Ang Kaibahan sa Diwa sa Pagitan ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng mga Taong Ginagamit ng Diyos

Maraming taon nang naghahanap ang Espiritu ng Diyos habang Siya ay gumagawa sa lupa, at marami na ang ginamit ng Diyos upang isagawa ang Kanyang gawain sa paglipas ng mga kapanahunan at henerasyon. Subalit sa buong panahong ito, walang angkop na lugar ng kapahingahan ang Espiritu ng Diyos, kaya nagpapalipat-lipat ang Diyos sa iba’t ibang tao upang gawin ang Kanyang gawain. Sa kabuuan, sa pamamagitan ng mga tao nagagawa ang Kanyang gawain. Ibig sabihin, sa lahat ng taon na ito, hindi tumigil kailanman ang gawain ng Diyos, kundi patuloy itong isinasagawa sa mga tao, hanggang sa araw na ito. Bagama’t nangusap na ang Diyos ng napakaraming salita at nakagawa ng napakaraming gawain, hindi pa rin kilala ng tao ang Diyos, lahat ng ito ay dahil hindi pa nagpakita ang Diyos sa tao kailanman at dahil din wala Siyang anyong nahahawakan. At kaya kailangang isakatuparan ng Diyos ang gawaing ito—ang gawaing idulot na makilala ng lahat ng tao ang praktikal na kabuluhan ng praktikal na Diyos. Para makamit ang layuning ito, kailangang ipamalas ng Diyos nang kongkreto ang Kanyang Espiritu sa sangkatauhan at isagawa ang Kanyang gawain sa gitna nila. Ibig sabihin, tanging kapag ang Espiritu ng Diyos ay naglalakad sa gitna ng mga tao nang may wangis, sa laman at buto, at nang may nakikitang anyo, sinasamahan sila sa kanilang buhay, kung minsan ay ipinapakita at kung minsan ay itinatago ang Sarili, saka lamang nagkakaroon ng mas malalim na pagkaunawa ang mga tao tungkol sa Kanya. Kung mananatili lamang ang Diyos sa katawang-tao, hindi Niya lubos na matatapos ang Kanyang gawain. At matapos gumawa sa katawang-tao sa loob ng ilang panahon, na tinutupad ang ministeryo na kailangang gawin sa katawang-tao, lilisanin ng Diyos ang katawang-tao at gagawa sa espirituwal na mundo sa wangis ng katawang-tao, tulad ng ginawa ni Jesus pagkaraang gumawa Siya sa loob ng ilang panahon sa normal na pagkatao at matapos Niya ang lahat ng gawaing kinailangan Niyang tapusin. Maaaring naaalala ninyo ang siping ito mula sa “Ang Landas … 5”: “Naaalala Ko na sinabi sa Akin ng Aking Ama, ‘Sa lupa, hangarin lamang na sumunod sa kalooban ng Iyong Ama at tapusin ang Kanyang atas. Wala nang iba pang may kinalaman sa Iyo.’” Ano ang nakikita mo sa siping ito? Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, ginagawa lamang Niya ang Kanyang gawain sa loob ng pagka-Diyos, na siyang ipinagkatiwala ng makalangit na Espiritu sa Diyos na nagkatawang-tao. Kapag pumaparito Siya, nagsasalita lamang Siya sa buong lupain, upang isatinig ang Kanyang mga pagbigkas gamit ang iba’t ibang paraan at mula sa iba’t ibang perspektiba. Ang Kanyang mga layon at prinsipyo ng paggawa, sa pangunahin, ay tustusan ang tao at turuan ang tao, at hindi Niya binibigyang-pansin ang mga bagay na tulad ng mga ugnayan sa pagitan ng mga tao o ang mga detalye ng buhay ng mga tao. Ang Kanyang pangunahing ministeryo ay ang magsalita sa ngalan ng Espiritu. Ibig sabihin, kapag ang Espiritu ng Diyos ay kongkretong nagpapakita sa katawang-tao, tinutustusan lamang Niya ang buhay ng tao at inilalabas ang katotohanan. Hindi Siya nakikibahagi sa gawain ng tao, ibig sabihin, hindi Siya nakikilahok sa gawain ng pagkatao. Hindi maaaring gumawa ng pagka-Diyos na gawain ang mga tao, at hindi nakikilahok ang Diyos sa gawain ng tao. Sa lahat ng taon mula nang pumarito ang Diyos sa mundong ito upang isagawa ang Kanyang gawain, lagi Niya itong ginagawa sa pamamagitan ng mga tao. Gayunman, ang mga taong ito ay hindi maaaring ituring na Diyos na nagkatawang-tao—yaon lamang ay mga kinakasangkapan ng Diyos. Ang Diyos ng kasalukuyan, samantala, ay kayang magsalita nang tuwiran mula sa pananaw ng pagka-Diyos, ipinapahayag ang tinig ng Espiritu at gumagawa sa ngalan ng Espiritu. Gayundin, lahat ng taong ginamit ng Diyos sa paglipas ng mga kapanahunan at henerasyon ay mga pagkakataon na gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa loob ng katawang-tao—kaya bakit hindi sila maaaring tawaging Diyos? Ngunit ang Diyos ng kasalukuyan ay Espiritu rin ng Diyos na tuwirang gumagawa sa katawang-tao, at si Jesus ay Espiritu rin ng Diyos na gumagawa sa katawang-tao; kapwa Sila tinatawag na Diyos. Kaya ano ang pagkakaiba? Ang mga taong ginamit ng Diyos sa paglipas ng mga kapanahunan ay pawang may kakayahan sa normal na pag-iisip at katwiran. Naunawaan nilang lahat ang mga prinsipyo ng pag-asal at pagharap sa mga usapin. Nagtataglay sila ng normal na mga kuru-kuro ng tao, at nagtataglay sila ng lahat ng bagay na dapat taglayin ng normal na mga tao. Karamihan sa kanila ay may pambihirang talento at likas na katalinuhan. Sa paggawa sa mga taong ito, ginagamit ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga talento, na mga kaloob nila. Ginagamit ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga talento, ginagamit ang kanilang mga kalakasan sa pagseserbisyo sa Diyos. Subalit ang diwa ng Diyos ay walang mga kuru-kuro o mga kaisipan, walang halong mga ideya ng tao, at wala pa nga rito ang tinataglay ng normal na mga tao. Ibig sabihin, ni hindi Siya pamilyar sa mga prinsipyo ng pag-asal at pagharap sa mga usapin. Ganito ang sitwasyon kapag pumaparito sa lupa ang Diyos ng kasalukuyan. Ang Kanyang gawain at Kanyang mga salita ay walang halong mga ideya ng tao o mga kaisipan ng tao, kundi ang mga ito ay tuwirang pagpapamalas ng mga ideya ng Espiritu, at gumagawa Siya nang tuwiran sa ngalan ng Diyos. Nangangahulugan ito na ang Espiritu ay tuwirang nagsasalita, ibig sabihin, ang pagka-Diyos ang tuwirang gumagawa ng gawain, nang hindi ito hinahaluan ng kahit katiting na mga ideya ng tao. Sa madaling salita, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay nang tuwiran ng pagka-Diyos, walang mga kaisipan o mga kuru-kuro ng tao, at walang pagkaunawa tungkol sa mga prinsipyo ng mga tao para sa pakikitungo sa mundo. Kung gumagawa lamang ang pagka-Diyos (ibig sabihin ay kung ang Diyos Mismo lamang ang gumagawa), walang paraan para maisagawa ang gawain ng Diyos sa lupa. Kaya kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, kailangan ay mayroon Siyang maliit na bilang ng mga tao na ginagamit Niya upang gumawa sa loob ng pagkatao sa pakikipagtulungan sa gawaing ginagawa ng Diyos sa pagka-Diyos. Sa madaling salita, ginagamit Niya ang gawain ng pagkatao upang itaguyod ang Kanyang gawain na pagka-Diyos. Kung hindi, walang paraan para tuwirang makipag-ugnayan ang tao sa gawaing pagka-Diyos. Ganito noon kay Jesus at sa Kanyang mga disipulo. Noong panahon Niya sa mundo, binuwag ni Jesus ang mga lumang kautusan at itinatag ang mga bagong utos. Nangusap din Siya ng maraming salita. Lahat ng gawaing ito ay ginawa sa pagka-Diyos. Ang iba pa, tulad nina Pedro, Pablo, at Juan, ay isinalalay lahat ang sumunod nilang gawain sa pundasyon ng mga salita ni Jesus. Ibig sabihin, ginawa ng Diyos ang Kanyang inisyal na gawain sa kapanahunang iyon, ginabayan ang simula ng Kapanahunan ng Biyaya; ibig sabihin, ginabayan Niya ang isang bagong kapanahunan, binuwag ang luma, at tinupad din ang mga salitang “Ang Diyos ang Simula at ang Katapusan.” Sa madaling salita, kailangang isagawa ng tao ang gawain ng tao batay sa pundasyon ng gawaing pagka-Diyos. Nang masabi ni Jesus ang lahat ng kailangan Niyang sabihin at matapos ang Kanyang gawain sa lupa, iniwan Niya ang tao. Pagkatapos nito, lahat ng tao, sa paggawa, ay gumawa ayon sa mga prinsipyong ipinahayag sa Kanyang mga salita, at nagsagawa ayon sa mga katotohanang Kanyang sinabi. Lahat ng taong ito ay gumawa para kay Jesus. Kung si Jesus lamang ang mag-isang gumawa ng gawain, gaano man karaming salita ang Kanyang sinabi, walang anumang paraan ang mga tao para makaugnayan ang Kanyang mga salita, dahil gumawa Siya sa pagka-Diyos at nagawa lamang Niyang mangusap ng mga salita ng pagka-Diyos, at hindi Niya nagawang ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa mga normal na tao at ipaunawa sa mga normal na tao ang Kanyang mga salita. Kaya kinailangan Niya ang mga apostol at propetang sumunod sa Kanya na magkompleto sa Kanyang gawain. Ito ang prinsipyo ng paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kanyang gawain—gamit ang nagkatawang-taong laman upang magsalita at gumawa nang sa gayon ay matapos ang gawain ng pagka-Diyos, at pagkatapos ay gamit ang ilan, o marahil ay higit pa, na mga taong nakaaayon sa mga layunin ng Diyos upang magkompleto sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, ginagamit ng Diyos ang mga taong alinsunod sa Kanyang mga layunin upang gawin ang gawain ng pagpapastol at pagdidilig sa pamamagitan ng pagkatao upang ang mga taong hinirang ng Diyos ay makapasok sa katotohanang realidad.

Kung, nang Siya ay pumarito sa katawang-tao, ginawa lamang ng Diyos ang gawain ng pagka-Diyos, at walang mga taong nakaaayon sa Kanyang mga layunin para makipagtulungan sa Kanya, hindi makakaya ng tao na maunawaan ang mga layunin ng Diyos o makipag-ugnayan sa Diyos. Kailangang gamitin ng Diyos ang normal na mga tao na ayon sa Kanyang mga layunin upang kompletuhin ang gawaing ito, upang bantayan at ipastol ang mga iglesia, nang sa gayon, ang antas na kayang mailarawan sa isipan ng mga kognitibong pagpoproseso ng tao, ang kanyang utak, ay maabot. Sa madaling salita, kinakasangkapan ng Diyos ang maliit na bilang ng mga tao na nakaaayon sa Kanyang mga layunin upang “isalin” ang gawaing Kanyang ginagawa sa loob ng Kanyang pagka-Diyos, nang sa gayon ay mabuksan ito—magawang wika ng tao ang wika ng pagkatao, nang sa gayon ay maarok at maunawaan ito ng mga tao. Kung hindi ito ginawa ng Diyos, walang sinumang makauunawa sa wika ng pagka-Diyos ng Diyos, dahil ang mga taong alinsunod sa mga layunin ng Diyos, kung tutuusin, ay maliit na minorya, at ang abilidad ng tao na makaarok ay mahina. Iyan ang dahilan kaya pinipili ng Diyos ang paraang ito kapag gumagawa Siya sa nagkatawang-taong laman. Kung mayroon lamang gawain ng pagka-Diyos, walang paraan para makaugnayan ng tao ang Diyos, dahil hindi nauunawaan ng tao ang wika ng Diyos. Nauunawaan ng tao ang wikang ito sa pamamagitan lamang ng mga taong nakaaayon sa mga layunin ng Diyos, na nagpapalinaw sa Kanyang mga salita. Gayumpaman, kung mayroon lamang gayong mga tao na gumagawa sa loob ng pagkatao, maaari lamang mapanatili niyon ang normal na buhay ng tao; hindi nito mababago ang disposisyon ng tao. Ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magkaroon ng panibagong panimula; magkakaroon lamang ng dati nang mga lumang awit, dati nang mga lumang bukambibig. Sa pamamagitan lamang ng Diyos na nagkatawang-tao, na nagsasabi ng lahat ng kailangang sabihin at gumagawa ng lahat ng kailangang gawin sa panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao, pagkatapos ay gumagawa at nakararanas ang mga tao ayon sa Kanyang mga salita, sa gayon lamang magagawang magbago ang kanilang buhay disposisyon, at sa gayon lamang nila magagawang sumunod sa agos ng kapanahunan. Siya na gumagawa sa loob ng pagka-Diyos ay kumakatawan sa Diyos, samantalang yaong mga gumagawa sa loob ng pagkatao ay mga taong ginagamit ng Diyos. Ibig sabihin, ang Diyos na nagkatawang-tao, sa diwa, ay iba sa mga taong ginagamit ng Diyos. Nagagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain ng pagka-Diyos, samantalang hindi ito nagagawa ng mga taong ginagamit ng Diyos. Sa simula ng bawat isang kapanahunan, personal na nangungusap ang Espiritu ng Diyos at naglulunsad ng bagong kapanahunan upang dalhin ang tao sa isang bagong simula. Kapag tapos na Siyang magsalita, nagpapahiwatig ito na tapos na ang gawain ng Diyos sa loob ng Kanyang pagka-Diyos. Pagkatapos niyon, lahat ng tao ay sumusunod sa pangunguna ng mga ginagamit ng Diyos upang pumasok sa karanasan nila sa buhay. Sa ganito ring paraan, ito rin ang yugto kung kailan dinadala ng Diyos ang tao sa bagong kapanahunan at binibigyan ang mga tao ng isang bagong panimula—kung kailan nagtatapos ang gawain ng Diyos sa katawang-tao.

Hindi pumaparito ang Diyos sa lupa para gawing perpekto ang Kanyang normal na pagkatao. Hindi Siya pumaparito para isagawa ang gawain ng normal na pagkatao. Pumaparito Siya para lamang gawin ang gawain ng pagka-Diyos sa normal na pagkatao. Ang binabanggit ng Diyos na normal na pagkatao ay hindi katulad ng iniisip ng mga tao. Binibigyang-kahulugan ng tao ang “normal na pagkatao” bilang pagkakaroon ng asawa at mga anak, na mga patunay na ang isang tao ay isang normal na tao; gayumpaman, hindi ganito ang tingin ng Diyos dito. Ang tingin Niya sa normal na pagkatao ay pagkakaroon ng normal na kaisipan ng mga tao, normal na buhay ng mga tao, at pagiging naisilang sa normal na mga tao. Ngunit hindi kabilang sa Kanyang normalidad ang pagkakaroon ng asawa at mga anak sa paraan ng pagsasalita ng tao tungkol sa normalidad. Ibig sabihin, para sa tao, ang normal na pagkataong binabanggit ng Diyos ay ang ituturing ng tao na kawalan ng pagkatao, na halos walang mga damdamin at tila walang mga pangangailangan ng laman, katulad lamang ni Jesus, na mayroon lamang panlabas na anyo ng isang normal na tao at nagbihis ng anyo ng isang normal na tao, ngunit sa diwa ay hindi ganap na tinaglay ang lahat ng dapat taglayin ng isang normal na tao. Mula rito ay makikita na ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi sumasaklaw sa kabuuan ng normal na pagkatao, kundi sa isang bahagi lamang ng mga bagay na dapat taglayin ng mga tao, upang suportahan ang mga karaniwang gawain sa buhay ng normal na tao at panatilihin ang katwiran ng normal na tao. Ngunit walang kinalaman ang mga bagay na ito sa itinuturing ng tao na normal na pagkatao. Ang mga ito ang dapat taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayumpaman, may mga naninindigan na ang Diyos na nagkatawang-tao ay masasabing nagtataglay lamang ng normal na pagkatao kung mayroon Siyang asawa, mga anak, isang pamilya; kung wala ang mga bagay na ito, sabi nila, hindi Siya isang normal na tao. Kung gayon ay tatanungin kita, “Mayroon bang asawang babae ang Diyos? Posible bang magkaroon ng asawang lalaki ang Diyos? Maaari bang magkaroon ng mga anak ang Diyos?” Hindi ba’t mga maling kaisipan ito? Subalit ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring sumibol mula sa isang bitak sa pagitan ng mga bato o mahulog mula sa langit. Maaari lamang Siyang isilang sa isang normal na pamilya ng tao. Kaya mayroon Siyang mga magulang at mga kapatid na babae. Ang mga ito ang mga bagay na dapat magkaroon ang normal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao. Ganito ang sitwasyon ni Jesus; si Jesus ay mayroong ama at ina, mga kapatid na babae at lalaki, at lahat ng ito ay normal. Ngunit kung nagkaroon Siya ng asawa at mga anak, ang Kanyang pagkatao ay hindi sana naging ang normal na pagkatao na nilayon ng Diyos na taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao. Kung ganito ang sitwasyon, hindi sana Niya nakayang gumawa sa ngalan ng pagka-Diyos. Ito ay dahil mismo sa hindi Siya nagkaroon ng asawa o mga anak, subalit isinilang Siya sa normal na mga tao sa isang normal na pamilya, kaya Niya nagawa ang gawain ng pagka-Diyos. Para mas linawin ito, ang itinuturing ng Diyos na normal na tao ay isang tao na isinilang sa isang normal na pamilya. Gayong tao lamang ang kalipikadong gumawa ng gawain ng pagka-Diyos. Kung, sa kabilang banda, ang tao ay nagkaroon ng isang asawang babae, mga anak, o isang asawang lalaki, hindi magagawa ng taong iyon ang gawain ng pagka-Diyos, dahil magtataglay lamang siya ng normal na pagkatao na hinihingi ng mga tao ngunit hindi ang normal na pagkataong hinihingi ng Diyos. Yaong isinasaalang-alang ng Diyos, at ang nauunawaan ng mga tao, ay madalas na malaki ang pagkakaiba, malayong-malayo sa isa’t isa. Sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, marami ang salungat at malaki ang pagkakaiba sa mga kuru-kuro ng mga tao. Masasabi na ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay ganap na binubuo ng pagka-Diyos na aktuwal na gumagawa, na ang pagkatao ay gumaganap ng papel na sumusuporta. Dahil pumaparito ang Diyos sa lupa upang isagawa ang Kanyang gawain nang Siya Mismo, sa halip na tulutan ang tao na gawin ito, nagkakatawang-tao Siya Mismo (sa isang di-ganap, normal na tao) upang gawin ang Kanyang gawain. Ginagamit Niya ang pagkakataong iprinesenta ng pagkakatawang-taong ito upang iharap sa sangkatauhan ang isang bagong kapanahunan, upang sabihin sa sangkatauhan ang susunod na hakbang sa Kanyang gawain, at upang sabihan ang mga tao na magsagawa alinsunod sa landas na inilarawan sa Kanyang mga salita. Sa ganito nagtapos ang gawain ng Diyos sa katawang-tao; malapit na Niyang lisanin ang tao at malapit na Siyang humiwalay sa tao, hindi na mananahan sa katawang-tao ng normal na pagkatao, kundi sa halip ay lalayo mula sa tao upang tumuloy sa isa pang bahagi ng Kanyang gawain. Pagkatapos, habang ginagamit ang mga taong naaayon sa Kanyang mga layunin, ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang gawain sa lupa sa gitna ng grupong ito ng mga tao, ngunit sa kanilang pagkatao.

Ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring manatili sa piling ng tao magpakailanman dahil marami pang ibang gawaing gagawin ang Diyos. Hindi Siya maaaring matali sa katawang-tao; kailangan Niyang hubarin ang katawang-tao upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin, kahit ginagawa Niya ang gawaing iyon sa wangis ng katawang-tao. Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, hindi Niya hinihintay na maabot Niya ang anyong dapat maabot ng isang normal na tao bago mamatay at lisanin ang sangkatauhan. Gaano man katanda ang Kanyang katawang-tao, kapag natapos na ang Kanyang gawain, umaalis Siya at iniiwan Niya ang tao. Hindi mahalaga sa Kanya ang edad, hindi Niya binibilang ang Kanyang mga araw ayon sa haba ng buhay ng tao; sa halip, tinatapos Niya ang Kanyang buhay sa katawang-tao alinsunod sa mga hakbang ng Kanyang gawain. Maaaring may mga taong nakadarama na ang Diyos, sa pagpasok sa katawang-tao, ay kailangang magkaedad hanggang sa isang antas, kailangang umabot sa hustong gulang, tumanda, at lumisan lamang kapag bumigay na ang katawan. Ito ay imahinasyon ng tao; hindi gumagawa ang Diyos sa ganoong paraan. Siya ay pumaparito sa katawang-tao upang gawin lamang ang gawaing dapat Niyang gawin, at hindi upang mamuhay ng isang normal na buhay ng tao na ipinanganak sa mga magulang, lumalaki, bumubuo ng pamilya at nagtatatag ng propesyon, nagkakaroon at nagpapalaki ng mga anak, o nakikipagbaka sa mga pagsubok ng buhay—lahat ng aktibidad ng mga normal na tao. Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, ito ay ang Espiritu ng Diyos na nagbibihis ng katawang-tao, pumaparito sa katawang-tao, ngunit ang Diyos ay hindi namumuhay ng buhay ng isang normal na tao. Pumaparito lamang Siya upang tuparin ang isang bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala. Pagkatapos niyon ay lilisanin Niya ang sangkatauhan. Kapag Siya ay pumaparito sa katawang-tao, hindi ginagawang perpekto ng Espiritu ng Diyos ang normal na pagkatao ng katawan. Sa halip, sa panahong paunang itinadhana ng Diyos, ang pagka-Diyos ay tuwirang gumagawa. Pagkatapos, matapos gawin ang lahat ng kailangan Niyang gawin at lubos nang matapos ang Kanyang ministeryo, tapos na ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa yugtong ito, kung kailan nagtatapos din ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao, naipamuhay man ng Kanyang katawang-tao ng laman ang haba ng buhay nito. Ibig sabihin, kung anong yugto ng buhay ang abutin ng katawang-tao ng laman, at kung gaano katagal itong nabubuhay sa lupa, ay kapwa pinagpapasyahan ng gawain ng Espiritu, at walang kinalaman sa itinuturing ng tao na normal na pagkatao. Gawing halimbawa si Jesus. Nabuhay Siya sa katawang-tao sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon. Sa usapin ng haba ng buhay ng katawan ng tao, hindi Siya dapat namatay sa edad na iyon, at hindi Siya dapat lumisan. Ngunit walang pakialam dito ang Espiritu ng Diyos. Tapos na ang Kanyang gawain, sa puntong iyon ay inalis na ang katawan, na nawala kasama ng Espiritu. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa katawang-tao. At kaya, sa tumpak na pananalita, hindi ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao ang pangunahing mahalaga. Bumabalik pa rin ito sa parehong puntong iyon: pumaparito Siya sa lupa hindi upang mamuhay nang isang normal na tao. Hindi muna Siya nagtatatag ng isang normal na buhay ng tao at pagkatapos ay nagsisimulang gumawa. Sa halip, basta’t isinilang Siya sa isang normal na pamilya ng tao, nagagawa Niya ang gawain ng pagka-Diyos, gawaing walang bahid ng mga ideya ng tao, na hindi makalaman, na tiyak na hindi tumatanggap sa mga paraan ng lipunan o nagsasangkot ng mga kaisipan o kuru-kuro ng tao, at bukod pa riyan, hindi nasasangkot doon ang mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo. Ito ang gawaing layong gawin ng Diyos na nagkatawang-tao, at ito rin ang praktikal na kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Ang Diyos ay nagkakatawang-tao pangunahing upang gawin ang isang yugto ng gawain na kailangang gawin sa katawang-tao, nang hindi nagdaraan sa iba pang mga prosesong hindi masyadong mahalaga, at, tungkol naman sa mga karanasan ng isang normal na tao, wala Siyang mga ganoon. Hindi kabilang sa gawaing kailangang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga karanasan ng normal na tao. Kaya ang Diyos ay pumaparito sa katawang-tao para isakatuparan ang gawaing kailangan Niyang isakatuparan sa katawang-tao. Ang nalalabi ay walang kinalaman sa Kanya; hindi Siya dumaraan sa napakaraming prosesong hindi masyadong mahalaga. Kapag natapos na ang Kanyang gawain, natatapos na rin ang kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Ang pagtatapos sa yugtong ito ay nangangahulugan na nagtapos na ang gawaing kailangan Niyang gawin sa katawang-tao, at naisakatuparan ang ministeryo ng Kanyang katawang-tao. Ngunit hindi Siya maaaring patuloy na gumawa sa katawang-tao nang walang katapusan. Kailangan Niyang magpatuloy sa isa pang lugar upang gumawa, at iwan ang katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang lubos na maisasagawa ang Kanyang gawain, at susulong nang mas epektibo. Gumagawa ang Diyos ayon sa Kanyang orihinal na plano. Kung anong gawain ang kailangan Niyang gawin at anong gawain ang natapos na Niya, malinaw na malinaw sa Kanya ang mga ito. Inaakay ng Diyos ang bawat indibidwal na lumakad sa landas na pauna na Niyang itinadhana. Walang sinumang makakatakas dito. Yaon lamang mga sumusunod sa gabay ng Espiritu ng Diyos ang makakapasok sa kapahingahan. Maaaring sa gawain sa hinaharap, hindi ang Diyos ang mangungusap sa katawang-tao upang gabayan ang tao, kundi isang Espiritung may nahahawakang anyo na gumagabay sa buhay ng tao. Sa ganitong paraan lamang makakaya ng tao na kongkretong mahawakan ang Diyos, mamasdan ang Diyos, at mas lubos na makapasok sa realidad na hinihingi ng Diyos, upang magawang perpekto ng praktikal na Diyos. Ito ang gawaing layon ng Diyos na tuparin, at matagal na Niyang ipinlano. Mula rito, dapat makita ninyong lahat ang landas na dapat ninyong tahakin!

Sinundan: Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob

Sumunod: Sa Pananalig, Kailangang Magtuon ang Isang Tao sa Realidad—Ang Pakikibahagi sa mga Panrelihiyong Ritwal ay Hindi Pananalig

Habang patuloy na dumarami ang mga sakuna, nagsisimulang matanto ng parami nang paraming tao na ang mga propesiya sa Bibliya ay hindi mga gawa-gawang kuwento lamang, kundi isang realidad na nangyayari sa mismong harapan natin. Walang nakakaalam kung ano ang mauuna: ang bukas ba, o isang hindi inaasahang sakuna. Kung gusto mong salubungin ang pagbabalik ng Panginoon kasama ng pamilya mo at maging ligtas sa ilalim ng proteksyon ng Diyos, i-click ang WhatsApp para sumali sa aming study group. Huwag mo na itong ipagpabukas.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito