Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Mula sa pananaw ng isang tao, hindi posible para sa mga inapo ni Moab na gawing ganap, ni hindi sila karapat-dapat na magawang gayon. Ang mga anak ni David, sa kabilang dako, ay tiyak na may pag-asa, at talagang maaaring gawing ganap. Kung ang isang tao ay inapo ni Moab, hindi sila maaaring gawing ganap. Kahit ngayon, hindi pa rin ninyo alam ang kahalagahan ng gawaing ginagawa sa inyo; sa yugtong ito, nasa mga puso pa rin ninyo ang maaaring mangyari sa inyong hinaharap, at tutol kayong talikuran ang mga ito. Walang pakialam ang sinuman kung bakit ngayon lang nagpasya ang Diyos na gumawa sa pinaka-hindi karapat-dapat na grupo ng mga tao na katulad ninyo. Nagkamali kaya Siya sa gawaing ito? Panandalian bang di-pagkapansin ang gawaing ito? Bakit bumaba ang Diyos, na alam noon pa man na kayo ay mga anak ni Moab, para gumawa mismo sa gitna ninyo? Hindi ba ninyo naiisip ito kailanman? Hindi ba ito isinasaalang-alang ng Diyos kailanman kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain? Kumikilos ba Siya sa bastos na paraan? Hindi ba Niya alam sa simula pa lamang na kayo ang mga inapo ni Moab? Hindi ba ninyo alam na dapat isaalang-alang ang mga bagay na ito? Saan na napunta ang inyong mga kuru-kuro? Hindi na ba balanse ang inyong malusog na pag-iisip? Saan na napunta ang inyong katalinuhan at karunungan? Napakaganda ba ng inyong tindig kaya hindi kayo nakikinig sa gayon kaliliit na mga bagay? Ang inyong mga isipan ay napakasensitibo sa mga bagay na kagaya ng inyong mga inaasam sa hinaharap at inyong sariling kapalaran, ngunit pagdating sa anumang iba pang bagay, manhid, mabagal umunawa, at walang kaalam-alam ang mga ito. Ano ba talaga ang inyong pinaniniwalaan? Ang inyo bang mga inaasam sa hinaharap? O ang Diyos? Hindi ba ang magandang hantungan mo lamang ang iyong pinaniniwalaan? Hindi ba ito ang iyong mga inaasam sa hinaharap? Gaano kalaki ang nauunawaan mo ngayon tungkol sa daan ng buhay? Gaano na karami ang iyong natamo? Palagay mo ba ang gawaing ginagawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay ginagawa para hiyain kayo? Sadya ba itong ginagawa para ilantad ang inyong kapangitan? Sadya ba itong ginagawa para tumanggap kayo ng pagkastigo, at pagkatapos ay upang ihagis kayo sa lawa ng apoy? Hindi Ko sinabi kailanman na wala kayong maaasahan sa hinaharap, lalong hindi na kailangan kayong wasakin o mapahamak. Hayagan Ko na bang naipahayag ang gayong mga bagay? Sabi mo wala ka ng pag-asa, ngunit hindi ba ito isang konklusyon lamang na ikaw mismo ang gumawa? Hindi ba ito ang epekto ng iyong sariling paraan ng pag-iisip? May halaga ba ang iyong sariling mga konklusyon? Kung sinasabi Kong hindi ka pinagpala, siguradong ikaw ay pakay ng pagwawasak; at kung sinasabi Kong ikaw ay pinagpala, talagang hindi ka wawasakin. Sinasabi Ko lamang na ikaw ay inapo ni Moab; hindi Ko sinabi na ikaw ay wawasakin. Sadya lamang na isinumpa ang mga inapo ni Moab, at isang lahi ng mga tiwaling tao. Binanggit ang kasalanan kanina; hindi ba makasalanan kayong lahat? Hindi ba ginawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng makasalanan? Hindi ba lumalaban at naghihimagsik sa Diyos ang lahat ng makasalanan? Hindi ba isusumpa ang mga lumalaban sa Diyos? Hindi ba kailangang puksain ang lahat ng makasalanan? Kung gayon, sino ang maliligtas sa mga taong may laman at dugo? Paano kayo nakaligtas hanggang sa araw na ito? Naging negatibo na kayo dahil kayo ay mga inapo ni Moab; hindi ba kabilang din kayo sa mga tao, na mga makasalanan? Paano kayo nakatagal hanggang sa araw na ito? Kapag binabanggit ang pagiging perpekto, nagiging masaya kayo. Matapos marinig na kailangan ninyong maranasan ang malaking kapighatian, pakiramdam ninyo mas pinagpala pa nga kayo. Iniisip ninyo na maaari kayong maging mga mananagumpay matapos dumanas ng kapighatian, at na ito, bukod pa riyan, ay malaking pagpapala at pagdadakila sa inyo ng Diyos. Kapag nababanggit si Moab, nagkakagulo kayo; parehong nadarama ng