Kanino Ka Matapat?
Ngayon mismo, bawat araw na pinagdaraanan ninyo ay lubhang mahalaga, at pinakamahalaga sa inyong kahahantungan at kapalaran, kaya’t dapat ninyong itangi ang lahat ng mayroon kayo ngayon, at pahalagahan ang bawat minutong lumilipas. Kailangan ninyong bigyan ng oras ang inyong sarili na matuto nang husto upang hindi mawalan ng saysay ang buhay ninyo. Maaaring nalilito kayo kung bakit sinasabi Ko ang mga ito. Sa totoo lang, ni hindi Ako nalulugod sa mga ikinikilos ng sinuman sa inyo, dahil hindi kayo ngayon katulad ng mga inaasahan Ko sa inyo. Kaya’t ito ang masasabi Ko: Bawat isa sa inyo ay nasa bingit ng kapahamakan, at ang mga dati ninyong paghingi ng tulong at hangaring patuloy na hanapin ang katotohanan at hanapin ang liwanag ay malapit nang magwakas. Ito ang inyong huling pagpapakita ng pagbabayad, at ito ay isang bagay na hindi Ko inaasahan. Hindi Ko nais magsalita nang salungat sa mga katotohanan, dahil labis ninyo Akong nabigo. Marahil ay ayaw ninyong tanggapin ito nang walang laban, ayaw ninyong harapin ang realidad—ngunit tapatan Kong itatanong ito sa inyo: Sa nagdaang mga taon na ito, ano ba talaga ang nakapuspos sa puso ninyo? Kanino matapat ang mga ito? Huwag ninyong sabihin na bigla na lamang lumabas ang mga tanong na ito, at huwag ninyo Akong tanungin kung bakit Ako nagtanong ng ganito. Dapat ninyong malaman ito: Ito ay dahil kilalang-kilala Ko kayo, labis Ko kayong pinagmamalasakitan, at ipinuhunan Ko na ang malaking bahagi ng puso Ko sa inyong kilos at mga gawa kaya pinanagot Ko kayo nang walang humpay at pinagbata ng matitinding paghihirap. Ngunit wala kayong iginaganti sa Akin kundi pagwawalang-bahala at napakasakit na pagkikibit-balikat. Labis ninyo Akong nakaligtaan; posible bang hindi Ko malaman iyon? Kung ito ang pinaniniwalaan ninyo, lalo itong nagpapatunay na hindi mabuti ang pagtrato ninyo sa Akin. Kaya nga, sinasabi Ko na umiiwas kayo. Masyado kayong tuso kaya ni hindi ninyo alam ang inyong ginagawa—kaya ano ang gagamitin ninyo para managot sa Akin?
Ang katanungang lubos na nakababahala sa Akin ay kung kanino talaga matapat ang puso ninyo. Umaasa rin Ako, na sisikapin ng bawat isa sa inyo na ayusin ang inyong pag-iisip, at itanong ninyo sa inyong sarili kung kanino kayo matapat at para kanino kayo nabubuhay. Marahil ay hindi pa ninyo napag-isipang mabuti ang mga katanungang ito, kaya ano kaya kung ihayag Ko sa inyo ang mga kasagutan?
Sinumang nakakaalala ay kikilalanin ang katotohanang ito: Ang tao ay nabubuhay para sa kanyang sarili at matapat sa kanyang sarili lamang. Hindi Ako naniniwala na tama ang lahat ng sagot ninyo, dahil may kanya-kanyang buhay ang bawat isa sa inyo at nahihirapan sa sarili ninyong pagdurusa. Sa gayon, matapat kayo sa mga taong mahal ninyo at sa mga bagay na nagpapasaya sa inyo; hindi lubos ang katapatan ninyo sa inyong sarili. Dahil bawat isa sa inyo ay iniimpluwensyahan ng mga tao, pangyayari, at bagay sa inyong paligid, hindi kayo talaga matapat sa inyong sarili. Sinasabi Ko ito hindi para ayunan ang katapatan ninyo sa inyong sarili, kundi upang ilantad ang katapatan ninyo sa anumang bagay, dahil sa lumipas na napakaraming taon, hindi kailanman naging matapat sa Akin ang sinuman sa inyo. Sumunod na kayo sa Akin sa mga nakalipas na taon, ngunit hindi ninyo Ako nabigyan ni katiting na katapatan kailanman. Sa halip, napainog ninyo ang inyong buhay sa mga taong mahal ninyo at sa mga bagay na nagpapasaya sa inyo—kaya sa tuwina, at saanman kayo magpunta, pinanatili ninyo silang malapit sa puso ninyo at hindi sila pinabayaan kailanman. Tuwing kinasasabikan o kinagigiliwan ninyo ang anumang bagay na gustung-gusto ninyo, nangyayari ito habang sumusunod kayo sa Akin, o kahit habang nakikinig kayo sa Aking mga salita. Kaya nga, sinasabi Ko na ginagamit ninyo ang katapatang hinihingi Ko sa inyo upang sa halip ay maging matapat sa inyong mga “paborito” at itangi ang mga ito. Magsakripisyo man kayo ng isa o dalawang bagay para sa Akin, hindi ito kumakatawan sa lahat ng maibibigay ninyo, at hindi nagpapakita na sa Akin kayo talaga matapat. Nakikibahagi kayo sa mga gawaing gustung-gusto ninyo: Matapat ang ilang tao sa mga anak na lalaki at babae, ang iba naman sa kanilang asawa, kayamanan, trabaho, nakatataas, katayuan, o kababaihan. Hindi kayo nagsasawa o nayayamot kailanman sa mga bagay na matapat kayo; sa halip, lalo pa kayong nasasabik na magkaroon ng mas marami ng mga bagay na ito na mas mataas ang kalidad, at hindi kayo sumusuko kailanman. Ako at ang Aking mga salita ay palaging nahuhuli sa mga bagay na gustung-gusto ninyo. At wala kayong magagawa kundi ihuli ang mga ito. Mayroon pang mga tao na inihuhuli ito para sa mga bagay na matapat sila na kailangan pa nilang tuklasin. Kailanma’y wala ni katiting na bakas Ko sa puso nila. Maaari ninyong isipin na napakarami Kong hinihingi sa inyo o mali Ako sa pag-akusa sa inyo—ngunit naisip na ba ninyo kahit kailan ang katotohanan na habang masaya kayong gumugugol ng oras sa piling ng inyong pamilya, ni minsan ay hindi kayo naging matapat sa Akin? Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ba kayo nasasaktan? Kapag puspos ng kagalakan ang inyong puso, at ginantimpalaan kayo para sa inyong mga pagpapagal, hindi ba kayo nalulungkot na hindi ninyo napagkalooban ang inyong sarili ng sapat na katotohanan? Kailan kayo naiyak dahil hindi ninyo natanggap ang Aking pagsang-ayon? Nag-iisip kayong mabuti at lubhang nagpapakasakit alang-alang sa inyong mga anak na lalaki at babae, ngunit hindi pa rin kayo nasisiyahan; naniniwala pa rin kayo na hindi kayo nagpakasipag para sa kanila, na hindi pa ninyo nagagawa ang lahat ng kaya ninyo para sa kanila. Gayunman, sa Akin, lagi kayong nagpapabaya at walang-ingat; nasa alaala lamang ninyo Ako, ngunit hindi Ako nananatili sa puso ninyo. Ang Aking debosyon at mga pagsisikap ay hindi ninyo nadarama palagi, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng pagpapahalaga sa mga iyon. Nagninilay-nilay lamang kayo sandali at naniniwala na sasapat na ito. Hindi ganito ang “katapatan” na matagal Ko nang pinananabikan, kundi ito yaong matagal Ko nang kinasusuklaman. Gayon pa man, anuman ang sabihin Ko, isa o dalawang bagay lamang ang patuloy ninyong inaamin; hindi ninyo ito lubos na matanggap, dahil masyadong “tiwala” kayong lahat, at lagi ninyong pinipili ang tatanggapin ninyo sa mga sinabi Ko. Kung ganito pa rin kayo ngayon, mayroon Akong ilang pamamaraan sa pagharap sa tiwala ninyo sa sarili—at, bukod pa riyan, ipapakita Ko sa inyo na lahat ng salita Ko ay totoo, at na wala ni isa sa mga ito ang nagbabaluktot sa mga katotohanan.
Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mababait sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na matapat kayo, ito ang pipiliin ninyong lahat, at magiging pareho pa rin ang ugali ninyo. Hindi ba ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang pabagu-bago ng pagpili sa pagitan ng tama at mali? Sa mga paligsahan sa pagitan ng positibo at ng negatibo, ng itim at ng puti, siguradong alam ninyo ang mga pagpiling nagawa ninyo sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng kapayapaan at ng pagkagambala, ng kayamanan at ng kahirapan, ng katayuan at ng pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maipagtabuyan, at iba pa. Sa pagitan ng tahimik na pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip;[a] sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, muli ninyong pinili ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo. Talagang manghang-mangha Ako sa katigasan ng puso ninyo. Mukhang walang anumang idinulot sa Akin ang maraming taon ng dedikasyon at pagsisikap kundi ang inyong pagpapabaya at kawalang-pag-asa, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit patuloy ninyong hinahanap ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kahihinatnan? Napag-isipan na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? May kaunting pag-aalab pa rin kaya sa puso ninyo? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko? Sa sandaling ito, ano ang pipiliin ninyo? Magpapasakop ba kayo sa Aking mga salita o tututol sa mga ito? Nailatag na ang araw Ko sa harapan ninyo mismo, at nahaharap kayo sa isang bagong buhay at bagong simula. Gayunman, kailangan Kong sabihin sa inyo na ang simulang ito ay hindi pagsisimula ng nakaraang bagong gawain, kundi pagwawakas ng dati. Ibig sabihin, ito ang huling yugto. Palagay Ko naiintindihan ninyong lahat kung ano ang kakaiba sa simulang ito. Gayunman, hindi magtatagal at mauunawaan ninyo ang tunay na kahulugan ng simulang ito, kaya’t sama-sama nating lagpasan ito at salubungin ang pagdating ng katapusan! Gayunman, ang patuloy Kong inaalala tungkol sa inyo ay, kapag naharap kayo sa kawalang-katarungan at katarungan, lagi ninyong pinipili ang una. Gayunman, lahat ng ito ay nakaraan ninyo. Inaasam Ko ring makalimutan ang lahat ng nakaraan ninyo, bagama’t napakahirap gawin nito. Gayunman, mayroon Akong napakagandang paraan ng paggawa nito: Hayaang palitan ng hinaharap ang nakaraan, at iwaksi ang mga alaala ng inyong nakaraan kapalit ng totoong kayo ngayon. Kaya naman kailangan Ko kayong abalahin na muling pumili: Kanino ba talaga kayo matapat?
Talababa:
a. Magbago ng isip: isang Chinese idiom na ang ibig sabihin ay “tumalikod sa masasamang gawi.”