Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat
May napakalaking lihim sa iyong puso, na hindi mo kailanman namamalayan, dahil ikaw ay nabubuhay sa isang mundo na walang liwanag. Ang iyong puso at ang iyong espiritu ay naagaw na ng masama. Ang iyong mga mata ay nalalambungan ng kadiliman, at hindi mo nakikita ang araw sa langit ni ang kumikislap na bituing yaon sa gabi. Ang iyong mga tainga ay nababarahan ng mapanlinlang na mga salita, at hindi mo naririnig ang dumadagundong na tinig ni Jehova, ni ang lagaslas ng maraming tubig na dumadaloy mula sa trono. Nawala sa iyo ang lahat ng dapat na pag-aari mo, lahat ng ipinagkaloob sa iyo ng Makapangyarihan sa lahat. Nakapasok ka sa walang katapusang dagat ng pagdurusa, nang walang puwersang sasagip sa iyo, walang pag-asang makaligtas, at ang tanging ginagawa mo ay makibaka at magpakaabala…. Mula sa sandaling iyon, ikaw ay nakatakda nang pahirapan ng masama, napakalayo sa mga pagpapala ng Makapangyarihan sa lahat, napakalayo sa mga panustos ng Makapangyarihan sa lahat, tumatahak sa landas na wala nang balikan. Milyon mang pagtawag ay mahihirapang gisingin ang iyong puso at iyong espiritu. Mahimbing kang natutulog sa mga kamay ng masama, na umakit sa iyong pumasok sa isang walang-hangganang mundo na walang direksyon o mga pananda. Noong oras na iyon, nawala na ang iyong orihinal na kawalang-muwang at kadalisayan, at nagsimula kang umiwas sa pangangalaga ng Makapangyarihan sa lahat. Sa loob ng puso mo, inaakay ka ng masama sa bawat aspekto at naging iyong buhay. Hindi mo na siya kinatatakutan, iniiwasan, o pinagdududahan; sa halip, itinuturing mo siya na diyos sa iyong puso. Nagsimula ka nang idambana at sambahin siya, at kayong dalawa ay hindi na mapaghihiwalay na parang katawan at anino, nangangakong mamumuhay at mamamatay nang magkasama. Wala kang ideya kung saan ka nagmula, kung bakit ka isinilang, o kung bakit ka mamamatay. Tinitingnan mo ang Makapangyarihan sa lahat bilang isang estranghero; hindi mo alam ang Kanyang pinagmulan, lalong hindi mo alam ang lahat ng nagawa Niya para sa iyo. Lahat ng nagmula sa Kanya ay tinitingnan mo nang may pagkamapanlaban; hindi mo ito itinatangi, ni alam ang halaga nito. Naglalakad ka kasama ang masama, mula sa araw na natanggap mo ang panustos ng Makapangyarihan sa lahat. Natagalan mo ang libo-libong taon ng bagyo at unos kasama ang masama, at magkatulong kayo sa pagsalungat sa Diyos na pinagmulan ng buhay mo. Hindi ka marunong magsisi, lalong hindi mo alam na humantong ka na sa bingit ng kamatayan. Nakalimutan mo na ang masama ang nang-akit at nagpahirap sa iyo; nakalimutan mo na ang iyong mga pinagsimulan. Kaya, lubha kang pininsala ng masama sa bawat hakbang hanggang sa kasalukuyan. Namanhid na at nabulok ang iyong puso at espiritu. Hindi mo na idinaraing ang mga kinaiinisan sa mundo ng tao; hindi ka na naniniwala na hindi makatarungan ang mundo. Lalong wala kang pakialam kung umiiral ba ang Makapangyarihan sa lahat. Ito ay dahil matagal mo nang itinuring ang masama bilang iyong tunay na ama at hindi ka maaaring mawalay sa kanya. Ito ang lihim sa iyong puso.
Sa pagdating ng bukang-liwayway, isang tala sa umaga ang nagsisimulang sumikat sa silangan. Ito ang tala na wala dati roon. Pinagliliwanag nito ang kalangitang tahimik at kumikislap, pinagdiringas na muli ang napawing liwanag sa puso ng sangkatauhan. Ang mga tao ay hindi na mag-isa dahil sa liwanag na ito, na sumisikat para sa iyo at sa ibang tao. Subalit tanging ikaw lamang ang nananatiling natutulog nang mahimbing sa madilim na gabi. Wala kang naririnig na tunog at walang nakikitang liwanag; hindi mo namamalayan ang pagdating ng isang bagong langit at isang bagong lupa, ng isang bagong kapanahunan, dahil sinasabi ng iyong ama, “Anak ko, huwag kang bumangon, maaga pa. Malamig ang panahon, kaya huwag kang lumabas, baka matusok ng espada at sibat ang iyong mga mata.” Naniniwala ka lamang sa pangaral ng iyong ama, dahil naniniwala ka na ang ama mo lamang ang tama, dahil ang iyong ama ay nakatatanda sa iyo at lubos kang minamahal. Ang ganitong mga pangaral at pagmamahal ang nag-uudyok sa iyo na huwag nang paniwalaan ang alamat na may liwanag sa sanlibutan; pinipigilan ka ng mga ito na alamin kung umiiral pa ba ang katotohanan sa mundong ito. Hindi ka na naglalakas-loob na umasang masagip ng Makapangyarihan sa lahat. Kontento ka na sa kasalukuyang kalagayan, hindi mo na inaasam ang pagdating ng liwanag, hindi mo na inaabangan ang pagdating ng Makapangyarihan sa lahat tulad ng inilahad sa alamat. Para sa iyo, lahat ng maganda ay hindi na maibabalik, hindi na ito iiral. Sa iyong mga mata, ang kinabukasan at hinaharap ng sangkatauhan ay basta na lamang naglalaho, nabubura. Kumakapit ka nang mahigpit sa kasuotan ng iyong ama nang buong lakas mo, handang makibahagi sa kanyang pagdurusa, takot na takot na mawalan ng kasama at direksiyon sa mahabang paglalakbay. Ang malawak at makulimlim na mundo ng tao ay nakagawa ng marami sa inyo na matatag at walang takot sa pagganap sa iba’t ibang papel sa mundong ito. Lumikha ito ng maraming “mandirigma” na hindi takot mamatay. Higit pa riyan, nakagawa ito ng napakaraming pangkat ng manhid at paralisadong mga tao na hindi alam ang layunin ng paglikha sa kanila. Sinusuri ng mga mata ng Makapangyarihan sa lahat ang bawat tao na lubhang nahihirapan. Ang naririnig Niya ay ang panaghoy ng mga nagdurusa, ang nakikita Niya ay ang kawalan ng hiya ng mga nahihirapan, at ang nadarama Niya ay ang kawalan ng magagawa at hilakbot ng sangkatauhan na nawalan ng biyaya ng kaligtasan. Tinatanggihan ng sangkatauhan ang Kanyang malasakit, pinipili nilang lumakad sa sarili nilang landas, at sinusubukan nilang iwasan ang pagsisiyasat ng Kanyang mga mata, at mas gusto pa nilang namnamin ang kapaitan ng malalim na dagat sa piling ng kaaway, hanggang sa huling patak. Hindi na naririnig ng sangkatauhan ang hinagpis ng Makapangyarihan sa lahat; ayaw nang haplusin ng mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat ang kaawa-awang sangkatauhang ito. Paulit-ulit Siyang nakakabawi, at paulit-ulit Siyang nawawalan muli, at sa gayo’y nauulit ang gawaing Kanyang ginagawa. Mula sa sandaling iyon, nagsisimula Siyang mapagod, mapuno na, kaya nga itinitigil Niya ang Kanyang ginagawa at hindi na nakikihalubilo sa gitna ng mga tao…. Walang kamalay-malay ang sangkatauhan sa anuman sa mga pagbabagong ito, walang kamalay-malay sa pagdating at pag-alis, sa kalungkutan at kapanglawan ng Makapangyarihan sa lahat.
Lahat ng bagay sa mundong ito ay mabilis na nagbabago kasabay ng mga iniisip ng Makapangyarihan sa lahat at habang Siya’y nakamasid. Biglang dumarating ang mga bagay na kailanma’y hindi pa naririnig ng sangkatauhan, samantalang ang mga bagay na matagal na nilang taglay ay di-namamalayang naglalaho. Walang nakakaarok sa kinaroroonan ng Makapangyarihan sa lahat, lalo nang walang nakakaramdam sa pagkahigit at kadakilaan ng Kanyang puwersa ng buhay. Siya ay nakahihigit na kaya Niyang maramdaman ang hindi maramdaman ng mga tao. Siya ay dakila dahil Siya Yaong tinatalikuran ng sangkatauhan subalit inililigtas Niya sila. Alam Niya ang kahulugan ng buhay at kamatayan, at higit pa riyan, alam Niya ang mga batas sa pag-iral na dapat sundin ng sangkatauhan, na nilikha. Siya ang pundasyon ng pag-iral ng tao, at Siya ang Manunubos na muling binubuhay ang sangkatauhan. Pinalulumbay Niya ang masasayang puso gamit ang kalungkutan at pinasisigla ang malulungkot na puso gamit ang kaligayahan, lahat alang-alang sa Kanyang gawain, at alang-alang sa Kanyang plano.
Ang sangkatauhan, na lumayo mula sa panustos ng buhay ng Makapangyarihan sa lahat, ay walang alam sa kung ano ang layunin ng kanilang pag-iral, subalit natatakot pa rin sa kamatayan. Wala silang tulong o masasandalan, ngunit atubili pa ring ipikit ang kanilang mga mata, at pinatatatag nila ang kanilang sarili upang itaguyod ang kanilang laman, na may mga espiritung walang pakiramdam, at umiiral sila sa isang buhay na walang dangal sa mundong ito. Sa ganitong paraan ka namumuhay, walang pag-asa, na tulad ng iba, walang layunin. Tanging ang Siyang Banal ng alamat ang magliligtas sa mga tao na, nananaghoy sa gitna ng kanilang pagdurusa, ay desperadong umaasam sa Kanyang pagdating. Ang gayong paniniwala ay matagal nang nananatiling hindi naisasakatuparan sa mga walang kamalayan. Gayumpaman, nananabik pa rin sila nang ganito. Ang Makapangyarihan sa lahat ay may habag sa mga taong ito na nagdusa nang labis; kasabay nito, nakakaramdam Siya ng pagtutol sa mga taong ito na talagang walang anumang kamalayan, dahil kailangan Niyang maghintay nang napakatagal bago Siya makatanggap ng sagot mula sa mga tao. Gusto Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, at dalhan ka ng tubig at pagkain, upang magising ka at hindi ka na mauhaw o magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman mo ang kaunti sa kapanglawan ng mundong ito, huwag kang magulumihanan, huwag manangis. Yayakapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras. Siya ay nagbabantay sa iyong tabi. Siya ay naghihintay na bumalik ka, hinihintay ang araw na biglang babalik ang iyong alaala: kapag natanto mo na ikaw ay nagmula sa Diyos, at na sa hindi malamang panahon ay nawalan ka ng direksiyon, sa hindi malamang panahon ay nawalan ka ng malay sa daan, at sa hindi malamang panahon ay nagkaroon ka ng isang “ama”; kapag natanto mo, higit pa rito, na ang Makapangyarihan sa lahat ay palaging nagbabantay, naghihintay roon nang napakatagal na panahon sa iyong pagbabalik. Labis Siyang nananabik, naghihintay ng tugon na walang sagot. Ang Kanyang pagbabantay ay walang katumbas na anumang halaga, at ito ay para sa kapakanan ng puso at espiritu ng tao. Marahil ang Kanyang pagbabantay ay walang tiyak na katapusan, o marahil ito ay nagwakas na. Ngunit dapat mong malaman kung saan talaga naroroon ang iyong puso at espiritu sa mismong sandaling ito.
Mayo 28, 2003