Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2
Ipinangaral sa Kapanahunan ng Biyaya ang ebanghelyo ng pagsisisi, at basta’t maniwala ang tao, siya ay maliligtas. Sa kasalukuyan, sa halip na kaligtasan, mayroon lamang pag-uusap tungkol sa paglupig at pagperpekto. Hindi kailanman sinabi na kung nananampalataya ang isang tao, ang kanyang buong pamilya ay pagpapalain, o na kapag nailigtas na ay palagi nang ligtas. Sa kasalukuyan, walang sinuman ang nagsasabi ng mga salitang ito, at ang gayong mga bagay ay lipas na. Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa. Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na hindi maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng marami na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Kaya, maraming taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naaayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at kamitin ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: ang dalhin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus. At kaya, nang naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang natapos. Ngunit sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng paglupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at kailangang magkaroon ng maraming proseso. Kaya dapat ding mabunyag ang mga hiwaga ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang paniniwala, dahil ito ang gawain sa mga huling araw, at ang mga huling araw ang katapusan ng gawain ng Diyos, ang panahon ng pagtatapos ng gawain. Liliwanagin para sa iyo ng yugtong ito ng gawain ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at pangunahin na ito’y upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at mapahalagahan ang lahat ng kabuluhan at diwa ng anim na libong taong plano ng pamamahala na ito, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ang mga salitang Kanyang sinabi, at maging ang iyong bulag na paniniwala at pagsamba sa Bibliya. Tutulutan ka nito na lubos na maunawaan ang lahat ng ito. Magagawa mong maunawaan kapwa ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan mo at iyong mapagmamasdan ang lahat ng katotohanan, ang buhay, at ang daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi ginagawa ang pagtatapos na gawain? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawain ng pagtatapos. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay ganap nang nagwakas. Ang kasalukuyang yugto ay iba: Tanging pagkatapos sabihin ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang buong gawain ng Diyos ay saka lang matatapos ang Kanyang gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi naipahayag, o hindi naipahayag nang buong linaw. Ngunit walang pakialam si Jesus sa Kanyang mga sinabi at hindi sinabi, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay pangunahing para sa pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng kasalukuyang yugto. Ang kasalukuyang yugtong ito ng gawain ay pangunahing para sa pagtatapos, paglilinaw, at paghahatid ng lahat ng gawain sa isang konklusyon. Kung hindi binibigkas ang mga salita hanggang sa kahuli-hulihan, magiging imposibleng matapos ang gawaing ito, dahil sa yugtong ito ng gawain, ang lahat ng gawain ay tinatapos at ginagawa sa pamamagitan ng mga salita. Noong panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi maunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin na hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita, na mali ang pagkaunawa ngunit naniniwala pa rin na ito ay tama, at hindi alam na mali sila. Ang huling yugto ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas at magbibigay ng konklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga kuru-kuro sa loob ng tao, ang kanyang mga layunin, ang kanyang mali at katawa-tawang pagkaunawa, ang kanyang mga kuru-kuro sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga Hentil, at ang kanyang iba pang mga paglihis at mga kamalian ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas ng buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos na. Ang gawain ni Jehova ay ang paglikha sa mundo, iyon ang simula; ang yugto na ito ng gawain ang katapusan ng gawain, at ito ang konklusyon. Sa simula, isinagawa ang gawain ng Diyos sa mga taong hinirang sa Israel, at ito ang simula ng isang bagong panahon sa pinakabanal sa lahat ng lugar. Ang huling yugto ng gawain ay isinasagawa sa pinakamarumi sa lahat ng bansa, upang hatulan ang mundo at wakasan ang kapanahunan. Sa unang yugto, ang gawain ng Diyos ay isinagawa sa pinakamaliwanag na lugar sa lahat, at ang huling yugto ay isinasagawa sa pinakamadilim na lugar sa lahat, at ang kadilimang ito ay itataboy, ang liwanag ay papapasukin, at ang lahat ng tao ay malulupig. Kapag ang mga tao sa pinakamarumi at pinakamadilim sa lahat ng lugar na ito ay nalupig na, at ang buong populasyon ay kinilala nang mayroong Diyos, na Siyang tunay na Diyos, at ang bawat tao ay lubusan nang nakumbinsi, ang katotohanang ito ay gagamitin upang isagawa ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob. Ang yugtong ito ng gawain ay mayroong isinasagisag: Kapag natapos na ang gawain sa kapanahunang ito, ang gawain ng anim na libong taon ng pamamahala ay ganap nang magwawakas. Sa oras na ang mga nasa pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, tiyak na ganoon din ang mangyayari sa iba pang lugar. Kung gayon, tanging ang gawain ng panlulupig sa China ang nagtataglay ng makabuluhang pagsasagisag. Kinakatawan ng China ang lahat ng puwersa ng kadiliman, at ang mga tao sa China ay kumakatawan sa lahat ng sa laman, kay Satanas, at sa laman at dugo. Ang mga Tsino ang pinakaginawang tiwali ng malaking pulang dragon, ang may pinakamasidhing pagsalungat sa Diyos, na ang pagkatao ay pinakamasama at marumi, at kaya sila ang tipikal na halimbawa ng lahat ng tiwaling pagkatao. Hindi ito nangangahulugan na ang ibang mga bansa ay walang mga suliranin ni anuman; ang mga kuru-kuro ng tao ay magkakaparehong lahat, at bagama’t ang mga tao sa mga bansang ito ay maaaring mayroong mahusay na kakayahan, kung hindi nila nakikilala ang Diyos, tiyak na kinakalaban nila Siya. Bakit sinalungat at kinalaban din ng mga Hudyo ang Diyos? Bakit kinalaban din Siya ng mga Pariseo? Bakit pinagtaksilan ni Judas si Jesus? Sa panahong iyon, marami sa mga disipulo ang hindi nakakilala kay Jesus. Bakit, pagkatapos ipako sa krus si Jesus at muling nabuhay, ay hindi pa rin naniwala sa Kanya ang mga tao? Hindi ba pare-pareho lamang ang pagsuway ng tao? Ang mga tao ng China ay ginawa lamang halimbawa, at kapag sila ay nalupig, sila ay magiging mga modelo at huwaran, at magsisilbing sanggunian para sa iba. Bakit Ko palaging sinasabi na kayo ay mga karagdagan sa Aking plano ng pamamahala? Sa mga tao sa China naipapamalas nang pinakabuong-buo at nabubunyag ang katiwalian, karumihan, pagiging hindi matuwid, pagtutol, at pagiging suwail sa lahat ng iba’t ibang mga anyo nito. Sa isang banda, sila ay may mahinang kakayahan, at sa kabilang banda, ang kanilang mga buhay at pag-iisip ay paurong, at ang kanilang mga gawi, kapaligirang panlipunan, pamilya ng kapanganakan—ang lahat ay salat at pinakapaurong. Ang kanilang katayuan ay mababa rin. Ang gawain sa lugar na ito ay may isinasagisag, at matapos maisagawa ang kabuuan ng gawain ng pagsusuri na ito, ang susunod na gawain ng Diyos ay magiging higit na madali. Kung matatapos ang hakbang na ito ng gawain, ang susunod na gawain ay matitiyak. Sa oras na magawa na ang hakbang na ito ng gawain, lubos nang nakamit ang malaking tagumpay, at ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob ay ganap nang nagwakas. Sa katunayan, kapag nagtagumpay na ang gawain sa inyo, ito ay magiging katumbas ng tagumpay sa buong sansinukob. Ito ang kahalagahan ng kung bakit pinakikilos Ko kayo bilang modelo at huwaran. Ang pagiging suwail, pagsalungat, karumihan, at pagiging hindi matuwid—ang lahat ay matatagpuan sa mga taong ito, at sa kanila ay kinakatawan ang lahat ng pagkasuwail ng sangkatauhan. Sila ay tunay ngang namumukod-tangi. Kaya nga sila ay itinuturing na pinakamahirap na malupig, at sa oras na sila ay nalupig na, sila ay natural na magiging mga huwaran at modelo para sa iba. Wala nang mas may isinasagisag pa kaysa sa pagsasagawa ng unang yugto sa Israel: Ang mga Israelita ang pinakabanal at pinakahindi tiwali sa lahat ng bayan, kaya’t ang pagsisimula ng bagong panahon sa lupaing ito ay nagtaglay ng sukdulang kahalagahan. Maaaring sabihin na ang mga ninuno ng sangkatauhan ay nagmula sa Israel, at na ang Israel ang lugar ng kapanganakan ng gawain ng Diyos. Sa simula, ang mga taong ito ang pinakabanal, at lahat sila ay sumamba kay Jehova, at nagbunga ng pinakamagagandang resulta ang gawain ng Diyos sa kanila. Nakatala sa kabuuan ng Bibliya ang gawain ng dalawang kapanahunan: Ang isa ay ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at ang isa ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Nakatala sa Lumang Tipan ang mga salita ni Jehova sa mga Israelita at ang Kanyang gawain sa Israel; nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa Judea. Ngunit bakit hindi naglalaman ang Bibliya ng anumang mga pangalang Tsino? Sapagkat ang unang dalawang bahagi ng gawain ng Diyos ay isinagawa sa Israel, sapagkat ang mga tao ng Israel ay ang mga taong hinirang—na ang ibig sabihin ay sila ang unang tumanggap sa gawain ni Jehova. Sila ang pinakahindi tiwali sa buong sangkatauhan, at sa simula, mayroon silang pusong tumitingala sa Diyos at kinatatakutan Siya. Sinunod nila ang mga salita ni Jehova, at lagi silang nagsilbi sa templo, at nagsuot ng mga damit pangsaserdote o mga korona. Sila ang mga pinakaunang tao na sumamba sa Diyos, at ang mga pinakaunang pakay ng Kanyang gawain. Ang mga taong ito ang mga huwaran at modelo para sa buong sangkatauhan. Sila ay mga huwaran at modelo ng kabanalan, ng mga taong matuwid. Ang mga taong katulad nina Job, Abraham, Lot, o Pedro at Timoteo—silang lahat ay mga Israelita, at ang mga pinakabanal sa mga huwaran at modelo. Ang Israel ang pinakaunang bansa sa sangkatauhan na sumamba sa Diyos, at mas maraming matuwid na tao ang nagmula rito kaysa sa saan mang lugar. Gumawa ang Diyos sa kanila upang mapamahalaan Niya nang mas maayos ang sangkatauhan sa lahat ng lugar sa hinaharap. Ang kanilang mga naisakatuparan at ang matuwid na mga gawa nila sa pagsamba kay Jehova ay nakatala, upang sila ay makapagsilbi bilang mga huwaran at modelo sa mga tao sa labas ng Israel sa Kapanahunan ng Biyaya; at itinaguyod ng kanilang mga kilos ang ilang libong taon ng gawain, magpahanggang sa kasalukuyan.
Pagkatapos ng pagkakatatag ng mundo, ang unang yugto ng gawain ng Diyos ay isinagawa sa Israel, at kaya ang Israel ay ang bayang sinilangan ng gawain ng Diyos sa lupa, at ang himpilan ng gawain ng Diyos sa lupa. Ang gawain ni Jesus ay isinagawa sa buong Judea. Sa panahon ng Kanyang gawain, napakakaunti sa mga nasa labas ng Judea ang nakaalam nito, sapagkat hindi Siya gumawa ng anumang gawain sa labas ng Judea. Sa kasalukuyan, ang gawain ng Diyos ay dinala sa China, at ito ay ganap na isinasagawa sa loob lamang ng saklaw na ito. Sa yugtong ito, walang gawain ang inilulunsad sa labas ng China; ang paglaganap nito sa labas ng China ay gawain na mangyayari kalaunan. Ang yugtong ito ng gawain ay sumusunod sa yugto ng gawain ni Jesus. Ginawa ni Jesus ang gawain ng pagtubos, at ang yugtong ito ang gawain na sumunod sa gawaing iyon; ang gawain ng pagtubos ay natapos na, at sa yugtong ito ay walang pangangailangan para sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sapagkat ang yugtong ito ng gawain ay hindi kagaya ng huling yugto, at, higit pa rito, sapagkat ang China ay hindi kagaya ng Israel. Isinagawa ni Jesus ang isang yugto ng gawain ng pagtubos. Nakita ng tao si Jesus, at hindi nagtagal pagkatapos nito, ang Kanyang gawain ay nagsimulang lumaganap sa mga Hentil. Sa kasalukuyan, marami ang naniniwala sa Diyos sa Amerika, sa UK at Russia, kaya bakit mas kakaunting tao ang naniniwala sa China? Sapagkat ang China ang pinakasaradong bansa. Dahil dito, ang China ang pinakahuling tumanggap sa daan ng Diyos, at kahit ngayon ay wala pa sa isandaang taon mula nang ginawa nito ito—mas huli kaysa sa Amerika at sa UK. Ang huling yugto ng gawain ng Diyos ay isinasagawa sa lupain ng China upang mawakasan ang Kanyang gawain, at upang ang lahat ng Kanyang gawain ay maisakatuparan. Tinawag ng lahat ng tao sa Israel si Jehova na kanilang Panginoon. Noong panahong iyon, Siya ay itinuring nilang puno ng kanilang sambahayan, at ang buong Israel ay naging isang malaking sambahayan kung saan ay sinamba ng lahat ang kanilang Panginoong Jehova. Ang Espiritu ni Jehova ay madalas magpakita sa kanila, at Siya ay nagsalita at ipinarinig ang Kanyang tinig sa kanila, at gumamit ng isang haliging ulap at ng tunog upang gabayan ang kanilang mga buhay. Noong panahong iyon, tuwirang ibinigay ng Espiritu ang Kanyang paggabay sa Israel, nagsasalita at ipinaririnig ang Kanyang tinig sa mga tao, at nakita nila ang mga ulap at narinig ang mga dagundong ng kulog, at sa ganitong paraan ay ginabayan Niya ang kanilang mga buhay sa loob ng ilang libong taon. Kaya, ang mga tao lamang ng Israel ang palagian nang sumasamba kay Jehova. Naniniwala sila na si Jehova ang kanilang Diyos, at hindi Siya ang Diyos ng mga Hentil. Ito ay hindi nakakagulat: Si Jehova, matapos ang lahat, ay gumawa kasama nila nang halos 4,000 taon. Sa lupain ng China, pagkaraan ng libu-libong taon ng mahimbing na pagtulog, ngayon lamang nalaman ng mga mababang-uri na ang kalangitan at ang lupa at ang lahat ng bagay ay hindi likas na nabuo, kundi ginawa ng Lumikha. Sapagkat ang ebanghelyong ito ay nanggaling sa ibayong dagat, ang mga piyudal at reaksiyonaryong mag-isip ay naniniwala na lahat ng tumatanggap sa ebanghelyong ito ay taksil, na sila ang masasama na nagtaksil kay Buddha, ang kanilang ninuno. Higit pa rito, marami sa piyudal mag-isip ang nagtatanong, “Paano maniniwala ang mga Tsino sa Diyos ng mga banyaga? Hindi ba nila pinagtataksilan ang kanilang mga ninuno? Hindi ba sila gumagawa ng masama?” Sa kasalukuyan, matagal na panahon nang nakalimutan ng mga tao na si Jehova ang kanilang Diyos. Matagal na nilang inilagay sa likod ng kanilang mga pag-iisip ang Lumikha, at sa halip sila ay naniniwala sa ebolusyon, na nangangahulugan na ang tao ay unti-unting umusbong mula sa mga unggoy, at na ang likas na mundo ay nabuo sa paraang inaasahan. Ang lahat ng masarap na pagkain na tinatamasa ng sangkatauhan ay ibinigay ng kalikasan, mayroong kaayusan sa buhay at kamatayan ng tao, at walang Diyos na namamahala sa lahat ng ito. Higit pa rito, maraming ateista ang naniniwala na ang pamumuno ng Diyos sa lahat ay pamahiin at hindi base sa siyensiya. Ngunit mapapalitan ba ng agham ang gawain ng Diyos? Mapapamahalaan ba ng agham ang sangkatauhan? Ang pangangaral ng ebanghelyo sa bansang pinamumunuan ng ateismo ay hindi madaling gawin, at kaakibat nito ang malalaking hadlang. Sa kasalukuyan, hindi ba marami ang sumasalungat sa Diyos sa ganitong paraan?
Nang dumating si Jesus para gawin ang Kanyang gawain, ikinumpara ng maraming tao ang Kanyang gawain sa gawain ni Jehova, at, nang makita nila na hindi pareho ang mga ito, ipinako nila si Jesus sa krus. Bakit wala silang nakitang pagkakapareho sa Kanilang gawain? Bahagi nito ay dahil gumawa si Jesus ng bagong gawain, at dahil rin sa walang sinuman ang nagsulat ng Kanyang talaangkanan bago sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain. Maganda sana kung mayroong gumawa noon—sino pa ang magpapako kay Jesus sa krus kung gayon? Kung isinulat ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus nang mas maaga ng ilang dekada, hindi sana nagdusa si Jesus ng ganoon katinding pag-uusig. Hindi ba gayon? Sa sandaling mabasa ng mga tao ang talaangkanan ni Jesus—na Siya ang anak ni Abraham, at ang inapo ni David—itinigil sana nila ang kanilang pag-uusig sa Kanya. Hindi ba sayang na ang Kanyang talaangkanan ay masyadong huli nang naisulat? At sayang na dalawang yugto lamang ng gawain ng Diyos ang naitala ng Bibliya: isang yugto na gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at isa na gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; isang yugto na gawain ni Jehova, at isa na gawain ni Jesus. Mas mahusay sana kung nahulaan ng isang dakilang propeta ang gawain sa kasalukuyan. Magkakaroon sana ng dagdag na bahagi sa Bibliya na mayroong pamagat na “Ang Gawain sa mga Huling Araw”—hindi ba magiging higit na mahusay ang gayon? Bakit dapat isailalim ang tao sa napakaraming paghihirap sa kasalukuyan? Labis na kayong nahirapan! Kung may sinumang dapat kamuhian, ito ay sina Isaias at Daniel dahil sa hindi paghula sa gawain sa mga huling araw, at kung mayroon mang dapat sisihin, ito ay ang mga apostol ng Bagong Tipan na hindi itinala nang mas maaga ang talaangkanan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Kahiya-hiya talaga iyon! Kailangan ninyong maghanap sa lahat ng dako para sa katibayan, at kahit pagkatapos makahanap ng ilang piraso ng kakaunting salita, hindi pa rin ninyo masasabi kung ang mga ito ay katibayan talaga. Kahiya-hiya! Bakit masyadong malihim ang Diyos sa Kanyang gawain? Sa kasalukuyan, maraming tao ang hindi pa nakakahanap ng kapani-paniwalang katibayan, ngunit hindi rin nila magawang ikaila ito. Kaya ano ang dapat nilang gawin? Hindi nila kayang sundin ang Diyos nang may katatagan, ngunit hindi rin sila makapagpatuloy nang may gayong pag-aalinlangan. At kaya, maraming “mauutak at matatalinong iskolar” ang yumayakap sa saloobin na “subukan nang makita” kapag sila ay sumusunod sa Diyos. Masyadong magulo ito! Hindi ba naging higit na mas madali sana ang mga bagay-bagay kung nagawa nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan na hulaan ang hinaharap? Mas mainam sana kung nakita ni Juan ang panloob na katotohanan ng pamumuhay sa kaharian—sayang na nakakita lamang siya ng mga pangitain at hindi nakakita ng totoo at materyal na gawain sa lupa. Kahiya-hiya talaga ito! Ano ang mali sa Diyos? Bakit, pagkatapos na naging napakaayos ang Kanyang gawain sa Israel, ay dumating Siya ngayon sa China, at, bakit kailangan Niyang maging tao, at personal na gumawa at mamuhay kasama ng mga tao? Ang Diyos ay masyadong walang pakundangan sa tao! Hindi lamang sa hindi Niya sinabi sa mga tao nang mas maaga, kundi bigla Niyang dinala ang Kanyang pagkastigo at paghatol. Wala talaga itong katuturan! Sa unang pagkakataon na ang Diyos ay naging tao, dumanas Siya ng maraming paghihirap bilang resulta ng hindi pagsasabi sa tao nang mas maaga tungkol sa lahat ng panloob na katotohanan. Tiyak naman na hindi Niya nalimutan iyon? Kaya bakit hindi pa rin Niya sinasabi sa tao sa pagkakataong ito? Sa kasalukuyan, labis na kasawiang-palad na mayroon lamang animnapu’t anim na aklat sa Bibliya. Kinakailangang may isa pa na hinuhulaan ang gawain sa mga huling araw! Ano sa palagay mo? Maging sina Jehova, Isaias at David ay walang binanggit tungkol sa gawain sa kasalukuyan. Sila ay mas malayo sa kasalukuyan, malayo nang mahigit 4,000 taon. Hindi rin ganap na hinulaan ni Jesus ang gawain sa kasalukuyan, nagsalita lamang Siya nang kaunti tungkol dito, at hindi pa rin nakakahanap ang tao ng sapat na katibayan. Kung ihahambing mo ang gawain ng kasalukuyan sa dati, paano magkakapareho ang dalawa sa isa’t isa? Ang yugto ng gawain ni Jehova ay nakatuon sa Israel, kaya kung ihahambing mo iyon sa gawain ng kasalukuyan magkakaroon ng higit pang malaking pagkakaiba; hindi talaga maaaring paghambingin ang dalawa. Hindi ka mula sa Israel, ni isang Hudyo; ang iyong kakayahan at ang lahat ng tungkol sa iyo ay kulang—paano mo maihahambing ang iyong sarili sa kanila? Posible ba ito? Dapat ninyong malaman na ang kasalukuyan ay ang Kapanahunan ng Kaharian, at ito ay naiiba mula sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Anu’t anuman, huwag subukang gumamit ng isang pormula; hindi masusumpungan ang Diyos sa anumang mga pormula na tulad nito.
Paano namuhay si Jesus sa loob ng 29 na taon pagkatapos ng Kanyang kapanganakan? Walang naitalang anuman ang Bibliya tungkol sa Kanyang kamusmusan at kabataan; alam mo ba kung paano ang mga ito? Posible ba na wala Siyang kamusmusan o kabataan, at nang Siya ay isilang Siya ay tatlumpung taong gulang na? Masyadong kaunti ang iyong nalalaman, kaya huwag maging masyadong padalus-dalos sa pagsasabi ng iyong mga pananaw. Hindi ito magdudulot ng mabuti sa iyo! Nakatala lamang sa Bibliya na bago ang ika-30 kaarawan ni Jesus, Siya ay nabautismuhan at inakay ng Banal na Espiritu sa ilang upang sumailalim sa pagtukso ng diyablo. At itinatala ng Apat na Ebanghelyo ang Kanyang tatlo at kalahating taong gawain. Walang tala tungkol sa Kanyang kamusmusan at kabataan, ngunit hindi nito pinatutunayan na hindi Siya nagkaroon ng kamusmusan at kabataan; iyon ay dahil lamang sa hindi Siya gumawa ng anumang gawain sa simula, at isa Siyang normal na tao. Kung gayon, masasabi mo ba na nabuhay si Jesus sa loob ng 33 taon nang hindi naging binatilyo o bata? Posible bang bigla Siyang umabot sa gulang na 33 at kalahati? Ang lahat ng ito na iniisip ng tao tungkol sa Kanya ay higit sa pangkaraniwan at hindi makatotohanan. Walang anumang pag-aalinlangan na ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng karaniwan at normal na pagkatao, ngunit kapag isinasagawa Niya ang Kanyang gawain ito ay tuwirang sa pamamagitan ng Kanyang hindi ganap na pagkatao at ganap na pagka-Diyos. Dahil dito kung kaya’t ang mga tao ay mayroong mga pag-aalinlangan tungkol sa gawain sa kasalukuyan, at maging tungkol sa gawain ni Jesus. Bagama’t ang gawain ng Diyos ay magkaiba sa dalawang beses na Siya ay naging tao, ang Kanyang diwa ay hindi. Siyempre, kung babasahin mo ang mga tala sa Apat na Ebanghelyo, malaki ang mga pagkakaiba. Paano ka makakabalik sa buhay ni Jesus sa panahon ng Kanyang kamusmusan at kabataan? Paano mo mauunawaan ang normal na pagkatao ni Jesus? Marahil ay mayroon kang matibay na pagkaunawa tungkol sa pagkatao ng kasalukuyang Diyos, subalit wala kang taglay na pagkaunawa sa pagkatao ni Jesus, at lalong hindi mo ito naiintindihan. Kung hindi ito itinala ni Mateo, hindi ka magkakaroon ng ideya tungkol sa pagkatao ni Jesus. Marahil, kapag sinabi Ko sa iyo ang mga kuwento tungkol kay Jesus sa panahon ng Kanyang buhay, at sinabi sa iyo ang tungkol sa panloob na mga katotohanan ng kamusmusan at kabataan ni Jesus, iiiling mo ang iyong ulo at sasabihing: “Hindi! Hindi Siya maaaring maging ganoon. Hindi Siya maaaring magkaroon ng anumang kahinaan, at lalong hindi Niya tataglayin ang anumang pagkatao!” Sisigaw ka pa at hihiyaw. Ito ay dahil hindi mo nauunawaan si Jesus kung kaya’t mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Akin. Pinaniniwalaan mo si Jesus na masyadong banal, na wala Siyang anumang pagkiling sa laman. Ngunit ang mga katotohanan ay nananatili pa ring mga katotohanan. Walang sinuman ang gustong magsalita nang kasalungat ng katotohanan ng mga katunayan, sapagkat kapag Ako ay nagsasalita ito ay may kaugnayan sa katotohanan; ito ay hindi haka-haka, ni propesiya. Dapat mong malaman na kaya ng Diyos na umakyat sa kaitaas-taasan, at, higit pa rito, na makakapagtago Siya sa pinakamalalalim na kailaliman. Siya ay hindi isang bagay na nalilikha mo sa iyong isipan—Siya ang Diyos ng lahat ng nilikha, hindi isang personal na Diyos na ipinaglihi ng isang partikular na tao.