a. Ano ang pagkakatawang-tao, at bakit Siya lamang ang nagpapahayag sa katotohanan na ang Diyos ay nagpapakita at gumagawa

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa larawan ng katawang-tao. Kaya para magkatawang-tao ang Diyos, kailangan muna Siyang magkaroon ng katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkatawang-tao, naging isang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang tao, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay ang gawain ng Espiritu, na nagiging totoo sa katawang-tao, ipinapahayag ng tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang normal na pagkataong ito—at wala nang iba—ang maaaring magpahayag ng banal na gawain. Kung, noong una Siyang pumarito, hindi nagtaglay ang Diyos ng normal na pagkatao bago Siya nag-edad dalawampu’t siyam—kung noong Siya ay isilang ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong Siya ay matutong magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay nakaya Niyang hulihin ang lahat ng makamundong bagay, mahiwatigan ang mga iniisip at layunin ng bawat tao—hindi maaaring natawag ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring natawag ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung nangyari ito kay Cristo, mawawalan ng kahulugan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na pagkatao ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman; ang katotohanan na sumailalim Siya sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapamalas na Siya ay isang normal na tao; bukod pa riyan, ang Kanyang gawain ay sapat nang patunay na Siya ang Salita ng Diyos, ang Espiritu ng Diyos, na naging tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Tinatawag na Cristo ang Diyos na nagkatawang-tao, at si Cristo ay ang katawang-taong isinuot ng Espiritu ng Diyos. Hindi katulad ng sinumang tao sa laman ang katawang-taong ito. Ang kaibhang ito ay dahil hindi sa laman at dugo si Cristo; Siya ay ang pagkakatawang-tao ng Espiritu. Siya ay kapwa may normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Hindi taglay ng sinumang tao ang pagka-Diyos Niya. Ang normal na pagkatao Niya ang nagpapanatili sa lahat ng normal na gawain Niya sa katawang-tao, habang isinasakatuparan ng pagka-Diyos Niya ang gawain ng Diyos Mismo. Pagkatao man o pagka-Diyos man Niya ito, kapwa nagpapasakop ang mga ito sa kalooban ng Ama sa langit. Ang Espiritu ang diwa ni Cristo, ibig sabihin ay ang pagka-Diyos. Samakatuwid, ang diwa Niya ay ang sa Diyos Mismo; hindi gagambalain ng diwang ito ang sarili Niyang gawain, at hindi Siya posibleng makagawa ng anumang bagay na sisira sa sarili Niyang gawain, ni hindi rin Siya bibigkas ng anumang mga salita na sumasalungat sa sarili Niyang kalooban. Samakatuwid, ganap na hindi gagawa kailanman ang Diyos na nagkatawang-tao ng kahit anumang gawaing gumagambala sa sarili Niyang pamamahala. Ito ang dapat maunawaan ng lahat ng mga tao. Ang diwa ng gawain ng Banal na Espiritu ay upang iligtas ang tao, at para sa kapakanan ng sariling pamamahala ng Diyos. Katulad nito, ang gawain ni Cristo ay upang iligtas din ang tao, at alang-alang ito sa kalooban ng Diyos. Yamang nagkatawang-tao ang Diyos, napagtatanto Niya ang diwa Niya sa loob ng Kanyang katawang-tao, na sapat ang katawang-tao Niya upang isagawa ang Kanyang gawain. Samakatuwid, ang lahat ng gawain ng Espiritu ng Diyos ay pinalitan ng gawain ni Cristo habang nasa panahon ng pagkakatawang-tao, at ang nasa kaibuturan ng lahat ng gawain sa buong panahon ng pagkakatawang-tao ay ang gawain ni Cristo. Hindi ito maaaring maihalo sa gawain mula sa anumang ibang kapanahunan. At yamang nagiging katawang-tao ang Diyos, gumagawa Siya sa pagkakakilanlan ng Kanyang katawang-tao; yamang dumarating Siya sa katawang-tao, tinatapos Niya sa gayon sa katawang-tao ang gawaing dapat Niyang gawin. Espiritu ng Diyos man ito o si Cristo man ito, kapwa Sila ang Diyos Mismo, at ginagawa Niya ang gawain na dapat Niyang gawin at ginagampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ni Cristo ay ang Pagsunod sa Kalooban ng Ama sa Langit

Ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay buhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkatawang-tao, naging isang tao. Ang Kanyang buhay at gawain sa katawang-tao ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Una ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Naninirahan Siya sa piling ng isang ordinaryong pamilya ng tao, sa lubos na normal na pagkatao, sumusunod sa normal na mga moralidad at batas ng buhay ng tao, na may normal na mga pangangailangan ng normal na tao (pagkain, damit, tulog, tirahan), normal na mga kahinaan ng tao, at normal na mga damdamin ng tao. Sa madaling salita, sa unang yugtong ito ay nabubuhay Siya sa pagkataong walang pagka-Diyos at lubos na normal, nakikisali sa lahat ng normal na aktibidad ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo. Nananahan pa rin Siya sa ordinaryong pagkatao na may isang normal na katawan ng tao, na hindi nagpapakita ng panlabas na tanda ng pagiging higit-sa-karaniwan. Subalit namumuhay Siya nang dalisay para lamang sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ay ganap na umiiral ang Kanyang normal na pagkatao upang suportahan ang normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos, sapagkat sa panahong iyon ay gumulang na ang Kanyang normal na pagkatao hanggang sa punto na kaya na Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo. Kaya, ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay upang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang normal na pagkatao, kapag ito ay isang buhay kapwa ng normal na pagkatao at ng ganap na pagka-Diyos. Sa unang yugto ng Kanyang buhay, kaya Siya namumuhay sa ganap na ordinaryong pagkatao ay dahil ang Kanyang pagkatao ay hindi pa kayang panatilihin ang kabuuan ng banal na gawain, hindi pa gumugulang; matapos gumulang ang Kanyang pagkatao, saka lamang Siya nagkaroon ng kakayahang balikatin ang Kanyang ministeryo, nakayanan Niyang magsimulang gampanan ang ministeryong dapat Niyang isagawa. Dahil kailangan Niya, bilang katawang-tao, na lumaki at gumulang, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay yaong sa normal na pagkatao—samantalang sa pangalawang yugto, dahil kaya ng Kanyang pagkatao na isagawa ang Kanyang gawain at gampanan ang Kanyang ministeryo, ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng Kanyang ministeryo ay parehong sa pagkatao at sa ganap na pagka-Diyos. Kung, mula sa sandali ng Kanyang pagsilang, masigasig na sinimulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang ministeryo, na nagsasagawa ng higit-sa-karaniwang mga tanda at himala, hindi sana Siya nagkaroon ng pisikal na diwa. Samakatuwid, umiiral ang Kanyang pagkatao para sa kapakanan ng Kanyang pisikal na diwa; hindi maaaring magkaroon ng katawang-tao nang walang pagkatao, at ang isang taong walang pagkatao ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang pagkatao ng laman ng Diyos ay isang tunay na pagmamay-ari ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos lubos Siyang banal, at hindi talaga tao,” ay kalapastanganan, sapagkat wala talagang ganitong pahayag, at lumalabag ito sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit matapos Niyang simulang gampanan ang Kanyang ministeryo, namumuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos na may katawan ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; kaya lamang, sa panahong iyon, ang Kanyang pagkatao ay para lamang sa layuning tulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang kumakatawan sa gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang gumagawa, subalit ang pagka-Diyos na ito ay nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; sa totoo lang, ang Kanyang gawain ay ginagawa ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang nagsasagawa ng gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Masasabi ng isang tao na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagkat ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao, may katawan ng tao at diwa ng tao ngunit mayroon ding diwa ng Diyos. Dahil Siya ay isang tao na may diwa ng Diyos, nangingibabaw Siya sa lahat ng taong nilikha, nangingibabaw sa sinumang taong makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may katawan ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga tao maliban sa pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang mas mahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawan at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin ang totoong diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Kahit matapos Akong magsalita nang napakahaba tungkol dito, inaasahan Ko na isa pa rin itong hiwaga sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Dahil naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kumbinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kumbinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, Diyos Mismo sa lupa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Bago isinagawa ni Jesus ang gawain, namuhay lamang Siya sa Kanyang normal na pagkatao. Walang sinumang makapagsabi na Siya ang Diyos, walang sinumang nakaalam na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; kilala lamang Siya ng mga tao bilang isang ganap na ordinaryong tao. Ang Kanyang lubos na ordinaryo at normal na pagkatao ay patunay na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa laman, at na ang Kapanahunan ng Biyaya ang kapanahunan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ang kapanahunan ng gawain ng Espiritu. Patunay ito na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na nagkatotoo sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isasagawa ng Kanyang katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristong may normal na pagkatao ay isang katawang-tao kung saan naging totoo ang Espiritu, at nagtataglay ng normal na pagkatao, normal na diwa, at pag-iisip ng tao. Ang “maging totoo” ay nangangahulugan na ang Diyos ay nagiging tao, ang Espiritu ay nagiging tao; para mas malinaw, ito ay kapag nanahan ang Diyos Mismo sa isang katawang may normal na pagkatao, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang banal na gawain—ito ang ibig sabihin ng maging totoo, o magkatawang-tao. Sa una Niyang pagkakatawang-tao, kinailangan ng Diyos na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, dahil ang Kanyang gawain ay tumubos. Upang matubos ang buong lahi ng tao, kinailangan Niyang maging mahabagin at mapagpatawad. Ang gawaing Kanyang ginawa bago Siya ipinako sa krus ay ang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, na nagbadya ng Kanyang pagliligtas sa tao mula sa kasalanan at karumihan. Dahil ito ang Kapanahunan ng Biyaya, kinailangan Niyang pagalingin ang maysakit, sa gayon ay nagpapakita Siya ng mga tanda at himala, na kumatawan sa biyaya noong panahong iyon—sapagkat ang Kapanahunan ng Biyaya ay nakasentro sa pagkakaloob ng biyaya, na isinasagisag ng kapayapaan, kagalakan, at materyal na mga biyaya, lahat ay palatandaan ng pananampalataya ng mga tao kay Jesus. Ibig sabihin, ang pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagkakaloob ng biyaya ay mga likas na abilidad ng katawang-tao ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga ito ay gawain ng Espiritung naging totoo sa katawang-tao. Ngunit habang nagsasagawa Siya ng gayong gawain, namuhay Siya sa katawang-tao, at hindi nangibabaw sa katawang-tao. Anumang mga pagpapagaling ang Kanyang isinagawa, taglay pa rin Niya ang normal na pagkatao, namuhay pa rin ng normal na buhay ng tao. Kaya Ko sinasabi na sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isinagawa ng katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu, ay dahil anumang gawain ang Kanyang ginawa, ginawa Niya iyon sa katawang-tao. Ngunit dahil sa Kanyang gawain, hindi itinuring ng mga tao na ang Kanyang katawang-tao ay nagtataglay ng ganap na pisikal na diwa, sapagkat ang katawang-taong ito ay kayang gumawa ng mga himala, at sa tiyak na espesyal na mga sandali ay kayang gumawa ng mga bagay na nangibabaw sa laman. Siyempre, lahat ng pangyayaring ito ay naganap pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, gaya ng pagsubok sa Kanya sa loob ng apatnapung araw o pagbabagong-anyo sa bundok. Kaya kay Jesus, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi natapos, kundi bahagi pa lamang ang natupad. Ang buhay na Kanyang ipinamuhay sa katawang-tao bago Siya nagsimula sa Kanyang gawain ay lubos na normal sa lahat ng aspeto. Matapos Niyang simulan ang gawain, pinanatili lamang Niya ang panlabas na katawan ng Kanyang laman. Dahil ang Kanyang gawain ay isang pagpapahayag ng pagka-Diyos, nahigitan nito ang normal na mga tungkulin ng laman. Kunsabagay, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay iba sa mga taong may laman at dugo. Siyempre, sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, kinailangan Niya ng pagkain, damit, tulog, at tirahan, kinailangan Niya ang lahat ng normal na pangangailangan, at nagkaroon Siya ng pakiramdam ng normal na tao, at nag-isip na gaya ng normal na tao. Itinuring Siya ng mga tao na isang normal na tao, kaya lamang ay higit-sa-karaniwan ang gawaing Kanyang ginawa. Ang totoo, anuman ang Kanyang ginawa, nabuhay Siya sa isang ordinaryo at normal na pagkatao, at sa ganang pagsasagawa Niya ng gawain, ang Kanyang diwa ay lalo nang normal, ang Kanyang mga kaisipan lalo na ay malinaw, nang higit kaysa sa sinupamang normal na tao. Kinailangan ng Diyos na nagkatawang-tao na magkaroon ng gayong pag-iisip at pakiramdam, sapagkat ang banal na gawain ay kinailangang ipahayag ng isang katawang-tao na ang pakiramdam ay normal na normal at ang mga kaisipan ay napakaliwanag—sa ganitong paraan lamang maaaring ipahayag ng Kanyang katawang-tao ang banal na gawain. Sa buong tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon na nabuhay si Jesus sa lupa, pinanatili Niya ang Kanyang normal na pagkatao, ngunit dahil sa Kanyang gawain noong panahon ng Kanyang tatlo’t kalahating taon ng ministeryo, inakala ng mga tao na Siya ay lubhang nangingibabaw, na Siya ay lalo pang higit-sa-karaniwan kaysa rati. Ang totoo, ang normal na pagkatao ni Jesus ay nanatiling di-nagbabago bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo; ang Kanyang pagkatao ay pareho hanggang katapusan, ngunit dahil sa pagkakaiba bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, dalawang magkaibang pananaw ang lumitaw tungkol sa Kanyang katawang-tao. Anuman ang isipin ng mga tao, pinanatili ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang orihinal at normal na pagkatao sa buong panahon, sapagkat mula nang magkatawang-tao ang Diyos, namuhay Siya sa katawang-tao, ang katawang-taong may normal na pagkatao. Isinasagawa man Niya noon ang Kanyang ministeryo o hindi, hindi maaaring mabura ang normal na pagkatao ng Kanyang katawang-tao, sapagkat ang pagkatao ang pangunahing kakanyahan ng laman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at kaya ang Cristo na kayang magbigay ng katotohanan sa tao ay tinatawag na Diyos. Walang pagmamalabis rito, sapagkat taglay Niya ang diwa ng Diyos, at taglay Niya ang disposisyon ng Diyos, at karunungan sa Kanyang gawain, na hindi kayang abutin ng tao. Ang mga tumatawag sa sarili nila na Cristo, subalit hindi naman kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga manlilinlang. Hindi lamang pagpapakita ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi partikular din na katawang-taong tinaglay ng Diyos habang ginagawa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa tao. Hindi maaaring palitan ang katawang-taong ito ng kahit na sinumang tao, kundi isang katawang-taong sapat na makakayanan ang gawain ng Diyos sa lupa, at maipapahayag ang disposisyon ng Diyos, at kakatawan nang mahusay sa Diyos, at makapagbibigay ng buhay sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagkat kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao, at lalong hindi maaaring magpakita ang Diyos ayon sa utos ng tao. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpapasya at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin, at sarili Niyang mga pamamaraan. Anupaman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalo na ang ipaalam sa bawat isang tao ang tungkol sa Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, na dapat, higit pa, na kilalanin ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasailalim sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat na gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at sumunod.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Bukod dito, hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napakapangkaraniwang katawang-tao. Wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito ang kumakatawan sa lahat ng mga salita ng katotohanan mula sa Diyos, nangangasiwa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos upang maintindihan ng tao. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng mga lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pintuan mo patungo sa kaharian, at gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ang gayong karaniwang katawang-tao. Maaaring hindi maintindihan para sa iyo ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layunin ng gawaing ginagawa Niya ay sapat na upang hayaan kang makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao. Sapagkat kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos at ang pangangalagang ipinakita ng Diyos para sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagaman hindi mo naririnig ang mga salita Niya na tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagaman hindi mo nakikita ang mga mata Niya na tulad ng lumalagablab na apoy, at bagaman hindi mo natatanggap ang disiplina ng Kanyang pamalong bakal, gayunman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na mapagpoot ang Diyos, at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng habag para sa sangkatauhan; makikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at bukod dito, matatanto ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao sa lupa, at bigyang-kakayahan ang tao na kilalanin, sundin, katakutan, at mahalin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. …

…………

Ginagawa sa pamamagitan ng karaniwang taong ito ang lahat ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ipagkakaloob Niya ang lahat ng bagay sa iyo, at higit pa rito, magagawa Niyang pagpasyahan ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa iyo. Maaari bang ang ganitong tao ay tulad ng pinaniniwalaan ninyong Siya: isang taong napakapayak na hindi karapat-dapat banggitin? Hindi ba sapat ang katotohanan Niya upang lubos kayong makumbinsi? Hindi ba sapat ang pagsaksi sa Kanyang mga gawa upang lubos kayong makumbinsi? O hindi ba karapat-dapat para sa inyo na tahakin ang landas na Kanyang dinadala? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang nagdudulot sa inyo na kasuklaman Siya at itaboy Siya at iwasan Siya? Ang taong ito ang nagpapahayag ng katotohanan, ang taong ito ang nagbibigay ng katotohanan, at ang taong ito ang nagbibigay sa inyo ng landas na susundan. Maaari kayang hindi pa rin ninyo nakikita ang mga bakas ng gawain ng Diyos sa loob ng mga katotohanang ito? Kung wala ang gawain ni Jesus, hindi makabababa ang sangkatauhan mula sa krus, ngunit kung wala ang pagkakatawang-tao ng kasalukuyan, hindi kailanman makakamit ng mga bumababa mula sa krus ang pagsang-ayon ng Diyos o makapapasok sa bagong kapanahunan. Kung wala ang pagparito ng karaniwang taong ito, hindi kayo kailanman magkakaroon ng pagkakataong makita ang tunay na mukha ng Diyos, ni magiging kuwalipikado, dahil lahat kayo ay mga bagay na matagal nang dapat winasak.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao

Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga salita, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano ang mga ito sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo na magmuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao ng Diyos

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Pakikinig sa Tinig ng Diyos at Pagsalubong sa Panginoon

Narinig Ko Na ang Tinig ng Diyos

Kaugnay na mga Sermon

Ano ang Pagkakatawang-Tao?

Kaugnay na mga Himno

Taglay ng Nagkatawang-taong Diyos ang Pagkatao at Pagka-Diyos

Ang Diwa ni Cristo ay ang Diyos

Ang Cristo ng mga Huling Araw ang Pasukan ng Tao sa Kaharian

Paano Hahanapin ang mga Yapak ng Diyos

Sumunod: b. Bakit sinasabi na higit na kailangan ng tiwaling sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos na nagkatawang-tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito