Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos
Ang Diyos sa Kanyang unang pagkakatawang-tao ay nanirahan sa ibabaw ng lupa sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon, at isinagawa ang Kanyang ministeryo sa loob lamang ng tatlo’t kalahati ng mga taon na iyon. Kapwa noong Siya ay gumawa, at bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain, nagtaglay Siya ng normal na pagkatao; namuhay Siya sa Kanyang normal na pagkatao sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon. Sa buong huling tatlo’t kalahating taon, nagpakita Siya bilang ang nagkatawang-taong Diyos. Bago Niya sinimulang isagawa ang Kanyang ministeryo, nagpakita Siya nang may ordinaryo at normal na pagkatao, hindi nagpapakita ng tanda ng Kanyang pagka-Diyos, at naipamalas ang Kanyang pagka-Diyos matapos lamang Niyang pormal na simulan ang paggawa sa Kanyang ministeryo. Ipinakita ng Kanyang buhay at gawain noong unang dalawampu’t siyam na taon na iyon na Siya ay isang tunay na tao, isang anak ng tao, at isang katawang-tao ng laman, sapagkat nagsimula lamang nang pormal ang Kanyang ministeryo pagkaraan ng edad na dalawampu’t siyam. Ang “pagkakatawang-tao” ay ang pagpapakita ng Diyos sa katawang-tao; gumagawa ang Diyos sa gitna ng nilikhang sangkatauhan sa wangis ng katawang-tao. Kaya, dahil Siya ang nagkatawang-taong Diyos, kailangan muna Niyang maging katawang-tao, katawang-taong may normal na pagkatao; ito ang pinakapangunahing kinakailangan. Sa katunayan, ang implikasyon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay na ang Diyos ay namumuhay at gumagawa sa katawang-tao, na ang Diyos sa Kanyang pinakadiwa ay nagkakatawang-tao, nagiging isang tao. Ang Kanyang buhay at gawain sa katawang-tao ay maaaring hatiin sa dalawang yugto. Una ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay bago gampanan ang Kanyang ministeryo. Naninirahan Siya sa piling ng isang ordinaryong pamilya ng tao, sa lubos na normal na pagkatao, sumusunod sa normal na etika ng buhay ng tao at sumusunod sa normal na mga batas ng buhay ng tao, na may normal na mga pangangailangan ng tao (pagkain, damit, tulog, tirahan), normal na mga kahinaan ng tao, at normal na mga emosyon ng tao. Sa madaling salita, sa unang yugtong ito ay namumuhay Siya sa pagkataong walang pagka-Diyos at lubos na normal, nakikibahagi sa lahat ng normal na aktibidad ng tao. Ang pangalawang yugto ay ang buhay na Kanyang ipinamumuhay matapos Niyang simulang isagawa ang Kanyang ministeryo. Nananahan pa rin Siya sa ordinaryong pagkatao na may isang normal na panlabas na anyo ng tao, walang ipinapakitang panlabas na tanda ng pagiging higit-sa-karaniwan. Subalit eksklusibo Siyang namumuhay para lamang sa kapakanan ng Kanyang ministeryo, at sa panahong ito ay ganap na umiiral ang Kanyang normal na pagkatao upang mapanatili ang normal na gawain ng Kanyang pagka-Diyos, sapagkat sa panahong iyon ay gumulang na ang Kanyang normal na pagkatao hanggang sa punto na kaya na Niyang isagawa ang Kanyang ministeryo. Kaya, ang ikalawang yugto ng Kanyang buhay ay ang gampanan ang Kanyang ministeryo sa Kanyang normal na pagkatao, kung kailan ito ay isang buhay kapwa ng normal na pagkatao at ng ganap na pagka-Diyos. Sa unang yugto ng Kanyang buhay, kaya Siya namumuhay sa ganap na ordinaryong pagkatao ay dahil ang Kanyang pagkatao ay hindi pa kayang panatilihin ang kabuuan ng gawain ng Kanyang pagka-Diyos, hindi pa gumugulang; matapos gumulang ang Kanyang pagkatao—ibig sabihin, kapag kaya na nitong pasanin ang Kanyang ministeryo—saka lamang Niya masisimulang gampanan ang ministeryong dapat Niyang gampanan. Dahil katawang-tao Siya, kailangan Niyang lumaki at gumulang. Samakatwid, ang unang yugto ng Kanyang buhay ay iyong sa normal na pagkatao, samantalang sa pangalawang yugto, kaya ng Kanyang pagkatao na pasanin ang Kanyang gawain at isagawa ang Kanyang ministeryo, at kaya ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng Kanyang ministeryo ay kapwa sa pagkatao at sa ganap na pagka-Diyos. Kung, mula sa sandali ng Kanyang pagsilang, pormal na sinimulan ng katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos ang Kanyang ministeryo, at ang lahat ng ginawa Niya ay may kalakip na pagsasagawa ng mga tanda at himala na higit sa karaniwan, hindi sana Siya nagkaroon ng diwa ng katawang-tao. Samakatwid, umiiral ang Kanyang pagkatao para sa kapakanan ng diwa ng Kanyang katawang-tao; hindi maaaring magkaroon ng katawang-tao nang walang pagkatao, at ang isang taong walang pagkatao ay hindi isang tao. Sa ganitong paraan, ang pagkatao ng laman ng Diyos ay isang likas na katangian ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang sabihing “kapag naging tao ang Diyos ay mayroon lang Siyang pagka-Diyos, at walang pagkatao,” ay isang kalapastanganan, sapagkat sadyang walang batayan ang ganitong pahayag, at lumalabag ito sa prinsipyo ng pagkakatawang-tao. Kahit matapos Niyang simulang isagawa ang Kanyang ministeryo, namumuhay pa rin Siya sa Kanyang pagka-Diyos nang may panlabas na anyo ng tao kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; sadya lamang na sa panahong iyon ang Kanyang pagkatao ay para lamang sa layuning tulutan ang Kanyang pagka-Diyos na gampanan ang gawain sa normal na katawang-tao. Kaya ang gumagawa ng gawain ay ang pagka-Diyos na nananahan sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang pagka-Diyos, hindi ang Kanyang pagkatao, ang gumagawa, subalit ang pagka-Diyos na ito ay nakatago sa loob ng Kanyang pagkatao; sa diwa, ang Kanyang gawain ay ginagawa pa rin ng Kanyang ganap na pagka-Diyos, hindi ng Kanyang pagkatao. Ngunit ang nagsasagawa sa gawain ay ang Kanyang katawang-tao. Masasabi na Siya ay isang tao at isa ring Diyos, sapagkat ang Diyos ay nagiging isang Diyos na namumuhay sa katawang-tao; mayroon Siyang anyo ng tao at diwa ng tao, at higit pa rito, mayroon Siyang diwa ng Diyos. Dahil Siya ay isang tao na mayroong diwa ng Diyos, mas mataas Siya sa lahat ng taong nilikha, mas mataas kaysa sa sinumang tao na makakagawa ng gawain ng Diyos. Kaya nga, sa lahat ng may anyo ng taong kagaya ng sa Kanya, sa lahat ng nagtataglay ng pagkatao, Siya lamang ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao—lahat ng iba pa ay mga taong nilikha. Bagama’t lahat sila ay may pagkatao, walang ibang taglay ang mga nilikhang tao kundi pagkatao, samantalang ang Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba: Sa Kanyang katawang-tao ay hindi lamang Siya may pagkatao kundi, ang pinakamahalaga, mayroon Siyang pagka-Diyos. Ang Kanyang pagkatao ay makikita sa panlabas na anyo ng Kanyang katawang-tao at sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, ngunit ang Kanyang pagka-Diyos ay mahirap mahiwatigan. Dahil naipapahayag lamang ang Kanyang pagka-Diyos kapag Siya ay may pagkatao, at hindi higit-sa-karaniwan na tulad ng iniisip ng mga tao, napakahirap para sa mga tao na makita ito. Kahit ngayon, hirap na hirap ang mga tao na arukin kung ano ba mismo ang diwa ng nagkatawang-taong Diyos. Kahit matapos Akong bumigkas ng napakaraming salita, tingin Ko ay isa pa rin itong misteryo sa karamihan sa inyo. Sa katunayan, napakasimple ng isyung ito: Yamang naging tao ang Diyos, ang Kanyang diwa ay isang kombinasyon ng pagkatao at ng pagka-Diyos. Ang kombinasyong ito ay tinatawag na Diyos Mismo, ang Diyos Mismo sa lupa.
Ang buhay na ipinamuhay ni Jesus sa lupa ay isang normal na buhay ng katawang-tao. Namuhay Siya sa normal na pagkatao ng Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang awtoridad—na gawin ang Kanyang gawain at sambitin ang Kanyang salita, o pagalingin ang maysakit at palayasin ang mga demonyo, gawin ang gayong mga ekstraordinaryong bagay—ay halos hindi naipamalas hanggang sa simulan Niya ang Kanyang ministeryo. Ang Kanyang buhay bago mag-edad dalawampu’t siyam, bago Niya isinagawa ang Kanyang ministeryo, ay sapat nang patunay na isa lamang Siyang normal na katawang-tao ng laman. Dahil Siya ay isang normal na katawang-tao ng laman, at dahil hindi pa Niya nasimulang isagawa ang Kanyang ministeryo, walang nakita ang mga tao na anumang pagka-Diyos sa Kanya, wala silang nakitang higit pa sa isang normal na tao, isang ordinaryong tao—tulad noon, naniwala ang ilang tao na Siya ang anak ni Jose. Ang akala ng mga tao ay anak Siya ng isang ordinaryong tao, wala silang paraan para masabi na Siya ay ang nagkatawang-taong laman ng Diyos; kahit habang isinasagawa Niya ang Kanyang ministeryo ay nagsagawa Siya ng maraming tanda, sinabi pa rin ng karamihan sa mga tao na Siya ang anak ni Jose, sapagkat Siya ang Cristo na may anyo ng normal na pagkatao. Ang Kanyang normal na pagkatao at ang Kanyang gawain ay kapwa umiral upang matupad ang kabuluhan ng unang pagkakatawang-tao, upang patunayan na ang Diyos ay ganap na pumarito sa katawang-tao, na Siya ay naging ganap na ordinaryong tao. Na nagtataglay Siya ng normal na pagkatao bago Niya sinimulan ang Kanyang gawain ay patunay na Siya ay isang ordinaryong katawang-tao; at na Siya ay gumawa pagkatapos nito ay nagpatunay rin na Siya ay isang ordinaryong katawang-tao, sapagkat nagsagawa Siya ng mga tanda at himala, nagpagaling ng maysakit, at nagpalayas ng mga demonyo habang Siya ay nasa katawang-tao ng normal na pagkatao. Kaya Siya nakagawa ng mga tanda ay dahil ang Kanyang katawang-tao ay nagtataglay ng awtoridad ng Diyos, ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos. Taglay Niya ang awtoridad na ito dahil sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito nangangahulugan na Siya ay hindi isang katawang-tao. Ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang gawaing kailangan Niyang gampanan sa Kanyang ministeryo, isa itong pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos na nakatago sa Kanyang pagkatao, at anumang mga tanda ang Kanyang ipinakita o paano man Niya ipinamalas ang Kanyang awtoridad, namuhay pa rin Siya sa normal na pagkatao at isa pa ring normal na katawang-tao. Hanggang sa dumating sa punto na Siya ay nabuhay na mag-uli matapos mamatay sa krus, nanahan Siya sa loob ng normal na katawang-tao. Ang pagkakaloob ng biyaya, pagpapagaling ng maysakit, at pagpapalayas ng mga demonyo ay pawang bahagi ng Kanyang ministeryo, lahat ay gawaing Kanyang isinagawa sa Kanyang normal na katawang-tao. Bago Siya ipinako sa krus, hindi Siya kailanman umalis sa Kanyang laman ng normal na pagkatao, anuman ang Kanyang ginagawa. Siya ang Diyos Mismo, ginagawa ang sariling gawain ng Diyos, subalit dahil Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, Siya ay kumain ng pagkain at nagsuot ng damit, nagkaroon ng normal na mga pangangailangan ng tao, nagkaroon ng normal na katwiran ng tao, at normal na pag-iisip ng tao. Lahat ng ito ay patunay na Siya ay isang normal na tao, na nagpatunay na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay isang laman na may normal na pagkatao, hindi higit-sa-karaniwan. Ang Kanyang tungkulin ay kompletuhin ang gawain ng unang pagkakatawang-tao ng Diyos, tuparin ang ministeryong dapat isagawa ng Diyos sa Kanyang unang pagkakatawang-tao. Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na isinasagawa ng isang ordinaryo at normal na tao ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagka-Diyos sa pagkatao at sa gayon ay tinatalo si Satanas. Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging tao, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng katawang-tao ay ang gawain ng Espiritu, na naisasakatuparan sa katawang-tao, ipinapahayag ng katawang-tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang normal na taong ito, ang maaaring magpahayag ng gawain ng pagka-Diyos. Walang tao na maaaring humalili sa Kanya rito. Kung, noong una Siyang pumarito, hindi nagtaglay ang Diyos ng normal na pagkatao bago Siya nag-edad dalawampu’t siyam—kung sa sandaling isinilang Siya ay kaya na Niyang gumawa ng mga tanda at himala, kung noong Siya ay matutong magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung mula nang ipanganak ay kaya na Niyang maunawaan ang lahat ng makamundong usapin, makita ang mga iniisip ng bawat tao at kung ano ang nasa loob ng kanilang puso—hindi matatawag na isang normal na tao ang gayong tao, at hindi matatawag ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung ganoong uri ng tao si Cristo, mawawalan ng kabuluhan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Na nagtataglay Siya ng normal na pagkatao ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman; ang katunayan na sumailalim Siya sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapakita na Siya ay isang normal na katawang-tao; kung idadagdag pa rito ang Kanyang gawain, sapat na ang lahat ng ito para patunayan na Siya ang Salita ng Diyos, ang Espiritu ng Diyos, na naging katawang-tao. Ang Diyos ay nagkakatawang-tao dahil sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain; sa madaling salita, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang isagawa sa katawang-tao, ibig sabihin, kailangan itong gampanan sa normal na pagkatao. Ito ang paunang kailangan para sa “ang Salita ay naging tao,” para sa “ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at ito ang totoong kuwento ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Maaaring maniwala ang mga tao na nagsagawa si Jesus ng mga tanda sa buong buhay Niya, at na, hanggang sa matapos ang Kanyang gawain sa lupa ay wala Siyang ipinakitang tanda ng normal na pagkatao, na wala Siyang normal na mga pangangailangan ng tao o mga kahinaan o emosyon ng tao, hindi nangailangan ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay, at hindi nag-isip ng normal na mga kaisipan ng tao. Iniisip nila na mayroon lamang Siyang higit-sa-karaniwang isipan, isang nangingibabaw na pagkatao. Naniniwala sila na dahil Siya ang Diyos, hindi Siya dapat mag-isip at mamuhay na tulad ng mga normal na tao, na tanging isang normal na tao, isang tunay na tao, ang makakapag-isip ng normal na mga kaisipan ng tao at makakapamuhay ng isang normal na buhay ng tao. Lahat ng ito ay mga ideya ng tao at mga kuru-kuro ng tao, at ang mga kuru-kurong ito ay salungat sa orihinal na mga layunin ng gawain ng Diyos. Ang normal na pag-iisip ng tao ay nagpapanatili sa normal na katwiran ng tao at normal na pagkatao; ang normal na pagkatao lamang ang makasusuporta sa normal na mga paggana ng katawang-tao; at ang normal na mga paggana lamang ng katawang-tao ang makasisiguro na normal ang lahat ng parte ng buhay ng katawang-tao. Tanging sa pamamagitan ng paggawa sa gayong katawang-tao matutupad ng Diyos ang layunin ng Kanyang pagkakatawang-tao. Kung ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtaglay lamang ng panlabas na anyo ng laman, ngunit hindi nag-isip ng normal na mga kaisipan ng tao, ang katawang-taong ito ay hindi magtataglay ng katwiran ng tao, lalo pa ng tunay na pagkatao. Paano matutupad ng isang katawang-taong tulad nito, na walang pagkatao, ang ministeryong dapat isagawa ng Diyos na nagkatawang-tao? Ang normal na pag-iisip ay nagpapanatili sa lahat ng aspekto ng buhay ng tao; kung walang normal na pag-iisip, hindi magiging tao ang isang tao. Sa madaling salita, ang isang taong hindi nag-iisip ng normal na mga kaisipan ay may sakit sa pag-iisip, at ang isang Cristo na walang pagkatao kundi pagka-Diyos lamang ay hindi masasabing nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kaya, paanong mawawalan ng normal na pagkatao ang nagkatawang-taong laman ng Diyos? Hindi ba’t kalapastanganang sabihin na si Cristo ay walang pagkatao? Lahat ng aktibidad na ginagawa ng mga normal na tao ay nakasalalay sa paggana ng isang normal na pag-iisip ng tao. Kung wala ito, sasalungat sa likas na kaayusan ang mga tao; ni hindi nila masasabi ang pagkakaiba sa pagitan ng itim at puti, mabuti at masama; at hindi sila magkakaroon ng mga etika ng tao at mga prinsipyong moral. Gayundin, kung hindi nag-isip ang Diyos na nagkatawang-tao nang gaya ng isang normal na tao, hindi Siya isang tunay na katawang-tao, isang normal na katawang-tao. Ang gayong katawang-tao na hindi nag-iisip ay hinding-hindi makakayang magpasan ng gawain ng pagka-Diyos. Hindi Niya magagawang normal na gumawa ng mga aktibidad ng normal na katawang-tao, lalo pa ang mamuhay na kasama ng mga tao sa lupa. Kung gayon, ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ang pinakadiwa ng pagparito ng Diyos sa katawang-tao ay mawawala. Umiiral ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao para mapanatili ang normal na gawain ng pagka-Diyos sa katawang-tao; ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay nagpapanatili sa Kanyang normal na pagkatao at sumusuporta sa lahat ng Kanyang normal na aktibidad ng katawan. Masasabi na ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay umiiral upang mapanatili ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao. Kung ang katawang-taong ito ay hindi nagtaglay ng isang normal na pag-iisip ng tao, hindi maaaring gumawa ang Diyos sa katawang-tao, at hindi maaaring isakatuparan kailanman ang kailangan Niyang gawin sa katawang-tao. Bagama’t ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng normal na pag-iisip ng tao, ang Kanyang gawain ay hindi nahahaluan ng kaisipan ng tao; ginagawa Niya ang gawain sa pagkataong may normal na pag-iisip, sa ilalim ng kondisyon na magtaglay ng pagkataong may pag-iisip, hindi sa pamamagitan ng paggamit ng normal na kaisipan ng tao. Gaano man katayog ang mga kaisipan ng Kanyang katawang-tao, ang Kanyang gawain ay hindi nababahiran ng lohika o pag-iisip. Sa madaling salita, ang Kanyang gawain ay hindi nabubuo sa isipan ng Kanyang katawang-tao, kundi isang direktang pagpapahayag ng gawain ng pagka-Diyos sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang buong gawain ay ang ministeryong kailangan Niyang tuparin, at walang anuman dito ang inisip ng Kanyang utak. Halimbawa, ang pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagpapapako sa krus ay hindi mga produkto ng Kanyang pag-iisip bilang tao, at hindi maaaring makamtan ng sinumang tao na may pag-iisip ng tao. Gayundin, ang gawain ng panlulupig ngayon ay isang ministeryong kailangang isagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito ang kalooban ng tao, ito ang gawaing dapat gawin ng Kanyang pagka-Diyos, gawaing hindi kayang gawin ng sinumang taong may laman at dugo. Kaya ang Diyos na nagkatawang-tao ay kailangang magtaglay ng isang normal na pag-iisip ng tao, kailangang magtaglay ng normal na pagkatao, dahil kailangan Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa pagkataong may normal na pag-iisip. Ito ang diwa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pinakadiwa ng Diyos na nagkatawang-tao.
Bago isinagawa ni Jesus ang gawain, namuhay lamang Siya sa Kanyang normal na pagkatao. Walang sinumang makapagsabi na Siya ang Diyos, walang sinumang nakaalam na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; kilala lamang Siya ng mga tao bilang isang taong napakaordinaryo. Ang Kanyang normal na pagkatao—na labis na ordinaryo—ay patunay na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa laman, at na ang Kapanahunan ng Biyaya ang kapanahunan ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ang kapanahunan ng gawain ng Espiritu. Patunay ito na ang Espiritu ng Diyos ay ganap na naisasakatuparan sa katawang-tao, na sa kapanahunan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isasagawa ng Kanyang katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu. Ang Cristong may normal na pagkatao ay isang katawang-tao kung saan naisasakatuparan ang Espiritu, at nagtataglay ng normal na pagkatao, normal na katwiran, at pag-iisip ng tao. Ang “pagsasakatuparan” ay nangangahulugan na ang Diyos ay nagiging tao, ang Espiritu ay nagiging katawang-tao; para mas malinaw, ito ay kapag nanahan ang Diyos Mismo sa isang katawang may normal na pagkatao, at sa pamamagitan nito ay ipinapahayag Niya ang Kanyang gawain ng pagka-Diyos—ito ang ibig sabihin ng pagsasakatuparan, o magkatawang-tao. Sa una Niyang pagkakatawang-tao, kinailangan ng Diyos na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, dahil ang Kanyang gawain ay tumubos. Upang matubos ang buong lahi ng tao, kinailangan Niyang maging mahabagin at mapagpatawad. Ang gawaing Kanyang ginawa bago Siya ipinako sa krus ay ang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, na naghudyat ng Kanyang pagliligtas sa tao mula sa kasalanan at karumihan. Dahil ito ang Kapanahunan ng Biyaya, kinailangan Niyang pagalingin ang maysakit, sa pamamagitan niyon ay nagpapakita Siya ng mga tanda at himala, na kumatawan sa biyaya noong panahong iyon—sapagkat ang Kapanahunan ng Biyaya ay nakasentro sa pagkakaloob ng biyaya; ang kapayapaan, kagalakan, at materyal na mga pagpapala ay mga simbolo ng Kapanahunan ng Biyaya at ng pananalig ng mga tao kay Jesus noong panahong iyon. Ibig sabihin, ang pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagkakaloob ng biyaya ay mga likas na abilidad ng katawang-tao ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga ito ay gawain ng Espiritung naisasakatuparan sa katawang-tao. Ngunit habang nagsasagawa Siya ng gayong gawain, namuhay Siya sa katawang-tao, at hindi lumagpas sa katawang-tao. Anumang mga pagpapagaling ang Kanyang isinagawa, taglay pa rin Niya ang normal na pagkatao, namuhay pa rin Siya ng normal na buhay ng tao. Kaya Ko sinasabi na sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay isinagawa ng katawang-tao ang lahat ng gawain ng Espiritu, ay dahil anumang gawain ang Kanyang ginawa, ginawa Niya iyon sa katawang-tao. Ngunit dahil sa Kanyang gawain, hindi itinuring ng mga tao na ang Kanyang katawang-tao ay nagtataglay ng ganap na diwa ng katawang-tao, sapagkat ang katawang-taong ito ay kayang gumawa ng mga tanda, at sa mga partikular na espesyal na sandali ay kayang gumawa ng mga bagay na lagpas sa laman. Siyempre, lahat ng pangyayaring ito ay naganap pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, gaya ng pagtukso sa Kanya sa loob ng apatnapung araw o pagbabagong-anyo sa bundok. Kaya kay Jesus, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi natapos, kundi bahagi pa lamang ang natupad. Ang buhay na Kanyang ipinamuhay sa katawang-tao bago Siya nagsimula sa Kanyang gawain ay lubos na normal sa lahat ng aspekto. Matapos Niyang simulan ang gawain, pinanatili lamang Niya ang panlabas na anyo ng Kanyang katawang-tao. Dahil ang Kanyang gawain ay isang pagpapahayag ng pagka-Diyos, nahigitan nito ang normal na mga paggana ng laman. Kung tutuusin, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay iba sa mga taong may laman at dugo. Siyempre, sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, kinailangan Niya ng pagkain, damit, tulog, at tirahan. Ang Kanyang mga pang-araw-araw na pangangailangan ay normal sa lahat ng aspekto, at mayroon Siyang katwiran ng isang normal na tao, at nag-isip na gaya ng normal na tao. Itinuring pa rin Siya ng mga tao na isang normal na tao, kaya lamang ay labis na higit sa karaniwan ang gawaing Kanyang ginawa. Ang totoo, anuman ang Kanyang ginawa, namuhay Siya sa isang ordinaryo at normal na pagkatao, at habang mas panahon iyon ng paggampan Niya ng gawain, mas normal ang Kanyang katwiran at mas malinaw ang Kanyang mga kaisipan; nahigitan ng Kanyang katwiran at mga kaisipan ang katwiran at mga kaisipan ng sinupamang normal na tao. Kinailangan ng nagkatawang-taong Diyos na magkaroon ng ganito mismong pag-iisip at katwiran, sapagkat ang gawain ng pagka-Diyos ay kinailangang ipahayag ng isang katawang-tao na ang katwiran ay lubos na normal at na ang mga kaisipan ay napakalinaw—sa ganitong paraan lamang maipapahayag ng Kanyang katawang-tao ang gawain ng pagka-Diyos. Nabuhay si Jesus sa lupa sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon, at sa buong panahong ito ay pinanatili Niya ang Kanyang normal na pagkatao, ngunit dahil sa Kanyang gawain noong panahon ng Kanyang tatlo’t kalahating taon ng ministeryo, inakala ng mga tao na Siya ay lubhang higit-sa-karaniwan, na Siya ay lalo pang sobrenatural kaysa dati. Ang totoo, ang normal na pagkatao ni Jesus ay nanatiling di-nagbabago bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo; ang Kanyang pagkatao ay pareho hanggang katapusan, ngunit dahil sa pagkakaiba bago at pagkatapos Niyang simulan ang Kanyang ministeryo, dalawang magkaibang pananaw ang lumitaw tungkol sa Kanyang katawang-tao. Anuman ang isipin ng mga tao, pinanatili ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang orihinal at normal na pagkatao sa buong panahon, sapagkat mula nang magkatawang-tao ang Diyos, namuhay Siya sa katawang-tao, ang katawang-taong may normal na pagkatao. Isinasagawa man Niya noon ang Kanyang ministeryo o hindi, hindi maaaring mabura ang normal na pagkatao ng Kanyang katawang-tao, sapagkat ang pagkatao ang pangunahing diwa ng laman. Bago isinagawa ni Jesus ang Kanyang ministeryo, nanatiling ganap na normal ang Kanyang katawang-tao, ginagawa ang lahat ng ordinaryong aktibidad ng tao; kahit bahagya ay hindi Siya nagmukhang higit-sa-karaniwan, hindi nagpakita ng anumang mga tanda. Noon, isa lamang Siyang napakakaraniwang tao na sumasamba sa Diyos, bagama’t ang Kanyang paghahangad ay mas matapat, mas taos-puso kaysa kaninuman. Ganito nagpamalas ang Kanyang pagkatao, na lubos na normal. Dahil wala Siyang ginawang anumang gawain bago Niya sinimulan ang Kanyang ministeryo, walang sinumang nakabatid sa Kanyang pagkakakilanlan, walang sinumang makapagsabi na ang Kanyang katawang-tao ay naiiba sa lahat ng iba pa, sapagkat hindi Siya nagpakita ng kahit isang tanda, hindi Siya nagsagawa ng kahit katiting ng sariling gawain ng Diyos. Gayumpaman, matapos Niyang simulang isagawa ang Kanyang ministeryo, pinanatili Niya ang panlabas na anyo ng normal na pagkatao at namuhay pa rin nang may normal na katwiran ng tao, ngunit dahil sa nasimulan na Niyang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, balikatin ang ministeryo ni Cristo, at gawin ang gawaing hindi kaya ng mortal na mga nilalang, mga taong may laman at dugo, inakala ng mga tao na wala Siyang normal na pagkatao at hindi isang ganap na normal na katawang-tao, kundi isang di-ganap na katawang-tao. Dahil sa gawaing Kanyang isinagawa, sinabi ng mga tao na Siya ay isang Diyos sa katawang-tao na walang normal na pagkatao. Walang-katotohanan ang gayong pagkaunawa, sapagkat hindi naarok ng mga tao ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang walang-katotohanang pagkaunawang ito ay umusbong mula sa katunayan na ang gawaing ipinahayag ng Diyos sa katawang-tao ay ang gawain ng pagka-Diyos, na ipinahayag sa isang katawang-tao na may normal na pagkatao. Ang Diyos ay nakabihis sa katawang-tao, nanahan sa loob ng katawang-tao, at ang Kanyang gawain sa Kanyang pagkatao ay nagpalabo sa pagiging normal ng Kanyang pagkatao. Dahil dito, naniwala ang mga tao na ang Diyos ay walang pagkatao kundi pagka-Diyos lamang.
Hindi tinapos ng Diyos sa una Niyang pagkakatawang-tao ang gawain ng pagkakatawang-tao; tinapos lamang Niya ang unang hakbang ng gawain na dapat gawin ng Diyos sa katawang-tao. Kaya, upang matapos ang gawain ng pagkakatawang-tao, minsan pang nagbalik sa katawang-tao ang Diyos, isinasabuhay ang lahat ng pagiging normal at pagiging praktikal ng katawang-tao, ibig sabihin, ipinapamalas ang Salita ng Diyos sa isang katawang-tao na napakanormal at napakaordinaryo, sa gayon ay tinatapos ang gawaing hindi pa Niya natatapos sa katawang-tao. Ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay may diwa na pareho sa diwa ng nauna, ngunit higit na mas praktikal Siya, higit na mas normal kaysa sa nauna. Dahil dito, ang pagdurusang tinitiis ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay higit kaysa sa pagdurusa ng nauna, ngunit ang pagdurusang ito ay resulta ng Kanyang ministeryo sa katawang-tao, na iba sa pagdurusa ng taong nagawang tiwali. Nagmumula rin ito sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Kanyang katawang-tao. Dahil isinasagawa Niya ang Kanyang ministeryo sa katawang-tao na lubos na normal at praktikal, kailangang magtiis ng matinding pagdurusa ang katawang-tao. Kapag mas normal at praktikal ang katawang-tao, mas magdurusa Siya sa pagsasagawa ng Kanyang ministeryo. Ang gawain ng Diyos ay ipinapahayag sa napakakaraniwang katawang-tao, nang walang anumang pagiging higit-sa-karaniwan. Dahil normal ang Kanyang katawang-tao at kailangan din nitong balikatin ang gawain ng pagliligtas ng tao, nagdurusa Siya nang mas matindi pa kaysa sa pagdurusa ng higit-sa-karaniwang katawang-tao—at lahat ng pagdurusang ito ay nagmumula sa pagiging praktikal at pagiging normal ng Kanyang katawang-tao. Mula sa pagdurusang napagdaanan ng dalawang nagkatawang-taong laman habang isinasagawa ang Kanilang mga ministeryo, makikita ng isang tao ang diwa ng nagkatawang-taong laman. Kapag mas normal ang katawang-tao, mas matinding pagdurusa ang kailangan Niyang tiisin habang ginagawa ang gawain; kapag mas praktikal ang katawang-taong gumagawa ng gawain, mas tumitindi ang mga kuru-kuro ng tao, at mas malaki ang sinusuong niyang panganib. Subalit, kapag mas praktikal ang katawang-tao, at mas taglay ng katawang-tao ang mga pangangailangan at ganap na katwiran ng isang normal na tao, mas may kapabilidad Siyang pasanin ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Si Jesus ay ipinako sa krus sa pamamagitan ng katawang-tao, at nagsilbi Siya bilang isang handog para sa kasalanan sa pamamagitan ng katawang-tao, ibig sabihin, sa pamamagitan ng isang katawang-taong may normal na pagkatao na ginapi Niya si Satanas at ganap na iniligtas ang tao mula sa krus. Sa pamamagitan ng isang ganap na katawang-tao na isinasagawa ng pangalawang nagkatawang-taong Diyos ang gawain ng panlulupig at tinatalo si Satanas. Ang isang katawang-tao lamang na ganap na normal at praktikal ang makakapagsagawa sa gawain ng panlulupig sa kabuuan nito at ang makapagbibigay ng isang makapangyarihang patotoo. Ibig sabihin, ang paglupig sa tao ay nakakamit ang epekto nito sa pamamagitan ng pagiging praktikal at pagiging normal ng Diyos sa katawang-tao, hindi sa pamamagitan ng higit-sa-karaniwang mga himala at paghahayag. Ang ministeryong isinasagawa ng Diyos na nagkatawang-taong ito ay ang magsalita, at sa pamamagitan ng pagsasalita Niya nilulupig at pineperpekto ang tao; sa madaling salita, ang gawain ng Espiritu na naisakatuparan sa katawang-tao ay ang magsalita at ang gawain ng katawang-tao ay ang magsalita, nang sa gayon ay nakakamit ang layon ng ganap na panlulupig, pagbubunyag, pagpeperpekto, at pagtitiwalag sa mga tao. At kaya, sa gawain ng panlulupig ganap na maisasakatuparan ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang gawain ng pagbabayad para sa mga kasalanan ng tao na ginampanan noong una ay simula lamang ng gawain ng pagkakatawang-tao; tanging ang katawang-taong nagsasagawa ng gawain ng panlulupig ang tatapos sa buong gawain ng pagkakatawang-tao. Sa kasarian, ang isa ay lalaki at ang isa pa ay babae, kaya nakokompleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at naiwawaksi ang mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos: Ang Diyos ay maaaring maging kapwa lalaki at babae, at sa diwa, ang Diyos na nagkatawang-tao ay walang kasarian. Nilikha Niya kapwa ang lalaki at babae, at para sa Kanya, walang pagkakahati ng kasarian. Sa yugtong ito ng gawain, hindi nagsasagawa ng mga tanda at himala ang Diyos, para makamit ng gawain ang mga resulta nito sa pamamagitan ng mga salita. Bukod pa riyan, ito ay dahil ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos sa pagkakataong ito ay hindi ang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi upang lupigin ang tao sa pamamagitan ng pagsasalita, na ibig sabihin ay na ang mga likas na abilidad na taglay ng nagkatawang-taong laman na ito ng Diyos ay ang sumambit ng mga salita at lupigin ang tao, hindi para magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Ang Kanyang gawain sa normal na pagkatao ay hindi ang gumawa ng mga tanda, hindi upang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi ang magsalita, kaya ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay mukhang mas normal sa mga tao kaysa sa una. Sa paningin ng mga tao, naging tao nga ang Diyos. Gayumpaman, iba itong Diyos na nagkatawang-tao kay Jesus na nagkatawang-tao, at kahit pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao, hindi Sila lubos na magkapareho. Si Jesus ay nagtaglay ng normal na pagkatao, ordinaryong pagkatao, ngunit palagi Siyang sinusundan ng maraming tanda at himala. Sa Diyos na ito na nagkatawang-tao, ang mga mata ng tao ay walang makikitang mga tanda o himala, walang pagpapagaling ng maysakit ni pagpapalayas ng mga demonyo, ni paglakad sa ibabaw ng dagat, ni pag-aayuno sa loob ng apatnapung araw…. Hindi Niya ginagawa ang gawaing pareho sa ginawa ni Jesus, hindi dahil, sa diwa, ang Kanyang katawang-tao ay iba kaysa kay Jesus, kundi dahil hindi ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang Kanyang ministeryo. Hindi Niya sinisira ang Kanyang sariling gawain, hindi Niya ginugulo ang Kanyang sariling gawain. Dahil nilulupig Niya ang tao sa pamamagitan ng Kanyang praktikal na mga salita, hindi na kailangan pang supilin ang tao gamit ang mga tanda, kaya ang yugtong ito ay upang tapusin ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang Diyos na nagkatawang-tao na nakikita mo ngayon ay ganap na isang katawang-tao, at walang anumang higit-sa-karaniwan tungkol sa Kanya. Siya ay nagkakasakit tulad ng iba, nangangailangan ng pagkain at damit tulad ng iba; Siya ay ganap na isang katawang-tao. Kung, sa pagkakataong ito, nagsagawa ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga tanda at himalang higit-sa-karaniwan, kung nagpagaling Siya ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, o magagawa Niyang pumatay gamit lang ang isang salita, paano maisasakatuparan ang gawain ng panlulupig? Paano mapapalaganap ang gawain sa mga bayan ng Hentil? Ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ay ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, iyon ang unang hakbang sa gawain ng pagtubos, at ngayong nailigtas na ng Diyos ang tao mula sa krus, hindi na Niya isinasagawa ang gawaing iyon. Kung, sa mga huling araw, nagpakita ang isang “Diyos” na kapareho ni Jesus, na nagpagaling ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, at ipinako sa krus para sa tao, ang “Diyos” na iyon, bagama’t kaparehong-kapareho ng inilarawang Diyos sa Bibliya at madaling matatanggap ng tao, sa diwa nito ay hindi magiging katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos, kundi ng isang masamang espiritu. Sapagkat prinsipyo ng gawain ng Diyos na hindi kailanman ulitin ang natapos na Niya. Kaya nga, ang gawain ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay iba sa gawain ng nauna. Sa mga huling araw, isinasakatuparan ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa isang ordinaryo at normal na katawang-tao; hindi Niya pinagagaling ang maysakit, hindi Siya ipapako sa krus para sa tao, kundi nagsasalita lamang ng mga salita sa katawang-tao, at nilulupig Niya ang tao sa katawang-tao. Ang gayong katawang-tao lamang ang katawang-tao ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong katawang-tao lamang ang makatatapos sa gawain ng Diyos sa katawang-tao.
Kung sa yugtong ito ay nagtitiis man ng pagdurusa o gumagampan ng Kanyang ministeryo ang nagkatawang-taong Diyos, ginagawa Niya ito upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao, sapagkat ito ang huling pagkakatawang-tao ng Diyos. Dalawang beses lamang maaaring magkatawang-tao ang Diyos. Hindi maaaring magkaroon ng pangatlong beses. Ang unang nagkatawang-taong Diyos ay lalaki, ang pangalawa ay babae, at kaya ang wangis ng katawang-tao ng Diyos ay nakokompleto sa isipan ng tao; bukod doon, natapos na ng dalawang pagkakatawang-tao ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Sa unang pagkakataon, nagtaglay ang Diyos na nagkatawang-tao ng normal na pagkatao upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Sa pagkakataong ito ay nagtataglay rin Siya ng normal na pagkatao, ngunit iba ang kahulugan ng pagkakatawang-taong ito: Ito ay mas malalim, at ang Kanyang gawain ay may mas malalim na kabuluhan. Ang dahilan kaya minsan pang naging tao ang Diyos ay upang gawing ganap ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Kapag lubos na nawakasan ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, ang buong kahulugan ng pagkakatawang-tao, ibig sabihin, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, ay makokompleto, at wala nang gawaing gagawin sa katawang-tao. Ibig sabihin, mula ngayon ay hindi na kailanman muling paparito ang Diyos sa katawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain. Ginagawa lamang ng Diyos ang gawain ng pagkakatawang-tao upang iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan. Sa madaling salita, kung hindi para sa kapakanan ng gawain, hinding-hindi paparito ang Diyos sa katawang-tao nang basta-basta. Sa pagparito sa katawang-tao upang gumawa, ipinapakita Niya kay Satanas na ang Diyos ay isang katawang-tao, isang normal na tao, isang ordinaryong tao—subalit kaya Niyang talunin ang mundo, talunin si Satanas, tubusin ang sangkatauhan, at lupigin ang sangkatauhan! Ang layon ng gawain ni Satanas ay ang gawing tiwali ang sangkatauhan, habang ang layon ng gawain ng Diyos ay ang iligtas ang sangkatauhan. Binibitag ni Satanas ang tao sa walang hanggang hukay, samantalang inililigtas siya ng Diyos mula rito. Ang mga tao ay pinasasamba ni Satanas sa sarili nito, samantalang isinasailalim sila ng Diyos sa Kanyang kapamahalaan, sapagkat Siya ang Lumikha. Ang mga resulta ng lahat ng gawaing ito ay nakakamit sa pamamagitan ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Sa diwa, ang Kanyang katawang-tao ay ang pagsasama ng pagkatao at pagka-Diyos, at nagtataglay ng normal na pagkatao. Kaya kung wala ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, hindi makakapagkamit ng mga resulta ang gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, at kung walang normal na pagkatao ang Kanyang katawang-tao, hindi pa rin makapagkakamit ang Kanyang gawain sa katawang-tao ng mga resulta. Ang diwa ng nagkatawang-taong Diyos ay na kailangan Siyang magtaglay ng normal na pagkatao; kung hindi, sasalungat ito sa orihinal na layunin ng Diyos sa pagkakatawang-tao.
Bakit Ko sinasabi na hindi nakompleto ang kahulugan ng pagkakatawang-tao sa gawain ni Jesus? Dahil ang Salita ay hindi lubos na naging tao. Ang ginawa ni Jesus ay isang bahagi lamang ng gawain ng Diyos sa katawang-tao; ginawa lamang Niya ang gawain ng pagtubos, at hindi Niya ginawa ang gawain ng lubusang pagkamit sa tao. Dahil dito, minsan pang naging tao ang Diyos sa mga huling araw. Ang yugtong ito ng gawain ay ginagawa rin sa isang ordinaryong katawang-tao; isinasagawa ito ng isang lubos na normal na tao, isang tao na ang pagkatao ay hindi higit-sa-karaniwan ni katiting. Sa madaling salita, ang Diyos ay naging isang ganap na tao; Siya ay isang taong ang pagkakakilanlan ay sa Diyos, isang ganap na tao, isang ganap na katawang-tao, na nagsasagawa ng gawain. Nakikita ng mga mata ng tao ang isang katawang may laman na hindi higit-sa-karaniwan kahit kaunti, isang lubhang ordinaryong taong nakapagsasalita ng wika ng langit, na hindi nagpapakita ng mga tanda, hindi gumagawa ng mga himala, lalo nang hindi naglalantad ng tunay na kuwento sa likod ng relihiyon sa malalaking bulwagan ng pagpupulong. Para sa mga tao, ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay tila lubos na hindi kagaya ng sa una, at tila wala man lang anumang pagkakatulad ang dalawa—walang anumang nasa gawain ng nauna ang makikita sa pagkakataong ito. Bagama’t ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay iba kaysa sa una, hindi niyan pinatutunayan na ang pinagmulan Nila ay hindi iisa. Pareho man ang Kanilang pinagmulan ay depende sa kalikasan ng gawaing ginawa ng mga katawang-taong ito, at hindi sa Kanilang panlabas na anyo. Sa tatlong yugto ng Kanyang gawain, dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos, at sa parehong pagkakataon ay nagsisimula ng isang bagong kapanahunan ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, nagsisimula ng panibagong gawain; pinupunan ng mga pagkakatawang-tao ang isa’t isa. Imposibleng matukoy ng mga mata ng tao na ang dalawang katawang-tao ay talagang iisa ang pinagmulan. Siyempre, lagpas ito sa kapasidad ng mata ng tao o ng isipan ng tao. Ngunit sa Kanilang diwa, Sila ay iisa, sapagkat ang Kanilang gawain ay mula sa iisang Espiritu. Nagmumula man ang dalawang nagkatawang-taong laman sa iisang pinagmulan ay hindi mapagpapasyahan ng panahon o ng lugar kung saan Sila isinilang, o ng iba pang gayong mga salik, kundi sa pamamagitan ng gawain ng pagka-Diyos na Kanilang ipinahayag. Ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay hindi nagsasagawa ng anuman sa gawaing ginawa ni Jesus, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa nakasanayan, kundi nagbubukas ng isang bagong daan sa bawat pagkakataon. Ang pangalawang pagkakatawang-tao ay hindi nilayong palalimin o patatagin ang impresyon sa isipan ng mga tao sa unang katawang-tao, kundi ang maging komplementaryo at magpabuti sa wangis ng unang katawang-tao sa kanilang mga isipan, palalimin ang pagkakilala ng tao sa Diyos, baliin ang lahat ng regulasyon na umiiral sa puso ng mga tao, at burahin ang mga walang-katotohanang wangis ng diyos sa kanilang puso. Masasabi na walang indibidwal na yugto ng sariling gawain ng Diyos ang makapagbibigay sa tao ng lubos na pagkakilala sa Kanya; bawat isa ay nagbibigay lamang ng isang bahagi, hindi ng kabuuan. Bagama’t ipinahayag na ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon, dahil sa limitadong abilidad ng tao na makaarok, hindi pa rin kompleto ang kanyang pagkakilala sa Diyos. Imposible na ganap na maipaliwanag ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos gamit ang wika ng tao. Kung gayon, paano pa lubos na maipapahayag ng iisang yugto ng Kanyang gawain ang Diyos? Siya ay gumagawa sa katawang-tao sa ilalim ng tabing ng Kanyang normal na pagkatao, at makikilala lamang Siya ng isang tao sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang panlabas na anyo. Pumaparito ang Diyos sa katawang-tao para tulutan ang tao na makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang iba’t ibang gawain, at hindi magkapareho ang lahat ng yugto ng Kanyang gawain. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ang tao ng buong pagkakilala sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi ito limitahan sa isang partikular na saklaw. Bagama’t magkaiba ang gawain ng dalawang nagkatawang-taong laman, ang diwa ng mga katawang-tao, at ang pinagmulan ng Kanilang gawain, ay magkapareho; kaya lamang ay umiiral Sila para isagawa ang dalawang magkaibang yugto ng gawain, at lumilitaw Sila sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ano’t anuman, iisa ang diwa at pinagmulan ng mga nagkatawang-taong laman ng Diyos—ito ay isang bagay na walang sinumang makapagkakaila.