Ang Kahalagahan ng Tamang Saloobin sa Iyong Tungkulin

Agosto 3, 2022

Ni Ella, ng Pilipinas

Noong Oktubre ng 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nagsimula akong aktibong dumalo sa mga pagtitipon at nakipagbahaginan tungkol sa aking pagkaunawa sa salita ng Diyos, at makalipas ang dalawang buwan, naging lider ako ng isang grupo ng pagtitipon. Naalala ko na sa unang beses na nag-host ako ng isang pagtitipon, pareho akong nasabik at kinabahan. Sabik akong gawin ang tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, pero natakot ako na kapag hindi ako nag-host nang maayos, baka maliitin ako ng mga kapatid. Inisip ko na napakaganda ng paraan ng pagho-host ng lider ko ng mga pagtitipon, kaya kung gagawin ko ito sa paraan niya, sigurado akong makakapag-host ako nang maayos sa pagtitipon, at pagkatapos ay pupurihin ako ng lider ko at titingalain ako ng mga kapatid. Kaya, nag-host ako ng pagtitipon sa pamamagitan ng paggaya sa pamamaraan ng lider ko. Nang tanungin ko ang mga kapatid, nakipag-usap sila sa akin, at nang magbahagi ako, sinabi nilang “Amen” at sumang-ayon. Pagkatapos ng pagtitipon, sinabi ng lider ko na maayos akong nakapag-host. Nakaramdam ako ng saya at pagmamalaki nang marinig ko ang papuri ng lider. Hindi nagtagal ay itinaas ako ng ranggo bilang diyakono ng pagdidilig. Sabik na sabik ako, at inisip kong tiyak na pakiramdam ng lider ay mayroon akong mahusay na kakayahan kaya ibinigay niya sa akin ang tungkuling ito. Noong una, hindi ko alam kung paano gampanan ang tungkulin, pero ayaw kong madismaya sa akin ang mga kapatid. Kaya, sa bawat pagtitipon, sinisikap kong hanapin ang mahahalagang bahagi na tinalakay ng salita ng Diyos. Sa ganoong paraan, magiging malinaw ang pagbabahagi ko at saklaw ang mga pangunahing punto, iisipin ng iba na mayroon akong mabuting pagkaunawa at lahat sila ay hahangaan ako. Pero pagkatapos ng pagbabahagi ko, nang pakinggan ko ang pagbabahaginan ng iba, napansin ko na ang pagbabahagi ko ay hindi gaanong malinaw. Labis akong nag-alala, at naisip na, “Ngayon walang mag-iisip na mahusay akong magbahagi, at ang atensyon ng lahat ay mapupunta sa mga taong mas magaling makipagbahaginan kaysa sa akin.” Natakot akong hindi ako titingalain ng mga kapatid, kaya nag-isip ako nang husto para makahanap ng mga paraan upang makapagbahagi nang mas maayos. Pero hindi ko mapakalma ang sarili ko nang sapat para pagnilayan ang salita ng Diyos. Habang mas lalo kong ginustong magbahagi nang maayos, mas pumangit ang pagbabahagi ko. Naisip ko, “Ano ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Madidismaya ba ang lider ko sa akin? Bakit hindi kasinglinaw ng sa iba ang pagbabahagi ko? Bakit napakahusay nilang magbahagi, at bakit ako hindi?” Masyado akong nadismaya, at gusto kong mas magsikap kaysa sa kanila at mahigitan sila.

Pagkaraan ng ilang buwan, dahil sa mga pangangailangan ng gawain, ipinadala ako para ipangaral ang ebanghelyo. Sa sandaling sumali ako sa grupo, tinanong ko kung sino ang lider ng grupo at sino ang lider ng iglesia. Naisip ko, hangga’t ginagawa ko ang aking makakaya, makukuha ko ang pagsang-ayon ng lider ng iglesia at posibleng gawin akong lider ng grupo. Sa ganoong paraan, mas maraming kapatid ang titingala sa akin. Sa aking pangangaral, madalas akong manalangin at umasa sa Diyos kapag may mga bagay na hindi ko nauunawaan. Pagkaraan ng sandaling panahon, nakakuha ako ng ilang magagandang resulta sa aking tungkulin, at labis itong nagpasaya sa akin. Pero nakonsensya rin ako dahil alam kong mali ang layunin ko. Gusto ko lamang tingalain ng iba, hindi gawin ang tungkulin ko nang maayos, pero pinagmasdan ng Diyos ang puso ko, at tiyak na kinasusuklaman ng Diyos ang aking paghahangad. Lumapit ako sa Diyos at nanalangin, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagtalikod sa aking maling layunin. Pagkatapos kong magdasal, medyo gumaan ang pakiramdam ko. Gayunpaman, madalas ko pa ring hindi sinasadyang hangarin na hikayatin ang mga tao na tumingala sa akin. Kapag nakikita kong mahusay na ginagawa ng iba ang kanilang mga tungkulin, gusto ko silang mahigitan. Alam kong mali ang mag-isip nang ganito, pero hindi ko mapigilan. Hindi ko mapakalma ang sarili ko nang sapat para gawin ang tungkulin ko. Lumala nang lumala ang kalagayan ko, at hindi ako naging epektibo sa aking tungkulin. Kalaunan, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan ako at gabayan ako sa pagbitaw sa maling layunin na ito. Isang araw, nakakita ako ng isang sipi ng salita ng Diyos sa isang video ng patotoo sa karanasan na nagbigay sa akin ng kaunting kaalaman sa sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mabigat sa kalooban na ginagampanan ng mga anticristo ang kanilang tungkulin para makakuha ng mga pagpapala. Itinatanong din nila kung magagawa ba nilang magpakitang-gilas at kung titingalain ba sila kapag gumanap sila ng tungkulin, at kung malalaman ba ng Itaas o ng Diyos kung gagampanan nila ang tungkuling ito. Ito ang lahat ng bagay na isinasaalang-alang nila kapag gumaganap sila ng isang tungkulin. Ang unang gusto nilang matiyak ay kung anong mga pakinabang ang maaari nilang makuha sa pagganap ng isang tungkulin at kung maaari ba silang pagpalain. Ito ang pinakamahalagang bagay sa kanila. Hindi nila kailanman iniisip kung paano isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at suklian ang pagmamahal ng Diyos, kung paano ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos nang sa gayon makamit ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos at ang kaligayahan. Hindi rin nila kailanman hinahangad na maunawaan ang katotohanan, o hinahanap kung paano lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon at isabuhay ang isang wangis ng tao. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga bagay na ito. Ang iniisip lang nila ay kung maaari ba silang pagpalain at magkamit ng mga pakinabang, kung paano magkaposisyon sa iglesia at sa karamihan, kung paano magkaroon ng katayuan, kung paano nila makukuha ang pagrespeto ng mga tao, at kung paano sila mamumukod-tangi at magiging pinakamahusay. Ayaw nilang maging mga ordinaryong tagasunod. Gusto nilang laging maging una sa iglesia, ang may huling salita, ang maging lider, at ang pakinggan sila ng lahat. Saka lamang sila makukuntento. Nakikita naman ninyo na ang puso ng mga anticristo ay nag-uumapaw sa mga bagay na ito. Tunay nga ba silang gumugugol para sa Diyos? Tunay nga ba silang gumaganap ng kanilang mga tungkulin bilang mga nilalang? (Hindi.) Kung gayon, ano ang gusto nilang gawin? (Ang humawak ng kapangyarihan.) Tama iyon. Sinasabi nila, ‘Para sa akin, gusto kong mahigitan ang lahat ng tao sa sekular na mundo. Kailangan na ako ang maging una sa anumang grupo. Ayaw kong pumangalawa lang, at hindi ako kailanman magiging isang sidekick. Gusto kong maging isang lider at ang may huling salita sa anumang grupo ng mga tao na kinabibilangan ko. Kung hindi ako ang may huling salita, hahanap ako ng paraan para kumbinsihin kayong lahat, para respetuhin ninyo akong lahat, at para piliin ninyo ako bilang lider. Sa sandaling may katayuan na ako, ako na ang may huling salita, kailangan nang makinig sa akin ang lahat. Kailangan na ninyong gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraang gusto ko, at kailangang mapasailalim kayo sa kontrol ko.’ Anumang tungkulin ang ginagampanan ng mga anticristo, sisikapin nilang ilagay ang sarili nila sa nakatataas na posisyon at mamahala. Hindi nila kayang maging kalmadong ordinaryong tagasunod kailanman. At ano ang pinakakinahuhumalingan nila? Iyon ay ang tumayo sa harap ng mga tao na inuutusan at pinagagalitan ang mga tao, ipinagagawa sa mga tao ang kanilang sinasabi. Hindi nila iniisip kailanman kung paano gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin—lalo nang hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan, habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, upang isagawa ang katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sa halip, nag-iisip sila nang husto ng mga paraan para mapatanyag ang sarili, para tumaas ang tingin sa kanila ng mga lider at itaas sila ng ranggo, upang sila mismo ay maging lider o manggagawa, at mamuno sa ibang mga tao. Ito ang pinag-iisipan at inaasam nila buong araw. Hindi pumapayag ang mga anticristo na pamunuan ng iba, ni hindi sila pumapayag na maging ordinaryong tagasunod, lalo nang manahimik na lamang habang tinutupad nila ang kanilang mga tungkulin nang walang nakukuhang atensyon. Anuman ang kanilang tungkulin, kung hindi sila maaaring maging bida, kung hindi sila maaaring maging mataas sa iba at maging lider, walang saysay para sa kanila na tuparin ang kanilang mga tungkulin, at nagiging negatibo at nagsisimulang tamarin. Kung walang papuri o paghanga ng iba, lalong hindi ito interesante sa kanila, at lalong wala silang pagnanais na tuparin ang kanilang mga tungkulin. Ngunit kung maaari silang maging bida habang tinutupad nila ang kanilang mga tungkulin at sila ang may huling salita, lumalakas sila, at handang danasin ang anumang paghihirap. Palagi silang may personal na mga motibo sa pagganap sa kanilang tungkulin, at gusto nila na palagi silang mas angat sa iba bilang paraan upang mabigyang-kasiyahan ang pangangailangan nilang mahigitan ang iba, at matupad ang kanilang mga hangarin at ambisyon(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikapitong Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo).

Matapos basahin ang salita ng Diyos, naisip ko agad ang lahat ng nagawa ko. Pakiramdam ko, lahat ng saloobin at kilos ko ay nalantad sa liwanag. Inihayag ng salita ng Diyos na sa isang tungkulin, hindi kailanman iniisip ng mga anticristo kung paano hangarin ang katotohanan para gawin nang maayos ang kanilang tungkulin. Sa halip, hinahangad nila ang mataas na katayuan at gustong pamunuan ang iba. Hindi nila hinahayaan ang iba na mahigitan sila, at tinatahak nila ang landas ng paglaban sa Diyos. Ginunita ko ang lahat ng iba’t ibang pagpapamalas ko na kapareho ng sa mga anticristo: Sa sandaling nagsimula ako sa tungkulin ko, ninais kong tingalain at purihin ng lahat, kaya ginaya ko ang lider ko kapag nagho-host ako ng mga pagtitipon. Pagkatapos kong maging diyakono ng pagdidilig, nagsikap ako nang husto sa pagninilay sa salita ng Diyos sa bawat pagtitipon, umaasang makapagbahagi nang malinaw, at masabi ng lahat na ang pagbabahagi ko ay maganda at nagbibigay-liwanag. Matapos ipalaganap ang ebanghelyo, hindi ko inisip kung paano tutuparin ang tungkulin ko na mapalugod ang Diyos. Sa halip, tinanong ko muna kung sino ang lider ng grupo at lider ng iglesia, umaasang mapipili ako bilang lider ng grupo sa sarili kong pagsisikap. Ginawa ko ang makakaya ko para magpakitang-gilas sa harap ng mga kapatid, at inihambing sa kanila ang pagiging epektibo ko sa aking tungkulin. Nang makita kong ginagawa nang maayos ng iba ang kanilang tungkulin, nainggit ako, at ginusto kong mahigitan sila at maging pinakamahusay. Lahat ng ginawa ko ay para sa reputasyon at katayuan ko, at lahat ng ito ay pagsisikap na matugunan ang likas na pagiging mapagkumpitensya ko. Paanong hindi kasusuklaman ng Diyos ang paghahangad ko? Ang tungkulin ay isang atas mula sa Diyos, at ito ay obligasyon at responsibilidad natin, pero itinuring ko ito na parang sarili kong karera. Ginamit ko ang tungkulin ko para maghangad ng katayuan at makuha ang layon kong mapatingala sa akin ang mga tao. Paano magiging nakaayon sa kalooban ng Diyos ang pagkikimkim ng mga layuning ito sa aking tungkulin? Kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging napakatiwali. Ayaw ko nang mamuhay nang ganito. Gusto kong magbago.

