Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Nakagawa na Ako ng maraming gawain na kasama ninyo, at siyempre, nakapagbigay na rin ng ilang pahayag. Ngunit hindi Ko mapigilang maramdaman na hindi pa lubusang natutupad ng mga salita Ko at ng mga gawain Ko ang layunin ng gawain Ko sa mga huling araw. Dahil sa mga huling araw, ang gawain Ko ay hindi alang-alang sa isang tiyak na tao o tiyak na mga tao, kundi upang ipakita ang angking disposisyon Ko. Gayunman, dahil sa napakaraming kadahilanan—marahil kakulangan ng panahon o sobrang pagiging abala sa gawain—hindi pa nagtamo ang tao ng anumang kaalaman tungkol sa Akin mula sa disposisyon Ko. Kaya’t sinisimulan Ko ang bago Kong plano, ang pangwakas Kong gawain, at nagbubukas ng isang bagong pahina sa gawain Ko upang ang lahat ng nakakakita sa Akin ay malakas na hahampasin ang kanilang dibdib at tatangis at mananaghoy nang walang patid dahil sa pag-iral Ko. Ito ay dahil inihahatid Ko sa mundo ang katapusan ng sangkatauhan, at mula ngayon, inilalantad Ko ang buo Kong disposisyon sa harap ng sangkatauhan, upang ang lahat ng nakakikilala sa Akin at ang lahat ng hindi ay lubos na mapagmamasdan at makikita na tunay ngang dumating na Ako sa daigdig ng tao, dumating na sa lupa kung saan nagpaparami ang lahat ng bagay. Ito ang plano Ko, at ang tangi Kong “pangungumpisal” mula nang likhain Ko ang sangkatauhan. Maipagkaloob nawa ninyo ang buong pansin sa bawat galaw Ko, dahil minsan pang lumalapit ang tungkod Ko sa sangkatauhan, sa lahat ng sumasalungat sa Akin.

Kasama ang mga kalangitan, sinisimulan Ko ang gawaing dapat Kong gawin. Kaya’t naglalakad Ako sa gitna ng daloy ng mga tao at kumikilos sa pagitan ng langit at lupa, nang walang sinumang nakahihiwatig kahit kailan sa mga galaw Ko o nakapapansin sa mga salita Ko. Samakatuwid, maayos pa ring sumusulong ang plano Ko. Dahil lamang naging lubhang manhid ang lahat ng inyong pandama kung kaya’t hindi ninyo alintana ang mga hakbang ng gawain Ko. Ngunit tiyak na darating ang araw na matatanto ninyo ang mga layon Ko. Ngayon, namumuhay Akong kasama ninyo at nagdurusang kasama ninyo, at malaon Ko nang natutuhang unawain ang saloobin ng sangkatauhan sa Akin. Hindi Ko nais na magsalita pa tungkol dito, lalong hindi Ko nais na dulutan kayo ng kahihiyan sa pagtukoy ng higit pang mga pangyayari ng masakit na paksang ito. Umaasa lamang Ako na matatandaan ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng nagawa ninyo, upang mapagtama natin ang ating mga ulat sa araw ng muli nating pagkikita. Hindi Ko nais paratangan nang mali ang sinuman sa inyo, dahil lagi Akong kumilos nang makatarungan, patas, at may dangal. Siyempre, umaasa rin Ako na kayo ay magiging marangal at hindi gagawa ng anumang laban sa langit at lupa o sa inyong budhi. Ito lamang ang bagay na hinihingi Ko sa inyo. Maraming tao ang hindi mapalagay at naiilang dahil nakagawa sila ng mga karumal-dumal na pagkakamali, at marami ang ikinahihiya ang mga sarili nila dahil hindi sila kailanman nakaganap ng isang mabuting gawa. Nguni’t marami rin sila, na sa halip makadama ng kahihiyan dahil sa kanilang mga kasalanan, ay nagiging palala nang palala, ganap na nagpipilas ng maskarang nagkukubli sa kanilang kasuklam-suklam na mga katangian—na hindi pa lubusang nalalantad—upang subukin ang disposisyon Ko. Hindi Ko pinahahalagahan, o pinapansin, ang mga kilos ng sinumang tao. Sa halip, ginagawa Ko ang gawaing dapat Kong gawin, maging ito man ay paglikom ng impormasyon, o paglalakbay sa lupain, o paggawa ng isang bagay na umaayon sa mga interes Ko. Sa mahahalagang pagkakataon, ipinagpapatuloy Ko ang gawain Ko sa piling ng mga tao tulad ng orihinal na pagkakaplano, hindi nahuhuli o napaaaga ng isa mang saglit, at nang may kapwa alwan at bilis. Gayunman, sa bawat hakbang ng gawain Ko, may naisasantabing ilang tao, dahil kinamumuhian Ko ang kanilang mga pambobola at pakunwaring pagsunod. Silang mga kasuklam-suklam sa Akin ay tiyak na tatalikdan, sadya man o hindi. Sa madaling salita, nais Kong manatiling malayo sa Akin ang lahat ng kinasusuklaman Ko. Hindi na kailangang sabihin pa, hindi Ko ititira ang mga buktot na nananatili sa tahanan Ko. Dahil nalalapit na ang araw ng kaparusahan ng tao, hindi Ako nagmamadaling patalsikin mula sa tahanan Ko ang lahat ng mga kasuklam-suklam na kaluluwa, sapagkat may sarili Akong plano.

Ngayon ang panahon na tinutukoy Ko ang katapusan ng bawat tao, hindi ang yugto na sinimulan Kong hubugin ang tao. Isinusulat Ko sa Aking talaang aklat, isa-isa, ang mga salita at kilos ng bawat tao, ang kanyang piniling landas sa pagsunod sa Akin, ang kanyang likas na mga katangian, at kung paano sila umasal sa dakong huli. Sa ganitong paraan, anumang uri ng tao sila, walang sinumang makatatakas sa kamay Ko, at ang lahat ay makakasama ng kanilang kauri ayon sa itinalaga Ko. Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Samakatuwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan nang gayon para sa katuwiran ng Diyos at bilang ganti sa kanilang maraming masasamang gawa. Wala pa Akong ginawang isa mang pagbabago sa plano Ko mula nang simulan ito. Gayon na nga lamang na, kapag nauukol sa tao, tila nababawasan ang bilang ng mga pinatutungkulan Ko ng mga salita Ko, tulad din ng mga tunay Kong kinalulugdan. Gayunman, pinaninindigan Ko na hindi pa kailanman nagbago ang plano Ko; sa halip, ang pananampalataya at pag-ibig ng tao ang tuwina’y nagbabago, tuwina’y humihina, hanggang sa punto na posible para sa bawat tao na mapunta mula sa paglalangis sa Akin tungo sa pagiging malamig sa Akin o maging sa pagwawaksi sa Akin. Ang saloobin Ko sa inyo ay hindi magiging mainit o malamig, hanggang maramdaman Ko ang suklam at pandidiri, at sa wakas ay magpataw ng kaparusahan. Gayunman, sa araw ng inyong kaparusahan, makikita Ko pa rin kayo, ngunit hindi na ninyo magagawang makita Ako. Dahil ang pakikipamuhay sa inyo ay naging nakapapagod at nakababagot na sa Akin, kaya, hindi na kailangang sabihin pa, nakapili na Ako ng ibang mga kapaligiran na paninirahan, upang lalong maiwasan ang sakit na dulot ng inyong mga malisyosong salita at layuan ang inyong di-mababatang nakaririmarim na ugali, upang hindi na ninyo Ako malinlang o ituring Ako nang gayon-gayon na lamang. Bago Ko kayo iwan, dapat Ko pa rin kayong hikayating tumigil sa paggawa ng mga hindi naaayon sa katotohanan. Sa halip, dapat ninyong gawin yaong nakakalugod sa lahat, na nagdadala ng pakinabang sa lahat at yaong may pakinabang sa sarili ninyong hantungan, kung hindi, wala nang ibang magdurusa sa gitna ng kapahamakan kundi kayo.

Ang awa Ko ay inihahayag sa mga nagmamahal sa Akin at nagtatatwa ng kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masasama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang nakagawa na ng lahat ng uri ng kasamaan, ngunit sumunod na sa Akin nang maraming taon, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng katapatan sa Akin ay magagalak at pupurihin ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang di-mailarawang katiwasayan at mabubuhay sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinasusuklaman ang kanilang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang pangkat ng mga taong may kaisipang katulad ng sa Akin. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa pag-iisip; lagi Ko silang kinasusuklaman sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong gantihan Ko sila, na maiibigan Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!

Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng patutunguhan ng tao. Bukod dito, ito ay upang kilalanin ng lahat ng mga tao ang mga gawa at mga kilos Ko. Nais Kong makita ng bawat isang tao na tama ang lahat ng nagawa Ko na, at na ang lahat ng nagawa Ko na ay pagpapahayag ng disposisyon Ko. Hindi kagagawan ng tao, lalong hindi ng kalikasan, ang nagluwal sa sangkatauhan, kundi Ako, na nag-aaruga sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa sangnilikha. Kung wala ang pag-iral Ko, mapapahamak lamang ang sangkatauhan at pagdurusahan ang hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang kailanman ay makikitang muli ang napakarikit na araw at buwan, o ang luntiang mundo; makakatagpo lamang ng sangkatauhan ang napakalamig na gabi at ang walang tinag na lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang kaligtasan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, Ako ang Siya kung saan nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan. Kung wala Ako, magdurusa ng kapahamakan at yuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na mababayaran Ako ng tao ng ilang mabubuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang makabayad sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng naglaladlad na gawain Ko, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at napakanasisiyahan Ako. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Gayunman, umaasa Akong naghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa patutunguhan ninyo. Kung gayon ay malulugod Ako; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa sakunang sasapitin ninyo. Magmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay isinasaayos Ko. Kung hindi kayo lilitaw bilang mabuti sa paningin Ko, hindi ninyo matatakasang pagdusahan ang sakuna. Sa gitna ng kapighatian, ang mga kilos at mga gawa ninyo ay hindi itinuring na lubos na naaangkop, dahil hungkag ang pananampalataya at pagmamahal ninyo, at ipinakita lamang ninyo ang mga sarili ninyo na mahiyain o matigas. Tungkol dito, gagawa lamang Ako ng paghatol ng mabuti o masama. Ang pag-aalala Ko ay patuloy na ang paraan kung paanong ang bawat isa sa inyo ay kumikilos at nagpapahayag ng sarili niya, na siyang batayan kung saan tutukuyin Ko ang wakas ninyo. Gayunman, dapat Ko itong gawing malinaw: Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko.

Sinundan: Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Sumunod: Kanino Ka Matapat?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito