Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos App

Pakinggan ang tinig ng Diyos at salubungin ang pagbabalik ng Panginoong Jesus!

Hinihikayat namin ang mga naghahanap ng katotohanan na kontakin kami.

Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Laki ng Font

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

0 (Mga) Resulta ng Paghahanap

Walang nakitang mga resulta.

Kabanata 7 Ilang Iba pang Aspeto ng mga Katotohanan na Pinakakaunti na Dapat Maunawaan ng mga Bagong Mananampalataya

5. Ang Pananampalataya sa Diyos ay Hindi Dapat para Lamang sa Paghahanap ng Kapayapaan at mga Pagpapala

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ano na ang natanggap ng tao magmula nang siya ay unang naniwala sa Diyos? Ano na ang nalalaman mo tungkol sa Diyos? Gaano na kalaki ang iyong ipinagbago dahil sa iyong paniniwala sa Diyos? Ngayon ay alam na ninyong lahat na ang paniniwala ng tao sa Diyos ay hindi lamang para sa kaligtasan ng kaluluwa at kapakanan ng katawan at hindi rin upang mapayaman lamang ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pag-ibig sa Diyos, at iba pa. Sa ngayon, kung mahal mo ang Diyos alang-alang sa kapakanan ng katawan o panandaliang kasiyahan, sa gayon kahit na, sa katapusan, umabot sa rurok ang iyong pag-ibig sa Diyos at walang anumang hilingin, ang hanap mong pag-ibig na ito ay isa pa ring hindi dalisay na pag-ibig at hindi kalugud-lugod sa Diyos. Ang mga gumagamit ng pag-ibig sa Diyos upang mapayaman ang kanilang nakakabagot na mga buhay at punan ang isang puwang sa kanilang puso ay ang mga naghahanap upang mamuhay sa kaluwagan, hindi mga tunay na naghahanap na mahalin ang Diyos. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay laban sa kalooban ng sinuman, isang paghahangad ng madamdaming kasiyahan, at hindi kailangan ng Diyos ang ganitong uri ng pag-ibig. Anong uri, kung ganoon, ang pag-ibig na katulad ng sa iyo? Para ano at mahal mo ang Diyos? Gaano kalaki ang tunay na pag-ibig sa Diyos na mayroon ka ngayon? Ang pag-ibig ng karamihan sa inyo ay katulad ng dati nang nabanggit. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay mananatili lamang sa kasalukuyang kalagayan; hindi nito makakamit ang walang hanggang katapatan, ni hindi magkaka-ugat sa tao. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay isang bulaklak na walang bunga pagkaraan nitong namukadkad at natuyo pagkatapos. Sa ibang salita, pagkatapos mong mahalin ang Diyos ng isang beses sa ganitong paraan at walang sinuman na umakay sa iyo sa landas na hinaharap, kung gayon ikaw ay mahuhulog. Kung maiibig mo lamang ang Diyos sa mga oras ng pagmamahal sa Diyos at hindi ka gagawa ng mga pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay pagkatapos nito, kung gayon ay patuloy kang mababalot ng impluwensya ng kadiliman, hindi makatakas, at hindi pa rin magawang makawala mula sa pagkagapos at panloloko ni Satanas. Walang ganitong tao ang ganap na makakamit ng Diyos; sa katapusan, ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan ay pag-aari pa rin ni Satanas. Ito ay hindi mapag-aalinlangan. Lahat ng taong hindi ganap na makakamit ng Diyos ay babalik sa kanilang orihinal na lugar, iyon ay, pabalik kay Satanas, at sila ay mapupunta pababa sa lawa na nagniningas na apoy at asupre upang tanggapin ang susunod na hakbang ng kaparusahan mula sa Diyos. Yaong nakamit ng Diyos ay ang mga naghihimagsik laban kay Satanas at tumatakas mula sa kanyang sakop. Ang ganitong mga tao ay opisyal na mapapabilang sa mga bayan na nasa kaharian. Ito ang kung paano mapapabilang ang mga tao sa kaharian.

—mula sa “Anong Pananaw ang Dapat Panghawakan ng mga Mananampalataya” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ngayon, kailangan mong magpasimula sa tamang landas yamang ikaw ay naniniwala sa praktikal na Diyos. Sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos, hindi ka lamang dapat maghanap ng mga pagpapala, kundi hanaping mahalin ang Diyos at makilala ang Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang kaliwanagan at ng iyong sariling paghahabol, makakain mo at maiinom ang Kanyang salita, nakakabuo ng isang totoong pagkaunawa sa Diyos, at nagkakaroon ng isang tunay na pag-ibig ng Diyos na nanggagaling sa iyong puso. Sa madaling salita, ang iyong pag-ibig para sa Diyos ay tunay na tunay, anupa’t walang makakasira o makakahadlang sa daan ng iyong pag-ibig para sa Kanya. Ikaw naman ay nasa tamang landasin ng pananampalataya sa Diyos. Pinatutunayan nito na pag-aari ka ng Diyos, sapagka’t ang puso mo ay naangkin na ng Diyos at sa gayon hindi na maaangkin ng iba pa. Dahil sa iyong karanasan, sa halaga na iyong binayaran, at sa gawain ng Diyos, umuusbong nang kusa ang pag-ibig mo para sa Diyos. Sa gayon ikaw ay napapalaya mula sa impluwensya ni Satanas at nabubuhay sa liwanag ng salita ng Diyos. Tanging kapag ikaw ay nakalaya na mula sa impluwensya ng kadiliman na masasabing nakamit mo na ang Diyos. Sa iyong paniniwala sa Diyos, dapat mong hanapin ang mithiing ito. Ito ang tungkulin ng bawat isa sa inyo. Walang dapat maging kampante sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi kayo makakapag-dalawang-isip tungo sa gawain ng Diyos o basta ituturing ito. Dapat ninyong isipin ang Diyos sa lahat ng larangan at sa lahat ng panahon, at gawin ang lahat ng bagay para sa Kanyang kapakanan. At kapag nagsasalita kayo o gumagawa ng mga bagay-bagay, dapat ninyong unahin ang mga interes ng tahanan ng Diyos. Tanging ito ang tumatalima sa kalooban ng Diyos.

—mula sa “Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ngayon, nakita na ng lahat ng mga tao na ang isang naglilingkod sa Diyos ay hindi lamang dapat alam kung paano ang magdusa para sa Kanyang kapakanan, nguni’t higit pa, dapat maintindihan nila na ang paniniwala sa Diyos ay para sa kapakanan ng paghahanap na ibigin Siya. Ang paggamit sa iyo ng Diyos ay hindi lamang para sa pagpino sa iyo o para magdusa ka, nguni’t ito ay upang maipaalam sa iyo ang Kanyang mga pagkilos, malaman mo ang tunay na kabuluhan ng buhay ng tao, at lubusang ipabatid sa iyo na hindi madaling tungkulin ang paglilingkod sa Diyos. Hindi tungkol sa pagtatamasa sa biyaya ang pagdanas sa gawain ng Diyos, nguni’t higit ay tungkol sa pagdurusa dahil sa iyong pag-ibig sa Kanya. Yamang tinatamasa mo ang biyaya ng Diyos, dapat mo ring tinatamasa ang pagkastigo Niya—kailangang maranasan mo ang lahat ng ito. Mararanasan mo ang pagliliwanag ng Diyos sa iyo, at mararanasan mo rin ang Kanyang pakikitungo sa iyo at ang Kanyang paghatol. Sa gayong paraan, nararanasan mo ang lahat ng panig. Nakagawa ang Diyos ng gawain ng paghatol sa iyo, at nakagawa rin Siya ng gawain ng pagkastigo sa iyo. Pinakitunguhan ka ng salita ng Diyos, nguni’t niliwanagan ka rin nito, nilinawan ka. Kapag gusto mong tumakas, hinahatak ka pa rin ng kamay ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay upang ipaalam sa iyo na ang lahat ng tungkol sa tao ay nasa pagsasaayos ng Diyos. Maaari mong isipin na tungkol sa pagdurusa ang paniniwala sa Diyos, o ang paggawa ng maraming bagay para sa Kanya, o para sa kapayapaan ng iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa iyo, upang maging maginhawa ang lahat—nguni’t wala sa mga ito ang mga layuning dapat mayroon ang mga tao para sa paniniwala sa Diyos. Kung iyan ang iyong paniniwala, kung gayon ay hindi tama ang iyong pananaw at hindi ka basta magagawang perpekto. Ang mga pagkilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, ang Kanyang mga salita, at ang Kanyang pagiging kamangha-mangha at pagiging di-maarok ay ang lahat ng bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Gamitin ang pagkaunawang ito upang tanggalin ang pansariling mga kahilingan gayundin ang mga indibiduwal na mga pag-asa at mga pagkaunawa sa iyong puso. Sa pagtanggal lamang sa mga ito matutugunan mo ang mga kundisyon na hinihingi ng Diyos. Sa pamamagitan lamang nito magkakaroon ka ng buhay at mapalulugod ang Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay para sa pagpapalugod sa Diyos, at upang isabuhay ang disposisyon na Kanyang kinakailangan, upang maipamalas ang Kanyang mga pagkilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng mga taong di karapat-dapat. Yaon ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at layunin din na dapat mong hanapin. Mayroon kang dapat na tamang pananaw sa paniniwala sa Diyos at hanapin na matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, at magawang isabuhay ang katotohanan, at bukod-tanging nakikita ang Kanyang praktikal na mga gawa, nakikita ang Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawain na Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Sa pamamagitan ng kanilang aktwal na mga karanasan, mapapahalagahan ng mga tao kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila, at kung ano ang Kanyang kalooban tungo sa kanila. Lahat ng ito ay upang tanggalin ang kanilang tiwaling maka-Satanas na disposisyon. Tanggalin sa sarili mo ang di-malinis at di-matuwid na nasa loob mo, hubarin ang iyong maling mga layunin, at mabubuo sa iyo ang totoong pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng totoong pananampalataya na totoo mong maiibig ang Diyos. Maiibig mo lamang nang tunay ang Diyos sa mga saligan ng iyong paniniwala sa Kanya. Matatamo mo ba ang pag-ibig sa Diyos nang hindi naniniwala sa Kanya? Yamang naniniwala ka sa Diyos, hindi ka dapat hangal tungkol dito. Napupuno ng kalakasan ang ilang mga tao sa sandaling makita nila na ang pananampalataya sa Diyos ay magdudulot sa kanila ng mga pagpapala, nguni’t nawawala ang lahat ng sigla sa sandaling makita nilang magdurusa sila ng mga pagpipino. Paniniwala ba sa Diyos iyan? Sa katapusan, dapat mong maabot ang ganap at lubos na pagsunod sa harap ng Diyos sa iyong pananampalataya. Naniniwala ka sa Diyos nguni’t mayroon ka pa ring mga hinihingi sa Kanya, mayroon pa ring maraming mga relihiyosong pagkaintindi na hindi mo mabitiwan, pansariling mga kapakanan na hindi mo mapakawalan, at naghahangad pa rin ng mga pagpapala sa laman at nais mong iligtas ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pagpapahayag ng mga tao na may maling pananaw. Bagama’t may pananampalataya sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahanap ng pagbabago sa disposisyon, hindi naghahabol ng pagkakilala sa Diyos, at ang hinahanap lamang nila ay ang mga kapakanan ng kanilang laman. Marami sa gitna ninyo ang mayroong mga pananampalataya na kabilang sa kategorya ng relihiyosong mga paniniwala. Hindi iyan totoong pananampalataya sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos kailangang angkin ng mga tao ang isang puso na magdurusa para sa Kanya at handang isuko ang kanilang mga sarili. Hangga’t hindi nila natutugunan ang dalawang kalagayang ito hindi ito nabibilang na pananampalataya sa Diyos, at hindi nila matatamo ang pagbabago sa disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahabol sa katotohanan, naghahanap ng pagkakilala sa Diyos, at naghahabol sa buhay ay yaong mga totoong naniniwala sa Diyos.

—mula sa “Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ngayon nauunawaan ba ninyo kung ano ang paniniwala sa Diyos? Ang paniniwala ba sa Diyos ay ang pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan? Ito ba ay pag-akyat sa langit? Ang paniniwala sa Diyos ay hindi madali paanuman. Ang gayong mga relihiyosong pagsasagawa ay dapat maalis; ang paghahabol sa pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo, ang pagtutuon sa mga tanda at kababalaghan, pagnanasa sa dagdag pang biyaya ng Diyos, kapayapaan at kagalakan, paghahabol ng mga pagkakataon at mga kaginhawahan ng laman—ang mga ito ay mga relihiyosong kaugalian, at ang mga ganoong relihiyosong kaugalian ay malabong uri ng paniniwala. Ngayon, ano ang tunay na paniniwala sa Diyos? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang realidad ng iyong buhay at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Yaon ay ang paniniwala sa Diyos nang sa gayon ay sumunod ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat magampanan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang pinakamababa na dapat mong taglayin sa iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahin na ang paglipat mula sa isang buhay sa laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos, mula sa isang buhay sa loob ng pagiging-likas tungo sa isang buhay sa loob ng kabuuan ng Diyos, ito ay paglabas mula sa ilalim ng sakop ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagkamasunurin sa Diyos at hindi pagkamasunurin sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing upang ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay maaaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari mong gawin ang kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat upang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, ni hindi dapat para sa kapakanan ng iyong personal na laman. Ito ay dapat na para sa paghahabol sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang sumunod sa Diyos, at tulad ni Pedro, sumunod sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ay kung ano ang pangunahin upang makamit. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo nang higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkatapos lamang nito makakasunod ka sa Diyos. Kung nakikilala mo lamang ang Diyos ay maiibig mo Siya, at ang pagkakamit ng mithiing ito ay ang tanging mithiin na dapat magkaroon ang tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala ay mali. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang realidad ng buhay. Tanging sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa iyong sariling kalooban ang pagkakamit ng minimithi ng Diyos. Sa paniniwala sa Diyos, dapat habulin ng tao ang magawang perpekto ng Diyos, ang makayanang magpasakop sa Diyos, at ang kumpletong pagkamasunurin sa Diyos. Kung masusunod mo ang Diyos nang hindi nagrereklamo, nililimi ang mga ninanasa ng Diyos, kinakamit ang tayog ni Pedro, at tinataglay ang estilo ni Pedro na sinabi ng Diyos, doon mo naman nakakamtan ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, at ito ay magiging tanda na ikaw ay nakakamtan ng Diyos.

—mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga pagsubok o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na mga kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong mga hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Hindi ba’t lahat niyaong mga taong patay na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting trabaho lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? At bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa iyong mga kaisipan na masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang matamo ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang iyong hinahabol ay para matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos—upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng mabuting panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunma’y hindi ka naghahabol. Hindi ba isa ka sa mga yaong naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na pantaong buhay sa iyo, gayunma’y hindi ka naghahabol. Hindi ba’t hindi ka naiiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahabol ng buhay ng tao, hindi nila hinahabol na malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunma’y hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, nguni’t kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol.

—mula sa “Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Gaano mo ba kamahal ang Diyos sa kasalukuyan? At gaano ba ang iyong nalalaman ukol sa lahat ng ginawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga bagay na dapat mong matutuhan. Nang ang Diyos ay dumating sa lupa, ang lahat ng Kanyang ginawa sa tao at itinulot na makita ng tao ay upang ibigin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa isa pang banda, ay dahil sa pagliligtas ng Diyos; higit sa rito, ito ay dahil sa gawain ng paghatol at pagkastigo na ipinatupad ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi kayo pinagdusa ng Diyos, kung gayon, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na iniibig ang Diyos. Habang lalong lumalaki ang gawain ng Diyos sa tao, at habang lalong lumalaki ang pagdurusa ng tao, lalong mas nagagawa nitong ipakita kung gaano makahulugan ang gawain ng Diyos, at lalong mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na ibigin ang Diyos. Paano mo natutuhan kung paano ibigin ang Diyos? Nang walang paghihirap at kapinuhan, nang walang masasakit na pagsubok—at kung, tangi sa roon, ang lahat ng ibinigay ng Diyos sa tao ay biyaya, pag-ibig, at habag—magagawa mo bang matamo ang tunay na pag-ibig sa Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos ang tao ay nakarating sa pagkaalam sa kanyang mga kakulangan, at nakikita na siya ay walang kabuluhan, napakahamak, at mababa ang uri, na siya ay walang taglay na anuman, at walang saysay; sa kabilang dako, sa panahon ng kanyang mga pagsubok gumagawa ang Diyos ng mga kapaligiran para sa tao na ginagawa ang tao na lalong magawang maranasan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at paminsan-minsan ay hindi napagtatagumpayan—at inaabot pa nito ang antas ng nakapanlulumong pagdadalamhati—sa pagdanas nito, nakikita ng tao kung gaano kaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa saligan lamang na ito isinilang sa tao ang tunay na pag-ibig sa Diyos. Nakikita sa kasalukuyan ng tao na kung sa biyaya, pag-ibig, at habag lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, lalong hindi nagagawang makilala ang katuturan ng tao. Kapwa sa pamamagitan lamang ng kapinuhan at paghatol ng Diyos, sa panahon lamang ng gayong kapinuhan maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at maunawaan na wala siyang anumang bagay na taglay. Kaya, ang pag-ibig ng tao sa Diyos ay itinayo sa saligan ng kapinuhan at paghatol ng Diyos. Kung tinatamasa mo lamang ang biyaya ng Diyos, sa isang mapayapang buhay ng sambahayan o mga pagpapalang materyal, kung gayon hindi mo nakamit ang Diyos, at ang iyong paniniwala sa Diyos ay nabigo. Ipinatupad na ng Diyos ang isang yugto ng gawain ng biyaya sa katawang-tao, at ipinagkaloob na ang mga materyal na pagpapala sa tao—ngunit ang tao ay hindi maaaring gawing perpekto sa pamamagitan lamang ng biyaya, pag-ibig, at habag. Sa mga karanasan ng tao nakakatagpo niya ang ilang pag-ibig ng Diyos, at nakikita ang pag-ibig at habag ng Diyos, ngunit sa pagdanas sa loob ng isang yugto ng panahon, nakikita niya na ang biyaya ng Diyos at ang Kanyang pag-ibig at habag ay walang kakayahan na gawing perpekto ang tao, at walang kakayahan sa paghahayag sa kung alin ang tiwali sa loob ng tao, ni nagagawa ng mga ito na alisin sa tao ang kanyang tiwaling disposisyon, o gawing perpekto ang kanyang pananampalataya at pag-ibig. Ang gawain ng biyaya ng Diyos ay ang gawain ng isang yugto, at hindi makaaasa ang tao sa pagtatamasa sa biyaya ng Diyos upang makilala ang Diyos.

—mula sa “Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Masasakit na Pagsubok na Malalaman Mo ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Marami sa mga taong sumusunod sa Diyos ay may pakialam lamang sa kung paano makatamo ng mga pagpapala o umiwas sa mga sakuna. Sa sandaling nababanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, sila ay tumatahimik at nawawalan ng lahat ng interes. Sila ay naniniwala na ang pagkaalam sa gayong kahihirap na katanungan ay hindi magpapalago ng kanilang buhay o magiging anumang pakinabang, kaya’t kahit na mayroon silang narinig na mga mensahe tungkol sa pamamahala ng Diyos, itinuturing nila ang mga iyong pangkaraniwan. At hindi nila nakikita ang mga iyon bilang isang bagay na mahalagang matanggap, mas lalong hindi nila tinatanggap ang mga iyon bilang bahagi ng kanilang mga buhay. Ang ganoong mga tao ay may isang napaka-payak na layunin sa pagsunod sa Diyos: upang makakuha ng pagpapala, at sila ay lubhang tamad mag-asikaso ng anumang bagay na hindi kinapapalooban ng layuning ito. Para sa kanila, ang paniniwala sa Diyos upang makatamo ng mga pagpapala ay ang pinaka-lehitimo sa mga layunin at ang mismong kabuluhan ng kanilang pananampalataya. Sila ay hindi nababagabag ng anumang bagay na hindi magkakamit ng layuning ito. Ganyan ang kalagayan ng karamihan sa mga naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang layunin at adhikain ay mukhang totoo, dahil kasabay ng paniniwala sa Diyos, sila ay gumugugol din para sa Diyos, iniaalay ang kanilang mga sarili sa Diyos, at ginagampanan ang kanilang tungkulin. Isinuko nila ang kanilang kabataan, tinalikuran ang pamilya at karera, at gumugol pa ng ilang taon na nag-aabalang malayo sa tahanan. Para sa kapakanan ng kanilang sukdulang layunin, binabago nila ang kanilang mga interes, binabago ang kanilang pananaw sa buhay, at binabago pa ang direksyong kanilang hinahanap, nguni’t hindi nila mababago ang layunin ng kanilang paniniwala sa Diyos. Nag-aabala sila para sa pamamahala ng kanilang sariling mga mithiin; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karaming mga paghihirap at balakid ang naroon sa daraanan, nananatili silang nasa panig ng kanilang mga layunin at nananatiling walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagsasanhi sa kanilang patuloy na ialay ang kanilang mga sarili sa ganitong paraan? Ito ba ay ang kanilang konsensya? Ito ba ay ang kanilang dakila at marangal na katangian? Ito ba ay ang kanilang matibay na kapasiyahang makipaglaban sa mga puwersa ng kasamaan hanggang sa katapus-tapusan? Ito ba ay ang kanilang pananampalataya kung saan sila ay nagpapatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng kabayaran? Iyon ba ay ang kanilang katapatan kung saan handa silang isuko ang lahat upang makamit ang kalooban ng Diyos? O ito ba ay ang kanilang espiritu ng pamamanata kung saan palagi nilang isinasakripisyo ang pansariling maluhong mga pangangailangan? Para sa mga tao na hindi kailanman nakilala ang gawain ng pamamahala ng Diyos na magbigay nang ganoong kalaki ay, sa payak na pananalita, isang nakamamanghang himala! Para sa ngayon, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunpaman, ay lubos na karapat-dapat sa ating pagsusuri. Bukod sa mga pakinabang na malápít na nakaugnay sa kanila, mayroon bang maaaring ibang dahilan para sa mga taong ito na hindi kailanman nauunawaan ang Diyos na magbigay nang napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating hindi-natukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay isang hubad na pansariling interes lamang. Ito ay ang relasyon sa pagitan ng tagatanggap at tagabigay ng mga pagpapala. Upang maging malinaw, ito ay tulad ng relasyon sa pagitan ng manggagawa at amo. Ang manggagawa ay gumagawa lamang upang tumanggap ng mga gantimpala na ipinagkaloob ng amo. Sa isang relasyong tulad nito, walang pagmamahal, isang kasunduan lamang; walang pagmamahal at minamahal, kawanggawa at awa lamang; walang pag-unawa, pagbibitiw at panlilinlang lamang; walang pagpapalagayang-loob, isa lamang look na hindi maaaring mapagdugtong. Kapag ang mga bagay-bagay ay umaabot sa puntong ito, sino ang makakayang baliktarin ang ganoong kalakaran? At gaano karaming mga tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano naging desperado ang relasyong ito? Naniniwala Ako na kapag ang mga tao ay inilubog ang kanilang mga sarili sa kagalakan ng pagiging pinagpala, walang sinuman ang nakakagunita kung gaano kahiya-hiya at hindi magandang tingnan ang ganoong relasyon sa Diyos.

Ang pinakamalungkot na bagay tungkol sa paniniwala ng sangkatauhan sa Diyos ay na ang tao ay nagsasagawa ng kanyang sariling pamamahala sa gitna ng gawain ng Diyos at walang pagsasaalang-alang sa pamamahala ng Diyos. Ang pinakamalaking kabiguan ng tao ay naroon sa kung paanong, kasabay ng paghahangad na magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya, ang tao ay bumubuo ng kanyang sariling minimithing hantungan at tinutuos kung paano makatanggap ng pinakamalaking pagpapala at ng pinakamagandang hantungan. Kahit na nauunawaan ng mga tao kung gaano sila kahabag-habag, kasuklam-suklam, at kaawa-awa, gaano ba karami ang maaaring handang talikuran ang kanilang mga mithiin at mga inaasam? At sino ang nakapagpapahinto sa kanilang sariling mga hakbang at ihinto ang pag-iisip lamang sa kanilang mga sarili? Kailangan ng Diyos yaong mga makikipagtulungan nang mabuti sa Kanya upang tapusin ang Kanyang pamamahala. Kinakailangan Niya ang mga maglalaan ng kanilang isipan at katawan sa gawain ng Kanyang pamamahala upang magpasakop sa Kanya; hindi Niya kailangan ang mga taong mag-uunat ng kanilang mga kamay at mamamalimos sa Kanya araw-araw, mas lalo nang hindi Niya kailangan yaong mga nagbibigay nang kaunti at pagkatapos ay naghihintay ng kabayaran sa pabor. Kinamumuhian ng Diyos ang mga taong gumagawa ng maliit na kontribusyon at pagkatapos ay namamahinga na sa kanilang mga katagumpayan. Kinamumuhian Niya yaong mga taong walang-pakialam na umaayaw sa gawain ng Kanyang pamamahala at nais lamang na pag-usapan ang tungkol sa pagtungo sa langit at pagkamit ng mga pagpapala. Siya ay may higit pang pagka-suklam sa mga nagsasamantala sa pagkakataong dinadala ng gawaing Kanyang ginagawa sa pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon ay dahil ang mga taong ito ay hindi kailanman nagmalasakit sa kung ano ang mga nais na makamit ng Diyos at makamtan gamit ang gawain ng Kanyang pamamahala. Sila ay may pakialam lamang sa kung paano nila maaaring gamitin ang pagkakataong ibinigay ng gawain ng Diyos upang makatamo ng mga pagpapala. Sila ay walang pagkalinga sa puso ng Diyos, bilang ganap na abálá sa kanilang sariling hinaharap at kapalaran. Yaong mga umaayaw sa gawain ng pamamahala ng Diyos at wala man lamang kahit kaunting interes sa kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at sa Kanyang kalooban, ay gumagawa lahat ng kung ano ang kanilang ikinasisiya na hiwalay sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang kanilang pag-uugali ay hindi natatandaan ng Diyos, hindi sinasang-ayunan ng Diyos, mas lalong hindi pinapaboran ng Diyos.

—mula sa “Ang Tao ay Maliligtas Lamang sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ano ang dapat mong habulin ngayon? Ang dapat mong habulin ay kung nakakaya mong ipahayag ang mga gawa ng Diyos, kung maaari kang maging isang pagpapahayag at isang pagpapakita ng Diyos, at kung angkop ka na magamit Niya. Gaano karaming gawain ang talagang nagawa ng Diyos sa iyo? Gaano karami ang iyong nakita, gaano karami ang iyong nahipo? Gaano karami ang iyong naranasan, at natikman? Hindi alintana kung nasubukan ka ng Diyos, nakitungo sa iyo, o dinisiplina ka—maging anuman, ang Kanyang mga pagkilos at ang Kanyang gawain ay naisakatuparan sa iyo, nguni’t bilang isang sumasampalataya sa Diyos, bilang isang tao na nakahandang habulin ang Kanyang pagpeperpekto, kaya mo bang ipahayag ang mga pagkilos ng Diyos sa pamamagitan ng iyong sariling praktikal na karanasan? Maisasabuhay mo ba ang salita ng Diyos sa pamamagitan nito? Kaya mo bang maglaan para sa iba sa pamamagitan ng iyong sariling karanasan, at gugulin ang iyong sarili para sa kapakanan ng gawain ng Diyos? Upang sumaksi sa mga pagkilos ng Diyos dapat makaya mong ipahayag kung ano ang Kanyang mga pagkilos, at ito ay ginagawa sa pamamagitan ng iyong karanasan, kaalaman, at ng pagdurusa na iyong napagtiisan. Ikaw ba ay isang tao na sumasaksi sa mga pagkilos ng Diyos? Mayroon ka bang ganitong pangarap? Kung kaya mong sumaksi sa Kanyang pangalan, at higit pa, sa Kanyang mga pagkilos, gayundin ang isabuhay ang larawan na kinakailangan Niya sa Kanyang bayan, sa gayon ikaw ay isang saksi para sa Diyos. Paano ka ba talaga sumasaksi sa Diyos? Ang paghahanap at pananabik na isabuhay ang salita ng Diyos, ang pagsaksi sa pamamagitan ng mga salita mo, ang pagtutulot na malaman at makita ng mga tao ang Kanyang mga kilos—kung tunay mong hinahangad ang lahat ng ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung ang tanging hinahanap mo ay magawang perpekto ng Diyos at mapagpala sa pinakadulo, sa gayon hindi dalisay ang pananaw ng iyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ay hinahabol mo kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapalulugod kapag ibinubunyag Niya ang Kanyang kalooban sa iyo, hinahanap kung paano sumaksi sa Kanyang pagiging kamangha-mangha at karunungan, at kung paano ipinakikita ang Kanyang pagdisiplina at pakikitungo sa iyo. Ang lahat ng mga ito ay mga bagay na dapat sinusubukan mong alamin ngayon. Kung para lamang makabahagi ka sa kaluwalhatian ng Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto ang pag-ibig mo sa Diyos, hindi pa rin ito sapat at hindi makaaabot sa mga kinakailangan ng Diyos. Kailangang makaya mong sumaksi sa mga pagkilos ng Diyos, matugunan ang Kanyang mga hinihingi, at maranasan ang gawain na Kanyang nagawa sa mga tao sa praktikal na paraan. Maging ito man ay pasakit, mga luha, o kalungkutan, kailangan mo talagang maranasan itong lahat sa pagsasagawa. Ito lahat ay upang maaari kang maging isang saksi ng Diyos. Sa ilalim ng anong kapamahalaan ka ba talaga ngayon nagdurusa at naghahanap ng pagkaperpekto? Ito ba ay upang sumaksi sa Diyos? Ito ba ay para sa mga pagpapala ng laman o mga pag-asa sa hinaharap? Lahat ng iyong mga layunin, mga pangganyak, at hinahabol na mga personal na tunguhin ay dapat mailagay sa tama at hindi maaaring mapatnubayan ng iyong sariling kalooban.

—mula sa “Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinundan:Ang Banal na Asal na Dapat Taglayin ng mga Mananampalataya sa Diyos

Sumunod:Ang Kahulugan ng Pagdurusa at Kung Anong Uri ng Pagdurusa ang Dapat Danasin ng mga Mananampalataya sa Diyos

Baka Gusto Mo Rin