matatanda’t mga bata ang lubos na kalungkutan at talagang walang kagalakan sa inyong mga puso, at nagsisisi kayo na ipinanganak kayo. Hindi ninyo nauunawaan ang kahalagahan ng yugtong ito ng gawain na ginagawa sa mga inapo ni Moab; ang tanging alam ninyo ay maghangad ng matataas na posisyon, at tuwing nararamdaman ninyo na wala kayong pag-asa, bumabalik ang dati ninyong kasamaan. Kapag binabanggit ang pagiging perpekto at ang hantungan sa hinaharap, sumasaya kayo. Nanampalataya kayo sa Diyos upang magtamo ng mga pagpapala at para magkaroon kayo ng magandang hantungan. Nangangamba ang ilang tao ngayon dahil sa kanilang katayuan. Dahil mababa ang kanilang halaga at katayuan, hindi sila naghahangad na magawang perpekto. Una, pinag-usapan ang pagiging perpekto, at pagkatapos ay binanggit ang mga inapo ni Moab, kaya ipinagsawalang-bahala ng mga tao ang landas ng pagkaperpekto na naunang binanggit. Ito ay dahil mula simula hanggang wakas, hindi ninyo nalaman kailanman ang kahalagahan ng gawaing ito, ni wala kayong pakialam sa kahalagahan nito. Napakaliit ng inyong tayog, at hindi ninyo matatagalan kahit ang pinakakaunting kaguluhan. Kapag nakikita ninyo na napakababa ng inyong sariling katayuan, nagiging negatibo kayo at nawawalan ng kumpiyansa na patuloy na maghangad. Itinuturing lamang ng mga tao ang pagtatamo ng biyaya at pagtatamasa ng kapayapaan na mga sagisag ng pananampalataya, at itinuturing na batayan ng kanilang pananalig sa Diyos ang paghahangad ng mga biyaya. Iilang tao lamang ang naghahangad na makilala ang Diyos o baguhin ang kanilang disposisyon. Sa kanilang pananampalataya, hinahangad ng mga tao na hikayatin ang Diyos na bigyan sila ng angkop na hantungan at lahat ng biyayang kailangan nila, na gawing alipin nila ang Diyos, na gawin Siyang magpanatili ng isang mapayapa at magandang relasyon sa kanila nang sa gayon, anumang oras, ay hindi magkaroon ng anumang sigalot sa pagitan nila. Ibig sabihin, sa kanilang pananalig sa Diyos, kailangan Siyang mangako na tugunan ang lahat ng kanilang kahilingan at ipagkaloob Niya sa kanila ang anumang kanilang ipinagdarasal, tulad ng mga salitang nabasa nila sa Bibliya, “Pakikinggan Ko ang lahat ng inyong mga panalangin.” Inaasahan nila na hindi hahatulan o pakikitunguhan ng Diyos ang sinuman, sapagkat noon pa man ay Siya na ang maawaing Tagapagligtas na nagpapanatili ng mabuting kaugnayan sa mga tao sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar. Ganito ang paraan kung paano nananalig ang mga tao sa Diyos: Hindi sila nahihiyang humiling sa Diyos, naniniwala na mapanghimagsik man sila o masunurin, ipagkakaloob na lang Niya ang lahat sa kanila nang pikit-mata. Patuloy lamang silang “naniningil ng mga utang” mula sa Diyos, naniniwala na kailangan Niya silang “bayaran” nang walang anumang pagtutol at, bukod pa riyan, magbayad nang doble; iniisip nila, kung may nakuha man ang Diyos sa kanila o wala, maaari lamang nila Siyang manipulahin, hindi Niya maaaring basta-basta isaayos ang mga tao, lalong hindi Niya ihahayag sa mga tao ang Kanyang karunungan at matuwid na disposisyon, na maraming taon nang nakatago, tuwing gusto Niya at nang walang pahintulot nila. Ikinukumpisal lamang nila sa Diyos ang kanilang mga kasalanan, naniniwala na pawawalang-sala na lamang sila ng Diyos, na hindi Siya magsasawang gawin ito, at na magpapatuloy ito magpakailanman. Inuutus-utusan lamang nila ang Diyos, naniniwala na susunod na lamang Siya sa kanila, dahil nakatala sa Bibliya na hindi pumarito ang Diyos para paglingkuran ng mga tao, kundi para paglingkuran Niya sila, at na narito Siya upang maging lingkod nila. Hindi ba ganito ang paniniwala ninyo noon pa man? Tuwing wala kayong nakakamit na anuman mula sa Diyos, gusto ninyong lumayo; kapag may hindi kayo nauunawaan, masyado kayong naghihinanakit, at binabato pa ninyo Siya ng lahat ng klase ng pang-aabuso. Ayaw ninyo talagang tulutan ang Diyos Mismo na lubos na maipahayag ang Kanyang karunungan at hiwaga; sa halip, gusto lamang ninyong tamasahin ang panandaliang kaalwanan at ginhawa. Hanggang ngayon, ang saloobin ninyo sa inyong pananalig sa Diyos ay binubuo lamang ng dati pang mga pananaw. Kung kakatiting lamang ang ipinakikita sa inyo ng Diyos na kamaharlikahan, nalulungkot kayo. Nakikita na ba ninyo ngayon kung gaano talaga kataas ang inyong tayog? Huwag ninyong ipalagay na kayong lahat ay tapat sa Diyos samantalang ang totoo ay hindi pa nagbabago ang inyong mga dating pananaw. Kapag walang sumasapit sa iyo, naniniwala ka na maayos ang lahat, at nasa rurok ang pagmamahal mo sa Diyos. Kapag may nangyari sa iyo na di-gaanong masakit, bumabagsak ka sa Hades. Ganito ba ang pagiging tapat sa Diyos?

Kung ang huling yugto ng gawain ng paglupig ay magsisimula sa Israel, ang gayong gawain ng paglupig ay mawawalan ng kahulugan. Ang gawain ay pinakamakabuluhan kapag ito ay ginawa sa Tsina, at kapag ito ay isinasagawa sa inyo na mga tao. Kayo ang pinakaabang mga tao, ang mga taong may pinakamaliit na katayuan; kayo ang siyang nasa pinakamababang antas ng lipunang ito, at kayo yaong pinaka-hindi kumilala sa Diyos sa simula. Kayo ang mga taong pinakanapalayo sa Diyos at pinakamatindi ang pinsala. Dahil ang yugtong ito ng gawain ay para lamang sa paglupig, hindi ba pinakaangkop na kayo ang piliing sumaksi sa hinaharap? Kung ang unang hakbang ng gawain ng paglupig ay hindi gagawin sa inyo na mga tao, magiging mahirap na isulong ang gawain ng paglupig na darating, sapagkat ang gawain ng paglupig na susunod ay magkakamit ng mga resulta batay sa katunayann ng gawaing ito na isinasagawa ngayon. Ang kasalukuyang gawain ng paglupig ay simula pa lamang ng kabuuang gawain ng paglupig. Kayo ang unang grupo na lulupigin; kayo ang mga kinatawan ng buong sangkatauhan na lulupigin. Ang mga taong tunay na may kaalaman ay makikita na lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos ngayon ay dakila, na hindi lamang Niya tinutulutang malaman ng mga tao ang kanilang sariling pagkasuwail, kundi ibinubunyag din ang kanilang katayuan. Ang layunin at kahulugan ng Kanyang mga salita ay hindi upang sirain ang loob ng mga tao, ni hindi para ibagsak sila. Ito ay para magkamit sila ng kaliwanagan at kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita; ito ay upang pukawin ang espiritu nila sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Mula nang likhain ang mundo, namuhay na ang tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, na hindi nalalaman ni naniniwala na mayroong isang Diyos. Ang katotohanan na ang mga taong ito ay maaaring maibilang sa dakilang pagliligtas ng Diyos at lubhang maibangon ng Diyos ay talagang nagpapakita ng pag-ibig ng Diyos; lahat ng tunay na nakauunawa ay maniniwala rito. Paano naman yaong mga walang gayong kaalaman? Sasabihin nila, “Ah, sinasabi ng Diyos na tayo ang mga inapo ni Moab; sinabi Niya ito sa Kanyang sariling mga salita. Maaari pa rin ba tayong magtamo ng mabuting kalalabasan? Tayo ang mga inapo ni Moab at nilabanan natin Siya noong araw. Ang Diyos ay naparito upang kondenahin tayo; hindi mo ba nakikita kung paano Niya tayo palaging hinahatulan, sa simula pa lamang? Dahil nilabanan natin ang Diyos, dapat tayong kastiguhin sa ganitong paraan.” Tama ba ang mga salitang ito? Ngayon ay hinahatulan ka ng Diyos, kinakastigo ka, at kinokondena ka, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at masuwayin, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para magtamo ng karanasan, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasakop sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng pagmamahal, ng habag, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasakop ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at habag, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o habag, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagtuturo, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod man ngayon ang bawat isa ayon sa uri o inilalantad ang mga kategorya ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan. Sa gayon, ang pamamaraan ng pagliligtas ngayon ay hindi kagaya noong araw. Ngayon, inililigtas kayo sa pamamagitan ng matuwid na paghatol, at ito ay isang mabuting kasangkapan para maibukod ang bawat isa sa inyo ayon sa uri. Bukod diyan, ang malupit na pagkastigo ay nagsisilbing inyong sukdulang kaligtasan—at ano ang masasabi ninyo sa harap ng gayong pagkastigo at paghatol? Hindi ba kayo palaging nagtamasa ng pagliligtas, mula simula hanggang wakas? Nakita na ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao at napagtanto ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan at karunungan; at saka, naranasan na ninyo ang paulit-ulit na paghampas at pagdisiplina. Gayunman, hindi ba nakatanggap din kayo ng pinakadakilang biyaya? Hindi ba mas malaki ang inyong mga pagpapala kaysa iba pa? Ang inyong mga biyaya ay mas sagana pa nga kaysa sa kaluwalhatian at mga kayamanang tinamasa ni Solomon! Pag-isipan ninyo ito: Kung ang Aking layon sa pagparito ay upang kondenahin at parusahan kayo sa halip na iligtas kayo, nagtagal kaya ang buhay ninyo? Buhay pa kaya hanggang ngayon kayong mga makasalanang nilalang na laman at dugo? Kung ang Aking mithiin ay para lamang parusahan kayo, bakit pa Ako nagkatawang-tao at nagsimula ng gayon kalaking proyekto? Hindi ba kayong mga hamak na mortal ay maaaring parusahan sa pagbigkas lamang ng iisang salita? Kakailanganin Ko pa ba kayong puksain matapos Ko kayong sadyang kondenahin? Hindi pa rin ba kayo naniniwala sa mga salita Kong ito? Maaari Ko bang iligtas ang tao sa pamamagitan lamang ng pag-ibig at habag? O maaari Ko bang gamitin na lamang ang pagkakapako sa krus upang iligtas ang tao? Hindi ba mas kaaya-aya ang Aking matuwid na disposisyon para magawang lubos na masunurin ang tao? Hindi ba mas may kakayahan ito na lubusang iligtas ang tao?

Bagama’t maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ipinapahayag ang lahat ng iyon para sa kaligtasan ng tao, dahil nagpapahayag lamang Ako ng mga salita at hindi Ko pinarurusahan ang laman ng tao. Ang mga salitang ito ay nagiging dahilan upang mabuhay ang tao sa liwanag, upang malaman nila na mayroong liwanag, upang malaman nila na ang liwanag ay mahalaga, at, higit pa rito, upang malaman kung gaano kalaki ang pakinabang ng mga salitang ito sa kanila, gayundin upang malaman na ang Diyos ay kaligtasan. Bagama’t nagpahayag na Ako ng maraming salita ng pagkastigo at paghatol, ang kinakatawan ng mga ito ay hindi pa talaga nagagawa sa inyo. Naparito Ako upang gawin ang Aking gawain at ipahayag ang Aking mga salita, at bagama’t maaaring mahigpit ang Aking mga salita, ipinapahayag ang mga ito sa paghatol sa inyong katiwalian at pagkasuwail. Ang layunin ng Aking paggawa nito ay nananatiling upang iligtas ang tao mula sa kapangyarihan ni Satanas; ginagamit Ko ang Aking mga salita upang iligtas ang tao. Ang Aking layunin ay hindi upang saktan ang tao gamit ang Aking mga salita. Ang Aking mga salita ay mabagsik upang makamit ang mga resulta sa Aking gawain. Sa pamamagitan lamang ng gayong gawain makikilala ng tao ang kanilang sarili at makakahiwalay sa kanilang suwail na disposisyon. Ang pinakadakilang kabuluhan ng gawain ng mga salita ay ang pagtutulot sa tao na isagawa ang katotohanan matapos itong maunawaan, na mabago ang kanilang disposisyon, at magtamo ng kaalaman tungkol sa kanilang sarili at sa gawain ng Diyos. Sa paggawa lamang ng gawain sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita maaaring magawang posible ang komunikasyon sa pagitan ng Diyos at ng tao, at mga salita lamang ang maaaring magpaliwanag sa katotohanan. Ang paggawa sa ganitong paraan ang pinakamahusay na paraan ng paglupig sa tao; bukod sa pagbigkas ng mga salita, wala nang iba pang pamamaraan ang may kakayahang magbigay sa tao ng mas malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at sa gawain ng Diyos. Sa gayon, sa huling yugto ng Kanyang gawain, nangungusap ang Diyos sa tao upang ipahayag sa kanila ang lahat ng katotohanan at hiwaga na hindi pa nila nauunawaan, na nagtutulot na matamo nila mula sa Diyos ang tunay na daan at ang buhay, at sa gayo’y masunod ang Kanyang kalooban. Ang layunin ng gawain ng Diyos sa tao ay upang masunod nila ang kalooban ng Diyos, at ginagawa ito upang dalhan sila ng kaligtasan. Sa gayon, sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao, hindi Niya ginagawa ang gawain ng pagpaparusa sa kanila. Habang naghahatid ng kaligtasan sa tao, hindi pinarurusahan ng Diyos ang masama o ginagantimpalaan ang mabuti, ni hindi Niya ibinubunyag ang mga hantungan ng iba’t ibang klase ng mga tao. Sa halip, pagkatapos ng huling yugto ng Kanyang gawain, saka lamang Niya gagawin ang gawain ng pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti, at saka pa lamang Niya ibubunyag ang mga katapusan ng lahat ng uri ng mga tao. Yaong mga pinarurusahan ay yaong hindi talaga nagagawang iligtas, samantalang yaong mga inililigtas ay yaong mga nagkamit ng pagliligtas ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao. Habang ginagawa ang gawain ng pagliligtas ng Diyos, bawat isang tao na maaaring iligtas ay ililigtas hangga’t maaari, at walang isa man sa kanila ang itatapon, dahil ang layunin ng gawain ng Diyos ay iligtas ang tao. Lahat sila, sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na hindi nagagawang magkamit ng pagbabago sa kanilang disposisyon—pati na lahat ng hindi nagagawang lubos na magpasakop sa Diyos—ay magiging mga pakay ng kaparusahan. Ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng mga salita—ay bubuksan sa mga tao ang lahat ng paraan at hiwaga na hindi nila nauunawaan, upang maunawaan nila ang kalooban at mga ipinagagawa ng Diyos sa kanila, at upang mapasakanila ang mga kinakailangan upang maisagawa ang mga salita ng Diyos at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang Diyos ay gumagamit lamang ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at hindi pinarurusahan ang mga tao dahil sa pagiging medyo mapanghimagsik; ito ay dahil ngayon na ang panahon ng gawain ng pagliligtas. Kung parurusahan ang sinumang kumilos nang mapanghimagsik, walang sinumang magkakaroon ng pagkakataon na maligtas; lahat ay parurusahan at babagsak sa Hades. Ang layunin ng mga salita na humahatol sa tao ay upang tulutan silang makilala ang kanilang sarili at magpasakop sa Diyos; hindi ito para parusahan sila sa gayong paghatol. Sa panahon ng gawain ng mga salita, malalantad ang pagkasuwail at paglaban ng maraming tao, gayundin ang kanilang pagsuway sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayunpaman, hindi Niya parurusahan ang lahat ng taong ito dahil dito, kundi sa halip ay itatakwil lamang yaong mga tiwali sa kaloob-looban at hindi maaaring iligtas. Ibibigay Niya ang kanilang laman kay Satanas, at sa ilang sitwasyon, wawakasan ang kanilang laman. Yaong mga natira ay patuloy na susunod at mararanasang pakitunguhan at tabasan. Kung, habang sumusunod, hindi pa rin kayang tanggapin ng mga taong ito na pakitunguhan at tabasan, at lalong sumama nang sumama, mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Bawat taong nagpasakop na sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon para maligtas; ang pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magpapakita ng Kanyang lubhang kaluwagan. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na pagpaparaya. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas. Sa unang pagsuway ng mga tao sa Diyos, wala Siyang hangad na patayin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, itatakwil sila ng Diyos. Kaya mabagal ang Diyos sa pagparusa sa ilang mga tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring mailigtas. Hinahatulan, nililiwanagan, at ginagabayan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita lamang, at hindi Siya gumagamit ng pamalo para patayin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layunin at kabuluhan ng huling yugto ng gawain.

Sinundan: Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Sumunod: Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito