Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 12

Ano ang ibinahagi Ko sa huling pagtitipon, mayroon bang sinuman na makapagsasabi sa atin? (Noong huli, nakipagbahaginan ang Diyos tungkol sa dalawang aspekto. Ang isang aspekto ay na kapag ang ilang partikular na insidente ay nangyayari sa iglesia sa iba’t ibang panahon o sa iba’t ibang yugto—halimbawa, naaresto ang ilang tao ng malaking pulang dragon, napalitan ang ilang lider at manggagawa, nagkakasakit ang ilang tao, at ang ilang tao ay nahaharap sa mga isyu ng buhay-at-kamatayan—ang mga pangyayaring ito ay hindi nagkataon lang, at kailangan nating hanapin ang katotohanan tungkol sa mga ito. Nagsabi rin ang Diyos ng ilang landas ng pagsasagawa. Kapag nahaharap sa mga sitwasyong ito, dapat tayong sumunod sa dalawang bagay: Ang una ay ang akuin ang tamang posisyon ng isang nilikha; ang pangalawa ay ang magkaroon ng sinsero at mapagpasakop na puso—nahaharap man sa paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, o sa biyaya at mga pagpapala, dapat nating tanggapin ang lahat ng bagay na ito mula sa Diyos. Bukod pa rito, hinimay-himay ng pakikipagbahaginan ng Diyos ang isang kasabihan tungkol sa wastong asal ng tradisyonal na kultura, na nagsasabing “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa.”) Ang pangunahin ding paksa ng huling pagbabahaginan ay ang mga problema sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal. Matagal Akong nakipagbahaginan tungkol sa paksang ito, inilalantad ang ilang karaniwang kasabihan, hinihingi at mga kahulugan ng wastong asal sa tradisyonal na kultura. Dahil nakapagbahaginan na tayo sa mga paksang ito, mayroon na ba kayong anumang bagong pagkaunawa at bagong pakahulugan sa mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal? Nakilatis ba ninyo ang mga pahayag na ito sa kung ano talaga ang mga ito at nakita ba ninyo nang malinaw ang diwa ng mga ito? Kaya mo bang bitiwan ang mga bagay na ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, abandonahin ang mga ito, itigil ang pagkalito kung ang mga ito ba ang katotohanan, at itigil ang pagturing sa mga ito bilang mga positibong bagay, at paghangad sa mga ito bilang mga katotohanan, at pagsunod sa mga ito? Lalo na kapag nahaharap sa ilang bagay sa pang-araw-araw na buhay na may kaugnayan sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal, mayroon bang kamalayan sa loob mo, at kaya mo bang pagnilayang mabuti kung naiimpluwensyahan ka pa rin ng mga kasabihang ito ng wastong asal? Ikaw ba ay naigagapos, napipigilan, at nakokontrol ng mga bagay na ito? Sa loob-loob mo, kaya mo pa bang gamitin ang mga kasabihan ng wastong asal para pigilan ang iyong sarili at impluwensyahan ang iyong pananalita at asal, pati na ang iyong saloobin sa mga bagay-bagay? Ibahagi ang inyong mga saloobin. (Bago nakipagbahaginan ang Diyos tungkol sa tradisyonal na kultura at hinimay-himay ito, hindi ko alam na mali ang mga ideya at pananaw na ito tungkol sa wastong asal, o kung anong uri ng pinsala ang magagawa ng mga ito sa akin, ngunit ngayon ay mayroon na akong kamalayan.) Isang magandang bagay na mayroon kayong kaunting kamalayan. Siyempre, pagkaraan ng ilang panahon, dapat ninyong makilala ang mga pagkakamali ng mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal. Mula sa pansariling pananaw, malamang na matatalikuran ninyo ang mga ito at matitigil ang pagturing ninyo sa mga ito bilang mga positibong bagay, ngunit mula sa isang obhetibong pananaw, kailangan pa rin ninyong maingat na unawain, tuklasin, at kilatisin ang gayong mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa pang-araw-araw na buhay, upang lubos ninyong maunawaan at matalikdan ang mga ito. Ang pagkakaroon ng kamalayan mula sa pansariling pananaw ay hindi nangangahulugan na kaya ninyong talikdan ang mga maling ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kapag nahaharap sa gayong mga bagay, maaaring bigla ninyong maramdaman na makatwiran ang mga kasabihang ito, at hindi ninyo lubusang matatalikdan ang mga ito. Sa gayong mga kaso, dapat ninyong hanapin ang katotohanan sa inyong mga karanasan, maingat na himay-himayin ang mga maling pananaw na ito ng tradisyonal na kultura nang alinsunod sa mga salita ng Diyos, at marating ang punto kung saan malinaw ninyong makikita na ang diwa ng mga kasabihang iyon mula sa tradisyonal na kultura ay salungat sa katotohanan, hindi makatotohanan, mapanlihis, at nakapipinsala sa mga tao. Sa ganitong paraan lamang tuluyang mapupuksa ang lason ng mga kakatwang pananaw na ito sa puso ninyo. Napagtanto na ninyo ngayon ang mga kapintasan ng iba’t ibang kasabihan ng tradisyonal na kultura sa usapin ng doktrina, at mabuti ito, ngunit simula pa lamang ito. Kung ganap mang mapupuksa ang nakalalason na impluwensya ng tradisyonal na kultura sa hinaharap, nakadepende ito sa kung paano hinahangad ng mga tao ang katotohanan.

Anuman ang kasabihan tungkol sa wastong asal, isa itong uri ng ideolohikal na pananaw sa wastong asal na isinusulong ng sangkatauhan. Nauna na nating inihayag ang diwa ng ilan sa iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal, ngunit dagdag pa sa mga aspekto na ating pinagbahaginan noong nakaraan, tiyak na mayroon pa ring ilan pang kasabihan tungkol sa wastong asal na dapat ihayag, upang magkamit ng mas malalim na pagkaunawa at pagkakilala sa napakaraming kasabihan tungkol sa wastong asal na isinusulong ng mga tao. Ito ay isang bagay na dapat ninyong gawin. Tungkol sa kasabihan sa wastong asal na, “Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa” na pinagbahaginan natin nitong huli, kung huhusgahan ang kahulugan ng pangungusap na ito, pangunahin itong nakatuon sa mga lalaki. Hinihingi ito sa mga lalaki, at isa rin itong pamantayan para sa tinatawag ng sangkatauhan na “lalaking-lalaki, matipunong lalaki.” Inilantad at sinuri natin ang pamantayang ito tungkol sa mga lalaki. Bukod pa sa hinihinging ito sa mga lalaki, mayroon ding kasabihan na “Ang isang babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” na pinagbahaginan natin noong nakaraan, at na isinulong tungkol sa kababaihan. Mula sa dalawang kasabihang ito, malinaw na makikita na ang tradisyonal na kultura ng sangkatauhan ay hindi lamang nagsusulong ng mga hindi makatotohanan, hindi makataong hinihingi para sa kababaihan na hindi umaayon sa kalikasan ng tao, ngunit hindi rin ligtas ang mga lalaki rito, sa pamamagitan ng pagsulong ng mga pahayag at hinihingi tungkol sa kanila na imoral, hindi makatao, at sumasalungat sa kalikasan ng tao, sa gayon ay pinagkakaitan hindi lamang ang mga babae ng kanilang mga karapatang pantao, kundi pati na rin ang mga lalaki. Mula sa pananaw na ito, tila makatarungan lang ang pagiging walang kinikilingan, ang hindi pagiging maluwag sa mga babae, o hindi pagpapalagpas sa mga lalaki. Gayunpaman, kung isasaalang-alang ang mga hinihingi at pamantayan ng tradisyonal na kultura sa kababaihan at kalalakihan, malinaw na mayroong mga seryosong problema sa pamamaraang ito. Bagamat sa isang banda, isinusulong ng tradisyonal na kultura ang mga pamantayan ng wastong asal para sa kababaihan at, sa kabilang banda, ay nagtatakda rin ng mga batayan ng pag-uugali para sa mga tunay at malakas na lalaki, batay sa mga hinihingi at pamantayang ito ay malinaw na walang pagkamakatarungan. Hindi ba’t maaaring sabihin iyon? (Maaari.) Ang mga hinihingi at pamantayang ito sa wastong asal ng kababaihan ay malubhang hinihigpitan ang kalayaan ng kababaihan, iginagapos hindi lamang ang mga iniisip ng kababaihan, kundi pati na rin ang kanilang mga paa, sa pamamagitan ng pagtatakda sa kanila na manatili sa bahay at mamuhay nang tahimik, hindi kailanman umaalis ng bahay at magkaroon lang ng kaunting pakikipag-ugnayan sa mundo sa labas. Bukod sa pagpapaalala sa mga babae na maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal, nagpapataw pa nga ang mga ito ng mahihigpit na regulasyon sa saklaw ng kilos at mga limitasyon sa buhay ng kababaihan, sa pamamagitan ng pagtatakda sa kanila na huwag magpakita sa publiko, huwag maglakbay nang malayo, at huwag gumanap ng anumang propesyon, lalo na ang magkaroon ng anumang malalaking ambisyon, hangarin at mithiin, at isinusulong pa nga ng mga ito ang mas hindi makataong pahayag—na kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan. Ano ang nararamdaman ninyo pagkarinig nito? Totoo ba talaga ang pahayag na “Kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan”? Paanong naging kabutihan sa isang babae ang hindi magtaglay ng mga kasanayan? Ano ba mismo ang salitang “kabutihan”? Nangangahulugan ba ito ng kawalan ng kabutihan, o pagiging malinis? Kung ang lahat ng babaeng walang kasanayan ay itinuturing na malinis, kung gayon, ang lahat ba ng babaeng may kasanayan ay walang kabutihan at magandang asal? Ito ba ay isang paghatol at pagkondena sa mga babaeng may kasanayan? Ito ba ay isang malubhang pagkakait ng mga karapatang pantao ng kababaihan? Ito ba ay isang insulto sa dignidad ng kababaihan? (Oo.) Hindi lamang nito binabalewala ang pag-iral ng kababaihan, kundi pinapawalang-saysay rin nito ang kanilang pag-iral, na hindi makatarungan at imoral para sa kababaihan. Kaya, ano ang tingin ninyo sa kasabihang ito na “Kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan”? Hindi ba ito makatao? (Hindi ito makatao.) Paano dapat bigyang-kahulugan ang salitang “hindi makatao”? Ito ba ay walang kabutihan? (Wala.) Ito ay lubhang walang kabutihan. Kung gagamitin ang isang kasabihang Tsino, ito ay kawalan ng walong buhay ng kabutihan. Ang ganitong uri ng pahayag ay tiyak na hindi makatao! Ang mga taong nagpoproklama sa pahayag na “Kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan” ay nagkikimkim ng mga lihim na motibo at pakay: Ayaw nilang magkaroon ng kasanayan ang mga babae, at ayaw nilang makilahok ang mga babae sa gawain ng lipunan at maging kapantay sa posisyon ng mga lalaki. Gusto lang nilang maging mga kasangkapan ang mga babae sa paglilingkod sa mga lalaki, maamong naghihintay sa mga lalaki sa bahay at walang ibang ginagawa—sa palagay nila, ito ang ibig sabihin ng “malinis.” Hinahangad nilang tukuyin ang mga babae bilang walang silbi, at itanggi ang halaga ng mga ito, ginagawang alipin lang ang mga ito ng mga lalaki, at itinutulak ang mga ito na pagsilbihan ang mga lalaki magpakailanman, nang hindi tinutulutan ang mga ito kahit kailan na maging kapantay sa posisyon ng mga lalaki at magtamasa ng pantay na pagtrato. Nagmumula ba sa normal na pag-iisip ng tao ang ganitong pananaw, o nagmumula kay Satanas? (Kay Satanas.) Tama iyan, tiyak na nagmumula ito kay Satanas. Anuman ang likas o pisikal na kahinaan ng kababaihan, wala sa mga ito ang problema at hindi ito dapat maging dahilan o rason para siraan ng mga lalaki ang mga babae, insultuhin ang dignidad ng mga babae, at ipagkait sa mga babae ang kanilang kalayaan o karapatang pantao. Sa mga mata ng Diyos, ang mga kapintasan at likas na kahinaan na ito na iniuugnay ng mga tao sa kababaihan ay hindi isang problema. At bakit ganoon? Dahil ang mga babae ay nilikha ng Diyos, ang mga bagay na ito na iniisip ng mga tao na mga kahinaan at problema ay nagmumula mismo sa Diyos. Ang mga ito ay nilikha at pauna nang itinakda ng Diyos, at hindi talaga mga kapintasan o problema. Ang mga bagay na ito ay tila mga kahinaan at kapintasan sa mata ng mga tao at ni Satanas, pero ang totoo, ang mga ito ay natural at positibong mga bagay, at umaayon din ang mga ito sa mga likas na batas na binuo ng Diyos noong nilikha Niya ang sangkatauhan. Tanging si Satanas ang makasisira sa mga nilikha ng Diyos sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng pagturing sa mga bagay na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao bilang mga kapintasan, kahinaan, at problemang may kinalaman sa likas na mga kakulangan, at pinalalaki ang mga ito, at ginagamit ang mga ito para siraan, kutyain, hamakin, at itakwil ang mga tao, at pagkaitan ang kababaihan ng kanilang karapatang umiral, ng kanilang karapatang gampanan ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa sangkatauhan, at para pagkaitan din sila ng kanilang karapatang ipakita ang kanilang mga kasanayan at espesyal na talento sa sangkatauhan. Halimbawa, kadalasang ginagamit sa lipunan ang mga terminong gaya ng “mahiyain” o “babaeng-babae” para ilarawan ang mga babae at alisan sila ng halaga. Ano pa ang ibang gayong mga salita? “Malamya,” “mahaba ang buhok pero mababaw ang pananaw,” “hangal na dalagang may malaking dibdib” at iba pa, ay pawang mga terminong nakakainsulto sa mga babae. Gaya ng nakikita mo, ang mga terminong ito ay ginagamit upang insultuhin ang kababaihan sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanilang mga namumukod na katangian o mga bansag na nauugnay sa babaeng kasarian. Malinaw na itinuturing ng lipunan at sangkatauhan ang kababaihan mula sa ganap na naiibang pananaw sa kalalakihan, isang pananaw na hindi rin patas. Hindi ba’t hindi ito makatarungan? Hindi ito pagsasalita o pagturing sa mga bagay mula sa isang pundasyon ng pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae, sa halip, ito ay pagturing sa kababaihan nang may paghamak mula sa isang perspektiba ng pangingibabaw ng lalaki, at ng ganap na hindi pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae. Samakatuwid, sa lipunan o sa mga tao, maraming terminong lumitaw na tumutukoy sa mga namumukod na katangian ng babae at lumitaw rin ang mga bansag sa kababaihan para mailarawan ang iba’t ibang problema sa mga tao, pangyayari, at bagay. Halimbawa, ang mga ekspresyon na “mahiyain,” “babaeng-babae,” “malamya” at pati na “mahaba ang buhok pero mababaw ang pananaw,” “hangal na dalagang may malaking dibdib” na kababanggit lang natin ngayon ay ginagamit ng mga tao hindi lamang para ilarawan at puntiryahin ang mga babae, kundi para din kutyain, hamakin, at ilantad ang mga tao, pangyayari, at bagay na kanilang kinamumuhian, gamit ang mga terminong nauugnay sa mga katangian ng babae at kasarian ng babae. Katulad lang ito ng kapag inilalarawan ang isang tao bilang walang pagkatao, maaaring sabihin na ang taong ito ay walang puso at malupit, dahil iniisip ng mga tao na hindi mabubuting bagay ang pagiging walang puso at malupit, kaya’t pinagsama nila ang mga bagay na ito para ilarawan kung gaano kasama ang isang taong nawalan ng pagkatao. Katulad nito, dahil kinamumuhian ng mga tao ang mga babae at binabalewala ang kanilang pag-iral, gumagamit sila ng ilang terminong nauugnay sa mga babae para ilarawan ang mga tao, pangyayari, at bagay na kanilang kinamumuhian. Ito ay malinaw na isang paninirang-puri sa kasariang babae. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Ano’t anuman, hindi patas at salungat sa mga katunayan ang paraan ng sangkatauhan at lipunan sa pagturing at pagtukoy sa kababaihan. Sa madaling salita, ang saloobin ng sangkatauhan sa kababaihan ay mailalarawan sa dalawang salita, “mapanira” at “mapanupil.” Ang mga babae ay hindi tinutulutang tumayo at gumawa ng mga bagay-bagay, o gumanap ng anumang obligasyon at responsabilidad sa lipunan, lalo na ang gumanap ng anumang papel sa lipunan. Sa pagbubuod, ang mga babae ay hindi pinapayagang lumabas ng bahay para lumahok sa anumang gawain sa lipunan—ito ay pagkakait sa kababaihan ng kanilang mga karapatan. Ang kababaihan ay hindi tinutulutang mag-isip nang malaya, o magsalita nang malaya, lalo na ang kumilos nang malaya, at hindi sila pinapayagang gawin ang alinman sa mga bagay na dapat nilang gawin. Hindi ba’t pang-uusig ito sa kababaihan? (Ito ay pang-uusig.) Ang pang-uusig ng tradisyonal na kultura sa kababaihan ay halata sa mga hinihingi sa wastong asal na iniaatang sa kanila. Kung titingnan ang iba’t ibang hinihingi ng pamilya, lipunan, at komunidad sa kababaihan, opisyal na nagsimula ang pang-uusig sa kababaihan noong unang nabuo ang mga komunidad at lumikha ang mga tao ng malinaw na mga kaibahan ng mga kasarian. Kailan ito umabot sa sukdulan nito? Ang pang-uusig sa kababaihan ay umabot sa sukdulan nito kasunod ng unti-unting paglitaw ng iba’t ibang kasabihan at hinihingi tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura. Dahil may mga nakasulat na regulasyon at malinaw na mga kasabihan, ang mga nakasulat na regulasyon at malinaw na kasabihang ito sa lipunan ang humubog sa pampublikong opinyon at bumuo rin ng isang uri ng puwersa. Ang pampublikong opinyon at ang puwersang ito ay naging isang uri na ng hindi maaalis na hawla at tanikala para sa kababaihan, na walang magawa kundi tanggapin na lamang ang kanilang kapalaran, dahil sa pamumuhay kasama ng sangkatauhan at sa iba’t ibang panahon ng lipunan, ang mga kababaihan ay maaari lamang magtiis sa kawalan ng katarungan at magdusa sa mga insulto, hamakin ang kanilang sarili, at maging mga alipin sa lipunan at maging sa mga lalaki. Hanggang ngayon, ang mga matagal na at sinaunang ideya at kasabihang iyon na isinulong sa paksa ng wastong asal ay malalim pa ring nakakaimpluwensya sa modernong lipunan ng tao, kabilang ang mga lalaki, at siyempre ang mga babae. Hindi sinasadya at hindi namamalayang ginagamit ng mga babae ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal at ang mga opinyon ng lipunan sa pangkalahatan para pigilan ang kanilang sarili, at siyempre hindi rin nila namamalayang nagsisikap silang makawala sa mga tanikala at hawla na ito. Gayunpaman, dahil ang mga tao ay walang anumang pagtutol sa makapangyarihang puwersang ito ng pampublikong opinyon sa lipunan—o para mas maging tumpak, hindi malinaw na nakikita ng mga tao ang diwa ng iba’t ibang kasabihan sa tradisyonal na kultura, ni lubos na nauunawaan ang mga ito—hindi sila makalaya at makalabas sa mga tanikala at hawla na ito, kahit na gusto nilang gawin ito. Sa pansariling antas, ito ay dahil hindi nakikita ng mga tao ang mga problemang ito nang malinaw; sa obhetibong antas, ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, o kung ano mismo ang ibig sabihin ng Lumikha sa paglikha ng mga tao, o kung bakit nilikha Niya ang mga likas na gawi ng lalaki at babae. Nilikha niya ang mga likas na ugali ng lalaki at babae. Kaya, ang mga lalaki at babae ay kapwa namumuhay at nananatili sa loob ng malawak na balangkas ng panlipunang moralidad, at gaano man sila naghihirap sa loob ng malawak na kapaligirang panlipunan na ito, hindi pa rin sila makatakas sa mga gapos ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal ng tradisyonal na kultura, mga kasabihan na naging mga hindi nakikitang kadena sa isipan ng bawat tao.

