Ano ang Inyong Pagkaunawa sa mga Pagpapala?
Bagama’t ang mga isinilang sa panahong ito ay ginawa nang tiwali ni Satanas at ng maruruming espiritu, dahil sa katiwaliang ito kaya nila nakamit ang pinakamalaking kaligtasan, isang kaligtasang mas malaki pa kaysa sa kasaganaan ng mga alagang hayop at sa napakalaking kayamanan na nakamit ni Job, at mas malaki pa rin kaysa sa pagpapalang mamasdan si Jehova na natanggap ni Job kasunod ng kanyang mga pagsubok. Pagkatapos danasin ni Job ang pagsubok ng kamatayan, saka lamang niya narinig na magsalita si Jehova, naririnig ang tinig Niya sa ipu-ipo. Subalit hindi niya nakita ang mukha ni Jehova, at hindi niya nalaman ang Kanyang disposisyon. Ang natamo ni Job ay ang materyal na kayamanan lamang na nagbigay ng mga pisikal na kasiyahan at ng pinakamagagandang anak sa lahat ng lungsod sa paligid, pati na ng proteksyon ng mga anghel ng langit. Hindi niya nakita si Jehova kailanman, at bagama’t siya ay tinawag na matuwid, hindi niya nalaman kailanman ang disposisyon ni Jehova. At bagama’t masasabi na ang mga materyal na kasiyahan ng mga tao ngayon ay pansamantalang kakarampot, o masungit ang kapaligiran ng mundo sa labas, gayumpaman, ibinubunyag Ko ang Aking disposisyon, na hindi Ko pa kailanman naipaalam sa tao mula pa noong unang panahon at naging lihim na noon pa man—gayundin ang mga misteryo ng napakatagal nang nakalipas na panahon—sa mga taong ito na pinakaaba sa lahat ngunit nakatanggap ng Aking pinakadakilang pagliligtas. Bukod pa riyan, ito ang unang pagkakataon na naibunyag Ko ang mga bagay na ito; hindi Ko pa nagawa kailanman ang ganitong gawain noon. Bagama’t napakababa ninyo kumpara kay Job, daig na daig ninyo siya sa inyong natamo at inyong nakita. Bagama’t napagdaanan ninyo ang iba’t ibang uri ng pagdurusa at naranasan ang lahat ng klase ng paghihirap, ang inyong tiniis ay hindi sa anumang paraan katulad ng mga pagsubok ni Job; sa halip, ito ang paghatol at pagkastigong tinanggap ng mga tao dahil sa kanilang paghihimagsik, dahil sa kanilang paglaban, at dahil sa Aking matuwid na disposisyon; ito ay matuwid na paghatol, pagkastigo, at sumpa. Si Job, sa kabilang banda, ay isang matuwid na lalaki sa mga Israelita na tumanggap ng dakilang pagmamahal at kabaitan ni Jehova. Wala siyang ginawang masama, at hindi siya lumaban kay Jehova; sa halip, tapat siya sa kanyang debosyon kay Jehova. Dahil sa kanyang katuwiran, siya ay isinailalim sa mga pagsubok, at dumaan sa mga naglalagablab na pagsubok dahil siya ay isang tapat na lingkod ni Jehova. Ang mga tao sa kasalukuyan ay nasasailalim sa Aking paghatol at sumpa dahil sa kanilang karumihan at kawalan ng katuwiran. Bagama’t ang kanilang pagdurusa ay hindi katulad ng dinanas ni Job nang mawala ang kanyang mga alagang hayop, kanyang ari-arian, kanyang mga alipin, kanyang mga anak, at lahat ng mahalaga sa kanya, ang kanilang dinaranas ay ang naglalagablab na pagpipino at pagsunog. At kaya mas seryoso ito kaysa sa dinanas ni Job ay sapagkat ang mga pagsubok na ito ay hindi nababawasan o inaalis dahil ang mga tao ay mahina; sa halip, pangmatagalan ang mga iyon, at nagpapatuloy hanggang sa huling araw ng buhay ng mga tao. Ito ay kaparusahan, paghatol, at sumpa; ito ay walang-awang pagsunog, at higit pa riyan, ito ang nararapat na “pamana” sa sangkatauhan. Ito ang karapat-dapat sa mga tao, at dito ipinapahayag ang Aking matuwid na disposisyon. Alam ng lahat ang katunayang ito. Gayumpaman, matagal nang nalampasan ng nakamit ng mga tao ang pagdurusang tinitiis nila ngayon. Ang pagdurusang inyong tinitiis ay isang dagok lamang bunga ng inyong kahangalan, samantalang ang inyong nakamit ay daang beses na higit pa kaysa sa inyong pagdurusa. Ayon sa mga batas ng Israel sa Lumang Tipan, lahat ng lumalaban sa Akin, lahat ng hayagang humuhusga sa Akin, at lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan, at sa halip ay buong tapang na naghahandog ng mga di-banal na alay sa Akin, ay tiyak na tutupukin ng apoy sa templo o babatuhin ng ilan sa hinirang na mga tao hanggang sa mamatay, at kahit ang mga inapo ng sarili nilang angkan at iba pang direktang kamag-anakan ay dadanas ng Aking sumpa. Sa mga buhay na darating, hindi sila magiging malaya, kundi magiging mga alipin ng Aking mga alipin, at itatapon Ko sila sa piling ng mga Hentil, at hindi sila makakabalik sa kanilang bayang tinubuan. Batay sa kanilang mga kilos at pag-uugali, ang pagdurusang tinitiis ng mga tao ngayon ay hindi man lamang kasimbigat ng kaparusahang dinanas ng mga Israelita. Ang pagsasabi na ang inyong dinaranas sa kasalukuyan ay retribusyon ay makatwiran, dahil talagang lumagpas na kayo sa hangganan. Kung nasa Israel kayo, kayo ay naging mga walang-hanggang makasalanan, at matagal na sana kayong pinagputol-putol ng mga Israelita at nasunog ng apoy mula sa langit sa templo ni Jehova. Ano na ang inyong nakamit ngayon? Ano na ang inyong natanggap, at ano na ang inyong natamasa? Ibinunyag Ko sa inyo ang Aking matuwid na disposisyon, ngunit ang pinakamahalaga ay na ibinunyag Ko ang Aking pasensiya para sa pagtubos sa sangkatauhan. Masasabi na ang gawaing Aking nagawa sa inyo ay gawain lamang ng pagpapasensiya; ginawa iyon alang-alang sa Aking pamamahala at, higit pa riyan, ginawa iyon alang-alang sa kasiyahan ng sangkatauhan.
Bagama’t pinagdaanan ni Job ang mga pagsubok ni Jehova, isa lamang siyang matuwid na tao na sumamba kay Jehova. Sa kabila ng pagdaan sa gayong mga pagsubok, hindi siya nagreklamo tungkol kay Jehova, at itinatangi niya ang pakikipagtagpo niya kay Jehova. Hindi lamang hindi itinatangi ng mga tao ngayon ang presensiya ni Jehova, kundi tinatanggihan, kinamumuhian, inirereklamo, at pinagtatawanan pa nila ang Kanyang pagpapakita. Hindi ba kayo nagkamit ng marami? Napakalaki ba talaga ng naging pagdurusa ninyo? Hindi ba’t mas pinagpala kayo kaysa kina Maria at Santiago? At talaga bang ang inyong paglaban ay naging napakakaunti lang? Maaari kayang napakataas ng mga hinihingi Ko, at masyado Akong maraming hiningi sa inyo? Pinakawalan lamang ang Aking poot sa mga Israelitang lumaban sa Akin, hindi direkta sa inyo; ang inyong natamo ay ang Akin lamang walang-awang paghatol at paglalantad, pati na ang walang-humpay na nagniningas na pagpipino. Sa kabila nito, nilalabanan at pinapabulaanan pa rin Ako ng mga tao, at wala sila ni kaunting pagpapasakop. May ilan pa na inilalayo ang sarili nila sa Akin at itinatatwa Ako; ang gayong mga tao ay mas masahol pa nga sa pangkat nina Kora at Datan na kumontra kay Moises. Masyadong matigas ang puso ng mga tao, at ang kanilang kalikasan ay masyadong sutil. Hindi nila binabago ang mga dati nilang kalikasan kailanman. Sinasabi Ko na sila ay hubad na parang mga patutot sa ilalim ng sikat ng araw, at mabagsik ang Aking mga salita hanggang sa maaari ngang “masakit pakinggan” ang mga ito, na naglalantad sa mga kalikasan ng mga tao sa liwanag ng araw—subalit tumatango lamang sila, lumuluha nang kaunti, at pinipilit ang sarili nila na malungkot nang bahagya. Kapag nakalipas na ito, kasimbangis sila ng hari ng mababangis na hayop sa kabundukan, at wala sila ni katiting na kamalayan. Paano malalaman ng mga taong may ganitong disposisyon na matagal na silang naging daang beses na mas pinagpala kaysa kay Job? Paano nila matatanto na ang kanilang tinatamasa ay mga pagpapalang halos hindi nakita sa nagdaang mga kapanahunan, at na hindi pa natamasa ninuman noong araw? Paano mararamdaman ng konsensiya ng mga tao ang gayong mga pagpapala, mga pagpapalang may lakip na kaparusahan? Sa deretsahang pagsasalita, ang tanging hinihingi Ko lang sa inyo ay upang kayo ay maging mga huwaran para sa Aking gawain, at mga saksi para sa Aking buong disposisyon at sa lahat ng kilos Ko, at upang kayo ay mapalaya mula sa mga pagpapahirap ni Satanas. Subalit ang mga tao ay palaging nasusuklam sa Aking gawain at sadyang mapanlaban dito. Paano Ako hindi mauudyukan ng gayong mga tao na ibalik ang mga batas ng Israel, at ipataw sa kanila ang poot na ipinataw Ko sa Israel? Bagama’t marami sa inyo ang “masunurin at mapagpasakop” sa Akin, mas marami pang kauri ng pangkat ni Kora. Kapag natamo Ko na ang Aking ganap na kaluwalhatian, gagamitin Ko ang apoy mula sa langit upang sunugin sila hanggang sa maging abo. Dapat ninyong malaman na hindi Ko na kakastiguhin ang mga tao sa pamamagitan ng Aking mga salita; sa halip, bago Ko gawin ang gawain ng Israel, lubos Kong susunugin “ang pangkat ni Kora” na lumalaban sa Akin at na matagal Ko nang itiniwalag. Hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang sangkatauhan na tamasahin Ako; sa halip, ang makikita lamang nila ay ang Aking poot at mga apoy mula sa langit. Ibubunyag Ko ang iba-ibang kinalabasan ng lahat ng uri ng mga tao, at hahatiin Ko silang lahat sa iba’t ibang kategorya. Itatala Ko ang bawat mapaghimagsik na kilos nila at saka Ko tatapusin ang Aking gawain, upang mapagpasyahan ang kinalabasan ng mga tao batay sa Aking hatol habang Ako ay nasa lupa pati na ang kanilang mga saloobin sa Akin. Pagdating ng panahong iyon, walang anumang makakapagbago ng kanilang kinalabasan. Hayaang ibunyag ng mga tao ang sarili nilang kinalabasan! Sa gayon ay maipapasa Ko ang kinalabasan ng mga tao sa Ama sa langit.