Pagdurusa na May Malaking Halaga

Enero 24, 2022

Ang unang beses ay noong Hulyo 1, 1997. May hinihintay akong tao sa gilid ng kalsada habang dala ang dalawang kahon ng mga libro ng mga salita ng Diyos. Lumapit ang isang pulis at inutusan akong dalhin ang mga kahon sa isang police booth para sa inspeksyon. Talagang kinakabahan ako, at inisip ko, “Kapag nalaman ng mga pulis na nasa akin ang lahat ng mga libro ng mga salita ng Diyos na ito, anong pagpapahirap ang titiisin ko?” Tahimik akong nanalangin sa Diyos, hiniling sa Kanya na bantayan ang puso ko para magkaro’n ako ng pananalig na harapin ang sitwasyon. Binuksan ng pulis ang kahon pagkarating namin sa booth, kumuha ng isang lobro ng mga salita ng Diyos, at sinigawan ako habang binubuklat ito, nanlalaki ang mga mata, “Nangangahas kang subukang dalhin ang mga librong pang-relihiyong ito kahit sa harap ko pa? Ipapakita ko sa’yo ang hinahanap mo.” Tapos ay kinuha niya ang mga posas niya at nilagay ’yon sa akin, tapos ay kumuha ng isang gomang pamalo na isang metro ang haba at sinimulang paluin ang kanan kong hita gamit ’yon. Pakiramdam ko mababali ang buto ko sa hita at sumigaw ako dahil sa sakit. Nang makita niya akong gano’n, kinaladkad niya ako palabas at ipinosas ako sa isang sementong bakod sa ilalim ng tirik na araw. Matapos mabilad nang mga isang oras, tatlong pulis ang dumating at dinala ako sa County Public Security Sub-bureau. Pagdating namin doon, masungit akong tinanong ng isa sa mga pulis, “Taga-saan ka? Ano’ng pangalan mo? Sa’n nanggaling ang mga librong ito?” Sabi ko ihinahatid ko ang mga ’yon para sa ibang tao at hindi ko alam kung saan galing ang mga iyon. Nagalit siya at tumayo, tapos ay hinampas ang mesa, lumapit sa akin at sinapak ako nang talagang malakas, tapos ay pinatumba ako sa isang sipa, at marahas na sinabi, “Sabihin mo sa amin kung naggaling ang mga libro, kung hindi ay ako mismo ang papatay sa iyo sa bugbog!” Isa pang pulis ang kumaladkad sa akin habang hila ang buhok ko at nagbabantang sinabi, “Mas mabuting magpakabait ka. Pag hindi mo sinabi sa amin ang kailangan naming malaman, makukuha mo ang nararapat sa iyo.” Nang nanatili akong tahimik, hinampas niya ang kamay niya sa mesa at sumigaw, “Hindi ako nag-aalala tungkol sa pananahimik mo. Puwede ka naming ipakulong na lang at iyon na ang magiging katapusan mo.” Tapos ay kinindatan niya ang iba, na nagmamadaling lumapit, sinipa ako hanggang matumba, tapos ay kinuyog ako, naninipa at nanununtok. Sa sobrang sakit, pakiramdam ko mababali na ang mga buto ko at may matinding sakit sa buong katawan ko. Tapos ay hinila ako sa kuwelyo ng isang pulis habang hawak ng isa pa ang gomang pamalo sa likod ng ulo ko habang nang-aakit na sinabi, “Magsalita ka na lang, dahil hindi naman iyo ang mga librong ito, bakit kailangan mo pang akuin ang sisi? Kung hindi, hahantong ka lang sa pagkakakulong. Ayaw mo bang makasama ang asawa at anak mo? Ang kailangan mo lang gawin ay kausapin kami, at iuuwi ka na namin ngayong hapon.” Hindi ako kumibot maski isang salita, kaya nagpatuloy siya sa pagsasabing, “Huwag kang maging tanga. Kahit hindi ka magsalita, sasabihin namin na ipinagtapat mo ang lahat, at hindi ka na gugustuhin ng iglesia mo matapos kang makalaya.” Naisip ko, “Nakikita ng Diyos ang lahat, at malalaman Niya kung isa akong Hudas o hindi. Pero kung hindi ako magsasalita, siguradong masesentensyahan akong makulong. Tatlong taon pa lang ang anak kong babae, kaya kung makukulong ako nang ilang taon, kakailanganin ng asawa ko na alagaan siya mag-isa. Magiging napakahirap no’n sa kanya. Pero magiging isa akong Hudas sa pakikipag-usap sa kanila, magiging pagkakanulo iyon sa Diyos.” Sa panloob na pagkalitong ito, walang tigil akong tumawag sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako. Tapos ay naalala ko ang himnong ito ng mga salita ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng kahirapan alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at katapatan ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan(“Dapat Mong Iwan ang Lahat para sa Katotohanan” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Inalerto ako ng mga salita ng Diyos na gustong gamitin ng ppulis ang mga emosyon ko para akitin ako na ipagkanulo ang Diyos at hindi ako puwdeng mahulog doon. Hindi ako puwedeng maging isang makakahiyang Hudas para sa kaunting ginhawa ng laman ng pamilya, sa halip kailangan kong tumayong saksi at palugurin ang Diyos. Naisip ko kung paanong ang Diyos ang Lumikha at nasa mga kamay Niya ang kinabukasan at tadhana ng lahat. Kung masesentensyahan man ako, paanong maaaring maghirap ang asawa’t anak ko, ay pinagpasyahang lahat ng Diyos. Walang mabuting magagawa ang lahat ng pag-aalala ko at pagkabalisa tungkol sa kanila. Binigyan ako ng diwa ng kapayapaan ng pagkatanto ko rito.

Nang manahimik ako, itinuro ng ilan sa kanila ang noo ko at malupit na sinabi, “Isa ka lang relihiyosong baliw, kasing-tigas ng ulo ng iba. Mukhang wala kaming mapagpipilian bukod sa ipakulong. Tatanungin uli kita nang isang beses—magsasalita ka ba, o hindi?” Sabi ko, “Nasabi ko na sa inyo ang lahat ng kailangan kong sabihin. Puwede kayong magtanong nang isandaang beses pa at gano’n din ang sasabihin ko.” Galit niyang sinabi sa dalawang iba pa, “Dalhin niyo siya sa patyo at hayaan niyong maluto siya sa araw hanggang sa mamatay.” Tapos ay ipinosas nila ako sa patyo sa ilalim ng direktang araw. Hulyo noon, kaya mainit talaga ang panahon at iniihaw ako ng araw hanggang sa puntong umaagos na ang pawis ko. Mas lalong masakit kapag dumadaloy ang pawis sa mga sugat sa katawan ko, saka isang grupo ng mga lamok ang kagat nang kagat sa akin sa mukha at paa. Talagang hindi kanais-nais ’yon. Umabot na ako sa hangganan ko, kaya walang-tigil akong tumawag sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pagpapasiya na magdusa para makatayong saksi ako. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos matapos manalangin: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Talagang nakakapagpaginhawa ito sa akin, at nakita ko na ginagamit ng Diyos ang mganitong uri ng malulupit na kapaligiran para gawing perpekto ang pananalig natin at ang pagpapasiya nating magdusa. Isa itong pagpapala mula sa Diyos. Mula alas-otso hanggang alas-dose noong araw na iyon, sa loob ng apat na oras, pinahirapan nila ako sa pamamagitan ng pangbubugbog sa akin, pagtatanong sa akin, pagbabanta at panunukso sa akin, at inakay ako sa Diyos sa lahat ng iyon. Sa gano’ng panahon, kailangan kong magkaroon ng mas maraming pananalig sa Diyos, at alam ko na gaano man nila ako pahirapan, kailangan kong tumayong saksi at palugurin ang Diyos. Nando’n ako sa loob nang apat na oras noong hapong iyon. Nauhaw ako at nagutom, at nakaramdam ng hilo.

Dinala nila ako sa isang kulungan matapos iyon, kung saan ako binigyan ng direktor ng as “espesyal na pagtrato.” Siniguro niyang sabihin sa lider ng selda, “‘Alagaan mong mabuti’ ang isang ito.” Tapos isang dosenang preso ang sumugod at pumalibot sa akin, nang nakataas sa ere ang mga kamao nila, at inutusan ako ng lider na hubarin ang damit ko. Punung-puno ako ng pasa, at may lumalabas pang dugo ang isa sa mga sugat ko sa binti ko. Kumuha ng mga batya ng malamig na tubig ang ilan sa kanila at isinaboy iyon sa akin, at kumuha ng sabong panglaba at ikinuskos iyon sa likod ko, dahilan para humapdi ang mga sugat ko, na para akong sinasaksak. Tapos pinatayo nila ako nang nakadikit sa dingding habang nakataas nang diretso ang mga kamay ko at nakabuka ang mga mata at bibig habang sinasabuyan nila ako ng mas maraming malamig na tubig. Napupuno na ng tubig ang bibig at ilong ko, at sa sobrang pagkasamid ko, parang umiikot na ang mundo. Muntik na akong himatayin. Pinatayo uli nila ako nang diretso at malakas na sinuntok sa dibdib nang tatlong beses habang sumisigaw ng, “Pangdurog ng puso!” Bago ako magkaro’n ng pagkakataong makabawi mula sa sakit, sinuntok nila ako sa likod nang ilan lang beses. Hindi ko napigil na matumba sa sahig, at umabot hanggang sa mga buto ko ang sakit sa likod at dibdib ko. Ayaw pa rin akong pakawalan ng lider, pero hinayaan akong panatilihin ang isang kamay ko sa sahig habang saklang niya ang likod ko at pinapuwesto ako na parang eroplano at pinaikot. Isang bilog lang nagawa ko bago ako bumagsak. Tapos hinila ako patayo ng isa pang preso at tumatawang sinabi, “Tingnan mo ang sarili mo, tatlong pagkilos lang namin ang kaya mo. Kung susubukan namin sa iyo ang lahat ng 108 na mga iyon, siguradong tapos ka na.” Nakakatakot na marinig ito, at naisip ko, “Muntik ko nang ikamatay ang tatlong iyon palang. Kung mayroon silang 108, imposibleng mabuhay ako matapos iyon. Siguro talagang papatayin nila ako sa bugbog dito?” Hindi ko napigil ang mga luha ko sa isiping iyon. Sa pagdurusa ko, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting kaisipan, iyon ay dahil nalinlang sila ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng hiya. Habang nahaharap sa mga katunayan, nakita ko ang pangit na katotohanan na duwag ako at kulang sa pananalig. Pinaghaharian ng Diyos ang lahat, pati na ang buhay natin at kamatayan. Wala na sa kanila kung papatayin nila ako sa bugbog, nasa sa Diyos na iyon. Alam kong kailangan kong maniwala na nasa mga kamay ng Diyos ang lahat at hindi ako dapat mahulog sa mga panlalansi ni Satanas. Sa gulat ko, nang maisaayos ko na ang pag-iisip ko, walang interes na sinabi ng lider, “Kalimutan niyo na, ba’t pa tayo magpapagod?” Dahil dito, nakahinga ako at nagpasalamat sa Diyos.

