Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao ay manhid at mapurol ang isip; siya ay naging masamang demonyong sumasalungat sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang paghihimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapaghimagsik—sapagkat ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, ipinagkakanulo pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagkakanulo ang tao sa Kanya, at kapag hindi nakikita ng tao ang Diyos, Siya ay ipinagkakanulo pa rin ng tao. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, ipinagkakanulo pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong ang katwiran ng tao ay nawalan na ng orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaarok sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katwiran ng tao, ngunit patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao ngunit naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katwiran? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong pagkatao? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong hamak! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, ngunit hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya. Lalong nagiging mas walang awa ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, at lalong walang ni isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, hinahangad ng tao ang kasiyahan hangga’t gusto niya sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at walang pakundangang ginagawang tiwali ang kanyang laman sa putikan. Marinig man nila ang katotohanan, walang pagnanais ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, at ayaw nilang maghanap kahit na nakikita nilang nagpakita na ang Diyos. Paanong magkakaroon ng kahit kaunting tsansa sa kaligtasan ang isang tiwaling sangkatauhang tulad nito? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang bulok na sangkatauhang tulad nito?
Nagsisimula ang pagbabago ng disposisyon ng tao sa kaalaman ng kanyang diwa at sa pamamagitan ng mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kalikasan, at pangkaisipang pananaw—sa pamamagitan ng mga pangunahing pagbabago. Sa ganitong paraan lamang makakamtan ang mga tunay na pagbabago sa disposisyon ng tao. Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilihis, katiwalian, at lason ni Satanas. Ang tao ay iginagapos at kinokontrol ni Satanas, at dinaranas niya ang napakalaking pinsalang idinulot ni Satanas sa kanyang pag-iisip, moralidad, kabatiran, at katwiran. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pangunahing bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, dapat magsimula ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao sa mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kabatiran, at katwiran na siyang magbabago ng kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan. Mas lalong ignorante sa kung ano ang Diyos o sa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos iyong isinilang sa pinakamalubhang natiwali sa lahat ng lupain. Mas tiwali ang mga tao, mas kakaunti ang kanilang kaalaman sa pag-iral ng Diyos, at mas mahina ang kanilang katwiran at kabatiran. Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapaghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, bulok ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katwiran at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, ang orihinal na katwiran, konsensiya, at pagkatao ng tao ay naging manhid at pininsala ni Satanas. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Naging lihis ang katwiran ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at lalong nadaragdagan at lumulubha ang kanyang pagiging mapaghimagsik sa Diyos. Ngunit hindi pa rin ito batid ni nauunawaan ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ang mga pagbubunyag ng disposisyon ng tao ay ang mga pagpapahayag ng kanyang katwiran, kabatiran, at konsensiya; dahil wala sa ayos ang kanyang katwiran at kabatiran, at sukdulan nang naging manhid ang kanyang konsensiya, kaya mapaghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katwiran at kabatiran ng tao, imposible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katwiran ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya angkop na gamitin ng Diyos. Tumutukoy ang “normal na katwiran” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katwiran. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinuhusgahan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinuhusgahan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; ganap na talagang walang intensyon ang tao na magpasakop sa Diyos, at palagi lang may mga hinihingi at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katwiran—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang mga kilos ng paghihimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katwiran; kapag ang mga tao ay mas mapaghimagsik laban sa Diyos pero hindi kilala ang sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katwiran.
Walang ibang pinagmumulan ang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng tao kundi ang mapurol niyang konsensiya, ang mapaminsala niyang kalikasan, at ang katwiran niyang wala sa ayos; kung muling makababalik sa normal ang konsensiya at katwiran ng tao, magiging angkop siyang magamit sa harap ng Diyos. Dahil lamang sa ang konsensiya ng tao ay manhid na noon pa man, at dahil ang katwiran ng tao, na hindi kailanman naging maayos, ay patuloy na mas pumupurol anupa’t lalo pang nagiging mapaghimagsik ang tao sa Diyos, kaya ipinako pa nga niya si Jesus sa krus at itinatakwil sa labas ng kanyang tahanan ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw, at kinokondena ang katawang-tao ng Diyos, at mababa ang tingin sa katawang-tao ng Diyos. Kung mayroon kahit kaunting pagkatao ang tao, hindi siya magiging napakalupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting katwiran, hindi siya magiging masyadong malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting konsensiya, hindi siya “magpapasalamat” sa nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan. Nabubuhay ang tao sa panahon na ang Diyos ay nagkakatawang-tao, ngunit hindi niya magawang magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng gayon kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at para bang salungat siya rito at tutol dito. Anuman ang pagtrato ng tao sa pagdating ng Diyos, ang Diyos, sa madaling sabi, ay matiyaga nang nagpapatuloy sa Kanyang gawain noon pa man—kahit wala ni katiting na pagtanggap ang tao sa Kanya, at walang taros na humihiling sa Kanya. Naging sukdulang mapaminsala na ang disposisyon ng tao, naging lubos na mapurol na ang kanyang katwiran, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal nang tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay may pagkasuklam pa nga siya para sa Diyos dahil sa pagbibigay sa kanya ng katotohanan; ito ay dahil wala ni kaunting interes sa katotohanan ang tao kaya may pagkasuklam siya para sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Diyos, at humihingi ng interes na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Ang mga taong may gayong konsensiya at katwiran ay wala pa ring nakikitang mali rito, at naniniwala pa rin na masyado na nilang iginugol ang sarili nila para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang naibigay na ng Diyos sa kanila. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, humihiling na magbayad Ako ng renta para sa maraming gabi. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na mga buhong kayo! Ang ganitong uri ng pagkatao sa tao at ganitong uri ng konsensiya sa tao ang dahilan kung bakit nagpapagala-gala sa buong lupain ang nagkatawang-taong Diyos, na walang mahanap na lugar para masilungan. Silang mga tunay na nagtataglay ng konsensiya at pagkatao ay dapat sumamba at buong pusong maglingkod sa nagkatawang-taong Diyos hindi dahil sa dami ng gawaing nagawa na Niya, ngunit kahit na wala Siyang ginawang anumang gawain. Ito ang dapat gawin ng mga may maayos na katwiran, at ito ang tungkulin ng tao. Naghahayag pa ang karamihan ng mga tao ng mga kundisyon sa kanilang paglilingkod sa Diyos: Wala silang pakialam kung Siya man ay Diyos o tao, at binabanggit lamang nila ang sarili nilang mga kondisyon, at hinahangad lamang na mabigyang kasiyahan ang sarili nilang mga pagnanais. Kapag nagluluto kayo para sa Akin, naniningil kayo ng bayad para sa serbisyo, kapag tumatakbo kayo para sa Akin, naniningil kayo ng bayad para sa pagtakbo, kapag nagtatrabaho kayo para sa Akin, naniningil kayo ng sahod, kapag nilalabhan ninyo ang Aking mga damit, naniningil kayo ng bayad para sa paglalaba, kapag nagbibigay kayo sa simbahan, naniningil kayo ng pambawi sa gastos, kapag nagsasalita kayo, naniningil kayo ng bayad para sa pagsasalita, kapag namimigay kayo ng mga libro naniningil kayo ng bayad para sa pamamahagi, at kapag nagsusulat kayo, naniningil kayo ng bayad para sa pagsusulat. Iyong pinungusan Ko na ay naniningil pa nga ng kabayaran mula sa Akin, samantalang ang mga napauwi na ay naniningil ng bayad-pinsala para sa pagkasira ng kanilang pangalan; iyong hindi pa kasal ay naniningil ng dote, o ng kabayaran para sa nawala nilang kabataan; iyong kumakatay ng manok ay naniningil ng bayad para sa mangangatay, iyong nagpiprito ng pagkain ay naniningil ng bayad para sa pagpiprito, at iyong nagluluto ng sopas ay naniningil rin ng bayad para rito…. Ito ang inyong matayog at makapangyarihang pagkatao, at ito ang mga pagkilos na idinidikta ng inyong masiglang konsensiya. Nasaan ang inyong katwiran? Nasaan ang inyong pagkatao? Hayaang sabihin Ko sa inyo! Kung magpatuloy kayong gaya nito, titigil Ako sa paggawa sa piling ninyo. Hindi Ako gagawa sa piling ng kawan ng mga hayop na nakadamit-pantao, samakatwid ay hindi Ako magpapakasakit para sa gayong pangkat ng mga tao na ang magagandang mukha ay nagtatago ng mababangis na puso, hindi Ako magtitiis para sa gayong kawan ng mga hayop na wala ni katiting na posibilidad ng kaligtasan. Ang araw na talikuran Ko kayo ay ang araw na mamamatay kayo, ito ang araw na darating sa inyo ang kadiliman, at ang araw na itatakwil kayo ng liwanag. Hayaang sabihin Ko sa inyo! Hindi Ako kailanman magiging mabait sa isang pangkat na katulad ninyo, isang pangkat na mas mababa pa sa mga hayop! May mga hangganan ang Aking mga salita at pagkilos, at sa ganyan ninyong pagkatao at konsensiya, hindi na Ako gagawa pa, sapagka’t sobrang kulang kayo sa konsensiya, nagdulot na kayo ng matinding sakit sa Akin, at lubos Kong kinasusuklaman ang inyong pag-uugaling nakaririmarim. Hindi kailanman magkakaroon ng pag-asa sa kaligtasan ang mga taong kulang na kulang sa pagkatao at konsensiya; hindi Ko kailanman ililigtas ang gayong walang puso at walang utang na loob na mga tao. Pagdating ng araw Ko, walang hanggan Akong magpapaulan ng Aking nakalalapnos na mga apoy sa mga anak ng pagrerebelde na minsang pumukaw sa matindi Kong poot, ipapataw Ko ang Aking walang hanggang kaparusahan sa mga hayop na iyon na minsang pumukol ng pagtuligsa sa Akin at tinalikdan Ako, susunugin Kong magpakailanman sa mga apoy ng Aking galit ang mga anak ng pagrerebelde na minsang kumain at namuhay kasama Ko ngunit hindi naniwala sa Akin, na ininsulto at ipinagkanulo Ako. Isasailalim Ko sa Aking kaparusahan ang lahat ng pumukaw ng Aking galit, ibubuhos Ko ang kabuuan ng Aking galit sa mga hayop na iyon na minsang nagnais na tumayo sa Aking tabi bilang mga kapantay Ko subali’t ay hindi sumamba o nagpapasakop sa Akin; ang tungkod na Aking hinahataw sa tao ay lalapat sa mga hayop na minsang nagtamasa ng Aking kalinga at minsang nasiyahan sa mga hiwagang Aking sinabi, at minsang nagtangkang kumuha ng mga kasiyahang materyal mula sa Akin. Hindi Ako magiging mapagpatawad sa sinumang nagtatangkang kunin ang Aking posisyon; wala Akong palalampasin sa mga nagtatangka na mang-agaw ng pagkain at mga damit sa Akin. Sa ngayon, nananatili kayong malaya mula sa kapahamakan at patuloy na lumalampas sa mga kahilingang inilalatag ninyo sa Akin. Pagdating ng araw ng poot, hindi na kayo hihiling pa sa Akin; sa oras na iyon, hahayaan Ko kayong “magpakasaya” hanggang sa gusto ninyo, isusubsob Ko ang inyong mukha sa lupa, at hindi na kayo muling makababangon! Sa malao’t madali, “babayaran” Ko kayo sa pagkakautang na ito—at umaasa Akong matiyaga kayong naghihintay sa pagdating ng araw na ito.
Kung tunay na maisasantabi ng kasuklam-suklam na mga taong ito ang kanilang labis-labis na mga pagnanasa at bumalik sa Diyos, mayroon pa rin silang pag-asa ng kaligtasan; kung ang tao ay tunay na may puso na nananabik sa Diyos, hindi siya iiwan ng Diyos. Nabibigo ang taong makamit ang Diyos hindi dahil sa ang Diyos ay may mga damdamin ng laman, o dahil ayaw ng Diyos na makamit Siya ng tao, kundi dahil ayaw makamit ng tao ang Diyos, at dahil ang tao ay walang puso na naghahanap sa Diyos nang may pag-aapura. Paanong isusumpa ng Diyos ang isa sa mga tunay na naghahanap sa Diyos? Paanong isusumpa ng Diyos ang isang may maayos na katwiran at sensitibong konsensiya? Paanong lalamunin ng mga apoy ng Kanyang poot ang isang tunay na sumasamba at naglilingkod sa Diyos? Paanong palalayasin sa sambahayan ng Diyos ang isang handang nagpapasakop sa Diyos? Paanong mabubuhay sa kaparusahan ng Diyos ang isang nakadarama na hindi niya kailanman magagawang mahalin nang sapat ang Diyos? Paanong walang matitirang kahit ano sa isang taong handang talikdan ang lahat para sa Diyos? Ayaw ng taong hangarin ang Diyos, ayaw gugulin ang kanyang mga ari-arian para sa Diyos, at ayaw maglaan ng habambuhay na pagsisikap para sa Diyos; sa halip, sinasabi niyang sumobra na ang Diyos, na napakaraming tungkol sa Diyos ang salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Sa ganitong uri ng pagkatao, hindi pa rin ninyo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos kahit na kayo ay walang humpay sa inyong mga pagsisikap, bukod pa sa katotohanan na hindi ninyo hinahanap ang Diyos. Hindi ba ninyo alam na kayo ang depektibong produkto ng sangkatauhan? Hindi ba ninyo alam na walang pagkatao ang mas mababa pa kaysa sa inyo? Hindi ba ninyo alam kung ano ang bansag sa inyo ng iba upang parangalan kayo? Tinatawag kayo ng mga tunay na umiibig sa Diyos na ama ng lobo, ina ng lobo, anak ng lobo, at apo ng lobo; kayo ang mga inapo ng lobo, ang mga tao ng lobo, at dapat ninyong malaman ang sarili ninyong pagkakakilanlan at huwag itong kalimutan kailanman. Huwag ninyong isiping kayo ay kung sinong nakahihigit na tao: Kayo ang pinakamalupit na pangkat ng mga hindi-tao sa piling ng sangkatauhan. Hindi ba ninyo alam ang alinman dito? Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking panganib ang sinuong Ko na sa paggawa sa piling ninyo? Kung hindi muling makababalik sa normal ang inyong katwiran, at hindi gumagana nang normal ang inyong konsensiya, hindi ninyo kailanman maiwawaksi ang bansag na “lobo,” hindi ninyo kailanman matatakasan ang araw ng sumpa at hindi kailanman matatakasan ang araw ng inyong kaparusahan. Isinilang kayong mas mababa, isang bagay na walang anumang halaga. Kayo ay likas na pangkat ng gutom na mga lobo, isang tumpok ng latak at basura, at, hindi kagaya ninyo, hindi Ako gumagawa sa inyo alang-alang sa personal na pakinabang, kundi dahil sa pangangailangan ng gawain. Kung magpapatuloy kayo sa pagiging mapaghimagsik sa ganitong paraan, ititigil Ko ang Aking gawain, at hindi na kailanman gagawang muli sa inyo; sa kabaligtaran, ililipat Ko ang Aking gawain sa isang grupo na gusto Ko, at sa ganitong paraan ay iiwan kayo magpakailanman, sapagkat ayaw Kong makita ang mga kaaway Ko. Kaya kung gayon, nais ba ninyong maging kaayon sa Akin, o maging kaaway Ko?