b. Paano ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol, at anong mga resulta ang makakamit ng gawaing ito

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao para magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, upang tunay na makita ng tao ang Diyos, na Siyang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Ang gayong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang kabuuan ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang mga tao ay inilalantad, inaalis, at sinusubukan. Nakita na ng mga tao ang mga salita ng Diyos, narinig ang mga salitang ito, at kinilala ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa walang-hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos sa tao at sa Kanyang hangaring iligtas ang tao. Ang salitang “mga salita” ay maaaring simple at ordinaryo, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ng mga ito ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng ngayon ang nakagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, na inaakay at tinutustusan ng Kanyang mga salita. Nabubuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at mas marami pang taong nagsimulang mabuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, ginagabayan Niya ang mga tao sa buong sansinukob gamit ang mga salita, at nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita. Sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala. Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ng mga salita ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain, at makamtan ang mga resulta ng Kanyang gawain. Hindi Siya gumagawa ng mga kababalaghan o nagsasagawa ng mga himala, kundi ginagawa lamang ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga salita. Dahil sa mga salitang ito, napapangalagaan at natutustusan ang tao, at nagtatamo ng kaalaman at tunay na karanasan. Sa Kapanahunan ng Salita, ang tao ay lubhang napagpala. Hindi siya nagdaranas ng pisikal na sakit at nagtatamasa lamang ng saganang panustos ng mga salita ng Diyos; nang hindi na kinakailangang pikit-matang maghanap o maglakbay, sa gitna ng kanyang kaginhawaan, nakikita niya ang pagpapakita ng Diyos, naririnig niya Siyang mangusap sa sarili Niyang bibig, tinatanggap niya yaong Kanyang ibinibigay, at personal Siyang binabantayan sa paggawa ng Kanyang gawain. Ito ang mga bagay na hindi natamasa ng mga tao noong nakaraang mga kapanahunan, at ito ay mga pagpapalang hindi nila matatanggap kailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Sa mga huling araw, naparito ang Diyos una sa lahat upang ipahayag ang Kanyang mga salita. Nagpapahayag Siya mula sa pananaw ng Espiritu, mula sa pananaw ng tao, at mula sa pananaw ng pangatlong tao; nagpapahayag Siya sa iba’t ibang paraan, gamit ang isang paraan sa loob ng isang panahon, at ginagamit Niya ang pamamaraan ng pagpapahayag para baguhin ang mga haka-haka ng tao at tanggalin ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao. Ito ang pangunahing gawaing ginawa ng Diyos. Dahil naniniwala ang tao na naparito ang Diyos para magpagaling ng mga may sakit, magtaboy ng mga demonyo, magsagawa ng mga himala, at magkaloob ng materyal na mga pagpapala sa tao, isinasagawa ng Diyos ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng pagkastigo at paghatol—upang alisin ang gayong mga bagay mula sa mga haka-haka ng tao, upang malaman ng tao ang realidad at normalidad ng Diyos, at upang maalis sa puso niya ang larawan ni Jesus at mapalitan ng panibagong larawan ng Diyos. Sa sandaling tumanda ang larawan ng Diyos sa kalooban ng tao, nagiging isang diyus-diyusan ito. Nang pumarito si Jesus at isagawa ang yugtong iyon ng gawain, hindi Niya kinatawan ang kabuuan ng Diyos. Nagsagawa Siya ng ilang tanda at kababalaghan, nagpahayag ng ilang salita, at sa huli ay ipinako sa krus. Kinatawan Niya ang isang bahagi ng Diyos. Hindi Niya maaaring katawanin ang lahat ng sa Diyos, kundi sa halip ay kinatawan Niya ang Diyos sa paggawa ng isang bahagi ng gawain ng Diyos. Iyon ay dahil napakadakila ng Diyos, at lubhang kamangha-mangha, at hindi Siya maarok, at dahil isang bahagi lamang ng Kanyang gawain ang ginagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kapanahunang ito una sa lahat ay ang paglalaan ng mga salita para sa buhay ng tao; ang paglalantad ng kalikasang diwa ng tao at ang kanyang tiwaling disposisyon, at ang pag-aalis ng mga haka-hakang pangrelihiyon, piyudal na pag-iisip, at lipas na pag-iisip, at ang kaalaman at kultura ng tao ay dapat linisin sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, hindi ng mga tanda at kababalaghan, para gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ilantad ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang karunungan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at mauunawaan ang disposisyon ng Diyos, at upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, mapagmamasdan ng tao ang mga gawa ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Sa katotohanan, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang talikdan ng mga tao si Satanas, ang kanilang sinaunang ninuno. Lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Bawat paghatol ay tuwirang nauugnay sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang mga puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong tumatanggap ang sangkatauhan ng ganitong uri ng pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang paggising sa espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at lubhang nalinlang ang mithiin ng ganitong uri ng paghatol. Ang tao ay walang espiritu, ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi nalalamang siya ay nakikipagtunggali sa bangin ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob nitong masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na itong nabubulok na bangkay niya, sa pamamagitan ng katiwalian ni Satanas, ay nahulog tungo sa Hades ng kamatayan? Paano niya malalaman na ang lahat sa lupa ay matagal nang nawasak na hindi na maaayos ng sangkatauhan? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay dumating sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga tiwaling tao na maaari Niyang iligtas? Kahit pagkatapos maranasan ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang mapurol na kamalayan ay bahagya pa ring napupukaw at halos hindi tumutugon. Ang sangkatauhan ay nagpakasama-sama! At bagamat ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong pinakamalaking pakinabang sa tao. Kung hindi sa paghatol sa mga tao na gaya nito, hindi magkakaroon ng bunga at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa bangin ng paghihirap. Kung hindi sa gawaing ito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas, at saka lamang magiging posible na gisingin ang mga nanlalamig ninyong puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Ngayon ay hinahatulan ka ng Diyos, kinakastigo ka, at kinokondena ka, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at masuwayin, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para magtamo ng karanasan, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasakop sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng pagmamahal, ng habag, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasakop ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at habag, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o habag, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagtuturo, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod man ngayon ang bawat isa ayon sa uri o inilalantad ang mga kategorya ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya, malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis, at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa tao sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3

Ang mga nagagawang tumayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ang siyang makakapasok sa pangwakas na pahinga sa tabi ng Diyos. Samakatuwid, nakatakas na sa impluwensya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa pahinga at nakuha na sila ng Diyos pagkatapos sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito, na sa wakas ay natamo na ng Diyos, ay papasok sa huling pahinga. Ang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sa diwa’y upang dalisayin ang sangkatauhan, alang-alang sa huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga. Tanging ang paglilinis ng Diyos ang magtatanggal ng kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang magdadala sa liwanag sa mga masuwaying bahagi ng sangkatauhan, naghihiwalay sa mga maaaring maligtas mula sa mga hindi maaari, at ang mga mananatili mula sa mga hindi. Kapag natapos ang gawaing ito, ang lahat ng mga taong pinayagang manatili ay lilinisin at papasok sa isang mas mataas na kalagayan ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay sa lupa; sa madaling salita, uumpisahan nila ang kanilang araw ng pahinga, at mabuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi pinapayagang manatili, ang kanilang tunay na mga kulay ay ganap na maihahayag, pagkatapos nito ay wawasakin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na magsasama ng alinman sa ganitong uri ng mga tao. Hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pahinga ang ganitong mga tao, at hindi sila angkop na sumali sa araw ng pahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang puntirya ng kaparusahan at mga makasalanan, hindi matuwid na mga tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila. Minsan din silang nagbigay ng paglilingkod sa Diyos. Subalit, pagdating ng huling araw, aalisin at wawasakin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang pagsuway at kawalang kakayahang matubos. Hindi sila kailanman muling iiral sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng mga masama at lahat ng mga hindi pa naililigtas sa sandaling ang banal na nasa sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naging masuwayin tungo sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas ng sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang tapos ang Kanyang gawain. Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Paano Ginagawa ng Diyos ang Gawain ng Paghatol Para Linisin at Iligtas ang Tao sa mga Huling Araw?

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Alam Ko ang Paraan para Malutas ang Tiwaling Disposisyon

Kaugnay na mga Sermon

Paano Dinadalisay at Inililigtas ang Sangkatauhan ng Gawain ng Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw?

Kaugnay na mga Himno

Ang Kahulugan ng Gawain ng Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw

Ibinubunyag ng Paghatol at Pagkastigo ang Pagliligtas ng Diyos

Tanging Landas ng Sangkatauhan Upang Makapasok sa Kapahingahan

Sinundan: a. Bakit kailangan pa rin ng Diyos na gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, kahit na tinubos na ng Panginoong Jesus ang sangkatauhan

Sumunod: c. Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng paghatol mula sa malaking puting trono

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 15: Tinawag ng mga pambansang lider ang Kristiyanismo at Katolisismo bilang mga kulto, at ang Banal na Biblia ay tinawag nilang aklat ng kulto. Kinikilala ng lahat ang mga katotohanang ito. Kung bakit naman binansagan ng sentrong gobyerno ang mga Kristiyanong bahay-iglesia, at sa partikular Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos bilang mga kulto, sa pagkaintindi ko at ayon sa pagsisiyasat, ganito ang pakiwari ko dyan: Lahat ng magpatunay na ang Diyos ang lumikha sa lahat, ang magsabing ang Diyos ang Tagapaglikha, na Siya ang lumikha sa sangkatauhan, ang magpatotoong Siya ang naghahari sa lahat ng bagay, ang magsabing ang Diyos ang Panginoon ng sansinukob, at nagkokontrol sa sanlibutan, at sinumang magsasabi sa sangkatauhan na ang Diyos lamang ang tingalain, sa Diyos lamang magpailalim, at Diyos lamang ang sambahin, ang lahat ng ito ay mga kulto. Lahat ng nagpapatunay na ang Diyos ay makatwiran, banal at dakila, at sumasaksi sa pag-ibig at pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, kumukondena kay Satanas bilang demonyong nagpapasama sa mga tao, at bilang masamang pwersa na naghahari sa mundo, lalo na yung direktang umaatake at bumabatikos sa Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagsasabing nagbalik na ang Panginoong Jesus, at sumasaksi para kay Cristong nagkatawang-tao, at nagsasabi ng mga salita at gawain ng ordinaryong tao na parang yun ang pagpapakita at gawain ng Tagapagligtas, at nagpapakalat, at nagpapatunay na ang mga salitang inihayag ni Cristo ang katotohanan, yung tumatawag sa mga, tao para tanggapin ang Diyos, para lumapit sa Kanya, at magpaubaya, at yung hindi sumusunod sa Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagpapatunay na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at pinakamataas sa lahat, at nagsasabing, ang Banal na Bibilia, ang salita ng Diyos at Ang, Salita ay Nagpakita sa Katawang-tao ang katotohanan, at yung kumikilos para kalabanin ang Marxismo-Leninismo at ang ideyolohiya at teorya ng Partido Komunista, kulto ang lahat ng ito. Lahat ng nagtuturo at sumasaksi para kay Cristo ng mga huling araw, lahat ng nangangaral na nagbalik na ang Diyos, na dahilan para tanggapin ng tao ang pagliligtas ng Diyos, at yung tumatawag sa tao para iwan ang lahat at sumunod sa Kanya bilang tanging daan para makapasok sa kaharian ng langit, kulto ang lahat ng ito. Ito ang aking pagkaunawa sa pagbabansag ng sentrong gobyerno sa lahat ng Kristiyanong bahay-iglesia, partikular na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, bilang mga kulto. Sa Tsina, ang Partido Komunista ang may kontrol. Ang Partido Komunista ay Marxista-Leninista, at ateistang partido politikal na sumasalungat sa lahat ng teismo. Dinedeklara ng Partido Komunista na mga kulto ang lahat ng relihiyosong grupo na naniniwala sa Diyos. Ipinakikita nito ang ganap na awtoridad ng Partido Komunista. Ang Partido Komunista lang ang dakila, kapuri-puri, at ang tama. Ang kahit na anong kumakalaban o sumasalungat sa Marxismo-Leninismo ay maituturing na mali; Yun ang isang bagay na gustong ipagbawal ng Partido Komunista. Sa bansang Tsina, dapat kilalanin ang Marxismo-Leninismo at ang Partido Komunista bilang dakila. Meron bang hindi tama sa sinasabi kong ito? Kayong mga taga-Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, ay lantarang nagkakalat na nagbalik na ang Diyos, ang Diyos ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos. Pinatutunayan n’yo rin na naghahayag ng katotohanan ang Makapangyarihang Diyos para dalisayin ang tao, para iligtas ang tao, na dumating na sa lupa ang kaharian ng langit. Nagresulta ito ng pagkakagulo at paghihiwalay ng mga relihiyosong grupo, at pinamumunuan ang maraming tao, para mapalapit sa Makapangyarihang Diyos. Nagdulot ito ng pambihirang sensasyon sa Tsina, at nagdala ng matinding kalituhan at pagkabalisa sa lipunan. Sa ginagawa n’yo, ginugulo n’yo ang publiko hindi ba? Kaya idineklara ng sentrong gobyerno, na may sala Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa pagiging isang kulto, at nagsasagawa ng pag-atake at panunupil. Naloko kayong lahat at naligaw ng landas. Umaasa ang gobyerno na wala kayong sasayanging oras, sa pagsisisi, sa paglayo sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at pagsali sa Iglesia ng Three-Self. Sa ganitong paraan, hindi na kayo ituturing na mga kriminal ng gobyerno.

Sagot: Malinaw n’yong naipaliwanag ang basehan ng Partido Komunista sa pagbabansag sa mga kulto. Pero nadarama ko na ang pagkalaban ng...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito