod sa Akin? Kung ang dahilan mo ay upang palawakin lamang ang iyong pananaw, hindi mo kinakailangang magtiis pa ng paghihirap. Kung ito ay upang pagpalain ka at makaiwas sa parating na sakuna, bakit hindi ka nag-aalala sa sarili mong pag-uugali? Bakit hindi mo tinatanong ang sarili mo kung matutugunan mo ba ang mga hinihingi Ko? Bakit hindi mo rin tinatanong ang sarili mo kung kalipikado ka bang manahin ang mga darating na pagpapala?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 364
Lahat ng Aking tao na naglilingkod sa Aking harapan ay dapat gunitain ang nakaraan: Nabahiran ba ng dumi ang inyong pagmamahal sa Akin? Dalisay ba at taos-puso ang inyong katapatan sa Akin? Totoo ba ang inyong kaalaman tungkol sa Akin? Gaano kalaki ang puwang Ko sa inyong puso? Napuno Ko ba ang buong puso ninyo? Ilan sa Aking mga salita ang naisakatuparan sa loob ninyo? Huwag ninyong subukang lokohin Ako! Napakalinaw ng mga bagay na ito sa Akin! Ngayon, habang binibigkas ang tinig ng Aking pagliligtas, naragdagan ba ang inyong pagmamahal sa Akin? Naging dalisay ba ang bahagi ng inyong katapatan sa Akin? Lumalim ba ang inyong kaalaman tungkol sa Akin? Naglatag ba ng matibay na pundasyon ang papuring inialay noong araw para sa inyong kaalaman ngayon? Gaano kalaking bahagi ninyo ang okupado ng Aking Espiritu? Gaano kalaking puwang ang sakop ng Aking larawan sa inyong kalooban? Tumagos ba sa puso ninyo ang Aking mga pagbigkas? Nadarama ba ninyo talaga na wala kayong mapagtataguan ng inyong kahihiyan? Naniniwala ba talaga kayo na hindi kayo kalipikado na maging Aking mga tao? Kung kayo ay ganap na walang kamalayan sa mga katanungan sa itaas, nagpapakita ito na sinasamantala mo ang malabong sitwasyon, na nariyan ka lamang para magparami sa bilang, at sa panahong Aking paunang itinalaga, tiyak na ititiwalag ka at itutulak sa walang hanggang hukay sa ikalawang pagkakataon. Ito ang Aking mga salita ng babala, at ang sinumang nagbabalewala sa mga ito ay tatamaan ng Aking paghatol, at, sa takdang panahon, ay daranas ng kalamidad. Hindi nga ba ganito? Kailangan Ko pa bang magbigay ng mga halimbawa upang ilarawan ito? Kailangan Ko bang magsalita nang mas malinaw upang magbigay ng halimbawa sa inyo? Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, marami nang taong naghimagsik laban sa Aking mga salita at sa gayon ay tinalikuran at itiniwalag ng daloy ng Aking pagbawi; sa huli, namamatay ang kanilang katawan at itinatapon ang kanilang espiritu sa Hades, at kahit ngayon ay isinasailalim pa rin sila sa mabigat na kaparusahan. Maraming tao na ang sumunod sa Aking mga salita, ngunit sumalungat na sa Aking kaliwanagan at pagtanglaw, at sa gayon ay sinipa Ko na sa isang tabi, nahulog sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at naging yaong mga tutol sa Akin. (Ngayon lahat niyaong mga direktang tumututol sa Akin ay sumusunod lamang sa kababawan ng Aking mga salita, at naghihimagsik laban sa diwa ng Aking mga salita.) Marami na rin ang nakinig lamang sa mga salitang Aking sinabi kahapon, na kumapit sa “basura” ng nakaraan at hindi pinahalagahan ang “bunga” ng kasalukuyan. Hindi lamang nabihag ni Satanas ang mga taong ito, kundi naging mga walang-hanggang makasalanan at naging Aking mga kaaway, at tuwiran nila Akong kinakalaban. Ang gayong mga tao ang mga pakay ng Aking paghatol sa kasukdulan ng Aking poot, at ngayon ay bulag pa rin sila, nasa loob pa rin ng madidilim na piitan (na ang ibig sabihin, ang mga gayong tao ay nasa bulok at manhid na mga bangkay na kontrolado ni Satanas; sapagka’t ang kanilang mga mata ay Aking tinakpan, Aking sinasabi na sila ay mga bulag). Makabubuting magbigay ng isang halimbawa para sa inyong sanggunian, upang may matutuhan kayo mula rito:
Sa pagbanggit kay Pablo, iisipin ninyo ang kanyang kasaysayan, at ang ilan sa mga kuwento tungkol sa kanya na hindi tumpak at hindi umaayon sa realidad. Tinuruan siya ng kanyang mga magulang mula sa murang edad, at natanggap ang Aking buhay, at bilang resulta ng Aking paunang pagtatadhana ay nagtaglay siya ng kakayahang Aking kinakailangan. Sa edad na 19, inaral niya ang iba’t ibang libro tungkol sa buhay; kaya hindi Ko na kailangang idetalye kung paano, dahil sa kanyang kakayahan, at dahil sa Aking kaliwanagan at pagtanglaw, hindi lamang siya nakapagsalita ng ilang kabatiran tungkol sa espirituwal na mga bagay, kundi nagawa niya ring arukin ang Aking mga layunin. Siyempre, hindi nito isinasantabi ang kombinasyon ng mga panloob at panlabas na kadahilanan. Gayumpaman, ang kanyang isang kapintasan ay, dahil sa kanyang mga talento, madalas siyang nagsasalita nang malabis. Bilang resulta, dahil sa kanyang paghihimagsik, na bahagyang direktang kumatawan sa arkanghel, nang Ako ay nagkatawang-tao sa unang pagkakataon, ginawa niya ang lahat ng makakaya niya upang tutulan Ako. Siya ang uri ng taong hindi kilala ang Aking mga salita, at naglaho na ang Aking lugar sa kanyang puso. Direktang tumututol ang gayong mga tao sa Aking pagka-Diyos, at sila ay hinahampas Ko, at yumuyuko lamang at nagkukumpisal ng kanilang mga kasalanan sa katapus-katapusan. Kaya, pagkatapos Kong magamit ang kanyang mga kalakasan—na ang ibig sabihin, matapos siyang makapaglingkod sa Akin nang kaunting panahon—bumalik siyang muli sa kanyang mga lumang gawi, at kahit na hindi siya direktang naghimagsik laban sa Aking mga salita, naghimagsik siya laban sa Aking panloob na gabay at kaliwanagan, at sa gayon ang lahat ng kanyang nagawa nang nakaraan ay walang-saysay; sa madaling salita, ang korona ng kaluwalhatian na sinabi niya ay naging hungkag na mga salita, isang produkto ng kanyang sariling imahinasyon, dahil kahit sa ngayon ay sumasailalim pa rin siya sa Aking paghatol sa loob ng pagkakabihag ng Aking mga gapos.
Mula sa halimbawa sa itaas, makikita na sinumang kumakalaban sa Akin (sa pagkalaban hindi lamang sa Aking sariling katawang-tao kundi ang mas mahalaga, sa Aking mga salita at Aking Espiritu—na ibig sabihin, sa Aking pagka-Diyos), ay tumatanggap ng Aking paghatol sa kanilang laman. Kapag iniiwan ka ng Aking Espiritu, bumubulusok ka pababa, bumababang direkta sa Hades. At bagaman ang iyong katawang laman ay nasa ibabaw ng lupa, tulad ka ng isang tao na mayroong sakit sa pag-iisip: Nawala mo na ang iyong katinuan, at agad mong nararamdaman na para kang isang bangkay, kung kaya’t nagmamakaawa ka sa Akin na agad nang wakasan ang iyong laman. Ang karamihan sa inyo na angkin ng espiritu ay may malalim na pagpapahalaga sa mga kalagayang ito, at hindi Ko na kailangang magdetalye pa. Sa nakaraan, gumawa Ako sa normal na pagkatao, karamihan sa mga tao ay sinukat na ang kanilang sarili laban sa Aking poot at pagiging maharlika, at mayroon nang kaunting kaalaman tungkol sa Aking karunungan at disposisyon. Ngayon, tuwiran Akong nagsasalita at kumikilos sa pagka-Diyos, at mayroon pa ring ilang tao na makikita ang Aking poot at paghatol sa sarili nilang mga mata; bukod pa riyan, ang pangunahing gawain ng ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol ay ang tuwirang ipaalam sa lahat ng Aking tao ang Aking mga gawa sa katawang-tao, at tuwirang ipakita sa inyong lahat ang Aking disposisyon. Ngunit dahil Ako ay nasa katawang-tao, isinasaalang-alang Ko ang inyong mga kahinaan. Inaasahan Ko na hindi ninyo itinuturing ang inyong espiritu, kaluluwa at katawan bilang mga laruan, walang-pakialam na iniaalay ang mga iyon kay Satanas. Mas mabuti na pahalagahan ninyo ang lahat ng mayroon kayo, at hindi ito ituring na isang laro, dahil nauugnay sa inyong kapalaran ang gayong mga bagay. Naiintindihan ba talaga ninyo ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita? May kakayahan ba talaga kayong maging mapagsaalang-alang sa Aking tunay na mga damdamin?
Handa ba kayong tamasahin ang Aking mga pagpapala sa lupa, mga pagpapalang katulad ng mga nasa langit? Handa ba kayong pahalagahan ang pag-unawa sa Akin, ang pagtatamasa ng Aking mga salita at ang pagkakilala sa Akin, bilang ang pinakamahalaga at makabuluhang mga bagay sa inyong buhay? Kaya ba talaga ninyong lubos na magpasakop sa Akin, na hindi iniisip ang inyong sariling mga interes? Kaya ba talaga ninyong tulutan ang inyong sarili na patayin Ko, at akayin Ko, gaya ng isang tupa? Mayroon bang sinuman sa inyo na may kakayahang kamtin ang ganyang mga bagay? Maaari kaya na ang lahat ng Aking tinatanggap at tumatanggap ng Aking mga pangako ay yaong mga nagkakamit ng Aking mga pagpapala? May naintindihan ba kayo na anuman mula sa mga salitang ito? Kung susubukin Ko kayo, kaya ba ninyong tunay na hayaan Akong mamatnugot ayon sa gusto Ko, at, sa gitna ng mga pagsubok na ito, hanapin ang Aking mga intensyon at damhin ang Aking puso? Hindi Ko nais para sa iyo na makapagsalita ng maraming makabagbag-damdaming salita, o makapagsabi ng maraming nakasasabik na kuwento; sa halip, hinihingi Ko na makaya mong magpatotoo nang mainam sa Akin, at na makapasok ka nang lubusan at malaliman sa realidad. Kung hindi Ako nagsalita nang tuwiran, tatalikuran mo kaya ang lahat ng bagay na panlabas sa iyo at tutulutan ang iyong sarili na gamitin Ko? Hindi ba ito ang realidad na Aking hinihingi? Sino ang nakakatarok sa kahulugan ng Aking mga salita? Subalit hinihingi Ko na huwag na kayong mabigatan pa sa mga pagdududa, na magkaroon kayo ng positibong mentalidad sa inyong pagpasok at intindihin ang diwa ng Aking mga salita. Pipigilan kayo nito na magkamali sa pag-unawa sa Aking mga salita, at malabuan sa ibig Kong sabihin, at sa gayon ay lumabag sa Aking mga atas administratibo. Sana ay naiintindihan ninyo ang Aking mga layunin para sa inyo sa Aking mga salita. Huwag na ninyong isipin pa ang sarili ninyong mga pag-asam, at kumilos kayo ayon sa inyong matibay na pagpapasya sa Aking harapan na hayaan ang Diyos na pamatnugutan ka sa lahat ng bagay. Dapat ang lahat niyaong tumatayo sa loob ng Aking sambahayan ay gawin ang lahat ng kanilang makakaya; dapat mong ihandog ang iyong pinakamahusay hanggang sa huling bahagi ng Aking gawain sa lupa. Handa ka ba talagang isagawa ang gayong mga bagay?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 4
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 365
Sa lupa, lahat ng uri ng masasamang espiritu ay walang-tigil sa paggala sa paghahanap ng mapagpapahingahan; walang-tigil ang mga ito sa paghahanap ng mga bangkay ng mga maaari nilang lamunin. Aking mga tao! Kailangan kayong manatili sa loob ng Aking pangangalaga at proteksyon. Huwag maging mapagpalayaw kailanman! Huwag kumilos nang padalos-dalos kailanman! Dapat mong ialay ang iyong katapatan sa Aking sambahayan, at sa katapatan mo lamang malalabanan ang mga pakana ng mga diyablo. Anuman ang mangyari, hindi ka dapat kumilos na tulad noong araw, na gumagawa ng isang bagay sa Aking harapan at ng iba naman sa Aking likuran; kung kikilos ka sa ganitong paraan, hindi ka na puwedeng matubos. Hindi ba higit pa sa sapat ang nabigkas Kong mga salita na tulad ng mga ito? Ito ay dahil mismo sa hindi maitama ang dating kalikasan ng sangkatauhan kaya kinailangan Kong paulit-ulit na paalalahanan ang mga tao. Huwag mainip! Ang sinasabi Ko ay pawang para sa kapakanan ng inyong tadhana! Isang mabaho at maruming lugar ang kailangan mismo ni Satanas; kapag mas hindi na kayo matutubos pa at mas mapagpalayaw kayo, tumatangging magpasakop sa pagpigil, ang lahat ng uri ng maruruming espiritu ay mas gagamit ng anumang pagkakataon na pumasok sa inyo. Kung nakarating na kayo sa puntong ito, ang inyong katapatan ay magiging walang-kabuluhang satsat lamang, wala itong anumang realidad, at lalamunin ng maruruming espiritu ang inyong determinasyon at magiging pagrerebelde ito at mga pakana ni Satanas upang gambalain ang Aking gawain, sa gayon ay hahampasin Ko kayo sa anumang oras at saanmang lugar. Walang sinuman ang nakakaunawa sa bigat ng sitwasyong ito; talagang nagbibingi-bingihan lamang sila rito, at hindi man lamang sila nag-iingat. Hindi Ko tinatandaan ang ginawa noong araw; talaga bang naghihintay ka pa ring maging maluwag Ako sa iyo sa pamamagitan ng “hindi pagtanda” muli? Bagama’t tinutulan na Ako ng mga tao, hindi Ko sila sisisihin, sapagkat napakaliit ng kanilang tayog, kaya nga hindi Ako nagtakda ng mga sobrang mataas na hinihingi sa kanila. Ang tanging hinihiling Ko ay huwag silang maging mapagpalayaw, at na magpasakop sila sa pagpipigil. Maaari kayang lampas ito sa inyong kapasidad na tugunan ang iisang tuntuning ito? Karamihan sa mga tao ay naghihintay na magbunyag Ako ng mas marami pang hiwaga para pagpiyestahan ng kanilang mga mata. Gayunman, kahit naunawaan mo na ang lahat ng hiwaga ng langit, ano talaga ang maaari mong gawin sa kaalamang iyon? Madaragdagan ba nito ang iyong pagmamahal sa Akin? Mapupukaw ba nito ang iyong pagmamahal sa Akin? Hindi Ko minamaliit ang mga tao, ni hindi Ko sila basta-basta binibigyang-hatol. Kung hindi ganito ang aktwal na sitwasyon ng mga tao, hindi Ko sila kailanman basta puputungan ng gayong mga katawagan. Gunitain ninyo ang nakaraan: Ilang beses Ko na ba kayo siniraan? Ilang beses Ko na ba kayo minaliit? Ilang beses Ko na ba kayo siniyasat nang hindi isinasaalang-alang ang inyong aktwal na sitwasyon? Ilang beses na ba nabigo ang Aking mga pagbigkas na buong-pusong kunin ang loob ninyo? Ilang beses na ba Ako nagsalita nang hindi naaantig ang inyong damdamin? Sino sa inyo ang nakabasa na ng Aking mga salita nang walang takot at panginginig, na nahihintakutan na isasadlak Ko kayo sa walang-hanggang hukay? Sino ang hindi nagtitiis ng mga pagsubok mula sa Aking mga salita? Sa loob ng Aking mga pagbigkas ay naroon ang awtoridad, ngunit hindi ito para maglapat ng kaswal na paghatol sa mga tao; sa halip, nasasaisip ang kanilang aktwal na mga kalagayan, palagi Kong ibinubunyag sa kanila ang kahulugang likas sa Aking mga salita. Sa katunayan, mayroon bang sinumang may kakayahang kilalanin ang Aking pagkamakapangyarihan-sa-lahat sa Aking mga salita? Mayroon bang sinuman na makakaunawa sa pinakadalisay na ginto na nasa Aking mga salita? Ilang salita na ba ang Aking nasambit? Mayroon na bang sinumang nagpahalaga sa mga ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 10
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 366
Araw-araw Kong inoobserbahan ang buong sansinukob, at mapagpakumbaba Kong itinatago ang Aking Sarili sa Aking tirahan, dinaranas ang buhay ng tao at pinag-aaralang mabuti ang bawat gawa ng sangkatauhan. Kailanma’y walang sinumang tunay na nag-alay ng kanilang sarili sa Akin; kailanma’y walang sinumang nagsikap na matamo ang katotohanan. Kailanma’y walang sinumang naging seryoso sa Akin o gumawa ng mga pagpapasiya sa Aking harapan at pagkatapos ay tumupad sa kanilang tungkulin. Kailanma’y walang sinumang nagtulot na manahan Ako sa kanila, ni nagpahalaga sa Akin na tulad ng pagpapahalaga ng mga tao sa sarili nilang buhay. Kailanma’y walang sinumang nakakita, sa praktikal na realidad, sa Aking buong pagka-Diyos; kailanma’y walang sinumang naging handang makipag-ugnayan sa praktikal na Diyos Mismo. Kapag nilalamon nang buung-buo ng mga tubig ang mga tao, inililigtas Ko sila mula sa mga tubig na iyon na hindi dumadaloy at binibigyan sila ng pagkakataong mabuhay na muli. Kapag nawawala ang kumpiyansa ng mga tao na mabuhay, inaahon Ko sila mula sa bingit ng kamatayan, pinagkakalooban sila ng lakas ng loob na magpatuloy sa buhay upang magamit nila Ako bilang pundasyon ng kanilang pag-iral. Kapag naghihimagsik laban sa Akin ang mga tao, binibigyang-daan Ko sila na makilala Ako mula sa kanilang pagrerebelde. Batay sa dating kalikasan nila, at batay sa Aking awa, sa halip na patayin sila, tinutulutan Ko silang magsisi at magsimulang muli. Kapag nagdaranas sila ng taggutom, bagama’t isang hininga na lamang ang natitira sa kanilang katawan, inaagaw Ko sila mula sa kamatayan, pinipigilan silang mahulog sa bitag ng panlilinlang ni Satanas. Napakaraming beses nang nakita ng mga tao ang Aking kamay, napakaraming beses na nilang nasaksihan ang Aking mabait na mukha at nakangiting mukha, at napakaraming beses na nilang nakita ang Aking kamahalan at poot. Bagama’t hindi Ako nakilala ng sangkatauhan kailanman, hindi Ko sinasamantala ang kanilang kahinaan bilang mga pagkakataon na sadyang galitin sila. Sa pagdanas ng mga paghihirap ng sangkatauhan, nagawa Kong makiramay sa kahinaan ng tao. Tumutugon lamang Ako sa pagrerebelde at kawalan ng utang-na-loob ng mga tao kaya Ako nagpapatupad ng iba-ibang antas ng mga pagkastigo.
Itinatago Ko ang Aking Sarili kapag abala ang mga tao, at inihahayag Ko ang Aking Sarili sa libreng oras nila. Iniisip ng mga tao na alam Ko ang lahat ng bagay; itinuturing nila Ako bilang Diyos Mismo na sumasang-ayon sa lahat ng pagsusumamo. Sa gayon, humaharap sa Akin ang karamihan para lamang humingi ng tulong ng Diyos, hindi dahil hangad nilang makilala Ako. Kapag namimilipit sa tindi ng karamdaman, nagsusumamo kaagad ang mga tao para sa Aking tulong. Sa oras ng kagipitan, ipinagtatapat nila sa Akin ang kanilang mga paghihirap nang kanilang buong kakayahan, upang mas maibsan ang kanilang pagdurusa. Gayunman, walang isa mang tao na nagawang mahalin din Ako habang nagiginhawahan; walang isa mang tao na lumapit sa mga panahon ng kapayapaan at kaligayahan, upang makabahagi Ako sa kanilang kagalakan. Kapag masaya at malusog ang kanilang maliliit na pamilya, matagal na Akong isinantabi o pinagsarhan ng pinto ng mga tao, na pumipigil sa Akin na pumasok upang matamasa nila ang pinagpalang kaligayahan ng kanilang pamilya. Napakakitid ng isip ng tao; napakakitid para tanggapin man lamang ang isang Diyos na mapagmahal, maawain, at madaling lapitan na katulad Ko. Napakaraming beses na Akong tinanggihan ng mga tao sa mga panahon ng kanilang masayang tawanan; napakaraming beses na Akong sinandigan ng mga tao bilang isang saklay nang matisod sila; napakaraming beses na Akong napilitang maging doktor ng mga taong naghihirap sa karamdaman. Napakalupit ng mga tao! Lubos silang hindi makatwiran at imoral. Kahit ang mga damdaming dapat sana’y mayroon ang mga tao ay hindi madama sa kanila; halos ganap silang walang anumang bakas ng pagkatao. Pagnilayan ang nakaraan, at ikumpara ito sa kasalukuyan: Mayroon bang mga pagbabagong nangyayari sa inyong kalooban? Naiwaksi mo na ba ang ilan sa mga bagay mula sa iyong nakaraan? O kailangan pa bang palitan ang nakaraang iyon?
Nagpabalik-balik na Ako sa mga bulubundukin at lambak ng ilog, na nagdaranas ng mga tagumpay at kabiguan ng mundo ng mga tao. Nakagala na Ako na kasama sila, at namuhay na Ako nang maraming taon na kasama sila, subalit mukhang napakaliit ng ipinagbago ng disposisyon ng sangkatauhan. At parang nag-ugat na at umusbong ang dating likas na pagkatao ng mga tao sa kanila. Hindi nila kailanman nagawang baguhin ang dating likas na pagkataong iyon; pinabubuti lamang nila iyon kahit paano mula sa orihinal nitong pundasyon. Tulad ng sinasabi ng mga tao, hindi nagbago ang kakanyahan, ngunit nagbago nang husto ang anyo. Tila tinatangka Akong lokohin at silawin ng lahat ng tao, upang makalusot sila at makamit ang Aking pagpapahalaga. Hindi Ko hinahangaan ni pinapansin ang mga panlilinlang ng tao. Sa halip na magsiklab sa galit, nakatingin lamang Ako ngunit wala Akong nakikita. Plano Kong gawaran ng isang tiyak na antas ng kaluwagan ang sangkatauhan at, pagkaraan nito, sama-samang pakitunguhan ang lahat ng tao. Dahil mga walang silbi na kalunos-lunos ang lahat ng tao na hindi mahal ang kanilang sarili, at hindi man lamang itinatangi ang kanilang sarili, kung gayon, bakit pa nila kakailanganin na magpakita Akong muli ng awa at pagmamahal? Walang eksepsyon, hindi kilala ng mga tao ang kanilang sarili, ni hindi nila alam kung gaano sila kahalaga. Dapat nilang timbangin ang kanilang sarili. Hindi Ako pinakikinggan ng mga tao, kaya hindi Ko rin sila sineseryoso. Hindi nila Ako pinapansin, kaya hindi Ko rin kailangang higit pang magpakapagod sa kanila. Hindi ba ito ang pinakamasaya sa dalawang sitwasyong ito? Hindi ba kayo inilalarawan nito, Aking mga tao? Sino na sa inyo ang nakagawa ng pagpapasiya sa Aking harapan at hindi iwinaksi ang mga ito pagkatapos? Sino na ang nakagawa ng pangmatagalang mga pagpapasya sa Aking harapan sa halip na palaging gumagawa ng mga bago? Noon pa man, gumagawa na ang mga tao ng mga pagpapasiya sa Aking harapan sa mga panahon ng kaluwagan, at pagkatapos ay binabawing lahat ang mga ito sa mga panahon ng kagipitan; pagkatapos, kalaunan, muli nilang binubuhay ang kanilang pagpapasiya at inilalahad iyon sa Aking harapan. Lubha ba Akong walang dangal para basta Ko na lamang tanggapin ang basurang ito na napulot ng sangkatauhan mula sa tambakan ng basura? Kakaunting tao ang kumakapit sa kanilang mga pagpapasya, kakaunti ang nananatiling matatag, at kakaunti ang nag-aalay ng mga bagay na pinakamahalaga sa kanila bilang sakripisyo sa Akin. Hindi ba ganoon kayong lahat? Kung hindi ninyo matupad ang inyong mga tungkulin bilang mga miyembro ng Aking mga tao sa kaharian, itataboy Ko kayo!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 14
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 367
Ang mga tao ay pawang mga nilalang na walang kamalayan sa sarili, at hindi nila kayang makilala ang kanilang sarili. Magkagayunman, kilala nila ang lahat ng iba pa na gaya ng likod ng kanilang mga kamay, na para bang lahat ng nagawa at nasabi ng iba ay “nasuri” nila, sa harap nila mismo, at tumanggap ng kanyang pagsang-ayon bago isinagawa. Dahil dito, para bang ganap na nilang naarok maging ang mga sikolohikal na kalagayan ng ibang mga tao. Ganito ang lahat ng tao. Kahit nakapasok na sila sa Kapanahunan ng Kaharian ngayon, nananatiling walang pagbabago ang kanilang likas na pagkatao. Ginagawa pa rin nila ang Aking ginagawa sa Aking harapan, samantalang sa Aking likuran ay nagsisimula silang gumawa ng kanilang sariling kakaibang “kalakal.” Gayunman, pagkatapos nito, kapag humaharap sila sa Akin, parang ganap na ibang tao na sila, mukhang panatag at walang kinatatakutan, tiwasay ang mukha at matatag ang pulso. Hindi ba’t ito mismo ang kapangitan ng mga tao? Napakaraming taong nagpapakita ng dalawang ganap na magkaibang mukha—ang isa habang nasa Aking harapan, at ang isa naman habang nasa Aking likuran. Napakaraming umaaktong parang mga bagong-silang na kordero kapag nasa Aking harapan, ngunit kapag nasa Aking likuran, nagiging mababangis silang tigre, o kumikilos bilang maliliit na ibon na masayang lumilipad-lipad sa kaburulan. Napakaraming gumagawa ng mga pagpapasya sa Aking harapan. Napakaraming naghahanap at nananabik sa Aking mga salita sa Aking harapan, pero kapag nakatalikod Ako ay nakakaramdam sila ng pagtutuol sa mga ito at tinatalikuran ang mga ito, na para bang pabigat ang Aking mga salita. Napakaraming beses, pagkakita Ko na ginawang tiwali ng Aking kaaway ang lahi ng tao, nawalan na Ako ng pag-asa sa mga tao. Napakaraming beses, nang makita Ko sila sa Aking harapan, na luhaang humihingi ng tawad, magkagayunman, dahil sa kawalan nila ng paggalang sa sarili at sa katigasan ng kanilang ulo, sa galit ay ipinikit Ko na ang Aking mga mata sa kanilang mga kilos, kahit wagas ang kanilang puso at tapat ang kanilang mga layon. Napakaraming beses, nakita Kong magkaroon ng kumpiyansa ang mga tao na makipagtulungan sa Akin, na, kapag nasa Aking harapan, tila yakap-yakap Ko, na tinitikman ang init nito. Napakaraming beses, nang masaksikan Ko ang kawalang-malay, sigla, at pagiging kaibig-ibig ng mga taong Aking hinirang, paanong hindi Akong lubhang masisiyahan dahil sa mga bagay na ito? Hindi alam ng mga tao kung paano tamasahin ang kanilang mga paunang inordeng pagpapala sa Aking mga kamay, sapagkat hindi nila nauunawaan kung ano talaga ang kahulugan ng “mga pagpapala” o “pagdurusa.” Kaya, hindi tunay ang paghahangad ng mga tao sa Akin. Kung walang bukas, sino sa inyo ang magiging kasimputi ng niyebe at walang-dungis na katulad ng jade sa Aking presensya? Maaari kayang ang inyong pagmamahal sa Akin ay maaaring ipagpalit para sa isang masarap na pagkain, para sa isang magarang kasuotan, o para sa isang mataas na katungkulan o malaking suweldo? Maipagpapalit ba ito sa pagmamahal sa iyo ng iba? Maaari kaya na ang pagdaan sa mga pagsubok ay magdudulot sa mga tao na talikuran ang pagmamahal nila sa Akin? O maaari kayang idulot ng pagdurusa at mga kapighatian na magreklamo sila tungkol sa Aking mga pagsasaayos? Wala pang sinuman ang talagang nakaunawa sa matalim na espadang nasa Aking bibig: Alam lamang nila ang mababaw na kahulugan nito nang hindi talaga inaarok kung ano ang tunay na kahulugan nito. Kung talagang makikita ng mga tao ang talim ng Aking espada, magtatakbuhan sila na parang mga daga patungo sa kanilang mga lungga. Dahil sa kanilang pagkamanhid, walang nauunawaan ang mga tao sa totoong kahulugan ng Aking mga salita, at kaya hindi nila alam kung gaano nakakatakot ang Aking mga pagbigkas o kung gaano talaga naisisiwalat ng mga ito ang kalikasan ng tao at kung gaano na sa kanilang sariling katiwalian ang nahatulan ng mga salitang iyon. Kaya, bilang resulta ng kanilang hindi kompletong pagkaunawa sa Aking mga salita, nagkaroon ng maligamgam na saloobin ang karamihan sa mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 15
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 368
Sa paglipas ng mga kapanahunan, marami nang lumisan sa mundong ito sa kabiguan, at nang may pag-aatubili, at marami ang nakarating dito na may pag-asa at pananalig. Naisaayos Ko nang dumating ang marami, at napaalis Ko na ang marami. Hindi mabilang na mga tao ang nagdaan sa Aking mga kamay. Maraming espiritu ang naitapon sa Hades, marami ang nabuhay sa katawang-tao, at marami ang namatay at muling isinilang sa mundo. Subalit kailanman ay walang sinuman sa kanila ang nagkaroon ng pagkakataong matamasa ang mga pagpapala ng kaharian ngayon. Napakarami Ko nang naibigay sa tao, subalit kakatiting ang kanyang natamo; dahil sa pagsalakay ng mga puwersa ni Satanas, naiwan siyang walang kakayahang tamasahin ang lahat ng Aking yaman. Naging mapalad lamang siyang matingnan ang mga ito, ngunit hindi niya lubos na natamasa ang mga ito kailanman. Hindi natuklasan ng tao kailanman ang kabang-yaman sa kanyang katawan upang matanggap ang mga yaman ng langit, kaya nawala sa kanya ang mga pagpapalang naipagkaloob Ko sa kanya. Hindi ba’t ang espiritu ng tao ang organo na nag-uugnay sa kanya sa Aking Espiritu? Bakit hindi nakipag-ugnayan ang tao sa Akin kailanman sa kanyang espiritu? Bakit siya lumalapit sa Akin sa katawang-tao, subalit hindi niya kayang gawin ito sa espiritu? Ang katawang-tao ba ang tunay Kong mukha? Bakit hindi kilala ng tao ang Aking diwa? Talaga bang hindi Ako nagkaroon ng anumang bakas kailanman sa espiritu ng tao? Ganap na ba Akong naglaho mula sa espiritu ng tao? Kung hindi papasok ang tao sa espirituwal na mundo, paano niya maaarok ang Aking mga layunin? Sa mga mata ng tao, mayroon bang direktang makakatagos sa espirituwal na mundo? Maraming pagkakataon na nanawagan Ako sa tao sa pamamagitan ng Aking Espiritu, subalit kumikilos ang tao na para bang natusok Ko siya, tinitingnan Ako mula sa malayo, sa malaking takot na baka akayin Ko siya tungo sa ibang mundo. Maraming pagkakataon na nagtanong Ako sa espiritu ng tao, subalit nananatili siyang lubos na walang kamalayan, na may malaking takot na papasok Ako sa kanyang tahanan at sasamantalahin Ko ang pagkakataon para alisin sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian. Sa gayon, pinagsasarhan niya Ako sa labas, iniiwan Akong nakaharap lamang sa malamig at mahigpit na nakasarang pinto. Maraming pagkakataong bumagsak na ang tao at nailigtas Ko siya, subalit pagkagising ay agad niya Akong iniiwan at, hindi naaantig ng Aking mapagmahal na kabaitan, bigla Akong sinusulyapan nang may pag-iingat; hindi Ko kailanman napainit ang puso ng tao. Ang tao ay isang walang-damdamin at walang pusong hayop. Kahit mainit ang Aking yakap, hindi siya lubhang naantig nito kailanman. Ang tao ay parang isang taong-bundok. Hindi niya pinahalagahan kailanman ang Aking buong pagkalinga sa sangkatauhan. Ayaw niya Akong lapitan, mas gusto niyang manahan sa kabundukan, kung saan tinitiis niya ang banta ng mababangis na hayop—subalit ayaw pa rin niya Akong gawing kanlungan. Hindi Ko pinipilit ang sinumang tao: Ginagawa Ko lamang ang Aking gawain. Darating ang araw na lalangoy ang tao patungo sa Aking tabi mula sa kalagitnaan ng malawak na karagatan, upang matamasa niya ang lahat ng yaman sa lupa at iwan ang panganib na lamunin ng dagat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 20
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 369
Maraming taong nais Akong mahalin nang tapat, ngunit dahil hindi nila pag-aari ang kanilang puso, wala silang kontrol sa kanilang sarili; maraming taong totoong nagmamahal sa Akin habang nararanasan nila ang mga pagsubok na bigay Ko, subalit wala silang kakayahang unawain na talagang umiiral Ako, at minamahal lamang Ako sa kahungkagan, at hindi dahil sa Aking aktwal na pag-iral; maraming taong nag-aalay ng kanilang puso sa Aking harapan at pagkatapos ay hindi nila pinapansin ang kanilang puso, at sa gayon ay inaagaw ni Satanas ang kanilang puso tuwing may pagkakataon ito, at pagkatapos ay tinatalikuran nila Ako; maraming tao ang tunay na nagmamahal sa Akin kapag ibinibigay Ko ang Aking mga salita, subalit hindi itinatangi ang Aking mga salita sa kanilang espiritu, sa halip ay kaswal nilang ginagamit ang mga ito na parang pag-aari ng publiko at inihahagis ang mga ito pabalik sa pinanggalingan ng mga ito kung kailan nila gusto. Hinahanap Ako ng lahat ng tao sa gitna ng pasakit, at bumabaling sila sa Akin sa gitna ng mga pagsubok; sa mga panahon ng kapayapaan ay tinatamasa nila Ako, kapag nasa panganib ay itinatatwa nila Ako, kapag abala sila ay kinakalimutan nila Ako, at sa kanilang mga libreng oras ay gumagawa sila ng ilang pabasta-bastang pagsisikap upang harapin Ako. Gayumpaman, wala pang sinuman ang nagmahal sa Akin sa buong buhay nila. Nais Ko sanang maging taimtim ang mga tao sa Aking harapan. Hindi Ko hinihiling na bigyan nila Ako ng anumang bagay, kundi na seryosohin lamang nila Akong lahat, na, sa halip na bolahin Ako, tulutan nila Akong matamo ang kanilang sinseridad bilang sukli. Laganap sa lahat ng tao ang Aking kaliwanagan, pagtanglaw, at dugo ng puso, subalit laganap din sa lahat ng tao ang tunay na katunayan ng bawat kilos ng tao, gayundin ang kanilang panlilinlang sa Akin. Para bang ang mga sangkap ng panlilinlang ng tao ay nasa kanya na mula pa sa sinapupunan, na parang may taglay siyang mga natatanging kasanayan sa panlalansi mula nang isilang siya. Bukod pa riyan, hindi niya kailanman naisiwalat ang lihim; walang sinumang nakakilatis sa pinagmumulan ng mga kasanayang ito sa panlalansi. Dahil dito, nabubuhay ang tao sa gitna ng panlilinlang nang hindi ito namamalayan, at parang pinatatawad niya ang kanyang sarili, parang ito ang mga pagsasaayos ng Diyos sa halip na kanyang sadyang panlilinlang sa Akin. Hindi ba’t ito mismo ang pinagmulan ng panlilinlang ng tao sa Akin? Hindi ba’t ito ang kanyang pakana? Hindi Ako nalito ng huwad na matatamis na salita ng tao kailanman, sapagkat matagal Ko nang napagtanto ang kanyang diwa. Sino ang nakakaalam kung gaano kadami ang karumihang nasa kanyang dugo, at kung gaano karami ang lason ni Satanas na nasa utak ng kanyang buto? Naiipon ito sa bawat araw na lumilipas, at nakakasanayan ito ng tao, hindi nadarama ang pagpapahirap ni Satanas kahit kaunti, at sa gayon ay wala siyang intensiyon na alamin ang “sining ng malusog na pag-iral.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 21
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 370
Nabubuhay ang tao sa gitna ng liwanag, subalit hindi niya namamalayan ang kahalagahan ng liwanag. Wala siyang alam tungkol sa diwa ng liwanag, at sa pinagmumulan ng liwanag, at, bukod pa riyan, kung kanino ang liwanag na ito. Kapag ipinagkakaloob Ko ang liwanag sa tao, agad Kong pinagmamasdan ang mga kondisyon ng tao: Dahil sa liwanag, lahat ng tao ay nagbabago at lumalago, at nilisan na ang kadiliman. Tinitingnan Ko ang bawat sulok ng sansinukob, at nakikita Ko na ang kabundukan ay nilamon ng hamog, na ang mga tubig ay nagyelo na sa gitna ng lamig, at na, dahil sa pagdating ng liwanag, tumitingin ang mga tao sa Silangan, para matuklasan nila ang isang bagay na mas mahalaga—subalit nananatili silang walang kakayahang makakilatis sa isang malinaw na direksiyon sa loob ng hamog. Dahil nalulukuban ng hamog ang buong mundo, kapag tumitingin Ako mula sa mga ulap, walang taong nakatutuklas sa Aking pag-iral kailanman. May hinahanap na isang bagay ang tao sa lupa; tila naghahanap siya ng pagkain; mukhang layon niyang hintayin ang Aking pagdating—subalit hindi niya alam ang Aking araw, at makakatingin lamang siya nang madalas sa kutitap ng liwanag sa Silangan. Sa gitna ng di-mabilang na hinirang na mga tao Ko, hinahanap Ko yaong mga tunay na nakaayon sa Aking mga layunin. Naglalakad Ako sa gitna ng di-mabilang na hinirang na mga tao Ko, at namumuhay sa piling ng mga ito, ngunit ligtas at matiwasay ang tao sa lupa, kaya nga walang sinumang tunay na nakaayon sa Aking mga layunin. Hindi alam ng mga tao kung paano magpakita ng pagsasaalang-alang sa Aking mga layunin, hindi nila makita ang Aking mga gawa, at hindi sila makakilos sa loob ng liwanag at masinagan ng liwanag. Bagama’t minsan nang pinahalagahan ng tao ang Aking mga salita, wala siyang kakayahang makilatis ang mga pakana ni Satanas; dahil ang tayog ng tao ay napakababa, hindi niya magawa ang minimithi ng kanyang puso. Hindi Ako sinserong minahal ng tao kailanman. Kapag itinataas Ko siya, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat, ngunit hindi niya sinusubukang palugurin Ako dahil dito. Hinahawakan lamang niya ang “katayuan” na ibinigay Ko sa kanya at sinusuri niya ito; hindi nadarama ang Aking pagiging kaibig-ibig, sa halip, patuloy siyang nagpapakasasa sa mga pakinabang ng kanyang katayuan. Hindi ba’t ito ang kakulangan ng tao? Kapag gumagalaw ang mga bundok, makakaiwas ba ang mga ito sa iyo alang-alang sa iyong katayuan? Kapag dumadaloy ang mga tubig, maaari bang huminto ang mga ito sa harap ng katayuan ng tao? Mababaligtad ba ng katayuan ng tao ang kalangitan at ang lupa? Minsan Akong nagpakita ng habag sa tao nang paulit-ulit—subalit walang sinumang nagtangi o nagpahalaga rito. Pinakinggan lamang nila ito bilang isang kuwento, o binasa ito bilang isang nobela. Hindi ba talaga naaantig ng Aking mga salita ang puso ng tao? Talaga bang walang epekto ang Aking mga pagbigkas? Maaari kayang walang sinumang naniniwala sa Aking pag-iral? Hindi mahal ng tao ang kanyang sarili; sa halip, nakikiisa siya kay Satanas para atakihin Ako, at ginagamit si Satanas bilang isang “pag-aari” upang paglingkuran Ako. Tutumbukin Ko ang lahat ng pakana ni Satanas, nang sa gayon, mula ngayon, ang mga tao sa lupa ay hindi na maililigaw ni Satanas, at upang hindi nila Ako labanan dahil sa pag-iral nito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 22
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 371
Sa Aking paningin, ang tao ang namumuno sa lahat ng bagay. Hindi kakatiting ang ibinigay Kong awtoridad sa kanya, na nagtutulot sa kanya na pamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa—ang damo sa kabundukan, ang mga hayop sa kagubatan, at ang mga isda sa tubig. Subalit sa halip na maging masaya dahil dito, nabalisa ang tao. Ang buong buhay niya ay may dalamhati at pagmamadali, may sayang idinagdag sa kahungkagan; buong buhay niya ay walang mga bagong imbensyon at likha. Walang sinumang nagagawang ihiwalay ang kanilang sarili mula sa hungkag na buhay na ito, wala pang sinumang nakatuklas ng isang buhay ng may kabuluhan, at wala pang sinumang nakaranas ng tunay na buhay. Bagama’t lahat ng tao ng ngayon ay naninirahan sa ilalim ng Aking nagniningning na liwanag, wala silang alam tungkol sa buhay sa langit. Kung hindi Ako maawain sa tao at hindi Ko inililigtas ang sangkatauhan, walang katuturan ang pagparito ng lahat ng tao, walang kabuluhan ang kanilang buhay sa lupa, at lilisan sila nang walang katuturan, na walang anumang maipagmamalaki. Alam ng lahat ng tao sa bawat relihiyon, bawat sektor ng lipunan, bawat bansa, at bawat denominasyon ang kahungkagan sa lupa, at lahat sila ay naghahanap sa Akin at naghihintay sa Aking pagbalik—subalit sino ang may kakayahang makilala Ako sa Aking pagdating? Ginawa Ko ang lahat ng bagay, nilikha Ko ang sangkatauhan, at ngayon ay bumaba na Ako sa tao. Gayunman, lumalaban sa Akin ang tao, at naghihiganti sa Akin. Wala bang pakinabang sa tao ang gawaing ginagawa Ko sa kanya? Talaga bang hindi Ko kayang bigyang-kasiyahan ang tao? Bakit Ako tinatanggihan ng tao? Bakit lubhang malamig at walang malasakit ang tao sa Akin? Bakit nababalot ng mga bangkay ang lupa? Ito ba talaga ang kalagayan ng mundo na Aking ginawa para sa tao? Bakit Ko nabigyan ang tao ng walang kapantay na mga kayamanan, subalit mga kamay na walang laman ang iniaalay niya sa Akin? Bakit hindi Ako sinserong minamahal ng tao? Bakit wala siya kailanman sa presensiya ko? Talaga bang nabalewala ang lahat ng Aking salita? Naglaho bang parang init mula sa tubig ang Aking mga salita? Bakit ayaw makipagtulungan sa Akin ng tao? Talaga bang ang pagdating ng Aking araw ang sandali ng kamatayan ng tao? Talaga bang maaari Kong wasakin ang tao sa panahong binubuo ang Aking kaharian? Sa panahon ng Aking buong plano ng pamamahala, bakit wala ni isang nakaintindi sa Aking mga layon? Sa halip na mahalin ang mga pagbigkas ng Aking bibig, bakit itinataboy ng mga tao ang mga ito? Wala Akong kinokondenang sinuman, kundi pinababalik Ko lamang ang kahinahunan ng mga tao at isinasagawa ang gawaing pagmuni-muni.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 25
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 372
Naranasan na ng mga tao ang Aking init, tunay Akong pinaglingkuran ng tao, at tunay nang nagpasakop ang tao sa Aking harapan, na ginagawa ang lahat para sa Akin sa Aking presensya. Subalit hindi ito magawa ng mga tao ngayon; wala silang ginagawa kundi manangis sa kanilang espiritu na para bang tinangay sila ng isang gutom na lobo, at nakatingin lamang sila sa Akin nang may nangungulilang kawalang magawa, na walang-tigil na nananawagan sa Akin. Ngunit sa huli, hindi nila matakasan ang kanilang masamang kalagayan. Naaalala Ko kung paano nangako ang mga tao noong araw sa Aking presensya, na sumusumpa sa langit at lupa sa Aking presensya na susuklian nila ng kanilang pagmamahal ang Aking kabaitan. Mapait silang nanangis sa Aking harapan, at ang tunog ng kanilang mga pagtangis ay nakakadurog ng puso, mahirap tiisin. Dahil sa kanilang determinasyon, madalas Kong tulungan ang mga tao. Sa di-mabilang na pagkakataon, dumulog sa Akin ang mga tao upang magpasakop sa Akin, mahirap kalimutan ang kanilang kaibig-ibig na kilos. Sa di-mabilang na pagkakataon, minahal na nila Ako, di-natitinag ang kanilang katapatan, kahanga-hanga ang kanilang tapat na damdamin. Sa di-mabilang na pagkakataon, minahal na nila Ako hanggang sa punto na isinasakripisyo nila ang mismong buhay nila, minahal na nila Ako nang higit sa kanilang sarili—at nang makita Ko ang kanilang sinseridad, tinanggap Ko na ang kanilang pagmamahal. Sa di-mabilang na pagkakataon, inialay na nila ang kanilang sarili sa Aking presensya, alang-alang sa Akin ay hindi sila natakot sa harap ng kamatayan, at pinalis Ko ang pag-aalala sa kanilang mukha at maingat Kong pinagmasdan ang kanilang hitsura. Di-mabilang ang mga pagkakataon na minahal Ko sila na parang isang pinapahalagang kayamanan, at di-mabilang ang pagkakataon na kinamuhian Ko sila bilang sarili Kong mga kaaway. Gayumpaman, hindi pa rin naaarok ng tao ang nasa Aking isipan. Kapag nalulungkot ang mga tao, dumarating Ako upang aluin sila, at kapag mahina sila, dumarating Ako upang tulungan sila. Kapag naliligaw sila, binibigyan Ko sila ng direksyon. Kapag mapait silang umiiyak, pinupunasan Ko ang kanilang mga luha. Ngunit kapag nalulungkot Ako, sino ang makapag-aalo sa Akin nang taos-puso? Kapag labis Akong nag-aalala, sino ang nagsasaalang-alang sa Aking puso? Kapag nalulungkot Ako, sino ang makagagamot sa sugatan Kong puso? Kapag kailangan Ko ang isang tao, sino ang nagkukusang makipagtulungan sa Akin? Maaari kayang nawala na ang dating saloobin sa Akin ng mga tao, at hindi na ito muling maibabalik kailanman? Bakit wala nang anumang natitira nito sa kanilang alaala? Paanong nalimutan na ng mga tao ang lahat ng bagay na ito? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dahil ginawang tiwali ng kanyang kaaway ang sangkatauhan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 27
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 373
Nilalang ng Diyos ang sangkatauhan, ngunit kapag pumaparito Siya sa mundo ng tao, hinahangad ng mga tao na labanan Siya at itaboy palayo sa kanilang teritoryo, na para bang kung sino lamang Siyang ulilang palaboy-laboy sa buong mundo, o gaya ng isang taong mundo na walang bansa. Walang sinumang nakadarama na nakakapit sila sa Diyos, walang tunay na nagmamahal sa Kanya, at walang sinumang tumanggap sa Kanyang pagdating. Sa halip, kapag nakikita ang pagdating ng Diyos, tinatakpan ng mga ulap ang masasayang mukha sa dilim sa isang kisap-mata, na parang parating ang isang biglaang bagyo o para bang baka agawin ng Diyos ang kaligayahan ng kanilang pamilya, na parang hindi kailanman napagpala ng Diyos ang mga tao kundi, sa halip, naghatid lamang sa kanila ng kasawian. Samakatuwid, sa isipan ng mga tao, ang Diyos ay hindi isang pagpapala, kundi sa halip ay Isa na laging sumusumpa sa kanila. Dahil dito, hindi Siya pinakikinggan o tinatanggap ng mga tao; palagi silang malamig sa Kanya, at ganito iyon palagi. Dahil nakatanim ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao, sinasabi ng Diyos na ang sangkatauhan ay hindi makatwiran at imoral, at na kahit ang mga damdaming dapat sana’y mayroon ang mga tao ay hindi madama sa kanila. Hindi nagpapakita ng anumang konsiderasyon ang mga tao sa damdamin ng Diyos, kundi sa halip ay ginagamit nila ang tinatawag na “pagkamatuwid” upang pakitunguhan ang Diyos. Ganito na sila sa loob ng maraming taon at, dahil dito, sinabi na ng Diyos na hindi pa nagbabago ang kanilang disposisyon. Nagpapakita ito na wala na silang sangkap maliban sa sandakot na balahibo. Masasabi na mga walang-kuwentang walanghiya ang mga tao, sapagkat hindi nila pinahahalagahan ang kanilang sarili. Kung hindi man lamang nila mahal ang kanilang sarili, sa halip ay niyuyurakan nila ang kanilang sarili, hindi ba ito nagpapakita na wala silang kuwenta? Ang sangkatauhan ay parang isang imoral na babae na nakikipaglaro sa kanyang sarili at kusang-loob na ibinibigay ang kanyang sarili sa iba para halayin. Magkagayunman, hindi pa rin alam ng mga tao kung gaano sila kahamak. Nasisiyahan sila sa pagtatrabaho para sa iba o sa pakikipag-usap sa iba, na inilalagay ang kanilang sarili sa ilalim ng kontrol ng iba; hindi ba ito mismo ang karumihan ng sangkatauhan? Bagama’t hindi pa Ako nakaranas ng buhay sa piling ng sangkatauhan, at hindi Ko pa talaga naranasan ang buhay ng tao, nagtamo na Ako ng napakalinaw na pagkaunawa tungkol sa bawat galaw, bawat kilos, bawat salita, at bawat gawang ginagawa ng mga tao. Nagagawa Ko pa ngang himayin ang mga tao sa kanilang pinakamalalim na kahihiyan, hanggang sa puntong hindi na sila nangangahas na ihayag ang sarili nilang pakikipagsabwatan o bigyang-daan ang kanilang pagnanasa. Tulad ng mga susong umaatras papasok sa bahay ng mga ito, hindi na sila nangangahas na ilantad ang sarili nilang pangit na kalagayan. Dahil hindi kilala ng sangkatauhan ang kanilang sarili, ang pinakamalaki nilang kapintasan ay ang kusang-loob nilang iparada ang kanilang mga alindog sa harap ng iba, na ipinapasikat ang pangit nilang mukha; ito ay isang bagay na lubos na kinamumuhian ng Diyos. Ito ay dahil ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao ay abnormal, at walang normal na pakikipag-kapwa-tao sa pagitan ng mga tao, lalo nang walang normal na relasyon sa pagitan nila at ng Diyos. Napakarami nang nasabi ng Diyos at, sa paggawa nito, ang Kanyang pangunahing layunin ay ang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao upang maalis nila sa kanilang sarili ang lahat ng idolong nananahan sa kanilang puso. Pagkatapos niyon, maaari nang gumamit ng kapangyarihan ang Diyos sa buong sangkatauhan, at makamit ang layunin ng Kanyang pag-iral sa lupa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagsisiwalat sa mga Misteryo ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 14