Matapos ang ilang araw, habang natutulog ako nang tanghali, Bigla akong nakaramdam ng matinding sakit sa likod ko. Iminulat ko ang mga mata ko at nakita ko na apat sa mga preso ang nagsindi ng balot na plastik mula sa isang karton ng sigarilyo at idinikit iyon sa likod ko. Nagpagulung-gulong ako sa sakit, at naisip ko, “Ginagamit ng pulis ang mga preso para gantihan ako, para pilitin akong ipagkanulo ang Diyos! Napakasama! Kapag nagpatuloy ito, kung hindi ako mamatay, hahantong ako sa pagkabaldado.” Habang lalo ko iyong iniisip, mas lalo akong nakaramdam ng hindi kanais-nais at kahinaan. Paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, Hinihiling sa Kanya na gabayan ako na magkaroon ng pagpapasiya na malagpasan ito. Tapos naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Ginagamit ng Partido Komunista ang bawat posibleng taktika para pisikal akong pahirapan para ipagkanulo ko ang Diyos, at hindi ko iyon dapat hayaang magtagumpay. Kung handa akong isakripisyo ang buhay ko, mayroon bang anuman na hindi ko mapagdurusahan? Naghahari sa lahat ang Diyos, kaya nasa sa Kanya kung mabubuhay ako o mamamatay. Naisip ko kung paanong nang gumagawa ang Panginoong Jesus at apat na araw nang patay si Lazaro—nagsisimula na ngang mabulok ang katawan niya, pero muli siyang binuhay ng Panginoong Jesus gamit ang ilang salita. Isa iyong pagpapakita ng awtoridad ng Diyos. Handa na akong ilagay ang aking sarili sa mga kamay ng Diyos, at kung mabuhay ako matapos iyon, ibabahagi ko pa rin ang ebanghelyo ng Diyos upang palugurin Siya. Nang magpasiya akong handa akong ibigay ang buhay ko, isinaayos ng Diyos ang mga bagay upang magbukas ng daan para sa akin. Pinalaya ako noong hapon ng Hulyo 21. Pagdating ko sa bahay, nalaman ko na nagpadulas ang asawa ko ng 1,200 yuan, gamit ang isang koneksyon, at inilabas ako. Sa loob lang ng 20 araw, pinahirapan ako hanggang sa puntong maging buto’t balat na lang ako. Sa edad na mahigit kuwarenta, mukha na akong matanda na may edad na 60 o 70. Alam kong nakaligtas lang ako dahil sa proteksyon ng Diyos at pinasalamatan ko Siya mula sa puso ko.

Noong Marso 27, 2003 iyon. Kababalik ko lang sa bahay ng host ko matapos lumabas at magbahagi ng ebanghelyo. Hindi nagtagal, anim na pulis ang biglang pumasok sa pinto. Bago ako makatugon, ipinosas ng isa sa kanila ang mga kamay ko sa likod ko. Sinipa niya ako sa lupa, at nagsimula silang paulit-ulit na kuryentehin ako gamit ang mga de-kuryenteng batuta habang walang tigil akong sinisipa. Hindi nagtagal, nagbula ang bibig ko, at malabo kong narinig ang isang pulis na nagsasabing, “Buwisit ka, nagpapanggap kang patay!” Tapos nilagay niya sa ibabaw ng bibig ko ang mabaho niyang balat na sapatos at idiniin ang sakong niya nang ilang beses. Nakaamoy ako ng malakas na amoy ng dugo at hindi nagtagal ay nawalan ng malay. Hindi ko alam kung ilang panahon ang lumipas bago ako nagising sa tunog ng mga sigaw ni Brother Guo. Naisip ko, “Masyado na nila kaming bigbog, at sino’ng nakakaalam kung ano’ng gagawin nila pag dinala nila kami sa istasyon ng pulis. Saka mayroon na akong record. Papatayin na ba nila ako sa bugbog sa pagkakataong ito?” Natakot ako sa ideyang ito, kaya madali akong nanalangin sa Diyos. Naisip ko ang isang linya mula sa Kanyang mga salita: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Pinuno ako nito ng pananalig at lakas. Sa pag-iisip na nasa tabi ko ang Diyos, humupa ang naramdaman kong takot. Hinalughog ng mga pulis ang buong lugar at nakakita ng mahigit sa 130 kopya ng mga salita ng Diyos, saka ang pager ko at mahigit sa 200 yuan na cash, na lahat at kinuha nila. Inilagay nila kami sa isang police car at pagkatapos ay dinala kami sa istasyon ng pulisya ng bayan.

Kinabukasan mga ika-4 ng hapon, dumating ang isang Mr. Xu mula sa Criminal Police Brigade para tanungin ako kung kilala ko si Brother Guo at Xiaozhang, na namamahala sa mga gawain sa simbahan. Sinabi kong hindi. Tapos sinapak niya ako sa mukha at sinipa niya ako pababa sa lupa, at mabagsik na sinabi, “Titingnan ko kung gaano kahirap buksan ang bibig na ’yan! Ilang buwan na kitang binabantayan. Hindi ka nasentensiyahan noong nakaraan, pero sa pagkakataong ito, maski ang Municipal Party Committee, alam na kung ano ang nangyayari. Pag hindi ka nakipagtulungan, hindi mo na uli makikita kailanman ang pamilya mo o mga kaibigan.” Pagkatapos, isa pang pulis ang ilang beses na pumalo sa akin ng isang batuta. Nagngalit ang ngipin ni Mr. Xu at tinanong ako, “Saan nanggaling ang mga librong iyon? Paano mo nakilala ang mga taong ito?” Ang sagot ko ay, “Hindi ko alam kung saan nanggaling ang mga iyon at hindi ko kilala ang mga taong tinatanong niyo sa akin. Mag-isa ko lang na ibinabahagi ang ebanghelyo.” Matapos iyon, dinala nila ako sa County Public Security Bureau. Nakita ko ang lahat ng uri ng gamit sa pagpapahirap sa interrogation room doon: Mga de-kuryenteng batuta, gomang pamalo, posas, posas sa paa. Mayroon ding tiger bench. Natakot ako nang makita iyon. Tapos tinuro ni Mr. Xu si Mr. Zhang na namamahala sa Criminal Police Brigade at tinanong, “Alam mo ba kung sino iyon? Isa siya sa mga master interrogator sa Public Security Bureau, at nag-iikot siya at tinitingnan ang mahihirap na kaso Hinahangad naming makikipagtulungan ka sa amin at sabihin sa amin ang lahat tungkol sa nalalaman mo at kung saan ka nanggaling. Kung hindi, makukuha mo ang hinahanap mo!” Hindi ko mapigil na medyo kabahan, kaya nanalangin ako sa Diyos sa puso ko. Tapos sinigawan ako ni Mr. Xu, “Alam mong maaaresto ka dahil sa pagbabahagi ng ebanghelyo, kaya bakit mo ginawa iyon?” Sabi ko, “Iyon ang ipinag-uutos ng Diyos, at Sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng nilalang(Marcos 16:15). Sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tinutulungan namin ang iba na marinig ang tinig ng Diyos, tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at maligtas. Ito ay pagliligtas sa mga tao, isa itong kamangha-manghang bagay. Bakit kami gustong arestuhin ng Partido Komunista?” Galit niyang sinabi, “Walang Tagapagligtas sa mundong ito. Ang Partido Komunista ang Diyos. Ang Partido ang pumupuno sa mga tiyan niyo pero naniniwala kayo sa Diyos at naglilibot kayo para mangaral. Ito ay pagsalungat sa Partido at magagawa ka naming ituwid!” Nagalit ako nang marinig ang lahat ng mga kalapastanganang iyon, at sumagot ako, “Umiiral na ang Diyos simula pa noong una. Umabot sa dulo ng mundo ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus, at alam ito ng lahat. Kung mananampalataya tayong lahat, walang gagawa ng masasamang bagay …” Tapos kumindat si Mr. Zhang sa isa sa mga pulis na lumapit at sinapak ako sa mukha at sinipa ako pabagsak sa lupa, tapos mabagsik na nagsabi, “Buwisit, sinasabi mo pa sa amin ang ebanghelyo niyo!” Tapos kumuha siya ng isang gomang pamalo at sinimulan akong paluin na parang baliw gamit iyon. Nagsimulang tumunog sa lamesa ang pager ko noong sandaling iyon mismo, at agad akong kinabahan. Malamang isa iyong brother o sister. Agad na tinawagan ni Mr. Xu ang numero, pero ibinaba nila agad at dahan-dahan akong napakalma. Talagang nagalit siya nang hindi pumasok yung tawag at sinimulan akong sapakin sa parehong gilid ng mukha habang sinisigawan ako, “Sa tingin ko hindi ka lang nagbabahagi ng ebanghelyo. Sa tingin ko isa kang malaking lider sa iglesiang ito. Sabi nung lalakeng si Guo na pumasok kasama mo ay kilala ka niya, pero ipinipilit mo na hindi mo siya kilala. Kailangan mo lang ng dagdag na bugbog!” Tatlong pulis ang lumapit, sinipa ako, at nagsimulang sipain ako at tadyakan. Tinamaan ang tadyang ko ng dulo ng isa sa mga sapatos nila at sa sobrang sakit no’n ay hindi ako makahinga. Matapos ang ilang sandali na ganito, mabangis akong sinigawan ni Mr. Xu, “Talagang ayaw mong magsalita, pero kahit kasing-tigas ka man ng isang dyamante, ibubuka ko ’yang bibig mo!” Natakot ako nang makita ko kung gaano siya kabangis, at naisip ko, “Maaaring mapatay nila ako o malulumpo ako kapag nagpatuloy silang ganito. Ako ang pangunahing kumikita sa pamilya namin. Ano’ng ikabubuhay namin kung malumpo ako?” Nagsimula akong manghina sa ideyang ito, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at ng pagpapasiya na matagalan ang paghihirap na ito. Dumating sa akin ang mga salitang ito ng Diyos noong mga oras na iyon: “Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang tinugtog ni David ang lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nang nawala kay Job ang kanyang kawan na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Kapag naririnig niya ang tinig Ko, si Jehova, at nakikita ang Aking kaluwalhatian, si Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananampalataya. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananampalataya. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na naranasan ni Job ang mga pagsubok na ito at narinig ang tinig ng Diyos dahil mayroon siyang tunay na pananalig sa Diyos. Kaya ni Pedro na makatayong saksi para sa Diyos dahil din sa pananalig niya. Sinang-ayunan ng Diyos ang pananalig nila at pinagpala iyon. Pero sa tuwing nasa gano’ng uri ako ng sitwasyon, takot ako na mamatay sa bugbog, na maging lumpo. Inisip ko lang ang tungkol sa sarili kong mga personal na interes. Wala akong tunay na pananalig sa Diyos o ng pagpapasiya na dumanas ng paghihirap. Paano ko makikita ang mga gawa ng Diyos sa gano’ng paraan? Alam kong kailangan kong magkaro’n ng pananalig sa Diyos at ilagay ang lahat sa mga kamay Niya, at gaano man nila ako pahirapan, hindi ko kailanman maipagkakanulo ang Diyos o traydurin ang iba. Nakita nilang hindi pa rin ako nagsasalita, kaya dinala ako ng pulis sa isang kulungan at tinanong ako tuwing ilang araw. May mahigit sa 20 beses sa loob ng tatlong buwan. Sinubukan nila akong tuksuhin, pagbantaan ako, at brutal na bugbugin ako, at ppinahirapan ako sa lahat ng klase ng paraan. Binugbog nila ako hanggang sa bawat bahagi ko ay may pinsala na, sa loob at labas. Anumang hipo ay para kang kinukuryente. Halos hindi ko matiis ang sakit. At sa gabi, miserable ang paghiga, pero terible rin ang pagtayo. At nando’n din ang mental na pagpapahirap—palagi akong nagigising dahil sa mga bangungot.

Tapos may isang gabi noong kalagitnaan ng Hunyo na talagang tumatak sa alaala ko. Inilagay ako ng tatlong pulis sa isang police car at dinala ako sa isang malayong lugar matapos ang hindi mabilang na pagpapaikut-ikot. Ikinulong nila ako sa isang kuwarto sa ika-limang palapag na 70 o 80 square feet at sa labas ng bintana nakikita ko ang isang maliit na burol na may maraming puno. Tapos pumasok si Mr. Xu na may dalang maliit na de-kuryenteng batuta na mga 5 pulgada ang haba at nanunuyang sinabi, “Hoy, relihiyosong baliw, hindi ako nag-aalala na hindi ka magsasalita ngayong gabi. Kahit gawa pa ’yan sa bakal, pipilitin kong buksan ’yang bibig mo. Kahit gaano ka man sumigaw, walang makakarinig sa iyo. Kahit mapatay man kita sa bugbog, ililibing lang namin ang bangkay mo sa mga burol at walang ibang makakaalam.” Medyo natakot ako nang sinabi niya ito, at naisip ko, “Gagawin ng mga demonyong ito ang sinasabi nila. Talaga kayang papatayin nila ako sa bugbog ngayong gabi?” Nanalangin ako agad at isa pang sipi ng mga salita ng Diyos ang pumasok sa isip ko: “Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagkamasunurin ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagkamasunurin. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nakasalalay sa katapatan at pagkamasunurin ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananampalataya sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging masunurin hanggang sa huli(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Talagang napahiya ako nang maisip ko ang tungkol dito. Nang wala akong kinakaharap na anumang uri ng pagpapahirap, nangako ako sa salita tungkol sa pagtayong saksi at pagpapalugod sa Diyos, pero nang buhay at kamatayan na ang nakasalalay sa sitwasyon, ang sariling kaligtasan ko lang ang inisip ko. Hindi iyon pagpapasakop sa Diyos o pagiging matapat. Mas lalo akong nakonsiyensya at nagsisi habang lalo ko iyong iniisip at alam kong hindi ko na maaaring biguin ang Diyos, sa halip ay pasiyahin Siya sa pagkakataong ito. Kaya sinabi ko sa kanila, “Matagal niyo na akong tinatanong. Nasabi ko na ang lahat ng kailangan kong sabihin. Puwede niyo akong patuloy na tanungin pero iyon na lahat ang sasabihin ko.” Galit akong pinatayo ng pulis nang naka-squat habang nakaunat ang mga braso ko at naglagay ng isang gomang pamalo sa gitna ng mga nakaunat kong kamay, at nagsabit sa bawat dulo ng isang bagay na mga isang libra ang bigat. Pattuloy akong kinukuryente ni Mr. Xu sa bibig gamit ang batuta niya, at palagi akong tinatanong, “Saan nanggaling ang mga libro niyo? Sino ang lider ng iglesia niyo?” Ang pangunguryente nang gano’n sa bibig ay nagpamanhid sa buong katawan ko at kumikibut-kibot ang mga gilid ng bibig ko. Sumisigaw ako sa sakit. Babad sa pawis ang damit ko sa loob lang nang wala pang limang minuto. Isang pulis sa likod ko ang paminsan-minsang sumisipa sa baluktot ng mga tuhod ko, dahilan para bumagsak ako sa lupa, tapos hihilahin nila ako patayo at patuloy akong uutusang mag-squat. Pinagsasalit-salitan nila ang pagpapahirap na ito at ang pagtatanong, at sinuntok nila ako sa ulo dahil sa hindi ko pagsasalita. Tinadyakan uli nila ako, sinuntok at sinipa ako. Nagbabantang sinabi ni Mr. Zhang, “Kapag wala kang sinabi sa aming anuman, papatayin ka namin sa bugbog at ililibing ka namin sa likod.” Naisip ko sa pagkakataong ito, “Kahit pa gawin nila iyon, hindi ako magsasalita.” Nang naramdaman kong handa na akong isuko ang buhay ko, hindi na ako nakaramdam ng anumang sakit nang kinuryente o sinipa nila ako. Alam kong pagpapagaan ito ng Diyos sa paghihirap ko. Tapos sinabi ng isa pang pulis, “Ipakita niyo sa kanya kung papa’no ang lumipad sa ere.” Tapos sinunggaban ng isa sa kanila ang mga kamay ko habang sinunggaban ng isa pa ang mga paa ko, inangat ako sa ere at nagbilang hanggang tatlo, tapos ay ibinagsak ako pababa. Ginawa nila ito nang pito hanggang walong beses na sunud-sunod. Pakiramdam ko mabibiyak na ang ulo ko at talagang naguluhan ako. Namamaga na ang likod ko at hindi ako makakilos. Kahit ganito na, hindi nila ako tinantanan. Pinatayo nila ako nang nakadikit sa dingding nang hindi ako pinapatulog, at sa sandaling ipikit ko ang mga mata ko, kinukuryente nila ako gamit ang batuta o sinasapak ako sa ulo gamit ang isang libro. Nasa bingit na ako ng kamatayan dahil sa pagpapahirap nila, at patuloy lang nilang hinihinging malaman kung sino ang lider ng iglesia. Wala akong sinabing anuman kailanman. Nang makita nilang wala silang makukuhang anuman mula sa akin, sinintensiyahan nila ako ng 18 buwan ng mahirap na gawain dahil sa “panggagambala ng kaayusan sa lipunan.” Pagdating ko sa forced labor camp, pinadapa ako ng lider na preso doon, tapos pinalo ako nang mga 30 beses at ayaw akong payagang gumawa ng tunog. Ni hindi ako makaupo matapos iyon.

Mayroon na akong isang buwan ng pisikal na pagsasanay noon, at dahil pinahirapan at tinanong ako ng mga pulis sa loob nang tatlong buwan, mas lumala ang mga reaksyon at memorya ko. Hindi ko magawang matutunan ang mga ehersisyo, kaya palagi ako pinagagalitan ng mga guwardiya sa kulungan at mas malala pa ang lider na preso. Pinapalo niya ang paa ko ng isang kawayang tungkod, dahilan para mamula at mamaga ang mga ito, at naputol niya pa sa akin ang tungkol niya. Kailangan naming pumunta sa bakuran at tumakbo sa loob ng isang oras nang alas-sais nang umaga, tumayo na gaya ng tindig ng military at gumawa ng mga leapfrog exercise sa ilalim ng mainit na araw. Matapos ang buwang iyon ng pisikal na pag-eensayo, nilagay nila ako sa pagawaan para gumawa ng mga ilaw na may kulay, kung saan kailangan kong gumawa mula alas-otso nang umaga hanggang alas-diyes nang gabi at kailangan kong tumapos ng mga 1,000 talampakan ng mga ilaw na iyon araw-araw. Hindi ganoon kalinaw ang paningin ko at talagang napakaliit ng mga ilaw at talagang pino ang mga alambre, kaya walang paraan para matapos ko iyon. Mapaparusahan ako sa hindi ko pagtapos. Kailangan kong tumayo sa pasilyo nang nakatuwad nang 90 degrees sa baywang, dahilan para kumirot at sumakit ang likod ko, manlabo ang paningin ko, at halos hindi ako makatulog sa gabi. Hindi ako kailanman nabusog at kailangang maligo gamit ang malamig na tubig buong taon. Palagi akong sinisipon at humantong sa pagkakaroon ng gout. Kalaunan itinalaga rin nila kami na magtrabaho sa pagtatayo ng isang underground shopping mall, at sa isang gabi, tatlong tao ang kailaangang maghukay ng 100 basket ng lupa. Napakalaki rin ng mga iyon. Bawat isa ay nakakapaglaman ng mga 100 libra. Nagpapakaalipin kami roon nang 12 oras bawat araw. Mas malala ito, mas nakakapagod kaysa sa paggawa ng mga ilaw. Nang nagtatrabaho ako, nagdarasal ako sa Diyos at umaasa sa Kanya at walang tigil akong humuhugong ng mga himno sa sarili ko. Ang himnong “Paano Magawang Perpekto” ay talagang espesyal para sa akin noong panahong iyon: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Napakainspirado ko sa tuwing kakatapos ko lang kantahin ang awiting ito at iniisip ko kung paano naging makahulugan ang pagdanas ng lahat ng paghihirap na ito, na ginagamit ito ng Diyos para gawing perpekto ang pananalig ko. Gaano man ako maghirap matapos iyon, alam kong kailangan kong umasa sa Diyos at tumayong saksi kahit buhay ko pa ang maging kabayaran. Iyon ay dahil lang sa itinutulak ako ng mga salita ng Diyos na may pananalig at lakas ako para malagpasan iyon, unti-unti.

Noong Agosto 24 itinaas na ang sentensiya ko at pinalaya ako. Sa wakas makakalabas na ako sa Komunistang impiyernong iyon. Ang pagdanas sa ganoong uri ng pang-uusig ng Partido Komunista ay talagang nagppakita sa akin kung paano iyon naging isang sagisag ni Satanas, ang diyablo. Inihahayag nito na nirerespeto ang kalayaang pang-relihiyon, pero sa katunayan, parang baliw nitong pinipigilan, inaaresto, at inuusig ang mga Kristiyano. Hindi mabilang na mga kapatid ang hindi makauwi, nagkahiwa-hiwalay ang mga pamilya nila, at napakarami ang binugbog hanggang sa mamatay o mainutil. Nagsasalita iyon ng magagandang bagay habang walang ginagawa kundi masasamang bagay sa lahat ng oras. Masama ito at pinabubuti nito ang sarili niya gamit ang mga kasinungalingan. Ipinadanas din nito sa akin kung gaano katotoo ang pagmamahal ng Diyos. Ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, ang paggabay ng Kanyang mga salita ang umakay sa akin sa bawat hakbang ng paghihirap na ito. Habang lalo akong inuusig ng malaking pulang dragon, mas tumatatag ako sa aking pananalig. Anuman ang mangyari sa akin matapos ito, gagawin ko ang tungkulin ko, ipapalaganap ang ebanghelyo, at magpatotoo sa Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply