Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Yaong mga kapatid na palaging nagbubulalas ng kanilang pagkanegatibo ay mga utusan ni Satanas, at ginugulo nila ang iglesia. Ang mga taong ito balang araw ay kailangang itiwalag at alisin. Sa kanilang paniniwala sa Diyos, kung ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, kung wala silang sumusunod-sa-Diyos na puso, hindi lamang sila hindi makakagawa ng anumang gawain para sa Kanya, kundi bagkus ay magiging mga taong gumagambala sa Kanyang gawain at sumusuway sa Kanya. Ang paniniwala sa Diyos ngunit hindi sumusunod o natatakot sa Kanya, at sa halip ay nilalabanan Siya, ang pinakamalaking kahihiyan para sa isang mananampalataya. Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga hindi mananampalataya, mas masama pa sila kaysa mga hindi mananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo. Yaong mga nagbubulalas ng kanilang makamandag at malisyosong pananalita sa loob ng iglesia, na nagkakalat ng mga tsismis, nagpupukaw ng kawalan ng pagkakaisa, at iginugrupu-grupo ang mga kapatid—dapat ay natiwalag na sila sa iglesia. Subalit dahil ibang panahon na ngayon ng gawain ng Diyos, hinihigpitan ang mga taong ito, sapagkat walang dudang palalayasin sila. Lahat ng nagawang tiwali ni Satanas ay may mga tiwaling disposisyon. Ang ilan ay walang anumang taglay kundi mga tiwaling disposisyon, samantalang ang iba ay hindi ganito: Hindi lamang sila mayroong mga tiwali at satanikong disposisyon, kundi napakamalisyoso rin ng kanilang likas na pagkatao. Hindi lamang nahahayag sa kanilang mga salita at kilos ang kanilang mga tiwali at satanikong disposisyon; ang mga taong ito, bukod dito, ang totoong diyablong si Satanas. Ang pag-uugali nila ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos, nakakagulo ito sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at nakakasira sa normal na buhay ng iglesia. Sa malao’t madali, ang mga lobong ito na nakadamit-tupa ay kailangang mapalayas; hindi dapat kaawaan at tanggapin ang mga utusang ito ni Satanas. Ito lamang ang pumapanig sa Diyos, at yaong mga hindi nakakagawa nito ay nagtatampisaw sa putikan na kasama ni Satanas. Ang Diyos ay palaging nasa puso ng mga taong tunay na naniniwala sa Kanya, at palagi silang may takot sa Diyos na puso, isang pusong mapagmahal sa Diyos. Dapat gawin ng mga naniniwala sa Diyos ang mga bagay-bagay nang maingat at masinop, at lahat ng ginagawa nila ay dapat maging alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos at makalugod sa Kanyang puso. Hindi dapat maging matigas ang kanilang ulo, na ginagawa ang anumang gusto nila; hindi iyan nababagay sa banal na kaangkupan. Hindi dapat magwala ang mga tao, na iwinawagayway ang bandila ng Diyos kung saan-saan habang nagyayabang at nanggagantso kahit saan; ito ang pinakasuwail na uri ng pag-uugali. May mga panuntunan ang mga pamilya, at may mga batas ang mga bansa—hindi ba lalo na sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba higit na mas mahigpit pa ang mga pamantayan nito? Hindi ba higit na mas marami pa itong atas administratibo? Ang mga tao ay malayang gawin ang gusto nila, ngunit ang mga atas administratibo ng Diyos ay hindi maaaring baguhin kung kailan gustuhin. Ang Diyos ay isang Diyos na hindi nagpapalampas ng kasalanan ng mga tao; Siya ay isang Diyos na nilalagay sila sa kamatayan. Hindi pa ba ito alam talaga ng mga tao?

Bawat iglesia ay may mga taong nagsasanhi ng kaguluhan para sa iglesia o nakakagambala sa gawain ng Diyos. Lahat sila ay mga Satanas na nakapasok sa sambahayan ng Diyos nang nakabalatkayo. Ang gayong mga tao ay mahusay umakto: Humaharap sila sa Akin nang may malaking pagpipitagan, nakayuko at kumakayod, umaasal na parang mga asong galisin, at inilalaan ang kanilang “lahat-lahat” para makamtan ang sarili nilang mga layunin—ngunit sa harap ng mga kapatid, ipinapakita nila ang kanilang pangit na panig. Kapag nakakakita sila ng mga taong nagsasagawa ng katotohanan, pinipintasan nila ang mga ito at itinutulak sa isang tabi; kapag nakakakita sila ng mga taong mas nakakatakot kaysa sa kanila, pinupuri at binobola nila ang mga ito. Nagwawala sila sa loob ng iglesia. Masasabi na ang gayong “lokal na mga maton,” ang gayong “mga sipsip,” ay umiiral sa karamihan ng mga iglesia. Sama-sama silang kumikilos nang malademonyo, nagpapahatid ng mga kindat at lihim na senyas sa isa’t isa, at walang isa man sa kanila ang nagsasagawa ng katotohanan. Sino man ang may pinakamakamandag na lason ay siyang “punong demonyo,” at sino man ang may pinakamataas na karangalan ay namumuno sa kanila, at iwinawagayway ang kanilang bandila. Naghuhuramentado ang mga taong ito sa loob ng iglesia, nagkakalat ng kanilang pagkanegatibo, bumubulalas ng kamatayan, ginagawa ang gusto nila, sinasabi ang gusto nila, at walang sinumang nangangahas na pigilan sila. Puno sila ng disposisyon ni Satanas. Katatapos pa lamang nilang manggulo ay pumapasok na ang simoy ng kamatayan sa iglesia. Yaong mga nasa iglesia na nagsasagawa ng katotohanan ay itinataboy, hindi magawang maibigay ang kanilang lahat-lahat, samantalang yaong mga nanggugulo sa iglesia at nagkakalat ng kamatayan ay nagwawala sa loob—bukod pa riyan, karamihan sa mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang gayong mga iglesia ay pinamumunuan ni Satanas, walang duda; ang diyablo ang kanilang hari. Kung ang mga nagtitipon ay hindi tumatayo at tumatanggi sa mga punong demonyo, sila rin sa malao’t madali ay mawawasak. Mula ngayon, kailangang gumawa ng mga hakbang laban sa gayong mga iglesia. Kung hindi ito hahangarin ng mga may kakayahang magsagawa ng kaunting katotohanan, bubuwagin ang iglesiang iyon. Kung walang sinuman sa isang iglesia ang handang magsagawa ng katotohanan at walang sinumang maaaring tumayong saksi para sa Diyos, dapat ay ihiwalay nang lubusan ang iglesiang iyon, at kailangang putulin ang mga koneksyon nito sa ibang mga iglesia. Tinatawag itong “paglilibing sa kamatayan”; ito ang ibig sabihin ng pagtataboy kay Satanas. Kung may ilang lokal na maton sa isang iglesia, at sinusundan sila ng “maliliit na langaw” na lubos na hindi makaintindi, at kung ang mga nagtitipon, kahit nakita na nila ang katotohanan, ay wala pa ring kakayahang tanggihan ang mga gapos at manipulasyon ng mga maton na ito, lahat ng hangal na iyon ay aalisin sa huli. Maaaring walang nagawang kakila-kilabot ang maliliit na langaw na ito, ngunit mas mapanlinlang pa sila, mas tuso at mahusay umiwas, at lahat ng kagaya nito ay aalisin. Wala ni isang matitira! Yaong mga nabibilang kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang yaong nabibilang sa Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; ipinapasya ito ng kanilang mga likas na pagkatao. Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan yaong mga naghahanap sa katotohanan na matustusan, at nawa ay masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t nais nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng paboritismo kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang taong naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan.

Ang mga taong hindi nagpupunyaging sumulong ay palaging inaasam na maging negatibo at batugan din ang iba na kagaya nila. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay naiinggit sa mga nagsasagawa niyon, at palaging sinusubukang linlangin yaong mga lito ang isipan at hindi makahiwatig. Ang mga bagay na ibinubulalas ng mga taong ito ay maaaring maging dahilan para ikaw ay manghina, dumausdos pababa, magkaroon ng abnormal na kalagayan, at mapuspos ng kadiliman. Nagiging dahilan ito upang mapalayo ka sa Diyos, at itangi mo ang laman at magpakasasa ka sa iyong sarili. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at laging wala sa loob ang pakikitungo sa Diyos ay walang kaalaman sa sarili, at ang disposisyon ng gayong mga tao ay umaakit sa iba na magkasala at suwayin ang Diyos. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan, ni hindi nila tinutulutan ang iba na isagawa ito. Itinatangi nila ang kasalanan at hindi nila kinamumuhian ang kanilang sarili. Hindi nila kilala ang kanilang sarili, at pinipigilan nila ang iba na kilalanin ang kanilang mga sarili; pinipigilan nila ang iba na hangarin ang katotohanan. Yaong mga nililinlang nila ay hindi nakikita ang liwanag. Nahuhulog sila sa kadiliman, hindi nila kilala ang kanilang sarili, malabo sa kanila ang katotohanan, at napapalayo sila nang napapalayo mula sa Diyos. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan at pinipigilan nila ang iba sa pagsasagawa ng katotohanan, at dinadala ang lahat ng hangal na iyon sa kanilang harapan. Sa halip na sabihing naniniwala sila sa Diyos, mas mabuti pang sabihing naniniwala sila sa kanilang mga ninuno, o na ang kanilang pinaniniwalaan ay ang mga diyus-diyusan sa kanilang puso. Ang pinakamabuting gawin ng mga taong nagsasabi na sumusunod sila sa Diyos ay imulat ang kanilang mga mata at tumingin nang husto upang makita kung sino talaga ang pinaniniwalaan nila: Ang Diyos ba talaga ang pinaniniwalaan mo, o si Satanas? Kung alam mo na hindi ang Diyos ang pinaniniwalaan mo, kundi ang sarili mong mga idolo, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Kung talagang hindi mo alam kung sino ang iyong pinaniniwalaan, muli, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Ang pagsasabi niyon ay kalapastanganan! Walang sinumang pumipilit sa iyo na maniwala sa Diyos. Huwag ninyong sabihing naniniwala kayo sa Akin; sawa na Ako sa ganyang pananalita, at ayaw Ko nang marinig iyong muli, dahil ang pinaniniwalaan ninyo ay ang mga idolo sa inyong puso at ang lokal na mga maton sa inyo. Lahat ng umiiling kapag naririnig nila ang katotohanan, na ngumingisi kapag nakakarinig sila ng tungkol sa kamatayan, ay mga supling ni Satanas, at sila yaong aalisin. Marami sa iglesia ang hindi makakilala. Kapag may nangyaring isang bagay na mapanlinlang, bigla silang pumapanig kay Satanas; nasasaktan pa sila kapag tinawag silang mga utusan ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilala, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila tumatayo at nakikipagtalo kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkakilala? Bakit bigla silang pumapanig kay Satanas? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan o makatwiran para suportahan ang katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkakilala ang meron ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustung-gusto ng mga taong walang pagkakilala ang kasamaan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay matatapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at magsalitang kagaya nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Sapat nang kaya nilang pumanig kay Satanas upang patunayan na talagang mahal ni Satanas ang walang-kuwentang mga diyablong ito na ginugugol ang kanilang buhay sa pakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas. Hindi ba napakalinaw ng lahat ng katotohanang ito? Kung talagang isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, bakit wala kang malasakit sa mga nagsasagawa ng katotohanan, at bakit ka sumusunod kaagad sa mga hindi nagsasagawa ng katotohanan kapag tiningnan ka nila nang bahagya? Anong klaseng problema ito? Wala Akong pakialam kung may pagkakilala ka o wala. Wala Akong pakialam kung malaki ang naisakripisyo mo. Wala Akong pakialam kung malakas ang mga puwersa mo, at wala Akong pakialam kung isa kang lokal na maton o isang lider na tagadala ng bandila. Kung malakas ang mga puwersa mo, dahil lamang iyon sa tulong ng lakas ni Satanas. Kung mataas ang pagkakilala sa iyo, dahil lamang iyon sa napakarami sa paligid mo ang hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi ka pa natitiwalag, dahil iyon sa hindi pa panahon para sa gawain ng pagtitiwalag; sa halip, ito ang panahon para sa gawain ng pag-aalis. Hindi kailangang magmadaling itiwalag ka ngayon. Naghihintay lamang Ako sa pagdating ng araw na iyon na maparusahan kita kapag naalis ka na. Sinumang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay maaalis!

Ang mga taong tunay na naniniwala sa Diyos ay yaong mga handang isagawa ang salita ng Diyos at handang isagawa ang katotohanan. Ang mga taong tunay na nagagawang manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos ay yaon ding mga handang isagawa ang Kanyang salita at talagang kayang pumanig sa katotohanan. Wala sa lahat ng taong nanloloko at walang katarungan ang katotohanan, at nagdadala silang lahat ng kahihiyan sa Diyos. Yaong mga nagsasanhi ng mga alitan sa iglesia ay mga utusan ni Satanas, sila ang sagisag ni Satanas. Ang gayong mga tao ay nakapamalisyoso. Lahat ng walang pagkakilala at walang kakayahang pumanig sa katotohanan ay may kimkim na masasamang layon at dinudungisan ang katotohanan. Higit pa riyan, sila ay napakatipikal na mga kinatawan ni Satanas. Hindi na sila matutubos, at natural lamang na aalisin silang lahat. Hindi tinutulutan ng pamilya ng Diyos na manatili ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nito tinutulutang manatili yaong mga sadyang gumigiba sa iglesia. Gayunman, hindi ito ang panahon para gawin ang gawain ng pagtitiwalag; ilalantad at aalisin lamang ang gayong mga tao sa huli. Wala nang walang-silbing gawaing iuukol sa mga taong ito; yaong mga nabibilang kay Satanas ay hindi kayang pumanig sa katotohanan, samantalang yaong mga naghahanap sa katotohanan ay kayang gawin ito. Ang mga taong hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat na marinig ang daan ng katotohanan at hindi karapat-dapat na magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi talaga para sa kanilang mga pandinig; sa halip, ito ay para sa mga nagsasagawa nito. Bago ibunyag ang katapusan ng bawat tao, yaong mga nanggugulo sa iglesia at nakakagambala sa gawain ng Diyos ay isasantabi muna sa ngayon, upang pakitunguhan kalaunan. Kapag tapos na ang gawain, ilalantad ang bawat isa sa mga taong ito, at pagkatapos ay aalisin sila. Samantala, habang ipinagkakaloob ang katotohanan, hindi sila papansinin. Kapag ibinunyag sa sangkatauhan ang buong katotohanan, dapat maalis ang mga taong iyon; iyon ang panahon kung kailan pagbubukud-bukurin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ang walang-kuwentang mga panloloko ng mga walang pagkakilala ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao, ililigaw sila ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, dahil sumusunod sila sa masasamang tao at pumapanig sa masasamang tao, at dahil nakikipagsabwatan sila sa masasamang tao at lumalaban sa Diyos. Alam na alam nila na ang mababanaag sa masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinatitigas nila ang kanilang puso at tinatalikuran ang katotohanan upang sundan ang mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at kasuklam-suklam na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na naghahari-harian at sumusunod naman sa kanila ang iba, hindi ba pare-pareho silang likas na masuwayin sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang sumisira sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang pagkasuwail ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ito ang wakas na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan. Pinapayuhan Ko ang mga hindi nagpaplanong isagawa ang katotohanan na lisanin ang iglesia sa lalong madaling panahon upang hindi na makagawa ng mas marami pang kasalanan. Pagdating ng panahon, magiging huli na ang lahat para magsisi. Lalo na, yaong mga naggugrupu-grupo at lumilikha ng pagkakawatak-watak, at yaong mga lokal na maton sa loob ng iglesia, ay kailangang lumisan nang mas maaga. Ang mga taong iyon, na may likas na pagkataong kasingsama ng mga lobo, ay walang kakayahang magbago. Mas mabuti pang lisanin nila ang iglesia sa pinakamaagang pagkakataon, at huwag nang gambalaing muli ang normal na buhay ng mga kapatid kailanman, at sa gayon ay maiwasan nila ang parusa ng Diyos. Makakabuting gamitin ninyong mga sumama na sa kanila ang pagkakataong ito upang magnilay-nilay sa inyong sarili. Lilisanin ba ninyo ang iglesia na kasama ng masasama, o mananatili kayo at susunod nang tapat? Kailangan ninyong pag-isipang mabuti ang bagay na ito. Binibigyan Ko kayo ng isa pang pagkakataon upang pumili, at hinihintay Ko ang inyong kasagutan.

Sinundan: Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas

Sumunod: Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito