Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos
Inaasam ng lahat ng tao na makita ang totoong mukha ni Jesus, at hangad ng lahat na makapiling Siya. Palagay Ko’y hindi sasabihin ng sinumang kapatid na ayaw nilang makita o makapiling si Jesus. Bago ninyo nakita si Jesus—bago ninyo nakita ang Diyos na nagkatawang-tao—malamang ay pumasok sa inyong isipan ang lahat ng uri ng mga ideya, halimbawa, tungkol sa pagpapakita ni Jesus, sa Kanyang paraan ng pagsasalita, sa Kanyang paraan ng pamumuhay, at iba pa. Ngunit kapag nakita ninyo Siya talaga, mabilis na magbabago ang inyong mga ideya. Bakit ganito? Nais ba ninyong malaman? Hindi maaaring kaligtaan ang pag-iisip ng tao, na siya namang totoo—ngunit higit pa riyan, ang diwa ni Cristo ay hindi magpaparaya sa pagbabago ng tao. Iniisip ninyo na si Cristo ay isang imortal o isang pantas, ngunit hindi Siya itinuturing ninuman na isang normal na taong may diwang pagka-Diyos. Sa gayon, marami sa mga nananabik araw at gabi na makita ang Diyos ay talagang mga kaaway ng Diyos, at hindi Niya kaayon. Hindi ba isang pagkakamali ito sa panig ng tao? Kahit ngayon ay iniisip pa rin ninyo na ang inyong paniniwala at katapatan ay sapat na upang maging karapat-dapat kayong mamasdan ang mukha ni Cristo, ngunit pinapayuhan Ko kayo na sangkapan ang inyong sarili ng mas maraming bagay na praktikal! Sapagkat noong araw, ngayon, at sa hinaharap, marami sa mga nakakaugnay ni Cristo ay nabigo o mabibigo; lahat sila ay gumaganap sa papel ng mga Pariseo. Ano ang dahilan ng inyong kabiguan? Ito ay dahil mismo sa mayroon sa mga kuru-kuro ninyo na isang Diyos na matayog at nararapat hangaan. Ngunit ang katotohanan ay hindi naaayon sa nais ng tao. Hindi lamang sa hindi matayog si Cristo, kundi talagang maliit Siya; hindi lamang Siya isang tao, kundi isa Siyang ordinaryong tao; hindi lamang Siya hindi maaaring umakyat sa langit, kundi ni hindi Siya makagala nang malaya sa lupa. At dahil dito, itinuturing Siya ng mga tao na tulad sa isang ordinaryong tao; kaswal ang pakikitungo nila sa Kanya kapag Siya ay kapiling nila, at kinakausap nila Siya nang walang ingat, samantalang naghihintay pa rin sa pagdating ng “totoong Cristo.” Itinuturing ninyo na ang Cristong dumating na ay isang ordinaryong tao, at ang Kanyang salita ay sa isang ordinaryong tao. Dahil dito, wala pa kayong natatanggap na anuman mula kay Cristo, at sa halip ay ganap na nalantad sa liwanag ang inyong sariling kapangitan.
Bago nakaugnayan si Cristo, maaaring naniniwala ka na ang iyong disposisyon ay lubos nang nabago, na isa kang tapat na tagasunod ni Cristo, at wala nang ibang mas karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ni Cristo maliban sa iyo—at na, dahil maraming landas ka nang nalakbay, maraming gawain ka nang nagawa, at naghatid ka na ng maraming bunga, siguradong magiging isa ka sa mga tatanggap ng korona sa huli. Subalit may isang katotohanang hindi mo alam: Ang tiwaling disposisyon ng tao at ang kanyang pagkasuwail at paglaban ay nalalantad kapag nakikita niya si Cristo, at ang pagkasuwail at paglaban na nalantad sa sandaling ito ay mas ganap at lubusang nalantad kaysa sa anumang iba pa. Ito ay dahil si Cristo ang Anak ng tao—isang Anak ng tao na nagtataglay ng normal na pagkatao—kaya hindi Siya pinararangalan ni iginagalang ng tao. Ito ay dahil ang Diyos ay nananahan sa katawang-tao kaya ang pagkasuwail ng tao ay nadadala sa liwanag nang lubusan at sa napakalinaw na detalye. Kaya sinasabi Ko na nahukay ng pagparito ni Cristo ang lahat ng pagkasuwail ng sangkatauhan at nabigyan ng malinaw na kaginhawahan ang likas na pagkatao ng sangkatauhan. Ito ay tinatawag na “pag-akit sa tigre na bumaba ng bundok” at “pag-akit sa lobo na lumabas ng yungib nito.” Nangangahas ka bang ipalagay na masasabi mong tapat ka sa Diyos? Nangangahas ka bang ipalagay na masasabi mong nagpapakita ka ng lubos na pagsunod sa Diyos? Nangangahas ka bang ipalagay na masasabi mong hindi ka suwail? Sasabihin ng ilan: “Kapag inilalagay ako ng Diyos sa isang bagong kapaligiran, palagi akong nagpapasakop nang hindi bubulung-bulong, at bukod pa rito ay hindi ako nakikinig sa mga kuru-kuro tungkol sa Diyos.” Sasabihin ng ilan: “Anuman ang ipinagagawa sa akin ng Diyos ginagawa ko sa abot ng aking kakayahan at hindi ako kailanman nagpapabaya.” Kung gayon, ito ang tanong Ko sa inyo: Makakaayon ba kayo kay Cristo kapag namumuhay kayong kasama Niya? At gaano katagal kayong magiging kaayon Niya? Isang araw? Dalawang araw? Isang oras? Dalawang oras? Maaaring kapuri-puri nga ang inyong pananampalataya, ngunit hindi kayo gaanong matatag. Kapag talagang namumuhay ka na kasama ni Cristo, ang iyong pagmamagaling at pagpapahalaga sa sarili ay malalantad sa pamamagitan ng iyong mga salita at kilos, nang paunti-unti, at ang iyong labis na mga pagnanasa, iyong masuwaying isipan at kawalan ng kasiyahan ay likas ding mabubunyag. Sa huli, ang iyong kayabangan ay lalo pang titindi, hanggang sa labis mong kakalabanin si Cristo na tulad ng paglaban ng tubig sa apoy, at sa gayon ay ganap na malalantad ang iyong likas na pagkatao. Sa pagkakataong iyon, ang iyong mga kuru-kuro ay hindi na mapagtatakpan, ang iyong mga reklamo ay likas ding lalabas, at ang iyong abang pagkatao ay lubos na malalantad. Magkagayunman, patuloy ka pa ring tumatangging aminin ang sarili mong pagkasuwail, sa halip ay naniniwala ka na ang isang Cristong tulad nito ay hindi madaling tanggapin ng tao, na napakahigpit Niya sa tao, at na lubos kang magpapasakop kung Siya ay mas mabait na Cristo. Naniniwala kayo na makatarungan ang inyong pagkasuwail, na sumusuway lamang kayo sa Kanya kapag sobra-sobra na ang pamimilit Niya sa inyo. Ni minsan ay hindi ninyo naisip na hindi ninyo itinuturing na Diyos si Cristo, at wala kayong hangaring sundin Siya. Sa halip, ipinagpipilitan mong gumawa si Cristo alinsunod sa sarili mong mga inaasam, at sa sandaling gumawa Siya ng isang bagay na laban sa sarili mong iniisip, naniniwala ka na hindi Siya Diyos kundi isang tao. Hindi ba marami sa inyo ang nakipagtunggali sa Kanya sa ganitong paraan? Sino ba ito, kung tutuusin, na pinaniniwalaan ninyo? At sa anong paraan kayo naghahanap?
Lagi ninyong inaasam na makita si Cristo, ngunit hinihimok Ko kayo na huwag ninyong masyadong pahalagahan nang husto ang inyong sarili; maaaring makita ng sinuman si Cristo, ngunit sinasabi Ko na walang sinuman ang karapat-dapat na makita si Cristo. Dahil ang likas na pagkatao ng tao ay punung-puno ng kasamaan, kayabangan, at pagkasuwail, sa sandaling makita mo si Cristo, ang iyong likas na pagkatao ay wawasakin at susumpain ka hanggang kamatayan. Ang iyong pakikisama sa isang kapatid na lalaki (o babae) ay maaaring walang gaanong maipakita tungkol sa iyo, ngunit hindi gayon kasimple kapag nakisama ka kay Cristo. Anumang oras, maaaring yumabong ang iyong mga kuru-kuro, magsimulang umusbong ang iyong kayabangan, at magbunga ng mga igos ang iyong pagkasuwail. Paano ka magiging marapat na makisama kay Cristo kung ganoon ang pagkatao mo? Talaga bang nagagawa mo Siyang tratuhin bilang Diyos sa bawat sandali ng bawat araw? Talaga bang magkakaroon ka ng realidad ng pagpapasakop sa Diyos? Sinasamba ninyo ang matayog na Diyos sa kaibuturan ng inyong puso bilang si Jehova samantalang itinuturing ninyong tao ang Cristong nakikita. Napakaliit ng inyong katinuan at napakababa ng inyong pagkatao! Hindi ninyo kayang ituring palagi si Cristo bilang Diyos; paminsan-minsan lamang kayo nangungunyapit sa Kanya, kapag gusto ninyo, at sumasamba sa Kanya bilang Diyos. Ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na hindi kayo mga mananampalataya ng Diyos, kundi isang barkadahan ng magkakasabwat na lumalaban kay Cristo. Kahit ang mga taong nagpapakita ng kabaitan sa iba ay sinusuklian, subalit si Cristo, na nakagawa ng gayong gawain sa inyo, ay hindi natanggap ang pagmamahal ng tao ni ang kanyang kabayaran at pagpapasakop. Hindi ba ito nakakadurog ng puso?
Maaaring sa lahat ng taon ng pagsampalataya mo sa Diyos, hindi ka pa nakasumpa ng sinuman o nakagawa ng masama kailanman, subalit sa pakikisama mo kay Cristo, hindi mo kayang magsabi ng katotohanan, kumilos nang tapat, o sumunod sa salita ni Cristo; kung gayon, sinasabi Ko na ikaw ang pinakamasama at mapaminsalang tao sa mundo. Maaaring napakabait mo at tapat ka sa iyong mga kamag-anak, kaibigan, asawa, anak, at magulang, at hindi ka nagsasamantala sa iba kailanman, ngunit kung hindi mo kayang umayon kay Cristo, kung hindi mo magawang makihalubilo sa Kanya nang maayos, kahit gugulin mo pa ang iyong lahat-lahat sa pagtulong sa iyong mga kapitbahay o sa masusing pag-aalaga sa iyong ama, ina, at mga miyembro ng inyong sambahayan, sasabihin Ko na masama ka pa rin, at bukod dito ay puno ka ng mga tusong panlilinlang. Huwag mong isiping nakaayon ka kay Cristo dahil lamang sa kasundo mo ang iba at gumagawa ka ng ilang mabubuting gawa. Akala mo ba makukuha mo nang may pandaraya ang pagpapala ng Langit dahil sa iyong mapagkawanggawang hangarin? Akala mo ba ang paggawa ng ilang mabubuting gawa ay kapalit ng iyong pagsunod? Walang isa man sa inyo ang nagagawang tumanggap ng pagwawasto at pagtatabas, at nahihirapan kayong lahat na tanggapin ang normal na pagkatao ni Cristo, sa kabila ng patuloy ninyong pagbabandera ng inyong pagsunod sa Diyos. Ang pananampalatayang tulad ng sa inyo ay magbababa ng isang angkop na ganti. Tigilan ninyo ang paglulunoy sa kasiya-siyang mga ilusyon at pag-asam na makita si Cristo, sapagkat napakaliit ng inyong tayog, kaya nga ni hindi kayo karapat-dapat na makita Siya. Kapag ganap ka nang nalinis mula sa iyong pagkasuwail, at kaya mo nang umayon kay Cristo, sa sandaling iyon ay natural na magpapakita ang Diyos sa iyo. Kung makikipagkita ka sa Diyos nang hindi pa sumasailalim sa pagtatabas o paghatol, siguradong magiging kalaban ka ng Diyos at nakatadhana kang wasakin. Ang pagkatao ng tao ay likas na palaban sa Diyos, sapagkat lahat ng tao ay sumailalim na sa pinakamatinding pagtitiwali ni Satanas. Kung susubukan ng tao na makisama sa Diyos sa gitna ng sarili niyang katiwalian, tiyak na walang buti itong maibubunga; ang kanyang mga kilos at salita ay siguradong ilalantad ang kanyang katiwalian sa bawat pagkakataon, at sa pakikisama sa Diyos ang kanyang pagkasuwail ay mabubunyag sa lahat ng aspeto nito. Hindi namamalayan, dumarating ang tao upang kalabanin si Cristo, linlangin si Cristo, at talikuran si Cristo; kapag nangyari ito, mas manganganib ang tao at, kung magpapatuloy ito, magiging pakay siya ng kaparusahan.
Maaaring naniniwala ang ilan na, kung masyadong mapanganib ang makisama sa Diyos, mas mabuti pa sigurong manatiling malayo sa Diyos. Ano ang posibleng mapala ng mga taong kagaya nito? Maaari ba silang maging tapat sa Diyos? Panigurado, napakahirap makisama sa Diyos—ngunit iyan ay dahil tiwali ang tao, hindi dahil hindi nagagawang makisama ng Diyos sa kanya. Ang pinakamabuting gawin ay maglaan kayo ng higit na pagsisikap sa katotohanan ng pagkilala sa sarili. Bakit hindi kayo nagugustuhan ng Diyos? Bakit kasuklam-suklam sa Kanya ang inyong disposisyon? Bakit pinupukaw ng inyong pananalita ang Kanyang galit? Sa sandaling magpamalas kayo ng katiting na katapatan, pinupuri ninyo ang inyong sarili, at humihingi kayo ng gantimpala para sa maliit na ambag; hinahamak ninyo ang iba kapag nakapagpakita kayo ng kaunting pagsunod, at nawawalan kayo ng galang sa Diyos kapag may simpleng gawain kayong naisasakatuparan. Sa pagtanggap sa Diyos, humihingi kayo ng pera, mga regalo, at mga papuri. Masakit sa inyo ang magbigay ng isa o dalawang barya; kapag nagbigay kayo ng sampu, umaasam kayo ng mga pagpapala at nais ninyong kilalanin kayo. Ang pagkataong katulad ng sa inyo ay positibong masakit sabihin o pakinggan. Mayroon bang anumang kapuri-puri sa inyong mga salita at kilos? Yaong mga gumaganap sa kanilang tungkulin at yaong mga hindi; yaong mga namumuno at yaong mga sumusunod; yaong mga tumatanggap sa Diyos at yaong mga hindi; yaong mga nag-dodonasyon at yaong mga hindi; yaong mga nangangaral at yaong mga tumatanggap ng salita, at iba pa: lahat ng taong iyon ay pinupuri ang kanilang sarili. Hindi ba ito nakakatawa sa inyo? Lubos na nababatid na naniniwala kayo sa Diyos, magkagayunman ay hindi kayo nakaayon sa Diyos. Lubos na nababatid na hindi kayo karapat-dapat, patuloy pa rin kayong nagyayabang. Hindi ba ninyo nadarama na nabawasan na nang kaunti ang inyong katinuan kaya wala na kayong kontrol sa sarili? Sa ganitong katinuan, paano kayo angkop na makiugnayan sa Diyos? Hindi ba kayo natatakot para sa inyong mga sarili sa puntong ito? Lumala na ang inyong disposisyon hanggang sa hindi na ninyo makayang umayon sa Diyos. Dahil dito, hindi ba nakakatawa ang inyong pananampalataya? Hindi ba kahibangan ang inyong pananampalataya? Paano mo haharapin ang iyong kinabukasan? Paano ka pipili kung anong landas ang iyong tatahakin?