Makalipas ang ilang araw, inilipat ako sa ibang grupo ng ebanghelyo. Nang magsimula ako, gusto ko lang tumuon sa gawain ng ebanghelyo at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Napansin ko na ginagampanan nang maayos ng mga kapatid doon ang kanilang mga tungkulin. Kapag ipinapangaral ang ebanghelyo, napag-uusapan nila nang napakalinaw ang katotohanan ng gawain ng Diyos, at marami sa mga nakarinig ng ebanghelyo ay handang hanapin at siyasatin ito. Ang pangangaral ko ay medyo hindi epektibo, at ang pagbabahagi ko tungkol sa katotohanan ay hindi malinaw, kaya sa unang pagkakataon, nakaramdam ako ng panliliit. Unti-unti, hindi na ako naging mayabang gaya ng dati. Hindi na ako naglakas-loob na tingalain ang sarili ko, at ayaw ko nang hangarin na tingalain ako ng iba. Noong una, akala ko nagbago na ako nang kaunti, pero nang makita ko ang mga kapatid na pinupuri sa maayos na pagganap ng kanilang mga tungkulin, muling nabunyag ang katiwalian ko. Gusto ko ring purihin at tingalain ng mga kapatid. Kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, nagkukumahog kong iniimbitahan ang mga tao na makinig sa mga sermon, pero hindi ko sinusubukang alamin kung totoong naniniwala sila sa Diyos o kung natutugunan nila ang mga hinihingi sa pag-eebanghelyo. Dahil dito, naanyayahan ko ang ilang walang pananampalataya na makinig sa mga sermon, at hindi nagtagal, umalis sila sa grupo ng pagtitipon. Labis akong nalungkot, at naisip ko, “Bakit ganito? Hindi epektibo ang paggawa ko sa tungkulin ko. Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Iisipin ba nilang mas mababa ako sa kanila?” Sa mga araw na iyon, napakanegatibo ko, at gusto kong umiyak sa mga pagtitipon, pero lagi kong naaalala ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Hindi ba ninyo nababatid na lagi Akong nagsasalita tungkol sa mga bagay nang hindi nagpapaliguy-ligoy sa Aking mga salita? Bakit patuloy kayong nagiging mahina, manhid at mapurol ang isip? Dapat ninyong higit na siyasatin ang inyong mga sarili, at dapat ninyong dalasan ang paglapit sa Akin kung mayroon man kayong hindi nauunawaan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 63). Pinaalalahanan ako ng salita ng Diyos na dapat kong pagnilayan at suriin kung mayroon akong mga maling layunin sa tungkulin ko. Sa pagninilay-nilay, napagtanto kong bumalik ang dati kong problema: Gusto kong makuha ang atensyon at mataas na pagtingin ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa nang maayos sa tungkulin ko. Nang matanto ko ito, nabagabag ako. Bakit napakatindi ng pagnanais ko sa katayuan at napakalalim ng aking katiwalian? Ang mas malala pa, manhid ako rito. Hindi ko man lang namalayan na mali ang kalagayan ko.

Isang beses, tinalakay ko ang kalagayan ko sa isang sister, pinadalhan niya ako ng sipi ng salita ng Diyos. Sa wakas ay nagkamit ako ng kaunting pagkakilala sa sarili ko pagkatapos kong basahin ito. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at umiikot sa kanila. Gusto nilang magkaroon ng katayuan sa isipan ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Suriin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito: Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at hambog. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin sila, at magkaroon ng katayuan sa kanilang isipan. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang salita ng Diyos, nagsimula akong magnilay sa sarili ko. Sinasabi ng Diyos na gusto ni Pablo na sinasamba siya ng mga tao at pumapaligid sa kanya, na gusto niyang magkaroon ng katayuan sa puso ng iba, at gustong pagtuunan ng iba ang kanyang imahe. Gusto ko ring tingalain ako ng mga kapatid. Sa mga pagtitipon, gusto kong mas mahusay na magbahagi kaysa sa iba. Sa tungkulin ko, kapag nakikita ko ang iba na mas magaling gumawa kaysa sa akin, lumilitaw ang likas kong pagiging mapagkumpitensiya. Gusto ko silang mahigitan. Lahat ng sinabi at ginawa ko ay puno ng ambisyon at pagnanais, at napakayabang ng disposisyon ko. Ang mga layunin at pag-uugali ko ay kapareho ng kay Pablo. Mapagmalaki at mayabang ang kalikasan ni Pablo. Hindi niya sinamba ang Diyos, nagpakitang-gilas siya at nagpatotoo sa kanyang sarili kahit saan, hinangad niyang mapatingala at mapasamba sa kanya ang iba, at ginusto niyang magkaroon ng puwang sa puso ng ibang tao. Ganoon din ako. Anuman ang tungkuling ginampanan ko, lahat ng ginawa ko ay para sa katanyagan at katayuan, hindi para tuparin ang tungkulin kong mapalugod ang Diyos. Ang paghahangad gaya ng ginawa ko ay paglaban sa Diyos at kinondena ng Diyos. Ang paghahangad ng katayuan ay hindi lamang para makakuha ng posisyon o titulo. Ang layon ay magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao, at para sambahin ka ng iba. Gaya ng sinasabi ng Diyos, “Ito ang klasikong larawan ni Satanas.” Nakakatakot talaga! Upang lubos na hangaan ng iba, naghangad ako ng madaliang tagumpay sa tungkulin ko, at ipinangaral ang ebanghelyo nang walang mga prinsipyo, na nagdala sa ilang walang pananampalataya sa grupo ng pagtitipon at inaksaya ang oras at lakas ng mga nag-eebanghelyo. Kung nakapasok ang mga taong ito sa iglesia, nagambala sana nila ang gawain ng iglesia, na mas masahol pa. Seryoso ang diwa ng problemang ito! Kung hindi ako magsisisi at magbabago, tiyak na kapopootan ako ng Diyos, kaya ayaw ko nang hangarin ang katayuan at ang mataas na pagtingin ng iba.

Sa sumunod na mga pagtitipon, nakinig akong mabuti sa pagbabahaginan ng mga kapatid at nakitang masigasig na ginagawa nang maayos ng lahat ang kanilang tungkulin. May isang sister na ang karanasan ay nakakaantig para sa akin. Ibinahagi niya kung paano siya umasa sa Diyos para malampasan ang mga paghihirap sa kanyang mga tungkulin at kung paano niya ipinalaganap ang ebanghelyo. Pagkatapos kong marinig ito, tinanong ko ang sarili ko, “Sineseryoso ko ba ang tungkulin ko? Nagsasagawa ba ako ayon sa salita ng Diyos? Lahat ng iba ay may praktikal na karanasan at patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan sa iba’t ibang kapaligiran. Bakit wala ako nito? Bakit hindi ko layunin na gampanan nang maayos ang tungkulin ko?” Sobrang nakonsensya ako. Binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong gawin ang isang tungkulin, pero hindi ko ito sineryoso o ginampanan nang maayos. Sa halip na magtrabaho nang maayos, buong-puso kong hinangad ang paghanga ng mga tao. Hindi talaga ako karapat-dapat sa pagtataas at biyaya ng Diyos. Noong panahong iyon, seryoso kong pinagnilayan ang sarili ko, at naalala ko rin ang karanasan ni Pedro. Hindi kailanman nagpakitang-gilas si Pedro o naghangad na tingalain ng iba. Tumuon siya sa paghahanap ng katotohanan sa lahat ng bagay, pagninilay-nilay sa sarili niyang katiwalian, at pagbabago ng kanyang disposisyon sa buhay. Tinahak niya ang isang matagumpay na landas ng pananalig sa Diyos. Gusto ko ring maghangad ng pagbabago ng disposisyon, kaya madalas akong manalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagkilala sa sarili ko. Sa tuwing hinahangad ko ang paghanga ng mga tao, sadya kong tinatalikdan ang aking mga maling layunin, dahil gusto kong takasan ang aking tiwaling disposisyon at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kung ginawa kang hangal ng Diyos, kung gayon ay may katuturan sa iyong kahangalan; kung ginawa ka Niyang matalino, kung gayon ay may katuturan sa iyong katalinuhan. Anumang kadalubhasaan ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, anuman ang iyong mga kalakasan, gaano man kataas ang iyong IQ, lahat ng ito ay may layon para sa Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Ang papel na ginagampanan mo sa iyong buhay at ang tungkuling tinutupad mo ay matagal na panahon nang paunang itinalaga ng Diyos. Ang ilang tao ay nakikita na ang iba ay nagtataglay ng kadalubhasaan na wala sila at hindi sila kontento. Gusto nilang baguhin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral, ibayong pagtuklas, at pagiging mas masikap. Ngunit may limitasyon ang maaaring matamo ng kanilang sigasig, at hindi nila mahihigitan ang mga may kaloob at kadalubhasaan. Gaano ka man lumaban, wala itong saysay. Inorden ng Diyos kung magiging ano ka, at walang magagawa ang sinuman para baguhin ito. Saan ka man magaling, doon ka dapat magsumikap. Anuman ang tungkuling nababagay sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gampanan. Huwag mong subukang ipilit ang iyong sarili sa mga larangang hindi saklaw ng iyong mga kasanayan at huwag mainggit sa iba. May kanya-kanyang tungkulin ang bawat tao. Huwag mong isiping magagawa mo ang lahat nang mabuti, o na mas perpekto ka o mas mahusay kaysa sa iba, na laging gustong palitan ang iba at ibida ang sarili. Isa itong tiwaling disposisyon. May mga nag-iisip na hindi sila mahusay sa anumang bagay, at na wala talaga silang mga kasanayan. Kung ganoon ang kaso, kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at sumusunod sa isang praktikal na paraan. Gawin mo ang makakaya mo at gawin ito nang maayos, nang buong lakas mo. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos(“Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Naintindihan ko na pagod na pagod ako at dumaan sa labis na paghihirap lahat dahil hindi ko ibinuhos ang lakas ko sa paggawa ng aking tungkulin. Sa halip, ginamit ko ito para maghangad ng reputasyon at katayuan. Mataas man o mababa ang kakayahan ng isang tao, anong uri man ng mga talento at mga kaloob ang mayroon siya, at kung ano ang papel na ginagampanan niya ay pauna nang itinalaga lahat ng Diyos. Gusto ng Diyos na gawin natin ang lahat ng ating makakaya sa saklaw ng sarili nating abilidad. Hindi Niya hinihingi sa atin na mamukod-tangi mula sa karamihan at maging mas mataas sa iba. Bago pa man ako isilang, isinaayos na ng Diyos ang lahat para sa akin. Pauna nang itinalaga ng Diyos ang aking mga talento, kakayahan, mga kaloob, kung anong mga tungkulin ang nababagay ako, at lahat ng iba pa. Dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, manatili sa sarili kong posisyon, gawin ang makakaya ko sa praktikal na paraan, at gampanan nang maayos ang sarili kong tungkulin. Pagkatapos ng masusing pag-iisip, natanto kong wala akong anumang espesyal na kasanayan, pero ang kailangan ko lang gawin ay makinig sa salita ng Diyos, “Kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at sumusunod sa isang praktikal na paraan. Gawin mo ang makakaya mo at gawin ito nang maayos, nang buong lakas mo. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos.” Ngayon, handa na akong magsagawa ayon sa salita ng Diyos at taos-pusong gampanan ang aking tungkulin.

Minsan, nakita ko ang isang sister na napaka-epektibong ginagawa ang kanyang tungkulin. Nainggit ako at medyo nagselos. Naisip ko, “Paano niya ginagawa ito?” Naramdaman ko ang pagnanais na mahigitang muli ang kanyang pag-unlad, pero napagtanto kong inilalantad ko ang aking katiwalian, kaya nanalangin ako sa Diyos para talikdan ang aking sarili. Pagkatapos kong magdasal, naisip ko, “Lahat tayo ay may iba’t ibang papel na dapat gampanan, tulad ng isang makina na may iba’t ibang bahagi, at ang bawat bahagi ay may iba’t ibang silbi. Mayroon siyang mga kalakasan at nakakakamit ng magagandang resulta sa kanyang tungkulin. Isa itong magandang bagay. Hindi ko dapat ikumpara ang sarili ko sa kanya, dapat matuto ako sa kanya.” Pagkatapos niyon, sa tuwing ibinabahagi ng sister ang kanyang landas at mga nakakamit sa pagtupad ng kanyang tungkulin, nakikinig akong mabuti at nagsusulat ng note. Bumabaling din ako sa iba para sa karanasan sa gawain ng ebanghelyo. Sa mga pagtitipon, kinakalma ko ang sarili ko at pinagninilayan ang salita ng Diyos, nagbabahagi kung ano ang nauunawaan ko sa salita ng Diyos, at hindi na hinahangad na tingalain. Nang magsagawa ako nang ganito, unti-unting nabawasan ang pagnanais ko sa katayuan at reputasyon. Hindi na ako naiinggit gaya ng dati, at mas mahinahon at magaan na ang pakiramdam ko. Ang pagkakaroon ng ganitong kaalaman at pagsasagawa ay ganap na resultang natamo ng gawain ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sa Likod ng Katahimikan

Ni Li Zhi, TsinaHindi ako masyadong palasalita, at hindi ako madalas nagsasabi at nagsasalita mula sa puso. Akala ko iyon ay dahil sa...