Iyong mga kasabihan na umuusig sa mga babae sa tradisyonal na kultura ay kagaya ng mga hindi nakikitang kadena, hindi lang para sa mga babae, kundi pati na rin siyempre para sa mga lalaki. Bakit Ko sinasabi iyon? Dahil ang maisilang sa gitna ng sangkatauhan, at ang maging gayundin kahalagang miyembro ng lipunang ito, pareho ring naikintal sa isip ng mga lalaki ang mga tradisyonal na kulturang ito ng moralidad at naimpluwensiyahan sila ng mga ito. Ang mga bagay na ito ay malalim ding nakaugat sa isipan ng bawat tao, at lahat ng lalaki ay walang kamalay-malay na naimpluwensyahan at naigapos ng tradisyonal na kultura. Halimbawa, lubos ding naniniwala ang mga lalaki sa mga ekspresyon tulad ng “mahiyain,” “kabutihan sa isang babae ang pagiging walang kasanayan,” “ang mga babae ay kailangang maging malinis, mabait, malumanay, at mabuti ang asal,” at “ang mga babae ay dapat na malinis,” at malalim ding nakakulong ang mga lalaki sa mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura tulad ng mga babae. Sa isang banda, ang mga kasabihang ito na umuusig sa kababaihan ay malaki ang pakinabang at tulong sa pagpapataas ng katayuan ng mga lalaki, at mula rito ay makikita na, sa lipunan, malaki ang naitulong ng pampublikong opinyon sa mga lalaki tungkol sa bagay na ito. Kaya naman, madali nilang tinatanggap ang mga opinyon at ekspresyong ito na umuusig sa kababaihan. Sa kabilang banda, nalilihis at naiimpluwensyahan din ang kalalakihan ng mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura ng moralidad, kaya masasabi rin na ang mga lalaki—bukod sa mga babae—ay mga biktima rin sa agos ng tradisyonal na kultura. May ilan na nagsasabing: “Ang lipunan sa pangkalahatan ay nagsusulong ng pangingibabaw ng mga karapatan ng lalaki, kaya bakit sinasabi na ang mga lalaki ay biktima rin?” Dapat itong tingnan mula sa perspektiba na ang sangkatauhan ay natukso, nailigaw, nalihis, namanhid, at nakulong ng tradisyonal na kultura ng moralidad. Ang kababaihan ay labis na napinsala ng mga ideya ng moralidad sa tradisyonal na kultura, at ang kalalakihan ay labis ding nalihis at nagdusa. Ano ang ibig sabihin ng “nalihis” sa ibang kahulugan? Nangangahulugan ito na ang mga tao ay walang tamang pananaw sa pagsuri sa mga lalaki at pagtukoy sa mga babae. Saang anggulo man nila tingnan ang mga bagay na ito, lahat ito ay nakabatay sa tradisyonal na kultura, hindi sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos o sa iba’t ibang tuntunin at batas na binuo ng Diyos para sa sangkatauhan, at hindi rin ito batay sa mga positibong bagay na Kanyang inihayag sa sangkatauhan. Mula sa pananaw na ito, ang mga lalaki ay biktima rin na natukso, nailigaw, nalihis, namanhid, at nakulong ng tradisyonal na kultura. Kaya hindi dapat isipin ng mga lalaki na ang mga babae ay lubhang kaawa-awa dahil lamang sa walang katayuan ang mga ito sa lipunan, at hindi dapat maging kampante ang mga lalaki dahil lamang ang kanilang katayuan sa lipunan ay mas mataas kaysa sa mga babae. Huwag magalak kaagad; ang totoo ay sobrang kaawa-awa rin ang mga lalaki. Kung ikukumpara mo sila sa mga babae, pare-pareho silang kaawa-awa. Bakit Ko sinasabing pare-pareho silang kaawa-awa? Tingnan natin muli ang kahulugan at pagtatasa ng lipunan at sangkatauhan sa mga lalaki, at ang ilang responsabilidad na itinalaga sa kanila. Batay sa hinihingi ng sangkatauhan sa mga lalaki na pinagbahaginan natin noong huli—“Ang isang tao ay hindi dapat masira ng kayamanan, mabago ng kahirapan, o mapasunod ng pamumuwersa”—ang pangunahing layon ng hinihinging ito ay ang tukuyin ang mga lalaki bilang lalaking-lalaki, matipunong lalaki, na isang pamantayan na katawagan sa mga lalaki. Kapag ang katawagang ito na “tunay, malakas na lalaki” ay itinalaga sa isang lalaki, nakatakda siyang mamuhay ayon sa titulong ito, at kung gusto niyang mamuhay ayon dito, kailangan niyang gumawa ng maraming walang kabuluhang sakripisyo at gumawa ng maraming bagay sa paraang sumasalungat sa normal na pagkatao. Halimbawa, kung isa kang lalaki at gusto mong kilalanin ka ng lipunan bilang isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki, kung gayon, hindi ka maaaring magkaroon ng anumang kahinaan, hindi ka maaaring maging kimi sa anumang paraan, dapat kang magkaroon ng malakas na kalooban, hindi ka maaaring magreklamo na napapagod ka, hindi ka maaaring umiyak, o magpakita ng anumang kahinaan ng tao, ni hindi ka maaaring malungkot, at hindi ka maaaring magpakatamad. Sa lahat ng oras, dapat mayroon kang kislap sa iyong mga mata, dapat mukha kang determinado at walang takot, at dapat magpakita ka ng galit sa iyong mga kaaway, upang mamuhay ka ayon sa titulo ng isang “lalaking-lalaki, matipunong lalaki.” Ibig sabihin, dapat mong hugutin ang iyong tapang at umasta nang maayos sa buhay na ito. Hindi ka maaaring maging isang katamtaman, ordinaryo, karaniwan, o hindi kapansin-pansing tao. Dapat kang lumampas sa pagiging isang mortal lamang at maging isang superhuman na nagtataglay ng pambihirang lakas ng loob at pambihirang tiyaga, pagtitiis, at katatagan, upang maging karapat-dapat na matawag na “lalaking-lalaki, matipunong lalaki.” Isa lamang ito sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura sa mga lalaki. Ibig sabihin, ang mga lalaki ay maaaring uminom, makiapid, at magsugal, ngunit dapat silang maging mas malakas kaysa sa mga babae at magkaroon ng napakalakas na loob. Anuman ang mangyari sa iyo, hindi ka dapat sumuko, kumurap, o humindi, at hindi ka dapat magpakita ng takot, pangamba, o kaduwagan. Dapat mong itago at takpan ang mga pagpapamalas na ito ng normal na pagkatao, at hindi mo dapat ibunyag ang mga ito sa anumang paraan, ni hayaan ang sinuman na makita ang mga ito, maging ang sarili mong mga magulang, ang iyong pinakamalapit na mga kamag-anak, o ang mga taong pinakamamahal mo. Bakit ganoon? Dahil gusto mong maging isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki. Ang isa pang katangian ng mga lalaking tunay at malakas ay na walang tao, pangyayari o bagay ang makahahadlang sa kanilang kapasyahan. Sa tuwing may gustong gawin ang isang lalaki—kapag mayroon siyang anumang hangarin, mithiin, o nais, tulad ng pagsilbihan ang kanyang bansa, magpakita ng katapatan sa kanyang mga kaibigan, o ilagay ang sarili sa kapahamakan para protektahan sila, o anumang propesyon na nais niyang gawin, o anumang ambisyon ang mayroon siya, tama man o mali—walang makapipigil sa kanya, at maging ang pagmamahal niya sa kababaihan, o kamag-anak, pamilya, o mga responsabilidad niya sa lipunan ay hindi makapagpapabago sa kanyang kapasyahan, o makapag-uudyok sa kanya na isuko ang kanyang mga hangarin, mithiin, at ninanais. Walang sinuman ang makapagpapabago sa kanyang kapasyahan, sa mga layon na nais niyang makamit, o sa landas na gusto niyang tahakin. Kasabay nito, dapat din niyang itakda sa kanyang sarili na huwag maging maluwag anumang oras. Sa sandaling maging maluwag siya, magpabagal-bagal at gustuhin niyang bumalik sa pagganap ng mga responsabilidad niya sa pamilya, sa pagiging isang mabuting anak sa kanyang mga magulang, pag-aalaga ng kanyang mga anak, at pagiging isang normal na tao, at isuko niya ang kanyang mga mithiin, mga hangarin, ang landas na gusto niyang tahakin, at ang mga layon na nais niyang makamit, hindi na siya magiging isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki. At kung hindi siya isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki, ano siya? Siya ay nagiging isang napakalambot na lalaki, isang walang kuwenta, na siyang mga katangiang hinahamak ng buong lipunan, at siyempre ay kinamumuhian din niya mismo. Sa sandaling mapagtanto ng isang lalaki na may mga problema at pagkukulang sa kanyang mga kilos at pag-uugali na hindi tumutugon sa pamantayan ng pagiging isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki, kamumuhian niya ang kanyang sarili sa loob-loob niya, at mararamdaman niyang wala siyang puwang sa lipunang ito, na hindi niya maipakita ang kanyang mga abilidad, at na hindi siya maaaring tawagin na isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki, o kahit man lang isang lalaki. Ang isa pang katangian ng mga lalaking-lalaki, matitipunong lalaki ay na hindi sila maaaring mapasunod ng pamumuwersa, na isang uri ng lakas kung saan imposibleng madaig sila ng anumang kapangyarihan, karahasan, pagbabanta, o iba pa. Anuman ang kapangyarihan, karahasan, pagbabanta, o maging mortal na panganib ang nakakaharap nila, ang gayong mga lalaki ay hindi natatakot sa kamatayan at kayang lampasan ang sunud-sunod na mga paghihirap. Hindi sila napipilit na gumawa ng isang bagay o nagpapasakop dahil sa takot, hindi sila susuko sa anumang puwersa para lamang mabuhay, at hindi sila magpapakababa upang makipagkompromiso. Sa sandaling sumuko sila sa kapangyarihan o anumang uri ng puwersa alang-alang sa ilang responsabilidad, obligasyon o iba pang dahilan, kahit na mabuhay pa sila at makapagpatuloy sa kanilang buhay, makakaramdam sila ng pagkasuklam sa kanilang pag-uugali dahil sa tradisyonal na kultura ng moralidad na iniidolo nila. Medyo ganito ang espiritu ng Bushido sa Japan. Sa sandaling mabigo ka o mapahiya, pakiramdam mo ay dapat kang magpakamatay sa pamamagitan ng pag-aalis ng iyong bituka. Ganoon ba kadali ang mabigyan ng buhay? Isang beses lang nabubuhay ang mga tao. Kung nag-iisip ka na agad na magpakamatay dahil lang sa isang maliit na kabiguan o problema, dulot ba ito ng impluwensya ng tradisyonal na kultura? (Oo.) Kapag nagkaroon sila ng problema at hindi sila makapagdesisyon kaagad, o makapagpasya batay sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura, o hindi nila mapatunayan ang kanilang dignidad at pagkatao, o mapatunayan na sila ay isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki, hahangarin nila ang kamatayan at magpapakamatay sila. Ang dahilan kung bakit kayang panghawakan ng mga lalaki ang mga ganitong ideya at pananaw ay dahil sa matinding epekto ng tradisyonal na kultura, at sa paraan ng paglimita nito sa kanilang pag-iisip. Kung hindi sila naiimpluwensyahan ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, hindi magkakaroon ng napakaraming lalaki na nagpapakamatay o nag-aalis ng kanilang bituka. Kung tungkol sa kahulugan ng isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki, lubos na sumasang-ayon at nakatitiyak na tinatanggap ng mga lalaki ang mga ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura, at itinuturing ang mga ito bilang mga positibong bagay kung saan nila susukatin at pipigilan ang kanilang sarili, at susukatin at pipigilan din ang ibang lalaki. Kung huhusgahan ang mga kaisipan, pananaw, mithiin, at layon ng mga lalaki, at ang landas na kanilang pinipili, lahat ng ito ay nagpapatunay na ang lahat ng lalaki ay malalim na naimpluwensyahan at nalason ng tradisyonal na kultura. Ang maraming kuwento tungkol sa magigiting na kabayanihan at magagandang alamat ay isang tunay na larawan ng kung paano malalim na nakaugat sa isipan ng mga tao ang tradisyonal na kultura. Mula sa pananaw na ito, ang pagkalason ba ng mga lalaki sa tradisyonal na kultura ay kasinglalim ng sa kababaihan? Ang tradisyonal na kultura ay basta-basta lang nagtatakda ng magkaibang pamantayan ng mga hinihingi sa mga lalaki at babae, iniinsulto, nilalait, hinihigpitan, at kinokontrol ang kababaihan nang walang pagpipigil habang masigasig nitong hinihimok, hinihikayat, sinusulsulan, at inuudyukan ang mga lalaki na huwag maging duwag o karaniwan, at ordinaryong tao. Ang hinihingi sa mga lalaki ay na dapat lahat ng ginagawa nila ay naiiba sa mga babae, dapat nahihigitan nila ang mga ito, dapat ay mas mataas sila sa mga ito, at nangingibabaw sa mga ito. Dapat nilang kontrolin ang lipunan, kontrolin ang lahi ng tao, kontrolin ang mga kalakaran at direksyon ng lipunan, at kontrolin ang lahat ng bagay sa lipunan. Ang mga lalaki ay dapat pa ngang maging makapangyarihan sa lahat sa lipunan, na may kapangyarihang kontrolin ang lipunan at ang mga tao, at kabilang din sa kapangyarihang ito ang paghahari at pagkontrol sa kababaihan. Ito ang dapat hangarin ng mga lalaki, at ito rin ang magiting na ugali ng isang lalaking-lalaki, matipunong lalaki.

Sa kasalukuyang panahon, maraming bansa ang naging demokratikong lipunan kung saan ang mga karapatan at interes ng kababaihan at mga bata ay medyo garantisado, at ang impluwensya at mga hadlang ng mga ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura sa mga tao ay hindi na masyadong halata. Dahil kung tutuusin, marami nang kababaihan ang nagtagumpay sa lipunan, at dumarami na ang kanilang pakikilahok sa maraming larangan at maraming trabaho. Gayunpaman, dahil ang mga ideya ng tradisyonal na kultura ay matagal nang malalim na nakaugat sa isipan ng mga tao—hindi lamang sa isipan ng mga babae, kundi pati na rin sa mga lalaki—kapwa lalaki at babae ay walang kamalay-malay na pinanghahawakan ang perspektiba at pananaw ng tradisyonal na kultura kapag pinag-iisipan at hinaharap ang iba’t ibang bagay. Siyempre, gumagampan din sila ng iba’t ibang propesyon at trabaho sa ilalim ng gabay ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura. Sa kasalukuyang lipunan, bagamat medyo umunlad na ang pagkakapantay-pantay ng mga lalaki at babae, ang ideya ng pagiging pinakamataas ng lalaki sa tradisyonal na kultura ay nangingibabaw pa rin sa isipan ng mga tao, at sa karamihan ng mga bansa, ang edukasyon ay nakabatay sa mga pangunahing ideya na ito ng tradisyonal na kultura. Kaya naman, bagamat sa lipunang ito ay bihirang gamitin ng mga tao ang mga kasabihang ito ng tradisyonal na kultura para pag-usapan ang iba’t ibang isyu, nakakulong pa rin sila sa loob ng ideolohikal na balangkas ng tradisyonal na kultura. Anong uri ng mga termino mayroon ang modernong lipunan para sa pagpuri sa isang babae? Halimbawa, “malalakas na babae” at “ubod ng galing na babae.” Ang mga ito ba ay magalang o mapanlait na uri ng katawagan sa tao? May mga babaeng nagsasabing: “May tumawag sa akin na malalakas na babae, na inakala kong isang papuri. Ano ang tingin mo roon? Naging bahagi na ako ng lipunan ng lalaki at napaganda ang katayuan ko. Kahit babae ako, sa pagdagdag ng salitang ‘parang lalaki’, nagiging isa akong malalakas na babae, kung gayon ay maaari akong maging isang taong kapantay ng mga lalaki, na isang uri ng karangalan!” Isa itong uri ng pagkilala at pagtanggap sa babaeng ito ng isang komunidad o isang grupo sa lipunan ng tao, na isang napakalaking karangalan, hindi ba? Kung ang isang babae ay inilarawan bilang isang malalakas na babae, nagpapatunay ito na napakahusay ng kakayahan ng babaeng ito, na katulad ng mga lalaki, sa halip na mas mababa sa kanila, at ang kanyang propesyon, mga talento, at maging ang kanyang katayuan sa lipunan, ang kanyang IQ at ang mga paraan kung paano siya nagkakamit ng katayuan sa lipunan ay sapat na upang maihambing sa mga lalaki. Sa nakikita Ko, para sa karamihan ng kababaihan, ang katawagang “malalakas na babae” ay isang gantimpala mula sa lipunan, isang uri ng pagkilala ng katayuan sa lipunan na ibinibigay ng modernong lipunan sa kababaihan. May mga babae bang gustong maging malalakas na babae? Bagamat hindi kanais-nais ang katawagang ito, anuman ang sitwasyon, ang pagtawag sa isang babae na parang lalaki ay tiyak na pagpuri sa kanya sa pagiging napakahusay at may kakayahan, at pagbibigay ito sa kanya ng pagsang-ayon sa mga mata ng mga lalaki. Tungkol naman sa mga katawagan para sa mga lalaki, pinanghahawakan pa rin ng mga tao ang mga tradisyonal na kuru-kuro, na hindi kailanman nagbabago. Halimbawa, ang ilang lalaki ay walang dedikasyon sa propesyon at hindi naghahangad ng kapangyarihan o katayuan, kundi tinatanggap nila ang kanilang kasalukuyang sitwasyon, at kontento na sila sa kanilang ordinaryong trabaho at buhay, at lubos silang nagmamalasakit para sa kanilang pamilya. Anong uri ng mga katawagan ang ibinibigay ng lipunang ito sa gayong mga tao? Inilalarawan ba ang mga lalaking ito bilang walang kuwenta? (Oo.) Ang ilang lalaki ay napakamabusisi at maselan sa pag-aasikaso ng mga bagay-bagay, ginagawa ang mga ito nang pahakbang-hakbang at nang may matinding pag-iingat. Ano ang tawag sa kanila ng ilang tao? “Parang babae” o “mahiyain.” Alam mo, hindi naiinsulto ang mga lalaki sa maruruming salita, sa halip ay gamit ang mga ekspresyong nauugnay sa mga babae. Kung nais ng mga tao na itaas ang kasarian ng babae, gumagamit sila ng mga termino tulad ng “malalakas na babae” at “ubod ng galing na babae” upang pagandahin ang katayuan ng isang babae at pagtibayin ang kanilang kakayahan, samantalang ang mga terminong tulad ng “mahiyain” ay ginagamit para siraan ang mga lalaki at sawayin sila sa pagiging hindi tunay na lalaki. Hindi ba’t isa itong laganap na pangyayari sa lipunan? (Oo.) Ang mga kasabihang ito na lumitaw sa modernong lipunan ay nagpapatunay ng isang problema, na bagamat ang tradisyonal na kultura ay tila malayo na sa modernong buhay, at napakalayo sa isipan ng mga tao, at bagamat ang mga tao ay nalulong na ngayon sa Internet o sa iba’t ibang elektronikong aparato, o nahuhumaling sa lahat ng uri ng modernong pamumuhay, at kahit pa lubos na komportableng namumuhay ang mga tao sa modernong mga kapaligiran ng pamumuhay, o may mga karapatang pantao at kalayaan, ito ay isang pagpapanggap lamang; ang totoo ay na ang karamihan sa lason ng tradisyonal na kultura ay nananatili pa rin sa kanilang isipan. Bagamat nagkaroon ng ilang pisikal na kalayaan ang mga tao, at tila nagbago na ang ilan sa kanilang mga pangunahing pagtingin sa mga tao at bagay, at tila nagkaroon sila ng kaunting kalayaan sa kanilang pag-iisip, at tila nakakuha sila ng mga bagong kabatiran sa modernong lipunang ito dahil sa mabilis na sirkulasyon ng balita at sa modernong information technology, at alam at nakita nila ang maraming bagay sa labas ng mundo, namumuhay pa rin ang mga tao sa anino ng napakaraming kasabihan sa wastong asal na isinusulong ng tradisyonal na kultura. Kahit na may ilang taong nagsasabing, “Ako ang pinaka-hindi tradisyonal na tao, napakamoderno ko, isa akong modernista,” at mayroon silang gintong singsing sa kanilang ilong, isang hanay ng mga hikaw sa kanilang tainga, at ang mga damit nila ay napakamakabago at uso, ang mga pagtingin nila sa mga tao at bagay, pati na rin ang kanilang mga pagtingin sa kung paano sila dapat umasal at kumilos, ay hindi pa rin mapaghihiwalay sa tradisyonal na kultura. Bakit walang magawa ang mga tao kung wala ang tradisyonal na kultura? Dahil ang puso’t isipan nila ay nalublob na sa tradisyonal na kultura at nabilanggo nito. Ang lahat ng bagay na nabubuo sa kaloob-looban ng kanilang kaluluwa, at maging ang mga ideyang saglit na kumikislap sa kanilang isipan, ay nagmumula sa indoktrinasyon at pagtatanim sa isip ng tradisyonal na kultura, at lahat ay nabubuo sa loob nitong napakalawak na balangkas ng tradisyonal na kultura, sa halip na hiwalay sa impluwensya nito. Pinatutunayan ba ng mga katunayang ito na ang mga tao ay nabilanggo na ng tradisyonal na kultura? (Oo.) Nabilanggo na ng tradisyonal na kultura ang mga tao. Hindi mahalaga kung matalino ka o mataas ang pinag-aralan mo, hangga’t namumuhay ka kasama ng mga tao, hindi maiiwasang maitanim sa isip mo at maimpluwensyahan ka ng tradisyonal na kultura ng moralidad ng sangkatauhan, dahil ang mga bagay ng tradisyonal na kultura ay nagsasagawa ng isang uri ng di-nakikitang puwersa at kapangyarihan na umiiral sa lahat ng dako, hindi lamang sa mga paaralan at sa mga aklat-aralin ng mga tao, kundi lalo na sa kanilang mga pamilya, at siyempre sa bawat sulok ng lipunan. Sa ganitong paraan, hindi namamalayang nadodoktrinahan, naiimpluwensyahan, nalilihis, at naliligaw ng mga bagay na ito ang mga tao. Samakatuwid, ang mga tao ay nabubuhay sa ilalim ng mga gapos, mga tanikala, at kontrol ng tradisyonal na kultura, at hindi sila makatago o makatakas mula rito kahit pa gustuhin nila. Nabubuhay sila sa ganitong uri ng kapaligirang panlipunan. Ito ang kasalukuyang kalagayan ng mga usapin, at ito rin ang mga katunayan.

Kung titingnan ito batay sa mga kasabihan ng wastong asal at sa diwa ng mga ito na pinagbahaginan natin noong huli, itinatago ng gayong mga kasabihan sa tradisyonal na kultura ang mga tiwaling disposisyon at ang diwa ng sangkatauhan, at siyempre tinatago rin ng mga ito ang katunayan na ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang mga depinisyon ng mga lalaki at babae sa tradisyonal na kultura na pinagbahaginan natin ngayong araw ay malinaw na naglalarawan ng isa pang mahalagang aspekto ng mga kasabihan sa wastong asal. Anong diwa iyon? Ang mga kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay hindi lamang nanglilihis, nangliligaw at nanglilimita ng pag-iisip ng mga tao, kundi siyempre nagtatanim din ang mga ito sa mga tao ng mga maling konsepto at pananaw tungkol sa iba’t ibang tao, usapin, at bagay. Ito ay isang katunayan, at isa pang mahalagang aspekto sa mga kasabihan sa wastong asal na isinusulong ni Satanas. Paano mapatutunayan ang salaysay na ito? Hindi pa ba sapat ang mga depinisyon ng mga lalaki at babae sa mga kasabihan tungkol sa wastong asal na pinagbahaginan natin ngayon-ngayon lang para mailarawan ang puntong ito? (Sapat na.) Sapat na nga ang mga ito para mailarawan ang puntong ito. Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay nagtatalakay lamang tungkol sa tama at maling pag-uugali, at sa mabubuti at masasamang pagsasagawa, at mababaw lamang na nagtatalakay tungkol sa mabuti at masama, tama at mali. Hindi ipinaaalam ng mga ito sa mga tao kung ano ang positibo at negatibo, mabuti at masama, tama at mali pagdating sa mga tao, usapin, at mga bagay-bagay. Ang mga bagay na pinapasunod nila sa mga tao ay hindi mga tamang batayan o prinsipyo para sa pag-uugali at asal na sang-ayon sa sangkatauhan o kapaki-pakinabang sa mga tao. Nilalabag man ng mga kasabihang ito sa wastong asal ang mga likas na batas ng sangkatauhan, o handa mang sumunod ang mga tao rito o hindi, pinipilit nito ang mga tao na kumapit nang mahigpit sa dogma nang hindi kinikilala kung ano ang tama at mali, mabuti at masama. Kung mabibigo kang sundin ang mga ito, lalaitin at kokondenahin ka ng lipunan, at lalaitin mo pa nga ang iyong sarili. Tunay ba itong larawan ng kung paano kinukulong ng tradisyonal na kultura ang pag-iisip ng tao? Ito ay tumpak na tunay na sumasalamin sa kung paano kinukulong ng tradisyonal na kultura ang pag-iisip ng tao. Sa sandaling lumikha ang tradisyonal na kultura ng mga bagong kasabihan, hinihingi, at panuntunan, o humubog ng pampublikong opinyon, o magtatag ng isang kalakaran o kagawian sa lipunan, hindi maiiwasang madadala ka sa kalakaran o kagawiang ito, at hindi ka maglalakas-loob na humindi o tumanggi, lalong hindi ka mag-aalinlangan at magkakaroon ng ibang mga opinyon. Maaari mo lang ilaan ang sarili mo rito, kung hindi, kukutyain at kakastiguhin ka ng lipunan, at lalaitin pa nga ng pampublikong opinyon at kokondenahin ng sangkatauhan. Ano ang mga kahihinatnan ng paglait at pagkondena? Hindi mo na magagawang harapin ang pagiging nasa paligid ng mga tao, dahil mawawalan ka ng dignidad, dahil hindi ka makasusunod sa etika ng lipunan, wala kang mga kabutihang-asal, at wala kang wastong asal na hinihingi ng tradisyonal na kultura, at kaya hindi ka magkakaroon ng posisyon sa lipunan. Ano ang mga kahihinatnan ng kawalan ng posisyon sa lipunan? Na hindi ka magiging karapat-dapat na mamuhay sa lipunang ito, at ang lahat ng aspekto ng iyong mga karapatang pantao ay aalisin, maging hanggang sa punto na ang iyong karapatang mabuhay, karapatang magsalita, at karapatang gampanan ang iyong mga obligasyon ay pipigilan at paghihigpitan. Ganito ang epekto at pagbabanta ng tradisyonal na kultura sa sangkatauhan. Lahat ay biktima nito, at siyempre ang lahat ay tagapagpatupad din nito. Nagiging biktima ka ng mga pampublikong opinyon na ito, natural ka ring nagiging biktima ng lahat ng iba’t ibang tao sa lipunan, at kasabay niyon ay nagiging biktima ka rin ng sarili mong pagtanggap sa tradisyonal na kultura. Sa huling pagsusuri, nabibiktima ka sa mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura. May malaking epekto ba sa sangkatauhan ang mga bagay na ito sa tradisyonal na kultura? (Mayroon.) Halimbawa, kung ang isang babae ay paksa ng mga tsismis na hindi raw siya malinis, mabait, malumanay, at wala siyang mabuting asal, at na hindi siya isang mabuting babae, kung gayon, sa tuwing papasok siya para simulan ang isang bagong trabaho o sumali sa anumang grupo, sa sandaling malaman ng mga tao ang mga kuwento tungkol sa kanya, at makinig sa mga tsismosa at husgahan siya, hindi siya ituturing na mabuting babae sa mga mata ng sinuman. Sa sandaling lumitaw ang sitwasyong ito, mahihirapan siyang mamuhay sa lipunan. Ang ilang tao pa nga ay walang ibang mapagpipilian kundi ang itago ang kanilang identidad at lumipat sa ibang lungsod o kapaligiran. Makapangyarihan ba ang opinyon ng publiko? (Oo.) Ang di-nakikitang puwersang ito ay maaaring sumira at magwasak ng sinuman at yumurak sa kanila. Halimbawa, kung nananampalataya ka sa Diyos, malinaw na mahirap para sa iyo na mamuhay sa kapaligirang panlipunan ng Tsina. Bakit napakahirap mamuhay? Dahil sa sandaling manampalataya ka sa Diyos, gampanan mo ang iyong tungkulin at gugulin ang iyong sarili para sa Kanya, minsan ay hindi maiiwasang hindi mo maaasikaso ang iyong pamilya, at ang mga walang pananampalatayang diyablo ay magpapakalat ng tsismis na ikaw ay “hindi namumuhay nang normal,” “inaabandona ang iyong pamilya,” “nakikipagtanan sa iba,” at iba pa. Bagamat hindi tumutugma sa mga katunayan ang mga pahayag na ito, at lahat ay haka-haka at maling tsismis, sa sandaling ikaw ang paksa ng mga akusasyong ito, malalagay ka sa napakahirap na suliranin. Sa tuwing aalis ka para mamili, titingnan ka ng mga tao nang kakaiba, at magbubulung-bulungan at magkokomento sila sa likod mo, sasabihing, “Relihiyoso ang taong ito, walang kalinisan ng isang babae, namumuhay nang hindi disente, at ginugugol ang buong araw sa pagpunta sa kung saan-saan. Ito ay isang babaeng hindi itinutuon ang kanyang lakas sa pamumuhay nang normal. Ano ang ginagawa niya’t kung saan-saan siya pumupunta? Dapat sundin ng mga babae ang Confucian code ng tatlong pagsunod at apat na kabutihan, at asikasuhin ang kanilang asawa at palakihin ang kanilang mga anak.” Ano ang mararamdaman mo kapag narinig mo iyon? Magagalit ka ba nang husto? Ano ang pakialam nila kung nananampalataya ka sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin? Wala na silang pakialam dito, at gayon pa man, nagagawa nila itong ituring na parang isang paksa ng usapan pagkatapos ng hapunan, at nagkokomento at nagtsitsismisan sila tungkol dito na parang isa itong mahalagang usapin. Hindi ba’t isa itong penomeno sa lipunan? Hindi ba’t isa itong penomenong makikita sa lahat ng dako? Halimbawa, mayroon kang kasamahan na dati ay maayos ang pakikitungo sa iyo, ngunit nang mabalitaan niyang nananampalataya ka sa Diyos, nagpakalat siya ng lahat ng uri ng tsismis tungkol sa iyo sa likod mo, kaya ngayon ay maraming tao na ang umiiwas sa iyo, at hindi na maganda ang pakikitungo nila sa iyo. Bagamat ang saloobin mo sa iyong trabaho ay tulad pa rin ng dati, sa sandaling marinig ng karamihan sa mga tao ang tsismis na ito, magiging madali pa rin ba sa iyo na gawin ang trabahong ito? (Hindi, hindi ito magiging madali.) Mag-iiba ba sa dati ang saloobin ng mga tao sa iyo? (Oo.) Ano ang pag-uusapan nilang lahat? “Ang babaeng ito ay hindi itinutuon ang kanyang lakas sa pamumuhay nang normal. Bakit niya naisipang manampalataya sa relihiyon?” at “Bakit nananampalataya ang mga lalaki sa relihiyon? Mga talunan lang ang nananampalataya sa relihiyon! Iyan ay isang bagay na ginagawa ng mga babae, samantalang ang mga lalaking-lalaki, matipunong lalaki ay dapat tumuon sa kanilang propesyon!” May nagsabi na ba ng mga bagay na ito? (Mayroon.) Saan nagmumula ang mga salitang ito? Ano ang pakialam nila kung nananampalataya ka sa Diyos at ginagampanan mo ang iyong tungkulin? Malaya ang mga tao na manalig sa gusto nila, at walang karapatang manghimasok ang iba. Kaya bakit nagagawa ka nilang pag-usapan? Bakit basta-basta ka na lang nilang pinupuna sa sandaling manampalataya ka sa Diyos? Sa isang antas, ang sanggunian nila sa kanilang mga komento ay hindi maiiwasang nakabase sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, at sa saloobin ng pambansang gobyerno sa pananampalataya. Bagamat sa panlabas ay pinag-uusapan ka nila, ang totoo ay basta-basta ka nilang pinupuna, ginagawan ng mga kuwento, at walang pakundangang kinokondena. Anu’t anuman, ang batayan sa mga komento at panghuhusga ng mga tao, pati na rin sa kanilang mga pananaw at saloobin sa iyong pananampalataya, ay lubos na naimpluwensyahan ng tradisyonal na kultura at ateistikong ideolohiya. Dahil bukod sa pagtuturo sa mga tao sa kung paano maging isang babae at paano maging isang lalaki, ano ang mahahalagang ideya ng tradisyonal na kultura? Na walang Langit at walang Diyos. Sa madaling salita, ito ay mga ateistikong ideya at pananaw. Kaya naman, tinatanggihan nila ang mga taong may pananalig, lalo na ang mga nananampalataya sa tunay na Diyos. Kung nakikibahagi ka sa mga mapamahiing aktibidad, nabibilang sa isang kulto, o nakikibahagi sa anumang aktibidad ng relihiyon, maaari ka nilang balewalain. Kung ikaw ay mapamahiin, maaari pa rin silang makisama sa iyo, ngunit sa sandaling sumampalataya ka sa Diyos, magbasa ng Kanyang mga salita araw-araw, magpalaganap ng ebanghelyo, gumanap ng iyong tungkulin, at sumunod sa Diyos, hindi sila magiging tugma sa iyo. Ano ang pinagmulan ng kanilang pagiging hindi tugma sa iyo? Upang maging tumpak, ang isang aspekto ay dahil sila ay mga walang pananampalataya at lahat sila ay sumusunod at nabibilang kay Satanas; ang isa pang aspekto ay na tinitingnan nila ang mga bagay ayon sa mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, at ayon sa mga patakaran at batas ng malaking pulang dragon—ito ay mga obhetibong katunayan. Sa tuwing nakikita nila ang mga tao, pangyayari, at bagay na hindi umaayon sa mga ideya ng tradisyonal na kultura, at sa tuwing nakikita nila na ang mga mananampalataya ang mga pinupuntirya ng panunupil ng estado at inaaresto ang mga ito, kinamumuhian nila ang mga ito, basta-bastang pinupuna, hinuhusgahan at kinokondena ang mga ito, at nakikipagtulungan sila sa gobyerno para subaybayan at iulat ang mga taong nananampalataya sa Diyos. Ano ang batayan nila sa paggawa nito? Pangunahing nakabatay ito sa tradisyonal na kultura, ateistikong ideolohiya, at masasamang patakaran ng malaking pulang dragon. Halimbawa, hinuhusgahan nila ang mga taong nananampalataya sa Diyos, sinasabing: “Ito ay isang babaeng hindi itinutuon ang kanyang lakas sa pamumuhay nang normal. Bakit kung saan-saan siya nagpupunta?” at “Ito ay isang lalaking hindi naghahangad ng wastong propesyon. Bakit siya nananampalataya sa relihiyon? Ang wastong mga lalaki ay may matatayog na ambisyon. Ang mga lalaking-lalaki, matipunong lalaki ay dapat tumutok sa kanilang mga propesyon!” Pag-isipan ito, hindi ba’t ang lahat ng karaniwang pahayag na ito ay malinaw na nagmula sa tradisyonal na kultura? (Oo.) Lahat ito ay nagmula sa tradisyonal na kultura. Ang karaniwan at makamundong mga tao na ito ay hindi naghahangad ng anumang pananampalataya, kundi naghahangad lamang ng pagkain, pag-inom at mga kasiyahan ng laman. Ang kanilang isipan ay hindi lamang puspos ng masasamang kalakaran, kundi malalim ding nakagapos at nakakulong sa mga bagay na ito ng tradisyonal na kultura, sila ay namumuhay sa ilalim ng impluwensiya nito nang hindi nila namamalayan, kaya’t natural para sa kanila na panghawakan ang mga pananaw na ito kapag nakikitungo sa sinuman at anumang bagay. Isa itong bagay na maaaring mangyari saanmang sulok ng modernong lipunan, at normal talaga ito. Ganito ang mga bagay-bagay sa mundong kontrolado ni Satanas, at sa panahon ng kasamaan at pakikiapid.

Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay hindi lamang nagtatanim ng mga maling konsepto at pananaw sa mga tao, kundi hinihikayat at hinihimok din sila na sundin ang ilang matinding kaisipan at panghawakan ang ilang matinding pag-uugali sa mga partikular na konteksto at sitwasyon. Halimbawa, gaya ng nabanggit kanina, “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan” ay ang uri ng hinihingi na isinusulong ni Satanas habang nagkukunwari na inaayos ang wastong asal ng mga tao pagdating sa pakikitungo sa kanilang mga kaibigan. Malinaw na ang mga kasabihan sa aspektong ito ng wastong asal ay naglalayon na magkaroon ang mga tao ng mga hindi makatwirang pag-iisip at pananaw kapag nakikitungo sa kanilang mga kaibigan, at nang-uudyok pa nga sa kanila na walang ingat na ialay ang kanilang buhay para sa kanilang mga kaibigan. Ito ay isang sukdulan at kalabisan na hinihingi ni Satanas sa mga tao kaugnay ng wastong asal. Ang totoo ay na mayroong iba pang kasabihan tungkol sa wastong asal na katulad ng “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” na nagtatakda rin sa mga tao na kumilos nang labis-labis. Ang lahat ng ito ay hindi makatao at hindi makatwiran na kasabihan. Kasabay ng pagkintal sa mga tao ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura, hinihingi rin ni Satanas sa mga tao na sumunod sa mga hindi makatwirang kaisipan at hindi makataong kasabihan, at mahigpit din silang pinapasunod sa mga ideya at gawaing ito. Masasabing katumbas ito ng paglalaro at paninira sa sangkatauhan! Ano ang mga kasabihang iyon? Halimbawa, ang dalawang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” at “Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito” ay nagsasabi sa mga tao sa mas tahasang paraan kaysa sa “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan”—na huwag pahalagahan ang buhay, at na dapat sayangin ang buhay sa ganitong paraan. Kapag hinihingi sa mga tao na isuko ang kanilang buhay, hindi nila dapat masyadong pahalagahan ang buhay, at sa halip ay dapat silang sumunod sa mga kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” at “Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito.” Halos nauunawaan na ninyong lahat ang literal na kahulugan ng dalawang kasabihang ito sa wastong asal, ngunit ano nga ba ang ipinapahayag at isinusulong ng mga ito? Para kanino ka dapat “sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”? Para kanino dapat “ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito”? Dapat tanungin at pagnilayan ng mga tao ang sarili nila: Makabuluhan bang gawin ang iminumungkahi ng mga kasabihang ito? Ang ganitong mga kasabihan ay unang nililihis at pinapamanhid ang isipan mo, ginugulo ang iyong paningin, at pagkatapos ay tinatanggal ang iyong mga karapatang pantao, inaakay ka sa maling direksyon, binibigyan ka ng mga maling depinisyon at pananaw, at pagkatapos niyon ay hinihimok kang isuko ang iyong kabataan at buhay para sa bansa, lipunan, at bayang ito, o para sa isang propesyon o para sa pag-ibig. Sa ganitong paraan, hindi namamalayang isinusuko ng mga tao ang kanilang buhay kay Satanas sa isang naguguluhan, nalilitong kalagayan, at higit pa rito, ginagawa nila ito nang kusa at nang walang reklamo o panghihinayang. Sa mismong sandaling isuko nila ang kanilang buhay ay saka lang nila nauunawaan ang lahat, at nararamdaman na dinaya sila sa paggawa nito para lang sa mga walang kabuluhang kadahilanan, ngunit huli na, at walang nang natitirang oras para magsisi. Kaya, ginugugol nila ang kanilang buhay nang nalilihis, naloloko, nawawasak, nasisira, at nayuyurakan ni Satanas, at sa huli, ang pinakamahalagang bagay na mayroon sila—ang buhay—ay kinuha rin. Ito ang kahihinatnan ng mga tao na tinuruan ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, at ganap itong nagpapatunay kung ano ang kahabag-habag na kapalaran na naghihintay sa mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at mga nalihis at naloko nito. Anong mga salita ang makapaglalarawan sa iba’t ibang taktikang ginagamit ni Satanas sa pagtrato sa sangkatauhan? Para simulan, mayroong “magpamanhid,” “manlihis,” at ano pa? Sabihin sa Akin ang ilan. (Lokohin, sirain, yurakan, wasakin.) Mayroon ding “udyukan,” “akitin,” “hingin ang buhay ng isang tao,” at panghuli, “paglaruan ang mga tao at lamunin sila.” Ito ang resulta ng pagtitiwali ni Satanas sa mga tao. Ang mga tao ay namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at ayon sa mga disposisyon ni Satanas. Kung hindi dahil sa pagpapahayag ng Diyos sa katotohanan at paggawa sa gawain ng paghatol at pagkastigo upang iligtas ang mga tao, hindi ba’t lahat ng sangkatauhan ay wawasakin, lalamunin at lilipulin ni Satanas?

Anong mga bagay sa tradisyonal na kultura ang ipinapahayag ng sangkatauhan? Ano ang ibig sabihin ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”? Ang pangunahing hinihingi ng kasabihang ito ay na sa tuwing ang mga tao ay gumagawa ng mga bagay-bagay, dapat silang maging sinsero at masigasig, ibigay ang kanilang lahat, at gawin ang kanilang makakaya hanggang sa sila ay mamatay. Sino nga ba ang pinaglilingkuran ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa nito? Siyempre ito ay ang lipunan, ang kanilang katutubong lupain, at ang bayan. Kaya sino ang may hawak ng kontrol sa lipunang ito, sa katutubong lupain, at sa bayang ito? Walang duda na ito ay si Satanas at ang mga diyablong hari. Kaya ano ang mga layon na gustong makamit ni Satanas at ng mga diyablong hari sa paggamit ng tradisyonal na kultura para ilihis ang mga tao? Ang isa ay ang gawing makapangyarihan ang bansa at maunlad ang bayan, at ang isa pa ay ang hikayatin ang mga tao na bigyang-karangalan ang kanilang mga ninuno at maalala sa mga susunod na henerasyon. Sa ganoong paraan, mararamdaman ng mga tao na wala nang hihigit pang karangalan kaysa sa gawin ang lahat ng bagay na ito, at magpapasalamat sila sa mga diyablong hari, at magiging handang isuko ang kanilang buhay para sa bayan, para sa lipunan, at para sa lupang tinubuan. Ang totoo, ang ginagawa lang nila ay paglingkuran si Satanas at ang mga diyablong hari, at pinaglilingkuran ang mga nangingibabaw na posisyon ni Satanas at ng mga diyablong hari, at isinusuko ang kanilang mahalagang buhay para sa mga ito. Kung, imbes na sabihin sa mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin bilang nilikha nang buong puso, isip, at lakas, at isabuhay ang pagkakawangis ng isang tao, sa halip ay hinihiling ng mga kasabihan ng tradisyonal na kultura sa mga tao na mamatay alang-alang sa bansa, para sa mga diyablong hari, o para sa ibang kadahilanan, kung gayon, nililihis ng mga ito ang mga tao. Sa panlabas, sinasabihan nito ang mga tao na gawin ang kanilang parte para sa bansa at bayan, gamit ang mga salitang tila importante at makatwiran, ngunit ang totoo ay pinipilit nito ang mga tao na mag-alay ng buong buhay na pagsisikap, at isakripisyo pa nga ang buhay nila, upang paglingkuran ang mga nangingibabaw na posisyon ni Satanas at ng mga diyablong hari. Hindi ba’t nililihis, niloloko, at pinapahamak nito ang mga tao? Ang iba’t ibang kasabihan na isinusulong ng tradisyonal na kultura ay hindi humihingi sa mga tao kung paano nila dapat isabuhay ang normal na pagkatao sa totoong buhay, o kung paano gampanan ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin, kundi sa halip, hinihingi ng mga ito sa mga tao kung anong uri ng wastong asal ang dapat nilang ipakita sa loob ng balangkas ng lipunan sa pangkalahatan, o sa madaling salita, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Gayundin, ang kasabihan sa wastong asal na “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay isa ring paniniwala na inihain para pilitin ang mga tao na maging tapat sa lipunan, sa bayan, at lalo na sa kanilang katutubong lupain. Ang ganitong uri ng paniniwala ay humihingi sa mga tao na magsikap sa paglilingkod sa bansa, sa kanilang katutubong lupain, at lipunan, at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Tanging ang mga masigasig at nagbibigay ng lahat nila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan ang itinuturing na marangal, malinis, at karapat-dapat na igalang at gunitain ng mga susunod na henerasyon. Ang unang bahagi ng kasabihang ito, “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo,” ay nangangahulugang maging masigasig at ibigay ang lahat mo. Mayroon bang anumang problema sa pariralang ito? Kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng likas na gawi ng tao at sa saklaw ng kung ano ang maisasakatuparan ng sangkatauhan, walang malalaking isyu sa pariralang ito. Hinihingi nito sa mga tao na maging masipag at ibigay ang kanilang lahat kapag gumagawa ng mga bagay o nagsasagawa ng isang layon. Sa esensya ay walang mali sa ganitong saloobin, na medyo naaayon naman sa pamantayan ng normal na pagkatao, at dapat magkaroon ng ganitong uri ng saloobin ang mga tao kapag ginagawa ang mga bagay-bagay. Ito ay medyo positibong bagay. Ibig sabihin, kapag gumagawa ng isang bagay, kailangan mo lang maging masigasig, ibigay ang lahat mo, gampanan ang iyong mga responsabilidad at obligasyon, at mamuhay ayon sa iyong konsensiya. Para sa sinumang may normal na pagkatao, konsensiya at katinuan, wala nang mas normal kaysa rito, at ang hinihinging ito ay hindi isang kalabisan. Pero ano ang kalabisan? Ito ang parte na humihingi sa mga tao na huwag huminto “hanggang sa araw ng kanilang kamatayan.” May problema sa pariralang “hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” na, hindi ka lamang dapat na maging masigasig at ibigay ang iyong lahat, kundi dapat mo ring ialay ang iyong buhay, at maaari ka lamang huminto kung mamamatay ka, kung hindi ay hindi ka maaaring huminto. Ibig sabihin nito ay dapat mong isakripisyo ang iyong buhay at ang isang habambuhay na pagsisikap. Hindi ka maaaring magkaroon ng mga makasariling motibo, at hindi ka maaaring sumuko hangga’t nabubuhay ka. Kung susuko ka sa kalagitnaan sa halip na magtiyaga hanggang kamatayan, hindi ito maituturing na mabuting moralidad. Ito ay isang pamantayan sa pagsukat ng wastong asal ng mga tao sa tradisyonal na kultura. Kung, sa paggawa ng isang bagay, ang isang tao ay masigasig na at ibinigay ang lahat niya sa loob ng saklaw ng kung ano ang kaya niyang makamit at hangga’t handa siyang gawin ito, ngunit hindi lang niya ito patuloy na ginawa hanggang kamatayan, at sumuko siya sa kalagitnaan at piniling magsagawa ng isa pang layon o magpahinga at pangalagaan ang kanyang sarili hanggang sa kanyang pagtanda, hindi ito “pagsunod sa ipinapagawa at pagsisikap gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” kaya’t ang taong ito ay walang taglay na mabuting moralidad. Ano ang tingin mo roon bilang isang pamantayan? Tama ba ito o mali? (Mali.) Malinaw na hindi naaayon ang pamantayang ito sa likas na gawi ng normal na pagkatao at sa mga karapatang nararapat para sa mga normal na tao. Hindi lamang nito hinihingi sa mga tao na maging masigasig, na ibigay ang lahat nila, at wala nang iba pa, kundi sa halip ay inoobliga nito ang mga tao na magpatuloy at huwag huminto hanggang sa mamatay sila—ito ang hinihingi nito sa mga tao. Gaano ka man kamasigasig, o gaano ka man nagsisikap na ibigay ang lahat mo kapag ginagawa ang isang bagay, sa sandaling sumuko ka sa kalagitnaan dahil ayaw mong magpatuloy, kung gayon, hindi ka isang taong may mabuting moralidad; samantalang, kung katamtaman lang ang iyong kasipagan at hindi ibinibigay ang iyong lahat, pero nagpapatuloy ka hanggang kamatayan, kung gayon, isa kang taong may mabuting moralidad. Ito ba ay isang pamantayan sa pagsukat ng wastong asal ng mga tao sa tradisyonal na kultura? (Oo.) Ito nga ay isang pamantayan sa pagsukat ng wastong asal ng mga tao sa tradisyonal na kultura. Kung titingnan ito sa ganitong paraan, natutugunan ba ng hinihinging “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ang mga pangangailangan ng normal na pagkatao? Ito ba ay patas at makatao para sa mga tao? (Hindi, hindi ito patas at hindi makatao.) Bakit mo nasabi iyan? (Hindi ito isang hinihingi na inihain sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao, ito ay isang bagay na ayaw piliin ng mga tao, at sumasalungat din ito sa konsensiya at katinuan.) Ang pangunahing kahulugan ng pamantayang ito ay na hinihingi nito sa mga tao na isuko ang mga pansariling kapasyahan, at mga pansariling hangarin at mithiin. Kung ang iyong mga kakayahan at talento ay makapaglilingkod sa lipunan, sa sangkatauhan, sa bayan, sa iyong katutubong lupain, at sa mga pinuno, dapat kang sumunod nang walang kondisyon, at dapat wala kang ibang pagpipilian. Dapat mong ialay ang buhay mo sa lipunan, sa bayan, sa iyong katutubong lupain, at maging sa mga pinuno, hanggang sa mamatay ka. Walang maaaring ibang mapagpipilian sa adhikaing kailangan mong gawin sa buhay na ito—wala ka nang ibang maaaring gawin pa. Maaari ka lamang mamuhay para sa kapakanan ng bayan, sangkatauhan, lipunan, sa iyong katutubong lupain, at maging sa mga pinuno. Maaari mo lamang silang paglingkuran, at hindi ka dapat magkaroon ng anumang mga personal na hangarin, lalo na ng mga makasariling motibo. Bukod sa kailangan mong isuko ang iyong kabataan at ilaan ang iyong lakas, kailangan mo ring ialay ang iyong buhay, at iyon ang tanging paraan para maging isa kang taong may mabuting moralidad. Ano ang tawag ng sangkatauhan sa gayong mabuting moralidad? Higit na pagiging matuwid. Ano, kung gayon, ang isa pang paraan ng pagpapahayag ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”? Paano naman ang kasabihang “Ginagawa ng mararangal na bayani ang kanilang parte para sa kanilang bansa at mga tao,” na karaniwang naririnig? Isinasaad nito na dapat gawin ng diumano’y mararangal na bayani ang kanilang parte para sa kanilang bansa at mga tao. Kailangan ba nilang gawin ito para sa kanilang pamilya, magulang, asawa, mga anak, at mga kapatid? Kailangan ba nilang gawin ito para magampanan ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin bilang isang tao? Hindi. Sa halip, dapat silang maging tapat at ilaan nila ang kanilang sarili sa bansa at sa bayan. Ito ay isa pang paraan ng pagsasabing “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Ang pagiging masigasig at pagbibigay ng lahat mo, na siyang tinatalakay ng hinihinging “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”, ay isa lamang kasabihan na maaaring tanggapin ng mga tao, at na ginagamit para udyukan ang mga tao na kusang-loob na “gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan.” Sino ang pakay ng panghabambuhay na dedikasyong ito? (Ang bansa at ang bayan.) Kaya sino ang kumakatawan sa bansa at sa bayan? (Ang mga pinuno.) Tama, ito ay ang mga pinuno. Hindi maaaring kumatawan ang isang tao o nagsasariling grupo sa bansa at sa bayan. Tanging ang mga namumuno ang matatawag na tagapagsalita para sa bansa at sa bayan. Sa panlabas, ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay hindi nagsasabi sa mga tao na kailangan nilang masigasig na gawin ang kanilang parte para sa bansa, bayan, at mga pinuno, at ibigay ang lahat nila hanggang sa sila ay mamatay. Gayunpaman, ang totoo ay na inoobliga nito ang mga tao na ialay ang kanilang buhay sa mga pinuno at diyablong hari hanggang sa mamatay sila. Ang kasabihang ito ay hindi nakapuntirya sa anumang hindi importanteng bagay sa lipunan o sa sangkatauhan; ito ay nakapuntirya sa lahat ng taong maaaring gumawa ng malalaking kontribusyon sa lipunan, sa sangkatauhan, sa kanilang katutubong lupain, sa bayan, at lalo na sa mga pinuno. Sa anumang dinastiya, panahon, at bayan, palaging may ilang taong may mga espesyal na kaloob, abilidad, at talento na “iniaangkop” ng lipunan, at pinagsasamantalahan at iginagalang ng mga pinuno. Dahil sa kanilang mga espesyal na talento at abilidad, at dahil mapapakinabangan ang kanilang mga talento at lakas sa loob ng lipunan, sa bayan, sa kanilang katutubong lupain at sa nasasakupan ng mga pinuno, sa mga mata ng mga pinunong ito, madalas silang itinuturing bilang ang uri ng taong makakatulong sa kanila na mas epektibong mapamumunuan ang sangkatauhan, at para mas mapatatag ang lipunan at mapatahimik ang damdamin ng publiko. Ang ganitong uri ng tao ay madalas na pinagsasamantalahan ng mga pinuno, na umaasa na ang gayong tao ay walang “mas mababang sarili” kundi isang “mas dakilang sarili” lamang, at na magagamit nila sa kapaki-pakinabang na paraan ang kanilang marangal na diwa at sila ay magiging mararangal na bayani na ang tanging laman ng puso ay ang bansa at mga tao, at na nagagawa nilang palaging mag-alala sa bansa at mga tao, at kaya pa nga nilang sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya nila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Kung talagang magagawa nila ito, kung masigasig nilang mapagsisilbihan ang bansa at ang mga tao nang buong lakas, at handa pa ngang gawin ito hanggang kamatayan, walang duda na sila ay naging isang may kakayahang katulong ng isang pinuno, at kinikilala pa nga bilang ang karangalan ng bayan o lipunan, o maging ng buong sangkatauhan, sa isang partikular na panahon. Sa tuwing may gayong grupo ng mga tao sa lipunan sa isang partikular na panahon, o mayroong ilang matuwid na loyalista na ipinagdiriwang bilang mga dakila at marangal na bayani, at mga kayang sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa lipunan, sangkatauhan, sa kanilang katutubong lupain, sa bayan, at sa pinuno, nagsisikap na gawin ang lahat ng kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, kung gayon, ang panahong ito ay itinuturing ng sangkatauhan bilang isang maluwalhating panahon ng kasaysayan.

Gaano karaming marangal na bayani sa kasaysayan ng Tsina ang nagawang sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa kanilang bansa at mga tao, at nagsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan? Maaari ba ninyong pangalanan ang ilan sa kanila? (Qu Yuan, Zhuge Liang, Yue Fei, at iba pa.) Sa kasaysayan ng Tsina, mayroon talagang iilan na kilalang tao na nagawang mag-alala tungkol sa bansa at sa mga tao, sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa kanilang bansa at bayan at pagtitiyak sa kaligtasan ng mga tao, at sikaping gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Sa bawat panahon ng kasaysayan, sa Tsina at labas pa rito, sa larangan man ng pulitika o sa pangkalahatang populasyon, mayroong mga tao—maging mga pulitiko man o mga naglalakbay na kabalyero—na sumusunod sa mga kasabihan ng tradisyonal na kultura gaya ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Ang gayong mga tao ay may kakayahang maingat na tumalima sa hinihinging “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” at nagagawa ring mahigpit na sumunod sa ideyang ito ng paglilingkod sa bansa at mga tao, at pag-aalala tungkol sa bansa at mga tao. Nagagawa nilang sumunod sa gayong mga kasabihan ng wastong asal, at mahigpit na hinihingi sa kanilang sarili na gawin ang mga bagay na ito. Siyempre, ginagawa nila ito para sa kanilang kasikatan, para maalala sila ng mga tao sa hinaharap. Isang aspekto iyon. Ang isa pang aspekto na kailangang mabanggit ay na lumitaw ang mga pag-uugaling ito bilang resulta ng mga ideya ng tradisyonal na kultura na naitanim sa isip at nakaimpluwensiya sa mga tao. Kaya, naaangkop ba mula sa perspektiba ng sangkatauhan ang mga hinihinging ito ng tradisyonal na kultura sa mga tao? (Hindi.) Bakit hindi angkop ang mga ito? Gaano man kalaki ang abilidad ng isang tao, o gaano man siya katalino, kagaling, o kamarunong, ang kanyang pagkakakilanlan at likas na gawi ay iyong sa isang tao, at imposibleng makalagpas siya sa saklaw na ito. Medyo mas matalino at mas may kakayahan lang siya kaysa sa iba, at mas nakatataas sa karaniwang tao kung ang pag-uusapan ay ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay, at mas may samot-sari at madaling makaangkop na mga paraan sa paggawa ng mga bagay-bagay, at mas mahusay, at nagkakamit ng mas magagandang resulta—iyon lang. Ngunit gaano man sila kahusay, o gaano man kaganda ang kanilang mga resulta, hindi pa rin sila nakahihigit sa mga karaniwang tao kung ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan ang pag-uusapan. Bakit Ko sinasabing karaniwang mga tao pa rin sila? Sapagkat ang isang taong namumuhay sa laman, gaano man katalas ang kanyang pag-iisip, o gaano man siya katalino o gaano man kahusay ang kanyang kakayahan, ay palaging sumusunod lamang sa mga batas ng kaligtasan ng mga nilikhang tao, at hindi na humihigit pa rito. Gamitin nating halimbawa ang mga aso. Gaano man katangkad, kapandak, kataba o kapayat ang mga ito, o anuman ang lahi ng mga ito, o gaano man katanda ang mga ito, sa tuwing nakikisalamuha ang mga ito sa ibang aso, kadalasang natutukoy ng mga ito ang kasarian, personalidad, at saloobin ng asong iyon sa mga ito sa pamamagitan ng pag-amoy sa asong iyon. Ang ganitong paraan ng komunikasyon ay ang likas na gawi ng mga aso para mabuhay, at isa rin ito sa mga batas at panuntunan sa buhay ng mga aso, na binuo ng Diyos. Katulad nito, namumuhay rin ang mga tao sa loob ng mga batas na binuo ng Diyos. Gaano ka man katalas o kamarunong, gaano ka man kahusay o marami ka mang talento, gaano ka man kagaling, o gaano man kadakila ang iyong mga pagsusumikap, kailangan mo pa ring matulog nang anim hanggang walong oras, at kumain nang tatlong beses araw-araw. Magugutom ka kung makakaligtaan mong kumain, at mauuhaw ka kung hindi ka iinom nang sapat. Kailangan mo ring mag-ehersisyo nang regular upang manatiling malusog. Sa iyong pagtanda, magiging malabo ang paningin mo at kung ano-anong karamdaman ang maaaring kumapit sa iyo. Ito ang normal, natural na batas ng kapanganakan, pagtanda, sakit at kamatayan, at ito ay inorden ng Diyos. Walang sinuman ang maaaring lumabag sa batas na ito, o makatatakas dito. Batay rito, gaano ka man kahusay, at anuman ang iyong kakayahan at talento, isa ka pa ring karaniwang tao. Kahit na magkapakpak ka at lumipad-lipad sa langit, sa huli ay kailangan mo pa ring bumaba pabalik sa lupa at maglakad gamit ang dalawang paa, at magpahinga kapag napapagod, kumain kapag nagugutom, at uminom kapag nauuhaw. Ito ay likas na gawi ng tao, at ang likas na ugaling ito ay ang inorden ng Diyos para sa iyo. Hinding-hindi mo ito mababago, ni matatakasan. Gaano man kahusay ang mga abilidad mo, hindi mo maaaring labagin ang batas na ito, at hindi ka pwedeng lumampas sa saklaw na ito. Samakatuwid, gaano man kahusay ang mga tao, hindi nagbabago ang pagkakakilanlan at katayuan nila bilang mga tao, at hindi rin nagbabago ang pagkakakilanlan at katayuan nila bilang mga nilikha. Kahit pa makagawa ka ng mga kontribusyon sa sangkatauhan na medyo espesyal at katangi-tangi, isa ka pa ring tao, at sa tuwing makatatagpo ka ng panganib, makararamdam ka pa rin ng takot at pagkataranta, manghihina ang mga tuhod mo, at mawawalan ka pa nga ng kontrol sa iyong katawan. Bakit kaya ganito ang iyong magiging asal? Dahil ikaw ay tao. Dahil ikaw ay tao, mayroon ka nitong mga pag-uugali na dapat taglayin ng mga tao. Ito ang mga batas ng kalikasan, at walang makatatakas sa mga ito. Hindi dahil marami kang nagawang namumukod-tanging kontribusyon ay nangangahulugan na agad na superhuman o pambihira ka na, o hindi ka na normal na tao. Lahat ng iyon ay imposible. Kaya, kahit ipagpalagay na kaya mong sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa bansa at bayan, at magsikap na gawin ang iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan, dahil namumuhay ka sa saklaw ng normal na pagkatao, kakailanganin mong tiisin ang matinding bigat sa kaibuturan ng puso mo! Hinihingi mo sa sarili mo na mag-alala tungkol sa bansa at sa mga tao buong araw, at magbigay-puwang sa buong populasyon at bansa sa puso mo, sa paniniwalang ang laki ng entablado ay natutukoy batay sa laki ng iyong puso—ngunit iyon ba ang kaso? (Hindi.) Ang isang tao ay hindi kailanman magiging iba sa mga ordinaryong tao sa pamamagitan lamang ng pag-iisip nang naiiba, at hindi rin sila magiging iba o nakatataas sa mga ordinaryong tao, o mapahihintulutang lumabag sa mga panuntunan ng normal na pagkatao at sa mga batas ng buhay dahil lamang sila ay may mga espesyal na kaloob o talento, o dahil nakagawa sila ng mga namumukod-tanging kontribusyon sa sangkatauhan. Samakatuwid, ang hinihinging ito sa sangkatauhan na “sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay sobrang hindi makatao. Kahit na ang isang tao ay may mas mahuhusay na talento at ideya kaysa sa mga ordinaryong tao, o mas mahusay na pananaw sa kinabukasan at paghuhusga, o mas mahusay kaysa sa mga ordinaryong tao sa pagharap sa mga bagay-bagay, o mas mahusay sa pagtingin at pag-unawa sa mga tao—o gaano man siya mas mahusay kaysa sa mga ordinaryong tao—namumuhay siya sa laman at kailangan pa rin niyang sumunod sa mga batas at panuntunan ng buhay ng normal na pagkatao. Dahil dapat siyang sumunod sa mga batas at panuntunan ng buhay ng normal na pagkatao, hindi ba’t hindi makatao ang gumawa ng mga hindi makatotohanang kahilingan sa kanya, na hindi umaayon sa pagkatao? Hindi ba’t pagtapak ito sa kanyang pagkatao kung tutuusin? (Pagtapak nga ito.) Sinasabi ng ilang tao: “Sa mga kaloob at talentong ito na ibinigay sa akin ng Langit, ako ay pambihira, at hindi ordinaryong tao. Dapat kong panatilihin sa aking puso ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit—ang mga tao, ang bayan, ang aking katutubong lupain, at ang mundo.” Hayaan mong sabihin Ko sa iyo na ang pagpapanatili ng mga bagay na ito sa puso mo ay isang karagdagang pasanin, na ipinataw sa iyo ng mga naghaharing uri at ni Satanas, kaya’t sa paggawa nito ay inilalagay mo ang sarili mo sa landas ng kapahamakan. Kung gusto mong papanatilihin ang mundo, ang mga tao, ang bayan, ang iyong katutubong lupain, at ang mga mithiin at pagnanais ng mga namumuno sa puso mo, mamamatay ka nang maaga. Kung papanatilihin mo ang mga bagay na ito sa puso mo, katulad lang ito ng paglalagay sa sarili mo sa isang napakamapanganib na sitwasyon. Napakadelikadong gawin ang bagay na ito, at talagang walang kabuluhan. Kapag pinanghahawakan mo ang mga bagay na ito sa puso mo, mataas ang hinihingi mo sa iyong sarili, sa pag-iisip na “Kailangan kong sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang makakaya ko hanggang sa araw ng aking kamatayan. Dapat akong mag-ambag sa dakilang layon ng bayan at ng sangkatauhan, at dapat kong ialay ang aking buhay sa sangkatauhan.” Ang pagkakaroon ng gayong dakila at matayog na mga ambisyon ay magdadala lamang sa iyo sa isang maagang katapusan, sa hindi likas na kamatayan, o sa ganap na pagkawasak. Isipin mo ito, ilan sa mga sikat na makasaysayang tao na iningatan ang mundo sa kanilang mga puso ang namatay nang masaya? Ang ilan ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog, ang ilan ay pinatay ng mga pinuno, ang ilan ay pinugutan ng ulo sa gilotina, at ang ilan ay sinakal ng lubid hanggang sa mamatay. Posible bang papanatilihin ng mga tao ang mundo sa kanilang puso? Ang mga dakilang layon ng katutubong lupain, ang kasaganahan ng bayan, ang kapalaran ng bansa, at ang tadhana ng sangkatauhan ay mga bagay ba na kayang pasanin ng isang tao sa kanyang mga balikat at mabigyang-puwang sa kanyang puso? Kung mabibigyan mo ng puwang sa puso mo ang iyong mga magulang at mga anak, ang mga pinakamalapit sa iyo at pinakamamahal mo, ang sarili mong mga responsabilidad at ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Langit, kung gayon ay nagtatagumpay ka na, at natutupad mo na ang iyong mga responsabilidad. Hindi mo na kailangang alalahanin ang bansa at ang mga tao, at hindi mo na kailangang maging isang marangal na bayani. Sino ang mga taong laging gustong papanatilihin sa puso nila ang mundo, ang bayan, at ang kanilang katutubong lupain? Lahat sila ay sobrang ambisyosong mga tao na labis ang bilib sa kanilang mga abilidad. Napakabusilak ba talaga ng puso mo? Hindi ka ba nagiging sobrang ambisyoso? Saan mismo nagmumula ang iyong ambisyon? Ano ang maaari mong gawin sa sandaling pinananatili mo ang mga bagay na ito sa iyong puso? Kaninong tadhana ang maaari mong manipulahin at kontrolin? Hindi mo nga man lang makontrol ang sarili mong tadhana, pero gusto mong papanatilihin ang mundo, bayan, at sangkatauhan sa puso mo. Hindi ba’t ito ang ambisyon ni Satanas? Kaya, para sa mga itinuturing ang kanilang sarili bilang mga taong may kakayahan, ang maingat na pagtalima sa hinihinging “sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan” ay ang pagtahak sa landas tungo sa kapahamakan, ito ay paghahangad ng kamatayan! Ang sinumang gustong mag-alala tungkol sa bansa at sa mga tao, at sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa mga tao at sa kanyang katutubong lupain, at magsikap na gawin ang lahat ng kanyang makakaya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, ay patungo sa kanyang kapahamakan. Kaibig-ibig ba ang mga taong ito? (Hindi, hindi sila kaibig-ibig.) Bukod sa hindi kaibig-ibig ang mga taong ito, medyo kahabag-habag at katawa-tawa pa nga sila, at talagang sobrang hangal!

Bilang isang tao, dapat mong tuparin ang iyong mga obligasyon at responsabilidad sa loob ng pamilya, gampanan nang tama ang iyong papel at mga responsabilidad sa anumang panlipunan o etnikong grupo, tumalima sa mga batas at regulasyon ng lipunan, at kumilos nang makatwiran, sa halip na magsabi ng tila mga importanteng bagay. Ang gawin kung ano ang magagawa at dapat gawin ng mga tao—ito ang nararapat. Tungkol naman sa pamilya, lipunan, bansa, at mga tao, hindi mo kailangang sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa mga ito at sikaping gawin ang lahat ng iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan. Kailangan mo lang gawin nang maayos ang iyong tungkulin sa pamilya ng Diyos nang buong puso, isip, at lakas mo, at wala nang iba pa. Paano mo dapat gawin nang maayos ang iyong tungkulin kung gayon? Sapat na ang sundin ang mga salita ng Diyos at tumalima sa mga katotohanang prinsipyo ayon sa hinihingi ng Diyos. Hindi mo kailangang papanatilihin sa puso mo nang buong araw ang kalooban ng Diyos, ang Kanyang mga hinirang, ang Kanyang plano ng pamamahala, ang Kanyang tatlong yugtong gawain, at ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Hindi kinakailangang panghawakan ang mga bagay na ito sa puso mo. Bakit hindi ito kinakailangan? Dahil isa kang ordinaryong tao, isang hindi importanteng tao, at dahil isa kang nilikha sa mga kamay ng Diyos, ang paninindigan na dapat mong panghawakan at ang responsabilidad na dapat mong pasanin ay ang taimtim na gampanan ang iyong tungkulin nang maayos, tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, magpasakop sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos, at sapat na iyon. Sobra ba ang hinihinging ito? (Hindi, hindi ito sobra.) Hinihiling ba sa iyo ng Diyos na isakripisyo mo ang buhay mo? (Hindi.) Hindi hinihingi ng Diyos na isakripisyo mo ang buhay mo, samantalang ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay humihingi na “hangga’t mayroon kang kahit na pinakamaliit na kakayahan, puso, at marangal na diwa, dapat kang sumulong at sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa iyong katutubong lupain, at sa paglilingkod sa bayan. Ialay mo ang buhay mo, abandonahin ang iyong pamilya at mga kamag-anak, abandonahin ang iyong mga responsabilidad. Ilagay ang iyong sarili sa gitna ng lipunang ito, kasama ng sangkatauhang ito, at isulong ang dakilang layon ng bayan, ang dakilang layon ng muling pagbuhay sa bansa, at ang dakilang layon ng pagliligtas sa buong sangkatauhan, hanggang sa mamatay ka.” Napakalaki ba ng hinihinging ito? (Oo.) Sa sandaling tanggapin ng mga tao ang napakalalaking ideya tulad ng mga ito, pinaniniwalaan nilang matayog ang kanilang sarili. Lalo na sa kaso ng ilang tao na may mga espesyal na talento at talagang malalaking ambisyon at pagnanais, hinahangad nilang gumawa ng makasaysayang bagay, at maalala sa mga susunod pang henerasyon, at hinihingi nila sa kanilang sarili na magsagawa ng isang layon sa buhay na ito, kaya lalo nilang pinahahalagahan at sinasamba ang mga pananaw ng tradisyonal na kultura. Katulad lang ng mga kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” at “Ang kamatayan ay maaaring mas matimbang kaysa sa Bundok ng Tai, o mas magaan kaysa sa isang balahibo,” na isinusulong ng tradisyonal na kultura, ang gayong mga tao ay determinadong maging mas matimbang kaysa sa Bundok Tai. Ano ang ibig sabihin ng kasabihang “Ang kamatayan ay maaaring mas matimbang kaysa sa Bundok ng Tai”? Ito ay hindi tungkol sa pagkamatay para sa mga walang kabuluhang pakinabang, o para sa kapakanan ng pamumuhay bilang isang ordinaryong tao, o pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha, o pagsunod sa mga batas ng kalikasan. Sa halip, ito ay ang mamatay para sa dakilang layon ng sangkatauhan, para sa muling pagkabuhay ng bayan, para sa kasaganahan ng bansa, at para sa pag-unlad ng lipunan, at upang patnubayan ang takbo ng sangkatauhan. Ang mga hindi makatotohanang kaisipang ito ng mga tao ang nagtulak sa kanila sa napakahirap na sitwasyon. Sa anumang paraan ba ay makapamumuhay nang masaya ang mga tao dahil dito? (Hindi.) Hindi sila mamumuhay nang masaya. Kapag ang mga tao ay namumuhay sa napakahirap na sitwasyon, iba sila mag-isip at kumilos sa mga ordinaryong tao, at ibang bagay din ang hinahabol nila. Nais nilang ipatupad ang kanilang mga ambisyosong plano, isakatuparan ang malalaking gawain at mga dakilang gawa, at tamuhin ang malalaking bagay sa isang kumpas lamang ng kanilang kamay. Unti-unting pumapasok ang ilang tao sa pulitika, dahil tanging ang larangang pampulitika ang makatutugon sa kanilang mga hangarin at ambisyon. Sinasabi ng ilang tao: “Masyadong madilim ang larangan ng pulitika, hindi ako makikisali sa pulitika, pero taglay ko pa rin ang pagnanais na may maiambag sa makatarungang layon ng sangkatauhan.” Kaya’t sumasali sila sa isang organisasyon na hindi politikal. Sabi ng iba: “Hindi ako sasali sa isang organisasyon na hindi politikal. Magiging nag-iisang bayani ako, gagamitin ko ang aking kadalubhasaan sa pinakamahusay na paraan sa pamamagitan ng pagnanakaw sa mayayaman para matulungan ang mahihirap, at sa pagiging dalubhasa sa pagpatay ng mga tiwaling opisyal, lokal na maniniil, mga nakatataas na masasamang tao, masasamang pulis, mga bandido at maton, at sa pagtulong sa mga karaniwang tao at mahihirap.” Anuman ang landas na tinatahak nila, ginagawa nila ito sa ilalim ng impluwensya ng tradisyonal na kultura, at wala sa mga ito ang tamang landas. Gaano man naaayon ang ekspresyon ng mga tao sa mga kalakaran ng lipunan at mga popular na uso, hindi maiiwasang maiimpluwensyahan ang mga ito ng tradisyonal na kultura, dahil palaging isinasaalang-alang ng sangkatauhan ang mga ekspresyon tulad ng “alalahanin ang bansa at ang mga mamamayan,” “panatilihin sa puso ng isang tao ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit,” “dakilang mararangal na bayani,” at “ang makatarungang layon ng katutubong lupain” bilang mga mithiin na kanilang hahangarin at paglalaanan ng kanilang sarili, sumusunod sa ipinapagawa at sinisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Ito ang realidad ng sitwasyon. May nakapagsabi na bang, “Ang gusto ko sa buhay ay maging isang magsasaka, sumusunod sa ipinapagawa at sinisikap na gawin ang makakaya ko hanggang sa araw ng aking kamatayan”? May nakapagsabi na ba na, “Magpapastol ako ng mga baka at tupa sa buong buhay ko, sumusunod sa ipinapagawa at sinisikap na gawin ang makakaya ko hanggang sa araw ng aking kamatayan?” Mayroon bang gumamit ng kasabihang ito sa mga ganitong sitwasyon? (Wala.) Ginagamit ng mga tao ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” nang may isang uri ng ambisyon at hindi makatotohanang hangarin, ginagamit ang kaaya-ayang retorika na ito para itago ang mga hangarin at ambisyon sa loob ng kanilang sarili. Mangyari pa, ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay nagbunga rin ng gayong hindi makatotohanan at baluktot na mga kaisipan at gawain gaya ng pag-aalala sa bansa at sa mga tao, at pagpapanatili sa puso ng isang tao ng lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, na nakapinsala sa maraming idealista at bisyonaryo.

Ngayong nahimay-himay na natin ang kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” at nagbahaginan na tayo nang malawakan tungkol dito, naiintindihan ba ninyo ang lahat ng nasabi? (Oo.) Sa kabuuran, makatitiyak na tayo na ang kasabihang ito ay hindi positibo, at walang positibo o praktikal na kahulugan. Kaya, anong uri ng epekto mayroon ito sa mga tao? Nakamamatay ba ang kasabihang ito? Hinihingi ba nito ang buhay ng mga tao? Angkop bang tawagin itong “nakamamatay na kasabihan”? (Oo.) Ang totoo ay kinukuha nito ang buhay mo. Gumagamit ito ng mga salitang magandang pakinggan para maipadama sa iyo kung gaano kadakila at kaluwalhati ang magawa mong gugulin ang buhay mo sa pagsunod sa ipinapagawa at pagsisikap na gawin ang lahat ng iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan, at na isa kang taong may napakabusilak na puso. Ang pagkakaroon ng gayon kabusilak na puso ay nangangahulugan na wala ka nang puwang para sa mga pag-iisip tungkol sa panggatong, kanin, mantika, asin, toyo, suka, tsaa, at iba pang mga bagay sa tahanan, lalo na ang pag-aalaga sa iyong asawa at mga anak, o pananabik para sa isang mainit na kama. Paano nagiging katanggap-tanggap para sa isang taong may busilak na puso na mamuhay kung wala ang ilang espesyal na bagay? Masyado bang ordinaryo para sa iyo na magkaroon lamang ng puwang sa puso mo para sa mga bagay tulad ng panggatong, kanin, mantika, asin, toyo, suka, at tsaa? Dapat kang maglaan ng puwang doon para sa mga bagay na hindi kayang gawin ng karaniwang tao, tulad ng bayan, malalaking proyekto sa iyong katutubong lupain, kapalaran ng sangkatauhan, at iba pa—ito ay “kapag ang Langit ay malapit nang magbigay ng malaking responsabilidad sa isang tao.” Sa sandaling makakuha ang mga tao ng ganitong uri ng ideya, lalo pa silang maghahangad na sumunod sa ipinapagawa at magsisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, gamit ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal upang patuloy na pukawin ang kanilang sarili, at iisiping, “Dapat akong sumunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa kapalaran ng aking katutubong lupain at sangkatauhan, at sikaping gawin ang aking makakaya hanggang sa araw ng aking kamatayan, ito ang aking panghabambuhay na hangarin at adhikain.” Ngunit lumalabas na hindi nila kayang balikatin ang dakilang layon ng kanilang katutubong lupain at bayan, at sobrang napapagod sila na sumusuka na sila ng dugo—sumusunod sa ipinapagawa at sinisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Ang gayong mga tao ay hindi alam kung paano dapat mabuhay ang mga tao, o kung ano ang pagkatao, o kung ano ba ang damdamin ng tao, o kung ano ang pag-ibig, o kung ano ang poot, at umiiyak pa nga sila nang husto sa pag-aalala tungkol sa bansa at sa mga tao na nauubusan na sila ng luha, at hanggang sa kanilang huling hininga ay hindi pa rin nila mabitiwan ang dakilang gawain ng kanilang katutubong lupain at bayan. Ang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ba na kasabihan ay nakamamatay at hinihingi ang buhay ng mga tao? Hindi ba’t kahabag-habag ang pagkamatay ng gayong mga tao? (Oo.) Kahit sa punto ng kamatayan, ang gayong mga tao ay tumatangging talikuran ang kanilang mga walang kabuluhang kaisipan at mithiin, at sa bandang huli, namamatay sila nang may mga hinaing at poot sa loob nila. Bakit Ko sinasabi na namamatay sila nang may mga hinaing at poot sa loob nila? Dahil hindi nila kayang bitiwan ang bayan, ang kanilang katutubong lupain, ang kapalaran ng sangkatauhan, at ang misyon na ipinagkatiwala sa kanila ng mga pinuno. Iniisip nila na, “Naku, napakaikli ng buhay ko. Kung maaari lang sana akong mabuhay ng ilang libong taon pa, makikita ko kung saan patungo ang kinabukasan ng sangkatauhan.” Ginugugol nila ang kanilang buong buhay na hawak-hawak sa puso nila ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, at sa huli ay hindi pa rin nila ito mabitiwan. Kahit sa punto ng kamatayan, hindi nila alam kung ano ang kanilang sariling pagkakakilanlan, o kung ano ang dapat o hindi dapat nilang gawin. Ang totoo ay mga ordinaryong tao sila, at nararapat na mamuhay bilang mga ordinaryong tao, ngunit tinanggap nila ang panlilinlang ni Satanas at ang lason ng tradisyonal na kultura, at itinuturing ang kanilang sarili bilang mga tagapagligtas ng mundo. Hindi ba’t kahabag-habag iyon? (Oo.) Lubhang kahabag-habag iyon! Sabihin mo sa Akin, kung si Qu Yuan ay hindi naimpluwensyahan ng tradisyonal na ideyang ito ng higit na dakilang katuwiran ng bayan, nagpakamatay kaya siya sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog? Ginawa kaya niya ang gayong matinding kilos ng pagkitil sa sarili niyang buhay? (Hindi.) Tiyak na hindi niya ginawa. Biktima siya ng tradisyonal na kultura, na pabigla-biglang tinapos ang kanyang buhay bago pa niya ito maipamuhay hanggang sa wakas. Kung hindi siya naimpluwensyahan ng mga bagay na ito, at hindi nag-alala tungkol sa bansa at sa mga mamamayan, at sa halip ay tumuon sa sarili niyang buhay, tatanda kaya sana siya at natural na mamamatay? Namatay kaya sana siya nang normal? Kung hindi niya hinangad na sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang makakaya niya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, maaari kayang naging mas masaya, mas malaya, at mas payapa siya sa buhay? (Oo.) Iyon ang dahilan kung bakit ang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” ay isang nakamamatay na kasabihan na hinihingi ang buhay ng mga tao. Sa sandaling maimpluwensyahan ang isang tao ng ganitong uri ng pag-iisip, nagsisimula silang gugulin ang buong araw sa labis-labis na pag-iisip para sa bansa at sa mga tao at nauuwi ito sa sobrang pag-aalala, gayunpaman ay hindi nababago ang kasalukuyang kalagayan ng mga pangyayari. Hindi ba’t ninakawan ang buhay nila ng ideya at pananaw na ito ng pagsunod sa ipinapagawa at pagsisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan? Ang gayong mga ideya at pananaw ay talaga ngang nakamamatay at hinihingi ang buhay ng mga tao. Bakit Ko ba sinasabi iyon? Sino ang makapagbibigay-puwang sa kanilang puso para sa kapalaran ng isang bansa o bayan? Sino ang kayang balikatin ang gayong pasanin? Hindi ba’t labis ang pagkalkulang ito sa kakayahan ng isang tao? Bakit nakagawian ng mga tao na labis ang pagkalkula sa kanilang mga abilidad? Idinudulot ba ng ilang tao ang lahat ng ito sa sarili nila? Ito ba ay dahil handa silang gawin ito nang kusa? Ang totoo ay na mga biktima sila, pero biktima ng ano? (Ng mga ideya at pananaw na itinatanim ni Satanas sa mga tao.) Tama, mga biktima sila ni Satanas. Ikinikintal ni Satanas ang mga ideyang ito sa mga tao, sinasabi sa kanila na “kailangan ninyong panghawakan sa puso ninyo ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, papanatilihin ang mga tao sa puso ninyo, alalahanin ang bansa at ang mga mamamayan, maging isang naglalakbay na kabalyero, isang matuwid na tao na ninanakawan ang mayayaman upang tulungan ang mahihirap, at mag-ambag sa kapalaran ng sangkatauhan, sumusunod sa ipinapagawa at nagsisikap gawin ang iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan, sa halip na mamuhay nang buhay na hindi katangi-tangi. Bakit tutuparin ang mga responsabilidad sa pamilya at panlipunan? Walang kabuluhan ang mga bagay na iyon, parang langgam lang ang mga taong gumagawa nito. Hindi ka isang langgam, at hindi ka rin dapat maging isang maya. Sa halip, dapat kang maging isang agila, at dapat mong ibuka ang iyong mga pakpak at pumailanlang ka, at magkaroon ng mga dakilang adhikain.” Nalilito ang mga tao sa ganitong pag-uudyok at panunulsol kaya naiisip nila na, “Tama mismo iyan! Hindi ako maaaring maging isang maya, dapat akong maging isang agila na pumapailanlang nang mataas.” Gayunpaman, hindi sila makalilipad nang mataas, gaano man sila magsikap, at sa wakas ay babagsak silang patay dahil sa pagod, sinisira ang kanilang sarili dahil sa sarili nilang kagagawan. Ang totoo ay na isa kang hamak lang. Hindi ka isang maya, o isang agila. Kaya, ano ka ba? (Isa kang nilikha.) Tama, isa kang ordinaryong tao, isang ordinaryong nilikha. Ayos lang na ipagpaliban ang isa sa tatlong pagkain mo sa isang araw, pero hindi ayos na hindi ka kumakain sa loob ng maraming araw. Tatanda, magkakasakit, at mamamatay ka, isa ka lang ordinaryong tao. Ang mga taong may kaunting talento at abilidad ay maaaring maging lubhang mayabang, at pagkatapos na mahikayat, maudyukan, masulsulan, at malinlang ni Satanas sa ganitong paraan, nalilito sila sa pag-iisip na talagang sila ang mga tagapagligtas ng mundo. Basta-basta silang pumapasok at umuupo sa lugar ng Tagapagligtas, at sumusunod sa ipinapagawa para sa paglilingkod sa bansa at sa bayan, at sinisikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, at wala silang pagpapahalaga sa misyon, mga responsabilidad, mga obligasyon, o buhay ng sangkatauhan, na siyang pinakamahalagang bagay na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao. Dahil dito, nararamdaman nila na hindi importante o mahalaga ang buhay, na ang layon ng kanilang katutubong lupain ay ang pinakamahalagang bagay, na dapat nilang panghawakan sa puso nila ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, at alalahanin ang bansa at ang mga mamamayan, na sa paggawa nito ay magtataglay sila ng mga pinakamahalagang katangian at mga pinakamarangal na moral, at ang lahat ng tao ay dapat mamuhay nang ganito. Ikinikintal ni Satanas ang mga kaisipang ito sa mga tao, nililihis sila at hinihikayat silang itakwil ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga nilikha at ordinaryong tao, at gumawa ng ilang bagay na hindi tumutugma sa realidad. Ano ang kalalabasan nito? Itinutulak nila ang kanilang sarili sa landas patungo sa kanilang kapahamakan, at hindi namamalayang gumagawa ng napakatinding bagay. Ano ang ibig sabihin ng “gumagawa ng napakatinding bagay”? Nangangahulugan ito ng mas lalong paglayo mula sa mga hinihingi ng Diyos para sa mga tao, at mula sa mga likas na gawi na pauna nang itinakda ng Diyos para sa sangkatauhan. Sa kalaunan, wala nang daang pasulong ang mga tao, na siyang humahantong sa kanilang kapahamakan.

Tungkol sa kung paano dapat mamuhay ang mga tao, ano ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan? Ang totoo ay napakasimple ng mga ito. Dapat akuin nila ang tamang posisyon bilang isang nilikha at tuparin ang tungkulin na dapat tuparin ng isang tao. Hindi hiniling ng Diyos sa iyo na maging superhuman o isang kilalang tao, ni hindi ka Niya binigyan ng mga pakpak para lumipad sa kalangitan. Binigyan ka lang Niya ng dalawang kamay at dalawang paa na nagtutulot sa iyo na makalakad sa lupa nang paisa-isang hakbang, at makatakbo kung kinakailangan. Ang mga laman loob na nilikha ng Diyos para sa iyo ang tumutunaw at nag-aabsorb ng pagkain, at nagbibigay ng nutrisyon sa buong katawan mo, kaya dapat sundin mo ang nakagawiang pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Binigyan ka ng Diyos ng malayang pagpapasya, ng talino ng normal na pagkatao, at ng konsensiya at diwa na dapat taglayin ng isang tao. Kung gagamitin mo nang maayos at tama ang mga bagay na ito, susundin ang mga batas para sa kaligtasan ng pisikal na katawan, pangangalagaan nang tama ang iyong kalusugan, matatag na gagawin kung ano ang hinihiling sa iyo ng Diyos, at kakamtin kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos na makamit, kung gayon ay sapat na iyon, at napakasimple rin nito. Hiniling ba ng Diyos sa iyo na sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang iyong makakaya hanggang sa araw ng iyong kamatayan? Hiniling ba Niya sa iyo na pahirapan ang sarili mo? (Hindi.) Hindi hinihingi ng Diyos ang gayong mga bagay. Hindi dapat pahirapan ng mga tao ang sarili nila, ngunit dapat silang magkaroon ng kaunting sentido komun at maayos na tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng katawan. Uminom ng tubig kapag nauuhaw ka, dagdagan ang pagkain mo kapag ikaw ay nagugutom, magpahinga kapag napapagod, mag-ehersisyo pagkatapos maupo nang napakahabang oras, pumunta sa doktor kapag may sakit ka, sundin ang pagkain nang tatlong beses sa isang araw, at papanatilihin ang buhay ng normal na pagkatao. Siyempre, dapat mo ring ipagpatuloy ang iyong mga normal na tungkulin. Kung naglalaman ang iyong mga tungkulin ng ilang espesyal na kaalaman na hindi mo naiintindihan, dapat mong aralin at isagawa ito. Ito ang normal na buhay. Ang iba’t ibang prinsipyo ng pagsasagawa na inihahain ng Diyos para sa mga tao ay lahat ng bagay na kayang maunawaan ng talino ng normal na pagkatao, mga bagay na mauunawaan at matatanggap ng mga tao, at hindi lumalampas sa saklaw ng normal na pagkatao ni katiting. Lahat ito ay nasa saklaw ng kayang makamit ng mga tao, at sa anumang paraan ay hindi lumalampas sa mga hangganan ng kung ano ang nararapat. Hindi hinihingi ng Diyos na maging superhuman o tanyag ang mga tao, samantalang ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal ay nagtutulak sa mga tao na maghangad na maging superhuman o tanyag na mga tao. Hindi lamang nila dapat tanggapin ang dakilang layon ng kanilang bansa at bayan, kundi kinakailangan din nilang sumunod sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Inoobliga sila nitong isuko ang kanilang buhay, na ganap na salungat sa mga hinihingi ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos tungkol sa buhay ng mga tao? Pinananatiling ligtas ng Diyos ang mga tao sa bawat sitwasyon, at binabantayan sila mula sa pagkakahulog sa tukso at iba pang mapanganib na mga suliranin, at pinoprotektahan ang kanilang buhay. Ano ang pakay ng Diyos sa paggawa nito? Ito ay upang makapamuhay ng magandang buhay ang mga tao. Ano ang layon ng panghihikayat sa mga tao na mamuhay ng magandang buhay? Hindi ka Niya pinipilit na maging superhuman, ni pinapanatili sa puso mo ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, ni alalahanin ang bansa at ang mga mamamayan, at lalo na ang pumalit sa Kanya sa pamumuno sa lahat ng bagay, pangangasiwa sa lahat ng bagay, at pamumuno sa sangkatauhan. Sa halip, hinihingi Niya sa iyo na gampanan ang tamang posisyon ng isang nilikha, na tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha, na gampanan ang mga tungkulin na dapat gampanan ng mga tao, at gawin kung ano ang dapat gawin ng mga tao. Maraming bagay ang dapat mong gawin, at hindi kasama sa mga ito ang pamamahala sa kapalaran ng sangkatauhan, ang pagpapanatili sa puso mo sa lahat ng bagay na nasa ilalim ng langit, o paghawak sa sangkatauhan, sa iyong katutubong lupain, sa iglesia, sa kalooban ng Diyos, o sa Kanyang dakilang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan sa puso mo. Ang mga bagay na ito ay hindi kasama. Kaya, ano ang dapat kasama sa mga bagay na dapat mong gawin? Kasama rito ang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa iyo, ang mga tungkuling ibinibigay sa iyo ng Diyos, at bawat hinihingi na ibinibigay sa iyo ng sambahayan ng Diyos sa bawat panahon. Hindi ba’t simple lang ito? Hindi ba’t madaling gawin ito? Napakasimple nito at madaling gawin. Ngunit palaging mali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos at iniisip na hindi sila sineseryoso ng Diyos. May mga nag-iisip na, “Ang mga taong sumasampalataya sa Diyos ay hindi dapat ituring ang kanilang sarili bilang napakaimportante, hindi sila dapat maging abala sa kanilang pisikal na katawan, at dapat silang magdusa nang higit pa, at huwag matulog nang masyadong maaga sa gabi, dahil baka malungkot ang Diyos kung matutulog sila nang napakaaga. Dapat silang bumangon nang maaga at matulog nang dis-oras ng gabi, at magpakapagod buong gabi sa pagganap ng kanilang tungkulin. Kahit na wala silang mga resulta, dapat pa rin silang magpuyat hanggang alas dos o alas tres ng umaga.” Bilang resulta, ang gayong mga tao ay labis na nagtatrabaho hanggang sa mapagod sila nang husto na maging ang paglalakad nila ay nangangailangan ng matinding pagsisikap, gayunpaman, sinasabi nila na ang pagganap ng kanilang mga tungkulin ang siyang dahilan ng kanilang pagkapagod. Hindi ba’t dulot it ng kahangalan at kamangmangan ng mga tao? May iba na nag-iisip na, “Hindi masaya ang Diyos kapag nagsusuot tayo ng mga damit na medyo espesyal at maganda, at hindi rin Siya masaya na kumakain tayo ng karne at masasarap na pagkain araw-araw. Sa sambahayan ng Diyos, maaari lamang tayong sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang ating makakaya hanggang sa araw ng ating kamatayan,” at pakiramdam nila na bilang mga mananampalataya ng Diyos, dapat nilang gampanan ang kanilang tungkulin hanggang kamatayan, kung hindi ay hindi sila patatawarin ng Diyos. Ganoon ba talaga iyon? (Hindi.) Hinihingi ng Diyos sa mga tao na gampanan ang kanilang tungkulin nang may pananagutan at katapatan, ngunit hindi Niya sila inoobliga na pahirapan ang kanilang katawan, at lalong hindi Niya hinihiling sa kanila na maging pabasta-basta, o magpalipas-oras. Nakikita Ko na ang ilang lider at manggagawa ay nagsasaayos na gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan, hindi humihingi ng kahusayan kundi inaaksaya lamang ang oras at lakas ng mga tao. Ang totoo ay sinasayang nila ang buhay ng mga tao. Sa huli, sa katagalan, nagkakasakit ang ilang tao, at nananakit ang kanilang likod, at sumasakit ang kanilang mga tuhod, at nahihilo sila sa tuwing tumitingin sila sa screen ng computer. Paanong nangyari ito? Sino ang nagsanhi nito? (Sila mismo ang nagsanhi nito.) Hinihingi ng sambahayan ng Diyos na magpahinga ang lahat nang hindi lalagpas sa alas-diyes ng gabi, ngunit ang ilang tao ay hindi natutulog hanggang alas-onse o alas-dose ng gabi, na nakaaapekto sa pahinga ng ibang tao. Pinupuna pa nga ng ilan ang mga taong normal na nagpapahinga, dahil sa pagnanasa ng mga ito ng kaginhawahan sa buhay. Mali ito. Paano ka mahusay na makakapagtrabaho kung hindi nakapahinga nang maayos ang katawan mo? Ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito? Paano ito kinokontrol ng sambahayan ng Diyos? Ang lahat ay dapat gawin ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga itinatakda ng sambahayan ng Diyos, at ito lamang ang tama. Ang ilang tao ay may mga kakatwang pagkaunawa, palaging gumagawa ng matitinding bagay, at pinipigilan pa nga ang iba. Hindi ito alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ilang tao ay talagang mga kakatwang hangal na walang anumang pagkakilala, at iniisip nila na upang magampanan ang kanilang mga tungkulin, dapat silang magpuyat, kahit na hindi sila abala sa trabaho, hindi tinutulutan ang kanilang sarili na matulog kapag pagod na sila, hindi pinapayagan ang kanilang sarili na sabihin sa sinuman kung may sakit sila, at ang mas malala pa, hindi pinapayagan ang kanilang sarili na magpatingin sa doktor, na itinuturing nilang pag-aaksaya ng oras na nagpapaantala sa pagganap ng kanilang tungkulin. Tama ba ang pananaw na ito? Bakit nakakaisip pa rin ang mga mananampalataya ng gayong mga kakatwang pananaw pagkatapos makarinig ng napakaraming sermon? Paano kinokontrol ang mga kaayusan ng gawain sa sambahayan ng Diyos? Dapat kang magpahinga sa tamang oras pagsapit ng alas-diyes ng gabi, at bumangon ng alas-sais ng umaga, at dapat mong tiyakin na nakakatulog ka nang walong oras. Dagdag pa rito, paulit-ulit pa ngang binibigyang-diin na dapat mong alagaan ang iyong kalusugan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo pagkatapos ng trabaho, at kumain nang masustansya at sundin ang isang routine na mainam sa kalusugan, upang maiwasan ang mga isyu sa kalusugan habang ginagampanan ang iyong tungkulin. Pero hindi lang talaga ito maintindihan ng ilang tao, hindi nila kayang sumunod sa mga prinsipyo o tumalima sa mga panuntunan, at nagpupuyat sila kahit hindi kinakailangan at mali ang mga kinakain nila. Sa sandaling magkasakit sila, hindi nila nagagampanan ang kanilang tungkulin, at sa oras na iyon ay wala nang saysay ang magsisi pa. Nabalitaan Ko kamakailan na may mga taong nagkasakit. Hindi ba’t sanhi ito ng paggawa nila ng kanilang tungkulin nang hindi sumusunod sa mga prinsipyo at ng pagkilos nila nang walang ingat? Totoong taimtim mong ginagawa ang iyong tungkulin, ngunit hindi mo maaaring labagin ang mga likas na sistema ng iyong katawan. Kung lalabagin mo ang mga ito, magkakasakit ka. Talagang dapat magkaroon ka ng pangkalahatang pag-unawa sa kung paano pangalagaan ang iyong kalusugan. Dapat kang mag-ehersisyo kapag pwede, at kumain sa regular na oras. Hindi ka maaaring kumain o uminom nang labis, at hindi ka maaaring maging maselan sa pagkain o kumain ng hindi masusustansya. Dagdag pa rito, kailangan mong kontrolin ang lagay ng iyong loob, bigyang-pansin ang pamumuhay sa harap ng Diyos at pagsasagawa sa katotohanan, at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Sa ganoong paraan, magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan sa puso mo, at hindi ka makararamdam ng kahungkagan o pagkalumbay. Lalo na kung iwawaksi ng mga tao ang mga tiwaling disposisyon at isasabuhay ang normal na pagkatao, magiging ganap na normal ang kalagayan ng kanilang pag-iisip at magiging malusog ang kanilang katawan. Hindi Ko kailanman sinabi sa inyo na matulog nang dis-oras ng gabi at gumising nang maaga, o magtrabaho nang higit pa sa sampung oras sa isang araw. Ang lahat ng ito ay dahil hindi kumikilos ang mga tao ayon sa mga panuntunan at hindi sumusunod sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sa bandang huli, ang mga tao ay napakamangmang kung kaya’t binabalewala nila ang kanilang kalusugan. Nakita Ko na sa ilang lugar, palaging ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa loob ng bahay, at hindi sila lumalabas para magpaaraw o manatiling aktibo, kaya’t gumawa Ako ng mga pagsasaayos para maghanap ang mga tao ng ilang kasangkapan sa ehersisyo at sinabihan silang mag-ehersisyo nang isa o dalawang beses sa isang linggo, na katumbas ng isang routine na mainam sa kalusugan. Ang mga taong hindi nag-eehersisyo nang wasto ay natural na magkakasakit, at nakakaapekto rin ito sa kanilang normal na buhay. Sa sandaling gumawa Ako ng gayong mga pagsasaayos, kailangan Ko bang suriin kung sino ang nag-eehersisyo at kung gaano kadalas? (Hindi.) Hindi Ko na kailangang gawin iyon, ginampanan Ko na ang Aking pananagutan, nasabi Ko na ang gusto Kong ipunto, at sinabi sa iyo nang buong sinseridad kung ano ang dapat mong gawin, nang walang anumang kasinungalingan, at kailangan mo na lang gawin ang itinuro sa iyo. Pero hindi ito nauunawaan ng mga tao, iniisip nila na bata pa sila at malusog, kaya hindi nila sineseryoso ang Aking mga salita. Kung hindi ninyo pinahahalagahan ang sarili ninyong kalusugan, hindi Ko na kinakailangang alalahanin pa ito—huwag lang ninyong sisihin ang iba kapag nagkasakit kayo. Hindi binibigyang-pansin ng mga tao ang pag-eehersisyo. Ang isang aspekto ay dahil mayroon silang ilang maling ideya at pananaw. Ang isa pa ay mayroon din silang nakamamatay na problema, ang katamaran. Kung ang mga tao ay may maliit na pisikal na karamdaman, ang kailangan lang nilang gawin ay bigyang-pansin ang pangangalaga sa kanilang kalusugan at maging mas aktibo. Ngunit ang ilang tao ay mas gugustuhin pang magpa-iniksyon o uminom ng gamot kapag nagkasakit na sila, kaysa mag-ehersisyo at alagaan ang kalusugan nila. Ito ay dahil sa katamaran. Ang mga tao ay tamad at ayaw mag-ehersisyo, kaya walang saysay na sabihan pa sila. Sa huli, hindi nila masisisi ang iba kapag nagkasakit sila; alam nila sa kaibuturan nila kung ano ang tunay na dahilan. Ang bawat tao ay dapat na mag-ehersisyo araw-araw. Araw-araw Kong kailangang maglakad nang hindi bababa sa isa o dalawang oras at gumawa ng ilang kinakailangang ehersisyo. Nakatutulong ito hindi lamang para mapalakas ang Aking pangkalahatang kalusugan, kundi para makaiwas din sa sakit at mapabuti ang pakiramdam ng katawan Ko. Ang pag-eehersisyo ay hindi lamang tungkol sa pag-iwas sa sakit, ito rin ay isang normal na pisikal na pangangailangan. Sa usaping ito, ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay ang magkaroon sila ng kaunting kabatiran. Huwag maging mangmang, at huwag pahirapan ang iyong katawan, bagkus ay sundin ang likas na sistema nito. Huwag abusuhin ang iyong laman, ngunit huwag din maging masyadong abala rito. Madali bang maunawaan ang prinsipyong ito? (Oo.) Sa totoo lang, napakadali nitong maunawaan, ang pinakapunto ay kung isinasagawa ito ng mga tao. Ano ang isa pa sa mga nakamamatay na kahinaan ng mga tao? Iyon ay na palagi silang nadadala ng kanilang imahinasyon, iniisip na, “Kung nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako magkakasakit, hindi ako tatanda, at siyempre, tiyak na hindi ako mamamatay.” Lubos na kalokohan ito. Hindi ginagawa ng Diyos ang mga supernatural na bagay na ito. Inililigtas Niya ang mga tao, nangangako sa kanila, at hinihiling sa kanila na hangarin at unawain ang katotohanan, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kamtin ang Kanyang kaligtasan, at pasukin ang magandang destinasyon ng sangkatauhan. Ngunit hindi kailanman ipinangako ng Diyos sa mga tao na hindi sila magkakasakit o tatanda, at hindi rin Niya ipinangako sa mga tao na hindi sila mamamatay. At siyempre, tiyak na hindi hiningi ng Diyos sa mga tao na dapat “sumunod sila sa ipinapagawa at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan.” Pagdating sa paggawa ng isang tao sa tungkulin at sa gawain ng iglesia, at sa kung anong mga paghihirap ang dapat tiisin, kung ano ang tatalikdan, ang gugugulin, at ang dapat bitawan, dapat kumilos ang mga tao ayon sa mga prinsipyo. Kapag nahaharap sa sariling pisikal na buhay at mga pangangailangan ng katawan, dapat ay may sentido komun ang mga tao, at hindi nila dapat labagin ang mga normal na pangangailangan ng kanilang katawan, lalo na ang mga batas at panuntunan na itinakda ng Diyos para sa mga tao. Siyempre, ito rin ang pinakamaliit na sentido komun na dapat taglayin ng mga tao. Kung hindi man lang alam ng mga tao kung paano harapin ang mga pangangailangan at sistema ng kanilang pisikal na katawan, at wala man lang silang sentido komun, bagkus ay umaasa lamang sa mga imahinasyon at kuru-kuro, at mayroon pa ngang matitinding ideya at gumagamit ng ilang matinding pamamaraan sa pagtrato sa kanilang pisikal na katawan, kung gayon, may kakatwang pagkaunawa ang gayong mga tao. Anong uri ng katotohanan ang maaaring maunawaan ng mga taong may ganitong uri ng kakayahan? May tandang pananong dito. Paano hinihingi ng Diyos na tratuhin ng mga tao ang kanilang pisikal na katawan? Noong likhain ng Diyos ang mga tao, nagtakda Siya ng mga tuntunin para sa kanila, kaya’t hinihingi Niya sa iyo na tratuhin ang iyong pisikal na katawan ayon sa mga tuntuning iyon. Ito ang hinihingi at pamantayan na itinatakda ng Diyos sa mga tao. Huwag umasa sa mga kuru-kuro, at huwag umasa sa mga imahinasyon. Naiintindihan mo ba?

Sa ilalim ng pagtuturo at impluwensya ng kasabihang ito sa wastong asal, “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” hindi alam ng mga tao kung paano tratuhin ang kanilang pisikal na katawan o kung paano mamuhay nang normal. Isang aspekto ito. Ang isa pang aspekto ay hindi alam ng mga tao kung paano haharapin ang kanilang kamatayan, o kung paano mamuhay nang makabuluhan. Tingnan natin, kung gayon, ang saloobin ng Diyos sa pagharap sa kamatayan ng mga tao. Anuman ang aspekto ng tungkuling ginagampanan, sa proseso ng paggawa ng mga tao sa kanilang tungkulin, ang pakay ng Diyos ay ang maunawaan ng mga tao ang katotohanan, maisagawa ito, maisantabi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, maisabuhay ang wangis ng normal na tao, at maabot ang pamantayan sa pagkamit ng kaligtasan, sa halip na basta-bastang tunguhin ang kamatayan. May mga taong nagkakaroon ng malubhang karamdaman o kanser at iniisip na, “Hinihiling sa akin ng Diyos na mamatay ako at isuko ang buhay ko, kaya susunod ako!” Sa katunayan, hindi iyon sinabi ng Diyos, at hindi rin sumagi sa Kanya ang gayong ideya. Ito ay walang iba kundi maling pagkaunawa lang ng mga tao. Kaya ano ang ibig sabihin ng Diyos? Ang lahat ay namumuhay nang ilang taon, ngunit magkakaiba ang haba ng kanilang buhay. Ang lahat ay namamatay kapag ipinasya ito ng Diyos, sa tamang panahon at lugar. Lahat ito ay inorden ng Diyos. Ginagawa Niya ito ayon sa oras na Kanyang itinakda para sa haba ng buhay ng taong iyon at sa lugar at paraan ng kanilang pagkamatay, sa halip na hayaan ang sinuman na mamatay nang basta-basta na lang. Itinuturing ng Diyos ang buhay ng isang tao bilang napakahalaga, at itinuturing din Niya ang kamatayan ng isang tao at ang pagwawakas ng pisikal na buhay nito bilang napakahalaga. Ang lahat ng ito ay inorden ng Diyos. Kung titingnan ito mula sa pananaw na ito, hinihingi man ng Diyos sa mga tao na gampanan ang kanilang mga tungkulin o sundin Siya, hindi Niya hinihiling sa mga tao na basta-bastang tunguhin ang kamatayan. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na hindi hinihingi ng Diyos sa iyo na maging handang isuko ang iyong buhay anumang oras alang-alang sa pagganap ng iyong tungkulin o paggugol para sa Diyos, o alang-alang sa Kanyang atas. Hindi mo kailangang gumawa ng gayong mga paghahanda, hindi mo kailangang magkaroon ng gayong pag-iisip, at tiyak na hindi mo kailangang magplano o mag-isip nang ganoon, dahil hindi kailangan ng Diyos ang buhay mo. Bakit Ko ba sinasabi iyon? Malinaw naman na pag-aari ng Diyos ang buhay mo, Siya ang nagkaloob nito, kaya bakit Niya gugustuhing bawiin ito? Mahalaga ba ang buhay mo? Sa perspektiba ng Diyos, hindi ito isang usapin ng kung mahalaga ba ito o hindi, kundi kung ano lang ang papel na ginagampanan mo sa plano ng pamamahala ng Diyos. Pagdating sa buhay mo, kung nais ng Diyos na kuhain ito, magagawa Niya ito anumang oras, saan mang lugar at anumang minuto. Samakatuwid, ang buhay ng sinumang tao ay mahalaga sa kanyang sarili, at mahalaga sa kanyang mga tungkulin, obligasyon at responsabilidad, at gayundin sa atas ng Diyos. Siyempre, mahalaga rin ito sa kanyang papel sa pangkalahatang plano ng pamamahala ng Diyos. Bagamat mahalaga ito, hindi kailangang kuhain ng Diyos ang buhay mo. Bakit? Kapag kinuha ang buhay mo, magiging isa kang patay na tao, at wala ka nang magiging pakinabang. Kapag buhay ka, namumuhay kasama ng sangkatauhan na pinamumunuan ng Diyos, saka mo lang magagampanan ang papel na dapat mong gampanan sa buhay na ito, at matutupad ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mong tuparin, at ang mga tungkuling hinihingi ng Diyos na gampanan mo sa buhay na ito. Tanging kapag umiiral ka sa kondisyong ito magkakaroon ng halaga ang buhay mo at mapagtatanto mo ang halaga nito. Kaya, huwag basta-bastang magbigkas ng mga pariralang gaya ng “ang mamatay para sa Diyos” o “pag-alay ng aking buhay para sa gawain ng Diyos,” at huwag ulitin ang mga ito, o papanatilihin ang mga ito sa iyong isipan o sa kaibuturan ng iyong puso; hindi ito kailangan. Kapag ang isang tao ay palaging nagnanais na mamatay para sa Diyos, at ialay ang kanyang sarili at isuko ang kanyang buhay para sa kanyang tungkulin, ito ang pinakakasuklam-suklam, hindi karapat-dapat, at kamuhi-muhing bagay. Bakit? Kung tapos na ang buhay mo, at hindi ka na namumuhay sa ganitong anyo ng laman, paano mo matutupad ang iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung patay na ang lahat, sino ang maiiwan para iligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain? Kung walang mga taong kailangang iligtas, paano maisasakatuparan ang plano ng pamamahala ng Diyos? Mananatili pa ba ang gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan? Maaari pa ba itong magpatuloy? Kung titingnan ito mula sa mga aspektong ito, hindi ba’t isang mahalagang bagay para sa mga tao na alagaang mabuti ang kanilang katawan at mamuhay nang may mainam na kalusugan? Hindi ba’t sulit ito? Tiyak na sulit ito, at dapat gawin ito ng mga tao. Tungkol naman sa mga hangal na taong basta-bastang nagsasabi na, “Kung magiging masyadong malubha ang sitwasyon, mamamatay ako para sa Diyos,” at walang ingat na kayang tratuhin nang mababaw ang kamatayan, at iniaalay ang kanilang buhay, at inaabuso ang kanilang katawan, anong uri ng tao ang mga ito? Sila ba ay mga mapaghimagsik na tao? (Oo.) Sila ang mga taong pinakamapaghimagsik, at dapat silang kasuklaman at kamuhian. Kapag ang isang tao ay basta-bastang nakakapagsabi na mamamatay siya para sa Diyos, maaaring ipagpalagay na basta-basta lamang niyang naiisip na wakasan ang kanyang sariling buhay, bitiwan ang kanyang tungkulin, bitiwan ang atas na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at pigilan ang mga salita ng Diyos na matupad sa kanya. Hindi ba’t isa itong hangal na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay? Maaaring basta-basta at handa mong isuko ang buhay mo at sabihin na gusto mong ialay ito sa Diyos, ngunit kailangan ba ng Diyos na ialay mo ito? Ang buhay mo mismo ay pag-aari ng Diyos, at maaaring kunin ito ng Diyos anumang oras, kaya’t ano ang saysay ng pag-aalay nito sa Kanya? Kung hindi mo ito iaalok pero kinakailangan ito ng Diyos, hihilingin ba Niya ito sa iyo sa magandang paraan? Kailangan pa ba Niya itong ipakiusap sa iyo? Hindi, hindi Niya kailangang gawin iyon. Ngunit bakit gugustuhin ng Diyos ang buhay mo? Sa sandaling bawiin ng Diyos ang buhay mo, hindi mo na magagampanan ang iyong tungkulin, at isang tao ang mawawala sa plano ng pamamahala ng Diyos. Matutuwa at masisiyahan ba Siya sa ganoon? Sino ba talaga ang matutuwa at masisiyahan? (Si Satanas.) Kung isusuko mo ang buhay mo, ano ang mapapala mo sa paggawa niyon? At ano ang makakamit ng Diyos sa pagkuha ng iyong buhay? Kung mapapalampas mo ang pagkakataong maligtas, isa ba itong pakinabang o kawalan para sa Diyos? (Isang kawalan.) Para sa Diyos, hindi ito isang pakinabang, kundi isang kawalan. Tinutulutan ka ng Diyos, bilang isang nilikha, na magkaroon ng buhay at akuin ang posisyon ng isang nilikha upang magampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at sa paggawa nito, makapasok sa katotohanang realidad, magpasakop sa Diyos, maunawaan ang Kanyang mga intensiyon at makilala Siya, masunod ang Kanyang kalooban, makipagtulungan sa Kanya sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at masunod Siya hanggang sa pinakawakas. Ito ay pagiging matuwid, at ito ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay mo. Kung umiiral ang buhay mo para dito, at namumuhay ka nang mainam sa kalusugan para dito, kung gayon, ito ang pinakamakabuluhang bagay, at kung Diyos ang tatanungin, ito ay tunay na dedikasyon at pakikipagtulungan—para sa Kanya, ito ang pinakakasiya-siyang bagay. Ang nais makita ng Diyos ay isang nilikha na namumuhay sa laman na nagwawaksi sa tiwaling disposisyon nito sa gitna ng Kanyang pagkastigo at paghatol, tumatanggi sa napakaraming nakalilinlang na ideya na itinanim ni Satanas dito, at nagagawang tanggapin ang mga katotohanan at mga hinihingi mula sa Diyos, ganap na magpasakop sa kapamahalaan ng Lumikha, tumutupad sa tungkulin na dapat tuparin ng isang nilikha, at nagagawang maging isang tunay na nilikha. Ito ang nais makita ng Diyos, at ito ang halaga at kabuluhan ng pagkakaroon ng buhay ng tao. Samakatuwid, para sa sinumang nilikha, hindi kamatayan ang pinakahuling hantungan. Ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay ng tao ay hindi ang mamatay, kundi ay ang mabuhay para sa Diyos, umiral para sa Diyos at para sa sariling tungkulin, umiral upang magampanan ang mga tungkulin at mga responsabilidad ng isang nilikha, para sumunod sa kalooban ng Diyos, at para ipahiya si Satanas. Ito ang halaga ng pag-iral ng isang nilikha, at gayundin ang kabuluhan ng buhay nito.

Tungkol naman sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, ang paraan ng pagtrato ng Diyos sa buhay at kamatayan ng mga tao ay ganap na naiiba sa inilarawan ng kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan” sa tradisyonal na kultura. Laging gusto ni Satanas na mamatay ang mga tao. Hindi ito komportable na makitang buhay ang mga tao, at patuloy itong nag-iisip kung paano kukuhain ang buhay ng mga tao. Sa sandaling tanggapin ng mga tao ang mga maling ideya ng tradisyonal na kultura mula kay Satanas, ang tanging gusto nila ay isakripisyo ang kanilang buhay para sa kanilang bansa at bayan, o para sa kanilang propesyon, para sa pag-ibig, o para sa kanilang pamilya. Palagi nilang hinahamak ang sarili nilang buhay, handang mamatay at ialay ang kanilang buhay saanman at anumang oras, at hindi itinuturing ang buhay na ibinigay sa kanila ng Diyos bilang ang pinakamahalagang bagay at bilang isang bagay na dapat pakamahalin. Dahil hindi magampanan ang kanilang mga tungkulin at obligasyon habang sila ay nabubuhay, habang taglay pa nila ang buhay na ibinigay sa kanila ng Diyos, tinatanggap nila sa halip ang mga maling paniniwala at mga maladiyablong salita ni Satanas, na laging naglalayong sumunod sa ipinapagawa sa kanila at magsikap na gawin ang kanilang makakaya hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, at inihahanda ang kanilang sarili na mamatay para sa Diyos anumang oras. Ang totoo ay na kung talagang mamamatay ka, kung gayon, ginagawa mo ito hindi para sa Diyos, kundi para kay Satanas, at hindi ka gugunitain ng Diyos. Sapagkat ang mga buhay lamang ang makapagluluwalhati sa Diyos at makapagpapatotoo sa Kanya, at tanging ang mga buhay lamang ang maaaring umako sa nararapat na posisyon ng mga nilikha at gumanap sa kanilang mga tungkulin, at sa gayon ay walang maiiwang mga pagsisisi, at maipapahiya nila si Satanas, at makapagpapatotoo sila sa mga kamangha-manghang gawa at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha—ang mga buhay lamang ang makagagawa ng mga bagay na ito. Kung wala ka man lang buhay, ang lahat ng ito ay titigil na sa pag-iral. Hindi ba’t tama ito? (Oo.) Kaya naman, sa paghain ng kasabihang tungkol sa wastong asal na, “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” tiyak na pinaglalaruan at niyuyurakan ni Satanas ang buhay ng tao. Hindi nirerespeto ni Satanas ang buhay ng tao, kundi sa halip ay pinaglalaruan ito, hinihimok ang mga tao na tanggapin ang mga ideya tulad ng “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan.” Namumuhay sila sa gayong mga ideya, at hindi pinahahalagahan ang buhay o itinuturing ang kanilang sariling buhay bilang mahalaga, kaya’t basta-basta nilang isinusuko ang kanilang buhay, iyong pinakamahalaga sa mga bagay na ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Ito ay pagtataksil at imoralidad. Hangga’t hindi pa naaabot ang takdang panahon na inorden ng Diyos para sa iyo, hindi ka dapat magsalita nang basta-basta tungkol sa pag-aalay ng iyong buhay, kahit kailan. Hangga’t mayroon ka pang hininga sa loob mo, huwag kang sumuko, huwag talikuran ang iyong tungkulin, at huwag abandonahin ang ipinagkatiwala at atas ng Lumikha sa iyo. Sapagkat ang buhay ng sinumang nilikha ay umiiral lamang para sa Lumikha, at para lamang sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, pangangasiwa, at mga pagsasaayos, at umiiral at napagtatanto lang din ang halaga nito para sa patotoo ng Lumikha at sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Makikita mo na ang pananaw ng Diyos sa buhay ng tao ay ganap na naiiba sa pananaw ni Satanas. Kaya, sino ang tunay na nagpapahalaga sa buhay ng tao? (Ang Diyos.) Tanging ang Diyos, samantalang ang mga tao mismo ay hindi alam kung paano pahalagahan ang sarili nilang buhay. Tanging ang Diyos ang nagpapahalaga sa buhay ng tao. Bagamat ang mga tao ay hindi kaibig-ibig o karapat-dapat sa pagmamahal, at puno sila ng karumihan, paghihimagsik, at ng maraming uri ng kakatwang ideya at pananaw na ikinintal ni Satanas, at bagamat iniidolo at sinusunod nila si Satanas, hanggang sa punto ng pagsalungat sa Diyos, gayunpaman, sapagkat ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at pinagkakalooban Niya sila ng hininga at buhay, Siya lamang ang nagpapahalaga sa buhay ng tao, Siya lamang ang nagmamahal sa mga tao, at Siya lamang ang patuloy na nagmamalasakit at nagpapahalaga sa sangkatauhan. Pinahahalagahan ng Diyos ang mga tao—hindi ang kanilang pisikal na katawan, kundi ang buhay nila, dahil ang mga tao lamang na binigyan ng buhay ng Diyos ang maaaring maging mga nilikhang tunay na sumasamba sa Kanya at nagpapatotoo sa Kanya sa huli. Ang Diyos ay may gawain, mga atas, at mga ekspektasyon para sa mga tao, sa mga nilikhang ito. Samakatuwid, pinahahalagahan at pinagkakaingat-ingatan ng Diyos ang kanilang buhay. Ito ang katotohanan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Kaya, sa sandaling maunawaan ng mga tao ang intensiyon ng Diyos na Lumikha, hindi ba’t dapat na may mga prinsipyo kung paano nila dapat tratuhin ang buhay ng kanilang pisikal na katawan, at harapin ang mga sistema at pangangailangan nito para mabuhay? Ano ang batayan ng mga prinsipyong ito? Nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Ano ang mga prinsipyo sa pagsasagawa ng mga ito? Ang pasibong pagharap dito ay dapat talikuran ng mga tao ang maraming uri ng maling pananaw na ikinintal sa kanila ni Satanas, ilantad at kilalanin ang mga panlilinlang ni Satanas—tulad ng kasabihang “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan”—na nagpapamanhid, pumipinsala, at kumukulong sa mga tao, at abandonahin ang mga pananaw na ito; dagdag pa rito, ang aktibo namang pagharap dito ay dapat nilang tumpak na maunawaan kung ano ang mga hinihingi ng Diyos na Lumikha para sa sangkatauhan, at gawing pundasyon ang mga salita ng Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa. Sa ganitong paraan, makapagsasagawa nang tama ang mga tao nang walang mga paglihis, at tunay nilang hahangarin ang katotohanan. Ano ang paghahangad sa katotohanan? (Ang tingnan ang mga tao at bagay, at ang umasal at kumilos, nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan.) Tama ang sumahin ito sa mga salitang ito.

Ngayon, pangunahin nating pinagbahaginan kung paano harapin ang kamatayan, gayundin kung paano harapin ang buhay. Niyuyurakan, winawasak, at kinikitil ni Satanas ang buhay ng mga tao. Nililihis at ginagawa nitong manhid ang mga tao sa pamamagitan ng pagkintal sa kanila ng mga nakalilinlang na uri ng ideya at pananaw, at inuudyukan ang mga tao na tratuhin ang pinakamahalagang bagay na mayroon sila—ang kanilang buhay—nang may paghamak, sa gayon ay ginagambala at sinisira ang gawain ng Diyos. Sabihin mo sa Akin, kung ang lahat ng tao sa buong mundo ay gustong mamatay, at magagawa ito nang basta-basta, hindi ba’t masasadlak ang lipunan sa kaguluhan? Magiging mahirap ba kung gayon para sa mga tao na mabuhay at umiral? (Oo.) Kaya, ano ang saloobin ng Diyos tungkol sa buhay ng tao? Pinahahalagahan Niya ito. Pinahahalagahan at pinagkakaingat-ingatan ng Diyos ang buhay ng tao. Anong landas ng pagsasagawa ang dapat makamit ng mga tao mula sa mga salitang ito ng Diyos? Habang nabubuhay pa sila, habang mayroon pa silang buhay at hininga, na siyang pinakamahahalagang bagay na ibinigay ng Diyos, dapat hangarin at unawain ng mga tao ang katotohanan nang tama, at tuparin ang kanilang mga tungkulin bilang nilikha ayon sa mga hinihingi at prinsipyo ng Diyos, nang walang iniiwang anumang pagsisisi, upang balang araw ay maaari nilang akuin ang posisyon ng isang nilikha at magpatotoo at sumamba sa Lumikha. Sa paggawa nito, bibigyan nila ng halaga at kabuluhan ang buhay nila, sa pamamagitan ng pamumuhay hindi para kay Satanas, kundi para sa kataas-taasang kapangyarihan, gawain, at patotoo ng Diyos. Ang buhay ng mga tao ay may halaga at kabuluhan kapag nakapagpapatotoo sila tungkol sa mga gawa at gawain ng Diyos. Ngunit hindi masasabi na ang buhay ng tao ay umabot na sa pinakamaluwalhating panahon nito. Medyo hindi tamang sabihin ito, dahil hindi pa naabot ang oras na iyon. Sa sandaling tunay mong maunawaan ang katotohanan, makamit ang katotohanan, makilala ang Diyos, at maako ang posisyon ng isang nilikha para sambahin ang Diyos, at magpatotoo sa Diyos, sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, sa Kanyang mga gawa, at sa Kanyang diwa at identidad, kung gayon, ang halaga ng buhay mo ay aabot na sa pinakamataas at pinakamalawak nitong antas. Ang layon at kabuluhan ng pagsasabi ng lahat ng ito ay upang ipaunawa sa inyo ang halaga at kabuluhan ng pag-iral ng buhay, at kung paano mo dapat tratuhin ang sarili mong buhay, upang piliin mo ang landas na dapat mong tahakin batay rito. Ito ang tanging paraan upang maging kaayon sa mga intensiyon ng Diyos.

Hunyo 4, 2022

Sinundan: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 11

Sumunod: Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 13

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito