E. Tungkol sa Kung Paano Maging Matapat na Tao

384. Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos yaong mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, at kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos yaong mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso mo sa Diyos, pagiging wagas sa Diyos sa lahat ng mga bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng mga bagay, hindi pagtatago kailanman ng katotohanan, hindi pagsusubok na malinlang yaong mga nasa itaas at nasa ibaba mo, at hindi paggawa ng mga bagay upang manuyo lamang sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa mga kilos at mga salita mo, at hindi paglilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit dobleng hirap ito para sa inyo. Maraming mga tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa sa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang may iba pa Akong lunas na nakalaan para sa mga hindi tapat. Mangyari pa, ganap Kong alam kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang niyayakap sa dibdib ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung sa gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, at nang matapos nito ay maaaring maging pirmi kayo sa paniniwala sa mga salita Ko. Sa huli, aagawin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” kung saan hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing tagumpay nang tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” nang tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang mga tao, pinaghihirapan nilang magkaroon ng “maayos na pag-uugali,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong isa kang tiyak na sumusubok biru-biruin ang Diyos. Kung tadtad ng mga palusot at walang halagang mga pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyong mabuti ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubhang nagagalak kang maging isang tagapaglingkod sa tahanan ng Diyos, na gumagawa nang masigasig at matapat sa di-katanyagan, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat ng nasa iyo, kung kaya mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at tumayong matatag sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa punto na ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, kung gayon ay sinasabi Ko na ang mga taong ito ay yaong pinalulusog sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

385. Kinalulugdan Ko yaong mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko yaong mga agarang tumatanggap ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng mga tao at mga bagay, at sa gayon, ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung may gawi kang pagdudahan ang Diyos at maghaka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng mga tao. Ipinagpapalagay mo kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, makitid ang isip, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang muwang sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Halos kasalanan ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroong pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay yaong mga palapuri at nanghihibo, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon yaong mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng lahat ng mga taong ito? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at panlalait sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at mas higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

386. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong hangarin at iyon ay para sa gawain ng bahay ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin. Kapag nagdarasal ka, kung may pagmamahal ka sa Diyos sa iyong puso at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at masusing pagsusuri ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. …

Ang maging mananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na lahat ng ginagawa mo ay kailangang dalhin sa Kanyang harapan at sumailalim sa Kanyang masusing pagsusuri. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi ka pa masusing nasusuri ng Espiritu ng Diyos. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa kaninong pangalan gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay lumitaw sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabuti ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi matanggap ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na masamang tao ka. Mapeperpekto ba ang masasamang tao? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—ang iyong mga dalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, kung paano ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ang pakikibahagi mo sa iyong mga kapatid, at ang buhay mo sa loob ng iglesia—at ang iyong paglilingkod na bilang magkatuwang ay maaaring dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang masusing pagsusuri. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas matatanggap mo ang masusing pagsusuri ng Diyos, mas napapadalisay at mas umaayon ka sa kalooban ng Diyos, kaya hindi ka maaakit sa kahalayan, at mabubuhay ang puso mo sa Kanyang presensya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang masusing pagsusuri, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong talikdan ang laman. Kaya, ang pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagniig ka sa iyong mga kapatid, maaari mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hangarin ang Kanyang masusing pagsusuri at hangaring sundin ang Diyos Mismo; gagawin nitong mas tama ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na nabubuhay sa presensya ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso

387. Bilang isang tapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong totoong mukha; hindi mo dapat subukang magpanggap o ipakete ang iyong sarili para magmukhang maganda. Saka lamang magtitiwala ang mga tao sa iyo at ipapalagay na matapat ka. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at ang pang-unang kailangan, ng pagiging isang tapat na tao. Palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring may kabanalan, pagkamarangal, kadakilaan, at mataas na moralidad. Hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kakulangan. Inihaharap mo ang isang huwad na larawan sa mga tao kaya naniniwala sila na ikaw ay magaling, dakila, mapagsakripisyo, walang-pinapanigan, at di-makasarili. Ito ay panlilinlang. Huwag magpanggap, at huwag itanghal ang sarili; sa halip, ilantad ang sarili mo at ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at mga balak—kapwa positibo at negatibo—sa gayon hindi ka ba nagiging tapat? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, kung gayon makikita ka rin ng Diyos, at magsasabing: “Nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, at kaya tiyak na tapat ka rin sa harap Ko.” Kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos kapag hindi nakikita ng ibang tao, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o makatarungan at di-makasarili kapag kasama nila, kung gayon ano ang iisipin at sasabihin ng Diyos? Sasabihin Niya: “Ikaw ay talagang mapanlinlang, ikaw ay totoong mapagpaimbabaw at hamak; at hindi ka isang tapat na tao.” Kokondenahin ka ng Diyos nang gayon. Kung nais mo na maging isang matapat na tao, kung gayon anuman ang iyong gawin sa harap ng Diyos o ng iba, dapat makaya mong magbukas ng iyong sarili at ilantad ang sarili mo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

388. Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay ipinag-aalala ninyo nang lubos. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang maingat, magiging katumbas ito ng hindi pagkakaroon ng hantungan at ng pagkawasak ng inyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang saysay? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong nagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa paniniwala ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang. Nasabi Ko na noon na hindi Ko ninanais na Ako ay bolahin o kunwari’y hangaan, o pakitunguhan Ako nang may lubos na kasiglahan. Nais Ko na ang mga matapat na tao ay humarap sa Aking katotohanan at Aking mga inaasahan. Higit pa rito, naiibigan Ko sa tuwing ang mga tao ay nakakayang magpakita ng lubos na pangangalaga at pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag nagagawa pa nilang isuko ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan

389. Malalaman ng mga tao kung gaano sila katiwali kung hahangarin lamang nila na maging matapat at kung may pagkakawangis ba sila o wala sa tao; tanging sa pagsasagawa ng katapatan sila magkakaroon ng kamalayan kung gaano karaming kasinungalingan ang sinasabi nila at kung gaano kalalim nakatago ang panlilinlang at pandaraya nila. Tanging sa pagkakaroon ng karanasan sa pagsasagawa ng pagiging matapat makakaya ng mga tao na unti-unting malaman ang katotohanan ng kanilang sariling katiwalian at makilala ang kanilang sariling kalikasang diwa, at saka lamang magagawang palagiang madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa takbo ng palagiang pagdadalisay ng kanilang tiwaling disposisyon magagawang makamit ng mga tao ang katotohanan. Huwag kayong magmadali sa paglasap ng mga salitang ito. Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi tapat—kung hindi ka isang tapat na tao—kung gayon hindi ka kailanman makakamit ng Diyos. Hindi mo rin makakamit ang katotohanan, at hindi rin makakayang makamit ang Diyos. Kung hindi mo makakamit ang Diyos, at hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ano ngayon ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan na ikaw ay laban sa Diyos, hindi ka kaayon ng Diyos, at hindi Siya ang Diyos mo. At kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, hindi ka maliligtas. Kung hindi ka maliligtas, ikaw ay magiging kaaway ng Diyos magpakailanman, at napagpasyahan na ang iyong kahahantungan. Kaya, kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat. May tanda na nagtatakda sa kung sino ang makakamit ng Diyos sa huli. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Biblia: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis.” Sino “sila?” Sila ang mga yaong nagawang perpekto at nakamit ng Diyos, at mga naligtas. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapahayag ng kanilang mga kilos? (Wala silang dungis. Hindi sila nagsasabi ng kasinungalingan.) Dapat ninyong maunawaan at magagap lahat ang kahulugan ng hindi pagsasabi ng kasinungalingan: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang ibig sabihin ng walang dungis? Paano tinutukoy ng Diyos ang taong walang dungis? Yaong mga walang dungis ay nagagawang matakot sa Diyos at iwasan ang kasamaan; sila ang mga yaong may kakayahang sumunod sa pamamaraan ng Diyos. Ang mga ganitong tao ay perpekto sa mga mata ng Diyos; sila ay walang dungis.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay

390. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap kang nagpasakop sa Diyos. Kung kulang ka sa mga ito, nananatili sa loob mo ang pagsuway, panlilinlang, kasakiman, at pagdaing. Dahil malayo ang puso mo sa pagiging tapat, hindi ka kailanman nakatanggap ng positibong pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag. Kung paano masasaayos ang kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inaangkin mong lubha kang tapat, gayunpaman hindi kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magpahayag ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kakatwa ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng mga bagay; paanong tatanggapin sa tahanan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Sinundan: D. Tungkol sa Kung Paano Sumailalim sa Paghatol at Pagkastigo, at mga Pagsubok at Pagpipino

Sumunod: F. Tungkol sa Kung Paano Isagawa ang Pagsunod sa Diyos

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Kabanata 37

Sa buong kapanahunan, sa lahat ng gawaing Aking nagawa, bawat yugto noon ay nakasangkutan ng Aking angkop na mga pamamaraan sa paggawa....

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger